Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi) Ikatlong Seksiyon

3. Paniniktik sa mga Salita ng Diyos na Nagpopropesiya ng mga Kalamidad

Ngayon lang, nagbahaginan tayo sa dalawang aytem tungkol sa mga anticristo na tinitiktikan kung natutupad ba ang mga salita ng Diyos: Ang isang aytem ay tungkol sa mga salita ng mga pangako at pagpapala ng Diyos, at ang isa pa ay tungkol sa mga salita ng pagsumpa at pagparusa ng Diyos sa tao. Susunod, tingnan natin ang ikatlong aytem, ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Tulad ng naunang dalawang aytem, pareho rin ang saloobin ng mga anticristo tungkol sa ganitong uri ng mga salita: Mausisa sila, nais nilang siyasatin, unawain, at makita rin ang araw kung kailan magkakatotoo ang mga salitang ito, na masaksihan ang paglitaw ng mga katunayan. Sa pagtrato sa mga ganitong uri ng salita, ang mga anticristo ay nagpapakana rin sa kaibuturan ng kanilang puso, nag-iisip ng mga kontra-hakbang at nagkakaroon ng iba’t ibang pagdududa. Pinagmamasdan at sinusubok nila kung nagkakatotoo ang ganitong uri ng mga salita upang makabuo sila ng mga kaukulang kontra-hakbang. Kapag binabasa ng mga anticristo ang mga salitang ito na nagpopropesiya ng mga kalamidad, napupuno ng pananabik ang puso nila para sa araw na matutupad ang mga kalamidad, at puno sila ng iba’t ibang imahinasyon. Umaasa sila na magkakatotoo ang mga salita ng Diyos at umaasa rin sila na ang pagdating ng mga kalamidad ay magpapalawak ng kanilang mga pananaw, matutugunan ang kanilang mga kahilingan at pagnanais. Bakit ganito? Dahil ang mga kalamidad na iprinopesiya ng Diyos ay pawang may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng Diyos, sa araw ng pagkaluwalhati sa Diyos, sa pagkakadala paitaas ng mga banal, sa pagpasok ng sangkatauhan sa isang kamangha-manghang hantungan, at iba pa. Samakatwid, higit pang puno ng pananabik at pagkamausisa ang mga anticristo tungkol sa bahaging ito ng mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Kung ikukumpara sa unang dalawang aytem, mas interesado pa ang mga anticristo sa ganitong uri ng mga salita. Sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na kung may makakapagdulot ng sakuna, tulad ng lindol, salot, pananalakay ng mga insekto, pagbaha, pagguho ng lupa, o ng iba pang natural na sakuna, kung gayon, ang entidad na iyon ay isang napakamakapangyarihang entidad, nagtataglay ng dakilang abilidad, at karapat-dapat sa kanilang pagsunod, pagsamba, at pagtitiwala. Samakatwid, gayundin, ginagawa ring pamantayan ng mga anticristo kung nagkakatotoo ba ang mga gayong salita tulad ng mga propesiya ng Diyos ng mga kalamidad para masukat kung ang Diyos ay tunay nga na Diyos. Pinanghahawakan nila nang mahigpit ang ganitong uri ng lohikal na pag-iisip, ideya, at pananaw sa puso nila, naniniwala sila na ang pananaw na ito ay tama, wasto, at isang matalinong hakbang. Kaya, mula sa araw na nagsimula silang sumunod sa Diyos, mula sa sandaling nakita nila ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad, iniisip-isip na ito ng mga anticristo sa kanilang puso. Inaalala nila ang tungkol sa kung ano ang sinasabi sa mga salita ng Diyos—kailan darating ang mga huling araw, kailan maisasakatuparan ang dakilang gawain ng Diyos, paano kakastiguhin ng Diyos ang sangkatauhan, anong uri ng mga kalamidad ang idudulot ng Diyos upang parusahan at lipulin ang sangkatauhan, anong pamamaraan ang gagamitin ng Diyos upang isadlak ang sangkatauhan sa mga kalamidad, at kung paanong ang mga sumusunod lamang sa Diyos at nakakakuha ng Kanyang pagsang-ayon ang makakaiwas at makakatakas sa mga gayong kalamidad, at hindi magdurusa sa mga pagpapahirap ng mga gayong