Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi) Ikalimang Seksiyon
May mga tanong pa ba kayo? (O Diyos, puwede Ka po bang magbahagi sa amin tungkol sa kung ano ang kahulugan ng pagsubok sa Diyos? Sa anong mga paraan naipapamalas ang pagsubok ng mga tao sa Diyos?) Ang pagsubok sa Diyos ay kapag hindi alam ng mga tao kung paano kumikilos ang Diyos, at kapag hindi Siya nila kilala o nauunawaan, madalas silang humingi ng hindi makatwiran sa Kanya. Halimbawa, kapag may sakit ang isang tao, maaaring ipagdasal niya na pagalingin siya ng Diyos. “Hindi ako magpapagamot—tingnan natin kung papagalingin ako ng Diyos o hindi.” At kaya naman, pagkatapos ng maraming panalangin nang walang aksiyon mula sa Diyos, sasabihin niya, “Dahil walang ginawa ang Diyos, maggagamot ako at tingnan natin kung hahadlangan Niya ako. Kung bumara ang gamot sa aking lalamunan, o kung matapon ko ang tubig, maaaring paraan ito ng Diyos para hadlangan ako sa pag-inom nitong gamot.” Iyon ang tinatawag na pagsubok. O halimbawa, sinabihan kang mangaral ng ebanghelyo. Sa normal na mga sitwasyon, nagdedesisyon ang lahat sa pamamagitan ng pagbabahaginan at deliberasyon kung ano ang kailangan sa mga tungkulin mo at kung ano ang dapat mong gawin, at pagkatapos, kikilos ka kapag oras na. Kung mayroong mangyayari habang kumikilos ka, kataas-taasang kapangyarihan iyon ng Diyos—kung hahadlangan ka ng Diyos, gagawin Niya ito nang kusa. Gayumpaman, sabihin natin na binibigkas mo sa iyong panalangin, “O Diyos, lalabas ako ngayon para ipangaral ang ebanghelyo. Naaayon ba sa layunin Mo na lumabas ako? Hindi ko alam kung matatanggap ba ito ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ngayon o hindi, o kung paano Mo mismo paghaharian ito. Hinihiling ko ang Iyong mga pagsasaayos, ang Iyong paggabay, ipakita Mo sa akin ang mga bagay na ito.” Pagkatapos magdasal, nakaupo ka lang doon, nang hindi gumagalaw, at sasabihin mo, “Bakit walang anumang sinasabi ang Diyos tungkol doon? Siguro ay dahil hindi sapat ang pagbabasa ko sa Kanyang mga salita, kaya hindi Niya maipakita sa akin ang mga bagay na iyon. Kung gayon, lalabas na ako kaagad. Kung madadapa ako roon, maaaring iyon ang pagpigil sa akin ng Diyos na pumunta roon, at kung magiging maayos ang lahat at hindi ako hahadlangan ng Diyos, maaaring iyon ang pagpayag ng Diyos na umalis ako.” Iyon ay isang pagsubok. Bakit natin iyon tinatawag na isang pagsubok? Praktikal ang gawain ng Diyos; ayos lang na gampanan lamang ng mga tao ang mga tungkulin nila, mag-ayos ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at ipamuhay ang kanilang mga buhay ng normal na pagkatao sa paraan na naaayon sa mga prinsipyo. Hindi na kailangan pang subukin kung paano kikilos ang Diyos o kung anong gabay ang Kanyang ibibigay. Tumutok ka lang sa kung ano ang dapat mong gawin; huwag laging magkaroon ng mga karagdagang kaisipan tulad ng, “Pinapayagan ba ako ng Diyos na gawin ito, o hindi? Kung gagawin ko ito, paano ako pangangasiwaan ng Diyos? Tama ba na gawin ko ito sa ganitong paraan?” Kung malinaw namang tama ang isang bagay, kung gayon, ang alalahanin mo lamang ay ang paggawa nito; huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano. Ayos lang na magdasal, siyempre, na magdasal para sa paggabay ng Diyos, na gagabayan Niya ang iyong buhay sa araw na ito, na gagabayan Niya ang tungkuling gagampanan mo ngayong araw. Sapat nang mayroong puso at saloobin ng pagpapasakop ang isang tao. Halimbawa, alam mo na kung hahawakan mo ang kuryente, makukuryente ka, at maaari kang mamatay. Gayumpaman, pinag-iisipan mo ito: “Hindi ako dapat mag-alala, pinoprotektahan ako ng Diyos. Kailangan ko lang itong subukan, para tingnan kung poprotektahan ako ng Diyos, at para maramdaman ko kung paano ba ang proteksiyon ng Diyos.” Pagkatapos ay hahawakan mo ang kuryente, at bilang resulta, makukuryente ka—iyon ay isang pagsubok. Malinaw na mali ang ilang bagay at hindi dapat gawin. Kung gagawin mo pa rin ang mga ito, para makita kung ano ang magiging reaksiyon ng Diyos, isang pagsubok iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos kapag nagdadamit nang bongga at naglalagay ng makapal na kolorete sa mukha ang mga tao. Gagawin ko iyon at titingnan ko kung ano ang pakiramdam ng sinasaway ako ng Diyos sa loob ko.” Kaya, pagkatapos nilang maglagay ng kolorete, tumitingin sila sa salamin: “Ano ba yan, mukha akong multo, pero nararamdaman ko lang na medyo nakakasuklam ito at hindi ko kayang tumingin sa salamin. Wala na akong iba pang nararamdaman bukod doon—hindi ko nararamdaman ang pagkasuklam ng Diyos, at hindi ko nararamdaman ang pagdating ng Kanyang mga salita, para hampasin ako at hatulan ako.” Anong uri ng pag-uugali ito? (Panunubok.) Kung pabaya ka minsan sa iyong tungkulin, at alam na alam mo ito, sapat