Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaapat na Bahagi) Ikalawang Seksiyon
May mga tao na gumagawa ng mga bagay-bagay nang walang nakakakita, at kapag nakakatagpo nila Ako, sinasabi nila, “Nagawa ko ang kasalanan ng kalaswaan noong kabataan ko.” Sinasabi Ko, “Pakiusap huwag mo nang sabihin sa Akin ito. Manalangin ka nang taimtim sa pribadong lugar at tunay na magsisi, at ang problema ay malulutas, at hindi ito maaalala ng Diyos. Hindi mo kailangan sabihin sa Akin nang harapan; hindi Ko ito inuusisa.” Kapag pinipigilan Ko sila sa pagsasalita, nagsisimula silang mag-isip: “Ikaw ba talaga ang Diyos? Napakasinsero ng aking puso, isang pusong nag-aalab, at binuhusan Mo ito ng malamig na tubig. Gusto ko lang makipag-usap nang taimtim sa Iyo, bakit ayaw Mong makinig? Maganda sana kung nakinig Ka; marami pa akong detalyeng sasabihin.” Sinasabi Ko, “Ang pinakalayunin ng pagtatapat ng iyong mga kasalanan ay ang magsisi, hindi upang isalaysay ang maraming detalye. Kung talagang nagsisi ka mula sa kaibuturan ng iyong puso, hindi mahalaga ang anyo; ang pagdaan sa prosesong ito ay walang silbi. Ang paglilinaw mo sa Akin ng lahat ng detalye at sitwasyon ay hindi nangangahulugang nagsisi ka na. Kung talagang nagsisi ka na, kahit na wala kang sabihin, nagsisi ka pa rin. At kung hindi ka nagsisi, walang silbi kahit magsalita ka tungkol dito.” Hindi nakakaunawa ang ilang tao, iniisip nilang gusto Kong marinig ang lahat, tulad ng kanilang pagiging malaswa, ang pagnanakaw, o pagkondena at pagdidiin nila sa iba bago sila manalig sa Diyos. Iniisip nila na handa Akong makinig sa lahat ng personal na usaping ito, na nais Kong malaman at maunawaan ang pinakamalalim na iniisip ng bawat tao at ang lahat ng mga kilos nila, mabuti man o masama. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Nagkakamali sila. Kailangan Ko lang malaman ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ang kanilang diwa, at ang landas na tinatahak nila; ito ay sapat na upang matugunan ang mahalagang usapin ng kanilang kaligtasan. Hindi na kailangan pang malaman ang tungkol sa buhay sa kasalukuyan o hinaharap ng bawat tao; hindi na kailangan pa ang mga gayong detalye. Inaakala ng mga tao: “Ikaw ay normal at praktikal din. Mayroong ilang bagay na hindi Mo alam, kaya marahil ay gusto Mong malaman ang pinagmulang pamilya ng bawat indibidwal, ang kapaligiran kung saan sila lumaki, at ang mga espesyal na karanasang ito noong lumalaki sila, upang makilala Mo sila nang lubusan para sa layon ng gawain, upang magkaroon ng batayan sa paghatol at paglantad sa kanila.” Ganito ba ito? (Hindi.) Ang ilang tao, na may mga kuru-kuro at imahinasyong ito, ay palaging gustong ibahagi sa Akin ang kanilang mga dating gawa kapag nakakatagpo nila Ako, sinasabi nila, “Naku, hindi Mo alam, ang pamilya ko ay ganito noon….” Sinasabi Ko, “Huwag mong ikuwento ang tungkol sa mga usapin ng iyong pamilya; ibahagi mo ang ilang karanasan mo tungkol sa pananalig sa Diyos.” Ang iba naman ay nagsasabi, “Naku, hindi Mo alam, marami na akong naging karelasyon dati,” o, “Hindi Mo alam kung sino ang idiniin ko noon.” May silbi ba ang sabihin ang mga bagay na ito? (Wala.) Iniisip nila na ang Diyos na nagkatawang-tao ay talagang gustong malaman ang mga bagay na ito, nais maunawaan ang lahat ng kahiya-hiyang kilos ng mga tao at ang iba’t ibang detalye ng lugmok na buhay ng mga tao. Kapag nakakatagpo Ako ng mga gayong tao, sinasabi Ko sa kanila, “Kung gusto mong magtapat at magsisi, manalangin ka sa Diyos nang pribado, huwag mo nang sabihin sa Akin. Ako ay responsable lamang sa pagtuturo sa iyo kung paano gawin nang maayos ang iyong tungkulin at kung paano sambahin ang Diyos sa tunay na buhay, upang matulungan kang makamit ang kaligtasan. Maaari nating pag-usapan ang anumang may kinalaman dito kapag nagkita na tayo, ngunit mas mabuti nang huwag mong banggitin ang mga hindi kaugnay na bagay.” Pagkarinig nito, nagsisimula nang mag-isip ang ilang tao, “Talagang walang pagmamahal ang Diyos, hindi mapagparaya ang Diyos.” Sa kanilang pananaw, anong uri ng tao ang may pagmamahal? Ang isang direktor ng komite ng magkakapitbahay, isang taong partikular na nangangasiwa sa mga pang-araw-araw na maliliit na usapin ng ibang tao. Ako ba ay inaasahang mangasiwa sa mga gayong bagay? Wala Akong pakialam sa mga bagay na iyon! Kung paano ka namumuhay, kung ano ang kinakain at isinusuot mo, kung