kalamidad. Itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad bilang napakahalaga, sinusuri ang mga ito sa puso nila at kinakabisado at binibigkas ang mga ito sa kanilang isipan. Tinatandaan nila ang bawat salitang may kaugnayan sa mga kalamidad, at pinagbubulay-bulayan din nila kung kailan at paano magkakatotoo ang mga propesiya ng Diyos tungkol sa mga kalamidad. Pinagbubulayan nila kung ano ang mangyayari sa kanila kung magkakatotoo nga ang mga propesiyang ito, at kung ano ang gagawin nila kung hindi magkakatotoo ang mga ito. Mula nang makita nila ang mga propesiyang ito, tila nakahanap ang mga anticristo ng isang bagay na pagsisikapan, ng isang direksiyon at isang layon, sa pananampalataya nila sa Diyos. Habang naghihintay na sumapit ang mga kalamidad, hinahanda rin nila ang kanilang sarili sa lahat ng paraan. Upang maprotektahan ng Diyos kapag dumating ang malalaking kalamidad, ipinapangaral nila ang ebanghelyo, tinatalikdan ang kanilang mga trabaho at pamilya. Kasabay nito, upang makaligtas kapag sumapit na ang mga kalamidad, madalas silang nananalangin nang mapagpakumbaba sa Diyos, umaasa na magkakatotoo ang mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon, na maisasakatuparan nang mabilis ang lahat ng nais na makamit ng Diyos, na magkakamit ang Diyos ng kaluwalhatian at hindi matatagalan ay makakapagpahinga na Siya, at na malapit na silang magtamasa ng mga pagpapala ng kaharian ng langit. Mula sa lahat ng pananaw na ito ng mga anticristo, mula sa mga salita at panalangin na madalas nilang binibigkas, tila sabik ang mga anticristo sa pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng Diyos at sa maagang pamamahinga ng Diyos. Gayumpaman, ang hindi alam ng mga tao, sa likod ng mga pag-asang ito ay nakatago ang masasamang layunin ng mga anticristo. Umaasa sila na sa pamamagitan ng mga gayong panalangin at huwad na pagpapakita, maiiwasan nila ang mga kalamidad at magagawang kanlungan ang Diyos. Habang naghahanda sila para sa lahat ng ito, umaasa rin sila na darating kaagad ang mga kalamidad at na malapit nang magkatotoo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Sa loob ng hangganan ng kaya nilang tiisin, patuloy silang nagbabayad ng halaga, gumugugol ng kanilang sarili, nagdurusa, at nagtitiis gaya ng dati, pinipiga ang kanilang utak para magpakitang-gilas sa lahat. Gusto nilang kilalanin ng lahat kung gaano kalaki ang halagang ibinayad nila para ipangaral ang ebanghelyo, kung gaano katindi ang diskriminasyon at pang-uusig na tiniis nila, at ang malaking sakripisyong ginawa nila sa paghihintay para sa araw na ito. Umaasa sila na kapag nakita ng Diyos ang pagdurusang tiniis nila at ang halagang ibinayad nila, ililigtas Niya sila sa anumang kalamidad kapag sumapit na ito. Kasabay nito, dahil sa halagang ibinayad nila, umaasa sila na masuwerteng mapabilang sa mga taong magkakaroon ng magandang hantungan at mapagpapala pagkatapos ng mga kalamidad. Sa kaibuturan, tahimik at hindi halatang kinakalkula ng mga anticristo ang lahat ng ito. Sa wakas, isang araw, dahil sa isang maliit na insidente, nakaranas ng pagkabigo ang mga anticristo, at tila kinondena ang kanilang mga kilos at asal. Ibig sabihin, malapit nang mawasak ang kanilang mga pag-asa at pantasya, malapit nang hindi matupad ang kanilang mga pagnanais. Sa sandaling ito, ano ang unang naiisip ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso? “Napakarami ko nang ibinigay, nagdusa ako nang labis, nagtiis ako nang napakaraming araw, nanampalataya ako sa loob ng napakaraming taon, ngunit hindi ko pa nakita na nagkakatotoo ang anumang salita ng diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Talaga bang maghahatid ng mga kalamidad