nang magsisi at magbago ka. Pero palagi kang nagdarasal, “O Diyos, naging pabaya ako—hinihiling kong disiplinahin Mo ako!” Ano ang silbi ng iyong konsensiya? Kung may konsensiya ka, dapat mong panagutan ang sarili mong pag-uugali. Dapat mo itong kontrolin. Huwag kang magdasal sa Diyos—magiging isang pagsubok ang panalangin na iyon. Ang gawing biro, gawing pagsubok ang isang napakaseryosong bagay, ay isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kapag nagdarasal sa Diyos ang mga tao at hinahanap Siya kapag may hinaharap na isyu, at pati na rin sa ilan sa kanilang mga saloobin, hinihingi, at mga paraan ng paggawa ng mga bagay sa kanilang pagtrato sa Diyos, madalas na lilitaw ang ilang pagsubok. Ano ang pangunahing nilalaman ng mga panunubok na ito? Ito ay iyong gusto mong makita kung paano kikilos ang Diyos, o gusto mong makita kung kaya o hindi kaya ng Diyos na gawin ang isang bagay. Gusto mong subukin ang Diyos; gusto mong gamitin ang bagay na ito para patunayan kung ano ang Diyos, para patunayan kung alin sa mga salitang sinabi ng Diyos ang tama at tumpak, kung alin ang puwedeng magkatotoo, at kung alin ang kaya Niyang isakatuparan. Pagsubok ang lahat ng ito. Regular bang lumilitaw sa inyo ang mga paraang ito ng paggawa ng mga bagay? Sabihin nating may isang bagay na hindi mo alam kung tama ba ang ginawa mo, o kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Dito, mayroong dalawang paraan na puwedeng makumpirma kung pagsubok ba ang iyong ginawa sa usaping ito, o kung positibo ba ito. Ang isang paraan ay ang magkaroon ng pusong mapagpakumbaba at naghahanap sa katotohanan, na nagsasabing, “Ganito ko pinangasiwaan at tiningnan ang bagay na ito na nangyari sa akin, at kung kumusta na ito ngayon, bilang resulta ng aking pangangasiwa rito sa ganoong paraan. Hindi ko matukoy kung ito ba talaga ang dapat kong ginawa.” Ano ang palagay mo sa saloobing ito? Isa itong saloobin ng paghahanap sa katotohanan—walang panunubok dito. Ipagpalagay na sinasabi mo, “Magkakasamang nagpapasya ang lahat sa bagay na ito, pagkatapos ng pagbabahaginan.” May nagtanong, “Sino ang namamahala rito? Sino ang pangunahing nagpapasya?” At sasabihin mo: “Ang lahat.” Ganito ang layunin mo: “Kung sasabihin nilang pinangasiwaan ang bagay na ito nang alinsunod sa mga prinsipyo, sasabihin kong ako ang gumawa nito. Kung sasabihin nilang hindi ito pinangasiwaan nang alinsunod sa mga prinsipyo, uumpisahan kong itago kung sino ang gumawa nito at kung sino ang nagdesisyon. Sa ganitong paraan, kahit na ipilit nilang ibaling ang sisi, hindi nila ito ibabaling sa akin, at kung may ipapahiya, hindi lang ako mag-isa.” Kung magsalita ka nang may ganoong uri ng layunin, iyon ay isang pagsubok. Maaaring may magsabi, “Kinasusuklaman ng Diyos kapag sumusunod ang tao sa mga makamundong bagay. Kinasusuklaman Niya ang mga bagay tulad ng mga araw ng paggunita at mga kapistahan ng sangkatauhan.” Ngayong alam mo na ito, puwede mo na lang gawin ang iyong makakaya para iwasan ang gayong mga bagay, hangga’t maaari. Gayumpaman, sabihin nating sinasadya mong sumunod sa mga makamundong bagay habang ginagawa ang mga bagay sa isang kapistahan, at habang ginagawa mo ang mga ito, ganito ang layuning kinikimkim mo: “Tinitingnan ko lang kung didisiplinahin ba ako ng Diyos sa paggawa nito, kung bibigyang-pansin ba Niya ako. Tinitingnan ko lang kung ano ang tunay na saloobin Niya sa akin, kung gaano kalalim ang Kanyang pagkasuklam. Sinasabi nilang kinasusuklaman ito ng Diyos, sinasabi nilang Siya ay banal at kinapopootan Niya ang kasamaan, kaya titingnan ko kung paano Niya kinapopootan ang kasamaan at kung paano Niya ako didisiplinahin. Kung, kapag ginagawa ko ang mga bagay na ito, binibigyan ako ng Diyos ng pagsusuka at pagtatae, iginugupo ako sa hilo, nang hindi makabangon mula sa kama, kung gayon ay tila kinasusuklaman talaga ng Diyos ang mga bagay na ito. Hindi lang Siya magsasalita—ang mga katunayan ang magpapatunay.” Kung palagi kang umaasa na makakita ng gayong eksena, anong uri ng pag-uugali at mga intensiyon ang mayroon ka? Sinusubok mo ang Diyos. Hindi dapat kailanman subukin ng tao ang Diyos. Kapag sinusubok mo ang Diyos, nagtatago Siya sa iyo, itinatago Niya ang Kanyang mukha sa iyo, at walang silbi ang mga panalangin mo. Maaaring magtanong ang ilan, “Hindi ba ito gagana kahit na taos-puso ako?” Oo, kahit na taos-puso ka. Hindi hinahayaan ng Diyos ang mga tao na subukin Siya; kinapopootan Niya ang kasamaan. Kapag tinutulutan mong pumasok ang masasamang ideya at pag-iisip na ito, pagtataguan ka ng Diyos. Hindi ka na Niya bibigyang-liwanag, kundi isasantabi ka, at magpapatuloy ka sa paggawa ng mga hangal, nakakagambala, at nakakagulong bagay hanggang sa mabunyag ka. Ito ang kahihinatnan ng panunubok ng mga tao sa Diyos.
