Ikaanim na Aytem: Kumikilos Sila sa mga Tusong Paraan, Wala Sila sa Katwiran at Diktatoryal Sila, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila (Ikaapat na Seksiyon)
Mapalad ang ilang tao na mapili bilang mga lider sa iglesia, pero ang totoo, hindi umabot sa pamantayan ang mga kakayahan at tayog nila. Ang pagiging lider ay pagtataas ng Diyos, pero hindi ganoon ang tingin nila rito. Sa halip, iniisip nila, “Bilang lider, mas magaling at mas mataas ako sa iba; hindi na ako isang ordinaryong tao lang. Habang kailangan ninyong lahat na yumuko at sumamba nang may pagkamasunurin sa harap ng diyos, hindi ko kailangang gawin iyon, dahil iba ako sa inyong lahat; mga nilikha kayong lahat, pero ako ay hindi.” Kung gayon ano ka? Hindi ba’t laman at dugo ka rin? Paano ka naiiba sa iba? Ang kaibahan ay nasa kawalan mo ng kahihiyan; wala kang pagpapahalaga sa karangalan at pagkamakatwiran, ni hindi ka maikukumpara sa isang aso. Kumikilos ka nang wala sa katwiran at diktatoryal, wala kang pinapakinggang payo mula sa iba—iyan ang kaibahan. Gaano man kababa ang mga kakayahan nila o kababa ang kahusayan nila sa paggawa ng mga bagay, iniisip pa rin nila na mas magaling sila sa karaniwang tao, naniniwala sila na may kakayahan at talento sila. Kaya, hindi sila nakikipagpulong sa iba para magkaroon ng kasunduan anuman ang gawin nila, iniisip nila na kwalipikado sila o may ganap silang kakayahan para kontrolin ang lahat ng bagay. Hindi ba’t ang kayabangang ito ay humahantong sa kawalan ng katwiran? Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? (Oo.) Bago maging isang lider, kumilos sila nang may kahihiyan; naniwala sila na may talento at kakayahan sila, at may itinatago silang ambisyon sa mga kilos nila, pero wala lang silang pagkakataon. Noong sandaling naging lider na sila, ibinukod nila ang mga sarili nila sa mga kapatid, ipinagpalagay nila na mas mataas ang posisyon nila. Nagsimula silang kumilos nang nakakataas, ipinapakita ang tunay nilang kulay; nagsimula silang mag-isip na kaya nilang abutin ang matatayog na bagay, naniniwalang, “Tamang tao ang pinili ng sambahayan ng diyos; talagang may talento ako—sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang. Tingnan ninyo ako ngayon: Kinilala ako ng diyos, hindi ba?” Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Gayon nga.) Isa ka lang sa mga ordinaryong nilikha; gaano man kahusay ang mga kaloob at talento mo, ang tiwaling disposisyon mo ay kapareho lang ng sa iba. Kung iniisip mo na natatanging pambihira ka at iniisip mo na mas mataas ka, gustong umangat sa lahat ng iba, na maging mas mataas sa lahat ng bagay, kung gayon ay nagkakamali ka. Dahil sa maling akala na ito, kumikilos ka nang wala sa katwiran at diktatoryal, nang walang pakikipagbahaginan o pakikipagkasunduan sa iba, at pinapangarap mo pa ngang masiyahan sa pagsunod at pag-ayon ng iba sa iyo, na mali. Nasaan ang pagkakamali? (Sa pagpapalagay ng maling posisyon.) Bakit laging tumatayo sa maling posisyon ang mga anticristo? Isang bagay ang tiyak; na maaaring hindi pa ninyo napagtanto: May isang bagay na nasa pagkatao nila na wala sa iba; lagi silang may isang uri ng maling akala. Paano nagkakaroon ng ganitong maling akala? Hindi ito ibinigay ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang lahat ng ginagawa nila, ang lahat ng ibinubunyag at ipinapahayag nila, ay hindi likas na gawi na nasa normal na saklaw ng pagkatao, kundi ito ay pinapatakbo ng isang panlabas na kapangyarihan. Bakit sinasabi na tuso ang mga kilos nila, at na hindi makontrol ang mga ambisyon at pagnanais nila? Lumampas na sa limitasyon ang pagnanais nilang kontrolin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng paglampas sa limitasyon? Ibig sabihin nito na gagamitin nila ang anumang paraan, hihigitan nila ang pagkamakatwiran at pagkadama ng kahihiyan; hindi ito napipigilan, gaya ng isang spring—bumaba man ito nang panandalian kapag diniinan mo, pero sa sandaling bitawan mo ito, tatalbog ito pataas. Hindi ba’t ganito ang makonsumo ng pagnanais at mahumaling? Hindi talaga ito pagmamalabis.
