Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi) Ikalimang Seksiyon
Ang susunod nating pagbabahaginan ay tungkol sa mga interes ng Diyos, sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sa mga interes ng iglesia. Huwag muna nating pag-usapan sa ngayon kung may pagkakapareho ba sa pagitan ng tatlong interes na ito, ibig sabihin, kapag pinag-uusapan ang tungkol sa isang interes, kung maitutumbas ba ito sa iba. Pag-usapan muna natin ang mga interes ng Diyos. Kababanggit Ko lang na kasama sa mga interes ng Diyos ang kaluwalhatian ng Diyos, patotoo ng Diyos, pangalan ng Diyos, at ang pinakamahalaga sa lahat, ang plano ng pamamahala ng Diyos at pagpapalaganap ng gawain ng Diyos, na pinakamalalaki at pinakamahahalagang bagay para sa Diyos. Sa ngayon, huwag nating banggitin ang kaluwalhatian ng Diyos, pangalan ng Diyos, at patotoo ng Diyos, na medyo mahirap maintindihan ng mga tao. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa gawain ng Diyos. Anong gawain ang aktuwal na ginagawa ng Diyos? Ano ang nilalaman ng gawain ng Diyos? Ano ang kalikasan ng gawain ng Diyos? Ano ang idinudulot ng gawain ng Diyos sa sangkatauhan? Ano mismo ang epekto nito sa sangkatauhan? Pag-usapan muna natin ang mga bagay na ito. Kung gayon, ano nga ba mismo ang gawain ng Diyos? (Pagliligtas sa sangkatauhan.) Hindi maaaring magbago ang paksang ito, hindi maaaring magbago ang layon ng gawain, iyan ay, para iligtas ang sangkatauhan, na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at lubos na ginawang tiwali ni Satanas. Ang gawaing ito ay para iligtas ang isang grupo ng mga tao na ginawang tiwali ni Satanas hanggang sa puntong ganap silang walang wangis ng tao, isang grupo ng mga tao na puno ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at puno ng mga disposisyong lumalaban sa Diyos, para mahikayat silang magbago nang sa gayon ay magkaroon sila ng wangis ng tao, at para maunawaan nila ang katotohanan, at maunawaan at maarok kung ano ang makatarungan at ano ang hindi makatarungan, at kung ano ang mga positibong bagay at ano ang mga negatibong bagay, at kung paano dapat mamuhay ang mga tao upang maisabuhay ang wangis ng mga tunay na tao, at kung anong posisyon ang dapat nilang panghawakan upang nasa posisyon sila na paunang itinakda ng Diyos para sa mga tao. Pangunahing nilalaman ito ng gawain ng Diyos, at alam ninyong lahat ang mga ito sa teoretikal na antas. Kung tunay ninyong nauunawaan ang layunin ng Diyos, dapat alam ninyo kung hinahatulan ba ng Diyos ang mga tao para kondenahin at lipulin sila, o para dalisayin at gawin silang perpekto, at kung hinahatulan at kinakastigo ba ng Diyos ang mga tao para itulak sila sa hukay ng apoy, o para iligtas sila at dalhin sila sa liwanag. Nakikita nating lahat na nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, naglalantad ng iba’t ibang tiwaling kalagayan ng mga tao, nagtutuwid ng mga paglihis ng mga tao sa pananalig at mga kuru-kuro nila tungkol sa pananalig, at inaakay ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at isabuhay ang wangis ng tunay na tao, at na may ilan nang natamong resulta sa mga hinirang ng Diyos. Inilalantad ng Diyos ang mayayabang na disposisyon ng mga tao at pinipigilan silang maging superhuman o mga dakilang tao, nagbibigay-daan sa kanila na maging mga tunay na nilikha at mga tao na may konsensiya at katwiran; inilalantad ng Diyos ang mapagpaimbabaw na diwa ng mga Pariseo, tinutulutan ang mga tao na makita ang mga mapagpaimbabaw na mukha ng mga Pariseo, at dinadala ang mga tao sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos; inilalantad ng Diyos ang kawalang-kabuluhan ng tradisyonal na kultura at ang mga gapos na inilalagay nito sa mga tao at ang pinsalang idinudulot nito sa kanila, nang sa gayon