Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Isang Paghihimay Kung Gaano Kabuktot, Kamapaminsala, at Kamapanlinlang ang mga Anticristo
I. Isang Paghihimay tungkol sa Pagkamapanlaban at Pagkasuklam ng mga Anticristo sa mga Positibong Bagay at sa Katotohanan
Natapos na nating himayin ang pang-anim na pagpapamalas ng mga anticristo, at ngayon ay sisimulan na nating himayin ang pampito: Kung gaano kabuktot, kamapaminsala, at kamapanlinlang ang mga anticristo. Sinasabi ng ilang tao na, “Yamang hinihimay at inilalantad naman natin ang mga anticristo, hindi ba’t masyadong magaan na sabihing sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang? Sino ba ang wala ni katiting na masama o mapanlinlang na disposisyon? Lahat ng ordinaryong tao ay may mga tiwaling disposisyon na ito, kaya kung ilalantad at hihimayin natin sa ganitong paraan ang mga anticristo, hindi ba’t ang ibig sabihin niyon ay anticristo ang lahat ng tao?” Mayroon ba sa inyong nag-iisip nang ganito? Kung mayroong sinuman sa inyo na talagang nag-iisip nang ganito, nagkakamali kayo. Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging buktot, mapaminsala, at mapanlinlang ng mga anticristo at ng pagpapakita ng mga ordinaryong tao ng mga tiwaling disposisyong ito? Mayroon talagang pagkakaiba, dahil kung hindi, hindi natin isasama ang mga disposisyong ito sa mga pagpapamalas ng mga anticristo. Ngayon, pangunahin muna Akong magbabahagi tungkol sa pagkakaibang ito, bago Ako magsalita tungkol sa ilang totoong halimbawa at partikular na pagpapamalas ng buktot, mapaminsala, at mapanlinlang na mga disposisyon ng mga anticristo. Madaling maunawaan ang literal na kahulugan ng mga salitang “buktot,” “mapaminsala,” at “mapanlinlang.” Ang mahirap ay ang pagkilatis sa pangunahing pagkakaiba ng mga uri ng pagpapamalas na ito sa mga anticristo at sa mga ordinaryong tao, kung bakit natin tinutukoy ang isang uri ng tao na nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon at diwang ito bilang isang anticristo, at kung ano ang pagkakaiba ng diwa ng mga anticristo at ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Una, hayagang lumalaban ang mga anticristo sa katotohanan at sa Diyos; nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang na tao, sa Kanyang posisyon, at sa puso ng mga tao, at gumagawa pa nga ang mga anticristo ng iba’t ibang bagay sa paligid ng mga hinirang na tao ng Diyos para makuha ang kanilang puso, at para ilihis at paralisahin sila. Sa madaling salita, ang kalikasan ng mga kilos at pag-uugali ng mga anticristo, ito man ay lantad o sikreto, ay palaging kumakalaban sa Diyos. Bakit Ko sinasabing ito ay kumakalaban sa Diyos? Ito ay dahil alam na alam ng mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na ang Diyos ay ang Diyos, pero sinasalungat pa rin nila ang Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan kahit na paano man ito pagbahaginan. Halimbawa, inaakit ng ilang anticristo ang ilang tao at inililihis at kinokontrol ang mga ito. Pinapatalima at pinapasunod nila ang mga tao sa kanila, at pagkatapos ay mapandaya silang kumukuha ng lahat ng klase ng libro at materyales mula sa iglesia, at bumubuo sila ng sarili nilang mga iglesia at nagtatatag ng sarili nilang mga kaharian, nang sa gayon ay matamasa nila ang pagiging sinusunod at sinasamba ng kanilang mga tagasunod, at pagkatapos niyon ay nagsisimula silang kumita sa iglesia. Ang ganitong klase ng pag-uugali ay malinaw na pakikipag-agawan nila sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao—hindi ba’t isa itong katangian ng mga anticristo? Hindi ba makatarungan na tukuyin ang mga taong ito bilang mga anticristo batay sa kitang-kitang katangiang ito? Talagang makatarungan ito—napakatumpak ng depinisyong ito! May ilan ding anticristo na bumubuo ng mga pangkat sa loob ng iglesia at winawasak ang iglesia. Palagi silang gumagawa ng sarili nilang mga puwersa sa loob ng iglesia, at hindi nila isinasali ang mga hindi sumasang-ayon sa kanila. Pagkatapos ay pinapanatili nila sa tabi nila ang mga nakikinig at sumusunod sa kanila para bumuo ng sarili nilang mga grupo at pasunurin ang lahat sa sinasabi nila. Hindi ba’t pagtatatag nila ito ng sarili nilang mga kaharian? Anuman ang mga pagsasaayos ng gawain o ang mga hinihingi ng Itaas, tumatanggi silang isakatuparan ang mga ito at sa halip ay kumikilos sila sa paraan nila, na inaakay ang mga tagasunod nila na hayagang salungatin ang Itaas. Halimbawa, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na palitan kaagad ang mga lider at manggagawa na walang kakayahang gampanan ang tunay na gawain. Gayumpaman, iisipin ng isang anticristo: “Bagama’t walang kakayahan ang ilang lider at manggagawa na gampanan ang tunay na gawain, sinusuportahan at sinasang-ayunan nila ako, at matagal ko na silang nililinang. Hindi puwedeng palitan ng itaas ang mga taong ito, maliban na lang kung alisin muna nila ako.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ang iglesiang iyon ay nasa kontrol ng anticristong ito? Ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi nakalalampas sa anticristo at hindi maisakatuparan. Kapag matagal nang inilabas ang mga pagsasaayos ng gawain, at nag-ulat na ang lahat ng iglesia kung paano nila isinagawa ang mga iyon, halimbawa, kung sino ba ang itinalaga sa ibang tungkulin o pinalitan dahil sa kung anumang sitwasyon, walang anumang iniuulat kailanman ang anticristo at hindi nito kailanman inililipat ang sinuman. May ilang tao na palaging pabaya sa kanilang mga tungkulin, na seryosong naaapektuhan ang gawain ng iglesia, pero hindi sila inililipat ng anticristo. Kahit na diretsahan pang sabihin ng Itaas sa anticristo na palitan na ang mga taong ito, lilipas ang mahabang panahon na wala itong sagot. Hindi ba’t may problema rito? Kapag sinasabi sa kanya ng Itaas na ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain o sinusubukang magtanong tungkol sa isang bagay, nahaharang na ito ng anticristo. Walang alam dito ang mga kapatid sa iglesia, wala silang natatanggap na mga mensahe, at nakahiwalay na sila sa Itaas—ganap nang nasa ilalim ng kontrol ng taong iyon ang iglesia. Ano ang kalikasan ng pagkilos ng isang anticristo nang ganito? Ito ay ang pagkontrol ng anticristo sa isang iglesia. Bumubuo ng mga pangkat sa iglesia ang mga anticristo, nagtatatag sila ng sarili nilang mga kaharian, sinasalungat nila ang sambahayan ng Diyos, at pinipinsala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Naiwawala ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi nila maramdaman ang presensiya ng Diyos, walang kapayapaan o kagalakan, nawawalan sila ng pananalig sa Diyos, at hindi na nila masiglang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Nagiging negatibo at masama pa nga sila, at tumitigil na ang mga buhay nila. Ang lahat ng ito ay bunga ng panlilihis at pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao. Ngayon, sa lahat ng pastoral na lugar sa Tsina, ilang huwad na lider at anticristo ang nalantad at