Saanman may kapangyarihan ang mga anticristo sa isang iglesia, ang iglesiang iyon ay hindi na matatawag na iglesia. Dapat maramdaman ito ng mga nakaranas nito. Hindi ito pagkadama ng katahimikan, kagalakan, at sama-samang pag-angat, kundi ng magulong di-pagkakasundo. Partikular na nadarama ng lahat ng tao na hindi sila mapakali at hindi sila komportable, hindi nila madama ang kapayapaan sa puso nila, na para bang may ilang malaking sakunang mangyayari. Ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay nagdudulot ng kalagayan kung saan nagiging malabo ang puso ng mga tao, nawawalan sila ng kakayahang makilala kung alin ang mga positibo at kung alin ang mga negatibong bagay. Dagdag pa rito, lumalayo ang puso ng mga tao sa Diyos dahil matagal silang nalilihis ng mga anticristo, na humahantong sa di-normal na relasyon sa Diyos, gaya ng mga tao sa relihiyon na sa pangalan ay nananampalataya sa Diyos pero walang lugar para sa Kanya sa mga puso nila. May isa ring tunay na isyu, na kapag may kapangyarihan ang mga anticristo, nagdudulot ito ng pagkakawatak-watak at kaguluhan sa loob ng iglesia. Walang madamang kasiyahan o kalayaan sa mga pagtitipon ang mga nagmamahal sa katotohanan at dahil dito, gusto nilang umalis sa iglesia para manampalataya sa Diyos sa bahay. Kapag kumikilos ang Banal na Espiritu sa isang iglesia, nauunawaan man o hindi ng mga tao ang katotohanan, nagkakaisa ang lahat ng tao sa puso at pagsisikap, na lumilikha ng mas mapayapa at mas panatag na kalagayan, na walang pagkabagabag. Gayumpaman, tuwing kumikilos ang mga anticristo, may dala silang kalagayang di-mapanatag at nakakatakot. Humahantong ang pakikialam nila sa pagkakaroon ng mga paksyon, at nagiging depensibo ang mga tao laban sa isa’t isa, nagiging mapanghusga sila sa isa’t isa, at inaatake nila ang isa’t isa, sinisiraan ang isa’t isa kapag nakatalikod sila. Malinaw naman, ano ba ang ginagampanang papel ng mga anticristo? Sila ay mga alagad ni Satanas. Ang mga kahihinatnan ng mga kilos ng mga anticristo ay: Una, panghuhusga, paghihinala, at pag-iingat ng mga kapatid sa isa’t isa; pangalawa, ang pagkawala ng mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae, na unti-unting humahantong sa di-angkop na pakikipag-ugnayan; at pangatlo, sa puso nila, nagiging malabo para sa mga tao ang mga pangitain, at tumitigil silang tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi na nila alam kung paano kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nawawala ang kakaunting pagkaunawa sa mga doktrina na dating mayroon sila, nagiging malabo ang isip nila, at pikit-mata silang sumusunod sa mga anticristo, pinagtutuunan lang nila ang pagpapakaabalang gumawa ng mabababaw na gampanin. Nadarama ng ilang tao na walang patutunguhan ang pagsunod sa mga anticristo; kung puwede sanang ang mga naghahangad lang ng katotohanan ang magtitipon at sama-samang gagawa ng mga tungkulin, ang saya sana niyon! Sa sandaling magkaroon ng kapangyarihan ang mga anticristo sa iglesia, tumitigil ang Banal na Espiritu sa paggawa, at sumasapit ang kadiliman sa mga kapatid. Nagiging malamlam ang pananampalataya sa Diyos at pagganap sa mga tungkulin. Kung magtutuloy-tuloy ito nang matagal, hindi ba’t ititiwalag ng Diyos ang karamihan sa mga kapatid?
Ngayon, sa isang banda, hinimay natin ang mga pagpapamalas ng mga wala sa katwiran at diktatoryal na pag-uugali ng mga anticristo. Sa isa pang banda, sa paghihimay ng mga pagpapamalas na ito, ipinapaalam sa lahat na kahit pa hindi ka anticristo, ang pagkakaroon ng mga ganitong pagpapamalas ay nag-uugnay sa iyo sa katangian ng mga anticristo. Pagpapamalas ba ng normal na pagkatao ang pagkilos sa isang paraang wala sa katwiran at diktatoryal? Talagang hindi; maliwanag na ito ay pagpapakita ng isang tiwaling disposisyon. Gaano man kataas ang iyong katayuan o gaano man karami ang mga tungkuling kaya mong gampanan, kung matututo kang makipagbahaginan sa iba, itinataguyod mo ang mga prinsipyo ng katotohanan, na siyang pinakamababang hinihingi. Bakit sinasabi na ang pagkatutong makipagbahaginan sa iba ay katumbas ng pagtataguyod sa mga prinsipyo? Kung natututo kang makipagbahaginan, pinapatunayan nito na hindi mo tinatrato ang iyong katayuan bilang paraan para kumita o masyadong sineseryoso ito. Gaano man kataas ang katayuan mo, ginagampanan mo ang tungkulin mo. Kumikilos ka alang-alang sa pagganap ng tungkulin mo, hindi para sa katayuan. Kasabay nito, kapag nahaharap ka sa mga problema, kung matututunan mong makipagbahaginan at kaya mong maghanap at makipagbahaginan sa mga ordinaryong kapatid man o sa