Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos, at sa panlabas, mukhang sumusunod sila sa Kanya. Pero sa kaibuturan ng mga puso nila, kailanman ba ay napagnilayan na nila ang landas na tinahak nila at ang halagang ibinayad nila? Nasiyasat na ba nila at pinagsikapang makita kung nagampanan ba nila ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos? Ano ba mismo ang saloobin ng mga tao sa kanilang pakikitungo sa Diyos? Kung huhusgahan mula sa iba’t ibang bagay na ipinakita at ibinunyag ng mga tao at kahit ang pinakatatago nilang pagpapakana, pati na rin ang lahat ng disposisyong nabunyag sa mga bagay na ito na ginagawa nila sa pagtrato nila sa Diyos, ano ba ang nagawa ng mga tao para sa Diyos? Maliban sa pagbabayad ng halaga at lubusang pagsasaalang-alang ng mga bagay na may benepisyo sa mga sarili nila, ano ang mga saloobin ng mga tao sa Diyos, at ano ang inihahandog nila sa Kanya? Walang iba kundi saloobing nagpapakana, nagkakalkula, nagbabantay, at nanghahamak. Ang panghahamak ay isang saloobin at ano ang pag-uugaling umuusbong sa saloobing ito, kung ipapahayag bilang pandiwa? “Ang mangutya.” Narinig na ba ninyo ang salitang ito? (Narinig na namin.) Ang “mangutya” ay medyo pormal na termino. Ano ang sinasabi natin sa kolokyal na pananalita? Sinasabi nating “manukso,” “manloko ng isang tao,” “makipagbiruan sa isang tao.” Mukha kang hindi mapagpanggap sa kanila, mukha kang taos-puso; sa mga mata nila ay wala kang halaga at nangangahas silang lantaran kang kutyain—anong uri ng disposisyon ito? Para sa isang taong may disposisyong gaya nito, anghel ba ang nananahan sa puso niya, o demonyo? (Isang demonyo.) Demonyo ito. Kung kaya niyang tratuhin ang Diyos nang ganito, ano ba talaga siya kung gayon? Kaya ba niyang isagawa ang mga salita ng Diyos? Kaya ba niyang magpasakop sa mga salita ng Diyos? Ang isang taong gaya ng lalaking nagpadala sa Akin ng mga regalo, halimbawa—hindi niya hinahanap ang katotohanan, ni nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Wala siya ni katiting na ideya kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, kung ano ang gustong makita ng Diyos, o kung ano ang gustong makamit ng Diyos mula sa tao. Siya ay katulad lang ng isang taong nakikipag-usap sa amo niya, pinagtutuunan kung paano ito bobolahin at lilinlangin, tinatrato ito sa anumang paraan na magbibigay-daan para makamit niya ang mga minimithi niya—ano ba talaga ang ipinamumuhay ng ganitong tao? Namumuhay siya sa pambobola, iniraraos ang kasuklam-suklam na buhay sa pamamagitan ng pambobola sa mga lider niya. Bakit siya naghandog sa Akin ng ganitong “pagmamalasakit” at “kabaitan”? Hindi niya mapigilan ang sarili niya, hindi ba? Nahulaan kaya niya kung ano ang mararamdaman Ko tungkol dito? (Hindi.) Tama iyan; hindi niya naunawaan. Talagang wala siyang normal na isip ng tao. Hindi niya alam at wala siyang pakialam kung paano Ko titingnan, tutukuyin, o sisiyasatin ang kanyang pag-uugali at disposisyon. Sa anong bagay siya may pakialam? May pakialam siya sa kung paano niya Ako bobolahin para makamit ang mga mithiin niya at pagkatapos ay bibigyan ng mabuting impresyon tungkol sa kanya. Iyan ang layunin niya tuwing may ginagawa siyang mga bagay-bagay. Anong uri ng pagkatao ito? Ito ba ang gagawin ng isang taong may tunay na konsensiya at katwiran? Maraming taon ka nang nabubuhay, kaya dapat mong maunawaan: Una, hindi Ko kailangan ang pambobola mo. Pangalawa, hindi Ko kailangan na handugan mo Ako ng anumang bagay. Pangatlo, at ang pinakamahalaga, dapat mong maunawaan na anuman ang ginagawa mo, anuman ang mga layunin at mithiin