Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao (Ikatlong Seksiyon)

Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan ng mga anticristo, hindi nila maunawaan ang katotohanan. Ang kanilang nauunawaan at kayang bigkasin ay pawang doktrina. Tinatanggap nila ang mga salitang kaya nilang arukin at tinatandaan at pinoproseso ang mga iyon sa kaisipan nila upang gawing mga espirituwal na doktrinang naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at pagkatapos ay walang pakundangang ipinapalaganap ang mga iyon, ipinapaliwanag ang mga iyon sa iba. Kapag naririnig ang mga ito ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa at hindi nakakaunawa sa katotohanan, pakiramdam nila ay ganap na makatwiran ang mga ito at handa silang tanggapin ang mga ito. Bilang resulta, sila ay nalilihis at nagsisimulang sumamba sa mga anticristo. Doon nagkakaroon ng problema. Sa realidad, hindi talaga nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan. Kung pakikinggan mo nang mabuti at kikilatisin ang mga tinatawag na tamang salita nila, makikita mong ang mga iyon ay mga walang kabuluhang teorya na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Siyempre, iniisip ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan na tama ang mga salitang ito at madali silang nalilinlang ng mga ito. Naranasan na ba ninyo ang ganoong mga sitwasyon? Makakapagbigay ba kayo ng mga halimbawa? Kung makakapagbigay kayo ng mga halimbawa at malinaw na makikita kung paano nanlilihis ng iba ang mga taong bihasa sa pagbigkas ng mga salita at doktrina, pinatutunayan nitong nauunawaan ninyo at kaya ninyong gamitin ang mga iyon. Kung hindi kayo makapagbigay ng mga halimbawa, ipinapahiwatig nitong hindi pa ninyo nauunawaan ang mga iyon at hindi ninyo kayang gamitin ang mga iyon. Kapag nakipagkita kayo sa mga taong bihasa sa pagbigkas ng mga salita at doktrina, tiyak na hindi ninyo sila makikilatis. (Nalagay na ako sa ganoong kalagayan. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa pagpupungos, pagtutuwid at pagdidisiplina, at hindi nila nauunawaan ang layunin ng Diyos, lumalapit sila sa akin upang maghanap na kasama ako. Ang totoo, hindi ko rin nauunawaan ang layunin ng Diyos o ang diwa ng mga usaping ito. Pero sinasabihan ko sila ng ilang walang kabuluhang salita, halimbawa, “Ang pagpupungos, pagwawasto, pagtutuwid, at pagdidisiplina ay pawang pagmamahal ng Diyos at pagliligtas ng Diyos. Ganito tinutugunan ng Diyos ang ating mga tiwaling disposisyon.” Kahit habang sinasabi ito, nararamdaman kong hindi ko lubos na naipaliwanag sa kanila ang diwa ng kanilang problema, katulad ng kung bakit nahaharap sila sa pangyayaring ito, kung sa anong uri ng tiwaling disposisyon nabibilang ang kanilang mga kilos at paghahayag o kung ano ang posibleng kalikasan ng mga ito, at kung ano ang layunin ng Diyos—hindi ko nagawang makipagbahaginan sa kanila sa mga bagay na ito at higit pa. Nagbanggit lang ako ng ilang tamang doktrina at masarap-pakinggang islogan, na talagang hindi nakakatulong sa kahit kanino.) Ito ay dahil ikaw mismo ay walang malinaw na pang-unawa sa katotohanan, kaya hindi mo kayang lutasin ang mga tunay na problema ng iyong mga kapatid. Kaya, may pagkakaiba ba sa pagitan nito at ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao? Hindi tumutulong ang mga anticristo sa mga tao dala ng kagandahang-loob; ang motibo at layunin nila ay ang ilihis at kontrolin ang mga ito. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng ganitong mga bagay, at kapag sumisigaw sila ng mga islogan, tingnan mo ang pag-uugali nila at kung anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nila—ito ang susi sa pagkilatis sa mga anticristo. May ilang taong mababa ang tayog, at walang malinaw na pang-unawa sa katotohanan. Puwedeng hindi maisakatuparan ng tindi ng kanilang paggawa ang mga kailangang resulta, pero wala silang motibo o layuning manlihis o magkontrol ng mga tao. Gusto rin nilang akayin ang mga tao sa harapan ng Diyos—iyon nga lang ay kinakapos ang kakayahan nila sa kanilang pagnanais. Kahit na hindi sila nagkamit ng mga malinaw na resulta, nakikita ng mga tao na tama ang mga layunin nila, na gusto nilang akayin ang mga tao sa harapan ng Diyos. Gayumpaman, ano ang layunin ng mga anticristo? (Ang makuha ang pagsang-ayon ng mga tao, at pakinggan at sundin sila ng mga tao.) Kaya, ano ang pagkakaiba ng sinasabi nila at ng taong kinakapos ang kakayahan sa pagnanais nito? Ang taong kapos ang kakayahan ay nagsasalita nang mula sa puso, pero hindi niya nakikita ang totoo sa diwa at ugat ng problema; hindi niya ito malinaw na naibabahagi, at sa huli, hindi niya nalulutas ang isyu o natutustusan ang iba. Ngayon, ano ang mga salita ng isang anticristo? Galing ba ang mga ito sa puso niya? (Hindi ito galing sa puso niya.) Malinaw na hindi ito galing sa puso niya: Puro kasinungalingan ang sinasabi niya. Bakit kailangan niyang magsabi ng mga kasinungalingan? Gusto ka niyang dayain at ilihis. Ang ibig niyang sabihin ay, “Natapos ko na ang gawaing dapat kong gawin bilang isang lider, naibahagi ko na ang dapat, at ang lahat ng sinabi ko ay tama. Kung hindi mo tatanggapin ang mga ito at hindi pa rin malulutas ang problema, kasalanan mo ito—huwag mo akong sisihin.” Hindi niya totoong gustong lutasin ang mga problema mo, kundi iniraraos lang niya ang gawain, wala siyang magawa kundi sabihin ang mga tamang