mga taong katulong mo sa trabaho, ano ang pinapatunayan nito? Ipinapakita nito na may saloobin ka ng paghahanap at pagpapasakop sa katotohanan, na unang sumasalamin sa saloobin mo sa Diyos at sa katotohanan. Higit pa riyan, ang pagganap mo ng iyong tungkulin ay responsabilidad mo, at ang paghahanap mo sa katotohanan sa gawain mo ay ang landas na dapat mong tahakin. Pagdating naman sa kung paano tumutugon ang iba sa mga desisyon mo, kung kaya ba nilang magpasakop o kung paano sila magpasakop, sila na ang bahala roon; pero responsabilidad mo kung maayos mo bang magagampanan ang tungkulin mo at maaabot ang mga pamantayan. Dapat mong maunawaan ang mga prinsipyo ng pagganap ng tungkulin; hindi ito tungkol sa pagpapasakop sa ilang indibidwal kundi pagpapasakop sa mga katotohanang prinsipyo. Kung pakiramdam mo ay nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo at, sa pakikipagbahaginan sa iba, may napagkakasunduan kayo na sinasang-ayunan ng lahat bilang naaangkop, pero may ilang hindi nakikiisa at gustong manggulo, ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Sa kasong ito, dapat sundin ng kakaunti ang nakararami. Dahil nagkaroon ang karamihan ng mga tao ng isang kasunduan, bakit sila lumalabas para gumawa ng gulo? Sinasadya ba nilang subukang manira? Puwede nilang ipahayag ang mga opinyon nila para makilatis sila ng lahat, at kung sasabihin ng lahat na hindi naaayon ang mga opinyon nila sa mga prinsipyo at hindi mapangangatwiranan ang mga ito, dapat nilang talikuran ang mga pananaw nila at bitawan ang mga ito. Ano ang prinsipyo ng pakikitungo sa usaping ito? Dapat itaguyod ng isang tao kung ano ang tama at hindi pilitin ang iba na sundin kung ano ang mali. Nauunawaan ba ninyo? Sa katunayan, bago magpakita ng ganitong pag-uugali ang mga anticristo at magsagawa ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, may mga sariling plano na silang naisip. Talagang hindi tumutukoy ang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal sa paggawa ng tamang bagay o pagsasagawa sa katotohanan. Tiyak na tumutukoy ito sa paggawa ng mali at ng mga lumalabag sa katotohanan, pagtahak sa maling landas, at paggawa ng maling desisyon habang hinihikayat pa rin ang iba na makinig sa kanila. Ito ang tinatawag na pagiging wala sa katwiran at diktatoryal. Kung ang isang bagay ay tama at umaayon sa katotohanan, dapat itong sundin. Hindi ito pagiging wala sa katwiran at diktatoryal; ito ay pagsunod sa mga prinsipyo. Dapat pag-ibahin ang dalawang ito. Ano ang pangunahing tinutukoy ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal ng mga anticristo? (Ang paggawa ng mga bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo o sa katotohanan, at pagpapasunod pa rin sa iba.) Tama, anumang sitwasyon ang dumating o anumang problema ang hinaharap, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kundi nagpapasya sila batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Alam nila sa puso nila na ang paggawa nito ay labag sa mga prinsipyo pero gusto pa rin nilang makinig at magpasakop ang iba. Ito ang di-nagbabagong pamamaraan ng mga anticristo.
Nang unang magsimula ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dinala ng ilang tao ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao sa mga relihiyosong pangkat para ipangaral ang ebanghelyo. Ang mga relihiyosong tao, pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos na nagbubunyag ng mga misteryo, nagbabahagi ng mga pangitain, at nagtatalakay ng buhay pagpasok, ay lahat nagsabing napakaganda ng mga iyon. Gayumpaman, may nakita silang ilang salita ng paghatol at paglalantad sa mga tao na masyadong marahas ang pagkakasabi. Pakiramdam nila ay pinagagalitan sila at hindi nila ito matanggap, sinasabing, “Puwede bang magsalita ang diyos sa paraan na pinagagalitan ang mga tao? Sa pinakamataas na, ang mga salitang ito ay parang isinulat ng isang marunong na tao.” Sinabi ng taong responsable sa pagpapalaganap ng ebanghelyo na may solusyon siya. Kinalaunan, binago niya ang lahat ng bahagi ng mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at panlasa ng mga tao, gayundin ang mga salitang kinatatakutan niyang mag-uudyok sa mga taong magkaroon ng mga kuru-kuro pagkatapos nilang basahin ang mga ito. Halimbawa, tinanggal ang lahat ng salitang ginamit ng Diyos para ilantad ang kalikasan ng tao, gaya ng “patutot,” “babaeng bayaran,” “tampalasan,” at ang mga pariralang gaya ng “itapon sa impiyerno” at “itapon sa lawa ng apoy at asupre.” Sa madaling salita, ang lahat ng salitang puwede agad na magdulot ng mga kuru-kuro o di-pagkakaunawaan