Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikaanim na Seksiyon
Mula sa nakita ninyo sa Bibliya at sa lahat ng kasalukuyang pagbigkas ng Diyos, isinusulong ba ng Diyos ang mga kaloob, pagkatuto, at kaalaman? (Hindi.) Sa kabaligtaran, hinihimay ng Diyos ang kaalaman at pagkatuto ng tao. Paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang mga kaloob? Paano Niya binibigyang-kahulugan ang mga kahima-himalang abilidad at espesyal na talento? Dapat ninyong maunawaan na ang mga kaloob, kahima-himalang abilidad, at espesyal na talento ay hindi talaga kumakatawan sa buhay. Ano ang ibig sabihin ng hindi kinakatawan ng mga ito ang buhay? Nangangahulugan ito na ang mga bagay na ito ay hindi resulta ng pagkamit ng mga tao sa katotohanan. Saan ba talaga galing ang mga bagay na ito? Galing ba ang mga ito sa Diyos? Hindi, hindi nagkakaloob ang Diyos ng kaalaman o pagkatuto sa mga tao, at lalong hindi Siya nagbibigay ng mas maraming kaloob sa mga tao para hangarin nila ang katotohanan. Hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Nauunawaan na ninyo ngayon kung bakit ganito Ko ito sinasabi, hindi ba? Kung gayon, saan naipapamalas ang kabuktutan ng mga anticristo? Ano ang tingin nila sa mga kaloob, pagkatuto, at kaalaman? Pinahahalagahan, sinusundan, at ninanais pa nga nila ang mga ito, lalo na ang mga kaloob at kahima-himalang abilidad. Kung sasabihin mo sa isang anticristo, “Kung mayroon kang mga kahima-himalang abilidad, maaakit mo ang masasamang espiritu,” sasabihin niya, “Hindi ako natatakot!” Sasagot ka na, “Kung ganoon wala kang pag-asang maligtas sa hinaharap, ihahagis ka sa ikalabing-walong lebel ng impiyerno, sa lawa ng apoy at asupre,” at pagkatapos ay sasabihin pa rin nito na, “Hindi ako natatakot!” Kung mapagsasalita mo siya sa sampung iba’t ibang lengguwahe at magpapakitang-gilas para tingalain ng iba, sasang-ayon at handa siya. Masyadong ordinaryong magsalita ang Diyos at gumagawa ng napakapraktikal sa loob ng normal na pagkatao, at hindi tinatanggap ng anticristo ang pamamaraan, anyo, at nilalaman ng gawaing ito—hinahamak niya ito. Paano dapat kilatisin ng mga tao ang mga usaping ito? Halimbawa, kaya ng ilang taong magsalita ng iba’t ibang wika. Kaya mo bang tanggapin ang katunayang ito? Sa tingin mo ba ay normal ito o kakaiba? (Kakaiba.) Samakatwid, sa loob ng makatwirang saklaw ng normal na pagkatao, hindi ito katanggap-tanggap. Ang isang taong naaalala ang lahat ng bagay, gaya ng mga kulay, hugis, mukha, at pangalan, at kayang matandaan ang daan-daang pahina ng isang aklat pagkatapos itong mabasa, ikinukuwento ito mula simula hanggang wakas—pagkatapos na makisalamuha sa gayong tao, hindi ba’t nararamdaman mong may nakaharap kang hindi normal? (Oo.) Pero gusto ng mga anticristo ang mga ganitong bagay. Sabihin mo sa Akin, kapag nakasalamuha mo ang mga nasa komunidad ng relihiyon, ang mga diumano ay ebanghelista, mangangaral, at pastor, na sa kabuuan ay tinatawag na mga Pariseo, nararamdaman mo ba na ang mga taong ito ang kailangan ng puso mo, o na ang praktikal na Diyos ang kailangan ng puso mo? (Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ang kailangan ng puso namin.) Ang normal at praktikal na Diyos ang mas malapit sa mga panloob na pangangailangan mo, hindi ba? Kaya, sabihin ninyo kung ano ang pakiramdam ninyo kapag nakikisalamuha kayo sa mga Pariseo, kung ano ang mga positibo at negatibo, at kung may dala ba itong mga kapakinabangan. (Kapag nakikisalamuha ako sa mga Pariseo, pakiramdam ko, ito ay peke at malamig. Ang mga bagay na sinasabi nila ay napakahungkag at huwad; kapag masyado kang nakinig dito ay nakakasuka na, at ayaw ko nang makisalamuha pa sa kanila.) Tama ba o kakatwa ang mga pananaw na ipinapahayag ng mga Pariseo? (Kakatwa.) Ang kalikasan ng mga pananaw nila ay kakatwa. At saka, ang karamihan sa mga bagay na sinasabi nila ay praktikal ba o hungkag? (Hungkag.) Kinamumuhian ba o kinagigiliwan ng karamihan ng tao ang pakikinig sa mga kakatwa at hungkag na bagay, pati na rin sa mga imahinasyon at kuru-kuro, na sinasabi nila? (Kinamumuhian ng karamihan ng tao ang pakikinig sa mga ito.) Karamihan ng tao ay ayaw ang mga iyon at ayaw makinig. Pagkatapos marinig ang kanilang mga pananaw at salita, at maobserbahan ang mga disposisyon nila at ang kanilang huwad at mapagpaimbabaw na pag-uugali, ano ang nararamdaman mo sa puso mo? Gusto mo pa bang makinig? Gusto mo bang mas mapalapit pa sa kanila, magkaroon ng malalimang pakikisalamuha