Ikalabintatlong Aytem: Kinokontrol Nila ang mga Pananalapi ng Iglesia at Kinokontrol din Nila ang Puso ng mga Tao (Ikatlong Seksiyon)

B. Winawaldas, Nilulustay, Ipinahihiram, Ginagamit nang May Pandaraya, at Ninanakaw ang mga Handog

1. Winawaldas ang mga Handog

Iniisip ng mga anticristo na ang pagkakaroon ng katayuan at awtoridad ay nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog. Kung gayon, paano nila inilalaan at ginagamit ang mga handog kapag nasa kanila na ang kapangyarihang iyon? Ginagawa ba nila ito ayon sa mga tuntunin ng iglesia o sa mga prinsipyong nauukol sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia? Kaya ba nilang gawin ito? (Hindi, hindi nila ito kayang gawin.) Ang katunayang hindi nila kaya ay may kaugnayan sa maraming bagay. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga anticristo, hindi nila maiiwasang gawin ang ilang bagay na may kinalaman sa gawain ng iglesia, at ang isang bahagi ng gawaing ito ay kinapapalooban ng mga pagkakagastusan at pinaglalaanan ng pag-aari ng iglesia. Kung ganoon, ano ang mga prinsipyong sinusunod nila sa paglalaan ng pag-aari ng iglesia? Ito ba ay para makatipid? Ito ba ay para maging metikuloso sa pagpaplano ng mga pagkakagastusan, para makatipid hangga’t maaari? Ito ba ay para isaalang-alang ang sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay? Hindi. Kahit puwede naman silang magbisikleta papunta sa isang lugar, gagastos pa rin sila ng pamasahe sa bus. At kapag hindi maginhawa at komportable sa kanila na laging mag-bus o umarkila ng sasakyan, iniisip na nilang gamitin ang pera ng sambahayan ng Diyos para bumili ng sasakyan. Habang tumitingin-tingin sila ng sasakyang bibilhin, inaayawan nila ang mga modelong mababa ang presyo at pangkaraniwan lang ang lakas ng makina, at partikular nilang pinipili ang isang sasakyang malakas ang makina, isang modelong may kilalang tatak na direktang inangkat mula sa ibang bansa, na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong RMB. Iniisip nila, “Hindi ito malaking isyu, at ano’t anuman, ang sambahayan naman ng diyos ang magbabayad, at pera naman ng lahat ang pera ng sambahayan ng diyos. Walang mahirap sa sama-samang pagbili ng lahat ng isang sasakyan. Napakalaki ng sambahayan ng diyos, ang buong mundo ng sansinukob ay pagmamay-ari ng diyos, kaya napakalaking isyu ba kung bibili ang sambahayan ng diyos ng isang sasakyan? Sa mundo ni Satanas, lahat ng sasakyang minamaneho ng mga tao ay nagkakahalaga ng ilang milyong RMB, kaya medyo nakatipid na kung bibili ang ating iglesia ng sasakyan sa halagang isang milyong RMB lang. At saka, hindi lang naman ako ang gagamit ng sasakyan, buong iglesia ang gagamit nito.” Sa sandaling ibuka ng mga anticristo ang kanilang bibig, lalabas na ang mahigit isang milyong RMB, nang hindi man lang sila kumukurap o kinakabahan, at nang hindi man lang nakokonsensiya. Pagkabili sa sasakyan, nagpapakasaya na sila rito. Hindi na sila nagpupunta sa mga lugar na dapat sana ay nilalakad na lang nila, hindi na sila nagbibisikleta patungo sa mga lugar na dapat sana ay binibisikleta na lang nila, at hindi na sila umaarkila ng mga sasakyan para sa mga lugar na maaari nilang puntahan gamit ang arkiladong sasakyan; sa halip, pilit nilang ginagamit ang sarili nilang sasakyan. Talagang nagmamagaling sila, na para bang kaya na nilang makagawa ng mga dakilang gawain. Napakaaksayado ng mga anticristo sa pera, lahat ng binibili nila ay kailangang maganda, mamahalin, at moderno. Halimbawa, maaaring ilang sampung libong RMB ang diperensiya sa presyo sa pagitan ng pangkaraniwan lang at ng mamahaling mga modelo ng ilang partikular na uri ng makinarya at kagamitan. Sa mga ganitong sitwasyon, gugustuhin ng mga anticristo na bilhin ang mamahaling modelo, basta’t hindi nila sariling pera ang kanilang gagastusin, hinding-hindi naman sila maaapektuhan kahit gawin nila ito. Kung sarili nilang pera ang ipambabayad, hindi sila makakabili ng kahit isang pangkaraniwan o mababang modelo, pero kapag sinabi mong ang sambahayan ng Diyos ang magbabayad nito, gugustuhin nila ang mamahaling modelo. Hindi ba’t mga halimaw ito? Hindi ba’t wala sila sa katwiran? Hindi ba’t pagwawaldas ito sa mga handog? (Oo.) Mababa ang pagkatao ng mga taong nagwawaldas ng mga handog, sila ay makasarili at kasuklam-suklam! Kapag nakamit na ng mga anticristo ang kapangyarihang gamitin ang mga handog, nais nilang angkinin ang mga handog, ginagamit ang mga ito nang hindi man lang isinasaalang-alang ang mga prinsipyo, at pilit na kinukuha ang mga mamahaling aytem sa bawat pagbili. Kapag nagtitingin sila ng salamin sa mata, gusto nila ang mga mamahaling klase, ang mga klase na may proteksyon sa asul na liwanag at mga ultraviolet ray, na may pinakamalilinaw na lente, at kapag nagtitingin sila ng kompyuter, gusto nila ang mamahaling klase, iyong pinakabagong modelo. May mapaggagamitan man sila o wala ng iba’t ibang kasangkapan at kagamitang ito sa kanilang mga tungkulin, kapag napag-usapan na ang paksa ukol sa pagbili ng mga gayong bagay, gugustuhin nila ang mamahaling klase. Hindi ba’t pagwawaldas ito sa mga handog? Marunong silang magtipid pagdating sa sarili nilang pera, puwede na ang kahit anong aytem basta praktikal ito, pero pagdating sa pagbili ng isang bagay para sa sambahayan ng Diyos, hindi na nila isinasaalang-alang ang mga usapin ng praktikalidad at pagtitipid ng pera. Ang iniisip lang nila ay na dapat kilalang tatak ito, dapat maipakita nito ang kanilang katayuan, at binibili nila kung alinman ang pinakamahal. Hindi ba’t paghahangad ito ng sarili nilang pagkawasak? Ang gastusin ang mga handog na parang tubig—hindi ba’t ganito ang ginagawa ng mga anticristo? (Oo.)

