Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi) Ikalawang Seksiyon
2. Pag-uusisa sa mga Salita ng Pagsumpa at Pagparusa ng Diyos sa Tao
Ang pangalawang aytem ay na inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos ng pagsumpa at pagparusa sa tao. Ang pananaw at paninindigan ng mga anticristo tungkol sa pagsumpa at pagparusang binanggit sa mga salita ng Diyos ay pareho sa kanilang pananaw at paninindigan sa unang aytem. Paano nila inuusisa ang mga ganitong klase ng salita? Kapag nakikita nila kung aling uri ng mga tao ang nilalayong isumpa ng mga salita ng Diyos at kung aling uri ang nilalayong parusahan ng mga ito, kung anong mga salita ang sinabi ng Diyos para isumpa ang gayong mga tao, kung anong paraan ang ginagamit ng Diyos para parusahan ang gayong mga tao, pati na rin kung anong pamamaraan at mga salita ang ginagamit ng Diyos para isumpa ang kung aling uri ng mga tao, nagsisimula silang magmasid sa kanilang pang-araw-araw na buhay, nagmamatyag kung paano naisasakatuparan ang mga salitang ito ng Diyos, at kung naisakatuparan na ba ang mga ito. Halimbawa, may isang lider ng iglesia na lumulustay sa pondo ng sambahayan ng Diyos, wala sa katwirang nagpaparusa at sumusupil sa mga kapatid, kumikilos nang mapaniil at padalos-dalos sa iglesia, namamahala nang walang mga prinsipyo, hindi naghahanap sa mga layunin ng Diyos, at hindi nakikipagtulungan nang maayos sa iba. Isinasaad ng mga salita ng Diyos na may pagsumpa at pagparusa para sa ganitong uri ng tao. Nagmamasid ang isang anticristo: “Hindi minamahal ng diyos ang mga gayong tao, itinataboy niya ang mga ito. Pero paano niya itinataboy ang taong ito? Namumuhay nang komportable araw-araw ang naturang tao at inaapi niya ang mga kapatid nang hindi napupuna; walang magawa ang mga kapatid kundi tiisin ito. Kaya paano nagkakatotoo ang mga salitang ito ng diyos? Hindi ko nakikitang magkakatotoo ang mga ito; baka isang kasabihan lamang ang pagsumpa ng diyos sa mga gayong tao. Dapat may awtoridad ang mga salita ng diyos, at pagkatapos magsalita ng diyos, dapat may maramdamang pagkaligalig at pagkadismaya sa puso ng mga tao. Kailangan kong obserbahan at tingnan kung nakararamdam siya ng pagkaligalig sa puso niya, kailangan kong makipag-usap sa kanya at alamin ang nararamdaman niya.” Kaya, tinatanong ng anticristo ang naturang tao, “Kumusta ang mga karanasan mo kamakailan?” “Mabuti naman. Pinapatnubayan tayo ng diyos. Maayos naman ang buhay iglesia, nakapasok na sa tamang landas ang mga kapatid, mahilig silang lahat na magbasa ng mga salita ng diyos, at maayos din ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo.” “Kapag hindi maayos ang pag-usad ng gawain, hindi ka ba nababagabag? Hindi ka ba nagiging negatibo? Dinidisiplina ka ba ng diyos? Nakakaramdam ka ba ng pagkadismaya sa loob mo?” “Hindi, bakit ako makakaramdam ng anumang pagkadismaya kung napakaayos naman ang paggawa sa gawain? Sa totoo lang, pinagpapala ako ng diyos.” Iniisip ng anticristo, “Hindi pa sinumpa ng diyos ang gayong tao, kaya ang mga salitang sinabi ng diyos tungkol sa pagsumpa sa masasamang tao, pagsumpa sa mga lumalaban sa diyos, ay hindi pa naisasakatuparan! Ang lider na ito ay malinaw na may ginawang paglaban sa diyos at panggagambala sa gawain ng iglesia; dapat sumapit sa kanya ang pagsumpa ng diyos. Bakit hindi ito nangyari? Mahirap sabihin kung maisasakatuparan o hindi ang mga salita ng diyos tungkol