sa kanila, at mas maunawaan pa sila? (Hindi.) Ayaw mong makisalamuha sa kanila. Ang pinakaisyu rito ay iyong mga salita nila ay masyadong hungkag, puno ng mga teorya at islogan; pagkatapos mong makinig nang napakatagal sa kanila, pakiramdam mo pa rin ay wala kang maintindihan sa sinasabi nila. Bukod dito, huwad at mapagkunwari ang disposisyon nila; nagkukunwari sila na mapagpakumbaba, mapagtiis, at mapagmahal, na may asal ng isang bihasang mananampalataya, na talagang “deboto” sila. Kapag kalaunan ay nakita mo ang totoong sila, masusuklam ka. Wala pa kayong gaanong malalim na pakikisalamuha sa Akin; ano ang tingin ninyo sa mga sermong ibinigay Ko? May pagkakaiba ba ang mga ito at sa mga sinasabi ng mga Pariseo? (Oo.) Ano ang pagkakaiba? (Praktikal ang mga sermon ng Diyos.) Iyon ang pangunahing punto. Bukod pa rito, ang sinasabi Ko ay may kinalaman sa inyong pagsasagawa, mga karanasan, at sa iba’t ibang aspekto ng mga usaping nakakaharap ninyo sa proseso ng paggawa ninyo sa mga tungkulin ninyo at sa tunay na buhay. Hindi ito di-praktikal at malabo. At saka, ang bawat katotohanang tinatalakay Ko o ang pananaw na mayroon Ako sa mga usapin ay praktikal ba o hungkag? (Praktikal.) Bakit ninyo sinasabing praktikal? Dahil hindi ito lumilihis sa tunay na buhay, hindi ito tungkol sa paglilitanya ng mga hungkag na teorya na hiwalay sa tunay na buhay. Ito ay pawang may kinalaman sa pagkilatis, pag-unawa, at pagsasagawa sa tunay na buhay ng mga tao, at sa mga kalagayang lumilitaw sa kanila kapag nahaharap sila sa iba’t ibang isyu habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Sa madaling salita, kinasasangkutan ito ng mga paksang may kinalaman sa kung paano isinasagawa ng mga tao ang kanilang pananalig sa Diyos, sa kanilang buhay pananampalataya sa Diyos, at sa kanilang iba’t ibang kalagayan habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Hindi natin binubuksan ang Bibliya para ipaliwanag nang hungkag ang Genesis o Isaias, ni pinag-uusapan nang walang laman ang tungkol sa Pahayag. Pinakaayaw Kong basahin ang Pahayag at ayaw Kong magsalita tungkol dito. Ano ang silbi ng pagsasalita tungkol dito? Kung sasabihin Ko sa iyo kung anong salot ang nangyari na, ano naman ang kinalaman niyon sa iyo? Gawain iyon ng Diyos. Kahit na matupad pa ang gawain ng Diyos, paano ka maaapektuhan niyon? Hindi ba’t hindi ka naman magbabago? Kung sasabihin Ko sa iyo kung aling salot ang nangyari na, magagawa mo bang iwaksi ang tiwaling disposisyon mo? Magiging ganoon ba kahima-himala iyon? Hindi. Kaya, kapag sumunod ang mga tao hanggang sa wakas, pagbubukod-bukurin sila ayon sa uri nila. Makakapanindigan ang mga kayang tanggapin ang katotohanan, ang mga nasisiyahan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kayang isagawa ang katotohanan. Ang mga ayaw basahin ang mga salita ng Diyos o makinig sa mga sermon, ang mga pursigidong tanggihan ang katotohanan at ayaw gawin ang mga tungkulin nila, ay mabubunyag at matitiwalag kalaunan. Bagama’t dumadalo sila sa mga pagtitipon at nakikinig sa mga sermon, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan, hindi pa rin sila nagbabago, at tutol sila sa pakikinig sa mga sermon—ayaw nilang makinig sa mga iyon. Kaya, kahit na ginagawa nila ang kanilang tungkulin, pabasta-basta naman ito, hindi nagbabago kailanman. Ang mga taong ito ay sadyang mga hindi mananampalataya. Kung ang mga taong tapat na nananampalataya sa Diyos ay madalas na nakikihalubilo at namumuhay kasama ng mga hindi mananampalataya, ano ang madarama nila? Bukod sa hindi sila makikinabang o mapapalakas, makakaramdam din sila ng unti-unting pagkasuklam sa puso nila laban sa mga ito. Ipagpalagay na makakaugnay mo ang mga Pariseo at maririnig mo silang magsalita, at malalaman mong malinaw at lohikal silang magsalita, na ipinapaliwanag nila ang lahat ng iba’t ibang panuntunan at patakaran sa mauunawaang paraan at na parang naglalaman ng malalalim na teorya ang mga salita nila, pero kung maingat na susuriin, wala sa mga ito ang katotohanang realidad, at ang lahat ng iyon ay isang hungkag na teorya. Halimbawa, tinatalakay nila ang teorya ng Trinidad, teolohiya, mga teorya tungkol sa Diyos, kung paano ang Diyos sa langit kasama ang mga anghel, ang sitwasyon sa pagkakatawang-tao ng Diyos at ng Panginoong Jesus. Ano ang mararamdaman mo pagkarinig sa lahat ng usapang ito? Ang resulta ay magiging katulad ng pakikinig sa mga mitolohikal na kuwento. Kung gayon, bakit nasisiyahan ang mga