May isang lalaki noon na lumabas para bumili ng sepilyo kasama ang Itaas na brother. Ibinili niya ang brother ng sepilyo na nagkakahalaga ng mahigit isang dolyar, pero binilhan naman niya ang sarili niya ng imported na klase na nagkakahalaga ng mahigit 15 dolyar. Ngayon, sa pagitan ng Itaas na brother at ng ordinaryong kapatid na ito, hindi ba’t masasabi ninyo na may kaunting pagkakaiba, kaunting kaibahan pagdating sa kanilang katayuan? (Oo.) Kung lohika ang pag-uusapan—huwag na nating banggitin ang mga bagay gaya ng katayuan, kalagayan, o ang paraan ng paglalaan ng Diyos, at pag-usapan na lamang natin ang katunayang matagal na panahon nang nagtatrabaho nang husto ang Itaas na brother—hindi ba’t dapat isang mas de-kalidad na bagay ang ginagamit niya? Pero hindi siya partikular sa ganitong bagay. Ano ang mga prinsipyong sinusunod niya? Ang maging matipid hangga’t maaari: Ang ganitong uri ng aytem ay hindi naman sopistikado, kaya ayos lang kahit hindi gumamit ng ganoon kamahal na bagay, at hindi na kailangang gumasta ng ganoon kalaking pera para dito, ayos na ang isang bagay basta’t magagamit naman ito. Ngayon, pagdating sa pagkakakilanlan, kalagayan, at katayuan ng dalawang taong ito, may pagkakaiba sa pagitan nila, at isang aytem na may napakapangkaraniwang kalidad ang nabili para sa taong dapat na gumagamit ng magandang klase, at ang aytem na may pinakamagandang kalidad ang nabili para sa taong dapat na gumagamit lang ng pangkaraniwang klase. Ano ang naging problema rito? Sino sa dalawang taong ito ang may problema? Ang gumagamit ng magandang aytem ang siyang may problema. Wala siyang ideya kung sino siya at wala siyang kahihiyan, at bibilhin niya ang pinakamaganda at pinakamahal na aytem basta’t ang sambahayan ng Diyos ang magbabayad. May kahit kaunting katwiran ba ang taong ito? Kung nagawa niya ito habang namimili kasama ang Itaas na brother—nagdedesisyon ng ganito habang kaharap ito—ano pa kaya ang nagawa niya kung mag-isa lang siyang namimili? Gaano karaming pera kaya ang winaldas niya? Siguradong mas matindi pa rito ang nagawa niya, at hindi lang sampung dolyar ang magiging diperensiya; magiging malakas ang loob niyang bumili ng mga aytem sa anumang halaga, at gumasta ng kahit magkano para sa mga ito. Ginastos niya ang mga handog at ang pera ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan; hindi ba’t hinahangad niya ang sarili niyang pagkawasak? May mga nag-iisip na, “Napakalaki ng nagawa ko para sa sambahayan ng diyos, sinuong ko ang napakaraming panganib, tiniis ang napakaraming hirap, at maraming beses na akong nakulong. Marapat lamang na bigyan ako ng espesyal na pagtrato.” Ang “marapat” mong ito, ito ba ang katotohanan? Sa alin sa mga salita ng Diyos nakasaad na sinabi Niya na ang sinumang nakulong, o nagtiis ng mga hirap, o naglakbay kung saan-saan para sa Kanya sa loob ng maraming taon, ang siyang may karapatang magtamasa ng espesyal na pagtrato, at may karapatang mauna sa paggamit at pag-angkin ng mga handog, at pagwawaldas ng mga ito ayon sa kanyang kagustuhan, at na isa itong atas administratibo? May kahit isang salita ba na binanggit ang Diyos na ganito? (Wala.) Kung ganoon, ano ang sinabi ng Diyos patungkol sa kung paano dapat gamitin ng ganitong uri ng tao, kasama na ang mga lider, manggagawa, at ang lahat ng tao na gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa loob ng sambahayan ng Diyos, ang mga handog? Dapat nilang gamitin ang mga ito para sa mga normal na pagkakagastusan at normal na gastusin; walang kahit anong espesyal na awtoridad ang sinuman na gamitin o angkinin ang mga handog. Hindi gagawin ng Diyos na maging pribadong pag-aari ng sinumang indibidwal ang Kanyang mga handog. Gayundin, hindi itinakda ng Diyos na dapat magwaldas ng pera ang mga tao sa paggamit at paglalaan ng mga handog. Anong klaseng tao ang nagwawaldas ng pera? Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang taong nagwawaldas ng pera? Isa itong bagay na ginagawa ng mga halimaw, tirano, tampalasan, sanggano, at kasuklam-suklam na mga kontrabida na walang kahihiyan, isa itong bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi magpapakababa ang sinumang may kaunting pagkatao at may kaunting kahihiyan upang gawin ito. May ilang tao na, matapos maging lider ng iglesia, naniniwala na binibigyan sila nito ng awtoridad na gamitin ang mga handog at ang pag-aari ng iglesia. Gusto nila at malakas ang loob nilang bilhin ang kahit ano at ang lahat ng bagay, at gusto nilang hingin ang anuman at ang lahat ng bagay. Pakiramdam nila, anuman ang bilhin nila, anuman ang nakapagpapasaya sa kanila, ay nararapat lang para sa kanila; bukod dito, hindi nila kailanman inaalam ang presyo. At kung ibibili sila ng isang tao ng isang aytem na mumurahin at ordinaryo, magagalit pa sila at magtatanim ng galit laban sa taong ito. Ganito ang mga anticristo.

