Ikalabintatlong Aytem: Kinokontrol Nila ang mga Pananalapi ng Iglesia at Kinokontrol din Nila ang Puso ng mga Tao (Unang Seksiyon)

I. Kinokontrol ng mga Anticristo ang Puso ng mga Tao

Ngayon, magbahaginan tayo tungkol sa ikalabintatlong aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—kinokontrol nila ang mga pananalapi ng iglesia at kinokontrol din nila ang puso ng mga tao. Kung titingnan ang maraming iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, tinatalakay ng bawat isa sa mga aytem na ito ang kanilang disposisyon at diwa, na tutol sa katotohanan, malupit, at buktot. Ganoon din ang ikalabintatlong aytem. “Kinokontrol nila ang mga pananalapi ng iglesia at kinokontrol din nila ang puso ng mga tao”—batay sa pagpapamalas na ito, makikita mo na hindi lamang ambisyoso ang mga anticristo kundi sakim din; nagkikimkim sila ng maraming pangangailangan sa loob ng kanilang puso. Lehitimo ba ang mga pangangailangang ito? (Hindi.) Ang pagkontrol ba sa puso ng mga tao ay isang bagay na positibo? Kitang-kita naman ng isang tao mula sa salitang “kontrol” na hindi ito isang bagay na positibo. Sa anong aspekto ito hindi positibo? Bakit mali na magkaroon ng kontrol? Nais ba ninyong kontrolin ang puso ng mga tao? (Hindi.) Bagama’t hindi ninyo nais gawin iyon, darating ang mga pagkakataon kung kailan wala kayong magagawa kundi kumilos sa ganoong paraan. Tinatawag itong “disposisyon”; tinatawag itong “diwa.” Hindi isang lehitimong pangangailangan ang pagkontrol ng mga anticristo sa puso ng mga tao, ni hindi ito patas at makatwiran; isa itong bagay na negatibo. Ano ba ang ibig sabihin ng “kontrolin ang puso ng mga tao”? Hindi abstrakto ang pagkontrol sa puso ng mga tao; sa halip, isa itong bagay na medyo kongkreto at partikular, na may mga partikular na pamamaraan, asal at wika, pati mga partikular na kaisipan, perspektiba, layunin, at motibo. At dahil ganito, ano ang mga kongkretong pagpapamalas na kinokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao, at paano partikular na binibigyan ng depinisyon ang kontrol na ito? (Sa pamamagitan ng pagpapakita ng panlabas na pagdurusa at pagbabayad ng halaga para makuha ang pagsang-ayon at paggalang ng iba, at para makamit ang layong mailigaw ang iba.) Gumagamit ang mga anticristo ng mga partikular na uri ng asal at pagpapamalas para makuha ang pabor ng mga tao, nang sa gayon ay magkamit sila ng puwang sa puso ng mga tao, at para igalang sila ng mga tao. Kapag nakuha ng mga anticristo ang paggalang ng iba, ang kalikasan ng kinakalabasan nito ay isang uri ng panlilihis sa mga tao. Pero sa kanilang puso, hindi naman talaga kagustuhan ng mga anticristo na gamitin ang mga pamamaraang ito para iligaw ang iba; ang gusto nila ay ang igalang sila—iyon ang pakay nila. May iba pa ba? (Gumagamit ang mga anticristo ng mga munting pabor para mailigaw ang mga tao at siluin sila, at ipinagyayabang nila ang kanilang sariling mga kakayahan at kaloob para igalang at hangaan sila ng iba at sundin ng iba ang kanilang mga utos, at matupad ang kanilang layon na mahikayat at makontrol ang mga tao.) Isang aspekto ito. (Nagkukunwari ang mga anticristo na espirituwal sila. Kapag pinupungusan sila, bigo silang maunawaan ito, pero nagkukunwari silang naunawaan nila ito at na kaya nila itong sundin, nang sa gayon ay maramdaman ng iba na masugid nilang hinahangad ang katotohanan at na marami-rami na ang kanilang espirituwal na pang-unawa. Nagbabalatkayo sila bilang mga tao na naghahangad at nakauunawa sa katotohanan, para makamit ang kalalabasang iginagalang at tinitingala sila ng ibang tao.) Isa pang aspekto ito. Gusto lagi ng mga anticristo na makita ng iba kung gaano sila ka-espirituwal, at na nagagawa nilang hangarin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan. Ang totoo, wala silang taglay na kahit kaunting pagkaunawa, pero nagpapanggap pa rin silang espirituwal na tao, para igalang at tingalain sila ng iba. Gumagamit sila ng mga gayong pamamaraan para kontrolin ang puso ng mga tao. May iba pa ba? (Nagsasalita ang mga anticristo tungkol sa mga salita at doktrina para magpakitang-gilas at itanyag ang kanilang sarili, nang sa gayon ay isipin ng iba na nauunawaan nila ang katotohanan at na may taglay silang tayog, para igalang sila, sambahin sila, at pakinggan sila ng iba. Nakokontrol nila ang mga tao sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito.) Isa itong kongkretong pagpapamalas, pero ang sabihing “nagsasalita sila tungkol sa mga salita at doktrina” ay hindi ganap na akma. Walang kamalay-malay ang mga anticristo na nagsasalita sila tungkol sa mga salita at doktrina; naniniwala silang ang mga bagay na sinasabi nila ay ang realidad, mga matatayog na teorya at sermon, at ginagamit nila ang mga bagay na ito para iligaw ang mga tao. Kung alam ng mga anticristo na mga salita at doktrina ang mga iyon, titigil na sila sa pagsasalita tungkol sa mga iyon. May iba pa ba? (Hayagang nilalabanan ng mga anticristo ang mga prinsipyo, ginagamit ang kapangyarihang mayroon sila at ang mga huwad na espirituwal na teorya para makuha ang tiwala ng lahat sa mapanlinlang na paraan, at sa gayong paraan ay matupad nila ang kanilang layon na makontrol ang mga tao.) (Pinuputol ng mga anticristo ang koneksyon ng mga hinirang ng Diyos sa Itaas. Hindi nila isinasagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, may lubos silang kapangyarihan sa loob ng kanilang nasasakupan, at sinusubukan nilang magtayo ng sarili nilang mga kaharian at kontrolin ang mga tao.) Isa rin itong kongkretong pagpapamalas. Sa mas tumpak na pagpapaliwanag, nililinlang nila ang Itaas, ikinukubli ang mga bagay-bagay sa mga nasa ibaba nila, at sinusubukang makuha ang pabor ng mga tao, hindi nila hinahayaang makita ng iba ang totoong sitwasyon, at kinukuha nila ang tiwala ng mga ito gamit ang mapanlinlang na paraan, para matupad ang kanilang layon na makontrol ang puso ng mga tao. Ang pakay nila sa panlilinlang sa Itaas at pagkukubli ng mga bagay-bagay sa mga nasa ilalim nila ay para huwag makita ng Itaas at ng mga kapatid ang katotohanan tungkol sa kanila, nang sa gayon ay pagkatiwalaan sila ng Itaas at ng mga kapatid, at nang sa huli, sila lang ang sasambahin ng mga kapatid—at kung magkagayon, matutupad na nila ang kanilang layon na kontrolin ang puso ng mga tao. May iba pa ba? (Lumilikha ang mga anticristo ng isang grupo ng tila mga tamang regulasyon para sundin ng mga tao, at ginagamit nila ang mga ito para ipalit sa katotohanan, upang mapaniwala ang mga tao na ang pagsunod sa mga regulasyong ito ay kapareho ng pagsasagawa sa katotohanan. Sa ganitong mga pamamaraan, ay nakokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao at inaakay ang mga tao sa harap nila.) Dapat itong ilarawan bilang paglikha ng mga anticristo ng isang grupo ng mga panuntunan at regulasyon para ipalit sa mga katotohanang prinsipyo, nagkukunwari na ang mga ito ay espirituwal, pagkaunawa sa katotohanan, upang makinig sa kanila ang mga tao, at sa ganitong paraan, nakakamit nila ang kanilang layong kontrolin ang puso ng mga tao. Kung ang mga panuntunan na kanilang nilikha ay kapaki-pakinabang sa buhay iglesia at sa mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at kung hindi sumalungat ang mga iyon sa mga katotohanang prinsipyo at hindi nakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon ay walang magiging problema rito. Sa pagharap sa iba’t ibang uri ng tao sa iglesia, kailangan, maliban sa pagbabahagi sa katotohanan, na magtakda ng ilang panuntunan sa pangangasiwa para kumilos nang wasto ang mga tao. Kung hindi salungat sa mga katotohanang prinsipyo ang mga panuntunang ito sa pangangasiwa, bagkus ay kapaki-pakinabang sa mga tao, kung gayon ay mga positibong bagay ang mga ito, at hindi ito pagkontrol sa puso ng mga tao. Kung itinuturing ang mga panuntunang ito bilang mga katotohanang prinsipyo, mayroong problema. Kung gayon, nagagawa ba ng mga anticristo na makabuo ng mga panuntunang kapaki-pakinabang sa mga tao at umaayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Sige, subukan ninyo kung paano ito dapat ibuod. (Bumubuo ang mga anticristo ng ilang tuntunin na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at nagkukunwari silang espirituwal at nakakaunawa sa katotohanan para sundin sila ng mga tao, at makamit ang kanilang layong kontrolin ang puso ng mga tao.) Medyo akma na iyan. Mayroon pa bang iba? (Mahilig maglitanya ang mga anticristo ng mga tila matayog na ideya para ipakita ang kanilang katalinuhan at kabatiran, at para igalang sila ng mga tao. Halimbawa, pagkatapos na mapag-usapan ng lahat ang isang bagay at mapagdesisyunan kung ano ang gagawin ukol dito, magsasalita ang mga anticristo ng ilang teorya para pabulaanan ang suhestiyon ng iba, at para makinig ang lahat sa kanila, pero kung tutuusin, hindi rin naman ganoon kahusay ang kanilang pananaw. Pagkatapos, sa paglipas ng panahon, kahit ano pa ang usapin, walang maglalakas-loob na pagbahaginan ang katotohanan o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at mararamdaman nilang kailangan nilang hayaan ang mga anticristo na magpasya, at sa huli, matutupad ng mga anticristo ang kanilang layong kontrolin ang mga tao.) Naglilitanya ang mga anticristo ng tila matatayog na ideya sa bawat pagkakataon, pinapabulaanan ang mga suhestiyon ng iba, nagpakitang-gilas, at pinapaniwala ang iba na napakatalino nila, at sa pamamagitan niyon ay natutupad ang kanilang layong iligaw at kontrolin ang ibang tao. Marami na tayong napagbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng pagkontrol at pagliligaw ng mga anticristo sa mga tao noon. Kapag ginagawa ito ng mga anticristo, maraming iba-ibang taktika, pagpapamalas, at pamamaraan ang sangkot. Minsan ay gumagamit sila ng mga kilos, minsan ay gumagamit sila ng pananalita, at sa ibang mga pagkakataon naman ay gumagamit sila ng isang partikular na uri ng perspektiba para iligaw ang mga tao. Sa madaling salita, may mga layon sa likod ng lahat ng bagay na ito na ginagawa ng mga anticristo; walang kahit isa sa mga kilos na ito ang dalisay at hayag, at wala sa mga ito ang tumutugon sa katotohanan. Lahat ng ginagawa nila ay para mailigaw ang mga tao at para igalang at sambahin sila ng mga tao. Anuman ang sabihin at gawin ng mga anticristo sa panlabas ay pakitang-tao lamang—lahat ito ay mabubuting asal at bagay na itinuturing ng mga tao na mabuti—pero ang totoo, kung susuriin ng isang tao ang diwa ng mga bagay na ito, ang mga motibo at pakay sa likod ng mga pamamaraan ng mga anticristo ay pawang karumal-dumal, taliwas sa katotohanan, at kinamumuhian ng Diyos.