ay makalaya ang mga tao sa mga gapos ng tradisyonal na kultura at matanggap ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos…. Maaaring ibuod ang lahat ng ito nang ganito: Ang gawain ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao ay para dalhin ang mga tao mula sa kalakaran ng buktot na mundo pabalik sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay matiyaga silang turuan at pagkalooban ng katotohanan at buhay, para maunawaan nila at malaman kung ano ang mga tunay na prinsipyo ng pag-asal at kung paano dapat umasal ang mga tao, upang makatakas sa pinsalang ginagawa ng mga buktot na kalakaran ni Satanas at ng iba’t ibang satanikong pilosopiya at satanikong lason sa mga tao. Mula sa simula hanggang sa kasalukuyan, nagsagawa ang Diyos ng lahat ng uri ng gawain, mula sa gawain Niya sa Kapanahunan ng Kautusan, hanggang sa gawain Niya sa Kapanahunan ng Biyaya, hanggang sa gawain ng paghatol na ginagawa Niya ngayon sa mga huling araw. Ngayong malinaw na sa inyo ang tatlong yugtong ito ng gawain ng Diyos, ano nga ba talaga ang kalikasan ng gawain ng Diyos sa Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala? Paano ito dapat ipaliwanag? (Ito ang pinakamakatarungang layunin sa sangkatauhan.) Tama. Ang gawain ng Diyos ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan ay nagpapatuloy na sa loob ng 6,000 taon, at sa loob ng 6,000 taon na ito, walang kapagurang nagtitiis, naghihintay, at nagsasalita ang Diyos, inaakay ang sangkatauhan hanggang ngayon. Hindi sumusuko ang Diyos, at ang gawaing ito na ginagawa ng Diyos ay ang pinakamakatarungang layunin sa sangkatauhan. Kung titingnan ito mula sa kalikasan ng gawain ng Diyos, pinakamakatarungan ba at pinakamarapat ang mga interes ng Diyos? (Oo.) Kung mapapangalagaan ang mga interes ng Diyos, ano ang mangyayari sa sangkatauhan? Makakapagpatuloy na mamuhay nang maayos ang sangkatauhan, maisasabuhay nila ang wangis ng mga tao, makakapamuhay sa loob ng mga batas ng lahat ng bagay na itinakda ng Diyos, at makakatamasa ng lahat ng ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan, at sa gayon ay magiging tunay na mga panginoon ang mga tao sa lahat ng bagay. Dapat ninyong makita na, sa huli, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa lubos na ikabubuti ng interes ng mga tao. Kung gayon, hindi ba’t ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan ang pinakamakatarungang layunin sa sangkatauhan? Hindi ito maikakaila at walang duda—ito ang pinakamakatarungang layunin. Samakatwid, kung ang isang tao, para sa interes niya, ay aabot sa puntong makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at hahadlang sa pagpapalaganap ng gawain ng Diyos, anong klaseng tao ito? Malinaw na isa itong buktot na tampalasan at isang diyablo. Ang Diyos ay nagtutustos lamang sa sangkatauhan, nang hindi humihingi ng anumang kapalit. Habang ginagawa ng Diyos ang gawaing may pinakamalaking pakinabang sa sangkatauhan at isinasagawa ang pinakamakatarungang layunin, bukod sa hindi pinahahalagahan o pinasasalamatan ng mga tao ang Diyos at hindi iniisip na suklian ang Diyos, bagkus ay ginagambala, ginugulo, at pinipinsala ang gawain ng Diyos at hinahangad ang personal nilang mga interes. Walang anumang konsensiya o katwiran ang ganitong mga tao. Karapat-dapat pa ba silang tawaging mga tao? Talagang mga diyablo at Satanas sila! Kahit na, sa kabila ng lahat ng ito, hindi maantig ng Diyos ang mga tao, mayroon pa ba silang puso? Wala, wala silang puso. Nangangahulugang kawalan ng konsensiya ang kawalan ng puso. Walang konsensiya ang mga ganitong tao. Kapag ang pagkatao ng isang tao ay walang konsensiya, hindi na siya tao, kundi isang hayop, isang diyablo, at isang Satanas. Napakalinaw nito. Para mailigtas ang mga tao, determinado