2. Nilulustay ang mga Handog

Ang isa pang pagpapamalas ng pagtatangka ng mga anticristo na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia ay ang paglulustay. Ang terminong “paglulustay” ay madali lang dapat na unawain. Ibig bang sabihin ng paglulustay ay ang kunin ang pag-aari ng iglesia at ibigay ito sa mga kapatid o ang ilaan ito sa gawain ng iglesia nang sa gayon ay magamit ito nang maayos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “paglulustay”? (Ibig sabihin nito ay ang hindi paggastos nito sa angkop na paraan, bagkus ginagamit ito nang ayon sa kagustuhan o sa palihim na paraan.) Bagama’t tamang sabihin na “ginagamit ito sa palihim na paraan,” hindi ito lubos na partikular. Kung ginagamit ng isang tao ang pag-aari ng iglesia sa palihim na paraan para sa pang-araw-araw na gastusin ng mga gumagawa ng kanilang tungkulin nang full-time, kung gayon ay walang mali rito, at hindi ito paglulustay. Ang paglulustay ay kinokondena, at hindi ito ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, kinokontrol ng ilang lider ng iglesia ang pera ng iglesia, at kapag kinapos sa pondo ang kanilang mga anak para makapagkolehiyo, at sadyang wala silang ganoon kalaking pera sa bahay, lumalapit sila sa Diyos para manalangin, sinasabing, “O diyos, hayaan mo munang aminin ko ang aking kasalanan at humingi ako ng tawad sa iyo. Kung kailangan mong magpataw ng parusa, parusahan mo nawa ako at huwag ang aking anak. Alam kong hindi ito tama, pero gipit ang kalagayan ko sa ngayon, kaya naman kailangan kong gawin ito. Napakasagana ng iyong biyaya, kaya umaasa na lang ako na pagbibigyan mo ako sa pagkakataong ito at ibibigay sa akin ang iyong pagpapala. Kapos ako ng mga dalawampu o tatlumpung libong RMB para sa pangmatrikula ng aking anak sa kolehiyo, at kahit matapos maghagilap ng pera at kaliwa’t kanan akong mangutang, hindi pa rin sapat ang pera ko. Maaari ko bang gamitin ang iyong pera para ipambayad sa matrikula ng aking anak?” Pagkatapos nilang manalangin, napapanatag ang kanilang loob at, sa pag-aakalang sumang-ayon ang Diyos dito, kukunin nila ang pera para sa pribado nilang gamit. Paglulustay ito, hindi ba? Ang hindi paggamit sa pera para sa dapat na paggamitan nito, bagkus ay paggamit nito sa ibang bagay, nilalabag ang mga prinsipyong dapat sundin sa paggamit ng mga handog sa sambahayan ng Diyos: tinatawag ito na “paglulustay.” Kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya at nangangailangan ito ng pera, o kapag kinapos sila ng pondo sa isang transaksiyon sa negosyo, nagsisimula na silang pagplanuhan nang masama ang mga handog, at nananalangin sila sa kanilang puso, sinasabi nila: “O diyos, patawarin mo nawa ako, hindi ko intensyong gawin ito, nakakaranas talaga ng mga kagipitan ang aking pamilya. Kasinglawak ng karagatan ang iyong pagmamahal at walang-hanggan ito gaya ng kalangitan at hindi mo inaalala ang mga pagsalangsang ng mga tao. Pagkatapos kong maubos ang perang ito, babayaran kita nang doble kapag kumita na ang negosyo ng pamilya, kaya payagan mo nawang gamitin ko ito.” Ganito nila ginagamit ang mga handog sa Diyos. Kahit kamag-anak man ito o isang kaibigan na nangangailangan ng pera, basta’t nasa mga kamay ng mga lider na ito ang pera, ibibigay nila ito sa mga ito, nang hindi kumikilos ayon sa mga prinsipyo ni kinukuha ang pagsang-ayon ng iba, lalong hindi pinag-iisipan muna nang mabuti ang katunayan na mga handog ito sa Diyos. Sa halip, sila na mismo ang magdedesisyon, ilalabas nila ang pera ng iglesia at gagamitin ito sa iba pang mga bagay. Hindi ba’t paglulustay ito? (Oo.) Paglulustay ito. Ngayon, ibinabalik nang buo ng ilang tao ang pera matapos palihim na lustayin ang mga handog; ibig bang sabihin nito ay hindi na sila nagkasala ng paglulustay sa mga handog? Ibig bang sabihin nito ay maaari na silang palusutin? O, kung sa pagkakataong iyon ng paglulustay, may dahilan naman sila, may partikular na konteksto, o mga paghihirap, at wala na silang ibang alternatibo kundi ang lustayin ang pera, maaari bang mapawalang-sala ang paglulustay na ito at hindi na makondena? (Hindi, hindi ito maaari.) Kung ganoon, isang seryosong usapin ang kasalanan ng paglulustay ng mga handog! May pagkakaiba pa ba ito sa ginawa ni Hudas? Hindi ba’t kauri lang ni Hudas ang mga taong naglulustay ng mga handog? (Oo.) Kapag papasok sa unibersidad ang kanilang mga anak, kapag may nagnenegosyo sa kanilang pamilya, o kapag nangangailangang magpagamot ang isang matanda, o kapag wala silang pataba na magamit sa pagsasaka, sa lahat ng sitwasyong ito, gusto nilang gastusin ang pera ng iglesia. Sinisira pa nga ng ilan ang mga resibo ng mga inihandog ng mga kapatid, pagkatapos ay ibinubulsa nila ang pera para gastusin nang ayon sa gusto nila, nang hindi man lang nahihiya o kinakabahan. Tumatanggap pa nga ang ilan ng mga perang handog na mula sa mga kapatid tuwing may mga pagtitipon, at pagkatapos na pagkatapos ng pagtitipon, umaalis sila at ipinambibili na nila ito ng kung anu-ano. At may ilang kapatid na, matapos makita mismo ng kanilang mga mata ang mga taong ito na nilulustay ang mga handog, hinahayaan pa rin nila na ang mga ito ang maghawak ng pera, nang walang kahit sinumang nananagot, at walang sinumang naglalakas-loob na pigilan ito. Natatakot silang lahat na banggain ang mga lider na ito, kaya nakatanghod na lamang sila habang ginagastos ng mga ito ang pera. Kung gayon, inihandog mo ba ang perang ito sa Diyos, o hindi? Kung nagkakawang-gawa ka sa ibang tao, dapat linawin mo na hindi mo inihahandog ang perang ito sa Diyos, at nang sa gayon, hindi ito aalalahanin ng Diyos. Pagkatapos, pagdating naman sa kung kanino ang perang ito, kung sino ang gumagastos nito, at kung paano ito gagastusin, mawawalan ng kaugnayan ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos. Sa kabilang banda naman, kung inihandog nga sa Diyos ang pera mong ito, pero bago pa magkaroon ng pagkakataon ang iglesia na gamitin ito, ginastos na ito ng isang tao nang gayon, nilustay ito nang gayon, at wala ka man lang pakialam, ni hindi pinigilan ni iniulat ito, kung ganoon, may problema sa iyo, damay ka sa kasalanan nila, at kapag kinondena sila, hindi ka rin makakatakas.

