Ikaanim na Aytem: Kumikilos Sila sa mga Tusong Paraan, Wala Sila sa Katwiran at Diktatoryal Sila, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila (Unang Seksiyon)

Karagdagang Babasahin: Ang Kuwento nina Daming at Xiaoming

Bago tayo pumunta sa pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan, magsimula tayo sa isang kuwento. Ano ang pakinabang ng pagkukuwento? (Madaling tandaan ang mga ito.) Hanggang ngayon, ilan na bang kuwentong madaling tandaan ang naibahagi Ko? (Ang kuwento nina Dabao at Xiaobao.) “Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao” ang ikinuwento ko noong huli. (Mayroon ding “Panghuhuli sa mga Daga” at ang kuwento ng mga babaeng lider.) Marami-rami na ang mga naibahaging kuwento. Bakit Ako nagkukuwento? Sa totoo lang, ang layunin ay para lumipat sa isang pormang mas panatag at madaling maunawaan para magbahagi tungkol sa ilang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Kung nauunawaan ninyo ang mga katotohanan mula sa mga kuwentong ibinabahagi Ko, at ang mga katotohanang ito ay nakakatulong sa iba’t ibang aspekto ng inyong pagpasok sa pang-araw-araw na buhay, hindi sayang ang pagbabahagi ng mga kuwento. Ipinapakita nito na tunay ninyong nauunawaan ang mga katotohanang nakapaloob sa mga kuwento, na nauunawaan ninyo ang praktikal na panig ng mga katotohanang ito, sa halip na pinakikinggan lang ninyo ang mga ito na bilang kuwento lang. Noong huli, ibinahagi Ko ang kuwento nina Dabao at Xiaobao. Ngayon, ibabahagi Ko naman ang kuwento nina Daming at Xiaoming. Habang nakikinig kayo, pag-isipan ninyo kung ano ang talagang sinusubukang ipaunawa sa inyo ng kuwentong ito at kung aling aspekto ng katotohanan ang nakapaloob dito.

Sina Daming at Xiaoming ay mag-ama. Ilang panahon na ang nakalilipas, tinanggap ni Daming at ng anak niyang si Xiaoming ang bagong gawain ng Diyos. Mabuting bagay ba ito? (Oo.) Ito ay isang mabuting bagay. Si Xiaoming ay bata pa at kaunti lang ang kayang basahin, kaya araw-araw siyang binabasahan ni Daming ng mga salita ng Diyos at matiyaga nitong ipinapaliwanag ang mga salitang hindi nauunawaan ni Xiaoming. Paglipas ng panahon, nauunawaan na ni Xiaoming ang marami-raming doktrina tungkol sa kung paano dapat umasal ang isang tao, gayundin ang ilang bokabularyo na hindi niya kailanman nakita bago manampalataya sa Diyos, gaya ng pagpapasakop, pananalig, pagkamatapat, panlilinlang, at iba pa. Nang makita ni Daming ang progreso ng kanyang anak, tuwang-tuwa siya. Gayumpaman, kamakailan ay napansin ni Daming na gaano kadalas man niyang binabasahan ng mga salita ng Diyos si Xiaoming, walang gaanong pagbuti sa ugali at pananalita nito. Naging balisa si Daming at nagkaroon siya ng pasanin, inisip niya: “Paano ko ipapaunawa sa anak ko ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, paano ko magagawa ang anak ko na magpakita ng kaunting pagbabago para sang-ayunan siya ng ibang tao, masiyahan sila sa kanya, at purihin nila siya bilang mabuting bata? At pagkatapos, dahil sa pagganap ni Xiaoming, maipapahayag nila na mabuti ang pananampalataya sa Diyos, at maipapalaganap sa iba ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga pagbabago sa anak ko—napakagaling noon!” Dahil sa pagkakaroon ng ganitong pasanin, patuloy na nagbulay-bulay si Daming: “Paano ko matuturuan nang tama si Xiaoming para lalo niyang maunawaan ang tungkol sa pag-asal, para mas mahusay siyang gumanap at umayon sa mga layunin ng Diyos? Sa huli, kapag naging mabuting bata na si Xiaoming at pinuri na siya ng lahat ng tao, ang lahat ng kaluwalhatiang ito ay mapupunta sa Diyos—magiging kahanga-hanga iyon! Sa puntong iyon, mawawala na ang mabigat na pasanin sa puso ko.” Makatwiran ba ang pasaning nadarama ni Daming? Maituturing ba itong pagganap ng tamang gampanin para sa kanya? (Oo.) Mula sa perspektibang ito, tama ang panimulang punto niya—maituturing itong pagiging responsable at tamang gampanin. Tama ba o mali ang landas na pinili ni Daming para kay Xiaoming? Mabuti ba ito o masama? Tingnan natin sa pagpapatuloy natin. Palaging nananalangin at nagsusumamo si Daming sa Diyos tungkol dito, at sa wakas isang araw, nagkaroon siya ng “inspirasyon.” Anong “inspirasyon”? Ang sinasabing “inspirasyon” na nakapaloob sa mga panipi. Dahil nakapaloob sa mga panipi ang “inspirasyon” na ito, anong uri ng landas kaya ang tinutukoy ni Daming? Naiisip ba ninyo kung ano ang susunod na mangyayari sa kuwento? Hindi ito gaanong malinaw, hindi ba? Ito ay medyo hindi nalalaman.

