Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi) Ikaanim na Seksiyon
Malinaw na mahilig ang mga anticristo sa katayuan, at alam ito ng lahat. Hanggang sa anong antas nila gusto ang katayuan? Ano ang mga pagpapamalas nito? Una sa lahat, sinasamantala nila ang anumang pagkakataon para umangat, sa pamamagitan man ng pagsisipsip o mga tusong pamamaraan, o sa paggawa ng mabubuting bagay para makuha ang loob ng mga tao. Ano’t anuman, sa tuwing may pagkakataong umangat, sinasamantala nila ito. Kapag nakamit na nila ang katayuan, mas pinahahalagahan nila ito kaysa dati. Kapag nagkakamit ng katayuan ang mga normal na tao, nahihiya sila at pinipigilan nila nang kaunti ang sarili nila. Bukod dito, isang tungkulin ang posisyon ng isang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos. Hindi ito isang katayuan o isang opisyal na titulo, isa itong tungkulin. Minsan maaaring ibunyag nang kaunti ng mga normal na taong ito ang kanilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas na iniisip na nasa opisyal na posisyon na sila ngayon. Inaakala ng mga normal na tao na medyo katanggap-tanggap na kumilos nang ganito paminsan-minsan, pero kung regular nila itong gagawin, masusuklam sila sa sarili nila at natatakot silang mapapansin ito ng mga kapatid. May dignidad at kahihiyan sila, kaya pinipigilan nila nang kaunti ang sarili nila. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, unti-unti ay hindi na nila masyadong pinapahalagahan ang katayuan. Ano ang magiging positibong epekto nito, at ano ang magiging mabubuting resulta nito? Bibigyang kakayahan sila nitong gawin ang kanilang tungkulin nang may payapang isip. Anuman ang kanilang kasalukuyang papel, ituturing nila itong isang tungkulin. Dahil hinirang sila na mamuno, at ang pamumuno ay kapwa isang pasanin at tungkulin para sa tao, kailangan muna nilang maunawaan kung ano ang mga bagay na nasa saklaw ng tungkuling ito. Kapag wala ka sa tungkulin ng pamumuno, hindi mo kailangang mag-alala sa ilang usapin, at wala ka naman talagang anumang mga pasanin. Pero kapag umako ka ng isang tungkulin ng pamumuno, kailangan mong alamin kung paano maayos na gampanan ang iyong mga gampanin, at kung paano gawin ang tungkulin mo ayon sa mga prinsipyo at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Puwedeng umusad sa ganitong positibong direksiyon ang mga naghahangad sa katotohanan. Kaya, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga naghahangad sa katotohanan pagdating sa kung paano nila hinaharap ang katayuan? Marubdob ang damdamin ng mga anticristo sa katayuan nila, hinahangad, pinahahalagahan, at pinangangasiwaan nila ito. Iniisip nila ang katayuan nila sa bawat pagkakataon. Parang buhay nila ang katayuan. Kung hindi sila iginagalang ng iba, o kung aksidente silang nakapagsabi ng mali at hinahamak sila ng iba, at nawawala ang puwang nila sa puso ng ibang tao, palagi silang nababalisa tungkol sa katayuan nila, at nagiging sobrang maingat sa kanilang pagkilos at pagsasalita. Gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa paghahangad sa katotohanan, hindi nila ito mauunawaan. Ano lamang ang mauunawaan nila? “Paano ko magagampanan nang maayos ang ‘trabahong’ ito at paano ako kikilos gaya ng isang opisyal?” May ilang partikular na pagpapamalas nito. Halimbawa, kapag nagpalitrato ang isang lider ng iglesia kasama ang mahigit sa 20 kapatid, saan pipiliing umupo ng isang taong may dignidad at kahihiyan? Hahanap siya ng isang sulok para doon maupo. Saan karaniwang umuupo ang mga anticristo? (Sa gitna.) Ang pag-upo ba nila sa gitna ang gusto ng lahat o ang personal nilang pagnanais? (Personal nilang pagnanais.) Minsan, maaaring binabakante ng lahat ang gitna para sa kanila, kaya napipilitan silang gumitna, at sa puso nila, masayang-masaya sila sa sarili nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako sinusuportahan ng lahat! Kailangan kong umupo rito. Nakikita ko rito na may puwang ako sa puso ng lahat. Hindi nila kaya na wala ako!” Nasisiyahan at nalulugod sila. Kung ayaw nila sa ideya ng pagbakante ng lahat sa isang pwesto sa gitna, bakit sila uupo roon? Halatang-halata na masayang-masaya sila sa posisyon nila sa mismong sandaling iyon at sa pakiramdam na dulot nito. Kailangan at pinahahalagahan talaga nila ang damdamin ng sandaling iyon, kaya hindi nila tinatanggihan ang posisyon. Umuupo ang lider na ito sa pinakagitna, napapalibutan siya ng dose-dosenang tao, at gumagamit pa nga siya ng unan para mas mamukod-tangi siya. Iniisip niya, “hindi uubra kung kasing-taas ko ang lahat. Paano nito maipapakita ang pagkakaiba ko bilang isang lider? Kailangang itaas ko nang kaunti ang sarili ko, maupo sa gitna, para magiging kitang-kita ako. Ito ang pagkaalam sa tamang mauupuan. Kapag tiningnan ng mga tao ang litrato, ako ang una nilang makikita. Sasabihin nila, ‘Ito ang lider namin na si Ganito-at-ganoon.’ Napakaluwalhati! Tatagal nang napakaraming taon ang litratong ito. Kung hindi ako makikita ng mga tao, at unti-unti nila akong makakalimutan, ano pang saysay ng pagiging lider ko?” Ganito nila sobrang pinahahalagahan ang kanilang katayuan.