ay ganap na tinanggal. Sabihin ninyo sa Akin, pagkatapos tanggalin ang mga salitang ito ng paghatol, pagkondena, at pagsumpa mula sa mga salita ng Diyos, nananatili bang mga orihinal na salita ng Diyos ang mga ito? (Hindi na.) Ang mga ito pa rin ba ang mga salitang ipinahayag ng Diyos sa gawain Niya ng paghatol? Hindi nakipagpulong kaninuman ang “matandang ginoo” na ito at tinanggal niya ang marami sa mga salita ng Diyos na sadyang marahas tungkol sa pagpipino at paglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, lalo na iyong mga tumutukoy sa panahon ng pagsubok sa mga tagapagserbisyo. Kalaunan, nang mabasa ng mga relihiyosong tao ang binagong bersyon, sinabi nila, “Puwede na, kaya naming manampalataya sa ganitong diyos,” at tinanggap nila ito. Naisip ng matandang ginoo, “Tingnan ninyo kung gaano ako katalino! Hindi maganda na maging marahas ang mga salita ng diyos. Ang mga taong iyon, kailangan lang silang suyuin—paano mo nasabi ang mga bagay na puwedeng mapagkamalan bilang pagpapagalit? Hindi magandang ideya iyon! May ginawa akong ilang pagbabago, at tingnan ninyo kung anong nangyari: Kahit ang mga relihiyosong pastor ay handang manampalataya, at parami nang parami ang mga taong tumatanggap dito. Anong masasabi ninyo? Hindi ba’t marunong ako? Hindi ba’t matalino ako? Hindi ba’t talagang kahanga-hanga iyon?” Dahil sa mga resulta ng mga ginawa niyang pagbabago, labis niyang ipinagmalaki ang sarili niya. Gayumpaman, nakita ng ilang relihiyosong taong pumasok ng iglesia na ang mga salita ng Diyos na binasa nila ay binago at naiiba sa mga orihinal na teksto sa iglesia, at naungkat ang isyung ito. Natuklasan kinalaunan na binago ng matandang ginoong ito ang nilalaman ng mga salita ng Diyos. Ano ang tingin ninyo sa ginawa ng matandang ginoong ito? Huwag na tayong magbanggit ng anupaman at sabihin na lang natin: Hindi sa iyo ang mga salitang iyon, wala kang karapatang baguhin ang mga iyon. Kahit pa ito ay isang artikulo o aklat na isinulat ng tao, kung may gusto kang baguhin, dapat mo munang hingin ang pahintulot ng orihinal na manunulat. Kung papayag siya, puwede mong baguhin. Kung hindi siya papayag, hinding-hindi mo puwedeng baguhin ni isang salita. Ito ay tinatawag na paggalang sa manunulat at sa mga mambabasa. Kung walang lakas ang manunulat na gumawa ng mga pagbabago at binigyan ka niya ng awtoridad, sinasabi na puwede mong baguhin ang anumang bagay basta’t mananatili itong tapat sa orihinal na kahulugan at makakamit nito ang ninanais na epekto, puwede ka bang gumawa ng mga pagbabago? (Oo.) Kung ibinigay ng manunulat ang pahintulot o awtorisasyon niya, puwedeng gawin ang mga pagbabago. Ano ang tawag sa ganitong uri ng pag-uugali? Ito ay mapangangatwiranan, lehitimo, at nararapat, hindi ba? Pero paano kung hindi sumang-ayon ang manunulat at binago mo ito nang walang awtorisasyon? Ano ang tawag doon? (Pagiging walang ingat at sutil.) Tinatawag iyon na pagiging walang ingat at sutil, wala sa katwiran at diktatoryal. Ngayon, ano ang binago ng matandang ginoong ito? (Ang mga salita ng Diyos.) Ang mga orihinal na salita ng Diyos, na nagpapahayag ng lagay ng loob, disposisyon, at mga layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Makahulugan ang mga salita ng Diyos sa paraan ng pagkakasabi sa mga ito. Alam mo ba ang lagay ng loob, pakay, at ninanais na epekto sa likod ng bawat salitang binigkas ng Diyos? Kung hindi mo ito maarok, bakit pikit-mata kang gagawa ng mga pagbabago? Ang bawat pangungusap na binigkas ng Diyos, ang pagpili ng mga salita, ang tono, at ang kapaligiran, lagay ng kalooban, at mga emosyong ipinaparamdam ng mga ito sa mga tao, ay lahat buong ingat na binuo at pinag-isipan. May pagpapasya at karunungan ang Diyos. Ano ang inisip ng matandang ginoong ito? Sa tingin niya ay walang karunungan ang pamamaraan ng Diyos ng pananalita. Iyon ang tingin niya sa gawain ng Diyos. Naniwala siyang, “Ang mga nasa relihiyon na nagnanais lang na kumain ng tinapay hanggang sa mabusog sila ay kailangang suyuin at tratuhin nang may pag-ibig at awa. Hindi puwedeng ganito karahas ang mga salita. Kung masyadong marahas ang mga ito, paano maipapalaganap ang ebanghelyo? Mapapalaganap pa ba ang ebanghelyo kapag nagkagayon?” Hindi ba’t alam ito ng Diyos? (Oo.) Alam na alam ng Diyos. Kung gayon, bakit ganito pa rin Siya magsalita? Ito ang disposisyon ng Diyos. Ano ang disposisyon ng Diyos? Ang magsalita sa pamamaraan Niya, manampalataya ka man o hindi. Kung nananampalataya ka, isa ka sa mga tupa ng Diyos; kung hindi naman, isa kang lobo. Inilalantad at medyo pinagagalitan ka ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay tumatanggi ka nang kilalanin na mananampalataya ka ng Diyos? Ano, hindi ka na ba nilikha ng Diyos? Tumigil na bang maging Diyos ang Diyos? Kung kaya mong ikaila ang Diyos dahil dito, masamang tao ka, isang diyablo. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga ganitong tao, kaya hindi sila dapat pinipilit o sinusuyong tanggapin ng iglesia. Sinasabi ng ilang tao: “Kahit pa pagalitan ako ng Diyos, masaya akong pumapayag. Kung Siya ay Diyos, maililigtas Niya ako. Kung pababagsakin Niya ako, nararapat ito. Kung tatawagin Niya akong isang tao na magulo ang isip, ganoon nga ako, at mas naguguluhan pa kaysa roon; kung tatawagin Niya akong patutot, kahit na hindi mukhang nakagawa na ako ng mga bagay na ginagawa ng isang patutot, dahil sinabi ito ng Diyos, kikilalanin at tatanggapin ko ito.” Napakasimple ng kanilang pananampalataya, pagkilala, at pagtanggap, at napakasimpleng may-takot-sa-Diyos na puso. Nais ng Diyos na makamit ang mga ganitong tao. Naiisip ng ilang tao na masyadong marahas at masakit ang mga salita ng Diyos, pakiramdam nila ay hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, at kaya ayaw na nilang manampalataya. Iniisip nila, “Kahit pa ikaw ang diyos, hindi ako mananampalataya sa iyo. Kung magsasalita ka nang ganito, hindi kita susundin.” Kung gayon, umalis ka na! Kung ni hindi mo kinikilala ang Diyos, paano ka makikilala ng Diyos bilang nilikha Niya? Imposible iyon! Inilatag dito ang mga salita ng Diyos; manampalataya ka man o hindi, ikaw ang bahala. Kung hindi ka mananampalataya, umalis ka na. Ikaw ang mawawalan. Kung mananampalataya ka, magkakaroon ka ng kaunting pag-asa na maligtas. Hindi ba’t patas ito? (Oo.) Pero ganito ba mag-isip ang matandang ginoong ito? Nakikita ba niya ang mga kaisipan ng Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t hangal siya? Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay gumagawa ng mga ganitong hangal na gawa. Nakita niya ang Diyos bilang di-mahalaga at simple, inisip niya na ang mga kaisipan ng Diyos ay hindi naman gaanong mas mataas kaysa sa pag-iisip ng tao. Lagi niyang sinasabi na ang mga kaisipan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa mga kaisipan ng tao, ipinapangaral ang matatayog na doktrinang ito tuwing mga ordinaryong panahon, pero nang aktuwal siyang naharap sa isang sitwasyon, kinalimutan niya ang mga salitang ito, nadama niya na ang mga salitang ito ng Diyos ay hindi tulad ng bagay na sasabihin ng Diyos. Sa puso niya, hindi niya kinilala ang mga salitang ito ng Diyos, kaya hindi niya matanggap ang mga ito. Habang ipinapalaganap ang ebanghelyo, sinamantala niya ang pagkakataon para mabilis na baguhin ang mga salita ng Diyos, sa ilalim ng pagpapanggap na “epektibong ipinapalaganap ang ebanghelyo at nagkakamit ng mas maraming tao.” Sa huli, ano ang naging tingin Ko sa inugali niya? Bilang pangingialam sa mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pangingialam? Ang ibig sabihin nito ay ang wala sa katwirang pagdaragdag, pagbabawas, o pagbabago sa orihinal na kahulugan, pagbabago ng nilalayong kahulugan ng manunulat, pagwawalang-bahala sa mga panimulang intensyon ng manunulat at layunin sa pagsasalita, at pagkatapos ay basta-bastang pagbago sa mga ito. Ito ay tinatawag na pangingialam. Mayroon ba siyang may-takot-sa-Diyos na puso? (Wala.) Ang lakas ng loob niya! Gagawin ba ng isang tao ang bagay na ito? (Hindi.) Gawain ito ng isang diyablo, hindi ng isang tao. Ni hindi mo nga puwedeng basta na lang baguhin ang mga salita ng isang ordinaryong tao; dapat mong igalang ang opinyon ng manunulat. Kung gusto mong gumawa ng mga pagbabago, kailangan mo muna siyang sabihan at hingan ng pahintulot, at pagkatapos mong matanggap ang permiso niya ay saka ka lang puwedeng gumawa ng mga pagbabago ayon sa mga orihinal na kahulugan. Respeto ang tawag dito. Pagdating sa Diyos, ang hinihingi ay higit na mas malaki kaysa sa respeto lang! Kung kahit isang pangungusap lang sa mga salita ng Diyos ang hindi tamang nailimbag, kung may nawawala kahit isang artikulong panggramatika lang, dapat mong tanungin kung katanggap-tanggap ba ito; kung hindi, dapat mong ulitin ang paglimbag ng pahinang iyon. Nangangailangan ito ng ganito kaseryoso at karesponsableng saloobin; ito ang tinatawag na pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. May ganitong puso ba ang matandang ginoong ito? (Wala.) Wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Itinuring niyang nasa ilalim niya ang Diyos; ang lakas ng loob niya. Dapat patalsikin ang ganitong tao.
