Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi) Unang Seksiyon
Karagdagang Babasahin: Kung Ano ang Katotohanan
Ngayon, patuloy tayong magbabahaginan tungkol sa nilalaman noong nakaraan. Ano ang paksang pinagbahaginan natin noong nakaraan? (“Ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo” ay hindi ang katotohanan.) Madalas mo bang isipin noon na ito ang katotohanan? Madalas isipin noon ng mga tao na ito ang katotohanan, o kahit papaano, na ito ay medyo positibo, nagbibigay-inspirasyon, at maaaring makahikayat sa mga tao na maging maagap at positibo ukol sa hinaharap. Sa pagtingin dito sa ganitong antas ng kahulugan, iniisip ng mga tao na ito ay medyo malapit sa katotohanan at malapit sa mga positibong bagay. Kaya naman, di-namamalayang pinaniniwalaan ng maraming tao na ang kasabihang ito na “ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo” ay isang medyo positibong ekspresyon o kahit papaano, na ito ay may positibong konotasyon kaysa negatibo, at may papel sa pagtulong sa buhay at asal ng mga tao. Pero pagkatapos magbahaginan tungkol dito, nakita natin na hindi ito ganoon, at na may malalaking problema rito. Higit ba kayong nakahanap ng mga ekspresyong katulad o kaugnay sa ekspresyong ito, o na may kaparehong papel, at na di-namamalayang iniisip ng mga tao na medyo positibo o medyo maganda, at na hinimay-himay ang mga ito? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, naaangkop ba rito ang ekspresyong “Pagkakaroon ng maraming kongklusyon mula sa iisang pagkakataon”? (Oo.) Hindi maitatanggi na ang ekspresyong ito ay may mga praktikal na gamit pagdating sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo.” Ano-ano pang ibang ekspresyon ang katulad nito? Ano-ano pang mga ekspresyon ang may halos parehong kahulugan, o maaaring may parehong papel? Wala namang masama sa inyong paghihimay-himay sa mga ekspresyong tulad ng “pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo” ayon sa Aking paraan, sa pagbabahaginan tungkol sa mga ito sa isa’t isa, at pagkakaroon ng mga bagong pang-unawa. Kapag nakikilatis ninyo ang pagiging nakalilinlang ng mga ito, iwawaksi ninyo ang mga ganitong ekspresyon at pagkatapos ay tatahakin ninyo ang landas ng pagsasagawa at paghahangad sa katotohanan nang ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos.
Ipagpatuloy natin ang paksa na pinagbahaginan natin noong nakaraang dalawang beses. Ano ang paksang iyon? (Kung ano ang katotohanan.) Tama, kung ano ang katotohanan. Kung gayon, ano nga ba mismo ang katotohanan? (Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos.) Mukhang naisaulo na ninyo ang pangungusap na ito sa teorya at depinisyon. Kaya, pagkatapos ng ating nakaraang dalawang pagbabahaginan, mayroon bang pagkakaiba sa inyong depinisyon, kaalaman, at pagkaarok sa katotohanan sa kaibuturan ng inyong puso ngayon, kung ikukumpara sa dati? (Oo, mayroon.) Ano nga ba mismo ang pagkakaibang ito? Bagama’t sa maikling panahon ay maaaring wala kayong kaalaman ng tunay na karanasan, kahit papaano naman ay mayroon kayong ilang kaalamang batay sa pang-unawa. Sabihin ninyo sa Akin batay sa inyong sariling karanasan, kaalaman, at pang-unawa. (Alam ko dati na dapat akong magsagawa ayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos sa tuwing nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay, pero hindi ko talaga ito maisagawa. Para bang, kadalasan ay may tendensiya akong magpakita ng kapusukan, at bagama’t alam ko mula sa mga salita ng Diyos na mali ang magpakita ng kapusukan, at alam ko kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ginagawa ko pa rin ito, at hindi ko kailanman nahanap ang ugat na dahilan. Pagkatapos lang ng pakikinig ko sa pagbabahaginan ng Diyos noong nakaraan saka ko napagtanto na, kadalasan, nagpapakita ng katiwalian ang mga tao dahil kontrolado sila ng mga satanikong kaisipan, at na nagpapakita ako ng kapusukan dahil may satanikong lohika sa loob ko na “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake.” Sa palagay ko ay tama ang kasabihang ito, at na kumikilos ako sa ganitong paraan bilang pagdepensa sa aking sarili. Dahil sa impluwensiya ng satanikong kaisipan at pananaw na ito, hindi ko kayang isagawa ang katotohanan. Pero sa totoo lang, bagama’t mukhang tama sa panlabas ang mga satanikong bagay na ito, sa realidad, ang mga kahulugang hatid ng mga ito ay taliwas sa hinihingi ng mga salita ng Diyos, at mali ang mga ito. Tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at tanging ang pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos ang ganap na tama.) Maganda iyan. Sino ang may gustong idagdag doon? (May gusto akong idagdag. Alam ko rin noon na dapat kong hanapin at isagawa ang katotohanan sa tuwing nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay, ngunit medyo nalilito pa rin ako kung paano ito isinasagawa. Sa pakikinig sa pagbabahaginan ng Diyos, nararamdaman ko na labis na makatotohanan at nauugnay sa bawat aspekto ng buhay ang katotohanan. Tingnan ang ilang halimbawa na binanggit ng Diyos. Natututunan din ng mga Tsino na uminom ng kape pagkatapos makarating sa mga Kanlurang bansa. Hindi ito isang problema sa paraan ng pagkilos ng isang tao, kundi isang problema sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at may kinalaman ito sa katotohanan. Bukod dito, pagkatapos ng paghihimay-himay ng Diyos sa ilang karaniwang kasabihan at kawikaan na inaakala ng mga tao na tama, napagtanto ko na dapat kong pagnilayan ang sarili kong mga pag-uugali at pagsasagawa na tila tama, at ang mga layunin, kaisipan, at pananaw sa likod ng mga pag-uugaling ito, at kung ano nga ba mismo ang isinasabuhay ko sa pamamagitan ng pagdepende sa mga bagay na ito. Mas tiyak na ang pakiramdam ko ngayon tungkol sa kung paano hanapin at isagawa ang katotohanan sa tuwing nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay, at hindi na ito masyadong malabo.) Mukhang sa pamamagitan ng dalawang pagbabahaginang ito, karamihan sa mga tao ay nakakuha ng pangunahing pang-unawa tungkol sa kung ano ang katotohanan at kung ano ang ilang paksa na may kinalaman sa katotohanan at na, mula sa kaibuturan ng kanilang puso, nagsimula na silang magnilay-nilay kung ang kanilang asal at kilos ay nauugnay sa katotohanan, pati na rin kung alin mismo ang mga bagay na sinusunod at naririnig nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos ang katotohanan at alin ang hindi katotohanan, at kung ang mga bagay na iniisip nilang tama ay talaga bang ang katotohanan, at kung ano ang kaugnayan ng mga bagay na ito sa katotohanan. Pagkatapos magnilay-nilay, matutukoy na ng mga tao kung ano nga ba mismo ang katotohanan, pati na rin kung alin mismong mga bagay ang katotohanan, at alin ang hindi katotohanan. Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos sa loob ng napakaraming taon, karamihan sa mga tao ay nakapagkamit ng ilang bagay at malinaw nilang nakikita ang isang katunayan: Ang mga salita ng Diyos ay talaga ngang ang katotohanan, ang mga hinihingi ng Diyos ay ang katotohanan, at ang lahat ng nanggagaling sa Diyos ay ang katotohanan. Buong-puso nang kinilala at tinanggap ng mga taong tunay na sumasampalataya sa Diyos ang katunayang ito, ngunit sa totoong buhay ay maaaring madalas na di-namamalayang nagsasabi sila ng mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan o na sumasalungat sa katotohanan. Itinuturing pa nga ng ilan ang mga bagay na inaakala ng mga tao na tama at mabuti bilang ang katotohanan, at sa partikular ay hindi pa nila nakilatis ang mga paimbabaw na maling paniniwala at ang mga mala-diyablong salita na nagmumula kay Satanas, na bukod sa matagal na nilang tinanggap sa kanilang puso ay itinuturing pa nga nila na mga positibong bagay. Halimbawa, maraming satanikong pilosopiya tulad ng “Ngipin sa ngipin, mata sa mata,” “Igigisa ka sa sarili mong mantika,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” at “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako,” at iba pa, ay itinuturing ng mga tao bilang ang katotohanan at kasabihan sa buhay, at lalo pa ngang nasisiyahan ang mga tao sa kanilang sarili sa pagtataguyod ng mga satanikong pilosopiyang ito, at saka lang nila napagtatanto pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos na ang mga bagay na ito na mula kay Satanas ay hindi talaga ang katotohanan, kundi mga paimbabaw na maling paniniwala at panlilinlang na nanlilihis sa mga tao. Saan nanggagaling ang mga bagay na ito? Ang iba ay nanggagaling sa edukasyon sa paaralan at sa mga aklat-pampaaralan, ang ilan ay nanggagaling sa turo ng pamilya, at ang iba naman ay nanggagaling sa pagkokondisyon ng lipunan. Sa madaling salita, lahat ng ito ay nanggagaling sa tradisyonal na kultura at nagmumula sa turo ni Satanas. Mayroon bang kinalaman ang mga bagay na ito sa katotohanan? Walang anumang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Ngunit hindi nakikilatis ng mga tao kung ano talaga ang mga bagay na ito, at itinuturing pa rin nila ang mga ito bilang ang katotohanan. Malubha na bang naging seryoso ang problemang ito? Ano ang mga kahihinatnan ng pagturing sa mga bagay na ito na mula kay Satanas bilang ang katotohanan? Maiwawaksi ba ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga bagay na ito? Makapamumuhay ba nang normal na pagkatao ang mga tao sa pamamagitan ng pagsunod sa mga bagay na ito? Makapamumuhay ba ang mga tao ayon sa konsensiya at katwiran sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ito? Maaabot ba nila ang mga pamantayan ng konsensiya at katwiran sa pagsunod sa mga ito? Makakamit ba ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagsunod sa mga ito? Hindi nila magagawa ang alinman sa mga ito. Dahil hindi nila magagawa ang alinman sa mga ito, katotohanan ba ang mga bagay na ito na sinusunod ng mga tao? Maaari bang magsilbing buhay ng isang tao ang mga ito? Ano ang mga kahihinatnan ng pagsasaalang-alang ng mga tao sa mga negatibong bagay na ito—gaya ng kung ano ang iniisip nilang tama at mabubuting pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga estratehiya ng pananatiling buhay, mga batas ng pananatiling buhay, at maging ang tradisyonal na kultura—bilang katotohanan at pagsunod sa mga ito? Libo-libong taon nang sumusunod ang sangkatauhan sa mga bagay na ito. Nagbago ba kahit kaunti ang mga ito? Nagbago na ba ang kasalukuyang sitwasyon ng sangkatauhan? Hindi ba’t lalong nagiging buktot at lumalaban sa Diyos ang tiwaling sangkatauhan? Ang Diyos ay nagpapahayag ng maraming katotohanan sa tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, at nakikita ng mga tao na ang mga katotohanang ito ay may awtoridad at kapangyarihan, kaya paanong nagagawa pa rin ng mga tao na itatwa at labanan ang Diyos? Bakit hindi pa rin nila magawang tanggapin ang Diyos at magpasakop sa Kanya? Ito ay sapat na para maipakita na ang sangkatauhan ay lubos na nagawang tiwali ni Satanas, na ang tiwaling sangkatauhan ay punong-puno ng mga satanikong disposisyon, tutol sa katotohanan, kinamumuhian ito, at ni hindi ito tinatanggap. Ang ugat ng problemang ito ay na masyado nang maraming natanggap na satanikong pilosopiya at satanikong kaalaman ang mga tao. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ang mga tao ay puspos na ng lahat ng uri ng satanikong kaisipan at pananaw, kaya’t nagkaroon na sila ng disposisyon na tumututol at namumuhi sa katotohanan. Makikita natin mula sa napakaraming tao na nananampalataya sa Diyos na, bagama’t kinikilala nila na may awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ibig sabihin, kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang mga tao, bagama’t kinikilala nila sa pamamagitan ng pagsasabi na “Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, wala nang hihigit pa sa katotohanan, ang katotohanan ay nasa puso natin, at ginagawa nating layon sa pag-iral ang paghahangad sa katotohanan,” sa tunay na buhay, namumuhay pa rin sila ayon sa mga sikat na satanikong kasabihan at pilosopiya, at isinasantabi ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at sinusunod at isinasagawa nila ang mga bagay tulad ng teolohikong kaalaman ng tao at espirituwal na doktrina na para bang ang mga ito ang katotohanan. Ito ba ang tunay na kalagayan ng karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos? (Oo.) Kung patuloy kayong susunod sa ganitong paraan at hindi ninyo hihimay-himayin at uunawain itong mga bagay na nakaugat nang malalim mula sa satanikong tradisyonal na kulturang nakabatay sa mga salita ng Diyos, at kung hindi ninyo makikilatis ang mga ito sa ugat, o kung hindi kayo magkakamit ng lubusang pagkaunawa sa mga ito, o kung aabandonahin ninyo ang mga ito, ano ang magiging resulta? Mayroong isang tiyak na resulta, at ito ay na ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ngunit hindi nila alam kung ano ang katotohanan o kung anong landas ang tatahakin, at sa huli, lahat sila ay mayroong isang hanay ng espirituwal na doktrina at mga teolohikong teorya sa kanilang bibig, at ang lahat ng kanilang sinasabi ay maganda pakinggan at ang lahat ay doktrinang naaayon sa katotohanan. Pero sa katunayan, ang mga taong ito ay mga tipikal na mapagpaimbabaw na Pariseo pagdating sa kung ano ang kanilang isinasagawa at isinasabuhay. Ano ang mga kahihinatnan nito? Walang duda, sila ay kinokondena at isinusumpa ng Diyos. Ang mga nananampalataya sa Diyos ngunit hindi tumatanggap sa katotohanan ay mga Pariseo at hindi nila kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos.