mo, at anuman ang kalikasan ng ginagawa mo, may tinutukoy at may nagiging kongklusyon Ako sa lahat ng ito. Hindi ito paggawa mo ng isang bagay at pagkatapos noon ay tapos na; sa kabaligtaran, kailangang malinaw Kong makita kung ano ang mga layunin at motibo mo. Tinitingnan Ko lang ang disposisyon mo. Malamang sasabihin ng ilang tao, “Napakalupit Mo sa mga tao!” Ganoon ba Ako? Hindi talaga ganyan ang iniisip Ko. Dahil talagang hindi Ako malupit kung kaya’t sinusubukan ng ilang tao na samantalahin ang sitwasyon. Hindi ba’t ganoon? Sa sandaling makasalamuha Ako ng ilang tao, iniisip nila, “Nakikita kita bilang regular na tao lang. Hindi ka kailangang masyadong pansinin. Ikaw ay halos katulad ko lang: Kumakain ka rin nang tatlong beses sa isang araw, at hindi ko nakikitang may anumang awtoridad o kapangyarihan ka. Wala kang masasabi paano man kita tratuhin. Ano ba ang magagawa mo sa akin?” Anong paraan ng pag-iisip ito? Saan ito nanggagaling? Galing ito sa disposisyon ng isang tao. Bakit may ganitong disposisyon ang mga tao? Ito ay dahil may mga demonyong nananahan sa mga puso nila. Dahil may mga demonyong nananahan sa mga puso nila, gaano man kadakila ang tingin nila sa Diyos, gaano man kadakila ang tingin nila sa katayuan ng Diyos, gaano man sila nananampalataya na nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos para iligtas ang mga tao, gaano man nila ipinapahayag sa mga salita nila ang kanilang pagpapasalamat, at gaano man nila ipinapakita ang kahandaan nilang magdusa at magbayad ng halaga, pagdating ng panahon para gampanan ang tungkulin nila, ang mga demonyo ang mangunguna sa mga puso nila, at ang mga demonyo ang magtatrabaho. Anong uri ng tao, sa pananaw ninyo, ang mangangahas na linlangin at kutyain kahit ang Diyos? (Isang demonyo.) Ito ay isang demonyo; ito ay tiyak.

Sa ating naunang pagbabahaginan, mula sa aling diyalogo sa pagitan ni Satanas at ng Diyos natin makikita ang disposisyon ni Satanas? Sinabi ng Diyos, “Satanas, saan ka nanggaling?” Ano ang isinagot ni Satanas? (“Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7).) Anong uri ng pananalita iyan? (Pananalita ng demonyo.) Ito ay pananalita ng demonyo! Kung tinrato ni Satanas ang Diyos bilang Diyos, sasabihin nito, “Tinanong ako ng Diyos, kaya sasabihin ko kung saan ako nanggaling sa isang maayos na paraan.” Hindi ba’t maayos na pananalita iyan? (Oo.) Ito ay isang pangungusap na naaayon sa normal na pag-iisip ng tao: isang kompletong pangungusap, tama ang gramatika at madaling maunawaan. Iyan ba ang sinabi ni Satanas? (Hindi.) Ano ang sinabi nito? “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.” Nauunawaan ba ninyo ang pangungusap na ito? (Hindi.) Hanggang ngayon, walang nakakaunawa kung ano ang ibig sabihin nito. Kung gayon saan nanggaling si Satanas? Saan siya namanhik manaog? Saan siya nanggaling, at sa aling daan siya papunta? Mayroon bang anumang tiyak na sagot sa mga katanungang ito? Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin nauunawaan ng mga nagpapakahulugan sa Bibliya kung saan talaga nanggaling si Satanas, o kung gaano katagal bago ito dumating sa harap ng Diyos at nakipag-usap sa Kanya; wala sa mga bagay na ito ang nalalaman. Kung gayon paano nasagot ni Satanas ang pagtatanong dito ng Diyos nang may ganitong tono at ganitong pananalita? Tinanong ba ito ng Diyos nang seryoso? (Oo.) Kung gayon sumagot ba ito sa parehong paraan? (Hindi.) Ano ang saloobing mayroon ito nang sumagot sa Diyos? Isang may pangungutya. Ito ay tulad ng pagtatanong mo sa isang tao, “Saan ka nanggaling?” at sumagot siya, “Hulaan mo.” “Hindi ko