paano ka kumikita ng pera, ang iyong kalagayang pang-ekonomiya, paano ka nakikitungo sa iyong mga kapitbahay—hindi Ako nakikialam sa anuman sa mga iyan. Ito ang saloobin ng mga tao kay Cristo kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Lalo na kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ni Cristo o kapag ang mga salita ni Cristo ay ganap na sumasalungat sa kanila mismong mga kuru-kuro, ang mga anticristo ay hindi bumibitiw sa kanilang mga kuru-kuro o tinatanggap ang katotohanan, hindi rin nila hinihimay ang kanilang mga kuru-kuro o hinahanap ang katotohanan; sa halip, sila ay kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro at lihim na kinokondena ang sinasabi ni Cristo sa kanilang puso.
Sa huling panahong ito, isinasakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Habang lumalawak ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, lumilitaw ang iba’t ibang gawaing may kinalaman sa iba’t ibang propesyon sa sambahayan ng Diyos, tulad ng mga kaugnay sa musika, pagsusulat, pelikula, at iba pa. Sa panahon ng pagtakbo ng mga gawaing ito, kasangkot din si Cristo sa ilang gawaing may kinalaman sa mga propesyong ito, siyempre, pangunahin sa pamamagitan ng paggabay at pagtukoy sa direksiyon ng iba’t ibang gawain; Siya ay gumagawa sa saklaw na ito. Hindi maiiwasang si Cristo ay maaaring hindi pamilyar sa ilang kaalaman o pangkalahatang impormasyon na may kaugnayan sa mga larangang ito, at maaaring may mga bagay na hindi Niya naiintindihan. Hindi ba’t napakanormal nito? Para sa karamihan ng mga tao, ito ay tila ba ganap na normal at hindi isang malaking isyu dahil ang lahat ay nasa proseso ng pag-aaral, at sa ilalim ng paggabay ng Diyos, ang lahat ng uri ng gawain ay maaari lamang bumuti nang bumuti, parami nang parami ang natatapos na produkto at nagagawang mataas na kalidad na mga produksyon. Ngunit para sa mga anticristo, ito ay hindi isang maliit na usapin. Sinasabi nila, “Ganap na hindi ka pamilyar sa isang partikular na larangan, ignorante ka pa nga rito. Anong karapatan mong makialam, magturo at maggabay sa amin? Bakit ang iyong salita ang dapat na masunod? Bakit kailangan naming lahat na makinig sa iyo? Ang pakikinig ba sa iyo ay sadyang tama? Hindi ba kami magkakamali ng landas o makagagawa ng pagkakamali sa aming gawain kung makikinig kami sa iyo? Hindi ako nakakasiguro riyan.” Kapag nagbibigay ng gabay si Cristo sa gawain, ang ilang tao ay hinaharap ito nang may mapagdudang saloobin: “Tingnan muna namin kung may katuturan at nasa tamang saklaw ng kadalubhasaan ang Kanyang sinasabi, at kung ito ay higit sa aming sariling mga ideya. Kung oo, tatanggapin namin ito at susundin ang Kanyang gabay; kung hindi, gagawa kami ng ibang desisyon, maghahanap ng ibang paraan.” Gayumpaman, ang mga anticristo ay nagkikimkim sa kanilang kalooban ng mentalidad ng ganap na pagsuway: “Kami ay mga propesyonal, maraming taon na kaming nagtatrabaho sa larangang ito. Kaya naming tapusin ang gawaing ito nang nakapikit. Ang pagsunod sa gabay mo ay para lamang makaraos, hindi ba? Bakit kami dapat makinig sa iyo? Hindi ba’t opisyal na pananalita lamang ang mga mungkahi mo? Kung makikinig kami sa iyo, hindi ba’t pagmumukhain lang kami niyon na walang kakayahan? Ngunit ngayon ay nakikinig ang lahat, at hindi ko kayang tumindig at tumutol sa iyo, dahil maaari akong ituring bilang isang anticristo. Kaya, magpapanggap ako nang ilang panahon, magkukunwaring nakikinig, iraraos ko ang mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ipagpapatuloy ang dati kong gawa nang walang anumang naaapektuhan.” Kaya kahit paano pa malinaw na ibahagi ni Cristo ang mga katotohanang prinsipyo, gaano man Niya kalinaw na ipaliwanag ang mga bagay, laging may sariling di-nababagong ideya ang mga anticristo at palagi silang naniniwalang naiintindihan nila ang propesyon, na sila ay mga eksperto sa larangan, at kaya hindi nila naiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo na ipinangangaral ni Cristo. Tuwing nagbibigay si Cristo ng gabay sa gawaing may kinalaman sa kanilang propesyon, ito ay nagiging pagkakataon para sa mga anticristo na ikumpara ang kanilang mga abilidad at talento kay Cristo. Ang mas masahol pa, kung minsan, kapag nagsasalita si Cristo tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang propesyon, nakikita ito ng mga anticristo bilang pagpapakita ni Cristo ng kamangmangan, at