(O Diyos, may tanong ako. Ako ang nangangasiwa ng mga kagamitan sa iglesia. Palaging mapagwalang-bahala at hindi seryoso ang saloobin ko sa tungkuling ito. Tinukoy ng mga kapatid ang aking mga pagkakamali at pinungusan nila ako, at nagbahagi sila sa akin tungkol sa halimbawa na minsang ibinigay ng Diyos tungkol sa isang tao na lihim na uminom ng gamot para sa ubo: hindi siya dinisiplina o pinagsabihan ng Diyos, pero itiniwalag siya matapos niya itong inumin. Hindi kumukunsinti ng mga pagkakasala ng tao ang disposisyon ng Diyos—alam ko ang mga salitang iyon, pero mayroon akong pananaw na maawain at mapagmahal ang Diyos, na hindi Niya ako siguro tatratuhin ng katulad ng ginawa Niya sa taong iyon. Kaya, hindi ako natatakot. Batay sa pagbabahagi ng Diyos ngayong araw, pakiramdam ko ay mayroon akong saloobin ng pagdududa sa Kanyang matuwid na disposisyon, at pag-uugali ng mga anticristo: ang panunukso sa Diyos, hindi kailanman natatakot sa Kanya.) Ang saloobin ng Diyos sa isang tao ay hindi batay sa kung natatakot ba ang taong iyon sa Kanya, ni hindi ito batay sa kung anumang pansamantalang saloobin maaaring mayroon ang taong iyon sa isang partikular na usapin. Hindi itinuturing ng Diyos na mga seryosong problema ang masasamang gawi at iresponsableng pamamaraan na maaaring ipakita at ibunyag ng isang tao sa mga mababaw na usapin ng buhay. Sapat nang magawa mo lang ilaan ang iyong sarili sa iyong pangunahing tungkulin at akuin ang responsabilidad para dito. Kung pakiramdam mo ay hindi mo kailanman kayang tanggapin ang responsabilidad sa pamamahala ng kagamitan, at hindi mo mailaan ang iyong buong lakas para gawin ito nang mabuti, ano ang ipinapakita niyon? Sa isang bahagi, ipinapakita nito na hindi ka magaling sa pamamahala; bukod doon, ipinapakita nito na hindi ka angkop sa naturang trabaho. Kung pakiramdam mo ay maaaring magdulot ng sakuna balang araw ang pananatili mo sa trabahong iyon, mas makakabuti sa iyo na magrekomenda ka ng ibang tao para dito; hayaan ang isang tao sa iglesia na angkop para sa gawain na pumalit sa iyo, pagkatapos ay gawin mo ang trabaho kung saan ka mahusay at na may interes ka, at maging tapat ka sa paggawa ng tungkuling iyon. Bukod dito, kung talagang minamahal ng isang tao ang katotohanan at talagang ninanais niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at mamuhay nang may dignidad, at hindi kasuklaman ng iba, kundi igalang ng mga ito, dapat siyang maging determinadong gawin nang maayos ang lahat ng bagay. At habang ginagawa niya ito, dapat siyang magkaroon ng determinasyon sa harap ng Diyos na sabihin: O Diyos, pakiusap, disiplinahin Mo ako kung hindi mahusay ang paggampan ko—pakiusap, gawin Mo ang iyong gawain. Mahina sa pamamahala ng iba ang mga tao; sa pinakamainam, maaari nilang turuan ang isang tao na magkaroon ng talento sa iisang larangan. Pero pagdating sa landas na tinatahak ng isang tao, sa kanyang mga pananaw sa buhay, sa mga layon na pinipili niya sa buhay, at kung anong uri ng tao ang pipiliin niyang maging, walang makakatulong sa kanya. Ang mga salita ng Diyos at ang Diyos lang ang makakapagbago sa mga tao. Paano ito natutupad? Na ang mga tao mismo ay walang magawa—kailangan nilang ipaubaya sa Diyos ang mga bagay-bagay. Kaya, anong mga pamantayan ang kailangang matugunan ng isang tao para hayaang gumawa ang Diyos, bago maging handang kumilos ang Diyos? Kailangan muna niyang magkaroon ng determinasyon, dapat mayroon siya ng gayong naisin, na nagsasabing, “Alam kong hindi ko kailanman nagawa nang maayos ang gampaning ito. Hindi nasiyahan ang mga kapatid—ako mismo ay hindi nasiyahan—pero gusto ko itong magawa nang maayos. Ano ang gagawin ko? Lalapit ako sa harapan ng Diyos sa panalangin at hahayaan ko Siyang gumawa sa akin.” Kung loloobin mo na gumawa ang Diyos sa iyo, dapat mo munang magawang magdusa—kapag dinidisiplina ka ng Diyos, kapag sinasaway ka Niya, kailangang magawa mo itong tanggapin. Ang pagiging masunurin at mapagtanggap sa puso ay ang simula ng paggawa nang maayos sa anumang bagay. Patas na sabihing magkakaroon ng pagdududa ang lahat tungkol sa katuwiran at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos bago sila tuluyang maligtas. Ang kaibahan ay na kayang gawin nang normal ng mga ordinaryo at tiwaling tao ang kanilang tungkulin, at hangarin ang katotohanan, at unti-unting makilala ang Diyos, sa kabila ng kanilang mga pagdududa lang; aktibo at positibo ang personal nilang pagnanais. Ang mga anticristo ay ang lubos na kabaligtaran: Ang mga personal nilang pagnanais ay hindi handang tumanggap at hindi masunurin, at hindi nila minimithi na kumilala; sa halip, mapanlaban sila. Hindi sila handang tumanggap. Ano ang mabuti sa mga ordinaryo at tiwaling tao, kung gayon? Sa kaibuturan ng kanilang puso, tinatanggap at minamahal nila ang mga positibong bagay—kaya lang, dahil sa kanilang tiwaling disposisyon, may mga pagkakataong hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kung kailan hindi sila nakakagawa nang maayos, at ang mga bagay ay higit sa kanilang limitasyon, lampas sa kanilang kakayahan, at kaya madalas silang negatibo at mahina ang loob, nararamdamang