Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikatlong Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
Ang inilantad natin kanina ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang iglesia at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ayon sa mga kalagayan ng iglesia at sa pagpapalaganap ng gawain ng Diyos. Isang aspekto ito ng kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo batay sa kanilang lagay ng loob. Nangyayari ba sa iglesia ang mga bagay na ito na tinalakay Ko? Seryoso ba ang mga usaping ito? Karapat-dapat bang banggitin ang mga ito? (Oo.) Ano ang halaga ng pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito? Ibig bang sabihin na pagkatapos marinig ito, hindi na maglalakas-loob ang ilang tao na magtanong tungkol sa mga bagay na ito, hindi na maglalakas-loob na maging mausisa tungkol sa sitwasyon at kalagayan ng iglesia? Iyon ba ang tanging halaga? (Hindi.) Kung gayon, ano ang halaga sa paglalantad ng mga bagay na ito? Anong katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao mula rito? Kung hindi pa ninyo ito napag-iisipan, puwede kayong hindi magsalita. Ibabahagi Ko ito sa inyo sa huli. Ang mga usaping ito ay masyadong malayo sa inyo, kaya maaaring mahirapan kayong ipahayag agad ang mga ito. Kailangan ninyong pag-isipan at ayusin ang inyong mga salita; maaaring hindi ninyo alam kung saan magsisimula, o maaaring hindi ninyo ito maipahayag nang malinaw. Ang dami ng mga bagay na nauunawaan ng mga tao ay napakakaunti, kaawa-awa talaga. Ang hindi magawang ipaliwanag nang malinaw ang diwa at dahilan ng isang usapin ay isang palatandaan ng hindi nakikilatis ang mga bagay-bagay.
Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos sa langit at ginugugol nila ang kanilang sarili at ginagawa ang kanilang mga tungkulin para sa Diyos, masasabi na pare-pareho lang para sa mga tao ang konsepto ukol sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, at sa Diyos. Itinuturing na paggugol ng sarili para sa Diyos ang paggawa sa tungkulin ng isang tao sa iglesia; ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos ay pareho sa paggawa ng mga bagay para sa iglesia, at ito rin ay pagiging tapat sa Diyos at pagtanggap sa atas ng Diyos. Puwedeng talakayin ang mga ito nang palitan at itinuturing bilang iisang konsepto. Gayumpaman, kapag nagiging tao ang Diyos at nagpapakita bilang isang ordinaryong tao, para sa karamihan ng mga tao, ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang Diyos (ibig sabihin, si Cristo) ay madaling paghiwa-hiwalayin. Iniisip ng mga tao, “Ang paggawa ng mga bagay para sa iglesia ay pareho ng paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, para sa Diyos; ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos ay paggawa ng tungkulin. Pero pagdating sa paggawa ng mga bagay para kay Cristo, hindi ako masyadong sigurado. Hindi ba’t nagpapahiwatig iyon ng pagseserbisyo sa isang tao? Para itong paggawa para sa isang tao.” Sa kaibuturan ng puso ng marami, mahirap na pag-ibahin nang malinaw at pag-ugnayin ang tatlong ito. Para sa karamihan ng mga tao, kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ito ang kanilang pangunahing konsepto sa kung para kanino nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin: Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin sa loob ng iglesia, ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin alang-alang sa entidad na siyang ang iglesia, ang designasyong ito. Kung gayon, sino ang tinatawag na nakatataas sa iglesia? Siyempre, ito ang Diyos sa langit, na hindi makukuwestiyon sa isipan ng lahat. Nauunawaan ng karamihan ng mga tao bilang pagseserbisyo sa titulo at grupo ng mga kapatid ang paggawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, at siguradong puwede itong ikategorya bilang paggawa sa tungkulin; paggawa ito sa tungkulin, na siyempre ay nakatuon din sa Diyos. Samakatwid, sa mga isipan ng mga tao, puwedeng ituring na magkakapareho ang iglesia, ang mga kapatid, at ang sambahayan ng Diyos, lahat ay tinatarget ang malabong Diyos sa langit. Ano ang ipinapahiwatig nito? Para sa karamihan ng mga tao, sa sambahayan ng Diyos, sa paggawa man ng