Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi) Ikalimang Seksiyon
Ang disposisyon ng mga anticristo ay buktot; bukod sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kaya rin nilang labanan ang Diyos, magtatag ng sarili nilang mga kaharian, at hindi matitinag ang pagsalungat nila sa Diyos—ito ay isang buktot na disposisyon. Mayroon ba kayong anumang pagkaunawa sa mga buktot na disposisyon? Marahil karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano kilatisin ang mga ito, kaya magbigay tayo ng halimbawa. Ang ilang tao ay kadalasang napakanormal na kumikilos sa mga tipikal na sitwasyon. Napakanormal nilang nakikipag-usap sa iba at nakikipag-ugnayan sa iba, mukha silang mga normal na tao at wala silang ginagawang anumang masama. Gayumpaman, kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa katotohanan, ang ilan sa kanila ay ayaw makinig, ang ilan ay inaantok, ang ilan ay tutol dito at hindi ito matiis, ayaw nilang marinig ito, at ang ilan ay hindi namamalayang nakakatulog sila at nagiging ganap na walang kamalayan—ano ang nangyayari dito? Bakit napakaraming naipapamalas na abnormal na pangyayari kapag may isang taong nagsisimulang magbahagi tungkol sa katotohanan? Ang ilan sa mga taong ito ay nasa isang abnormal na kalagayan, pero ang ilan ay buktot. Hindi maisasantabi ang posibilidad na sila ay sinapian ng masasamang espiritu, at minsan hindi ito ganap na maarok ng mga tao o malinaw na makilatis. May masasamang espiritu sa loob ng mga anticristo. Kung tatanungin mo sila kung bakit sila kumakalaban sa katotohanan, sasabihin nilang hindi sila kumakalaban sa katotohanan at matigas silang tatangging aminin ito, pero sa katunayan ay alam nila sa puso nila na hindi nila mahal ang katotohanan. Kapag walang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakakasundo nila ang iba na para silang mga normal na tao at hindi mo alam kung ano ang nasa loob nila. Gayumpaman, kapag may nagbabasa ng mga salita ng Diyos, ayaw nilang makinig at lumilitaw ang pagkasuklam sa puso nila. Ito ay pagkalantad ng kalikasan nila—sila ay masasamang espiritu; sila ay ganitong uri. Inilantad ba ng mga salita ng Diyos ang diwa ng mga taong ito o natumbok ang maselang isyu? Hindi. Kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon, ayaw nilang makinig sa sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos—hindi ba’t ito ay pagiging buktot nila? Ano ang ibig sabihin ng “pagiging buktot”? Ang ibig sabihin nito ay pagkalaban sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa mga positibong tao nang walang dahilan; kahit sila mismo ay hindi alam kung ano ang dahilan, kailangan lang nilang kumilos nang ganoon. Ito ang ibig sabihin ng pagiging buktot at, sa payak na pananalita, ito lang ay pagiging ubod ng sama. Sinasabi ng ilang anticristo, “Kailangan lamang simulan ng isang tao na basahin ang mga salita ng diyos at ayaw ko nang makinig. Kailangan ko lang marinig ang isang tao na nagpapatotoo sa diyos at nasusuklam na ako, at ni hindi ko nga alam kung bakit. Kapag nakikita ko ang isang tao na minamahal ang katotohanan at hinahangad ang katotohanan, hindi ko siya makasundo, gusto kong salungatin siya, gusto ko palaging sumpain siya, ang saktan siya nang patalikod at pahirapan siya hanggang mamatay.” Kahit sila ay hindi alam kung bakit ganito ang pakiramdam nila—ito ay pagiging buktot nila. Ano ang aktuwal na dahilan nito? Ang mga anticristo ay sadyang walang espiritu ng isang normal na tao sa loob nila, sadyang wala silang normal na pagkatao—ganito lang talaga ito sa huling pagsusuri. Kung napakalinaw at napakaliwanag na naririnig ng isang normal na tao ang pagsasalita ng Diyos tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, iniisip nito, “Sa ganitong buktot at walang delikadesang kapanahunan, kung saan hindi matukoy ang tama at mali at nalilito sa mabuti at masama, napakahalaga at bihira na makapakinig ng napakaraming katotohanan at