Minsan, hinanap Ko ang ilang tao mula sa isang iglesia para malaman ang sitwasyon doon. Pagkatapos nilang i-on ang kanilang video, naupo silang lahat sa harap ng kamera, nag-iwan sila ng espasyo sa gitna. Hindi Ko naunawaan kung bakit at iminungkahi Ko na mas umusod pa sila sa gitna dahil hindi gaanong malaki ang frame ng kamera, at hindi maganda ang kuha ng mukha nila dahil kalahati lang ang nakikita. Pagkatapos niyon, medyo umusod sila sa gitna, pero nag-iwan pa rin sila ng bakanteng upuan sa gitna. Napaisip Ako, “Bakit walang umuupo sa gitna? Para bang may ilang sagradong Buddha roon—bakit walang nangangahas na pumunta roon?” Pagkatapos, isang matabang lalaki ang dumating at naupo na lang sa gitna, na mukha talagang isang sagradong “Buddha,” bilugan at mataba. Nakareserba pala para sa kanya ang upuan sa gitna. Mahuhulaan ba ninyo kung sino ang taong ito? (Ang lider.) Tama, umupo siya sa pinakagitna. Simbolo iyon ng katayuan. Nang dumating ang diyablong ito, na mukhang Buddha, at naupo roon, napakanatural niyang inokupa ang puwestong iyon, na para bang nararapat sa kanya ang puwestong iyon. Masayang-masaya ang lahat na maupo sa magkabilang gilid, habang nakatingin sa kanya nang may paghanga, na para bang “nauunawaan” nila siya nang husto. Para silang grupo ng mga sipsip, na nagsasabi, “Hay, sa wakas ay dumating ka na. Ang tagal ka na naming hinihintay.” Habang nagsasalita Ako, walang nakikinig sa mga sinasabi Ko; naghihintay sila sa lider. Kailangan munang magpakita ng sagradong “Buddha” na ito. Kung hindi siya dumating, hindi Ako makapagpapatuloy na magsalita. Paano niya nagawang maupo roon, at maupo roon nang napakanatural? May kinalaman ba ito sa karaniwan niyang mga kagustuhan, priyoridad, at hinahangad? (Oo.) Anong klaseng eksena ang karaniwang ipinapakita ng mga taong ito? Gamitin ninyo ang imahinasyon ninyo at pag-isipan ninyo ito. Kapag nagho-host ang lider na ito ng isang pagtitipon o kapag pumapasok siya sa isang kwarto kung saan ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, paano siya tinatrato ng mga tao? Para bang isa siyang ninuno o isang Buddha: Agad-agad nila siyang binibigyan ng mauupuan, at kailangang nakareserba para sa kanya ang pangunahing upuan. Ayos lang ba kung hindi nila inireserba ito para sa kanya? Batay sa pangyayaring nakita Ko sa kamera noong sandaling iyon, malamang na hindi magiging ayos kung hindi nila inireserba ang pangunahing upuan para sa kanya—naging isang panuntunan na ito, isang hindi nakasulat na panuntunan. Kapag dumating na ang “Buddha,” dapat agad na ibigay sa kanya ang pangunahing upuan. Kung wala ang “Buddha” roon, dapat manatiling bakante ang pangunahing upuan. Katayuan ang tawag doon. Mayroon ba sa inyong kumikilos nang ganito, at itinuturing ang katayuan na mas mataas kaysa sa lahat ng iba pang bagay? Ano ang mapapansin ninyo mula sa eksenang inilarawan Ko kanina? Iba-iba ang trato ng iba’t ibang tao sa katayuan. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay itinuturing ang kanilang katayuan bilang isang tungkulin, pinahahalagahan nila sa kanilang puso ang atas ng Diyos. Tinatanggap nila ang kanilang tungkulin pero hindi nila iginigiit ang kanilang katayuan. Nakikita ng ilang tao ang katayuan bilang pabigat, naniniwala silang isang dagdag na pasanin ito na nagdudulot ng presyur sa kanila, ng mga limitasyon, at ng gulo pa nga. Gayumpaman, ang mga sumasamba sa katayuan ay tinatrato ang katayuan na parang isang opisyal, at palagi silang nasisiyahan sa mga pakinabang nito. Hindi nila kayang mabuhay nang walang katayuan. Kapag nakamit na nila ito, handa silang isakripisyo ang lahat, kasama na ang buhay nila at ang kanilang respeto sa sarili para dito—handa pa nga silang ipagbili ang kanilang katawan para dito. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Kabuktutan ang tawag dito. Ano ang katayuan sa paningin nila? Isa itong landas at paraan para umangat, at isang pamamaraan para mabago ang kanilang pagkakakilanlan, hantungan, at katayuan sa mga tao. Samakatwid, labis nilang pinapahalagahan ang katayuan. Kapag nakamit na nila ito, at pinakikinggan, sinusunod, pinalalayaw na sila ng mga tao, at sumisipsip sa kanila sa lahat ng bagay, sa halip na masuklam sa lahat ng ito, labis silang nalulugod dito. Katulad ng lider na iyon na umupo sa gitna—napakakalmado at napakakomportable ng postura niya, at may labis na kaluguran at kasiyahan dito. Hindi ba’t buktot ito? Kung labis na tinatamasa ng isang tao ang lahat ng damdamin ng pagiging mas mataas at lahat ng pakinabang na dulot ng katayuan, at talagang hinahangad at pinahahalagahan niya ang mga ito, ayaw bitiwan ang mga ito, napakabuktot ng taong iyon. Bakit Ko sinasabing napakabuktot niya? Pagdating sa mga nambobola, nagsasabi ng mga kaaya-ayang pananalita, at pumupuri sa mga taong may katayuan, ano ang sinasabi nila? Nagsasabi sila ng mga huwad na salita, mga salitang walang kahihiyan, mga nakakasuklam at nakakasukang salita, at mga salita ng panlalansi, at maging ng ilang bagay na nakakasama ng loob. Halimbawa, sabihin natin na may isang taong may katayuan na may isang anak na talagang pangit, matulis ang baba nito at may pisnging gaya ng sa unggoy—sinasabi ba ng mga mambobolang iyon na pangit siya? Ano ang sinasabi nila? (Napakagwapo niya.) Sapat na ba para sa kanila na sabihin na “napakagwapo niya”? Kailangan nilang magsabi ng isang bagay na nakakasuka, tulad ng, “Malapad ang noo niya, at malapad at bilugan ang panga niya. Batay sa itsura ng mukha niya, magiging mayaman siya at magkakaroon siya ng mataas na katayuan sa hinaharap!” Kahit na malinaw na hindi ganito ang sitwasyon, nangangahas pa rin silang hayagang sabihin ang mga kasinungalingang ito. Kapag narinig ito ng opisyal na iyon, natutuwa siya, gustong-gusto niyang marinig ang mga ganitong bagay—nasisiyahan siyang pakinggan ang mga ito. Gaano niya kagustong makinig sa mga ito? Kapag walang sinumang nagsasabi ng mga mapagpaimbabaw na salitang ito, ng mga pambobola, at ng mga panlalansi sa harap niya, kung walang sinumang nagsasabi ng anumang huwad at nakakasuklam na mga salita para pasayahin at palugurin siya, magiging hindi interesante ang buhay para sa kanya. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Napakabuktot nito. Kapag siya mismo ang nagsisinungaling, nakakasuka na talaga iyon, pero nasisiyahan din siya kapag napapalibutan siya ng mga sinungaling gaya ng kumpol ng mababahong langaw, at hindi siya kailanman nagsasawa rito. Gusto niya ang sinumang magaling magsalita, magaling mambola at sumisipsip sa kanya, at nagsasalita nang paligoy-ligoy—pinapanatili niya ang mga taong ito na malapit sa kanya at inilalagay ang mga ito sa mahahalagang posisyon. Hindi ba’t nanganganib ang mga gayong lider? Anong klaseng gawain ang matatapos nila? Hindi ba’t katapusan na ng iglesia kung mapasailalim ito sa kanilang kontrol? Magkakaroon pa rin ba ito ng gawain ng Banal na Espiritu?