Isang araw, pagkatapos basahan ng mga salita ng Diyos ang kanyang anak, napakaseryosong tinanong ni Daming si Xiaoming kung mabuti ba ang pananampalataya sa Diyos. Taimtim na tumugon si Xiaoming, “Mabuti ang pananampalataya sa Diyos. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay hindi nang-aapi ng iba, hindi sila nakakatagpo ng sakuna, nakakapunta sila sa langit, at hindi sila ipapadala sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay.” Tama ba si Xiaoming? Dahil sa mura niyang edad, mabuti na na kaya itong sabihin ni Xiaoming. Napakasimple ng kanyang pagkaunawa sa pananampalataya sa Diyos, panimula pa lang at lubhang mababaw pa ito pero para sa kanya, malalim na ito. Nang marinig ito, natuwa si Daming at napanatag siya, at sinabi niya, “Magaling, bumuti ka na, Xiaoming. Mukhang may kaunting pundasyon ang pananampalataya mo sa Diyos. Talagang natutuwa at napanatag si Tatay. Pero ganyan ba talaga kasimple ang pananampalataya sa Diyos?” Nagbulay-bulay sandali si Xiaoming at nagsabi, “Hindi ba’t iyan na ang lahat ng sinasabi ng mga salita ng Diyos? Ano pa ba ang kulang?” Mabilis na tumugon si Daming: “Hindi lang ang mga ito ang hinihingi ng Diyos. Napakatagal mo nang nananampalataya sa Diyos, pero kapag bumibisita ang mga kapatid, hindi mo man lang sila binabati. Mula ngayon, kapag nakakasalamuha mo ang matatanda, tawagin mo silang lolo at lola; kapag nakakasalamuha mo naman ang mga taong nasa hustong gulang na pero bata-bata pa, tawagin mo silang tito, tita, o kuya o ate. Sa ganitong paraan, magiging isang bata ka na mahal ng lahat ng tao—at ang mahal lang ng Diyos ay ang mga batang mahal ng lahat ng tao. Mula ngayon, makinig ka sa akin at gawin mo ang sinasabi ko; kapag sinabi ko sa iyo na tawagin mo ang isang tao na ganito o ganyan, iyon ang itawag mo sa kanya.” Isinapuso ni Xiaoming ang mga salita ng kanyang ama, nararamdaman niyang tama ang sinasabi ng kanyang ama. Sa kanyang batang puso, naniniwala siyang mas matanda ang kanyang ama, mas marami itong nabasang salita ng Diyos, at mas marami itong alam kaysa sa kanya. Dagdag pa rito, iniisip lang ng kanyang ama ang pinakamabuti para sa kanya at tiyak na hindi siya nito ililigaw, kaya malamang ay tama ang anumang sinasabi ng kanyang ama. Hindi nauunawaan ni Xiaoming kung ano ang katotohanan at ano ang doktrina, pero kahit papaano ay alam niya kung ano ang mabuti at masama, ang tama at mali. Pagkatapos magsalita ng kanyang ama, nagkaroon din ng kaunting pasanin si Xiaoming tungkol sa bagay na ito. Magmula noon, tuwing lumalabas si Xiaoming kasama ang kanyang ama at may nakasalubong silang isang tao, kapag sinabi ng kanyang ama na tawagin niya itong “tita,” sinasabi niyang “Kumusta po, tita”; kapag sinabihan siyang tawagin itong “tito,” sinasabi niya “Kumusta po, tito.” Pinupuri ng lahat ng tao si Xiaoming bilang isang mabuting bata na magalang, at lagi rin nilang pinupuri si Daming sa tama niyang pagpapalaki. Natutuwa si Xiaoming, iniisip niya, “Mabuti ang pagtuturo ni Tatay; gusto ako ng sinumang makasalamuha ko.” Natutuwa si Xiaoming sa loob niya at ipinagmamalaki niya talaga ang kanyang sarili, iniisip na ang paggabay sa kanya ng kanyang ama ay talagang mabuti at tama.

Isang araw, pagdating na pagdating ni Xiaoming sa bahay mula eskuwela, tumakbo siya sa kanyang ama, at sinabi, “Tatay, hulaan mo kung ano ang nangyari? Ang kapitbahay nating si Tandang Zhang ay nakahuli ng napakalaking—” Bago pa siya matapos, sumabat si Daming: “‘Tandang Zhang’? Paano mo nasasabi iyan, Xiaoming? Mananampalataya ka pa rin ba o hindi na? Paano mo siya natatawag na ‘Tandang Zhang’? Nakalimutan mo na ang sinabi ko sa iyo, wala ka talagang pananalig sa Diyos, hindi ka tunay na mananampalataya. Tingnan mo, naaalala ko ito; puwede kitang tulungan at paalalahanan. Dapat mo siyang tawaging Lolo Zhang, naiintindihan mo?” Pinag-isipan ito ni Xiaoming: “Puwede ko rin siyang tawaging Lolo Zhang.” Nagpatuloy siya, “Ang kapitbahay nating si Lolo Zhang ay nakahuli ng isda na ganito kalaki! Tuwang-tuwa ang matandang babaeng Zhang!” “Nakalimutan mo ba uli?” sabi ni Daming. “Hindi mo pa rin ito naiintindihan, iho. Kakasabi ko lang, dapat mo siyang tawaging Lolo Zhang; ibig sabihin, ang asawa niya, na galing sa parehong henerasyon, ay dapat tawaging ano? Dapat Lola Zhang. Tandaan mo ito; huwag mo kailanman sabihin muli ang Tandang Zhang o matandang babaeng Zhang, o pagtatawanan tayo ng mga tao. Hindi ba’t nakakahiya iyon para sa atin bilang mga mananampalataya? Sasabihin nila na hindi tayo magalang at wasto, parang hindi mga mananampalataya. Hindi ito nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos.” Noong umpisa ay sabik pang magsabi si Xiaoming sa kanyang ama tungkol sa malaking isdang nahuli ng matandang si Zhang, pero pagkatapos siyang itama ng kanyang ama, nawalan na siya ng interes at ayaw na niyang pag-usapan ang tungkol dito. Tumalikod siya, isinuot ang backpack niya, at nagsasalita habang naglalakad: “Akala mo na alam mo ang lahat ng bagay, puro na lang Lolo Zhang, Lola Zhang. Ano naman ang kinalaman natin dito? Para bang ikaw lang ang nag-iisang espirituwal!” Sumagot si Daming: “Buweno, espirituwal nga ako, sa katunayan! Sa karamihan ng mga tao, gaano man sila katanda, tingnan ko lang ang kanilang edad ay masasabi ko na ang senyoridad nila, at alam ko na kung paano sila dapat tawagin. Tinatawag kong tito at tita ang mga nakakatandang tao—bakit hindi mo masabi nang tama kahit iyong tawag man lang? Bilang mga mananampalataya, hindi natin ito puwedeng kalimutan; hindi tayo puwedeng magkamali sa mga terminong panghenerasyon.” Pagkatapos ng pagsaway na ito, hindi mabuti ang pakiramdam ni Xiaoming sa loob, pero sa kaloob-looban niya, iniisip pa rin niyang tama ang kanyang ama; tama ang anumang ginagawa ng kanyang ama, at kahit na hindi niya gusto, inaamin niyang mali siya. Mula noon, tuwing nakikita niya ang matandang lalaking Zhang o matandang babaeng Zhang, tinatawag niya silang Lolo Zhang at Lola Zhang. Lahat ng itinuro at itinanim sa kanya ng kanyang ama, isinapuso ni Xiaoming. Mabuting bagay ba ito o masamang bagay? Sa ngayon, mukha itong mabuting bagay, hindi ba?