kayang hulaan.” Alam niyang hindi mo mahuhulaan, pero pinapahula niya pa rin sa iyo. Nakikipaglokohan lang siya sa iyo. Ganito ang saloobing tinutukoy na panloloko sa isang tao o pangungutya sa kanya. Hindi siya sinsero, at hindi niya gustong malaman mo; gusto lang niyang lokohin ka at makipaglokohan sa iyo. Ganyan na ganyan ang disposisyon ni Satanas. Sinabi Kong may ilang taong may mga demonyong nananahan sa mga puso nila; hindi ba’t ito ang paraan nila ng pagtrato sa Diyos? Kung titingnan ang panlabas nilang anyo ng pagpunta kung saan-saan, paggawa ng mga bagay, at paminsan-minsang pagtitiis ng ilang paghihirap at pagbabayad ng maliit na halaga, hindi sila magmumukhang gaya ng mga taong ito; mukhang nasa puso nila ang Diyos. Pero mula sa mga saloobin nila sa paraan nila ng pagtrato sa Diyos at sa katotohanan, nakikita mo na ang nananahan sa mga puso nila ay isang demonyo, at iyon lang ang naroon. Ni hindi nila kayang direktang sagutin ang mga tanong ng Diyos—sila ang uri ng mga tao na paikot-ikot lang gaya ng mga ahas, hanggang sa hindi mo na makita ang sagot at hindi mo na maintindihan kung ano ba ang sinasabi nila. Anong uri ba sila ng mga tao? Maaari ba silang maging sinsero sa kanilang pakikitungo sa Diyos? Dahil may saloobin sila ng panghahamak at pagkasuklam sa pagtrato nila sa Diyos, maisasagawa ba ng mga ganitong tao ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil nananahan ang mga demonyo sa mga puso nila. Hindi ba’t ganyan iyan? (Oo, hindi talaga nila tinatrato ang Diyos bilang Diyos.) Iyan ang kabuktutan ng mga ganitong tao. Ang kanilang kabuktutan ay nasa pag-iisip na ang integridad, pagpapakumbaba, normalidad, at praktikalidad ng Diyos na nakikita nila ay hindi ang dahilan kung bakit kaibig-ibig ang Diyos—pero ano ang mga ito kung gayon? Iniisip nila na ang mga ito ay mga pagkukulang ng Diyos; na ang mga ito ay mga bahaging madalas na pinanggagalingan ng mga kuru-kuro; na ang mga ito ang pinakamatitinding kapintasan ng Diyos na sinasampalatayaan nila; na ang mga ito ay mga kakulangan, mga problema, at mga kamalian. Paano dapat tingnan ang mga ganitong tao? Ito ang paraan at ang saloobing ginagamit nila para tratuhin ang Diyos; ito ay kahiya-hiya para sa Diyos, pero paano naman sa mga sarili nila? May nakukuha ba silang anumang benepisyo mula rito? Ito ay insulto rin sa mga sarili nila. Bakit Ko sinasabi iyan? Bilang ordinaryong tao, kung may taong kaswal na nagbigay sa iyo ng isang bagay para kainin, at kinuha mo ito at kinain na parang isa kang hangal, nang walang pakialam sa mga katunayan ng usaping ito at nang hindi man lang nagtatanong kung tungkol saan ito, hindi ba’t iminumungkahi niyan na may kulang sa iyong pagkatao? Ang tao bang may kulang sa kanyang pagkatao ay normal na tao? Hindi. Kung ang nagkatawang-taong Cristo ay hindi man lang nagtaglay ng normal na pagkataong tulad nito, Siya ba ay karapat-dapat pa rin sa pananalig ng sinuman? Hindi na. Ano ang mga tanda ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos? Ang pagkamakatwiran, pag-iisip, at konsensiya Niya ang pinakanormal. Nagtataglay ba Siya ng kakayahang humatol? (Oo.) Kung wala Ako niyan, kung magulo lang ang pag-iisip Ko na walang sentido komun o kabatiran, hindi kayang mag-isip kapag may mga nangyayari sa Akin, maituturing pa rin ba Akong normal na tao? Iyan ay magiging depektibong pagkatao, hindi normal na pagkatao. Matatawag ba ang ganitong tao na Cristo? Noong nagkatawang-tao ang Diyos, pipiliin ba Niya ang ganoong laman? (Hindi.) Tiyak na hindi. Kung walang-ingat Kong ginawa iyon, karapat-dapat bang sundin ang ganoong