anticristo sa pakikinig at pagtalakay sa mga bagay na ito, at bakit handa silang makisalamuha sa mga taong ito? Hindi ba’t ito ang kabuktutan nila? (Oo.) Ano ang maoobserbahan sa kanilang kabuktutan? Sa kaibuturan nila, may partikular silang pangangailangan, na nagdudulot sa kanilang sambahin ang kaalaman at pagkatutong ito, at sambahin ang mga bagay na ito na mayroon ang mga Pariseo. Kung gayon, ano ang pangangailangan nila? (Ang maituring na mataas ng iba.) Hindi lamang nila kailangan na tingalain sila ng iba, kundi sa kaibuturan ng puso nila, gusto nila palaging maging mga superman, na maging mas mataas na tao o mga sikat na tao na maraming alam—ayaw lang talaga nilang maging ordinaryong tao. Ano ang ipinahihiwatig ng pagnanais nilang maging mga superman? Sa kolokyal na pananalita, ibig sabihin nito ay hindi sila konektado sa realidad. Halimbawa, ang pinakamataas nang mahihiling ng karamihan sa mga tao ay na, “Kung makakalipad lang sana ako sa himpapawid sakay ng eroplano.” Maaaring may ganoon silang hiling, hindi ba? Pero ano ang hiling ng mga anticristo? “Isang araw, gusto kong tubuan ng mga pakpak at lumipad sa malayong lugar!” May ganoon silang mga aspirasyon—ikaw ba? (Wala.) Bakit wala? Dahil hindi ito makatotohanan. Kahit na kabitan ka pa ng dalawang malalaking pakpak, makakalipad ka ba? Hindi ka ganoong klaseng nilikha, tama? (Tama.) Ang mga taong tulad ng mga anticristo ay palaging umaasa sa kanilang imahinasyon, palaging hinahangad ang mga ninanais nila. Maliligtas ba sila? (Hindi.) Hindi ito ang klase ng mga taong inililigtas ng Diyos. Inililigtas ng Diyos ang mga nagmamahal sa katotohanan, nagtutuon sa realidad, at praktikal na naghahangad sa katotohanan. Ang mga palaging nagnanais na maging mga superman o nakatataas sa iba ay may sira ang ulo, hindi sila normal na mga tao, at hindi sila ililigtas ng Diyos.
Kapag nakikipag-ugnayan ang mga anticristo sa nagkatawang-taong Diyos, may tendensiya silang magtanong ng mga kakaibang tanong. Ang kakayahan nilang magtanong ng mga ganito ay kumakatawan sa kanilang malalim na pangangailangan at sa kung ano ang sinasamba nila sa kanilang puso. Sa simula, sa pagpapatotoo sa nagkatawang-taong Diyos, palaging itinatanong ng mga tao na, “Nagbabasa ba ng Bibliya sa bahay ang diyos? Hindi sa nagtatanong ako para sa sarili ko, sa totoo lang ay hindi naman ako interesado sa usaping ito; nagtatanong lang ako para sa mga kapatid. Marami sa kanila ay may ganito ring iniisip. Pinagninilayan nila sa puso nila na kung talagang madalas na binabasa ng diyos ang Bibliya, ibig sabihin, ang makapagsalita tungkol sa Bibliya at makapagpahayag ng katotohanan ay talagang normal. Gayumpaman, kung hindi binabasa ng diyos ang Bibliya at kaya pa rin itong ipaliwanag, magiging mahimala iyon, magiging tunay siyang diyos!” Siyempre, hindi ganito mismo ang sinasabi nila; direkta nilang tinatanong na, “Nagbabasa ba ng Bibliya sa bahay ang diyos?” Ano sa tingin ninyo? Dapat Ko ba itong basahin o hindi? Binabasa ba ninyo ito? Kung hindi pa kayo kailanman nanampalataya kay Jesus, magiging normal na hindi ito basahin. Binabasa ba ito ng mga taong nananampalataya na? (Oo, binabasa nila ito.) Siguradong ginagawa ito ng mga nananampalataya na. Nagsimula Ako na nananalig kay Jesus, paanong hindi ko babasahin ang Bibliya? Paano naman kung hindi Ko ito binasa? (Normal lang din iyon.) Ang pagbabasa ng Bibliya ay normal, siyempre ang hindi pagbabasa nito ay normal din. Ano ba ang tinutukoy ng pagbabasa nito o hindi pagbabasa nito? Kung wala Ako sa posisyong ito, may pakialam ba ang sinuman kung nabasa Ko ang Bibliya o hindi? (Wala.) Wala namang magtatanong kung ano ang nabasa Ko. Dahil nasa espesyal na posisyon Ako, pinag-aaralan ng ilang tao ang usaping ito. Palagi nilang inuusisa ito, itinatanong na, “Binasa ba niya ang Bibliya noong bata pa siya?” Ano ba mismo ang gusto nilang malaman? May dalawang posibleng paliwanag, depende kung nabasa Ko ba ito o hindi. Kung nabasa Ko na ito, sa tingin nila, hindi malaking bagay ang maipaliwanag Ko ang Bibliya. Gayumpaman, kung hindi Ko pa nabasa ang Bibliya at kaya Ko pa rin itong ipaliwanag, iyon ay parang katulad ng diyos. Ito ang resultang ninanais nila. Gusto nilang alamin ang pinakapunto nito; iniisip nila, “Kung hindi mo pa nabasa ang Bibliya, at kaya mo pa ring talakayin ito sa gayong kabatang edad, karapat-dapat iyong imbestigahan. Ito ang diyos!” Iyon ang pananaw nila, at pinag-aaralan nila ang Diyos sa ganitong