Batay sa pamamaraan ng pagkontrol nila sa puso ng mga tao, kamuhi-muhi at makasarili ang pagkatao ng mga anticristo, at tutol sa katotohanan, buktot, at malupit ang kanilang disposisyon. Gumagamit ang mga anticristo ng lahat ng uri ng kamuhi-muhi at patagong mga panlalansi para makamit ang kanilang mga pakay, nang walang anumang bahid ng kahihiyan—ito ang katangian ng kanilang buktot na kalikasan. Dagdag pa, nang hindi alintana kung handa ba ang mga tao o hindi, nang hindi ipinapaalam sa kanila o nang hindi hinihingi ang kanilang pahintulot, palagi nilang gustong kontrolin ang mga tao, manipulahin ang mga ito at mangibabaw sa mga ito. Gusto nilang mapasailalim sa kanilang manipulasyon ang lahat ng iniisip at kagustuhan ng mga tao sa kanilang puso, gusto nilang maglaan ang mga tao ng puwang para sa kanila sa puso ng mga ito, na sambahin sila ng mga ito, at tingalain sila sa lahat ng bagay. Gusto nilang higpitan at impluwensiyahan ang mga tao gamit ang kanilang mga salita at pananaw, at manipulahin at kontrolin ang mga ito batay sa kanilang mga sariling kagustuhan. Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t pagiging malupit ito? Para lang itong isang tigre na sakmal-sakmal ang iyong leeg sa bibig nito—subukan mo mang maghabol ng hininga at magpumiglas, hindi mo magawa ang gusto mo, sa halip, naiipit ka sa mahigpit, nakamamatay na sunggab ng mabangis nitong bibig. Subukan mo mang magpumiglas para makawala, hindi mo magagawa, at kahit makiusap ka pa sa tigre na luwagan ang pagkakasakmal nito, imposible iyon, wala nang magagawa pa. Ganoon na ganoon ang disposisyon ng mga anticristo. Ipagpalagay nang nakipagtalakayan ka sa kanila, na sinabi mong, “Puwede bang tigilan mo na ang pag-iisip ng mga paraan para kontrolin ang mga tao? Hindi mo ba kayang magpakabait at maging isang tagasunod? Hindi mo ba kayang magpakabait at tuparin ang mga tungkulin mo at manatili sa iyong posisyon?” Magagawa ba nilang sumang-ayon dito? Mapipigilan mo kaya sila sa kanilang mga ginagawa, gamit ang iyong mabuting asal o kung ano ang nauunawaan mo sa katotohanan? May makapagpapabago ba sa kanilang pananaw? Kung titingnan ang malupit na disposisyon ng mga anticristo, walang makapagpapabago sa kanilang mga isipan at perspektiba, ni walang makapagpapabago sa kanilang pagnanais na kontrolin ang puso ng mga tao. Walang makapagpapabago sa kanila, at hindi na sila makikipagnegosasyon pa—tinatawag itong “kalupitan.” Ang ambisyon at pagnanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao ay isang pagpapamalas ng kanilang diwa. Kung gumamit ka ng mabuting asal para baguhin sila, uubra kaya iyon? Kung ginamit mo ang praktikal mong karanasang tumanggap ng pagpupungos, paghatol, at pagkastigo para tulungan at suportahan sila—makakaya ba nilang magbago? Ititigil kaya nila ang kanilang ginagawa? (Hindi.) May nakilala na ba kayong ganitong uri ng tao noon? (Oo. Sa ganitong uri ng tao, saanman niya gampanan ang kanyang mga tungkulin, at bagaman maaaring mabigo at madapa siya nang ilang beses, o sumailalim pa nga sa pagdidisiplina ng pagkakasakit, hindi maaaring mabago ang pagnanais niyang maghangad ng katayuan. Saanman siya magpunta, nais niyang magkamit ng katayuan at kapangyarihan.) Kung ang paglipat ng lugar o grupo ay hindi makapagpapabago sa kanya, paano naman kung hintayin na lang kayang tumanda sila—magbabago na kaya sila nang kaunti kapag nangyari iyon? Babawasan na kaya nila nang kaunti ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at awtoridad, hihina na kaya ito nang kaunti? (Hindi. Wala itong kinalaman sa edad; hindi na mababago ang disposisyon nilang ito.) Isang malupit na disposisyon ang naghahari at kumokontrol sa mga anticristo, kaya hindi nila kayang magbago. Tila ang malupit na disposisyon ng mga anticristo ay isang bagay na natikman at nakita na mismo ng maraming tao. Isang realidad ang pagkontrol ng mga anticristo sa puso ng mga tao at may ebidensyang magpapatunay nito—medyo seryosong usapin ito. Walang kakayahan ang mga ganitong tao na kalimutan o isantabi ang usapin ng pagkontrol sa puso ng mga tao. Gayon ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Mula sa isang subhetibong perspektiba, hindi nila ito kayang isantabi; mula naman sa isang obhetibong perspektiba, walang sinumang makapagpapabago sa kanila—mga anticristo talaga sila. Sabihin ninyo sa Akin, matapos mapatalsik at hindi na makasama ang mga kapatid, may mga anticristo ba na nawawalan na ng pagnanais na kontrolin ang puso ng iba? Magbabago ba ang mga anticristo dahil sa mga pagbabago sa kanilang kapaligiran o heograpikong posisyon? (Hindi.) Hindi sila