Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

B. Pagsisiyasat at Pagsusuri, at Pati Kuryosidad

Susunod ay dumako tayo sa pangalawang aytem—ang pagsisiyasat at pagsusuri, at pati kuryosidad. Madali bang maunawaan ang aytem na ito? Kaugnay sa mga kilos at salita ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin sa personalidad o disposisyon na nabunyag sa bawat salita at gawa Niya, o kahit sa Kanyang mga kagustuhan, dapat ituring ng mga normal na tao ang mga ito nang tama. Itinuturing ng mga tunay na sumusunod sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ang mga panlabas na pagpapahayag na ito ni Cristo bilang ang normal na parte ng Kanyang laman. Kaugnay sa mga salitang sinasabi ni Cristo, kaya nilang pakinggan at arukin ang mga ito nang may saloobin na itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, mula sa mga salitang ito ay nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, nauunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at nakakahanap ng landas ng pagsasagawa upang makapasok sa katotohanang realidad. Ngunit iba ang ikinikilos ng mga anticristo. Kapag inoobserbahan nila si Cristo na nagsasalita at kumikilos, ang nilalaman ng kanilang mga puso ay hindi pagtanggap o pagpapasakop, kundi pagsisiyasat: “Saan nanggagaling ang mga salitang ito? Paano sinasabi ang mga ito? Paisa-isa itong sinasabi—pinag-isipan ba ito o bunga ng inspirasyon ng banal na espiritu? Ang mga salitang ito ba ay natutunan o inihanda nang maaga? Bakit hindi ko alam? Ang ilan sa mga salitang ito ay pangkaraniwan, simpleng pananalita lamang. Parang hindi ito ang diyos; ang diyos ba ay talagang nagsasalita nang napakanormal, nang napakakaraniwan? Hindi ko ito malaman sa pamamagitan ng pagsisiyasat, kaya oobserbahan ko ang kanyang mga ginagawa kapag walang masyadong nakakakita. Nagbabasa ba siya ng mga diyaryo? Nakabasa na ba siya ng mga kilalang libro? Nag-aaral ba siya ng gramatika? Anong mga uri ng mga tao ang karaniwan niyang nakakasalamuha?” Wala silang saloobin ng pagpapasakop o pagtanggap sa katotohanan, kundi sinisiyasat nila si Cristo nang may saloobin ng isang iskolar na nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik o nag-aaral ng mga akademikong paksa. Sinisiyasat nila ang nilalaman ng mga salita ni Cristo at ang Kanyang paraan ng pagsasalita, ang mga tagapakinig na kinakausap ni Cristo, gayundin ang saloobin at pakay ni Cristo sa bawat pagkakataon na Siya ay nagsasalita. Sa tuwing nagsasalita o kumikilos si Cristo, ang lahat ng naririnig ng kanilang tainga, ang lahat ng nakikita nila, at ang lahat ng naririnig nila tungkol dito ay nagiging pakay ng kanilang pagsisiyasat. Sinisiyasat nila ang bawat salita at pangungusap na sinasabi ni Cristo, bawat kilos Niya, bawat indibidwal na Kanyang pinangangasiwaan, ang Kanyang paraan ng pakikitungo sa mga tao, ang Kanyang pananalita at tindig, tingin at ekspresyon ng mukha, maging ang Kanyang mga gawi at kagawian sa pamumuhay, at ang Kanyang paraan ng pakikipag-ugnayan at mga saloobin sa iba—sinisiyasat nila ang lahat ng ito. Sa pamamagitan ng pagsisiyasat na ito, ang mga anticristo ay nakakabuo ng kongklusyon: Paano ko man tingnan si cristo, tila siya ay may normal na pagkatao; siya ay ordinaryo talaga, walang partikular na espesyal sa kanya maliban sa kakayahan na magpahayag ng katotohanan. Ito ba talaga ang diyos na nagkatawang-tao? Kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi sila makabuo ng isang tiyak na kongklusyon; kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi nila matiyak kung si Cristo nga ang diyos na kanilang kinikilala sa puso nila. Sila ang mga nagsisiyasat kay Cristo, hindi ang mga nakakaranas ng gawain ng Diyos—paano nila makakamtan ang kaalaman tungkol sa Diyos?

