Ikaanim na Aytem: Kumikilos Sila sa mga Tusong Paraan, Wala Sila sa Katwiran at Diktatoryal Sila, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila (Ikaanim na Seksiyon)
May ilang anticristo na napakahusay na ikinukubli ang kanilang sarili, nakangiti lang nang hindi nagsasalita kapag may nakikita sila, nananatiling tahimik sa maraming isyu, nagkukunwaring malalim at hindi nagpapahayag ng anumang paninindigan. Sa una mong pakikisalamuha sa kanila, hindi mo madaling makikita kung sino talaga sila; maaari mo pa ngang isiping may lalim sila at kahanga-hanga sila. Paano mo makikilatis ang gayong mga anticristo? Dapat mong pagmasdang mabuti at obserbahan kung ano talaga sila, kung ano ang pinagtutuunan nila ng pansin, kung ano ang mga interes nila, at kung kanino sila nakikipag-ugnayan. Sa pagmamasid sa mga aspektong ito, magkakaroon ka ng pagkaunawa sa kanila. Bukod pa rito, may isang bagay na kailangan ninyong malaman lahat: Anuman ang antas ng isang lider o manggagawa, kung sinasamba ninyo siya dahil sa pagkaunawa sa katiting na katotohanan at sa pagkakaroon ng kaunting kaloob, at naniniwala kang taglay niya ang katotohanang realidad at matutulungan ka niya, at kung titingalain mo siya at umaasa sa kanya sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan nito, sinusubukan mong matamo ang kaligtasan, kahangalan at kamangmangan ito. Sa huli, ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa wala, dahil ang pinagsimulan mo ay likas na mali. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, hindi sila makahahalili kay Cristo, at kahit gaano pa kagaling ang isang tao, hindi ibig sabihin nito na taglay niya ang katotohanan—kaya ang sinumang sumasamba, tumitingala, at sumusunod sa ibang tao ay ititiwalag at kokondenahin lahat sa huli. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay maaari lamang tingalain at sundan ang Diyos. Ang mga lider at manggagawa, anuman ang kanilang ranggo, ay mga karaniwang tao pa rin. Kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali ka—isa iyong kahibangan. At anong mga kahihinatnan ang idudulot sa iyo ng kahibangang ito? Magiging dahilan ito para sukatin mo ang iyong mga lider laban sa mga hinihingi na hindi naaayon sa realidad, at hindi mo magagawang tratuhin nang tama ang mga problema at pagkukulang na mayroon sila; kasabay nito, nang hindi mo namamalayan, maaakit ka rin nang lubusan sa kanilang pambihirang katangian, mga kaloob, at mga talento, kaya bago mo pa malaman, sinasamba mo na sila, at sila na ang iyong diyos. Ang landas na iyon, mula pa nang nagsisimula na silang maging huwaran mo, pakay ng pagsamba mo, hanggang sa maging isa ka sa kanilang mga tagasunod, ang aakay sa iyo palayo sa Diyos nang hindi mo namamalayan. At kahit habang unti-unti kang lumalayo sa Diyos, maniniwala ka pa rin na sumusunod ka sa Diyos, na ikaw ay nasa Kanyang sambahayan, na ikaw ay nasa Kanyang presensya, samantalang ang totoo, natangay ka na pala palayo ng mga kampon ni Satanas, ng mga anticristo. Ni hindi mo ito mararamdaman. Isa itong lubhang mapanganib na kalagayan. Para malutas ang problemang ito, sa isang bahagi, nangangailangan ito ng kakayahang matukoy ang kalikasang diwa ng mga anticristo, at ng kakayahang mahalata ang pangit na itsura ng pagkamuhi ng mga anticristo sa katotohanan at ng paglaban nila sa Diyos; gayundin, kinakailangang maging pamilyar sa mga madadalas na gamiting diskarte ng mga anticristo sa panlilihis at panlilinlang ng mga tao, pati na ang paraan kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay. Ang