Isang kaparehong insidente ang nangyari kamakailan. Muling ginamit ng ilang tao ang palusot na pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagkakamit ng mas maraming tao bilang dahilan para walang ingat na baguhin ang mga salita ng Diyos. Sa pagkakataong ito, mas mabuti ito nang kaunti kumpara sa huli; noong huling pagkakataon, ginawa ito nang wala sa katwiran at diktatoryal, nang hindi nakikipagbahaginan sa iba, kumikilos nang basta-basta at walang pakundangang binabago ang mga salita ng Diyos. Sa panahong ito naman, tinanong muna nila ang Itaas, sinabing, “Hindi matanggap ng mga tao galing sa isang partikular na etnikong grupo ang ilan sa mga termino sa mga salita ng diyos. Nakaisip kami ng estratehiya para tanggalin o baguhin ang mga terminong iyon, at ang mga bahagi ng mga kasabihan o sipi sa mga salita ng diyos na hindi nila matanggap, at pagkatapos ay mangaral sa kanila gamit ang espesyal na iniangkop na bersyon ng mga salita ng diyos. Hindi ba’t mananampalataya sila kapag nagkagayon?” Tingnan ninyo iyan; talagang ang lakas ng loob nila. Anong uri ng pag-uugali ito? Kung maluwag silang tatratuhin, puwedeng ituring ang mga ganitong tao bilang hangal at mayabang lang, at napakabata pa; puwedeng sabihan lang sila na huwag na iyong ulitin. Pero kung huhusgahan natin ang kalikasan ng ginawa nila, kaswal nilang binabago ang mga salita ng Diyos para malugod si Satanas. Ano ang tawag dito? Ito ang pag-uugali ni Hudas, ng mga traydor at taksil, na ipinagkakanulo ang Panginoon para sa kaluwalhatian. Pinakialaman nila ang mga salita ng Diyos, ginawa ang mga iyon na mas kanais-nais at kaaya-aya sa mga tao para mapalugod sila at para mapatanggap sa kanila ang ebanghelyo—ano ang halaga nito? Kahit pa wala ni isang tao sa mundo ang manampalataya, titigil ba ang mga salita ng Diyos sa pagiging mga salita ng Diyos? Magbabago ba ang kalikasan ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ang mga salita ba ng Diyos ay katotohanan lang kung tatanggapin nila, at kung hindi, hindi na katotohanan ang mga salita Niya? Magbabago ba ang kalikasan ng mga salita ng Diyos dahil dito? Hinding-hindi. Ang katotohanan ay ang katotohanan; kung hindi mo ito tatanggapin, mamamatay ka! Iniisip ng ilang taong nagpapalaganap ng ebanghelyo, “Nakakaawa sila dahil hindi nila tinanggap! Mga dakila at maharlikang tao sila. Labis na minamahal at kinaaawaan sila ng diyos, paanong hindi natin maipakita sa kanila ang kaunting pagmamahal? Baguhin natin ang mga salita ng diyos para matanggap nila. Kahanga-hanga ang mga taong iyon, at napakabuti at napakamaawain ng diyos sa kanila. Dapat isaalang-alang natin ang mga layunin ng diyos!” Hindi ba’t pagkukunwari ito? (Oo.) Isa pang impostor—mga hangal na bagay lang ang nagagawa ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan! Nasabi nang hinarap at pinatalsik ang taong nangialam sa mga salita ng Diyos, at ngayon may mga tao na namang gustong pakialaman ang mga ito. Ano ang sinusubukan nilang maabot? Hindi ba’t ito ay pagkakanulo sa Panginoon para sa kaluwalhatian? (Oo.) Ito ay pagkakanulo sa Panginoon para sa kaluwalhatian, pagpapalugod kay Satanas. Hindi ba’t praktikal ang mga salita ng Diyos? Hindi ba puwedeng hayagang ipakita ang mga ito? Hindi mo ba kinikilalang ang mga ito ang katotohanan? Kung hindi mo kinikilala ang mga ito, bakit nananampalataya ka pa rin? Kung hindi mo matanggap ang katotohanan, ano ang silbi ng pananampalataya sa Diyos? Imposibleng makamit ang kaligtasan nang ganito. Paano man magsalita ang Diyos, anuman ang mga salitang ginagamit Niya na hindi umaayon sa mga kuru-kuro mo, Siya ay Diyos pa rin, at hindi nagbabago ang diwa Niya. Gaano ka man kaaya-aya magsalita, anuman ang ginagawa mo, gaano man kabait, kabuti, o kamapagmahal ang tingin mo sa sarili mo, tao ka pa rin, isang tiwaling tao. Tumatanggi kang kilalanin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at sinusubukan mong baguhin ang mga salita ng Diyos para mapalugod si Satanas. Anong uri ng pag-uugali ito? Kasuklam-suklam ito! Inakala Ko na pagkatapos ng mga naunang pagbabahaginan tungkol sa kalikasan ng pangingialam sa mga salita ng Diyos ay hindi na muli magkakaroon ng ganitong isyu sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ngayon. Pero, hindi kapani-paniwala, may mga tao pa ring nangangahas na mangialam at mag-isip ng ganito. Ano ang saloobin ng mga taong ito sa mga salita ng Diyos? (Walang paggalang.) Talagang pabaya sila! Sa puso nila, kasinggaan ng mga balahibo ang mga salita ng Diyos, walang kahihinatnan ang mga ito. Iniisip nila, “Puwedeng sabihin ang mga salita ng diyos sa anumang paraan; puwede kong baguhin ang mga salita niya nang ayon sa nais ko. Mas mabuting iayon ko ang mga ito sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao. Ganoon dapat ang mga salita ng diyos!” Ang mga taong gumagawa ng mga bagay gaya ng pangingialam sa mga salita ng Diyos ay puwedeng tawaging mga anticristo. Kumikilos sila nang walang ingat at hindi nag-iisip, basta-basta silang nangingialam; sila ay mga wala sa katwiran at diktatoryal, at kapareho nila ng disposisyon at katangian ang iba pang mga anticristo. At may isa pang punto: Ano ang una nilang naiisip at ikinikilos kapag nahaharap sila sa panganib o kapag napinsala ang sarili nilang mga interes? Ano ang pinipili nila? Pinipili nilang ipagkanulo ang mga interes ng Diyos at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para protektahan ang mga sarili nila. Iyong mga nangingialam sa mga salita ng Diyos, ginagawa ba talaga nila ito para epektibong magpalaganap ng ebanghelyo? Ano ang itinatago nilang motibo sa likod ng diumano ay pagiging epektibo? Gusto nilang ipagyabang ang mga talento at kakayahan nila, ipakita sa mga tao na, “Tingnan ninyo kung gaano ako kagaling! Nakikita ba ninyo kung gaano kaepektibo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo pagkatapos ng mga ginawa kong pagbabago? Wala kayong mga gayong kakayahan, ni hindi kayo mangangahas na mag-isip nang ganoon. Tingnan ninyo, sa pamamagitan ng mga kaisipan at kilos ko, nakikita ba ninyo ang mga resultang nakamit ko?” Hindi isinasaalang-alang ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos at pinapakialaman nila ang mga iyon para matugunan ang sarili nilang ambisyon at pagnanais na maghangad ng kasikatan at katayuan. Hindi ba’t may katangian sila ng isang anticristo? Ang pagtawag sa kanila na anticristo ay talagang makatarungan.