gayon kahusay na mga salita!” Bakit ito mahalaga? Ginigising ng mga salita ng Diyos ang mga pagnanais at inspirasyon ng mga taong kapwa may puso at espiritu. Anong inspirasyon? Inaasam nila ang katarungan at mga positibong bagay, nananabik sila na mamuhay sa harap ng Diyos, na magkaroon ng pagkakapantay-pantay at pagiging matuwid sa mundo, at na pumarito ang Diyos at magkaroon ng kapangyarihan sa mundo—ito ang panawagan ng lahat ng nagmamahal sa katotohanan. Gayumpaman, inaasam ba ng mga anticristo ang mga ito? (Hindi.) Ano ang inaasam ng mga anticristo? “Kung ako ang nasa kapangyarihan, lilipulin ko ang lahat ng ayaw ko! Kapag may nagpapatotoo na si cristo ay diyos na nagpapakita at gumagawa, nagpapatotoo na ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan, at nagpapatotoo na ang mga salita ng diyos ang katotohanan, ang pinakamataas na layunin ng buhay ng sangkatauhan, at ang pundasyon para manatiling buhay ang tao, nasusuklam at namumuhi ako, at ayaw ko itong marinig!” Ito ay isang bagay na nasa kaibuturan ng mga anticristo. Hindi ba’t may ganitong disposisyon ang mga anticristo? Basta’t ang isang tao ay sumasamba sa kanila, humahanga sa kanila, at sumusunod sa kanila, magkaibigan sila, magkakampi sila; kung ang isang tao ay palaging nagbabahagi tungkol sa katotohanan at nagpapatotoo tungkol sa Diyos, iniiwasan at kinasusuklaman ito ng mga anticristo, at inaatake, ibinubukod, at pinahihirapan pa nga ito—ito ay kabuktutan. Kapag pinag-uusapan natin ang kabuktutan, ito ay palaging tumutukoy sa mga tusong pakana ni Satanas; ang mga ginagawa ni Satanas ay buktot, ang mga ginagawa ng malaking pulang dragon ay buktot, ang mga ginagawa ng mga anticristo ay buktot, at kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagiging buktot nila, ito ay pangunahing tumutukoy sa pagkalaban nila sa lahat ng positibong bagay at lalung-lalo na sa pagsalungat nila sa katotohanan at sa Diyos—ito ay kabuktutan, at ito ang disposisyon ng mga anticristo.
Isipin ninyo kung sinu-sinong anticristo ang nakaharap na ninyo at nalaman na ninyo na nagpapakita ng gayong buktot na disposisyon. Minsan ay may nakaharap Akong isang mataray na babae na ang pagkatao ay masyadong malisyoso. Tuwing ipinapangaral ng sambahayan ng Diyos na malapit nang mangyari ang matitinding sakuna, na wala nang masyadong oras, kung paanong dapat maghanda ang mga kapatid ng mabubuting gawa, kung paanong dapat silang magsikap na hangarin ang katotohanan, kung paanong dapat nilang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin para matugunan ang mga layunin ng Diyos, at kung paanong wala silang dapat pagsisihan, sa tuwing ipinapangaral ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, ang babaeng ito ay sumusumpa sa kanyang puso at iniisip na, “Ang pagkagunaw ng mundo? Napakasarap ng buhay. Maaaring magugunaw na ang mundo para sa iyo, pero hindi pa ito ang wakas ng mundo para sa akin! Kahit pa mangyari na ang matitinding sakuna, dapat pa rin akong mabuhay. Kung may kailangang mamatay, puwedeng kayo na lang!” Wala bang katwiran ang babaeng ito o ano? Sa tuwing nagbabahagi ang sinuman tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, ang babaeng ito ay nagiging walang katwiran at lumilitaw ang pagkasuklam sa puso niya, at iniisip niya, “Ayos pa rin naman ang buhay ko! Marami akong pera, may mga sasakyan ako, may mga bahay, malaki ang kita ko, sikat ako sa lugar namin, at walang maglalakas-loob na salungatin ako. Napakaayos ng lagay ng pamumuhay ko, kung darating ang matitinding sakuna, hindi ba’t mawawalan ako? Hindi pa ako handang mamatay!” Ano ang perspektiba niya sa gawain ng Diyos at sa kagustuhan ng Diyos na wasakin ang buktot na mundong ito at ang buktot na sangkatauhan? (Kinakalaban niya ang mga ito.) Anuman ang ginawa ng Diyos, kung sangkot dito ang mga interes niya, kung pininsala nito ang mga interes niya, kamumuhian niya ito at kakalabanin ito, at hindi siya sasang-ayon