kanilang mga tungkulin o sa pamamahala ng mga usapin, ginagawa nila ito para sa iglesia bilang isang hindi nakikitang institusyon, sa nakikitang grupo ng mga kapatid, at lalo na sa malabo, di-nakikitang Diyos sa langit—ginagawa nila ang kanilang tungkulin para sa tatlong ito. Tungkol naman sa Diyos na nagkatawang-tao, maaari Siyang ituring ng mga tao bilang isang miyembro ng iglesia, o bilang ang pinakamataas na lider sa mga kapatid, at siyempre, ang pagkakaunawa rin ng ilan kay Cristo ay ang tagapagsalita o kinatawan ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, para sa maraming tao, napakalabo ng konsepto ng kung para kanino nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin sa iglesia. Halimbawa, kung hinihiling sa isang tao na gawin ang isang bagay para sa mga kapatid, o na magserbisyo, nararamdaman nilang ganap na makatwiran na gawin ito. O kung hinihiling sa kanila na gawin ang isang bagay para sa iglesia o sambahayan ng Diyos, masaya silang gawin ito, pakiramdam nila na hindi maitatatwa na ito ang kanilang tungkulin. Gayumpaman, kung inuutos o ipinagkakatiwala sa kanila ng nagkatawang-taong Cristo ang kaparehong gawain, pinanghihinaan sila ng loob: “Gumawa para sa isang tao? Hindi ako nanampalataya sa diyos para maglingkod sa mga tao; nandito ako para gawin ang aking tungkulin. Hindi ako nandito para magsilbi sa isang tao, hindi ako nandito para maglingkod o magserbisyo para sa isang tao!” Maraming tao ang gumagawa sa kanilang tungkulin sa iglesia. Kung hihilingin mo sa kanilang gawin ang isang bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos o sa mga kapatid, tinatanggap nila ang mga tungkuling ito nang may kagalakan, pakiramdam nila ay may matibay silang batayan para gawin ito. Anong batayan? “Tinatanggap ko ito mula sa diyos; ito ang aking tungkulin, ang aking responsabilidad.” Pero kapag hinihiling sa kanila ng nagkatawang-taong Diyos na gawin ang isang bagay, nawawala ang kanilang teoretikal na batayan ng “pagtanggap mula sa diyos,” at nagiging atubili at malungkot sila, ayaw nilang gawin ito. Iniisip nila, “Kung para ito sa iglesia, ayos lang, dahil isa akong taong gumagawa ng gawain para sa iglesia; kung para ito sa mga kapatid, ayos lang din iyon, dahil kabilang silang lahat sa sambahayan ng diyos, sa diyos; kung para ito sa sambahayan ng diyos, dahil ang pangalan na ‘sambahayan ng diyos’ ay napakabanal, napakadakila at marangal, kaya ganap na makatwiran ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng diyos, at nagdadala ito ng karangalan at pagkilala. Pero ang gumawa ng isang bagay para sa isang walang halagang taong tulad mo, ano ba iyon? Paggawa ba iyon sa aking tungkulin? Hindi yata ito tama o angkop. Hindi ito paggawa sa aking tungkulin, ni hindi ito pagtatrabaho. Paano ko ito dapat ituring?” Nahaharap sila sa isang mahirap na desisyon, hindi nila alam kung paano ito haharapin. Iniisip nila, “Hindi ito gawain, ni hindi ito paggawa sa aking tungkulin, at siguradong hindi ito kapaki-pakinabang sa mga kapatid. Kung hihilingin mo na gawin ko ito para sa iyo, sige, gagawin ko ito nang simple, pero hindi ako matutuwa o masisiyahan dito. Tila hindi ito tama o angkop! Sino ang makakaalala o makakaalam ng ginagawa ko para sa iyo? Makukuha ba nito ang pabor ng sinuman? Magkakamit ba ako ng gantimpala dahil dito? Maituturing ba itong paggawa ko sa aking tungkulin? Dapat ko bang gawin ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo?” Sa kanilang puso ay ayaw nilang gawin ito, pakiramdam nila na isa itong abala, hindi kinakailangan, tulad ng pagtanggap ng isang gawain na hindi nila dapat tanggapin. Nababagabag sila at atubiling ginagawa ito, habang umaasang makakakuha ng ilang pakinabang, at lantaran pa ngang ipinapahayag, “Ayaw kong gawin ito,” nagpapakita ng matinding pag-aatubili. Sinasabi Ko, kung ayaw mong gawin ito, hindi mo ito kailangang gawin. Hindi Ko pinupuwersa ang sinuman na gumawa ng mga personal na gawain para sa Akin. Kung gusto mo itong gawin, gawin mo ito; kung hindi, hahanap Ako ng iba. Kung sino man ang handa, siya ang uutusan Ko. Hindi ba’t simple lang iyon? Sa dami ng tao na sumusunod sa sambahayan ng Diyos, madali