ayaw sa kanila ng Diyos, na kinasusuklaman sila ng Diyos. Mabuting pakiramdam ba iyon? Mabuting pakiramdam iyon—ibig sabihin nito ay may pagkakataon kang maligtas, at isa itong tanda na puwede kang maligtas. Kung ni hindi mo nararamdaman iyon, medyo maliit ang iyong pag-asa na makamit ang katotohanan at maligtas. Ang mismong pagkakaroon ng gayong pakiramdam ang nagpapakita na mayroon ka pang konsensiya, at dignidad, at integridad—na mayroon ka pa ring pagkamakatwiran. Kung ni wala ka ng mga bagay na ito, isa ka talagang anticristo, isang hindi mananampalataya. Sa kasalukuyan, mayroon ka lamang ilang pag-uugali ng isang hindi mananampalataya, kaunti ng ibinubunyag nila, kaunti ng disposisyon nila, pero hindi ka isang hindi mananampalataya. Sa tingin ng Diyos, nananampalataya ka sa Kanya, at tagasunod ka Niya, bagaman may mga nananatiling problema at kakulangan sa iyo sa landas ng pananampalataya sa Kanya, at sa iyong paghahangad, at sa iyong mga pananaw, at sa bawat aspekto ng iyong personal na buhay. Kung gayon, paano malulutas ang mga problemang ito? Madali lang iyan. Hangga’t natutugunan mo ang mga pangunahing hinihingi ng pagkakaroon ng konsensiya at katwiran, ng paghahangad sa katotohanan, at pagmamahal sa mga positibong bagay, malulutas ang lahat ng problemang ito—sa takdang panahon. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan at ang pagtutuwid at pagdidisiplina na nagmumula sa Diyos, nalampasan mo na ang unang balakid. Ang pangalawang balakid ay na kailangan, sa parte mo, na matuto kang lutasin ang iyong tiwaling disposisyon, at ang iba’t ibang kalagayan na lumilitaw sa iyo habang ang bawat bagay ay nangyayari sa iyo, at matuto kang lutasin ang mga problema gamit ang mga salita ng Diyos, habang binabasa mo ang mga salita ng Diyos, at nakikinig ka sa mga pagbabahaginan at sa mga patotoo ng mga kapatid batay sa karanasan. Ito ay na kailangan mong magawang lumapit sa Kanya nang madalas, sinasabi sa Kanya ang iyong mga sitwasyon at kalagayan, pati na rin ang mga problemang kinakaharap mo, ipinagtatapat ang mga ito sa Kanya, at taos-pusong tinatanggap ang Kanyang pagpupungos, ang Kanyang pagdidisiplina at pagtutuwid, at maging ang Kanyang pagbubunyag sa iyo at ang saloobin Niya sa iyo—kailangang manatiling bukas ang iyong puso sa Kanya, hindi sarado. Basta’t nananatiling bukas ang iyong puso, maaaring maging kapaki-pakinabang ang iyong konsensiya at katwiran, at makakapasok ang katotohanan sa iyo at magdudulot ng pagbabago sa iyo. Maaaring malutas kung gayon ang lahat ng problemang ito. Hindi imposibleng malutas ang mga ito; wala sa mga ito ang malaking problema. Karaniwan para sa mga tao na maging pabaya sa paggawa ng kanilang tungkulin. Ito ang pinakakaraniwang kondisyon na matatagpuan sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Ang isang kondisyon ay ang pagiging puno ng kasinungalingan, ang isa pa ay ang pagiging pabaya, pagiging pabasta-basta, at pagiging iresponsable sa lahat ng bagay, pagiging nasa kalagayan na iniraraos lang ang mga bagay-bagay, nasa kondisyon ng paggawa nang wala sa loob—karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Mas hindi gaanong malubha ang mga ito kaysa sa paglaban ng tao sa Diyos at pagtanggi sa katotohanan. Ni hindi nga ito ang tinitingnan ng Diyos sa tao. Kung susukatin ng Diyos ang mga kaliit-liitang detalye sa mga tao, at kung may nasabi silang isang maling bagay, aayawan Niya sila; kung minsan silang nakagawa ng maliit na pagkakamali, aayawan Niya sila; kung ang mga tao ay padalos-dalos noong kabataan nila at gumawa sila ng mga bagay nang walang pasensiya, aayawan Niya sila, at sila kung gayon ang mga taong Kanyang aabandonahin at ititiwalag. Kung ganoon ang mga bagay-bagay, wala ni isang tao ang maliligtas. Sasabihin ng ilan, “Hindi ba’t sinabi Mong kinokondena ng Diyos ang mga tao at pinagpapasyahan Niya ang kanilang mga kalalabasan batay sa kanilang pag-uugali?” Iba pang usapin iyan. Sa landas ng paghahangad sa katotohanan ng mga tao para makamit ang pagbabago sa disposisyon at kaligtasan, ang gayong mga kalagayan ng pag-iral sa tao, gaya ng nakikita ng Diyos sa kanila, ang mga pinakakaraniwang bagay sa lahat, kasing-ordinaryo at kasing-karaniwan ng maaari. Ni hindi tinitingnan ng Diyos ang mga ito. Ano ang tinitingnan Niya? Tinitingnan Niya kung may positibo kang paghahangad, at kung ano ang iyong saloobin sa katotohanan at mga positibong bagay, at sa paghahangad sa disposisyonal na pagbabago. Tinitingnan Niya kung mayroon ka ng gayong pagnanais, kung nagsusumikap ka. Kapag nakikita ng Diyos na mayroon ka ng mga ito, na inuusig ka ng iyong konsensiya kapag nagkakamali ka, na alam mong kamuhian ito, na alam mong lumapit sa Diyos sa panalangin, at na mangumpisal sa Kanya at magsisi, kung gayon ay sasabihin Niya na mayroon kang pag-asa, na hindi ka ititiwalag. Iniisip mo ba na ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang awa at pagmamahal, ay pawang mga hungkag na parirala lamang? Dahil mismo na mayroon Siya ng gayong diwa, ang Diyos ay may saloobin sa bawat uri ng tao, at sobrang praktikal ng mga saloobing ito—hindi talaga hungkag ang mga ito.