Narinig Ko na mahilig kumain ang ilang lider. Noong nakatira sila kasama ng mga kapatid na hindi mahusay sa pagluluto at hindi naghahanda ng masasarap na pagkain, maghahanap sila ng isang host na marunong mambola at sumipsip sa kanila, at na partikular silang ipaghahanda ng masasarap na pagkain araw-araw. Bawat araw, magpapakasawa sa pagkain at pag-inom ang mga lider, sinasabing, “Salamat sa diyos, araw-araw nating natatamasa ang piging ng diyos. Talagang biyaya ito ng diyos!” Nasa panganib ang gayong mga tao. Kahit na hindi pa sila mga anticristo, inilantad na ng pag-uugali nila na mayroon silang kalikasang diwa at buktot na disposisyon ng isang anticristo, at na kasalukuyan din nilang tinatahak ang landas ng isang anticristo. Kung maaari man silang maging mga anticristo, o kung mga anticristo nga sila, nakadepende ito sa landas na pipiliin nila kalaunan. Kitang-kita na kasalukuyan nilang tinatahak ang landas ng isang anticristo at na umaayon ang disposisyong diwa nila sa isang anticristo, at dahil ito sa mahilig sila sa mga negatibong bagay at ayaw nila sa mga bagay na positibo. Hinahamak nila ang mga positibong bagay, kinokondena at tinatanggihan ang mga ito sa puso nila. Ano ang tinatanggap nila? Ang pagkukunwari, mga kasinungalingan, at lahat ng may kinalaman sa mga negatibong bagay. Kapag pumupunta Ako sa isang partikular na lugar, sinasabi ng ilang tao: “Mukhang napagod Ka; magpahinga Ka sandali.” Maayos man ang pakiramdam Ko o hindi at kung kailangan Ko mang magpahinga, alam Ko mismo ang mga ito. Hindi mo kailangang magkunwaring matalino, at hindi mo kailangang magpakitang-gilas kung gaano ka katalino. Hindi Ko ito tinatanggap; nasusuklam Ako rito. Anong klaseng mga tao ang gusto Ko? Iyong mga kayang makipagbahaginan kaagad kapag may nangyayari at nagsasabi sa Akin ng nasa isipan nila. Nakikipagbahaginan Ako sa iyo para malutas ang mga paghihirap mo, at maaari kang maging mas malapit sa Akin. Huwag mong alalahanin ang tungkol sa pagpapakitang-gilas mo at pagtatangkang palugurin Ako—sobrang kasuklam-suklam niyon! Dapat lumayo sa Akin ang ganitong mga tao, dahil nasusuklam Ako sa kanila. Itinuturing kitang isang nakakayamot na langaw o peste. Lumayo ka sa Akin! Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t kailangan Mo ng isang tao sa tabi Mo para pagsilbihan Ka?” Sa pananaw mo, alinsunod sa pagkakakilanlan at katayuan Ko, dapat mayroong kaukulang pagtrato at pagseserbisyo. Pero hindi Ko kailangan iyon. Hindi mo dapat gawin ang mga bagay na ito, naiintindihan mo? Nasusuklam at namumuhi Ako sa mga bagay na ito. Kung talagang nasa puso mo na maging mapagsaalang-alang at mapagmalasakit sa Akin, maraming wastong paraan para gawin iyon. Halimbawa, kung sabihin Ko sa iyong gawin ang isang bagay, masunurin mo itong susundin, at kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, matatalakay mo kaagad ang mga ito sa Akin. Gayumpaman, anuman ang ginagawa mo, huwag mong gayahin ang paraan ng mga walang pananampalataya ng pagpapalakas sa mga taong nasa katungkulan, bumibigkas ng maraming pambobola na masarap pakinggan—ayaw Kong marinig ang mga iyon. Kitang-kita naman na hindi Ako matangkad, pero iginigiit mong sabihin, “Maaaring hindi Ka matangkad, pero mas matangkad ka kaysa sa amin.” Ayaw Kong naririnig iyon, kaya anuman ang ginagawa mo, huwag mo itong sabihin sa Akin; sinasabi mo ito sa maling tao. Gusto ng mga anticristong marinig ang ganitong mga klaseng salita. Halimbawa, tinatanong nila ang mga kapatid na nasa ilalim nila: “Mukha ba akong mataba?” At sinasabi ng ilang tao: “Kahit na mataba ka, mas maayos ang itsura mo kaysa sa amin.” “Kung gayon, payat ba ako?” “Kahit na payat ka, ang ganda mo pa ring tingnan. Ano’t anuman, para kang fashion model; bagay sa iyo ang lahat.” Kapag naririnig ito ng mga anticristo, natutuwa sila at itinuturing ka nilang katuwang at kakampi nila. Kasuklam-suklam at buktot ang lahat ng bagay na ito na kinahihiligan ng mga anticristo—sa paanong paraan pa sila matatawag na buktot? Minamahal ba ng mga anticristo ang mga elemento ng normal na pagkatao, gaya ng konsensiya, katwiran, pagpapahalaga sa kahihiyan, at dignidad, pati na rin ang pagkilatis sa kung ano ang mabuti at masama, itim at puti, at tama at mali, at iba pang mga bagay sa normal na pagkatao? Minamahal ba ng mga anticristo ang mga taong may pagpapahalaga sa kahihiyan? Minamahal ba nila ang mga taong may dignidad? Minamahal nila ang mga taong walang kahihiyan, na labis na nambobola kapag nagsasalita nang walang kamalayan sa sarili at nang hindi nahihiya. Hindi ba’t wala silang pagpapahalaga sa kahihiyan? Kapag mas mapambola ang mga salita mo, mas nagiging masaya sila. Kung titingnan ang mga kagustuhan ng mga anticristo at ang mga saloobin nila sa iba’t ibang bagay, pati na rin ang mga pinipili at tendensiya nila, malinaw na walang hangganan ang kabuktutan nila. Kalimutan mo na ang mga nakakaunawa sa katotohanan—kahit ang mga taong may katiting na pagpapahalaga sa katarungan sa lipunan ay hindi sumasang-ayon sa gayong uri ng pag-uugali. Kita mo, desperadong sumisipsip sa mga nasa katungkulan ang ilang taong nasa mga opisyal na grupo. Ibinibigay nila sa mga nasa katungkulan ang anumang kailangan ng mga ito, ibinibigay pa nga nila maski ang sariling asawa nila—hindi ba’t wala silang dignidad? (Wala.) Bukod dito, nakikipagrelasyon din ang ilang opisyal sa mga kapareho nila ng kasarian, at ang ilang tao na kapareho ng kasarian ng mga opisyal na ito ay makikipaglapit sa mga opisyal na ito, ginagawa nila iyon kahit na hindi nila personal na gusto. Kaya ba ninyong gawin ang gayong mga bagay? (Hindi, hindi namin kaya.) Pero kaya nila. Wala silang moral na batayan, walang