lihim nilang kinukutya at hinahamak si Cristo, nararamdaman nila sa kanilang sarili na mas nagiging laban at tutol sila sa paggabay ni Cristo sa kanilang gawain. Lubusan silang hindi kumbinsido sa kanilang puso, sinasabi nila, “Sinasabi mo sa amin na gawin ito at iyon, pero ano ba ang alam mo? Nauunawaan mo man lang ba ang iba’t ibang hakbang na kasangkot sa mga larangang ito? Alam mo ba ang mga partikular na detalye kung paano gumagana ang mga ito? Kapag ginagabayan mo kami sa paggawa ng pelikula, alam mo ba kung paano umarte nang tunay o kung paano magrekord ng tunog?” Sa tuwing nahaharap sa mga bagay na ito, ang mga anticristo ay hindi taimtim na nakikinig sa mga katotohanang prinsipyo na kaugnay sa bawat propesyon sa kanilang puso. Sa halip, lihim silang nakikipagtagisan kay Cristo sa kanilang kalooban, tumatayo pa nga sila bilang mga manonood upang kutyain at hamakin si Cristo, puno ang kanilang puso ng pagsuway. Kapag sila ay nagsasakatuparan ng kanilang gawain, sila ay nagpapanggap na dumadaan sa proseso, una ay binabalikan nila ang mga tala ng pagbabahagi ng Diyos upang makita kung ano ang sinabi ng Diyos, at pagkatapos ay nagsisimula na sila sa trabaho, ginagawa ang mga bagay sa dati nilang paraan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi iyan sinabi ng Diyos, bakit mo ito ginagawa nang ganito?” at sasabihin nila, “Hindi ito sinabi ng diyos, pero alam ba ng diyos ang aktuwal na sitwasyon? Hindi ba’t kami ang talagang kailangang gumawa nito? Ano ba ang alam ng diyos? Nagbigay lang siya ng prinsipyo, pero kailangan naming pangasiwaan ito ayon sa aktuwal na sitwasyon. Kahit narito pa ang diyos, kailangan pa rin naming pangasiwaan ito sa ganitong paraan. Nakikinig kami sa mga salita ng diyos kapag may kinalaman ito sa katotohanan, pero kapag tungkol sa propesyonal na gawain at walang kinalaman sa katotohanan, kami ang nagdedesisyon.” Nakinig sila sa mga katotohanang prinsipyo na ibinahagi ng Diyos, at nagtala tungkol sa mga ito, at ang lahat ay dumaan sa proseso at binalikan ang mga tala, pero pagdating sa kung paano dapat gawin ang mga bagay, sino ang may huling salita? Sa kanilang kaso, hindi ang katotohanan ang may kapangyarihan, lalong wala itong kinalaman sa paghawak ni Cristo ng kapangyarihan. Kaya, sino ang may hawak ng kapangyarihan? Ang isang anticristo ang may hawak ng kapangyarihan; isang tao ang may huling salita. Sa kanilang perspektiba, ang katotohanan ay parang hangin, mga doktrina at mga islogan lang na binabanggit nang kaswal at pagkatapos ay kalilimutan na—ginagawa pa rin ng mga tao ang anumang kailangan nilang gawin, sa paanong paraan man nila gusto. Sa oras na iyon, sila ay pumayag nang napakabait, at ang kanilang saloobin ay tila napakasinsero, pero pagdating sa totoong buhay, nagbabago ang lahat; hindi ito ayon sa inaakala.
Dahil ang mga anticristo ay palaging nagkikimkim ng mga kuru-kuro at ng paglaban sa Diyos na nagkatawang-tao at hindi sila kumbinsido sa loob-loob nila, sa pundamental ay hindi nila kinikilala ang Diyos na nagkatawang-tao sa kanilang puso; nananalig lamang sila sa Diyos na nasa langit. Sila ay tulad lang ni Pablo: Hindi siya tunay na kumbinsido kay Jesus na nagkatawang-tao, kundi puno siya ng mga kuru-kuro. Kaya sa lahat ng mga liham na kanyang isinulat, hindi siya kailanman nagpatotoo kay Jesus, hindi siya kailanman nagpatotoo sa mga salita ni Jesus bilang katotohanan, at hindi niya kailanman tinalakay kung mayroon siyang pagmamahal para kay Jesus. Ito ay mga bagay na nakikita ng mga tao; si Pablo ay isang tunay na anticristo. Ngayon, makikilala ninyo na si Pablo ay isang klasikong halimbawa ng isang anticristo. Kahit pa ang mga kabilang sa kategorya ng mga anticristo ay kinikilala na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, magagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Magagawa ba nilang magpasakop kay Cristo? Magagawa ba nilang magpatotoo kay Cristo? Ibang usapin na iyon. Magagawa ba nilang magpasakop sa lahat ng ginagawa ni Cristo? Kung si Cristo ay nagsasaayos o nag-aatas ng trabaho, ginagabayan ang mga tao kung paano ito gagawin, magagawa bang sumunod ng mga anticristo? Ang usaping ito ay pinakamalinaw na nagbubunyag sa mga tao. Ang mga anticristo ay hindi kayang sumunod; hindi nila pinapansin at minamaliit nila ang mga salita ni Cristo. Samakatwid, anuman ang partikular na gabay na ibinibigay ni Cristo o mga