sa pagsumpa sa mga tao, kaya patuloy akong magmamasid.” May isang parirala sa mga salita ng Diyos: “Ang paglaban ay humahantong sa kamatayan!” Sa mga mata ng anticristo, maraming tao ang lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga tao na, noong una nilang maranasan ang yugtong ito ng gawain ng Diyos at hindi nila naunawaan ang katotohanan, nagsabi sila ng ilang salita na lumalapastangan at naninira sa Diyos, tinatanggihan ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Iniisip ng anticristo, “Lumalaban ba sa diyos ang mga taong ito? Kung oo, kung gayon ayon sa mga salita ng diyos, ang paglaban ay humahantong sa kamatayan. Pero pagkatapos ng napakaraming taon, tila walang namatay sa mga taong ito; hindi nagkatotoo ang mga salita ng diyos! Kahit na hindi sila mamatay, dapat mabalian man lang ng braso o maputulan ng paa ang mga taong ito, o magdusa ng ilang kapahamakan sa kanilang tahanan, tulad ng pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, o pagkagiba ng kanilang bahay, o pagkaaksidente sa sasakyan. Wala sa mga kasawiang ito ang nangyari, kaya paano masasabi na ang paglaban ay humahantong sa kamatayan? Maaaring mahina ang kakayahan naming umunawa at hindi pa rin namin alam kung paano nagkakatotoo at naisasakatuparan ang mga salita ng diyos. Kung magkakatotoo man o hindi ang mga salita ng diyos, hindi alam ng mga tao; mahirap sabihin.” Tinitingnan ng anticristo, sa pamamagitan ng mga nakikitang katunayan at ng kanyang sariling mental na pagsusuri, at mula sa kanyang “natatanging” perspektiba, kung nagkakatotoo o hindi ang mga salitang ito ng Diyos at kung paano nagkakatotoo ang mga ito. Palagi niyang kinukuwestiyon ang usaping ito; hindi niya alam ang panghuling kalalabasan ng usaping ito, kung paano ipapaliwanag ang mga pangyayaring ito, o kung paano uunawain ang mga penomenang ito. Siyempre, madalas siyang nananalangin tungkol dito: “O diyos, pakiusap, bigyang-liwanag mo ako, hayaan mo akong maunawaan kung paano mo sinusumpa at pinarurusahan ang mga tao, at kung paano natutupad ang mga salita mo, para magkaroon ako ng pusong natatakot sa iyo, para matakot ako sa iyo at hindi ako gumawa ng mga bagay na lumalaban sa iyo.” Kapaki-pakinabang ba ang panalanging ito? Makikinig ba ang Diyos? (Hindi.) Hindi man lang ito pinapansin ng Diyos; itinuturing Niya ang mga panalanging ito katulad ng walang katuturang pag-iingay ng mga langaw at insekto. Bakit hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga gayong panalangin? Dahil ang bawat pangungusap na binibigkas ng anticristo ay puno ng pagsubok, pang-uudyok, paninirang-puri, at kalapastanganan. Para sa gayong tao, bagama’t hindi pa siya hayagang hinampas o kinondena ng Diyos, ang lahat ng kanyang ginagawa, ang kanyang mga iniisip, pananaw, at paninindigan, ay kinokondena sa mga mata ng Diyos. Pawang nakatago sa puso ang mga pagpapamalas na ito ng anticristo; ginagawa niya ang mga bagay na ito nang patago at inuusisa ang mga bagay na ito nang palihim. Siyempre, kinokondena at sinusumpa rin siya ng Diyos sa puso ng Diyos.