bagay na ito para mapanatili ang katayuan niya. Labag sa loob niyang sinasabi ang mga bagay na ito, at kahit na sabihin niya ang mga ito, hindi niya ito ginagawa nang kusa—hindi ito ang tunay na laman ng puso niya. Samakatwid, kadalasan ay natututuhan ng ilang anticristo na magsabi ng ilang tamang salita, tinutulungan ang ibang taong mapagtagumpayan ang pagiging negatibo ng mga ito, pero kapag sila na mismo ang nahaharap sa pagpupungos o sila ay pinalitan, nagiging masyado silang negatibo, hindi nila nagagawang kilalanin nang lubusan ang kanilang sarili, at kinakailangan nilang sumandig sa mga kapatid upang tulungan sila. Nangyari na ba ito? (Oo.) Masyadong madalas nangyayari ang ganitong uri ng bagay. Ang mga salita at doktrinang palaging ipinangangaral ng mga anticristo sa iba ay ni hindi nakakatulong sa kanila. Kaya, sa kaibuturan ba nila nanggagaling ang mga salitang ito? Bunga ba ang mga ito ng mga aktuwal nilang karanasan? (Hindi.) Kung gayon ang mga sinasabi nila ay mga salita at doktrina lamang, hindi repleksyon ng tunay na tayog nila. Ang gawaing ginagawa nila para tulungan ang iba ay binubuo lamang ng paggamit ng mga maling impresyon, kilos, at magandang pag-uugali para iraos ang gawain, para kilalanin, tanggapin, at sang-ayunan sila ng mga tao bilang lider. Sa sandaling kilalanin sila ng mga tao bilang lider ng mga ito, hindi ba’t sumusuko ang mga ito sa kanila? Kung sumusuko ang mga ito sa kanila, hindi ba’t nagkakaroon ng katayuan ang mga anticristo? Hindi ba’t kung gayon ay matatag na ang kanilang katayuan? Ito mismo ang layunin nila. May ilang lider at manggagawang walang pang-unawa sa katotohanan, at kinakapos ang mga kakayahan nila sa kanilang pagnanais habang pinangangasiwaan ang kanilang gawain. Sa pinakamalubhang kaso ay isa itong tanda ng mababang tayog nila at na hindi sila kalipikadong lider. Pero kapag gumagawa ang isang anticristo, hindi niya isinasaalang-alang kung kaya niyang tulungan o suportahan ang mga kapatid o hindi. Iniisip niya lang ang sarili niyang katayuan at mga interes. Ito ang pagkakaiba ng dalawa: Magkaiba ang mga disposisyon nila. Samakatwid, kahit na nagsasabi ang anticristo ng maraming masarap-pakinggang salita, hindi sumasalamin ang mga ito sa kanyang realidad. Sinasabi niya ang mga ito nang labag sa kalooban niya; gumagamit lang siya ng ilang doktrina at islogan na tama sa panlabas, o ng mga salitang umaayon sa sentimyento ng tao, para payuhan ang mga tao at gumawa nang pabasta-basta. Bakit kailangan niyang gumawa nang pabasta-basta? Ito ay dahil kung makakakita siya ng isang taong negatibo o mahina at hindi niya ito tutulungan, sasabihin ng iba na hindi siya gumagawa ng aktuwal na gawain at hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad niya bilang isang lider. Dahil natatakot sa gayong mga paratang, wala siyang magawa kundi ang kumilos. Samakatwid, ang layunin niya ay hindi lang ang gawin ang kanyang mga tungkulin; natatakot siya na kung hindi siya agad darating kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga paghihirap at tulungan at tustusan ang mga ito, na tinutupad ang kanyang mga responsabilidad, hindi na siya susuportahan ng mga ito. Sa susunod na halalan, baka hindi na siya piliin ng mga ito, at hindi na siya magiging tunay na lider, kundi sa halip ay magkakaroon na lang siya ng walang kabuluhang titulo. Ang pagkakaroon lang ba ng walang kabuluhang titulo ang ninanais ng kanyang puso? (Hindi.) Kaya, ano ang gusto niya? Gusto niya ng tunay na kapangyarihan at katayuan, gusto niyang panloob siyang sambahin, suportahan, at sundan ng mga kapatid. Samakatwid, pinagsisikapan niyang mahalal bilang lider sa bawat halalan—iyon ang layunin niya.

Ang ilang tinatawag na lider at manggagawa ay nagiging partikular na masigasig habang papalapit ang halalan, ibinabandera ang kanilang sarili sa lahat ng dako at umaasal nang hindi normal. Ang ganitong mga tao ay puwedeng kauri ng mga anticristo. Kung talagang kaya nilang kumilos nang ganito, kasuklam-suklam iyon! Ang isang taong tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay natural na makokonsensiya sa kanyang puso kapag kumikilos nang may mga motibo at layunin. Dahil napipigilan ng kanyang konsensiya at katwiran, mapagtatanto niyang hindi siya ganoon kasigasig dati, at malinaw na mapapansin ng mga tao ang biglaan niyang sigasig. Maging siya ay nasusuklam sa sarili niya, at mas gugustuhin niyang huwag na lang tumakbo sa halalan kaysa sa kumilos nang ganoon. Dahil napakaraming taon na siyang nananampalataya sa Diyos at nagkaroon na ng kaunting tayog at kahihiyan, sa huli, nagagawa niyang pigilan ang kanyang sarili. Pero ang mga anticristo ay hindi nagpipigil ng kanilang sarili; ginagawa nila ang gusto nila at kumikilos sila kung paano nila naisin. Mayroon silang mga ambisyon at iba’t ibang motibo, mga layunin, at pakana. Alam nila ang lahat ng ito sa kanilang puso, pero ipinagpipilitan pa rin nilang gawin ang mga bagay sa ganitong paraan, palaging iniisip ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Pakiramdam nila ay masyadong malaking kalugihan at hindi kapaki-pakinabang ang paggawa ng mga bagay para sa iglesia at para sa mga kapatid. Samakatwid, inuuna nila ang kanilang sarili sa lahat ng ginagawa nila, at sarili lang nila ang palagi nilang iniisip. Pagdating ng halalan, ginagawa nila ang makakaya nila para mangampanya sa lahat ng lugar, inililihis at inaakit nila ang mga tao para piliin sila ng mga ito, at palihim pa ngang dinaragdagan ng ilang boto ang sarili nila sa gitna ng botohan. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang pagkilos ng mga anticristo sa ganitong paraan? Kung wala silang mga ambisyon, bakit magsisikap sila nang ganoon? Hindi ba’t malinaw na pagkilos ito ng ambisyon? Sa sandaling may magbanggit na ambisyoso ang isang tao, walang positibo rito; walang dudang kasuklam-suklam at kakila-kilabot ang lahat ng ginagawa ng gayong mga tao. Ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay huwad at mapanlinlang; palagi silang gumagamit ng mga pagkukunwari para manlihis ng mga tao. Nakikita ito ng mga taong hindi nakakaalam ng katotohanan tungkol sa usaping ito at nag-iisip, “Labis nang nagsikap ang lider sa mga nagdaang ilang araw na ito, isinakripisyo ang tulog at pagkain, nagtrabaho nang umaga at gabi, nanguna sa lahat ng bagay. Medyo malaki na ang hirap niya, at napagod na nang husto kaya ang laki na ng ipinayat niya—nadagdagan pa nga ang mga uban niya.” Nakikita ito ng ilang kapatid at naaawa sila sa anticristo, at sa huli, sa panahon ng halalan, ibinoboto nila ito. Hindi ba’t naisakatuparan ng anticristo ang kanyang mithiin? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng magpakana at gumamit ng mga taktika, ito ang ibig sabihin ng pagiging buktot. Samakatwid, inililihis ng mga anticristo ang mga tao hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi sa maraming pagkakataon din ay sa pamamagitan ng mga kilos at pag-uugaling tahimik na nagpapahiwatig sa mga tao kung gaano sila kasigasig, gaano kamapagpasakop, at gaano kamapagmalasakit sa mga kapatid. Ginagamit nila ang mga tila mabuti at tamang pagpapahayag at mga panlabas na pagpapanggap na ito para paulit-ulit na sabihin sa mga tao, paulit-ulit na bigyang-diin, at ipaalam sa mga tao na sila ay mga kalipikadong lider, mga mabuting lider na dapat tanggapin ng mga tao. Katulad lang ito ng mga halalan sa mga demokratikong bansa, kung saan nag-iikot-ikot ang mga kandidato at nagtatalumpati, nanghihikayat, at nangangampanya sa lahat ng lugar. Nandaraya pa nga sila sa gitna ng proseso ng botohan. Pero hindi nahihiya ang mga taong ito; sinusunod nila ang paniniwalang “Dapat maging malupit ang isang tunay na lalaki.” Gumagamit sila ng anumang kinakailangang paraan para manalo sa halalan—ito ang kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya. Ginagawa rin ba ito ng mga anticristong ito? Oo! Alang-alang sa kapangyarihan at katayuan, sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga indibidwal na ito ay kumikilos nang masigasig at taimtim sa lahat ng bagay, at pinipiga nila ang kanilang utak para magawa ang mga iyon. Hindi sila ganap na kontento sa kapalaran nila. Kaya, kung ang mga taong matindi ang interes sa kapangyarihan at katayuan, ibig sabihin, ang mga taong hindi makontrol ang kanilang mga ambisyon, ay kalaunang mahahalal bilang mga lider, hindi lamang sila sumusunod sa landas ng mga anticristo; baka maging mga anticristo pa nga sila mismo. May mga ambisyon ba kayo? Kaya ba ninyong kontrolin ang mga ambisyon ninyo sa saklaw ng pagkatao at katwiran? Kung kaya ninyong kontrolin ang mga iyon, makakaiwas kayo sa panganib ng pagsunod sa landas ng mga anticristo, at hindi kayo magiging anticristo at matitiwalag. Kung pakiramdam ninyo ay masyadong mataas ang mga ambisyon ninyo, na madalas kayong gumagamit ng anumang paraan alang-alang sa katayuan, at handa pa ngang isakripisyo ang pagkain at pag-inom, na handa kayong magtiis ng anumang pagdurusa, at handa pa ngang gumamit ng anumang kasuklam-suklam na paraan, kung umabot na kayo sa puntong wala na kayong kahihiyan at mahirap nang kontrolin ang inyong mga ambisyon, may problema—walang duda na isa ka nang anticristo. Kung nagpapakita ka lang ng mga pagpapamalas ng isang anticristo, may pag-asa ka pa rin sa kaligtasan. Pero malayo ka na ba sa panganib? Hindi pa. Kung ipinakikita mo ang mga pagpapamalas na ito ng isang anticristo, ibig sabihin ay salungat ka pa rin sa Diyos, handang labanan at tanggihan Siya sa anumang oras. O marahil, dahil may nagawa ang Diyos na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro, baka siyasatin mo ang Diyos, magkaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya, husgahan Siya, at magpakalat pa nga ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Pagkatapos ay maaaring tanggihan mo ang Diyos at gawin ang gusto mo, at sa huli ay maititiwalag ka ng Diyos. Ang mga bagay na ibinubunyag mo sa anumang oras at saanmang lugar ay puwedeng kumatawan sa iyong disposisyon. Samakatwid, ang mga bagay na ibinubunyag mo sa lahat ng oras at sa bawat lugar ay ang mga paghahayag ng iyong disposisyon. Bakit palagi nating tinatalakay ang mga pagbabago sa disposisyon? Dahil ang isang taong hindi nagbabago ang disposisyon ay kaaway ng Diyos. Ang lahat ng anticristo ay talagang hindi nagsisisi, nangangakong buong buhay silang sasalungat sa Diyos at maninindigan laban sa Kanya hanggang sa huli. Kahit na lihim nilang kinikilala ang pag-iral ng Diyos, na ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan, at na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan, dahil sa kanilang kalikasan, hindi nila kayang baguhin ang landas na kanilang tinatahak, ni baguhin ang diwa ng paglaban sa Diyos at pagiging mapanlaban sa Kanya.

Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang palaging gamitin ang iba’t ibang kalakaran at pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga ambisyon at hangarin, upang ilihis at siluhin ang mga tao, at upang magkamit ng mataas na katayuan para sundin at sambahin sila ng mga tao. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna ng mga ito. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkompetensiya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan para hangarin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanila na sa kanilang mga puso ay magkakamit sila ng lehitimong katayuan, sa pamamagitan ng pagkamit ng pagsang-ayon at paghanga ng ilang tao. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na binubuo ng isang pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang bunga nito ay ang ilihis ang mga tao, pasambahin ang mga ito at pasunurin sa kanila—kaya nga, ang pagganap sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia—ay hindi kailanman magbabago. Sila ay walang pasubaling anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa alinman sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, nananatili pa rin ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, nananahan pa rin ang mga ito sa kanilang puso at kinokontrol ang kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Sila ay totoong anticristo. Ano ang nakikita higit sa lahat sa mga anticristo? Ang ilang tao ay sinasabing, “Ang mga anticristo ay nakikipagpaligsahan sa Diyos upang magkamit ng mga tao, hindi nila kinikilala ang Diyos.” Hindi naman sa hindi nila kinikilala ang Diyos; sa kanilang puso ay tunay na kinikilala nila Siya at naniniwala sila sa Kanyang pag-iral. Handa silang sundan Siya at nais nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kaya gumagawa sila ng kasamaan. Bagama’t maaaring nagsasabi sila ng mga bagay na maganda kung pakikinggan, isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais para sa kapangyarihan at katayuan. Hindi nila kailanman isusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan dahil sa kabiguan o balakid, o dahil isinantabi na sila ng Diyos o pinabayaan sila. Gayon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya anong masasabi mo, may anticristo na bang nagbago ng kanyang mga gawi at nagsimulang maghangad sa katotohanan dahil dumanas siya ng paghihirap, o nakaunawa siya ng kaunti sa katotohanan, at nagkaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos—may ganoon bang mga tao? Hindi pa tayo kailanman nakakita ng ganoon. Hindi kailanman magbabago ang ambisyon at paghahangad ng mga anticristo sa katayuan at kapangyarihan, at sa sandaling makahawak sila ng kapangyarihan, hindi na nila ito kailanman bibitiwan; tumpak nitong natutukoy ang kanilang kalikasang diwa. Walang ni katiting na pagkakamali sa pagtukoy ng Diyos sa ganoong mga tao bilang mga anticristo; natukoy ito ng mismong kalikasang diwa nila. Marahil ay may ilang taong naniniwala na sinusubukan ng mga anticristong makipagkompetensiya sa Diyos para sa sangkatauhan. Gayumpaman, minsan ay hindi naman talaga kailangang makipagkompetensiya ng mga anticristo sa Kanya; ang kanilang kaalaman, pang-unawa, at pangangailangan sa katayuan at kapangyarihan ay hindi tulad ng sa mga normal na tao. Ang mga normal na tao ay puwedeng maging hambog minsan; puwede nilang subukang makakuha ng pagkilala sa iba, subukang makapagbigay ng magandang impresyon sa mga ito, at subukang makipagkompetensiya para sa magandang posisyon. Ito ang ambisyon ng mga normal na tao. Kung papalitan sila bilang mga lider, mawawala ang kanilang katayuan, magiging mahirap ito para sa kanila, pero sa pagkakaroon ng pagbabago sa kanilang kapaligiran, sa kaunting paglago ng kanilang tayog, sa pagtatamo ng kaunting pagpasok sa katotohanan, o sa pagkakamit ng mas malalim na pang-unawa sa katotohanan, unti-unting humuhupa ang kanilang ambisyon. Nagkakaroon ng pagbabago sa landas na tinatahak nila at sa direksyong tinutungo nila, at naglalaho ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Pati ang mga pagnanais nila ay unti-unting nababawasan. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo: Kahit kailan ay hindi nila kayang isuko ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Sa anumang oras, sa anumang kapaligiran, at kahit sino pang mga tao ang nasa paligid nila at kahit gaano pa katanda ang mga ito, hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais. Ano ang nagpapahiwatig na hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon? Sabihin natin, halimbawa, na lider sila ng iglesia. Sa kanilang puso, palagi nilang iniisip kung paano nila makokontrol ang lahat ng tao sa iglesia. Kung ililipat sila sa isa pang iglesia kung saan hindi sila ang lider, masaya ba silang maging normal na tagasunod? Tiyak na hindi. Iisipin pa rin nila kung paano magkakamit ng katayuan, at kung paano kokontrolin ang lahat ng tao. Saan man sila magpunta, ninanais nilang mamuno na parang hari. Kahit na ilagay sila sa isang lugar na walang mga tao, sa isang kawan ng mga tupa, gugustuhin pa rin nilang mamuno sa kawan. Kung isasama sila sa mga aso at pusa, gugustuhin nilang maging hari ng mga aso at pusa, at maghari sa mga hayop. Nilalamon sila ng ambisyon, hindi ba? Hindi ba’t malademonyo ang mga disposisyon ng ganoong mga tao? Hindi ba’t mga disposisyon ito ni Satanas? Ganoon lang talaga si Satanas. Sa langit, ninais ni Satanas na maging kapantay ng Diyos, at pagkatapos itapon sa lupa, palagi nitong sinusubukang kontrolin ang tao, para sambahin ito ng tao at ituring itong Diyos. Palaging ninanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao dahil mayroon silang satanikong kalikasan; namumuhay sila ayon sa kanilang satanikong disposisyon, na lumagpas na sa katwiran ng mga normal na tao. Hindi ba’t medyo abnormal ito? Ano ang tinutukoy ng abnormalidad na ito? Ibig sabihin nito ay hindi dapat makita sa normal na pagkatao ang pag-uugali nila. Kaya, ano ang pag-uugaling ito? Ano ang kumokontrol dito? Kinokontrol ito ng kanilang kalikasan. Taglay nila ang diwa ng isang masamang espiritu, at hindi katulad ng normal na tiwaling sangkatauhan. Ito ang pagkakaiba. Ang katunayang gagawin ng mga anticristo ang lahat para sa paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay hindi lamang naglalantad sa kanilang kalikasang diwa, kundi nagpapakita rin sa mga tao na ang kasuklam-suklam nilang mukha ay ang mismong mukha ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lamang sila nakikipagkompetensiya sa mga tao para sa katayuan, nangangahas din silang makipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan. Makukontento lang sila kapag naagaw na nila ang hinirang na mga tao ng Diyos at ganap nang napasailalim ang mga ito sa kanilang pagkontrol. Kahit pa sa aling iglesia o grupo ng mga tao nabibilang ang mga anticristo, gusto nilang magkaroon ng katayuan, humawak ng kapangyarihan, at mahikayat ang mga taong makinig sa kanila. Pumapayag man o sumasang-ayon ang mga tao, gusto ng mga anticristo na sila ang may huling pasya at na sundin at tanggapin sila ng mga tao. Hindi ba’t kalikasan ito ng isang anticristo? Payag ba ang mga taong makinig sa kanila? Inihahalal at nirerekomenda ba sila ng mga ito? Hindi. Pero gusto pa rin ng mga anticristo na sila ang may huling pasya. Sumasang-ayon man ang mga tao o hindi, gusto ng mga anticristong magsalita at kumilos para sa mga ito, gusto nilang mapansin. Sinusubukan pa nga nilang ipilit sa mga tao ang mga ideya nila, at kung hindi ito tatanggapin ng mga tao, pipigain ng mga anticristo ang utak nila sa pagsubok na tanggapin ito ng mga tao. Ano ang problemang ito? Kawalan ito ng kahihiyan at pagiging garapal. Ang ganitong mga tao ay mga tunay na anticristo, at mga lider man sila o hindi, mga anticristo pa rin sila. Taglay nila ang kalikasang diwa ng isang anticristo.

