Ikalabintatlong Aytem: Kinokontrol Nila ang mga Pananalapi ng Iglesia at Kinokontrol din Nila ang Puso ng mga Tao (Ikalawang Seksiyon)

May isang lider na ginawa ang mga sumusunod na gawa. Subukan ninyong kilatisin ang bagay na ito na ginawa niya, at himayin ninyo ito. Isang araw, nakatanggap ako ng isang pakete ng mga Chinese herbal dietary supplement. Naisip Ko, “Hindi Ko naman pinabili ito sa sinuman, kaya saan nanggaling ito? Sino ang bumili nito? Bakit wala Akong nalalaman tungkol dito?” Pagkaraang makapagtanung-tanong, napag-alaman Ko na isa palang lider ang nagpasya na bilhin ito nang hindi man lang sumasangguni sa Itaas. Sinabi niyang kailangan ng Itaas ang aytem na ito. Pagkarinig nito, sinabi ng mga kapatid na nasa ibaba, “Yamang gusto ng Itaas na mabili ito, simple lang iyan, maaaring gamitin na lang natin ang pera ng iglesia para bilhin ito. Anuman ang gustong bilhin ng Itaas ay ayos lang, lalo na’t kung para naman ito sa Diyos—wala kaming anumang pagtutol.” Pagdating naman sa perang ginastos—kanino ito? (Mga handog para sa Diyos.) Paano nangyaring napakaluwag niya pagdating sa paggastos ng mga handog na para sa Diyos? Pinahintulutan ba ng Itaas ang pagbili na ito? Lihim niya itong pinagdesisyunan nang mag-isa at binili niya ang gamot nang walang pahintulot Ko. At nang binibili na niya ito, hindi niya inisip man lang na, “Magiging kapaki-pakinabang ba ito sa Itaas? Angkop ba ang binibili kong ito? Gaano karami ang dapat kong bilhin? Papayagan ba ako ng Itaas na gastusin ang perang ito?” Tinanong ba niya ang mga bagay na ito? (Hindi.) Nang hindi man lang nagtatanong, binili niya nang direkta ang aytem na ito. Saan nanggagaling ang pagiging liberal na ito? Anong uri ng personal na katapatan ito? Ginamit niya ang pera ng Diyos para bumili ng isang bagay para sa Diyos, na para bang tungkulin niya ito, ginagawa ang lahat at pinagtatagumpayan ang lahat ng hadlang para mabili ang bagay na iyon at mabigyang-lugod ang Diyos. Ano ang ibig sabihin dito ng pagbibigay-lugod sa Diyos? Ibig sabihin nito: “Maaari kitang sorpresahin nang hindi na dumaraan sa iyo. Kita mo, may ganito akong abilidad! Alam mo bang nagawa ko ito? Ano sa palagay mo? Hindi ba’t isa itong magandang sorpresa? Hindi ka ba masaya? Panatag ba ang pakiramdam mo?” Kaninong pera ba ang ginamit mo? Sa iyo ba iyon? Kung ang ginastos mo ay pera ng Diyos, pinayagan ka ba ng Diyos? Ginastos mo ang perang ninakaw mo mula sa Diyos, at pagkatapos ay sasabihin mong nais mong bigyan ang Diyos ng isang magandang sorpresa: Anong klaseng lohika ito? At kaninong pera ba ang ginamit mo nang napakaliberal? (Ang pera na pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos.) Ang maging liberal sa perang pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos ay katumbas ng pagiging liberal sa mga handog na para sa Diyos. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Oo.) Maaaring makaramdam kayo ng pagkasuklam pagkarinig ninyo nito, pero ang taong sangkot ay hindi man lang nasuklam kundi medyo nalugod pa nga sa kanyang sarili. Matapos maipadala ang aytem, nagbulay-bulay siya: “Bakit walang anumang tugon? Ginawa ko ang napakagandang gawa na ito para sa iyo, kaya bakit hindi mo ako pinasalamatan? Nagustuhan mo ba ang aytem? Nasisiyahan ka ba rito? Gusto mo bang ibili pa kita ng mas marami pa nito sa hinaharap? Anong nagiging pagtatasa mo sa akin? Mula ngayon, ilalagay mo na ba ako sa isang mahalagang posisyon? Nasisiyahan ka ba sa ginawa ko? Ginamit ko ang iyong pera para gawin ang isang bagay para sa iyo—ano ang masasabi mo sa kabaitan ko? Masaya ka ba? Sige na, magsalita ka naman. Bakit wala kang tugon?” Dapat Ko ba siyang sagutin? (Hindi.) Bakit hindi? Medyo matagal-tagal nang nangyari ang insidenteng ito, pero sa buong panahong ito ay hindi nawala ang pagkasuklam Ko rito—nasusuklam Ako tuwing nakikita Ko ang bagay na iyon na binili niya. Sabihin ninyo sa Akin, makatwiran ba na masuklam Ako? Karapat-dapat bang himayin ang insidenteng ito? (Oo.) Anong uri ng asal ito? Pagpapahayag ba ito ng katapatan? Ng kabaitan? O ng may-takot-sa-Diyos na puso? (Wala sa mga ito.) Tinatawag itong pagsisipsip at paglalaro sa isang tao, at nangangahulugan itong: “Ginastos ko ang iyong pera para ibili ka ng isang bagay na gusto mo at para makapag-iwan ako ng magandang impresyon sa iyo, para mas gumanda ang pagtingin mo sa akin.” Nais ng lider na ito na bigyan Ako ng kasiyahan, para bolahin Ako at sumipsip sa Akin, pero nabigo siya sa bandang huli, at nakita Ko ang totoo niyang pagkatao. Anong mga pagkakamali ang nagawa niya? Una sa lahat, hindi ito isang bagay na iniatas Ko sa kanya na gawin para sa Akin; wala Akong ipinadalang mensahe na gawin niya ito. Pangalawa, kung ginusto man niyang gawin ito bunsod ng kabutihang-loob ng kanyang puso, nagpaalam muna dapat siya at humingi ng pahintulot bago niya ito ginawa. At, habang isinasagawa niya ito, hindi ba’t dapat ay nagtanung-tanong siya tungkol sa mga kaugnay na bagay na kailangan niyang malaman? Halimbawa, kung gaano karami ang bibilhin, kung magkano ang bibilhin, kung anong kalidad ang bibilhin, kung paano dapat gastusin ang pera—hindi ba’t dapat itinanong niya ang tungkol sa mga bagay na ito? Ang magtanong tungkol sa mga bagay na ito ay naging pagkilos sana nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ano ang kalikasan ng kanyang kabiguan na gawin ang mga pagtatanong na ito? Sa mas maliit na antas, iniisip niyang napakatalino niya, sa mas malaking antas naman, tinatawag itong pagkilos ayon sa sariling kagustuhan, walang pagsasaalang-alang sa Diyos, at pagkilos nang padalus-dalos! Hindi Ko kailanman sinabi sa kanya na bilhin ang aytem na iyon, kaya para kanino ang pagpapakita niyang ito ng mabubuting intensyon? Hindi ba’t naghahanap siya ng gulo? Higit pa rito, ang pinakamalaki niyang problema ay kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pag-aari, na ating pinagbabahaginan at hinihimay ngayon. Naniwala siya na, bilang