Isang araw, naglakad si Xiaoming at ang kanyang ama at nakita nila ang isang matandang inahing baboy na nangunguna sa isang grupo ng mga biik. Talagang malapit ang relasyon sa pagitan ng inahing baboy at ng kanyang mga biik. Naisip ni Xiaoming na mabuti ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos; ito man ay isang baboy o aso, lahat ng ito ay may likas na ugali ng mga ina at dapat igalang. Sa panahong ito, hindi ito walang galang o marahas na tinawag ni Xiaoming na “matandang inahing baboy.” Sa takot niyang magkamali siya at magalit ang kanyang ama, tahimik niyang tinanong, “Tatay, ilang taon na ang inahing baboy na ito? Nanganak siya ng napakaraming biik, ano ang dapat kong itawag sa kanya?” Nag-isip si Daming nang sandali: “Ano ang dapat nating itawag sa kanya? Mahirap iyong sabihin.” Nang makita niyang napaisip ang kanyang ama at walang maisagot, nagreklamo si Xiaoming: “Hindi ba’t nagbasa ka na ng napakaraming salita ng Diyos? Mas matanda ka rin sa akin; paanong hindi mo alam ito?” Dahil napukaw siya ni Xiaoming, medyo nabalisa si Daming at sinabi: “Paano kung tawagin natin siyang ‘lola’?” Bago tawagin ni Xiaoming ang baboy, nagdalawang-isip si Daming at sinabing: “Hindi natin ito puwedeng tawaging lola; ilalagay niyon ito sa parehong henerasyon ng iyong lola sa ina, hindi ba? Mas masahol naman ang pagtawag sa kanya na Lola Baboy, ilalagay niyon ito sa parehong henerasyon ng aking ina. Dahil napakarami nitong ipinanganak na biik, hindi natin puwedeng pabayaan ang pagkakakilanlan o katayuan nito, at hindi tayo puwedeng magkamali sa henerasyon nito. Dapat natin itong tawaging ‘Tita Baboy.’” Pagkarinig dito, magalang na yumuko si Xiaoming sa baboy at tumawag, “Binabati kita, Tita Baboy.” Nagulat ang inahing baboy at, sa pagkagulat nito, tumakbo palayo ang baboy at ang lahat ng biik. Pagkakita nito, nagtaka si Xiaoming kung mali ba ang itinawag niya rito. Sabi ni Daming, “Malamang masaya ang baboy at natutuwang tumugon sa paraang ito. Sa hinaharap, kapag naharap tayo sa ganitong sitwasyon, anuman ang sabihin o gawin ng iba, dapat tayong magpatuloy na umasal nang ganito. Maging magalang ka at sundin mo ang mga pamantayan ng lipunan; kahit ang mga baboy ay malulugod kapag nakita iyan.” Mula sa usaping ito, may natutunang bago si Xiaoming. Ano ang natutunan niya? Sinabi niya, “Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay; hangga’t ang lahat ng nilikha ay nirerespeto ang isa’t isa, magalang, nakakaunawa ng senyoridad, at gumagalang sa matatanda at nagmamahal sa mga bata, mapayapang makakapamuhay nang sama-sama ang lahat ng nilikha.” Nauunawaan na ni Xiaoming ang doktrinang ito ngayon. Pagkarinig niya rito, si Xiaoming ay pinuri ng ama niya bilang isang maliit na batang sadyang madaling turuan. Mula noon, naging mas sibilisado at magalang pa si Xiaoming. Saan man siya pumunta, may mabuti siyang asal at namumukod-tangi siya. Hindi ba’t “mabuting bata” siya? Siya ay isang “mabuting bata” na nakapaloob sa mga panipi. At diyan nagtatapos ang kuwento.

Ano ang tingin ninyo sa kuwentong ito? Hindi ba’t nakakaaliw? Paano nabuo ang kuwentong ito? Galing ito sa pananalita, mga pagkilos, pag-uugali, pag-iisip, at pananaw ng mga tao sa totoong buhay—pinaikli ang mga ito sa maliit na kuwentong ito. Ano ang isyung tinatalakay ng kuwentong ito? Anong mga problema ang nakikita ninyo kay Daming sa kuwento? Paano naman si Xiaoming? Ano ang diwa ng mga problema ni Daming? Una sa lahat, pag-isipan ninyo: May anumang parte ba sa ibinuod at isinagawa ni Daming na naaayon sa katotohanan? (Wala.) Kung gayon, ano ang isinasagawa niya? (Mga kuru-kuro at imahinasyon.) Saan nanggaling ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito? (Sa tradisyonal na kultura.) Ang ugat ay tradisyonal na kultura; ang mga kuru-kuro at imahinasyon niya ay mga produkto ng pagpapasama, pagkokondisyon, at pagtuturo ng tradisyonal na kultura. Kinuha niya kung ano ang pinaniniwalaan niyang pinakamagaling, pinakapositibo, at pinakatipikal na mga elemento ng tradisyonal na kultura, binago ang tawag sa mga ito, at ginawa ang mga ito na katotohanan na dapat isagawa ng kanyang anak. Maituturing ba ang kuwentong ito na napakalinaw at madaling maunawaan? (Oo.) Ibahagi ninyo ang naunawaan ninyo at ang naarok ninyo sa pakikinig sa kuwentong ito. (Pagkatapos makinig, naramdaman ko na ang problema ni Daming ay na kahit na nananampalataya siya sa Diyos, hindi siya kailanman nagsikap sa mga salita ng Diyos. Nanampalataya siya sa Diyos batay sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng mga tao, iniisip na kung kakapitan niya ang mabababaw na pamantayang iyon, malulugod ang Diyos. Hindi niya hinanap o pinagnilayan mula sa mga salita ng Diyos kung ano ba talaga ang hinihingi ng Diyos sa mga tao at kung paano ba dapat isabuhay ang normal na pagkatao.) Ano ang ipinapamuhay ni Daming? (Mga kuru-kuro at imahinasyon.) Isang walang lamang parirala ang pamumuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon; sa katunayan, namumuhay siya ayon sa tradisyonal na kultura, at itinuring niyang katotohanan ang tradisyonal na kultura. Namumuhay siya ayon sa tradisyonal na kultura—anong mga detalye ang nakapaloob dito? Bakit niya gustong tawagin ni Xiaoming ang mga tao gamit ang mga partikular na katawagan? (Sa panlabas, sinabi niyang ito ay para magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawang ito, pero ang totoo, gusto niyang matugunan ang sarili niyang banidad, ang mapuri siya sa pagkakaroon ng abilidad na turuan nang mabuti ang kanyang anak.) Oo, iyan ang intensyon niya. Ang pagtuturo niya ay hindi para ipaunawa sa anak niya ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan; ito ay para ipagawa sa anak niya ang mga bagay na magdadagdag ng luwalhati sa kanya, para tugunan ang personal niyang banidad. Ito rin ay isang problema. May problema ba sa palaging pagtuon sa pagpapalamuti at pag-aayos ng sarili sa pamamagitan ng pag-uugali? (Mayroon.) Nagpapahiwatig ito ng problema sa landas kung saan siya naroon, at ito ang pinakaseryosong problema. Ano ang layon ng palaging pagtuon sa pagpresenta ng ugali ng isang tao? Ito ay ang makamit ang paghanga ng mga tao, ang magawa ang mga tao na bolahin at purihin siya. Ano ang kalikasan nito? Iyon ay pagpapaimbabaw, iyon ay ang pamamaraan ng mga Pariseo. Ang mga nakatuon sa panlabas na mabubuting pag-uugali, ang mga nakatuon sa pagpepresenta ng ugali nila, ang mga nagsusumikap nang maigi sa kanilang pag-uugali—nauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Nagbabasa sila ng napakaraming salita ng Diyos at nagsusumikap sila, kaya bakit hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Hindi nila nauunawaan na ang pamamahala ng Diyos at ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan ay naglalayong ipaunawa ang katotohanan sa mga tao, gawing perpekto ang mga tao, at sumailalim sila sa pagbabago sa disposisyon—hindi nila ito nauunawaan. Iniisip nila, “Paano ko man basahin ang mga salita ng Diyos, ibubuod ko ang ilang pananalita, pagkilos, at pag-uugali na mas madaling sang-ayunan ng mga tao, na kinatutuwaan nila, at binibigyan nila ng kanilang pagsang-ayon, at pagkatapos ay isasabuhay ko ang mga bagay na ito at panghahawakan ko ang mga ito sa totoong buhay. Ito ang gagawin ng tunay na mananampalataya.”

