Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi) Unang Seksiyon
Bago natin simulan ang ating pagtitipon ngayon, makikinig tayo sa isang usapan. May dalawang taong nag-uusap. Sabi ng una: “Kung pupungusan ako, aayaw na ang mga kapatid sa paggawa ng kanilang mga tungkulin.” Sabi naman ng pangalawa, “Aayaw na sila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? Wala iyan. Kung matatanggal ako, magiging negatibo at mahina ang mga kapatid.” Nang makita ng una na nahigitan siya, sinabi niya: “Kung titigil ako sa pananampalataya, susunod lahat sa akin ang mga kapatid na nasa lugar ko.” Nang marinig ito ng pangalawa, sinabi nito, “Buweno, kung gayon, mas maimpluwensiya ka kaysa sa akin. Gayumpaman, kung paaalisin ako, maraming tao sa ating iglesia ang titigil sa pananampalataya. Ano sa palagay mo? Mas maimpluwensiya ako kaysa sa iyo, hindi ba?” Nauunawaan ba ninyo ang sinasabi nila sa usapang ito? Tungkol saan ang paligsahan nilang dalawa? (Nagpapaligsahan sila kung sino ang mas kayang makakuha ng loob ng mga tao, kung sino ang mas kayang magtatag ng nagsasariling kaharian; tinitingnan nila kung sino ang mas tuso nang bahagya sa kanilang dalawa.) Nagpapaligsahan sila kung sino ang mas tuso, kung sino ang mas may kakayahan, sino ang mas may abilidad, at kung sino sa kanila ang mas marami nang nakuhang loob ng mga tao. Nagpapaligsahan ba sila kung sino sa kanila ang mas may katotohanang realidad? Kung sino sa kanila ang mas may pagkatao? Kung sino sa kanila ang mas nakakaunawa sa katotohanan? (Hindi. Nagpapaligsahan sila kung sino sa kanila ang ipagtatanggol agad ng mas maraming tao kung tatanggalin sila, o kung paaalisin sila.) Nagpapaligsahan sila sa anong uri ng abilidad? Nagpapaligsahan sila kung sino ang mas may kakayahang kontrolin, bitagin, at ilihis ang mga tao. Hulaan ninyo: Anong klase ng mga tao ang dalawang ito? (Pareho silang mga anticristo.) Ano sila? Hindi ba’t sila ay parehong masamang tao, parehong tirano? (Ganoon nga sila.) Malinaw na sila ay parehong masamang tao—tahasan silang nagpapaligsahan kung sino sa kanila ang mas may kakayahang gumawa ng masama, kung sino ang mas may kayang manlihis at magkontrol ng mga tao, kung sino ang mas may kayang makuha ang loob ng mga tao, kung sino ang mas mahusay na makipagpaligsahan sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao. Kung sinuman sa kanila ang makakakontrol ng mas maraming tao, siya ang mas may kakayahan. Nagpapaligsahan sila tungkol doon. Sabihin ninyo sa Akin, may mga anticristo ba na may ganitong mga paligsahan? (Mayroon.) Hayagan ba nila itong ginagawa, o nagpapaligsahan ba sila nang palihim? (Palihim.) Kaya, umiiral ba ang nilalaman ng usapan ng dalawa sa kuwentong ito? Totoo ba ito? (Oo, umiiral at totoo ito.) Dahil nagpapaligsahan sila nang palihim, tahasan ba nilang sasabihin ang mga bagay na ito? Tuso at buktot ang napakarami sa mga anticristo; hindi nila hayagan o direktang sasabihin iyon, para hindi nila mabigyan ng bala ang mga tao na magagamit laban sa kanila. Pero ganito sila mag-isip nang palihim, at ito talaga ang kanilang ginagawa. Kahit paano man nila subukang pagtakpan ang mga bagay, at itago ang mga bagay, at magbalatkayo, hindi nila mapagtatakpan ang kanilang kalikasan na anticristo at mapaminsala. Siguradong mabubunyag ang lahat ng ito. Maaaring hindi sila magsalita, at walang hayagang maririnig ang iba, pero kumikilos sila nang walang kahit kaunting pagkukubli o kalabuan, nang walang pagtatago o paglilihim. Hindi rin sila kumikilos habang nakatalikod ang mga tao, lalong hindi sila nakikipagkompromiso. Walang kalabuan o pagkaburara sa kanilang mga pag-uugali at pagkilos para bitagin, ilihis, kontrolin ang mga tao, at magtatag ng nagsasariling kaharian. Tahasan silang sumasalungat sa Diyos, at tahasan nilang binibitag at nililihis ang mga tao. Umaasa silang kung mapupungusan sila, maraming kapatid ang magtatanggol sa kanila, na sasalungat ang mga ito sa Diyos at sa Kanyang sambahayan, na magiging negatibo at tamad ang mga ito, at hindi gagawin ang mga tungkulin ng mga ito. Iyon ang