Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaapat na Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Ang ilang tao ay palaging ipinapahayag ang kanilang pananalig sa Diyos, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, hinahanap nila ang opinyon ng bawat kapatid pero hindi kailanman hinahanap ang opinyon ni Cristo. Hindi nila inaalam kung ano ang sinasabi ni Cristo, kung ano ang Kanyang kongklusyon, kung bakit Niya nais gawin ang bagay na ito, o kung paano dapat magpasakop ang mga tao. Hinanap nila ang opinyon ng bawat kapatid at nagawa nilang respetuhin ang lahat ng opinyon at kaisipan ng mga ito, ngunit hindi nila tinatanggap ang kahit isang pangungusap na sinasabi ni Cristo, na nagpapakita ng kawalan ng layunin na magpasakop. Ano ang kalikasan nito? Hindi ba’t sila ay mga anticristo? (Oo.) Ano ang nangyayari sa sitwasyong ito? Bakit hindi nila ito ipinatutupad? Bakit napakahirap para sa kanila na ipatupad ito? May dahilan ito. Iniisip nila, “Si cristo ay may katotohanan at diwa ng diyos, ngunit iyon ay pawang opisyal na salita lamang, mga doktrina at islogan lamang. Pagdating sa tunay na mga bagay, hindi mo talaga makikilatis ang sinuman. Ang iyong mga salita ay sinasalita lamang para marinig namin, maiimprenta sa mga aklat, at wala talagang kinalaman sa iyong aktuwal na mga kakayahan. Kaya, kung tinutukoy mo ang isang tao na isang masamang tao o anticristo, maaaring hindi ito tumpak. Bakit hindi ko napansin na siya ay masama o isang anticristo? Bakit hindi ko naiintindihan ang bagay na ito?” Hindi ba’t ganito sila mag-isip? Naniniwala sila, “Dalawang beses mo pa lang nakakatagpo ang taong ito, nakita mo pa lang siyang magsalita ng ilang salita at gumawa ng isang bagay, at tinutukoy mo na siya bilang masama. Hindi naman ganoon ang iniisip ng mga kapatid; kaya bakit ganoon ang naiisip mo? Bakit dapat maging sobrang mabigat ng iyong mga salita? Hindi pa ako nakakakita ng anumang masamang gawa mula sa taong ito, ni hindi ko alam kung ano ang masasamang bagay na nagawa niya, kaya hindi ko masasabi ang ‘Amen’ sa iyong sinasabi. Mayroon akong mga kuru-kuro at pag-aalinlangan sa ginagawa mo. Ngunit, kahit may mga kuru-kuro ako, hindi ko maaaring ipahayag ang mga ito nang tahasan, kaya kailangan kong gumamit ng mga hindi direktang paraan: Hahayaan ko ang mga kapatid na magdesisyon sa bagay na ito sa pamamagitan ng pagboto. Kung hindi sumasang-ayon ang mga kapatid, wala nang magagawa pa—maaari mo ba talagang pungusan silang lahat? Bukod dito, ilang beses mo pa lang nakasalamuha ang taong ito at pagkatapos ay tinukoy mo na siya bilang masama. Bakit hindi mo siya bigyan ng kaunting pagkakataon? Tingnan mo kung gaano kamapagparaya at kamapagmahal ang mga kapatid. Hindi puwedeng ako ang maging masama; kailangan ko ring maging mapagmahal at bigyan ng pagkakataon ang mga tao—hindi tulad mo, na mabilis manghusga ng mga tao. Ang pag-aalis sa isang tao ay hindi simpleng bagay—paano kung ang tao ay manghina pagkatapos niyon? Kapag nahaharap sa mga isyu, dapat protektahan ni cristo ang mga kapatid. Dapat niyang pagpasensyahan ang anumang kahangalan, paghihimagsik, o kamangmangan ng mga kapatid at hindi maging mapagdesisyon at walang pagmamahal. Hindi ba’t ang diyos ay dapat na labis na mahabagin? Saan na napunta ang habag na iyon? Ang pagtukoy sa sinumang hindi mo gusto bilang masama at naising palayasin sila, hindi iyon sumusunod sa mga patakaran!” Ang mga ito ay mga kuru-kuro, hindi ba? (Oo.) Kapag si Cristo ay gumagawa ng isang bagay o nagpapasya, kung hindi sila sumasang-ayon dito, nagiging mahirap itong ipatupad. Sila ay nagdadalawang-isip, gumagamit ng iba’t ibang dahilan at paraan upang sumalungat; sadyang ayaw nilang ipatupad ito o sumunod. Ang kanilang layunin ay: “Kung hindi ko ito ipapatupad, hindi maisasakatuparan ang iyong gawain!” Sasabihin Ko sa iyo, kung hindi mo ito ipapatupad, hahanap Ako ng ibang taong makakagawa nito bilang lider, at maaari ka nang bumalik sa pinanggalingan mo! Hindi ba’t dapat ganito pangasiwaan ang bagay na ito? (Oo.) Pinalayas Ko siya nang ganoon-ganoon lang, direkta at epektibo—hindi na kailangan pang sumangguni kaninuman.