magbabago kasabay ng mga pagbabago ng panahon at lugar—ang kalikasang diwa nila ang nagtatakda nito. Sa pagkontrol sa puso ng mga tao, ang totoo ay sinusubukan ng mga anticristo na magkaroon ng kapangyarihan sa mga tao—ng kapangyarihang magpasya, gumawa ng mga desisyon, at kontrolin ang mga tao at manipulahin ang puso ng mga tao—ang kapangyarihang ito ang nais nilang makamit. Para makontrol ang puso ng mga tao, gagamit ang mga anticristo ng iba’t ibang gawi at pamamaraan para igalang sila ng mga tao, para lansihin at iligaw ang mga tao, para magbalatkayo sa mga tao, at gumamit pa nga ng mga partikular na gawi at pamamaraan para pagtakpan ang kanilang mga tiwaling disposisyon at karakter, at pigilan ang mga tao na makilatis o makita ang tunay nilang diwa na tutol sa katotohanan at sa mga anticristo. Sa panlabas, nagkukunwari silang mga taong espirituwal at perpekto, na walang mga kapintasan o depekto, o anumang bahid ng tiwaling disposisyon, at sa ganitong paraan, natutupad nila ang kanilang mga layong igalang, tingalain, hangaan, sambahin, at asahan pa nga sila ng iba. Ang matupad ang mga layong ito ay, sa diwa, isang bunga ng pagkontrol nila sa puso ng mga tao. Sa pagbabahaginan natin tungkol sa lahat ng disposisyon at pagpapamalas ng mga anticristo, ang pagkontrol ng mga anticristo sa puso ng mga tao at ang pagkukumahog nilang magkamit ng kapangyarihan at pakinabang ang sumakop sa karamihan ng ating talakayan. At dahil marami-rami na tayong napagbahaginan tungkol sa paksang ito, hanggang diyan na lang muna ang ating pagbabahaginan sa ngayon.

II. Kinokontrol ng mga Anticristo ang mga Pananalapi ng Iglesia

Ang pangunahing punto na pagbabahaginan natin ngayon ay tungkol sa pagkakaroon ng mga anticristo ng isa pang nakamamatay na pagpapamalas bukod sa pagtatangka nilang kontrolin ang puso ng mga tao, at bukod sa kanilang ambisyon at pagnanais sa kapangyarihan. Ibig sabihin, nagpapakita rin sila ng matinding pagnanais sa mga pananalapi ng iglesia, isang pagnanais na matatawag ding kasakiman. Bukod sa pagmamahal nila sa katayuan, may natatangi ring pagmamahal ang mga anticristo sa mga pananalapi. Ang interes at kasiyahan nila sa mga pananalapi ay sagana at walang humpay; tinutukoy natin ito bilang pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia. Ang pagtatangka ng mga anticristo na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia at ang pagtatangka nilang kontrolin ang puso ng mga tao ay pareho lang—pareho lang itong hindi lehitimo at hindi makatwirang pagsisikap. Malinaw na isa itong bagay na hindi marangal. Ang magkaroon ng ambisyon at pagnanais na kontrolin ang puso ng mga tao ay kasuklam-suklam na, sadyang hindi na ito marangal, pero gusto pa rin ng mga anticristo na makontrol ang mga pananalapi ng iglesia—lalo namang kamuhi-muhi ang bagay na iyon na nangyayari sa kanila. Kung gayon, kapag hinahangad ng mga anticristo na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia, ano ang mga kongkretong pagpapamalas nito? Mas madali ba itong makikilatis kaysa kapag hinahangad nilang kontrolin ang puso ng mga tao? Kapag hinahangad ng mga anticristo na kontrolin ang puso ng mga tao, kayang kilatisin ng mga tao ang ilan sa mga pamamaraan at disposisyong ginagamit nila. Pero kung lubha silang malihim at mapanlinlang, at kung may ilang pahayag, taktika, o satanikong panlalansi sa likod ng mga ito, na hindi ibinubunyag ng mga anticristo sa panlabas, kundi pribado lamang nilang iniisip, kung gayon, hindi madaling makikilatis ang mga bagay na ito. Gayumpaman, ang pagtatangkang kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia ay mayroon dapat ilang kongkretong pagpapamalas at pamamaraan. Nadadalian ba kayong kilatisin ang mga pamamaraang ito? Kapag nakita na ng sarili ninyong mga mata ang mga bagay na ito at narinig na ng sarili ninyong mga tainga ang tungkol sa mga ito, makikilatis ba ninyo na kilos ng mga anticristo ang mga ito? (Kung halatang pag-uugali ang mga ito, kung gayon ay oo. Halimbawa, magtatanung-tanong ang mga anticristo kung sino ang namamahala sa pangangalaga sa mga handog at sa mga katulad nito.) Madali itong makikilatis dahil isang sensitibong bagay ang ukol sa mga pananalapi, at hindi mag-uusisa tungkol dito ang karamihan sa mga tao, maliban kung mga mapag-imbot silang tao na may masamang balak sa mga pananalapi, kung magkagayon, magkakainteres sila at magtatanung-tanong sila tungkol sa ganitong uri ng impormasyon. Kaya magbahaginan tayo tungkol sa kung anong mga kongkretong pagpapamalas mayroon ang mga anticristo na sinusubukang kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia.