magpapasaya sa kanila at tutupad ng kanilang kagustuhan. Kung tatanggalin sila, gustong-gusto nilang maraming tao ang magiging negatibo, na magsasalita para sa kanila, at magtatanggol sa kanila, at magbibigay ng mga paliwanag at argumento para sa kanila, nang walang nakakakita. Gustong-gusto nilang itala ng mga tao ang kanilang mga merito, na ipagtanggol ng mga ito ang kanilang pagiging tama—at husgahan at kondenahin pa nga ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, na lihim na lumaban sa Diyos sa kanilang puso, na itanggi ang Kanyang katuwiran, at itanggi na ang lahat ng Kanyang sinasabi at ginagawa ay ang katotohanan, na mga positibong bagay ang lahat ng ito. At kung titigil sila sa pananampalataya, gustong-gusto nila na sumunod ang lahat sa kanilang hindi pananampalataya, na umalis kasama nila, na maging kanilang mga tagasunod; gustong-gusto nila na itanggi ng lahat na ang Diyos ang katotohanan, at maniwala ang mga ito na nasa kanila ang katotohanan, na tama ang lahat ng kanilang ginagawa, at na kaya nilang baguhin ang mga tao at iligtas ang mga ito. Kung paaalisin o patatalsikin sila ng iglesia dahil sa paggawa ng masama, nagiging gustong-gusto nila na itatanggi ng maraming tao ang pag-iral ng Diyos at babalik ang mga tao sa mundo, kung saan sila ay magiging mga taong hindi nananampalataya. Ikasisiya nila iyon. Ito ang magbabalik ng balanse sa kanilang puso, at magiging kaluwagan para sa kanila. Ang mga pagbubunyag na ito ng isang satanikong disposisyon, ang mga pag-uugaling ito, ang mga diwang ito, at maging ang mga masalimuot, detalyadong ideya at kaisipan na ito—sino ba ang kinakatawan ng mga ito? Tunay bang mga kapatid ang mga taong ito? May tunay ba silang pananalig sa Diyos? Tunay ba silang nagpapasakop sa Diyos? May kahit katiting ba silang takot sa Diyos? (Wala.) Mula rito, makikita na sa diwa, tutol sa at kaaway ng Diyos ang mga anticristo. Tumpak ba ang pahayag na ito? Ito ba ang katotohanan? (Tumpak ito, at ito ang katotohanan.) Isandaang porsiyento na ganito nga ang mga bagay-bagay. Ang pahayag na ito ay ang katotohanan, hinding-hindi ito nagkakamali, dahil isa itong katunayan, isang katunayang hindi nagbabago magpakailanman. Ganoon mag-isip ang mga anticristo, at iyon ang kanilang ginagawa. Ang lahat ng kanilang kilos at gawa ay pinamamahalaan ng kanilang mga personal na ambisyon at pagnanais, at pinamamahalaan at inuudyukan ng kalikasan ng mga anticristo. Kung gayon, maililigtas ba ang mga taong tulad ng mga anticristo? (Hindi.) Mapanlaban sila sa Diyos sa bawat pagkakataon, mapanlaban sa katotohanan sa bawat pagkakataon. Sinuman, sa pananaw nila, ang pumipinsala sa kanilang mga interes, sinuman ang nagdudulot ng kawalan sa kanilang reputasyon, na pinagkakaitan sila ng kanilang mga pagnanais at ambisyon, ng kanilang pag-asa na mapagpala, mag-aalsa at magiging kaaway sila ng mga ito—tama man o mali ang kanilang ginawa. Iyon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya, anumang mga mali at masamang bagay ang nagawa ng mga taong tulad ng mga anticristo, o anumang mga bagay ang kanilang nagawa na sumasalungat sa mga prinsipyo at mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila papayagan ang iba na pungusan sila, o ilantad at pangasiwaan sila. Sa sandaling mangyari ang mga bagay na ito sa kanila, hindi lang sila mabibigong magpasakop sa mga ito at tanggapin ang mga ito, o mabibigong kilalanin na ang kanilang ginawa ay isang masamang gawa—hindi, gagawa sila ng mga huwad na kontra-akusasyon, at susubukan nilang ibalik ang kanilang magandang reputasyon sa anumang paraang kinakailangan. Sa anumang paraang magagamit nila, susubukan nilang isisi sa iba ang kanilang mga kasalanan, ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang aakuing anumang pananagutan. At higit pa roon: Ang kanilang pinakamalaking kagustuhan ay na malinlang at malihis ang mga tao para ang mga ito ang magdahilan para sa kanilang masasamang gawa at magtanggol sa kanila, at na mas maraming tao ang maaaring tumindig at magsalita para sa kanila. Ito ang pinakagusto nilang makita.