Halimbawa, sa isyu ng pangangaral sa mga anak, nakikita ng ilang ama na nagiging masuwayin at na hindi inaasikaso ng kanilang mga anak ang nararapat na mga tungkulin ng mga ito, at sinasabi nila: “Tama ang mga ninuno nang sinabi nila na, ‘Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.’” Hindi tinatrato ng mga gayong ama ang usaping ito batay sa mga salita ng Diyos. Mga salita lang ng mga tao ang nasa puso nila, sa halip na ang mga salita ng Diyos. Kung gayon, mayroon ba silang katotohanang realidad? Wala, wala sila nito. Bagama’t nananampalataya sila sa Diyos at nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at dapat alam nila na kailangan nilang gamitin ang katotohanan para turuan ang kanilang mga anak, nang sa gayon ay matupad ang kanilang mga responsabilidad bilang ama, hindi sila nagsasagawa sa ganitong paraan. Kapag nakikita nilang tumatahak sa maling landas ang kanilang mga anak, napapabuntong-hininga sila at sinasabi nila, “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Anong uri ng ekspresyon ito? Kaninong sikat na kasabihan ito? (Kasabihan ni Satanas.) Nakapagsabi na ba ng ganitong eskpresyon ang Diyos? (Hindi.) Kung gayon, saan nagmumula ang ekspresyong ito? (Kay Satanas.) Ito ay nagmumula kay Satanas, mula sa mundong ito. Ang mga tao ay labis na “naghahangad” sa katotohanan, “nagmamahal” sa katotohanan, at “nagtataas” sa katotohanan, kaya, bakit sila nagsasabi ng mga satanikong ekspresyong tulad nito kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa kanila? Pakiramdam pa nga nila na isa itong makatarungan at marangal na bagay na sasabihin. Sinasabi nila, “Tingnan mo kung gaano kalaki ang aking pagpipitagan at pagpapahalaga sa katotohanan at sa Diyos. Likas na sa akin na sabihing, ‘Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang’—napakadakilang katotohanan nito! Masasabi ko kaya ang ekspresyong ito kung hindi ako nananampalataya sa Diyos?” Hindi ba’t iyon ay pagpapalabas na parang katotohanan ito? (Oo.) Kaya, ang ekspresyong ito ba ay ang katotohanan? (Hindi.) Anong uri ng ekspresyon ang “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang”? Sa anong paraan ito mali? Ang ibig sabihin ng ekspresyong ito ay na kung masuwayin o wala pa sa hustong gulang ang mga anak, responsabilidad ito ng ama, na ibig sabihin ay hindi sila naturuan nang maayos ng kanilang mga magulang. Ngunit ito ba talaga ang lagay? (Hindi.) May ilang magulang na umaasal sa wastong paraan, sa kabila nito, ang mga anak nilang lalaki ay mga kriminal at ang mga anak nilang babae ay mga kalapating mababa ang lipad. Ang lalaking gumaganap sa papel bilang ama ay nagagalit nang husto at sinasabi niya: “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang. Ini-spoil ko sila!” Tama ba ang sabihin ito o hindi? (Hindi, mali ito.) Sa anong paraan ito mali? Kung naiintindihan mo kung ano ang mali sa ekspresyong ito, pinatutunayan nito na nauunawaan mo ang katotohanan at nauunawaan mo kung ano ang mali sa problema sa loob ng ekspresyong ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan sa bagay na ito, hindi mo maipapaliwanag ang bagay na ito nang malinaw. Ngayong napakinggan na ninyo ang paliwanag at depinisyon ng katotohanan, mararamdaman at masasabi ninyo na: “Mali ang ekspresyong ito, isa itong makamundong ekspresyon. Kaming mga nananampalataya sa Diyos ay hindi nagsasabi ng mga ganoong bagay.” Iniba mo lang ang paraan ng pagsasalita mo tungkol sa bagay na ito. Hindi ibig sabihin nito na nauunawaan mo ang katotohanan—sa katunayan, hindi mo alam kung ano ang mali sa ekspresyon na “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Kapag nahaharap sa mga ganitong bagay, ano ang dapat mong sabihin na alinsunod sa katotohanan? Paano ka dapat kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Pag-usapan muna natin kung paano unawain at ipaliwanag nang tama ang mga ganitong bagay. Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito? Mayroon bang anumang partikular na sinasabi ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga ganitong bagay? Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan para tanggapin ng mga tao at gawing kanilang buhay ang mga ito. Kaya kapag tinuturuan nila ang kanilang mga anak, hindi ba’t dapat gamitin ng mga tao ang mga salita ng Diyos para turuan sila? Ang mga salita ng Diyos ay sinalita sa lahat ng sangkatauhan. Ikaw man ay nasa hustong gulang na o isang anak, lalaki o babae, matanda o bata, dapat tanggapin ng lahat ang mga salita ng Diyos. Tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at maaaring maging buhay ng mga tao. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makakaakay sa mga tao sa tamang landas sa buhay. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat magkaroon ng masusing pagkaunawa sa bagay na ito. Paano ninyo maipapaliwanag ang ekspresyon na “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang”? (Ang landas na tinatahak ng isang tao ay natutukoy ng kanyang kalikasang diwa. Bukod dito, ang kaparusahang ipapataw sa kanila o ang mga pagpapalang matatanggap nila sa buhay na ito ay konektado sa kanilang nakaraang buhay. Kaya, ang pahayag na “Kung hindi sinusunod ng mga anak ang tamang landas, ito ay dahil hindi sila tinuruan nang maayos ng kanilang mga magulang” ay hindi tama kung sisiyasatin, at ganap nitong itinatatwa ang katunayan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan.) Ayon sa sinasabi mo, wala bang anumang kinalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang hindi pagsunod ng mga anak sa tamang landas? Pinahihintulutan ng Diyos ang mga tao na gumawa ng kanilang sariling mga pasya at piliing tahakin ang tamang landas. Gayumpaman, mayroong satanikong kalikasan ang mga tao, at lahat sila ay gumagawa ng kanilang sariling mga pasya, at pumipili ng kanilang sariling nais na landas, at ayaw nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung naaayon sa katotohanan ang sinasabi mo, kailangan mo itong ipaliwanag nang malinaw para makumbinsi ang mga tao tungkol dito.
