Ikaanim na Aytem: Kumikilos Sila sa mga Tusong Paraan, Wala Sila sa Katwiran at Diktatoryal Sila, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila (Ikalimang Seksiyon)
Ang mga anticristo ay wala sa katwiran at diktatoryal, hindi kailanman nakikipagbahaginan sa iba, at kailangang may huling salita sa lahat ng isyu—hindi ba’t malinaw na nakikita ang lahat ng problemang ito? Ang pakikipagbahaginan sa iba at paghahanap ng mga prinsipyo ay hindi isang pormalidad o isang mababaw na proseso; ano ang layunin? (Ang magampanan ang mga tungkulin ng isang tao nang may mga prinsipyo, at magkaroon ng isang landas sa pagganap sa mga ito.) Tama iyan; ito ay para magkaroon ng mga prinsipyo at landas sa pagganap ng mga tungkulin ng isang tao. Dapat mo munang maunawaan na sa pamamagitan lang ng paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos at pag-unawa sa mga prinsipyo na epektibong magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin. Kung magbabahagi ka ng katotohanan para malutas ang mga problema, anong diskarte ang dapat gawin? Aling mga tao ang kailangang makilahok? Dapat piliin ang mga tamang indibiduwal; dapat kang pangunahing makipagbahaginan sa ilang tao na may mahusay na kakayahan at nakauunawa sa katotohanan, dahil hahantong ito sa mga epektibong resulta. Mahalaga ito. Kung pipiliin mo ang mga taong magugulo ang isip na may mahinang kakayahan at walang katwiran, na kahit gaano pa karaming talakayan ay hindi mauunawaan o maaabot ang katotohanan, kahit pa magbahaginan ng maraming katotohanan, hindi ito magbubunga ng anumang resulta. Anuman ang mga problemang lumilitaw sa iglesia, may karapatan ang mga hinirang na tao ng Diyos na makaalam at dapat nilang malaman ang sitwasyon ng gawain ng iglesia at ang mga kasalukuyang problema. Kung nililinlang ng mga lider at manggagawa ang mga nasa itaas nila at itinatago nila ang katotohanan mula sa mga nasa ibaba nila, kung gumagamit sila ng mga pamamaraan para lituhin ang iba, may karapatan ang mga hinirang na tao ng Diyos na ilantad at iulat sila, o na ipaalam ang sitwasyon sa mga nakatataas. Tungkulin at obligasyon din ito ng mga hinirang na tao ng Diyos. Kumikilos nang wala sa katwiran at diktatoryal ang ilang huwad na lider, kinokontrol ang mga hinirang na tao ng Diyos sa iglesia. Paglaban at pagsalungat ito sa Diyos, palagian itong pagsasagawa ng mga anticristo. Kung hindi ito ilalantad at iuulat ng mga hinirang na tao ng Diyos, at nahahadlangan o natitigil ang gawain ng iglesia, hindi lang ang mga lider at manggagawa ang may responsabilidad, kundi pati na rin ang mga hinirang na tao ng Diyos, dahil ang mga hinirang na tao ng Diyos ang nagdurusa kapag ang mga huwad na lider at mga anticristo ang may kapangyarihan sa iglesia, na posibleng maglagay sa pagkakataon nilang makatanggap ng kaligtasan sa panganib. Samakatwid, may karapatan at responsabilidad ang mga hinirang na tao ng Diyos na iulat at ilantad ang mga huwad na lider at anticristo, na kapaki-pakinabang para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa na: “Sinasabi ninyong lahat na wala sa katwiran at diktatoryal ako, tama? Sa pagkakataong ito, hindi na ako magiging ganyan. Hahayaan ko ang lahat na magpahayag ng kanilang mga opinyon. Isang araw, dalawang araw—maghihintay ako gaano man katagal para maibahagi ninyo ang mga ito.” Minsan, kapag nahaharap sa ilang espesyal na isyu, ilang araw na nagtatagal ang mga di-pagkakaunawaan nang walang kalutasan, at patuloy lang na naghihintay ang mga ito. Naghihintay ang mga ito hanggang sa maabot ng lahat ang isang kasunduan bago magpatuloy sa gawain. Gaano karaming gawain ang naaantala rito? Labis itong nakakaantala sa mga bagay; malinaw na pagpapamalas ito ng pagiging iresponsable. Paano epektibong mapamamahalaan ng isang lider o manggagawa ang gawain ng iglesia kung hindi niya kayang magdesisyon? Sa gawain ng iglesia, bagaman may awtoridad na magdesisyon ang mga lider at manggagawa, may karapatan ang mga kapatid na makaalam. Gayumpaman, sa huli, ang mga lider at manggagawa ang dapat na magdesisyon. Kung hindi makapagdesisyon ang isang lider o manggagawa, masyadong mababa ang kanyang kakayahan, at hindi siya angkop sa posisyon ng pamumuno. Kahit pa lider siya, hindi niya kayang gumawa ng tunay na gawain o maayos na gampanan ang kanyang mga tungkulin. May ilang lider at manggagawa na nagtatalo sa isang isyu sa loob ng mahabang panahon, hindi makapagdesisyon, at sa huli, pumapanig na lang sa kung sino ang nakikita nilang mas mapilit. Maprinsipyo ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Anong klaseng pamumuno iyon? Pagiging magulo ng isip lang iyon. Kung sasabihin mong, “Wala sa katwiran at diktatoryal ang mga anticristo, at natatakot akong maging ganoon; ayaw kong tahakin ang landas ng isang anticristo. Hihintayin kong ipahayag ng lahat ang kanilang mga opinyon, at saka ako gagawa ng kongklusyon