Ang talakayang ito tungkol sa diwa ng mga anticristo na matagal na nating pinag-uusapan ngayon ay dapat na marinig ng lahat, sa isang bahagi, ito ay para maunawaan at makilatis nila ang mga anticristo, at matukoy kung sino ang mga ito, at tanggihan ang mga ito; ito rin ay para ipaalam sa lahat na ang bawat isa ay may disposisyon ng isang anticristo, tulad lamang ng mga anticristo, pero tanging ang tunay na mga anticristo ang dapat na itiwalag at abandonahin, samantalang ang mga ordinaryong tao na may disposisyon ng isang anticristo ang mga ililigtas ng Diyos, hindi ang mga ititiwalag Niya. Hindi tungkol sa pagkondena sa mga tao ang pakikipagbahaginan sa mga tao tungkol sa diwa ng mga anticristo at bawat aspekto ng disposisyon ng mga ito—tungkol ito sa pagliligtas sa mga tao, pagbibigay sa kanila ng landas, pagpapakita sa kanila nang malinaw kung anong mga tiwaling disposisyon ang talagang mayroon sila, kung ano ang talagang tinutukoy ng Diyos kapag sinasabi Niyang kaaway Niya ang sangkatauhan, at kung bakit Niya ito sinasabi—kung ano mismong mga uri ng tiwaling disposisyon sa tao, at kung anong mga pagbubunyag ng paglaban at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos, ang nagdudulot sa Kanyang sabihin ito, para gawin ang mga pagkondenang ito. Dahil mismo sa pagnanais ng Diyos na iligtas ang tao, dahil hindi Niya inaabandona ang sangkatauhan, o ang Kanyang mga tagasunod, o ang mga hinirang Niya, kaya’t walang kapaguran Siyang nagsasalita at gumagawa sa gayong paraan. Ang pagsasalita at pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan ay hindi lamang tungkol sa pagpapaunawa sa mga tao kung gaano Siya kaibig-ibig, kung gaano Siya kataimtim at katiyaga sa mga tao, kung gaano na Siya nagsikap. Ano ang silbi ng pag-unawa sa mga bagay na ito? Kapag naunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, mayroon lamang silang kaunting pasasalamat para sa Diyos—pero hindi man lang nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Nagsasalita ang Diyos nang may gayong kataimtim na pagtitiyaga para ipakita sa mga tao na nagsikap at nagpasya ang Diyos na iligtas ang mga tao—hindi Siya nagbibiro; gustong iligtas ng Diyos ang sangkatauhan, at determinado Siyang gawin ito. Paano ito dapat tingnan? Walang aspekto ng katotohanan kung saan ang Diyos ay nagsasalita mula sa isang panig o isang anggulo lamang, hindi rin Siya nagsasalita sa isang paraan lamang—sa halip, sinasabi Niya ito sa mga tao mula sa iba’t ibang anggulo, sa iba’t ibang estilo, gamit ang iba’t ibang wika at sa iba’t ibang antas, para makilala ng mga tao ang kanilang tiwaling disposisyon at ang kanilang sarili, at mula rito ay maunawaan nila ang dapat na maging direksyon ng kanilang paghahangad, at kung anong uri ng landas ang dapat nilang tahakin. Ginagawa Niya ito para talikuran at baguhin ng mga tao ang kanilang sataniko at tiwaling disposisyon, at bitiwan ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga paraan para manatiling buhay, at mga paraan at estilo ng pamumuhay na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao, at sa halip, para mamuhay ang mga tao ayon sa mga paraan, estilo, direksyon, at mithiin na ipinakita at sinabi ng Diyos sa mga tao. Hindi ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito para makumbinsi ang mga tao sa mga ito, para ipakita sa kanila ang Kanyang masisidhing layunin, o kung gaano kahirap gawin ang lahat ng ginagawa Niya. Hindi mo na kailangang malaman iyon. Ituon mo lamang ang pansin mo sa paghahanap sa kung ano ang dapat mong isagawa sa mga salitang sinasabi ng Diyos, at sa pag-unawa sa katotohanan at mga layunin ng Diyos sa mga ito; pumasok sa katotohanang realidad; mamuhay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at umasal at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tapusin ang atas na ibinigay ng Diyos, para makamit mo ang kaligtasan. Sa gayong paraan, malulugod ang Diyos, at ganap na maisasakatuparan ang usapin ng kaligtasan ng tao, kaya makikinabang ang tao. At sa mga panahon na marami pa ring doktrina sa mga sinasabi ng mga tao, kapag masyado silang mababaw sa kanilang mga kilos, kapag palagi silang pabaya, kapag nangingibabaw ang kanilang pagkasalaula—lalo na sa mga kabataan, na hindi sanay sumunod sa mga patakaran, na minsan ay nasisiyahan sa pagtulog nang matagal, na may ilang gawi na hindi gaanong makatwiran o hindi nakapagpapatibay sa iba—huwag ipilit ang mga bagay na ito. Dahan-dahanin mo ang mga ito. Hangga’t handa kang hangarin ang katotohanan, at kaya mong magsumikap sa mga salita ng Diyos, at kaya mong madalas na lumapit sa Diyos, nang bukas ang iyong puso sa Kanya, gagawa Siya. Walang sinuman ang makakapagpabago sa iba gamit ang lakas o pamamaraan ng tao, kabilang na ang iyong mga magulang, na hindi ka kayang baguhin.