Diyos, ang Siya na kilala bilang ang nagkatawang-taong Diyos? Hindi, at mapupunta kayo sa maling landas. Ito ay isang aspekto, mula sa perspektiba Ko. Sa kabilang banda, mula sa perspektiba ninyo, kung ituturing mo Siya bilang Diyos, bilang ang sinusundan mo, at bilang tagasunod Niya ay tatratuhin mo Siya sa ganitong paraan—kung gayon saan mo inilulugar ang sarili mo? Hindi ba’t kahiya-hiya iyan sa iyo? (Ganyan nga.) Kung sa tingin mo, ang Diyos na sinasampalatayaan mo ay talagang hindi karapat-dapat na irespeto mo, pero nananampalataya ka pa rin sa Kanya, ano ang sinasabi nito tungkol sa iyo? Magulo ba ang isip mo? Lito ka bang tagasunod? Hindi ba’t ipapahiya mo ang sarili mo? (Oo.) Pero kung iniisip mo na nagtataglay Siya ng lahat ng aspektong ito ng normal na pagkatao, na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, pero ganoon pa rin ang ginagawa mo, hindi ba’t ipinapahiya mo ang Diyos? Parehong may basehan ang dalawang perspektibang iyon. Makikita mo ang problema tumingin ka man mula sa perspektiba ng Diyos o ng sa tao—at ang problema rito ay seryoso! Hindi ba? (Oo.) Mula sa perspektiba ng tao, kung itinuturing mo Siya bilang Diyos at tinatrato mo Siya nang ganito, lantaran mong ipinapahiya ang Diyos. Kung iniisip mo na Siya ay hindi Diyos bagkus isang tao, pero sinusunod mo pa rin Siya, hindi ba’t pagsasalungatan iyan? Hindi ba’t ipinapahiya mo ang sarili mo? Pagnilayan mo ang dalawang aspektong ito; tama ba Ako? Hindi ba’t ganoon nga? Bakit hindi maisip ng mga tao ang mga bagay na ito? Bakit gusto pa rin nilang kumilos sa ganitong paraan? Ito ba ay dahil lang hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Huwag na natin itong masyadong tingnan nang malalim; sa pagtingin lang dito mula sa perspektiba ng kakayahan, sila ay mga hangal na walang-isip. Bakit Ko sinasabing wala silang isip? Anong isip ang tinutukoy Ko? Ito ay tungkol sa pag-iisip. Ang paggawa ng isang bagay nang hindi nag-iisip, nang hindi alam kung paano timbangin ang mga positibo at negatibo, nang hindi alam kung paano ituring ang kalikasan ng ginagawa mo o kung dapat mo bang gawin ito o hindi, ay pagiging walang-isip. Anong uri ng bagay ang walang isip? Walang isip ang mga hayop at halimaw, pero isasaalang-alang ng mga tao ang mga bagay na ito. Maaaring gumawa ng mga hangal na bagay ang mga tao sa sandaling may bugso ng damdamin, pero kung paulit-ulit nilang ginagawa ang mga parehong hangal na bagay, maaari silang ituring na walang isip. Ang isang taong walang isip ay taong may napinsalang katwiran o, sa kolokyal, isang taong maluwag ang turnilyo. Pero halata ang kanyang pagiging makasarili, at ang mga tuso niyang panlilinlang ay hindi talaga nagkukulang, kaya sinasabi Ko na nananahan ang mga demonyo sa mga puso ng mga tao.

Iniisip ba ninyong lahat na pagpapalaki lang ng isyu ang pagbabahaginan tungkol sa pagbibigay ng regalo? Kung hindi Ako nakipagbahaginan tungkol dito at kaswal Ko lang na binanggit ito, magkakaroon ba ito ng ganitong epekto sa inyo, matapos ninyo itong mapakinggan? (Hindi.) Sa pinakamainam na, pagkatapos makinig, maaaring mapagnilayan ninyo, “Paano nagawa ng lalaking ito ang ganoong bagay? Hindi ako gumagawa ng mga bagay na tulad niyan; talagang iba’t iba ang uri ng mga tao!” Sa pinakamainam na, iyon ang maaaring maisip ninyo. Maaaring pag-usapan ninyo ito nang kaunti, at iyon na iyon—pero magkakaroon ba kayo ng ganito kalalim na pagkaunawa tungkol dito? (Hindi.) Hindi kayo magkakaroon ng ganito kalalim na pagkaunawa rito. Kung gayon, ano ang mga benepisyong dala ng Aking mga salita sa inyo? Anong katotohanan ang nakamit