Pagdating sa paksa ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia, iuugnay ito ng karamihan ng mga tao sa mga halimbawang nakita na nila noon patungkol sa panloloko o paglulustay sa pag-aari ng iglesia, hindi ba? O maaaring may ilang tao na, dahil bata pa o maikling panahon pa lamang na nananampalataya sa Diyos, hindi iniintindi masyado ang tungkol sa mga bagay na ito at hindi man lang iniisip ang tungkol sa mga ito. Kaya magbahaginan tayo nang detalyado tungkol dito, nang sa gayon ay maunawaan ninyo ang ilan sa mga isyu, tuntunin, maging ang mga bawal na bagay na may kinalaman sa mga pananalapi ng iglesia. May ilang nagsasabi na, “Hindi ko kailanman pinag-interesan o inusisa ang mga bagay tungkol sa mga pananalapi ng iglesia. Hindi ako nagkikimkim ng ganoong uri ng kasakiman. Wala itong kinalaman sa akin, at medyo sensitibong paksa ito sa iglesia, kaya ayos lang sa akin kung may nalalaman man ako o wala tungkol dito.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kahit ano pa ang maaaring iniisip ninyo, may kaugnayan ang paksang pinagbabahaginan natin ngayon sa disposisyon ng mga anticristo, at mula sa perspektiba ng pagsusuri at paghihimay sa disposisyon ng mga anticristo, makabubuti sa bawat isa sa inyo na maunawaan itong lahat at maunawaan ito nang malinaw. Gagamitin natin ang bagay na ito para himayin ang disposisyon ng mga anticristo, kaya magbahagi muna tayo tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pag-aari ng iglesia at kung kanino ba ito sa tingin nila, pati na kung ano ang iniisip ng mga anticristo sa pag-aari na ito at kung paano nila ito inilalaan sa kanilang pribadong isipan. Una sa lahat, paano binibigyang depinisyon ng mga anticristo ang pera at ang iba’t ibang bagay na inihahandog ng mga kapatid sa iglesia? Kung titingnan ang kanilang katangian, sakim ang mga anticristo, at matindi ang kanilang kasakiman, kaya hindi sila mawawalan ng interes sa pag-aaring ito. Sa halip, magiging lubhang interesado sila rito, pag-uukulan nila ng masusing atensyon ang pagsusuri at pag-alam kung gaano karaming pag-aari mayroon ang iglesia, kung sino ang nangangasiwa sa pangangalaga nito, kung saan ito nakatago, at kung ilang tao ang nakakaalam ng tungkol dito. Pagdating sa mga pangunahing impormasyon tungkol sa mga pananalapi ng iglesia, magpapakita muna ng matinding interes ang mga anticristo rito, pinaglalaanan ito ng espesyal na atensyon, nag-uusisa, at nagtatanung-tanong, sinusubukan ang lahat ng kanilang makakaya para makuha ang impormasyong ito. Kung wala silang kasakiman at kung wala silang kinikimkim na anumang masamang balak, pag-iinteresan ba nila ang mga bagay na ito? (Tiyak na hindi.) Naiiba ang mga anticristo sa mga taong may normal na pagkatao, dahil may lihim silang motibo sa kanilang pagmamalasakit. Ang pagmamalasakit nilang ito ay hindi para pangalagaan ang pag-aaring ito, sa halip, gusto nilang angkinin ito, o magamit ito nang ayon sa kanilang kagustuhan. Samakatwid, ang unang pagpapamalas ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia ay ang pag-uuna nila sa kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia.

