Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Hinahamak nila ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Noong nakaraan, nagsagawa tayo ng partikular na pagbabahaginan tungkol sa paghamak sa katotohanan, kaya balikan muna natin. Ano ang paliwanag ninyo noong nakaraan tungkol sa “paghamak”? (Ipinaliwanag namin ito bilang hindi pagpapahalaga sa katotohanan, bilang paghahamak, pang-aalipusta, at pangmamaliit sa katotohanan, at bilang pagpapakita ng pagkasuklam sa katotohanan.) Naipaliwanag na ba ninyo nang malinaw ang diwa ng salitang ito gamit ang mga praktikal na termino? (Ang laman lang ng aming paliwanag ay ang mga kasingkahulugan ng paghamak; ito ay mababaw at hindi nito nilinaw ang mga detalye ng paghamak sa katotohanan, ni ang aming saloobin at mga pagpapamalas sa aming pagtrato sa katotohanan. Hindi namin naipaliwanag ang diwa nito.) Ano ang kalikasan ng gayong paliwanag? Saang kategorya ito nabibilang? (Sa mga salita at doktrina.) Ano pa? Kasama ba ito sa kaalaman? (Oo.) Paano nakamit ang kaalamang ito? Nakamit ito mula sa mga paaralan, mula sa mga guro, at mula rin sa mga diksiyonaryo at aklat. Kaya, ano ang pagkakaiba ng paliwanag Ko sa paliwanag ninyo? (Ang pagbabahagi ng Diyos ay tungkol sa saloobin ng bawat tao sa katotohanan—ibig sabihin, nilalabanan ito ng mga tao, nasusuklam sila rito, at kinapopootan ito, mula sa kaibuturan ng puso nila, at hindi ito tinatanggap, at kinokondena pa nga rin ito, at mapanlabang hinuhusgahan at sinisiraan ito. Ang paliwanag ng Diyos ay nagmumula sa diwa ng saloobin ng mga tao sa katotohanan.) Ipinaliwanag Ko ang diwa ng salitang “paghamak” mula sa perspektiba ng iba’t ibang esensiyal na pag-uugali, pagsasagawa, saloobin, at pananaw. Aling paliwanag ang talagang ang katotohanan? (Ang paliwanag ng Diyos ay ang katotohanan.) Kung gayon saan nagkulang ang inyong paliwanag? (Hindi namin nauunawaan ang katotohanan. Tinitingnan lang namin sa labas ang mga bagay at binibigyang-kahulugan ang mga ito nang literal, umaasa sa kaalaman at mga doktrina upang tingnan ang mga isyu.) Binibigyang-kahulugan ninyo ang salitang ito batay sa kaalamang naarok ninyo at ayon sa inyong pagkaunawa sa literal na kahulugan, ngunit hindi ninyo talaga alam kung paanong konektado ang salitang ito sa kalikasang diwa at tiwaling disposisyon ng isang tao. Ito ang pagkakaiba ng kaalaman at mga doktrina, at ng katotohanan. Karaniwan rin ba ninyong ginagamit ang pamamaraan at perspektibang ito kapag binabasa ninyo ang mga salita ng Diyos at kapag nagbabahagi kayo tungkol sa katotohanan? (Oo.) Kaya, hindi nakapagtataka na karamihan sa mga tao, paano man nila basahin ang mga salita ng Diyos, ay hindi maunawaan kung ano talaga ang katotohanan sa mga ito. Kaya, maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi nakakaunawa o nakakapasok sa katotohanang realidad. Ito ang dahilan kung bakit palaging sinasabi na, “Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at wala silang kakayahang maarok ito.”
Ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasampung aytem ng mga pagpapamalas ng mga anticristo: Hinahamak nila ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sa nakaraang pagtitipon, hinati natin sa tatlong aytem ang paghamak sa katotohanan. Ano ang tatlong iyon? (Una, hinahamak ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; pangalawa, hinahamak ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos; pangatlo, hinahamak ang mga salita ng Diyos.) Himayin natin ang paksang “hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos” batay sa tatlong aytem na ito. Noong nakaraan, halos natapos na natin ang unang aytem, ngunit hindi natin masyadong napagbahaginan nang detalyado ang pagiging banal at natatangi ng diwa ng Diyos, na para sana magkaroon kayo ng pagkakataong mag-isip-isip at makapagbahaginan nang mas partikular batay sa mga aspekto ng katuwiran at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos na Aking binahagi. Ngayon, pagbabahaginan natin ang pangalawang aytem, na sumasaklaw sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, upang himayin ang tema ng kung paano hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.
II. Hinahamak ang Laman Kung Saan Nagkatawang-tao ang Diyos
Ang mga perspektiba at pananaw, at ang ugnayan ng mga anticristo, sa Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kay Cristo—ay mayroon ding ilang partikular na pagpapamalas at esensiyal na pagbubunyag. Kung tatalakayin lang natin nang direkta ang ilang partikular na pagpapamalas ng mga tao o ang mga partikular na pagsasagawa ng ilang tao, maaaring medyo hindi malinaw sa inyo ang paglalahad nito. Sa halip, hatiin natin ito sa ilang aytem, upang maunawaan natin mula sa mga ito kung ano mismo ang saloobin ng mga anticristo sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, at upang maberipika at mahimay kung paano hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan. Ang unang bahagi ay paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan; ang pangalawa ay pagsisiyasat at pagsusuri, at pati kuryosidad; ang ikatlo ay depende sa kanilang lagay ng loob ang pagtrato nila kay Cristo; ang ikaapat ay pakikinig lang sa sinasabi ni Cristo, pero hindi sumusunod o nagpapasakop. Kung pagbabatayan ang bawat isa sa mga pahayag ng mga aytem na ito, pati na rin sa mga pananaw at pagpapamalas na maaaring maunawaan ninyo mula sa literal na kahulugan ng mga ito, positibo ba ang bawat isa sa mga ito? Mayroon bang anumang aytem na tila labis na positibo? Ano ang tinutukoy ng “positibo”? Sa pinakamababa, ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng pagkatao at katwiran. Hindi ito kailangang itaas sa antas ng pagkakaroon ng pagpapasakop o ng saloobin at posisyon na dapat mayroon ang isang nilikha. Gamit lamang ang sukatan ng katwiran ng tao, alin sa mga ito ang naaayon sa pamantayan?