ang diyos? Tutuparin ba ng diyos ang ipinagdarasal at hinihintay natin? Nasaan ba mismo ang diyos? Ililigtas ba talaga niya tayo o hindi? Umiiral ba talaga ang mga kalamidad na binanggit ng diyos? Kung hindi umiiral ang mga ito, dapat umalis na lang tayong lahat dito. Ang diyos na ito ay hindi maaaring paniwalaan, walang diyos!” Ito ang limitasyon ng mga anticristo. Isang maliit na problema, marahil isang di-sinasadyang salita ng pagkondena at paglalantad mula sa ibang tao, ang nakasagi sa kanilang sensitibong bahagi, at pagkatapos ay sumasabog sila sa galit, hindi na makapagpigil o makapagpanggap pa. Ang unang ginagawa nila ay sumiklab sa galit, itinuturo ang mga salita ng Diyos at sinasabing: “Kung hindi magkakatotoo ang mga salita mo, kung hindi mangyayari ang mga kalamidad na sinabi mo, hindi na ako maniniwala sa iyo. Sa simula, dahil lamang sa mga salitang ito na nagpopropesiya ng mga kalamidad kaya ako nangaral ng ebanghelyo, nagbayad ng halaga, at gumawa ng aking tungkulin. Kung wala ang mga salitang ito, hinding-hindi ako mananampalataya sa iyo! Dahil sa mga salitang ito, dahil sa nalalapit na mga kalamidad, kaya ako naniwala na ikaw ay diyos. Pero ngayon, pagkatapos magdusa nang labis, hindi pa nangyayari ang mga kalamidad na sinabi mo. Napakarami sa mga hindi mananampalataya ang gumagawa ng kasamaan, pero wala sa kanila ang naparusahan—wala ni isa sa kanila ang nasadlak sa mga kalamidad. Namumuhay pa rin sila sa kasalanan, nagsasaya sa kanilang buhay, samantalang nagkokonsesyon ako sa loob ng maraming taon, hinihintay ko lang ang araw na magkakatotoo ang iyong mga salitang nagpopropesiya ng mga kalamidad. Pero ano ang nagawa mo, o diyos? Alang-alang sa aming masidhing pananabik, hindi ka kailanman nagpakita ng anumang tanda o hiwaga, hindi kailanman naghahatid ng anumang kalamidad, upang makita namin, upang palakasin ang aming pananalig, upang patibayin ang aming katapatan. Bakit hindi mo ginagawa ang mga gayong bagay? Hindi ba’t diyos ka? Napakahirap bang maghatid ng mga kalamidad para parusahan ang masamang mundong ito, ang masamang sangkatauhang ito? Gusto lang naming patatagin ang aming pananalig sa pamamagitan ng katuparan ng mga bagay na ito, pero sadyang hindi ka kumikilos. Kung hindi ka kikilos, hindi na namin kayang manampalataya sa diyos; wala kaming anumang makakamit, at walang saysay na manampalataya pa sa diyos. Hindi na kailangan pang manampalataya, hindi na kailangan pang gawin ang aming mga tungkulin, hindi na kailangan pang ipangaral ang ebanghelyo.” Sa pagharap sa isang maliit na problema, sa pagharap sa kaunting paghihirap o kawalan ng kasiyahan sa buhay, maaaring mabunyag ang tunay na kulay at iniisip ng mga anticristo sa kanilang kaloob-looban sa anumang oras at lugar, na talagang nakakatakot. Kung kailan sasapit ang mga kalamidad, kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad, kung paano at kailan magkakatotoo ang mga ito, itinatakda ng Diyos ang lahat ng ito. Kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao ang mga bagay na ito, ito ay upang bigyan sila ng karangalan, upang tratuhin sila bilang mga tao—hindi upang gamitin ang mga salitang ito bilang paraan para magkaroon ng kalamangan laban sa Diyos at hatulan Siya. Nagkakamali ang mga anticristo sa paniniwala na dahil nagsalita ang Diyos ng mga salitang ito, dapat Niyang tulutan ang mga tao na makita ang mga ito na magkatotoo habang sila ay nabubuhay pa; kung hindi, walang bisa ang mga salita ng Diyos. Ang diyos na may mga salitang maaaring mawalan ng bisa ay hindi dapat ituring na diyos, hindi karapat-dapat na maging diyos, at hindi karapat-dapat na maging kanilang diyos; ito ang lohika ng mga anticristo.