A. Inuuna ang Kanilang Pag-angkin at Paggamit sa Pag-aari ng Iglesia

Kapag may katayuan na ang mga anticristo, lumilitaw ang isang mali at walang kahihiyang ideya sa kaibuturan nila: Sa pagiging lider, dapat makuha nila, hindi lamang ang karapatang malaman ang tungkol sa mga pananalapi ng iglesia, kundi pati na rin ang lubos na kapangyarihan para kontrolin ang mga ito. Ano ang pakay nila sa pagkakaroon ng kontrol sa mga pananalapi ng iglesia? Ang magkaroon ng kapangyarihang unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia. Ano ba ang ibig sabihin ng inuuna nila ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? Ibig sabihin nito, hangga’t sila ang nangangasiwa sa isang iglesia, ang pera at ang mga bagay na inihahandog ng mga kapatid sa ilalim ng kanilang pagsubaybay ay mapapasailalim ng kanilang pamamahala, paggamit, at pag-aari. Tama ba ang ideyang ito o mali? Maliwanag na mali ito, pero ganoon mag-isip ang mga anticristo. Ang unang ginagawa nila pagkatapos na maging lider ay ang kumilos at bumuo ng mga plano tungkol sa mga pananalapi. Una, inaalam nila kung sino ang namamahala sa mga pananalapi, kung ilang tao ang namamahala sa mga pananalapi, kung gaano karaming pera ang nakatala sa mga aklat, at kung mahuhusay na kanang kamay ba nila o mapagkakatiwalaang tauhan nila ang siyang mga namamahala sa mga pananalaping ito. Kung hindi, nagmamadali silang tanggalin ang mga ito sa iba’t ibang kadahilanan at pagkatapos ay papalitan nila ang mga ito ng mga sarili nilang mga tauhan. Tumitigil ba sila sa pagpapalit sa mga taong namamahala sa mga pananalapi? Hindi, hindi ito ganoon kasimple. Higit pa rito ang kanilang mga ambisyon; sadyang kailangang magkaroon sila ng malinaw na pagkaunawa kung ano ang halaga ng pag-aari ng iglesia. Bukod pa sa panawagang maghandog ang mga tao, paano pinangangasiwaan ng mga anticristo ang pag-aaring ito? Kumukuha sila ng pera mula sa iglesia kapag kailangan nilang bumili ng damit, at ganoon ulit kapag pupunta sila sa doktor, at kung kulang sila sa damit, pumipili sila ng ilan sa magagandang aytem mula sa mga donasyon ng mga kapatid. At hindi pa rin sila tapos pagkaraang makapamili; kailangan nilang subukan ang bawat damit, kinukuha ang magaganda para sa kanilang sarili, at ang iniiwan lang nila para sa iglesia ay ang mga may pinakahindi magandang kalidad na ayaw nila. Sa madaling sabi, gagamitin nila ang pera ng iglesia para bayaran ang sarili nilang mga pagkain at gastusin, ultimo 0.2 RMB na gastos sa pamasahe, at ang ilan pa nga sa kanila ay gagamitin ang pera ng iglesia para bumili ng maluluhong bagay, mga suplementong gamot para sa kalusugan, kosmetiko, at iba’t ibang uri ng bagay para sa personal nilang gamit. Pagkaupong-pagkaupo ng mga anticristo bilang lider, at bago pa sila gumawa ng kahit kaunting gawain, napakaagap nila pagdating sa pagtatamasa ng pag-aari ng iglesia, at ginagawa nila itong prayoridad. Pagkatapos na matamasa ng mga anticristo ang pag-aari na ito, sumasailalim ang kanilang buong espirituwal na pananaw at kalidad ng buhay sa malaking pagbabago at ganap itong nagiging iba kaysa dati. Sa anumang pagkakataon, ipapaayos nila ang kanilang buhok, at magpapamasahe ng kanilang katawan, ibibigay nila ang luho ng kanilang katawan, gagawin ang mga bagay-bagay para maingatan ang kanilang kalusugan, at igagawa nila ang kanilang sarili ng tonikong pampalakas ng katawan—maging ang iba’t ibang kagamitang de-kuryente na ginagamit nila ay tataas ang kalidad. Sa sandaling maging lider sila, tinatandaan ng mga anticristo kung sino ang mayayamang tao sa iglesia at kung sino ang mga may kakayahang maghandog. Huhuthutan nila ngayon ng pera ang mayayamang taong ito, at iyong mga madalas maghandog ay magiging mga pinakaiingatang miyembro ng iglesia, at mga paboritong alaga sa paningin ng mga anticristo. Kapag pumapasok ang mga anticristo sa iglesia, katulad lang ito ng kapag may nakapasok na tumanggong sa ubasan—masasalanta ang ubusan. Bukod sa kakainin ng tumanggong ang magagandang ubas, sisirain din nito ang buong lugar.