May ilang tao na palaging naglalagay ng malaking importansya sa pagtuklas kung sino ang mga lider ng iglesia, kung sino ang sangkot sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung saan nakatira ang lahat ng ito, kung sino ang malalapit sa mga ito, at iba pa. Gaya ng mga tagapagmanman ni Satanas, palagi nilang inuusisa at inaalam ang mga bagay na ito. Bakit palagi silang interesado sa mga bagay na ito? Maraming tao ang hindi makaarok sa mga motibo nila; pakiramdam lang nila na medyo kakatwa ang mga indibidwal na ito. Karamihan ng mga tao ay hindi interesado sa mga bagay na ito; abala na sila sa mga sarili nilang tungkulin at walang panahon para manghimasok. Nakatutok sila sa paggawa ng mga sarili nilang tungkulin at nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi nila namamalayan, nagbabago na ang kanilang mga disposisyon—biyaya ito ng Diyos. Gayumpaman, may isang uri ng tao na masyadong masigasig sa pag-uusisa at pagtuklas sa lahat ng uri ng bagay tungkol sa iglesia. Kapag nakakatagpo siya ng isang lider, tinatanong niya, “Paano ninyo pinangasiwaan ang masamang taong si Ganito-at-ganyan sa iglesia?” Sumasagot ang lider, “Dapat mo bang malaman kung paano namin ito pinangasiwaan? Bakit inuusisa mo ito? Kilala mo ba ang taong iyon?” Sinasabi ng taong iyon, “Interesado lang ako, alam mo na? Usapin ito ng sambahayan ng diyos. Bilang mga miyembro ng sambahayan ng diyos, dapat maging masigasig tayo at pagtuunan natin ng pansin ang mga usapin ng kanyang sambahayan. Paanong hindi tayo magiging interesado sa mga iyon?” Sinasabi sa kanya ng lider, “Hindi mo dapat usisain ang bagay na ito. Pagtuunan mo ang pakikinig sa mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ang wastong gawain mo. Sapat na para sa iyong manampalataya nang maayos sa Diyos.” Ipinagpipilitan ng taong iyon, “Hindi puwede iyon, kailangan kong maging interesado.” Dahil walang sumasagot sa kanya, iniisip niya kung saan siya pupunta at mag-uusisa. Nang mag-host ang mga nakakataas na lider ng pulong ng magkakatrabaho sa bahay ng mga ito, pakiramdam niya ay tila medyo hindi makatwiran na pumasok at makisali, kaya nagpanggap siyang magdadala ng tubig, at nagtanong kung ang masamang taong iyon ay pinatalsik o pinayagang manatili. Nang walang sumagot sa kanya, lumabas siya at iniawang nang kaunti ang pinto, palihim na nakikinig doon. Hindi ba’t may sakit sa pag-iisip ang taong ito? Oo, may sakit ito sa pag-iisip; sa kolokyal na salita, pagiging “pakialamero” ang tawag natin dito. Tiyak na may mga ambisyon ang gayong tao. Gusto niyang maging lider, pero hindi niya magawa, kaya nanghihimasok siya sa mga usapin ng iba upang palubagin ang loob niya, at kasabay niyon, sinisiguro niyang makikita ng mga tao na marami siyang alam at may pambihira siyang kabatiran. Sa ganitong paraan, puwede siyang mapili bilang lider sa hinaharap. Upang maging isang lider, gusto niyang makibahagi sa lahat ng bagay, magtanong tungkol sa lahat ng bagay, at malaman ang lahat ng bagay. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng pakikisangkot sa mga bagay na ito sa araw-araw, kahit na hindi siya maging isang lider, magiging tagapangasiwa pa rin siya ng mga bagay, at masisiguro niyang titingalain siya ng mga tao. Wala siyang kahit kaunting interes sa katotohanan; interesado lang siya sa panghihimasok sa mga usapin ng ibang tao—nagpapakadalubhasa siya sa pag-uusisa sa mga bagay na gusto niyang malaman. Saanman may isyu, nandoon siya, umaaligid na parang isang nakakayamot na langaw. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang ganitong mga tao? Ganito katindi ang kaguluhan ng isip nila, pero napakasigla naman nila—hindi lang nila naiisip na gumawa ng anumang wastong gawain. Ginagawa nila ang tungkulin ng pagpapatuloy ng mga tao sa kanilang tahanan, pero ayaw nilang lampasuhin ang sahig ng kusina kahit na marumi na ito. Naniniwala silang nangangasiwa sila ng mahahalagang bagay, at ang paglalampaso ng sahig ay isang bagay na ginagawa ng mga karaniwang tao. Sa uri ng kakayahan nila ay hindi sila puwedeng gumawa ng gayong mabababang gawain. Hindi talaga sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, hindi nila kayang pangasiwaan ang gawaing bahagi ng sarili nilang tungkulin, hindi nila kayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at hindi nila ginagawa ang mga bagay nang sinsero o sa isang praktikal na paraan; sa halip, sabik silang mag-usisa sa gawain ng iglesia, pati na sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa mga lider, manggagawa, at kapatid sa iglesia. Gusto nilang ibigay ang opinyon nila sa lahat ng bagay, at kung ayaw makinig sa kanila ng mga tao, sinasabi nila, “Kung hindi ka makikinig sa mga sinasabi ko, magdurusa ka ng kawalan!” Hindi ba’t wala ito sa katwiran? (Oo.) Samakatwid, ang ilang anticristo ay nakatago; hindi naman talaga nila kailangang magkaroon ng katayuan. Kahit na wala silang katayuan, aktibong-aktibo pa rin sila. Kung magkakaroon sila ng katayuan, magiging gaano pa sila kalubha? Gaano pa kataas ang lulundagin nila? Kahit na ikamatay nila ang pagkahulog ay ayos lang sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, kung mapipiling mga lider ang gayong mga tao, magkakaroon kaya ng masayang buhay ang mga hinirang ng Diyos? Ang ilang anticristo ay nakatago—ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, hindi nagiging anticristo ang mga anticristo kapag nagkaroon sila ng katayuan; sa simula pa lang ay mga anticristo na sila. Iyon nga lang ay mababa ang tayog ng mga tao at hindi nila nakikilatis ang mga ito, o marahil may ilang iglesia na hindi makahanap ng mga taong naghahangad sa katotohanan, pinipili nila ang mga masigasig na taong ito na kayang magplano ng mga bagay-bagay at mag-asikaso ng mga gawain bilang mga lider nila. Sa ngayon, huwag nating talakayin kung tama o mali ang pagpili sa kanila bilang mga lider; pagtuunan natin kung ano ang dapat gawin sa sandaling matuklasang mga anticristo sila. Dapat silang malantad at matanggihan. Kung matutukoy na anticristo ang isang tao at matatanggal sa kanyang posisyon, dapat bang mapili ulit ang gayong tao bilang lider sa hinaharap? (Hindi, hindi dapat.) Bakit? (Hindi magbabago ang kalikasan niya.) Ang sinumang matutukoy bilang isang anticristo ay hindi na dapat muling mapili bilang lider dahil hindi magbabago ang kanyang kalikasang diwa. Ang mga anticristo ay nagtatrabaho lang kay Satanas; mga alipin lang sila ni Satanas. Hindi sila kailanman gagawa ng anumang bagay o magsasabi ng anumang bagay alang-alang sa katotohanan. Ang diwa ng isang anticristo ay ang maging mapanlaban sa Diyos, maging tutol sa katotohanan, at tanggihan ito at tratuhin ito nang may panghahamak. Hindi magbabago ang kalikasan niya. Kung hindi pa nagiging lider ang ganitong mga tao, hindi sila dapat mapili, at kung dati na silang naging lider pero natanggal, magbabago ba sila kung magiging mga lider ulit sila sa hinaharap? (Hindi, hindi sila magbabago.) Mga anticristo pa rin sila. Tinutukoy ito ng kalikasang diwa nila.