at magbubuod ng isang katamtamang pamamaraan para sa desisyon”—katanggap-tanggap ba iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Kung hindi umaayon ang resulta sa mga katotohanang prinsipyo, kahit pa magpatuloy ka sa ganitong paraan, magiging epektibo ba ito? Mapalulugod ba nito ang Diyos? Kung hindi ito epektibo at hindi nito mapalulugod ang Diyos, malala ang problema. Ang hindi pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang pagiging iresponsable sa pagganap ng iyong tungkulin, ang pagiging pabasta-basta, at ang paggawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa pilosopiya ni Satanas ay pagiging hindi tapat sa Diyos. Panlilinlang ito sa Diyos! Para maiwasang mapaghinalaan o mahusgahan bilang isang anticristo, tinatalikuran mo ang mga responsabilidad na dapat mong gampanan at ginagamit mo ang “mapagkompromisong” paraan ng pilosopiya ni Satanas. Bilang resulta, pinipinsala mo ang mga hinirang na tao ng Diyos at naaapektuhan ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t wala itong prinsipyo? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Bilang isang lider o manggagawa, dapat kang magsalita at kumilos nang may mga prinsipyo, gumanap ng iyong mga tungkulin nang may mga resulta at kahusayan. Dapat kang kumilos sa alinmang paraan na makatutulong sa gawain ng sambahayan ng Diyos at umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Halimbawa, dapat bilhin ang mga bagay para sa iglesia nang isinasaalang-alang ang praktikal na resulta. Dapat makatwiran ang presyo at kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito. Kung gagastos ka ng pera nang walang ingat at walang mga prinsipyo, maaaring magdulot ito ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa mga handog para sa Diyos. Paano ninyo haharapin ang gayong sitwasyon? (Humingi ng patnubay mula sa Itaas.) Ang paghingi ng patnubay mula sa Itaas ay isang paraan. Bukod pa rito, huwag maging tamad. Magsaliksik nang mabuti, mag-usisa nang husto, magtanong-tanong pa, unawain ang mga detalye, at maghanda nang sapat; marahil pagkatapos ay matatagpuan ang isang medyo angkop na solusyon. Kung hindi mo gagawin ang paghahandang ito at kikilos ka nang walang ingat at nang hindi nauunawaan ang mga detalye, na magreresulta sa pagkaaksaya ng maraming pera, ano ang tawag doon? Tinatawag itong pagiging pabasta-basta. Ganito gampanan ng ilang tao ang kanilang tungkulin, hindi ipinapakita sa iba ang ginagawa nila. Kalahati lang ng dapat nilang iulat ang iniuulat nila, itinatago nila ang iba dahil pakiramdam nila ay magdadala sa kanila ng problema ang pagiging ganap na bukas at kakailanganin nilang magsagawa ng karagdagan pang pananaliksik at mga pagpapahusay. Kaya, ikinukubli na lang nila mula sa iba ang totoong sitwasyon at mga detalye, mabilis na kinukompleto ang gampanin at pagkatapos ay hinihingi sa sambahayan ng Diyos na magbayad. Subalit sa pag-iinspeksiyon, ang gampanin ay hindi umaabot sa pamantayan at nangangailangan na ulitin, at mas marami pang pera ang nasasayang. Hindi ba’t pagpinsala ito sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t pag-uugali ito ng isang Hudas? (Oo.) Ang pag-uugali ng isang Hudas ay kinasasangkutan ng partikular na pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ang gayong tao ay pumapanig sa mga hindi taga-iglesia, isinasaalang-alang lang ang sarili niyang laman at hindi man lang iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon ba siyang anumang katapatan sa Diyos? (Wala.) Wala kahit kaunting katapatan. Nalulugod siya sa pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at pagpinsala sa gawain ng iglesia—ito ang pag-uugali ng isang Hudas. Mayroon ding isa pang sitwasyon: May ilang tungkuling ginagamitan ng espesyal na kaalaman o kadalubhasaan sa ibang mga larangan na maaaring hindi pamilyar sa lahat. Sa gayong mga kaso, hindi ka dapat umiwas sa problema. Sa panahong ito ng masaganang impormasyon, hindi ka dapat maging tamad kundi aktibong maghanap ng nauugnay na datos at impormasyon. Simula sa pagkuha ng pinakapangunahing impormasyon, nagkakaroon ka ng simpleng pagkaunawa sa propesyon o larangang iyon, at pagkatapos ay unti-unti kang natututo tungkol sa mas marami pang aspektong kinasasaklawan ng larangang iyon, maging iyon man ay datos o iba’t ibang propesyonal na termino, na ginagawa kang medyo pamilyar dito. Pagkatapos mong maabot ang antas na ito, hindi ba’t mas kapaki-pakinabang ito sa maayos at tapat mong pagtupad ng iyong tungkulin? (Oo.) Kaya, ano ang layunin ng lahat ng gawaing paghahandang ito kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin? Ang pananaliksik, pag-unawa sa mga detalye, at pagkatapos ay paghahanap ng mga posibleng solusyon sa pamamagitan ng pagbabahaginan at talakayan ay bahagi lahat ng paghahanda para sa maayos na pagtupad ng iyong tungkulin. Ang mahusay na paggawa ng mga paghahandang ito