Sa pagsisiyasat ng mga anticristo kay Cristo, hindi nila magawang makita ang kadakilaan ng Diyos, ang katuwiran, ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at ang pagiging may awtoridad ng Diyos. Kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi nila mabuo ang kongklusyon na si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos; hindi nila ito magawang makilatis at maunawaan. Sinasabi ng ilang tao: “Kung saan hindi ka makakilatis o makaunawa, may katotohanan doon na dapat hanapin.” Na sasagutin naman ng isang anticristo: “Wala akong nakikitang katotohanan na dapat hanapin dito; may mga kaduda-dudang detalye lang na dapat lubos na siyasatin.” Pagkatapos ng kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, ang kanilang kongklusyon ay: Ang Cristong ito ay nakapagsasalita lang ng ilang salita at, bukod doon, wala Siyang ipinagkaiba sa mga ordinaryong tao. Wala Siyang mga espesyal na kaloob, walang mga natatanging abilidad, at wala ring taglay na mga sobrenatural na kapangyarihan para gumawa ng mga tanda at kababalaghan tulad ng ginawa ni Jesus. Ang lahat ng sinasabi Niya ay mga salita ng isang mortal. Kaya, Siya ba talaga si Cristo? Ang resultang ito ay nangangailangan pa ng higit pang pagsusuri at pagsisiyasat. Paano man sila tumingin, hindi nila nakikita ang diwa ng Diyos kay Cristo; kahit gaano pa sila magsiyasat, hindi nila mabuo ang kongklusyon na si Cristo ay may pagkakakilanlan ng Diyos. Sa mga mata ng isang anticristo, ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos ay dapat magtaglay ng mga ekstraordinaryong kapangyarihan, mga espesyal na kaloob, ng abilidad na makapagpakita ng mga himala, at ng diwa at kakayahang ipamalas at isagawa ang awtoridad ng diyos. Gayumpaman, wala ang lahat ng katangiang ito sa ordinaryong taong ito na nasa harap nila, at ang Kanyang pananalita ay hindi masyadong magaling; kahit na sa paglalarawan ng maraming bagay, gumagamit Siya ng kolokyal na wika na hindi angkop sa mga kuru-kuro ng tao, hindi man lang umaabot sa antas ng isang propesor sa unibersidad. Kahit paano pa siyasatin ng mga anticristo ang pananalita ni Cristo, kahit paano pa nila siyasatin ang mga kilos ni Cristo, gayundin ang Kanyang saloobin at paraan ng paggawa sa mga bagay, hindi nila makita na si Cristo—ang ordinaryong taong ito—ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Kaya, sa puso ng mga anticristo, pinakakarapat-dapat sundan ang ordinaryong taong ito dahil sa maraming bagay, salita, at penomena na hindi nila makilatis—ito ang karapat-dapat sa kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, ito ang kanilang pinakamalaking motibasyon sa pagsunod sa taong ito. Anong nilalaman at mga paksa ang karapat-dapat sa kanilang pagsisiyasat at pagsusuri? Ito ay ang mga salitang tungkol sa buhay pagpasok na sinabi ni Cristo; hindi talaga kayang sabihin ng mga ordinaryong tao ang mga gayong bagay, talagang wala sila ng mga ito, at ang mga gayong salita ay talagang hindi nakikita sa ikalawang tao sa sangkatauhan—hindi alam kung saan nanggagaling ang mga ito. Paulit-ulit na nagsisiyasat ang mga anticristo, ngunit hindi sila kailanman makabuo ng kongklusyon tungkol dito. Halimbawa, kapag nagsasalita Ako tungkol sa kung kumusta ang isang tao, kung ano ang kanyang diwa at disposisyon, metikulosong itutugma ng mga ordinaryong tao ang mga detalyeng ito sa aktuwal na tao at beberipikahin ang naturang usapin. Kapag naririnig ng mga anticristo ang mga salitang ito, hindi nila pinanghahawakan ang saloobin ng pagtanggap upang itugma at maunawaan ang naturang usapin, kundi upang magsuri. Ano ang sinusuri nila? “Paano mo nalalaman ang tungkol sa sitwasyon ng taong ito? Paano mo nalaman na mayroon siyang gayong disposisyon? Ano ang batayan mo sa paglalarawan nito? Hindi mo pa siya masyadong nakakaugnayan, kaya paano mo siya nauunawaan? Matagal na kaming nakikipag-ugnayan sa kanya, bakit hindi namin siya makilatis o maunawaan? Kailangan kong mag-obserba at hindi basta maniwala sa sinabi mo. Baka hindi tumpak o hindi tama ang sinasabi mo.” Sa loob ng panahon ng pakikisalamuha ng ilang tao sa Akin, maaaring gabayan Ko sila sa isang partikular na trabaho o propesyon. Kung ang paraan at diskarte ng paggabay na ito ay umaayon sa taglay nilang teknikal na kaalaman at nasisiyahan sila, atubili nilang gagawin ito. Pero kung hindi sila nasisiyahan, tututol sila sa kanilang puso at mag-iisip, “Bakit mo ginagawa ito sa ganitong paraan? Hindi ba’t salungat ito sa larangang ito? Bakit ako dapat makinig sa iyo? Kung mali ang sinasabi mo, hindi ako puwedeng makinig sa iyo; kailangan kong sundin ang sarili kong paraan. Kung tama ka, kailangan kong maunawaan kung paano ka naging tama, kung paano mo ito nalaman. Pinag-aralan mo ba ito? Kung hindi mo pinag-aralan, paano mo naman ito nalaman? Kung hindi mo ito pinag-aralan, hindi mo dapat ito nauunawaan; kung nauunawaan mo ito, hindi iyon normal. Paano mo ito nauunawaan? Sino ang nagsabi sa iyo, o pinag-aralan mo ba ito nang lihim at nang mag-isa?” Sa loob-loob nila, sila ay nagsusuri at nagsisiyasat. Ang bawat pangungusap na sinasabi Ko, bawat usapin na pinangangasiwaan Ko, ay dapat salain ng mga anticristo, dapat sumailalim sa kanilang pag-audit. Kung ito ay pumasa sa kanilang pag-audit, saka lang nila ito tatanggapin; kung hindi, sila ay mamumuna, manghuhusga, at lalaban.

Ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ang pinakamalaking hiwaga sa lahat ng tao. Walang sinuman ang makaarok sa kung ano ang tunay na nangyayari tungkol dito, ni walang makaunawa kung paano nagiging totoo ang diwa ng Diyos sa laman na ito—kung paano naging tao ang Diyos, kung paano nasasalita ng taong ito ang mga salita mula sa bibig ng Diyos at nagagampanan ang gawain ng Diyos, at kung paano mismo ginagabayan at pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang taong ito. Sa lahat ng gawaing ito, walang nakitang mga dakilang pangitain o naobserbahang anumang mga makabuluhang galaw ang mga tao mula sa laman na ito—tila walang espesyal na nangyayari; lahat ay tila normal. Dinala ng Diyos sa Silangan ang kaluwalhatiang nasa Israel nang hindi namamalayan. Sa pamamagitan ng pagsasalita at paggawa ng taong ito, nagsimula na ang isang bagong kapanahunan, at natapos na ang luma, nang hindi namamalayan ng sinuman kung paano ito nangyari. Gayumpaman, ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, na simple at bukas-puso, na nagtataglay ng pagkatao at katwiran, ay hindi nagsisiyasat sa mga bagay na ito. Kung hindi sila nagsisiyasat, ano ang ginagawa nila? Pasibo na lang na naghihintay? Hindi—nakikita nila na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, naniniwala sila na ang pinagmulan ng lahat ng salitang ito ay ang Diyos, kaya kinikilala nila ang katunayan na ang ordinaryong taong ito ay si Cristo, tinatanggap nila Siya bilang kanilang Panginoon at Diyos, nang hindi na isinasaalang-alang ang iba pang bagay. Ang mga anticristo, sa kabilang banda, ay hindi makita na ang lahat ng salitang ito at ang lahat ng gawaing ito ay mula sa Diyos, na ang pinagmulan ng lahat ng pagsasalita at paggawa na ito ay ang Diyos, kaya hindi nila tinatanggap ang ordinaryong taong ito bilang kanilang Panginoon at Diyos. Sa halip, pinapatindi nila ang kanilang pagsisiyasat at sa kanilang puso ay lumalaban sila. Ano ang nilalabanan nila? “Kahit gaano ka pa magsalita, kahit gaano pa kadakila ang gawaing iyong ginagawa, kahit sino pa ang iyong pinagmulan, hangga’t ikaw ay isang ordinaryong tao, hangga’t ang iyong paraan ng pagsasalita ay hindi naaayon sa aking mga kuru-kuro, hangga’t ang iyong hitsura ay hindi gaanong engrande upang makuha ang aking pansin o paggalang, sisiyasatin at susuriin kita. Ikaw ang pakay ng aking pagsisiyasat; hindi kita tinatanggap bilang aking panginoon, bilang aking diyos.” Sa proseso ng kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, hindi lamang nabibigo ang mga anticristo na malutas ang kanilang mga kuru-kuro, pagiging mapaghimagsik, at mga tiwaling disposisyon, kundi araw-araw na tumitindi pa ang kanilang mga kuru-kuro at nagiging mas malubha. Halimbawa, kapag ang isang lider ng iglesia ay nabunyag bilang isang anticristo, na nagdudulot ng kaguluhan at pagkawasak sa iglesiang iyon, ang unang reaksiyon ng mga anticristo, kapag nangyari ang gayong kaganapan, ay ang magtanong na: “Alam ba ito ni cristo? Sino ang nagtalaga sa lider na ito ng iglesia? Ano ang reaksiyon ni cristo rito? Paano niya ito pinangangasiwaan? Kilala ba ni cristo ang taong ito? Nasabi na ba ni cristo noon na ang taong ito ay isang anticristo, o ipinropesiya ba niya ang pangyayaring ito? Ngayon na may gayon kalaking isyu na lumitaw sa iglesiang ito, si cristo ba ang unang nakaalam?” Sinasabi Ko na hindi Ko alam, ngayon Ko lang din ito nalaman. “Hindi tama iyan—ikaw ang diyos, ikaw si cristo; bakit hindi mo alam? Dapat alam mo.” Dahil nga Ako si Cristo, na isang ordinaryong tao, kaya hindi Ko kinakailangang malaman iyon. Ang iglesia ay mayroong mga atas administratibo at mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa mga tao. Kapag nagpapakita ang mga anticristo, maaari silang paalisin at palayasin ayon sa mga prinsipyo ng iglesia. Ipinapakita nito na ang Diyos ang may hawak ng kapangyarihan, ipinapakita nito na ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan. Hindi Ko kailangang malaman ang lahat. Kung mabibigo ang iglesia na pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga atas administratibo at mga prinsipyo nito para sa pangangasiwa sa mga tao, saka Ako makikialam. Gayumpaman, kung nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aalis at pagpapatalsik sa mga tao, hindi Ko na kailangang makialam. Kung saan ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan, hindi Ko na kailangang makialam. Hindi ba’t napakanormal nito? (Oo.) Pero kaya ng mga anticristong gumawa ng mga isyu at bumuo ng mga kuru-kuro sa usaping ito, puwede pa nga nilang gamitin ang mga kuru-kurong ito para itatwa si Cristo at kondenahin ang katunayan na si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Sadyang ito ang ginagawa ng mga anticristo. Dahil ang isang bagay ay hindi tumutugma sa kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, o mga inaasahan, kaya nilang itatwa ang diwa ni Cristo. Ang kanilang pagsisiyasat sa bawat aspekto ni Cristo ay humahantong sa kongklusyong ito: Hindi nila nakikita ang diwa ng Diyos kay Cristo; kaya, hindi nila kayang tukuyin ang taong ito bilang nagtataglay ng diwa at pagkakakilanlan ng Diyos. Ito ay humahantong sa isang sitwasyon na, kapag walang nangyayari, ayos lang, pero sa sandaling may mangyari, unang-unang lumalabas ang mga anticristo at itinatatwa ang pagkakakilanlan ni Cristo at kinokondena si Cristo. Kaya, ano nga ba ang layon ng pagsisiyasat ng mga anticristo? Ang kanilang pagsisiyasat at pagsusuri ay hindi para mas maunawaan ang katotohanan kundi para makahanap ng ebidensiya at makakuha ng bentaha, upang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa laman, para itatwa ang katunayan na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay si Cristo, ay ang Diyos. Ito ang motibo at layon sa likod ng pagsisiyasat at pagsusuri ng mga anticristo kay Cristo.