lang makahanap ng isang taong sasang-ayon at handang gawin ang gawain. Kaya Kong makahanap ng gayong tao. Hindi kailangang ikaw ang piliin; napakadali nito! Mahirap bang makahanap ng isang tao sa sambahayan ng Diyos na maaasahan, totoo, at may kakayahang mag-asikaso ng mga gawain? (Hindi.) Bagaman hindi Ako nagkaroon ng partikular na malapit o magandang ugnayan sa sinuman sa pribado, at wala Akong naging mga personal na kaibigan o malalim na emosyonal na koneksiyon, sa loob ng tatlumpung taong ito, ang Aking mga salita ang kinakain at iniinom at pinakikinggan ng lahat ng tao sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nananampalataya at sumusunod sa Akin ang mga taong ito, sa kanilang diwa man o sa kaibuturan ng kanilang puso, sa panlabas o sa salita. Bagaman hindi Ko direktang binigyan ng mga espesyal na benepisyo o pangako ang sinuman, ni hindi Ko direktang pinuri o itinaas ang ranggo ng sinuman, lahat ng sumusunod sa Akin mula sa simula hanggang ngayon ay kumakain at umiinom ng maraming salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga sinabi Ko, naunawaan man ng mga taong ito ang kaunting katotohanan o naunawaan ang mga doktrina ng sariling asal, hindi ba’t nagtamo silang lahat ng marami-rami? (Oo.) Mula sa perspektibang ito, wala dapat Akong pagkakautang sa inyo, tama? Hindi Ko dapat sabihin ito, pero kailangan Ko ito ngayong banggitin dito. Hindi ba’t kayo ang may pagkakautang sa Akin? (Oo.) Kaya, kung personal Kong hihilingin sa sinuman sa inyo na gawin ang isang bagay, hindi kayo dapat umayaw, tama? (Handa kami.) Mula sa anumang perspektiba, kapag hiniling Ko sa inyo na gawin ang isang bagay, dapat pa ba Akong mambola o sumipsip sa inyo, o magsabi ng mga salitang masarap pakinggan at mga pangako? (Hindi.) Pero hindi handa ang ilan, na nagsasabing: “Bakit sobrang hindi nakakaganang gumawa ng isang bagay para sa iyo? Bukod sa walang pakinabang, nakakapagod at nakakaabala pa ito!” Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? (Nagagalit.) Kung ang isang ordinaryong tao, hindi kapansin-pansin sa mata ng mundo, ay binisita ng isang mataas na opisyal na nagkatiwala sa kanya ng isang gawain, puwede niyang subukang bolahin ang opisyal gamit ang lahat ng paraan, tuwang-tuwa siya at nararamdaman niyang isa itong karangalan, at hindi niya kailanman makakalimutan ang maliit na bagay na iyon sa buong buhay niya. Kung natatrato nang ganito ng mga tao ang isang taong may katayuan, bakit hindi nila ito magawa para kay Cristo? Bakit hindi nila ito maisakatuparan? Bakit kaya? (Dahil likas na mapanlaban sa Diyos ang mga tao.) Tama iyan; pinatutunayan lamang nito ang puntong iyon. Puwedeng maging katugma ng isang Satanas na may mataas na katayuan ang mga tao, pero sa kanilang puso ay hinahamak nila si Cristo, nilalabanan, itinatakwil, itinatatwa, at inaabandona Siya. Kung hihilingin sa kanila na lumuhod at sumamba sa isang diyablo, masaya silang gagapang, pero pagdating kay Cristo, sa ordinaryong taong ito, na mula sa Kanya ay napakarami nilang natanggap, hindi sila handang tumayo man lang at makipag-usap o makipag-ugnayan sa Diyos bilang kapantay. Ano ang mga gayong nilalang? Mga diyablo sila, hindi sila mga tao. Kalaunan, hiniling Ko sa ibang tao na gawin ang gawain, at maayos naman ang taong ito. Sinabi ng taong naghatid ng mensahe tungkol dito na: “Talagang masaya ang taong nag-aasikaso sa gawain sa pagkakataong ito, handang-handa siyang gawin ang isang bagay para sa Diyos.” Sinabi Ko, “Sige, kung handa siya, mabuti iyon. Pero ano ba ang espesyal sa paggawa ng isang maliit na gawain? Inaasahan na ito, hindi na kailangan pang magpadala ng mensahe para ideklara ito.” Ano ang tingin ninyo tungkol sa mensahe na iyon na ipinadala? Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? Nanlalamig ba kayo? (Oo.) Bakit kayo nanlalamig dito? (Isang bagay ito na dapat gawin ng mga tao, pero sinusubukan nilang magpalakas sa harap ng Diyos, na para bang isang malaking pabor sa Diyos ang paggawa ng isang bagay para sa Diyos.) Kaya, anong klaseng tao ang nagsabi nito? Ano ang kanyang karakter? (Mababa ang kanyang karakter, wala siyang konsensiya.) Kawalan ito ng pagkatao.