lider ng iglesiang iyon, kalipikado siyang tamasahin ang mga handog na ibinigay sa Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos sa loob ng iglesia, at na may kapangyarihan siyang gamitin at angkinin ang mga handog na ito sa Diyos, at na siya ang may huling salita pagdating sa mga ito. Sa iglesiang iyon, taglay niya ang kapangyarihan ng isang hari at naging lokal na tirano siya roon. Iniisip niya: “Hindi ko kailangang ipaalam o ipagpaalam sa iyo ang mga bagay na binibili ko, ako na ang mangangasiwa nito para sa iyo. Sang-ayon ka man o hindi, hangga’t nararamdaman kong magiging mabuti itong gawin sa ganitong paraan, at gusto kong gawin ito sa ganitong paraan, ganoon ko ito gagawin.” Anong klase siya? Hindi ba’t isa siyang anticristo? Ganoon kawalang kahihiyan ang mga anticristo. Nang mabigyan ng katayuan at maging lider ang taong ito, ginusto niyang maging isang hari, para maangkin ang pag-aari ng iglesia. Iniisip niya na siya lamang ang makapagpapasya tungkol sa pag-aari ng iglesia, at siya lamang ang may kapangyarihan para angkinin ito at gamitin ito. Iniisip pa nga niya na siya ang may huling salita sa pagbili ng mga bagay-bagay para sa Akin at kung anong mga bagay ang dapat bilhin. Pero kailangan Ko bang ibili mo Ako ng mga bagay-bagay? Anuman ang gamitin Ko, at kung paano Ko man ito gamitin, kailangan Ko bang isangkot ka pa? Hindi ba’t kawalan ito ng katwiran? Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Nakalimutan mo na ba kung sino ka? Hindi ba’t katulad lang ito ng arkanghel na, matapos mabigyan ng katayuan, ay ginusto nang maging kapantay ng Diyos? Gaano karaming pagkakamali ang ginawa ng tao na gumawa nito? Ang una ay na inilaan niya ang pag-aari ng iglesia na para bang personal niyang pag-aari ito; ang pangalawa ay na mag-isa siyang gumawa ng mga desisyon tungkol sa pagbili ng mga bagay-bagay para sa Akin; ang pangatlo, yamang pinagdesisyunan na niya ito nang mag-isa, hindi na niya ipinaalam sa Itaas ang tungkol dito, hindi siya sumangguni sa kanila at hindi niya ito iniulat sa kanila. Lubhang malubha ang bawat isa sa mga ito. Tila maayos ang pagpapatakbo ng operasyon ng anticristong ito. Isang salita lang niya, isasakatuparan na ng mga alipores niya ang mga utos niya sa maayos na paraan. Ni hindi man lang sila nagtanong: “Napakalaki ng magagastos natin para bilhin ang aytem na ito—iniutos ba ito ng Diyos? Maaari bang gamitin ang perang ito sa ganitong paraan? Angkop ba ito? Sino ba talaga ang nag-utos nito?” Ni hindi man lang tinanong ng mga alipores na iyon ang mga bagay na ito. May pananagutan ba sila? Mayroon ba silang katapatan? Wala, wala silang katapatan, at dapat silang itiwalag. Isa itong halimbawa ng isang tao na gumamit ng mga handog noon ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan at nang walang kahit anong prinsipyo. Ang gastusin ang mga handog sa Diyos para bumili ng mga bagay-bagay para sa Diyos, nang walang pahintulot Ko: isang malaking pagkakamali ang gawin ito.

Heto pa ang isang halimbawa, nais Kong pakinggan ninyo kung ano ang ginawa ng mga taong ito at tingnan ninyo kung nakakayamot ba ito. Sa mga pagtitipon ng iglesia, ang silyang inuupuan Ko ay masyadong malambot, at nang umupo Ako rito, lumubog Ako nang husto. Napakataas din ng mesa na kinailangan Ko pang panatilihing nakatuwid ang likod Ko, at nakakapagod para sa Akin na umupo nang ganito nang matagal. Kaya, sinabihan Ko silang bumili ng silya na medyo mataas at na may upuang hindi masyadong malambot. Hindi ba’t isa itong bagay na madali lang dapat gawin? (Oo.) Ang totoo, simpleng bagay lang talaga ito. Una, kailangan nilang sukatin ang taas ng silyang kinauupuan Ko noong oras na iyon, at pagkatapos ay maghanap ng upuang mas mataas ng dalawang pulgada o marahil ay higit pa nang bahagya, at pagkatapos niyon ay kailangan nilang tingnan kung gaano kalambot ang upuang iyon, at maghanap ng isang medyo mas matigas. Una, puwede silang magtingin-tingin sa mga tindahan, at kung wala silang makitang akma, puwede silang maghanap pa sa online. Hindi ba’t isa itong bagay na madaling asikasuhin? May anumang problema ba rito? Ang gumastos ng pera para bumili ng isang bagay ay hindi matatawag na isang hamon, at saka, kung pagsasama-samahin ng ilang tao ang kanilang mga ideya, magiging madaling gampanin lang ito. Kaya, pagkaraan ng ilang panahon, nagpunta Ako sa isa pang pagtitipon sa iglesiang iyon, at tinanong sila kung nakabili na ba sila ng bagong upuan. Sinabi nila, “Naghanap kami, pero wala kaming nakita na talagang akma, at hindi namin alam kung anong klase ng upuan ang gusto mo.” Nabigla Ako nang marinig ito. Naisip Ko, “Sa pagkakaintindi Ko, maraming iba’t ibang tindahan dito ang nagbebenta ng iba’t ibang uri ng bagay, sa lahat ng uri ng kalidad, kaya hindi dapat maging ganoon kahirap na bumili ng upuan. Hindi rin naman Ako masyadong umaasa.” Pero sinabi ng taong nangangasiwa sa pagbili, “Hindi madaling bumili; walang kahit isang ibinebenta na may mga detalyeng gusto mo. Baka puwedeng pagtiyagaan mo na lang muna ang upuang nandito na.” Naisip Ko, “Buweno, kung wala kang binili, ayos lang iyon, makakatipid ito ng kaunting pera, kaya pagtitiyagaan Ko na lang muna ang upuang ito sa ngayon.” Pagkaraan ng ilang panahon, nagpunta Ako sa isa pang lugar, kung saan may ilang magandang upuan na komportableng upuan, at masasabi mo kaagad sa unang tingin pa lang na mga lumang klase ang disenyo ng mga ito at maganda ang kalidad. Kaya, kinuhanan Ko ito ng litrato at sinabihan Ko sila na gamitin ito bilang gabay sa pagbili ng upuan, wala Akong itinakdang kulay nito na gusto ko, at sinabi Ko sa kanila na kung wala silang makita sa mga tindahan, dapat tumingin sila sa online. Tinukoy Ko pa nga na dapat silang maghanap sa mga lugar na nagbebenta ng mga kagamitang pang-opisina. Pagkatapos niyon ay sumagot sila nang ganito: “Naghanap kami sa online, pero wala kaming nakita. Sinabi ng lahat ng gumagawa na lumang modelo na ito, at wala