II. Isang Paghihimay Kung Paano Inaakit ng mga Anticristo ang mga Tao

Katatapos lang nating talakayin ang mga pagpapamalas ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao. Halos iisa lang ang ibig sabihin ng panlilihis at pang-aakit, pero nagkakaiba ang mga ito kapwa sa kalikasan at sa pamamaraan. Ang panlilihis ay paggamit ng mga pagkukunwari para magligaw ng mga tao, pinapaniwala sila na totoo ang mga iyon. Ang pang-aakit ay sadyang paggamit ng ilang paraan para mahikayat ang mga taong pakinggan ang isang partikular na tao at sundan ang landas nito—napakalinaw ng layunin nila. Ang panlilihis at pang-aakit ay may kaakibat na paggamit ng tila mga tamang salita upang manlihis ng mga tao, pagsasabi ng mga bagay na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at na agad na tinatanggap ng mga tao upang ilihis ang mga ito. Hindi namamalayan ng mga tao na nagsisimula na ang mga itong maniwala at sumunod sa kanila, pumanig sa kanila at sumapi sa grupo nila. Sa ganitong paraan, inilalayo ng mga anticristo ang mga tao sa isang tamang grupo ng mga tao at papunta sa sarili nilang kampo. Sa madaling salita, kung tatanggapin ng mga tao ang gayong mga kilos ng mga anticristo, maaaring sampalatayanan at sambahin nila ang mga anticristo, at pagkatapos ay tanggapin at sumunod sa lahat ng sinasabi ng mga anticristo, hindi namamalayang nagsisimula na silang sumunod sa mga ito. Hindi ba’t naloko at nalinlang na sila? May ilang anticristo na madalas gumamit ng mga partikular na taktika upang maisakatuparan ang kanilang mithiing manlihis at mang-akit ng mga tao habang nakikisalamuha at nakikipag-usap sa mga ito, na nagreresulta sa mga pagkakabaha-bahagi, paksyon, at grupo sa loob ng iglesia. Halimbawa, kung ang isang anticristo ay galing sa Timog at makakatagpo ng isa pang taga-timog, maaaring sabihin ng anticristo, “Pareho tayong taga-timog: Lumaki tayong umiinom ng tubig mula sa iisang ilog, at pareho ang wika natin. Hindi natin kapareho ng wika ang mga taga-Hilaga—imposible tayong mapalapit sa kanila! Bagama’t iisa ang diyos na pinananampalatayanan natin, ang mga gawi nila sa buhay bilang mga taga-hilaga ay naiiba sa atin, at hindi magkatugma ang mga personalidad natin. Wala tayong mapapag-usapan. Kaya, ikaw at ako ay parang magkapamilya na at kailangan nating suportahan ang isa’t isa.” Maaaring tila makatwiran ito, na parang nagpapahayag lang siya ng isang partikular na pananaw, ngunit may motibo at layunin ang pagsasabi niya rito, at dapat na maging mapagkilatis ang mga tao. Sa realidad, ang sinasabi ng anticristo ay hindi ang nilalaman ng puso niya; isa siyang hunyango, ibinabagay ang kanyang mga salita depende sa taong kausap niya. Kapag mga taga-hilaga ang nakakatagpo ng anticristo, maaari niyang sabihin, “Ang ganda ng Hilaga; sariwa ang hangin doon. Bagama’t ipinanganak ako sa Timog, lumaki akong umiinom ng tubig ng hilaga. Kahit paano ay magkalapit na tayo dahil doon!” Kapag narinig ito ng mga taga-hilaga, maaaring maramdaman ng mga itong medyo mabuting tao ang anticristo at magsisimulang makisama sa kanya. Lubhang bihasa ang anticristo sa panlilihis ng mga tao at pang-aakit sa mga ito, gumagamit ng iba’t ibang taktika upang hatiin ang iglesia, na nagdudulot sa mga taga-timog at taga-hilaga na bumuo ng magkakaibang grupo, lahat para sa sariling pakinabang ng anticristo, upang maisakatuparan ang mithiin niyang magtipon at bumuo ng sarili niyang puwersa ng paksyon. Lalo na sa panahon ng mga halalan sa iglesia, kung makikita ng anticristo na maaaring mahalal ang isang kapatid na taga-hilaga, gumagawa siya ng mga pailalim na operasyon, palihim na pinapalitan ang mga boto, at sa huli, ang lahat ng nahahalal na lider ng iglesia at mga diyakono ay galing sa Timog. Ginagawa ng mga anticristo ang lahat upang ilihis ang mga tao at akitin ang mga ito, nagdudulot ng mga pagkakabaha-bahagi at paksyon at ginagamit ang mga pamamaraang ito upang hatiin at kontrolin ang iglesia. Ano ang layunin nila sa paggawa nito? (Ang magtatag ng sarili nilang nagsasariling kaharian.) Ano ang kalikasan ng pagtatatag ng isang nagsasariling kaharian? Ibig sabihin nito ay pagiging hindi maipagkakasundo kay Cristo, inaangkin ang mga hinirang na mga tao ng Diyos para sa kanyang sarili, at lumalaban sa Diyos bilang kapantay Niya. Hindi ba’t parang pagtatanghal ito ng isang katunggaling palabas na laban sa Diyos? (Oo.) Iyon mismo iyon. Kaya, ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos ng mga anticristo nang ganito? Lubhang nagagambala at nagugulo ng kanilang mga kilos ang gawain ng iglesia, at direktang sinasalungat ng mga ito ang disposisyon ng Diyos. Poot ang itutugon sa kanila ng Diyos, at ang lahat ng gayong anticristo ay tiyak na haharap sa kaparusahan at pagkawasak—walang duda rito. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang 250 na lider na humusga kay Moises ay tumanggap ng direktang kaparusahan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, ang mga taong nagpako sa krus sa Panginoong Jesus ay humarap din sa direktang kaparusahan; isinumpa sila at masama ang naging katapusan nila. Ito ang kalalabasan ng paglaban ng mga anticristo sa Diyos at ang nararapat na katapusan para sa mga taong lumalaban sa Diyos.