tungkuling inaatas Niya para sa anumang gawain, hindi kailanman ipapatupad ng mga anticristo ang mga ito. Ang mga anticristo ay talagang ayaw magpasakop kay Cristo. Kahit paano isaayos ni Cristo ang gawain, ayaw nilang isakatuparan ito, palagi silang naniniwalang mas matalino ang kanilang sariling mga ideya at iniisip nilang pinakamainam na sundin ang kanilang sariling mga plano. Kung sasabihin mo sa kanila, “Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, dapat kayong makipagtulungan sa tatlo o apat na iba pang tao, sumangguni kayo sa isa’t isa, higit pang magbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at kumilos ayon sa mga prinsipyong iyon nang hindi nilalabag ang mga ito,” makikinig ba sila? Hindi sila nakikinig kahit kaunti; matagal na nilang isinantabi ang mga salitang ito at gusto nilang magkaroon ng huling desisyon. Sasabihin mo sa kanila, “Kung may isyung hindi malutas, maaari kang maghanap mula sa Itaas,” ngunit kapag talagang may problema at iniisip ng lahat na humingi ng patnubay mula sa Itaas, sinasabi ng mga anticristo, “Bakit magtatanong pa tungkol sa napakaliit na bagay? Aabalahin lamang nito ang itaas. Kaya naming ayusin ito nang kami-kami lang, hindi na kailangang magtanong! Ako ang may huling salita, at ako ang mananagot kung magkakaproblema!” Ang ganda pakinggan ng mga salitang ito, ngunit kaya ba talaga nilang pasanin ang mga kahihinatnan kapag talagang nagkaproblema? Kung ang gawain ng iglesia ay magdusa ng kawalan, makakayanan ba nila ang kahihinatnan? Halimbawa, kung, dahil ang mga lider at manggagawa ay hindi maingat sa pagsasaayos ng mga pagtitipon, ang mga kapatid ay naaresto sa panahon ng pagtitipon, na nagdudulot sa ilan na maging negatibo at mahina at lugmok, sino ang maaaring managot sa gayong responsabilidad? Ang mga anticristo ba ay responsable sa kanilang mga salita? Sila ay lubos na iresponsable! Ito ang saloobin ng mga anticristo sa gawain. Sabihin ninyo sa Akin, kaya ba ng mga anticristo na tunay na tumanggap at magpasakop sa mga salitang sinasabi ni Cristo? (Hindi.) Sa puso ng mga anticristo, ano ang saloobin nila sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop kay Cristo? Isang salita: paglaban. Palagi silang lumalaban. At ano ang disposisyon na napapaloob sa paglaban na ito? Ano ang nagdudulot nito? Pagsuway ang nagdudulot nito. Pagdating naman sa disposisyon, ito ay pagtutol sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng pagsuway sa kanilang puso, ito ay pagtanggi nilang magpasakop. Kaya naman, ano ang iniisip ng mga anticristo, sa mga puso nila, kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos na ang mga lider at manggagawa ay matutong magtulungan nang maayos, sa halip na isang tao lang ang nagdedesisyon ng lahat, na matuto silang magtalakay kasama ang iba? “Napakalaking abala na talakayin sa mga tao ang lahat ng bagay! Kaya kong magdesisyon tungkol sa mga bagay na ito. Ang pakikipagtulungan sa iba, pakikipagtalakayan sa kanila, paggawa ng mga bagay ayon sa prinsipyo—napakahina at nakakahiya!” Iniisip ng mga anticristo na naiintindihan nila ang katotohanan, na malinaw ang lahat sa kanila, na mayroon silang sariling kabatiran at paraan ng paggawa ng mga bagay, kaya hindi nila kayang makipagtulungan sa iba, hindi nila tinatalakay sa mga tao ang kahit na anong bagay, ginagawa nila ang lahat sa sarili nilang pamamaraan, at hindi sumusuko sa kahit na sino! Kahit na pasalitang sinasabi ng mga anticristo na handa silang magpasakop at handang makipagtulungan sa iba, kahit na gaano pa kaganda ang mga sagot nila sa panlabas, gaano kasarap pakinggan ang mga salita nila, hindi nila kayang baguhin ang mapaghimagsik nilang kalagayan, hindi nila kayang baguhin ang kanilang mga satanikong disposisyon. Sa kalooban nila ay lubha silang salungat—gaano kalubha? Kung ipapaliwanag sa lengguwahe ng kaalaman, ito ay isang sitwasyon na nangyayari kapag ang dalawang bagay na may magkaibang kalikasan ay pinagsasama: pagkasuklam, na maaari nating ipakahulugan bilang “pagsalungat.” Ito mismo ang disposisyon ng mga anticristo: paglaban sa Itaas. Gusto nilang labanan ang Itaas at wala silang sinusunod.