nang gumagawa ng mga upuan na may ganoong estilo sa panahon ngayon, kaya wala kaming nabiling ganoon.” Nabigla na naman Ako nang marinig ito, at naisip Ko, “Mahihina talaga ang mga taong ito sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, at hindi talaga sila maaasahan. Maliit na gampanin lang ang ipinagkatiwala sa kanila, at dalawang beses na nilang sinabi na hindi nila kayang bilhin ang gusto Ko, at tinanggihan nila Ako.” Sinabihan Ko silang patuloy na maghanap, at tingnan kung may ganoon sa iba pang mga website. Samantala, habang naghihintay, may nakita Akong upuan sa isa sa mga bodega ng iglesia. Hindi tapos ang pagkakayari ng upuan, ang kutson nito ay yari sa foam at nababalutan ito ng disenyo ng mga bulaklak na kulay rosas. Diretsong-diretso ang sandalan nito, diretsong-diretso ang mga patungan ng braso, diretsong-diretso ang mga paa, at ang upuan ay diretsong-diretso. Diretso ang bawat bahagi ng upuan; tama ang lahat ng anggulo at kuwadrado ang mga kanto. Sinabi Ko, “Ginawa ba ng isang tao nang mag-isa ang upuang ito?” Isang tao, na nagmamadaling lumapit, ang sumagot, “Hindi ba’t nangangailangan ka ng upuan? Ginawa namin ito para sa iyo, at naghahanda na nga sana kaming sabihin sa iyo ang tungkol dito at hilinging subukan mo ito.” Ang bait-bait nila sa Akin, kaya naisip Ko: “Sige, susubukan Ko ito.” Madiin Kong inuupuan ang upuan, at sobra itong hindi komportable, para bang nakaupo Ako sa isang bato, dahil napakatigas ng foam na nasa upuan. “Ayos lang iyan,” sabi ng taong nakatayo sa tabi Ko, “Mapapalambot pa naman ito nang kaunti. Hindi pa naman ito tapos. Pagagandahin pa namin ito, at pagkatapos ay puwede mo na itong subukan ulit.” Huwag na kayong umasang susubukan Ko ito ulit! Mas mainam pang umupo sa isang bangkito kaysa sa upuang iyan; kahit papaano, sa bangkito ay hindi Ako parang nakaupo sa bato. Sinabi Ko, “Hindi, hindi ito puwede. Maghanap pa kayo kung kaya ninyo. Kung wala kayong mahanap, kalimutan na lang ninyo ito.” Kaya, inutusan Ko silang patuloy na maghanap. Hindi siguro ito naunawaan ng mga taong gumawa ng upuang iyon. Puwedeng iniisip nila, “Pinakitaan ka namin ng labis na kabutihan, pinili namin ang materyales, ang estilo, at ang laki, at pasadyang gumawa ng upuan para sa iyo. Bakit hindi mo pinahahalagahan ang kabutihang-loob na ito? At higit sa lahat, sinasabi mo pang para kang nakaupo sa bato, na matigas ito. Bakit napakaselan mo? Anumang gawin namin para sa iyo, dapat gamitin mo na lang ito, tapos ang usapan. Pero heto ka, gusto mo pa ring bumili ng upuan sa halip. Sinabi na namin sa iyo nang ilang beses na wala kaming mahanap na uri ng estilo na gusto mo, pero nagpupumilit ka pa ring ibili ka namin ng ganoon. Hindi ba’t magiging magastos iyon? Bakit hindi na lang magtipid ng kaunting pera? Mas makakatipid nang husto kung gagawa na lang kami ng upuan; hindi masyadong mahal ang mga materyales. Anumang kaya naming gawin nang kami lang, dapat gawin na lang namin kaysa bumili pa kami. Bakit hindi mo nauunawaan ang ibig sabihin ng pagtitipid?” Sabihin ninyo sa Akin, mas makabubuti ba para sa Akin na gamitin ang upuang iyon o hindi? (Mas makabubuti para sa Iyo na huwag iyong gamitin.) Nang makita nilang hindi Ko gagamitin ang upuang ginawa nila, itinapon nila ito sa isang tabi, at wala ring sinuman sa kanila ang gumamit nito. Sabihin ninyo sa Akin, kung hindi Ko ito ginamit, makakasakit ba Ako ng damdamin ng mga tao? (Hindi.) Sa buong buhay Ko, hindi pa Ako kailanman nakaupo sa isang upuang may kutson na napakatigas—matindi talagang karanasan ito. Gayon ang dakilang “kabutihan” na ipinakita sa Akin ng mga taong ito. Pagkalipas ng ilang panahon, sa di-inaasahang kombinasyon ng mga pangyayari, may nabili na ngang isang upuan para sa Akin, kaya may naipakita naman talagang kaunting “kabutihan” ang mga tao sa Akin. Iyon ang unang pagkakataon na hiniling Ko sa kanila na ibili Ako ng isang bagay, at narinig nila ito nang direkta mula sa Akin, at lubhang kasuklam-suklam ang paraan nila ng pag-aasikaso sa gampanin. Napakahirap at napakamabusisi ang naging pagbili Ko ng isang upuan, lahat ay kinailangan pang dumaan sa kanila at talakayin pa sa kanila, at bukod doon ay kinailangan Ko ring alamin ang lagay ng kanilang loob. Kung maganda ang lagay ng kanilang loob, puwedeng bilhin nila ito para sa Akin, at kung hindi naman, puwedeng hindi nila ito bilhin, at kung ganoon ay wala akong magagamit. “Gusto mong gumamit ng komportableng upuan, pero hindi pa namin ito nagagawa, kaya mangarap ka na lang muna. Gamitin mo na lang muna itong ginawa ng karpintero. Kapag mayroon na kaming magagamit na mga komportableng upuan, makakagamit ka rin ng isa.” Hindi ba’t ganitong-ganito ang mga taong ito? Anong uri sila ng mga tao? Hindi ba’t mabababang uri sila ng mga tao? Hinihiling Ko lang naman sa kanila na gumastos ng kaunting handog para bumili ng isang bagay, ang kailangan lang nilang gawin ay ikilos ang kanilang mga kamay at mata nang kaunti, pero ganito kahirap, ganito katrabaho, na ipaasikaso sa kanila ang gampaning iyon. Paano kung sabihan silang gastusin ang sarili nilang pera? Sa simula, hindi Ko sinabi kung kaninong pera ang gagastusin—inakala ba nilang pinlano Kong gastusin nila ang sarili nilang pera, at dahil dito ay natakot sila kaya tumanggi silang bumili? Iyon kaya ang isang dahilan? Kapag hinihiling Ko sa iyong bumili ng isang bagay, bakit naman ikaw ang pagbabayarin Ko? Kung may pondo ang iglesia, sige at bumili ka, at kung wala, huwag kang bumili. Hinding-hindi kita pagbabayarin gamit ang sarili mong pera. Kaya, bakit naging ganoon kahirap na ipagawa sa kanila ang maliit na gampaning ito? Walang pagkatao ang mga taong ito! Kapag hindi nila sinusubukang gawin ang isang bagay, at hindi Ako nakikisalamuha sa kanila, mukha silang mabait at makatwiran, pero kapag sinimulan na nilang gawin ang isang gampanin, nawawala ang kabaitan at katwirang ito. Magugulo ang isip ng mga taong ito! Paano Ko sila makakasundo?