Ang pagpunta mo ngayon sa sambahayan ng Diyos ay gawa ng Diyos, at na nakakapakinig ka ngayon sa mga sermon dito, nang ligtas at matatag, kahit sa kapanahunang ito, sa gitna ng masasamang kalakaran, at na nagagawa mo ang iyong tungkulin nang walang kinikita maski sentimo—gawa ito ng Diyos. Bakit ito ginagawa ng Diyos? Ano ang gusto ng Diyos sa iyo? Dahil iyon sa may kaunti kang pagpapahalaga sa katarungan, at may konsensiya ka; na tutol ka sa masasamang kalakaran, at gusto mo ang mga positibong bagay; at nasasabik ka sa pagdating ng kaharian ng Diyos, sa paghahari ni Cristo at ng katotohanan. May ganito kang mga pagnanais, at ang mga ito ang gusto ng Diyos sa iyo, kaya ka Niya dinala sa Kanyang sambahayan. Akala mo ba ay hindi nakikita ng Diyos ang iyong masasamang pagkukulang at gawi? Nakikita ng Diyos ang iyong mga pagkukulang—alam Niya ang lahat ng ito. Kung alam Niya, bakit hindi Niya inaasikaso ang mga ito? Madalas na nagdudulot ng pagkalito sa puso ng mga tao ang gayong mga bagay. Sinasabi nila: “Ililigtas ba ng Diyos ang isang tulad ko? Makakamit ba ng isang tulad ko ang kaligtasan? Napakabuktot at napakatiwali ko, ayaw na ayaw kong magpasakop sa pagdidisiplina, napakamapaghimagsik ko—at nilalabanan at pinagdududahan ko ang Diyos. Paano pa ako hihirangin ng Diyos?” Ano ang bumabagabag sa iyo? Ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo; dapat mong paniwalaan na kaya Niya itong gawin. Sapat nang ituon mo ang iyong pansin sa pakikinig sa mga salita ng Diyos, sa pagtanggap at pagsasagawa sa mga ito. Huwag kang mapako sa ibang mga bagay—huwag kang palaging maging negatibo dahil sa mga ito. Walang sinuman ang gumagamit sa mga kamalian mo laban sa iyo; walang may hawak ng alas laban sa iyo. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na iyon. Kung ikaw ay nagulo mula sa iyong paghahangad sa tamang landas at sa katotohanan dahil sa masasamang gawi, mga depekto, o kawalanghiyaan na dulot ng gayong mga walang-kabuluhang maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay, hindi ba’t isang kawalan iyon? Hindi ba’t hindi iyon sulit? (Hindi nga.) Malamang na marami-raming tao ang napako na sa kasalukuyang gayong kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na nasa personalidad nila ang pagiging masyadong padalos-dalos, na masyado silang magaspang sa anumang ginagawa nila, at na hindi sila mahilig mag-aral. Sinasabi nilang mayroon din silang masasamang gawi: Ayaw nilang gumising sa umaga o matulog sa gabi, at mahilig silang maglaro; mahilig silang makipagtsismisan paminsan-minsan, at paminsan-minsan ay mahilig silang magbiro. Tinatanong nila: Ililigtas ba ako ng Diyos? Hindi ba problema na mayroon kang napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa iyong sarili? Bakit hindi ka maghanap nang kaunti? Ano ba talaga ang pananaw ng Diyos, at ano ba talaga ang sinasabi ng Kanyang mga salita? Binabanggit ba ang mga bagay na ito bilang mga problema sa Kanyang mga salita? Sinasabi ng ilang tao na mahilig silang magdamit nang maganda at palagi nilang kailangang pigilan ang sarili nila. Sinasabi ng iba na mahilig silang kumain ng karne, takam na takam sila rito. Maliliit na problema ito. Ang mga kapintasang ito, ang mga personalidad na ito, o ang mga gawi sa buhay na ito, sa pinakamatindi, ay mga kapintasan sa pagkatao ng isang tao; hindi maituturing ang mga ito bilang isang tiwaling disposisyon. Ang talagang kailangang lutasin ng mga tao ay ang kanilang tiwaling disposisyon. Huwag kalimutan ang tunay na mahalaga. Kapag nalaman mo na mayroon kang tiwaling disposisyon, at nagsimula kang tumuon sa pagninilay-nilay at pagkilatis dito, at pinagsumikapan mo ito, at nagsimula kang kamuhian ito, dahan-dahang magbabago ang maliliit mong kapintasan—hindi na magiging problema ang mga ito. Mahilig magsaya ang ilang kabataan. Kapag natapos na nila ang kanilang tamang trabaho, ayos lang na magsaya sandali. Mahilig magpaganda ang ilang kabataang babae, magdamit nang maganda at maglagay ng kolorete sa mukha. Ayos lang din iyon, basta’t hindi ito sobra, at hindi sila nagsusuot ng kakaibang damit o naglalagay ng makapal na kolorete. Ayos lang ang lahat ng ito; walang pumipigil sa kanila. Hindi problema ang mga bagay na ito. Ang mga gawing ito sa buhay, mga pangangailangan para sa kalidad ng iyong buhay, at maliliit na problema sa personalidad—wala sa mga ito ang magdudulot na labanan mo ang Diyos, ni salungatin mo ang katotohanan. Ang iyong tiwaling disposisyon ang talagang nagdudulot na labanan mo ang Diyos, ang pumipigil sa iyo na makalapit sa Kanya at nagdudulot na maghimagsik ka laban sa Kanya. Kapag kaya mo nang matuklasan, malaman, at kamuhian ang iyong tiwaling disposisyon, at nagkamit ka ng personal na pagnanais na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, maaaring malutas ang lahat ng maliliit na kapintasang ito. At kapag nalutas na ang iyong tiwaling disposisyon—kapag nalutas na ang pinakamalaking problema, ang iyong paglaban sa Diyos—maituturing pa rin bang mga problema ang maliliit mong kapintasan? Kapag dumating na ang oras na iyon, ang maliliit na bagay tulad ng kung paano ka umaasal, at kung paano ka namumuhay, kung ano ang iyong kinakain, kung ano ang iyong iniinom, kung paano ka nagpapahinga, kung paano mo ginagawa ang iyong tungkulin, at kung paano ka nakikisalamuha sa iba ay magiging may prinsipyo, nang unti-unti. Kapag narating mo na iyon ay saka mo lang malalaman na ang paglutas sa tiwaling disposisyon ng isang tao ang nananatiling malaking bagay sa buhay ng isang tao, noon at ngayon, na kapag nalutas na ang tiwaling disposisyon ng isang tao, malulutas din ang lahat ng iba pang problema. Kapag nalutas mo na ang problema ng paghihimagsik laban sa Diyos, saka ka mamumuhay nang may wangis ng isang tao, nang may dignidad. Maaaring may ilang maliit na kapintasan ngayon na hindi mo na ipinapakita. Maaaring purihin ka ng mga tao, na sinasabing ikaw ay isang mabuting kabataan, na taos-puso ka sa iyong pananampalataya sa Diyos, na mukha kang isang mananampalataya sa Diyos. Pero kung sinasabi ng Diyos na maaari ka pa ring maghimagsik laban sa Kanya, walang silbi ang iyong panlabas na mabuting ugali, gaano man ito kabuti. Hindi pa nalulutas ang pangunahing problema—hindi pa nalulutas ang iyong tiwaling disposisyon, at maaari ka pa ring maghimagsik laban sa Diyos. Malayo ka pa rin sa kaligtasan! Anong silbi ng pagkakaroon lamang ng mabubuting ugali? Hindi ba’t nilalansi mo lang ang iyong sarili sa mga ito?