isa pang bahagi ay na dapat ninyong hangaring malaman ang disposisyon at diwa ng Diyos. Dapat maging malinaw sa inyo na si Cristo lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang pagsamba sa kaninumang tao ay magdudulot sa inyo ng kapahamakan at kasawian. Dapat magtiwala kayo na si Cristo lamang ang makapagliligtas sa mga tao, at dapat ninyong sundan at magpasakop kay Cristo nang may lubos na pananalig. Ito lamang ang tamang landas ng buhay ng tao. Maaaring sabihin ng ilan: “May mga dahilan ako sa pagsamba sa mga lider—sa puso ko, natural kong sinasamba ang sinumang may talento. Sinasamba ko ang sinumang lider na naaayon sa aking mga kuru-kuro.” Bakit mo ipinipilit na sambahin ang tao bagaman nananampalataya ka sa Diyos? Matapos ang lahat, sino ba ang magliligtas sa iyo? Sino ang tunay na nagmamahal sa iyo at nagpoprotekta sa iyo—hindi mo ba talaga nakikita? Kung nananampalataya ka sa Diyos at sinusundan mo ang Diyos, dapat kang makinig sa Kanyang salita, at kung may nagsasalita at gumagawa nang wasto, at umaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, magpasakop ka na lang sa katotohanan—hindi ba’t ganoon lang iyon kasimple? Bakit napakasama mo? Bakit ka nagpupumilit na humanap ng isang taong sinasamba mo para sundan? Bakit mo ba gustong maging alipin ni Satanas? Bakit hindi ka na lang maging isang lingkod ng katotohanan? Dito, nakikita kung may katwiran at dignidad ang isang tao. Dapat magsimula ka sa sarili mo: Sangkapan mo ang iyong sarili ng lahat ng uri ng katotohanan, magawa mong tukuyin ang sari-saring paraan kung paano naipapamalas ang iba’t ibang bagay at tao, alamin kung ano ang kalikasan ng iba’t ibang pag-uugali ng mga tao at kung anong disposisyon ang ipinapakita nila, matutuhang kilalanin ang pagkakaiba ng mga diwa ng iba’t ibang tao, maging malinaw tungkol sa kung anong uri ng mga tao ang nasa paligid mo, kung anong uri kang tao, at kung anong uri ng tao ang iyong lider. Sa sandaling makita mo ang lahat ng ito nang malinaw, magagawa mo nang pakitunguhan ang mga tao sa tamang paraan, ayon sa mga katotohanang prinsipyo: Kung mga kapatid sila, tatratuhin mo sila nang may pagmamahal; at kung hindi naman sila mga kapatid kundi masasamang tao, mga anticristo o mga hindi mananampalataya, didistansya ka at tatalikdan sila. At kung sila ay mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad, bagama’t maaaring hinahangaan mo sila, hindi mo sila sasambahin. Walang sinumang makahahalili kay Cristo; si Cristo lamang ang praktikal na Diyos. Si Cristo lang ang makapagliligtas sa mga tao, at tanging sa pagsunod kay Cristo mo matatamo ang katotohanan at buhay. Kung malinaw mong nakikita ang mga bagay na ito, mayroon kang tayog at malamang ay hindi ka maililihis ng mga anticristo, ni kailangan mong matakot na mailihis ng mga anticristo.
Nababahala ang ilang tao kapag nakikita nila ang ilang anticristo na nabubunyag at natitiwalag, sinasabi na: “Bagaman tila hindi masasamang tao sa panlabas ang mga anticristo, bakit kapag kinilatis ang mga bagay na ginagawa nila ay lumalabas na napakasama nila? Tila talaga ngang tuso ang mga anticristo. Subalit may mababa akong kakayahan, at kung makatatagpo ako muli ng gayong mga anticristo, natatakot akong hindi ko sila makikilatis. Paano ako dapat mag-ingat laban sa mga anticristo?” Kahit pa may mababa kang kakayahan, hindi mo kailangang palaging mag-alala na mailihis o palaging isipin kung paano mag-ingat laban sa kanila. Kailangan mo lang tumuon sa pag-unawa sa katotohanan, magbasa ng mas marami pang