Mayroon ba kayong mga isyu na kapareho ng kay Daming? Maliban sa napakalilinaw na aspektong kakatalakay pa lang natin, gaya ng pagsunod sa mga pamantayan ng lipunan, pagbibigay ng atensyon sa senyoridad, pagbibigay-galang sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, at pagpapanatili ng tamang pagkakasunud-sunod sa mga matanda at bata, mayroon pa bang natutulad na mga pag-uugali, kaisipan, pananaw, o pagkaunawa? Alam ba ninyong suriin at himayin ang mga isyung ito? Halimbawa, sa iglesia, kapag ang isang tao ay mas matanda o maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, palagi mo silang ayaw mapahiya. Hinahayaan mo silang matapos magsalita, hindi ka sumasabat sa kanila kahit na walang saysay ang sinasabi nila, at kahit may ginagawa silang mali at kailangan silang pungusan, sinusubukan mo pa ring hindi sila ipahiya at umiiwas kang punahin sila sa harap ng iba, iniisip na gaano man kawalang katwiran o katerible ang mga kilos nila, kailangan pa rin silang patawarin at kunsintihin ng lahat ng tao. Palagi mo ring itinuturo sa iba: “Hindi natin dapat ipahiya ang matatanda at hindi natin dapat masira ang kanilang dignidad. Nakababata tayo sa kanila.” Saan galing ang terminong “nakababata”? (Sa tradisyonal na kultura.) Galing ito sa kaisipan ng tradisyonal na kultura. Dagdag pa rito, isang partikular na kalagayan ang nabuo sa iglesia na kapag ang mga tao ay may mga nakakasalamuhang nakakatandang kapatid, malugod nilang tinatawag ang mga ito na “Kuya,” “Ate,” “Tita,” o “Diko,” na tila ba ang lahat ay parte ng isang malaking pamilya; ang mga nakakatandang taong ito ay binibigyan ng karagdagang respeto, na hindi napapansing nag-iiwan ng mabuting impresyon sa isipan ng ibang tao tungkol sa mga nakababata. Ang mga elementong ito ng tradisyonal na kultura ay malalim nang nag-ugat sa mga kaisipan at buto ng mga Tsino, hanggang sa puntong patuloy na pinapalaganap at hinuhubog ng mga ito ang kalagayan sa buhay iglesia. Dahil ang mga tao ay palaging nililimitahan at kinokontrol ng mga konseptong ito, hindi lang nila personal na sinusuportahan ang mga ito, nagtatrabaho nang maigi para kumilos at magsagawa sa direksyong ito, sinasang-ayunan pa nila na gawin ito ng iba, tinuturuan ang mga ito na sumunod. Ang tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan; ito ay tiyak. Pero sapat na ba na malaman lang ng mga tao na hindi ito ang katotohanan? Ang hindi nito pagiging katotohanan ay isang aspekto; bakit natin ito dapat himayin? Ano ang ugat nito? Saan naroroon ang diwa ng problema? Paano mabibitawan ng isang tao ang mga bagay na ito? Ang paghimay sa tradisyonal na kultura ay para bigyan ka ng bagong-bagong pagkaunawa sa mga teorya, kaisipan, at pananaw ng aspektong ito sa kaibuturan ng puso mo. Paano makakamit ang bagong-bagong pagkaunawang ito? Una, dapat mong malaman na nagmula kay Satanas ang tradisyonal na kultura. At paano ikinikintal ni Satanas sa mga tao ang mga elementong ito ng tradisyonal na kultura? Sa bawat kapanahunan, gumagamit si Satanas ng ilang kilalang personalidad at dakilang tao para ipalaganap ang mga kaisipang ito, ang mga tinatawag na kasabihan at teoryang ito. Pagkatapos, dahan-dahang ginagawang sistematiko at kongkreto ang mga ideyang ito, palapit nang palapit sa buhay ng mga tao, at kalaunan ay nagiging laganap na ang mga ito sa mga tao; unti-unti, ang mga satanikong kaisipan, kasabihan, at teoryang ito ay naikikintal sa isipan ng mga tao. Pagkatapos silang maindoktrinahan, itinuturing ng mga tao ang mga kaisipan at teoryang ito na galing kay Satanas bilang ang pinakapositibong mga bagay na dapat nilang isagawa at kapitan. Pagkatapos, ginagamit ni Satanas ang mga bagay na ito para ikulong at kontrolin ang isipan ng mga tao. Hene-henerasyon na ang naturuan, nakondisyon, at nakontrol sa ilalim ng mga ganitong pangyayari, hanggang sa kasalukuyan. Lahat ng henerasyong ito ay naniwalang tama at mabuti ang tradisyonal na kultura. Walang naghihimay sa mga pinanggalingan o pinagmulan ng mga tinatawag na mabuti at tamang bagay na ito—ito ang nagpapalubha sa problema. Kahit ang mga mananampalatayang maraming taon nang nagbabasa ng mga salita ng Diyos ay naniniwala pa rin na tama at positibo ang mga bagay na ito, hanggang sa puntong naniniwala sila na mapapalitan ng mga ito ang katotohanan, na mapapalitan ng mga ito ang mga salita ng Diyos. Higit pa rito, may ilang nag-iisip na, “Gaano karami man sa mga salita ng Diyos ang binabasa natin, sa pamumuhay kasama ng mga tao, ang mga tinatawag na tradisyonal na ideya at tradisyonal na elemento ng kultura—gaya ng Tatlong Pagsunod at Apat na Birtud, gayundin ang mga konsepto gaya ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan—ay hindi puwedeng tanggalin. Ito ay dahil ang mga ito ay ipinamana sa atin ng mga ninuno natin, na marurunong. Hindi natin puwedeng kalabanin ang mga itinuro ng mga ninuno natin dahil lang nananampalataya tayo sa Diyos, at hindi natin puwedeng baguhin o abandonahin ang mga itinuro ng mga ninuno natin at ng mga sinaunang marurunong.” Ang ganitong mga kaisipan at kamalayan ay umiiral sa puso ng lahat ng tao. Hindi nila namamalayan na nakokontrol at nagagapos pa rin sila ng mga elementong ito ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, kapag nakita ng isang bata na nasa bente anyos ka na at tinawag ka niyang “tito,” nalulugod at nasisiyahan ka. Kung direkta ka niyang tinatawag sa pangalan