Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon

Karagdagang Babasahin: Paglutas sa mga Maling Pagkaunawa ng mga Tao Tungkol sa Pangangasiwa sa Isang Iglesia sa Canada

May kakaibang nangyari noong huling beses na nagtipon tayo. Ano nga iyon? (Tungkol ito sa pangangasiwa sa isang iglesia sa Canada.) Nangyari ito noong nakaraang buwan. Malinaw pa ba ito sa alaala ninyo? (Oo, malinaw pa.) Lubos bang nakaapekto sa damdamin ninyo ang isyung ito? (Oo, nakaapekto nga.) Kapag may mga problemang lumilitaw sa ilang iglesia o sa ilang tao, nagpapasya Ako batay sa mga sitwasyon at tinutugunan Ko ang mga ito ayon sa mga prinsipyo; ganito rin ang kaso nang pinangasiwaan Ko ang isyu ng iglesia sa Canada. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, bakit Ko pinangasiwaan ang isyu gaya nang ginawa Ko noong may lumitaw na anticristo sa iglesia sa Canada at iniligaw ang mga tao? Ano ang mga opinyon ninyo tungkol dito? Mukhang natakot ang ilang tao sa sitwasyong ito. Bakit kaya sila natakot nito? Sabi ng ilan, “Sobrang higpit naman ng pangangasiwa dito. Seryoso ba talaga ang sitwasyon? Paanong pinangasiwaan ito sa ganoong paraan? Napangasiwaan ba ito nang naaayon sa mga prinsipyo? Hindi ba ito napangasiwaan nang padalos-dalos? Ano kaya ang kalalabasan ng ganitong pangangasiwa? Talaga bang ganoon kaseryoso ang ginawa ng mga taong iyon? Batay sa kung ano ang hinihingi sa mga tao roon, at sa kanilang saloobin, mga pahayag, at sa impormasyong narinig mula sa kanila, parang hindi naman sila dapat pinangasiwaan nang ganoon kabigat, hindi ba?” Ganito mag-isip ang ilang tao. May iba namang nagsasabi, “Marahil may mga katwiran at ideya ang Diyos kung bakit Niya pinangasiwaan ito sa ganoong paraan.” Ano bang eksaktong mga ideya ang mga iyon? Mayroon bang orihinal na layon o katwiran para pangasiwaan ang isyu sa ganoong paraan? Makatwiran bang pangasiwaan ang mga taong iyon sa ganoong paraan? (Oo.) Sinasabi ninyong lahat na makatwiran ito, kaya ngayong araw ay talakayin natin ang isyu at tingnan kung bakit talagang makatwirang pangasiwaan nang ganoon ang isyu, kung ano ba talaga ang iniisip ninyo tungkol sa isyung ito, kung ano ang epekto nito sa inyo pagkatapos, kung tama ba o mali ang mga ideya ninyo tungkol dito, at kung may anuman bang mali o baluktot sa mga ideya ninyo. Kung lagi kayong nagpipigil, umiiwas magsalita, at hindi nagpapahayag ng sarili ninyo, laging nakakaramdam ng pagkontra, kung gayon ang mga problema ay hindi kailanman malulutas sa pinakamahusay na paraan, kaya dapat magkaroon tayo ng isang pangkalahatang pagkakasundo. Ano ang mga prinsipyo para magkaroon ng pangkalahatang pagkakasundo? Kung hindi ninyo kayang tanggapin itong paghatol na ginawa Ko, at may mga ideya at kuru-kuro kayo tungkol dito, nakakaramdam kayo ng pagtutol dito, at nagkikimkim pa nga ng mga maling pagkaunawa tungkol dito at may lumilitaw na mga tanong o masasamang ideya, ano ang dapat nating gawin? Dapat nating talakayin ang isyung ito. Kung may iba-iba tayong opinyon, wala tayong pangkalahatang pagkakasundo. Paano tayo magkakaroon ng pangkalahatang pagkakasundo? Puwede bang maghanap ng punto kung saan tayo nagkakasundo habang pinapanatili natin ang mga pagkakaiba? Kung aayusin natin ang mga pagkakaiba sa pamamagitan ng kompromiso, kung magpaparaya Ako nang kaunti, at kayo rin, magiging ayos ba iyon? Maliwanag, hindi ayos iyon. Hindi ito ang paraan para makamit ang pagkakatugma. Kaya, kung gusto nating magkaroon ng pangkalahatang pagkakasundo at magkaroon ng pare-parehong pag-unawa at desisyon sa isyung ito, ano ang paraan para gawin iyon? Dapat ninyong hanapin ang katotohanan, pagsikapan ang katotohanan, at pagsikapang maunawaan ang katotohanan, at kailangan Kong ipaliwanag at gawing malinaw sa lahat ang buong kuwento. Walang sinuman ang dapat magkimkim sa kanyang puso ng anumang maling pagkaunawa tungkol dito. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng iisang pananaw tungkol sa isyu, at pagkatapos ay tapos na ang usapan. Kung mahaharap Ako sa katulad na isyu sa hinaharap, puwede Ko itong pangasiwaan sa parehong paraan, o baka hindi Ko na pangasiwaan sa ganitong paraan, kundi gagamit Ako ng ibang paraan. Kaya, ano ang dapat ninyong matutuhan mula sa isyung ito? (Dapat naming matutuhan kung paano hanapin ang katotohanan at maunawaan kung bakit pinangasiwaan ng Diyos ang usapin sa ganoong paraan.) Nabanggit ninyo ang dalawang aspekto, napakahusay. May iba pa ba? (Dapat naming sikaping maunawaan ang mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos para maiwasang magkasala sa disposisyon ng Diyos. Isang babala ito para sa amin.) Iba pang aspekto ito.