salita ng Diyos, at kapag mayroon kang oras, seryosong pagbulayan ang masasamang gawa na isinakatuparan ng mga anticristo, itinatanong sa iyong sarili, “Saan naroroon ang kanilang kasamaan? Ano ang nagtulak sa kanila na gumawa ng gayong kasamaan? Makagagawa ba ng gayong kasamaan ang mga ordinaryong tao? Paano sila kinikilatis ng mga nakauunawa sa katotohanan? Paano ko sila makikilatis?” Kapag malinaw mo nang nakikita ang diwa ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mauunawaan mo na ang lahat. Sa palagi mong pag-iisip sa mga bagay na ito, hindi mo mamamalayang matututo ka nang kumilatis, at likas ka nang makakikilatis kapag naharap kang muli sa mga anticristo na sumusubok ilihis ang mga tao. Kinakailangan nito na pagdaanan ang maraming karanasan; hindi ito isang bagay na matututuhan mo sa pakikinig lang sa mas maraming sermon. Tulad ito ng pagkakamit ng karanasan sa lipunan pagkatapos masamantala nang sobra o magdusa ng napakaraming kawalan—“isang pagkahulog sa hukay, isang karagdagan sa iyong karunungan.” Pareho itong ideya. Sa ating pananampalataya sa Diyos, ang pangunahing bagay ay ang maunawaan ang katotohanan. Mas maraming katotohanan ang iyong nauunawaan, mas maraming bagay ang iyong maiintindihan. Kung wala kang nauunawaang anumang katotohanan, kahit ang pagkakaroon ng kaalaman ay walang silbi. Kung kaalaman lang ang mayroon ka, hindi mo makikilatis ang anumang bagay; ang iyong mga pananaw ay katulad ng sa mga sekular na tao, at anuman ang iyong punahin ay magiging kalokohan at mga panlilinlang. Huwag kang mag-alala kung hindi mo makilatis ang ilang tao sa ngayon. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, natural kang magkakaroon ng pagkilatis. Sa ngayon, tumuon ka lang sa maayos na paggawa sa sarili mong tungkulin, kumain at uminom ka ng mas marami pang salita ng Diyos, at mas pagbulayan mo pa ang katotohanan. Pagdating ng araw na nauunawaan mo na ang katotohanan, makikilatis mo na ang mga tao. Sa pagmamasid lang sa pag-uugali ng isang tao, malalaman mo na kung ano ang nangyayari sa kanya sa iyong puso; sa pakikinig lang sa isang tao na mag-ulat tungkol sa isang isyu, makikita mo na ang diwa ng isyu; at sa pakikinig lang sa mga iniisip at pananaw ng isang tao, malalaman mo na ang kanyang tayog. Nang walang labis na pagsisikap, mauunawaan mo ang lahat tungkol sa anumang bagay o tao—ito ang resulta ng pagkaunawa sa katotohanan. Gayumpaman, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kundi sa halip ay umaasa ka sa iyong imahinasyon para tasahin ang mga tao, sambahin sila, sandigan sila, at pikit-matang bolahin sila, at kung hindi mo tatahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, ano ang magiging resulta sa huli? Magagawa kang ilihis ng sinuman; hindi mo makikilatis ang sinuman, kahit pa ang pinakahalatang anticristo. Gagawin ka niyang hangal, at hahangaan mo pa rin siya sa kanyang abilidad, liligid sa kanya araw-araw. Kung gayon, ikaw ay tunay na isang tao na magulo ang isip, at masasabi talaga na nananampalataya ka sa isang malabong diyos, hindi sa praktikal na Diyos, at ikaw ay talagang hindi isang taong naghahangad sa katotohanan.