ay nagpapakita ng katapatan ng isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin; ibinubunyag din nito iyong mga pabasta-basta. Paano naman ang saloobin ng mga hindi mananampalataya at ng mga taong hindi tunay na iginugugol ang sarili nila para sa Diyos kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Ganap silang pabasta-basta; anuman ang bilhin nila para sa iglesia, walang ingat silang gumagastos ayon sa sarili nilang kapritso, nang hindi humihingi ng patnubay mula sa Itaas, iniisip na nauunawaan nila ang lahat. Bilang resulta, sinasayang nila ang pera ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t sila ay mga gastador, mga tagapagbalita ng sakuna? Nagdudulot sila ng mga kawalan sa mga handog para sa Diyos at hindi man lang nila napagtatanto na gumagawa sila ng kasamaan at lumalaban sa Diyos; walang anumang pagsisisi ang kanilang puso. Kapag inilalantad at kinikilatis sila ng mga hinirang na tao ng Diyos, at ibinoboto sila na paalisin at patalsikin, saka lang sila nagkakaroon ng kaunting kamalayan at nagsisimulang magsisi. Hindi nila napagtantong magkakaroon ng gayon katitinding kahihinatnan ang kanilang mga pagkilos—talaga naman, hindi sila luluha hangga’t hindi nila nakikita ang sarili nilang kabaong! Ang gayong mga tao ay kadalasang mga hangal na mapurol ang utak, subalit naghahangad sila na maging mga lider at manggagawa at gumanap ng mga gampanin para sa sambahayan ng Diyos. Para silang mga baboy na nagpahid ng kaunting lipstick—lubos na walanghiya. Ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya; kahit ilang taon na silang nananampalataya, wala silang nauunawaang katotohanan. Subalit gusto pa rin nilang palaging maging mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos, palaging nagnanais na humawak ng kapangyarihan at magkaroon ng huling salita—hindi ba’t sobra silang walanghiya? Bakit itinuturing na mga hindi mananampalataya ang gayong mga tao? Ito ay dahil sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at pakikinig sa napakaraming sermon, wala silang nauunawaang katotohanan at hindi nila naisasagawa ang anumang katotohanan, na ginagawa silang mga hindi mananampalataya. May sinuman ba sa inyo na nagpapakita ng mga pag-uugaling ito? Sa mga gumagawa nito, itaas ninyo ang inyong mga kamay. Lahat kayo? Kung gayon, lahat kayo ay mga hindi mananampalataya, at iyon ay isang malalang problema. Iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos, kung palagi silang nakikinig sa mga sermon, ay makauunawa sa ilang katotohanan at magkakaroon ng kaunting pag-unlad, magiging mas maaasahan sa kanilang pananalita at mga pagkilos. Kung makikinig ang isang tao sa mga sermon sa loob ng maraming taon nang walang anumang pag-unlad, siya ay taong magulo ang isip, isang hayop, isang hindi mananampalataya. May ilang tao na medyo nakauunawa na at kaya nang hanapin ang katotohanan sa kanilang pananalita at mga pagkilos makalipas ang tatlo hanggang limang taon ng pananampalataya sa Diyos. Kung makapapansin sila ng mga kapintasan sa pagganap nila ng kanilang tungkulin o kung magsasanhi sila ng kaunting kawalan sa sambahayan ng Diyos, makadarama sila ng pagkabalisa, paninisi sa sarili, at pagkamuhi sa kanilang sarili; pakiramdam nila, ang kanilang mga panandaliang pagkakamali, kawalan ng katapatan, katamaran, o pagpapakasasa sa kaginhawahan ng laman ang nagsanhi ng gayon kalalaking kapintasan at nagdulot ng gayong kalalaking kawalan, at kinamumuhian nila ang sarili nila dahil dito. Ang gayong mga tao na may nagsisising puso ay may kaunting pagkatao at maaaring umabot sa punto na makatatanggap sila ng kaligtasan. Kung ang isang tao, pagkatapos ng maraming taon ng pakikinig sa mga sermon, ay hindi nakauunawa sa anumang katotohanan, patuloy na nagkakamali sa pagganap ng kanyang tungkulin, palaging lumilikha ng problema para sa sambahayan ng Diyos at nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, at ni walang nagsisising puso, ang gayong tao ay walang anumang pagkatao, mas masahol pa siya sa mga baboy at aso. Magagawa pa rin ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Kahit pa gumanap siya ng tungkulin, pabasta-basta lang iyon, at hindi niyon matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.