Tatapusin na natin ang ating kuwento rito. Tama ang inyong hula: Talagang mga anticristo ang dalawang iyon. Tanging mga anticristo lamang ang maaaring magkaroon ng gayong usapan, magbigay ng gayong mga pahayag, at magnais ng gayong mga bagay. Maaaring magkaroon paminsan-minsan ang mga normal at tiwaling tao ng gayong mga ideya, pero kapag totoong may nangyari nga sa kanila, babalik sila sa harap ng Diyos para maghanap at magdasal. Unti-unti, magagawa nilang magpasakop. Ang lahat ng tunay na mananampalataya, ang lahat ng may konsensiya at katwiran, ay magkakaroon ng bahagyang may-takot-sa-Diyos na puso kapag sila ay pinungusan o tinanggal. Magkakaroon sila ng bahagyang saloobin ng pagpapasakop, ng kahandaang magpasakop. Ayaw nilang maging salungat sa Diyos, na maging tutol sa Kanya. Ganito dapat kumilos ang isang ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon. Gayumpaman, walang ganitong taglay ang isang anticristo. Kahit gaano karaming sermon ang kanilang marinig, hindi nila bibitiwan ang kanilang mga pagnanais, at hindi nila bibitiwan ang kanilang mga ambisyon tulad ng pangongontrol, pagkuha ng loob, at panlilihis sa mga tao. Higit pa rito, hindi talaga mababawasan ang mga bagay na iyon; habang lumilipas ang panahon at nagbabago ang mga sitwasyon, lalong lalala, lalong lalaki ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Ito ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng kalikasang diwa ng mga anticristo at ng mga ordinaryo at tiwaling tao.
Natapos na natin ngayon ang ating pagbabahaginan sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Ngayon, magbabahaginan naman tayo sa ikasampung aytem: Hinahamak nila ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Hinahamak ang katotohanan, lantarang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos—kahit alin sa mga ito ay sapat nang malubha, at wala sa mga ito ang pagpapakita ng isang ordinaryo at tiwaling disposisyon. Makikita sa alinman sa mga ito na ang diwa ng mga anticristo na taglay nila ay may kasamang kalupitan at kabuktutan. Ito ang dalawang malinaw at malubhang elemento. Sa pagkakataong ito, magagamit ba ang kayabangan, pagkamatigas ng kalooban, at panlilinlang para ilarawan ang diwa ng mga anticristo? (Hindi.) Magiging mahirap na maipaliwanag nang lubusan ang mga katangiang ito ng diwa ng isang anticristo gamit ang mga pagsasalarawan na iyon. Tanging ang dalawang disposisyon ng kalupitan at kabuktutan ang maaaring gamitin upang ganap na ibuod ang diwa ng mga anticristo.
Tatalakayin natin ang mga ito nang isa-isa. Hinahamak nila ang katotohanan—ano ang ibig sabihin ng “hinahamak”? (Ang balewalain ang isang bagay.) (Ang maliitin, alipustahin, at hindi pahalagahan ang isang bagay.) (Ang isiping ang isang bagay ay hindi karapat-dapat sa paggalang.) Ang mga salitang ginagamit ninyo ay halos pare-pareho ang ibig sabihin. Ang “paghamak” sa isang bagay ay nangangahulugan na balewalain, hamakin, hindi pahalagahan, maliitin, at alipustahin ito. Sa pangkalahatan, nangangahulugan ito ng paglaban sa isang bagay, ng pagkasuklam dito, at pagkapoot dito, mula sa kaibuturan ng puso, at hindi pagtanggap dito, at maging pagkondena rito, kasama na ang mapanlaban na paghatol at paninirang-puri. Paano ito maikukumpara sa ilang antas sa sinabi ninyo? (Mas detalyado at partikular ito.) Mas tiyak at praktikal ito kaysa sa sinabi ninyo. Karamihan sa mga pakahulugan na ibinigay ninyo ay mga kasingkahulugan ng “paghamak.” Ang sinabi Ko ay isang karagdagang pagpipino sa diwa ng pagkilos at pag-uugali ng “paghamak”; ito ay isang kongkreto, detalyadong paglalarawan ng pag-uugali at diwa ng paghamak sa katotohanan. Nangangahulugan ito na kapag hinahamak ng isang tao ang katotohanan, sa kanyang ginagawa, sa kung paano niya tinatrato ang katotohanan sa kanyang pang-araw-araw na buhay, at sa saloobin na kanyang isinasapuso tungo sa mga bagay na may kinalaman sa katotohanan at mga positibong bagay, makikita ng mga tao na ang kanilang saloobin tungo sa katotohanan ay ganito: hindi pagtanggap, paglaban, at pagtutol dito—at maging paghatol, pagkondena, at paninirang-puri pa nga rito. Pawang mga partikular na paraan ito kung paanong ang “paghamak sa katotohanan” ay naipapamalas at naibubunyag—sobrang partikular na kasama na ang bawat aspekto ng mga saloobin ng isang tao sa katotohanan at mga pagharap niya rito: Nasusuklam siya sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa mga positibong bagay. Nilalabanan niya ang mga ito mula sa kaibuturan ng kanyang puso, at hindi niya ito tinatanggap. Kapag sinabi mo sa kanya na ang isang bagay ay mga salita ng Diyos, na ito ang katotohanan, ano ang magiging saloobin niya? “Ang mga salita ng diyos, ang katotohanan—anong pakialam ko! Ginagamit mo ang mga salita ng diyos at ang katotohanan kapalit ng lahat ng bagay. Wala bang iba pang bagay sa buhay nating mga tao bukod sa mga salita ng diyos? Nakabasa na kami ng maraming aklat, natuto na kami ng maraming kaalaman—wala bang saysay ang lahat ng iyon? May utak at isip ang mga tao; may kakayahan silang mag-isip tungkol sa mga problema nang sila lang. Ibinabatay ang lahat ng bagay sa mga salita ng diyos at sa katotohanan—hindi ba’t medyo masyadong dogmatiko iyon?” Ano ang magiging saloobin nila kapag may nangyari sa kanila, at sinasabi mo sa kanila na kailangan nilang magdasal sa Diyos, hanapin Siya, at basahin ang Kanyang mga salita? “Basahin ang mga salita ng diyos? Kapag may nangyari sa atin, problema na natin iyon. Ano ang kinalaman ng mga problema ng tao sa diyos? Ano ang kinalaman ng mga ito sa katotohanan? Talaga bang iniisip mo na nasa mga salita ng diyos ang lahat, na parang ensiklopedya ang mga ito? Hindi naman nababanggit sa mga salita ng diyos ang lahat ng bagay. Dapat pangasiwaan ng mga tao ang mga problema ng mga tao, at ang mga partikular na problema ay humihingi ng mga partikular na solusyon. At kung hindi mo kayang pangasiwaan ang isang bagay, hanapin mo ito sa internet, o kumonsulta ka sa isang eksperto tungkol dito. Mayroon pa ngang mga propesor sa kolehiyo rito sa ating iglesia, at marami sa mga kapatid ang mga estudyante sa kolehiyo. Hindi ba’t lahat tayo ay makatatapat sa katotohanan?” Sa sandaling mabanggit mo ang paghahanap sa Diyos at paghahanap sa katotohanan, sa sandaling sabihin mo na kailangan nilang basahin ang mga salita ng Diyos, hinahamak ka nila mula sa kaibuturan ng puso nila. Ayaw nilang magsagawa nang ganoon; tingin nila ay masyado iyong nakakababa at nakakahiya, at iniisip nilang magmumukha silang walang kakayahan. Hindi ba’t ito ay isang anyo ng paghamak sa isang bagay? Isa itong aktuwal na pagpapamalas, isang aktuwal na pag-uugali, ng paghamak sa katotohanan. Ang ganitong mga tao ay hindi kakaunti. Maaaring madalas silang makinig ng mga sermon, at may hawak na mga aklat ng mga salita ng Diyos, at nagsasagawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero kapag may nangyari sa kanila, at sinabihan silang hanapin ang katotohanan at basahin ang mga salita ng Diyos, sila ay natatawa at tutol dito. Hindi nila ito matanggap; nasusuklam pa nga sila rito. Kaya kapag may nangyari sa kanila, gumagamit sila ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, iginigiit nila: “Ang mga partikular na usapin ay humihingi ng mga partikular na solusyon, at ang mga isyu ng tao ay dapat lutasin ng mga tao. Hindi na kailangan pang hanapin ang diyos. Hindi na kailangang pangasiwaan ng diyos ang lahat ng bagay. Saka, may ilang bagay na hindi kayang pangasiwaan ng diyos. Mga pribadong usapin na namin ang mga iyon, na walang kinalaman sa diyos, at walang kinalaman sa katotohanan. Hindi dapat makialam ang diyos sa aming personal na kalayaan, at hindi niya dapat pakialaman ang aming mga pribadong usapin. May karapatan kaming pumili—at may karapatan kaming pumili kung paano kami mamumuhay, kung paano aasal, at kung paano kami magsasalita. Ang katotohanan at ang mga salita ng diyos ay para sa mga panahon ng pinakamalaking pangangailangan, para sa mga kritikal na panahon, para sa mga oras ng pinakamatinding pangangailangan, kapag may nangyari sa isang tao na hindi niya malutas, na wala siyang magawa—iyon ang oras na dapat niyang ilabas ang mga salita ng diyos at basahin ang mga ito nang kaunti, para makaginhawa, para mabigyan siya ng kaunting espirituwal na kaginhawahan. Sapat na iyon.” Makikita rito na ang saloobin sa katotohanan ng mga taong tulad ng mga anticristo ay malinaw na isang saloobin na hindi kinikilala na ang katotohanan ay maaaring maging buhay ng tao, o na ang mga salita ng Diyos ay may kaugnayan sa lahat ng nangyayari sa mga tao sa kanilang tunay na buhay. At lalong hindi nila pinaniniwalaan ang katunayan na hawak ng Diyos sa Kanyang kamay ang lahat ng may kinalaman sa tao.
Hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan; marami itong saklaw. Ano ang ibig sabihin ng pagsasabing hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan? Ano ang saklaw nito? Hahatiin natin ito sa tatlong aytem para sa paghihimay. Magiging mas malinaw ito sa inyo sa ganoong paraan. Una, hinahamak nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Hindi ba’t kumakatawan sa katotohanan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? (Oo.) Pangalawa, hinahamak nila ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Hindi ba’t ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos at ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang katotohanan? (Oo.) Ang natitira ay hinahamak nila ang mga salita ng Diyos. Ang una ay hinahamak nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; ang pangalawa ay puwedeng paikliin at sabihing hinahamak nila si Cristo; at ang pangatlo ay hinahamak nila ang mga salita ng Diyos. Magpapatuloy tayo para himayin nang magkakahiwalay ang bawat isa sa mga ito.
I. Hinahamak ang Pagkakakilanlan at Diwa ng Diyos
Una nating pagbabahaginan ang uri ng saloobin ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, na magpapatunay na hinahamak nila ang katotohanan sa aspektong ito. Ano ang saloobin ng isang anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Ano ang iniisip niya tungkol sa mga bagay na iyon? Paano niya binibigyang-kahulugan ang mga iyon? Paano niya tinitingnan ang mga iyon? Ano ang saklaw ng diwa ng Diyos? Ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang Kanyang kabanalan, at ang Kanyang pagiging natatangi. Tungkol naman sa katunayan na ang Kanyang pagkakakilanlan ay ang Lumikha, na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng buong sangkatauhan, kinikilala ba ito ng mga anticristo? (Hindi.) Paano partikular na naipapamalas na hindi nila ito inaamin? (Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang mga tao, pangyayari, at bagay na dumarating sa kanila araw-araw mula sa Diyos; sa halip, masyado lang nilang sinusuri ang mga isyung iyon, at tinutugunan ang mga iyon gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao.) Tutugunan nila ang mga iyon gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Tama ang unang bahagi ng sinabi mo: Kapag may nangyari sa isang anticristo, masyado lang niyang susuriin ang isyu. Ang ikalawang bahagi naman, kung saan sinabi mo na tutugunan niya ang mga bagay gamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao—mga ugali iyon na ginagawa ng mga ordinaryo at tiwaling tao. Ang pinagbabahaginan at inilalantad natin dito ay iyong hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan at ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan. Para makahanap ng ebidensiya para doon, kailangang maghanap ka ng mga nauugnay na pamamaraan at pag-uugali ng mga anticristo. Sa katunayan, inaamin nga ng mga anticristo sa kanilang mga salita na “ang tao ay nilikha ng diyos, ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng diyos, at dapat magpasakop ang mga tao sa kapamahalaan ng diyos”—pero ganoon ba nila tinatanggap ito kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay? Talagang maganda at tama ang mga salitang sinasabi nila, pero hindi sila ganoon magsagawa kapag may nangyayari sa kanila. Ang kanilang pamamaraan at saloobin sa mga bagay-bagay kapag may nangyayari sa kanila ang nagbubunyag na ang mga salitang sinasabi nila ay pawang mga islogan lamang, hindi tunay na kaalaman. Kapag may nangyayari sa kanila, anong uri ng mga pananaw, kaisipan, pahayag, at saloobin ang mayroon sila na nagpapatunay na mayroon silang diwa ng isang anticristo? Kapag may nangyari sa isang anticristo, kaya ba niyang tanggapin ang katunayang ito bilang kanyang unang reaksiyon? Ang kumalma at magpasakop sa harap ng Diyos, at ang tanggapin ang kapaligiran na inihanda ng Diyos, mabuti man o masama, at kung kapaki-pakinabang man ito sa kanya o hindi—iyon ba ang uri