Mula sa simula hanggang wakas, nais lamang ng mga anticristo na samantalahin ang mga salitang ito ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Ang mga salitang ito ang nagbigay-inspirasyon sa kanila, dahil sa mga ito ay naisip nilang gamitin ang mabubuting pag-uugali ng tao at lahat ng kanilang sakripisyo at ang mga pagdurusa ng laman para ipagpalit sa pagpapala na makaiwas sa mga kalamidad. Sa buong panahong ito, ang tanging pakay nila ay makaiwas sa mga kalamidad at makapagtamo ng mga pagpapala. Hindi nila kailanman tunay na itinuring na Diyos ang Siyang nagpahayag ng mga salitang ito. Mula simula hanggang katapusan, palaging laban sa Diyos ang mga anticristo, palaging sinusubok at sinusukat ang Diyos bilang isang paraan para tiktikan ang mga salita ng Diyos. Kung magkatotoo ang mga salita ng Diyos at napalawak ang kanilang mga pananaw, nagkakatotoo ayon sa kanilang panlasa, mga pananaw, at mga pangangailangan, kung gayon, itinuturing nilang Diyos ang Diyos. Ngunit kung salungat ito sa kanilang mga kahilingan, pananaw, at pangangailangan, ang Siyang nagpahayag ng mga salitang ito ay hindi nila itinuturing na Diyos. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng mga anticristo. Malinaw na sa kaibuturan, hindi nila kailanman kinilala na ang Diyos ang Lumikha, ni kinilala ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pagkatapos dumaan sa mga sunod-sunod na pakikibaka, magtiis nang mapagpasensiya, at magtalo ang kanilang kalooban, natutunan ng mga anticristo ang isang aral: “Hindi dapat basta-bastang limitahan ang mga salita ng diyos, ni maaaring basta-basta at walang kabuluhang gamitin ang katuparan ng mga salita ng diyos bilang pamantayan para sukatin ang kanyang pagkakakilanlan at diwa. Hindi pa tayo sapat na nahubog at kailangan pa nating patuloy na magtiis, na palawakin ang ating isipan. Gaya ng mga kasabihan, ‘Maaaring maglayag ang isang bangka sa lawak ng puso ng isang punong ministro’; ‘Kung may buhay, may pag-asa.’ Ano naman kung hindi magkatotoo ang mga salitang ito? Walang problema. Nakayanan ko na ang lahat ng ito sa lahat ng mga taon na ito; marahil kung magtitiis ako ng ilang taon pa, magkakatotoo ang mga salita ng diyos, at may makakamit ako. Titiisin ko na lang ito nang kaunti pa, susugal pa ako. Hindi ako puwedeng magalit; kung hindi, masasayang ang lahat ng aking naging pagsusumikap, at mawawalan ng saysay ang lahat ng pagdurusang tiniis ko. Iyon ay magiging malaking kawalan! Kung ihahayag ko na ngayon ang aking mga iniisip, kung titindig ako para itatwa, kuwestiyunin, at akusahan ang diyos, hindi iyon magiging matalinong hakbang. Dapat akong patuloy na magbayad ng halaga, magtiis ng paghihirap, at patuloy na magtiis. Ang pariralang ‘Ang siyang nagtitiis hanggang wakas ay maliligtas’ ay hindi dapat kalimutan. Ang kasabihang ito ay totoo sa lahat ng oras at nananatiling ang pinakamataas na katotohanan. Dapat kong itaguyod ang kasabihang ito at palaging itanim ito sa aking puso.” Pagkatapos ng isang panahon ng pagiging negatibo at pananahimik, sa wakas ay “tumindig” na muli ang mga anticristo.

Sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nagsasagawa ng iba’t ibang uri ng gawain ang mga anticristo habang naglilingkod sa iba’t ibang papel. Tila walang pagbabago sa panlabas, ngunit habang tumatagal ang pananampalataya nila sa Diyos, at habang tumatagal ang pagsunod nila sa Kanya, lalo pang binubusisi ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Bakit ganito? Kapag mas matagal na ang pananampalataya nila sa Diyos, nangangahulugan ito na mas marami na silang isinakripisyo, mas marami na silang tinalikdan, at mas kaunti na ang kanilang paraan para makabalik sa sekular na mundo. Kaya naman, tungkol sa mga salitang ito na nagpopropesiya ng mga kalamidad, lalo pa at hindi namamalayang iniisip ng mga anticristo na, “Sana totoo ang lahat ng ito. Dapat magkatotoo ang lahat ng ito.” Itinuturing nila ang “dapat” na ito at ang matibay na pananampalatayang ito bilang kanilang tunay na pananalig sa Diyos. Itong diumano’y tunay na pananalig na ito ang nagtutulak sa kanila na gawin ang kanilang mga tungkulin, na magdusa at magbayad ng halaga, na magtiis nang higit pa, gaya lamang ng sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Kailangan mong itaya ang lahat para manalo.” Habang pinanghahawakan ang gayong paniniwala, inuusisa ng mga anticristo ang araw kung kailan magkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Sa wakas, dumating na ang araw na iyon—patuloy na nangyayari ang mga sakuna at kalamidad sa mundong ito, nagaganap sa iba’t ibang sulok, sa iba’t ibang bansa at sa iba’t ibang lahi. Ang mga sakuna na ito, malaki at maliit, ay kumikitil ng maraming buhay, binabago ang kapaligirang tinitirhan ng maraming tao, binabago ang ekolohikal na kapaligiran, binabago ang maraming iba’t ibang estruktura at paraan ng pamumuhay sa lipunan, at iba pa. Gayumpaman, kahit anong mangyari, sa mga mata ng mga anticristo, nagkakatotoo pa rin nang kaunti ang mga salita ng Diyos, na siyang pinakakasiya-siyang bagay sa kaibuturan ng kanilang puso. Pakiramdam nila na pagkatapos ng lahat ng taon na ito, hindi sila nagtiis o naghintay sa wala, at sa wakas ay nasaksihan nila ang araw at yugto kung kailan nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Pero nararamdaman nilang hindi sila dapat panghinaan ng loob o sumuko; kailangan nilang patuloy na magtiis at maghintay. Ano ang pinaka-ipinag-aalala ng mga anticristo sa kaloob-looban nila, gaano man sila nagtitiis o naghihintay? Ito iyon: “Ang mga propesiya ng taggutom, salot, at lindol ay nagkatotoo na, pero kailan magkakatotoo ang mga propesiya tungkol sa malalaking kalamidad?” Sa isang banda, naniniwala ang mga anticristo na unti-unting nagkakatotoo ang bahaging iyon ng mga salita ng Diyos, habang sa kabilang banda, nagdududa sila: “Hindi ba’t mga natural na sakuna lamang ang mga sakunang ito? Patuloy na nagaganap sa buong kasaysayan ang mga sakuna. Katuparan ba ng mga salita ng diyos ang mga paglitaw ng mga sakuna na ito? Kung hindi, ano ang mga ito? Hindi ako dapat mag-isip nang ganito; dapat maniwala sa mga salita ng diyos ang isang mananampalataya sa diyos. Pero ganoon ba kadaling natutupad ang mga salita ng diyos? Paano ito ginawa ng diyos? Bakit hindi ko nakitang ginawa niya ito? Bakit hindi ko alam ang tungkol dito? Kung gawa ito ng diyos, dapat na makita ito ng kanyang mga mananampalataya, dapat silang bigyan ng diyos ng mga pangitain. Pero hindi namin nakita ang kamay ng diyos, ni narinig ang tinig ng diyos. Kung gayon, maaari kayang nagkataon lamang ang mga pangyayaring ito? Hindi ako dapat mag-isip nang ganito; puwedeng magpahina sa akin ang mga ganitong kaisipan. Kailangan ko pa ring maniwala na katuparan ng mga salita ng diyos ang lahat ng ito; ituturing ko na lamang ito bilang kataas-taasang kapangyarihan ng diyos, bilang mga salita ng diyos na nagkakatotoo, hindi nagkataon lamang. Sa ganitong paraan, mas