ninyo? Una sa lahat, kailangan Ko kayong paalalahanan: Sa pagitan ng tao at ng Diyos, ano ang pinakamabuting uri ng relasyong dapat itatag? Kapag may taong lumalapit sa Diyos, paano niya dapat makasundo ang Diyos kapag malapit niya Siyang nakakaugnayan? Hindi ba’t kinakailangang hanapin ang mga prinsipyo para dito? (Oo.) Higit pa rito, sa maraming taong pananampalataya sa Diyos, ano ang mga insidenteng nangyari sa mga pang-araw-araw na buhay ng mga tao na kapareho ng kalikasan ng lalaki sa kuwento? Hindi ba’t karapat-dapat pagnilayan ang mga tanong na ito? Maaari bang matuto ang isang tao ng aral at sabihing, “Hindi pinapahintulutan ng Diyos kahit ang maliliit na pagkakamali, kaya lubhang seryoso ito. Mas mabuti pang hindi tayo lumapit sa Kanya, malapit na makipag-ugnayan sa Kanya, o humarap sa Kanya—hindi Siya dapat balewalain! Kapag nagkamali ka, lubos Niyang palalakihin ang isyu at mapupunta ka sa seryosong panganib. Tiyak na hindi Ko siya bibigyan ng anumang bagay!”? Katanggap-tanggap bang mag-isip nang ganito? (Hindi.) Sa totoo lang, hindi ninyo kailangang mag-alala: Hindi tayo nagkakaroon ng maraming oportunidad para magkalapit, at lalo nang mas kaunti lang ang sandali natin para makisalamuha sa isa’t isa, kaya hindi ito usaping kailangan ninyong alalahanin. Kung makikisalamuha Ako sa inyo balang araw, huwag kayong mag-alala; may lihim Akong sasabihin sa iyo. Makasundo mo man Ako o pribado kang manalangin at maghanap, ano ang numero unong lihim? Anuman ang gawin mo, huwag kang makipagpaligsahan ng talino sa Akin; kung mahilig kang makipaglaban, lumayo ka sa Akin. May ilang taong nagsasalita nang matindi ang katusuhan, gumagawa ng ilang pakana sa isang kurap ng mata, at bawat pangungusap na binabanggit nila ay may karumihan; kung magsasalita pa sila, hindi mo malalaman kung aling mga salita ang totoo at alin ang hindi. Ang mga ganitong tao ay dapat hindi kailanman lumapit sa Akin. Kapag nakipag-ugnayan ka sa Diyos at nakisalamuha ka sa Kanya, ano ang numero unong importanteng bagay na dapat mong gawin at ang numero unong importanteng prinsipyong dapat mong sundin? Magtaglay ka ng tapat na puso sa pagtrato mo sa Diyos. Matuto ka ring magpitagan. Ang pagpipitagan ay hindi pagiging magalang; hindi ito pambobola o paghingi ng pabor, hindi rin ito pagpapalakas ng sarili o pagiging sipsip. Kung gayon, ano ba talaga ito? (Ito ay pagtrato sa Diyos bilang Diyos.) Ang pagtrato sa Diyos bilang Diyos ay isang pangunahing prinsipyo. Paano naman ang mga detalye? (Matuto kang makinig sa Diyos.) Iyon ay isang aspekto ng pagsasagawa. May ilang taong nakikipag-ugnayan sa Akin, at nagsisimula silang magsalita habang nagsasalita pa Ako, kaya hinahayaan Ko silang matapos bago ako magpatuloy. At paano nila Ako tinatrato kapag nagsasalita Ako? Nakikinig sila nang nakapikit ang mga mata. Ano ang ipinapahiwatig nito? Tila sinasabi nito, “Walang saysay ang sinasabi mo. Ano ba ang alam mo?” Iyan ang saloobin nila. Maaaring hindi Ko alam ang lahat, pero may mga prinsipyo Ako, at sinasabi Ko sa iyo ang natutunan, nakita, at naunawaan Ko, pati na rin ang mga prinsipyong alam Ko, at marami-rami kang makakamit mula rito. Pero kung palagi kang titingin sa Akin, mag-iisip na wala Akong anumang alam, at hindi ka maingat na makikinig sa Akin, wala kang anumang makakamit—kakailanganin mo na lang alamin ang mga bagay-bagay para sa sarili mo. Hindi ba’t ganyan? Kaya, dapat kayong matutong makinig sa mga salita ng Diyos. Kapag nakikinig kayo, nililimitahan Ko ba kayo sa paghahayag ng mga pananaw ninyo? Hindi. Sa sandaling matapos Akong magsalita, tinatanong