Anong problema ang napakahalaga na malutas ninyo ngayon? (Ang problema sa tiwaling disposisyon.) Maaaring sabihin ng ilan: “Mahilig akong magsuot ng makukulay na damit, pero hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, kaya maghihimagsik ako laban sa pag-uugaling ito.” Hindi mo na kailangan gawin iyon—isuot mo ang mga ito kung gusto mo. Sinasabi ng ilan: “Mahilig akong maglagay ng pulbos at kolorete, at magmukhang maganda kapag nakikita ko ang mga tao araw-araw—ang ganda nito!” Basta may oras ka, ayos lang iyon. May nagsasabi: “Mahilig akong kumain ng sosyal na pagkain—mahilig ako sa maanghang, at maasim na pagkain din.” Basta’t mayroon kang kakayahan, pagkakataon, at libreng oras, puwede mong kainin iyon hangga’t gusto mo. Kahit na hindi mo matugunan ang mga bagay na ito, at kahit pigilan mo ang mga ito, at maghimagsik ka laban sa mga ito, hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon. Ano ang maaaring mangyari kung pipigilan mo ang mga ito? Magdurusa ka nang husto sa laman, pero mararamdaman mo sa puso mo na talagang naagrabyado ka—at ano ang magiging negatibong kahihinatnan nito sa iyo bilang kapalit? Mararamdaman mo na nagdusa ka nang husto para sa Diyos, na nakamit mo ang katotohanan, pero ang totoo, wala ka naman talagang natamo o hindi ka naging anuman. Maaaring magdamit ka nang elegante at nang may dignidad at nang maayos—maaaring magmukha kang isang kapatid, at maging maayos ang ugali mo—pero kung hindi mo man lang mahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag pinagawa sa iyo ang isang tungkulin, at kung maaari kang makagulo at makagambala sa gawain ng iglesia, nalutas na ba ang iyong pangunahing problema? (Hindi.) Samakatwid, paano mo man ito tingnan, ang pag-unawa sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at ang pagpasok sa katotohanang realidad, at paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ang pinakapangunahin. Huwag sayangin ang iyong mga pagsisikap sa ilang maliit na problema at panlabas na pag-uugali, nang nagpapakalugmok sa mga ito at hindi bumibitiw, palaging nakakaramdam ng kasalanan at pagkakautang sa puso, palaging nilulutas ang mga iyon na para bang malalaking usapin ang mga iyon. Ang nagiging bunga niyon ay hindi kailanman nalulutas ang iyong tiwaling disposisyon. Kung kahit ikaw ay hindi alam kung anong uri ka ng tao, o kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka—kung wala kang kahit kaunting pag-unawa roon, hindi ba’t magugulo ang mga bagay-bagay? Kapag nalaman mo ang iyong tiwaling diwa, hindi na magiging problema ang maliliit mong suliranin na iyon. Natural na, habang nauunawaan mo ang katotohanan at pumapasok ka sa katotohanang realidad, at lumalago na nagiging kaya mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, unti-unti mong maaalis ang maliliit na problemang iyon. Katulad ito ng mga taong padalos-dalos o ng mga mabagal kumilos, o ng mga madaldal o tahimik—hindi problema ang mga ito. Mga isyu ito sa personalidad. May mga taong malinaw magsalita, samantalang may iba naman na hindi; may mga taong malakas ang loob at nangangahas na magsalita sa harap ng maraming tao, habang ang iba naman ay hindi masyadong malakas ang loob at hindi nangangahas na magsalita kapag maraming tao sa paligid; may mga taong extrovert, samantalang may iba naman na introvert. Walang problema sa mga ito. Ano ang problema? Ang disposisyon ng mga anticristo na lumalaban sa Diyos—iyon ang problema. Ito ang pinakamalaking problema, ang pinagmumulan ng lahat ng katiwalian ng tao. Kung malulutas mo ang problema ng tiwaling disposisyon, hindi na problema ang anumang ibang problema.
May mga tanong pa ba? (O Diyos, may tanong ako: Sa aking paghahangad sa katotohanan, may normal na espirituwal na buhay ako, pero hindi gaanong masidhi ang aking puso ng pagmamahal at paghahangad sa katotohanan. Kapag nararamdaman kong mali ang aking kalagayan, masigasig akong naghahangad sa loob ng ilang araw, pero kapag dumaan na ang ilang araw na iyon, nagiging maluwag uli ako. Paulit-ulit na nangyayari ang ganitong kalagayan, at alam ko na isa itong disposisyon na tutol sa katotohanan, pero hindi ko pa rin malutas ang ugat nito.) Walang magagawa riyan—ganyan talaga ang buhay pagpasok ng tao. Sa palaging pagnanais na malutas ang problemang ito, nagkakamali ka. Halimbawa: May ilang babae na sa paghahangad na makahanap ng asawa, ay may pamantayan na hindi naman importante kung pangkaraniwan lamang ang hitsura nito, pero romantiko ito dapat. Dapat nitong maalala kung kailan at saan sila unang nagkita, kung kailan ang kanyang kaarawan, at ang kanilang anibersaryo, at iba pa. Dapat nitong maalala ang bawat mahalagang araw, at dapat din nitong maalalang sabihin paminsan-minsan, “Darling, mahal kita!” at bilhan siya ng regalo paminsan-minsan. Susubukin niya ang kanyang asawa: “Anong araw tayo unang nag-date? Kailan ang Araw ng mga Puso?” Palagi silang naghahanap ng romansa at ng gayong kasiyahan, at kung nagiging malamlam ang kanilang buhay, dumaraing sila, nagrereklamo sa kanilang asawa: “Tingnan mo ang sarili mo, wala kang alam sa romansa. Nakakabagot ang mga araw ko kasama ka! Nasira ang buhay ko dahil sa iyo!” Hindi ba’t maraming babae ang may ganitong kapintasan? At kapag sinasabi mo na romantiko ang asawa ng iba, na marunong itong mag-alo ng isang babae, na tinatrato nito ang asawa nito na parang isang prinsesa, sobrang naiinggit ang mga babaeng ito, humihiling na maagaw sana nila ang asawang iyon. Sadyang hindi sila handa na mamuhay ng isang simple at karaniwang buhay. May ganitong kapintasan ka bang ipinakita? (Oo.) Habang gumagawa ang Diyos at nagliligtas ng mga tao, walang masyadong nakakakilig