Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
B. Hinahamak ang Pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos
Paano tinitingnan ng mga anticristo ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Patas namang sabihin na para sa isang anticristo, nakakapukaw ng damdamin ang mga salita na “pagkamakapangyarihan-sa-lahat,” mga salitang puwedeng pumukaw sa kanyang mga ambisyon at pagnanais. Dahil gustong-gusto niyang maging ganoong uri ng tao. Ang maging makapangyarihan sa lahat, magkaroon ng walang hanggang kapangyarihan at maging omnipresente, magkaroon ng kakayahang gawin ang lahat ng bagay, malaman kung paano gawin ang lahat, magawa ang lahat—kung mayroong taong nagkamit ng kakayahang ito, kung mayroon siyang ganitong abilidad, magiging madali ang lahat para sa kanya. Hindi niya kakailanganing katakutan ang sinuman; magkakaroon siya ng pinakamataas na awtoridad, ng pinakamataas na katayuan, at magagawa niyang pagharian ang iba. Magkakaroon siya ng ganap na kapangyarihan na kontrolin at manipulahin ang ibang tao. Hinding-hindi ito maaabot ng isang anticristo, at ipinapakita nito ang kanyang mga ambisyon, pagnanais, at tunay na kulay. Sa isang banda ay pinupuno siya ng iba’t ibang uri ng imahinasyon, pagkamausisa, at mga kuru-kuro ng pariralang “pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos.” Sa isa pang banda ay gusto niyang mabatid ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig sa Kanya, para mapalawak niya ang sarili niyang pananaw, mapalalim ang kanyang kabatiran, at matugunan ang kanyang pagkamausisa. Sa isa pang banda ay nagsusumikap din siyang magkaroon ng walang-hanggang kapangyarihan, na sambahin ng libo-libo, na parami nang paraming tao ang magpatirapa sa kanya at maglaan ng puwang sa puso nila para sa kanya. Kaya, mayroon bang tunay na kaalaman ang mga anticristo sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig dito? Muli, pareho ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos—ang mga anticristo ay hindi lang puno ng mga kuru-kuro, ng malabo at hungkag na mga imahinasyon na hindi umaayon sa mga katunayan—pinagdududahan din nila nang husto ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Nagdududa sila; hindi sila naniniwala rito: “Pagkamakapangyarihan-sa-lahat? Saan sa mundong ito mayroong isang taong makapangyarihan sa lahat? Saan may isang taong omnipresente at may walang-hanggang kapangyarihan? Walang gayong tao! Maraming dakila at tanyag na tao sa mundo, at maraming tao na may paranormal na kakayahan: halimbawa, mga propeta, at ang iba’t ibang uri ng mga astrologo at tagapagpakahulugan ng propesiya, at maging sila ay hindi nagtataglay ng walang-hanggang kapangyarihan. Kuwestiyonable pa rin ang ‘pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng diyos,’ kailangan itong lubos na saliksikin.” Kaya, para sa isang anticristo, hindi umiiral ang diwa ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, dahil, sa kanyang paniniwala, “Hindi ko maisip o maunawaan kung paano maaaring maging makapangyarihan sa lahat ang diyos, kaya hindi umiiral ang kanyang ‘pagkamakapangyarihan-sa-lahat’ na ito. Hindi ko ito inaamin. Gaano ba talaga kahusay ang mga abilidad at kakayahan ng diyos? Walang tao—sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap man—ang nakakita o makakakita nito.” Palaging nagdududa at hindi sigurado sa kanilang puso ang mga anticristo, kaya nagiging paksa at saklaw ng kanilang pagsasaliksik ang lahat ng nangyayari sa iglesia at sa mga kapatid. Ano ang kanilang sinasaliksik? Sinasaliksik nila ang lahat ng nagaganap, ang lahat ng nangyayari sa isang grupo o sa isang