May ilang tao, kahit pagkatapos nilang makinig sa ilang sermon tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo, ang hindi pa rin kayang matukoy ang mga ito. Nauunawaan lang nila ang ilang pamamaraan ng pagkilatis subalit kulang sila sa praktikal na karanasan. Kapag talagang nahaharap na sila sa masasamang gawa ng mga anticristo, nabibigo silang muli na matukoy ang mga ito. Bagaman hindi nila matukoy ang mga anticristo pagkatapos makinig sa mga sermon, ikinukumpara nila ang sarili nila sa kanilang narinig at unti-unti silang nagsisimulang makaramdam na tulad sila ng isang anticristo. Sa kalaunan, naniniwala sila na sila mismo ay mga anticristo. Walang mali sa ganitong uri ng pagkilatis. Ganap nilang nalalaman ang mga detalye sa pagkilala sa mga anticristo, subalit kulang lang sila sa mga prinsipyo ng depinisyon. Ito ay hindi isang malaking isyu; ipinakikita nito na naging mabisa ang pakikinig nila sa mga sermon. Bagaman hindi pa nila natutukoy ang mga tunay na anticristo, nakilatis na nila ang sarili nila, na isang mabuting bagay rin. Inililigtas muna nila ang sarili nila, at iniiwasang maging mga anticristo, na isang mabungang kinahihinatnan ng pakikinig sa mga sermon na ito na naglalantad sa mga anticristo. Ang kakayahang makilatis ang sarili bilang isang anticristo ay hindi simple; ang gayong pagkilatis ay kinasasangkutan ng detalyadong pagmamasid, at naniniwala Ako na ito ay maituturing nang pagkakaroon ng pagkilatis. Ang pagkilatis sa sarili ngayon ay isang mabuting bagay; hindi pa huli ang lahat para gawin ito. Kapag nakagawa ka ng kasamaan o nagdulot ka ng mga sakuna at pagkatapos ay natukoy ka bilang isang anticristo, magiging huli na ang lahat. Kung mayroon kang pagkilatis sa sarili mo ngayon, sa pinakamalala, nangangahulugan itong nagpapakita ka ng mga katangiang katulad ng sa mga anticristo, na tinatahak mo ang landas ng mga anticristo, at na pinili mo ang maling landas—maaari ka lang tukuyin sa ganitong paraan. May oras pa para magbago ng landas, subalit mapanganib kung pipiliin mong huwag magbago. Ang paksa ng pagkilatis sa mga anticristo ay maraming beses nang napagbahaginan, at sa ngayon ay may mga tao nang talagang nakakikilatis. Natutukoy nila ang mga sarili nilang anticristong disposisyon na kanilang ibinubunyag, na isang resulta at nagpapatunay na sila ay nagkaroon na ng pagkilatis. Kung bukod dito ay kaya pa nilang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng mga nagtataglay ng kalikasang diwa ng mga anticristo at iyong mga mayroon lang mga anticristong disposisyon, ganap na mapagdadalubhasaan na nila ang pagkilatis. Ito ay isang bagay na maaaring makamit sa kalaunan, kaya’t hindi na kailangang mabalisa. Kung kaya ng mga tao na kilatisin ang sarili nilang anticristong disposisyon, makita kung tinatahak ba nila ang landas ng mga anticristo, at maunawaan kung ano ang kalikasang diwa ng mga anticristo, natutunan na nila kung paano kilatisin ang mga anticristo. Ang kakayahang makakilatis ng mga anticristo ay hindi tungkol sa kung gaano karaming taon nang nananampalataya ang isang tao sa Diyos, kundi kung kaya bang pagsikapan ng isang tao ang katotohanan at maunawaan ito. May mga tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at nakapakinig na sa maraming sermon tungkol sa paglalantad sa mga anticristo, subalit hindi pa rin talaga nagbabago ang kanilang mga anticristong disposisyon at pagpapamalas. Gaano man Ako magbahagi ng katotohanan, nananatili silang walang malay. Maaaring nakakakita sila ng pagkakatulad sa nilalaman ng pagbabahaginan sa sandaling iyon, subalit pagdating sa pagkilos o paggawa ng kanilang mga tungkulin, bumabalik sila sa kanilang mga dating gawi. Hindi ba’t nakagugulo at mapanganib ito para sa gayong mga tao? Napakamapanganib nito! Paano man Ako makipagbahaginan, gaano man nila sinisisi ang kanilang sarili o gaano man sila nababagabag sa oras ng pakikinig sa Akin, hindi man lang sila