Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikatlong Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Paano magagawang manampalataya at sumunod ng isang tao sa Diyos nang hindi umaasa sa kanyang lagay ng loob at nang hindi naiimpluwensiyahan ng kanyang lagay ng loob o kapaligiran? Paano ito maisasakatuparan ng isang tao? Ano ang pinakamababang hinihingi para sa pananampalataya sa Diyos? Hinihingi nito ang pagkakaroon ng saloobin ng pagmamahal sa katotohanan at paghahanap sa katotohanan. Nagtatanong ang ilang tao, “Mahalaga ba ang pagkakaroon ng paninindigan at paggawa ng panata?” Ang mga ito ay kailangang-kailangan ngunit nakadepende sa yugto ng pananampalataya. Kung ang isang tao ay nasa una o pangalawang taon ng pananampalataya, kung wala ang mga ito, ang kanilang sigasig ay hindi mag-aalab. Kung walang sigasig, ang isang tao na nagsisimula pa lamang manampalataya sa Diyos ay maaaring maging maligamgam, hindi masyadong masikap sa kanyang paghahangad, hindi rin umaatras, ginagawa lang ang anumang hinihiling sa kanya. Nahihirapang umusad ang gayong tao, at wala siyang malinaw na saloobin. Samakatwid, kailangan ng mga bagong mananampalataya ang ganitong sigasig. Maaaring magdala ng maraming positibong bagay sa isang tao ang ganitong sigasig, na nagbibigay-daan sa kanya na mabilis na maunawaan ang katotohanan, ang pangitain, at ang layon ng gawain ng Diyos, at mabilis na maglatag ng pundasyon. Bukod pa rito, kapag ginugugol ng mga tao ang kanilang sarili at aktibo at masigasig silang nagbabayad ng halaga, mas mabilis silang pumapasok sa katotohanang realidad. Sa simula, kailangan ng isang tao ang sigasig na ito at dapat magkaroon siya ng kapasyahan at mga adhikain. Gayumpaman, kung pagkatapos ng mahigit tatlong taon ng pananampalataya sa Diyos, nananatili pa rin ang isang tao sa yugto ng kasigasigan, maaaring mayroong panganib. Nasaan ang panganib na ito? Palaging tinatrato ng mga tao batay sa kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro ang kanilang pananampalataya sa Diyos at ang mga usapin ng pagbabago sa disposisyon. Batay sa kanilang mga imahinasyon at mga kuru-kuro ay sinusubukan nilang makilala ang Diyos at magkamit ng pagkaunawa sa Kanyang gawain at sa Kanyang mga hinihingi sa mga tao. Makakapasok ba ang gayong mga tao sa katotohanang realidad o mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi maunawaan ng isang tao ang katotohanan, lumilitaw ang mga problema. Mayroon bang sinumang nananampalataya sa Diyos at buong buhay na namumuhay sa isang mapagpalayaw na kapaligiran, na palaging may mga biyaya at pagpapala? Wala, sa malao’t madali, kailangang humarap ng lahat sa tunay na buhay at sa iba’t ibang kapaligirang inihanda ng Diyos para sa kanila. Kapag nahaharap ka sa iba’t ibang kapaligirang ito at sa iba’t ibang isyu sa tunay na buhay, ano ang maaaring maging papel ng iyong kasigasigan? Maaari ka lang nitong himuking kontrolin ang iyong sarili, magbayad ng halaga, magdusa, pero hindi ka nito maaakay na maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos. Gayumpaman, kung hahanapin mo ang katotohanan at mauunawaan ang katotohanan, iba ito. Paano ito naiiba? Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nahaharap ka sa mga sitwasyong ito, hindi mo na tinatrato ang mga ito batay sa iyong sigasig o mga kuru-kuro. Tuwing nahaharap ka sa anumang bagay, dapat ka munang lumapit sa Diyos para maghanap at manalangin, para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos ay puwede ka nang maging mapagpasakop, at magkaroon ng gayong kamalayan at saloobin. Ang saloobin at kamalayang ito ay napakahalaga. Maaaring mangyari na sa isang partikular na pagsubok, wala kang nakakamit, hindi mo malalim na napapasok ang katotohanan, at hindi mo nauunawaan kung ano talaga ang katotohanang realidad. Gayumpaman, sa panahon ng pagsubok na ito, ang pagkakaroon ng gayong mapagpasakop na kamalayan at saloobin ay nagbibigay-daan sa iyo na tunay na maranasan kung paano dapat kumilos ang mga tao bilang mga nilikha at kung ano ang dapat nilang gawin para maging pinakanormal at pinakamaayos sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos o hindi mo alam kung ano ba mismo ang nais ng Diyos na matamo o makamit mo sa gayong kapaligiran, nararamdaman mo na kaya mong magpasakop sa Diyos at sa mga gayong kalagayan. Mula sa kaibuturan ng iyong puso, kaya mong tanggapin ang kapaligirang inihanda ng Diyos para sa iyo. Nararamdaman mong napanatili mo ang iyong tamang lugar bilang isang nilikha, hindi naghihimagsik o sumasalungat sa Diyos, at ang iyong puso ay nakakaramdam ng kapanatagan. Habang nakakaramdam ka ng kapanatagan, ang iyong pagtitiwala sa Diyos sa langit ay hindi malabo, at hindi mo nararamdamang malayo ka o na tinatanggihan mo ang Diyos na nasa lupa. Sa halip, mula sa kaibuturan ng iyong puso, mas may kaunti pang takot at mas may kaunti pang pagiging malapit din. Tingnan mo ito, ang pagkakaiba sa pagitan ng isang taong naghahanap sa katotohanan at kayang magpasakop, at ng isang taong umaasa sa kasigasigan at mayroon lamang kaunting paninindigan—malaki ba ang pagkakaiba? Napakalaki ng pagkakaiba. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon ang isang taong umaasa sa kasigasigan at may kapasyahan lang, siya ay lalaban, makikipagtalo, magrereklamo, at makakaramdam ng pagkaagrabyado. Maaaring isipin niya, “Bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Bata pa ako, bakit hindi ako aluin ng Diyos? Bakit hindi binibilang ng Diyos ang aking mga nakamit dati? Bakit ako pinaparusahan sa halip na gantimpalaan? Napakabata ko pa, ano ba ang alam ko? Kahit ang mga magulang ko sa bahay namin ay hindi ako kailanman tinatrato nang ganito; pinapahalagahan nila ako bilang kanilang espesyal na anak, ang kanilang munting sanggol. Ngayon na lumaki na ako nang husto matapos pumunta sa sambahayan ng Diyos, tila masyadong walang konsiderasyon na tratuhin ako ng Diyos nang ganito!” Ganito ang mga uri ng maling pangangatwiran na kanilang ginagawa. Paano lumilitaw ang mga gayong maling pangangatwiran? Kung ang isang tao ay naghahanap at nakakaunawa sa katotohanan, maaari pa rin ba siyang magkaroon ng mga gayong maling pangangatwiran? Kung nauunawaan at nalalaman ng isang tao ang mga katotohanang ito habang karaniwang ginagawa ang kanyang tungkulin, maaari pa rin ba siyang magkimkim ng mga gayong reklamo at pagkamainitin ng ulo kapag nahaharap sa mga sitwasyon? (Hindi.) Siguradong hindi siya magsasalita nang ganito. Sa halip, makikita niya ang kanyang sarili bilang isang ordinaryong nilikha at lalapit siya sa Diyos, na hindi alintana ang edad, kasarian, o kalagayan at katayuan, nagpapasakop at nakikinig lang siya sa mga salita ng Diyos. Kapag nagagawa ng mga tao na makinig sa mga salitang sinasabi ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, may pagpapasakop sila sa kanilang puso. Kapag nagagawa ng isang tao na mulat na magpasakop, kapag mayroon siyang saloobin ng pagpapasakop, tunay siyang tumatayo sa posisyon ng isang nilikha, na mayroong pagmamahal, pagpapasakop, at takot sa Diyos, na hindi umaasa sa kanyang mga lagay ng loob o emosyon. Ito ang ilang reaksiyon kapag ang mga tao ay nahaharap sa pagpupungos. Ano ang mga pangunahing reaksiyon? Masama ang loob nila, nadidismaya sila, pakiramdam nila ay naagrabyado sila, at na kailangan silang aluin. Kapag hindi nila natatanggap ang pag-alo o pagmamalasakit, nagsisimula silang magkimkim sa kanilang puso ng mga reklamo at mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ayaw na nilang manalangin sa Diyos, at sa kaibuturan nila, iniisip nilang talikuran na ang Diyos, gusto nilang lumayo sa Kanya—kapwa sa Diyos sa langit at sa Diyos sa lupa. Kung pupungusan Ko nang kaunti ang ilang tao, iiwasan nila Ako sa susunod na magkita kami, ayaw nilang makipag-ugnayan sa Akin. Karaniwan, kapag hindi sila pinupungusan, palagi silang nakapaligid sa Akin, nag-aalok ng tsaa, nagtatanong kung mayroon Akong anumang kailangan, mabuti ang kanilang lagay ng loob, masipag sila, madaldal, at malapit ang ugnayan sa Diyos. Pero kapag pinungusan na sila, hindi na ganoon—hindi na sila nag-aalok ng tsaa o nagpapadala ng mga pagbati, at kung magbibigay pa Ako ng ilan pang katanungan, basta na lang silang aalis, hindi na sila makikita.