ng saloobing mayroon siya? Maliwanag na wala siyang gayong saloobin. Ang una niyang isinasaalang-alang kapag may nangyayari sa kanya ay kung paano ito nakakaapekto sa kanyang mga interes at posisyon; pagkatapos, gumagawa siya ng mga paraan para makaalis dito, para makahanap ng labasan, para maiwasan ito. Ayaw niyang akuin ang responsabilidad para sa naturang bagay, hindi tuwiran na naghahanap siya ng mga pangangatwiran at palusot; gumagamit siya ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, at ginagamit niya ang kanyang utak upang suriin at tugunan ang isyu. Ipinapasa pa niya ang responsabilidad sa iba, nagrereklamo na ang taong iyon ay mali at ang isa naman ay hindi sumusunod sa ipinagawa, habang nagsisisi tulad ng lagi nilang ginagawa na siya ay walang-ingat at pabaya sa simula pa lamang, na kumilos siya sa ganito at ganyang paraan sa simula pa lamang. Maliwanag na mayroon siyang saloobin na lumalaban, umiiwas, tumatanggi, at hindi tumatanggap sa mga sitwasyong dumarating sa kanya, sa mga sitwasyong pinamamatnugutan ng Diyos. Ang kanyang unang reaksiyon sa mga kalagayang iyon ay ang labanan ang pagdating ng mga ito; ang pangalawa ay ang gumamit ng mga pamamaraan ng tao para ayusin ang mga ito, ang lampasan ang bagyo sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao, at ang gamitin pa nga ang mga pamamaraan ng tao para pagtakpan ang mga katunayan, at pagtakpan ang mga kawalan na dulot ng mga ito sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Ginugugol niya ang lahat ng kanyang mental na enerhiya sa paggamit ng mga pamamaraan ng tao para pagtakpan at itago ang kanyang masasamang gawain. Hindi niya inaamin ang kalikasan ng masasamang bagay na kanyang ginawa, o kung aling mga katotohanang prinsipyo ang kanyang nilabag, pinagsasabihan pa nga niya ang mga nasa paligid niya: “Huwag ninyo itong ipaalam. Walang magsasabi ng kahit na ano; walang ibang dapat na makaalam.” Bukod sa hindi siya nagpapasakop at ayaw niyang tanggapin ang mga sitwasyong ito—gumagawa rin siya ng mga huwad na kontra-akusasyon, nanlalansi at may itinatago, sinusubukan niyang ikubli ang mga tunay na pangyayari, umaasa siyang magiging maliit ang isang malaking bagay, para mabawasan ang kahalagahan nito, para hindi malaman ng kanyang mga nakatataas na lider o ng Diyos ang tungkol dito. Ganito pinapangasiwaan ng mga anticristo ang mga bagay na nangyayari sa kanila. Ang kanilang pangangasiwa ba sa mga bagay ay naaayon sa mga islogan na kanilang isinisigaw? Sa pagitan ng mga islogan na kanilang isinisigaw at ng kanilang saloobin kapag may nangyayari sa kanila, alin ang pagbubunyag ng kanilang kalikasang diwa? (Ang kanilang saloobin kapag may nangyayari sa kanila.) Kung gayon, ano ang mismong saloobin na iyon? Mayroon ba silang saloobin ng pagpapasakop? Mayroon ba silang gayong saloobin na mapagpakumbabang tumatanggap ng pagdidisiplina at pagpupungos ng Diyos sa kanila? Handa ba silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang kanilang saloobin at tunay na mga ugali ba ay iyong may tunay na pananampalataya na anuman ang mangyari sa kanila, ang Diyos ang Siyang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng sa tao? (Hindi.) Hinding-hindi. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Malinaw naman: Layon nilang tanggihan ang mga bagay, pagtakpan ang mga bagay, at manlinlang; layon nilang kumontra hanggang sa huli, at huwag hayaan ang Diyos na kumilos o maging ang may kataas-taasang kapangyarihan. Iniisip nila na mayroon silang kakayahan at kapasidad na itama ang lahat. Sa kanilang teritoryo, walang sinumang maaaring makialam sa kanilang gawain o pamahalaan sila—dapat sila ang may pinakaawtoridad. Ang diyos ba na kanilang pinaniniwalaan ay umiiral pa rin sa sandaling iyon? Hindi na—isa na siya ngayong hungkag na katawan. Kaya, ano ang kanilang pananalig sa sandaling iyon? Ito ay malabo at hungkag, at mayroon itong panlilinlang sa loob nito. Wala silang tunay na pananalig.