napapanatag ang puso ko.” Pakiramdam nila ay napakatalino ng pag-iisip sa ganitong paraan at na nasuri nila nang maayos ang sitwasyon, nagawa nilang hindi pagdudahan ang Diyos habang pinatatatag din ang sarili nilang pananalig, at pinapakalma rin ang labis na pagkabalisa at pagnanais sa loob ng kanilang puso. Habang gumagawa ng mga pansamantalang konsesyon at kompromiso, hinihintay ng mga anticristo ang pagsapit ng malalaking kalamidad. “Kailan darating ang malalaking kalamidad? Kapag dumating ang mga ito, madadala paitaas sa himpapawid ang mga banal, pero saan mismo mangyayari iyon? Paano ito mangyayari? Lilipad ba sila o iaangat ng kamay ng diyos? Kapag nangyari ang malalaking kalamidad, tataglayin pa rin ba ng mga tao ang kanilang pisikal na katawan? Suot pa rin ba nila ang kanilang mga kasalukuyang damit? Mamamatay na ba ang lahat ng walang pananampalataya? Magiging anong klaseng kalagayan o sitwasyon iyon? Hindi ito kayang isipin ng mga tao. Mas mabuti pang huwag ko na lang isipin ito sa ngayon. Maniniwala na lang ako na siguradong magkakatotoo ang mga salita ng diyos. Pero puwede ba talagang magkatotoo ang mga ito? Kailan darating ang araw na iyon?” Patuloy nilang tinatanong ang kanilang sarili ng mga katanungang ito, paulit-ulit na nagdududa. Dahil malapit na nauugnay at malalim na konektado ang mga kalamidad na ito sa kanilang kinabukasan at tadhana, naniniwala ang mga anticristo: “Dapat palagi akong maging mapagbantay tungkol sa pagtupad ng propesiya tungkol sa kung kailan babagsak ang malalaking kalamidad, dapat ko itong isaisip palagi para hindi ko mapalampas ang pagkakataon ko at hindi ako mabigong magtamo ng mga pagpapala.” Ano ang perspektiba nila, kung gayon? “Kailangan kong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng lugar, masigasig na gawin ang aking mga tungkulin, iwasan ang pagsasanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan o pagkakamali, at manatiling mababang-loob, nang hindi nagiging mayabang. Hangga’t hindi ako nagkakamali at hindi pinapatalsik sa iglesia, sapat na iyon. Tiyak na makakarating ako sa kanlungan; ito ang pangako ng diyos—sino ang makakaagaw nito?” Kapag unti-unti nang bumababa ang maliliit na sakuna, at nasasadlak sa mga sakuna ang buong sangkatauhan, nagiging payapa at matiwasay ang mga anticristo sa kaloob-looban nila. Kasabay nito, inaasam nila ang pagdating ng malalaking kalamidad at ang araw ng pagkakadala paitaas sa mga banal. Sa kabila nito, patuloy na tinitiktikan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad. Ang gayong pag-uusisa, sa pananaw ng Diyos, ay katulad ng pag-uusisa ni Satanas. Nakikita Niya ito bilang pagdududa, pagtatatwa, paninirang-puri, at pagsusuri sa pagiging tama ng Diyos. Ito ay pagkuwestiyon sa pagkakakilanlan ng Diyos, pagdududa sa awtoridad at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at pagdududa sa katapatan ng Diyos. Hindi pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay, ni pinahihintulutan ang gayong mga tao na umiral, at tiyak na hindi Niya ililigtas ang mga gayong tao. Iniisip ng mga anticristo na ang kanilang mga kontra-hakbang, na lihim na binuo at kinalkula sa kanilang puso, ang pinakamatalino at pinakatago. Hindi nila alam na nakikita ng Diyos ang lahat ng kanilang iniisip at na kinokondena sila ng Diyos. Ito ang sinasabi ng Diyos: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Tahimik na sinasabihan ng Diyos ang mga taong ito sa Kanyang puso: Lumayo kayo sa Akin, kayong mga gumagawa ng katampalasanan. Inuusisa ninyo ang Aking mga kilos, inuusisa ninyo ang Aking mga salita. Hindi kailanman maliligtas ang mga gayong tao. Isang nakakatakot na bagay na tinatrato ng mga anticristo bilang kanilang layon na hahangarin at isang pamantayan kung nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad upang suriin ang pagiging tama ng Diyos; masamang gawa rin ito.