Heto pa ang isang halimbawa na may kaugnayan sa paksa ng mga handog. May isang lugar na may maliit na kusina, kung saan ang mga gamit panluto at pangkain ay ginagamit ng lahat, at paminsan, sa taglamig, hindi maiwasan ng mga tao roon na magkatrangkaso. Sinabihan Ko silang bumili ng sterilizing cabinet o ng isang ozone disinfector para maesterilisa ang mga gamit pangluto at pangkain na ginagamit ng lahat. Magiging ligtas at malinis ito. Malaking bagay ba ang hinihingi Kong ito? (Hindi.) Ipinagkatiwala Ko ang gampaning ito sa isang tao at, sa loob lamang ng maikling panahon, nabalitaan Kong may nabili nang ozone disinfector. Napanatag na ang loob Ko, at pagkatapos ay hindi ko na inusisa pa ang tungkol sa bagay na ito. Pero may problema palang nangyari. Ang makinang binili ng taong ito ay hindi pala isang ozone disinfector, kundi isang air-drying machine. Nalinlang ang bumili nito, at higit pa rito, napakababa ng kalidad nito, hindi man lang ito nakaka-esterilisa. Alam ba ito ng taong nag-asikaso ng gampaning ito? (Dapat alam niya.) Pero hindi siguro alam ng buhong na ito. Bakit? Hindi ang taong pinagkatiwalaan Ko ng gampaning ito ang mismong nagsagawa nito, kundi naghanap siya ng ibang taong gagawa nito para sa kanya, at kaya hindi talaga niya alam kung anong aytem ang nabili, o kung maganda ba o pangit ang kalidad nito. Ano ang palagay ninyo sa naging paraan ng pag-aasikaso sa bagay na ito? Ginawa ba ito nang may malasakit o wala? May anumang kredibilidad ba ang taong ito? Karapat-dapat ba siyang asahan? (Hindi.) Anong uri ng tao ito? Isa ba itong taong may integridad o pagkatao? (Hindi.) Isa itong taong magulo ang isip, isang ganap na buhong. At hindi pa rito nagtatapos ang kuwento. Pagkatapos na pagkatapos nito, nagsimulang magbulay-bulay ang taong nangangasiwa sa gampaning ito: “Magandang gumamit ng ozone disinfector para maesterilisa ang mga bagay-bagay. Yamang maraming tao ang gumagamit sa ating mga bulwagang pinagkakainan, marahil ay dapat bumili na rin tayo ng mga ozone disinfector para doon. Bumili ka ng isa, kaya bibili rin kami ng ilan. Mayroon kang maliit para sa iyong maliit na kusina, kaya bibili naman kami ng malalaki para sa aming malalaking bulwagang pinagkakainan.” Nang maisip niya ang ideyang ito, tinalakay niya ito sa iba pang buhong, at pagkatapos ay napagpasyahan nga ito. At pagkatapos na mabili ang mga ozone disinfector na iyon, sinabi ng mga kapatid na yamang gumagamit naman ang lahat ng sarili nilang mga pinggan at hindi naman naghihiraman ng anumang kubyertos, hindi na kailangan pang maesterilisa ang mga ito, at kalabisan na lang na maesterilisa pa ang mga ito. Sa huli, natambak na lang ang mga makina, at kahit ngayon ay may ilan pa ring nakatambak sa bodega na nakabalot pa. Ano ang masasabi ninyo sa paraan ng pag-aasikaso sa bagay na ito? Ginawa ba ito sa isang makatwirang paraan? Hindi ba’t isa itong kaso kung saan naghanap lang ng pagkakagastusan ang isang taong walang magawa? Sabi pa nga ng ilang tao, na iniisip na nanggaling sa Itaas ang utos na bilhin ang mga ito, “Huwag kayong magreklamo! Dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos. Mahal na mahal ng Diyos ang mga tao na ibinibili pa Niya tayo ng mga bagay na hindi naman natin magagamit. Handa Siyang gumastos ng malaking halaga para sa atin. Napakabuti ng Diyos sa atin!” Pero ngayon alam na nila na ang mga biniling ito ay bunga ng mga lihim na operasyon ng grupo ng mga buhong. Ganito nila winaldas ang mga handog, nang walang sinumang nananagot, nang walang nagsisiyasat ng mga bagay-bagay, at walang nagsisiyasat kung tama ba na binili ang mga ito, o walang nag-ulat matapos mabili ang mga ito. Ano ang naging batayan ng taong ito sa pagbili sa mga bagay na ito? Ito ay na hiniling Ko sa kanya na bumili ng sterilizing cabinet para sa maliit na kusina. Hiniling Ko ba sa kanya na bilhin ang mga ito para sa lahat ng bulwagang pinagkakainan? Hindi Ko siya kailanman inatasan ng gayong gampanin. Kung gayon, ano ang naging motibo niya sa pagbili ng mga ito para sa lahat ng bulwagang pinagkakainan? Hindi ba’t pagtuturing niya ito sa mga handog bilang personal niyang pag-aari, at paglalaan sa mga ito sa papaanong paraan man niya naisin na mailaan ang mga ito? May awtoridad ba siya na ilaan ang mga ito? (Wala.) Bago bilhin ang mga makinang ito, hindi niya Ako kailanman tinanong: “Yamang bumili kami ng isang sterilizing cabinet para sa maliit na kusina, hindi ba’t dapat bumili rin kami ng ilan para sa malalaking bulwagang pinagkakainan?” At hindi niya iniulat kung gaano karaming ozone disinfector ang binili niya matapos niyang bilhin ang mga ito, at kung magkano ang nagastos lahat-lahat, ni hindi niya iniulat ang katunayang wala namang nakitang pakinabang ang mga kapatid sa mga ito. Ito ang kasuklam-suklam na paraan ng naging pag-asikaso sa bagay na ito. At ang taong ito na magulo ang isip ay suwail pa rin nang mapungusan siya. Paano dapat tratuhin ng isang tao ang ganitong uri ng tao? (Patalsikin siya mula sa iglesia.) Kung titingnan ang kalikasan ng insidenteng ito, hindi magiging kalabisan na patalsikin siya mula sa iglesia, dahil isa itong usapin na may kinalaman sa mga handog, at dahil may kinalaman ito sa mga handog, nilabag nito ang mga atas administratibo. Pagkilos ito nang padalus-dalos! Iniisip ba niyang sa kanya ang pera? May awtoridad ba siyang gamitin at waldasin ito? Sa pagbili na ipinagkatiwala Ko sa mga tao na gawin para sa Akin, lumikha sila ng iba’t ibang suliranin, at naging isang napakalaking pasakit para sa kanila na magawa ang gampanin, at bukod pa rito ay kinailangan Ko pang talakayin ang lahat ng bagay sa kanila. Tungkol naman sa mga bagay na hindi Ko ipinagkatiwala sa mga tao na gawin at bilhin, binili nila ang mga bagay na iyon nang hindi nag-iisip masyado, hindi sila kailanman nagplano o kumonsulta sa karamihan kung magiging kapaki-pakinabang bang aytem ang mga ito—basta-basta na lang nilang winaldas ang pera nang ayon sa kanilang kagustuhan. Noong nakaraan, may ilang espesyal na sitwasyon kung saan sinabihan ang ilang tao na bumili ng pagkaing tatagal ng anim na buwan hanggang isang taon dahil may pangamba na baka hindi sumapat ang mga pagkain. Ipinaliwanag ang naturang usapin sa kanila sa ganitong maikli at simpleng paraan, at sa loob ng isang linggo, bumalik sila para mag-ulat na natapos na nila ang kanilang pamimili sa loob ng tatlong araw, nakabili sila ng mga organikong produkto at ng mga produktong malapit nang masertipika bilang organiko. Kumusta ang ginawa nila? Hindi ba’t napakahusay ng naging paggawa nila? Hindi Ko na kinailangan pang magsalita ng anuman, naasikaso na ang naturang usapin. Inasikaso nila ang gampaning ito nang sila lang nang may kagalakan at kahandaan, at lumitaw talaga na mahusay, maliksi, matalino, at maalalahanin sila. Hindi lamang ang pagkaing kailangan nila ang kanilang nabili, kundi maging ang mga pang-araw-araw nilang pangangailangan. Kabilang sa mga pang-araw-araw nilang pangangailangan na iyon ang lahat ng kanilang kailangan, nabili nila ang lahat ng maiisip mo, maging ang mga bagay tulad ng mga kendi, butong-pakwan, at iba pang mamimiryenda. Naisip Ko na alam talaga ng mga taong ito kung paano mamuhay; alam nila kung paano gumastos ng pera, at malakas din ang loob nilang gumastos ng pera. May kakayahan sila, may malalakas na kasanayan para mabuhay, mas malakas kaysa sa maiilap na hayop, at napakabilis nilang kumilos, mas mabilis pa kaysa sa inaasahan Ko. Para mabuhay, nagawa nilang maitulak ang mga bundok at dagat—walang anumang bagay na hindi nila kayang gawin. Mula sa insidenteng ito, nakita Ko na hindi naman lubos na walang-utak o ganap na walang kakayahang makakumpleto ng mga gampanin ang mga taong ito, bagkus ay pangunahing nakadepende ito sa kung para kanino ba nila inaasikaso ang mga gampaning ito. Kung inaasikaso nila ang mga gampanin para sa kanilang sarili, mukha talaga silang aktibo, matalas, mabilis