at nakakasabik na bahagi, at hindi Siya lilikha ng mga sorpresa para sa iyo. Karaniwan at ordinaryo ito—iyon ang ibig sabihin ng maging praktikal. Hindi nangangailangan ng damdamin ang paghahangad sa katotohanan. Hangga’t nasa iyong puso ang paghahangad; at hangga’t sinusuri mo paminsan-minsan kung lumilihis ba ang landas na tinatahak mo, at kung mayroon bang mga pagkakamali o kawalan na naidulot ng kamalian ng tao sa tungkulin na iyong ginagampanan, at nagbabahagi ka tungkol sa kung sa panahon bang ito ay nakapagtamo ang mga kapatid ng bagong kabatiran o kaalaman tungkol sa pagganap sa tungkulin na kulang sa iyo, kung may mga pagkabaluktot ba sa iyong pag-arok sa mga salita ng Diyos habang binabasa mo ang mga ito, kung may mga bagay ba sa mga ito na hindi mo naabot, o hindi mo pa naranasan, o binalewala, at iba pa—hangga’t normal at tama ang lahat ng landas, layon, at direksyon, sasapat na iyon. Basta’t tama ang iyong pangkalahatang direksyon, sapat na iyon. Huwag kang maghanap ng kapapanabikan, at huwag kang maghanap ng mga sorpresa. Walang magsosorpresa sa iyo. Ang pananampalataya sa Diyos at ang paghahangad sa katotohanan ay katulad ng kung paano namumuhay ang mga normal na tao. Kadalasan ay hindi kapana-panabik, dahil namumuhay ka sa mundong ito, kung saan walang supernatural na mga bagay, at walang bagay na hiwalay sa tunay na buhay. Ganoon ito hindi kapana-panabik. Pero may pagkakaiba sa pagitan ng ganitong uri ng hindi kapana-panabik na buhay at ng buhay ng mga hindi nananampalataya: Habang nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa ang iyong tungkulin, patuloy mong natututunan ang iyong tiwaling disposisyon, patuloy mong itinatama at binabago ang iyong ugnayan sa Diyos, at patuloy mong natututunan ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan, nakikilala at natatanggap mo ang mga katotohanang hindi mo alam o nauunawaan. Iyon ang pagkakaiba. Talagang malaking pagkakaiba na iyon—kaya, ano pa ba ang mahihiling ninyo? Hindi ba’t may sapat nang mga bagay na nangyayari sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa paligid mo? Sapat na para pagnilayan ng mga tao ang mga bagay na nangyari mula sa simula ng gawain ng Diyos hanggang ngayon. Mabilis na lumilipas ang mga araw: Sa isang iglap, sampu, dalawampung taon ang lumilipas, pagkatapos, sa isa pang iglap, tatlumpu, limampung taon na ang lumipas. Sapat na iyon para sa buhay ng isang tao. Ano pa bang kapapanabikan ang hahanapin mo? Sapat nang kapana-panabik ang mga bagay na ito. Ang lahat ng bagay na nagaganap sa paligid mo ay dapat magbigay-daan sa iyo para makadiskubre ka ng mga bagay na natatangi, para matuklasan mo ang katotohanan, at dapat maging kasorpre-sorpresa sa iyo. Hindi naman iyon nakakabagot, hindi ba? (Hindi.) Hindi paghahangad sa kapapanabikan ang paghahangad sa katotohanan. Ganoon ang buhay ng mga tao, na namumuhay sa kanilang normal na pagkatao, sa materyal na mundong ito. Huwag kang maghanap ng kapapanabikan—ang paghahanap ng kapapanabikan at sensasyon ang ginagawa ng mga taong may hawak na napakaraming oras. Sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at paghahangad sa katotohanan, may mga bagong aral na matututunan ang mga tao araw-araw. Sasabihin ng ilan, “Bakit hindi ako natututo kung gayon?” Maaaring mabagal ang iyong pag-usad; kung mayroon kang natututunan kada buwan, sapat na iyon. Hangga’t umuusad ka at naghahangad ng katotohanan, mayroon kang maipapakitang resulta. Nalutas ba ng pagbabahaging ito ang isyu? (Oo.) Paano? Aling mga salita ang naglutas nito? (Nalutas ito dahil alam ko nang hindi praktikal ang aking mga perspektiba sa likod ng paghahangad sa aking pananampalataya sa Diyos—ang akin ay hindi pragmatikong paraan ng paghahangad. Palagi akong naghahangad ng estimulasyon, palagi kong hinahangad na madama ang mga bagay, at tinatrato ko ang Diyos nang gamit lamang ang mga kuru-kuro at imahinasyon, nagpapanatili ng isang ugnayan sa Kanya nang may magalang na distansya, pero binabalewala ko na may kahinaan ang mga tao sa kanilang buhay pagpasok, at na lalago sila habang ginagawa nila ito, at na haharap sila sa lahat ng uri ng sitwasyon. Normal iyon.) Nauunawaan mo ito nang tama. Kapag walang mga nangyayari, dapat gawin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang nararapat, at magpatuloy sa kanilang paghahangad nang nararapat. Huwag kang maghanap ng kapapanabikan, o huwag bumatay sa mga damdamin; huwag maging sobrang sensitibo at sabihing, “Bakit masama ang lagay ng loob ko ngayon? Naku, malayo ang aking ugnayan sa Diyos—dapat akong magmadali at magdasal!” Hindi kailangan ang gayong sobrang pagkasensitibo. Hindi ito alintana ng Diyos; hindi Niya pinapansin ang maliliit mong isyu! Maaaring sabihin mo, “Ilang araw na akong hindi nagdarasal, pero madalas kong hanapin ang Diyos sa aking puso kapag kumikilos ako, at pinananatili ko ang isang may-takot-sa-Diyos na puso.” Walang problema roon. Sasabihin ng ilan, “Naku, naging sobrang abala ako sa aking tungkulin kaya hindi ako nakapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng ilang araw.” Hindi ka dumaan sa prosesong iyon—pinabayaan mo ito—pero nang ginagawa mo ang iyong tungkulin, natuklasan mo ang maraming problema, at nagbunyag ka ng kung anong tiwaling disposisyon, at nakinig ka sa pagbabahagi ng iba sa panahong iyon, na lubos na nakapagpatibay sa iyo. Hindi ba’t isa iyong tunay na pakinabang? Hindi ba’t nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan at makamit ito? Ano ang silbi ng piliting gawin ito sa isang partikular na paraan o gawi? Sige. Tatapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam! (O Diyos, salamat at paalam!)
Mayo 30, 2020