Una, tingnan natin ang unang aytem: paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan. Ang tatlong termino bang ito ay itinuturing na kapuri-puri o positibo sa wika ng tao? (Hindi.) Karaniwan, anong uri ng pananalita at pag-uugali ng mga tao ang nilalarawan ng mga salitang ito? (Mga mapanlinlang na tao, mga taksil, mga taong ubod ng sama, mga sipsip.) Mga taksil, mga taong ubod ng sama, at mga tumalikod; ang uri ng mga tao na nauugnay sa panlilinlang, kababaan, at kabuktutan. Ang mga kilos ng mga gayong tao, karamihan ay nakikita ng iba bilang kasuklam-suklam at mababa, hindi sinsero sa mga tao, at hindi mabuting-loob. Madalas silang sumisipsip, nambobola, at nagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan, sumisipsip at binobola ang mga may impluwensiya o may matataas na katayuan. Ang ganitong uri ng tao ay hinahamak ng iba at karaniwang nakikita bilang isang negatibong katauhan.
Tingnan natin ang ikalawang aytem: pagsisiyasat at pagsusuri, at pati kuryosidad. Ang mga salita bang ito ay itinuturing na kapuri-puri o mapanghamak? (Mapanghamak.) Mapanghamak? Ipaliwanag ninyo sa Akin, bakit ninyo ito ikinakategorya bilang mapanghamak? Kung walang konteksto, ang mga salitang ito ay walang kinikilingan at hindi maaaring tawaging kapuri-puri o mapanghamak. Halimbawa, ang pagkakaroon ng pagsasaliksik sa isang siyentipikong proyekto, ang pagsusuri sa diwa ng isang problema, pagiging mausisa tungkol sa mga partikular na bagay—ang mga pagpapamalas na ito ay karaniwang hindi maaaring tawaging positibo o negatibo at medyo walang kinikilingan ang mga ito. Gayumpaman, may konteksto rito: Ang pakay ng pagsasaliksik, pagsusuri, at pagkamausisa ng mga tao ay hindi isang paksa na angkop para sa pananaliksik ng tao, kundi ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Kaya, malinaw na, sa idinagdag na kontekstong ito, batay sa mga bagay na ito na ginawa ng ganitong uri ng mga tao, pati na rin sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali, ang mga salitang ito ay nagiging mapanirang-puri dito. Anong uri ng mga tao ang karaniwang nagsasaliksik at nagsusuri sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos? Ito ba ay ang mga naghahangad sa katotohanan, o ang mga hindi? Ito ba ay ang mga tunay na nananampalataya kay Cristo sa kanilang puso, o ang mga may mapagdudang saloobin kay Cristo? Kitang-kita naman, ito ay ang mga may mapagdudang saloobin. Wala silang tunay na pananalig kay Cristo, at bukod sa pagsasaliksik at pagsusuri, sila rin ay partikular na mausisa. Ano ba mismo ang gusto nilang malaman? Pagbabahaginan natin nang partikular ang mga detalye ng mga pagpapamalas at diwang ito maya-maya lamang.
Susunod, tingnan natin ang ikatlong aytem: Depende sa kanilang lagay ng loob ang pagtrato nila kay Cristo. Ang aytem na ito ay walang partikular na mga salita na susuriin para sa kahulugan na kapuri-puri o mapanirang-puri. Ano ang katunayang ibinubunyag ng ganitong uri ng pagpapamalas at partikular na pagsasagawa ng mga gayong tao? Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang taong gumagawa ng mga gayong bagay at nagpapakita ng mga gayong pagpapamalas? Una, sila ba ay walang pagkiling sa kanilang pagtrato sa iba? (Hindi.) Mula saang parirala mahihinuha ito? (“Depende sa kanilang lagay ng loob.”) Ang pariralang ito ay nangangahulugan na ang mga ganitong uri ng tao ay kumikilos at tinatrato ang ibang tao o usapin nang walang mga prinsipyo, nang walang moral na hangganan, at lalong walang anumang konsensiya o katwiran—sila ay lubusang ginagabayan ng kanilang lagay ng loob. Kung tinatrato ng isang tao ang isang ordinaryong tao batay sa kanyang lagay ng loob, maaaring hindi ito isang malaking isyu; hindi nito lalabagin ang mga atas administratibo o sasalungatin ang disposisyon ng Diyos, at nagpapakita lamang na ang taong ito ay sutil, hindi naghahangad sa katotohanan, kumikilos nang walang mga prinsipyo, at ginagawa ang anumang nais niya batay sa kanyang lagay ng loob at kagustuhan, na isinasaalang-alang lamang ang mga pagnanais at damdamin ng kanyang sariling laman at hindi ang damdamin ng iba, at walang paggalang sa iba. Ito ay isang paliwanag na batay sa kanilang pagtrato sa isang ordinaryong tao—ngunit sino ang tinatrato nila batay sa kanilang lagay ng loob? Hindi ito isang ordinaryong tao, kundi ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos—si Cristo. Kung tatratuhin mo si Cristo batay sa iyong lagay ng loob, ito ay isang malubhang problema, ang kalubhaan nito ay hindi na natin tatalakayin ngayon.