mo, hindi komportable ang pakiramdam mo, iniisip mo na hindi magalang ang batang ito at dapat sawayin, at nagbabago ang saloobin mo. Ang totoo, tawagin ka man niyang tito o sa pangalan mo, wala itong anumang epekto sa iyong integridad. Kaya bakit ka hindi masaya kapag hindi ka niya tinatawag na tito? Ito ay dahil pinamumunuan at iniimpluwensiyahan ka ng tradisyonal na kultura; ito ay nauna nang nag-ugat sa isipan mo at naging pangunahing pamantayan mo na sa pagtrato sa mga tao, pangyayari, at bagay, at sa pagsuri at paghusga sa lahat ng bagay. Kapag mali ang iyong pamantayan, puwede bang maging tama ang kalikasan ng iyong mga kilos? Tiyak na hindi puwede. Kung gagamiting sukatan ang katotohanan, paano mo haharapin ang bagay na ito? May pakialam ka ba sa itatawag ng iba sa iyo? (Wala.) Iyan ay, maliban na lang kung pinintasan o pinahiya ka nila—sa ganoong kaso, tiyak na hindi komportable ang mararamdaman mo; ito ay normal na pagpapahayag ng pagkatao. Gayumpaman, kung ang pamantayan mo ng pagsukat ay ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, o ang kulturang galing sa Diyos, tawagin ka man ng mga tao sa pangalan mo o na “tito” o “kuya,” ganap na wala kang magiging reaksyon. Sa bagay na ito, puwede mong sundin ang lokal na mga kaugalian. Halimbawa, sa Tsina, kapag may tumawag sa iyo ng “tito,” nararamdaman mo na sila ay magalang sa iyo. Pero kung pumunta ka sa isang bansa sa Kanluran at may tumawag sa iyo ng “tito,” maaasiwa ka; pipiliin mong tawagin sa iyong pangalan, makikita mong ito ay isang uri ng pagrespeto. Sa Tsina, kapag may isang taong labis na mas bata sa iyo na tinawag ka sa pangalan mo, hindi ka talaga masisiyahan, pakiramdam mo ay binalewala niya ang iyong senyoridad; malaking kahihiyan ang madarama mo, at magagalit ka at kokondenahin mo pa nga ang taong ito. Hindi ba’t ipinapakita nito na may problema sa ganitong paraan ng pag-iisip? Ito ang problemang gusto Kong talakayin.

Ang bawat bansa at bawat etnisidad ay may sariling tradisyonal na kultura. Pupunahin ba natin ang lahat ng tradisyonal na kultura? May isang kulturang hindi dapat punahin. Masasabi ba ninyo kung ano ang kulturang ito? Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. Nilikha ng Diyos si Adan; sino ang nagpangalan kay Adan? (Ang Diyos.) Kaya, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at kapag nakikisalamuha sa kanila, paano Niya tinatawag ang mga tao? (Tinatawag Niya sila sa mga pangalan nila.) Tama, sila ay tinatawag Niya sa mga pangalan nila. Binibigyan ka ng Diyos ng isang pangalan, at ang pangalang ito ay may kahulugan sa mga mata ng Diyos; nagsisilbi itong titulo, isang katawagan. Kapag binigyan ka ng Diyos ng titulo, tinatawag ka Niya sa titulong ito. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pagrespeto? (Oo.) Ito ang pinakamagandang uri ng pagrespeto, isang pagrespetong pinakamalapit na umaayon sa katotohanan at pinakapositibo. Ito ang pamantayan ng paggalang sa mga tao, at galing ito sa Diyos. Hindi ba’t ito ay isang uri ng kultura? (Oo.) Dapat ba nating itaguyod ang kulturang ito? (Oo.) Ito ay galing sa Diyos; direktang tinatawag ng Diyos ang isang tao sa pangalan nito. Binibigyan ka ng Diyos ng pangalan, binibigyan ka ng titulo, at pagkatapos ay ginagamit Niya ang titulong ito para kumatawan sa iyo at itawag sa iyo. Ganito tratuhin ng Diyos ang mga tao. Noong nilikha ng Diyos ang pangalawang tao, paano ito tinrato ng Diyos? Hinayaan ng Diyos si Adan na pangalanan ito. Pinangalanan ito ni Adan na Eba. Tinawag ba ito ng Diyos sa pangalang ito? Oo. Kaya, ito ay kulturang nanggagaling sa Diyos. Binibigyan ng Diyos ang bawat nilikha ng isang titulo, at kapag tinawag Niya ang titulong ito, alam ng mga tao at ng Diyos kung sino ang tinutukoy. Respeto ang tawag dito, pagkakapantay-pantay ang tawag dito, ito ang pamantayang ipinangsusukat kung magalang ba ang isang tao, kung may diwa ba ng mabuting pag-asal sa kanyang pagkatao. Tumpak ba ito? (Oo.) Ito ay talagang tumpak. Sa Bibliya, tinatala man nito ang isang partikular na pangyayari o ang tala-angkanan ng isang pamilya, lahat ng karakter ay may mga pangalan, may mga titulo. Gayumpaman, may isang bagay na hindi Ako sigurado kung napansin ninyo: Hindi gumagamit ang Bibliya ng mga katawagang gaya ng lolo, lola, tito, tita, nakakatandang tito, nakakatandang tita, at iba pa; gumagamit lang ito ng mga pangalan ng tao. Ano ang makukuha ninyo mula rito? Kung ano ang itinakda ng Diyos para sa mga tao, mga tuntunin man ito o batas, ay, sa termino ng mga tao, isang uri ng tradisyon na ipinasa sa mga tao. At ano ang tradisyong ito na ipinasa mula sa Diyos? Ito ay isang bagay na dapat sundin ng mga tao: Hindi na kailangan ang mga herarkikal na titulo. Sa mga mata ng Diyos, walang ganitong komplikadong titulo sa pamilya gaya ng lolo, lola, nakatatandang tito, nakababatang tito, nakatatandang tita, nakababatang tita, at iba pa. Bakit ba masyadong nababahala ang mga tao sa mga herarkikal na titulo at katawagang ito? Ano ang ibig sabihin nito? Ang mga bagay na ito ang pinakakinasusuklaman ng Diyos. Ang mga kauri ni Satanas ang palaging nababahala tungkol sa mga ito. Pagdating sa tradisyonal na kulturang ito, may napakatotoong katunayan sa Diyos: nilikha ng Diyos ang buong sangkatauhan, at malinaw Niyang nalalaman kung ilang pamilya at inapo ang puwedeng magkaroon ang isang tao; hindi na kailangan ang anumang herarkiya. Sinasabi lang ng Diyos na