Ang ilang tao ay hindi kailanman nauunawaan ang katotohanan at palaging may mga pagdududa sa mga salita ng Diyos. Sinasabi nila, “Kapag ang katotohanan ang nasa kapangyarihan, pareho ba ito kapag si cristo ang nasa kapangyarihan? Hindi naman palaging tama ang mga salita ni cristo, dahil siya ay may aspekto ng pagiging tao.” Hindi nila matanggap na si Cristo ang nasa kapangyarihan. Kung ang Espiritu ng Diyos ang nasa kapangyarihan, wala silang magiging mga kuru-kuro. Ano ang problema rito? Ang mga gayong tao ay walang kahit kaunting pagdududa tungkol sa Diyos na nasa langit ngunit palagi silang nagdududa tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Si Cristo ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan, ngunit Siya ay hindi nila kinikilala bilang Diyos na nagkatawang-tao. Kaya magagawa ba nilang kilalanin na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Mahirap masabi iyan. Kahit na sumunod ang mga gayong tao kay Cristo, kaya ba nilang magpatotoo para sa Kanya? Kaayon ba sila ni Cristo? Walang tiyak na sagot sa mga tanong na ito. Hindi rin sigurado kung ang mga gayong tao ay makakasunod hanggang sa dulo ng daan. May ilang tao na lubos na kinikilala sa kanilang puso na sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang nasa kapangyarihan. Ngunit paano nila nauunawaan ang katotohanang nasa kapangyarihan? Iniisip nila na anuman ang gawaing ginagawa, basta’t may kinalaman ito sa sambahayan ng Diyos, lahat ay dapat mag-usap at magdesisyon nang magkakasama. Basta’t may napagkasunduan, kahit ano pa ang kalalabasan, ito ay dapat na ipatupad. Iyan, sa kanilang paniniwala, ang ibig sabihin ng nasa kapangyarihan ang katotohanan. Tama ba ang pananaw na ito? Ito ay isang mabigat na maling pagkaunawa; ito ang pinakakakatwa at katawa-tawang pahayag. Saan nagmumula ang katotohanan? Ito ay ipinapahayag ni Cristo. Si Cristo lamang ang katotohanan, samantalang ang tiwaling sangkatauhan ay walang kahit na anong katotohanan, kaya paano makakalikha ng katotohanan ang mga tao sa pamamagitan ng deliberasyon? Kung makakalikha ng katotohanan ang mga tao sa pamamagitan ng deliberasyon, mangangahulugan ito na ang tiwaling sangkatauhan ay nagtataglay ng katotohanan. Hindi ba’t iyon ang pinakakakatwang bagay? Samakatwid, ang katotohanan ang nasa kapangyarihan ay nangangahulugan na si Cristo ang nasa kapangyarihan, ibig sabihin ang mga salita ng Diyos ang nasa kapangyarihan, hindi na ang lahat ay may kapangyarihan o may boses. Ang pagtitipon upang pagbahaginan ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos ay tama; ito ang buhay iglesia. Ngunit ano ang epekto ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Ito ay upang hayaan ang lahat na maunawaan ang katotohanan at malaman ang mga salita ng Diyos, upang lahat ay makapagpasakop sa mga salita ng Diyos at gumawa ayon sa mga ito. Ang mga tao ay nagtitipon upang pagbahaginan ang katotohanan dahil hindi nila ito nauunawaan. Kung naunawaan nila ang katotohanan, maaari silang direktang magpasakop kay Cristo at sa mga salita ng Diyos; iyon ang magiging tunay na pagpapasakop. Kung isang araw ay nauunawaan ng lahat ng hinirang na tao ng Diyos ang katotohanan, lahat ay maaaring direktang magpasakop, magdakila, at magpatotoo kay Cristo, ito ay magpapakita na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagawa nang ganap. Higit pa rito, maipapatotoo nito na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan, ni Cristo. Tanging ang gayong mga katotohanan at patotoo ang magpapatunay na ang Diyos ay naghahari bilang hari sa lupa, at ang kaharian ni Cristo ay nagpakita na. Ngunit paano nauunawaan ng ilang anticristo at huwad na lider ang katotohanan ang nasa kapangyarihan? Sa kanilang pagpapatupad, ang katotohanan ang nasa kapangyarihan ay nangangahulugan na ang mga kapatid ang nasa kapangyarihan. Kahit ano pang gawain ang kanilang ginagawa, kung kaya nilang lubos na maarok ito, ginagawa nila ito ayon sa kanilang sariling kagustuhan; kung hindi nila kaya, nakikipagbahaginan sila kasama ang ilang tao at hinahayaan ang grupo na magdesisyon. Maaari ba nitong patunayan na naisasagawa ang katotohanan? Ang desisyon ba ng grupo ay awtomatikong umaayon sa mga layunin ng Diyos? Maaari bang magdulot ng pagiging nasa kapangyarihan ng katotohanan ang gayong pagsasagawa? Kaya ba nitong maipatotoo na si Cristo ang nasa kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos? Itinuturing nila ang pagtulot sa mga kapatid na magpahayag ng mga opinyon, magtalakay