dito, iisipin niyang, “Mali ang ginagawa mo!” at agad niyang itatatwa ang mga gawa ng Diyos. Bukod dito, ang pinakabuktot sa kanya ay na ayaw niyang nangingibabaw ang pagkakapantay-pantay at ang pagiging matuwid; sinuman ang may kapangyarihan, kahit pa ang Diyos ang may kapangyarihan at may pagkakapantay-pantay at pagiging matuwid, kung napinsala nito ang mga interes niya, hindi iyon katanggap-tanggap—mas importante sa kanya ang mga interes niya kaysa sa Diyos. Hindi ba’t ang mga kilos niya ay sa isang malademonyong kalikasan? At kapag umiiral ang isang malademonyong kalikasan, hindi ba’t katulad na kalikasan iyon ng kapag sinasapian ng isang masamang espiritu ang isang tao at sinasabi niyang ayaw niyang marinig ang mga salita ng Diyos? (Oo.) Sa tuwing binabasa ng isang tao ang mga salita ng Diyos, sinasabi ng masamang espiritung iyon na ayaw nitong marinig iyon. Sa tuwing may isang kapatid na nagbabahagi tungkol sa nalalapit na pagdating ng araw ng Diyos o sa nalalapit na pagdating ng matitinding sakuna, kinamumuhian ito at isinusumpa ng mataray na babaeng ito sa kanyang puso. Bakit niya ito isinusumpa? Kung paparito ang Diyos para wasakin ang mundo, mawawala sa kanya ang lahat ng pag-aari niya—tuwing may nakakaapekto sa mga interes niya, isinusumpa niya ito. Kaya, ang pagsumpa niya ay may kaparehong kalikasan ng isang masamang espiritu na nagsasabing ayaw nitong marinig ang mga salita ng Diyos. Pareho ang katangian nila, iyon ay tuwing may nagbabanggit sa katotohanan, naglalantad ng kaibuturan ng kanilang mga kaluluwa, naglalantad ng kanilang kapangitan, kanilang kabuktutan, at kanilang pagkamapaminsala, lumilitaw sa puso nila ang pagkamuhi, pagsalungat, at paglaban, at pagkatapos ay nagmumura at sumusumpa sila—ganito ang isang masamang espiritu. Sa panlabas, ang mataray na babaeng ito ay nagsalita at kumilos nang katulad lang ng isang normal na tao, at hindi na parang sinapian siya ng isang demonyo, pero ang kalikasan ng kanyang mga kilos ay katulad ng sa demonyong iyon. Kapag may pagkakataon kayo, puwede ninyong tanungin ang mayayaman sa iglesia, “Kapag dumating na ang araw ng Diyos at dumating na ang matitinding sakuna, at nawala na ang lahat ng pag-aari ng pamilya mo, madidismaya ka ba? Nananabik ka ba sa pagdating ng araw ng Diyos? Nananabik ka ba sa pagiging nasa kapangyarihan ng Diyos, at pangingibabaw ng pagkakapantay-pantay at pagiging matuwid? Nananabik ka ba sa mabilis na paglipol ng Diyos sa buktot na sangkatauhang ito, kahit na ikaw ay lilipulin din? Handa ka bang mangyari ito?” Tingnan ninyo kung ano ang pananaw nila. Ang ilan ay handang mangyari ito, at ang ilan ay hindi. Kung pagsasama-samahin ang buong mundo, ang buong sansinukob, ang lahat ng materyal na bagay na pinamamahalaan ng Diyos—hindi natin pinag-uusapan ang mga di-materyal na bagay, ang mga bagay lamang na materyal: ang pag-aari ng pamilya, ang mga sasakyan, ang mga bahay, ang pera, at iba pa—kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito, magiging katumbas ba ito ng isang butil ng buhangin sa kamay ng Diyos? (Hindi.) Gayumpaman, kapag nakukuha ng mga tao ang mga bagay na ito, ayaw nilang bitiwan ang mga ito at sa tingin nila ay may kapital sila para makipagtagisan sa Diyos, sinasabing, “Kung kukunin mo ang pag-aari ng pamilya ko, kamumuhian kita, sasalungatin kita, at hindi ko kikilalaning ikaw ang diyos!” Nakadepende ba sa pagkilala mo kung ang Diyos ay Diyos o hindi? (Hindi.) May kapital ka ba para makipagtagisan sa Diyos gamit ang katiting na pag-aari ng pamilya mo? Napakamangmang mo! Ang mga diyamante ang pinakamahalagang bagay sa daigdig. Kapag nakita ng mga ordinaryong tao ang isang diyamante na isang karat, namamangha sila at nagsasabing, “Ang laking diyamante! Siguradong 10 o 20 libong dolyar ang halaga nito!” Iniisip nila na napakahalaga ng mga diyamante. Pero pagkatapos ay narinig Ko ang isang balita na isang planetang hindi malayo sa daigdig ang ganap na