ang Diyos na magbayad ng kahit anong halaga at gumagawa nang walang kapaguran. Gaano man magkamali ng pagkaunawa o magduda ang mga tao, palaging nagtitiyaga ang Diyos at patuloy na nagtutustos para sa mga tao, paulit-ulit na sinasabi sa kanila ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan, pinapaunawa sa kanila nang paunti-unti, hinihikayat silang magnilay-nilay at magsuri, at ipinapaunawa at ipinapaarok sa kanila ang puso ng Diyos. At kapag naririnig ng mga tao ang mga salitang ito ng Diyos, naaantig at napapaluha sila. Ngunit pagtalikod nila, hindi lamang sila walang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, kundi hinahangad pa rin nila ang kanilang sariling mga interes at ang mga pagpapala. Sabihin mo sa Akin, wala bang konsensiya at katwiran ang ganitong mga tao? Ano ang pinakamalaking kulang sa mga ganitong tao? Ang pinakamalaking kulang sa kanila ay konsensiya at katwiran, pinakakulang sila sa pagkatao. Tinitiis ng Diyos ang lahat ng uri ng pasakit nang may labis na pagtitiyaga para gumawa at iligtas ang mga tao, ngunit nagkakamali pa rin ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos, palagi Siyang nilalabanan, palaging pinoprotektahan ang kanilang sariling mga interes nang walang malasakit para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at palaging nagnanais na mamuhay nang marangya, ngunit ayaw mag-ambag sa kaluwalhatian ng Diyos—sa lahat ng ito, may natitira pa bang anumang pagkatao? Bagama’t malakas na nagpapahayag ng patotoo sa Diyos ang mga tao, sinasabi nila sa kaibuturan ng kanilang puso na: “Ito ang gawaing natapos ko, na nagtamo ng mga resulta. Nagsumikap din ako, nagbayad din ako ng halaga. Bakit hindi sa akin magpatotoo?” Palagi nilang gustong makibahagi sa kaluwalhatian at patotoo ng Diyos. Karapat-dapat ba ang mga tao sa mga bagay na ito? Ang salitang “kaluwalhatian” ay hindi nabibilang sa mga tao. Para lamang ito sa Diyos, sa Lumikha, at walang kinalaman sa mga nilikhang tao. Kahit magsumikap at makipagtulungan ang mga tao, nasa ilalim pa rin sila ng pamumuno ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung walang gawain ng Banal na Espiritu, ano ang magagawa ng mga tao? Ang salitang “patotoo” ay hindi rin nabibilang sa mga tao. Maging ang pangngalang “patotoo” o ang pandiwang “magpatotoo,” ang mga salitang ito ay parehong walang kinalaman sa mga nilikhang tao. Tanging ang Lumikha ang karapat-dapat na patotohanan at karapat-dapat sa patotoo ng mga tao. Itinakda ito ng pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos, at ito rin ay dahil ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay nagmumula sa mga pagsisikap ng Diyos, at karapat-dapat na magkaroon nito ang Diyos. Talagang limitado ang magagawa ng mga tao, at bunga ng kaliwanagan, pamumuno, at patnubay ng Banal na Espiritu ang lahat ng ito. Tungkol sa kalikasan ng tao, nagiging mayabang ang mga tao kapag nakakaunawa na sila ng ilang katotohanan at nakakagawa ng kaunting gawain. Kung wala sa kanila ang paghatol at pagkastigo mula sa Diyos, walang sinumang makakapagtamo ng pagpapasakop sa Diyos at makakapagpatotoo sa Kanya. Bilang resulta sa paunang pagtatakda ng Diyos, puwedeng mayroong ilang kaloob o espesyal na talento ang mga tao, natuto ng isang propesyon o ilang kasanayan, o mayroong kaunting katalinuhan, at kaya nagiging sobrang yabang nila, at palaging nagnanais na magbahagi ang Diyos ng Kanyang kaluwalhatian at patotoo sa kanila. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Ito ay labis-labis na hindi makatwiran. Ipinapakita nito na nakatayo sila sa maling posisyon. Itinuturing nila ang sarili nila hindi bilang mga tao, kundi bilang isang natatanging uri, bilang mga superhuman. Walang kamalayan sa sarili ang mga tao na hindi alam ang sarili nilang pagkakakilanlan, diwa, at kung saang posisyon sila dapat lumugar. Hindi nagmumula sa pagpapakababa ang pagpapakumbaba ng mga tao—mababa at hamak na ang mga tao sa simula pa lang. Nagmumula sa pagpapakababa ang pagpapakumbaba ng Diyos. Pagtataas sa kanila ang pagsasabing ang mga tao ay mapagpakumbaba—sa katunayan, sila ay hamak. Palaging gustong makipagkompetensiya ng mga tao para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makipagkompetensiya sa Diyos para sa mga hinirang Niya. Sa ganitong paraan, ginagampanan nila ang papel ni Satanas, at kalikasan ito ni Satanas. Tunay silang mga inapo ni Satanas, na walang katiting na bahid ng pagkakaiba. Ipagpalagay na binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kaunting awtoridad at kapangyarihan, at ipagpalagay na kaya nilang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at gumawa ng ilang pambihirang bagay, at ipagpalagay natin na ginagawa nila ang lahat ayon sa mga hinihingi ng Diyos at ginagawa ito ayon sa bawat detalye. Ngunit kaya ba nilang higitan ang Diyos? Hindi, kailanman ay hindi. Hindi ba’t mas higit kaysa sa mga tao ang mga abilidad ni Satanas, ang arkanghel? Palagi nitong gustong higitan ang Diyos, ngunit ano ang huling resulta? Sa huli, kailangan nitong bumaba sa walang hanggang hukay. Magiging sagisag ng katarungan magpakailanman ang Diyos, samantalang magiging sagisag ng kabuktutan si Satanas, ang diyablo, at ang arkanghel, at ang kinatawan ng mga puwersa ng kabuktutan. Magiging makatarungan ang Diyos magpakailanman, at hindi mababago ang katunayang ito. Ito ang katangi-tangi at kamangha-manghang katangian ng Diyos. Kahit na makamit ng mga tao ang lahat ng katotohanan ng Diyos mula sa Kanya, sila ay mga munting nilikha lamang at hindi nila mahihigitan ang Diyos. Ito ang kaibahan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos. Maaari lang umiral ang mga tao nang maayos sa loob ng lahat ng panuntunan at batas na itinakda ng Diyos, at maaari lang nilang pamahalaan ang lahat ng nilikha ng Diyos sa loob ng mga panuntunan at batas na ito. Hindi kaya ng mga tao na lumikha ng anumang buhay na bagay, at hindi rin nila kayang baguhin ang kapalaran ng sangkatauhan—ito ay isang katunayan. Ano ang ipinapahiwatig ng katunayang ito? Ipinapahiwatig nito na gaano man kalaki ang awtoridad at abilidad na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan, sa huli ay walang sinuman ang makahihigit sa awtoridad ng Diyos. Gaano man karaming taon o henerasyon, o gaano man karaming tao, maaari lamang mamuhay ang mga tao sa ilalim ng awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Isa itong katunayang hindi nababago kailanman, isang katunayang hinding-hindi magbabago magpakailanman!
Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos marinig ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao: “Iniisip ko noon ang mga bagay na ito sa kamalayan ko, pero hindi ko namalayan na parang lumalago na ang aking mga abilidad. Habang tumatanda ako, umaabot din sa hustong gulang ang kaisipan ko, at naiisip ko ang maraming isyu nang mas komprehensibo, at habang nakikinig ako ng mas maraming salita ng Diyos, nauunawaan ko ang ilan sa mga layunin Niya, kaya naramdaman ko na malakas ako at hindi ko na kailangan pa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi namamalayan, naramdaman kong kaya ko na at natamo ko na ang Diyos.” Mabuting pakiramdam ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? Hindi ito isang mabuting tanda. Kung gayon, ano ang isang mabuting tanda? Habang tumatagal ang buhay ng mga tao, lalo nilang nararamdaman na, “Ang mga tao ay parang alabok, at mas mababa pa sila kaysa sa mga langgam. Gaano man kalakas o kagalang-galang ang mga tao, o gaano man karaming doktrina