Kapag naharap ang mga anticristo sa mga salita ni Cristo, may iisang saloobin lamang sila: ang pagsuway; at ang kanilang tanging paraan ay pagsalungat. Halimbawa, sinabi Ko, “Malaki ang ating bakuran at kulang sa lilim. Sa taglamig, nagniningning ang araw sa buong paligid, na nagbibigay-daan sa mga tao na magpaaraw, ngunit nagiging mainit ito sa tag-araw. Bumili tayo ng ilang puno, mga puno na mabilis tumubo at magbibigay ng sapat na lilim sa hinaharap, at na medyo malinis at maganda.” Ilan ang mga prinsipyo rito? (Tatlo.) Ang isa ay na ang mga puno ay mabilis tumubo, ang isa pa ay na ang mga puno ay malinis at medyo maganda, at ang isa pa ay na magbibigay ang mga ito ng sapat na lilim sa hinaharap, ibig sabihin, dapat ang mga ito ay may makakapal na sanga at dahon. Kailangan lamang sundin ng mga tao ang tatlong prinsipyong ito; kung ilan ang bibilhin, saan itatanim, at anong uri ng mga puno, sinabi Ko na rin sa kanila. Madali bang ipatupad ang gawaing ito? (Oo.) Itinuturing ba itong isang mahirap na gawain? (Hindi.) Hindi ito mahirap na gawain. Bakit hindi ito mahirap? May mga lugar na nagbebenta ng mga puno, nagbibigay ang sambahayan ng Diyos ng pondo, at ang mga pangunahing kondisyon para sa pagbili ng mga puno ay natutugunan na. Ang natitira na lang ay ang isakatuparan ito ng mga tao; wala namang mahirap sa gawaing ito. Ngunit para sa isang anticristo, may isang suliranin: “Ano? Bumili ng mga puno? Gumastos ng pera para lang sa lilim at para mas pagandahin ang kapaligiran? Hindi ba’t ito ay pagpapakasasa sa kaginhawaan ng laman? Ang pera na iyon ay handog sa diyos, maaari bang gastusin ito nang ganoon na lang? Ano ang masama sa kaunting init? Ang araw ay nilikha ng diyos; mamamatay ka ba kung magpapaaraw ka? Iyon ang tinatawag na pagsasaya sa sinag ng araw at sa ulan. Kung ayaw mong magpaaraw, manatili ka sa loob ng bahay. At ngayon gusto mong gumastos ng pera para sa kaginhawaang ito—nananaginip ka siguro nang gising!” Pinag-iisipan nila: “Hindi ako ang may huling salita sa usaping ito; kung direkta kong tututulan ito, hindi maganda iyon. Maaari akong makondena, at maaaring hindi sumang-ayon ang iba. Kaya, iuulat ko ito sa grupo ng mga taga-desisyon. Saka, pinakamainam na hayaan ang mga kapatid na magpahayag din ng kanilang mga opinyon. Kung ang grupo ng mga taga-desisyon ay sumang-ayon, saka lang kami bibili ng mga puno; kung hindi, kahit pa sumang-ayon ang mga kapatid, hindi kami bibili.” Tinipon nila ang lahat, binanggit ang usapin, at pagkatapos ay hinayaan ang lahat na magtalakay at magpahayag ng kanilang mga opinyon. Sinasabi ng lahat, “Ang pagbili ng mga puno ay magandang bagay; makikinabang ang lahat.” Narinig ito ng anticristo at sinabi nito, “Paano ito nagiging magandang bagay? Ayos lang ba ito dahil lang sa makikinabang ang lahat? Kaninong pera ang pinakikinabangan ng lahat? Iyon ay paggasta ng pera ng diyos; hindi ba’t iyon ay paglulustay ng mga handog? Naaayon ba ito sa mga prinsipyo?” Pinag-isipan ito ng lahat: “Ang paglulustay ng mga handog para sa kapakinabangan ng lahat, para sa mga interes ng mga tao, parang hindi nga yata tama iyon.” Matapos ang mga talakayan, ang pinal na desisyon ay huwag bumili ng mga puno. Ang pera ay kailangang ipunin; kahit sino pa ang mag-utos, hindi ito magagawa. Pagkatapos ng gayong talakayan, isang kongklusyon ang nabuo. Ano ang kongklusyon? “Tungkol sa utos ni cristo sa pagkakataong ito, ang aming huling desisyon ay ang tutulan ito; hindi namin gagastusin ang mga handog o sasayangin ang kahit isang kusing ng pera ng sambahayan ng diyos. Sa kongkretong pananalita, ito ay nangangahulugang hindi kami bibili ng mga puno, hindi namin gagawing luntian ang bakuran.” Ito ang naging desisyon. Makalipas ang ilang araw, napansin Kong hindi pa rin nabibili ang mga puno, kaya tinanong Ko, “Bakit hindi pa kayo bumili ng mga puno?” “Ah, gagawin namin iyon agad.” Nang dumating na ang panahon at ang mga puno ng iba ay nagsipag-usbungan na, bakit wala pa rin silang binibili? Nang magtanong Ako, nalaman Kong matapos magtalakayan, hindi sila sumang-ayon na bumili ng mga puno; walang saysay ang Aking mga salita. Matapos magpulong, magtalakayan, at magsuri, nagkaisa ang lahat na tutulan ang Aking utos, na nangangahulugang: “Kami ang may huling salita rito. Tumabi ka. Ito ang aming sambahayan, wala kang kinalaman dito.” Anong uri ng paraan ito? Hindi ba’t pagtutol ito? Hanggang sa anong antas ang kanilang pagtutol? Mayroon silang batayan, sinasabi nilang hindi nila sasayangin kahit isang salapi ng pera ng sambahayan ng Diyos, hindi gagastusin ang mga handog ng Diyos. Ano ang palagay ninyo sa batayang ito? Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Madalas, ang mga nagsasayang at naglulustay sa mga handog ay ang mismong mga anticristong ito. Gusto nilang sila ang may huling salita, kaya nag-iimbento sila ng gayong mga teorya upang ilihis ang mga hangal, ignorante, at walang pagkilatis. At sa katunayan, may ilang tao na nalilinlang dito at kumikilos ayon sa kanilang mga salita, habang ang mga salita ni Cristo ay ginugulo at sinasabotahe ng mga anticristo, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagpapatupad. Ano ang ugat ng problemang ito? Ang susi ay nasa hindi pagkakita ng mga hinirang na mga tao ng Diyos sa pagpapaimbabaw ng mga anticristo, palagi silang nalilihis ng paimbabaw na aspekto ng mga bagay-bagay, nabibigo silang makita ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang mga anticristo ay tiranikong nagiging hadlang sa mga taong ito, na nagiging sanhi upang ang ilang taong walang pagkilatis sa mga taong hinirang ng Diyos ay madalas na malihis at makontrol ng mga ito.
Sa bawat partikular na pagsasaayos ng gawain at utos ni Cristo sa iglesia, kung walang mga anticristo na nagdudulot ng kaguluhan, mabilis na maisasakatuparan ang mga ito. Gayumpaman, kapag nakialam na ang isang anticristo, naaantala na ang gawain at hindi na maisasakatuparan. Minsan, ang mga pagsasaayos at utos na nilalayon ni Cristo na isakatuparan ng mga tao ay tahasang tinatanggihan ng mga anticristo dahil sa ilang kadahilanan. Sa paggawa niyon, gumagamit sila ng paraan ng pagpapasya na kasangkot ang lahat, sinasabi nila, “Ito ay napagbotohan ng mga kapatid; ito ang resulta ng kolektibong desisyon, hindi lamang ako ang nagdesisyon.” Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na ang mga resolusyon ng mga kapatid ay naaayon sa katotohanan, at na kapag lumilitaw ang isang isyu, ang kolektibong desisyon ng mga kapatid ay nangangahulugang ang katotohanan ang may kapangyarihan. Ngunit kapag ang isang anticristong namamahala ay tumututol sa sinasabi ni Cristo, ito ba ang pagiging may kapangyarihan ng katotohanan? Malinaw na, sa katunayan, ang anticristo ang may kapangyarihan. Hindi ba’t kakatwa at mapanlinlang na sabihing ang katotohanan ang may kapangyarihan kung ang isang anticristo ang kumokontrol sa buong sitwasyon? Ang mga anticristo ay tunay na bihasa sa pagbabalatkayo! Kapag hinihiling ni Cristo na ipatupad nila ang isang bagay, at ipinaalam sa lahat na ito ay gawa ng Diyos, na Siya ay kumikilos nang may konsiderasyon para sa lahat, at ang lahat ay nagpapasalamat sa biyaya ng Diyos, ito ay ikinadidismaya at ikinaaasiwa ng mga anticristo. Pagkatapos, pinipiga nila ang kanilang utak sa kakahanap ng mga paraan upang manggulo at manabotahe. Gayumpaman, kung nagkusa sila at sa huli ay lubos na nagpapasalamat at nagpapahalaga sa kanila ang lahat, mas masigasig pa nilang ipatutupad ito kaysa sa sinuman, handa silang magtiis ng anumang pagdurusa. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang gayong mga taong tulad ng mga anticristo? (Oo.) Anong uri ng disposisyon ito? (Isang buktot na disposisyon.) Ang mga anticristo ay may kakayahang magbalatkayo, nagpapanggap silang mabuting tao upang ilihis at akitin ang iba, nagpapanggap pa nga silang isinasagawa nila ang katotohanan. Ito ay kabuktutan. Anong katotohanan ang isinasagawa mo? Tinatanggihan mo ang mga salita at utos na ibinigay ni Cristo, hindi mo kayang magpasakop sa mga ito at ipatupad ang mga ito. Nasaan ang katotohanan na sinasabi mong isinasagawa mo? Isa ka bang mananampalataya sa Diyos? Itinuturing mo ba ang Diyos bilang Diyos? Ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay hindi mo kasamahan, hindi mo katrabaho, hindi mo kaibigan; Siya ay si Cristo, Siya ang Diyos! Hindi mo ba ito nakikita? Palagi mong sinusuri at sinisiyasat ang mga salita ni Cristo, sinusubukang kilatisin ang katumpakan ng mga ito, tinitimbang ang mga positibo at negatibo—hindi ba’t mali ang iyong nagiging posisyon? Ang mga anticristo ay bihasa sa pagsisiyasat at pagsusuri sa mga salita ng mga tao, at sa huli ay nagagamit nila kay Cristo ang walang tigil na pagsisiyasat na ito. Sinisiyasat at tinatrato nila si Cristo sa ganitong paraan—sila ba ay mga tagasunod ng Diyos? Hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Palagi nilang sinisiyasat si Cristo, ngunit kaya ba nilang maunawaan ang banal na diwa ni Cristo? Habang lalo nilang sinisiyasat si Cristo, lalo