Habang sumusunod ang mga anticristo kay Cristo at nagpapanggap na mga tagasunod, may dala silang saloobin ng pagsisiyasat at pagsusuri, at sa huli ay nabibigo silang maunawaan ang katotohanan o matukoy ang katunayan na si Cristo ay ang Panginoon, ang Diyos. Pero bakit pa rin sila sumusunod nang may pag-aatubili, nang masyadong labag sa loob nila, at nananatili sa loob ng sambahayan ng Diyos? Ang isang punto na tinalakay na natin dati ay iyong kinikimkim nila ang layunin na tumanggap ng mga pagpapala; ambisyoso sila. Ang isa pang punto ay iyong ang mga anticristo ay nagtataglay ng kuryosidad na wala sa mga ordinaryong tao. Anong klaseng kuryosidad? Ito ay ang kanilang pagkahumaling sa mga kakaiba at hindi pangkaraniwang pangyayari. Ang mga anticristo ay labis na mausisa tungkol sa lahat ng kakaiba at hindi pangkaraniwang pangyayari, sa lahat ng kaganapang lampas na sa mga batas ng kalikasan, sa mundo. Mayroon silang pagnanais na usisain ang maraming bagay at arukin ang mga ito. Ano ang diwa ng pagsisiyasat na ito? Ito ay pawang pagmamataas, ninanais na maunawaan ang lahat, na malaman ang katotohanan sa likod ng lahat ng bagay, kung hindi ay baka magmukha silang walang kakayahan. Anuman ang usapin, gusto nilang sila ang unang makaalam, maging ang pinakamaraming alam at pinakanakakaalam ng mga pasikot-sikot ng usaping ito—gusto nilang maging ang “pinaka” sa lahat ng aspekto. Kaya, hindi rin nila pinalalampas o pinalalagpas ang usapin ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa laman. Sinasabi nila, “Ang pagkakatawang-tao ng diyos ay ang pinakamalaking hiwaga sa mundo ng tao. Ano ba talaga ang nangyayari sa pinakamalaking hiwagang ito, sa pinakakamangha-manghang bagay na ito? Dahil ito ay lampas sa mga ordinaryong inaasahan at ang laman na ito ay iba sa mga ordinaryong tao, nasaan ang pagkakaiba? Kailangan ko mismong makita at maunawaan ito.” Ano ang ibig nilang sabihin kapag sinasabi nilang “makita at maunawaan nila ito mismo”? Ibig sabihin nila, “Nakapaglakbay na ako sa iba’t ibang bansa sa mundo, nabisita ko na ang mga kilalang bundok at makasaysayang lugar, at nakapanayam na ang mga sikat at matalinong tao; lahat sila ay karaniwang tao lamang. Ang tanging hindi ko pa nakikilala o napag-aaralan ay ang cristong ito. Ano mismo ang diwa ng cristong ito? Kailangan ko mismong makita at maunawaan ito.” Ano ba mismo ang gusto nilang makita at maunawaan? “Nabalitaan ko na ang diyos ay nakakagawa ng mga tanda at kababalaghan. Sinasabi nila na si Jesus ang panginoon, ang cristo; anong mga tanda at kababalaghan ang ginawa niya para matugunan ang kuryosidad ng mga tao? Naaalala ko ang isang insidente kung saan, pagkatapos isumpa ng panginoong Jesus ang isang puno ng igos, nalanta ito. Magagawa ba ito ngayon ng cristong ito? Kailangan kong makita at maunawaan, at kung magkaroon ako ng pagkakataon, susubukin ko siya upang makita ko kung kaya niyang gawin ang mga gayong gawa. Sinasabing ang diyos na nagkatawang-tao ay may awtoridad ng diyos, na siya ay nagbibigay-kakayahan sa mga paralisado na makalakad, sa mga bulag na makakita, sa mga bingi na makarinig, at sa mga may sakit na gumaling. Ang mga ito ay mga milagroso at bagong pangyayari; sa mundo ng tao, ang mga ito ay itinuturing na pambihirang kakayahan na wala sa mga ordinaryong tao. Ito ay isang bagay na kailangan ko mismong makita.” Bukod dito, may isa pang napakahalagang usapin na umookupa sa kanilang isipan. Sinasabi nila: “Ano ba talaga ang nangyayari sa mga nakaraan at kasalukuyang buhay, at sa siklo ng reengkarnasyon sa mundong ito? Hindi ito maipaliwanag nang malinaw ng mga ordinaryong tao. Dahil ang diyos ay naging tao at ang diyos ang namamahala sa lahat, alam ba ito ni cristo? Kapag may pagkakataon, kailangan ko siyang tanungin at mag-usisa tungkol sa bagay na ito; ipapasuri ko sa kanya ang aking hitsura upang malaman niya kung maganda ang aking tadhana, kung ano ako sa nakaraang buhay ko, kung ako ba ay isang hayop o isang tao. Kung alam niya ang mga bagay na ito, talagang mabibilib ako; magiging pambihira siya kung magkagayon, higit sa mga ordinaryong tao, at posibleng si cristo. Gayundin, sinasabi