ng kanilang mga pananaw, at sa huli ay may mapagkasunduan at gumawa ng mga desisyon bilang pagiging nasa kapangyarihan ng katotohanan, ipinapahiwatig na ang mga kapatid ang mga tagapagsalita para sa katotohanan, na sila ay katumbas ng katotohanan mismo. Tama ba ang ganitong pagkaunawa? Malinaw na hindi, ngunit ang ilang anticristo at huwad na mga lider ay talagang kumikilos nang ganito at ipinatutupad ito nang gayon. Iniisip nila na sa paggawa nito, isinasagawa nila ang demokrasya, na gumagawa sila ng demokratikong desisyon at na dapat itong gawin sa ganitong paraan, umaayon man ito sa katotohanan o hindi. Ano ang diwa ng pagkilos nang ganito? Ang mga bagay bang napagdesisyunan na nang demokratiko ay awtomatikong umaayon sa katotohanan? Awtomatiko bang kumakatawan ang mga ito sa Diyos? Kung ang demokrasya ay ang katotohanan, hindi na kailangan pang ipahayag ng Diyos ang katotohanan; hindi ba’t sapat nang hayaan na lang ang demokrasya na maghari? Kahit gaano pa isagawa ng tiwaling sangkatauhan ang demokrasya, hindi nito kayang lumikha ng katotohanan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng demokrasya. Ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos, mula sa mga pahayag ni Cristo. Kahit gaano pa katugma ang isang pamamaraan ng tao sa mga ideya o panlasa ng tao, hindi ito maaaring kumatawan sa katotohanan. Ito ay isang katunayan. Ang diwa ng mga pamamaraan ng mga huwad na lider at ng mga anticristo, sa likod ng pagkukunwaring ang katotohanan ang nasa kapangyarihan, ay ang ganap na isantabi si Cristo, palitan si Cristo ng demokrasya, at palitan ang pamumuno ni Cristo ng paraan ng pangkalahatang pagbabahaginan at demokratikong pamumuno. Madali bang makilatis ang kalikasan at mga kahihinatnan nito? Ang mga taong mahusay kumilatis ay dapat na makita ang mga ito. Ang mga huwad na lider at mga anticristo ay hindi iyong mga nagpapasakop kay Cristo kundi iyong mga tumatanggi at sumusuway sa Kanya. Kahit ano pa ang ibahagi ni Cristo sa iglesia, kahit na nakikinig at nakakaunawa sila, tinatrato ito ng mga tao na parang hangin lamang na dumaraan sa kanilang mga tainga at ayaw nilang ipatupad. Sa halip, binibigyang pansin nila ang sinasabi ng mga huwad na lider at ng mga anticristo; sa huli, ang mga salita nila ang mahalaga. Kung makapagsasagawa ba ang mga tao ayon sa mga salita ni Cristo ay depende sa mga desisyon ng mga huwad na lider at ng mga anticristo, at karamihan ng mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang mga anticristo ay mahigpit na binabantayan ang gawain ng iglesia, pinahihintulutan lamang ang kanilang mga sarili na gumawa ng mga desisyon at hindi hinahayaan ang Diyos na magkaroon ng boses o kapangyarihan. Iniisip nila, “Narito lang si cristo upang suriin ang gawain. Maaari mong sabihin ang iyong nais at isaayos ang gawain, ngunit kung paano ito ipapatupad ay nasa sa amin na. Huwag kang makialam sa aming gawain.” Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga anticristo? Palaging sinasabi ng mga anticristo, “lahat ng mga kapatid ay nagbahaginan” o “lahat ng mga kapatid ay may napagkasunduan na”—ang mga nagsasabi ba ng mga gayong bagay ay tunay na nakakaunawa sa katotohanan? Sino ang mga kapatid? Hindi ba’t sila ay isang grupo lamang ng mga taong lubos na ginawang tiwali ni Satanas? Gaano karaming katotohanan ang kanilang nauunawaan, gaano karaming katotohanang realidad ang kanilang taglay? Maaari ba nilang katawanin si Cristo? Sila ba ang representasyon ng katotohanan? Maaari ba silang maging mga tagapagsalita para sa katotohanan? Mayroon ba silang anumang kaugnayan sa katotohanan? (Wala.) Dahil wala naman silang kaugnayan, bakit palaging itinuturing ng mga nagsasabi ng mga gayong bagay na pinakamataas ang mga kapatid? Bakit hindi nila dinadakila at pinapatotohanan ang Diyos? Bakit hindi sila nagsasalita at kumikilos ayon sa katotohanan? Hindi ba’t ang mga nagsasalita sa gayong paraan ay mga kakatwang tao? Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, hindi nila nauunawaan ang anumang katotohanan at hindi nila makita kung ano ang mga tunay na kapatid. Hindi ba’t bulag sila? Ngayon, ang lahat ay naklasipika na ayon sa kanilang uri; marami nang nagbunyag ng kanilang tunay na karakter, silang lahat ay kauri ni Satanas—sila ay walang iba kundi mga hayop. Hindi ba ninyo ito nakikita nang malinaw? Wala kayong taglay na katotohanan! Ang ilang tao ay ayaw makinig sa Akin kapag hinihimay Ko ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Huwag Mo nang palaging banggitin ang mga gayong munting bagay tulad ng mga anticristo; nakakahiya iyan. Bakit palagi Mong hinihimay ang mga anticristo?” Ayos lang bang hindi sila himayin? Dapat silang himayin sa ganitong paraan upang turuan ang mga tao na kumilatis. Kung hindi, kapag lumitaw ang mga anticristo, maglalabas sila ng maraming maling paniniwala at panlilinlang, ililihis nila ang maraming tao, at kokontrolin pa nga nila ang iglesia at magtatatag ng kanilang sariling nagsasariling kaharian. Nakikita ba ninyo nang malinaw kung gaano kalala ang mga kahihinatnan ng bagay na ito? Kanina lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng ang katotohanan ang nasa kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nakita ng mga tao ang mga kakatwang pamamaraan at ang mga katawa-tawang pananaw ng mga anticristo. Ang mga anticristo ay palaging gustong sila ang nasa kapangyarihan at ayaw nilang si Cristo ang nasa kapangyarihan, kaya pinalitan nila ang pamumuno ng katotohanan ng demokratikong anyo, ipinapalaganap nila na pagiging nasa kapangyarihan ng katotohanan ang pagtatalakayan ng lahat tungkol sa mga usapin. Hindi ba’t may panlalansi ni Satanas dito? Ang katotohanan ba ay isang bagay na maaaring matamo ng lahat sa pamamagitan ng deliberasyon? Ang katotohanan ay ipinapahayag ng Diyos at nagmumula sa Diyos. Bakit hindi ninyo direktang maisagawa ang mga salita ng Diyos, bakit hindi kayo direktang magpasakop sa Diyos, at direktang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Bakit ang mga utos ni Cristo ay kailangang pagdesisyunan sa pamamagitan ng deliberasyon ng lahat? Hindi ba’t ito ay pagpapakana ni Satanas? Ang mga anticristo ay madalas magpakawala ng mga teorya upang ilihis ang mga tao, at kahit ano pang gawain ang kanilang ipatupad, sila ang may huling salita, ganap na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Kung titingnan ito mula sa mga pagpapamalas ng mga anticristo, ano ba mismo ang kanilang disposisyon? Sila ba ay mga taong nagmamahal sa mga positibong bagay at nagmamahal sa katotohanan? Mayroon ba silang tunay na pagpapasakop sa Diyos? (Wala.) Ang kanilang diwa ay ang pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan. Bukod pa rito, sila ay napakayabang na wala na silang anumang pagkamakatwiran, wala sa kanila kahit ang pangunahing konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Ang mga gayong tao ay hindi karapat-dapat tawaging tao. Sila ay matatawag lamang na kauri ni Satanas; sila ay mga diyablo. Ang sinumang hindi tumatanggap sa katotohanan kahit kaunti ay isang diyablo—walang kaduda-duda rito.

Mayroon ding ilang tao na mayroong hindi mapagpakumbaba pero hindi rin naman mayabang na saloobin sa mga salita ni Cristo. Hindi sila nagpapahayag ng ganap na pagtanggap at hindi rin naman sila sumasalungat. Kapag si Cristo ay nagsasalita, nagbabahagi ng katotohanan, nangingilatis ng isang indibidwal, o nag-aatas ng isang gawain, mukhang nakikinig sila at nagsusulat, nagpapakita ng pagiging seryoso at ng pakikipagtulungan. Maingat silang nagtatala tungkol sa lahat ng bagay, nagsusulat ng iba’t ibang bagay, na para bang napakainteresado nila sa katotohanan at lubos na pinahahalagahan ang mga sinasabi ni Cristo, na para bang talagang minamahal nila ang katotohanan at hindi natitinag ang katapatan nila kay Cristo. Ngunit makikita ba mula sa gayong mabababaw na pangyayari ang saloobin ng mga taong ito sa katotohanan, ang kanilang disposisyon, at ang kanilang diwa? Hindi. Ang mga gayong tao ay mukhang nagsusulat ng mga tala at nakikinig, ngunit sa puso nila ay ano ba talaga ang iniisip nila? Kapag tinitingnan nila ang kanilang mga tala, iniisip nila, “Ano ba ang lahat ng ito? Wala man lang ni isang kapaki-pakinabang na linya, walang tila mataas o naaayon sa katotohanan, ni wala ring tila lohikal para sa akin. Mas mabuti pang punitin ko na lang ito!” Hindi ba’t isa itong uri ng saloobin? Nakakita na Ako ng maraming tao na tumatango at nagpapakita ng iba’t ibang ekspresyon sa mukha habang nakikinig sa mga sermon, at nagsusulat din ng mga tala, ngunit pagkatapos, hindi talaga nila ito sineseryoso. Hindi nila natatandaan kung ano ang dapat nilang ipatupad, ni isinasapuso o isinasagawa ito. Tungkol naman sa pagsasagawa sa dapat nilang isagawa, mas malamang na hindi iyon mangyayari. Ang kanilang dapat ipatupad ay may kinalaman sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa kanilang tungkulin, at ang dapat nilang pasukin ay may kaugnayan sa kanilang personal na