silang nagdududa, sa huli ay itinuturing na nila si Cristo bilang isang ordinaryong tao. May natitira pa bang tunay na pananampalataya o pagpapasakop sa kanila? Walang-wala. Sa puso ng isang anticristo, si Cristo ay itinuturing lamang na isang ordinaryong tao. Ang pagturing nila kay Cristo bilang isang tao ay tila natural sa kanila, kaya pakiramdam nila ay maaari nilang balewalain ang mga salita at utos ni Cristo, hindi nila isinasapuso ang mga ito kundi binabanggit lamang upang matalakay at masiyasat sa mga pagtitipon. Sa huli, ang nagdedesisyon kung paano isasagawa ang mga bagay ay ang anticristo, hindi ang Diyos. Gaano na kababa ang tingin nila kay Cristo? Ang tingin nila sa Kanya ay isa lamang ordinaryong lider, na hindi itinuturing si Cristo bilang Diyos. Hindi ba’t ito ay kapareho ng kalikasan ng pananampalataya ni Pablo sa Diyos? Hindi kailanman itinuring ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Diyos, hindi kailanman kinain at ininom ni Pablo ang mga salita ni Jesus, ni nagpasakop sa Panginoong Jesus. Palagi niyang iniisip na para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo, na sinusubukang palitan ang Panginoong Jesus, at sa huli, natanggap niya ang parusa ng Diyos. Dahil tinanggap mo na si Cristo ay ang Diyos na nagkatawang-tao, dapat kang magpasakop kay Cristo. Anuman ang sabihin ni Cristo, dapat kang tumanggap at magpasakop, huwag mong siyasatin at talakayin kung ang mga salita ng Diyos ay tama ba o naaayon sa katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay hindi para suriin at siyasatin mo, dapat kang magpasakop sa mga ito at dapat mong ipatupad ang mga ito. Kung paano isasagawa ang mga bagay at kung paano matutukoy ang mga hakbang ng pagpapatupad—saklaw na iyon ng inyong pagbabahaginan at talakayan. Dahil, sa puso nila, laging pinagdududahan ng mga anticristo ang banal na diwa ni Cristo, at laging may masuwaying disposisyon, kapag hinihiling sa kanila ni Cristo na gawin ang mga bagay-bagay, lagi nila itong sinisiyasat at tinatalakay, at tinatanong ang mga tao kung tama ba ang mga ito o mali. Malubhang problema ba ito? (Oo.) Hindi nila hinaharap ang mga bagay na ito mula sa pananaw ng pagpapasakop sa katotohanan; sa halip, hinaharap nila ito nang salungat sa Diyos. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kapag naririnig nila ang mga utos at pagsasaayos ng gawain ni Cristo, hindi nila tinatanggap ang mga ito at hindi sila nagpapasakop sa mga ito, sa halip ay nagsisimula silang magtalakayan. At ano ang tinatalakay nila? Tinatalakay ba nila kung paano isagawa ang pagpapasakop? (Hindi.) Tinatalakay nila kung ang mga salita at utos ni Cristo ay tama o mali, at sinusuri nila kung dapat ba itong isagawa o hindi. Ang saloobin ba nila ay saloobin na gusto talagang isagawa ang mga bagay na ito? Hindi—gusto nilang hikayatin ang mas maraming tao na maging tulad nila, na huwag gawin ang mga bagay na ito. At ang hindi ba paggawa ng mga ito ay pagsasagawa ng katotohanan ng pagpapasakop? Malinaw na hindi. Kaya ano ang ginagawa nila? (Sumasalungat.) Hindi lang sila sumasalungat sa Diyos, naghahanap pa sila ng sama-samang pagsalungat. Ito ang kalikasan ng kanilang mga kilos, hindi ba? Sama-samang pagsalungat: itinutulad nila sa kanila ang lahat, itinutulad sa pag-iisip nila ang pag-iisip ng lahat, sinasabi ang sinasabi nila, nagdedesisyon nang gaya nila, sama-samang nilalabanan ang mga desisyon at utos ni Cristo. Ito ang modus operandi ng mga anticristo. Ang paniniwala ng mga anticristo ay, “Hindi ito krimen kung ginagawa ito ng lahat,” kaya hinihikayat nila ang iba na sumalungat sa Diyos kasama niya, iniisip nila na sa ganitong sitwasyon, walang magagawa ang sambahayan ng Diyos sa kanila. Hindi ba’t kahangalan ito? Ang sariling abilidad ng mga anticristo na salungatin ang Diyos ay napakalimitado, wala silang kasama. Kaya sinusubukan nilang manghimok ng mga tao upang sama-samang labanan ang Diyos, iniisip sa kanilang puso na “Ililihis ko ang isang grupo ng mga tao, at pag-iisipin at pakikilusin sila nang katulad ko. Sama-sama naming tatanggihan ang mga salita ni cristo, at hahadlangan ang mga salita ng diyos, at pipigilan ang mga ito na maisakatuparan. At kapag may taong dumating upang suriin ang gawain ko, sasabihin kong desisyon ng lahat na ganito ang gawin—at pagkatapos ay titingnan natin kung paano mo haharapin iyon. Hindi ko ito gagawin para sa iyo, hindi