Noong nasa mainland Tsina Ako, nanatili Ako sa mga bahay ng ilang kapatid. Ang ilan sa mga taong ito ay may masamang pagkatao, ang ilan ay mga bagong mananampalataya, ang ilan ay nagkaroon ng maraming kuru-kuro sa aming unang pagkikita at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at ang iba ay hindi talaga naghahangad sa katotohanan. Nang makita Kong nagbubunyag ang mga taong ito ng kanilang katiwalian, hindi Ko sila magawang pungusan; kailangan Kong magsalita nang banayad at maingat. Kung talagang pupungusan mo sila, magkakaroon sila ng mga kuru-kuro at paghihimagsik, kaya kailangan mo silang hikayatin at makipagnegosasyon sa kanila, at magbahagi pa ng katotohanan para gabayan sila. Kung hindi ka makikipagnegosasyon o makikipagbahaginan at direktang magbibigay lamang ng mga kahilingan, siguradong hindi ito gagana. Halimbawa, puwede mong sabihing, “Masyadong maalat ang pagkaing ito; siguro sa susunod ay bawasan ang alat nito. Hindi maganda sa kalusugan ang sobrang pagkain ng asin. Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat ka ring gumamit ng sentido komun at hindi maging mangmang; kailangan mong tanggapin ang mga positibong bagay. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, puwede kang magtanong sa isang practitioner ng tradisyonal na Chinese medicine tungkol sa mga epekto ng sobrang asin sa mga bato.” Ang pamamaraang ito ay katanggap-tanggap para sa kanila. Ngunit kung sasabihin mo, “Napakaalat ng pagkaing ito, gusto mo bang patayin ang isang tao sa alat? Bakit palagi mong masyadong inaalatan? Sobrang alat nito na hindi na ito makain! Bakit napakamangmang mo? Huwag mo nang gawing masyadong maalat ito sa susunod!” hindi iyon gagana. Sa susunod na pagkain, baka hindi na sila maglagay ng kahit kaunting asin. Tapos sasabihin mo, “Bakit napakatabang nito?” “Matabang? Hindi ba’t sinabi mong sobrang alat nito? Ang sobrang asin ay nakakasama sa mga bato, kaya hindi ba’t mas mabuting huwag nang maglagay ng asin kahit kaunti para hindi makasama sa mga bato?” Ang pagiging masyadong malupit magsalita ay hindi gagana; kailangan mong makipagnegosasyon at manghikayat. Maraming tao ang napakahirap kausap; kapag kausap mo sila, kailangan mong maging maingat sa paraan at tiyempo ng iyong pagsasalita, at isaalang-alang din ang kanilang lagay ng loob—kailangan mong makipagnegosasyon. Minsan, kung aksidenteng nagsalita ka nang medyo masyadong malupit, maaari mo silang masaktan, at maaari silang lumaban sa loob-loob nila. Sa panlabas, maaaring hindi ito mukhang malaki, pero sa loob, iba ito. Karaniwan, kapag humihiling ka sa kanila na gawin ang isang bagay, ginagawa nila ito kaagad, ngunit kung nasaktan mo ang kanilang damdamin, hindi na sila nagiging masigasig sa paggawa ng mga bagay, nagmamabagal sila at ayaw na nila talaga. Sinasabi nila, “Paano ako magiging mabuti sa iyo kapag masama ang lagay ng loob ko? Magiging mas mabait ako kapag maganda ang lagay ng loob ko, pero kapag hindi, sapat na ang makaraos lang.” Anong klaseng nilikha ito? Hindi ba’t mahirap pakitunguhan ang mga tao? (Oo.) Sadyang ganito ang mga tao, hindi tinatablan ng katwiran at walang lohika. Kapag kalaunan ay pinagnilayan nila ang kanilang sarili, maaaring yumuko sila, mangumpisal ng kanilang mga kasalanan, at humagulgol nang husto, pero ganoon pa rin ang reaksiyon nila kapag naharap silang muli sa mga gayong bagay at napungusan. Ito ba ay isang taong naghahanap sa katotohanan? (Hindi.) Anong klaseng tao ito? Ang gayong tao ay matigas ang ulo at hindi talaga tinatanggap ang katotohanan. Ganito ang klase ng saloobin ng mga tao sa Diyos kapag nahaharap sila sa pagpupungos, at kapag nahaharap sa mga paghihirap. Sa madaling salita, hindi sila mapagpasakop, hindi nila matanggap ang katotohanan, at kapag nasasaktan sila, tinatrato nila ang Diyos ayon sa kanilang pagkamainitin ng ulo. Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag nakatagpo Ko ang ilang tao, kahit bago Ko pa sila pungusan, sa pagsasalita Ko lang tungkol sa naturang usapin, sumisimangot sila, masungit silang nagsasalita, may masama silang saloobin, at ibinabato pa ang mga bagay. Hindi ka puwedeng magsalita nang prangka sa kanila; kailangan mong magpaligoy-ligoy at maging maingat. Puwede ba Akong magsalita sa gayong paligoy-ligoy na paraan tulad ng ginagawa ng mga tao? Kaya mo man itong tanggapin o hindi, kailangan Kong sabihin ang totoo—ang mga bagay ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa sambahayan ng Diyos. Walang ipinapakitang reaksiyon ang ilang tao kapag pinupungusan, ngunit nagtatampo sila sa loob-loob nila. Kaya bang gawin nang maayos ng gayong tao ang kanyang tungkulin? (Hindi.) Kung hindi niya magawa nang maayos ang kanyang tungkulin at palagi siyang nagkakamali, kailangan siyang pangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo.

2. Ang Kanilang Pag-uugali kay Cristo Noong Siya ay Tinutugis, Nang Walang Mapagpahingahan ng Kanyang Ulo

Sa mainland Tsina, araw-araw ay may panganib sa pananampalataya at pagsunod sa Diyos. Napakahirap ng kapaligiran para dito, maaaring maaresto ang isang tao sa anumang oras. Naranasan na ninyong lahat ang isang kapaligiran kung saan kayo ay tinutugis—at hindi ba’t Ako rin naman? Kayo at Ako ay namuhay sa parehong kapaligiran, kaya’t sa kapaligirang iyon, hindi Ko maiwasang magtago nang madalas. May mga pagkakataong kailangan Kong lumipat ng lugar dalawa o tatlong beses sa isang araw; may mga pagkakataon pa nga na kailangan Kong pumunta sa isang lugar na hindi Ko pinangarap na mapuntahan. Ang mga pinakamahirap na pagkakataon ay iyong wala Akong mapuntahan—nagdaraos Ako ng pagtitipon sa araw, pagkatapos sa gabi, hindi Ko alam kung saan ang ligtas na lugar. Minsan, matapos magpakahirap na makahanap ng lugar, kailangan Ko nang umalis kinabukasan, dahil ang malaking pulang dragon ay papalapit na. Ano ang iniisip ng mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos kapag nakikita nila ang gayong eksena? “Na pumarito ang Diyos sa lupa sa katawang-tao upang iligtas ang tao ay ang halagang Kanyang binayaran. Isa ito sa mga paghihirap na Kanyang naranasan, at tinutupad nito ang Kanyang mga salita na nagsasabing, ‘May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang mapaghiligan ng Kanyang ulo’ (Mateo 8:20). Talagang ganito ang mga bagay-bagay—at si Cristo na nagkatawang-tao ay personal na dumaranas ng ganitong paghihirap, katulad ng tao.” Makikita ng lahat ng tunay na nananampalataya sa Diyos kung gaano kahirap ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao, at dahil dito, mamahalin nila ang Diyos, at pasasalamatan Siya para sa halagang Kanyang ibinayad alang-alang sa sangkatauhan. Ang mga may napakasamang pagkatao, na mapaminsala at ganap na tumatanggi sa katotohanan, gayundin ang mga sumusunod kay Cristo nang dahil lang sa kuryosidad o dahil gusto nilang makakita ng mga himala, ay hindi nag-iisip nang ganito kapag nakikita nila ang mga gayong eksena. Iniisip nila, “Wala kang matutuluyan? Ikaw ang diyos, gumagawa upang iligtas ang mga tao, pero hindi mo man lang mailigtas ang iyong sarili at hindi mo alam kung saan ka tutuloy bukas. Ngayon wala ka man lang matutuluyan—paano ako mananampalataya o susunod sa iyo?” Habang mas nagiging mapanganib ang mga sitwasyon, mas natutuwa sila, iniisip na, “Buti na lang, hindi ko lubusang tinalikuran ang lahat; buti na lang, may nakareserba akong plano. Kita mo? Wala ka nang tahanan ngayon! Alam ko na magkakaganito—wala kang mapagpahingahan ng iyong ulo, at kailangan ko pang tumulong na makahanap ng matutuluyan