Para maipaliwanag nang malinaw ang pangangasiwa sa iglesia sa Canada, dapat simulan natin sa umpisa. Ano ang dapat nating simulan? Magsisimula tayo sa pag-alis ng mga taong ito sa Tsina. Sobrang layo na ba kung babalikan pa ito? Maaaring nakakatawa ito sa inyo, pero sa totoo lang, hindi ito nakakatawang isyu. Isang kaso ba ito ng paghihiganti para sa nangyari dati? Hindi. Kapag narinig ninyo Akong magsalita tungkol sa mga katwiran Ko, malalaman ninyo kung bakit nagsimula Ako roon. Isantabi muna natin kung ang bawat isa ba na pumupunta sa ibang bansa ay may dalang isang atas, isang misyon, at isang responsabilidad—magsisimula tayo sa isang maliit na isyu—nagkataon lang ba na bawat tao ay kayang umalis sa Tsina? (Hindi.) Hindi ito nagkataon lang. Mula sa pagkakaroon mo ng determinasyon at kahandaang umalis sa Tsina para gampanan ang tungkulin mo hanggang sa makarating ka sa ibang bansa, sa buong prosesong ito, bukod sa pakikipagtulungan mo, sabihin mo sa Akin, sino ang nagtatakda kung maayos ka bang makakaalis sa Tsina? (Ang Diyos.) Tama iyan. Hindi ito natutukoy ng kung anong mga koneksyong panlipunan mayroon ka, at hindi rin ito natutukoy ng kung gaano karami ang pera mo, o kung naayos mo na ba ang lahat ng kailangang dokumento at proseso—lahat ng pumupunta sa ibang bansa ay dapat may parehong pag-unawa at karanasan. Ano ang nararanasan nilang lahat? Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kung ang isang tao ay maayos bang makakaalis sa Tsina; wala itong kinalaman sa kung gaano ba kahusay ang taong ito o kung mayroon ba siyang malaking kakayahan. Hindi ito pagpunta mula sa isang probinsya patungo sa isa pa sa loob ng isang bansa; ito ay pag-alis sa sariling bansa, at nangangailangan ito ng maraming komplikadong dokumento at proseso. Lalo na sa kapanahunan ngayon ng matinding pagsupil at walang tigil na pag-uusig ng malaking pulang dragon sa mga mananampalataya, at mahigpit na pagmamanman sa bawat isa sa kanila, hindi ganoon kadaling asikasuhin ang mga kailangang dokumento at proseso para makaalis sa Tsina. Samakatwid, ang maayos na pagdating ng mga taong ito sa ibang bansa ay lubos na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ipinapakita nito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kung sino ba ang makakaalis sa Tsina, kung maayos bang maaasikaso o hindi ang mga kailangang dokumento at proseso, at kung gaano katagal ba bago ito maasikaso, lahat ng ito ay itinakda ng Diyos, at ang kamay ng Diyos ang namamatnugot at nagsasaayos ng lahat ng ito. Hindi magiging tama kung hindi mo ito paniniwalaan, at hindi rin magiging tama kung hindi mo ito kikilalanin—ang mga ito ang katunayan. Ang isyung ito ay natatapos sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga tao at ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung gagawa tayo ng pinal na pasya tungkol sa pag-alis mo sa Tsina, sino ang nagbigay-daan na mangyari ito? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang gumawa nito. Walang dapat ipagyabang ang mga tao, sa halip dapat nilang pasalamatan ang Diyos. Kaya, ano ang dapat mong gawin? (Magsikap sa pagtupad sa aming tungkulin.) Dapat kang magsikap sa pagtupad sa tungkulin mo at gawin ito nang nakatuon ang isipan. Kung susuriin natin nang malawakan, puwede ba nating gawing pinal na pasya at sabihin na ang pag-alis mo sa Tsina para gampanan ang tungkulin mo ay bunga ng mga pagsasaayos at patnubay ng Diyos, at hindi ng sarili mong kakayahan? (Oo, puwede.) Sabi ng ilan, “Paanong hindi ito bunga ng kakayahan ko? Kahit may patnubay ako ng Diyos, kung hindi Niya ako ginabayan, hindi rin naman magiging mahirap ang pag-alis ko sa Tsina dahil isa akong nakapagtapos na mag-aaral na may kalipikasyong TEM8 sa Ingles, at hindi magiging problema ang pagpasa sa TOEFL na pagsusulit.” Napakakaunti lamang ng mga tao na nasa ganitong sitwasyon. Halimbawa, mayayaman ang ilan at makakapangibang-bansa gamit ang investor visa, pero bihira lang ang ganitong mga pagkakataon. Kaya, nangyayari ba ang pag-alis ng mga taong ito sa Tsina sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nang may pahintulot Niya? Oo, nangyayari nga. Hindi na natin pag-uusapan pa