tao, kung ano ang ginawa ng Diyos, kung paano Siya gumawa, kung mayroon bang mga palatandaan at kababalaghan sa loob nito, kung mayroon bang anumang bago at natatanging mga pangyayari na lampas sa kayang maisip ng tao o lampas sa abilidad at maaabot ng tao. Bukod pa rito, sinasaliksik nila kung mayroon bang mga kapatid na nagsabi ng karanasan na gumawa sa kanila ang Diyos nang lampas sa mga inaasahan ng tao. Ang isang halimbawa nito ay ang paglabas ng isang batang babae mula sa talukab ng isang kuhol ilog, tulad ng nasa kuwentong bayan, at paghahanda ng isang piging para sa kanila, sa oras na sila ay pinakagutom. Ang isa pa ay ang biglang paglitaw ng ginto sa kanilang bahay, sa oras na kapos sila sa pera, o biglang pagkabulag ng mga umuusig sa kanila, kaya walang makitang anuman ang mga ito, sa oras na sila ay tinutugis, at ang pagbaba ng isang anghel at pagsabi sa kanila na, “Huwag kang matakot, anak—narito ako para tulungan ka.” Ang isa pang halimbawa ay, sa oras na nakakaranas ng malupit na pambubugbog at matinding pagpapahirap ang mga kapatid, ang pagsinag ng dakilang liwanag ng diyos at pagbulag nito sa mga mata ng mga nananakit sa kanila, kung kaya’t ang mga ito ay gumugulong sa sahig, nagmamakaawa, hindi na muling nangangahas na saktan pa ang mga kapatid, pagkatapos silang ipaghiganti ng diyos; o, sa oras na binabasa nila ang mga salita ng Diyos pero hindi nila maunawaan ang mga ito gaano man nila subukan, at halos makatulog na sila, pagkakita nila ng isang malabong anyo na nagsasabi sa kanila, “Huwag kang matulog; gumising ka—ito ang ibig sabihin ng aking mga salita”; o, kapag may nangyari at malapit na silang magkamali, pag-alerto sa kanila ng isang malakas at panloob na pagsaway at pagdidisiplina na mali ang gagawin nila, at na ang isa pang bagay ang tamang gawin. Kung alinman sa mga bagay na ito, na hindi kayang maranasan at gawin ng mga karaniwang tao, ay nangyari sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, sa sinumang sumusunod sa Diyos, sapat na iyon upang patunayan na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat. Kung hindi nangyayari ang gayong mga bagay, o kung bihirang mangyari ang mga ito, at kahit na mangyari man ang mga ito, sabi-sabi lang din naman ang mga ito, at kaya labis na nakokompromiso ang pagiging tunay at kapani-paniwala ng mga ito, kung gayon, katunayan ba o hindi ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos? Nagtataglay ba ang Diyos ng diwa ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat o hindi? Sa puso ng isang anticristo, kinukuwestiyon niya ang mga ideyang ito.
Palaging hinahangad ng mga anticristo ang mga palatandaan, kababalaghan, at paranormal na kapangyarihang ito habang ang Diyos ay gumagawa, nagsasalita, at nagliligtas sa tao. Hinahangad nila ang mga bagay na hindi tumutugma sa realidad o mga katunayan. Walang anumang kinalaman ang mga bagay na ito na kanilang hinahangad sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao, o sa katotohanan, o sa pagbabago sa disposisyon ng tao. Pero pursigido pa rin silang hangarin ang mga ito. Puno sila ng pagkamausisa tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Madalas, sa kanilang mga panalangin, hinihingi nila sa Diyos: “O diyos, maaari mo bang ipakita sa akin ang iyong pagkamakapangyarihan-sa-lahat? O diyos, hindi ba’t ikaw ay makapangyarihan sa lahat? Kung ganoon, hinihiling ko na lutasin mo ang bagay na ito para sa akin. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, may walang-hanggang kapangyarihan at omnipresente, nagmamakaawa ako na tulungan mo ako, dahil nahaharap ako sa mga hamon ngayon. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, nagmamakaawa ako na alisin mo ang mga karamdaman sa aking katawan, na alisin mo ang mga sitwasyon na kinakaharap ko, na tulungan mo akong maiwasan ang panganib. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, nagmamakaawa ako sa iyo, na habang ginagawa ko ang aking tungkulin, gawin mo akong matalino at matalas, may talento at kaloob pagkatapos lamang ng isang magdamag, para maarok ko ang mga propesyonal na kasanayan nang hindi ko na pag-aaralan pa ang mga ito, para maging eksperto ako, at mamukod-tangi sa iba. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, hinihiling ko sa iyo na parusahan at gantihan mo ang mga naninira at nangungutya sa aking pananalig sa iyo. Gawin mo silang bulag at bingi, na may mga sugat sa kanilang ulo, at may mga nana ang kanilang mga talampakan. Hayaan mo silang mamatay tulad ng mga aso. O diyos, kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, nagmamakaawa ako sa iyo, ipakita mo sa akin ang iyong pagkamakapangyarihan-sa-lahat.” Marami nang sinabing salita at ginawa ang Diyos, pero nagbubulag-bulagan ang mga anticristo rito at binabalewala nila ito; hindi nila kailanman isinasapuso ang mga salita ng Diyos, ni ang Kanyang gawain at ang bawat hakbang ng Kanyang mahalagang gawain ng pagliligtas sa tao, hindi nila ito sineseryoso. Sa halip, pursigido silang humiling ng mga palatandaan at kababalaghan, na gumawa ng mga himala ang Diyos sa gitna ng Kanyang gawain, hinihiling na gumawa ang Diyos ng mga espesyal na bagay na magbubukas ng kanilang mga mata at matutugunan ang kanilang pagkamausisa, para patunayan ang Kanyang pag-iral, para patunayan na Siya ay makapangyarihan sa lahat. Ang mas nakakatawa pa ay nagdarasal pa sa Diyos ang mga anticristo para magsumamo: “O diyos, hindi kita makita, kaya maliit ang aking pananalig. Hinihiling ko na ipakita mo ang tunay mong anyo sa akin, kahit na sa isang panaginip lamang—hinihiling ko na ipakita mo sa akin ang iyong pagkamakapangyarihan-sa-lahat, para magkaroon ako ng pananalig sa iyo at maniwalang tunay sa iyong pag-iral. Kung hindi, palagi akong magkakaroon ng mga alinlangan sa aking pananampalataya sa iyo.” Hindi nila makita ang pag-iral ng Diyos o malaman ang Kanyang diwa at disposisyon sa gitna ng Kanyang gawain at mga salita, bagkus ay nais nilang gumawa Siya ng mga karagdagang bagay, mga bagay na hindi kayang isipin ng tao, para palakasin sila at patatagin ang kanilang pananalig. Marami nang sinabi at nagawa ang Diyos, pero gaano man kapraktikal ang Kanyang mga salita, gaano man nakakapagpatibay ang mga katotohanang Kanyang sinasabi sa mga tao, gaano man nila kailangan itong maunawaan agad, hindi interesado ang mga anticristo, at hindi nila isinasapuso ang mga ito. Sa katunayan, habang lalo pang nagsasalita ang Diyos, habang lalo pang nagiging partikular ang Kanyang ginagawang gawain, lalong nasusuklam, naiirita, at nakararamdam ng paglaban ang mga anticristo. Bukod dito, magkakaroon pa ng pagkondena at paglapastangan sa Diyos; tututol sila sa Kanya: “Ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat mo ba ay nasa mga salitang ito? Iyon lang ba ang ginagawa mo—ang magpahayag ng mga salita? Kung hindi ka magsasalita, hindi ka ba magiging makapangyarihan sa lahat? Kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, huwag kang magsalita. Huwag mong gamitin ang pagsasalita o pagbabahagi tungkol sa katotohanan at ang pagtutustos ng katotohanan sa tao para magkaroon kami ng buhay at magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kung lahat kami ay gagawin mong mga anghel pagkatapos lamang ng isang magdamag, gagawing