pinalitan na. Ilan sa kanila ay mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa na walang ginawang tunay na gawain. Lahat sila ay nagtataglay ng mga pagpapamalas ng mga anticristo, at lahat sila ay may mga disposisyon ng mga anticristo, pero hindi pa nila naabot ang antas ng pagiging mga anticristo, kaya pinalitan lang sila. Gayumpaman, ang ilang tao ay may sarili nilang batas, sila ang nasusunod sa lahat ng bagay, ganap nilang nilabag ang mga pagsasaayos ng gawain at ganap silang kumilos sa sarili nilang paraan, kaya tinukoy sila bilang mga anticristo at pinatalsik. Ang ganitong paraan ng paglalantad at pangangasiwa sa mga huwad na lider at mga anticristo ay napakaganda! Napakasaya Ko kapag nakikita Ko ang mga ulat na ito, dahil ipinapakita nito na ang ilan sa mga hinirang ng Diyos ay naunawaan na ang kaunting katotohanan pagkatapos ng ilang taong pakikinig sa mga sermon. Bakit Ko sinasabi na naunawaan na nila ang kaunting katotohanan? Ito ay dahil pagkatapos nilang makinig sa mga sermong ito, kaya na nilang maiugnay at magamit ang mga ito sa ilang usaping nakakaharap nila sa buhay. Pagkatapos nilang makinig sa mga katotohanang ito, maaaring hindi nila talaga nauunawaan ang mga ito sa sandaling iyon, pero kalaunan nakikilatis na nila ang mga tao at pangyayari. Nagkakaroon na sila ng mga prinsipyo at pamantayan na naipangsusukat nila sa mga may sariling batas, sa mga hindi ginagampanan ang tunay na gawain, sa mga hindi kayang lutasin ang mga tunay na problema, sa mga pabaya sa kanilang mga tungkulin at hindi nagdadala ng pasanin, at sa mga hindi nakararamdam ng responsabilidad. Hindi ba’t pagsulong ito? Ito ay pagsulong. Hindi masasabing nagtataglay sila ng tayog, naunawaan lamang nila ang kaunting katotohanan. Ang mga hinirang na tao ng Diyos ay may kaunting pagkilatis sa mga huwad na lider, sa mga anticristo, at sa ilan sa mga hindi ginagampanan ang tunay na gawain at walang kakayahan sa kanilang gawain—hindi ba’t mabuting bagay ito? Mabuting bagay ito; ipinapakita nito na ang mga hinirang na tao ng Diyos ay nauunawaan ang katotohanan at may pagkilatis, at kaya nilang kumampi sa Diyos at protektahan ang gawain ng iglesia—ito ay karapat-dapat ipagdiwang. Hindi posibleng mailigaw ng mga anticristo ang mga nakakaunawa sa katotohanan. Maaari nilang mailigaw ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan at walang pagkilatis sa loob ng ilang panahon, pero gaano katagal? Umaasa Ako, na habang mas nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at mas nananalig sila sa Diyos, mas iikli ang aabuting panahon para matanggihan at maiwaksi nila ang mga gapos at pagpipigil ng mga anticristo. Samakatwid, kailangan pa rin na pagbahaginan natin ang iba’t ibang detalyadong pagpapamalas ng mga anticristo, kung hindi, kapag nailigaw at nakontrol ng mga anticristo ang mga tao, magiging napakahirap para sa mga tao na makamit ang kaligtasan.
Ipinaliwanag Ko sa mga simpleng salita lang ang mga pagpapamalas ng mga anticristo at ang mga dahilan sa pagtukoy sa mga gayong tao bilang mga anticristo. Kung gayon, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga pagpapamalas ng pagiging buktot, mapaminsala, at mapanlinlang na mga anticristo at ng mga tiwaling disposisyon ng mga ordinaryong tao? Nauunawaan ba ninyo ito? May ikukuwento Ako sa inyong isang istorya, at ang istoryang ito ay talagang may kaugnayan sa pagiging buktot, mapaminsala, at mapanlinlang. Ang Aklat ng Job sa Bibliya ay may tala ng pag-uusap ng Diyos at