ko ito isasagawa—at tingnan natin kung ano ang gagawin mo sa akin!” Iniisip nila na may kapangyarihan sila, na walang magagawa ang sambahayan ng Diyos upang pangasiwaan sila, at pati si Cristo ay wala ring magagawa. Ano sa tingin ninyo, madali bang pangasiwaan ang gayong tao? Paano dapat pangasiwaan ang ganitong uri ng tao? Ang pinakasimpleng paraan ay ang tanggalin at imbestigahan sila. Sa sandaling ibunyag ng isang diyablo ang sarili nito, itiwalag ito sa isang sipa lang, at tapos na ang lahat. Tinutulutan ka ng sambahayan ng Diyos na maging lider, pero hindi ka nagpapasakop at naglalakas-loob ka pang salungatin ang Diyos; hindi ba’t isa kang diyablo? Itinatalaga ka ng sambahayan ng Diyos na mamuno para gumawa ng aktuwal na gawain, upang magpasakop ka sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at upang magampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Dapat kang tumanggap at magpasakop sa mga salita ng Diyos; anuman ang sabihin ng Diyos, dapat mong tanggapin at ipatupad ang Kanyang mga salita, huwag mo Siyang salungatin. Ginawa mong tungkulin mo ang pagsalungat sa Diyos—kung gayon, pasensiya na, ngunit ang pagtatanggal sa iyo ang pinakasimpleng solusyon. Ang sambahayan ng Diyos ay may awtoridad na gamitin ka at may awtoridad ding tanggalin ka. Sinasabi ng ilang tao, “Maayos naman ang aking pagganap bilang lider, bakit ako tinanggal? Hindi ba’t ito ay parang pagpatay sa asno sa sandaling tapos na ito sa paggiling ng butil?” Talaga bang maayos ang iyong pagganap nang ikaw ay tinanggal? Ang isang asno na naninipa at nangangagat nang walang dahilan, at hindi tumututok sa tamang gawain kahit paano pa ito sanayin, ay talagang kailangang patayin pagkatapos nitong “gilingin ang butil.” Tungkol sa kung kailan ito papatayin, depende ito sa pagganap nito. Sabihin mo sa Akin, may sinuman bang gugustuhin na patayin ang isang mabuting asno? Sa panahon ng paggiling, ang asno ang pinakamahalaga at pinaka-importanteng katulong. Kapag ito ay kailangang-kailangan, may sinuman bang mangmang na papatayin ang asno, ihihinto ang paggiling, at mas pipiliing mamuhay nang walang butil? Mayroon bang gumagawa ng ganoon? (Wala.) Mayroon lamang isang sitwasyon kung saan mangyayari ito: Ang asno ay ayaw sumunod sa pagsasanay at patuloy na naninipa at nangangagat nang walang dahilan, kaya nagiging imposible na itong makagiling ng kahit ano. Saka mo kailangang ihinto ang paggiling at patayin ang asno, tama ba? (Oo.) Ang mga may pagkilatis sa bagay na ito ay malinaw itong makikita. Kaya, paano dapat pangasiwaan ang mga anticristong hindi sumusunod, matigas ang ulo, at hindi isinasagawa ang anumang gawain? Ang pinakasimpleng paraan ay ang tanggalin muna sila sa kanilang posisyon. May ilang tao na nagtatanong, “Ang pagtatanggal ba ay katapusan na?” Bakit kailangang magmadali? Obserbahan ang kanilang kilos. Kapag sila ay tinanggal at nawalan ng kapangyarihan, kung nakakapagtrabaho pa rin sila sa sambahayan ng Diyos, hindi sila patatalsikin. Pero kung hindi sila nagtatrabaho at sa halip ay lalo nilang pinalalala ang mga bagay sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, paggawa ng masama, at paglikha ng kaguluhan sa lahat ng dako, kung gayon, ayon sa mga prinsipyo, sila ay dapat na patalsikin. Sa pangkalahatan, kamuhi-muhi ba ang mga bagay na ito na ipinapamalas ng mga anticristo? (Lubhang kamuhi-muhi ang mga ito.) At ano ang nakamumuhi sa mga ito? Nais ng mga anticristo na ito na agawin ang kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos; hindi nila maisasakatuparan ang mga salita ni Cristo, hindi nila ito isasagawa. Siyempre, maaaring may isa pang uri ng sitwasyon na sangkot kapag hindi makapagpasakop ang mga tao sa mga salita ni Cristo: Ang ilang tao ay mahina ang kakayahan, hindi nila naiintindihan ang mga salita ng Diyos kapag naririnig nila ito, at hindi nila alam kung paano ito isasagawa; kahit na turuan mo sila kung paano, hindi pa rin nila kaya. Ibang usapan ito. Ang paksa na pinagbabahaginan natin ngayon ay ang diwa ng mga anticristo, na walang kinalaman sa kung kaya ba ng mga taong gumawa ng mga bagay, o kung ano ang kakayahan nila; may kinalaman ito sa disposisyon at diwa ng mga anticristo. Sila ay ganap na sumasalungat kay Cristo, sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa mga katotohanang prinsipyo. Wala silang pagpapasakop, tanging paglaban. Ganito ang isang anticristo.