mo.” Nabunyag na sila, hindi ba? Kung nasaksihan ng mga gayong tao ang eksena ng pagkakapako sa Panginoong Jesus, paano sila aasal? Noong buhat-buhat ng Panginoong Jesus ang krus patungo sa Golgota, nasaan kaya ang mga gayong tao? Patuloy ba nilang masusundan Siya? (Hindi.) Itatatwa nila ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang Kanyang diwa, at maging ang Kanyang pag-iral. Tatakas sila, poprotektahan ang kanilang sarili, hindi na sila susunod sa Diyos. Gaano man karaming sermon ang narinig nila noon, naglaho ang lahat ng ito sa kanilang puso, naglaho nang walang bakas. Naniwala sila na totoo at galing sa tao ang lahat ng nakita nila sa harap nila, walang kinalaman sa Diyos. Iniisip nila, “Ang taong ito ay tao lamang; nasaan sa kanya ang pagkakakilanlan o diwa ng diyos? Kung siya ang diyos, magtatago at magkukubli ba siya nang ganito, tinutugis ni Satanas nang walang mapagpapahingahan ng kanyang ulo, walang masisilungan? Kung siya ang diyos, dapat bigla na lang siyang magbagong-anyo at maglaho sa harap ng lahat ng tao kapag siya ay tinutugis, ginagawa iyon para walang sinumang makakita sa kanya, at dapat alam niya kung paano gawing di-nakikita ang sarili niya—iyon ang pagiging diyos!” Sa mapanganib na kapaligiran sa mainland Tsina, may ilang kapatid, nang makita nilang pumunta Ako sa kanilang lugar, na sumugal sa kanilang kaligtasan upang patuluyin at protektahan Ako, habang ang iba naman ay tumakas, naglalaho nang walang bakas. Naaaliw pa ngang nanood ang iba, nakatingin mula sa isang tabi. Sino ang mga taong ito? Sila ang mga hindi mananampalataya, mga anticristo. Nang makita ng mga taong ito si Cristo na tinutugis mula sa siyudad na ito patungo sa susunod na siyudad, paano nila nauunawaan ang sitwasyong ito? Paano nila naunawaan ito? “Si cristo ay nasa panganib din. Kung maaaresto siya, katapusan na ng gawain ng iglesia, at matitigil na ang gawain ng sambahayan ng diyos. Patutunayan nito na mali ang pinatotohanan ng diyos—na hindi ito nagmumula sa diyos, kundi sa tao. Mabuti pang umuwi na ako para mamuhay ng sarili kong buhay; magpapakayaman na ako!” Ganito ang asal ng isang anticristo. Nang maharap si Cristo sa pagtutugis at walang mapagtaguan at walang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, sa halip na makipagkaisa sa puso upang magdusa kasama ang Diyos at ipagpatuloy ang gawain ng iglesia kasama Siya sa gayong kapaligiran, naging mga tagamasid sila na nanonood at nangutya sa Kanya. Sinulsulan pa nga nila ang iba na magsanhi ng pagkawasak, mga pagkagambala, at kaguluhan, at higit pa rito, nang makita ng ilang tao na wala Akong mapagtataguan at matutuluyan, sinamantala nila ang pagkakataon upang guluhin ang gawain ng iglesia at agawin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Katulad ito noong ipinako si Jesus sa krus, maraming hindi mananampalataya at anticristo ang nag-isip, “Katapusan na ng iglesia, katapusan na ng gawain ng diyos, ganap na itong winasak ni Satanas. Mabuti pang magmadali na tayong tumakas at simulan na nating paghati-hatian ang mga yaman!” Anuman ang mga sitwasyon na kanilang kinakaharap, palaging ibubunyag ng mga hindi mananampalataya at anticristong ito ang kanilang malulupit na disposisyon, ibinubunyag ang mga tunay na katangian ng mga hindi mananampalataya. Kapag ang iglesia ay nakakaranas ng kahit katiting na problema o masasamang sitwasyon, gusto nila agad na tumakas, sabik na ang lahat ng kapatid ay maghiwa-hiwalay, umatras, at hindi na sumunod kay Cristo. Taimtim nilang hinihiling na mali ang daloy na ito, at na hindi matapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga tunay na katangian ng mga anticristo. Ito ang saloobin ng mga anticristo kay Cristo kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon.