Para sa ilang tao, sa sandaling marinig nila ang tungkol sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos, tungkol sa pagtutustos ng Diyos sa tao, labis na naaantig ang kanilang puso, at walang tigil nilang pinasasalamatan ang Diyos: “Mahal na mahal ng diyos ang tao!” Labis silang nasasabik! Sa tuwing binabanggit ang mga paksang ito, napupuno ng luha ang mga mata ng mga taong ito, naaantig ang kanilang puso, at nagpapasya sila na masigasig na igugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Pero kapag hinihiling sa kanila na gawin ang maliit na bagay para sa nakikita at nahahawakang Diyos na nagkatawang-taong ito, nakakaramdam sila ng labis na pagkapahiya, pag-aatubili, at pag-ayaw. Ano ang nangyayari dito? (Nananampalataya sila sa isang malabong Diyos, hindi sa Diyos na nagkatawang-tao. Itinuturing nila ang malabong Diyos sa langit bilang dakila, pero nakikita nila ang Diyos na nagkatawang-tao bilang walang halaga.) Narinig Ko na handang-handa ang ilang tao na maglinis ng sapatos, maglaba ng medyas, at ipaglaba pa nga ang mga kapatid, pero kapag hinihiling sa kanila na gawin ang maliit na bagay para kay Cristo, ayaw nila. Hindi ito matiis ng iba at sinasabing, “Ano ang problema ng taong ito? Mas gugustuhin pa nilang gumawa ng mga bagay para sa mga kapatid kaysa para kay Cristo. Anong klaseng tao ito?” Ang ilang tao, kapag inatasan Ko sila ng isang gampanin, na kailangan nilang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at sa mga regulasyon ng iglesia, ay hindi ito sineseryoso pagkarinig dito. Sinasabi nila: “Anong sinasabi mo? Kailangan kong tanungin ang mga kapatid; kailangan kong isaalang-alang ang mga kapatid, para makinabang ang karamihan sa kanila.” Halimbawa, inatasan Ko ang ilang tao na magtanim ng mga puno ng prutas at inutusan Ko rin silang pumunta sa palengke upang tingnan kung anong uri ng mga puno ng prutas ang angkop na itanim sa lugar na ito. Sa isang panig, dapat angkop ang mga ito sa lokal na klima at lupa, at sa isa pang panig, dapat nating tingnan kung anong mga prutas ang itinuturing ng mga lokal na may mataas na nutrisyon at ang mga iyon ang itanim sa tamang bilang. Pagkatapos Kong magsalita, paano dapat kumilos ang mga nakarinig sa Akin? (Dapat agad nilang gawin ang Iyong sinabi.) Paano nila ito dapat ipatupad? (Dapat silang magsaliksik ng mga kaugnay na impormasyon, magtanong sa mga taong may kaalaman, alamin ang ilang detalye, at pagkatapos ay ipatupad ito.) Pagsunod sa Aking mga tagubilin ang pagpapatupad sa ganitong paraan, na isaalang-alang ang lokal na klima at suriin din kung anong mga prutas ang masustansiya. Ngayon, sa tingin ninyo, komprehensibo at praktikal ba ang Aking mga isinasaalang-alang? Gayumpaman, paano ito ipinatupad ng mga nakarinig sa Aking mga salita? Tinanong nila ang mga opinyon ng lahat ng kapatid sa lokal na iglesia, tinanong ang lahat kung anong mga prutas ang gustong kainin ng mga ito, at pagkatapos ay binilang ang mga paboritong prutas ng lahat para iyon ang kanilang itatanim ayon sa dami at proporsiyon. Ganito nila ito ipinatupad. Inalam nila ang mga opinyon ng mga kapatid, itinuturing na ang grupong ito, ang titulong ito, ang pinakamataas sa kanilang puso. Ang pagseserbisyo sa mga kapatid ang layon at pakay ng kanilang tungkulin. Naniniwala sila na ang pagseserbisyo sa mga kapatid ay pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos, at ang pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos ay pagseserbisyo sa mga kapatid. Kung masaya at kontento ang mga kapatid, masaya at kontento rin ang Diyos. Ang mga kapatid ang mga ganap na kinatawan ng Diyos, ang mga simbolo ng katotohanan, at ang mga tagapagsalita ng Diyos. Ang mga kapatid ang magpapasya; sila ang pangunahing sandigan sa sambahayan ng Diyos. Samakatwid, anuman ang gawin, hindi ito maihihiwalay sa titulo at grupo ng mga kapatid. Para sa sinumang gumagawa ng mga bagay o gumagawa ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang mga kapatid lang ang tamang mga tagapagtanggap ng kanilang pagseserbisyo. Ganito nila ito ipinatupad; walang halaga ang sinabi Ko. Gaano man kadetalyado ang Aking mga tagubilin, mga walang kabuluhang doktrina lamang ang mga ito para sa kanila, mga islogan lamang. Naniniwala sila na ang pagtutulot sa mga kapatid na ganap na ipahayag ang mga opinyon ng mga ito, pagbibigay sa mga ito ng sapat na karapatan sa pagsasalita at pagdedesisyon, at pagsasagawa ng demokrasya sa sambahayan ng Diyos, ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang sabihin Ko, ganito ang pananaw nila: “Wala talagang saysay ang mga sinasabi mo, pormalidad lang ito, at pagkatapos ay usapin na ito ng mga kapatid, hindi mo na ito usapin. Puwede ka nang tumabi! Walang kinalaman sa iyo ang kinakain at iniinom namin; magbigay ka lang ng pera at ayos na iyon. May pagkain at inumin kami, at iyon ang pinakamataas na katotohanan. Ang pagseserbisyo sa sambahayan ng diyos, pagseserbisyo sa mga kapatid, pagpapasaya sa mga kapatid, pagtutulot sa kanila na matamasa ang ganap na karapatang pantao at kalayaan, ito ang pinakamataas na katotohanan.” Anong klaseng mga tao ang mga ito? Hindi ba’t ito ang gagawin ng mga anticristo? Ang unang pagpapamalas ng mga anticristo ng pagiging tutol sa katotohanan ay iyong kinokondena at itinatatwa nila ang katotohanan; pagkatapos, nagkakaroon sila ng alternatibong mga teorya at islogan na pinaniniwalaan nilang mabisa at may katuturan na ipatupad, hayagang nilalabag ang katotohanan, hayagang kinokondena at tinatakwil si Cristo. Sa gayon kaliit na bagay nabubunyag ang mga anticristo. Mga tao ba silang tumatanggap sa katotohanan? (Hindi.)