Ngayon, tingnan natin ang ikaapat na aytem: pakikinig lang sa sinasabi ni Cristo, pero hindi sumusunod o nagpapasakop. Walang mga partikular na termino rito upang ilarawan nang eksakto kung ano ito; ito ay isang uri ng pagpapamalas, isang nakasanayang kalagayan at partikular na saloobin sa kung paano tinatrato ng mga tao ang mga bagay, ngunit sangkot dito ang disposisyon ng isang tao. Ano ang disposisyon ng mga gayong tao? Nakikinig sila, ngunit hindi sumusunod ni nagpapasakop. Sa panlabas, nakakapakinig pa rin sila, ngunit ang ipinapakita ba nila sa panlabas ay kapareho ng iniisip nila o ng tunay nilang saloobin sa loob nila? (Hindi.) Sa panlabas, maaaring mukhang maayos ang asal nila at tila nakikinig sila, ngunit sa loob nila ay hindi ganito. Sa loob nila, mayroon silang lagay ng loob at saloobin ng hindi pagsunod, kasama ang lagay ng loob at saloobin ng paglaban. Iniisip nila: “Hindi kita sinusunod sa aking puso; paano ko maipapahalata sa iyo na hindi ako sumusunod? Pinapapasok at pinapalabas ko lang sa tainga ko ang mga salitang sinasabi mo, ngunit hindi ko isinasapuso o isinasakatuparan ang mga ito. Lalabanan at sasalungatin kita!” Ito ang ibig sabihin ng hindi pagsunod at hindi pagpapasakop. Kung ang mga gayong tao ay makikipag-ugnayan at makikisalamuha sa mga ordinaryong indibidwal, tinatrato ang sinasabi ng mga ordinaryong tao nang may ganitong kalagayan, pananaw, at saloobin, ito man ay isang pagpapamalas na halata o kapansin-pansin, ano ang disposisyon ng mga gayong tao? Sila ba ay itinuturing na mabubuting tao na may pagkatao at pagkamakatwiran? Ikinaklasipika ba sila bilang mga positibong tao? Malinaw na hindi. Batay lamang sa pariralang “pakikinig lang, pero hindi sumusunod o nagpapasakop,” ang mga taong ito ay mayabang. Gaano sila kayabang? Sobra, hanggang sa punto ng pagkawala ng pagkamakatwiran, lubhang pagkabaliw, walang sinusunod at hindi binibigyan ng halaga ang sinuman. Ang kanilang saloobin kapag nakikipag-ugnayan sa iba ay: “Maaari kitang kausapin, maaari akong makisalamuha sa iyo, pero walang salita ng sinuman ang puwedeng pumasok sa puso ko, ni ang puwedeng maging prinsipyo at gabay sa aking mga kilos ang anumang salita ng sinuman.” Mayroon lamang silang sariling mga pag-iisip sa isipan nila, sinusunod lamang ang boses sa loob nila. Hindi nila pinakikinggan o tinatanggap ang anumang tama, o mga positibong pahayag at prinsipyo, sa halip ay nilalabanan nila ito sa kanilang puso. Mayroon bang mga gayong tao sa masa? Sa isang grupo, ang mga gayong tao ba ay itinuturing na may katwiran o wala sa katwiran? Ikinaklasipika ba sila bilang mga positibong tao o negatibo? (Mga negatibong tao.) Kaya, paano kadalasan tinitingnan at tinatrato ng karamihan sa isang grupo ang mga gayong tao? Anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit nila sa kanilang pakikitungo sa mga ito? Karamihan ba sa mga tao ay nais makipag-ugnayan at makisalamuha sa mga gayong indibidwal? (Hindi.) Sa iglesia, karamihan sa mga tao ay hindi makakasundo ang mga gayong indibidwal—ano ang dahilan? Bakit lahat ay ayaw at nakakaramdam ng pagkasuklam sa mga gayong tao? Dalawang pangungusap ang maaaring magpaliwanag sa isyung ito. Una, ang mga taong ito ay hindi nakikipagtulungan sa sinuman, nais nilang sila ang may huling salita, at hindi sila nakikinig sa kahit sino; napakahirap para sa kanila na sumunod sa salita ng iba, at imposibleng humingi sila ng opinyon at ideya ng iba, o makinig sa sinasabi ng iba. Pangalawa, hindi nila magawang makipagtulungan sa kahit sino. Hindi ba’t ang dalawang pangungusap na ito ang mga pinakapartikular na pagpapamalas ng gayong uri ng tao? Hindi ba’t ang mga iyon ang diwa ng gayong tao? (Oo.) Una, kung isasaalang-alang ang kanilang disposisyon, hindi sila nakikinig at nagpapasakop kaninuman. Gusto nilang sila ang may huling pasya, ayaw nilang makinig sa iba, at hindi sila nakikipagtulungan sa iba. Sa puso nila, walang puwang para sa iba, ni para sa katotohanan o sa mga prinsipyo ng iglesia—gayon ang disposisyon ng anticristo ng mga gayong uri ng tao. Bukod dito, hindi nila nagagawang makipagtulungan o makisama kaninuman, at kahit na pakiramdam nila sa puso nila na atubiling handa sila, hindi pa rin nila nagagawang makipagtulungan sa iba pagdating ng oras. Ano ang nangyayari dito? Hindi ba’t may isang partikular na kalagayan na nasasangkot? Hinahamak nila ang iba, hindi nakikinig sa iba, at gaano man naaayon sa mga prinsipyo ang mga salita ng iba, hindi nila tinatanggap ang mga ito. Pagdating sa pakikipagtulungan sa iba, maaari lamang itong gawin sa paraan nila. Ito ba ay matiwasay na pakikipagtulungan? Ito ay hindi pakikipagtulungan; pagkilos ito nang walang pakundangan, kung saan isang tao lamang ang nagdedesisyon. Ganito ang uri ng disposisyon ng mga gayong tao sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba, at tinatrato nila si Cristo sa parehong paraan. Sulit bang himayin ito? Ang isyu rito ay malubha at nararapat himayin! Sunod naman, pag-usapan natin ang mga partikular na pagpapamalas at pagsasagawa ng mga anticristo sa bawat aytem, at sa pamamagitan ng mga partikular na pagpapamalas at pagsasagawang ito ay mauunawaan ang diwa ng mga anticristo—hinahamak nila ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Simulan natin ang paghihimay mula sa unang aytem.