ang nauunawaan nila, o gaano man masasabing nasa hustong gulang na ang kaisipan nila, hindi nila kayang lampasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.” Habang tumatagal ang buhay ng mga tao, lalo nilang nararamdaman ang kadakilaan ng awtoridad ng Diyos at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng awtoridad ng Diyos. Habang tumatagal ang buhay ng mga tao, lalo nilang nararamdaman ang kawalang-kabuluhan ng mga tao. Habang tumatagal ang buhay nila, lalo nilang nararamdaman ang pagiging hindi-maarok ng Diyos. Normal lang ang gayong kalagayan ng pag-iisip. May ganito ka bang kalagayan ngayon? Wala pa, tama? Madalas pa rin kayong nasa gitna ng pakikibaka, nag-aalangan tungkol sa mga interes, at minsan ay nagpapakita pa nga ng maliliit na senyales, na nagsasabing, “Bakit hindi ibinabahagi ng Diyos sa akin ang kaunti sa Kanyang mga interes? Bakit hindi ako pinupuri ng Diyos? Bakit hindi gumagawa ng paraan ang Diyos para pahalagahan ako ng mga tao sa paligid ko, at para patotohanan nila ako? Nagbayad ako ng halaga at nagbigay ng mga ambag. Paano ako gagantimpalaan ng Diyos?” Madalas pa rin kayong nagugumon sa kahambugan, sa pagkakaroon ng mentalidad ng isang taong nasisiyahan sa sarili. Madalas ninyong hindi kilala kung sino kayo, at madalas ninyong nararamdaman na kayo ay may kakayahan. Hindi normal ang sitwasyong ito. Hindi ito pag-usad sa buhay. Ano ang tawag dito? Mga tiwaling disposisyon na muli na namang tumitindi. Medyo mapagpakumbaba at tahimik lang ang ilang tao kapag wala pa silang anumang naiambag. Kapag gumawa sila ng mahalagang bagay at nagbigay sila ng ilang ambag, at nararamdaman nilang may kapital na sila, kapag nakita nila ang mga tao sa paligid nila, napapaisip sila: “Bakit ba hindi ninyo ibinabalita ang mga naiambag ko? Nagpapatotoo kayong lahat sa pangalan at diwa ng Diyos, kaya, bakit hindi kayo magbigay ng pagpapakilala tungkol sa akin? Kahit na hindi na ninyo ako patotohanan, puwede naman kayong magbigay na lang ng pagpapakilala tungkol sa akin. Ako, si Sister Ganito-at-ganyan, ay nananampalataya sa Diyos sa loob ng 25 taon. Ako ay 45 taong gulang na ngayon, hindi pa kasal at walang asawa, at taos-puso at masigasig akong naghangad hanggang sa araw na ito. Dahil isa akong haligi ng iglesia, maraming beses akong naisama sa listahan ng mga pinaghahanap ng Komunistang pamahalaan ng Tsina, tinugis at nagtago ako sa iba’t ibang lugar, nagpalipat-lipat sa mahigit sampung probinsiya bago lumipat sa ibang bansa. Pagkatapos ng lahat ng iyon, patuloy akong naglingkod bilang tagapangasiwa ng mahahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung saan nagbigay ako ng maraming makabuluhang suhestiyon, ideya, at konsepto para sa ilang partikular na trabaho ng sambahayan ng Diyos, na nagbigay ng hindi matatawarang kontribusyon sa pagsulong ng gawain ng iglesia at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Bakit hindi ninyo ako ipakilala nang ganoon? Bakit hindi ako binibigyan ng Diyos ng ilang sitwasyon at okasyon para maipakita ang mga talento ko, nang sa gayon ay malaman at makilala ako ng lahat? Bakit palagi tayong pinipigilan ng Diyos? Hindi tayo gaanong malaya sa sambahayan ng Diyos, hindi rin tayo gaanong panatag, malaya, o masaya!” Gusto pa nga niyang maging panatag, malaya, at masaya. Paano ka namin mapapapanatag, mapapalaya, at mapapasaya? Sa pamamagitan ba ng paglalagay sa iyo sa pinakamataas na ranggo? Pagkatapos kang ilagay sa pinakamataas, sa pamamagitan ng pagpapakilala sa iyo: Sa mundo sa labas, isang kilalang doktor ang taong ito, na nanalo ng unang gantimpala para sa mga kilalang doktor ng bansa, at pagkaraan ay isinama ang pangalan niya sa “Encyclopedia ng mga Kilalang Doktor sa Mundo.” Marami siyang natapos na pananaliksik, at