May ilang tao na palaging tinatawag ang sambahayan ng Diyos na “ating pamilya” kapag nagsasalita sila, palaging binabanggit ang “ating pamilya” sa usapan. Kaylambing nilang binabanggit ito! Ano ba itong “ating pamilya” na sinasabi nila? Mayroon lang sambahayan ng Diyos, pamilya ng Diyos, ang iglesia. Angkop bang palaging sabihin ang “ating pamilya”? Pakiramdam Ko ay hindi ito angkop. Maaaring gamitin ang terminong “ating pamilya,” subalit angkop lang ito kung ang sinabi ay tumutugma sa realidad. Kung hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan, kung madalas mong ginagampanan ang iyong mga tungkulin nang pabasta-basta, hindi itinataguyod ang gawain ng iglesia sa kahit anong paraan, talagang hindi sineseryoso ang gawain ng iglesia, subalit palagi mong sinasabi ang “ating pamilya,” hindi iyon naaangkop. May pahiwatig ito ng kasinungalingan at pagkukunwari, na nagdudulot ng pagkasuklam at pagkasuya; gayumpaman, kung ikaw ay isang tao na tunay na nagtataglay ng katotohanang realidad at nagtataguyod sa gawain ng iglesia, katanggap-tanggap na tawaging “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos. Kapani-paniwala ito sa pandinig ng iba, nang walang kasinungalingan, at makikita ka nila bilang isang kapatid, gusto at hinahangaan ka. Kung hindi mo mahal sa puso mo ang katotohanan, ni tinatanggap ang katotohanan, at iresponsable ka sa pagganap ng iyong mga tungkulin, huwag mong tawaging “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos. Dapat mong taimtim na hangarin ang katotohanan, gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, at magawang itaguyod ang gawain ng iglesia para madama ng mga hinirang na tao ng Diyos na bahagi ka ng sambahayan ng Diyos. Sa gayon, kapag sinabi mong “ating pamilya,” magpapadama ito sa iba ng pagiging malapit, nang walang anumang pagkaramdam ng pagkasuklam, dahil sa iyong puso, tunay mong itinuturing na sarili mong tahanan ang sambahayan ng Diyos, at sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin, tunay na responsable ka at itinataguyod mo ang gawain ng iglesia. Kapag sinabi mong “ating pamilya,” ganap itong karapat-dapat kung pakinggan, na walang bahid ng kasinungalingan. Kung ang isang tao ay hindi nagpapakita ng responsabilidad sa gawain ng iglesia, ginagampanan ang anumang tungkulin niya nang pabasta-basta, hindi man lang nag-aabalang pulutin mula sa sahig ang mga bagay-bagay, linisin ang maruming silid, o alisin ang niyebe o ayusin ang bakuran sa taglamig, na para bang hindi siya miyembro ng sambahayan ng Diyos kundi isang tagalabas, kwalipikado bang tawagin ng gayong tao na “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos? Mga tagapagserbisyo lang sila, mga pansamantalang manggagawa, mga walang buhay na tao na nabibilang kay Satanas, hinding-hindi nabibilang sa sambahayan ng Diyos. At madalas na walang kahihiyan pa rin nilang tinatawag na “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos, sinasabi ito sa tuwing ibinubuka nila ang kanilang bibig, sinasabi ito nang may matinding pagkakalapit, kinakausap ang mga kapatid nang may labis na pagkagiliw—subalit hindi sila nangangasiwa ng anumang tunay na gampanin. Kapag gumagawa sila ng mga gampanin, nagkakamali sila, nagdudulot ng pinsala sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mga mapagpaimbabaw lang sila? Lubos na imoral ang gayong mga tao, walang anumang konsensiya o katwiran. Ang mga pinakapangunahing katangian na dapat taglayin ng isang mananampalataya ng Diyos ay konsensiya at katwiran, at dapat din niyang magawang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi man lang siya nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at hindi man lang niya tinatanggap ang katotohanan, karapat-dapat pa rin ba niyang tawaging “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos? Pansamantalang manggagawa at tagapagserbisyo lang siya; nabibilang siya kay Satanas at walang gaanong kinalaman sa sambahayan ng Diyos. Hindi kinikilala ng Diyos ang gayong tao; sa Kanyang paningin, masamang tao ito. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos subalit hindi man lang hinahangad ang katotohanan, nagpapakita ng kawalang-interes sa mga usapin sa sambahayan ng Diyos. Ipinagwawalang-bahala nila ang mga problemang kinahaharap nila, pinababayaan ang kanilang mga responsabilidad, nilalayuan ang mga nahihirapang kapatid, at hindi nagpapakita ng pagkamuhi sa mga gumagawa ng masama at pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o sumisira sa gawain ng iglesia. Wala silang kamalayan sa mga usapin na labis na tama at mali; wala silang pakialam sa anumang mangyari sa sambahayan ng Diyos. Tinatrato ba nilang sarili nilang tahanan ang sambahayan ng Diyos? Malinaw na hindi. Hindi kwalipikado ang mga taong ito na tawaging “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos; mapagpaimbabaw lang ang mga gumagawa nito. Sino ang mga kwalipikadong magsabi ng “ating pamilya”? Kamakailan, napansin Ko na hindi talaga masama ang ilang tao, kahit na siyempre ay nasa minorya sila. Hindi muna natin pag-uusapan ngayon kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila, o gaano man kataas ang kanilang tayog o kalaki ang kanilang pananalig, pero ang mga taong ito ay tunay na nananampalataya sa Diyos, kayang magsagawa ng mga tunay na gampanin, at tunay na responsable sa anumang tungkuling ginagampanan nila—mayroon silang kaunting wangis ng pagkatao. Ang gayong mga tao lang ang tunay na maituturing na bahagi ng sambahayan ng Diyos. Kapag sinasabi nilang “ating