pagpasok. Hindi nila ipinatutupad ang dapat nilang ipatupad, at lalo nang hindi nila sineseryoso ang kanilang personal na pagpasok. Sinasabi nila, “Sinasabi na ang bawat pangungusap na binibigkas at ipinapahayag ni cristo ay ang katotohanan, ang dapat pasukin ng mga tao, na ito ay pawang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay—ngunit wala akong makitang anumang katotohanan o daan sa aking isinusulat sa bawat pagkakataon, at hindi ko rin nararamdaman na ito ay buhay. Kaya paano matutupad ang pahayag na si cristo ay may diwa ng diyos? Paano ito maisasakatuparan? Paano ito tutugma sa nakikita ko? Hindi ito madaling maitutugma.” Sinasabi ng ilang tao, “Kung ganito ang kanilang saloobin pagkatapos makinig, bakit pa sila nagsusulat ng mga tala? Mukha naman silang may maayos, seryoso, at responsableng saloobin; ano ang nangyayari?” Isa lang ang dahilan. Kung ang taong hindi nagmamahal sa katotohanan at labis na tutol dito ay nagagawang magmukhang lubos na masigasig at tutok kapag nagsasalita si Cristo, ang tanging layunin nito ay walang iba kundi ang iraos lang ang mga bagay-bagay, hindi ang tunay na pagtanggap. Sa tuwing sila ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikipag-ugnayan kay Cristo at nakikipag-usap sa Kanya, ang nakikita nila ay hindi ang diumano’y pagiging mataas, di-maarok, o kamangha-mangha ng Diyos kundi ang Kanyang pagiging praktikal, normal, at hindi mahalaga. Samakatwid, mula sa kanilang sariling pananaw at posisyon, imposibleng maiugnay nila ang mga salita ng karaniwang taong ito sa katotohanan, daan, o buhay. Paano man nila tingnan ang taong ito, tao lamang ang kanilang nakikita; hindi nila Siya kayang ituring na Diyos o Cristo. Kaya, imposibleng ituring nila ang mga napakakaraniwang salitang ito bilang ang katotohanan na dapat sundin, isagawa, at gamitin bilang gabay sa pamumuhay, isang mithiin para sa pag-iral, at iba pa—nababagabag sila rito. Sinasabi nila, “Bakit hindi ko makita ang anumang katotohanan sa mga karaniwang salitang ito? Paano ninyo ito nakikita? Hindi ba’t mga karaniwang salita lamang ang mga ito? Ang mga ito ay wika ng tao, teksto ng tao, gramatika ng tao, gumagamit pa nga ng ilang parirala at bokabularyo ng tao, at hinihimay ang ilang kasabihan at aspekto ng kultura ng tao. Paanong tinataglay ng mga salitang ito ang katotohanan? Bakit hindi ko ito makita? Dahil sinasabi ninyong lahat na ito ang katotohanan, susundan ko na lang kayo at gagayahin ko kayong lahat; magsusulat ako ng mga tala dahil iyon ang ginagawa ng lahat, bagama’t itinuturing ninyo siya bilang ang katotohanan, hinding-hindi ko siya itinuturing na ganoon. Ang ‘katotohanan’ ay isang napakabanal na salita, dapat ito ay isang napakataas na bagay! Pagdating sa katotohanan, ito ay may kinalaman sa diyos, at kapag may kinalaman ito sa diyos, hindi ito maaaring maging masyadong ordinaryo, masyadong walang halaga, masyadong karaniwan. Kaya, paano man ako magsiyasat at magsuri, hindi ako makakita ng anumang tanda ng diyos sa kanya. Kung walang tanda ng diyos sa kanya, paano niya tayo maililigtas? Imposible iyon. Kung ang kanyang mga salita ay hindi makakapagligtas sa atin o makakapagbigay ng pakinabang sa atin, bakit natin siya susundan? Bakit natin ipatutupad ang kanyang mga salita? Bakit tayo mamumuhay ayon sa kanyang mga salita?” Ngayon, ipinakita na nila ang kanilang tunay na kulay bilang mga anticristo, hindi ba? Mula simula hanggang katapusan, mapagsiyasat ang kanilang saloobin sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Walang pagtanggap o pagpapasakop sa paraan ng kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos, at lalo namang hindi nila isinasagawa, ginagamit, o dinaranas ang mga ito. Sa halip, tinatrato nila ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng paglaban, pagsalungat, at pagtanggi. Atubili silang nagsusulat ng ilang tala kapag nakikipag-usap si Cristo sa mga tao, ngunit sa kaibuturan nila, hindi nila tinatanggap ni katiting nito. Pagkatapos makisalamuha kay Cristo, sinasabi ng ilang tao, “Talagang nakakatuwa ang pakikipag-usap at pakikipagbahaginan sa Diyos nang harapan.” Sinasabi ng anticristo, “Susubukan ko rin. Makikipag-usap ako nang harapan kay cristo at titingnan ko kung ano talaga ang mga ekspresyon ng mukha, mga kilos, at pagsasalita ni cristo kapag nakikipag-usap siya sa mga tao. Titingnan ko kung ano ang maaaring matamo o matuklasan ng isang tao mula rito, kung kapaki-pakinabang ba para sa mga tao na maglatag sila ng pundasyon at pagtibayin