pagkapasok sa sambahayan ng Diyos, nagpatuloy siyang maging isang haligi at isang taong may talento, at ngayon, siya ay naging isang nakatataas na lider. Hindi ba siya magiging masaya kung gayon? Iisipin niya, “Isa akong taong may talento. Dati akong sikat, at pagkapasok ko sa sambahayan ng Diyos, sikat pa rin ako. Para akong gintong kumikinang kahit saan mo ilagay, at walang makakapigil sa kinang nito. Naririyan lang ang mga abilidad kong ito para makita ng lahat! Bagama’t hindi nagpapatotoo ang Diyos, ang mga katunayang ito ay naghahatid ng matunog na patotoo sa akin.” Ano ang tingin mo sa opinyong ito? Kung hindi mo kayang bitiwan ang paghahangad mo sa kasikatan at pakinabang kahit isang araw, kung gayon ay nakagapos ka pa rin sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka tunay na magiging panatag at masaya. Hangga’t nakatali, nahihigpitan at nakagapos ka sa mga kadena ng kasikatan at pakinabang, hindi ka makakausad sa paghahangad mo ng katotohanan, bagkus ay mananatili ka lamang sa kung nasaan ka. Maaaring tinatanong ng ilang tao na: “Babalik ba ako sa dati?” Ang totoo, hangga’t hindi ka umuusad, nananatili kang nakapako sa isang lugar o bumabalik sa dating lagay. Ipinapakita nito na ang kalikasang diwa mo ay ganito, at kahit gaano pa katagal kang manampalataya sa Diyos, hindi ka kailanman makakausad, at kahit hanggang sa huli, maaaring makagawa ka pa rin ng malaking kasamaan. Masasabi nang may buong katiyakan na mabubunyag ka. Sa sandaling magkaroon ng tamang kapaligiran ang gayong tao, sa sandaling magkamit siya ng katayuan, ang ambisyon niya ay malalantad. Sa katunayan, kung wala ang kapaligiran at katayuang ito, wala ba silang ambisyon? Magkakaroon pa rin sila nito. Ganito lang talaga sila at ganito lang ang diwa nila, at hindi mapipigilan ang ambisyon nila. Sa sandaling magkaroon sila ng tamang kapaligiran, bigla na lamang silang “sasabog,” at walang mga pagpigil ang makakapigil sa kanila, at magsisimula silang gumawa ng kasamaan, at lubusang malalantad ang kanilang pangit na mukha ng isang diyablo. Ito ay isang kaso ng pagkakabunyag. Dapat mong maunawaan ang salitang “ibunyag” sa ganitong paraan: Hindi nilayon ng Diyos na ibunyag ka, nilayon Niyang bigyan ka ng pagkakataon na magsagawa. Pero hindi mo nakikilala ang isang magandang pagkakataon kapag nakikita mo ito, at ipinakita mo pa nga ang iyong tunay na anyo. Hindi ba’t tama lang na ibunyag ka? Sarili mo itong desisyon. Hindi sa sinasadya kang ibunyag at itiwalag ng Diyos. Mga motibo at ambisyon mo ang nagbunyag sa iyo. Sino pa ba ang puwede mong sisihin?
Sa mga usapin ng mga interes ng mga tao at mga interes ng Diyos, sapat na ba ang napagbahaginan natin tungkol sa katotohanan sa aspektong ito? Ano ang mga personal na interes ng mga tao? Ito ay ang mga bagay na hinahangad ng mga tao, kabilang na ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, ang ambisyon at pagnanais na makatanggap ng mga pagpapala, pati na rin ang banidad ng mga tao at pagpapahalaga sa sarili, pamilya, mga kamag-anak, mga materyal na interes, at iba pa. Ang diwa ng mga interes ng mga tao ay makasarili at kasuklam-suklam, ito ay buktot at sataniko, salungat ito sa katotohanan, at ginagambala, ginugulo, at sinisira nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, samantalang ang mga interes ng Diyos ay ang pinakamakatarungang layunin ng pagliligtas sa sangkatauhan, at kinakatawan nito ang pagmamahal ng Diyos, gawain ng Diyos, at ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos. Samakatwid, makatwiran ang Diyos sa pagtatanggol ng Kanyang mga interes. Ipinagtatanggol Niya ang isang makatarungang layunin. Hindi ito dahil makasarili Siya at nais na ipagtanggol ang sarili Niyang dignidad. Ito ay makatarungan at marapat, at