Madalas Kong marinig na sinasabi ng ilang tao, “Naku, tingnan mo kung gaano kabalisa ang mga kapatid”; o, “Naku, tingnan mo kung gaano kasaya ang mga kapatid”; o, “Naku, tingnan mo kung gaano nanlulumo ang mga kapatid; talagang nagdurusa sila.” Bakit napakataas ng katayuan ng mga kapatid sa kanilang puso? Bakit mahal na mahal nila ang mga kapatid? Ang mahalin ang napakaraming tao, gaano sila kabait? Sige; magsasabi Ako ng isang bagay at gagawin mo ang sasabihin Ko, okey? Kung kaya mong tanggapin ang napakaraming tao, hindi dapat maging problema ang pagdagdag ng isa pang taong tulad Ko, tama? Kaya mo rin dapat Akong tanggapin? Sa kabaligtaran, hindi nila kayang tanggapin ang sinasabi Ko, ni Ako ay hindi nila kayang tanggapin. Kaya nilang tanggapin ang lahat ng kapatid, kaya nilang tanggapin ang lahat sa iglesia, pero sadyang hindi nila kayang tanggapin si Cristo. Anong klaseng nilalang ito? Tao ba ito? Karapat-dapat ba ang gayong tao na maging tagasunod ni Cristo? (Hindi.) Kung gayon, paano natin sila dapat ilarawan? (Isang diyablo, isang anticristo.) Hindi ba’t mali sila ng interpretasyon sa konsepto ng demokratikong halalan sa sambahayan ng Diyos? Ang pagsangkot sa mga kapatid sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos, pagtutulot sa kanilang ipahayag ang kanilang mga opinyon, pagtutulot sa kanilang ihalal at tanggalin ang mga lider, at pagtutulot sa kanilang magdesisyon—iniisip ba nila na ang mga kapatid ang pinakamataas sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t mali itong pagkaunawa sa demokratikong halalan sa sambahayan ng Diyos? Ano ang prinsipyo ng demokratikong halalan? Ang pagtutulot ba sa mga kapatid na bumoto nang demokratiko ay nangangahulugang sila ang may huling pasya? Nangangahulugan ba ito ng pagtutulot sa mga tiwaling disposisyon ng tao na magkaroon ng huling pasya? Nangangahulugan ba ito ng pagtutulot sa mga diyablo at mga Satanas na humawak ng kapangyarihan? Hindi, nangangahulugan ito ng pagtutulot sa katotohanang nauunawaan sa puso ng mga kapatid na humawak ng kapangyarihan, hindi ang mga kapatid mismo, ang mga likas at tiwaling taong ito. Hindi ito pagtutulot sa pagkamainitin ng ulo na humawak ng kapangyarihan, hindi pagtulot sa mga kuru-kuro ng tao na humawak ng kapangyarihan, hindi pagtutulot sa paghihimagsik at paglaban ng tao na humawak ng kapangyarihan, at hindi pagtutulot sa mga buktot na disposisyon ng tao na humawak ng kapangyarihan—ito ay pagtutulot sa katotohanan na humawak ng kapangyarihan. Nagtatanong ang ilang tao, “Bakit nahahalal ang mga anticristo sa ilang halalan sa iglesia, o bakit gumagawa ng mga maling desisyon ang mga lider at manggagawa ng iglesia?” Iyon ay dahil masyadong mababa ang tayog ng mga tao; hindi nila nauunawaan ang mga katotohanan at hindi nila nakikilatis ang mga tao. Gayumpaman, batay sa mga katotohanang prinsipyo ang prinsipyo ng mga halalan sa iglesia; nakabatay ito sa katotohanan. Kaya, ang mga anticristong ito—iyong mga walang espirituwal na pang-unawa—ano ang kanilang maling pinaniniwalaan? Iniisip nila na sa sambahayan ng Diyos ay dinadakila ang mga kapatid, na itinataas ang mga kapatid, na kagalang-galang sa mga mata ng Diyos ang titulo at grupo ng mga kapatid. Pero sa katunayan, kagalang-galang ba ang mga kapatid? Taglay ba nila ang katotohanan? Walang taglay na katotohanang realidad ang karamihan sa mga kapatid, wala silang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at puwede pang magdulot ng kaguluhan sa iba’t ibang proyekto sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi dahil sa interbensiyon at napapanahong pagtatama at paglutas mula sa ang Itaas sa mga problema, magagawa ba ng mga kapatid na ito na gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bukod sa hindi nila magagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, puwede rin silang magdulot ng maraming kaguluhan at pagkagambala. Mayroon bang katotohanan ang mga taong ito? Karapat-dapat ba silang dakilain? Hindi. Kung gayon, bakit kumikilos pa rin nang ganito ang mga anticristo? Ito ang kanilang likas na kalikasan. Naghahanap sila ng maidadahilan upang itatwa ang katotohanan at kondenahin si Cristo—hindi ba’t ito ang kanilang likas na kalikasan? Mayroon silang kalikasan ni Satanas; sila ay di-napipigilang inuudyukan nito!