ang kanilang pananampalataya sa kanya bilang ang tunay na diyos.” Kung may gayon silang saloobin kay Cristo at sa Kanyang mga salita, maaari ba silang magkaroon ng anumang tunay na pagsasagawa o pagsasakatuparan? Hindi. Sila ay walang iba kundi mga manonood lamang na dumating upang panoorin ang nakasasabik na pangyayari, hindi talaga sila narito upang hanapin ang katotohanan. Sa tingin ninyo, ang saloobin ba ng mga taong ito sa pagtrato kay Cristo at pakikipag-usap sa Kanya ay medyo katulad ng sa isang grupo ng mga babaeng magkakapitbahay na nagdadaldalan sa balkonahe, kung saan ang pakikipag-usap sa isa’t isa ay hindi nangangailangan ng pagiging taimtim, at ang lahat ay basta na lamang sinasabi ang gusto nila? Ganito rin ang pagtrato ng mga taong ito kay Cristo: “Ipinapahayag mo ang iyong mga pananaw, panghahawakan ko naman ang akin. Tanggapin na lang natin na magkaiba ang pananaw natin; alam mong hindi mo ako makukumbinsi, at tiyak na hindi ko tatanggapin ang sinasabi mo.” Hindi ba’t ganoong uri ng saloobin ito? Ano ang saloobing ito? (Mapanghamak at walang paggalang.) Kakaiba ang mga taong ito. Kung hindi mo naman kinikilala si Cristo bilang ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, bakit ka nananampalataya at sumusunod sa Kanya? Kung hindi ka nananampalataya, bakit hindi ka na lang umalis at tapusin na ito? Sino bang pumipilit sa iyo na manampalataya? Walang pumipilit sa iyo na manampalataya sa Diyos; sarili mong desisyon iyon.

Kapag nakikinig ang ilang tao sa Aking pagbabahagi tungkol sa isang usapin, mabilis silang nakakabuo ng iba’t ibang opinyon: “Ganoon ang tingin mo rito, ngunit ganito ang tingin ko rito. May mga ideya ka sa bawat usapin, at mayroon din ako; ang bawat isa ay may kanya-kanyang ideya.” Anong klaseng nilalang ang magsasabi nito? Kapag nagtutustos ng katotohanan ang Diyos sa mga tao, isang klase ba ito ng argumento? Ang mga salita ba ng Diyos ay isang teoryang pang-akademiko? (Hindi.) Kung gayon, ano ang mga ito? (Ang mga ito ay ang katotohanan.) Maging mas partikular pa kayo. (Ang mga ito ay ang mga prinsipyo at direksyon para sa pag-asal ng tao, ang mga pangangailangan para sa buhay ng mga tao.) Bakit natin sinasabing ang Diyos ay nagtutustos ng katotohanan sa mga tao? Nasabi na ba kailanman na Siya ay nagtutustos ng kaalaman? (Hindi.) Bakit natin sinasabing ang mga salita ng Diyos ay para kainin at inumin ng mga tao? Ang mga salita ng Diyos ay tulad ng pagkain ng mga tao; kayang tustusan ng mga ito ang iyong katawan at hayaan kang mabuhay, at higit pa rito, tinutulutan ka ng mga ito na mamuhay nang maayos, tinutulutan kang mamuhay nang may wangis ng isang tao. Ang mga ito ay buhay para sa isang tao! Ang mga salita ng Diyos ay hindi isang uri ng kaalaman, argumento, o kasabihan. Ang kaalaman, mga argumento, at tradisyonal na kultura ng tao ay maaari lamang gawing tiwali ang mga tao. Kayang mabuhay ng mga tao mayroon man o wala ng mga ito, ngunit kung nais ng isang tao na mabuhay at maging isang karapat-dapat at kalipikadong nilikha, hindi niya ito magagawa nang wala ang katotohanan. Kaya, ano ba talaga ang katotohanan? (Ito ang pamantayan para sa pag-asal, pagkilos, at pagsamba ng tao sa Diyos.) Tama, mas partikular iyan. Ganito ba ang tingin dito ng mga anticristo? Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito. Tinututulan, nilalabanan, at kinokondena nila ang katunayang ito, kaya hindi nila makakamit ang katotohanan. Sa kanilang mga kaisipan at pananaw, iniisip nila, “Isa kang ordinaryong tao lamang. Nagsasabi ka ng isang bagay at ang ibang tao ay nagsasagawa ayon sa iyong mga salita, kaya bakit hindi ako maaaring magsabi ng isang tamang bagay at ipagawa rin ito sa mga tao? Bakit palaging tama ang sinasabi mo at ang sinasabi ko ay palaging mali? Bakit itinuturing na katotohanan ang iyong mga salita samantalang ang sa akin ay itinuturing na kaalaman at mga doktrina?” Hindi ito batay sa anumang bagay—ito ay isang katunayan, at iyon ay tinutukoy sa diwa. Si Cristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, at ang Kanyang diwa ay ang Diyos. Walang sinuman ang makapagkakaila nito; kahit pa tumanggi ang mga anticristong kilalanin o tanggapin ito, hindi nila ito maikakaila. Kapag ang tao ay tumalikod kay Cristo at tumanggi sa Kanya, iyon ang sandali ng pagkalipol ng tao. Kung wala si Cristo at ang Kanyang mga salita, walang sinumang maliligtas. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Anong uri ng pagpapatibay ang maibibigay sa mga tao ng mga salita at teoryang iyon ng mga anticristo? Kung hindi tatanggapin ng mga tao ang mga iyon, magdurusa ba sila ng anumang kawalan? Hindi, walang magiging kawalan. Ang mga salita ng mga anticristo ay walang positibong impluwensiya kaninuman, bagkus ay marami ang negatibong epekto ng mga ito. Kung hindi nagsalita si Cristo ng kahit isang pangungusap at pumarito lamang Siya upang mamuhay nang normal sa loob ng ilang taon bago umalis, ano ang makakamit ng sangkatauhan? Bukod sa pagpapasan sa krus, ano pa ang makakamit ng sangkatauhan? Mamumuhay pa rin sila sa kasalanan, nagtatapat at nagsisisi, hindi makaalis sa kasalanan, lalong napapariwara, at sa huli, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, lahat sila ay lilipulin. Iyan ang mangyayari sa sangkatauhan. Ngunit dumating si Cristo, ipinahayag ang lahat ng salitang nais sabihin ng Diyos sa tao, itinustos ang lahat ng katotohanang kailangan ng tao, at ibinunyag sa tao kung ano ang mayroon at ano ang Diyos. Hindi ba’t nagdulot ito ng isang punto ng pagbabago para sa tao? Sa madaling salita, hindi ba’t lumikha ang mga salita ni Cristo ng isang punto ng pagbabago para sa tao? (Oo.) Ano ang puntong ito ng pagbabago? Sa pangunahin, ito ay ang paglipat mula sa pagharap ng mga tao sa pagkondena at pagkawasak patungo sa pagkakaroon ng oportunidad at pag-asa na maligtas. Hindi ba’t iyon ay isang punto ng pagbabago? Dumating na ang pag-asa ng mga tao; nakikita nila ang bukang-liwayway at may pag-asa silang maligtas at mabuhay. Kapag nilipol at pinarusahan ng Diyos ang sangkatauhan, makakaiwas sila sa pagkalipol at kaparusahan. Kaya, para sa gayong sangkatauhan na kayang mabuhay, ang mga salita ba ni Cristo ay isang mabuti o masamang bagay? (Isang mabuting bagay.) Ang mga ito ay isang mabuting bagay. Ang labis na pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa gayong Cristo, sa gayong ordinaryong tao, ay tinutukoy ng kanilang diwa.

May isa pang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao: Sinasabi nila, “Nang makita ko si cristo na isang ordinaryong tao, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro sa aking isipan. Ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay isang pagpapahayag ng diyos; ito ang katotohanan, at inaamin ko ito. Mayroon akong kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sapat na iyon. Hindi ko na kailangang makipag-ugnayan kay cristo. Kung may mga kuru-kuro, pagkanegatibo, o kahinaan ako, kaya kong lutasin ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng diyos. Madaling magkaroon ng mga kuru-kuro kung nakikipag-ugnayan ako sa diyos na nagkatawang-tao, at ipapakita nito na masyado akong ginawang tiwali. Kung sakaling ako ay kokondenahin ng diyos, wala na akong pag-asang maligtas. Kaya, mas mabuti na mag-isa ko na lang basahin ang salita ng diyos. Ang diyos sa langit ang siyang makakapagligtas sa mga tao.” Ang mga kasalukuyang salita at pagbabahagi ng Diyos, lalo na ang mga salitang iyon na naglalantad sa disposisyon at diwa ng mga anticristo, ang pinakanagpapakirot sa puso ng mga anticristo at ang pinakamasakit para sa kanila. Ito ang mga salitang pinakaayaw basahin ng mga anticristo. Kaya, sa puso ng mga anticristo ay ninanais nilang umalis na agad ang Diyos sa lupa, upang sila ay makapaghari gamit ang kanilang sariling kapangyarihan sa lupa. Naniniwala sila na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang ordinaryong taong ito, ay walang silbi sa kanila. Lagi nilang iniisip, “Bago makinig sa mga sermon ni cristo, pakiramdam ko ay nauunawaan ko ang lahat, at ayos ako sa lahat ng aspekto, ngunit pagkatapos makinig sa mga sermon ni cristo, iba na. Ngayon, pakiramdam ko ay wala na akong anumang bagay, pakiramdam ko ay napakawalang-halaga ko at kaawa-awa ako.” Kaya, ipinagpapalagay nila na ang mga salita ni Cristo ay hindi sila ang inilalantad kundi ang iba, at iniisip nila na hindi na kailangan pang makinig sa mga sermon ni Cristo, na ang pagbabasa sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay sapat na. Sa puso ng mga anticristo, ang pangunahing layunin nila ay ang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang itatwa ang katunayan na ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan, iniisip nila na sa ganitong paraan ay may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at maaari silang maghari bilang mga hari sa iglesia, kaya natutugunan ang kanilang unang layunin sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga anticristo ay may