3. Ipinahihiram ang mga Handog

Ang lahat ng may kinasasangkutang arbitraryong paggamit ng mga handog, ang hindi wastong paggamit at paggasta ng mga handog, ay palaging may kinalaman sa mga atas administratibo, at may kalidad ng paglabag sa mga ito. Mayroong ilan na, sa pamamahala ng pag-aari ng iglesia, ay maaaring magsabi na, “Ang pag-aari ng iglesia ay nandoon lamang. Sa mga panahong ito, ang mga bangko ay mayroong lahat ng uri ng mga programa sa pamumuhunan, tulad ng mga bond at mga pondo, lahat ay nagbibigay ng mahusay na mga halaga ng interes. Kung kukunin natin ang pera mula sa iglesia at ipupuhunan ito, at kikita ng kaunting interes, hindi ba’t makapagbibigay ito ng pakinabang sa sambahayan ng diyos?” Kung gayon, nang hindi na ito tinatalakay, nang hindi kinukuha ang pagsang-ayon ng sinuman sa iglesia, nagpapasya sila mag-isa na ipahiram ang pera. Ano ang pakay ng paggawa noon? Para sabihin ito nang maayos, ito ay pagkita ng kaunting interes para sa sambahayan ng Diyos, na inaalala ang sambahayan ng Diyos; ngunit ang talagang katunayan, nagkikimkim ang mga taong ito ng makasariling motibo. Nais nilang ipautang ang pera nang walang nakakaalam at pagkatapos, sa huli, ibabalik ang ipinuhunang halaga sa sambahayan ng Diyos habang itinatago ang interes para sa kanilang sarili. Hindi ba isang kaso ito ng pagtataglay ng hindi tapat na layunin? Ito ay tinatawag na pagpapahiram ng mga handog. Maituturing bang tamang paggamit ng mga handog ang pagpapahiram ng mga ito? (Hindi maaari.) May iba pang nagsasabing, “Mahal ng diyos ang sangkatauhan, mainit ang sambahayan ng diyos. Kung minsan, kapag ang mga kapatid natin ay kapos sa pera, hindi ba natin maaaring ipahiram sa kanila ang mga handog sa diyos?” Pagkatapos ay sinasarili ng ilang tao ang pagdedesisyon, at hinihikayat at inuudyukan pa ng ilang anticristo ang mga kapatid, sinasabi nila, “Mahal ng diyos ang sangkatauhan, nagbibigay ng buhay ang diyos, ibinibigay ang lahat sa tao, kaya’t hindi magiging malaking bagay ang magpautang ng pera, hindi ba? Ang pagpapautang ng pera sa ating mga kapatid upang tustusan sila sa mga oras ng kagyat na pangangailangan, upang tulungan sila sa mga paghihirap sa kanilang buhay, hindi ba’t iyon ang layunin ng diyos? Kung mahal ng diyos ang sangkatauhan, paanong ang mga tao ay hindi magmamahalan? Sige na, pautangin ninyo sila ng pera!” Ang mas nakararaming bilang ng mga taong mangmang, sa pagkarinig dito, ay sasabihin, “Oo naman, basta’t sinabi mo. Ano’t anuman, ang pera ay pagmamay-ari ng lahat, kaya ituring na lang natin ito bilang pagtulong nating lahat sa isang tao.” At kaya, dahil may isang taong naglilitanya ng mga ideyang matayog pakinggan at isang pangkat ng mga sipsip na nagpapalakas sa kanila, sa huli, nailalabas ang pera. Kaya, mabibilang ba ang pagsasabi mo ngayon na “ang perang ito ay inihandog sa Diyos”? Kung maibibilang ito, ang pera kung gayon ay pag-aari na ng Diyos at ngayon ay pinabanal na, kung kaya nararapat lamang na gamitin ito alinsunod sa mga prinsipyong itinalaga ng Diyos. Kung hindi ito nabibilang, kung ang perang inihahandog mo ay hindi kabilang, kung gayon, anong uri ng kilos ang ginagawa mo sa paghahandog na ito? Paglalaro lang ba ito? Nakikipagbiruan ka ba sa Diyos at niloloko mo ba Siya? Matapos ilagay sa dambana ang mga bagay na nais mong ihandog, nagsisimula kang ipagdamot ang mga ito, dahil inilagay roon ang mga bagay na iyon, pero hindi man lang ginagamit ng Diyos ang mga ito, at mukhang wala namang gamit ang mga ito sa Kanya. Kaya, kung kailangan mong gamitin ang mga ito, kinukuha mo ang mga ito at ikaw mismo ang gumamit ng mga ito. O baka nag-alay ka nang sobra at, dahil pagkatapos ay pinagsisisihan mo ito, binawi mo ang ilan dito. O hindi ka marahil nag-iisip nang malinaw nang nag-alay ka, at ngayong natuklasan mo na ang gamit nito, binabawi mo na ito. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? Ang perang ito at ang mga bagay na ito: kapag inialay na ito ng isang tao sa Diyos, katulad ito ng pag-aalay sa mga ito sa dambana, at ano ang mga bagay na naiharap na sa dambana? Mga handog ito. Kahit isang bato lang naman ito, o isang butil ng buhangin, pinausukang tinapay, o isang tasa ng tubig, basta’t inilagay mo ito sa dambana, ang bagay na ito ay pag-aari ng Diyos, hindi sa tao, at wala nang tao ang maaaring humawak pa rito. Pinag-iimbutan mo man ito o hindi o sa tingin mo ay mayroon kang lehitimong gamit para dito, wala nang sinumang tao ang may karapatan dito. Mayroong ilang nagsasabi, “Hindi ba mahal ng diyos ang sangkatauhan? Ano ngayon kung hayaan niyang makibahagi ang sangkatauhan? Sa ngayon, hindi ka nauuhaw at hindi mo kailangan ng tubig, ngunit nauuhaw ako, kaya bakit hindi ako maaaring uminom?” Ngunit dapat mong malaman kung sumasang-ayon ba ang Diyos o hindi. Kung sumasang-ayon ang Diyos, pinatutunayan nitong binibigyan ka Niya ng karapatan at may karapatan kang gamitin ito; ngunit kung ang Diyos ay hindi sumasang-ayon, wala kang karapatang gamitin ito kung gayon. Sa isang sitwasyon kung saan wala kang karapatan, kung saan hindi ka binigyan ng Diyos ng karapatan, ang paggamit ng isang bagay na pag-aari ng Diyos ay paglabag sa isang malaking ipinagbabawal, na siyang pinakakinamumuhian ng Diyos sa lahat. Palaging sinasabi ng mga tao na hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga pagkakasala ng tao, ngunit hindi pa nila kailanman naintindihan kung ano talaga ang disposisyon ng Diyos, o alin sa mga bagay na ginagawa nila ang malamang na sasalungat sa Kanyang disposisyon. Sa usapin ng mga handog sa Diyos, nasa isipan ito palagi ng maraming tao, nais gamitin o ilaan ang mga ito ayon sa kagustuhan nila, upang gamitin ang mga ito, ariin ang mga ito, o waldasin pa nga ang mga ito ayon sa kanilang sariling kalooban; ngunit sinasabi Ko sa iyo, katapusan mo na, kamatayan ang nararapat sa iyo! Gayon ang disposisyon ng Diyos. Hindi pinapayagan ng Diyos na galawin ng sinuman ang mga pag-aari Niya; gayon ang Kanyang dignidad. Mayroon lamang isang sitwasyon kung saan binibigyan ng karapatan ng Diyos ang mga tao na gamitin ang mga ito, at iyon ay ang wastong paggamit ng mga ito alinsunod sa mga regulasyon ng iglesia at mga prinsipyong may kinalaman sa paggamit ng mga ito. Ang pananatili sa loob ng mga hangganang ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, ngunit ang paglabas sa mga limitasyong ito ay magiging paglabag laban sa disposisyon ng Diyos, at isang paglabag sa mga atas administratibo. Ganoon ito kahigpit, walang iniiwang lugar para sa negosasyon, at walang alternatibong paraan. Samakatwid, ang mga gumagawa ng mga gayong bagay tulad ng pagwawaldas, paglulustay, o pagpapahiram ng mga handog ay itinuturing na mga anticristo sa paningin ng Diyos. Bakit sila itinatrato nang ganoon kalubha tulad ng pagturing sa mga anticristo? Kung ang isang naniniwala sa Diyos ay kayang maglakas-loob na hawakan, o gamitin, o sadyaing lustayin ang mga bagay na pag-aari ng Diyos at pinabanal, kung gayon, anong klase siya ng tao? Ang gayong tao ay kaaway ng Diyos. Ang mga kaaway lamang ng Diyos ang magkakaroon ng gayong saloobin sa Kanyang mga pag-aari; walang ordinaryong taong tiwali ang gagawa nito, hayop man ay hindi gagawin ito, tanging ang mga kaaway ng Diyos, na si Satanas, at ang malaking pulang dragon ang gagawa ng gayong bagay. Kalabisan ba ang pagsasabi nito? Hindi, ito ay isang katunayan at ganap na tumpak! Paano mahahawakan ng uri ni Satanas ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos? Gayon ang dignidad ng Diyos!