gawa sa diyamante, at bigla Kong napagtanto: Napakakitid ng pananaw ng mga tao. Kapag nakita mong kumikinang ang isang diyamante, gustong-gusto mo ito at iniisip mong ito ay isang malaking bagay, pero kapag narinig mong may isang planetang gawa sa diyamante, ano ang perspektiba mo rito? Nagbabago ang perspektiba mo sa diyamante. Ibig sabihin, kapag narinig mo ang ibang impormasyon, biglang lumalawak ang pananaw mo, hindi mo na lamang nakikita ang maliit na espasyo sa harap mo, hindi ka na isang palakang nasa loob ng balon, dahil nadagdagan na ang dami ng impormasyong mayroon ka, at nagbago at lumaki na ang pang-unawa mo. Sa pamumuhay sa mundong ito, habang patuloy na nahaharap ang mga tao sa bawat bagay na nangyayari sa kanila at sa iba’t ibang kapaligiran, patuloy na nagbabago ang pananaw nila, habang patuloy ring nagbabago ang kanilang mga perspektiba. Normal ito, at ito ang proseso kung saan sinasanhi ng Diyos na unti-unting sumulong ang mga tao sa buhay na ito, at magkaroon ng patuloy na pag-usad sa kabatiran, sa perspektiba, sa pagkaunawa sa buong mundo at sa mga gawa ng Diyos. Kaya, ngayong narinig na ninyo ang pagsasalita Ko sa bagay na ito, paano ninyo ito dapat tratuhin? Dapat ba ninyong isipin na, “O, napakamangmang ng mga tao sa daigdig, wala silang kabatiran, at napakakaunti ng alam nila!”? Ang ibig sabihin niyon, ang iyong mga pananaw at kabatiran sa buong sansinukob, sa buong sangkatauhan, sa lahat ng bagay na iniuutos ng Diyos, sa lahat ng utos ng Diyos, ay maaaring katulad ng pagkaunawa mo sa isang maliit na diyamante na ang halaga ay ikinukumpara sa isang planeta, tama? (Tama.) Anong kongklusyon ang magagawa natin dito? Sa planetang daigdig, gaano man kalaki ang mga nagawa ng isang tao, gaano man siya kasikat, gaano man kahusay ang pagganap niya, hindi siya dapat magyabang, dahil ang mga tao ay napakaliit at walang halaga! Naghanda ang Diyos ng ilang diyamante sa daigdig at naglalaban ang mga tao para doon. Hindi ba alam ng mga tao kung ilang planeta na nasa kamay ng Diyos ang naglalaman ng mas mahahalaga pang bagay kaysa diyamante? Hindi ba’t nakakaawa ang mga tao? (Oo.) Ganito kaawa-awa ang mga tao; napakamangmang ng mga tao.
Hindi mapigilan ng mga anticristo na lumaban sa Diyos; likas nilang kinamumuhian ang katotohanan at ang mga positibong bagay, at ni hindi nila kayang tantanan ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay, kundi kinokondena, sinisiil, at ibinubukod nila ang gayong mga tao. Pagdating naman sa mga nakikipagsabwatan sa kanila, sila ay likas na magkakasama, pinoprotektahan ang isa’t isa, inaalagaan at nagiging sipsip sa isa’t isa. Mula rito, makikita natin na ang mga taong ito na mga anticristo ay masasamang espiritu at maruruming demonyo na ipinanganak bilang tao, at wala silang normal na pagkatao. Gaano man nila nauunawaan ang katotohanang naririnig nila, o gaano man kalinaw nilang ipinangangaral ang mga salita at doktrina, kapag oras na para magsagawa, ang pinipili lang nilang gawin ay ang sumalungat sa katotohanan at lumaban sa Diyos, at ang protektahan ang kanilang sariling katayuan at mga interes—ito ang kabuktutan nila. Sa anong paraan sila pinakabuktot? Ito ay iyong kinamumuhian nila ang katotohanan; kinamumuhian nila ang katotohanan nang walang paliwanag at dahilan. Kung tatanungin mo sila kung bakit nila kinamumuhian ang katotohanan, siguro ay hindi nila magagawang ipaliwanag ito, pero ang bawat kilos nila ay nagpapakita ng disposisyon at mga paraan ng mga anticristo, at ang bawat kilos nila ay nagliligaw at nambibitag ng mga tao, nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos—ito ang resulta ng bawat kilos nila. Ikumpara ninyo at tingnan ninyo ang mga lider at manggagawa sa bawat antas o ang mga ordinaryong kapatid sa paligid ninyo, na kilala at nakakaugnay ninyo para malaman ninyo kung may sinuman sa kanila na namumuhi sa mga kapatid na naghahangad sa katotohanan at palaging gustong