pagpapahalaga sa kahihiyan, walang kamalayan ng konsensiya, walang pagkamakatwiran—kaya ginagawa nila ang mga bagay na ito. Ni hindi mo nga kayang bigkasin ang mga bagay na sinasabi nila kahit na ipagawa sa iyo ang mga ito bilang mga linya sa isang dula; mas mapambola pa nga ang mga taong ito kaysa sa mga artista. Ano ang ibig Kong sabihin sa mga artista? Ang ibig Kong sabihin ay ang mga walang pakialam at hindi natitinag kapag nakikita o nadaratnan silang nakahubad. Mga artista ang tawag sa gayong mga tao. Kaya, ang mga mambobolang ito, na may mga nakakasuka at nakakasuklam na salita at gusto ang mga buktot na bagay, ay mas masahol pa kaysa sa mga artista. Ipinagbibili lang ng mga artista ang katawan nila, pero ano ang ipinagbibili ng pangkat na ito ng mga buktot na tao na kilala bilang mga anticristo? Ipinagbibili nila ang kaluluwa nila. Mga demonyo silang lahat, na hindi na matutubos. Kaya parang paghahagis ng mga perlas sa mga baboy ang pagsasalita ng katotohanan sa mga taong ito—imposibleng mahalin nila ang katotohanan. Ganito nila hinaharap ang katayuan, tinatamasa ang iba’t ibang damdamin ng pagiging mas mataas at iba pang magagandang damdaming kasama nito. Ano ang iba’t ibang damdamin na nakukuha sa pagtatamasang ito? Mga positibo o negatibong bagay ba ang mga ito? Pawang negatibong bagay ang mga ito. Kapag nagkakamit sila ng katayuan, umaasa silang matatamasa nila ang pambobola ng mga tao sa kanila, pag-aasikaso sa kanila, at pagbibigay-lugod sa mga interes nila. Gusto rin nilang magtamasa ng espesyal na pagtrato—dapat espesyal lahat ng pagkain, tirahan, at mga bagay na ginagamit nila, at dapat naiiba sila sa lahat ng bagay. Talaga bang may pagkakaiba ang pisikal mong katawan kumpara sa iba? Kapag nakakuha na ang mga anticristo ng katayuan, naniniwala silang marangal at ekstraordinaryo sila, na parang wala nang lugar sa lupa ang angkop para patuluyin sila—dapat mabuhay sila nang maginhawa at pag-alayan ng mga handog ng mga tao. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Sabihin ninyo sa Akin, ito ba ang mga ideyang madalas na iniisip ng mga normal na tao? May katayuan man sila o wala, maaaring may kaunting hangarin at pagnanais ang mga normal na tao para dito, pero dahil nagtataglay sila ng pagpapahalaga sa kahihiyan, konsensiya, at pagkamakatwiran, dagdag pa na ngayon ay mayroon silang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, nababawasan at naglalaho ang pagkapit nila sa katayuan. Bukod dito, kaya na nilang hindi masyadong pahalagahan ang mga pakinabang na kasama ng katayuan, at kung kaya nilang makita na hindi mahalaga ang mga benepisyong dulot nito, kaya na rin nilang masuklam sa pambobola at matatamis na salita, pang-uuto, at iba pang gayong mga pag-uugali ng ibang mga tao, at kaya na nilang layuan o talikuran at abandonahin ang gayong mga bagay. Pero kaya bang abandonahin o bitiwan ng mga anticristo ang mga bagay na ito? Hinding-hindi. Kung hihilingin mo sa kanilang bitiwan ang mga bagay na ito, para bang hinihingi mo ang buhay nila. Kung hindi, bakit sasabihin ng ilang tao na, “Hindi na ako mananampalataya, ayaw ko nang mabuhay, hindi sulit ang mabuhay,” sa sandaling mawala ang kanilang katayuan? Hindi ba’t may nangyayari dito? Bakit napakahalaga ng katayuan sa kanila? Hindi nila kayang mamuhay ng isang nakakabagot at ordinaryong buhay; dapat magkaroon sila ng katayuan, dapat maging angat sila sa marami at magpakasasa sa papuri, pagsamba, at pagtataas ng iba, pati na rin sa mga kasinungalingang naglalayong pasayahin, linlangin, at bolahin sila. Gusto nilang magpakasasa sa mga bagay na ito. Handa bang magpakasasa sa gayong mga bagay ang mga taong may normal na pagkatao? Siguradong hindi; hindi sila mapapakali dahil dito. Bakit gustong magtamasa ng mga anticristo ng mga bagay na ito? Ito ay dahil mayroon silang satanikong disposisyon sa loob nila. Ang mga kauri lang ni Satanas ang naghahangad sa mga bagay na ito at may gayong mga hinihingi. Maaaring tamasahin sandali ng mga normal na tao ang mga bagay na ito, pero kalaunan ay napagtatanto nilang walang kabuluhan ang mga ito at nakakayamot pa nga, at pagkatapos ay lumalayo na sila sa lahat ng iyon. Pero matigas na tumatanggi ang ilang tao na bitiwan ang mga iyon. Halimbawa, bakit hindi kailanman nagreretiro ang ilang artista sa mundo ng pelikula, kahit na tumatanda na sila? Ito ay dahil kung wala ang kaluwalhatiang iyon, kung walang mga taong pumapalibot sa kanila, nakakabagot ang buhay para sa kanila. Sa tingin nila ay hindi na makulay ang buhay, na walang direksiyon ang buhay nila, at na wala na itong kabuluhan at walang halaga. Sa tingin nila ay malungkot na ang buong buhay nila, kaya kailangan nilang bumalik sa industriya ng pelikula para maranasang muli ang pakiramdam ng pagiging isang bituin. Ang katangian nila ay pareho sa mga anticristo: Nagtataglay sila ng katulad na buktot na disposisyon at diwa. Kapag nagkakamit ng katayuan ang mga anticristo, ipinangangalandakan nila ito sa lahat ng lugar, nagiging diktador pa nga sila sa kanilang mga tahanan at pinasusunod nila sa kanila ang mga kapamilya nila. Nagtataglay ng isang buktot na disposisyon at diwa ang mga anticristo, at masyado silang mahilig sa katayuan, sinasadya nilang ipakita at ipangalandakan ito. Anong ipinapakita nito sa atin? May pagpapahalaga ba sa kahihiyan ang mga taong ito? Wala. Nagtatamo sila ng katayuan at iniisip nila na nagbago na ang pagkakakilanlan nila, at nagbago na maging ang relasyon nila sa kanilang mga magulang. Hindi ba’t may problema rito? Baluktot ito! Isang uri ng katibayan na naglalantad sa kanilang buktot na diwa ang kakayahan nilang magkimkim ng gayong saloobin sa katayuan.