paraan. Ngayon, isaalang-alang ninyo ang mga Pariseong iyon na bihasa sa Kasulatan. Talaga bang naiintindihan nila ang mga salita sa Kasulatan? Natuklasan ba nila ang katotohanan sa Kasulatan? (Hindi.) Ngayon, pinag-isipan ba ito ng sinumang nagtanong sa Akin kung nabasa Ko na ba ang Bibliya? Kung naisaalang-alang nila ito, hindi nila palaging sisiyasatin ang usaping ito, hindi nila gagawin ang isang napakahangal na bagay. Ang mga taong hindi naaarok ang katotohanan o walang espirituwal na pang-unawa, at hindi maarok ang diwa at pagkakakilanlan ng Diyos ay gumagamit na lang ng gayong pamamaraan para lutasin ito sa huli. Malulutas ba ng pamamaraang ito ang isyung ito? Hindi, hindi nito malulutas. Malulutas lamang nito ang maliit na isyu. Sa katunayan, binabasa Ko rin ang Bibliya. Sino sa mga mananampalataya ang hindi nagbabasa ng Bibliya? Ginagawa Ko ang payak na pagbabasa nito. Kahit papaano man lang, binabasa Ko ang Apat na Ebanghelyo ng Bagong Tipan, mabilisang binabasa ang Pahayag at Genesis, at sinisilip ang Isaias. Ano sa tingin ninyo ang paborito Kong basahin? (Ang Aklat ni Job.) Mismo. Kompleto at partikular ang kuwento sa Job, madaling maunawaan ang mga salita, at bukod doon, mahalaga at puwedeng makatulong at makapagbigay-aral sa mga tao ngayon ang kuwentong ito. Ipinakita na ng mga katunayan ngayon na talagang may napakalaking epekto ang kuwento ni Job sa mga sumunod na henerasyon. Marami silang naarok na katotohanan sa pamamagitan ni Job—mula sa saloobin niya sa Diyos, pati na rin sa saloobin at pakahulugan ng Diyos kay Job, naarok nila ang layunin ng Diyos at kung anong klaseng landas ang dapat nilang tahakin pagkatapos manampalataya sa Diyos. Ginagamit ko ang Aklat ng Job bilang konteksto para magbahagi tungkol sa ilang paraan kung saan natatakot ang mga tao sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, pati na rin ang ilang partikular na paraan ng pagpapasakop sa Diyos—talagang mahalaga ang kuwentong ito. Ito ay dapat basahin ng isang tao kapag may libre siyang oras. Kapag nakikita ng ilang tao ang Diyos na naging tao at nasaksihan nila ang pagiging praktikal at normal ng Diyos, maaaring hindi nila malaman kung Siya ba talaga ang Diyos o kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Gayumpaman, pagkatapos maunawaan ang ilang katotohanan, binibitiwan nila ang mga katanungang ito. Tumitigil sila sa pananaliksik o pag-aalala sa mga usaping ito at tumutuon na sa maayos na paggawa ng kanilang mga tungkulin, pagtahak sa wastong landas na dapat nilang tahakin, at paggawa ng gawaing dapat nilang gawin nang maayos. Pero para sa ilang tao, hindi nila ito bibitiwan kailanman; ipipilit nilang pag-aralan ang mga ito. Ano sa tingin ninyo; dapat Ko bang asikasuhin ang usaping ito? Dapat ko ba itong pansinin? Hindi kailangan na bigyang-pansin ito. Ang mga tumatanggap sa katotohanan ay kusang humihinto sa pagsasaliksik dito, samantalang ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay patuloy itong ginagawa. Ano ang ipinahihiwatig ng pagsasaliksik na ito? Ang pananaliksik ay isang uri ng paglaban. Sa mga salita ng Diyos, may isang kasabihan. Ano ang resulta ng paglaban? (Kamatayan.) Ang paglaban ay humahantong sa kamatayan.
Bagama’t tinanggap ng ilang anticristo ang yugtong ito ng gawain, madalas nilang iniisip kung ang mga salita bang binigkas at ang gawain bang ginawa ng nagkatawang-taong Diyos ay may anumang supernatural na elemento, kung may mga elemento bang lampas sa normal na saklaw ng pagkatao, at kung may mga elemento ba na puwedeng makuha para patunayan ang pagkakakilanlan Niya bilang Diyos. Madalas nilang sinasaliksik ang mga usaping ito, walang kapagurang pinag-aaralan kung paano Ako magsalita, ang galaw at hitsura Ko habang nagsasalita Ako, pati na rin ang mga prinsipyo ng mga kilos Ko. Saan nila ginagamit ang pagsasaliksik na ito? Sinusukat at pinag-aaralan nila ito kumpara sa imahe o pamantayan ng mga kilala at dakilang tao na naarok nila. Itinatanong pa nga ng ilan, “Dahil ikaw ang nagkatawang-taong diyos, ang pagkakakilanlan at diwa mo ay siguradong iba sa mga ordinaryong tao. Kung gayon, saan ka magaling? Anong mga espesyal na abilidad ang mayroon ka na sapat para sundan at sundin ka namin, at para tanggapin ka namin bilang aming diyos?” Talagang pinahirapan Ako ng tanong na ito. Sa totoo lang, hindi Ako magaling sa kahit ano. Wala Akong mga mata na nakakakita sa lahat ng direksiyon o mga tainga na nakakarinig sa lahat ng