saktan at alisin ang mga taong ito nang walang dahilan. Alam nila mismo na hindi ito tama pero hindi nila ito mapigilan, nagsasabi sila ng magagandang pakinggang salita sa harap ng mga kapatid na ito pero iba ang ginagawa nila kapag nakatalikod na ang mga ito, ipinapakita nila ang malademonyong mukha nila at nagsisimula silang salungatin ang mga ito. Kung hindi ito kabuktutan, ano ito? Ano ang pinakakasuklam-suklam sa mga anticristo? Madalas silang nagsasabi ng mga tamang bagay para iligaw ang mga hinirang na tao ng Diyos at ang mga nakapalibot sa kanila at para dayain at lokohin pa nga ang Itaas, at bukod pa roon, gusto nilang dayain ang Diyos at makuha ang tiwala ng mga tao gamit ang mabubulaklak na salita, at pagkatapos ay magwala, kumilos nang pabaya, at gawin ang anumang gusto nilang gawin sa sambahayan ng Diyos. Alam nila kung paano magsalita nang tama, kung paano magsalita nang mali, at alam nila kung paano sila dapat kumilos, kung paano sila hindi dapat kumilos, kung ano ang mga prinsipyo, kung ano ang mga hindi prinsipyo, kung ano ang pagsalungat sa mga prinsipyo at kung ano ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Sa puso nila ay malinaw sa kanila ang mga bagay na ito, at napakalinaw at napakaliwanag pa ngang alam ng ilan ang mga ito, pero gaano man nila nauunawaan at malinaw na nalalaman ang mga prinsipyo, kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay ay hindi man lang nila isinasagawa ang katotohanan, at malaya nilang ginagawa ang masasamang bagay na naaayon sa mga sarili nilang kagustuhan. Ito ang nagpapasya sa kanilang kalikasan bilang sataniko at bilang sa isang anticristo. Hindi lamang sila tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan, kundi madalas pa nilang kinamumuhian at kinokondena ang mga positibong bagay. Bakit namumuhi ang malaking pulang dragon sa katotohanan at sa Diyos? Ito ay ganap na napagpasyahan ng satanikong kalikasan nito. Ang ilang kapatid ay inuusig at labis na tinutugis kaya hindi na sila makauwi sa tahanan nila, at sinasabi ng mga diyablo at Satanas na iyon, “Hindi na normal na namumuhay ang mga taong ito; inabandona na nila ang mga pamilya nila.” Ang totoo, hindi sila makauwi dahil inuusig sila ng malaking pulang dragon. Maraming beses nangyayari ang bagay na ito. Ano pa ang ibang narinig ninyo? (Sinasabi ng malaking pulang dragon na kung masyadong babasahin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, malalason ang mga utak nila.) Sinasabi ng malaking pulang dragon, “Nilalason ng mga salita ng diyos ang utak ng mga tao; naging malaking bahagi na ng buhay nila ang diyos.” Ito ay pagbabaligtad sa katotohanan. Malinaw na ang malaking pulang dragon ang siyang gumagawang tiwali at lumalason sa utak ng mga tao, pero binabaligtad nito ang katotohanan at sinasabing nilalason ng mga salita ng Diyos ang utak ng mga tao—napakabuktot ng mga demonyong ito! Inaangkin ng malaking pulang dragon ang lahat ng mabubuting gawang ginagawa ng iba at isinisisi sa iba ang masasamang gawang ginagawa nito. Ganoon din ang ginagawa ng mga anticristo; ang mga pamamaraan nila ay eksaktong kapareho ng mga pamamaraan ng malaking pulang dragon at ni Satanas. Talagang mga kampon sila ni Satanas!
Natapos na ba nating pagbahaginan ngayon ang mga buktot, mapaminsala, at mapanlinlang na pagpapamalas ng mga anticristo? Ang naibahagi Ko ba ngayon ay hindi naiiba at mas tunay pa kaysa sa literal ninyong nauunawaan? Marami nang nagawang video ang sambahayan ng Diyos sa mga nagdaang taon, at kabilang na ang ilang himno at pelikula at iba pa, lahat ng ito ay nai-upload na online. Nakita ito online ng isang anticristong nasa mainland Tsina at sinabi niyang, “Ginawa ninyo ang mga programang ito sa ibang bansa at kaya rin namin itong gawin sa Tsina.” Pagkatapos ay nangalap siya ng mga tao, nakahanap siya ng isang grupo, at nagsimula ng isang koro sa bansa ng malaking pulang dragon. Sa huli, inaresto ang mga taong