nila na may trono at tirahan ang diyos sa langit, kung gayon alam ba ng nagkatawang-taong diyos na ito kung saan naroroon ang tirahan ng diyos at ang kaharian ng langit? Sinasabi na ang kaharian ng langit ay may mga lansangan na pinapalamutian ng ginto, maningning at maganda; kung isasama tayo ng nagkatawang-taong diyos na ito sa isang paglalakbay, hindi ba’t magiging sulit ang buong buhay natin, hindi masasayang ang ating pananalig? Bukod dito, hindi na natin kailangang magsaka; kapag nagugutom tayo, puwedeng gawing pagkain ni cristo ang mga bato sa isang pangungusap lang. Napakain niya ang limang libong tao nang may limang tinapay at dalawang isda lamang; hindi ba’t magiging malaking pakinabang iyon para sa atin? At paano naman kapag nagsasalita si cristo? Sinasabi nilang siya ay nagbibigay ng tubig na nagbibigay-buhay, ngunit nasaan ang tubig na nagbibigay-buhay na ito? Paano ito naitutustos, paano ito dumadaloy? Lahat ng ito ay mga usapin na karapat-dapat siyasatin, ang bawat isang usaping ito ay talagang bago. Kung masasaksihan ng mga sariling mata ko ang kahit isa sa mga ito, ako ay magiging isang tao na may malawak na kaalaman at karanasan sa buhay na ito, hindi lamang isang ordinaryong tao.” Hindi ba’t masyado na silang naiimpluwensiyahan ng kuryosidad na ito? (Oo.)

Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos, para tanggapin si Cristo, at para sumunod kay Cristo, hindi upang makamit ang katotohanan, kundi may ibang mga ideya sila. Ang ilang tao, sa sandaling makatagpo Ako, ay nagtatanong, “Ano ang ibig sabihin ng pitong salot at pitong mangkok sa Pahayag? Ano ang sinisimbolo ng puting kabayo? Dumating na ba ang tatlo’t kalahating taon ng kalamidad?” Sumasagot Ako, “Ano ang mga itinatanong mo? Ano ang Pahayag?” Sumasagot sila nang pabalang, “Ni hindi mo alam ang Pahayag? Sinasabi nilang ikaw ang diyos, pero hindi ako gaanong sigurado!” Ang iba naman ay nagtatanong, “Sa proseso ng pangangaral sa ebanghelyo, nakakatagpo kami ng mga taong nagtatanong tungkol sa mga mahiwagang bagay. Ano ang dapat naming gawin?” Hindi Ko na sila pinapatapos at sinasabi Ko, “Ang sinumang laging nagtatanong tungkol sa mga hiwaga imbes na hanapin ang katotohanan ay hindi isang taong tumatanggap ng katotohanan; hindi sila maliligtas sa hinaharap. Ang mga laging naghahanap ng mga hiwaga ay walang kuwenta; huwag ninyong ipangaral ang ebanghelyo sa mga gayong tao.” Bakit Ko ito sinasabi? Sino ba ang nagtatanong ng mga katanungang ito? Hindi ito ibang tao; sila mismo ang nagtatanong. Gusto nilang itanong ang mga tanong na ito at malaman ang mga sagot sa mga ito, at inaakala nilang hindi Ko alam kung sino ang nagtatanong, na para bang hindi Ko sila nakikilatis! Pagkatapos Kong sabihin ito, naririnig nila ito at iniisip nila, “Sinabi ng diyos na wala akong kuwenta, kaya hindi na ako magtatanong.” Kumusta ang pamamaraan Ko? Hindi ba’t epektibo nitong napatahimik sila? Kung sinagot Ko sila, hindi ba’t nahulog lang Ako sa kanilang pakana? Kapag napagbigyan sila nang kaunti, gusto nila ng mas marami, nagtatanong sila nang walang katapusan. May obligasyon ba Akong ipaliwanag ang mga bagay na ito sa kanila? Ano ba ang magagawa mo sa kaalamang ito? Kahit na alam Ko, hindi Ko sasabihin sa iyo. Bakit Ko sasabihin sa iyo? Ako ba ay isang tagapagpaliwanag ng mga kasulatan? Pumarito ka ba para sa pag-aaral ng teolohiya? Pumarito ka para siyasatin Ako, at dapat Ko bang buksan na lang ang Aking puso para sa iyong pagsisiyasat? Angkop ba iyon? Pumarito ka para subukin Ako, at dapat Ko bang pahintulutan kang subukin Ako? Angkop ba iyon? Hindi ka narito para tanggapin ang katotohanan; pumarito ka nang nagtatanong na may saloobin ng pagkamapanlaban, pagdududa, at pag-uusisa. Hindi Ko ibibigay sa iyo ang mga sagot. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t kailangang sagutin ang anumang tanong?” Depende iyan sa usapin. Pagdating sa katotohanan at gawain ng iglesia, kailangan Ko pa ring isaalang-alang ang sitwasyon. Kung nasabi Ko na sa iyo dati at nagpapanggap ka pa rin na hindi mo alam, nagpapanggap na mapagpakumbabang nagtatanong, hindi kita sasagutin. Pupungusan kita, at pagkatapos niyon, mauunawaan mo. Mula sa perspektiba ng kung paano sinisiyasat at sinusuri ng mga anticristo si Cristo, at ang kanilang kuryosidad tungkol sa diwa ni Cristo at ng Diyos, ano ba mismo ang sinisiyasat ng mga anticristo? Sinisiyasat nila ang katotohanan. Itinuturing nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos bilang mga pakay ng kanilang pagsisiyasat at pagsusuri, ginagamit ito bilang pampalipas oras. Sinusunod nila ang Diyos na parang mga iskolar sila na nag-aaral ng isang partikular na larangan o isang partikular na kaalaman, katulad ng mga hindi mananampalatayang nag-aaral sa isang paaralang pangteolohiya. Makakatanggap ba ng kaliwanagan ng Diyos ang mga gayong tao? Makakatanggap ba sila ng liwanag? Mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.)

Sa iglesia, may mga gampanin na hindi pa kailanman naranasan dati, at ang ilan ay kinasasangkutan ng propesyonal na gawain. Kapag ginagabayan Ko ang gayong gawain, may mga taong nakikinig nang taimtim at mapagpakumbaba, naaarok nila ang mga prinsipyong dapat sundin sa paggawa ng mga tungkuling ito, at ang katotohanang realidad na dapat isagawa at pasukin. Gayumpaman, may mga tao na pinipiga ang kanilang utak sa pagsisiyasat sa kanilang puso; iniisip nila, “Hindi mo napag-aralan ang mga larangang ito. Bukod pa rito, kaya mo ba talagang matutunan ang napakaraming larangan? Sino ang nakakaunawa at nakakaalam ng lahat ng bagay? Sa anong batayan mo kami ginagabayan? Bakit kami dapat makinig sa iyo? Bagaman minsan ay may katuturan ang sinasabi mo kapag ginagabayan mo kami, paano mo nalalaman ito? Kung hindi ko pag-aaralan ang isang bagay, hindi ko ito malalaman. Kailangan kong magnilay, magsikap na matuto pa, makakita pa, makarinig pa, at subukang makarating sa punto na hindi ko na kailangan ang iyong paggabay at magagawa ko na ito nang mag-isa. Mukhang natututo ka rin habang ginagawa mo ang mga bagay-bagay, unti-unting nagiging bihasa rito.” Tinitingnan lang nila ang mga panlabas na anyo, hindi nila nakikita na, sa isang banda, anuman ang sinasabi o ginagawa ng taong ito, may mga prinsipyo—anumang gawain ang ginagabayan, ito ay ginagawa ayon sa prinsipyo, at ang prinsipyong ito ay may kaugnayan sa aktuwal na pangangailangan ng mga tao at ang ninanais na resulta ng aktuwal na gawain. Sa kabilang banda, at ang pinakaimportante, ang taong ito ay hindi nag-aral ng kahit ano; ang Kanyang kaalaman, pag-aaral, kabatiran, at karanasan ay hindi kahanga-hanga. Pero may isang bagay na hindi dapat kalimutan ng mga tao: Masagana o kapansin-pansin man ang Kanyang kabatiran, kaalaman, karanasan, at kakayahan, ang pinagmulan na responsable sa paggampan sa kasalukuyang gawain ay hindi ang panlabas na laman na ito, kundi ang diwa ng laman na ito—ang Diyos Mismo. Samakatwid, kung manghuhusga ka batay sa hitsura ng laman na ito—sa Kanyang taas at hitsura, sa Kanyang tono, intonasyon, at paraan ng pagsasalita—hindi mo maipapaliwanag o maarok kung bakit Niya kayang isagawa ang mga gampaning ito at maging mahusay sa mga ito, hindi mo ito makikilatis. Ang hindi ba magawang kilatisin ito ay nangangahulugan na isa itong usapin na hindi kayang lutasin? Hindi, kaya itong lutasin. Hindi mo kailangang makilatis ito; kailangan mo lang malaman, tandaan, at kilalanin ang isang bagay: Si Cristo ay ang laman kung saan ang Diyos ay nagkatawang-tao. Ang mga prinsipyo, paninindigan, at saloobin ng mga tao patungkol kay Cristo ay hindi upang siyasatin, suriin, o tugunan ang kanilang kuryosidad, kundi upang kumilala, tumanggap, makinig, at magpasakop. Kung ikaw ay magsisiyasat at magsusuri, tutulutan ka ba nito sa huli na makita ang diwa ng Diyos? Hindi. Hindi pinahihintulutan ng Diyos ang sinuman na suriin o siyasatin Siya; habang ikaw ay mas nagsisiyasat at nagsusuri, mas lalo kang pagtataguan ng Diyos. Ano ang nararamdaman ng mga tao kapag nagtatago ang Diyos? Ang konsepto ng Diyos sa kanilang puso ay nagiging malabo, ang kanilang konsepto ng katotohanan ay nagiging hindi malinaw, at lahat ng bagay tungkol sa landas na dapat nilang sundan ay nagiging malabo. Para bang may pader na humaharang sa iyong paningin; hindi mo makita ang