panig. Pagdating sa pagbabasa ng mga teksto, hindi Ko kayang magbasa ng sampung linya sa isang tingin lang, at ilang sandali matapos magbasa, nakakalimutan Ko na ang binasa Ko. May kaunti Akong alam sa musika, pero hindi Ako marunong magbasa ng sheet music. Kung may taong kakanta ng isang awit nang dalawang beses, kaya Kong sumabay kumanta, pero kasama na ba iyon sa pagiging magaling? May espesyal ba Akong mga talento, gaya ng pagiging bihasa sa Ingles o pagsasalita ng isang partikular na wika? Wala Akong kayang gawin sa mga ito. Kung gayon, saan ba Ako magaling? May kaunti Akong alam sa musika, sining, sayaw, literatura, pelikula, at disenyo. Mayroon Akong mabababaw na pagkaunawa sa mga larangang ito. Kapag nakikipagtalakayan ng mga teorya sa mga eksperto, puro walang kabuluhang salita ito sa Akin, pero kaya Ko itong maunawaan kapag nakita Ko ito. Halimbawa, sa disenyong pang-arkitektura, kung may kinalaman ito sa propesyonal at teknikal na datos, hindi Ko ito nauunawaan. Gayumpaman, kung tungkol ito sa mga kulay at sa pagkakatugma ng mga estilo, may kaunti Akong alam at ilang pagkaunawa. Pero kung makakapag-aral ba Ako para maging isang eksperto o may talento sa larangang ito, mahirap masabi iyon dahil hindi Ko pa ito napag-aaralan. Kung titingnan ang mga puwedeng ma-access ng mga tao ngayon, ang musika, literatura, sayaw, at pelikula, ang mga bagay na nasa saklaw ng propesyonal na gawain ng ating iglesia, ang pag-aaral nang kaunti ay makapagbibigay sa Akin ng simpleng pagkaunawa. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ngayon alam ko na ang pinanggalingan mo; mayroon ka lang simpleng pagkaunawa.” Hindi Ako nagsasalita nang huwad; totoo, mayroon lang Akong simpleng pagkaunawa. Gayumpaman, may isang bagay na maaaring hindi ninyo naaarok, at iyon ay maaaring ang Aking kadalubhasaan. Anong kadalubhasaan iyon? Nauunawaan Ko kung anong propesyon ang nauugnay sa isang partikular na larangan, kung paano naipapahayag ang isang partikular na sining, at kung anong saklaw at mga prinsipyo ang napapaloob dito. Pagkatapos maging bihasa sa mga ito, alam Ko na kung paano gamitin sa gawain ng iglesia ang mga kapaki-pakinabang na bagay na ito, para mapagserbisyo ang mga iyon sa gawain ng ebanghelyo, at makamit ang pagiging epektibo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Ito ba ay pagiging bihasa? (Oo.) Pagdating naman sa kung ano ang pinakakulang sa sangkatauhan ngayon, kung magagamit ng isang tao ang mga tamang pamamaraan at pagkatapos ay maipapahayag ang katotohanang may kinalaman dito, tutulutan ang mga taong makita at matanggap ito, ito ang pinakaepektibo. Kung gagamit ka ng pamamaraan na matatanggap ng mga tao at makapagpapahayag ka ng katotohanan at malinaw kang makapagpapaliwanag sa gawain ng Diyos, na lahat sa paraan na matatanggap at maaabot ng normal na pag-iisip ng tao—labis itong kapaki-pakinabang sa mga tao. Kung gagamitin natin ang mababaw na kaalamang mayroon tayo at gagamitin natin ang lahat ng kapaki-pakinabang na bagay na ito, magiging sapat na ito para matamo ang ganitong uri ng kadalubhasaan. Mahusay Ako sa isang bagay, naisip na ba ninyo kung ano? (Mahusay ang Diyos sa pagbabahagi ng katotohanan.) Maituturing bang kasanayan ang pagbabahagi ng katotohanan? Hindi ba’t kadalubhasaan iyon? Kung gayon, saan Ako magaling? Mahusay Ako sa pagtuklas sa tiwaling diwa na nasa loob ninyong lahat. Kung hindi Ako magaling dito, sabihin ninyo sa Akin, paano Ako makakagawa tuwing may mga lumilitaw na problema sa inyo at hindi Ko alam kung anong tiwaling disposisyon o kalikasang diwa ang ipinapakita ng mga ito? Magiging imposible iyon. Maaari bang sabihin na ang pagtuklas sa inyong tiwaling diwa ay kung saan Ako pinakamahusay? (Oo.) Dapat dito Ako maging pinakamahusay. Pinakamahusay Ako sa pagkilala ng tiwaling disposisyon ng mga tao at ng kanilang kalikasang diwa. Mahusay Ako sa pagkilatis ng landas na tinatahak ng isang tao at ng kanyang saloobin sa Diyos batay sa kanyang kalikasang diwa. Pagkatapos, sa pamamagitan ng kanyang mga pagpapamalas, pag-uugali, at diwa, ibinabahagi Ko sa kanya ang katotohanan, tinutugunan ang mga partikular na isyu at tinutulungan siyang lutasin ang kanyang mga problema at makalabas sa mga iyon. Ang totoo, hindi ito isang kasanayan; ministeryo Ko ito, gawain itong nasa saklaw ng Aking responsabilidad. May kasanayan ba kayo rito? (Wala.) Kung gayon, saan kayo magaling? (Sa pagpapakita ng katiwalian.) Hindi tumpak na magaling kayo sa