kumilos, at episyente—hindi na sila kailangang udyukan, at hindi Ko na kinailangang mag-alala sa kanila. Pero nang gumagawa sila ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nahirapan silang asikasuhin ang anumang gampanin, hinding-hindi nila mahanap ang mga prinsipyo, at lagi silang pumapalpak. May dahilan pala ito, at may malaking pagkakaiba sa pagitan ng kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay para sa kanilang sarili at kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos. Sa ngayon, huwag na muna nating pag-usapan kung anong uri ng disposisyon o diwa ang taglay ng mga taong ito. Ibinunyag ng dalawang ganap na magkaibang saloobing ito na kinikimkim ng mga taong ito sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay na tunay nga silang may mababang pagkatao. Gaano nga ba kababa ang kanilang pagkatao? Hayaan ninyong bigyan Ko ito ng depinisyon para sa inyo, hindi tao ang mga taong ito, isa lang silang grupo ng mga halimaw! Akma ba sa kanila ang depinisyong ito? (Oo.) Maaaring mahirap sikmurain ang mga salitang ito, at maaaring nakakasama ng loob na marinig ang mga ito, pero ganitong-ganito ang pag-aasikaso ng mga taong ito sa mga gampanin, at ganitong uri talaga sila. Ang sinasabi Ko ay batay sa mga katunayan at hindi ito paninirang-puri nang walang basehan. Kapag ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang ilang tao, dahil sila ay bata pa, medyo mahina ang kakayahan, at kulang sa pundasyon at tayog, patuloy silang tutulungan nito, at ibabahagi sa kanila ang katotohanan at mga prinsipyo. Pero, sa huli, ang mababang pagkatao ay mababang pagkatao lang, ang isang halimaw ay isa lang talagang halimaw, at hindi na kailanman magbabago ang mga taong ito. Bukod sa hindi nila isasagawa ang katotohanan, lalo pa silang lalala, magmamalabis, at hindi magtataglay ng kahit katiting na kahihiyan na isang bahagi ng normal na pagkatao. Kapag bumibili sila ng isang bagay o kapag isinasagawa nila ang isang gampanin para sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman humihingi ng payo tungkol sa kung paano bilhin ang mga bagay na ito nang makakamura at makakatipid ng pera habang nakakakuha pa rin ng isang praktikal na bagay. Hindi nila ito kailanman ginagawa. Pikit-mata lang silang gumagastos ng pera, bumibili ng mga bagay-bagay nang walang ingat, at bumibili na lang ng kung anong walang kuwentang mga produkto. Pero kapag dumating na ang panahon para kumpletuhin ang isang gampanin o personal na bilhin ang isang bagay para sa Akin, sineseryoso na nila ito at pinag-iisipan kung paano makakatipid sa gastos, at kung paano gagastos nang kaunti pero mas marami ang magagawa. Iniisip nila na ang paggawa sa mga bagay sa ganitong paraan ay paghawak sa mga prinsipyo at pagsasagawa sa katotohanan. May kahit kaunti bang katwiran ang mga taong ito? Kaninong pera ito, at para kanino ito dapat gastusin—malabo pa nga ang mga bagay na ito sa kanila. Hindi ba’t ganito ang pag-aasikaso sa mga bagay-bagay na parang isang buhong? May mga ganitong tao ba sa paligid ninyo? Ang lahat ng hindi nakikipagtalakayan sa kagawaran ng pananalapi o sa mga kapatid na katuwang nila kapag bumibili ng mga mahalaga at mamahaling bagay para sa iglesia, na basta na lang winawaldas ang mga handog ayon sa kagustuhan nila, na nalalaman namang dapat silang magtipid at magbadyet ng kanilang gastusin kapag ginagastos nila ang sarili nilang pera, pero winawaldas naman ang pera nang ganoon-ganoon lang kapag ginagastos ang mga handog na para sa Diyos—sadya talagang kamuhi-muhi ang mga ganitong tao! Masyado silang kasuklam-suklam! Tama ba? (Oo.) Kinasusuklaman Ko ang mga gayong bagay sa tuwing maiisip Ko ang mga ito. Mas mababa pa nga ang mga halimaw na iyon kaysa sa mga asong-bantay. Nararapat ba silang manirahan sa sambahayan ng Diyos?

May isang lider noon na kinukuha ang lahat ng aytem na inihandog sa Diyos ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar para ilagay sa kanyang “pag-iingat,” kabilang na ang mga mamahaling bagay, karaniwang damit, mga produktong pangkalusugan na makakain, at iba pa. Mga may-tatak na bag ang nakasukbit sa kanyang likod, nakasuot ng balat na sapatos ang kanyang mga paa, may mga singsing sa kanyang mga daliri, kuwintas sa kanyang leeg, at iba pa—anumang maaari niyang gamitin, aangkinin at gagamitin niya, nang walang pahintulot ninuman. Isang araw, tinanong siya ng Itaas na Brother kung bakit hindi pa niya naibibigay ang lahat ng aytem na inihandog sa Diyos ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar. Sumagot siya: “Sinabi ng mga kapatid na bigay sa iglesia ang mga bagay na ito, hindi nila sinabi na handog sa diyos ang mga ito.” Ipinagdiinan pa niya ang punto na ibinigay ang mga ito sa iglesia, na ipinapahiwatig niya na, yamang siya ang kinatawang may lubos na kapangyarihan sa iglesia, mas maigi pang huwag nang umasa ang Diyos na makukuha pa Niya ang mga bagay na ito, na hindi para sa Diyos ang mga ito kundi para sa paggamit ng iglesia. Sa mas kongkretong pananalita, ibig niyang sabihin: “Ako ang siyang dapat na gumamit ng mga bagay na ito, hindi ito inihandog para gamitin ng diyos. Ano ba ang hinihingi mo? Kalipikado ka bang hingin ito?” Nagagalit ba kayong marinig ito? (Oo.) Kahit sino ay magagalit kapag narinig ito. Sabihin ninyo sa Akin, may naniniwala ba na inihahandog sa mga lider ng iglesia ang mga bagay na ibinibigay ng mga kapatid sa iglesia? Mayroon bang nagsasabi na, kapag naghahandog sila ng mga bagay sa iglesia, inihahandog nila ang mga ito sa kung sinong lider ng iglesia? May ganito bang layunin ang sinuman? (Wala.) Maliban na lang kapag ginagawa nila ang paghahandog, isinusulat nila, “Pakiparating ito kay ganito-at-ganyan”—saka lamang papasok ang bagay na ito sa pribadong pag-aari ng lider na ito. Kung hindi naman, ang lahat ng bagay na inihandog, pera man ito o mga aytem, ay ibinibigay ng mga kapatid sa Diyos. Ang mga bagay na inihandog sa Diyos ay tinatawag sa kabuuan na mga handog. Kapag naitalaga na ang mga ito bilang mga handog, ang mga ito ay para na sa paggamit ng Diyos. Kapag ang mga ito ay para sa paggamit ng Diyos, paano ginagamit ng Diyos ang mga ito? Paano inilalaan ng Diyos ang mga bagay na ito? (Ibinibigay Niya ang mga ito sa iglesia para gamitin sa gawain nito.) Tama iyan. May mga prinsipyo at partikular na detalye sa paggamit ng mga ito sa gawain ng iglesia, kabilang na ang pang-araw-araw na panggastos para sa mga full-time na gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa iglesia, at ang iba’t ibang gastusin ng gawain ng iglesia. Sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, kasama ang dalawang aytem na ito sa paggamit nito: ang pang-araw-araw na gastusin ni Cristo, at ang lahat ng gastusin ng gawain ng iglesia. Ngayon, sa dalawang aytem na ito, mayroon ba rito na nagsasabing ang mga handog ay maaaring gamitin bilang mga personal na suweldo, gantimpala, gastusin, at sahod? (Wala.) Hindi pagmamay-ari ng sinumang tao ang mga handog. Ang paggamit at alokasyon sa mga handog ay dapat isaayos ng sambahayan ng Diyos, at pangunahing ginagamit ang mga ito sa gawain ng iglesia: Hindi kasama rito na kung sinuman ang lider ng iglesia ay siya ang may awtoridad na umangkin o gumamit sa mga handog. Kung gayon, paano ba talaga dapat gamitin ang mga ito? Dapat ilaan ang mga handog na ito ayon sa mga prinsipyo sa paggamit ng pag-aari ng iglesia. Kung titingnan sa perspektibang ito, hindi ba’t kahiya-hiya na laging ninanais ng mga anticristo na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog? Iniisip lagi ng mga anticristo na ang mga pera at aytem na inihandog ng mga kapatid ay para sa sinumang nakaupong lider. Hindi ba’t walang kahihiyang paraan ng pag-iisip ito? (Oo.) Sobra itong walang kahihiyan! Hindi lamang buktot at malupit ang mga anticristo sa kanilang disposisyon, kundi mababang-uri at napakababa rin ng kanilang karakter, na walang anumang kahihiyan.

Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito at sa pag-uusap tungkol sa mga usaping ito, magiging malinaw ang mga katotohanang dapat maunawaan at isagawa ng mga tao. Subalit, kung hindi tayo magbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito, laging mahihinto sa isang literal at pandoktrinang antas ang pagkaunawa ng mga tao sa ilang katotohanan, at mananatili itong medyo walang kabuluhan. Kung isasama natin ang ilang totoong usapin sa ating pagbabahaginan sa katotohanan, mas magiging madali para sa mga tao na makilatis ang mga bagay-bagay, at magiging mas kongkreto at praktikal ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Samakatwid, ang pagbabahaginan sa mga bagay na ito ay hindi para siraan ang sinuman o para pahirapan sila. Ito ang mga bagay na talagang nangyari, at bukod dito, may kaugnayan ang mga ito sa paksang pinagbabahaginan natin. Kaya, naging buhay na kagamitan sa pagtuturo ang ilang tao, at mga larawan at tauhan sa tipikal na mga halimbawang pinagbabahaginan at hinihimay natin. Napakanormal nito. Ang katotohanan, sa depinisyon nito, ay konektado sa mga salita, kaisipan, pananaw, kilos, at mga disposisyon na nabubunyag sa takbo ng buhay ng tao. Kung ang pagbabahaginan at ipapaliwanag lang natin ay ang literal na kahulugan ng katotohanan, inihihiwalay ito sa tunay na buhay, kailan pa kaya makakamit ng mga tao ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan? Lalo pang magiging mahirap para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan kapag ginawa ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan, at mahihirapan ang mga tao na makapasok sa katotohanang realidad. Ang makapagbigay ng ilang tipikal na halimbawa na mapagbabahaginan at mahihimay ay mas magiging mainam sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan, sa mga prinsipyong dapat nilang isagawa, sa mga layunin ng Diyos, at sa daan na dapat nilang sundan. Dahil dito, kahit ano pang mangyari, parehong angkop at kapaki-pakinabang ang pamamaraang ito sa mga tao. Kung walang kinalaman sa katotohanan ang mga bagay na ito, o sa disposisyon ng mga anticristo na hinihimay natin, hindi Ko gugustuhing magsalita pa tungkol sa mga ito. Pero may kinalaman nga ang mga disposisyon at diwa ng mga taong gumawa ng mga bagay na ito sa paksang pinagbabahaginan natin, kaya dapat nating pagbahaginan ang mga ito kapag kinakailangan. Ang pakay sa pagbabahaginan nito ay hindi para supilin ang mga tao o pahirapan sila, ni hindi para ipahiya sila sa publiko; bagkus, ito ay para himayin ang disposisyon at diwa ng mga tao, at ang mas mahalaga pa, para himayin ang disposisyon ng mga anticristo na nasa loob ng mga tao. Kung, sa tuwing nababanggit ang mga paksang ito sa ating pagbabahaginan, ang pumapasok lang sa isip ninyo ay na may ginawang ganito at ganyang bagay si ganito at ganyang tao, at bigo kayong maisip kung paano ito nauugnay sa katotohanan at sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, napatutunayan ba nito na naunawaan na ninyo ang katotohanan? (Hindi.) Kung ang naaalala lang ninyo ay isang usapin, o isang partikular na tao, at nagkakaroon kayo ng mga pagkiling, opinyon, at masamang palagay patungkol sa taong iyon, masasabi na bang nauunawaan na ninyo ang katotohanan? Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Kung gayon, sa ilalim ng anong mga kondisyon masasabi na nauunawaan na ninyo ang katotohanan? Halos sa lahat ng pagkakataon na pinagbabahaginan at hinihimay natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo, nagbabanggit Ako ng ilang kuwento bilang mga tipikal na halimbawa, at nakikipagbahaginan Ako sa inyo tungkol sa kung nasaan ang mga mali sa mga kuwentong ito at kung anong daan ang dapat sundan ng mga tao. Kung hindi pa rin ninyo maunawaan matapos ang ganitong uri ng pagbabahaginan, ibig sabihin nito ay may problema sa inyong pagkaarok, na masyadong mahina ang inyong kakayahan at wala kayong espirituwal na pang-unawa. Kung gayon, sa ilalim ng anong mga kondisyon maituturing na mayroon kayong kakayahang makaarok, na may taglay kayong espirituwal na pang-unawa, at naunawaan ninyo ang katotohanang nakapaloob sa mga halimbawang pinagbahaginan natin? Una sa lahat, dapat magawa ninyong ikumpara ang inyong sarili sa mga halimbawang pinagbabahaginan natin at makilala ninyo ang inyong sarili, para makita kung mayroon din ba kayong ganitong uri ng disposisyon, at kung may kakayahan ba kayong gawin ang mga gayong bagay kung mayroon kayong katayuan at awtoridad, at kung nagtataglay rin ba kayo ng mga gayong kaisipan at opinyon o nagbubunyag rin ng ganitong uri ng disposisyon. Isang aspekto ito. Dagdag pa rito, sa mga halimbawang pinagbabahaginan natin, dapat ninyong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat ninyong maunawaan at sundin sa positibong paraan. Ibig sabihin nito ay hanapin ang landas na dapat ninyong isagawa, at alamin, sa mga sitwasyong ito, kung ano ang dapat ninyong maging posisyon at kung paano magsagawa sa tamang paraan at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng paghihimay, dapat magawa ninyong kilalanin na ang inyong disposisyon ay katulad ng sa mga anticristo, mabuo ninyo ang ganoong koneksyon, at malaman kung paano ito lulutasin. Sa ganitong paraan, mauunawaan ninyo ang katotohanan, kayo ay magiging taong nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa, at may kakayahang maarok ang katotohanan. Kung pagkatapos makinig sa isang kuwento, matandaan ninyo ang lahat ng pasikut-sikot, ang lahat ng sanhi at bunga, at nagagawa ninyong maipaliwanag ang mga ito nang husto, pero hindi naman ninyo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa at pasukin ng mga tao, at kapag nahaharap sa isang sitwasyon, hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga katotohanang ito nang sa gayon ay makilatis ninyo ang mga tao at bagay, at makilala ninyo ang inyong sarili, kung gayon, ibig sabihin nito ay wala kayong kakayahang makaarok. At ang isang taong walang kakayahang makaarok ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa.