Ang Diyos ang Lumikha, at ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ang pinakamataas. Ang Diyos ay nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at kapangyarihan, at mayroon Siyang sariling disposisyon at mga pag-aari at Kanyang pagiging Diyos. May sinuman bang nakakaalam kung ilang taon nang gumagawa ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan at lahat ng nilikha? Ang partikular na bilang ng mga taon na gumagawa at namamahala ang Diyos sa lahat ng sangkatauhan ay hindi alam; walang makapagbibigay ng tiyak na bilang, at hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito sa sangkatauhan. Gayumpaman, kung gagawa si Satanas ng ganitong bagay, ito ba ay iuulat nito? Tiyak na iyon ay gagawin nito. Gusto nitong ipangalandakan ang sarili para iligaw ang mas maraming tao at ipaalam sa mas maraming tao ang mga kontribusyon nito. Bakit hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito? May mapagkumbaba at nakatagong aspekto sa diwa ng Diyos. Ano ang kabaligtaran ng pagiging mapagpakumbaba at tago? Ito ay ang pagiging mayabang at pagpapakitang-gilas. Gaano man kadakila ang gawaing ginagawa ng Diyos, sinasabi lang Niya sa mga tao ang kaya nilang maarok at maunawaan, kontento na Siya sa pagtutulot sa mga tao na makamit ang kaalaman, malaman ang diwa Niya sa pamamagitan ng gawaing ginagawa Niya. Anong mga pakinabang ang idinudulot nito sa mga tao? Anong resulta ang nakakamit nito? Ito ba ay iyong dapat malaman ng mga tao ang mga bagay na ito para sambahin nila ang Diyos? Sa katunayan ay hindi iyon ganoon. Ang magawa ng mga taong sambahin ang Diyos ay ang huling obhetibong kalalabasan, pero ano ang orihinal na layunin ng Diyos sa pagtulot sa mga taong malaman ang mga bagay na ito? Ito ay ang bigyan sila ng kakayahan, pagkatapos nilang magkaroon ng kaalaman sa mga bagay na ito, pagkatapos nilang maunawaan kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan at kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa sangkatauhan at isinasaayos Niya ang sangkatauhan, para magawa nilang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, para hindi na sila lumaban nang walang saysay, at hindi na lumihis—sa ganitong paraan, hindi na masyadong magdurusa ang mga tao. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang natural at pag-iral nang naaayon sa mga paraan at kautusan na ibinibigay ng Diyos, at ayon sa mga hinihingi Niya at mga prinsipyong ibinibigay Niya, hindi ka na mahuhulog sa mga patibong ni Satanas, ni magagawang tiwali at mayuyurakan sa ikalawang pagkakataon. Sa halip, mamumuhay ka magpakailanman sa mga panuntunang itinatag ng Diyos, mamumuhay nang may wangis ng tao at bilang isang nilikha, at matatanggap mo ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ito ang orihinal na layunin at mithiin ng gawain ng Diyos. Kaya, sa napakalaking gawaing ginawa ng Diyos, ipinagyabang na ba Niya ito kahit minsan? Sinabi na ba Niya sa mga tao ang ginawa Niya? Hindi kailanman. Hindi alam ng maraming tao kung ano ang ginawa ng Diyos, o kung anong klaseng mga bagay ang ginawa ng Diyos at ano ang hindi. Sa katunayan, marami nang ginawa ang Diyos, pero hindi Niya kailanman idineklara ang mga ito sa sangkatauhan. Hindi idinideklara ng Diyos ang mga ito sa sangkatauhan; ang kailangan mo lang gawin ay maging malinaw sa dapat mong malaman. Sa hinaharap, magagawa nang umiral nang normal ng sangkatauhan sa lupa at tanggapin ang pamumuno ng Diyos, at kapag dumating ang Diyos sa sangkatauhan, magagawa ng mga taong magkaroon ng mga normal na pakikisalamuha sa Diyos, matanggap Siya, sambahin Siya, makinig sa mga salita Niya, at hindi na lumakad kasama ni Satanas. Sa ganitong paraan, magpapakita na sa lupa ang kaharian ng Diyos, at magkakaroon sa lupa ng isang grupo ng mga taong magagawang sambahin Siya, ng isang grupo ng mga taong kayang makinig sa mga salita Niya at isagawa ang mga ito. Kapag nagkagayon, maisasakatuparan na ang gawain ng Diyos; sapat nang makamit ang resultang ito. Kaya, kapag may ginagawang anuman ang Diyos, kung hindi mo nauunawaan o hindi mo ito alam, hindi ito ipapaliwanag ng Diyos sa iyo. Bakit hindi Niya ito ipinapaliwanag? Hindi na kailangan pang gawin iyon. Maraming bagay ang hindi mo nauunawaan, at hindi ibubunyag ng Diyos sa iyo ang mga partikular na misteryo para ipaalam sa iyo ang mga ito o ipaunawa ang pagkakakilanlan at diwa Niya, o ipaunawa ang kapangyarihan Niya. Hindi gumagawa ng ganitong gawain ang Diyos. Ano ang pinagtutuunang gawin ng Diyos sa kasalukuyan? Nakatuon Siya sa pagpapaunawa sa mga tao sa katotohanan. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, makikilala mo na ang Diyos, magkakaroon ka na ng pundasyon para sa buhay mo, at magagawa mo nang magpasakop at sumamba sa Diyos sa hinaharap, at magagawa mo na ring kilatisin at talikuran si Satanas, hindi ka na malilihis nito o susunod dito—kapag nagkagayon, tapos na ang gawain Niya. Tungkol naman sa mga misteryong iyon, magkakaroon ng pagkakataon ang sangkatauhan na maunawaan ang mga iyon sa hinaharap, pero napakalawak ng mga misteryo ng mga kilos ng Diyos, at kahit na ibunyag ng Diyos ang mga iyon sa iyo, hindi iyon nangangahulugan na makakaunawa ka. Kahit na makaugnayan mo ang mga iyon, maaaring hindi mo maunawaan o maarok ang mga iyon. Bakit ganoon? Ito ay dahil may distansya sa pagitan ng mga nilikha at ng Diyos, sa pagitan ng mga isip ng tao at mga ideya ng Diyos. Halimbawa, maaaring alam mo na ang bahaghari ay isang tanda ng kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, pero alam mo ba kung paano nabubuo ang bahaghari? Kung ipapaliwanag ng Diyos sa iyo ang misteryong ito, mauunawaan mo ba? Hindi, kaya hindi sinasabi ng Diyos sa iyo. Magiging mabigat para sa iyo kung ipapaliwanag Niya ito, dahil kakailanganin mong pag-aralan at suriin ito, na magdudulot ng problema sa iyo. Kaya, walang masyadong sinasabi ang Diyos tungkol sa mga misteryo. Pero kaya bang manahimik ng tao, na nabibilang kay Satanas, kung alam niya ang tungkol sa mga misteryong ito? Hinding-hindi. Dito nagkakaiba-iba ang diwa nila. Ipinapaliwanag ba ng Diyos ang maraming bagay na ibinunyag Niya sa sangkatauhan sa loob ng maraming taon pero hindi naman kayang maunawaan kailanman ng mga tao? Gumagawa ba Siya ng mga kahima-himalang bagay? Hindi. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at alam ng Diyos kung gaano ang kayang maunawaan ng mga tao at kung hanggang sa anong antas nila ito kayang maunawaan. Nasa harap na ng mga tao ang mga bagay na ito, pero kung hindi kinakailangan na maunawaan nila, hindi na sila kailangang liwanagan pa o ipilit ang mga ito sa mga tao at gawing mga pasanin ang mga ito para sa kanila, kaya hindi gumagawa nang ganoon ang Diyos. Kaya, may mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos. Ang pagharap Niya sa sangkatauhan ay may pagpapahalaga, konsiderasyon, at pagmamahal. Nais ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa mga tao—ito ang pinagmulan at orihinal na layunin sa likod ng lahat ng kilos ng Diyos. Sa kabilang banda, ipinangangalandakan ni Satanas ang kanyang sarili, ipinipilit ang mga bagay-bagay sa mga tao, hinihimok silang sambahin ito at mailigaw nito, at inaakay sila na maging masama, upang unti-unti silang maging mga buhay na diyablo at humantong sa pagkawasak. Ngunit kapag nananampalataya ka sa Diyos, kung nauunawaan at nakakamit mo ang katotohanan, makatatakas ka sa impluwensiya ni Satanas at matatamo mo ang kaligtasan—hindi mo mahaharap ang resulta ng pagkawasak. Hindi matiis ni Satanas na makitang maayos ang mga tao, at wala itong pakialam kung mabubuhay o mamamatay ang mga tao; ang iniisip lamang nito ay ang sarili nito, sarili nitong pakinabang, at sarili nitong kasiyahan, at wala itong pagmamahal, awa, pagpaparaya, at pagpapatawad. Hindi taglay ni Satanas ang mga katangiang ito; ang Diyos lamang ang nagtataglay ng mga positibong bagay na ito. Maraming gawain ang nagawa ng Diyos sa mga tao, ngunit kahit kailan ba ay nagsalita Siya tungkol dito? Naipaliwanag ba Niya ito? Naipahayag ba Niya ito? Hindi pa. Gaano man kamali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, hindi Siya nagpapaliwanag. Mula sa perspektiba ng Diyos, animnapu o walumpung taong gulang ka man, napakalimitado ng pagkaunawa mo sa Diyos, at batay sa liit ng nalalaman mo, bata ka pa rin. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito; isa ka pa ring bata na wala pa sa hustong gulang. Hindi mahalaga na maraming taon nang nabubuhay ang ilang tao at nagpapakita na ng katandaan ang katawan nila; napakamusmos at mababaw pa rin ng pagkaunawa nila sa Diyos. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito—kung hindi mo nauunawaan, hindi mo talaga nauunawaan. Iyon ang kakayahan mo at kapasidad mo, at hindi ito mababago. Walang ipipilit ang Diyos sa iyo. Hinihingi ng Diyos na magpatotoo sa Kanya ang mga tao, ngunit nagpatotoo na ba Siya sa Kanyang sarili? (Hindi.) Sa kabilang banda, natatakot si Satanas na hindi malalaman ng mga tao ang kahit pinakamaliliit na bagay na ginagawa nito. Hindi naiiba ang mga anticristo: Ipinagmamalaki nila ang bawat maliit na bagay na ginagawa nila sa harap ng lahat. Sa pakikinig sa kanila, para bang nagpapatotoo sila sa Diyos—ngunit kung pakikinggan mo sila nang mabuti, matutuklasan mong hindi sila nagpapatotoo sa Diyos, kundi nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanilang sarili. Ang layunin at diwa sa likod ng sinasabi nila ay ang makipagtunggali sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, at para sa katayuan. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang buktot na kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na “mapagpakumbaba” si Satanas? Ang “kababaang-loob” ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ka ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, “Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.” Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tinalikuran ang mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan.