pagpapakita ng katiwalian. Magaling kayo sa pagiging hindi natitinag ng katotohanan pagkarinig ninyo rito, pagtrato rito nang hindi seryoso, at bihasa kayo sa pagkilos nang pabasta-basta habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin nang hindi ito sineseryoso. Hindi ba’t ganoon? (Oo.) Lantaran Kong sinasabi sa inyo ang mga ito; kaya ba ng mga Pariseo at anticristong magsalita sa inyo nang ganito? (Hindi, hindi nila kaya.) Siguradong hindi sila nagsasalita nang ganito. Bakit hindi? Itinuturing nila ito na kahiya-hiya, isang kakulangan sa pagkatao, isang bagay na pribado at may kinalaman sa pinanggalingan ng isang tao. Sinasabi nila, “Paano ko hahayaan ang iba na malaman ang pinanggalingan ko? Kung mangyayari iyon, hindi ba’t mapapahiya ako, mawawalan ako ng dignidad at katayuan? Paano ako aasal kapag nagkagayon?” Ayon sa kanila, mas mabuti pang huwag na silang mabuhay! Kaya, pagkatapos Kong lantarang ibahagi sa inyo ang sitwasyon Ko, naaapektuhan ba nito ang pananalig ninyo sa Diyos? (Hindi, hindi ito nakakaapekto.) Kahit na mayroon pa kayong ilang ideya tungkol dito, hindi Ako natatakot. Bakit Ako hindi natatakot? Ang pagkakaroon ng ilang ideya ay normal; pansamantala lamang ito. Maaaring makaranas paminsan-minsan ng mga ilusyon na nakikita at naririnig ang mga tao. Palaging may posibilidad na magkaroon ng pansamantala at baluktot na pagkaunawa o ng isang panandaliang maling pagkaunawa. Ibig sabihin ba nito ay mag-aalsa balutan na ang mga tao dahil dito o magiging negatibo at mahina na sila? Pero kung tunay mong hinahangad ang katotohanan, magagawa mo bang itatwa o iwan ang Diyos dahil lang sa mga panandaliang kuru-kuro? Hindi, hindi mo magagawang umalis. Ang mga taong tunay na hinahangad ang katotohanan ay kayang harapin at arukin nang tama ang mga usaping ito, kaya nilang tanggapin nang normal ang mga katunayang ito nang hindi nila namamalayan, at unti-unting gawin ang mga iyon na isang tunay na kaalaman sa Diyos, isang obhetibo at tumpak na kaalaman—ito ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Isang araw, maaaring sabihin ng isang tao, “Sobrang nakakaawa ang nagkatawang-taong diyos; wala siyang ibang magawa maliban sa magsabi ng katotohanan.” Anong klaseng tono ito? Tono ito ng isang anticristo. Sumasang-ayon ba kayo sa kanila? (Hindi ako sumasang-ayon.) Bakit hindi kayo sumasang-ayon? (Ang sinasabi nila ay hindi totoo.) Ang sinasabi nila ay totoo. Ang nagkatawang-taong Diyos, bukod sa nagagawa Niyang ipahayag ang katotohanan sa Kanyang pananalita, ay wala nang ibang alam gawin; wala Siyang partikular na kasanayan. Nakakaawa ba ito? Ganoon ba sa tingin ninyo? (Hindi.) Kung gayon ano sa tingin ninyo? Sinasabi ng ilang tao, “Mismong dahil ordinaryo at normal ang Diyos, gumagawa ng praktikal na gawain, kung kaya’t tayo bilang isang tiwaling sangkatauhan, ay may pagkakataong makamit ang kaligtasan. Kung hindi, lahat tayo ay hahantong sa impiyerno. Mayroon tayong malaking kalamangan ngayon, kaya tamasahin natin ito nang palihim!” May ganito ba kayong pakiramdam? (Oo.) Pero iba ang ilang tao. Sa tingin nila, “Nagsasalita lang ang diyos; walang supernatural sa kanya. Ano ang napapala ko? May mga sarili akong kuru-kuro at ideya tungkol sa diyos, at hinuhusgahan ko ang diyos nang patalikod, pero hindi pa ako dinisiplina ng diyos. Hindi pa ako nagdusa o naparusahan.” Unti-unti, lumalaki ang kapangahasan nila, at naglalakas-loob silang magsalita ng kahit ano. Sinasabi ng ilang tao, “Ganito mo dapat makilala ang nagkatawang-taong diyos: Kapag nagsasalita, gumagawa, at nagpapahayag siya ng katotohanan, ang espiritu ng diyos ang gumagawa sa loob, at ang katawang-tao ay balat lang, isang kasangkapan. Ang tunay na diwa ay ang espiritu ng diyos; ang espiritu ng diyos ang nagsasalita. Kung hindi dahil sa espiritu ng diyos, masasabi ba ng katawang-tao ang mga salitang iyon?” Parang tama ang mga salitang ito kapag pinakinggan mo ang mga ito, pero anong dala ng mga ito? (Kalapastanganan.) Tama, kalapastanganan ang mga iyon—isang napakasamang disposisyon! Ano ang sinusubukan nilang sabihin? “Isa kang napakakaraniwang tao. Wala kang marangal na anyo, hindi ka kahanga-hangang tingnan. Ang pananalita mo ay hindi mahusay o sopistikado sa teoretikal na paraan—kailangan mo munang mag-isip bago ka magsalita ng kahit ano. Paanong ikaw ang nagkatawang-taong diyos? Bakit ka sobrang pinagpala at masuwerte? Bakit hindi ako ang nagkatawang-taong diyos?” Sa huli, sinasabi nila, “Ito