ni Satanas. Tinanong ng Diyos si Satanas, “Saan ka nanggaling?” (Job 1:7). At paano sumagot si Satanas? (“Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7).) Hanggang ngayon, hindi pa rin nauunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ni Satanas dito—tinatawag itong isang disposisyon. Bakit hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ni Satanas? Ito ay dahil hindi mo pa rin nahahanap kung saan mismo galing si Satanas. Ano ang isyu sa sinabi ni Satanas? May isang klase ng disposisyon dito, at iyon ay isang buktot na disposisyon. Tapusin muna natin ngayon ang tungkol sa paksang iyon at suriin natin kung ano ang sumunod na nangyari. Lumapit si Satanas sa Diyos at, pagkatapos nitong sumagot sa tanong ng Diyos, sinabi ng Diyos kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?” (Job 1:8). Ano ang magiging karaniwang reaksyon ng isang normal na tao kapag narinig niya na sinabi ito ng Diyos? (Gugustuhin niyang makita kung paano kumilos si Job.) Iisipin kaagad ng mga tao, “Natakot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan at siya ay isang perpektong tao. Talagang hinahangaan ko siya!” Saan galing ang paghangang ito? Galing ito sa isang uri ng pag-asam, pagmamahal, at pananabik sa mga positibong bagay sa loob ng normal na pagkatao. Gayumpaman, kung hindi mo minamahal ang katotohanan, anong ipapamalas mo kapag narinig mo ang mga salitang ito? (Pangungutya.) Kukutyain mo ang mga salitang ito at babalewalain ang mga ito. Pagkatapos ay iisipin ng ilang tao na, “Matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano itong pagkatakot na ito? Ano ang ibig sabihin ng ‘umiwas sa kasamaan’? Saan ka makakakita ng isang perpektong tao sa panahon ngayon?” Parang wala silang nararamdaman pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito, kaya may puso ba silang nag-aasam at nananabik sa mga ito? (Wala.) Ninanais ba nila ang mga ito? (Hindi.) Hinihiling ba nilang maunawaan kung ano mismo ang mga detalye sa loob nito? Mayroon ba silang ganitong hangarin? Wala, wala sila nito; sa puso nila, ayaw nilang malaman. Mayroon pang isang klase ng tao na abnormal ang reaksyon kapag narinig nila na sinabi ng Diyos na natakot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan, na siya ay isang perpektong tao. Sinasabi nila, “Ha? Natakot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at siya ay isang perpektong tao—may nabubuhay bang ganoong tao? Ipakita Mo sa akin kung paano siya naging perpekto—hindi ako naniniwala diyan!” Ang mga ganito bang tao, na may mga gayong ideya at pagpapamalas, ay talagang pinaniniwalaan at kinikilala ang mga salitang sinabi ng Diyos? (Hindi.) Hindi nila tunay na pinaniniwalaan o kinikilala ang mga iyon. Una, may isang punto na sigurado: Hindi nila kinikilala na totoo, mapagkakatiwalaan, at tumpak ang sinasabi ng Diyos, hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, bilang ang mga salita ng Lumikha, at bilang ang kataas-taasang katotohanan para sa buong sangkatauhan. Dahil hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, paano nila itinuturing ang Diyos? Dahil itinatatwa nila ang mga salita ng Diyos, posible kayang kilalanin nila na Diyos ang Diyos? Siguradong hindi, dahil itinatatwa nila ang mga salita ng Diyos, itinatatwa ang perspektiba ng Diyos, at itinatatwa ang mga kasabihan ng Diyos, ang ipinapahiwatig niyon ay itinatatwa nila ang pag-iral ng Diyos at itinatatwa na Siya ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Sigurado ito. May