Sunod nating pagbabahaginan ang ekspresyon na “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Ang unang bagay na dapat linawin ay na mali ang sabihin na, “Ang pagkabigo ng mga anak na sumunod sa tamang landas ay may kinalaman sa kanilang mga magulang.” Sino man ito, kung siya ay isang partikular na uri ng tao, tatahak siya sa isang partikular na landas. Hindi ba’t natitiyak ito? (Oo.) Ang landas na tinatahak ng isang tao ay tumutukoy sa kung ano sila. Ang landas na tinatahak niya at kung magiging anong uri siya ng tao ay nakasalalay sa kanya. Ito ay mga bagay na pauna nang itinakda, likas, at may kinalaman sa kalikasan ng tao. Kaya, ano nga ba ang silbi ng mga turo ng magulang? Kaya ba nitong pamahalaan ang kalikasan ng isang tao? (Hindi.) Hindi kayang pamahalaan ng mga turo ng magulang ang kalikasan ng tao at hindi nito kayang lutasin ang problema sa kung anong landas ang tatahakin ng isang tao. Ano ang tanging maituturo ng mga magulang? Ang ilang simpleng pag-uugali sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga anak, ilang medyo mababaw na kaisipan at mga tuntunin ng pag-asal—ito ang mga bagay na may kinalaman sa mga magulang. Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang responsabilidad, na turuan ang kanilang mga anak na sumunod sa tamang landas, mag-aral nang mabuti, at magsumikap na maging mas magaling kaysa sa iba paglaki nila, na huwag gumawa ng masasamang bagay o maging masamang tao. Kailangan ding pangasiwaan ng mga magulang ang pag-uugali ng kanilang mga anak, turuan ang mga ito na maging magalang at bumati sa mga nakatatanda sa tuwing nakikita ang mga ito, at turuan ang mga anak ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa pag-uugali—ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Ang pag-aalaga sa buhay ng kanilang anak at pagtuturo sa kanila ng ilang pangunahing tuntunin ng pag-asal—iyan ang saklaw ng impluwensiya ng magulang. Tungkol naman sa personalidad ng kanilang anak, hindi ito maituturo ng mga magulang. Ang ilang magulang ay mahinahon lang at ginagawa nila ang lahat nang hindi nagmamadali, samantalang ang kanilang mga anak ay lubos na walang pasensiya at hindi mapirmi sa kinaroroonan kahit sandali man lang. Lumalayo sila nang sila-sila lang para maghanap-buhay pagdating ng 14 o 15 taong gulang nila, gumagawa sila ng kanilang sariling mga desisyon sa lahat ng bagay, hindi nila kailangan ang kanilang mga magulang, at kayang-kaya nilang magsarili. Itinuturo ba ito ng kanilang mga magulang? Hindi. Kaya, ang personalidad, disposisyon, at maging ang diwa ng isang tao, pati na ang landas na kanyang pipiliin sa hinaharap, ay walang kinalaman sa kanilang mga magulang. Pinabubulaanan ito ng ilan sa pagsasabing, “Kung gayon, paanong wala itong anumang kinalaman sa kanila? May ilang taong nagmumula sa isang pamilyang may mataas na pinag-aralan o sa isang pamilyang may mga henerasyon ng kadalubhasaan sa isang partikular na bokasyon. Halimbawa, isang henerasyon ang nag-aaral ng pagpipinta, ang sumunod na henerasyon ay nag-aaral din ng pagpipinta, at ganoon din ang sumusunod na henerasyon. Kinukumpirma nito na tama ang ekspresyong ‘Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.’” Tama ba o mali na sabihin ito? (Mali.) Mali at hindi tumpak na gamitin ang halimbawang ito para ilarawan ang problemang ito, dahil magkaibang bagay ang mga ito. Ang impluwensiya ng isang pamilya na may henerasyon ng kadalubhasaan ay umaabot lang sa isang aspekto ng kadalubhasaan, at maaaring dahil sa kapaligiran ng pamilyang ito kaya natututo ang lahat ng parehong bagay. Sa panlabas nito, ganoon din ang pinipili ng anak, pero sa ugat nito, ang lahat ay pauna nang itinakda ng Diyos. Paano muling isinilang ang tao sa ganitong pamilya? Hindi ba’t isa rin iyong bagay na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan? Responsabilidad lang ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak hanggang sa hustong gulang. Ang mga anak ay naiimpluwensiyahan lang ng kanilang mga magulang pagdating sa kanilang panlabas na pag-uugali at sa mga kagawian ng pamumuhay. Ngunit kapag malaki na sila, ang mga layon na hinahangad nila sa buhay at ang kanilang tadhana ay walang anumang kinalaman sa kanilang mga magulang. May mga magulang na simpleng magsasaka lang na namumuhay ayon sa kanilang katayuan, pero ang kanilang mga anak ay nagiging mga opisyal at gumagawa ng mga dakilang bagay. Mayroon ding mga anak na may mga magulang na abogado at doktor, na parehong may kakayahan, pero ang mga anak ay walang kuwenta, hindi makahanap ng trabaho kahit saan sila pumunta. Ito ba ang itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang? Kapag ang ama ay isang abogado, malamang ba na limitahan niya ang pagtuturo at pag-iimpluwensiya sa kanyang mga anak? Siyempre, hindi ganoon. Walang ama ang nagsasabi na, “Naging napakaunlad ko sa aking buhay, sana hindi maging ganito kaunlad ang mga anak ko sa hinaharap, masyadong nakakapagod iyon. Sapat na iyong magpastol sila ng mga baka sa hinaharap.” Tiyak na tuturuan niya ang kanyang mga anak na matuto mula sa kanya at maging katulad niya sa hinaharap. Ano ang mangyayari sa kanyang mga anak pagkatapos niya silang turuan? Ang mga anak ay magiging kung ano man ang nakatakda sa kanila, at ang mga tadhana nila ay magiging kung ano man ang nakatadhana sa kanila, at walang sinuman ang makakapagbago niyon. Anong katunayan ang nauunawaan mo rito? Ang landas na tinatahak ng isang anak ay walang anumang kinalaman sa kanilang mga magulang. Ang ilang magulang na nananampalataya sa Diyos at nagtuturo sa kanilang mga anak na manampalataya sa Diyos, ngunit anuman ang sabihin nila, hindi naniniwala ang kanilang mga anak, at walang nagagawa ang mga magulang tungkol dito. May ilang magulang ang hindi nananampalataya sa Diyos, samantalang nananampalataya naman sa Diyos ang kanilang mga anak. Kapag nagsimulang manampalataya sa Diyos ang kanilang mga anak, sumusunod ang mga ito sa Diyos, gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya, at nagagawang tanggapin ang katotohanan, at nakakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, at kaya, nagbabago ang kanilang tadhana. Ito ba ang bunga ng pagtuturo ng mga magulang? Hindi, ito ay may kinalaman sa paunang pagtatakda at pagpili ng Diyos. May problema sa ekspresyon na “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Bagaman may responsabilidad ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak, ang tadhana ng isang anak ay hindi naitatakda ng kanyang mga magulang, kundi ng kalikasan ng isang anak. Malulutas ba ng edukasyon ang problema sa kalikasan ng isang anak? Talagang hindi nito malulutas iyon. Ang landas na tinatahak ng isang tao sa buhay ay hindi naitatakda ng kanyang mga magulang, kundi ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Sinasabi na “Ang kapalaran ng tao ay itinakda ng Langit,” at ang kasabihang ito ay ibinuod ng karanasan ng tao. Bago umabot sa hustong gulang ang isang tao, hindi mo malalaman kung anong landas ang kanyang tatahakin. Kapag nasa hustong gulang na siya, at may sariling mga kaisipan at kakayahang magnilay-nilay sa mga problema, magpapasya siya kung ano ang gagawin sa labas sa mas malawak na komunidad. Sinasabi ng ilang tao na gusto nilang maging mataas na opisyal, ang iba naman ay nagsasabing gusto nilang maging abogado, at ang iba ay gustong maging manunulat. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang pasya at mga ideya. Walang sinuman ang nagsasabi ng, “Hihintayin ko na lang na turuan ako ng aking mga magulang. Anuman ang ituro nila sa akin, magiging ganoon ako.” Walang taong ganito kahangal. Kapag umabot na sila sa hustong gulang, nagsisimulang mapukaw at unti-unting lumalago ang mga ideya ng mga tao, kaya lalong mas nagiging malinaw ang landas at mga layon sa kanilang hinaharap. Sa panahong ito, unti-unting nagiging halata at malinaw kung anong klaseng tao sila at kung saang grupo sila nabibilang. Mula sa puntong ito, unti-unting malinaw na natutukoy ang personalidad ng bawat tao, pati na rin ang kanilang disposisyon, ang landas na kanilang hinahangad, ang kanilang direksiyon sa buhay, at ang grupong kinabibilangan nila. Saan nakabatay ang lahat ng ito? Sa huli, ito ay pauna nang itinakda ng Diyos—wala itong kinalaman sa mga magulang ng isang tao. Malinaw na ba ito sa iyo ngayon? Kung gayon, anong mga bagay ang may kaugnayan sa mga magulang? Ang hitsura, tangkad, lahi, at ilang sakit ng pamilya ng isang tao ay may kaunting kinalaman sa mga magulang. Bakit Ko sinasabing kaunti? Dahil hindi 100% ganito ang kaso. Sa ilang pamilya, ang bawat henerasyon ay nagdurusa sa isang sakit, subalit isinilang ang isang anak na walang ganitong sakit. Paano nangyari ito? May mga nagsasabi: “Dahil mabuti ang personalidad ng batang ito.” Ito ang opinyon ng mga tao, ngunit saan nga ba talaga nanggagaling ang usaping ito? (Sa paunang pagtatakda ng Diyos.) Ganoon nga mismo. Kaya, ang ekspresyon na “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang” ba ay talagang tama o mali? (Mali ito.) Malinaw na ito sa iyo ngayon, tama? Walang silbi kung hindi mo alam kung paano kumilatis. Kung walang katotohanan, hindi mo makikita nang malinaw ang anumang bagay.