direksiyon sa harapan, lahat ay malabo. Nasaan ang Diyos? Sino ang Diyos? Talaga bang umiiral ang Diyos? Ang mga tanong na ito ay parang isang itim na pader na nasa iyong harapan, na siyang pagtatago ng Diyos ng Kanyang mukha mula sa iyo, upang hindi mo Siya makita. Lahat ng pangitain na ito ay nagiging malabo para sa iyo, nawawala ang mga ito, at napupuno ng kadiliman ang iyong puso. Kapag ang iyong puso ay madilim, mayroon ka pa bang landas sa iyong harapan? Alam mo pa ba kung ano ang gagawin? Hindi. Gaano man kalinaw ang iyong orihinal na direksiyon at mga layon, kapag sinisiyasat at sinusuri mo ang Diyos, ang mga ito ay magiging malabo at madilim. Kapag ang mga tao ay nalulugmok sa gayong sitwasyon, sa gayong kalagayan, sila ay nasa panganib; ito ang nangyayari sa mga taong nakatuon sa pagsisiyasat sa Diyos. Ang mga anticristo ay palaging nasa gayong sitwasyon, nang may lubusang kadiliman sa harapan, hindi nila makilatis kung ano ang mga positibong bagay, ano ang katotohanan. Anuman ang gawin ng Diyos, hindi nila makumpirma na ito nga ang Diyos, na ito ang Diyos Mismo; paano man sila tumingin, nakikita lang nila ang pagkakatawang-tao bilang isang tao, dahil palagi silang nagsisiyasat at nagsusuri, kaya patuloy din silang binubulag ng Diyos. Nakikita mo na ang kanilang mga mata ay mulat na mulat, maliwanag at malaki, pero sila ay bulag pa rin. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa mga tao, para bang ang kanilang puso ay nagiging manhid, nalulugmok sa sobrang kadiliman. Nakikita lang nila ang mga mababaw na penomeno, na hindi makita ang landas sa loob, nabibigo na maunawaan ang katotohanan sa loob—ang mas malala pa, hindi nila makita ang diwa ng Diyos o ang Kanyang disposisyon.

Ang pagsasailalim sa pagsusuri at pagsisiyasat sa hitsura at gawain ng Diyos ay hindi magbubunga ng anumang resulta. Mahalaga na huwag malugmok sa kalagayan ng pagsusuri at pagsisiyasat; ito ay isang landas ng pagkanegatibo. Ano ang positibong landas kung gayon? Ito ay na sa sandaling matatag kang maniwala na ito ay gawain ng Diyos, na ang karaniwang taong ito ay ang laman kung saan ang Diyos ay nagkatawang-tao at may diwa ng Diyos, dapat kang tumanggap at magpasakop nang walang kondisyon. Pakiramdam ng mga tao, ang laman na ito ay maraming aspekto na hindi kanais-nais, maraming aspekto na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; iyon ay isang isyu sa mga tao. Ang Diyos ay gumagawa sa ganitong paraan, at ang kailangang magbago ay ang mga kuru-kuro ng mga tao, ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang kanilang mga saloobin sa Diyos, hindi ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Kailangang hanapin ng mga tao ang katotohanan dito, hanapin ang mga layunin ng Diyos, at panghawakan ang kanilang tamang perspektiba at posisyon, sa halip na kilalanin Siya bilang Diyos ngunit nais pa rin Siyang siyasatin, o suriin at talakayin kung ano ang Kanyang ginagawa at sinasabi. Iyon ay magiging isang malaking problema. Kapag ang iyong posisyon at ang iyong anggulo sa pagtanggap ng katotohanan ay mali, ang kalalabasan ng kung paano mo tinitingnan ang lahat ng bagay ay magbabago, na makakaapekto sa landas at direksiyon ng iyong paghahangad. Sa anumang ginagawa o sinasabi ng Diyos, kung ito man ay naaayon sa mga kuru-kuro ng tao o hindi ay isang pansamantalang isyu lamang. Ang kontribusyon at halaga ng lahat ng ginagawa ng Diyos para sa sangkatauhan, ang halaga na dulot nito sa buhay ng tao, ay walang hanggan. Hindi ito mababago ng sinumang tao, anumang disiplina sa akademya, anumang argumento o teorya, o anumang nauuso. Ito ang halaga ng katotohanan. Maaaring sa kasalukuyan, ang mga salita at gawa ng karaniwang taong ito ay hindi makatutugon sa iyong kuryosidad o banidad, ni hindi nito lubos na makumbinsi o mahikayat ang iyong puso at pananalita; gayumpaman, ang mga kontribusyon ng lahat ng salitang Kanyang sinasabi ngayon at lahat ng gawaing Kanyang ginagawa sa kapanahunang ito at sa yugtong ito para sa buong sangkatauhan, para sa buong kapanahunan, at para sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos, ay hindi nababago magpakailanman—ito