3. Ang Kanilang Pag-uugali Kapag Nagkakaroon Sila ng mga Kuru-kuro Tungkol kay Cristo

Ang isa pang aytem ay ang mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao. Halimbawa, kapag nakikita nila ang Diyos na nagkatawang-tao na gumagawa ng ilang bagay o nagsasabi ng ilang salita na parang tao, kung saan hindi nauunawaan ang kahit anong bakas ng pagka-Diyos, nagkakaroon sila ng paglaban at nagbubunga ng mga kuru-kuro at pagkondena mula sa kaibuturan ng kanilang puso, iniisip nila, “Kahit paano ko siya tingnan, ang taong iyon ay hindi mukhang diyos; mukha lang siyang ordinaryong tao. Kung siya ay mukhang tao, kaya pa rin ba niyang maging diyos? Kung siya ay isang tao, hindi ba’t napakalaking kahangalan ang pagsunod sa kanya nang ganito?” Nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa pananalita at mga kilos ni Cristo, tungkol sa estilo ng pamumuhay ni Cristo, sa Kanyang kasuotan at anyo, at maging sa paraan ng Kanyang pagsasalita, sa Kanyang tono, mga ginagamit na salita, at iba pa—kaya nilang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng ito. Kapag lumitaw ang mga kuru-kurong ito, paano nila tinatrato ang mga ito? Kinikimkim nila ang mga kaisipang ito at hindi nila pinakakawalan ang mga ito, naniniwala sila na ang paghawak sa mga kuru-kurong ito ay tulad ng pagsunggab sa susi. Iniisip nila na ang “susing” ito ay dumating sa tamang oras, na kapag mayroon sila ng mga kuru-kurong ito, nagbibigay ito sa kanila ng bentaha, at kapag mayroon na silang bentaha, nagiging madali na itong pangasiwaan. Ganito mag-isip ang mga anticristo; pakiramdam nila, ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay katumbas ng pagkakaroon ng bentaha, at sa gayon ay puwede nilang itatwa si Cristo sa anumang oras at lugar at puwede nilang itatwa ang katunayan na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Bakit nagkikimkim ng mga gayong intensyon ang mga anticristo?” Sabihin ninyo sa Akin, ang mga anticristo ba, iyong mga kasamahan ni Satanas, ay umaasam na matagumpay na makokompleto ang gawain ng Diyos, o hindi? (Hindi sila umaasam.) Bakit hindi nila ito inaasam? Ano ang ipinapakita nito? Ang mga anticristo ay likas na tutol sa katotohanan, at ang lahat ng salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, na lubos nilang kinasusuklaman sa kanilang puso at ayaw nilang pakinggan o tanggapin. Ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa sangkatauhan ay mga pagkondena sa mga anticristo at masasamang taong ito, at para sa kanila, ang mga salitang ito ay mga pagkondena, paghatol, at pagsumpa, na nagpaparamdam sa kanila ng pagkaasiwa at pagkabalisa kapag naririnig nila ang mga ito. Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? “Hinahatulan at kinokondena ako ng lahat ng salitang ito na sinasabi ng diyos. Mukhang hindi maliligtas ang isang tulad ko; ako ang uri ng tao na natitiwalag at tinatanggihan. Dahil wala akong pag-asang maligtas, ano pa ang silbi ng pananampalataya sa diyos? Pero ang totoo ay siya pa rin ang diyos, siya ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos, na nagsalita ng napakaraming salita at may napakaraming tagasunod. Ano ang dapat kong gawin tungkol dito?” Nababalisa sila sa usaping ito; kung wala silang matatamo, ayaw rin nilang may matamo ang iba. Kung matatamo ito ng iba samantalang sila ay hindi, labis silang mamumuhi at madidismaya. Umaasa sila na ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi ang Diyos at na ang gawain na Kanyang ginagawa ay huwad at hindi gawa ng Diyos. Kung ganito nga ang kaso, magiging balanse ang pakiramdam nila sa loob nila, at malulutas ang ugat ng problema. Iniisip nila, “Kung ang taong ito ay hindi ang nagkatawang-taong diyos, hindi ba’t nangangahulugan na nalilinlang ang mga sumusunod sa kanya? Kung ganoon nga, magkakawatak-watak ang mga taong ito sa malao’t madali. Kung magkakawatak-watak sila at wala sa kanila ang magtatamo ng anuman, hindi ako makokonsensiya at