ang mga indibidwal na sitwasyon; pag-uusapan lang natin ang mga makakaalis sa Tsina at pagkatapos ay tapat na gagampanan ang tungkulin nila. Hindi ito ganap na galing sa sarili nilang mga layunin. Isang aspekto ng kung bakit umalis ka sa Tsina ay dahil may misyon ka, habang ang isa pang aspekto ay umalis ka sa Tsina dahil sa patnubay ng Diyos. Kung titingnan ang bagay na ito mula sa ganitong punto, ano nga ba ang dahilan ng pag-alis mo sa Tsina? (Ang gampanan ang tungkulin namin.) Gaano man katagal makompleto ang mga proseso sa simula, gaano man ang igugol mo, o paano man pinamumunuan ng Diyos ang bagay na ito sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, sa anumang kaso, dahil makakaalis ka sa Tsina at magagawa mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, masasabi natin nang may katiyakan na may misyon ka sa ibang bansa. May dala kang responsabilidad at mabigat na pasanin, at dapat napakalinaw ng layon mo sa pagpunta sa ibang bansa. Una, hindi ka imigrante na pumunta sa ibang bansa para magsaya sa buhay; ikalawa, hindi ka pumunta sa ibang bansa para maghanap ng ikabubuhay; ikatlo, hindi ka rin pumunta sa ibang bansa para maghanap ng ibang paraan ng pamumuhay; at ikaapat, hindi ka pumunta sa ibang bansa para mamuhay nang maginhawa. Hindi ba’t tama ito? Hindi ka pumunta sa ibang bansa para hangarin ang mga bagay ng mundo; pumunta ka dahil may misyon ka at may atas ng Diyos na gampanan mo ang tungkulin mo. Kung titingnan ito mula sa ganitong punto, ano ang pinakamahalagang dapat mong unahin sa pagpunta sa ibang bansa? (Ang gawin ang aming tungkulin.) Ang pinakamahalagang dapat mong unahin ay ang pumunta sa sambahayan ng Diyos at alamin ang tamang tungkulin mo, at gampanan ang tungkulin mo nang matatag at magalang ayon sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ganoon? (Oo, ganoon nga.) Tama iyan. Bukod pa riyan, hindi ka pumunta sa ibang bansa dahil may nagbanta o dumukot sa iyo—pumunta ka nang kusang-loob. Kahit saang aspekto mo ito tingnan, pumunta ka sa ibang bansa kaya dapat mong gampanan ang tungkulin mo. Tama, hindi ba? Ito ba ay isang napakataas na kahilingan sa mga tao? (Hindi.) Hindi ito napakataas na kahilingan, at hindi rin ito sobra-sobrang kahilingan. Makatwiran ito. Ngayon, batay sa kakasabi Ko lang, paano mo dapat harapin ang tungkulin mo at paano mo dapat gampanan ang tungkulin mo para maging karapat-dapat ka sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos? Dapat mo bang pag-isipan ang mga bagay na ito? Ang unang bagay na dapat mong gawin ay ang isipin, “Hindi ako isang ordinaryong tao, may dala na ako ngayong pasanin sa aking balikat. Anong pasanin? Ito ay ang atas, ang pasaning ibinigay sa akin ng Diyos. Ginabayan ako ng Diyos para makapunta sa ibang bansa, at dapat kong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyong dapat tuparin ng isang nilikha sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos—ito ang tungkulin ko. Una, dapat kong isipin kung ano ang tungkuling kaya kong gawin, at ikalawa, dapat kong isipin kung paano ko magagawa nang mabuti ang tungkuling iyon para hindi ako mabigong tuparin ang inaasahan sa akin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng mga pagsasaayos Niya para sa akin.” Hindi ba’t dapat ganito ka mag-isip? Sobra ba ang pag-iisip na ito? Kasinungalingan ba ito? Hindi, hindi ito kasinungalingan; isang bagay ito na dapat isipin ng isang tao na makatwiran, may pagkatao, at may konsensiya. Kung sinasabi ng ilang tao, “Pagkatapos kong mangibang-bansa, natuklasan kong hindi ito tulad ng inaakala ko at pinagsisisihan ko ito,” anong klaseng mga tao sila? Walang pagkatao ang ganitong mga tao at nasira ang pananalig nila. Gayumpaman, karamihan sa mga tao na nangingibang-bansa ay handang ialay ang sarili nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sapat na iyon. Ngayon, idugtong natin ang ating pinag-uusapan sa usapin ng iglesia sa Canada. Ang mga tao sa iglesia sa Canada ay kasali rin dito. Aksidente bang napunta sila sa Canada? Hindi ito aksidente, hindi ito maiiwasan. Bakit Ko sinasabing hindi ito maiiwasan? Sinasabi Ko ito dahil matagal nang itinakda ng Diyos kung sino-sino