Sa pang-araw-araw na buhay, ang bawat tao ay mayroon nitong mangilan-ngilang paimbabaw na pananaw na mula kay Satanas sa kanilang isipan. Nananatiling nakalagak at nakaimbak ang mga ito sa loob, at nabubunyag ang mga ito sa tuwing may nangyayari. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae. Tingnan mo kung gaano ako kadakila. Isa akong tunay at malakas na lalaki, samantalang ikaw ay mahiyain, kaya hindi ako makikipag-away sa iyo.” Ano ang turing nila sa ekspresyong ito? (Ang katotohanan.) Itinuturing nila itong katotohanan at prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan. May mga tao rin na nakakakita ng isang tao na talagang may napakagwapong pagmumukha at tila isang kagalang-galang na ginoo, pero palagi siyang nagtatago at nagpapanggap, at sadyang mapanlinlang at mapanira sa pakikitungo sa ibang tao, at marami ang hindi nakakaintindi sa kanya, kaya, sinasabi ng mga tao na: “Nananampalataya ako sa Diyos para umasal bilang isang matuwid at mabait na tao, at maging palakaibigan sa iba, sa halip na maging mapanlaban. Katulad ito ng kasabihan na, ‘Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo.’ Ang ilan sa mga salita ng Diyos ay may ganito ring kahulugan.” Ano ang tingin mo tungkol sa mga sinasabing ito ng mga tao? “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo.” Tingnan mo, sa sandaling nangyayari sa mga tao ang isang bagay, sabay-sabay na lumilitaw at lumalabas ang lahat ng karaniwang kasabihan, sawikain, at kawikaang ito na nasa loob nila, at walang ni isang salita ng katotohanan. Sa huli, sinasabi pa nga ng mga taong iyon na, “Salamat sa Diyos sa pagbibigay-liwanag sa akin.” Tama ba o mali ang kasabihang “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo”? (Mali ito.) Alam ninyong lahat na mali ito, pero ano ang mali rito? Ang mali sa mga huwad na maginoo ay sila ay huwad. Walang sinuman ang gustong maging isang huwad na maginoo; gusto nilang maging isang tunay na kontrabida. Ano ang mayroon sa mga tunay na kontrabida na sinasang-ayunan ng mga tao? Ito ay dahil sila ay totoong tao kaya nakuha nila ang pagsang-ayon ng lahat, kahit na sila ay mga kontrabida. Kung gayon, ano ang gusto ninyo, maging isang tunay na kontrabida o isang huwad na maginoo? (Wala sa dalawa.) Bakit hindi na lang kayo maging ganitong uri ng dalawang tao? (Wala sa mga ito ang naaayon sa katotohanan, walang sinasabi tungkol dito sa mga salita ng Diyos.) Puwede ba ninyong hanapin ang nauugnay na batayan sa pagpapahayag na hindi sinabi ng Diyos sa mga tao na maging huwad na maginoo o tunay na kontrabida? (Gusto ng Diyos na maging matapat ang mga tao.) Gusto ng Diyos na maging matapat ang mga tao. Kung gayon, ano ang pagkakaiba ng mga matapat na tao at tunay na kontrabida? Ang salitang “kontrabida” ay hindi mabuti, ngunit ito ay talagang totoo. Bakit hindi mabuti ang isang tunay na kontrabida? Maaari mo ba itong ipaliwanag nang malinaw? Ano ang batayan ng pagsasabing parehong hindi mabubuting tao ang isang tunay na kontrabida at huwad na maginoo? Ano ang isang kontrabida? Anong salita ang karaniwang iniuugnay sa isang kontrabida? (Kasuklam-suklam.) Tama. Paano inilalarawan at tinutukoy ang salitang ito na “kasuklam-suklam” sa mga salita ng Diyos? Sa mga salita ng Diyos, tinutukoy ba bilang isang mabuting salita o masamang salita ang “kasuklam-suklam”? (Isang masamang salita.) Isang masamang salita, na kinokondena ng Diyos. Ang mga taong may kasuklam-suklam na asal at mga pananaw ay mga kontrabida. Sa anong paraan pa ba matutukoy ang disposisyon at diwa ng isang kontrabida? Makasarili, hindi ba? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay makasarili at kasuklam-suklam. Kahit na ang ipinapakita niya ay tunay at ang siyang totoo niyang ugali, siya ay talagang kontrabida pa rin. Ang isang huwad na maginoo ay mapanlinlang at buktot, at palagi siyang nagpapanggap at nagbibigay ng maling impresyon sa iba, ipinapakita sa iba ang kanyang masigla, maningning, at palakaibigan na ugali. Itinatago niya ang kanyang tunay na disposisyon, mga opinyon, at mga pananaw, para walang makakita o makaarok sa mga ito. Anong disposisyon mayroon ang mga ganitong tao? (Mapanlinlang at buktot.) Sila ay sadyang mga buktot na tao. Kaya, mga kontrabida o maginoo man, hindi sila mabuti. Ang isang uri ay masama sa panloob at ang isa naman ay masama sa panlabas. Sa katunayan, pareho lang ang mga disposisyon nila—sila ay parehong lubhang buktot, makasarili, at mapanlinlang. Naghahangad ba na maging matapat na tao ang dalawang uri ng lubhang buktot at mapanlinlang na taong ito? (Hindi.) Kaya naman, maging alin ka man sa dalawang uri ng taong ito, hindi ikaw ang mabuti o matapat na taong hinihingi ng Diyos. Isa kang taong kinapopootan ng Diyos, at hindi ikaw ang taong hinihingi ng Diyos na maging. Kaya, sabihin mo sa Akin, ang ekspresyong “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo” ba ang katotohanan? (Hindi.) Kung titingnan mula sa pananaw na ito, ang ekspresyong ito ay hindi ang katotohanan. Maraming tao, na may layon na atakihin at kondenahin ang mga huwad na maginoo para magmukha silang mabubuting tao, ang nagsasabing “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo,” na para bang ang “pagiging kontrabida” ng mga kontrabidang ito ay ginagawa silang lalong makatarungan at tunay, na parang isang puwersa ng katarungan. Paano mo nasasabing ikaw ay makatarungan, ikaw na isang kontrabida? Ikaw ang nararapat na kondenahin.