maging mabunga at magparami, na gawing maunlad ang iyong pamilya—iyan lang ang kailangan mong tandaan. Ilang inapo ang mayroon ang bawat henerasyon, at ilang inapo ang mayroon ang mga inapong iyon—iyon na iyon, hindi na kailangan ang herarkiya. Hindi kailangang malaman ng mga sumunod na henerasyon kung sino ang mga ninuno nila, ni magtayo ng mga bulwagan o templo para sa mga ninuno, lalong hindi nila kailangang mag-alay ng mga handog o sumamba sa mga ito. Nakatala sa Bibliya na ang lahat ng nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya, ang mga nananampalataya kay Jehova, ay nag-aalay ng mga handog sa harap ng altar. Ang lahat ng tao sa isang pamilya ay lumalapit sa Diyos at nag-aalay ng mga handog. Ito ay iba sa mga Tsino, kung saan ang bawat pamilya ay may bulwagan ng mga ninuno na puno ng mga plake ng pag-alala sa mga lolo sa talampakan, mga lolo sa tuhod, mga lola sa tuhod. Sa lugar kung saan unang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi umiiral ang mga bagay na ito. Gayumpaman, ang ibang mga lugar na malayo sa lugar ng gawain ng Diyos, ay kontrolado ni Satanas at ng masasamang espiritu. Sa mga Budistang bansang ito, lumalago ang mga satanikong gawaing ito. Doon, kailangan ng mga tao na sumamba sa mga ninuno nila, at kailangang iulat sa pamilya ang lahat ng bagay, kailangang iparating sa mga ninuno ng pamilya ang lahat ng bagay; kahit pa wala na ang mga abo ng mga ninuno, ang mga sumunod na henerasyon ay dapat pa ring mag-alay ng insenso at yumuko. Sa modernong panahon, ang ilang taong nalantad sa mas Kanluranin at mas bagong mga ideya at nakawala na sa mga tradisyonal na pagkakatali sa pamilya ay ayaw nang manatili sa mga ganitong pamilya. Pakiramdam nila ay mahigpit at istrikto silang kinokontrol ng mga ganitong pamilya, na nakikialam sa halos lahat ng bagay ang mga nakakatanda sa pamilya, lalo na pagdating sa pag-aasawa. Sa Tsina, hindi na kakaiba ang mga ganitong bagay. Pinagtutuon ni Satanas ang mga tao sa senyoridad, at mukhang madaling matanggap ng mga tao ang konseptong ito, sa paniniwalang: “Ang bawat henerasyon ay may ranggo; ang mga nasa itaas ay ang mga ninuno natin. Sa sandaling mabanggit ang salitang ‘ninuno,’ dapat lumuhod ang mga tao at sambahin ang mga ito na para bang mga diyos.” Mula pagkabata, ang isang tao ay iniimpluwensiyahan, kinokondisyon, at pinalalaki ng pamilya niya sa ganitong paraan; itinatanim sa kanyang murang isipan ang isang bagay: na hindi puwedeng mabuhay ang isang tao sa mundong ito nang walang pamilya, at ang pag-iwan sa pamilya o paglaya mula sa pagkakatali sa pamilya ay isang pagkakasalang kasuklam-suklam sa moralidad. Ano ang ipinahihiwatig noon, isang pagkakasalang kasuklam-suklam sa moralidad? Ipinahihiwatig noon na kung hindi ka nakikinig sa pamilya mo, hindi ka isang mabuting anak, at ang ibig sabihin ng hindi pagiging mabuting anak ay hindi ka tao. Samakatwid, karamihan sa mga tao ay hindi nangangahas na makawala sa pagkakataling ito sa pamilya. Ang mga Tsino ay lubhang kinokondisyon, iniimpluwensiyahan, at kinokontrol ng herarkiya, gayundin ng mga konseptong gaya ng Tatlong Pagsunod at Apat na Birtud, at ang Tatlong Mahahalagang Ugnayan at Limang Pampalagiang Birtud. Ang mga kabataang hindi tamang tinatawag ang mga nakakatanda sa kanila bilang tito, tita, lolo, o lola, ay madalas na inaakusahang walang galang at walang pinag-aralan. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, itinuturing kang mas mababa sa etnikong grupong ito, sa lipunang ito, dahil hindi ka sumusunod sa pamantayan ng lipunan, wala kang pinag-aralan, at wala kang kuwenta. May ilang taong maganda ang suot, magaling sa pagkukunwari, at nagsasalita nang may mabuting asal at magandang kilos; sila ay magaling magsalita, habang hindi mo man lang alam na tawagin ang isang tao na tito o tita. Sasabihin ng mga tao na wala kang pinag-aralan, at mababa ang tingin nila sa iyo saan ka man magpunta. Ito ang uri ng ideolohiya na itinanim sa mga Tsino. Ang ilang batang hindi alam kung paano tumawag sa mga tao ay marahas na sisigawan o papaluin pa nga ng mga magulang nila. Habang pinapalo sila, sasabihin ng ilang magulang, “Wala kang galang, wala kang kuwenta, at wala kang pinag-aralan; mas mabuti pang paluin kita hanggang mamatay ka na! Wala ka nang ginawa kundi ipahiya ako, pinapahiya mo ako sa harap ng mga tao!” Dahil lang hindi alam ng bata kung paano tawagin ang ibang tao, palalakihin na ng mga magulang ang isyu para hindi sila mapahiya, matinding papaluin ang bata. Anong uri ng pag-uugali ito? Tahasang kalokohan ito! Mapagtatanto ba ninyo ang mga bagay na ito kung hindi Ako nagbahagi nang ganito? Sa mga pangyayaring nasusubaybayan ninyo sa tunay na buhay, o sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o sa sarili ninyong mga karanasan, dahan-dahan at unti-unti mo bang makikita ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay mababago ang direksyon ng buhay mo, mababago ang direksyon ng landas na tinatahak mo? Kung hindi, kulang ang inyong kabatiran. Sa lahat ng bagay, ang paggamit sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos bilang pamantayan ang pinakatamang pamamaraan, ito ay wala ni isang kamalian—ito ay hindi mapag-aalinlanganan. Ang anumang bagay na galing kay Satanas, gaano man ito umaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao, gaano man kadisente itong tingnan, ay hindi ang katotohanan kundi isang huwad.