Ang pangunahing pokus ng pagbabahaginan ngayon ay kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo depende sa kanilang lagay ng loob. Nauugnay sa lagay ng loob ng mga anticristo ang lahat ng aspekto ng ating pinagbabahaginan. Sa panlabas, tila ganito, pero sa katunayan, paano lumilitaw ang lagay ng loob na ito? Natutukoy ito ng tiwaling disposisyon at diwa ng mga anticristo. Dahil sa pagkakaroon ng diwa ng isang anticristo, nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng kaisipan, at sa ilalim ng pamamahala ng iba’t ibang kaisipang ito, nagkakaroon sila ng iba’t ibang kuru-kuro, pananaw, perspektiba, at paninindigan, na nagbubunga ng iba’t ibang lagay ng loob. Pagkatapos lumitaw ng mga lagay ng loob na ito, tinatrato ng mga anticristo ang Diyos sa langit at ang Diyos sa lupa—si Cristo—sa iba’t ibang gawi at gamit ang iba’t ibang pamamaraan at saloobin. Mula sa mga gawi, pamamaraan, at saloobing ito, sapat na ito upang patunayan ang diwa ng mga anticristo na pagiging tutol sa katotohanan, pagkamapanlaban sa katotohanan, pagtatatwa kay Cristo, at pagkondena kay Cristo. Tuwing nahaharap sila sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan, at sa diwa at pagkakakilanlan ng Diyos na nagkatawang-tao, sadya silang sumasalungat sa Diyos, gumaganap ng papel bilang mga kaaway ng Diyos. Kapag walang nangyayari, isinisigaw nila ang pangalan ng Diyos, palagi pa ngang binabanggit ang “diyos, aking diyos” sa kanilang pananalita. Kailangang magsimula ang lahat ng sinasabi nila sa: “O diyos, tingnan mo,” “O diyos, alam mo ba,” “O diyos, pakinggan mo ako,” “O diyos, kailangan kong humingi ng gabay tungkol sa isang bagay,” “O diyos, ganito ang sitwasyon,” at iba pa. Habang tinatawag nila ang “diyos,” sa kanilang puso, puno sila ng mga kuru-kuro, pagkamapanlaban, at panghahamak kay Cristo. Kapag nahaharap ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at si Cristo sa iba’t ibang kapaligiran at kalagayan, paulit-ulit na nagbabago ang saloobin ng mga anticristo kay Cristo at sa Diyos, sumasailalim sa iba’t ibang pagbabago. Kapag may mga hinihingi sa kanila si Cristo at nagpapakita sa kanila ng kabaitan at kabutihan, tila banayad at maamo ang kanilang saloobin; kapag mahigpit sa kanila si Cristo, pinupungusan sila, ang kanilang saloobin kay Cristo ay nagiging saloobin ng pagkasuklam, pagkamuhi, at panghahamak, maging ng pag-iwas at pagtatakwil sa Kanya. Kapag malinaw silang pinapangakuan ni Cristo ng mga gantimpala at pagpapala, lihim silang nagagalak sa kanilang puso, at nagpapalakas pa nga, sumisipsip, at nambobola sa Kanya, hindi nag-aatubiling isakripisyo ang kanilang dignidad at integridad para makuha ang mga benepisyong ito. Gayumpaman, anuman ang kanilang saloobin, hindi sila kailanman nagkaroon ng tunay na pagtanggap at pananalig kay Cristo, lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang kanilang saloobin kay Cristo ay palaging saloobin ng pag-iwas, pagkondena, at mapagmasid na pag-aatubili, tinatakwil Siya mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Saan man sila naroroon o anuman ang kanilang lagay ng loob, nananatiling hindi nagbabago ang kanilang diwa. Kahit na nagpapakita sila minsan ng ilang hindi inaasahang pagbabago o pagliko, pansamantala lamang ang mga ito. Ang dahilan nito ay likas na laban kay Cristo ang kalikasang diwa ng mga anticristo, kaya hindi nila kailanman taos-pusong tatanggapin ang karaniwang taong ito bilang kanilang Panginoon, bilang kanilang Diyos.