Bibigyan Ko kayo ng isa pang halimbawa. May isang tao na kahahalal pa lang bilang lider. Bago pa man niya tunay na naunawaan at naarok ang aktuwal na sitwasyon ng iba’t ibang aspekto ng gawain, ibig sabihin, bago pa niya hinarap nang husto ang bawat isa sa iba’t ibang aspekto ng gawain, nagsimula na siyang magtanung-tanong nang pribado: “Sinu-sinong mga tao ang nangangasiwa sa pag-iingat ng mga handog sa diyos sa ating iglesia? Iulat mo sa akin ang listahan ng kanilang mga pangalan. Ibigay mo rin sa akin ang lahat ng kanilang account number at password. Gusto kong maarok kung gaano karami ang pera.” Wala siyang interes sa anumang gawain. Ang bagay na pinakainteresado siya, at gustung-gusto talaga niyang malaman, ay ang mga pangalan ng mga tao na nag-iingat sa mga handog, pati na ang mga account number at password. Hindi ba’t may mangyayaring masama kapag ganito? Ginusto niyang mahawakan ang mga handog, hindi ba? Kapag naharap kayo sa ganitong sitwasyon, ano ang dapat ninyong gawin? Yamang naging lider na siya, ibig bang sabihin nito ay dapat nang ibigay sa kanya ang pag-aari ng iglesia, at na may karapatan na siyang malaman ang tungkol dito at magkaroon ng kapangyarihang kontrolin ito? (Hindi, hindi dapat ibigay sa kanya ang impormasyong ito.) Bakit hindi? Hindi ba’t hindi ka naman magiging masunurin kung hindi mo ito ibinigay sa kanya? (Ang katunayang nagpakita siya ng mga ganitong pagpapamalas ay patunay na may mali sa kanya, kaya naman, para protektahan ang mga handog sa Diyos, hindi namin maaaring ibigay sa kanya ang impormasyong ito.) Tama iyan: Yamang may mali sa kanya, hindi ninyo ito maaaring ibigay sa kanya. Pinatutunayan ng tugon ninyo na hindi nawalan ng saysay ang nakaraan Kong pagbabahagi at na naunawaan ninyo ito. Bakit hindi ninyo maaaring ibigay sa kanya ang impormasyong ito? Ang mga responsabilidad at tungkulin ng isang lider ay hindi binubuo ng pagtutok ng kanilang atensyon sa mga handog, o ng subukang makakuha ng anumang impormasyong may kaugnayan sa mga handog. Hindi ito ang tungkulin o mga responsabilidad ng isang lider. May mga tao ang mga iglesia sa iba’t ibang dako na itinalaga para pamahalaan at ingatan ang mga handog. Bukod dito, may mahihigpit na tuntunin at prinsipyo ang iglesia para pamahalaan ang paggamit ng mga handog. Walang sinumang may kapangyarihan na unahin ang kanilang paggamit sa mga handog, lalo namang wala silang kapangyarihan na unahin ang kanilang pag-angkin sa mga handog. Aplikable ito sa lahat ng tao nang walang eksepsiyon. Hindi ba’t totoo naman ito? Hindi ba’t tama naman ito? (Oo.) Kapag nais ng mga anticristo na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog, ito mismo ay mali na. Iniisip nila na, bilang mga lider, dapat malaya nilang matamasa ang paggamit ng mga handog: Ito ba ang katotohanan? Sa Diyos ang perang ito—bakit ginagamit nila ito nang mali? Bakit sila nasisiyahang gamitin ito sa paanong paraan man nila gusto? Kalipikado ba silang gawin ito? Sang-ayon ba ang Diyos sa ganitong paggamit nila ng mga handog? Sasang-ayunan ba ito ng mga taong hinirang ng Diyos? Na inaangkin at winawaldas ng mga anticristo ang mga handog: natutukoy ito ng kanilang malupit na disposisyon, isa itong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay na lumilitaw mula sa kanilang kasakiman, at hindi ito isang bagay na itinuro ng salita ng Diyos. Noon pa man ay gusto na ng anticristong ito na magkaroon ng kontrol sa lahat ng handog, maging sa lahat ng impormasyon tungkol sa mga tao na nangangasiwa sa pag-iingat nito, at sa lahat ng account number at password. Seryosong problema ito, hindi ba? Ninais ba niyang malaman ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga handog sa Diyos, at ingatan ang mga ito nang mabuti, at ilaan ang mga ito sa paraang makatwiran at na iingatan ang mga ito nang buo, nang hindi pinapayagan ang sinuman na malaya at walang ingat na gastusin ang mga ito? Naisip ba niyang gawin ito? May maoobserbahan bang anumang palatandaan ng mabubuting intensyon mula sa kanyang mga kilos? (Wala.) Kaya, kung tunay ngang hindi pinag-iimbutan ng isang tao ang mga handog, ano ang gagawin niya kapag napili siya bilang lider? (Aalamin muna niya ang pagiging epektibo ng iba’t ibang aspekto ng gawain sa iglesia, maging kung paano iniingatan ang mga handog at kung ligtas ba ang lugar na pinaglalagakan ng mga ito. Gayumpaman, hindi siya magtatanong tungkol sa mga account number, password, o mga halagang hawak-hawak.) Tama, pero may isa pang bagay. Pagkatapos na mapili bilang lider ang isang taong tunay na hindi nag-iimbot sa mga handog, sisiyasatin niya kung ligtas ba ang lugar na pinaglalagakan ng mga handog, pati na kung ang mga taong nangangasiwa sa pag-iingat ng mga ito ay angkop at maaasahan, kung lulustayin kaya ng mga ito ang mga handog, at kung iniingatan ba ng mga ito ang mga handog nang alinsunod sa mga prinsipyo. Isasaalang-alang muna niya ang mga bagay na ito. Para naman sa mga sensitibong impormasyon gaya ng dami ng mga handog at mga password, ang mga taong hindi sakim—mga disente at marangal na tao—ay hindi mangingialam sa mga bagay na ito. Pero hindi ito iiwasan ng isang taong sakim, ikakatwiran nito na: “Ako ang lider. Hindi ba’t dapat na pangasiwaan ko ang bawat aspekto ng gawain? Naibigay na sa pangangasiwa ko ang lahat, bakit hindi ang mga handog?” Gamit ang kapangyarihang mayroon siya, gugustuhin niyang makuha ang kontrol sa pananalapi ng iglesia gamit ang dahilang ito. Problema iyon. Hindi niya gagawin ang kanyang gawain o tutuparin ang kanyang mga responsabilidad nang maayos, ni hindi niya pamamahalaan ang mga pananalapi ng iglesia alinsunod sa mga normal na proseso at prinsipyo. Sa halip, magkakaroon siya ng sarili niyang mga plano ukol sa mga ito. Sinumang may kakayahang mag-isip tulad ng isang normal na tao ay makikita ito. Nang simulang gawin ito ng lider na ito, may taong nag-ulat nito at pinatigil siya. Pagkatapos, nag-ulat ang taong iyon sa Akin, tinatanong kung tama ba na gawin ito, at sinabi Ko na tama ito. Tinatawag itong pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; hindi maaaring ibigay ang impormasyong iyon sa gayong tao. Ang naising kontrolin muna ang pera ng sambahayan ng Diyos nang wala man lang ginagawang anumang gawain—hindi ba’t medyo katulad ito ng malaking pulang dragon? Kapag inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga kapatid, ang unang ginagawa nito ay hindi ang bugbugin sila, sa takot na baka hindi na makapagsalita nang malinaw ang mga ito matapos silang mabugbog nang husto—tinatanong muna nito kung saan nakatago ang pera ng iglesia, kung sino ang nag-iingat nito, at kung magkano ang pera ng iglesia. Saka lamang nito tatanungin kung