Ang layunin ng pagsasalaysay ng kuwentong ito ay para tulungan kayong makaintindi, para ipaunawa sa inyo kung ano ba ang katotohanan, kung ano ba ang makakamit ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, kung ano ba ang ibig sabihin ng maipabago ng Diyos sa mga tao ang kanilang mga disposisyon at maipakamit sa kanila ang katotohanan, at kung may anumang kaugnayan ba ang katotohanang sinabi ng Diyos at ang mga hinihingi Niya sa kung ano ang puwedeng maisip ng isang tao, o sa mga kaisipan, perspektiba, at iba’t ibang pagkaunawa na produkto ng edukasyon at pagkokondisyon mula sa pambansa at panlipunang kapaligiran ng isang tao. Dapat din ninyo mismong himayin ang lahat ng bagay na ito. Ngayon, isang aspekto lang ang nasaklaw ng halimbawa natin. Sa katunayan, sa puso ng bawat tao, hindi nawawalan ng mga bagay mula sa tradisyonal na kultura. May ilang nagsasabi: “Dahil dapat naman nating iwaksi ang herarkiya, ibig bang sabihin niyan ay puwede kong tawagin ang mga magulang ko sa pangalan nila?” Ayos lang ba ito? Kung tatawagin mo ang mga magulang mo na ina at ama, ibig bang sabihin niyan na sinusunod mo pa rin ang herarkiya at bumalik ka na sa tradisyonal na kultura? Hindi. Dapat pa ring tawagin ang mga magulang kung ano ang nararapat; ang pagtawag sa kanila ng nanay at tatay ay kung paano sila pinapatawag ng Diyos sa mga tao. Ganito sila dapat tawagin; kagaya lang ng kung paano ka tinatawag ng mga magulang mo na “anak,” “iho,” o “iha.” Kaya ano ba ang dapat ninyong pangunahing maunawaan sa Aking pagkukuwento nito? Anong isyu ang pangunahin nitong tinatalakay? (Dapat magbago ang pamantayan natin ng paghuhusga sa mga bagay-bagay; dapat lahat ng bagay ay husgahan ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Huwag kayong pikit-matang gumawa ng mga bagay-bagay nang kayo lang. Palaging gusto ng mga tao na gumawa ng sarili nilang “katotohanan.” Tuwing gusto nilang gumawa ng isang bagay, nakakaisip sila ng mga argumento at teorya, at pagkatapos ng mga pamamaraan, at ipinapatupad nila ito tama man ito o mali. Ilang taon nila itong isinasagawa, mahigpit itong sinusunod magkaroon man ito o hindi ng resulta, pero nadarama pa rin nila na sila ay mabuti ang kalooban, matuwid, at mabait. Iniisip nila na ang mga bagay na isinasabuhay nila ay mabuti, at ito ay nagdadala sa kanila ng papuri at paghanga, at mas tumitindi ang pag-iisip nila na magaling sila. Hindi kailanman pinagbubulayan, sinusubukang arukin, o hinahanap ng mga tao kung ano ba ang mga hinihingi ng Diyos para sa bawat bagay, kung ano ba ang mga prinsipyo ng pagkilos para sa paggawa ng bawat bagay, at kung nagpakita ba sila ng katapatan sa atas ng Diyos habang gumaganap sila ng kanilang tungkulin. Hindi nila pinagbubulayan ang mga bagay na ito; pinagbubulayan lang nila ang mga baluktot at buktot na bagay—hindi ba’t ito ay pakikibahagi sa kabuktutan? (Oo.) Sinuman ang mahinahon sa panlabas, maayos ang pag-uugali, edukado at sumusunod sa mga pamantayan ng lipunan, panay ang salita tungkol sa kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, at nagsasalita nang napakaelegante, at nagsasabi ng mga bagay na magandang-pakinggan—pagmasdan ninyo kung isinasagawa ng ganitong tao ang katotohanan. Kung hindi niya kailanman isinasagawa ang katotohanan, siya ay walang iba kundi isang mapagpaimbabaw na nagkukunwaring mabuti; siya ay tulad lang ni Daming, at wala ni katiting na pagkakaiba. Anong uri ng mga tao ang nakatuon lang sa pagkakaroon ng mabuting pag-uugali at ginagamit ito para linlangin ang iba na purihin at hangaan sila? (Mga mapagpaimbabaw.) May espirituwal na pang-unawa ba ang mga taong ito? (Wala.) Kaya ba ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa na isagawa ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi nila kaya? (Hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, kaya itinuturing na lang nilang katotohanan ang ilang tila ba mabubuting pag-uugali at ang mga bagay na itinuturing ng mga tao na mabuti, at isinasagawa nila ang mga iyon.) Hindi iyan ang pangunahing punto. Gaano man nila hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi ba’t alam pa rin nila ang ilang hayagang prinsipyo ng paggawa ng mga bagay-bagay? Kapag sinabi mo sa kanila kung paano dapat gawin ang tungkulin nila, hindi ba nila nauunawaan? May isang katangian ang mga ganitong tao: Wala silang intensyon na isagawa ang katotohanan. Anuman ang sabihin mo, hindi sila makikinig sa iyo; gagawin at sasabihin lang nila kung ano ang gusto nila. Kamakailan, palagi nating pinag-uusapan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Tingnan mo ang mga taong nakapaligid sa iyo: Tingnan mo kung sino ang medyo nagbago, at kung kaninong ugali at mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay ang hindi man lang nagbago, kung kaninong puso ang hindi natitinag gaano ka man makipagbahaginan sa kanila, at kung sino ang hindi pa rin nagbabago, o ayaw magbago, at nagpapatuloy gawin ang mga bagay-bagay sa paraang gusto nila, kahit pa kaya nilang iugnay sa sarili nila ang nilalaman ng pagbabahagi mo. May mga nakasalamuha na ba kayong ganitong tao? Mayroon na, hindi ba? Bakit tinatanggal ang ilang lider at manggagawa sa mga tungkulin nila? Ito ay dahil hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Nauunawaan nila ang lahat ng uri ng doktrina, at nagpapatuloy sila sa mga sarili nilang pamamaraan. Gaano ka man makipagbahaginan ng mga katotohanang prinsipyo, mayroon pa rin silang sarili nilang mga panuntunan, kumakapit sila sa mga sarili nilang pananaw at hindi nakikinig kaninuman. Ginagawa lang nila kung ano ang gusto nila—kapag nagsabi ka ng isang bagay, iba ang gagawin nila. Dapat tanggalin ang mga ganitong lider at manggagawa, tama? (Tama.) Talagang dapat. Nasa anong landas ang mga ganitong tao? (Sa landas ng isang anticristo.) Sa pagtahak nila sa landas ng isang anticristo, kung bibigyan ng sapat na panahon, sila mismo ay magiging anticristo. Ang isyu na lang ay kung gaano katagal bago iyon mangyayari. Kung, gaano mo man ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, hindi pa rin nila ito tinatanggap at hindi man lang sila nagbabago, talagang problema ito, at sila ay naging anticristo na.