Sabihin ninyo sa Akin, kung ang katayuan ng mga anticristo ay kapantay ng sa Diyos, ano ang kakailanganin nilang kainin at suotin? Kakailanganin nilang kumain ng pinakamasasarap na pagkain at magsuot ng mga damit na may pinakamamahaling tatak, hindi ba? Kaya, pagdating sa mga hinihingi nilang mga materyal na bagay, sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t may mga partikular silang pamantayan? Kapag pumupunta sila sa kung saan, kailangan nilang mag-eroplano. Kapag dumating na sila roon, puwede ba silang patuluyin sa mga tahanan ng mga ordinaryong kapatid? Kahit na kaya ng mga ito, hindi makikituloy ang mga anticristo sa mga ito—kailangan nilang tumuloy sa mamahaling hotel. Hindi ba’t napakapartikular ng mga anticristo tungkol sa mga pamantayan nila? Pagdating naman sa karangalan, pagtatamasa, at banidad na idudulot sa kanila ng katayuan, kaya ba nilang bitiwan ang mga ito? Basta’t mayroon silang tamang mga kondisyon at pagkakataon, sinusunggaban at tinatamasa nila ang mga bagay na ito. Ano ang mga prinsipyo nila? Basta’t may katayuan sila, magkakaroon sila ng pera at makakapagsuot ng mamahaling damit at mga palamuti. Ayaw nilang magsuot ng mga ordinaryong bagay; kailangan nilang magsuot ng mga damit na may kilalang tatak. Ang kanilang mga kurbata, terno, kamiseta, cufflink, gintong kuwintas, at sinturon—lahat ay may kilalang tatak. Hindi ito magandang senyales, at hindi ba’t nagdurusa ang mga kapatid dahil dito? Ginagamit ng mga anticristong ito ang perang inihahandog ng mga kapatid para bumili ng mga mamahaling bagay. Hindi ba’t isang malaking kasamaan ang ginawa nila? Hindi ba’t dulot ito ng kanilang kabuktutan? Ito ang klase ng mga bagay na kaya nilang gawin. May isang tao na nagdamit nang simple noong una siyang naging lider, mayroon lang siyang tatlo o limang pares ng damit na walang tatak o hindi mamahalin. Pagkatapos ng ilang taon sa pamumuno, dahil hindi siya gumawa ng anumang tunay na gawain, tinanggal siya. Nang umalis siya, napuno ang sasakyan ng mga gamit niya: mga may tatak na damit, bag, at lahat ng klase ng magandang kagamitan. Hindi naman siya kumita ng pera bilang isang lider, kaya saan galing ang mga gamit na ito? Galing ito sa katayuan niya. Kung tumanggi siya noong binili ng ibang tao ang mga gamit na ito para sa kanya, ipipilit pa rin ba ng mga kapatid na bilhin ang mga ito para sa kanya? Mangyayari ba ang ganoong bagay? Kung ayaw niya sa mga gamit na ito, hindi sana binili ng mga kapatid ang mga iyon para sa kanya. Ano ang problema rito? Puwersahan at sakim niyang kinukuha ang mga ito. Sa isang banda, kinikilan niya ang mga kapatid, at sa kabilang banda, siya mismo ang aktibong bumili sa mga ito. Bukod dito, hinayaan niya ang mga kapatid na bilhin ang mga gamit na ito para sa kanya, at kung sinuman ang tumanggi, inaapi niya ang mga ito at pinahihirapan sila. May kinalaman ang lahat ng dahilang ito. Sa huli, nakatanggap siya ng “masaganang ani” at naging mayaman siya. Naiinggit ba kayo sa ganitong klase ng lider? Kung may pagkakataon kayo, makakamit rin ba ninyo ang ganitong klase ng yaman? Sasabihin Ko sa inyo, hindi mabuting maging mayaman sa ganitong paraan—may mga kahihinatnan ito! Kapag nagiging lider ang ilang tao, natatakot silang mangyari ang mga ito sa kanila. Iniisip nila na magiging masyadong matindi ang mga tukso, na magiging mahirap na iwasan o pangasiwaan ang mga tuksong ito, at na magiging madaling mahulog sa mga ito. Pero walang pakialam ang ilang tao, at iniisip nila, “Normal ito. Sino ba ang nagkakaroon ng katungkulan nang hindi natatamasa ang gayong mga bagay? Bakit ka pa kukuha ng katungkulan kung hindi lang din para doon? Iyon naman talaga ang dahilan!” Anong klaseng tinig ito? Tinig ito ng mga anticristo, at nasa panganib ang mga taong ito.
Halos tatlumpung taon na Akong gumagawa. Nangikil na ba Ako ng kahit ano mula sa kaninuman? Halimbawa, kung nakita Ko ang isang tao na may suot na magandang alahas, kinikil Ko ba ito sa kanya sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe na gaya ng, “Ibigay mo sa Akin ang alahas Mo; hindi ito bagay sa iyo. Ang ginto at pilak na alahas ay para sa mga taong may katayuan, at hindi ito dapat isuot ng mga walang katayuan”? Nangyari na ba ito? Hindi. Kahit na kapag may kaunting pera ang ilang kapatid at binilhan nila Ako ng leather jacket o ng kung ano, palagi Ko itong ibinabalik. Hindi dahil sa ayaw Ko ito; sadyang wala Akong paggagamitan ng mga gayong bagay. Kalaunan, inisip Ko ang tungkol dito: “Paano Ko dapat pangasiwaan nang angkop ang mga bagay na ito? Ano ang dapat Kong gawin para maiwasang masaktan ang mga taong bumili ng mga iyon?” Dinala Ko sa iglesia ang mga bagay na ito para maipamahagi ng mga kapatid ang mga ito nang ayon sa mga prinsipyo. Kung may handang bumili ng mahahalagang aytem na iyon, ipagbibili ng iglesia ang mga iyon nang may diskwento. Hindi ito tungkol sa pagkita ng pera; tungkol ito sa pangangasiwa ng bagay-bagay sa paraang angkop sa parehong panig. Walang sinuman ang dapat tumanggap ng mga ito nang libre dahil hindi ito orihinal na para sa iyo. Limitado ang mga aytem na ito at hindi puwedeng ipamahagi nang pantay-pantay sa lahat, at hindi angkop na ibigay ang mga ito sa sinuman. Kaya, ang magagawa lang ay ang bilhin ang mga iyon ng mga may pera at ng mga handang bumili. Siguradong mas mura ang mga iyon kaysa sa ibinibenta sa merkado, kaya isa itong pabor mula sa sambahayan ng Diyos. May karapatan Akong gawin ang mga bagay sa ganitong paraan. Iyon ay dahil kapag ibinigay sa Akin ang isang bagay, Akin na ito, at may karapatan Akong pangasiwaan ito sa paraang angkop sa pananaw Ko. Wala na itong kinalaman pa sa taong unang bumili nito. Sa pangangasiwa ng mga bagay sa ganitong paraan, naisaalang-alang Ko na ang pagpapahalaga sa sarili ng taong iyon. Wala dapat na anumang pagtutol, dahil ganap na angkop ang pamamaraang ito. Maraming kapatid ang bumili ng bagay-bagay para sa Akin. Hindi Ko sila inatasang bilhan Ako ng bagay-bagay, lalong hindi Ko hiningi sa kanilang gawin ito. Sinsero sila sa paggawa nito, na pinapahalagahan Ko, pero maraming bagay na hindi Ko kayang tanggapin dahil hindi Ko