ang pupunta sa aling bansa, at ang “hindi maiiwasan” na ito ay pinamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos na pupunta ka sa isang bansa, iyon ang mangyayari. Ang mga tao sa iglesia sa Canada ay may misyon din at napunta sila sa ibang bansa ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Pinatnubayan sila ng Diyos patungong Canada, at batay sa kani-kanilang mga talento at propesyonal na kasanayan, at mga kalakasan at iba pa, itinalaga sila ng iglesia sa iba’t ibang tungkulin, at hinayaan silang gampanan ang tungkulin nila. Ginampanan nila ang kanilang tungkulin nang medyo matigas mula pa sa simula. Sa “matigas,” hindi Ko ibig sabihin na sila ay tahimik at mabagal, kundi na kahit na pumunta ang karamihan sa kanila para gawin ang tungkulin nila, hindi nila hinahangad ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila hinahangad ang katotohanan? Kapag nakakaharap sila ng mga isyu, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo sa mga ikinikilos nila. Minsan, kapag may ilang pagsasaayos para sa kanila o may iniutos sa kanila ang Itaas, hindi sila nakahandang tanggapin ito—ganito ang ugali nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Nagpatuloy sila sa ganitong pabasta-bastang paraan at ang pagganap nila sa tungkulin nila ay nauwi sa pangit na kalagayan, isang ganap na gulo. Walang anumang mabuti sa buhay iglesia o sa buhay pagpasok ng mga taong ito, masama ang epekto ng tungkulin nila, walang realidad sa pakikipagbahaginan nila tungkol sa katotohanan, at wala silang pagkilatis sa mga huwad na lider at mga anticristo maski kaunti—walang mabuti sa kahit anong ginawa nila. Sa paglipas ng panahon, lumitaw ang isang anticristong nagngangalang Yan, at nakipagkaisa sila sa anticristong ito. Ano ang ibig sabihin ng “nakipagkaisa sila”? Ang anticristong ito ay isang lalaking bata pa, 26 na taong gulang, na dalawa at kalahating taon nang nagtatrabaho sa iglesia. Sa panahong iyon, nakaakit si Yan ng maraming kapatid na babae, mga 10. Nagustuhan niya ang ilan sa kanila, at ang iba ay hindi, at hindi niya pinansin ang mga hindi niya gusto, pero ang lahat ng taong ito ay humanga sa anticristong ito. Dalawa at kalahating taon bago iyon, ang mga tao sa iglesia sa Canada ay hindi kahusayan sa pagtupad sa kanilang tungkulin at nasa kalagayan sila ng pagiging walang kabuhay-buhay. Anuman ang gawaing isinaayos para sa kanila ng Itaas, tinatrato nila ito nang pabasta-basta at hindi sila handang tanggapin ito, at kinailangan ng matinding pagsusumikap para maisagawa ang gawain. Pagkatapos silang pungusan ng Itaas, sila ay nalungkot, nanlumo, bihira na silang makipag-usap sa Itaas, at sobrang nasisiraan din ang loob nila sa gawain. Pagkatapos maging lider ng anticristong si Yan, lumala ang sitwasyon nila araw-araw, at karamihan sa kanila ay iniraos na lang ang mga araw. Bakit sila umabot sa ganitong yugto ng pagraraos na lang ng mga araw? Saan ito may kinalaman? Isang obhetibong dahilan ay puwedeng may kinalaman ito sa mga lider. Wala silang mabubuting lider, wala ni isa sa mga lider nila ang naghahangad sa katotohanan kundi sa halip ay bumubuo ng mga interpersonal na relasyon at nakikilahok sa mga balikong gawain. At ano ang subhetibong dahilan? Ito ay na wala ni isa sa kanila ang naghahangad sa katotohanan. Madali ba para sa isang grupo ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan na gawin ang tungkulin nila nang tapat at naaayon sa pamantayan? (Hindi.) Gayumpaman, madali ba para sa isang grupo ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan at ng ilang hindi mananampalataya na makilahok sa mga balikong gawain, maging pabasta-basta, at tutulan ang Itaas? (Oo.) At madali ba para sa isang grupo ng ganitong mga tao na lumala at maging masama tulad ng mga walang pananampalataya? Napakadali, at ito ang landas na tinatahak nila. Sa ilalim ng pagkukunwaring ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kinain nila ang pagkain ng sambahayan ng Diyos, nanirahan sila sa mga tirahang pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos, at sinuportahan sila ng sambahayan ng Diyos. Niloko nila ang sambahayan ng Diyos sa pagkain at inumin pero naghangad pa rin silang makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng mga gantimpala—nabuhay sila sa pamamagitan ng panlilinlang sa ganitong paraan. Nang guluhin ng anticristo ang gawain ng iglesia, wala ni isa man sa kanila ang nag-ulat sa Itaas ng anumang isyu. Isang babae lang ang nag-ulat ng problema sa isang huwad na lider, at ang resulta nito ay hindi naayos ang usapin. Nagpikit-mata ang iba, at kahit nakita nilang lumitaw sa iglesia ang napakaraming problema, hindi nila ito iniulat. Ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay malinaw na nagsasaad ng mga prinsipyo para sa pagtatanggal ng mga lider at manggagawa, pero wala ni isa ang nagbigay-pansin sa mga ito, sa halip ay basta na lang nila iniraos ang mga araw kasama ang anticristo na iyon. Sa mga hindi mananampalatayang ito, nasa isang banda ang mahihigit 20 taon nang nananampalataya sa Diyos, at nasa kabilang banda naman ang mga lima o higit pang taon nang nananampalataya, at wala ni isa man sa kanila ang nag-ulat ng mga problemang ito. Pero ano ang mas masahol? Maraming babaeng lider ng pangkat at deputy na lider ng pangkat ang nakipagharutan sa anticristong ito, at nagtunggalian sila para sa atensiyon ng anticristong ito. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nagsisimulang magkaroon ng relasyon, madali itong mapansin ng mga nasa tamang edad at ng matatanda sa isang tingin lang. Ang mga tao ay sensitibong lahat sa usapin ng relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae, at malalaman na nila ang nangyayari sa isang sulyap lang. Pero walang nag-ulat nito, walang tumindig para sawayin o ilantad sila, at walang nakakilatis sa kanila. Mayroon bang kahit sinong naglakas-loob at, nang makita na sila ay isang grupong pinamumunuan ng anticristong ito, ay nagsabi sa sarili niya, “Hindi ko kayo kayang sundan. Dapat kong iulat ito sa nakakataas na pamunuan at ipatanggal kayo, o kaya ay magtipon ng ilang kapatid na may pagpapahalaga sa katarungan para patalsikin kayo”? Wala, walang gumawa nito. Walang nag-ulat nito, hanggang sa nabunyag ang bagay na ito. Anong klaseng mga tao sila? Tunay ba silang mananampalataya sa Diyos? Mga naghahangad ba sila ng katotohanan? (Hindi.) Yamang may malaking pangyayaring naganap sa harapan nila at hindi nila ito namalayan, nagampanan ba nang maayos ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang tungkulin nila? Ano ang saloobin nila sa kanilang tungkulin? Malinaw na sila ay mga manghuhuthot lang, na nanghuhuthot araw-araw. Naniniwala sila na madali silang makapagpapatuloy sa sambahayan ng Diyos, na walang dapat magsalita kung may mapansing problema, walang dapat magpasama ng loob ninuman, at na kung mapapasama nila ang loob ng “boss,” magiging kakila-kilabot iyon, at magiging masama para sa kanila ang mga kahihinatnan. Kung natatakot kang mapasama ang loob ng mga tao at hindi mo ito pangangahasang gawin, nangangahas ka bang salungatin ang Diyos? Magiging mabuti ba para sa iyo ang mga kahihinatnan kung sasalungatin mo ang Diyos? Paano ka pangangasiwaan ng Diyos? Hindi ba’t magkakaroon ng mga kahihinatnan? (Oo, magkakaroon.) Magkakaroon ng mga kahihinatnan. Siyempre, hindi malaking dahilan ang pagkatakot nilang makapagpasama ng loob ninuman. Ang malaking dahilan ay mga buktot silang tao na walang pagmamahal sa katotohanan. Bukod sa hindi nila hinahangad ang katotohanan, gumawa rin sila ng maraming kahangalan. Hindi naman marami ang mga tao sa iglesia sa Canada, pero marami silang ambisyong wala sa lugar. Maliwanag na walang epekto ang pagganap nila ng kanilang mga tungkulin, pero gusto pa rin nilang palawakin ang saklaw ng kanilang gawain at abala sila sa pagbili ng ari-arian, pero sa huli ay nagbayad lang sila ng deposito sa ari-arian nang wala namang napala. Ngayon, karamihan sa mga taong ito ay inihiwalay na. Sabihin mo sa Akin, anong klaseng mga tao sila? Hindi ba’t sila ay isang grupo ng mga hayop at mga sawimpalad? Malinaw na wala silang kuwenta, pero inaksaya nila nang ganito ang mga handog. Walang nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, walang may pagpapahalaga sa katarungan—sila ay isang grupo lang ng mga demonyo! Talagang nakakagalit!