4. Ginagamit nang May Pandaraya ang mga Handog

May ilang tao na, gamit ang iba’t ibang uri ng pagdadahilan, hinihingan ng pera at mga kagamitan ang pamilya ng Diyos, sinasabi nila, “Kulang ng isang silya ang aming iglesia, kaya ibili ninyo kami ng isa pa nito. Walang magamit na kompyuter ang ilang kapatid sa aming iglesia para sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin, kaya ibili ninyo kami ng Mac. Madalas kaming kumontak ng mga tao kapag nasa gawain kami, at hindi puwedeng wala kaming telepono, kaya ibili ninyo kami ng iPhone. Pero hindi sapat na magkaroon lang ng isang telepono, masyadong hindi maginhawa iyon, dahil iba’t ibang tao ang kailangan naming kontakin minsan. At masyadong madaling manmanan ang iisang linya, kaya uubra lang ito kung magkakaroon kami ng maraming linya.” Kaya, ang ilan sa mga taong ito ay may dalang apat o limang cellphone at may bitbit-bitbit na dalawa o tatlong laptop nang sabay-sabay; lubhang kahanga-hanga ang kanilang hitsura, pero mababa naman ang kalidad ng kanilang paggawa. Paano nila nakuha ang lahat ng bagay na ito? Nakuha nilang lahat ito sa pamamagitan ng pandaraya. Noon, napag-usapan natin ang tungkol sa isang hangal na babae, na isang tipikal na anticristo. Noong ipinapaayos ng sambahayan ng Diyos ang isang gusali ng iglesia, nakipagsanib puwersa siya sa isang lalaki para gamitin nang may pandaraya ang pera ng iglesia, na nagdulot ng matinding kawalan sa sambahayan ng Diyos. Nang isagawa ng lalaking ito ang mga pagpapaayos, kinupitan niya ang pera sa paraang gaya rin ng maaaring gawin ng isang kontraktor na walang pananampalataya, mamahaling lahat ang binili niya at gumastos siya nang sobra-sobra. Nang mapansin ng ilang tao na may problema, tinulungan siya ng hangal na babaeng ito na pagtakpan at itago ito, at magkasama nilang dinaya ang sambahayan ng Diyos sa pera nito. Sa bandang huli, sila ay nahuli, at kapwa silang pinatalsik. Sa bagay na ito, hinangad nila ang sarili nilang pagkawasak, at sinira nila ang kanilang buhay. May nagawa ba ang kanilang paghikbi? Yamang ganito ang kinalabasan ng mga bagay-bagay sa bandang huli, bakit ba sila kumilos nang ganoon sa simula pa lang? Bakit hindi pinag-isipan nang husto ng hangal na babaeng iyon ang mga bagay-bagay nang gamitin niya nang may pandaraya ang mga handog? Kalabisan ba na pinatalsik siya ng sambahayan ng Diyos at ipasauli sa kanya ang pera? (Hindi.) Tama lang sa kanya iyon! Hindi dapat kaawaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sila dapat kaawaan. At ganito rin ang babaeng lider na napag-usapan natin dati. Palihim niyang kinuha ang malaking pera ng iglesia, at ipinahiram ito sa isang walang pananampalataya. Kalaunan, pinangasiwaan din siya. May ilan siguro na nag-iisip, “Hindi ba’t kaunting pera lang naman ang ipinahiram niya? Pabayaran na lang ito sa kanya at nang matapos na itong isyu. Bakit kailangan pang paalisin siya? Ibig sabihin niyon nagiging isang walang pananampalataya ang isang medyo mabuting tao sa isang iglap lang, at kailangan niyang lumabas para maghanapbuhay. Lubha naman siyang kaawa-awa!” Kaawa-awa ba ang taong ito? Bakit hindi mo na lang sabihing kasuklam-suklam siya? Bakit hindi mo tingnan ang mga bagay na ginawa niya? Sapat na ang mga nagawa niya para masuklam ka buong buhay mo, at heto ka’t naaawa ka sa kanya! Ang mga naaawa sa kanya—anong uri sila ng tao? Mga hangal silang lahat at mga taong nagpapakita ng kabaitan sa kahit kanino lang.