nagbabago pagkatapos. Hindi nila pinagninilayan kung bakit palagi silang nagtataas ng ranggo at naglilinang ng mga taong nambobola at nanlalangis, ni pinagninilayan nila kung bakit tinatrato nila ang iba hindi batay sa mga prinsipyo, kundi ayon sa mga sarili nilang kapritso. Hindi sila nasusulasok sa mga taong gusto nila, kahit pa masama o hindi mabuti ang mga ito, at patuloy nilang itinataas ang ranggo at ginagamit ang mga ito. Lalong hindi nila pinagninilayan kung bakit hindi talaga nila hinahangad ang katotohanan at kung bakit nila tinatahak ang landas ng mga anticristo. Mapanganib ang paggawa ng napakaraming kasamaan nang walang anumang tunay na pagninilay o pagbabago. Sa mga pagtitipon kamakailan, ang pagbabahaginan ay tungkol sa paglalantad sa mga disposisyon at diwa ng mga anticristo. Ang disposisyon ng mga anticristo ay mas nakatago at buktot kaysa sa mga karaniwang nakikitang tiwaling disposisyon. Tutol ang mga anticristo sa katotohanan, namumuhi sila sa katotohanan, at ganap na hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan o ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ano kung gayon ang kahihinatnan, ang katapusan ng mga anticristo? Siguradong matitiwalag sila. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga anticristo? Bilang iyong mga namumuhi sa katotohanan at sumasalungat sa Diyos—mga kaaway sila ng Diyos! Ang pagsalungat sa katotohanan, pagkamuhi sa Diyos, at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay—hindi ito ang panandaliang kahinaan o kahangalan na makikita sa mga ordinaryong tao, ni ang pagpapakita ng mga maling kaisipan at pananaw na lumilitaw sa isang sandali ng baluktot na pagkaarok; hindi ito ang problema. Ang problema ay na sila ay mga anticristo, ang mga kaaway ng Diyos, na namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa buong katotohanan; sila ay mga karakter na namumuhi at sumasalungat sa Diyos. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga karakter? Hindi sila inililigtas ng Diyos! Kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga taong ito ang katotohanan, may kalikasang diwa sila ng mga anticristo. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang inilalantad dito ay kabuktutan, pagiging marahas, at pagkamuhi sa katotohanan. Ito ang pinakamalala sa mga satanikong disposisyon sa mga tiwaling disposisyon, na kumakatawan sa mga pinakakaraniwan at pinakamalaking katangian ni Satanas, hindi ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay isang puwersang laban sa Diyos. Maaari nilang guluhin at kontrolin ang iglesia, at mayroon silang kapasidad na lansagin at gambalain ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang gawin ng mga ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon; ang mga anticristo lang ang may kakayahang gumawa ng gayong mga kilos. Huwag ninyong maliitin ang bagay na ito.
Lahat ng masamang tao ay may buktot na disposisyon. Ang ilang kabuktutan ay naipapahayag sa pamamagitan ng masamang disposisyon, tulad ng madalas na pananakot sa mga taong taos-puso, pagtrato sa kanila sa paraang mapanuya o sarkastiko, lagi silang ginagawang katatawanan, at sinasamantala sila. Ang masasamang tao ay yumuyukod sa paggalang kapag nakakakita sila ng isa pang masamang tao, ngunit kapag nakakakita sila ng mahinang tao, tinatapakan nila ito at pinagmamalupitan. Lubos na malupit at buktot na tao ang mga ito. Sinumang nananakot o nanunupil ng mga Kristiyano ay isang diyablong nagpapanggap na tao; mga hayop sila na walang kaluluwa, at ang reinkarnasyon ng diyablo. Kung