A. Paninipsip, Pambobola, at mga Salitang Masarap Pakinggan
Paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan—sa panlabas, dapat malaman ng lahat kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito, at ang mga indibidwal na nagpapakita ng mga ito ay pangkaraniwan. Ang paninipsip, pambobola, at pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan ay kadalasang mga paraan ng pagsasalitang ginagamit upang magkamit ng pabor, papuri, o isang uri ng pakinabang mula sa iba. Ito ang pinakakaraniwang paraan ng pagsasalita para sa mga taong nambobola at nambibilog ng ulo. Maaaring sabihin na lahat ng tiwaling tao, sa ilang antas, ay nagpapakita ng ganitong pagpapamalas, na isang paraan ng pagsasalita na kabilang sa satanikong pilosopiya. Kaya, nagpapakita ba ang mga tao ng parehong pagpapamalas at pagsasagawa sa harap ng nagkatawang-taong Diyos, siguro ay upang makakuha rin ng ilang pakinabang? Siyempre, hindi ito ganoon kasimple. Kapag ang mga tao ay sumisipsip at nambobola sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, anong uri ng pananaw o pag-iisip tungkol kay Cristo sa kanilang puso ang nagiging sanhi ng gayong pag-uugali? Ang gayong pag-uugali ang karaniwang ipinapakita ng mga tao sa ibang tao. Kung ang mga tao ay umaasal din nang ganito sa nagkatawang-taong Diyos, ito ay di-tuwirang nagbubunyag ng isang problema: Itinuturing nila ang nagkatawang-taong Diyos, si Cristo, bilang isang ordinaryong tao lamang sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Mula sa panlabas na perspektiba, si Cristo ay may mga buto at laman at may anyo ng isang tao. Ito ay nagbibigay sa mga tao ng isang ilusyon, na nagiging sanhi upang paniwalaan nilang si Cristo ay tao lamang, na nagbibigay-daan sa kanila na pangahas na tratuhin si Cristo batay sa lohika at pag-iisip ng pakikitungo sa mga tao. Ayon sa lohika at pag-iisip ng pakikitungo sa mga tao, karaniwan sa pakikitungo sa isang taong may katayuan at bantog, ang pinakamahusay na estratehiya upang mag-iwan ng magandang impresyon, upang madaling makuha ang mga pakinabang o ang pagtaas ng ranggo sa hinaharap, ay ang gawing masarap pakinggan at marunong makiramdam na pagsasalita, na tinitiyak na ang nakikinig ay komportable at masaya. Dapat panatilihin ng isang tao ang banayad na ekspresyon ng mukha, at huwag magpakita ng mabangis o masamang mukha, at sa wika, ay dapat walang agresibo, malisyoso, o malupit na mga salita, o mga salitang maaaring makasakit sa pagpapahalaga sa sarili ng isang tao. Sa mga gayong pagpapamalas at salita lamang maaaring mag-iwan ng magandang impresyon sa presensiya ng gayong tao at hindi sila kasuklaman nito. Parang ang pagsasalita nang kaaya-aya, pambobola at pambibilog ng ulo, ay itinuturing na pinakatotoong uri ng pagrespeto sa iba. Sa parehong paraan, iniisip ng mga tao na upang magpakita ng pagrespeto kay Cristo, at upang mapanatili ang pagkakasundo, kailangan nilang magsikap nang husto upang ipakita ang gayong pag-uugali, na tinitiyak na ang kanilang mga salita ay walang nakakasakit na wika o nilalaman, at lalong walang nakapagpapasama ng loob. Iniisip ng mga tao na ito ang pinakamahusay na paraan upang makipag-ugnayan at makipag-usap kay Cristo. Itinuturing nila ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang napaka-ordinaryong tao na may normal, tiwaling disposisyon, iniisip na wala nang mas mabuting paraan upang pakitunguhan o tratuhin Siya kung hindi nila gagawin iyon. Samakatwid, kapag ang isang anticristo ay humarap kay Cristo, ang kinikimkim nila sa kanilang puso ay hindi takot, respeto, o tunay na sinseridad, kundi isang pagnanais na gumamit ng wika na kaaya-aya at marunong makiramdam, umaabot pa nga sa paggamit ng mga ilusyon upang hayagang suyuin at bolahin ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Naniniwala silang ang lahat ng tao ay madaling mahihikayat ng ganitong pamamaraan, at dahil ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay tao rin, Siya rin ay tutugon sa gayong pamamaraan at magugustuhan ito. Kaya, sa pakikitungo kay Cristo, sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, sa kanilang puso, ang mga anticristo ay hindi tinatanggap ang katunayang si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang ilang taktika ng tao, mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, at ang mga karaniwang diskarte ng tao sa pakikitungo at pagmamanipula sa iba upang pakitunguhan ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Ang diwa ba ng mga pag-uugaling ito ay nagpapakita ng katunayang hinahamak ng mga anticristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos? (Oo.)