sinu-sino ang mga lider ng iglesia. Ang pakay lang nito ay makuha ang pera. Likas na magkapareho ang ginawa ng lider na ito at ang ginagawa ng malaking pulang dragon. Hindi siya nagtanung-tanong tungkol sa anumang gawain, o nagdala ng pasanin para sa anumang bagay, at pinag-ukulan lamang niya ng pansin ang mga pananalapi—hindi ba’t pagiging ubod ng sama ito? Halatang-halata ang mga kilos ng napakasamang taong ito! Bago pa man naging matatag ang kanyang katayuan, ginusto na niyang makuha ang pera. Hindi ba’t masyado naman siyang nagmamadali niyan? Ang hindi niya alam, nagawa na siyang kilatisin ng iba, at dahil dito ay natanggal siya kalaunan. Pagdating sa ganitong uri ng tao, na kumikilos sa gayon kahalatang paraan, dapat tandaan ninyo ito: Magmadali kayong tanggalin siya. Hindi na kailangan pang kilatisin ang anupamang bagay tungkol sa ganitong uri ng tao, gaya ng kanyang mga disposisyon, pagkatao, edukasyon, pinanggalingang pamilya, tagal ng panahong nanampalataya siya sa Diyos, kung may pundasyon ba siya o wala, kung ano ba ang mga karanasan niya sa buhay—hindi ninyo kailangang kilatisin ang alinman sa mga bagay na ito, sapat na ang bagay na ito para matukoy na ang gayong tao ay isang anticristo. Dapat magkaisa kayo upang tanggalin at alisin ang taong ito. Hindi ninyo siya kailangan bilang lider. Bakit? Kung hahayaan mo siyang pamunuan kayo, wawaldasin niya kahit gaano pa karaming pera mayroon ang iglesia, at lulustayin niya itong lahat, at pagkatapos ay matitigil ang gawain ng iglesia at magiging imposible nang isakatuparan ito. Kung makaharap mo ang ganitong uri ng tao, na nakapako sa pagsunggab ng pera, na ang atensyon ay lagi at walang puknat nang nakapako sa kayamanan, at mapag-imbot siya, at kung hindi pa lumilitaw ang mga palatandaan ng kanyang tunay na kalikasan, at inihalal siya ng lahat nang magulo ang kanilang isipan, iniisip na mayroon siyang ilang kaloob, na mahusay siya sa kanyang gawain, na may kakayahan siyang akayin ang lahat na pumasok sa katotohanang realidad, na wala sa hinagap nilang sa sandaling maging lider na siya, sisimulan na niyang ibulsa ang pera, kung magkagayon, dapat magmadali na kayo at pabagsakin siya mula sa kanyang posisyon. Ito ang pinakatamang dapat gawin. Pagkatapos, maaari na kayong maghalal ng iba. Hindi magigiba ang iglesia kung wala itong lider nang isang araw. Nananampalataya sa Diyos ang mga taong hinirang ng Diyos, hindi sa sinumang partikular na lider. Sabihin ninyo sa Akin, may mga pagkakataon ba na nagkakamali sa paghatol ang mga kapatid? Bago naging lider ang taong ito, walang paraan para masabi na sakim siya. Sa mga pakikisalamuha niya sa iba, hindi niya sinubukang manamantala, ginagastos niya ang sarili niyang pera kapag bumibili siya ng mga bagay-bagay, at nagbibigay pa nga siya ng limos. Pero, ang unang bagay na ginawa niya nang maging lider siya ay ang kumuha ng impormasyon tungkol sa mga pananalapi ng iglesia. Hindi kayang pigilan ng karamihan sa mga tao ang ganitong uri ng buktot na udyok ng damdamin—talagang hindi ito kapani-paniwala! Paano niya nagawang magbago nang ganoon kabilis? Hindi sa nagbago siya nang ganoon kabilis, kundi ganoong uri na talaga siya ng nilalang sa simula pa lang, ang tanging pagkakaiba lang, noon, wala siya sa mga sitwasyong magbubunyag sana sa kanya, at ngayon ay ibinunyag na siya ng sitwasyong ito. Yamang nabunyag na ang taong ito, bakit kaaawaan mo pa rin siya? Sipain mo na lang siya nang lumipad siya papalabas dito, mas malayo mas mabuti! May lakas ba kayo ng loob na gawin ito? (Mayroon.) Pagdating sa sinumang tao na palaging may pinaplanong masama sa pag-aari ng iglesia, huwag ninyo siyang ihalal kapag hindi ninyo pa siya nakikilala nang lubos. Kung, dala ng kamangmangan, inihalal ninyo siya nang hindi ninyo siya nauunawaan nang lubos, at pagkatapos ay natuklasan ninyong isa pala siyang sakim na nilalang at isang Hudas, dapat magmadali na kayong palayasin at paalisin siya. Huwag kayong maging maawain, at huwag kayong mag-atubili. May mga nagsasabi: “Kahit na sakim ang taong iyon, ayos naman siya sa iba pang mga bagay. Kaya niyang gabayan ang mga tao tungo sa pagkaunawa sa salita ng Diyos, at kaya niyang mahimok ang mga tao na normal na gampanan ang kanilang mga tungkulin.” Pero sandali lang siyang ganito. Sa paglipas ng panahon, hindi na siya magiging ganito. Ilang araw lang ang lilipas at lilitaw na ang demonyo niyang pagmumukha. Ang lahat ng pagpapamalas at disposisyon ng mga anticristo na pinagbahaginan natin noon ay unti-unting mabubunyag sa kanya. Pagdating ng panahong iyon, hindi ba’t magiging huli na ang lahat para tanggalin siya? Nagdusa na ang gawain ng iglesia sa panahong iyon. Kung hindi ka naniniwala sa sinabi Ko, at nag-aatubili ka, huwag kang sisinghot-singhot kapag may mga pagsisisi ka. Una, tingnan mo kung paano tinatrato ng isang tao ang mga handog: Ito ang pinakasimpleng estratehiya, at ang pinakadirekta at diretsahang paraan para makilatis kung may diwa ba ng mga anticristo ang isang tao. Sa mga paksang pinagbahaginan natin noon, kinailangan nating tukuyin ang mga disposisyon ng mga anticristo sa pamamagitan ng ilang pagpapamalas, pagbubunyag, perspektiba, salita, at kilos, at tingnan kung may diwa ba sila ng mga anticristo batay sa kanilang mga disposisyon. Sa isang isyu pa lang na ito, hindi na kailangang gawin ang mga bagay na ito: Ito ay direkta at diretsahan, simple, at hindi masyadong nangangailangan ng pagsisikap at oras. Hangga’t nagpapakita ang isang tao ng ganitong pagpapamalas—palaging nagnanais na unahin ang kanyang pag-angkin sa mga handog o puwersahang kinukuha ang mga handog—makatitiyak ka nang isandaang porsyento na isa siyang anticristo. Maaari siyang iklasipika bilang isang anticristo, at hindi siya maaaring magsilbing lider, kundi dapat siyang tanggalin at itakwil ng mga kapatid.

Katatapos lang natin magbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo na inuuna ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog, at ginamit natin ito para ipaliwanag nang husto at himayin ang mga disposisyon at ang diwa na ipinapahayag ng mga anticristo sa kanilang pagtatangka na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia. Ito ang unang aytem. Ang pag-angkin at paggamit—ang mga ito ang mga pinakauna at pinakapangunahing diskarte ng mga anticristo pagdating sa pag-aari ng iglesia. Sa aytem na ito, hindi natin kongkretong pinagbahaginan kung paano inaangkin at ginagamit ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia. Tatalakayin pa natin ito nang mas kongkreto at detalyado sa susunod na aytem, na ang mga anticristo ay winawaldas, nilulustay, ipinahihiram, ginagamit nang may pandaraya, at ninanakaw ang mga handog.