Ko kayong lahat kung mayroon kayong anumang katanungan, at kung may tanong ang sinuman, agad Kong sasagutin ito at sasabihin Ko sa inyo ang mga prinsipyong may kinalaman sa mga tanong na iyon. Paminsan-minsan, hindi Ko lang sinasabi sa inyo ang mga prinsipyo, kundi direkta Ko pang sinasabi sa inyo ang dapat ninyong gawin, dinedetalye ang bawat aspekto. Kahit na may ilang larangang hindi Ko nauunawaan, may mga sarili Akong prinsipyo, at may mga sarili Akong pananaw at pamamaraan ng pagharap sa mga ganitong usapin, kaya tinuturuan Ko kayo base sa kung ano ang sa tingin Ko ay mga tamang pananaw at prinsipyo. Bakit kaya Ko kayong turuan? Ito ay dahil hindi ninyo man lang nauunawaan ang mga bagay na ito. Sa sandaling masagot ang mga katanungang ito, tatanungin Ko uli kung mayroon pang ibang mga tanong; kung mayroon pa, sasagutin Kong muli ang mga ito nang walang pag-antala. Hindi Ko lang gustong makinig ka sa Akin; binibigyan Kita ng pagkakataong magsalita, pero dapat makatwiran ang sinasabi mo—walang kalokohan, at walang pagsasayang ng panahon. Paminsan-minsan, ginagambala Ko ang ilang tao dahil sa kawalan Ko ng pasensya. Sa anong mga pagkakataon? Ito ay kapag pasikot-sikot silang magsalita, gumagamit ng sampung pangungusap para sa maaaring sabihin sa lima. Sa katunayan, nauunawaan Ko sa sandaling marinig Ko sila; alam Ko na ang susunod, kaya wala na silang dapat pang sabihin. Magsalita ka nang maikli at diretsahan; huwag mong sayangin ang oras ng ibang tao. Sa sandaling tapos ka nang magsalita, bibigyan Kita ng sagot, at sasabihin Ko sa iyo kung ano ang dapat mong gawin at ang mga prinsipyo na dapat mong sundin sa paggawa nito. Diyan na dapat matapos ang usapin, hindi ba? Pero hindi ito maintindihan ng ilang tao, at sinasabi nila, “Hindi, dapat respetuhin Mo ako; dapat nirerespeto natin ang isa’t isa. Natapos Ka nang magsalita, pero hindi pa ako tapos magpahayag ng perspektiba ko. Ang perspektiba ko ay ito—kailangan ko uling magsimula sa umpisa.” Palagi nilang gustong magpahayag ng mga pananaw nila, sa paniniwala na hindi Ko batid ang mga ito, samantalang sa katunayan, sa sandaling magsimula silang magsalita, alam Ko na kung ano ang mga pananaw nila—kaya kailangan pa ba nilang magpatuloy? Hindi na kailangan. May mga taong napakababa ng talino kaya gumagamit sila ng sampung pangungusap para sa isang usapin na maaari namang sabihin sa dalawa lang, at kung hindi Ko sila pahihintuin, patuloy lang silang magsasalita. Naunawaan na ng lahat; hindi Ko pa rin ba nauunawaan? Gayumpaman, gusto pa rin nilang ipahayag ang mga sarili nila, kaya hindi lang ang talino nila ang mababa—mahina rin ang pangangatwiran nila! May mga nakasalamuha na ba kayong ganitong tao? (Oo.) Iniisip nilang matalino sila kahit na mahina ang pangangatwiran nila at mababa ang katalinuhan nila. Hindi ba’t nakapandidiri iyon? Nakakasuka at nakapandidiri iyon. Kapag nakipag-ugnayan ang mga tao sa Diyos, ang pangunahing bagay ay ang tratuhin Siya nang may tapat na puso; ang pangalawa ay dapat matuto ang mga tao ng pagpipitagan; at ang pangatlo at ang pinakamahalagang bagay ay ang matutong hanapin ang katotohanan. Hindi ba’t iyan ang pinakamahalaga? (Iyan nga.) Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos kung hindi mo hinahanap ang katotohanan? Ano ang halaga ng pananampalataya sa Kanya? Nasaan ang saysay nito? Dito sa puntong ito maaaring magkulang ang karamihan ng tao, kaya bakit ito kailangang pag-usapan? Ito ay paghahanda para sa hinaharap; kailangan ninyong matutunang magsagawa sa ganitong paraan kapag nangyari sa inyo ang mga ganitong bagay sa hinaharap.