Sa isip ng mga anticristo, ang mga pera at bagay na inihandog ng mga kapatid, na kolektibong tinatawag na “mga handog,” ay pawang “pampublikong” pag-aari ng iglesia. Hindi ito nangangahulugan na ang pampublikong pag-aari na ito ay para sa lahat; kundi tumutukoy ito sa katunayang kolektibo itong handog na mula sa lahat pero ang mga karapatan sa paggamit nito, para sa lahat ng praktikal na layunin, ay nasa mga lider. Mula sa pananaw ng mga anticristo, tungkulin nilang unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia, dahil mga lider sila, sila ang ulo, at ang lahat ng bagay sa iglesia, lalo na ang magagandang bagay, ay kailangang mapasakanila, at nasa ilalim ng kanilang awtoridad. Naniniwala ang mga anticristo na: “Isang paimbabaw lamang na pahayag ang sabihing ibinibigay sa diyos ang mga pera at bagay na inihahandog ng mga kapatid. Ilan sa mga bagay na ito ang magagamit ng diyos? Makabababa ba ang diyos mula sa langit para ibahagi ang mga handog na ito sa mga tao? Kaya, hindi ba’t ang mga tao ang dapat magdesisyon kung paano dapat gugulin, ilaan, at gamitin ang mga handog na ito?” Gayon ang walang kahihiyang ideyang kinikimkim ng mga anticristo hinggil sa pag-aari ng iglesia. Ano pa ang lalong walang kahihiyan? Sinasabi nila: “Hindi matatamasa ng diyos sa langit ang mga pera at aytem na inihandog ng mga tao sa lupa, kaya paano dapat na ilaan at gamitin ang mga bagay na ito? Hindi ba’t dapat tumulong ang mga lider ng iglesia sa pagkonsumo, paggamit, at pagtatamasa sa mga ito? Magiging katumbas iyon sa paggamit ng diyos na nasa langit sa mga ito.” Kaya naman dahil diyan, ginagawa ng mga anticristo na personal nilang pag-aari ang mga handog ng mga kapatid. Malinaw na malinaw sa kanila kung sino ang naghahandog ng kung anong bagay at kung kailan—ang mga bagay na ito ay dapat iulat sa kanila at dapat na alam nila. Hindi sila nababahala tungkol sa iba pang bagay. May isang bagay na lubhang mahalaga sa kanila bukod sa mahigpit na paghawak sa kanilang sariling kapangyarihan—at iyon ay ang pagkontrol sa mga pananalapi ng iglesia. Ito ang dahilan kung bakit sulit para sa kanila ang maging isang lider. Sa paraan ng kung paano tinitingnan at pinapangasiwaan ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, may kahit isang aspekto ba na naaayon sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos? (Wala.) Sa simula’t simula pa lang hanggang sa kasalukuyang panahon, sinabi ba ng Diyos kahit minsan kung sinong tao ang dapat umangkin o gumamit ng mga handog na ibinigay sa Kanya ng mga kapatid? Sinabi ba ng Diyos kahit minsan na dapat magkaroon ng awtoridad ang mga lider at manggagawa ng iglesia, apostol, at propeta na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? Sinabi ba ng Diyos na mapapasakamay ng sinumang magiging lider ang paggamit at pagmamay-ari sa pag-aari ng iglesia? (Hindi.) Kung gayon, bakit may ganitong maling pagkakaintindi ang mga anticristo? Dahil wala namang hayagang isinasaad ang mga salita ng Diyos patungkol sa pag-aari ng iglesia, bakit nagkikimkim ng ganitong pananaw ang mga anticristo ukol dito? (Wala silang may-takot-sa-Diyos na puso.) Ganoon lang ba ito kasimple? Ang sabihin sa kontekstong ito na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso ay pawang mga walang kabuluhang salita. Hindi tinatalakay ng mga salitang ito ang disposisyon ng mga anticristo. Pinag-iimbutan ba ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia kapag hindi sila ang nakaupong lider? (Oo.) Kung gayon, masasabi mo bang naglalaho ang may-takot-sa-Diyos na puso nila sa oras na maging mga lider na sila? Hindi naman kaya na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso bago sila naging lider? Masasabi bang ganito nga? (Hindi.) Samakatwid, hindi balido ang paliwanag na ito. Pinag-iimbutan ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia: Bakit ganito? (Mayroon silang buktot na disposisyon.) (Likas silang sakim.) (Likas silang naghahangad ng pakinabang higit sa anupamang bagay.) Disposisyong diwa ba ng mga anticristo na naghahangad sila ng pakinabang higit sa anupamang bagay? (Hindi.) Isa lang itong pagpapamalas ng kanilang karakter. Kaya, himayin natin kung ano ba ang panloob na disposisyon ng mga anticristo. (Ito ay buktot at malupit.) Ito ay, unang-una sa lahat, malupit, at saka buktot. Ano ba ang ibig sabihin ng malupit? Ibig sabihin nito ay sapilitan nilang kukuhain ang mga bagay na hindi naman talaga sa kanila o pagmamay-ari nila, sang-ayon man dito ang ibang tao o sa kanilang iniisip: Isa itong malupit na disposisyon. Ang likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, ng mga diyablo at Satanas na ito, ay ang makipagtunggali sa Diyos sa lahat ng bagay. Sa loob ng iglesia, bukod sa nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa mga hinirang Niyang tao, sinusubukan ding agawin ng mga anticristo ang mga handog na ibinigay ng mga tao sa Kanya. Sa panlabas, mukhang nagiging mapag-imbot ang mga anticristo, pero sa realidad, ito ay dahil may disposisyon at diwa sila ng mga anticristo. Ang naisin nilang makuha at makamkam ang mga pera at aytem na inihahandog ng mga tao sa Diyos—ito, sa diwa nito, ay kalupitan. Halimbawa, para lang itong bumili ka ng isang bagong padded jacket, na maganda ang estilo at de-kalidad