may mga tao sa pulutong ng masasamang tao na hindi nananakot ng mga taong taos-puso, na hindi pinagmamalupitan ang mga Kristiyano, na pinakakawalan lamang ang kanilang poot sa mga taong pumipinsala sa kanilang sariling interes, ang mga taong ito ay itinuturing na mabubuting tao sa gitna ng mga walang pananampalataya. Ngunit paano naiiba ang kabuktutan ng mga anticristo? Ang kabuktutan ng mga anticristo ay pangunahing namamalas sa kanilang partikular na hilig na makipagkompetensiya. Nangangahas silang makipagpaligsahan sa Langit, makipagpaligsahan sa lupa, at makipagpaligsahan sa ibang mga tao. Hindi lamang nila hindi pinahihintulutan ang iba na apihin sila, kundi inaapi at pinarurusahan din nila ang iba. Araw-araw, pinag-iisipan nila kung paano parurusahan ang mga tao. Kung naiinggit sila o namumuhi sa isang tao, hindi nila iyon pinalalagpas. Ito ang mga paraan na buktot ang mga anticristo. Saan pa naipamamalas ang kabuktutang ito? Makikita ito sa kanilang tusong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, na mahirap makita para sa mga taong may kaunting utak, kaunting kaalaman at kaunting karanasan sa lipunan. Ginagawa nila ang mga bagay sa napakatuso na paraan, at umaangat ito sa kabuktutan; hindi ito pangkaraniwang panlilinlang. Maaari silang maglaro ng mga laro sa dilim at manloko, at gawin iyon nang mas mahusay kaysa sa karamihan ng mga tao. Hindi kaya ng karamihan sa mga tao na makipagkompetensiya sa kanila at hindi rin kaya ng mga ito na makitungo sa kanila. Isa itong anticristo. Bakit Ko sinasabing hindi sila kayang pakitunguhan ng mga ordinaryong tao? Dahil sukdulan na ang kanilang kabuktutan kaya nagtataglay sila ng malaking kapangyarihang ilihis ang mga tao. Kaya nilang mag-isip ng lahat ng uri ng paraan para sambahin at sundin sila ng mga tao. Kaya rin nilang pagsamantalahan ang lahat ng uri ng tao para guluhin at pinsalain ang gawain ng iglesia. Sa gayong mga sitwasyon, paulit-ulit na nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa bawat uri ng pagpapamalas, disposisyon, at diwa ng mga anticristo, upang matukoy sila ng mga tao. Kinakailangan ito. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at sinasabing, “Bakit laging nagbabahaginan sa kung paano matukoy ang mga anticristo?” Dahil kayang-kayang ilihis ng mga anticristo ang mga tao. Kaya nilang ilihis ang maraming tao, na parang nakamamatay na salot, na maaaring puminsala sa marami sa isang biglaang pagsilakbo, dahil nakakahawa; lubhang nakakahawa ito at malayo ang naaabot, at ang bilis ng pagkahawa rito at pagkamatay sanhi nito ay masyadong mataas. Hindi ba matindi ang mga kahihinatnang ito? Kung hindi Ako makikipagbahaginan nang ganito sa inyo, makakawala ba kayo mula sa pagkalihis at pagpigil ng mga anticristo? Tunay ba kayong makababaling sa Diyos at makapagpapasakop sa Kanya? Napakahirap nito. Kapag nagbubunyag ang mga ordinaryong tao ng isang mapagmataas na disposisyon, sa pinakamalala, ipinakikita nito sa iba ang pangit na kalagayan ng kanilang pagmamataas. Minsan ay nagyayabang sila, minsan ay nagmamalaki at nagpapasikat sila, at minsan ay gustong-gusto nilang igiit ang kanilang katayuan at pangaralan ang iba. Subalit ganito ba ang mga anticristo? Sa panlabas, maaaring tila hindi nila iginigiit o gustong-gusto ang kanilang katayuan, maaaring mukhang hindi sila interesado sa katayuan kahit kailan, subalit sa kaibuturan nila, may matinding pagnanais sila para dito. Ito ay tulad ng ilang emperador o bandidong panginoon ng mga walang pananampalataya: Kapag nakikipaglaban