pamilya,” mainit at tunay na taos-puso ang pakiramdam nito. Halimbawa, kinakailangan ng iglesia ng mesa, na nagkakahalagang anim o pitong daang dolyar kung bibilhin. Sinabi ng ilang kapatid na, “Masyadong mahal iyon. Makatitipid tayo ng malaking halaga kung bibili tayo ng kahoy at tayo na lang ang gagawa nito. Magiging ganoon din ito kaayos, nang walang anumang pagkakaiba.” Pagkatapos marinig ito, ano ang naramdaman Ko sa Aking puso? Medyo naantig Ako: “Hindi masama ang mga taong ito; alam nilang magtipid ng pera para sa sambahayan ng Diyos.” Ang gayong mga tao ay higit na mas mabuti kumpara sa mga taong nagwawaldas ng mga handog, kahit papaano ay nagtataglay sila ng kaunting konsensiya at katwiran, at kaunting damdamin ng tao. May ilang tao na nagdudulot ng daan-daan o libu-libong dolyar na kawalan sa sambahayan ng Diyos nang hindi nila namamalayan, sinasabi pa nga na hindi nila ito alalahanin, nang hindi nakadarama ng paninisi sa sarili sa kanilang puso. Sa kabilang banda, may iba namang nagsasabi na, “Mahalaga ang makatipid ng kahit sampu o walong dolyar. Hindi tayo dapat basta-bastang gumastos ng pera sa mga bagay na maaari nating lutasin nang tayo mismo. Dapat tayong magtipid kung saan natin makakaya. Hindi kailangang gastusin ang pera na hindi naman kailangang gastusin. Tama lang na magtiis tayo ng kaunting hirap at magpakapagod.” Iyong mga tao lang na makapagsasabi ng gayong mga bagay ang mga taong may konsensiya at katwiran, nagtataglay ng normal na pagkatao, at tunay na umaayon sa sambahayan ng Diyos. May karapatan ang mga taong ito na tawaging “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos dahil isinasaalang-alang nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. May ilang tao na hindi man lang iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Dahil ba iyon sa wala silang kakayahang isaalang-alang ang mga iyon? Pagdating sa kanilang sariling buhay, sobrang matipid sila, ipinagdaramot ang bawat sentimo, laging gustong bumili ng pinakamura at pinakapraktikal na mga bagay, nagtitipid saanman nila makakaya, nakikipagtawaran pa nga sa mga presyo, maingat na nagkukuwenta, halatang bihasa sa pamamahala sa buhay nila. Subalit pagdating sa paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, hindi sila ganito kumilos. Gumagastos sila nang labis kapag ginagamit ang pera ng sambahayan ng Diyos, ginagastos ito kung paano man nila gustuhin, na para bang magiging pag-aaksaya ang hindi paggastos dito. Hindi ba’t tanda ito ng isang kakila-kilabot na karakter? Sobrang makasarili ng gayong mga tao, hindi man lang isinasaalang-alang ang sambahayan ng Diyos, hinahangad lang na palugurin ang kanilang sarili. Umaasa silang makalulusot sila papasok sa kaharian ng langit at magtatamo ng malalaking pagpapala sa pinakamababang halaga. Ang gayong makasarili at kasuklam-suklam na mga tao ay nagkikimkim pa rin ng napakalalaking ambisyon at pagnanais; ipinakikita nito na may matinding kakulangan sa kanilang karakter!
Ngayon ba ay ganap na nating napag-usapan sa ating pagbabahaginan ang pagpapamalas na ito ng mga anticristo, na kumikilos sila nang tuso at na wala sa katwiran at diktatoryal sila? (Oo.) Magbuod tayo kung gayon. Ang tuso na paggawa ng mga anticristo sa mga bagay-bagay, at ang kanilang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, ay dalawang magkaiba subalit magkasinlaki at magkasabay na pag-uugali na karaniwan sa kanila. Inilalantad ng pagpapamalas na ito ang dalawa sa mga pangunahing disposisyon ng mga anticristo—ang kabuktutan at pagiging malupit; parehong buktot at malupit ang mga ito. Minsan, maaaring hindi mo makita ang malupit na bahagi nila, subalit makikita mo ang buktot na bahagi nila. Maaaring kumikilos sila nang malumanay, ginagawang mahirap na makita ang alinman sa kanilang mapilit o barbarikong pag-uugali. Hindi sila mukhang mabangis sa panlabas, at hindi ka rin nila pinipilit na gawin ang anuman, subalit binibihag ka nila sa pamamagitan ng iba pang buktot na pamamaraan, inaakay ka na makontrol nila, pinaglilingkod ka para sa kanilang mga layunin—at sa gayon ay sinasamantala ka nila. Walang kamalay-malay, nahuhulog ka sa kanilang bitag, kusang-loob na nagpapasakop sa kanilang pagmamanipula at panloloko. Bakit sila nakapagdudulot ng gayong mga kahihinatnan? Madalas gumamit ang mga anticristo ng mga tamang pahayag at kasabihan para turuan at impluwensiyahan ka, inuudyukan kang gawin ang ilang bagay, ipinararamdam sa iyo na tama ang lahat ng kanilang sinasabi, na dapat mo itong isakatuparan at dapat mo itong gawin sa ganitong paraan, kung hindi, mararamdaman mong lumalaban ka sa katotohanan, mararamdaman mo na ang pagsuway sa kanila ay nangangahulugan ng paghihimagsik laban sa Diyos. Sa paggawa nito, kusang-loob mo silang sinusunod. Ano ang panghuling resulta nito? Kahit pa sundin ng mga tao ang kanilang mga salita at isagawa ang kanilang sinasabi, nauunawaan ba nila ang katotohanan? Mas napalalapit ba o mas napalalayo ang relasyon nila sa Diyos? Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi lang nabibigo ang mga tao na lumapit sa Diyos at magdasal sa Kanya, kundi hindi rin nila alam kung paano hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, o kung paano aarukin ang mga layunin at hinihingi ng Diyos. Sa halip, gumagawa sila ng isang hindi kapani-paniwalang pahayag: “Napakaraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, kadalasang sumasandig sa mga lider para sa suporta at panustos. Anuman ang mangyari, hangga’t ang mga lider ay nakikipagbahaginan, may daan pasulong. Hindi ito maaari kung wala ang mga lider.” Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos subalit ganito lang ang tayog nila, hindi pa rin nila kayang kumilos kung wala ang mga lider. Hindi ba iyon kaawa-awa? Ano ang nakatagong kahulugan dito? Ang implikasyon ay na hindi nila alam kung paano magdasal sa Diyos, sumandig sa Diyos, tumingala sa Diyos, o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay dapat na may pagsuporta ng mga lider para maunawaan nila; maaaring palitan ng lider ang Diyos na pinanampalatayaan nila. Masasabing ang pananampalataya sa Diyos ng ganitong tao ay talagang pananampalataya sa kanyang mga lider. Nakikinig siya sa lahat ng sinasabi ng mga lider, at naniniwala sa anumang sinasabi ng mga ito. Kanino siya tunay na nananampalataya, sumusunod, at tumatalima—sa Diyos ba o sa mga lider? Hindi ba’t katulad lang ito ng mga relihiyosong tao na nananampalataya sa Panginoon sa pangalan lang, subalit sa realidad ay nananampalataya, sumusunod, at nagtitiwala sa kanilang mga pastor? Hindi ba’t ito ay pagiging kontrolado ng mga tao? Sinasamba mo ang mga lider, nakikinig ka sa kanila sa lahat ng isyu. Ito ay pananampalataya at pagsunod sa mga tao, pagiging napipigilan at kontrolado ng mga tao. Napakalinaw na nagsalita ang Diyos subalit hindi mo maunawaan ang Kanyang mga salita, at hindi mo rin alam kung paano isagawa ang mga ito, subalit nauunawaan mo ang mga diyablo at Satanas pagkatapos nilang magsabi ng ilang salita lang? Ano ba talaga ang nauunawaan mo? Minsan nauunawaan mo ang isang regulasyon o doktrina—maituturing ba iyon na pagkaunawa sa katotohanan? (Hindi.) Hindi iyon pagkaunawa sa katotohanan; ito ay pagkalihis. Iyon mismo iyon.
Sa pagpapamalas ng mga anticristo na kumikilos nang tuso at na wala sa katwiran at diktatoryal, ang kanilang mga pangunahing disposisyon ay kabuktutan at pagiging malupit. Saan naipamamalas ang kanilang kabuktutan? Naipamamalas ito sa kanilang tuso na pag-uugali. At saan naipamamalas ang kanilang pagiging malupit? (Sa pagiging wala sa katwiran at diktatoryal.) Pangunahin itong naipamamalas sa kanilang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, at sa pagpilit sa iba na sundin sila; ang kanilang pamimilit ay nagpapakita ng isang malupit na disposisyon. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na magpasakop sa Kanya at sa katotohanan. Ano ang paraan ng paggawa ng Diyos? Pagkatapos ipahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita, sinasabi Niya sa mga tao na ang pinakamahalagang bagay sa pananampalataya sa Diyos ay na dapat silang magpasakop sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Alam mo ang katotohanang ito, alam mong tama ang pariralang ito, subalit pagdating sa kung magpapasakop ka ba at kung paano ka magpapasakop, ano ang saloobin ng Diyos? Mayroon kang malayang kalooban, may karapatan kang pumili. Kung gusto mong magpasakop, magpasakop ka; kung ayaw mong magpasakop, hindi mo kailangang magpasakop. Gayumpaman, pagdating sa kung anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng hindi pagpapasakop, ano ang sinisiyasat ng Diyos sa mga tao, at ano ang Kanyang mga kongklusyon tungkol sa kanila, walang anumang labis na ginagawa ang Diyos sa mga usaping ito. Hindi ka Niya binabalaan, binabantaan, o pinipilit, pinagbabayad ng halaga o pinarurusahan para dito. Hindi ganoon kumilos ang Diyos. Sa panahong inililigtas ng Diyos ang mga tao, kapag ipinahahayag Niya ang mga salita para tustusan ang mga tao, pinahihintulutan ng Diyos ang mga tao na magkamali, na tahakin ang maling landas, at pinahihintulutan Niya ang mga tao na maghimagsik laban sa Kanya at gumawa ng mga kahangalan. Subalit sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at ilan sa Kanyang mga pamamaraan ng paggawa, unti-unting ipinauunawa ng Diyos sa mga tao kung ano ang Kanyang mga hinihingi, kung ano ang katotohanan, at kung ano ang tama at kung ano ang mali—halimbawa, sa pamamagitan ng pagpupungos, pagtutuwid, at pagdidisiplina, at gayundin sa pamamagitan ng mga panghihikayat. Minsan, binibigyan ka Niya ng kaunting biyaya, inaantig ang iyong kalooban, o binibigyan ka ng kaunting pagtanglaw at kaliwanagan, ipinaaalam sa iyo kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano talaga ang mga hinihingi ng Diyos, kung ano ang dapat na maging posisyon ng mga tao, at kung ano ang dapat isagawa ng mga tao. Habang ipinauunawa Niya ito sa iyo, binibigyan ka rin Niya ng pagpipilian. Kung sasabihin mong, “Magiging mapaghimagsik ako, magiging matigas ang ulo ko, ayaw kong piliin kung ano ang tama, ayaw kong maging tapat, gusto ko lang kumilos nang ganito!” sa huli ay ikaw ang responsable para sa sarili mong destinasyon at kalalabasan. Kailangan mong akuin ang responsabilidad para sa iyong mga pagkilos at magbayad ng halaga; walang ginagawa ang Diyos pagdating sa bagay na ito. Patas at matuwid ang Diyos. Kung kumikilos ka ayon sa Kanyang mga hinihingi at isa kang taong nagpapasakop sa Diyos, o, kung sa kabaligtaran, hindi ka kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos, sa parehong kaso, saanman ang iyong magiging destinasyon, noon pa ay pauna na itong itinakda ng Diyos. Wala nang kailangang gawin ang Diyos. Hindi naman na para bang kung hindi ka kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos ngayon ay didisiplinahin, itutuwid, o parurusahan ka Niya, magdadala sa iyo ng mga sakuna—hindi ganoon gumawa ang Diyos. Ang Diyos, hinihingi Niya sa mga tao na magpasakop para lang maipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa pagpapasakop; walang elemento ng “pamimilit.” Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na magpasakop o magsagawa ng aspektong ito ng katotohanan. Samakatwid, sa paraan ng Diyos, pinamamatnugutan man Niya ang mga tao, pinamumunuan ang kanilang kapalaran, inaakay sila, o binibigyan sila ng katotohanan, ang saligan ng mga pagkilos na ito ay hindi batay sa pamimilit, at hindi rin sa pangangailangan. Kung kikilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, at bubuti nang bubuti ang iyong kondisyon sa harap ng Diyos—mapananatili mo ang isang mabuting kondisyon, at bibigyang-liwanag ka rin ng Diyos sa mga aspekto ng pang-araw-araw na pamumuhay na hindi mo nauunawaan. Gayumpaman, kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kung hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at ayaw mong hangarin ang katotohanan, magiging napakalimitado ng iyong makakamit. Ito ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang ito. Hindi nagpapakita ng pagkiling ang Diyos; patas Siya sa lahat. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi ba’t magsasagawa ako kung pipilitin lang ako ng Diyos?” Hindi namimilit ang Diyos sa mga tao; iyon ang ginagawa ni Satanas. Hindi ganoon gumawa ang Diyos. Kung makapagpapasakop ka lang sa Diyos kapag pinilit ka, ano ka na lang kung gayon? Talaga bang nagpapasakop ka sa Diyos? Hindi iyon ang uri ng pagpapasakop na ninanais ng Diyos. Ang pagpapasakop na binabanggit ng Diyos ay iyong kung saan, batay sa pagkaunawa sa katotohanan, kusang-loob na isinasagawa ng isang tao ang mga salita ng Diyos nang dahil sa konsensiya at katwiran. Ito ang likas na kahulugan ng pagpapasakop. Wala ritong pamimilit, pagpipigil, pagbabanta, o anumang uri ng paggapos o pagkontrol. Samakatwid, kapag pakiramdam mo ay labis kang nakagapos o napipilitan sa isang isyu, tiyak na hindi ito gawain ng Diyos. Sa isang banda, maaaring nagmumula ito sa mga kaisipan ng tao o isang baluktot na pagkaarok at mga pagpipigil na ipinataw sa sarili. Sa isa pang banda, maaaring may iba pang sumusubok na pigilan ka, ginagamit ang mga regulasyon o ilang tila tamang argumento o teorya para pigilan ka, inaakay ka na makabuo ng ilang pagkabaluktot sa iyong pag-iisip. Nagpapahiwatig ito ng isang problema sa iyong pagkaunawa. Kung pakiramdam mo ay kusa at masaya kang nagpapasakop sa Diyos, nagmumula ito sa gawain ng Banal na Espiritu at mula rin sa tunay na pagkatao, mula sa konsensiya at katwiran.
Sa sambahayan ng Diyos, may ilang tao na hindi nagpapasakop sa katotohanan, hindi nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at hindi nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia. Paano ito pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang pamamaraan ng sapilitang pagpapatupad na ginagamit para malutas ito? Halimbawa, kung ang isang lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, hindi gumagawa ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, at hindi nagsasagawa ng katotohanan, o hindi kayang gumawa ng tunay na gawain, paano ito pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos? (Pinapalitan siya ng sambahayan ng Diyos.) Direkta siyang pinapalitan, subalit pinatatalsik ba siya? (Hindi.) Iyong mga hindi nakagawa ng kasamaan ay hindi pinatatalsik. Pagdating naman sa mga ordinaryong kapatid, kung isinaayos na gampanan nila ang isang partikular na tungkulin at tumanggi sila, maituturing ba ito na hindi pagpapasakop? Kung hindi sila pupunta, may mahahanap pang iba; may sinuman ba na pipiliting gampanan ang isang