Paano gumagamit ang mga anticristo ng iba’t ibang pamamaraan upang mang-akit ng mga tao para hatiin ang iglesia? Una, mang-aakit ang isang anticristo ng mga taong may mga kaloob at mahusay magsalita, binibigyan muna ng magandang impresyon ang mga taong ito, pinalalawak ang saklaw ng sarili niyang puwersa sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan. Hindi niya papansinin o maaari pa nga niyang ibukod ang mahihirap na tao o ang mga tao na mas mahina ang kakayahan o na medyo walang muwang. Kung sinuman ang may katayuan at kayamanan sa lipunan, mag-iisip siya ng paraan upang makuha ang loob ng mga taong ito, habang ang mga kapatid na sinserong gumugugol ng kanilang sarili ngunit kaunti lang ang pera, o ang mga taong mababa ang katayuan sa lipunan, walang maipagmamalaking puwersa, at madaling maapi ng iba, ay tutukuyin na mabababang miyembro sa iglesia. Sa ganitong paraan, ang isang iglesia na may ilang dosenang miyembro ay hindi mapapansing nahahati sa dalawang uri ng tao. Sino ang may kagagawan nito? (Ang mga anticristo.) Gagawin ng mga anticristo ang ganoong mga bagay. Kung matutuklasan ng isang mabuting lider na tunay na nakauunawa sa katotohanan ang ganitong sitwasyong lumilitaw sa loob ng iglesia, gagamitin niya ang katotohanan upang lutasin ito. Hindi niya hahayaang mapaghiwa-hiwalay ang mga tao sa iglesia ayon sa posisyon o mauri batay sa katayuan ng mga ito sa lipunan, hindi rin niya hahatiin ang iglesia. Titiyakin niyang ang lahat ng kapatid, saan man nagmula ang mga ito o may anumang katayuan man ang mga ito sa lipunan, ay nagkakaisa sa mga salita ng Diyos at sa harapan ng Diyos. Ang mga anticristo naman, sa kabilang banda, bukod sa hindi na nila nilulutas ang gayong mga problema, ginagamit pa nga nila ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao upang maisakatuparan ang mga mithiin nila. Hinahanap nila ang mga taong may katayuan sa lipunan at may kayamanan at inaakit ang mga ito. Paano nila inaakit ang mga ito? Maaari nilang sabihing, “Ang katayuan mo sa lipunan ay isang pagpapala mula sa diyos na iniatas ng diyos. Dapat mong gamitin ang kalagayan mo upang tuparin ang iyong tungkulin sa sambahayan ng diyos. Isa na akong lider ngayon, at medyo kilala ako sa lugar na ito dahil sa pananampalataya ko. Labis akong inuusig ng pamilya ko, at may ilang panganib na kaakibat ang aking posisyon ng pamumuno. Kailangan ko ng mga taong katulad mo upang tumulong na panatilihin akong ligtas. Kung magagawa mo iyon para sa akin, tatanggap ka ng malalaking pagpapala sa hinaharap, at mabilis na uunlad ang buhay mo!” Ganito inaakit at tinutukso ng mga anticristo ang mga tao na sumunod sa kanila. Kung magugustuhan ng isang anticristo ang isang tao o makikitang kapaki-pakinabang ito, isinasaayos niyang magkaroon ito ng madadaling tungkulin o mga tungkulin kung saan maaari itong mapansin ng marami, ginagawa ang lahat ng makakaya niya upang itaas ang posisyon nito. Wala siyang pakialam kung naaabot nito ang mga prinsipyo sa paggamit ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Basta’t ang taong ito ay may katayuan sa lipunan at maaaring maging kapaki-pakinabang sa kanya, inaakit niya ito. Upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, nakikipaglapit, binobola, at inaakit ng mga anticristo ang mga taong may kayamanan at katayuan sa lipunan, habang kinakamkam ang mga pakinabang para sa kanilang sarili. May pangalawang pamamaraan pa sila ng pang-aakit sa mga taong may pera, kapangyarihan, at katayuan, iyon ay, ang pagpapalayaw sa mga ito. Ang ganoong mga tao ay madalas na gumagawa ng masama sa loob ng iglesia, na nakakabawas sa kasiglahan ng mga kapatid at nakakagulo sa buhay iglesia. Masayang pinanonood ng mga anticristo ang mga ito at hinahayaan ang mga itong gumawa ng anumang maling gawang gusto ng mga ito. Ano ang layunin ng pagpapalayaw ng isang anticristo? Ito ay para pa rin akitin ang mga ito at pagkakitaan ang mga ito sa sandaling maakit na ang mga ito. Nagkukunwari pa nga ang mga anticristo na sabihin sa mga ito, “Bagama’t pinili ninyo ako bilang lider, at responsabilidad kong pangunahan kayo, hindi lang sa akin ang iglesia na ito. Hindi puwedeng ako lang ang magdedesisyon sa loob ng iglesia. Kailangan din ninyong tumulong; kung may mangyayari ay puwede rin kayong tumulong sa pagpapasya—ito ang ibig sabihin ng pakikipagtulungan.” Sinasabi nila ito sa mga taong mayaman, maimpluwensiya, at kapaki-pakinabang sa kanila, ginagawa nila ang makakaya nila upang akitin ang mga indibidwal na ito, hanggang sa umabot sila sa puntong kaya na nilang kontrolin ang mga ito. Gayumpaman, para sa mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos pero walang pera, katayuan sa lipunan, o anumang maliwanag na pakinabang, labis ang pagsisikap nila para ibukod, atakihin, o basta balewalain ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng pambabalewala nila? “Kung ang iilan