Ano ang pinakamalaking inspirasyon na nakamit ninyo mula sa kuwentong ibinahagi ngayon? Iyon ay dapat na, madali para sa mga tao na malihis. Bakit madali para sa mga taong malihis? Una, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao; pangalawa, anuman ang edad nila, hindi na blangko ang mga tao sa mga kaisipan nila at sa kaibuturan ng mga puso nila. Kaya anong payo ang ibinibigay sa inyo ng kuwentong ito? Madaling malihis ang mga tao—iyan ang una. Pangalawa, may tendensiya ang mga taong kumapit sa pinaniniwalaan nilang mabuti at tama na tila ba ito ang katotohanan, itinuturing nila ang kaalamang biblikal at mga doktrinang espirituwal bilang mga salita ng Diyos na dapat isagawa. Pagkatapos maunawaan ang dalawang isyung ito, ano ang bagong pagkaunawa, mga ideya, o mga plano na dapat taglay ninyo para sa landas na dapat ninyong tahakin sa hinaharap at para sa bawat gampaning kailangan ninyong gampanan sa hinaharap? (Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay sa hinaharap, hindi tayo dapat kumilos ayon sa pinaniniwalaan nating tama. Una, dapat isaalang-alang natin kung umaayon ba ang mga kaisipan natin sa pagnanais ng Diyos, at kung tumutugma ba ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat tayong humanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, at saka magpatuloy. Sa ganitong paraan lamang natin masisiguro na isinasagawa natin ang katotohanan at tama ang landas na tinatahak natin sa ating pananampalataya sa Diyos.) Dapat kayong magsikap pagdating sa mga salita ng Diyos. Tigilan ninyo ang sarili ninyong pagpapalagay. Wala kang espirituwal na pang-unawa; mababa ang kakayahan mo; at gaano man katayog ang mga ideyang naiisip mo, hindi katotohanan ang mga iyon. Kahit pa may kumpiyansa ka na walang kapintasan at tama ang ginawa mo, dapat mo pa ring ipaalam ito sa mga kapatid para mapagbahaginan at makumpirma, o para maikumpara sa mga nauugnay na salita ng Diyos. Makakamit mo ba ang isang daang porsyentong kawalang kapintasan sa paraang ito? Hindi palagi; puwede ka pa ring malihis sa pagsasagawa mo, maliban na lang kung naarok mo nang buong-buo ang mga katotohanang prinsipyo at ang pinagmumulan ng sinabi ng Diyos. Isang aspekto iyon. Ano ang pangalawa? Kung lumilihis ang mga tao sa mga salita ng Diyos, gaano man kamakatwiran o kakaaya-aya tingnan ang mga kilos nila, hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Ang anumang hindi makakapalit sa katotohanan ay hindi ang katotohanan, ni positibong bagay. Kung hindi ito positibong bagay, ano ito? Tiyak na ito ay hindi isang bagay na nakakalugod sa Diyos, ni umaayon sa katotohanan; ito ay isang bagay na kinokondena ng Diyos. Ano ang mga kahihinatnan kapag gumawa ka ng isang bagay na kinokondena ng Diyos? Magagawa mong kasuklaman ka ng Diyos. Ang lahat ng bagay na hindi nanggagaling sa Diyos ay negatibong bagay, galing ang mga ito kay Satanas. Puwedeng hindi ito maunawaan ng ilang tao; hayaan mong unti-unti itong dumating habang nagkakamit ka ng karanasan.

Ngayon, taimtim nating pinupuna ang isang bagay; ano ang pinupuna natin? Ang usapin ng pagtawag sa isang matandang inahing baboy na Tita Baboy, tama? Kahiya-hiya bang tawagin ang baboy na “Tita Baboy”? (Oo.) Nakakahiyang bagay ito. Palaging gusto ng mga tao na magkaroon ng marangal na titulo. Saan nanggagaling ang “karangalang” ito? Ano ang tinutukoy ng “karangalan”? Tungkol ba ito sa senyoridad? (Oo.) Ang palaging kagustuhang ituring na nakatatanda, ang palaging pagtuon sa senyoridad—mabuti ba ito? (Hindi.) Bakit hindi mabuti ang pagtuon sa senyoridad? Dapat mong suriin kung ano ang kabuluhan ng pagtuon sa senyoridad. Napakasimple lang na sabihin ito nang ganito: “Hindi hinahayaan ng Diyos ang mga tao na tumuon sa senyoridad, kaya bakit walang saysay mong tinatalakay ito? Walang saysay ang sinasabi mo habang nagkukunwari kang sibilisado. Hindi mo kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang gumagawa ka ng tungkulin, palagi mong ipinagkakanulo ang mga iyon alang-alang sa sarili mo. Kapag ang isang bagay ay may kinalaman sa sarili mong mga interes, hindi ka mag-aatubiling ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sino ang sinusubukan mong lokohin sa pagkilos mo gaya ng isang mabuting tao? Karapat-dapat ka bang ituring na mabuti?” Katanggap-tanggap bang sabihin ito gaya nito? (Oo.) Ano ang dapat sabihin para gawin itong mas marahas? “Ano ba ang pinagsasabi mo? Ikaw ay isa lang estupidong baboy, isang hangal, na walang anumang pagkaunawa sa katotohanan. Ano ba ang ipinagpapanggap mo? Pinag-aral ka, pinalaki nang tama, at nananampalataya ka sa Diyos. Napakarami mo nang nabasang mga salita ng Diyos pero iniisip mo pa ring napakahusay mong manampalataya sa Diyos. Pero sa huli, hindi mo man lang alam kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ba’t isa ka lang estupidong baboy, isang ganap na hangal?” Diyan nagtatapos ang kuwentong ito. Ngayon balikan natin ang pangunahing paksa ng pagbabahagi.