ay isang katunayan. Samakatwid, isang araw ay mapagtatanto mo: “Dalawampu o tatlumpung taon na ang nakalilipas, ako ay nagsiyasat, nagkamali ng pagkaunawa, lumaban, at hinusgahan at kinondena ko pa ang isang pahayag ng karaniwang taong ito. Pagkalipas ng dalawampu o tatlumpung taon, nang balikan ko ang pahayag na iyon, napuno ang puso ko ng pagkakautang at pagsisisi.” Ang mga tiwaling tao ay mababa at walang halaga sa harap ng Diyos, sila ay mga sanggol magpakailanman, hindi karapat-dapat na banggitin. Gaano man karaming gawain ang ginagawa ng isang tao, kumpara sa kontribusyon sa buong sangkatauhan ng bawat salitang sinabi ng Diyos sa anumang kapanahunan at sa ilalim ng anumang konteksto, ang pagkakaiba ay tulad ng sa pagitan ng langit at lupa! Kaya, kailangan mong maunawaan na ang Diyos ay hindi isang bagay na dapat siyasatin, suriin, at pagdudahan ng mga tao. Ang gawain ng Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi narito upang tugunan ang kuryosidad ng mga tao. Ginagawa Niya ang lahat ng gawaing ito hindi upang magpalipas ng oras o ng mga araw—ang Kanyang layunin ay ang iligtas ang mga tao ng isang kapanahunan, iligtas ang buong sangkatauhan, at ang mga resulta ng gawain na layon Niyang isakatuparan ay magtatagal magpakailanman. Tinatrato ng mga anticristo si Cristo bilang isang ordinaryong tao upang siyasatin at suriin Siya, upang matugunan ang kanilang kuryosidad. Ano ang kalikasan nito? Mauunawaan ba ito o mapapatawad? Sila ay mga makasalanan para sa lahat ng kapanahunan, isinumpa at hindi mapapatawad hanggang sa walang hanggan! Kung ang isang tao ay may pagkatao, kung nauunawaan niya ang katotohanan, at nagtataglay ng katotohanang realidad, kahit ang pagsisiyasat sa kanya ay lubos na nakasusuklam. Tinatrato si Cristo bilang isang ordinaryong tao at panloob Siyang sinisiyasat, tinatrato ang lahat ng Kanyang ginagawa nang may pagkamapanlaban at paninirang-puri, at hinahangad lamang na matugunan ang iyong kuryosidad sa mga salitang Kanyang sinasabi—kahit ang ilang tao, sa pagkakita sa Akin, ay nagsasabi, “Magbahagi Ka ng higit pang katotohanan, magbahagi Ka pa tungkol sa wika ng ikatlong langit, magsabi Ka pa ng mga bagay na hindi namin alam”—ano ang tingin nila sa taong ito? Isang tao na magpapawala ng kanilang pagkabagot? Paano inilalarawan ng Diyos ang bagay na ito? Hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Kung ito ay patungkol sa mga tao, ito ay tinatawag na pangungutya at panunuya; kung ito ay patungkol sa Diyos, ito ay kalapastanganan.

Sa loob ng nilalaman ng pagpapamalas na ito—pagsisiyasat, pagsusuri, at kuryosidad—ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ibinubunyag ang sarili nito bilang kabuktutan, bilang pagiging tutol sa katotohanan. Binabalewala nila ang lahat ng positibong bagay; hinahamak nila ang mga ito at itinatrato nang may pagwawalang-bahalang saloobin, hindi man lang pinapalampas ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Kailangan nilang matugunan ang kanilang kuryosidad sa lahat ng bagay, isinasailalim ang lahat ng bagay sa kanilang pagsisiyasat, nais na makabuo ng mga kongklusyon at malaman ang lahat ng nangyayari, para matuklasan kung ano ang nagaganap, upang magmukha silang may alam at matalino. Ito ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Dahil nakasanayan na nilang siyasatin ang lahat, ngayon ay ibinabaling na nila ang kanilang pagsisiyasat sa Diyos. At ano ang naidudulot nito sa kanila? Pagpeperpekto at kaligtasan? Hindi, nagdudulot lamang ito sa kanila ng perdisyon at pagkawasak! Ganito inilalarawan ang mga anticristo. Sila ay isinusumpa at dapat kondenahin. Sa kanilang pakikitungo sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, hindi nila kailanman pinanghahawakan ang posisyon ng mga tagasunod o nilikha upang tanggapin at tingnan Siya; sa halip, nakikita at hinaharap nila Siya mula sa anggulo at pananaw ng isang iskolar, ng isang taong nagmamarunong, ng isang taong puno ng kuryosidad, at ng isang mapagmataas na indibidwal na hindi makaarok sa katotohanan at nanghahamak sa mga positibong bagay. Malinaw na hindi maaaring maligtas ang mga gayong tao.

Hunyo 6, 2020