mga mensahero mo—iyon ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat!” Habang binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain, nabubunyag at nalalantad ang kalikasan ng mga anticristo, nang paunti-unti, nang walang naitatago, at ganap ding nalalantad ang kanilang diwang tutol at lumalaban sa katotohanan. Ang disposisyon at diwa ng mga anticristo na hinahamak ang pagkakakilanlan ng Diyos at sa Kanyang diwa ay nalalantad at nabubunyag din, nang paunti-unti, sa paglipas ng panahon at sa walang tigil na pagsulong ng gawain ng Diyos. Naghahangad ng malalabong bagay ang mga anticristo; hinahangad nila ang mga palatandaan at kababalaghan—at dahil pinamumunuan sila ng ambisyon at pagnanais na ito, na hindi umaayon sa realidad, nalalantad ang kanilang kalikasan na tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Sa kabaligtaran, ang mga tunay na naghahangad sa realidad at sa katotohanan, na naniniwala at nagmamahal sa mga positibong bagay, ay nakikita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos sa proseso ng Kanyang gawain at mga salita—at ang nakikita, nakakamit, at nalalaman ng mga taong ito ay ang mismong mga bagay na hindi kailanman magagawang malaman at makamit ng mga anticristo. Naniniwala ang mga anticristo na kung makakamit ng mga tao ang buhay mula sa Diyos, kailangang may mga palatandaan at kababalaghan; naniniwala sila na kung walang mga palatandaan at kababalaghan, ang pagkakamit ng buhay at ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos lamang, at pagkatapos ay pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon at pagtatamo ng kaligtasan, ay imposible. Para sa isang anticristo, imposible magpakailanman iyon—hindi ito makatotohanan. Kaya, walang pagod silang naghihintay at nagdarasal, umaasa silang ipapakita ng Diyos sa kanila ang mga palatandaan at kababalaghan at na gagawa ang Diyos ng mga himala para sa kanila—at kung hindi, ibig sabihin ay hindi umiiral ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Ang implikasyon sa likod nito ay na kung hindi umiiral ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, siguradong hindi umiiral ang Diyos. Ito ang lohika ng mga anticristo. Kinokondena nila ang pagiging matuwid ng Diyos, at kinokondena nila ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat.
Habang inililigtas ng Diyos ang mga tao, ganap na walang interes ang mga anticristo sa Kanyang mga salita, sa Kanyang iba’t ibang hinihingi, at sa Kanyang mga layunin. Nilalabanan nila ang mga bagay na ito at tutol sila sa mga ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi sila interesado sa realidad ng lahat ng positibong bagay, ni sa kaligtasan at sa magawang perpekto na puwedeng makamit ng tao bilang resulta ng paghahangad sa katotohanan at pagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos. Kung gayon, saan nga ba sila interesado? Interesado sila sa pagpapakita ng diyos ng mga palatandaan at kababalaghan at sa paggawa ng mga himala para makita nila, sa pagbibigay sa kanila ng diyos ng kabatiran sa pamamagitan ng paggawa nito, at sa paggawa sa kanila na maging mga kahanga-hangang tao, mga superhuman, mga tao na may espesyal na kapangyarihan, mga ekstraordinaryong tao. Nais nilang mawala sa kanila ang mga designasyon, pagkakakilanlan, at mga katayuan ng pagiging ordinaryong tao, karaniwang tao, at tiwaling tao sa pamamagitan ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kaya, anuman ang mga kuru-kuro o problema na mayroon sila sa gitna ng gawain ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito. Bukod sa hindi lamang nila magawang maunawaan ang katotohanan