Itinuturing ng mga anticristo si Cristo sa parehong paraan kung paano nila itinuturing ang mga tiwaling tao, nagsasalita lamang ng mga salitang sumisipsip at nambobola kapag nakikita nila si Cristo, at pagkatapos ay inoobserbahan ang mga reaksiyon ni Cristo at sinusubukang tugunan ang Kanyang mga kagustuhan. Ang ilang tao, kapag nakikita si Cristo, ay nagsasabing: “Nakita kita mula sa malayo. Namumukod-tangi ka sa karamihan. Hindi tulad ng iba, na walang mga limbo, ikaw ay may limbo sa iyong ulo. Alam ko na agad na ikaw ay hindi ordinaryong tao. Sino pa ba sa sambahayan ng diyos ang hindi ordinaryo kundi si cristo? Nang makita kita, alam ko na, walang duda na ito ay totoo. Ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos ay talagang naiiba.” Hindi ba’t ito ay tahasang kalokohan? Ang Aking anyo ay ordinaryo, pangkaraniwan. Kung wala Akong ginagawa o sinasabi sa mga tao, maaaring wala pa ring makakilala sa Akin kahit matapos ang isa o dalawang taon. Sa anumang grupo, Ako ay isang ordinaryong miyembro lamang; walang sinumang makakakita ng anumang espesyal sa Akin. Ngayon, Ako ay gumagawa sa iglesia, at dahil sa patotoo ng Diyos, nakikinig kayo kapag nagsasalita Ako sa gitna ninyo. Ngunit kung wala ang patotoo ng Diyos, ilan ang makikinig o magbibigay-pansin sa Akin? Iyan ay nananatiling isang katanungan, walang nakakaalam. Sinasabi ng ilang tao: “Para sa akin, siya ay mukhang diyos. Palagi kong nararamdaman na siya ay hindi ordinaryo, naiiba sa lahat.” Paano Ako naiiba? Mayroon ba Akong tatlong ulo at anim na braso? Paano mo natutukoy ang pagkakaiba? Minsang sinabi ng Diyos: Sadyang hindi Ko ipinapakita sa mga tao ang kahit kaunting bakas ng pagka-Diyos sa Akin. Kung hindi ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang Kanyang pagka-Diyos, paano mo ito nakikita? Hindi ba’t may problema sa sinasabi ng mga taong ito? Ito ay malinaw na walang iba kundi walang katuturang salita ng mga kasuklam-suklam na nambobola, na ang mga salita ay walang kabuluhan. Ang panlabas na anyo ng nagkatawang-taong Diyos ay sa isang ordinaryong tao. Paano makikilatis ng mga mata ng tao ang pagka-Diyos ni Cristo? Kung hindi gumawa at nagsalita si Cristo, walang makakakilala sa Kanya o makakaalam ng Kanyang pagkakakilanlan at diwa. Ito ay isang katunayan. Kung gayon, paano naman ang mga nagsasabi ng, “Sa unang sulyap pa lang ay alam ko nang ikaw ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos, naiiba ka sa lahat,” o “Nang makita kita, alam kong magagawa mo ang mga dakilang bagay”? Ano ang mga pahayag na ito? Ang mga ito ay pawang kalokohan! Noong hindi pa nagbibigay ng Kanyang patotoo ang Diyos, paanong hindi mo ito nakilatis kahit ilang beses ka pang tumingin? Pagkatapos ng patotoo ng Diyos, nang sinimulan Ko ang Aking gawain, paano mo ito biglang nakita sa unang sulyap pa lang? Ang mga ito ay malinaw na mga mapanlinlang na salita, pawang kabaliwan.
Ang ilang tao, kapag nakikipagkita o nakikipag-ugnayan sa Akin, ay gustong magpakitang-gilas. Iniisip nila: “Bihira lang ang pagkakataon na makatagpo ang nagkatawang-taong diyos; ito ay isang pambihirang pagkakataon sa buhay ng isang tao. Kailangan kong galingan, ipakita ang mga resulta ng aking pananampalataya sa diyos sa loob ng maraming taon, at ang magagandang nakamit ko mula nang tanggapin ko ang kasalukuyang yugto ng gawain ng diyos, para mabatid ng diyos ang mga ito.” Ano ang ibig sabihin nila sa pagpapabatid sa Akin? Umaasa silang magkaroon ng pagkakataong tumaas ang ranggo nila. Kung ito ay sa iglesia, baka hindi na sila magkaroon ng pagkakataong mamukod-tangi o tumaas ang ranggo sa kanilang buong buhay; walang maghahalal sa kanila. Iniisip nila na dumating na ang pagkakataon, kaya pinag-iisipan nila kung paano magsalita sa paraang hindi magbubunyag ng anumang isyu at hindi magpapakita na nagtatangka silang magpakitang-gilas. Kailangan nilang maging mas maingat at mahusay, gumamit ng ilang pakana at panlalansi, gumamit ng maliliit na katusuhan. Sinasabi nila: “O diyos, tiyak na labis na kaming nakinabang mula sa pananampalataya sa iyo sa mga nakaraang taon! Ang buong pamilya namin ay nananampalataya, tinalikdan namin ang lahat ng bagay upang igugol ang aming sarili para sa diyos. Pero hindi iyon ang pinakamahalaga. Ang pinakamahalaga ay na napakadakila ng iyong mga salita, at napakarami mong nagawang gawain. Handa kaming lahat na gawin ang aming mga tungkulin at gugulin ang aming sarili para sa diyos.” Sinasabi Ko naman: “Pero wala namang tunay na pakinabang dito.” “Mayroon—ang biyayang ibinigay ng diyos ay masagana. Marami kaming nakamit na bagong liwanag, kabatiran, at pag-unawa sa mga salita ng diyos. Ang lahat ng kapatid ay napakasigla, lahat ay handang gugulin ang kanilang sarili para sa diyos.” “Mayroon bang mga mahina at negatibo? Mayroon bang sinuman na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan?” “Wala, napakabuti ng aming buhay iglesia. Lahat ng kapatid ay naghahangad na mahalin ang diyos, talikdan ang lahat para ipangaral ang ebanghelyo. Ang lahat ng sinasabi ng diyos ay mabuti. Lahat kami ay napupukaw, at hindi na maaaring manampalataya nang gaya ng dati, nang naghahanap ng biyaya at naghahangad na makinabang hangga’t nais. Kailangan naming talikdan