ay pawang paggawa at pagsasalita ng espiritu ng diyos; ang katawang-tao ay daanan lamang ng espiritu, isa itong kasangkapan.” Napapanatag sila sa pagsasabi nito. Ito ay inggit, na humahantong sa pagkamuhi. Ang implikasyon ay, “Paanong ikaw ang nagkatawang-taong diyos? Bakit napakapalad mo? Paano mo natamo ang kalamangang ito? Bakit hindi ko ito nakuha? Sa tingin ko ay hindi ka mas magaling kaysa sa akin. Hindi ka ganoon kagaling magsalita, hindi gaanong kataasan ang pinag-aralan mo, mas kaakit-akit ako kaysa sa iyo, at mas matangkad ako kaysa sa iyo. Paano ka naging mas lamang sa akin? Paanong ikaw ang nagkatawang-taong diyos? Bakit hindi ako? Kung ikaw ang nagkatawang-taong diyos, maraming tao rin ang ganoon. Kailangan ko ring ipaglaban ito. Sinasabi ng lahat na ikaw ang diyos, wala akong magagawa roon, pero huhusgahan pa rin kita nang ganito. Ang pagsasalita nang ganito ay nakakabawas sa pagkamuhi ko!” Hindi ba’t mabangis ito? (Oo.) Naglalakas-loob silang magsabi ng kahit ano para makipagkompetensiya sa posisyon—hindi ba’t paghahanap ito ng kamatayan? Kung ayaw mong tanggapin na Siya ay Diyos, sino ba ang pumipilit sa iyo? Pinilit ba Kita? Hindi naman Kita pinilit, hindi ba? Una, hindi Ako nakiusap sa iyo na tanggapin ito. Ikalawa, hindi Ako gumamit ng matitinding paraan para puwersahin kang tumanggap. Ikatlo, hindi nakialam ang Espiritu ng Diyos, hindi sinabi sa iyong dapat kang tumanggap, o kung hindi ay parurusahan ka. Ginawa ba ito ng Diyos? Hindi. May karapatan kang pumili nang malaya; puwede mong piliing huwag tumanggap. Kaya, kung ayaw mong tumanggap, bakit sa huli ay tumatanggap ka pa rin? Hindi ba’t naghahangad ka lang ng mga pagpapala? Nagnanais sila ng mga pagpapala pero hindi nila kayang tumanggap o sumunod, o ayaw pa rin nila, kaya ano ang ginagawa nila? Nagsasabi sila ng masasamang salitang gaya niyon. Narinig na ba ninyo ang mga ganitong klaseng salita noon? Hindi lang isa o dalawang beses Ko nang narinig ang mga iyon sa ilang tao. Iniisip ng ilang tao, “Nagsimula kaming manampalataya sa diyos kasama mo. Noong panahong iyon, bata ka pa, madalas na isinusulat ang mga salita ng diyos. Kalaunan, nagsimula kang mangaral. Isa ka lamang ordinaryong tao; alam namin ang pinanggalingan mo.” Anong klaseng pinanggalingan ba ang mayroon Ako? Isa lamang Akong ordinaryong tao; iyon ang katotohanan tungkol sa Akin. Dahil lamang ordinaryo at normal Ako, at napakaraming tao ang napapasunod Ko sa Akin ngayon, hindi ba’t iyan ang dahilan kaya ayaw mo? Kung ayaw mo, huwag kang manampalataya. Ito ang gawain ng Diyos; hindi Ko puwedeng iwasan ang responsabilidad Ko, wala Akong kadahilanan, at wala Akong ginawang nakakasakit o nakakapinsala. Kaya, bakit mo Ako hinaharap nang may ganitong pananaw? Kung ayaw mo, huwag kang manampalataya. Manampalataya ka kung kanino ka handang manampalataya; huwag kang sumunod sa Akin. Hindi kita pinilit. Bakit ka sumusunod sa Akin? Pumunta pa nga ang ilan sa bahay Ko para mag-imbestiga. Ano ba ang iniimbestigahan nila? Tinanong nila Ako, “Umuuwi ka ba? Kumusta naman ang kabuhayan mo sa bahay ngayon? Ano ang ginagawa ng mga miyembro ng pamilya mo? Nasaan sila? Kumusta naman ang pamumuhay nila?” Siniyasat pa nga ng ilang tao ang dagdag na sapin o kumot sa bahay Ko. Hindi talaga handa ang mga taong ito na manampalataya sa Diyos! Bakit hindi sila handa? Dahil iniisip nila, “Hindi dapat ganito ang diyos. Hindi dapat sobrang liit ng diyos, sobrang normal at praktikal, at napakakaraniwan at ordinaryo. Napakapangkaraniwan niya, pangkaraniwan hanggang sa punto na hindi na namin siya nakikilala bilang diyos.” Kaya bang makilala ng mga mata mong walang espirituwal na pang-unawa ang Diyos? Kahit pa bumaba ang Diyos mula sa langit para sabihin sa iyo ito, hindi mo pa rin Siya makikilala. Karapat-dapat ka bang makakita sa tunay na persona ng Diyos? Kahit pa malinaw na sabihin sa iyo ng Diyos na Siya ang Diyos, hindi mo ito tatanggapin. Makikilala mo ba Siya? Anong klaseng mga tao ito? Ano ang kalikasan nila? (Kabuktutan.) Ang mga taong ito ay talagang “pinalalawak ang pananaw Ko.”