para sa kanilang lupain, dumaranas sila ng mga paghihirap kapiling ang kanilang mga kasamahan, nang tila mapagpakumbaba sila at hindi ambisyoso. Subalit nakita mo na ba ang mga pagnanais na nakatago sa kaibuturan ng kanilang puso? Bakit kaya nilang tiisin ang gayong mga paghihirap? Ang mga pagnanais nila ang nagpapalakas sa kanila. Nagtataglay sila ng malaking ambisyon sa kanilang kalooban, handang tiisin ang anumang pagdurusa o kayanin ang anumang paninirang-puri, pang-aalipusta, pagkakasala, at pang-iinsulto para balang araw ay makaakyat sila sa trono. Hindi ba’t tuso ito? Kaya ba nilang ipaalam sa sinuman ang tungkol sa ambisyong ito? (Hindi.) Ikinukubli nila ito at itinatago. Ang nakikita sa labas ay isang taong kayang tiisin ang hindi kayang tiisin ng iba, na kayang tiisin ang mga di-matiis na paghihirap, na mukhang matiyaga, walang ambisyon, praktikal, at mabuti sa mga nakapaligid sa kanya. Subalit sa araw na umakyat siya sa trono at makamit ang tunay na kapangyarihan, para patatagin ang kanyang awtoridad at pigilan ang pang-aagaw ng kapangyarihan, pinapatay niya ang lahat ng nagdusa at nakipaglaban kasama niya. Kapag lang nabunyag na ang katotohanan, saka mapagtatanto ng mga tao kung gaano siya katuso. Kapag nagbalik-tanaw ka at nakita mong ang lahat ng kanyang ginawa ay dulot ng ambisyon, matutuklasan mong ang kanyang disposisyon ay may kabuktutan. Anong taktika ito? Ito ay pagiging tuso. Ito ang disposisyon kung paano kumikilos ang mga anticristo. Magkauri ang mga anticristo at ang mga diyablong hari na nagtataglay ng opisyal na kapangyarihan; hinding-hindi sila maghihirap at magtitiis sa iglesia nang walang dahilan kung hindi sila makakukuha ng kapangyarihan at katayuan. Sa madaling salita, ang mga taong ito ay ganap na hindi kontento sa pagiging mga ordinaryong tagasunod, pakikipagkompromiso sa sambahayan ng Diyos bilang mga karaniwang sumasamba sa Diyos, o tahimik at palihim na paggawa ng ilang tungkulin; tiyak na hindi sila papayag na gawin ito. Kung ang isang taong may katayuan ay pinalitan dahil tinahak niya ang landas ng isang anticristo, at iniisip niyang, “Wala na akong katayuan ngayon, diretso na lang akong kikilos bilang isang ordinaryong tao, gagawin ang anumang tungkulin na magagawa ko; maaari pa rin naman akong manampalataya sa Diyos gaya ng dati nang walang katayuan,” anticristo ba siya? Hindi, ang taong ito ay minsang tumahak sa landas ng isang anticristo, minsang tumahak sa maling landas dahil sa panandaliang kahangalan, subalit hindi siya isang anticristo. Ano ang gagawin ng isang tunay na anticristo? Kapag nawala ang kanyang katayuan, hindi na siya mananampalataya. Hindi lang iyon, kundi mag-iisip din siya ng iba’t ibang paraan para ilihis ang iba, pasambahin at pasunurin ang iba sa kanya, para matupad ang kanyang ambisyon at pagnanais na magkaroon ng kapangyarihan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tumatahak sa landas ng mga anticristo at mga aktuwal na anticristo. Sinusuri at hinihimay natin itong mga disposisyong diwa, at mga pagpapamalas ng mga anticristo dahil napakaseryoso ng kalikasan ng isyung ito. Karamihan sa mga tao ay hindi makakilatis ng mga anticristo. Hindi lang ang mga ordinaryong kapatid, maging ang ilang lider at manggagawa na nag-aakalang nauunawaan nila ang kaunting katotohanan ay hindi pa lubusang napagdadalubhasaan ang pagkilatis sa mga anticristo. Mahirap sabihin kung gaano kalaki na ang kanilang pagkadalubhasa, na nagpapahiwatig na masyadong mababa ang kanilang tayog. Tanging iyong mga taong tumpak na nakakikilatis sa mga anticristo ang mga taong may tunay na tayog.