ang lahat para sa diyos, ialay ang aming sarili sa diyos, at gugulin ang aming sarili para sa diyos.” “Kung gayon, sa mga nakaraang taon, nagkamit ba kayo ng anumang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos?” “Oo, nagkamit kami. Napakaganda ng mga salita mo, o diyos, ang bawat pangungusap ay tumatama sa aming mga pangunahing isyu, inilalantad ang aming kalikasang diwa! Nakatanggap kami ng malaking liwanag sa pagkaunawa sa aming sarili at sa iyong mga salita. O diyos, ikaw ang nagligtas sa buhay ng buong pamilya namin, ng buong iglesia namin. Kung wala ka, matagal na kaming namatay kung saanman. Kung wala ka, hindi namin alam kung paano magpapatuloy. Umaasam ang lahat ng tao sa aming iglesia na makita ka, nagdarasal araw-araw para matagpuan ka sa kanilang mga panaginip, umaasang makakasama ka araw-araw!” Sa kanilang pananalita, sa esensiya ba ay may mga taos-puso o tapat na salitang nabanggit? (Wala.) Ano ang mga salitang ito kung gayon? Ang mga ito ay mapagpaimbabaw, walang kabuluhan, at walang silbi. Kapag hinihiling Kong talakayin nila ang pagkilala sa sarili, sinasabi nila, “Mula nang tanggapin ko ang gawain ng diyos, nararamdaman kong ako ay isang diyablo at isang Satanas, na walang pagkatao.” “Paano ka nagiging walang pagkatao?” “Ako ay kumikilos nang walang mga prinsipyo.” “Sa anong mga kilos ka walang prinsipyo?” “Hindi ko magawang makipagtulungan nang matiwasay sa iba, ang aking mga pakikipag-ugnayan sa iba ay walang mga prinsipyo, ang aking pakikitungo sa mga tao ay walang mga prinsipyo. Ako ay isang diyablo at isang Satanas, nagmula ako kay Satanas, malalim ang paggawang tiwali sa akin ni Satanas. Nilalabanan ko ang diyos sa bawat pagkakataon, palagi kong sinasalungat at kinokompronta ang diyos.” Ang mga salitang ito ay magandang pakinggan sa panlabas. Kapag tinatanong Ko sila, “Kumusta na si ganito at ganyan sa inyong iglesia ngayon?” Sinasabi nila, “Ngayon ay maayos na siya. Tinanggal siya sa pamumuno ng iglesia dati, pero pagkatapos ay nagsisi siya, at hinalal siyang muli ng mga kapatid.” “Ang tao bang iyon ay naghahangad sa katotohanan?” “Kung sinasabi ng diyos na ito ay naghahangad sa katotohanan, kung gayon ang taong ito ay naghahangad; kung sinasabi ng diyos na hindi, kung gayon ay hindi ito naghahangad.” “Ang taong ito ay mukhang masigasig, pero ang kanyang kakayahan ay talagang mahina, hindi ba?” “Mahina? Oo, medyo. Kung hindi, bakit naman siya tinanggal ng mga kapatid noong nakaraan?” “Kung mahina ang kanyang kakayahan, makagagawa ba siya ng kongkretong gawain? Matutupad ba niya ang obligasyon ng pamumuno sa iglesia?” Pagkarinig sa Aking mga salita, ang nagiging interpretasyon nila rito ay na ang isang taong mahina ang kakayahan ay hindi makakatupad sa obligasyon, at sinasabi nila, “Kung gayon ay hindi niya ito matutupad. Pinili siya ng mga kapatid bilang ang pinakamagaling sa mga hindi magaling; wala nang iba pa na mas magaling, kaya pinili nila siya. Sinasabi ng lahat ng kapatid na ang kanyang kakayahan ay karaniwan, pero kaya pa rin niya kaming pamunuan. Kung mahina ang kanyang kakayahan, sa palagay ko ay maaaring hindi na siya piliin ng mga kapatid sa susunod. O diyos, dapat ko bang subukang impluwensiyahan ang mga kapatid?” “Ang usaping ito ay nakasalalay sa tayog ng mga kapatid sa inyong iglesia. Pinipili nila ang taong sa palagay nila ay mabuti batay sa mga prinsipyo—tama ang prosesong ito, pero ang ilang tao ay hangal at hindi makakilatis sa mga tao o bagay, at kung minsan ay pumipili sila ng maling tao.” Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito? Nagpapahayag lamang Ako ng isang katunayan, hindi Ko sadyang nilalayon na tanggalin ang taong ito. Pero paano ito naarok ng anticristo matapos itong marinig? Hindi nila ito sinabi nang malakas, pero iniisip nila, “Isa ba itong pahiwatig mula sa diyos para tanggalin ang taong ito? Kung gayon, dapat kong siyasatin pa kung ano talaga ang ibig sabihin ng diyos. Kung ang taong ito ay matanggal, sino pa ang puwedeng mamuno sa iglesia, sino ang makakagawa ng gawaing ito?” Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang praktikal na Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ni hindi nila kayang makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliko-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at direksiyon ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring iangat, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang naipapamalas at naibubunyag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano siya nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa iglesia. Kapag nagtatanong ka tungkol sa mga aktuwal na sitwasyon, wala silang masasabi; nagpapaligoy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng kongklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, upang maiayon nila ang kanilang mga salita sa iyong mga iniisip. Ang lahat ng sinasabi nila ay mga salitang masarap pakinggan, pambobola, at labis na pagpupuri na may kasamang pagpapakababa; walang sinserong salita ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Ganito sila makipag-ugnayan sa mga tao at kung paano nila tratuhin ang Diyos—ganyan talaga sila kamapanlinlang. Ito ang disposisyon ng isang anticristo.