Sa iglesia, marami Akong nakaugnayang tao, at ang ilan sa kanila ay inatasan Kong gumawa ng ilang bagay. Pagkatapos ng ilang araw, binigyan nila Ako ng tugon, ipinakita nila sa Akin na isinulat nila ang lahat ng inatas Ko, at na ngayon ay isinasakatuparan na nila ang bawat isa sa mga ito. Nang makatagpo nila Ako, nag-ulat sila sa Akin tungkol sa progreso ng implementasyon, kung anong mga isyu ang nangangailangan ng paghahanap, at kung alin ang naghihintay pa ng mga resulta, binigyan nila Ako ng kompletong ulat. Napakalinaw ng pagpapaliwanag nila sa mga detalye, at kahit na minsan ay medyo nakatuon sila sa maliliit na detalye, makikita sa mga saloobin nila na seryoso at responsable sila sa kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos, at na alam nila kung ano ang kanilang mga responsabilidad, tungkulin, at obligasyon. Naiiba naman ang ilang tao: inatasan Ko sila ng dalawang gawain, at isinulat nila ang mga ito sa mga kuwaderno nila, pero pagkatapos ng isang linggo, nang hindi pa rin nila naisasagawa ang anumang bagay, naalala lang nila nang tanungin Ko sila tungkol dito—at pagkatapos ay isinulat na naman nila ang lahat sa mga kuwaderno nila. Pagkatapos ng isa pang linggo, noong tanungin Ko sila kung bakit hindi pa rin natatapos ang usaping iyon, nagdahilan sila, sinabi ang ganito at ganyang hirap, bago masigasig na isinulat na naman ang lahat sa mga kuwaderno nila. Saan nila isinulat ang lahat? (Sa mga kuwaderno nila.) Pero wala silang tinandaan sa mga isip nila. Hindi ba’t ito ay pagkakatiwala ng isang bagay sa maling tao? Hindi tao ang mga taong ito. Ang anumang ipinagkatiwala Ko sa kanila ay pumapasok sa isang tainga at lumalabas sa kabila—hindi talaga nila sineseryoso ito. Lahat ng gawaing may kinalaman sa isang partikular na propesyon o sa mga pangkalahatang usapin—pati ang ilang usaping may kaugnayan sa gawain ng iglesia—na inaatas Ko sa mga tao ay nasa saklaw ng kaya nilang makamit; wala sa mga ito ang naglalayong gawing mahirap para sa kanila ang mga bagay-bagay. Gayumpaman, madalas kapag ipinagkakatiwala Ko sa mga lider at manggagawa na gawin ang mga bagay-bagay, ang karamihan sa kanila ay hindi nag-uulat sa Akin pagkatapos nilang tanggapin ang atas, at wala Akong naririnig sa kanila tungkol sa estado ng gawain. Kung ito ba ay isinaayos, kung paano ito ginawa, kung ano ang mga maling nangyari, kung ano ang mga kasalukuyang resulta—hindi sila kailanman nag-uulat tungkol sa alinman sa mga ito o nakikibahagi sa paghahanap. Isinasantabi lang nila ang mga inatas sa kanila, at wala man lang Akong naririnig tungkol sa anumang kinahinatnan. May mga taong may mas seryoso pang problema, na bukod sa bigo silang isagawa ang mga iniatas Ko sa kanila, nagawa pa nila Akong bolahin at linlangin, sabihin sa Akin kung saan sila pumunta at kung ano ang ginawa nila kahapon, kung ano ang ginawa nila noong makalawa, at kung ano ang ginagawa nila ngayon. Tingnan ninyo kung gaano sila kagaling sa pagkukunwari at panlilinlang—wala silang ginawa sa mga bagay na partikular Kong iniatas sa kanila, sa halip pinagkaabalahan nila ang mga walang saysay na gawain habang lubos na magulo ang kritikal na gawain. Anong uri ng pag-uugali ito? Ganap nilang pinabayaan ang mga tamang gawain, at puno sila ng kasinungalingan at panlilinlang!