ito. Bakit kailangang gawin ito ng anticristo? May layon ba siya? (Oo.) Ano ang layon niya? (Ang kumontrol ng mga tao.) Hindi ito ganoon kasimple, na gusto lang niyang kumontrol ng mga tao. Gusto niyang bumuo ng sarili niyang pangkat. Ang ideya niya ay, “Kayang magkaroon ng sambahayan ng diyos ng koro, at kaya ko rin! Kung magtatagumpay ako, magkakaroon ako ng sarili kong pangkat. Sa isang kumpas lang ng kamay ko, maraming tao ang darating!” Sa ganitong paraan, kaya niyang pumalit sa iglesia ng Diyos. Hindi ba’t ito ang layong gusto niyang makamit? Pero ang naging resulta ay pinigilan ito ng malaking pulang dragon at hindi natupad ang kanyang pangarap. Ginagampanan ng sambahayan ng Diyos ang gawaing ito sa ilalim ng kondisyon na may tiyak na seguridad. May ganito bang kondisyon para sa kanya sa bansang pinamumunuan ng malaking pulang dragon? Walang ganitong kondisyon para sa kanya, pero gusto pa rin niyang magpakitang-gilas. Hindi siya maayos na nakapagpakitang-gilas, at sa huli ay hindi naging maganda ang mga bagay para sa kanya. Ilang taon na ang nakakalipas, isa pang grupo ng mga tao ang gumawa ng programa at inilagay ito online. Umawit sila ng mga lumang kanta na may kasamang sayaw at nagsuot ng mga bulaklaking damit na may estilong pang-etnikong minorya. Masyado itong karaniwan at lipas na. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t nagdulot lang ng gulo ang mga anticristong ito? (Oo.) Hindi alam ng mga walang pananampalataya at mga relihiyosong tao ang aktuwal na sitwasyon at naniwala silang ang mga ito ay ginawa talaga ng iglesia. Palaging gumagawa ng mga kahangalan ang mga anticristo; hindi lamang sila buktot, kundi mga hangal din. Bakit sila hangal? Dahil ba napakabuktot nila na sila ay naging mga estupidong tao na may kabuktutan? Hindi. Anuman ang kakayahan ng isang tao, kung nauunawaan niya ang kaunting katotohanan, kahit pa wala siyang paraan na makapagpatuloy kapag ginagawa niya ang mga bagay-bagay at hindi niya alam kung ano ang angkop o hindi angkop na gawin niya, may pangunahin siyang konsiderasyon sa puso niya: Hindi siya kikilos nang pabaya o pikit-mata. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? (Oo, ganito nga.) Gayumpaman, ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at napakamapagmataas na wala nang katwiran ay kumikilos nang walang pakundangan. Ano ang ibig sabihin ng kumilos sila nang walang pakundangan? Ang mga taong gaya nito ay walang katwiran, at ang mga taong walang katwiran ay hindi makakapagsaalang-alang ng mga isyu. Ano ang ibig Kong sabihin sa “makakapagsaalang-alang”? Ang ibig Kong sabihin ay kung ano ang gagawin sa mga unang yugto, kung ano ang ihahanda, kung ano ang mga bagay na kailangan tuwing aaksyon, kung bakit kailangang gawin ang programang ito at, pagkatapos magawa ang programa, kung gaano karaming tao ba ang maaapektuhan, kung gaano karaming tao ba ang matuturuan, at kung may mga kahihinatnan o negatibong epekto ba ito—lahat ng ito ay kailangang timbangin. Ang proseso ng pagtitimbang na ito ay tinatawag na “pagsasaalang-alang.” Kaya bang isaalang-alang ng mga hangal na taong ito ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Ang mga taong hindi kayang magsaalang-alang ng mga isyu ay walang pagkamakatwiran; mayroon ba silang anumang pagkaunawa sa katotohanan? Siguradong wala. Kung talagang nauunawaan ng isang tao ang kaunting katotohanan, ang kanyang katwiran ay magiging mas malinaw at mas maayos. Maaaring maging mas malinaw sa kanya kung ano ang positibo at negatibo, kung ano ang tama at mali, at kung nasa anong saklaw ang ganito at ganoong prinsipyo; ibig sabihin, anuman ang ginagawa niya, gumagawa man siya ng mabuti o masama, may pamantayan siya sa puso niya. Halimbawa, kung may magsabi sa iyong tumakbo ka nang nakahubad sa kalsada, gagawin mo ba iyon? (Hindi.) Gagawin mo ba iyon kung sasaktan ka ng isang tao? Gagawin mo ba iyon kung may magbibigay sa iyo ng sampung libong