May ilang tao na nakikipag-ugnayan sa Akin, nang hindi alam kung anong klaseng mga salita o usapin ang gusto Kong marinig; gayumpaman, kahit na hindi nila alam, humahanap sila ng paraan. Pumipili sila ng ilang paksa na tatalakayin sa Akin, iniisip nila, “Maaaring maging interesado ka sa mga paksang ito, maaaring ang mga ito ang mga gusto mong malaman o marinig ngunit masyado kang magalang kaya hindi mo matanong, kaya ako na ang magkukusang magsabi sa iyo.” Kapag nagkikita kami, sinasabi nila, “Kamakailan, nagkaroon ng malalakas na ulan sa aming lugar, na nagdulot ng pagbaha sa buong lungsod. Ang kaayusang pampubliko ay lumalala rin; napakarami nang magnanakaw ngayon. Kapag lumabas ang isang tao, may panganib na siya ay manakawan o madukutan. Narinig ko na sa ilang lugar, maraming bata ang dinukot, at ang mga tao ay nangangamba. Sinasabi ng mga walang pananampalataya na naging masyado nang magulo ang lipunan, ganap nang abnormal. Ang mga tao sa relihiyon ay mahigpit pa ring nakakapit sa Bibliya at nangangaral ng ebanghelyo, sinasabi na dumating na ang mga huling araw, na malapit nang bumaba ang diyos, at na malapit na ang malalaking kalamidad.” At may ilang tao na, kapag nakatagpo Ako, ay agad na nagsasabi, “Ilang araw na ang nakalipas, tatlong buwan ang lumitaw sa kalangitan sa isang lugar, at maraming tao ang kumuha ng mga litrato. Sinasabi ng ilang manghuhula na malalaking pangitain ang malapit nang lumitaw sa kalangitan, na ang tunay na panginoon ay nagpakita na.” Sinasabi nila ang mga ganitong bagay—sila ay partikular na interesado at nangongolekta ng impormasyon tungkol sa pangyayari ng gayong kaguluhan sa lipunan, mga sakuna, at iba’t ibang di-pangkaraniwang mga kaganapan at mga penomenang pang-astronomiya. Kapag nakikipagtagpo sila sa Akin, ginagamit nila ito bilang paksa ng pag-uusap upang magkaroon sila ng mas malapit na relasyon sa Akin. Ang ilang tao ay naniniwala, “Ang nagkatawang-taong diyos ay isang ordinaryong tao. Ang pagkakaiba niya sa iba ay nasa katunayan na ginagawa niya ang gawain ng diyos at kumakatawan siya sa diyos. Kaya, habang ang karamihan sa mga tao ay umaasa para sa kapayapaan sa mundo, para mamuhay ang mga tao sa pagkakaisa at kasiyahan, ang cristo sa laman ay hindi tulad ng mga normal na tao. Inaasam niya ang isang malaking kaguluhan sa mundo, ang pagdating ng mga pangitain at ng malalaking kalamidad, ang mabilis na pagsasakatuparan sa dakilang gawain ng diyos, at ang mabilis na pagtatapos ng gawain ng pamamahala ng diyos, upang matupad ang kanyang mga salita. Ito ang mga paksang pinapahalagahan niya at interesado siya. Kaya, kapag nakikipagtagpo ako sa kanya, sasabihin ko ang mga bagay na ito, at siya ay talagang matutuwa. Kung matutuwa siya, marahil tataas ang ranggo ko, at maaari akong magkaroon ng pagkakataon na makasama siya nang mas maraming araw.” May mga gayong tao ba? Minsan nakilala Ko ang isang batang babae na matamis magsalita; magaling siyang magsalita, mabilis mag-isip, at alam na alam niya kung paano susunod sa agos at mahusay siyang makisama sa lahat, lalong bihasa siya sa pakikipag-ugnayan sa mga nasa kapangyarihan at may katayuan. Kapag nakikipag-ugnayan siya sa Akin, kapag nagtatagpo kami, agad niyang sinasabi: “Sa ganito at ganoong lugar, laganap ang kriminal na mundo; kahit ang lokal na pulis ay may mga miyembro ng gang. May isang lider ng gang na gumawa ng maraming masamang bagay sa lokalidad. Isang araw, nakatagpo niya ang isang mataas na opisyal, isang punong demonyo, sa kalsada. Nilagpasan ng kanyang sasakyan ang sasakyan ng punong demonyo, at sinabi ng punong demonyo sa bodyguard nito, ‘Kaninong sasakyan iyon? Ayaw ko nang makita siyang muli!’ Kinabukasan, siya ay pinatay.” May mga gayong bagay ba sa lipunan? (Mayroon.) Umiiral ang mga gayong bagay, pero kapaki-pakinabang ba itong gawing pangunahing paksa ng pag-uusap kapag nakikipagkita sa Akin? Ang mga ito ay hindi ang mga paksang pinapahalagahan Ko o gusto Kong marinig, pero hindi niya alam iyon. Akala niya ay gusto Kong marinig ang mga nakakakilabot na kuwentong ito. Sabihin mo sa Akin, ang mga sakuna, pangitain, natural at gawa ng tao na kalamidad ba ang mga paksang pinapahalagahan Ko, ang mga gusto Kong marinig? (Hindi.) Ayos lang na pakinggan ang mga bagay na ito upang palipasin ang oras, ngunit kung iniisip mong talagang gusto Kong marinig ang mga ito, nagkakamali ka. Hindi Ako interesado sa mga bagay na ito, ayaw Kong marinig ang mga ito. Tinatanong ng ilang tao, “Nakikinig ka ba kapag sinasabi ng mga tao ang mga bagay na ito?” Hindi Ako tumututol sa pakikinig, ngunit hindi ibig sabihin niyon na gusto Kong makinig, at hindi rin ibig sabihin nito na gusto Kong mangolekta ng ganitong impormasyon, ng mga ganitong kuwento. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na sa kaibuturan ng puso Ko, wala akong kuryosidad tungkol sa mga bagay na ito, wala Akong anumang interes. Iniisip pa nga ng ilang tao, “Sa iyong puso, hindi ba’t partikular mong kinamumuhian ang malaking pulang dragon? Kung kinamumuhian mo ang malaking pulang dragon, sasabihin ko sa iyo ang tungkol sa isang parusa na natanggap ng malaking pulang dragon: Nagkaroon ng tunggalian sa pagitan ng matataas na opisyal sa loob ng malaking pulang dragon, may ilang paksiyon ang naglalabanan, halos mapatay na ang isang pinunong demonyo. Ang mga pinunong demonyong ito ay nakaligtas na sa ilang pagtatangka ng pagpatay, napakamapanganib talaga! Matutuwa ka bang marinig ito?” Matutuwa ba kayong lahat na marinig ang mga gayong bagay? Kung matutuwa kayo, matuwa kayo; kung ayaw ninyo itong marinig, huwag kayong makinig—wala itong kinalaman sa Akin. Sa madaling salita, tungkol sa mga bagay na ito, kung ito man ay isang epidemya sa isang bansa, kung paano nagsimula ang epidemya, kung ilang tao ang namatay, kung aling bansa ang nakaranas ng malaking sakuna, ang kalagayan ng gobyerno ng isang bansa, kung gaano kabagsik ang mga panloob na tunggalian sa mga mataas na antas ng isang bansa, o mga kaguluhan sa lipunan, maaaring makinig Ako kung sakaling marinig Ko ang mga ito, ngunit hindi Ko pagsisikapang hanapin ang mga partikular na detalye tungkol sa mga kaganapang ito, hindi Ako makikinig sa balita, magbabasa ng mga diyaryo, o maghahanap sa online para sa mga nilalaman na may kaugnayan sa mga kaganapang ito dahil lamang hindi Ko alam ang tungkol sa mga ito. Hinding-hindi Ko gagawin iyon, at hindi Ko kailanman ginagawa ang mga gayong bagay. Hindi Ako interesado sa mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao: “Lahat ng ito ay nasa ilalim ng Iyong kontrol, Ikaw ang may gawa ng lahat ng ito; kaya hindi Ka interesado.” Tama ba ang pahayag na ito? Tama ito pagdating sa doktrina, pero sa diwa, hindi iyon ang kaso. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao, sa bawat lahi, bawat pangkat ng tao, sa bawat panahon. Normal lang na magkaroon ng ilang sakuna at di-pangkaraniwang kaganapan sa bawat panahon—lahat ng ito ay nasa kamay ng Diyos. Kahit na anumang kapanahunan pa, kahit na may mga mahalaga o maliit na kaganapang mangyari, kapag dumating ang oras para magbago ang isang kapanahunan, kahit na walang pagbabago sa isang damo o puno, kailangang lumipas ang panahong iyon. Ito ay isang bagay ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang isang kapanahunan ay hindi dapat matapos, kahit na mayroong malalaking pagbabago sa mga penomena sa kalangitan o sa lahat ng bagay sa lupa, hindi ito dapat magtapos. Lahat ng ito ay mga gawain ng Diyos, labas na sa pangingialam o pagtulong ng tao. Ang pinakadapat gawin ng mga tao ay huwag nang alalahanin pa ang mga bagay na ito, huwag mangolekta ng ebidensiya at impormasyon tungkol sa mga kaganapang ito upang matugunan ang kanilang kuryosidad. Tungkol sa mga bagay na ginagawa ng Diyos, dapat mong maunawaan ang lahat ng kaya mong maunawaan, at huwag piliting unawain kung saan hindi ito posible. Sa tiwaling sangkatauhan, ang mga bagay na ito ay napakanormal, napakakaraniwan. Lahat ng usaping ito—ang pagbabago ng mga kapanahunan, ang pagbabagong-anyo ng kaayusan ng mundo, ang kapalaran ng isang lahi, ang pamamahala at katayuan ng isang rehimen, at iba pa—ay pawang nasa mga kamay ng Diyos, lahat ay nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kailangan lang ng mga tao na maniwala, tumanggap, at magpasakop; sapat na iyon. Huwag maghangad na maunawaan ang mas maraming mga misteryo, na inaakalang kapag mas marami kang nauunawaang mga misteryo, mas mukhang maganda ito, na para bang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ay may malaki kang tayog at espirituwalidad. Ang pagkakaroon ng gayong kaisipan ay nangangahulugang mali ang iyong pananaw sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Ang tunay na mahalagang bagay, ang dapat pinakaalalahanin ng mga tao, ay ang sentro ng plano ng pamamahala ng Diyos—ang kaligtasan ng sangkatauhan, binibigyang-kakayahan ang sangkatauhan na maligtas sa loob ng gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Ito ang pinakamalaki at pinakasentrong bagay. Kung nauunawaan mo ang mga katotohanan at mga pangitaing may kaugnayan sa bagay na ito, kung gayon ay tanggapin mo ang ginagawa ng Diyos sa iyo at ang katotohanang itinutustos Niya sa iyo, at tanggapin ang bawat pagkakataon ng pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, kung tatanggapin mo ang lahat ng ito, ito ay mas mahalaga kaysa sa pagsasaliksik ng mga penomena sa kalangitan, mga misteryo, mga sakuna, o politika.