Tungkol sa mga salita ng Diyos ng pagsumpa at pagparusa sa tao, hindi pinaniniwalaan o nauunawaan ng mga anticristo ang mga ito; madalas silang nagsisiyasat at nagsusuri: “Paano ba mismo nagkakatotoo ang mga salitang ito? Talaga bang maaaring magkatotoo ang mga ito? Para kanino magkakatotoo ang mga ito? Talaga bang nakakatanggap ng pagsumpa at pagparusa ang mga isinusumpa at pinaparusahan ng diyos? Makikita ba ito ng mata ng tao? Hindi ba’t dapat gawing bisible ng diyos sa mata ng tao ang lahat ng ito?” Palagi nilang pinagninilayan ang mga usaping ito sa kanilang puso, itinuturing ang mga ito bilang mabibigat at mahahalagang isyu sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa tuwing may oras o pagkakataon sila, pinagninilayan nila ang mga ito. Hangga’t tama ang kapaligiran at nagaganap ang mga gayong pangyayari, o hangga’t may kinalaman ang mga gayong paksa, malinaw na nabubunyag ang kanilang paninindigan at pananaw. Sinisiyasat at sinisiraan nila ang mga salitang ito ng Diyos, sinusubukang unawain ang mga salitang ito mula sa perspektiba ng tao at sa paraan ng tao, habang sinusubok din kung maaari bang maisakatuparan ang mga salitang ito, kung nagkatotoo ba ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay at nagkaroon ng mga praktikal na epekto. Bakit nila ginagawa ito? Bakit nila pinag-iisipan at walang-sawang pinagninilayan ang mga bagay na ito sa kanilang puso? Dahil sa puso ng mga anticristo, gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos, hindi sapat ang mga ito para patunayan ang pagkakakilanlan o diwa ng Diyos. Ang tanging bagay na makakapagpatunay sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay kung nagkakatotoo at naisasakatuparan ang mga salita ng Diyos. Sa madaling salita, ang tanging pamantayan nila sa pagsubok sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay kung naisasakatuparan at nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos. Gayundin, para subukin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, naging pamantayan na rin nila kung nagkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga sumpa at pagparusa sa tao. Ito ang pinakamahalagang kaisipan at pananaw ng mga anticristo sa pagsukat sa Diyos. Sinusubok at sinusuri ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos tungkol sa pagsumpa at pagparusa sa tao gamit ang mga perspektiba at pamamaraan ng tao sa pag-unawa, at nang umaasa sa talino ng tao. Kapag, kahit anong mangyari, hindi nila makita ang mga katunayan at hindi makita ang tanawin na nais nilang makita, paulit-ulit nilang ikinakaila sa kanilang puso ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kapag mas kaunti ang nakikita nila, mas tumitindi ang kanilang pagkakaila sa Diyos, at mas nagdududa sila kung naging sulit ba ang kanilang mga ipinuhunan at iginugol. Gayumpaman, kapag nasasaksihan ng mga anticristo ang ilang masamang tao sa sambahayan ng Diyos na naninira sa Diyos o gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o ang mga lumalapastangan at lumalaban sa Diyos, na tumatanggap ng iba’t ibang antas ng pagparusa o mga pagsumpa, at kapag nakikita ng mga anticristo kung ano ang nangyayari sa mga taong ito, namamangha sila sa Diyos, bigla nilang nararamdaman, “Ang diyos ay tunay na napakalakas. Naisasakatuparan ang anumang kanyang sabihin. Maayos naman ang lagay ng taong iyon noon pero bigla siyang namatay, dahil kahapon lang ay nilalait niya ang diyos! Ang isa pang tao, na kasinglakas ng kalabaw, ay biglang nagkasakit dahil nagdulot siya ng malalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng diyos at hindi man lang niya ito kinilala, kaya’t isinumpa siya ng diyos. Ang isa pang tao, dahil sa paggawa ng ilang kamalian at masamang gawa sa iglesia, ay nagkaroon ng mga kasawian sa kanyang pamilya, at mula noon, hindi na napayapa ang tahanan niya. Ang isa pang tao, na laging nagsasalita ng kalapastanganan tungkol sa diyos, ay nabaliw na ngayon, at sinasabi niyang siya ang diyos. Ito ay pagsapi ng mga demonyo; ibinigay siya ng diyos kay Satanas, inilalagay siya sa tirahan ng maruruming demonyo. Ang pagpaparanas sa kanya ng pagsapi ng masasamang espiritu ay hindi isang bagay na maaaring idulot ng mga tao; tanging ang diyos ang may awtoridad na gawin ito. Ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat—ibinigay niya ang taong iyon sa masasamang espiritu, at sinapian ang taong ito ng masasamang espiritu, na naging sanhi ng kanyang pagkabaliw at kawalan ng kahihiyan, kaya siya tumatakbo nang hubo’t hubad sa lansangan. Tingnan mo ang nangyari sa mga taong ito, ang mga pagparusa at sumpang dinanas nila; ano ang ginawa nilang lahat?” Pagkatapos magbuod, kinabahan ang puso ng mga anticristo: “Kasama sa mga taong ito ang mga hayagang nanlalait sa diyos, ang mga hayagang lumapastangan at nanghusga sa diyos, at ang mga nanadyang magdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa sambahayan ng diyos. Mukhang walang magandang naidudulot ang paglabag sa diyos! Tunay na napakalakas ng diyos! Kung sasalungatin mo ang ibang mga tao, wala silang masyadong magagawa sa iyo, pero kung sasalungatin mo ang diyos, seryoso iyon. Dapat kang managot sa iyong pag-uugali; napakalaki ng kabayaran! Sa pinakamababa, puwede kang mabaliw, at ibibigay ka ng diyos sa maruruming demonyo, na tiyak na nangangahulugang mapupunta ka sa impiyerno; sa pinakamalala, aalisin ng diyos ang iyong pisikal na pag-iral sa buhay na ito, wawasakin ka niya, at sa darating na mundo—hindi na kailangang sabihin pa—wala kang magiging hantungan, hindi ka makakapasok sa kaharian, at hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala. Batay sa iba’t ibang paraan ng kanilang paglaban sa diyos, kailangan kong mas mag-ingat at magtakda ng ilang prinsipyo para sa aking sarili. Una, hindi ko dapat hayagang laitin ang diyos; kung kailangan, dapat na tahimik ko itong gawin sa puso ko. Pangalawa, kahit na may pagnanais at ambisyon akong maging diyos, hindi ko ito puwedeng ibunyag o ipaalam sa iba. Pangatlo, dapat kong kontrolin ang pag-uugali at mga kilos ko, hindi gagawa ng anumang bagay na makakagambala. Kung magdudulot ako ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng diyos at magagalit ang diyos, napakalubha niyon! Sa mas magaang kaso, maaaring mawala ang buhay ko; sa mas malalang kaso, masusumpa ako at mahuhulog sa walang-hanggang hukay, at iyon na ang magiging katapusan ko.” Kapag nakikita ng mga anticristo na nangyayari ang mga bagay na ito, nararamdaman nila na nagkatotoo ang mga salita ng Diyos, at na napakadakila at napakalakas ng Diyos. Napagtatanto at kinikilala nila ang kadakilaan at pagiging malakas ng Diyos sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito. Hindi ba’t lahat ng ito ay mga proseso ng pag-iisip sa puso ng mga anticristo, pati na rin ang mga prinsipyo ng pagkilos na kanilang ibinuod matapos makita ang mga bagay na ito, mga aktibidad ng kanilang mga panloob na mundo? Kilala bilang pag-uusisa ang lahat ng ginagawa nila sa Diyos sa kanilang puso.