Sa isipan ng bawat isa, marami-rami ang ganitong klase ng ekspresyon at mga bagay, at napakaraming tao ang may ganitong uri ng pananaw. Ito man ay tradisyonal na kultura, mga katutubong kasabihan, mga salawikain ng pamilya, mga panuntunan ng pamilya, o legal na sistema ng isang bansa, madalas ginagamit ng mga tao ang mga bagay na ito na matagal nang umiikot at laganap sa lipunan, at naiproklama at naisulong pa nga bilang mga positibong bagay sa lipunan at sa sangkatauhan sa mahabang panahon, para turuan ang sunod-sunod na henerasyon ng mga tao. Ang ilang ekspresyon ay itinuturing bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa at prinsipyo ng pag-iral ng tao sa kaibuturan ng kanilang puso. Ang ilan ay mga ekspresyong nagpapahayag ng isang pananaw na sinasang-ayunan lang ng mga tao, ngunit hindi talaga nila ninanais na ipatupad. Kung nais mo mang ipatupad ang mga ito o hindi, sa kaibuturan ng iyong puso, ang totoo ay itinuturing mo ang mga ekspresyong ito bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa iyong pag-asal. Sa madaling salita, malaking hadlang ang mga bagay na ito sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan. Nakakapinsala lang ang mga ito, sa halip na kapaki-pakinabang sa mga tao. Halimbawa, ang isang paksang madalas pag-usapan ng mga modernong tao ay “Ang buhay ay mahalaga, mas lalo na ang pagmamahal. Alang-alang sa kalayaan, gayumpaman, ibibigay ko pareho.” Ang ekspresyong ito ay isang sikat na kasabihan na isinusulong at iginagalang ng mga tao sa Silangan at Kanluran na may matatayog na mithiin at mga naghahangad ng kalayaan at gustong alisin ang tradisyonal na sistemang piyudal. Ano ang pokus ng paghahangad ng mga tao rito? Ito ba ay buhay? O pagmamahal? (Hindi, ito ay kalayaan.) Tama, ito ay kalayaan. Kung gayon, katotohanan ba ang ekspresyong ito? Ang kahulugan ng ekspresyong ito ay na para hangarin ang kalayaan, maaaring isakripisyo ang buhay, at maaari ding isuko ang pagmamahal—ibig sabihin, ang taong minamahal mo ay maaari ding abandonahin—nang sa gayon ay makamit ang magandang kalayaan na iyon. Ano ang hitsura ng kalayaang ito para sa mga makamundong tao? Paano ipapaliwanag ang bagay na ito na iniisip nilang kalayaan? Ang paglabag sa tradisyon ay isang uri ng kalayaan, ang paglabag sa mga lumang kaugalian ay isang uri ng kalayaan, at ang paglabag sa piyudal na monarkiya ay isa ring uri ng kalayaan. Ano pa? (Ang hindi maging kontrolado ng isang pampulitikang rehimen.) Ang isa pa ay ang hindi maging kontrolado ng kapangyarihan o politika. Ang hinahangad nila ay ganitong uri ng kalayaan. Kung gayon, ang kalayaan bang sinasabi nila ay tunay na kalayaan? (Hindi.) Mayroon ba itong pagkakatulad sa kalayaan na pinag-uusapan ng mga taong nananampalataya sa Diyos? (Wala.) Maaaring ang ilang taong nananampalataya sa Diyos ay may ganito ring pananaw sa puso nila: “Ang pananampalataya sa Diyos ay kahanga-hanga, pinalalaya at pinapakawalan ka nito. Hindi mo kailangang sumunod sa anumang kaugalian o tradisyonal na pormalidad, hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pagsasaayos o pagdalo sa mga kasal at libing, bibitiwan mo ang lahat ng makamundong bagay. Talagang malayang-malaya ka na!” Hindi ba’t ganoon ang kaso? (Hindi.) Ano nga ba ang kalayaan? Malaya ba kayo ngayon? (Kaunti lang.) Kung gayon, paano ninyo natamo ang kaunting kalayaan na ito? Ano ang ibig sabihin ng kalayaan na ito? (Pag-unawa sa katotohanan at pagkawala sa madilim na impluwensiya ni Satanas.) Pagkatapos kumawala sa madilim na impluwensiya ni Satanas, medyo nakakaramdam ka ng kaunting ginhawa at kalayaan. Gayumpaman, kung hindi Ko ito hinimay-himay, iisipin ninyo na tunay na kayong malaya, samantalang sa katunayan ay hindi pa. Ang tunay na kalayaan ay hindi ang uri ng kalayaan at pagpapalaya ng katawan sa pisikal at materyal na aspektong iniisip ng mga tao. Sa halip, sa sandaling naunawaan na ng mga tao ang katotohanan, magkakaroon sila ng mga wastong pananaw tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at mundo, at magagawa na nilang hangarin ang mga wastong layon at direksiyon sa buhay. Kapag ang mga tao ay hindi na nalilimitahan ng impluwensiya ni Satanas at ng mga satanikong ideya at pananaw, ang kanilang puso ay napapalaya—ito ang tunay na kalayaan.
May isang binata, isang walang pananampalataya, na nag-aakalang gusto niya ang kalayaan, lumilipad siya na parang ibon kahit saan, at namumuhay nang walang hadlang, kaya’t kinamumuhian niya iyong mga walang kuwentang panuntunan at kasabihan sa kanyang pamilya. Madalas niyang sinasabi sa kanyang mga kaibigan: “Bagama’t ipinanganak ako sa isang napakatradisyonal na pamilya, at isang napakalaking pamilya, na may napakaraming panuntunan at tradisyon, at kung saan kahit hanggang ngayon ay mayroon pa ring dambana ng mga ninuno na may mga lapida ng alaala na isinaayos para sa bawat sumusunod na henerasyon, ako mismo ay kumawala sa mga tradisyong ito at hindi ako naiimpluwensiyahan ng mga panuntunan ng pamilya, mga kombensiyon ng pamilya, at mga karaniwang kaugalian. Hindi ba ninyo nakikita na lubha akong hindi tradisyonal na tao?” Sinasabi ng kanyang mga kaibigan: “Napansin namin na lubha kang hindi tradisyonal.” Paano nila napansin iyon? Mayroon siyang butas sa dila, singsing sa ilong, apat o limang butas sa magkabilang tainga, butas sa pusod, at tattoo ng ahas sa kanyang braso. Itinuturing ng mga Tsino na malas ang mga ahas, ngunit iginiit niyang magkaroon ng isang tattoo nito sa kanyang katawan, at natatakot ang mga tao kapag nakikita ito. Ito ay hindi tradisyonal, hindi ba? (Oo.) Lubha itong hindi tradisyonal, at higit pa roon, nagsasalita rin siya na parang isang halimbawa ng makabagong tao. Lahat ng nakakakita sa kanya ay nagsasabing, “Kamangha-mangha ang taong ito! Hindi siya tradisyonal, talagang hindi!” Naniniwala siya na hindi niya basta-bastang maipapahayag sa mga ganitong paraan ang pagiging hindi tradisyonal, kundi dapat niya itong gawing mas kongkreto at gawing mas kapansin-pansin para sa mga tao ang mga palatandaan