isa itong di-masukat na pakinabang para sa sangkatauhan na inililigtas ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagtatanggol ng Diyos sa Kanyang mga interes maaaring maligtas ang sangkatauhan bilang resulta, at makakapagtamo ng mas malalaking pakinabang, makakapagkamit ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, at saka lamang maaaring maging tunay na mga nilikha ang mga tao, at makapamumuhay ayon sa lahat ng batas at panuntunan na itinatag ng Diyos, at makapaninirahan kasama ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos para sa kanila, at saka lamang makakapagtamo ng kagalakan at isang tunay na magandang buhay ang sangkatauhan. Makatarungang layunin ba ang lahat ng ito na ginagawa ng Diyos? Lubos itong makatarungan! Ang gawain at ang pamamahalang ito ng Diyos, pati na ang lahat ng gawain sa iglesia na may kinalaman sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan—tulad ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, paggawa ng mga pelikula, pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, paggawa ng mga video, pagsasalin ng mga salita ng Diyos, at pagpapanatili ng normal na kaayusan ng buhay iglesia—mahalaga ang mga gawaing ito at dapat na matiyak. Mayroon ding aspekto ng pagtitiyak sa buhay ng lahat ng hinirang ng Diyos na gumagawa ng mga tungkulin nila. Bagama’t isa itong pinakasimpleng gawain, kagaya ng mga pansuportang serbisyo, at tila walang masyadong kinalaman sa pangunahing gawain ng sambahayan ng Diyos, napakahalaga rin nito, at kinakailangang banggitin ito rito. Mga normal na bagay tulad ng pagkain, damit, tirahan, at transportasyon—ito ang ibinibigay ng Diyos para sa mga tao, at ang mga ito rin ang pinakamarapat na pisikal na pangangailangan na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Hindi ipagkakait ng Diyos sa mga tao ang mga pangangailangang ito, bagkus ay tutugunan Niya ang mga ito. Kung palagi mong guguluhin, gagambalain, at sisirain ang mga bagay na gustong ipagtanggol ng Diyos, kung palagi mong hahamakin ang mga bagay na ito, at palagi kang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa mga ito, kung gayon ay tinututulan mo ang Diyos at kinokontra mo Siya. Kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at palagi mong gustong sirain ang mga ito, at palagi mong gustong magsanhi ng pagkawasak, o palaging gustong makinabang mula sa mga ito, manloko, o mangupit, magagalit ba ang Diyos sa iyo? (Oo.) Ano ang mga kahihinatnan ng galit ng Diyos? (Parurusahan kami.) Tiyak iyan. Hindi ka patatawarin ng Diyos, talagang hindi! Dahil ang ginagawa mo ay gumigiba at sumisira sa gawain ng iglesia, at ito ay salungat sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang malaking kasamaan, ito ay pakikipagtunggali sa Diyos, at ito ay isang bagay na direktang sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Paanong hindi magagalit ang Diyos sa iyo? Kung ang ilang tao, dahil sa mahina ang kakayahan nila, ay hindi mahusay sa gawain nila at hindi sinasadyang nakakagawa ng mga bagay na nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan, maaari itong mapatawad. Gayumpaman, kung dahil sa sarili mong mga personal na interes ay nasasangkot ka sa inggit at alitan at sadya kang gumagawa ng mga bagay na gumagambala, gumugulo, at sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos, itinuturing itong isang kusang paglabag, at isang bagay ito ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos. Patatawarin ka ba ng Diyos? Ginagawa ng Diyos ang Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala, at inilalaan dito ang lahat ng puspusang pagsisikap Niya. Kung may isang taong kumokontra sa Diyos, sadyang pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sadyang naghahangad ng mga personal