sa atin ay magsasama-sama at magiging moog na bakal, tantiya ko na kayong mga karaniwang tao ay walang magagawang anumang mahalagang epekto. Kung makikinig ka sa mga salita ko nang masunurin, pahihintulutan kitang magpatuloy sa pananampalataya. Ngunit kung patuloy kang maghahanap ng mali, magpapahayag ng mga opinyon mo tungkol sa akin, o isusumbong ako sa mga nakatataas, parurusahan at patatalsikin kita!” Ito ang plano nila. May ilang taong walang pagkilatis at natatakot, nagsasabing, “Hindi natin sila dapat salungatin. Nakabuo na sila ng sarili nilang paksyon, at hindi natin kakayanin iyon. Wala masyadong halaga ang mga salita natin, at kung aksidente tayong makapagsasabi ng bagay na makakapagpasama ng loob nila, at talagang patatalsikin tayo ng lider, mawawalan tayo ng pagkakataong manampalataya sa Diyos.” Takot na takot ang mga taong ito. Habang ang mga anticristo ay nang-aakit ng mga tao, nakapaloob sa pag-uugaling ito ang isang buktot, malupit, at mapaminsalang disposisyon. Ano ang layunin nila sa pang-aakit ng mga tao? Ito ay para din patatagin ang kanilang posisyon. Ano ang layunin nila sa pagbuo ng mga samahan o grupo? Ito ay ang palawakin ang saklaw ng puwersa nila, ang suportahan sila ng mga tao, na lalo pang nagpapatatag ng kanilang kapangyarihan at katayuan. May nakatagpo na ba sa inyo ng ganitong mga bagay? Kapag kinokontrol ng isang anticristo ang isang iglesia, ang sinumang may pera, katayuan, o dominante ay nagsasama-sama upang suportahan siya, at sama-sama silang humahawak ng kontrol, nagiging isang paksyon, isang grupo ng apat, lima, o anim na tao. Walang sinumang pinahihintulutan na magsiwalat ng mga isyu nila. Inaakit ng anticristo ang mga taong ito dahil mahirap para sa kanyang kontrolin ang mga ito. Dapat niyang akitin nang husto ang mga ito, gawing mga alalay niya ang mga ito, sa gayon ay napapatatag ang kanyang posisyon. Higit pa rito, may halaga ang mga taong ito na maaaring samantalahin ng anticristo. Ang pamamaraan niya sa pang-aakit sa mga ito, sa isang kahulugan, ay isang paraan upang patahimikin ang mga ito at pigilan sila na maging banta sa posisyon niya.

Tungkol sa aspektong ito ng pang-aakit ng mga anticristo sa mga tao, katatapos lang nating talakayin ang dalawang pagpapamalas. Nangyayari ba ang ganitong mga bagay sa inyong iglesia? Sabihin ninyo sa Akin, nangyayari ba ang ganitong uri ng bagay? (Oo.) Talagang nangyayari ito. Kaya, sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa pang-aakit sa mga tao, ano pa ang ilang pagpapamalas na nagtataglay ng kalikasan ng pang-aakit ng mga anticristo sa mga tao? Ano ang mga kahihinatnan ng pang-aakit sa mga ito? Bakit gusto ng mga anticristong mang-akit ng mga tao? Kung hindi sila mang-aakit ng mga tao, maisasakatuparan ba nila ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao? (Hindi.) Dapat silang magdala sa harapan nila ng mga taong nakikinig sa kanila at umaayon sa kalooban nila, upang magkaroon sila ng posisyon at magkaroon ng mga mapaggagamitan ng awtoridad. Kung walang sinuman sa paligid ang makikinig sa kanila, hindi ba’t hindi nila matutupad ang ambisyon nila para sa katayuan at kapangyarihan? Samakatwid, kapag naakit na nila ang bawat uri ng tao na puwedeng maakit, saka lang sila nagkakamit ng posisyon at kapangyarihan. Paano nila pinakikitunguhan ang mga taong hindi naaakit? (Ibinubukod at inaatake nila ang mga ito.) Sinisimulan nilang atakihin at ibukod ang mga ito. Hindi ba’t nagkaroon na ng mga anticristo na ginawang mga diumano’y “tagasuri” ang mga tao sa iglesia na hindi naaakit? Ang mga sermon, himno, at aklat ng mga salita ng Diyos na inilabas ng iglesia ay talagang hindi ibinibigay sa mga taong ito, o hindi ipinaaalam sa mga ito ang mga pagtitipon sa loob ng mahabang panahon. Talagang umiiral ang gayong mga bagay, at ang mga iyon ay pawang mga bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi tinanggal ng iglesia ang pangalan ng mga taong inaatake at ibinubukod ng mga anticristo, hindi umalis ang mga ito nang kusang-loob, at hindi boluntaryong tumigil ang mga ito sa pagdalo sa mga pagtitipon. Silang lahat ay mga sinserong mananampalataya ng Diyos, ngunit dahil may kaunti silang pagkilatis tungkol sa mga anticristo, madalas silang ibinubukod at hindi agad nakakakuha ng mga aklat ng mga salita ng Diyos o ng mga sermon, himno, at ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain na inilalabas ng iglesia, hindi rin nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga taong mas mababa sa mga anticristo, ibig sabihin, ang mga taong nagagawang makinig sa kanila, na naakit nila at sumuko sa kanila, ay nauunang nakakakuha ng iba’t ibang aklat at video na ipinamimigay ng sambahayan ng Diyos, tinatamasa ang magandang pagtrato na ito. Sa gayon ang iglesia ay nasasadlak sa kaguluhan at nahahati dahil sa pag-uugali at mga kilos ng mga anticristo, at nababalisa ang puso ng mga tao.