o makamit ang pagbabago sa disposisyon—hinuhusgahan din nila ang Diyos, at kinokondena Siya, at nilalabanan Siya, dahil sa lahat ng Kanyang ginagawa na hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Sa mata ng mga anticristo, hindi nila inaamin ang lahat ng praktikal na gawain ng Diyos—ito ang kanilang kinokondena. Sa huli, ang mga pananaw na ito, at ang mga depinisyong ito ng Diyos, ang nagiging sanhi para ganap nilang itanggi sa kanilang puso ang pag-iral ng diwa ng Diyos, at higit pa ay ang kondenahin, dungisan, at lapastanganin ang pag-iral ng diwa ng Diyos. Ito ay dahil ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay nakabatay sa saligan na ang diyos ay makapangyarihan sa lahat, na itatama ng diyos ang ginawang mali sa kanila, na siya ang maghihiganti para sa kanila, na para sa kanila, tatalunin ng diyos ang lahat ng kanilang kinamumuhian at hinahamak—na tutugunan ng diyos ang kanilang mga kagustuhan at ambisyon. Ito ang pundasyon ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Pero sa kasalukuyan, nakikita ng mga taong ito na walang ganitong umiiral na diyos, at walang posibilidad na gagawin ng Diyos ang anumang bagay para sa kanila. Sa kanilang pananaw, hindi ito kanais-nais na sitwasyon para sa kanila—kakila-kilabot ito. Kaya, pagkatapos nilang maranasan ang maraming bagay, lalong tumitindi ang kanilang mga alinlangan at pagdududa sa Diyos, hanggang sa magpasya silang iwan ang Diyos at ang Kanyang sambahayan, para hangarin ang mundo, para sundan ang masasamang kalakaran, at para ibigay ang kanilang sarili sa bisig ni Satanas. Ganoon ang nangyayari sa mga taong ito. Batay sa saloobing kinikimkim ng mga anticristo sa matuwid na disposisyon ng Diyos at sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, talagang mga hindi mananampalataya ang mga anticristo. Wala silang kahit katiting na pananalig sa Diyos, ni kahit katiting na pagpapasakop o pagtanggap sa ginagawa ng Diyos. Pagdating sa mga positibong bagay at sa katotohanan, nasusuklam at mapanlaban sila sa mga ito. Kaya, kahit paano mo man ito tingnan, talagang umiiral ang hindi mananampalatayang diwa ng mga anticristo. Hindi ito isang bagay na ipinipilit sa kanila ng iba, at hindi ito isang pagmamalabis—natutukoy ang diwa nila batay sa lahat ng mga pananaw at mga pangangasiwa na kanilang ibinubunyag kapag may nangyayari sa kanila.
Nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi nagagawang makita ang katotohanan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng tao. Hindi nila maunawaan ang katunayang iyon. Hindi nila maunawaan ang isang katunayan kahit na nasa harap na nila ito—hindi ba’t pagiging bulag iyon? Ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ay madalas na nabubunyag sa gawain ng iglesia, sa Kanyang mga hinirang, at sa iba’t ibang klase ng pangyayari. Tinutulutan Niyang makita ng mga tao ang mga bagay na ito kahit saan—pero dahil bulag ang mga anticristo, hindi nila ito makita. Kapag maraming taon nang sumusunod sa Diyos ang mga anticristo, sasabihin nila ang tanyag na parirala: “Maraming taon na akong nanampalataya sa diyos, pero ano ang nakamit ko?” Tila wala talaga silang nakamit. Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang buhay para sa tao, pero walang nakamit ang mga anticristo. Hindi ba’t kahabag-habag iyon? Talaga ngang kahabag-habag iyon! Mahusay na inilalarawan ng pariralang iyon ang problema. Ang lahat ng nakakarinig sa mga salita ng Diyos at nakakaranas sa Kanyang gawain, na tinatanggap ang Kanyang mga salita bilang kanilang buhay, ay magsasabi: “Maraming taon na kaming nananampalataya sa Diyos, at marami na kaming natamo mula sa Kanya. Hindi lamang biyaya at mga pagpapala, ang Kanyang proteksyon, at ang Kanyang awa—ang mas mahalaga ay na mula sa Diyos, naunawaan at nakamit namin ang napakaraming katotohanan. Namumuhay kami nang may wangis ng mga tao, nang may dignidad. Alam namin kung paano umasal. Napakalaki ng aming pagkakautang sa Diyos. Kumpara sa halagang ibinabayad Niya, sa Kanyang ginagawa para sa amin, ang aming kaunting paghihirap ay hindi nga nararapat pang banggitin. Dapat suklian ng tao ang pagmamahal ng Diyos.” Gayumpaman, baligtad ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Ilang taon nang gumagawa ang diyos, kaya bakit wala pa akong nakakamit? Sinasabi ninyong lahat na nakamit na ninyo ang ganito at ganyan, na nagkaroon kayo ng ganito at ganyang karanasan—pero mapapakain ba kayo ng mga karanasang iyon? Ano ang halaga ng mga karanasang iyon? Kumpara sa mga pagpapala, sa biyaya, sa pagkakita sa mga palatandaan at kababalaghan, hindi ba’t ganap na hindi na nararapat banggitin ang mga iyon? Kaya pakiramdam ko, sa maraming taon ng pananampalataya ko sa diyos, wala pa akong nakamit. Kumpara sa pagdurusang tiniis ko, sa mga tinalikuran at ginugol ko para sa diyos, hindi sulit ang mga nakamit ko! Ano ba ang katotohanan kundi ilang pahayag at teorya lamang? Ano ba ito kundi ilang doktrina lamang? Narinig ko na ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at hindi ko nararamdaman na nagkaroon ng napakalaking pagbabago sa akin! Halimbawa na lang, hindi ganoon kaliksi ang aking isipan kapag nag-iisip ako ng mga bagay. Bukod doon, tumatanda na ako, at hindi na gaya ng dati ang aking kalusugan. Maputi na ang buhok ko, marami na akong kulubot sa mukha—nawala pa nga ang ilang ngipin ko, at wala nang bagong tumubo. Sinasabi ng diyos na ang mga naligtas ay parang mga sariwa at maliksing bata, at heto ako, inaagiw na, na may mukha ng isang matanda. Hindi ako naging bata. Ayon sa mga salita ng diyos, puwedeng maging mga kabataan na may maitim na buhok ang mga ubaning tao. Bakit hindi pa ako nagbago? Sinasabi ng diyos na ganap niyang babaguhin ang mga tao, pero hindi pa iyon nangyari sa akin; hindi ako naging isang bagong tao. Ako pa rin ito, at kapag may mga nangyayari sa akin, kailangan ko pa ring alamin kung paano harapin ang mga ito nang ako lang. Dumarami rin ang aking mga pisikal na paghihirap—madalas akong mahina at negatibo. At higit pa, mahina na ang aking memorya nitong huling dalawang taon. Binabasa ko ang mga salita ng diyos nang madalas, pero hindi niya pinalakas ang aking memorya. Hindi ba kayang bigyan ng diyos ang mga tao ng espesyal na abilidad, isang abilidad na pipigilang tumanda ang kanilang katawan? Pakiramdam ko, ang pinakamalaking isyu ngayon ay ang ganap na pagbabago ng mga tao; parang hindi kayang lutasin ng katotohanan ang problemang iyon. Kung magsasabi ang diyos ng isang bagay na talagang makakapagbago sa isang bagong tao, na may anyo ng isang nagniningning na anghel, na maaaring walang katawan, na puwedeng makatakas sa pamamagitan ng pagtagos sa matitibay na pader, na, kapag nahaharap sa pang-uusig at panganib, ay makakapagsalita ng isang orasyon at maglalaho, at magiging hindi maaabot magpakailanman—kung, sa pamamagitan ng madalas na pagbabasa ng mga salita ng diyos, hindi puputi ang buhok ng mga tao, at hindi kukulubot ang kanilang mga mukha, at tutubo ang mga bagong ngipin kapalit ng mga nawala—magiging kamangha-mangha iyon! Iyon ang ibig sabihin ng ganap na pagbabago! Kung gagawin ng diyos ang mga bagay na iyon, mananampalataya na ako na siya nga ay diyos, nang walang anumang pag-aalinlangan. Kung magpapatuloy siya