Ano ang isa pang pagpapamalas ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal ng mga anticristo? Hindi sila nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa katotohanan, at hindi rin nila nilulutas ang mga aktuwal na problema ng mga tao. Sa halip, ipinapangaral lang nila ang mga salita at doktrina para sermunan ang mga tao, at pinupuwersa pa nga nila ang iba na sundin sila. Paano naman ang kanilang saloobin at pamamaraan tungo sa Itaas at sa Diyos? Ito ay walang iba kundi panlilinlang at pandaraya. Anuman ang mga isyu sa loob ng iglesia, wala silang inuulat sa Itaas kailanman. Anuman ang ginagawa nila, hindi sila nagtatanong sa Itaas. Para bang wala silang isyu na nangangailangan ng pagbabahagi o paggabay mula sa Itaas—ang lahat ng ginagawa nila ay patago at palihim, at hindi nakikita. Ito ay tinatawag na mapanlinlang na pagmamanipula, kung saan gusto nilang sila ang may huling salita at ang maging tagapagpasya. Gayumpaman, minsan ay nagbabalat-kayo rin sila, nagtatanong ng mga walang kuwentang bagay sa Itaas, nagkukunwari na naghahangad sa katotohanan, pinapaniwala nang mali ang Itaas na napakaingat nilang hinahanap ang katotohanan sa lahat ng bagay. Sa realidad, hindi sila kailanman naghahanap ng paggabay sa anumang mahalagang bagay, nagdedesisyon sila para sa lahat at hindi nila ipinapaalam sa Itaas. Kapag may naging problema, lalo nang malamang na hindi nila ito iuulat, sa takot na puwedeng makaapekto ito sa kapangyarihan, katayuan, o reputasyon nila. Kumikilos ang mga anticristo nang wala sa katwiran at diktatoryal; hindi sila nakikipagbahaginan sa iba at pinupuwersa nila ang iba na sundin sila. Sa madaling salita, ang mga pangunahing pagpapamalas ng pag-uugaling ito ay ang pakikibahagi sa personal na pamamahala; pagtataguyod ng kanilang impluwensiya, personal na samahan, at mga koneksyon; paghahangad ng mga sarili nilang gawain; at pagkatapos, ginagawa nila kung ano ang nais nila, ginagawa nila ang mga bagay na pakikinabangan nila, at kumikilos sila nang hindi hayagan. Napakalakas ng pagnanais at kagustuhan ng mga anticristo na magawa ang ibang tao na magpasakop sa kanila; umaasa sila na susundin sila ng mga tao gaya ng isang mangangaso na pinapasunod ang aso niya sa mga utos niya, hindi hinahayaan ang anumang pagkilatis ng tama at mali, ipinipilit ang ganap na pagsunod at pagpapasakop.
Mapapansin ang isa pang pagpapamalas ng pagiging wala sa katwiran at pagiging diktatoryal ng mga anticristo sa sumusunod na senaryo. Halimbawa, kung ang lider ng isang partikular na iglesia ay isang anticristo, at kung nilalayon ng mga nakatataas na lider at manggagawa na malaman ang nangyayari sa gawain ng iglesiang iyon at makialam doon, sasang-ayon ba ang anticristong ito? Hinding-hindi. Hanggang sa anong antas niya kinokontrol ang iglesia? Tulad ng isang di-mapapasok na kuta, na hindi matutusukan ng karayom ni mapapasukan ng tubig, hindi niya pinahihintulutan ang sinuman na makialam o mag-usisa. Kapag nalaman niyang darating ang mga lider at manggagawa para alamin ang nangyayari sa gawain, sasabihin niya sa mga kapatid, “Hindi ko alam kung ano ang pakay ng mga taong ito sa pagpunta rito. Hindi nila nauunawaan ang aktuwal na sitwasyon ng ating iglesia. Kung makikialam sila, maaaring maabala nila ang gawain ng ating iglesia.” Ganoon niya inililihis ang mga kapatid. Sa sandaling dumating ang mga lider at manggagawa, hahanap siya ng iba’t ibang dahilan at palusot para pigilan ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito, habang paimbabaw na nililibang ang mga lider at manggagawa, pinananatiling nakahiwalay ang mga ito sa isang lugar para diumano matiyak ang seguridad ng mga ito; subalit sa realidad, ito ay para pigilan ang mga ito na makatagpo ang mga kapatid at malaman ang sitwasyon mula sa kanila. Kapag nag-usisa ang mga lider at manggagawa tungkol sa sitwasyon sa gawain, manlilinlang ang anticristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng huwad na imahe; lilinlangin niya ang mga nasa itaas niya at itatago ang katotohanan mula sa mga nasa ibaba niya, daragdagan niya ang kanyang mga pahayag, at palalakihin ang pagiging epektibo ng gawain para linlangin sila. Kapag iminungkahi ng mga lider at manggagawa na makipagpulong sa mga kapatid sa iglesia, sasagot siya ng, “Hindi pa ako nakagawa ng anumang pagsasaayos! Hindi mo ako inabisuhan bago ka dumating. Kung ginawa mo iyon, isinaayos ko sanang makipagkita sa iyo ang ilan sa mga kapatid. Subalit dahil delikado ang kalagayan sa kasalukuyan, para maging ligtas, mas mabuting huwag kayong makipagkita sa mga kapatid.” Bagaman tila makatwiran ang kanyang mga salita, kayang makita ng isang taong may