kalikasan ng paglaban sa Diyos; sila ay di-kaayon ng nagkatawang-taong Diyos, tulad ng apoy sa tubig, walang hanggan ang kanilang hindi pagkakasundo. Iniisip nila na bawat araw na naririto si Cristo ay isang araw na mahirap para sa kanila na mamukod-tangi, at sila ay nasa panganib na makondena, matiwalag, mawasak, at maparusahan. Hangga’t hindi nagsasalita at hindi gumagawa si Cristo, at hangga’t ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi tumitingala kay Cristo, kung gayon ang pagkakataon ng mga anticristo ay nasa kanila. May pagkakataon silang ipakita ang kanilang mga abilidad. Sa isang kumpas ng kamay, maraming tao ang lilipat sa kanilang panig, at ang mga anticristo ay makapaghahari. Ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at may pagkamuhi kay Cristo. Nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung sino ang mas may talento o sino ang mas magaling; nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung kaninong mga salita ang may higit na kapangyarihan at kaninong mga abilidad ang mas mahusay. Habang ginagawa nila ang parehong bagay na tulad ng kay Cristo, nais nilang ipakita sa iba na bagaman sila at Siya ay parehong tao, ang mga abilidad at karunungan ni Cristo ay hindi higit sa isang ordinaryong tao. Ang mga anticristo ay nakikipagkompetensiya kay Cristo sa lahat ng paraan, nakikipagpaligsahan kung sino ang mas magaling, at sinusubukang itanggi mula sa lahat ng anggulo ang katunayan na si Cristo ay Diyos, na Siya ang kumakatawan sa Espiritu ng Diyos, at na Siya ang kumakatawan sa katotohanan. Nag-iisip din sila ng iba’t ibang paraan at hakbang sa bawat aspekto upang pigilan si Cristo na magkaroon ng kapangyarihan sa hinirang na mga tao ng Diyos, upang pigilan ang mga salita ni Cristo na maipalaganap o maipatupad sa hinirang na mga tao ng Diyos, at pigilan pa nga ang mga bagay na ginagawa ni Cristo at ang Kanyang mga hinihingi, at mga inaasahan sa mga tao na maisakatuparan sa hinirang na mga tao ng Diyos. Para bang kapag naririto si Cristo, sila ay binabalewala, at sila ay kinokondena at tinatanggihan ng iglesia—isang grupo ng mga taong binabalewala. Makikita natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na ayon sa diwa at disposisyon, sila ay palaging salungat kay Cristo—hindi sila puwedeng magsama! Ang mga anticristo ay kaaway na ng Diyos mula nang sila ay ipinanganak; sila ay narito upang labanan si Cristo, at nais nilang talunin at pabagsakin si Cristo. Nais nila na ang lahat ng gawain ni Cristo ay maging walang kabuluhan at walang saysay, upang sa huli, si Cristo ay hindi magkakamit ng maraming tao, at upang kahit saan man Siya gumawa, wala Siyang makukuhang resulta. Sa gayon lamang magiging masaya ang mga anticristo. Kung si Cristo ay nagpapahayag ng mga katotohanan, at ang mga tao ay nauuhaw para sa mga ito, hinahanap ang mga ito, malugod na tinatanggap ang mga ito, handang gugulin ang kanilang sarili para kay Cristo, talikdan ang lahat at ipalaganap ang ebanghelyo ni Cristo, ang mga anticristo ay nalulungkot at nararamdaman nilang wala nang pag-asa para sa hinaharap, na hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataon na sumikat, para bang sila ay itinapon sa impiyerno. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ang diwa ba nilang ito na labanan ang Diyos at tratuhin Siya nang may pagkamapanlaban ay itinuro sa kanila ng iba? Hinding-hindi; sila ay ipinanganak nang may ganito. Kaya, ang mga anticristo ay isang uri ng tao, na mula nang sila ay ipinanganak, ay ang reengkarnasyon ng diyablo, ang diyablo na dumating sa lupa. Hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, at hindi nila kailanman matatanggap si Cristo, dadakilain si Cristo, o hindi sila kailanman magpapatotoo kay Cristo. Bagaman sa panlabas, hindi mo sila makikita na hayagang hinahatulan o kinokondena si Cristo, at bagaman masunurin silang gumugugol ng kaunting pagsisikap at nagbabayad ng halaga, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, kapag tamang oras na, ang pagsalungat ng mga anticristo sa Diyos ay ipapakita ng sarili nito. Ang katunayan na lumalaban ang mga anticristo sa Diyos at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ay maisasapubliko. Ang lahat ng bagay na ito ay nangyari na dati sa mga lugar kung saan may mga anticristo, at lalo nang dumalas ang mga ganitong kaganapan sa mga taon na ito kung kailan ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw; maraming tao ang nakaranas at nakasaksi sa mga ito.

Hunyo 27, 2020