Ang pagbabahaginan sa iba’t ibang aspekto ng kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo depende sa lagay ng loob nila ay halos natalakay na. Ang huling isyu na dapat talakayin, gaya ng natanong Ko na sa inyo, ay kung ano ang halaga ng paglalantad sa mga usaping ito, at kung ano ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Puwedeng maipahayag lang mula sa dalawang aspekto ang halaga ng paglalantad sa mga bagay na ito. Ang isang aspekto ay iyong inilalantad nito kung ano talaga ang diwa ng mga tunay na saloobin ng mga tao sa Diyos, na nagtutulot sa mga tao na makita ang iba’t ibang pagpapamalas ng katiwalian ng sangkatauhan. Kapaki-pakinabang ito sa pagkilala sa sarili at sa pagkilala sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang isa pang aspekto ay iyong ipinaaalam nito sa mga tao kung ano talaga dapat ang tamang saloobin sa Diyos. Maaaring iniisip mo na ang paraan ng iyong pagtrato sa Diyos ay pagturing na sa Kanya bilang Diyos, pero sa katunayan, marami pa itong karumihan, maraming elemento na kay Satanas—pagpapamalas ng mga anticristo ang mga ito, na hindi kinikilala o tinatanggap ng Diyos. Isa itong karumihan na kailangang malinis. Mayroong halaga mula sa kapwa positibo at negatibong perspektiba rito: Sa pinakamababa, mula sa isang negatibong perspektiba, ipinaaalam nito sa iyo na negatibo ang mga bagay na ito, mga pagpapamalas ang mga ito ng isang anticristo. Ang positibong aspekto ay iyong ipinaaalam nito sa iyo na ayaw ng Diyos sa mga bagay na ito, hindi Niya tinatanggap ang pagtrato mo sa Kanya nang ganito. Ang implikasyon ay iyong, kahit gaano pa katama, kabuti, kalohikal, o kaayon sa mga sentimyento ng tao ang paniniwala nila sa kanilang pagtrato sa Diyos, hindi ito tinatanggap ng Diyos. Kung hindi ito tinatanggap ng Diyos, ano ang dapat mong gawin? Kung sasabihin mo, “Gagawin ko ito sa ganitong paraan, naniniwala akong tama ito at ipagpapatuloy ko ito; tanggapin Mo man ito o hindi, nagiging matuwid lang ako,” ayos lang ba ito? (Hindi.) Hindi natin tatalakayin kung tama ba ang ganitong saloobin sa ibang usapin; pagdating sa pagtrato sa Diyos, napakamapanganib ng pagkilos sa ganitong paraan, at dapat kang magbago ng landas. Ano ang dapat na saloobin ng mga tao sa mga bagay na hindi tinatanggap ng Diyos? Ang tanging saloobin na dapat mayroon ang mga tao ay ang tanggapin ang lahat ng nanggagaling sa Diyos; kahit na mukhang maganda o masama ito para sa kanila, kaaya-aya man itong pakinggan o masakit at hindi katanggap-tanggap, dapat silang tumanggap at magpasakop nang walang kondisyon, tinatrato ito bilang ang katotohanan para baguhin at dalisayin ang kanilang sarili. Ano ang halaga ng paglalantad sa mga bagay na ito? Hindi ba’t natalakay na ito kapwa mula sa negatibo at positibong mga aspekto? Kung gayon, ano ang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao? (Ang Diyos ang katotohanan, ang Diyos ang Tagapaglikha. Nagkatawang-tao man sa laman o nagpakita sa ibang anyo, ang katotohanan ang mga salitang Kanyang sinasabi, at dapat tayong magpasakop at tumanggap nang walang kondisyon.) Puwede bang magsabi ang lahat ng amen sa pahayag na ito? (Amen.) Nagsasabi rin Ako ng amen diyan; ang pagtanggap at pagpapasakop nang walang kondisyon, ito ang katotohanan. Sa anumang anyo o paraan nagpapakita at namumuhay ang Diyos sa gitna ng mga tao, kahit ano pa ang anyo ng Diyos, ang Diyos ay Diyos magpakailanman. Ito ang katotohanan, at ito ang katotohanang dapat pinakamaunawaan ng mga tao. Pangalawa, ang saloobing dapat mayroon ang isang nilikha sa Diyos ay pagpapasakop nang walang kondisyon. Dagdag pa rito, may isa pang punto na hindi nauunawaan ng mga tao: Bakit ba sumusunod ang mga tao sa Diyos? Para ba maibsan ang pagkabagot? Para punan ang kanilang mga isipan at tugunan ang kanilang espirituwal na kahungkagan? Para ba malutas ang kanilang kapalaran sa hinaharap? Para ba maging malinis, o para pumasok sa isang unibersidad ng katotohanan? Ano ang hinahangad ng mga tao na malutas sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos? Isang bagay ito na kailangang malaman ng mga tao. (Hinahangad nilang malutas ang kanilang tiwaling disposisyon.) Tama. Sumusunod ang mga tao sa Diyos para malutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Puwede bang malutas ng mga tao ang kanilang tiwaling disposisyon nang sila lang? Puwede ba itong malutas ng mga taong may katanyagan, kaalaman, at edukasyon? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na puwedeng makalutas sa isyung ito? (Walang sinuman ang makalulutas nito.) Pumarito ang Diyos ngayon para lutasin ang problemang ito; tanging ang nagkatawang-taong Diyos, tanging ang Diyos Mismo ang makalulutas nito. Bakit kayang lutasin ng nagkatawang-taong Cristo, na mukhang kapareho ng isang tao, ang problemang ito? May wika, mga kaisipan, at ideya ang mga tao, kaya bakit hindi nila ito kayang lutasin? Nasaan ang pagkakaiba? (Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay; walang taglay na katotohanan ang mga tao.) Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Tanging sa pagtanggap sa katunayang ito at sa pagtanggap sa lahat ng laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos maaaring malutas ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Ipinahihiwatig nito na humaharap ang mga tao sa Diyos para malutas ang kanilang tiwaling disposisyon, na nangangahulugang pagharap sa Diyos para matamo ang katotohanan. Tanging sa pagtamo ng katotohanan maaaring malutas ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Paano mo malulutas ang mga ito nang hindi natatamo ang katotohanan? Kaya bang malutas ng mga doktrina ang isang tiwaling disposisyon? Kaya ba ng kaalaman? Kaya ba ng mga kuru-kuro at imahinasyon? Hindi. Tanging ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao ang makakatulong sa iyo na malutas ito. Samakatwid, walang silbi na sumamba sa sinumang kilalang tao, dakilang tao, o pantas; hindi nila kayang lutasin ang iyong tunay na mga suliranin o iligtas ka. Bukod dito, hindi kayang lutasin ng pag-aaral ng anumang paksa, propesyon, o larangan ng kaalaman ang iyong tunay na mga suliranin o tunay na mga isyu. Kung sasabihin mo, “Hinahamak ko lang ang ordinaryong taong ito,” kailangang magbago ang iyong pananaw. Ito ang katunayan; ganito kumilos ang Diyos. Kung gusto mong tanggapin ang Diyos bilang iyong buhay, dapat mong tanggapin ang bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos at ang bawat kilos na ginagawa ng Diyos. Kung kinikilala mo ang Diyos bilang ang katotohanan, dapat mong paniwalaan at tanggapin ang katiyakan at pagiging ganap ng katunayan na kahit na sa anong paraan o anyo umiral o magpakita ang Diyos, palaging Siya ang katotohanan. Pagkatapos tanggapin ang katunayang ito, ano ang dapat mong maging saloobin sa pagtrato sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, sa ordinaryong taong ito? Narito ang katotohanan na dapat hanapin.
Ano ang nakapaloob na katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao sa paglalantad ng mga pagpapamalas—depende sa lagay ng loob ng mga anticristo ang pagtrato nila kay Cristo? Ibuod ninyo ang ilang aytem para maging malinaw ang mga ito at makaunawa at malinawan kayo sa katotohanang ito. (Nagbuod kami ng apat na aytem: Ang una ay na ang Diyos ay palaging Diyos, at ito ang katotohanan. Ang pangalawa ay na pagpapasakop nang walang kondisyon ang dapat na saloobin sa Diyos ng isang nilikha. Ang pangatlo ay na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at tanging sa pagtanggap ng katunayang ito at pagtanggap sa lahat ng laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos maaaring malutas ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang pang-apat ay na kung kinikilala ng mga tao ang Diyos bilang ang katotohanan, dapat nilang paniwalaan at kilalanin ang katiyakan ng katunayan na sa anumang paraan o anyo umiiral o nagpapakita ang Diyos, palaging Siya ang katotohanan.) Mahahalaga ba ang apat na aytem na ito? (Oo.) Sa totoo lang, alam ng lahat ang bawat isa sa mga aytem na ito pagdating sa doktrina, pero pagdating sa kung aling mga katotohanang prinsipyo ang kasangkot sa usapin ng kung paano tratuhin si Cristo, nalilito ang mga tao kapag nahaharap sa aktuwal na mga sitwasyon. Hindi nila alam kung paano isagawa ang mga ito, at nagiging mga doktrina lamang na hindi magagamit ang mga katotohanang dati nilang nauunawaan. Sapat na ipinapakita nito na gaano man karami ang doktrinang nauunawaan ng mga tao, wala itong silbi; kung hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi pa rin malulutas ang kanilang mga problema.
Hunyo 20, 2020