niyang interes at personal niyang katanyagan at katayuan kapalit ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nag-aalinlangang sirain ang gawain ng iglesia, na nagsasanhi ng pagkahadlang at pagkasira ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at na gumagawa pa nga ng napakalaking materyal at pinansiyal na pinsala sa sambahayan ng Diyos, sa palagay ba ninyo ay dapat patawarin ang ganitong mga tao? (Hindi, hindi dapat.) Sinasabi ninyong lahat na hindi siya maaaring patawarin, kung gayon, galit ba ang Diyos sa ganitong tao? Tiyak na galit Siya. Napakahusay ng ginawa ng Diyos na pagpapahayag ng katotohanan at pagliligtas sa mga tao, at ibinuhos Niya ang lahat ng Kanyang puspusang pagsisikap dito. Labis na sineseryoso ng Diyos ang pinakamakatarungang layuning ito; ang lahat ng Kanyang puspusang pagsisikap ay iginugol para sa mga taong ito na nais Niyang iligtas, ang lahat ng Kanyang mga ekspektasyon ay itinuon din sa mga taong ito, at ang mga huling resulta at kaluwalhatiang nais Niyang makamit mula sa Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala ay maisasakatuparan lahat para sa mga taong ito. Kung may isang tao na nakikipagtunggali laban sa Diyos, kumokontra, gumugulo, o sumisira sa resulta ng layuning ito, patatawarin ba siya ng Diyos? (Hindi.) Sumasalungat ba ito sa disposisyon ng Diyos? Kung palagi mong sinasabing sumusunod ka sa Diyos, naghahangad ng kaligtasan, tumatanggap sa pagsisiyasat at patnubay ng Diyos, at tumatanggap at nagpapasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ngunit habang sinasabi mo ang mga salitang ito, ginagambala, ginugulo, at sinisira mo ang iba’t ibang gawain ng iglesia, at dahil sa iyong panggugulo, paggambala, at pagsira, dahil sa iyong kapabayaan o pagpapabaya sa tungkulin, o dahil sa iyong mga makasariling pagnanais at alang-alang sa paghahangad sa sarili mong mga interes, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang marami pang ibang aspekto ay napinsala, hanggang sa puntong lubhang nagulo at nasira ang gawain ng sambahayan ng Diyos, paano, kung gayon, dapat timbangin ng Diyos ang iyong kalalabasan sa iyong aklat ng buhay? Paano ka dapat ilarawan? Sa totoo lang, dapat kang parusahan. Tinatawag itong pagtamo ng nararapat sa iyo. Ano ang nauunawaan ninyo ngayon? Ano ang mga interes ng mga tao? (Buktot ang mga ito.) Sa totoo lang, ang mga interes ng mga tao ay ang lahat ng kanilang maluluhong pagnanais. Sa tuwirang salita, ang lahat ng ito ay mga tukso, ang mga ito ay kasinungalingan lahat, at ang mga ito ay mga pain lahat na ginagamit ni Satanas para tuksuhin ang mga tao. Ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at paghahangad ng sariling mga interes—pakikipagtulungan ito kay Satanas sa paggawa ng kasamaan, at pagkontra ito sa Diyos. Para hadlangan ang gawain ng Diyos, naglalagay si Satanas ng iba’t ibang sitwasyon para tuksuhin, guluhin, at ilihis ang mga tao, at para pigilan ang mga tao na sumunod sa Diyos, at pigilan silang magpasakop sa Diyos. Sa halip, nakikipagtulungan sila kay Satanas at sinusunod ito, sadyang tumitindig para guluhin at sirain ang gawain ng Diyos. Gaano man magbahagi ang Diyos tungkol sa katotohanan, hindi pa rin sila natatauhan. Gaano man sila pungusan ng sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi talaga sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay iginigiit nilang masunod ang kagustuhan nila at gawin ang mga bagay ayon sa nais nila. Bilang resulta, ginugulo at sinisira nila ang gawain ng iglesia, lubha silang nakakaapekto sa pag-usad ng iba’t ibang gawain ng iglesia, at nagdudulot ng napakalaking pinsala sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Napakalaki ng kasalanang ito, at tiyak na parurusahan ng Diyos ang mga gayong tao.