Hindi naman marami ang mga tao sa iglesia sa Canada, mga ilang daan lang. Hindi sila masyadong nagsisikap sa tungkulin nila, pabaya sila sa kanilang tungkulin at bumuo sila ng grupo-grupo, na lahat ay iniraraos lang ang mga araw. Hindi ba’t nakakagalit iyon? Hindi sila mahusay sa trabaho at wala silang progreso, nagpapakana silang lahat laban sa isa’t isa at hindi sila nagtatrabaho nang may pagkakasundo. Nakilahok ang mga lider sa ilang iba pa sa mga balikong gawain, at walang sinuman ang nakaramdam na kailangang magmadali, walang nagalit, at walang nalungkot tungkol dito. Walang nanalangin tungkol sa bagay na ito, at walang naghanap mula sa Itaas o humingi ng tulong mula sa Itaas. Walang gumawa nito, at walang naglakas-loob na magsabi, “Hindi tama na ginagawa natin ang ating tungkulin sa ganitong paraan. Ang tungkuling ito na ginagawa natin ay atas na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, at hindi natin puwedeng biguin ang Diyos!” Hindi sila kinulang sa anuman, sapat ang mga tao nila, sapat ang kagamitan nila. Ano ang wala sa kanila? Ang wala sa kanila ay mabubuting tao. Walang sinuman ang nakaramdam ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia, at wala ring nakapag-ingat sa gawain ng sambahayan ng Diyos, nagkalakas-loob na magsalita, o nakapagbahagi sa katotohanan tungkol sa pagkilatis, para ang lahat ay makatindig at makilatis at malantad ang mga huwad na lider at anticristo; wala ni isa ang gumawa nito. Ito ba ay dahil bulag ang mga sawimpalad na ito at hindi nila nakita ang nangyayari, o dahil ba sila ay walang kakayahan at lito dala ng kanilang katandaan? (Parehong hindi.) Parehong hindi. Kung gayon, ano ang tunay na sitwasyon? Lahat sila ay kasa-kasama ng anticristo, pinoprotektahan nilang lahat ang isa’t isa at nagpapalapad sila ng papel sa isa’t isa, walang naglalantad ng kahit sino, at lahat sila ay tumatambay lang sa lunggang iyon ng mga demonyo. Inisip ba nila kailanman ang kanilang tungkulin o ang atas ng Diyos? (Hindi.) Gusto lang nilang magpatuloy nang ganito nang hindi nakararamdam ng paninisi sa sarili. Ano ba ang pangyayaring ito, kung saan hindi sila nakararamdam ng paninisi sa sarili? Iyon ay dahil hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at sila ay iniwan na ng Diyos. May isa pang paliwanag ng pag-iwan sa kanila ng Diyos, at ito ay, dahil sa saloobin nila sa kanilang tungkulin, sa katotohanan, at sa Diyos, at dahil na rin sa mga iniisip nila, nasuklam na sa kanila ang Diyos at hindi na sila karapat-dapat gumawa ng tungkuling iyon. Kaya walang nakitang pagsasaway o pagdidisiplina sa kanila, walang paggising ng konsensiya nila, at lalong wala silang nakuhang anumang kaliwanagan o pagtanglaw, anumang pagpupungos, paghatol, o pagkastigo. Walang halaga sa kanila ang mga bagay na ito, lahat sila ay manhid, at wala silang kaibahan sa mga diyablo. Ilang taon na silang nakikinig ng mga sermon sa sambahayan ng Diyos, at nakapakinig na rin sila ng mga sermon tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo at kung paano gampanan ang tungkulin nang naaayon sa pamantayan, pero hinanap at tinanggap ba nila ang katotohanan sa panahong iyon? Nakilatis ba nila ang mga anticristo? Nagdebate ba sila tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo? Hindi, hindi sila nagdebate. Kung talagang ginawa nila iyon, tiyak na may iilang tao sana na nakatindig, nakapaglantad, at nakapag-ulat ng anticristo, at hindi sana naging ganoon kalala ang sitwasyon. Isang grupo lang sila ng mga naguguluhan at walang kuwentang tao! Batay sa aktuwal nilang kalagayan, sa asal nila, at sa pag-uuring ibinigay sa kanila, inilipat Ko sila sa Grupo B para sa isang panahon ng pagbubukod at pagninilay. Sobra na ba na pangasiwaan Ko ang bagay na ito sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi, hinding-hindi ito sobra. At kung hindi ito sobra, hindi ba’t maituturing ito na ganap na tama? Ginawa ito para bigyan sila ng pagkakataon. Anong pagkakataon? Kung talagang mayroon silang kaunting pagkatao at konsensiya, kung kaya nilang magsisi at magbago ng direksiyon, magkakaroon sila ng pagkakataong makabalik sa iglesia; kung wala man lang silang pagnanais na magsisi, mananatili lang silang nakahiwalay sa natitirang bahagi ng buhay nila, at paaalisin pa sila ng iglesia. Ganito ang sitwasyon. Hindi agad sila pinaalis para mabigyan sila ng pagkakataong magsisi. Maaari nilang sabihin, “Ginawa namin ang masamang bagay na ito, at nagalit Ka at inihiwalay Mo kami. Kaya kahit na wala kaming nagawang mabuti sa paggawa ng dati naming tungkulin, tiyak na nagdusa naman kami para dito. Bakit hindi Mo nakikita iyon?” pero sa totoo lang, ang paghiwalay sa kanila ay nagpapakita na ng sapat na pagpaparaya, at ayon sa kanilang mga ginawa at ugali, dapat sana ay napaalis na sila. Tingnan ninyo ang saloobin nila—nasa napakalaking panganib na sila! Kaya, paano dapat pangasiwaan ang bagay na ito? Kailangan Kong hatiin ang Aking pamamaraan sa dalawang yugto: Ang unang yugto ay ang paghiwalay sa kanila, at ang ikalawang yugto ay ang pangangasiwa sa kanila sa paraang sa tingin Ko ay nababagay batay sa kalagayan nila sa panahon ng pagkakahiwalay at sa indibidwal nilang kilos, at pagdedesisyon kung papanatilihin ba sila sa iglesia o papaalisin. Hindi ba’t pagpapakita ito ng sapat na pagpaparaya sa kanila?