Hindi hayagang sinasabi ng mga anticristo na, “Hindi sinusumpa ng diyos ang mga tao, hindi nagkatotoo ang mga salita ng diyos,” ni hayagang sinasabi na, “Pinarusahan ng diyos si ganito, isinumpa ng diyos si ganito. Nagkatotoo ang mga salita ng diyos, tunay na dakila ang diyos.” Sa halip, nagpapakana, nagpaplano, at nagbubulay-bulay sila tungkol sa mga usaping ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Ano ang kanilang layon sa pagbubulay-bulay? Iniisip nila kung ano ang gagawin kung magkatotoo ang mga salita ng Diyos, at kung ano ang gagawin kung hindi magkatotoo o hindi naisakatuparan ang mga salita ng Diyos. Ang pakay ng kanilang pag-uusisa ay hindi para maunawaan ang mga kilos ng Diyos, hindi para maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at lalong hindi para makamit ang katotohanan at maging isang kalipikadong nilikha—kundi, para harapin ang lahat ng usaping ito, para komprontahin ang pagsumpa at pagparusa ng Diyos, gamit ang mga pamamaraan at estratehiya ng tao. Ito ang pinaplano ng mga anticristo sa puso nila. Mapapatunayan ba ng serye ng mga kaisipan na ito tungkol sa mga salita ng Diyos na mapanlaban sila sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na patuloy nilang sinisiraan at nilalapastangan ang Diyos? (Oo.) Tiyak ito! Ito ang ginagawa ng mga anticristo. Kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, handa na ang kanilang mga kontra-hakbang; kung hindi magkatotoo ang mga salita ng Diyos, handa rin ang kanilang mga kontra-hakbang para doon—nagbabago ang kanilang mga kontra-hakbang depende sa kung magkakatotoo o hindi ang mga salita ng Diyos. Kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, maayos ang asal ng mga anticristo, maingat na gumagawa ng mga gampanin sa sambahayan ng Diyos, nananatiling tahimik, hindi arogante o walang galang, nananatiling maingat na hindi gumawa ng anumang mali. Kung hindi magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, hayagan silang kikilos nang pabasta-basta. Ano’t anuman, nakikita man ng kanilang mga mata na nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos o hindi, hindi kailanman tunay na itinuturing ng kanilang puso ang Diyos bilang Diyos, hindi kailanman lubusang maibibigay ang kanilang puso sa Diyos. Hindi isinasakatuparan nang may puso ang kanilang mga tungkulin at kilos kundi ginagawa gamit ang mga pakana, panlalansi, at pagkukunwari, nang may panlilinlang, pagtatago, at pagkukubli. Hindi kailanman hayagang ibinabahagi sa iba o sa Diyos ang kanilang pinag-iisipan, pinagbubulayan, at pinagdududahan sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa halip, matigas nilang itinuturing ang sarili nilang mga kaisipan at ideya bilang ang katotohanan, bilang ang tama at mabuting direksiyon at layon na isasakatuparan at isasagawa. Sa mga mata ng mga anticristo, napakahalaga kung magkakatotoo man o hindi ang mga salita ng Diyos ng pagsumpa at pagparusa sa tao, sapagkat ito ang nagtatakda kung paano sila kikilos at aasal sa pang-araw-araw na buhay, kung paano nila tatratuhin ang gawain, at kung paano nila tatratuhin ang mga kapatid; ito rin ang nagtatakda kung anong mga pag-uugali lang ang ibubunyag nila, pati na rin kung anong mga kilos at pagpapamalas ang mayroon sila. Kapag nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos, umaasal nang maayos at taos-puso ang mga anticristo, pinipigilan ang kanilang mga aktibidad, sinusubukang huwag gumawa ng anumang bagay na nagdudulot ng mga kaguluhan o pagkagambala at sinusubukang huwag magsalita ng mga salitang nakakagambala o nakakagulo, na naninira sa mga