yuan? (Kahiya-hiyang gawin iyon. Hindi ko magagawa iyon.) Dahil alam mong nakakahiyang gawin ito, ito ay isang uri ng pag-iisip, isang uri ng paghatol, at isang uri ng saloobing nagmumula sa pagkamakatwiran, ibig sabihin, sa ganitong pagkamakatwiran lamang na magkakaroon ka ng gayong pag-iisip at gayong saloobin. Samakatwid, akitin ka man gamit ang pera o mabagsik na pahirapan at saktan, gaano ka man puwersahin, hindi mo pa rin ito gagawin, kung magkagayon ay hindi ka man lang maaapektuhan, at maninindigan ka. Hindi nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan, kaya wala silang konsepto ng anumang ginagawa nila. Ano ang ibig sabihin ng “konsepto” rito? Ibig sabihin, hindi nila alam kung ano ang gagawin para magpatotoo tungkol sa Diyos. Naniwala ang anticristong ito na may puso siyang napakamapagmahal, tinipon niya ang isang grupo ng mga tao para gumawa ng video ng koro at sa huli ay gumastos siya ng maraming pera at inilagay niya sa panganib ang sarili niya. Mas malala ang sitwasyon sa mainland Tsina kaysa sa ibang bansa, kaya paano kung may hindi magandang mangyari? Isinaalang-alang niya ba ito? Maaaring medyo isinaalang-alang niya ang sitwasyon, pero hindi niya alam kung anong mga programa ang gagawin o kung anong mga resulta ang kakamtin—wala siyang anumang naunawaan. Bakit hindi niya naunawaan? Wala siya ng pagkamakatwirang ito. Paano nagkakaroon ng pagkamakatwiran? Sa pagkaunawa lamang ng katotohanan na unti-unting nagiging malinaw at maayos ang katwiran ng mga tao. Ang mga anticristo ay may kalikasang namumuhi sa katotohanan, likas nilang sinasalungat ang mga positibong bagay, at sa kaibuturan ng puso nila ay hindi nila kailanman kayang mahalin ang katotohanan, kung gayon kaya ba nilang maunawaan ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, kaya ba nilang magkaroon ng pag-iisip ng normal na pagkatao? Hindi sila kailanman magkakaroon nito. Ang mga tao bang walang pag-iisip ng normal na pagkatao ay may pagkamakatwiran? Wala, wala sila nito. Kapag may ginagawa at sinasabing anuman ang mga anticristo, ang mga perspektiba at lahat ng ginagawa nilang iyon ay walang pinagkaiba sa mga bagay na ginagawa ng mga diyablo at masasamang espiritu. Bakit Ko sinasabing walang pagkakaiba? Halimbawa, may isang taong talagang gustong-gustong mangaral at magpakitang-gilas, kaya palagi siyang naghahanap ng mga tao para pakinggan siya sa pangangaral ng mga sermon. Kahit pa ayaw ng mga taong makinig sa kanya, nangangaral pa rin siya; kapag ang ibang tao ay nasusuklam sa kanya, hindi niya ito makita, at hindi niya sinusubukang obserbahan sila, hindi niya nakikita kung ano ang pangangailangan ng iba, at pinalulugod lamang niya ang sarili niya. Hindi ba’t nakakahiya ito? Nakakahiya ito at wala siyang pagkamakatwiran. May kahit ano bang pagkakaiba sa pagitan ng kawalang ito ng pagkamakatwiran at ng sapalaran at walang pakundangang pagsasalita at mga pagkilos ng isang taong sinapian ni Satanas at ng masasamang espiritu? Bagama’t hindi siya mukhang may problema sa pag-iisip na hibang na nagtatatakbo sa kalsada nang nakahubad, makikita mong kumikilos siya nang walang pagkamakatwiran. Kapag sinabi sa kanyang diligan ang ilang kapatid, o ipalaganap ang ebanghelyo, o gampanan ang isang tungkulin, siya ay ganap na walang mga prinsipyo at kumikilos lang nang walang ingat kung paano niya gusto. May ilang taong 20 taon nang ipinalalaganap ang ebanghelyo nang walang nakakamit kahit isang tao, pero gusto pa rin nilang maging mga lider. May mga gayon bang tao? Oo, mayroon. Wala silang anumang prinsipyo, ginugulo nila ang lahat ng bagay na ginagawa nila, pero gusto nilang maging lider at pamunuan ang ibang tao—siguradong maraming tao ang gaya nito. Napakaraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, marami na silang nabasa sa mga salita ng Diyos, at nakinig na sila sa maraming sermon, pero wala pa silang nauunawaang kahit anong katotohanan. Kaya, saan