ng kanyang pagiging hindi tradisyonal. Nakikita niya na ang iba ay karaniwang mayroong mga nobyang Tsino na may dilaw na balat, at sinasadya niyang maghanap ng isang nobya na banyaga at maputi para mas lalong makumbinsi ang lahat na talagang hindi siya tradisyonal. Pagkatapos, ginagaya niya ang kanyang nobya sa bawat sitwasyon, ginagawa ang anumang sinasabi ng kanyang nobya, kung paano man nito hinihiling na gawin niya. Nang kaarawan na niya, binilhan siya ng kanyang nobya ng isang misteryosong regalo na nakabalot sa malaking kahon, at masayang-masaya niyang binuksan ang regalo. Pagkatapos alisin ang lahat ng balot, nakita niya ang isang berdeng sombrero sa loob. Alam ng lahat ng Tsino ang pahiwatig ng “mga berdeng sombrero,” hindi ba? Ito ay tiyak na isang napakatradisyonal na bagay. Sa sandaling nakita niya ito, nagalit siya at sinabi niya na, “Anong klaseng regalo ito? Para kanino mo binili ang regalong ito?” Akala ng nobya niya ay matutuwa siya—bakit siya galit na galit dito? Hindi maisip ng kanyang nobya kung bakit at hindi nito maintindihan, kaya, sinabi ng kanyang nobya: “Hindi madaling hanapin ang berdeng sombrerong ito. Sigurado akong maganda itong tingnan sa iyo.” Sabi naman niya, “Alam mo ba kung ano ang sinasagisag ng sombrerong ito?” Sabi ng nobya: “Hindi ba’t sombrero lang ito? Sadyang maganda lang tingnan ang mga berdeng sombrero.” At iginiit ng nobya niya na isuot niya ito. Hindi niya ito isinuot kahit anong mangyari. Alam ba ng mga taga-Kanluran ang pahiwatig ng “mga berdeng sombrero”? (Hindi, hindi nila alam.) Kung gayon, hindi ba’t kailangang ipaliwanag nang malinaw at ilahad ang bagay na ito? Wala sa inyo ang makakasagot niyon—bakit hindi kayo maglakas-loob na ipaliwanag ito nang malinaw? Hindi naman ito malaking bagay, hindi ba? Katulad lang din kayo ng lalaking ito—iwinawagayway ang pagiging hindi tradisyonal, at ang pagtalikod sa tradisyon at pagwaksi sa mga kuru-kuro ng satanikong tradisyonal na kultura para hangarin ang katotohanan at kalayaan, ngunit gayon pa man, masyado kayong nababagabag sa berdeng sombrerong ito. Hinihiling ng nobya ng binatang iyon na suotin ng binata ang sombrero, pero hindi ito isusuot ng binata kahit ano ang mangyari, sa huli ay sinasabi niya na: “Iginigiit mo na isuot ko ito. Kung isusuot ko ito, kailangan kong tiisin ang panghihiya ng iba!” Ito ang pinakabuod ng isyu at kung saan nakasalalay ang problema—ito ay tradisyon. Ang tradisyon na ito ay hindi tungkol sa kung ano ang kulay ng isang bagay o kung anong uri ng bagay ito, kundi sa halip, ito ay tungkol sa simbolo at pananaw na pinupukaw ng bagay na ito sa mga tao. Ano nga ba mismo ang sinisimbolo ng bagay na ito—isang berdeng sombrero? Ano ang sinasagisag nito? Binabansagang masama ng mga tao ang mga sombrero na may ganitong kulay, kaya tinatanggihan nila ang mga sombrero ng ganitong kulay. Bakit tinatanggihan ito ng mga tao? Bakit hindi nila matanggap ang ganitong bagay? Dahil mayroong isang uri ng tradisyonal na pag-iisip sa loob nila. Ang mismong tradisyonal na pag-iisip na ito ay hindi ang katotohanan; ito ay parang isang materyal na bagay, ngunit di-nahahalatang ginawa itong isang negatibong bagay ng lipunan at ng lahing ito ng mga tao. Halimbawa, ang puti ay ginagawang simbolo ng kabanalan ng mga tao, ang itim ay simbolo ng kadiliman at kabuktutan, at ang pula ay simbolo ng kasiyahan, pagkamadugo, at silakbo ng damdamin. Sa nakaraan, nagsusuot ng pulang damit ang mga Tsino kapag ikinakasal sila, naniniwalang ito ay maligayang kulay. Kapag ikinakasal ang mga taga-Kanluran, nagsusuot sila ng puting damit na maganda at malinis, na sumisimbolo ng kabanalan. Magkaiba ang pagkaunawa ng dalawang kultura sa kasal. Sa isa, ito ay sinasagisag ng pula at sa isa naman, ito ay sinasagisag ng puti. Kapwa sumasagisag ang mga kulay na ito sa isang saloobin ng pagpapala tungkol sa pag-aasawa. Ang iba’t ibang grupong etniko at lahi ay gumagamit ng parehong bagay para sa iba’t ibang layunin, at dito nagsisimula ang kanilang mga kultural na pinanggalingan. Matapos lumitaw ang mga kultural na pinanggalingan na ito, nabubuo kasabay ng mga ito ang mga kultural na tradisyon. Sa ganitong paraan, bumubuo ng iba’t ibang kaugalian ang iba’t ibang lipunan at lahi, at ang mga kaugaliang ito ay nakakaimpluwensiya sa mga tao ng kani-kanilang lahi. Kaya, ang mga Tsino ay naiimpluwensiyahan ng pahiwatig na ito tungkol sa mga berdeng sombrero. Anong uri ng resulta ang ibinubunga mula sa pagkikintal nito sa kanila? Ang mga lalaki ay hindi maaaring magsuot ng mga berdeng sombrero, at hindi rin nagsusuot nito ang mga babae. Nakakakita ka ba ng babaeng nagsusuot nito? Sa katunayan, ang kultural na tradisyong ito ay nakatuon lang sa mga lalaki, ibig sabihin, ang pagsusuot ng mga lalaki ng berdeng sombrero ay isang masamang palatandaan, at hindi ito nauugnay sa mga babae. Gayumpaman, kapag nabuo na ang kultural na tradisyong ito, sa anumang konteksto ito lumilitaw, nagdudulot ito ng isang uri ng diskriminasyon sa bagay na ito ng bawat tao sa lahing ito. Pagkatapos mangyari ang ganitong diskriminasyon, hindi namamalayang nagbabago ang bagay na ito mula sa isang napakainosenteng materyal na bagay tungo sa isang negatibong bagay. Sa katunayan, ito ay inosente at walang mga positibo o negatibong katangian man lang. Ito ay isang materyal na bagay lamang, isang kulay, at isang bagay na may hugis. Gayumpaman, pagkatapos mabigyang-kahulugan at maimpluwensiyahan ng tradisyonal na kultura sa ganitong paraan, ano ang magiging huling resulta? (Negatibo.) Ito ay nagiging negatibo. Pagkatapos nitong maging negatibo, hindi na ito magawang tratuhin o gamitin ng mga tao nang tama. Isipin mo—may mga sombrero na may iba’t ibang kulay sa merkado ng Tsina, tulad ng pula, rosas, dilaw, at iba pa, ngunit walang mga berdeng sombrero. Ang mga tao ay nalilimitahan at naiimpluwensiyahan ng tradisyonal na kaisipang ito. Ito ang epekto ng isang partikular na usapin ng tradisyonal na kultura sa mga tao.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.