Tungkol naman sa kung magkakatotoo ba ang ilang aspekto ng mga salita ng Diyos, kung paano magkakatotoo ang mga ito, at kailan at saan magkakatotoo ang mga ito, may sariling mga pamamaraan ang Diyos. Dahil lamang sa biyaya ng Diyos kaya nagiging mapalad ang mga tao na marinig ang mga salitang ito mula sa Diyos. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito ay hindi para gamitin ng sangkatauhan ang mga ito upang igapos ang Diyos, suriin ang pagiging tama ng Diyos, o kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng Diyos. Sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito para ipaalam lamang sa sangkatauhan na gagawin Niya ang mga bagay na ito, pero hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinuman, “Gagawin Ko ito sa ganitong paraan, sa mga taong ito, sa oras na ito, at sa ganitong paraan.” Sa mga bagay na hindi sinabi ng Diyos sa sangkatauhan, mayroong malinaw na pahiwatig: Hindi kailangan malaman ng sangkatauhan, ni hindi sila kalipikadong makaalam. Samakatwid, kung palaging inuusisa ng mga tao ang mga usaping ito, palaging nag-iimbestiga, palaging nais gamitin ang mga usaping ito para magkaroon ng kalamangan sa Diyos, para husgahan at kondenahin Siya, kapag nagaganap ang mga penomenang ito, hindi namamalayang tumitindig ang sangkatauhan nang laban sa Diyos. Kapag tumitindig ka nang laban sa Diyos, hindi ka na itinuturing ng Diyos bilang isang tao. Ano ka na, kung gayon? Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang Satanas, isang kaaway, isang diyablo. Ito ang bahagi ng disposisyon ng Diyos na hindi maaaring labagin ng tao. Kung hindi ito nauunawaan ng mga tao at palagi nilang ginagawan ng isyu ang mga salitang iprinopesiya ng Diyos, sinusubukang magkaroon ng kalamangan laban sa Diyos, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, ito ay pagtawag ng kamatayan. Sa lahat ng oras, dapat alam ng mga tao kung sino sila at sa anong paraan, sa anong klaseng pangangatwiran, at mula sa anong perspektiba nila dapat tratuhin ang Diyos at ang lahat ng bagay tungkol sa Diyos. Kapag nawala ang pagkakakilanlan at posisyon ng mga tao bilang mga nilikha, nagbabago ang kanilang diwa. Kung ikaw ay naging isang hayop, maaaring hindi ka pansinin ng Diyos, sapagkat ikaw ay magiging isang bagay na may maliit na halaga. Ngunit kung ikaw ay naging isang diyablo at isang Satanas, manganganib ka. Ang pagiging isang diyablo at isang Satanas ay nangangahulugan ng pagiging kaaway ng Diyos, at mawawalan ka na ng pag-asa na mailigtas. Kaya, nais Kong sabihin sa lahat na naririto: Huwag usisain ang mga kilos ng Diyos, huwag tiktikan ang mga salita ng Diyos, huwag usisain ang gawain ng Diyos, at huwag usisain ang anumang may kinalaman sa Diyos. Isa kang tao, isang nilikha, kaya huwag mong suriin ang pagiging tama ng Diyos. Huwag ituring ang Diyos bilang isang pakay ng iyong pagsusuri at pagsisiyasat, ni bilang pakay ng iyong pag-uusisa. Isa kang nilikha, isang tao, kaya ang Diyos ang iyong Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos, iyon ang dapat mong tanggapin. Anuman ang sabihin ng Diyos sa iyo, iyon ang dapat mong tanggapin. Tungkol naman sa hindi sinabi sa iyo ng Diyos, ang mga bagay na iyon na may kinalaman sa mga hiwaga at mga propesiya, mga bagay na may kinalaman sa pagkakakilanlan ng Diyos, isang bagay ang tiyak: Hindi mo kailangang malaman ang mga ito. Walang pakinabang sa iyong buhay pagpasok ang pagkaalam sa mga ito. Tanggapin ang kaya mong maunawaan. Huwag hayaang maging hadlang ang mga ito sa iyong paghahangad na magbago ng disposisyon at sa iyong paghahangad ng kaligtasan. Ito ang tamang paraan. Kung tumitindig ang isang tao laban sa Diyos at patuloy na nag-uusisa tungkol sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa Diyos, at kung patuloy siyang tumatangging magbago, matigas ang ulo na kumakapit, tinatrato ang Diyos sa ganitong paraan at saloobin, kung gayon, nagiging napakaliit ng kanilang pag-asa na maligtas. Tinitiktikan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng mga kalamidad—tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa aytem na ito. At dumako na tayo sa susunod na aytem ngayon.