balanse ang pakiramdam ko na wala akong natamo, tama ba?” Ganito ang kanilang mentalidad; wala silang matamo, kaya ayaw nilang may matamo rin ang iba. Ang pinakamainam na paraan upang pigilan ang iba na may matamong kahit ano ay ang itatwa si Cristo, itatwa ang diwa ni Cristo, itatwa ang gawaing ginawa ni Cristo, at itatwa ang lahat ng salitang sinabi ni Cristo. Sa ganitong paraan, hindi sila makokondena, at matatanggap nila at payapa sila na wala silang natamong kahit ano, hindi na nila kailangang mag-alala tungkol sa bagay na ito. Ito ang kalikasang diwa ng mga taong tulad ng mga anticristo. Kaya, mayroon ba silang mga kuru-kuro tungkol kay Cristo? At kapag mayroon silang mga kuru-kuro, nilulutas ba nila ang mga ito? Kaya ba nilang bitiwan ang mga ito? Hindi nila kaya. Paano sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro? Madali para sa kanila na magkaroon ng mga kuru-kuro: “Kapag nagsasalita ka, sinisiyasat kita, sinusubukan kong intindihin ang motibo sa likod ng iyong mga salita at kung saan nagmumula ang mga ito. Narinig o natutunan mo ba ang mga ito, o may nagturo ba sa iyo na sabihin ang mga ito? May nag-ulat ba o nagsampa ng reklamo laban sa iyo? Sino ang iyong inilalantad?” Ganito sila nagsisiyasat. Kaya ba nilang maunawaan ang katotohanan? Hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan; nilalabanan nila ito sa kanilang puso. Tutol sila sa katotohanan, nilalabanan nila ito, at kinamumuhian ito, at nakikinig sila sa mga sermon nang may ganitong uri ng kalikasang diwa. Bukod sa mga teorya at doktrina, ang nakakalap lang nila ay mga kuru-kuro. Anong klaseng mga kuru-kuro? “Nagsasalita si cristo sa ganitong paraan, minsan ay nagpapatawa pa siya; hindi iyon kagalang-galang! Gumagamit siya minsan ng mga matalinghagang kasabihan; hindi iyon seryoso! Hindi mahusay ang kanyang pananalita; hindi mataas ang kanyang pinag-aralan! Minsan, kailangan niyang pagmuni-munihan at pag-isipan ang gagamitin niyang mga salita; hindi siya nag-aral sa unibersidad, hindi ba? Minsan, ang kanyang pananalita ay may pinupuntiryang partikular na tao—sino? May nagsampa ba ng reklamo? Sino iyon? Bakit palagi akong pinupuna ni cristo kapag nagsasalita siya? Pinapanood at pinagmamasdan ba niya ako buong araw? Ginugugol ba niya ang buong araw sa pagbubulay-bulay tungkol sa mga tao? Ano ang iniisip ni cristo sa kanyang puso? Ang pananalita ng diyos na nagkatawang-tao ay hindi katunog ng kagimbal-gimbal na tinig ng diyos sa langit na may hindi makukuwestiyong awtoridad—bakit sobrang malatao ang ipinapamalas niya? Tao lang siya, kahit paano ko pa siya tingnan. May kahit anong kahinaan ba ang diyos na nagkatawang-tao? Namumuhi ba siya sa mga tao sa puso niya? Mayroon ba siyang kahit anong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao?” Hindi ba’t marami ang mga kuru-kurong ito? (Oo.) Ang mga iniisip ng mga anticristo ay puno ng mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, pawang nagmumula sa pag-iisip at lohika ni Satanas, mula sa pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Sa kaibuturan, puno sila ng kabuktutan, puno ng kalagayan at disposisyon na tutol sa katotohanan. Dumarating sila hindi upang hanapin o matamo ang katotohanan, kundi upang siyasatin ang Diyos. Ang kanilang mga kuru-kuro ay maaaring lumitaw anumang oras, saanmang lugar, at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro habang nagmamasid, habang nagsisiyasat. Nabubuo ang kanilang mga kuru-kuro habang sila ay naghuhusga at nagkokondena, at mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga kuru-kurong ito sa kanilang puso. Kapag inoobserbahan nila ang bahagi ng pagiging tao ng Diyos na nagkatawang-tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Kapag nakikita nila ang bahagi ng Kanyang pagka-Diyos, nagiging mausisa sila at namamangha sila, na nagiging sanhi rin ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro. Ang kanilang saloobin kay Cristo at sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi saloobin ng pagpapasakop o ng tunay na pagtanggap mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa halip, sila ay nakatayo sa tapat ni Cristo, pinagmamasdan at sinisiyasat ang Kanyang tingin, mga iniisip, at tindig, at pinagmamasdan at sinisiyasat pa nga ang bawat ekspresyon ni Cristo, pinakikinggan ang bawat klase ng tono, intonasyon ng pagsasalita, at mga salitang ginagamit, at kung ano ang tinutukoy sa pananalita ni Cristo at iba pa. Kapag pinagmamasdan at sinisiyasat ng mga anticristo si Cristo sa ganitong paraan, ang kanilang saloobin ay hindi upang hanapin ang katotohanan at maunawaan ito upang matanggap nila si Cristo bilang kanilang Diyos at matanggap si Cristo bilang kanilang katotohanan at buhay. Sa kabaligtaran, gusto nilang siyasatin ang taong ito, upang lubusang siyasatin at maarok Siya. Ano ang sinusubukan nilang maarok? Sinisiyasat nila kung paano nahahawig sa Diyos ang taong ito, at kung tunay ngang kahawig Siya ng Diyos, tatanggapin nila Siya. Kung gaano man nila Siya siyasatin ay hindi Siya mukhang Diyos, tuluyan nilang binibitiwan ang ideya at patuloy na pinanghahawakan ang mga kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, o, sa paniniwalang walang pag-asang maaaring tumanggap ng mga pagpapala, naghahanap sila ng pagkakataong makaalis kaagad.

Normal lang para sa mga anticristo na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Dahil sa kanilang diwa bilang mga anticristo, sa kanilang diwa na tutol sa katotohanan, imposibleng mabitiwan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag walang nangyayari, binabasa nila ang aklat ng mga salita ng Diyos at nakikita nila ang mga salitang ito bilang Diyos, pero sa pakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos at pagkatuklas na hindi Siya kahawig ng Diyos, agad silang nagkakaroon ng mga kuru-kuro at nagbabago ang kanilang saloobin. Kapag hindi nakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos, hawak lamang nila ang aklat ng mga salita ng Diyos at itinuturing nila ang Kanyang mga salita bilang Diyos, at maaari pa rin silang magkimkim ng isang malabong pantasya at isang intensyon ng pagtanggap ng mga pagpapala upang atubiling magsikap, gumawa ng ilang tungkulin, at gumampan ng isang papel sa sambahayan ng Diyos. Pero, sa sandaling makipag-ugnayan sila sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, napupuno ng mga kuru-kuro ang kanilang isipan. Kahit na hindi sila pinupungusan, maaaring mabawasan nang husto ang kanilang sigasig sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Ganito tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Madalas nilang inihihiwalay ang mga salita ng Diyos mula sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang tao. Kapag ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi umaayon o kaya ay lumalabag sa kanilang mga kuru-kuro, mabilis silang bumabaling sa mga salita ng Diyos at dinarasal-binabasa nila ang mga ito, pilit na sinusubukang supilin ang kanilang mga kuru-kuro at pigilan ang mga ito. Pagkatapos, sinasamba nila ang mga salita ng Diyos na para bang sinasamba nila ang Diyos Mismo, at para bang nalutas na ang kanilang mga kuru-kuro. Gayumpaman, sa realidad, hindi talaga nalulutas ang kanilang panloob na pagsuway, indignasyon, at pagkamuhi kay Cristo. Sa kanilang pagtrato kay Cristo, patuloy na nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga anticristo at mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga ito hanggang kamatayan. Kapag wala silang mga kuru-kuro, nagsisiyasat at nagsusuri sila; kapag mayroon silang mga kuru-kuro, hindi lamang sila nagsisiyasat at nagsusuri, kundi mahigpit din nilang pinanghahawakan ang mga ito. Hindi nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro ni hinahanap ang katotohanan; sila ay kumbinsidong tama sila. Hindi ba’t kay Satanas sila? (Oo.) Ito ang mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.