kailangan ang mga iyon. Isa itong praktikal na isyu. Angkop ba ang sinabi Ko? (Oo.) Angkop din ba ang pangangasiwa Ko rito? (Oo.) May ilan ding kapatid na alam na sensitibo Ako sa sipon at hindi Ako kumakain ng malalamig na pagkain, kaya binilhan nila Ako ng ilang gamot para sa “lamig ng tiyan.” Gayumpaman, hindi masyadong maganda ang pakiramdam Ko pagkainom sa mga gamot na iyon—hindi kaya ng katawan Ko ang gayong mga eksperimento, kaya kailangan Kong mag-ingat sa maraming gamot. Kailangan ninyong maunawaan ito. Bumili rin ang ilang kapatid ng ilang health supplement, gaya ng mountain ginseng, pulang ginseng, at iba pang pampalakas. Hindi Ko puwedeng inumin ang anuman sa mga iyon. Bakit? Dahil hindi angkop ang mga iyon sa Akin. Hindi dahil sa hinahamak Ko ang mga binili ng mga kapatid para sa Akin o kung saan nila binili ang mga iyon; hindi Ko lang talaga puwedeng gamitin ang mga iyon; hindi Ko magawang gamitin ang mga iyon. Hindi lahat ng magandang bagay ay angkop sa lahat. Maraming magandang bagay sa lipunan, at kapag ininom mo ang isang mabuting bagay at nagdulot ito ng di-magandang reaksiyon o ng allergy, ibig sabihin, hindi ito nakakabuti para sa iyo. Kaya, paano ito dapat pangasiwaan? Pinakamagandang ipagamit ito sa kung kanino ito naaangkop. Kaya, sasabihin Ko sa inyo, sinumang gumagastos para bilhan Ako ng bagay-bagay, tandaan ninyo ang mga salitang ito—huwag ninyong bilhin ang mga iyon. Kung may kailangan Ako, diretsa Ko itong sasabihin sa iyo, at hindi na Ako magiging masyadong magalang tungkol dito. Kuha ninyo? Pero kapag dinala ninyo ang mga bagay na ito sa Akin, at sinabi Kong hindi Ko kailangan ang mga ito o hindi angkop ang mga iyon, hindi rin iyon nangangahulugan na nagiging magalang Ako sa inyo. Hindi ito huwad o mapagpaimbabaw. Tunay ang lahat ng sinasabi Ko; totoong lahat iyon. Pakiusap, huwag kayong maghanap ng ibang kahulugan kapag nagsasalita Ako. Kapag sinabi Kong hindi Ko ito kailangan, ibig sabihin, hindi Ko ito kailangan. Kapag sinabi Kong hindi Ko ito magagamit, ibig sabihin, hindi Ko ito magagamit. Anuman ang gawin ninyo, huwag na ninyong sayangin ang oras ninyo sa pag-iisip tungkol sa pagbili ng bagay-bagay o paggasta ng pera nang wala namang saysay. Huwag mong isipin na dapat ibigay sa Diyos ang lahat ng magandang bagay—alam mo ba kung kailangan Ko ang mga iyon o hindi? Kung hindi Ko kailangan ang mga iyon, hindi ba’t binili mo ang mga iyon nang walang saysay? Kung tunay na gusto mo Akong ibili ng isang bagay, hayaan mong sabihin Ko sa iyo—huwag mo Akong bilhan ng kahit ano. Kung sinasabi mong binili mo ito para sa Akin para ibahagi sa lahat, ayos lang, kaya Ko itong ipamahagi. Pagdating sa kung paano Ko tinatrato ang gayong mga bagay, at kung paano Ko tinatrato ang mga materyal na pag-aari na dulot ng katayuan at posisyon, ito ang saloobin Ko. Ganito rin ba tinatrato ng mga anticristo ang mga usaping ito? (Hindi.) Unang-una, siguradong hindi nila tinatanggihan ang kahit ano—mas marami, mas maganda. Sinuman ang nagpapadala ng mga regalo sa kanila o kung ano man ang mga ito, tinatanggap nila ang mga ito. Pangalawa, walang dudang nangingikil sila ng ilang bagay mula sa mga tao, at panghuli, kinukuha nila ang ilang bagay para sa sarili nila. Ito ang hinahanap nila at ang gusto nila; ito ang idinudulot sa kanila ng katayuang hinahangad nila.
Tungkol sa buktot na diwa ng mga anticristo, batay sa pagbabahaginan natin kapwa noong nakaraan at ngayon, kaya ba ninyong bumuo ng isang pangungusap ng pagbubuod na naglalantad sa buktot na diwang ito? Ito ang pinakamalaking katangian ng kabuktutan ng mga anticristo: Kinokondena nila ang lahat ng positibong bagay, lahat ng makatarungan at naaayon sa katotohanan, at lahat ng itinuturing na maganda sa sangkatauhan. Namumuhi at tutol sila sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, ang lahat ng negatibo, at lahat ng kinokondena at hindi sinasang-ayunan ng mga taong may konsensiya at katwiran at pagpapahalaga sa katarungan ay ang mismong kinatutuwaan ng mga anticristo. Ito ang mga bagay na hinahangad at pinapahalagahan nila. May isa pang pangungusap na puwedeng magbuod dito: Kinamumuhian ng mga anticristo ang lahat ng positibong bagay na mula sa Diyos at kinamumuhian nila ang mga minamahal ng Diyos, sa halip, minamahal nila ang mismong mga bagay na kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Ito ang kabuktutan sa mga anticristo. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutang ito? Ito ay na may espesyal silang pagkahilig sa lahat ng pangit at negatibong bagay, samantalang nasusuklam at mapanlaban sila sa lahat ng bagay na maganda, positibo, at naaayon sa katotohanan. Iyon ang kabuktutan. Nauunawaan ninyo, hindi ba? Ang pagbabahaginan ngayon ay kinapapalooban ng paksa ng “kung ano ang minamahal ng mga anticristo.” Nagbigay rin tayo ng ilang halimbawa, mas karaniwan ang ilan kaysa sa iba, pero puwedeng gamitin ang lahat ng ito bilang katibayan para ipaliwanag ang buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Susunod, ang kailangan ninyong gawin pagkatapos nito ay ang pag-isipan at pagbahaginan kung aling buktot o mga positibong bagay ang nakikita at nauunawaan ninyo, kung aling mga negatibong bagay ang minamahal ng mga anticristo, kung aling mga positibong bagay ang kinamumuhian nila, at kung ano ang kaya na ninyong maunawaan, pati na rin ang nakikita at nararanasan ninyo. May magkaparehong mga partikular na problema sa mga disposisyon at diwa ang mga anticristo at mga ordinaryong tiwaling tao, at bagama’t maaaring magkakaiba ang tindi ng mga pagkakaparehong ito, pareho ang mga diwa ng kanilang mga disposisyon. Maaaring magkaiba rin ang mga landas na tinatahak nila at ang mga layong hinahangad nila, pero nagbubunyag sila ng maraming magkakaparehong mga tiwaling disposisyong diwa. Samakatwid, ang paglalantad sa iba’t ibang aspekto ng diwa ng mga anticristo ay makakatulong para sa bawat tiwaling tao. Kung kayang kilatisin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang diwa ng mga anticristo, matitiyak nila na hindi sila maililigaw ng mga ito at hindi rin sila sasamba o susunod sa mga ito.
Agosto 7, 2019