Gumawa ng napakaraming masamang bagay ang mga tao sa iglesia sa Canada at ang pagbukod sa kanila batay sa asal nila ay nagpakita ng malaking pagpaparaya, kaya bakit may mga tao pa ring may sarili nilang mga pananaw sa kung paano pinangasiwaan ang usapin? Sinasabi ng ilang tao, “Puwedeng tama ang ginawa Mo sa pagharap sa usaping iyon, pero may kaunti pa ring problema. Ang mga tao rin sa iglesia sa Canada ang may kagagawan nito at napala lang nila ang nararapat sa kanila, pero sa pangangasiwa rito sa ganitong paraan, hindi ba’t mahigpit Mo silang pinaparusahan upang magsilbing halimbawa para sa iba?” Tama ba ang pagkakaintinding ito? (Hindi.) Narinig Kong sinabi ng iba, “Ito ang tamang paraan ng pangangasiwa rito. Kailangan Mo silang mahigpit na parusahan upang magsilbing halimbawa para sa iba, paggawang babala sa kanila sa iba, at dapat Kang magpakita ng lakas para mabalaan ang iba.” Hindi ba’t isa itong bagay na sasabihin ng isang walang pananampalataya? Ganito ang magiging pananaw ng isang walang pananampalataya sa bagay-bagay. Marahil hindi pa ninyo ganap na maunawaan nang lubusan ang diwa ng problemang ito, at kaya nakakapagpahayag pa rin kayo ng pananaw ng isang walang pananampalataya. Sa tingin ninyo, hindi ba medyo nakakadiri na sabihin ito ng isang tao? Kung ganitong mga salita ang gagamitin ninyo para ipaliwanag ang usaping ito, ibig sabihin ay nagsasabi kayo ng mga walang kinalamang bagay, at hindi ganito ang sitwasyon. Kaya, paano mo ilalarawan kung paano Ko pinangasiwaan ang usapin? (Pinangasiwaan Mo ito ayon sa mga prinsipyo.) Tama, pinangasiwaan Ko ito ayon sa mga prinsipyo; praktikal na sabihin ito. May iba pa ba? Hindi ba’t sila rin ang may kagagawan nito? (Oo.) At ano ang pinakasimpleng paraan para ilarawan ito? (Nakuha lang nila ang nararapat sa kanila.) Tama, batay kung paano sila umasal, nakuha lang nila ang nararapat sa kanila at sila rin ang may kagagawan nito. Kumikilos ang Diyos ayon sa mga katotohanang prinsipyo; nagpapataw Siya ng ganting parusa sa mga tao batay sa asal nila. Bukod pa rito, dapat panagutan ng mga tao ang mga ginawa nila, at kapag gumagawa sila ng mga bagay na mali, dapat silang parusahan—nararapat ito. Nagpapataw ng ganting parusa ang Diyos sa mga tao batay sa asal nila; pagpapataw ito ng ganting parusa sa mga tao sa iglesia sa Canada at, kung gagamitin ang kasalukuyang bokabularyo, pinangangasiwaan sila ayon sa mga prinsipyo. Sabihin mo sa Akin, alin sa mga inilantad Kong bagay na ito tungkol sa kanila ang hindi katunayan? Alin sa Aking mga pagsusuri at depinisyon ng mga usaping ito, alin sa Aking mga klasipikasyon sa mga ito ang hindi katunayan? Mga katunayan ang lahat ng ito. Samakatwid, ipinapataw ang ganting parusa sa kanila ayon sa mga pagpapamalas na ito at batay sa kanilang mga kilos at asal—ano ang mali roon? Kaya, ang pagpapakita ng lakas para mabalaan ang iba, ang mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba, at ang paggawang babala ang mga tao sa iba—ang kalikasan ba ng mga pagkilos na ito ay kapareho ng paraan Ko ng pangangasiwa sa iglesia sa Canada? (Hindi.) Kung gayon, bakit kailangang mahigpit na parusahan ang mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba? Ano ang kalikasan nito? Ang mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba, ang pagpapakita ng lakas para mabalaan ang iba, at ang paggawang babala ang mga tao sa iba—ang kalikasan ng tatlong pagkilos na ito ay halos pareho lang. Ano ang kalikasang iyon? Iyon ay ang pagkilos ng isang pinuno o makapangyarihang tao na gumagawa ng isang bagay sa isang partikular na sitwasyong pinaniniwalaan niyang kailangan para maitatag ang kanyang awtoridad at ginagamit ito para manakot ng iba. Ito ay tinatawag na mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba. Ano ba ang layunin niya sa paggawa nito? Ito