sa pagsasalita at pangangaral ng katotohanan, mawawala ang aking pananalig; hindi magtatagal, hindi ko na kakayanin pang patuloy na manampalataya, at marahil ay hindi ko na magagampanan ang aking tungkulin. Aayaw na ako.” Sa haba ng panahon na sumusunod ang isang anticristo sa Diyos, madalas na lilitaw sa kanyang puso ang ganitong mga klaseng hinihingi, at lahat ng uri ng pagdududa at labis-labis na mga hinihingi ang madalas na lilitaw sa loob ng kanilang mga kuru-kuro, at bilang tugon sa kanilang mga kalagayan at sa kanilang mga personal na pagnanais, ang lahat ng uri ng kakaibang ideya ay pumapasok sa kanilang isipan. Kaya lamang: Hindi maunawaan ng mga anticristo ang mga salitang sinasabi ng Diyos, at hindi nila makita ang katunayan na gumagawa ang Diyos para iligtas ang tao, lalong hindi nila maunawaan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para iligtas ang tao, na iyon ay para bigyang-kakayahan ang tao na makamit ang pagbabago ng disposisyon. Kaya, habang patuloy silang nananampalataya, nawawalan sila ng gana; habang patuloy silang nananampalataya, lumilitaw sa kanilang puso ang pagiging negatibo at ang kawalan ng pag-asa, at mayroon silang mga damdamin at kaisipan ng pag-atras, ng pagsuko. Pagdating sa diwa ng Diyos, kalimutan na natin kung maniniwala sila rito, o kung aaminin o tatanggapin nila ito—habang patuloy silang nananampalataya, ni hindi man lang nila pinapansin ang naturang isyu. Kaya naman, kapag sinasabi mo sa pagbabahagi na ang isang bagay ay katuwiran ng Diyos at ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan, na dapat magpasakop dito at kilalanin ito ng mga tao, hindi iimik ang mga anticristo—hindi sila magpapahayag man lang ng kahit anong pananaw. Pero sa loob nila, lilitaw ang pagkasuklam: Hindi nila gugustuhing makinig; hindi sila magiging handang makinig; ang iba sa kanila ay tatayo at aalis na lamang. Kapag nakikinig ang lahat sa mga sermon, kapag pinagbabahaginan ng iba ang mga salita ng Diyos, kapag buong sigasig na nagbabahagi ang mga kapatid ng kanilang mga patotoong batay sa karanasan—ano ang ginagawa ng mga anticristo? Umiinom ng tsaa, nagbabasa ng mga magasin, naglalaro sa kanilang mga telepono, nagtsitsismisan. At sa pamamagitan ng mga tahimik na kilos na ito ng pagprotesta at pagtutol, sinusubukan nilang patunayan sa kanilang mga pag-uugali na walang silbi ang lahat ng ginagawa ng Diyos: “Sinusubukan lang ninyo na pangatwiranan ang mga bagay-bagay, niloloko ninyo ang inyong sarili—sadyang hindi umiiral ang diyos at ang katotohanan, at imposibleng mailigtas ng diyos ang sangkatauhan!” Sa tingin nila, mga hangal ang lahat ng naniniwala sa katotohanan, nagpapasakop sa Diyos, at naniniwala sa katunayan na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan—lahat sila ay walang utak, at lahat sila ay naloko. Naniniwala sila na ang kapalaran ng isang tao ay nasa sariling mga kamay niya, na hindi dapat hayaan ng isang tao na pamatnugutan ng iba ang kapalaran niya, na hindi mga papet ang mga tao, bagkus ay may isip at abilidad na mag-isip nang malaya tungkol sa mga problema—at kung ni hindi kayang kontrolin ng isang tao ang kanyang sariling kapalaran, siya ay basura, isang mababang uri ng tao. Kaya, anuman ang mangyari, hindi sila handang ipagkatiwala ang kanilang kapalaran sa Diyos para kontrolin Niya. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Nananatili silang mga nagmamatyag at mga hindi mananampalataya mula simula hanggang wakas, na ginagampanan ang papel ng mga alipin ni Satanas. Sila ay mga palamunin at mga gumagawa ng gulo—sila ay mga taong gumagawa ng masama na lihim na nakapasok.