pagkilatis ang isyu: “Ayaw niyang makipagkita ang mga lider at manggagawa sa mga kapatid dahil natatakot siyang malantad, natatakot na mabunyag ang mga depekto at paglihis sa kanyang gawain.” Mahigpit na kinokontrol ng anticristo ang mga kapatid sa iglesia. Kung hindi responsable ang mga lider at manggagawa, madali silang malilinlang at maloloko ng anticristo. Ang aktuwal na sitwasyon ng mga kapatid sa iglesia, ang kanilang mga paghihirap na hindi pa rin nalulutas, kung maagap bang naihahatid sa mga kapatid ang mga pagbabahagi at sermon ng Itaas at ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, kung paano ba umuusad ang iba’t ibang proyekto ng gawain ng iglesia, kung mayroon bang mga paglihis o problema—lahat ng ito ay hindi malalaman ng mga lider at manggagawa. Hindi rin alam ng mga kapatid ang anumang bagong pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos; kaya, ganap na kinokontrol ng anticristo ang iglesia, siya lang ang may kapangyarihan at ang may huling salita sa mga isyu. Walang pagkakataon ang mga kapatid sa iglesia na makipag-ugnayan sa mga nakatataas na lider at manggagawa, at dahil hindi nila alam ang totoo, naililihis at nakokontrol sila ng anticristo. Paano man magsalita ang anticristo, ang mga nag-iinspeksiyong lider at manggagawang ito ay walang pagkilatis at iniisip pa rin nila na gumagawa ng mabuting gawain ang anticristo, ganap silang nagtitiwala sa kanya. Katumbas ito ng pagkakatiwala sa mga hinirang na tao ng Diyos sa pangangalaga ng anticristo. Kung, kapag nililihis ng mga anticristo ang mga tao, ang mga lider at manggagawa ay hindi nakakikilatis, ay iresponsable, at hindi alam kung paano ito pangangasiwaan, hindi ba’t paghadlang ito sa gawain ng iglesia at pagpinsala sa mga hinirang na tao ng Diyos? Hindi ba’t ang gayong mga lider at manggagawa ay mga huwad? Pagdating sa isang iglesia na kontrolado ng isang anticristo, dapat makialam at mag-usisa ang mga lider at manggagawa, at kailangan nilang agarang pangasiwaan at alisin ang anticristo—walang duda ito. Kung may mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain at binabalewala ang panlilinlang ng anticristo sa mga hinirang na tao ng Diyos, dapat ilantad ng mga hinirang na tao ang mga huwad na lider at manggagawang ito, dapat nilang iulat, tanggalin sa posisyon, at palitan ng mabubuting lider ang mga ito. Ito ang tanging paraan para lubusang malutas ang isyu ng panlilihis ng anticristo sa mga tao. Maaaring sabihin ng ilan na, “Maaaring may mababang kakayahan at walang pagkilatis ang mga gayong lider at manggagawa, kung kaya nabigo silang pangasiwaan at lutasin ang isyu ng anticristo. Hindi nila ito sinasadya; hindi ba’t dapat silang bigyan ng isa pang pagkakataon?” Para sa gayong mga lider na magugulo ang isip, hindi na sila dapat bigyan ng pagkakataon. Kung bibigyan sila ng isa pang pagkakataon, patuloy lang nilang pipinsalain ang mga hinirang na tao ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan; wala silang konsensiya at katwiran, at wala silang prinsipyo sa kanilang mga pagkilos—mga kasuklam-suklam na tao sila na dapat maitiwalag! Sa nakalipas na dalawang taon, may ilang kapatid sa ilang iglesia na nagkaisang tanggalin, palitan, at itiwalag ang gayong mga huwad na lider at anticristo na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Hindi ba’t mabuting bagay iyon? (Oo.) Nakalulugod sa Akin na marinig ang gayong mabuting balita; ito ang pinakamahusay na katibayan na ang mga hinirang na tao ng Diyos ay lumalago sa buhay at pumapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Ipinakikita nito na nagkamit na ang mga tao ng kaunting pagkilatis at tayog, at hindi na sila kontrolado ng mga huwad na lider at mga anticristong demonyo. Hindi na magagawang ilihis o kontrolin ng mga ordinaryong huwad na lider at anticristo ang mga hinirang na tao ng Diyos, na hindi na napipigilan ng katayuan o kapangyarihan. May tapang silang kilatisin at ilantad ang mga huwad na lider at anticristo, nangangahas na palayasin at paalisin ang mga ito. Sa katunayan, mga lider at manggagawa man o mga karaniwang tao sa mga hinirang na tao ng Diyos, lahat sila ay may pantay na katayuan sa harap ng Diyos, nagkakaiba lang sila sa kanilang mga tungkulin. Sa sambahayan ng Diyos, walang pagkakaiba sa katayuan, may mga pagkakaiba lang sa tungkulin at responsabilidad. Kapag nahaharap sa mga huwad na lider at anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia, dapat itong ilantad at iulat ng kapwa mga lider at manggagawa at mga hinirang na tao ng Diyos, dapat nilang pangasiwaan agad ang mga ito, patalsikin ang mga anticristo mula sa iglesia. Ang lahat ay may ganitong responsabilidad.