May isang lalaking nangangasiwa sa pagtatanim. Tinanong Ko siya, “May ilang gulay na mukhang mabuti ngayong taon. Nagtabi ka ba ng mga buto?” “Oo, nagtabi ako,” ang sagot niya. Sabi ko, “Narinig Ko na matagal na nilang inani ang lahat ng gulay at hindi sila nagtabi ng anumang buto.” Sabi niya, “Hindi pa sila tapos sa pag-aani. May mga natira pa!” Pagkatapos sabi Ko, “Nasaan ang mga natirang gulay? Patingin.” Sabi niya, “O? Sige … titingnan ko muna.” Talaga bang nagtabi siya ng anumang buto, o hindi? Hindi. Sa ilang salitang ito na sinabi niya, kasinungalingan ba ang una niyang pahayag na “Nagtabi ako”? (Oo.) At ang pangalawa niyang pahayag, “Hindi pa sila tapos sa pag-aani. May natira pa ring kaunti!”—hindi ba’t isa iyong kasinungalingan? Hindi niya alam kung nagtabi ba sila ng anumang buto, at sinabi niya, “Titingnan ko muna.” Kaya ang pangatlong pahayag ay isa pang kasinungalingan. Mas naging seryoso ang mga kasinungalingan sa bawat pahayag; pinagpapatong-patong niya ang mga kasinungalingan, mas lumalalim ang mga ito—isang bibig na puno ng kasinungalingan! Gugustuhin ba ninyong lahat na makipag-usap sa isang taong may bibig na puno ng kasinungalingan? (Hindi.) Ano ang mararamdaman mo kapag nakikipag-usap ka at nagtatrabaho kasama ang mga taong puno ng kasinungalingan? Nagagalit ka ba? May lakas siya ng loob na manloko ng kahit sino; nagkamali siya kung inisip niya na hindi Ko alam! Karapat-dapat bang manlinlang sa usaping ito? Ano ba ang makakamit niya sa pagiging napakamapanlinlang? Kung nakita mo ang ganitong saloobin sa pagkilos niya, kung tinrato ka niya sa ganitong paraan, ano ang madarama mo? Kung 99 na porsiyento ng mga sinasabi ng isang tao ay kasinungalingan, nakikipagtsismisan man siya o nakikipag-usap tungkol sa trabaho o sa mga seryosong usapin, o nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, wala nang pag-asa ang taong ito. Kaya niyang linlangin ang sinuman; ano siya kung gayon? Gaano katagal na siyang nananampalataya sa Diyos? Palaging sinasabi ng ilang walang pananampalataya na, “Sa abot ng nalalaman ko,” o “Nagsasalita ako mula sa puso,” at sa pamamagitan ng panimulang iyan, nagsasabi sila ng isang totoong bagay. Ang lalaking iyon ay napakaraming taon nang nananampalataya sa Diyos, at nakapakinig na siya ng napakaraming sermon, pero ni hindi siya makapagsabi ni isang totoong salita; lahat ng sinabi niya ay kasinungalingan. Anong klase ng nilalang siya, kung gayon? Hindi ba’t nakakapandidiri at nakakasuklam ito? Marami bang taong gaya nito? Ganito ba kayo? Kapag nakikipag-usap kayo sa Akin, sa anong mga kalagayan kayo magsisinungaling sa Akin? Kung nagdulot kayo ng kung anong kapahamakan, at alam ninyong seryoso ang mga kinahinatnan at maaari kayong mapatalsik, sa sandaling banggitin ito ng iba, magsisinungaling kayo para pagtakpan ito. Maaaring magsinungaling ang sinuman sa ganyang uri ng bagay. Ano pa ang maaaring pagsinungalingan ng mga tao? Ang pagsisinungaling para pagandahin ang kanilang imahe at pataasin ang tingin ng mga tao sa kanila. At saka mayroon ding mga taong alam na hindi sila magaling sa mga gawain nila, pero hindi nila hayagang sinasabi sa Itaas, dahil sa takot na tanggalin sila kung gagawin nila ito. Kapag nag-uulat sila ng gawain nila sa Itaas, nagkukunwari silang naghahanap sila ng mga paraan para lutasin ang problema, na nagbibigay sa iba ng huwad na impresyon. Lahat ng sinasabi nila ay kasinungalingan, at sila ay pundamental na walang kakayahang gumawa ng gawain. Kung hindi sila magtatanong ng ilang katanungan, natatakot sila na makikita ng Itaas ang mga pagkukulang at papalitan sila, kaya nagmamadali silang magkunwari. Ganito ang kaisipan ng mga huwad na lider at anticristo.

Pagnilayan ninyo ang tatlong prinsipyo ng pakikitungo sa Diyos na katatapos Ko lang ibinahagi. Alin ang hindi ninyo kayang gawin, at alin ang madali para sa inyong makamit? Ang katunayan, hindi madali na tunay na isagawa ang alinman sa mga ito, dahil nananahan ang mga demonyo sa puso ng mga tao. Hindi mo makakamit ang mga ito bago mo maiwaksi ang demonyo palabas sa puso mo. Kailangan mong labanan ang demonyo sa puso mo, at kung mapagtatagumpayan mo ito sa bawat pagkakataon, makakamit mo ang mga ito. Kung sa bawat pagkakataon ay mabibigo ka at mabibihag ka nito, hindi mo makakayang tuparin ang mga ito; hindi mo maisasagawa ang alinman sa mga prinsipyo. Kung kaya ninyong tuparin ang lahat ng tatlo, hindi lang kapag nakikisama o nakikipag-usap kayo sa Akin, kundi pati na rin sa mga regular ninyong pakikisalamuha sa mga kapatid, sa pagsunod sa mga prinsipyong ito, hindi ba’t makikinabang kayong lahat mula rito? (Oo.) Ngayong tapos na ang kuwento, pumunta na tayo sa pangunahing paksa.