5. Ninanakaw ang mga Handog

May isa pang huling pagpapamalas ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia, at iyon ay ang pagnanakaw sa mga handog. May ilang mangmang na tao na, kapag naghahandog sila, pinanghahawakan nila ang prinsipyong “huwag hayaang malaman ng kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng kanang kamay,” at pagkatapos, ang mga pondong inihahandog nila ay inilalagay nila sa mga kamay ng isang tao na ni hindi nila sigurado kung mapagkakatiwalaan ba. Sinasabi nila, “Malaki-laking halaga ang inihahandog ko sa pagkakataong ito, kaya walang dapat makaalam nito, at huwag mo itong itala sa account book. Ginagawa ko ito sa harapan ng Diyos at hindi sa harapan ng ibang tao. Basta’t alam ng Diyos ang tungkol dito, ayos na iyon. Kung ipapaalam natin ito sa mga kapatid, baka sambahin nila ako. Kaya, para hindi nila ako hangaan nang husto, ginagawa ko ito nang palihim.” Pagkaraang gawin ito, magaan na magaan ang pakiramdam nila sa kanilang sarili, iniisip na, “Naghandog ako nang may prinsipyo, tahimik, at kalmado, nang hindi ito itinatala, at ginagawa ko ito nang walang sinumang kapatid ang nakakaalam.” Pero ang mangmang na paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay ay lumikha ng pagkakataong masamantala ng mga sakim na tao. Pagkabigay na pagkabigay sa handog, ang anticristong pinagbigyan nila nito ay pumupunta sa bangko para ideposito ito, inaangkin ito. At sasabihin pa nga ng anticristo sa taong naghahandog, “Sa susunod na maghahandog ka, dapat mo itong gawin sa ganito ring paraan. Ang paggawa nito sa ganitong paraan ay tama at naaayon sa mga prinsipyo; dapat tahimik lang ang isang tao kapag naghahandog. Sinabi na ng sambahayan ng diyos na huwag manawagan sa mga tao na maghandog. Ibig sabihin nito, hinihiling nito na maging tahimik lang ang mga tao, na huwag magsalita tungkol sa kanilang mga handog kahit matapos maibigay ang mga ito, ni huwag isiwalat ang halagang ibinigay, at lalong huwag nang sabihin kung kanino ibinigay ang mga ito.” Kaya bang makilatis ng taong naghandog ang mga tao? Bakit naman nila gagawin ang ganoon kahangal na bagay? Nang walang kaalam-alam kung gaano maaaring maging kabuktot at kasama ang puso ng tao, inilalagay nila ang buong pananalig nila sa taong ito, at sa bandang huli, nananakaw ang kanilang pera. Isa itong kaso kung saan binibigyan ng pagkakataon ng isang tao ang isang anticristo, binibigyan ito ng pagkakataong nakawin ang pera. Pero may kaso ba kung saan nagagawa pa ring nakawin ng isang anticristo ang pera kahit hindi ito nabibigyan ng pagkakataon? May mga kaso ba kung saan habang iniingatan ng isang tao ang mga account, sadyang itinatala niya ang maling halaga o nagtatala siya ng mas mababang halaga, at palihim na kinukuha ang pera, nang paunti-unti, kapag hindi nakatingin ang mga tao? May ilang tao na ganito. Ang mga gayong tao ay sakim sa kayamanan, may karakter na mababa at mapaghangad ng masama, at may kakayahan silang gawin ang kahit ano hangga’t may oportunidad sila. May kasabihan, “Ang mga oportunidad ay para sa mga nakahanda.” Ang mga taong hindi sakim ay walang pakialam sa mga ganitong bagay, pero lagi naman itong iniintindi ng mga taong sakim. Lagi silang nag-iisip ng pagbubuo ng mga plano at ang paghahanap ng mga pagkakataong masasamantala pagdating sa pera, iniisip kung paano sila makakapanamantala at kung paano nila magagastos nang palihim ang pera.

May isang hangal na babae. Isang araw habang kinakausap Ko siya, nabanggit Ko ang kagustuhan ng iglesia na maimprenta ang ilang aklat, at tinanong Ko siya kung may alam ba siya sa pag-iimprenta. Isang tambak ng teorya ang isinagot niya at pagkatapos ay sinundan niya kaagad ito sa pagsasabing, “Karaniwan nang nagbibigay ng komisyon ang mga tagaimprenta kapag nag-iimprenta sila ng mga aklat. Kung ipapagawa natin ito sa isang walang pananampalataya, siguradong may dayaang magaganap, at tiyak na lihim silang kikita nang husto.” Habang nagsasalita siya, nagsimula na siyang ngumiti sa tuwa. Nagningning ang kanyang mga mata, tumaas sa kanyang noo ang kanyang mga kilay, at namula ang kanyang mga pisngi, at sumaya at nanabik siya. Naisip Ko, “Kung kaya mong asikasuhin ang gawaing ito ng pag-iimprenta, akuin mo na ito, at gaano man karami ang alam mo tungkol dito, sabihin mo na lang sa Akin kung ano ang alam mo. Ano ba ang labis na ikinasasabik mo?” Pero nang pag-isipan Ko itong mabuti, napagtanto Ko na ito: May kikitain siya rito. Wala man lang siyang pakialam tungkol sa kung paano dapat gawin ang pag-iimprenta, kung aling mga aklat ang dapat maimprenta, kung ano ang magiging kalidad nito, o kung paano maghanap ng bahay-imprenta—ang tanging iniisip niya ay ang porsyentong kikitain niya. Wala pa ngang nagagawa, pero nagsasalita na siya kaagad tungkol sa pagkuha ng porsyento. Naisip Ko, “Nabaliw ka na siguro dahil sa kahirapan. Paanong umaasa kang makakakuha ka ng porsyento mula sa pag-iimprenta ng mga aklat para sa sambahayan ng Diyos? Kapag nagpapamahagi ng mga aklat, hindi kumikita kahit isang kusing ang sambahayan ng Diyos, ipinamimigay nang libre ang lahat ng aklat, at gusto mo pang magkaporsyento?” Hindi ba’t naghahangad ng kamatayan ang babaeng ito? Bago pa man pumayag ang sambahayan ng Diyos na akuin niya ang trabahong ito, noong nagtatanung-tanong pa lang Ako, nagsasalita na kaagad siya tungkol sa porsyento niya. Kung napasakamay nga niya ang trabaho, hindi siya titigil sa pagkuha lamang ng porsyento, at maaaring itakbo pa niya ang lahat ng pera—gaano man kalaking halaga ang ibigay mo sa kanya, ganoon din kalaking halaga ang huhuthutin niya sa iyo, ganoon kalaki ang halagang nanakawin niya. Pagmamalabis ba ang ipinapahayag Ko? Malaking problema talaga ang hangal na babaeng ito, hindi ba? Kung Ako ang tatanungin mo, isa siyang bandido at isang sanggano na malakas ang loob na manguha ng anumang pera na kaya niya. Isantabi na muna natin pansamantala ang pagtatanong kung sang-ayon ba ang Diyos sa bagay na ito, at tanungin na lamang ang mga kapatid kung pinapangasiwaan ba niya ito nang may malasakit, kung kaya ba nilang tanggapin ang paraan ng kanyang pangangasiwa rito, at kung mapapatawad ba siya ng mga hinirang ng Diyos.