ay para magawa ang iba na sundin siya, katakutan siya, at hindi maglakas-loob sa kanya, para hindi sila gumawa ng anumang kapusukan sa harap niya, at hindi gumawa ng anumang gusto nila sa harap niya. Naaayon ba sa mga prinsipyo ang paggawa niya nito? (Hindi.) Bakit mo sinasabing hindi ito naaayon sa mga prinsipyo? May sariling motibasyon sa pagkilos ang isang pinuno, at ang motibasyon niya ay para patibayin ang kanyang pamamahala at protektahan ang kanyang kapangyarihan. Gugustuhin niyang palakihin ang usapin, at ito ang magiging kalikasan ng pagkilos niya. Nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo ang usapin ng pangangasiwa sa iglesia sa Canada, at hindi sa mga pilosopiyang sataniko ng mga walang pananampalataya. Iniligaw ng anticristo ang mga tao, ginambala at inabala niya ang gawain ng iglesia, ginulo niya ang iglesia, at ipinagtanggol pa nga siya ng karamihan ng tao—talagang kasuklam-suklam ang kalikasan ng mga kilos ng mga taong ito! Iniraraos lang nila nang ganito ang bagay-bagay, mas mabuti pang umalis na lang sila sa iglesia at mamuhay na lang ng sarili nilang buhay. Sa gayon, kahit papaano ay hindi masasayang ang mga yaman ng sambahayan ng Diyos, at magiging mabuti sana iyon. Pero ginawa ba nila iyon? Walang ganitong kamalayan ang konsensiya nila, at sinayang nila ang mga pinansyal at materyal na yaman ng sambahayan ng Diyos, hindi sila nagsikap sa paggawa ng tungkulin nila, at nakipagsabwatan sila sa anticristo at gumawa ng kasamaan kasama ng anticristo—ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ay napakalubha! Pinangasiwaan sila ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan para magnilay-nilay at makilala nila ang kanilang sarili, para malaman nila na kailangan nilang magbago ng landas at magsisi, at para ito sa ikakabuti nila. Kung hindi sila pinangasiwaan, baka sa loob ng isang taon mula ngayon ay ipinagkanulo na nilang lahat ang Diyos at bumalik na sila sa makamundong pamumuhay. Sa kabutihang-palad, naihiwalay at napangasiwaan sila sa tamang oras, at napigilan nito ang mas marami pang tao sa paggawa ng kasamaan at napigilan nitong magkaroon ng mas malaki pang kawalan ang gawain ng iglesia. Sa paggawa nito, inililigtas ba sila o itinitiwalag? (Inililigtas sila.) Ang totoo ay inililigtas sila. Ginawa ito para tulungan sila, para balaan sila, para bigyan sila ng babala, para ipaalam sa kanila na hindi tama na kumilos sila nang ganoon, na kung magpapatuloy sila nang ganoon ay masasadlak sila sa perdisyon at mamamatay, at mawawala ang anumang pag-asang makamtan nila ang kaligtasan. Kung mauunawaan nila ang puntong ito, may pag-asa pa sila. Kung hindi man lang nila maarok ang puntong ito, at patuloy pa rin silang nasisiraan ng loob, nanghihina, at nalulugmok sa kawalan ng pag-asa, sinasalungat ang Itaas at nagpapahayag ng mga kuru-kuro nila nang may negatibong pakiramdam, magkakaproblema sila. Ano ang gusto ninyong mangyari sa kanila? (Na magsisi sila.) Lahat kayo ay gustong mapabuti sila at magsisi. At ano naman ang gusto Ko para sa kanila? Gusto Ko bang hindi sila magsisi, na puwede Ko silang alisin lahat, na mas magiging maayos ang iglesia kung wala ang mga taong ito? Ito ba ang gusto Ko? (Hindi.) Hindi, hindi ito ang gusto Ko. Gusto Kong mapabuti sila at magsisi, na pagkatapos nilang magsisi ay babalik sila sa sambahayan ng Diyos, at na hindi na nila gagampanan ang tungkulin nila tulad ng dati. Paano nga ba ang talatang iyon? “Talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay” (Jonas 3:8). Para sa kanila, kung makakamit nila ang ganitong epekto, ito ay magiging isang alaala na hindi kailanman mabubura habang sila ay nabubuhay at isang pambihirang karanasan para sa kanila, ito ay magiging isang kamangha-manghang pangyayari. Nakasalalay ito sa kung ano ang hinahangad nila sa kanilang sarili.