salita ng Diyos, o na naninira sa Kanyang gawain. Kung hindi nagkakatotoo ang mga salitang ito ng Diyos, pakiramdam nila ay malaya silang humusga at kumondena sa gawain ng Diyos nang walang pag-aalinlangan. Sa ganitong paraan, patuloy na kumokontra at tumututol ang mga anticristo sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso—posible bang hindi sila mabunyag at matiwalag? Tunay na kaaway ng Diyos ang ganitong saloobin, disposisyon, at diwa nila. Bagama’t hindi magagawa ng mga anticristo ang anumang gusto nila, hinding-hindi nila tinatago ang kanilang iniisip, ang kanilang pinaplano, ang kanilang pinagbubulayan, o ang kanilang mga pananaw sa kaibuturan ng kanilang puso, dahil hindi sila natatakot sa Diyos. Ano ang dahilan kung bakit hindi sila natatakot sa Diyos? Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, ni naniniwala na pinagmamasdan ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng tao. Samakatwid, sa lohika ng mga anticristo, ang itinuturing nilang pinakamatalinong estratehiya para sa pananatiling buhay ay ito: “Ang ginagawa at kinikilos ko, ang nakikita ng iba, ay puwedeng maging pamantayan sa pagsukat kung anong klase ng tao ako. Pero kung ano ang iniisip ko sa puso ko, kung ano ang aking plano at layunin, kung ano ang aking panloob na mundo, kung sinisiraan at nilalapastangan ko ang diyos, hinuhusgahan ang diyos, o nananampalataya at nagpupuri ako sa diyos—kung hindi ko ito sasabihin, wala sa inyo ang makakaalam. Galingan ninyo sa pagkondena sa akin! Kung hindi ako magsasalita, wala sa inyo ang makakaasang makaalam kung ano ang iniisip o pinaplano ko sa puso ko, o kung ano ang aking saloobin at pananaw sa diyos, at walang makakapag-akusa sa akin ng anumang kasalanan.” Ito ang plano ng mga anticristo. Naniniwala silang ito ang pinakamataas na prinsipyo ng pag-asal sa pamumuhay at paggawa ng mga bagay kasama ang mga tao. Hangga’t hindi mali ang pag-uugali nila at walang pagkakamali sa kanilang mga kilos, walang sinuman ang maaaring makialam sa iniisip nila sa kanilang puso. Hindi ba’t napakamautak ng mga anticristo? (Hindi.) Paanong hindi sila mautak? Napakagaling nilang magbalatkayo. Kapag nagdarasal sila, ginagawa nila ito sa mga kanto ng kalsada, at pawang tama ang mga salitang sinasabi nila sa harap ng iba, na hindi mahanapan ng mali. Habang tumatagal ang kanilang pananampalataya, lalo silang nagiging espirituwal. Ang tunay nilang iniisip sa kanilang puso, sinasabi lamang nila sa kanilang pamilya sa likod ng mga nakasarang pinto, at ang ilan ay hindi nagsasabi kahit sa kanilang pamilya, kaya walang makakilatis sa kanila. Ngunit may nakakalimutan silang isang bagay: Ano ba ang silbi kung nakikilatis man sila ng mga tao o hindi? Hindi ito mahalaga; walang tao ang makapagpapasya sa kapalaran ng ibang tao. Hindi mahalaga kung makilatis man sila ng mga tao o hindi; wala itong kaugnayan at wala itong itinatakda. Ang mahalaga ay hindi lamang tinitingnan ng Diyos ang panlabas na pag-uugali ng mga tao, kundi pinagmamasdan din Niya ang kaibuturan ng kanilang puso. Dahil mismo hindi pinaniniwalaan at hindi alam ng mga anticristo na nakikita ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng tao, hangal at katawa-tawa nilang iniisip na, “Walang puwedeng makialam sa aking saloobin sa puso ko, hindi ang mga tao o ang diyos.” Kayang pagmasdan ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng tao, kaya may kaugnayan