At may ilang tao na kasuklam-suklam na nakakaasiwa na silang banggitin pa. Kapag tumatanggap sila ng trabaho para sa sambahayan ng Diyos, nakikipagsabwatan sila sa mga walang pananampalataya para pataasin ang presyo, para pagbayarin ang sambahayan ng Diyos ng napakalaking halaga dahilan para malugi ito. Kung sasabihin mong hindi ka kumbinsido o na hindi mo sasang-ayunan ang kanilang mungkahi, magagalit sila, at susubukan nila ito, iyon, at ang iba para hikayatin ka o pigilan ka, at makuha ang pera mula sa iglesia. Kapag nabayaran na ang mga walang pananampalataya, at nakinabang na sila, at gumanda na rin ang kanilang reputasyon, tuwang-tuwa sila na para bang nanalo sila sa lotto. Pagkagat ito sa kamay ng nagpapakain sa kanila, pagwawaldas ng mga handog, at hindi kailanman pagsisikap na makuha ang katiting mang pakinabang para sa sambahayan ng Diyos. Bakit ba tinanggal ang mga hangal na babaeng iyon na nangasiwa sa pag-iimprenta ng mga aklat? Dahil nalugi ang sambahayan ng Diyos dahil sa kanila, at kumilos sila nang padalus-dalos. Nang makipagnegosasyon sila sa mga walang pananampalataya, pilit nilang pinabababa ang presyo sa abot ng kanilang makakaya, hanggang sa puntong mas mababa pa ito kaysa sa gastos ng produksiyon, hanggang sa puntong kasuklam-suklam na ito at ayaw na ng mga walang pananampalataya na makipagtransaksiyon sa kanila. Sa bandang huli, napilitan ang mga walang pananampalataya na sumang-ayon, pero nakompromiso nang husto ang kalidad nito. Sabihin ninyo sa Akin, may kahit isang tao ba na papayag na magnegosyo nang palugi? Kailangang mabuhay ng mga tao sa mundong ito, at sa pagnenegosyo ay kailangan nilang kumita ng sapat na pera para mabayaran ang kanilang mga pang-araw-araw na gastusin at ang pasahod sa mga trabahador bukod pa sa gastos sa produksiyon. Hindi hinayaan ng mga babaeng ito na kumita ng anumang pera ang mga walang pananampalatayang ito, nakikipagtawaran sa hindi makatwirang paraan at pilit na pinabababa ang presyo sa abot ng kanilang makakaya, habang iniisip na nakapagtitipid sila para sa sambahayan ng Diyos, at ano ang kinalabasan nito? Tinipid masyado ng kabilang panig ang kalidad ng trabaho at ang pagkakabigkis ng aklat. Kung hindi nila babawiin ang kakulangan dito, hindi ba’t malulugi sila? Kung kinailangan nilang magpakalugi, ginawa kaya nila ang trabaho? Makakapayag ba silang makalamang ang mga babaeng iyon? Hindi, imposible iyon. Kung papayagan nilang makalamang ang mga babaeng iyon, kung gayon, hindi pagnenegosyo ang ginagawa nila, kundi pagkakawanggawa. Hindi ito makilatis ng mga hangal na babaeng iyon, pinangasiwaan nila ang gampanin para sa sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan, at ginulo nang husto ang mga bagay-bagay. Sa huli, puno pa rin sila ng mga pagdadahilan, sinasabi nila: “Iniisip ko ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Nagtitipid ako para sa sambahayan ng Diyos. Ang isang kusing na natipid ay isang kusing na naipon, at ang dalawang kusing na natipid ay nangangahulugang kumita ng isang kusing!” Walang katuturan ang pinagsasasabi nila! Alam ba nila kung ano ang ibig sabihin ng mga regulasyon sa industriya? Alam ba nila kung ano ang ibig sabihin ng mga matatag na nakagawian at pagiging makatwiran? Kaya’t ano ang naging huling resulta? Napakababa ng kalidad ng ilan sa mga aklat, nagsimula nang matanggal ang mga pahina matapos ang ilang beses lang na paglilipat ng pahina, at nababaklas na ang buong aklat, kaya imposible na itong mabasa, kaya wala nang ibang paraan kundi ang muling iimprenta ang lahat. Nakatipid ba ng pera dito, o mas lumaki pa ang gastos? (Mas lumaki pa ang gastos.) Ito ang kapalpakang idinulot ng mga hangal na babaeng iyon.

Ang katunayan na ang paraan ng pagturing ng mga anticristo sa mga handog ay ganap na walang prinsipyo at pagkatao, at katibayan ito na positibo silang may buktot at malupit na disposisyon. Batay sa kanilang pagturing sa mga handog at sa lahat ng bagay na sa Diyos, tunay ngang lumalaban sa Diyos ang disposisyon ng isang anticristo. Tinitingnan nila nang may matinding paghamak ang mga handog na pagmamay-ari ng Diyos, pinaglalaruan at tinatrato ang mga ito sa anumang paraan na gusto nila, hindi nagpapakita ng kahit katiting na respeto, at walang anumang limitasyon. Kung ganito nila tinatrato ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos, paano nila tinatrato ang Diyos mismo? O ang mga salitang sinabi Niya? Maliwanag naman ang sagot. Ito ay kalikasang diwa ng isang anticristo, isang diwa ng anticristo na napangingibabawan ng kabuktutan at kalupitan; tunay nga itong isang anticristo. Tandaan mo ito: Pagdating sa isang taong may kakayahang waldasin, lustayin, ipahiram, gamitin nang may pandaraya, o nakawin ang mga handog, hindi na kailangang obserbahan pa ang iba pang mga pagpapamalas. Hangga’t nakikita ang kahit isa sa mga kategoryang ito, sapat na iyon para maituring na anticristo ang taong ito. Hindi mo na kailangang magtanung-tanong o mag-imbestiga, lalong hindi na kailangang suriin pa siya, para makita kung ganito siyang uri ng tao, at kung may kakayahan kaya siyang gawin ang mga ganitong uri ng bagay sa hinaharap. Basta’t pasok siya sa kahit isa man lang sa mga kategoryang ito, nakatakda na siyang maging isang anticristo, na maging kaaway ng Diyos. Tingnan ninyo, kayong lahat: Lider man ito na inihalal na ninyo, o isang lider na napagdesisyunan ninyong ihalal, o isa sa mga taong iniisip ninyong mahusay-husay, sinumang nagpapakita ng ganitong uri ng asal, o ng ganitong uri ng potensyal, ay hindi makakatakas sa pagiging isang anticristo.