ang pagkakagawa, at pagkatapos, may nakakita nito at sinabing, “Mas maganda ang padded jacket mong ito kaysa sa jacket ko. Ang sira-sirang ito na suot ko ay butas-butas na, at hindi na ito uso. Bakit ang ganda ng sa iyo?” at kapag tapos na siyang magsalita, sapilitan niyang aagawin ang padded jacket mo, at ibinibigay ang sira niyang jacket sa iyo. Hindi ka makakatanggi sa kanya—papagdusahin ka niya, pahihirapan ka niya, bubugbugin ka niya, at baka patayin ka pa nga niya. Mangangahas ka bang labanan siya? Hindi ka mangangahas na labanan siya, at kukuhain niya ang mga gamit mo nang labag sa iyong kalooban. Kaya, ano ang disposisyon ng taong ito? Isa itong malupit na disposisyon. May pagkakaiba ba sa pagitan nito at sa disposisyon ng mga anticristo sa pag-aangkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? (Wala.) Ayon sa perspektiba ng mga anticristo ukol sa pag-aari, sa sandaling maging mga lider at “mga opisyal” na sila, at hawak-hawak na nila ang pag-aari ng iglesia, pagmamay-ari na nila ang pag-aari ng iglesia. Kahit sino pa ang siyang naghandog, o kung ano ang ibinigay nila bilang handog, susunggaban ito ng mga anticristo. Ano ba ang ibig sabihin ng pagsunggab sa isang bagay? Ibig sabihin nito ay matapos mapasailalim sa kontrol ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia—na dapat sana ay maayos na magamit at mailaan nang alinsunod sa mga regulasyon ng iglesia, sila lang ang may eksklusibong kapangyarihan na gamitin ito. Kahit kapag kailangan ang pag-aari na ito para sa gawain ng iglesia o ng mga manggagawa sa iglesia, hindi pumapayag ang mga anticristo na ipagamit ito. Sila lang ang maaaring gumamit nito. Tungkol naman sa kung paano gamitin at ilaan ang pag-aari ng iglesia, ang mga anticristo ang may huling salita; kung nais nilang ipagamit ito sa iyo, maaari mo itong gamitin, at kung hindi, hindi mo ito maaaring gamitin. Kung hindi sagana ang mga pondong handog ng iglesia at nagamit ang lahat ng ito para sa personal na gastusin ng mga anticristo matapos nilang angkinin ang mga ito, wala silang pakialam na wala nang perang natira para sa gawain ng iglesia. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia ni ang normal na mga pinagkakagastusan ng iglesia. Ang gusto lang nila ay ang kunin ang mga pondong ito at sila mismo ang gumastos sa mga ito, itinuturing ang mga ito na parang sarili nilang kita. Hindi ba’t kahiya-hiya ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo.) Sa ilang iglesia na matatagpuan sa medyo mauunlad na lugar, iniisip ng mga anticristo: “Ayos na ayos ang lugar na ito. Pagdating sa mga pagkakagastusan, maaari akong gumastos nang gumastos at gawin kung ano ang gusto ko, at hindi ko na kailangan pang sumunod sa mga regulasyon at prinsipyo ng iglesia. Maaari akong gumastos ng pera sa anumang paraan na gusto ko. Mula nang maging lider ako, sa wakas natamasa ko na rin ang buhay na gumastos ng pera nang hindi na kailangang magtuos. Ang kailangan ko lang gawin ay sabihin lang kung gusto kong gumastos sa isang bagay, hindi ko kailangang mag-alala tungkol dito, at lalong hindi ko kailangang ipagpaalam pa ito sa kaninuman.” Pagdating sa paggastos sa yaman ng iglesia, hawak ng mga anticristo ang lahat ng kapangyarihan, padalus-dalos silang kumilos, at wala silang patumanggang gumastos ng pera. Bukod pa sa wala silang ginagawang anumang gawain na alinsunod sa mga prinsipyo ng iglesia o sa mga pagsasaayos ng gawain, ganoon din tinatrato ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, nang walang anumang prinsipyo. Maaari nga kayang hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo? Hindi, alam na alam nila ang mga prinsipyo tungkol sa alokasyon at paggastos ng pag-aari ng iglesia, pero hindi nila makontrol ang sarili nilang kasakiman at mga pagnanais. Kapag mga ordinaryong tao sila na walang anumang katayuan, mapagpakumbaba sila at namumuhay nang simpleng pang-araw-araw na buhay, pero sa sandaling maging lider na sila, iniisip nilang bigating-tao na sila. Nagiging partikular sila sa kung paano sila manamit at kumain—hindi na sila kumakain ng mga ordinaryong pagkain, at natututo na silang maghanap ng mga de-kalidad at sikat na tatak sa pagdadamit sa kanilang sarili. Kailangan de-kalibre ang lahat; saka lamang nila nararamdamang umaayon ito sa kanilang identidad at katayuan. Sa sandaling maging lider na ang mga anticristo, para bang may utang pa ang lahat ng kapatid sa kanila, at dapat maghandog ng mga regalo ang mga ito sa kanila. Kung may magandang bagay na nangyari, dapat unahin sila, at inaasahan nilang gagastusan sila ng mga kapatid. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagiging lider ay nangangahulugang may kapangyarihan dapat sila na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia. Bukod sa ganito sila mag-isip, ganito rin sila umasal. Bukod pa rito, sumusobra na sila, dahilan para kasuklaman sila ng ibang tao. Kung titingnan mula sa perspektibang ito, ano ang karakter ng mga anticristo? Matapos maging lider, nang walang ginagawang kahit kaunting gawain, gusto nilang angkinin ang mga handog at sila ang maunang gumamit sa mga ito. Anong uri ng tao ang may kakayahang gawin ang mga gayong bagay? Isang tulisan, isang tirano, o isang lokal na siga lamang ang gagawa ng mga ganitong bagay.