Kapag wala pang nangyayari sa isang anticristo, magpapanggap siyang nakikinig sa mga sermon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nag-aaral ng mga himno. Makikilahok siya sa buhay iglesia at maagap na makikilahok sa lahat ng proyekto ng gawain ng iglesia, madalas na sinasabi niya: “Nananampalataya kami sa diyos, kaya kailangan naming maniwala sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at magpasakop sa kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng diyos, at ang lahat ng ginagawa niya ay mabuti.” Bukod dito, madalas nilang itinuturo sa iba: “Hindi dapat ipagpilitan ng mga tao na gawin ang kanilang sariling paraan. Kapag may nangyayari, dapat silang magdasal sa diyos, dahil ang lahat ay nasa kanyang mga kamay.” Ipinagsisigawan nila ang mga islogang ito nang may pagmamataas, at mukhang lubos na determinado at desidido ang kanilang saloobin—ngunit hindi nila nagagawa ang mga inaasahan sa kanila kapag may nangyayari sa kanila, ang katotohanan ng mga katunayan at, ang kanilang tunay na ibinubunyag ay naglalantad ng kanilang tunay na tayog at ng kanilang diwa. Inilalantad na hindi sila naniniwala sa katunayan ng pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, o sa katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Ayaw nilang tanggapin ang mga katunayang ito, lalong ayaw nilang aminin ang mga ito. Ang mas masahol pa, bukod sa hindi nila inaamin o tinatanggap ang mga ito, matigas din silang nananatiling mapanlaban hanggang sa wakas. Kapag may nangyari sa kanila, sila ay nagrereklamo, kung hindi tungkol sa isang bagay, dahil naman sa isa pa. Hindi sila humaharap sa Diyos nang may maayos na pag-uugali at mapagpasakop na paraan para hanapin ang Kanyang mga pagnanais at ang Kanyang mga layunin; hindi sila mapagpasakop na lumalapit sa Diyos, at hindi sila nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, at hindi nila tinatanggap ang Kanyang mga pamamatnugot at kataas-taasang kapangyarihan; at hindi nila mapagpasakop na tinatanggap ang Kanyang pagdidisiplina. Sa halip, ninanais nilang ayusin ang naturang bagay sa pamamagitan ng mga diskarte at pagpapakana ng tao, gamit ang mga pamamaraan ng tao—para hadlangan ang bagay, para ilihim ito sa iba at sa Diyos. Naniniwala sila na kung mapapahupa nila ang usapin, epektibo na nila itong nalutas. Naniniwala sila na kung mapapahupa nila ito, at ang kanilang mga kamalian at tiwaling disposisyon ay mapagtatakpan, at walang makakaalam sa mga bagay na ito, at walang makakatuklas ng anumang mali sa kanila, o magpapatuloy sa pag-uusisa sa usapin, para bang nakamit na nila ang isang napakalaking tagumpay. Sa gayon, panatag na ang loob nila. Kung huhusgahan ang mga salita at pag-uugali ng isang anticristo, at ang kanyang mga gawa at kilos, kapag may nangyari sa kanya, pati na ang diwa ng kanyang pag-uugali at pagganap, siya ay matigas na lumalaban sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Matigas niyang nilalabanan ito hanggang sa wakas. Anuman ang kanyang ginawang mali, hindi niya pinahihintulutan ang Diyos na pungusan siya, o na maghanda ng mga kapaligiran para disiplinahin siya, lalong hindi niya pinahihintulutan ang Diyos na ibunyag at ilantad siya. Sa sandaling siya ay malantad, sa sandaling lumabas na ang totoo, natataranta siya, at hindi mapakali at naiirita; binabaligtad pa nga niya ang mga sitwasyon at maagap na nagbibitaw ng mga akusasyon, sinasabi niyang nabigo ang Diyos na protektahan siya, na hindi siya pinagpala ng Diyos, na hindi patas ang Diyos—kapag ang parehong mga bagay ay nangyayari sa kanya at sa iba, bakit hindi ibinubunyag ng Diyos ang iba, bagkus ay siya lamang ang ibinubunyag? Kapag ang parehong mga bagay ay nangyayari, bakit hindi dinidisiplina ng Diyos ang ibang tao, bagkus ay siya lamang ang dinidisiplina? Sinasabi pa niya, “Dahil ang diyos ay hindi matuwid, kailangan kong protektahan ang aking sarili gamit ang mga pamamaraan ng tao, ang aking sariling mga pamamaraan.” Naniniwala siya na hindi siya