ang iyong mga iniisip sa depinisyon ng Diyos sa iyo. Hindi lamang kinokondena ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang panlabas na pag-uugali, kundi ang mas mahalaga, batay sa kanilang mga panloob na kaisipan. Dito nagiging hangal ang mga anticristo; habang inuusisa nila ang mga salita ng Diyos, nalilimutan nila ang isang mahalagang bagay: lihim ding nagmamasid ang Diyos sa kanilang mga iniisip. Inuusisa nila kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos, at ang nagiging kongklusyon nila ay na dapat nilang itatwa ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang pag-iral. Habang lihim na nagmamasid sa kanila, nakikita ng Diyos ang saloobing pinanghahawakan nila tungkol sa Diyos at sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso; nakikita Niya ang lahat ng ebidensiya ng kanilang paninirang-puri at paglapastangan sa Diyos, pagtatwa at pagkondena sa Diyos, at namamasdan din Niya ang panlabas na pag-uugali na dulot ng lahat ng kaisipan at pananaw na ito. Batay sa kanilang mga kaisipan at pag-uugali, paano tinutukoy ng Diyos ang gayong tao sa huli? Isang anticristo, isang kaaway ng Diyos, na hindi kailanman maliligtas. Ito ang resulta. Matatalino ba ang mga anticristo? Malayo sila sa pagiging matalino; ipinahamak nila ang kanilang sarili. Naniniwala sila na napakahusay nilang mag-isip, na napakalohikal ng kanilang pag-iisip, at na napakahusay nila sa pagpapakana. Pagkatapos magpakana, mayroon silang mga kontra-hakbang at pamamaraan para sa iba’t ibang hindi inaasahang pangyayari at para sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, na palaging humahantong sa mga pinakamainam na resulta at pakinabang. Madalas silang nasisiyahan at humahanga sa kanilang sarili, pinasasalamatan ang kanilang sariling mga abilidad at kasanayan. Naniniwala sila na sila ang pinakamatalinong tao sa mundo: Nauunawaan nila kung ano ang pinagmulan ng mga salita ng Diyos, kung kanino nakatuon ang mga ito, ang konteksto sa likod ng mga salita ng Diyos, kung anong saloobin ang dapat nilang panghawakan pagkatapos magkatotoo ng mga salita ng Diyos, at kung anong mga kontra-hakbang ang dapat nilang gamitin kung hindi magkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Madalas nilang purihin ang kanilang sarili sa pagiging napakatalino at perpekto, sa pagiging mas matalino kaysa sa karaniwang tao. Bakit nila pinupuri ang kanilang sarili? Pakiramdam nila, ang pagsisiyasat, pagsusuri, at pakikipagtagisan sa Diyos at pag-uusisa sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso ay sobrang kapanapanabik at nagbibigay sa kanila ng malaking pakiramdam ng tagumpay. Samakatwid, talagang hinahangaan nila ang kanilang sarili at pinupuri ang kanilang sarili sa pagiging gayong uri ng mga tao. Hindi ba’t hangal ang mga anticristo? Maaari mo ngang malaman sa pamamagitan ng pakikipagtagisan sa ibang tao kung sino sa inyo ang mas nakahihigit, at maaari mo pa ngang maramdaman ang sarili mong kalamangan at pag-iral. Ngunit kapag nakikipagtagisan ka sa Diyos, nag-uusisa sa mga salita ng Diyos, sa mga kilos ng Diyos, sa lahat ng ginagawa ng Diyos, ano ang tawag doon? At ano ang mga kahihinatnan nito? Ito ay pagtawag ng kamatayan! Maaari kang mag-usisa sa mga artista, mang-aawit, sikat na tao, mga dakilang tao—sa kahit sino, ngunit ang tiyak na hindi mo dapat usisain ay ang Diyos. Kung gagawin mo ito, mali ang pinipili mong pakay para sa