May natutuhan ba kayong anumang aral mula sa mga bagay na ibinahagi Ko ngayon? Nagkamit ba kayo ng pagkaunawa ukol sa isang katotohanan? Hindi kayo makapagsalita nang malinaw tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo kung anong uri ng aral ang dapat ninyong matutuhan. Hindi mo dapat pagplanuhan nang masama ang mga bagay na inihahandog ng mga tao sa Diyos. Kahit ano pa ang mga bagay na ito, may halaga man ang mga ito o wala, may gamit ka man sa mga ito o wala, mahahalaga man ang mga ito o hindi—hindi mo dapat pagplanuhan nang masama ang mga ito. Lumabas ka at kumita ng pera kung may kakayahan ka—kumita kahit gaano karaming pera ang gusto mo, walang makikialam dito, pero huwag na huwag mong pagpaplanuhan nang masama ang mga handog na para sa Diyos. Ang pagbabantay na ito ay isang bagay na dapat magkaroon kayo; ang pagkamakatwirang ito ay isang bagay na dapat magkaroon kayo. Isang aral ang nasa itaas. Ang isa pang aral ay na ang sinumang winawaldas, nilulustay, ipinahihiram, ginagamit nang may pandaraya, at ninanakaw ang mga handog ay dapat ituring na kauri ni Hudas. Ang mga taong nagsagawa na ng mga ganitong kilos at pagsasagawa ay nasalungat na ang disposisyon ng Diyos, at hindi sila ililigtas ng Diyos. Hindi mo dapat tanggapin ang anumang pananaginip nang gising tungkol sa usaping ito. Ipinaliwanag Ko ito nang ganito at tutuparin ng Diyos ang mga bagay na ito. Naitakda na ito, at wala nang pag-uusapan pa. Sasabihin ng ilang tao: “May konteksto sa paglulustay ko: Bata pa ako at mangmang nang walang-ingat kong gastusin ang perang iyon, pero hindi ko hinuthutan ng malaking pera ang sambahayan ng diyos, nagnakaw lang ako ng 20 hanggang 30, o 30 o 50 RMB.” Pero hindi ito tungkol sa halaga; ang problema ay na kapag ginagawa mo ito, ang puntirya ng mga kilos mo ay ang Diyos. Ginalaw mo ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos, at hindi katanggap-tanggap na gawin iyon. Ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos ay hindi pag-aaring panlahat, hindi pagmamay-ari ng lahat ang mga ito, hindi pagmamay-ari ng iglesia ang mga ito, hindi pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos ang mga ito: Sa Diyos ang mga ito, at hindi mo dapat mapagpalit-palit ang mga konseptong ito. Hindi iniisip ng Diyos, ni hindi sinabi ng Diyos sa iyo na, “Ang mga gamit Ko at handog sa Akin ay pagmamay-ari ng iglesia, at dapat ilaan ng iglesia ang mga ito,” lalo namang hindi Niya sinabi na, “Ang lahat ng handog sa Akin ay pagmamay-ari ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos, at nasa pangangasiwa ng mga kapatid, at sinumang may gustong gumamit sa mga ito ay kailangan lamang na iulat ito.” Walang sinabing ganoon ang Diyos, hindi Niya ito kailanman sinabi. Kung gayon, ano ang sinabi ng Diyos? Ang isang bagay na inihandog sa Diyos ay pagmamay-ari ng Diyos, at kapag naialay na ang bagay na ito sa dambana, sa Diyos na ito magpakailanman, at walang karapatan o kapangyarihan ang sinumang tao na gamitin ito nang walang pahintulot. Ang pagpaplano nang masama sa mga handog, at ang paglulustay, paggamit nang may pandaraya, pagnanakaw, pagpapahiram, at pagwawaldas sa mga ito—kinokondena ang lahat ng kilos na ito bilang pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos, bilang mga kilos ng mga anticristo, at katumbas ng kasalanang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu, na dahil dito ay hindi ka kailanman patatawarin ng Diyos. Gayon ang dignidad ng Diyos, at hindi ito dapat maliitin ng mga tao. Kapag nang-uumit o nagnanakaw ka sa ibang tao, maaari kang sentensiyahan ng isa hanggang dalawang taon, o di kaya’y tatlo hanggang limang taon ayon sa batas, at kapag nakulong ka na ng tatlo hanggang limang taon, mapapawalang-sala ka na sa anumang krimen. Pero kapag kinuha at ginamit mo ang mga gamit ng Diyos, ang mga handog sa Diyos, isa itong kasalanan na permanente sa paningin ng Diyos, isang kasalanang hindi mapapatawad. Nasabi Ko na ang mga salitang ito sa iyo, at sinumang sumalungat sa mga ito ay kailangang panagutan ang magiging kahihinatnan. Pagdating ng panahon, huwag na huwag kang magrereklamo na hindi kita sinabihan. Ipinaliwanag Ko nang malinaw ang Aking mga salita sa iyo ngayon dito, minamartilyo ang mga ito sa puwesto gaya ng mga pako sa isang tabla, at ito ang bagay na mangyayari. Ikaw ang bahala kung paniniwalaan mo ito o hindi. May mga nagsasabing hindi sila takot. Aba, kung hindi ka takot, antabayanan at tingnan mo kung ano ang mga mangyayari. Huwag mo nang hintaying maparusahan ka, dahil kapag dumating na sa puntong iyon ay magiging huli na ang lahat para umiyak ka pa, magngalit ng iyong mga ngipin, at kabugin ang iyong dibdib.

Oktubre 24, 2020