Simula nang gawin Ko ang gawain ng Diyos, habang isinasakatuparan Ko ang Aking gawain nang may pagkakakilanlan at posisyong ito, nakasalamuha Ko ang ilang tao. Dahil naharap Ako sa ganitong iba’t ibang klase ng mga “talento,” naobserbahan Kong dalawang salita ang hindi maihihiwalay sa tiwaling disposisyon ng mga tao: ang “masama” at “buktot”—pareho itong nakapaloob dito. Bakit nila Ako pinag-aaralan araw-araw? Bakit ayaw nilang tanggapin ang pagkakakilanlan Ko? Hindi ba’t dahil masyado Akong ordinaryo at normal na tao? Kung nasa anyo sana Ako ng isang espirituwal na katawan, maglalakas-loob ba sila? Hindi sila maglalakas-loob na pag-aralan Ako nang ganito. Kung mayroon Akong katayuan sa lipunan, samahan pa ng mga espesyal na abilidad, ng imahe at anyo ng isang dakilang tao, at isang medyo masama, mapang-api, at walang awang disposisyon, maglalakas-loob ba ang mga taong ito na pumunta sa bahay Ko para imbestigahan at pag-aralan Ako? Siguradong hindi sila maglalakas-loob; iiwasan nila Ako, magtatago sila kapag nakita nilang parating Ako, at siguradong hindi sila maglalakas-loob na pag-aralan Ako, hindi ba? Kung gayon bakit nila nagagawang pag-aralan Ako nang ganito? Ang tingin nila sa Akin ay madaling target. Ano ang ibig sabihin ng madaling target? Ibig sabihin niyon ay masyado Akong ordinaryo. Ano ang ipinahihiwatig ng “ordinaryo”? “Tao ka lang; paanong ikaw ang diyos? Lubos kang walang kaalaman, pinag-aralan, mga kaloob, mga talento, at mga abilidad na dapat mayroon ang diyos. Paanong kagaya ka ng diyos? Hindi ka niya katulad! Kaya, mahirap para sa akin na tanggaping diyos ka, na sumunod sa iyo, makinig sa iyong mga salita, at magpasakop sa iyo. Kailangan kong mag-imbestigang mabuti: kailangan kitang pagmasdan, bantayan, at hindi hayaang gumawa ng anumang hindi tama.” Ano ang sinusubukan nilang gawin? Kung may katayuan Ako sa lipunan at kaunting katanyagan, halimbawa, kung isa Akong napakahusay na mang-aawit, at isang araw ay nagpatotoo Ako na Ako ang Diyos, ang Cristo, hindi ba’t kahit papaano ay may ilang taong makukumbinsi? Mas kakaunti ang bilang ng mga taong pag-aaralan Ako. Ang katunayan lang na ordinaryo, normal, praktikal, at masyadong karaniwan Ako, iyon ang nagbubunyag sa maraming tao. Ano ang ibinubunyag ng mga iyon tungkol sa kanila? Ibinubunyag nito ang kabuktutan nila. Hanggang saan umaabot ang kabuktutang ito? Umaabot ito sa puntong kapag nadaanan Ko sila, pag-aaralan nila Ako nang matagal, maghahanap ng wangis ng Diyos sa likod Ko, sinusuri kung may mga himalang kasama sa pananalita Ko. Madalas silang naghahaka-haka sa puso nila na, “Saan galing ang mga salitang ito? Napag-aralan ba ang mga iyon? Parang hindi naman ganoon: Mukhang wala naman siyang oras mag-aral. Malaki na ang ipinagbago niya nitong mga nakaraang taon; mukhang hindi ito isang bagay na pinag-aralan. Kung gayon, saan galing ang mga salitang ito? Mahirap itong maarok; kailangan kong maging maingat,” at patuloy silang nag-aaral. Ang mga patuloy na nag-aaral ay hindi nakikibahagi, nakikisalamuha, o nakikipag-usap sa Akin nang harapan; palagi silang nagmumuni-muni sa likod Ko, palaging gustong makakita ng mga kamalian sa mga salita Ko, at makakuha ng kalamangan. Kaya nilang pag-aralan nang ilang araw ang isang pangungusap na hindi naaayon sa mga kuru-kuro nila, at ang isang medyo mahigpit na pananalita ay maaaring bumuo ng kuru-kuro sa kanila. Saan galing ang mga ito? Galing iyon sa mga isip at kaalaman ng mga tao. Anong klaseng mga tao ang kayang pag-aralan ang Diyos, ang kayang palaging gamitin ang mga pag-iisip nila upang maghaka-haka sa Diyos? Puwede ba silang iuri bilang mga taong may buktot na disposisyon? Oo naman! Dahil may oras at lakas ka, napakahusay kung kaya mong pagnilayan ang katotohanan! Aling katotohanan ang hindi masyadong matagal para sa iyo na pagbahaginan at pagnilayan? Napakaraming katotohanan na maaaring hindi mo magawang pagnilayan ang lahat ng iyon sa buhay na ito. Napakaraming katotohanan ang kailangang maunawaan ng tao. Hindi sila nakararamdam ng pasanin sa usaping ito, pero hindi nila kailanman nakakalimutan ang mga panlabas at mababaw na usaping iyon at palagi nilang pinag-aaralan ang mga iyon. Sa sandaling magsalita Ako, kumukurap-kurap ang mga mata nila, tinititigan ang hitsura Ko, sinisiyasat ang mga kilos at ekspresyon Ko, at naghahaka-haka sa puso nila na, “Mukha ba siyang diyos sa aspektong ito? Ang pananalita niya ay hindi mukhang sa diyos, hindi tumutugma ang itsura niya. Paano ko siya maaarok? Paano ko makikita kung ano ang iniisip niya tungkol sa akin sa kaibuturan ng kanyang puso? Ano ang iniisip niya tungkol sa usaping ito at sa usaping iyon? Paano niya ako binibigyang-kahulugan?” Palagi silang nagkikimkim ng mga kaisipang ito. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Hindi na ito maliligtas pa—napakabuktot nito!