puwedeng disiplinahin at ilantad ng diyos kapag may nagawa siyang mali, bagkus ay dapat siyang pagtakpan ng diyos, na bigyan siya ng diyos ng pahintulot sa bawat pagkakataon, ng madaling solusyon, na pagbigyan ng diyos ang lahat ng kanyang maling ginagawa. Naniniwala siya na iyon ang gagawin ng diyos. Kung ibubunyag siya ng Diyos, at hindi siya tatratuhin nang may espesyal na pabor kapag may nangyayari sa kanya, at hindi siya binibigyan ng espesyal na pangitain o pamumuno, pakiramdam niya ay hindi kaibig-ibig ang gayong Diyos, na hindi nababagay ang Diyos na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa kanyang kapalaran. Kaya, kapag may nangyayari sa kanya, ayaw niyang magpasakop sa Diyos at tanggapin ang lahat ng nanggagaling sa Diyos bilang isang nilikha; sa halip, gusto niyang paglingkuran siya ng Diyos, na bigyan siya ng Diyos ng pakinabang sa lahat ng bagay, at huwag pa nga siyang pagsabihan o disiplinahin para sa anumang pagsalangsang na kanyang ginagawa, o para sa anumang katiwalian, paghihimagsik, o paglaban na kanyang ibinubunyag. Makikita ito sa bawat ugali at pagpapamalas ng isang anticristo na wala siyang tunay na pananalig sa Diyos. Ang kanyang diumano’y tunay na pananalig ay pagtatangka lamang na makakuha ng mga pakinabang at makapagkamit ng mga pakinabang. Hindi siya nagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos, bagkus ay pinamamatnugutan niya ang Diyos, ninanais niyang samantalahin ang Diyos para gumawa ng lahat ng bagay para sa kanya at magbukas ng mga oportunidad para sa kanya. Hindi niya tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, o ang pagliligtas ng Diyos, bilang isang tiwaling nilikha. Sa halip, pakiramdam niya ay ekstraordinaryo niyang pinapaboran ang Diyos sa kanyang pananampalataya sa Diyos, at na dapat itong tandaan ng Diyos, at protektahan siya, at pagpalain siya nang walang kondisyon, at patawarin siya, anuman ang masamang bagay na kanyang nagawa, na bigyan siya ng Diyos ng espesyal na pagpapatawad. Ang uri ng mga tao na mga anticristo ay tunay na masasama. Wala talaga silang kahihiyan. Ni hindi nila alam kung anong uri sila o kung sino sila. Kaya kapag may nangyayari sa kanila, walang kahihiyan silang nagbibigay ng mga paliwanag at dahilan, at pinapangatwiranan at ipinipilit nila ang kanilang opinyon, at ipinapasa nila ang sisi, at itinatago nila ang mga katunayan—kinokontra nila ang Diyos hanggang sa wakas. Natatakot na kung sila ay mabunyag at makilatis ng mga tao, mawawalan sila ng katayuan o katanyagan. Hanggang salita lamang ang kanilang pananalig sa Diyos; wala silang ginugugol, at hindi sila tunay na nagpapasakop, lalong malayo sila sa pagtanggap. Kaya, tungkol sa katunayan ng pagkakakilanlan ng Diyos, makikita sa diwa ng isang anticristo na sa kaibuturan ng kanyang puso ay laban siya rito—ayaw niyang hayaan ang Diyos na maging ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kanyang kapalaran at pamatnugutan ang lahat ng kanya. Ayaw niyang hayaan ang Diyos na maging ang may kataas-taasang kapangyarihan—sino ang nais niyang maging may kataas-taasang kapangyarihan? Gusto niyang siya ang may huling pasya, na nagpapahiwatig ng pagtutulot kay Satanas na manipulahin ang mga bagay, at nagtutulot sa isang tiwaling disposisyon at na ang tiwaling diwa ni Satanas ang maging kanyang buhay at maghari sa kanyang puso. Ganoon ang nangyayari. At tungkol naman sa diwa ng Diyos—paano iyon tinatrato ng isang anticristo? Nagkikimkim ang isang anticristo ng mga pag-aalinlangan tungkol sa mga elemento na kinapapalooban ng diwa ng Diyos. Hindi siya naniniwala; siya ay nag-aalinlangan; mayroon pa nga siyang mga kuru-kuro, at pagkondena, tungkol sa lahat ng elementong iyon. Minsan, ginagamit pa niya ang kanyang imahinasyon, kaalaman, at utak para suriin ang mga elementong iyon at bigyang-kahulugan ang mga iyon. May ilang hangal na tao pa nga na naniniwala na ang kanilang mga pakahulugan ay talagang mabuti, espirituwal, lehitimo, at praktikal. Mas nakakasuklam iyon.