Ano ang isang malaking isyu na kinahaharap ninyong lahat ngayon? Karamihan sa mga tao ay hindi nakakikilatis at madaling naililihis ng mga huwad na lider at anticristo, na lubhang mapanganib kung hindi malulutas. Kaya, hinihingi Ko na matuto kayong makita ang pagkakaiba ng iba’t ibang uri ng tao. Kilatisin ninyo kung anong disposisyon ang kinakatawan ng iba’t ibang pag-uugali at pahayag ng mga tao, at batay sa mga ito, alamin ninyo ang diwa ng taong iyon. Bukod pa roon, kailangan ninyong magawang makita ang pagkakaiba ng kung ano ang katotohanang realidad at ng kung ano ang mga salita at doktrina lang. Kung hindi ninyo makikilatis ang mga ito, hindi kayo makapapasok sa katotohanang realidad. Paano kayo magkakaroon ng landas para makapasok sa realidad nang walang pagkilatis? May ilang lider at manggagawa na bumibigkas lang ng mga salita at doktrina, iniisip na ang pag-unawa sa mga salita at doktrina ay nangangahulugang nagtataglay sila ng realidad. Kaya, habang bumibigkas ng mga salita at doktrina, kontento sila at nadarama nila na napangatwiranan sila, at lalo silang nagiging mas masigasig. Subalit kapag dumarating sa kanila ang mga tukso, nag-aalinlangan sila at, nang ni hindi nila nalalaman kung paano sila nag-aalinlangan, sinasabi pa rin nilang, “Bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos?” Hindi ba’t isa itong kahiya-hiyang kabiguan? Kaya, may ilang lider at manggagawa na palaging nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina—nakikilatis ninyo ba ito? (Hindi.) Minsan naririnig Ko mula sa ilang kapatid na ang ilang lider ay nagsasalita lang tungkol sa mga salita at doktrina at hindi angkop na maging mga lider, at hinihiling nilang palitan ang mga ito. Gayumpaman, pagkatapos silang sabihang pumili ng isang bagong lider, karamihan sa mga tao ay walang pagkilatis, at ang mga nahalal na lider at manggagawa ay iyong mga nagsasabi lang din ng mga salita at doktrina nang walang gaanong realidad. Ito ay isang napakaseryosong isyu, isang napakahirap na isyu. Kapag nakikinig kayo sa Aking mga salita ng pagbabahagi tungkol sa mga isyu na ito, may nakikilatis ba kayong anumang pagkakaiba sa sinasabi ng mga ordinaryong lider? Kung nakikilatis mo ang pagkakaiba, alam mo kung ano ang katotohanang realidad. Kung hindi mo ito nakikilatis at iniisip mong pareho lang ito, iniisip na, “Natuto rin kaming magsalita ng mga salita ng Diyos, at ang sinasabi namin ay kapareho ng sinasabi ng Diyos,” kung gayon ay may problema iyon. Pinatutunayan nitong hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, alam mo lang kung paano gayahin ang mga salita ng Diyos at bigkasin ang ilan sa mga ito, nang hindi talaga nauunawaan ang katotohanan. Karamihan sa mga anticristo ay nagtataglay ng mga partikular na kaloob at mahusay na pananalita, na nagbibigay sa kanila ng kapital para ilihis ang mga tao. Kaakibat ng kanilang buktot na disposisyon at mga mapagmanipulang paraan ng pananalita at pagkilos, talagang nagagawa nilang ilihis ang mga tao. Kung kaya lang ninyo na bumigkas ng mga salita at doktrina at hindi ninyo nakikilatis kung ano ang katotohanang realidad, maililihis lang kayo ng mga anticristo. Ito ay isang bagay na lampas sa inyong kontrol! Para sa mga hindi nakauunawa sa katotohanan, imposibleng hindi sila mailihis ng mga anticristo, sa kabila ng kung ano ang kanilang kagustuhan. Ang paglaya mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi isang simpleng bagay, hindi ba?
Hunyo 11, 2019