tungkulin? (Wala.) Walang pamimilit. Kung, sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng katotohanan, ay handa silang tumanggap at magpasakop, ayos iyon. Hindi ito itinuturing na pamimilit; ito ay pagsasaayos para kanilang gampanan ang tungkuling ito sa kondisyon na mayroon silang personal na pagpapahintulot at pagpayag. Halimbawa, mahilig magluto ang ilang tao, subalit isinasaayos na maglinis sila, at sinasabi nilang, “Kung pinaglilinis ako, maglilinis ako. Nagpapasakop ako sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos.” Mayroon bang anumang pamimilit dito? May anuman bang pamimilit laban sa kalooban ng isang tao? (Wala.) Isinasaayos ito nang mayroon nilang pagpayag at pagpapasakop, nang hindi inilalagay ang sinuman sa isang mahirap na sitwasyon o pinipilit ang sinuman na gawin ang isang bagay. Maaaring may mga kaso rin kung saan, para sa isang partikular na tungkulin, walang sinuman ang matagpuan pansamantala, at isinasaayos ka na pansamantalang punan ito; maaaring personal na hindi ka payag dito, subalit isa itong pangangailangan para sa gawain, isa itong espesyal na kaso. Ikaw ay miyembro ng sambahayan ng Diyos, nakikibahagi ka sa pagkain mula sa sambahayan ng Diyos at ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin doon—dahil kinikilala mo ang iyong sarili bilang isang taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos, hindi mo ba kayang maghimagsik laban sa iyong laman sa maliit na isyung ito? Ni hindi talaga ito maituturing na pagpapasakop o paghihirap; pansamantala lang ito, hindi nito hinihingi sa iyo na gampanan ang tungkuling ito nang pangmatagalan. Nagrereklamo ang ilang tao na marumi at nakapapagod ang gawaing pinagagawa sa kanila, at ayaw nilang gawin ito. Kung sasabihin nila ito, dapat silang maitalaga sa ibang gawain kaagad. Gayumpaman, kung pasalita lang nila itong ipinahahayag subalit sila naman ay talagang handang magpasakop at handang magdusa, dapat nilang ipagpatuloy ang pagganap ng kanilang tungkulin. Angkop ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Tama ba ang prinsipyong ito? (Oo.) Ganap na hindi pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao laban sa kanilang kalooban. May isa pang sitwasyon kung saan ang ilang tao, anuman ang tungkuling ginagampanan nila, ay tamad, iresponsable, at walang katapatan. Minsan, palihim pa nga silang gumagawa ng masasamang bagay. Kapag hindi nila ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, nagdadahilan sila, sinasabing ang tungkulin ay hindi angkop para sa kanila, na hindi nila ito kalakasan, o na hindi nila nauunawaan ang larangan nito. Subalit ang totoo, malinaw na nakikita ng lahat na ang kanilang pagkabigong gumanap nang maayos ay hindi dahil sa mga kadahilanang ito. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? Kung hihilingin nilang gumanap ng tungkulin sa ibang lugar, dapat ba itong pagbigyan? (Hindi.) Kung gayon ano ang dapat gawin? Hindi angkop ang gayong mga tao para sa pagganap ng mga tungkulin; ginagawa nila ito nang mabigat sa loob at nang walang tamang saloobin, kaya dapat silang paalisin. May isa pang uri ng tao na nagiging pahirap at palaban sa sandaling sabihan silang gampanan ang isang tungkulin. Lubhang tutol at napipilitan sila, halos hindi nila mapigilan ang kawalang-kasiyahan nila, iniisip na, “Mananatili lang ako rito nang hindi kapansin-pansin at iraraos ko lang ang ilang taon, sino ang nakaaalam kung saan ako hahantong pagkatapos nito!” Hindi dapat pahintulutang gumanap ng mga tungkulin ang mga taong may gayong mga layunin, at kahit pa gusto nilang gampanan ang iba pang mga tungkulin, hindi ito pinahihintulutan. Dapat agresibong mapangasiwaan ang mga ganitong kaso. Bakit ganito? Dahil nababatid ang kanilang diwa—sinasabi ng mga nakauunawa sa kanila na sila ay mga hindi mananampalataya; sinasabi rin ng mga tao sa paligid nila na hindi sila angkop sa pagganap ng mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay mga walang pananampalataya, at dapat silang paalisin. Kung hindi, makapagdudulot lang sila ng mga kaguluhan, makagagawa ng mga maling gawa, at makapipinsala sa mga hinirang na tao ng Diyos sa loob ng iglesia, na lubos na hindi katanggap-tanggap. Dapat pangasiwaan ang mga gayong kaso ayon sa mga prinsipyo kung paano tratuhin iyong mga gumaganap ng mga tungkulin sa iglesia; ang pag-ayaw nila ay hindi isang konsiderasyon. Pamimilit ba ito? Hindi ito pamimilit; ito ay pagkilos ayon sa mga prinsipyo, pagtataguyod sa mga interes at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Tungkol ito sa pagpapaalis sa mga hindi mananampalataya at sa mga iyong nariyan lang para maging pabigat sa sambahayan ng Diyos. Kung gusto mong maging pabigat, gawin mo ito sa ibang lugar, hindi rito. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang tahanan sa pagreretiro; hindi nito sinusuportahan ang mga tamad. Nauunawaan mo ba?