iyong pag-uusisa. Sa mundo ngayon ng makabagong impormasyon at iba’t ibang kasangkapan na nagpapadali sa daloy ng impormasyon, ang pag-uusisa sa kinaroroonan ng ibang tao, sa kanilang mga kaisipan at pananaw, at kanilang pang-araw-araw na buhay ay maaaring hindi maituturing na kahiya-hiya. Gayumpaman, para sa isang taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos, na nagtataguyod sa mga salita ng Diyos at kumakain at umiinom ng mga ito araw-araw, ang palaging pag-usisa sa lahat ng kilos ng Diyos, lahat ng salita ng Diyos, at lahat ng gawain ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, ito ay isang mapangahas na pagsuway! May mga tiwaling disposisyon ang mga tao; kapag ibinunyag mo ang iyong katiwalian sa harap ng Diyos, maaari kang tustusan ng Diyos ng katotohanan para makaunawa at makaalam ka, binibigyan ka ng panahon para magkamit ng pagbabago. Maaaring patawarin at hindi tatandaan ng Diyos ang katiwalian, mga pagsalangsang, at mga kasalanan ng mga tao. Ang tanging hindi kayang patawarin o tiisin ng Diyos ay na walang pusong nagpapasakop ang mga anticristo, na palagi nilang sinisiyasat ang Diyos, gayundin ang palagian, patuloy nilang pag-uusisa sa gawain ng Diyos at sa mga salita ng Diyos sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sinusubukan mong gawin? Gusto mong subukin ang pagiging tama ng Diyos? Sino sa tingin mo ang binabantayan mo? Gusto mong suriin ang pinagmulan at motibo kung bakit ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito? Sino ka ba sa akala mo? Sa kabila ng lahat ng ito ay hindi mo pa rin itinuturing ang sarili mo bilang isang tagalabas? Maaari bang maging pakay ang Diyos ng iyong pag-uusisa? Maaari bang maging pakay ang Diyos ng iyong pagsisiyasat? Ang pagtanggap mo sa pagsisiyasat ng Diyos, pagtanggap sa gabay ng Diyos, pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, pagtanggap na mapungusan Niya, at lahat ng gayong positibong pagsasagawa na may kinalaman sa pagbabago ng disposisyon—marapat ang mga ito. Kahit minsan mali ang pagkakaunawa mo sa Diyos, kapag mahina at negatibo ka at nagrereklamo tungkol sa Diyos, hindi ito minamasama ng Diyos, ni hindi ka Niya kinokondena. Ngunit may isang bagay: Palagi mong inuusisa ang Diyos, palagi mong sinusubukang kilatisin ang kawastuhan ng mga salita ng Diyos at ng gawain ng Diyos—isang bagay ito na hinding-hindi patatawarin o kukunsintihin ng Diyos; ito ang disposisyon ng Diyos. Ang tunay na mga tiwaling tao ay hindi mga hayop; hindi nila kinokontra ang Diyos nang ganito, ni wala silang mga gayong pananaw at saloobin, hindi rin nila tinatrato ang Diyos sa ganitong paraan. May isang bagay lamang, isang papel, na maaaring mapangahas at hayagang tumindig laban sa Diyos, at si Satanas iyon. Hindi tinatandaan ng Diyos ang mga pagsalangsang at katiwalian ng mga tao, ngunit hindi kailanman mapapatawad ng Diyos ang pagkontra, pagkompronta, paglapastangan, at paninirang-puri ni Satanas sa Diyos. Inililigtas lamang ng Diyos ang mga tiwaling tao, hindi si Satanas. Ang mga anticristo, na hindi nagbabago ang kalikasan at nagtataglay ng diwa ng mga anticristo, ay maaaring kumatawan kay Satanas, tumitindig laban sa Diyos sa ngalan ni Satanas, inuusisa ang mga salita ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Isang saloobin ng pagsumpa at pagkondena. Hindi mapigilan ng mga anticristo ang pagkilos nang ganito, at tinatawag nila ang kamatayan.