nauugnay ang kawalan nila ng pagkaunawa? Ano ang nagdulot sa kanilang hindi makaunawa? Dahil ba ito sa masyado silang kulang sa kakayahan at sa abilidad na makaarok, o na masama ang ugali nila at hindi nila mahal ang katotohanan? (Ito ay may kinalaman sa diwa nila.) Bakit ito may kinalaman sa diwa nila? (Dahil buktot ang diwa nila, hindi nila matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi gumagawa ang Diyos sa mga gayong tao, kaya gaano man nila kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan.) Ito ay isang obhetibong kadahilanan. Ang obhetibong kadahilanan ay siyempre, iyong hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila kaya siguradong hindi nila mauunawaan ang anumang bagay—nangyayari ito sa lahat. Mayroon ding subhetibong kadahilanan, at ano iyon? (Ang gayong mga tao ay namumuhi sa katotohanan.) At paano itinuturing ng mga taong namumuhi sa katotohanan ang katotohanan? (Bilang kanilang kabaligtaran.) Itinuturing nila ito bilang kanilang kabaligtaran; iyon ay isang aspekto. Ano pa ang iba? Kaya ba nilang maarok ang praktikal na panig ng katotohanan? Hindi kailanman. Kung hindi man lang nila maarok ang antas na ito, sabihin ninyo sa Akin, magagawa ba nilang maunawaan ang katotohanan? Hindi kailanman, hindi nila mauunawaan ang katotohanan. Ang obhetibong kadahilanan ay iyong ang gayong mga tao ay walang kakayahang tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi sila binibigyang-liwanag ng Diyos. Ang subhetibong kadahilanan ay iyong kumakalaban sila sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, at walang positibong bagay ang positibong bagay para sa kanila. Kung gayon anong mga bagay ang pinaniniwalaan nilang positibo sa puso nila? Iyon ang klase ng mga bagay na isinusulong ni Satanas—ang mga bagay na lahat ay buktot, hungkag, at malabo. Kung gayon, kaya bang maunawaan ng mga buktot na taong ito na namumuhi sa katotohanan ang katotohanan? Hindi nila ito kailanman mauunawaan dahil hindi nila ito tinatanggap. Ngayon, sabihin ninyo sa Akin, may dahilan pa ba para magbahagi tayo sa gayong mga tao tungkol sa katotohanan? Magiging handa ba silang makinig kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos sa kanila? Lahat sila ay mga walang pananampalataya at demonyo, kaya paano sila makikinig sa mga salita ng Diyos? Hindi mapasok ng ilang tao ang usaping ito at sinasabi nilang, “Bakit hindi sila makaunawa kapag nagbabahagi ako sa kanila tungkol sa katotohanan? Hindi ba sila tao?” Naguguluhan ka at hindi mo sila makilatis. Hindi mo talaga kayang pakinggan ang mga salita ng ilang tao at ang mga ginagawa nila ay talagang kahangalan—sila ay mga walang pananampalataya, mga demonyo, at mga bingi sila sa lahat ng katwiran. Bakit Ko sinasabi ang mga salitang ito, “bingi sa lahat ng katwiran”? Nananampalataya kang umiiral ang Diyos at na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—hindi ba’t mga positibong bagay ito? (Positibo nga.) At ano ang pinaniniwalaan ng mga taong ito? “Ganito ba ang pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay? Hindi siya katangi-tangi.” Hindi ba’t bingi sila sa lahat ng katwiran? (Bingi sila.) Walang paraan na makipag-ugnayan sa gayong mga tao; ibang uri sila, mga hayop na bingi sa lahat ng katwiran. Hindi kailanman nauunawaan ng mga hayop kung ano ang mga positibong bagay o kung ano ang katotohanan, kaya walang paraan na makaugnayan ang mga ito. Ang katunayang hindi ninyo magawang makaugnayan sila ay hindi problema sa oras, o kung nagsisikap ka bang mabuti o kung gaanong pagsisikap ang ginagawa mo, kundi dahil sadyang wala silang kakayahang makaunawa, kaya ano pa ba ang sasabihin mo sa kanila? Ano ba mismo ang nasa loob ng mga taong ito? Walang pagkamatapat, walang pagiging matuwid, at walang kabutihan sa puso nila, kabuktutan lang, puno sila ng kabuktutan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong ito ay bingi sa lahat ng katwiran at hindi maliligtas.