isa pang punto: Ano ang saloobin ng mga taong gaya nito sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos at sa mga positibo at negatibong bagay, at anong disposisyon ang nasa likod ng kanilang saloobin? Ano ang pananaw nila kay Job? “Hindi iyon posible! Mayroon pa bang taong kagaya niya sa mundo? Ito ay isang labi na lang ng kasaysayan. Ang taong katulad niyon ay hindi dapat nabubuhay sa mundong ito. Ang dapat lang nabubuhay ay ang mga taksil at hindi mabuti, ang mga masama, at buktot. Dapat mamatay at hindi mabuhay ang mga taong gaya ni Job!” Anong disposisyon ito? (Kabuktutan.) Ito ang kabuktutan ni Satanas. May mga tao ba ngayon sa sangkatauhan na may eksaktong katulad na buktot na disposisyon ni Satanas? Anong klaseng mga tao, na kapag narinig nila na sinabi ng Diyos na, “Natatakot si Job sa Diyos at umiiwas sa kasamaan; siya ay isang sakdal na lalaki,” ang hindi kumbinsido, tumatangging tanggapin ito, may pagkasuklam at pandidiri, at may mga pagsumpa pa ngang lumilitaw sa puso nila? Puwede ba nating sabihin na ang mga taong nagbibigay-daan na lumitaw ang mga gayong bagay ay mga kauri ni Satanas? (Oo.) Kung gayon, sumusobra na ba kung tutukuyin bilang mga anticristo ang mga taong ito? (Hindi.) Noong sabihin ng Diyos kay Satanas nang malinaw at taimtim na, “Natatakot si Job sa Diyos at umiiwas sa kasamaan; siya ay isang sakdal na lalaki,” ano ang saloobin ni Satanas? Pinagdudahan nito ang katunayang ito. Ang isang aspekto nito ay iyong pinagdudahan ni Satanas na si Job ay gayong klase ng tao at hindi nito naisip na posible iyon. Ito ay dahil buktot si Satanas at naniniwala itong buktot ang lahat ng bagay; hindi ito naniwala na puwedeng magkaroon ng isang tao sa sangkatauhan na masyadong kamangha-mangha, na talagang makikitang perpekto ng Diyos—hindi pinaniwalaan ni Satanas ang katunayang ito. Ang isa pang aspekto ay iyong noong matuklasan ng Diyos ang isang mabuting tao gaya ni Job, ano ang nadama ni Satanas sa puso nito? Una, sa pinakamababaw na antas, nakadama ito ng pagseselos, inisip nito na, “Paanong nagkaroon ng isang perpektong tao? Hindi ba’t ginawa ko nang tiwali ang buong sangkatauhan? Ang lahat ng tao ay kagaya ko, pinagtaksilan Ka nilang lahat. Paanong susundin Ka nila?” Kung isasalin natin ito sa lengguwahe ng tao, ito ang mentalidad nito. Hindi naniwala si Satanas na posible ito, at may dalawang bahagi sa hindi nito paniniwalang posible ito: Ang una ay hiniling ni Satanas na hindi sana umiral si Job, habang ang ikalawa ay naisip ni Satanas, “Kahit pa nabubuhay siya, lilipulin ko siya.” Hindi ba’t ito ang kabuktutan ni Satanas? (Oo.) Ito ang kabuktutan ni Satanas. Ayaw nito na lumapit sa Diyos ang isang tunay na mabuting tao, isang taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, ayaw nitong mabuhay sa mundo ang isang taong kagaya ni Job, ayaw nitong mabuhay ang isang taong gaya nito, at lalo nang ayaw nitong lumitaw ang isang taong gaya nito—ito ang kabuktutan ni Satanas. Ano ang pinagmulan ng kabuktutan ni Satanas? Ang disposisyong diwa nito ay buktot. Bukod dito, si Satanas ay laban din sa lahat ng positibong bagay. Ano ang kasama sa “lahat ng positibong bagay”? Kasama rito ang mga taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan at mga perpekto. Sa pagiging laban kay Job, hindi ba’t si Satanas ay laban sa Diyos? (Oo.) Ganito nga talaga ang mga bagay-bagay. Habang si Satanas ay laban kay Job, kinamumuhian din nito ang Diyos. Gusto nitong walang sumamba sa Diyos—ito ang pinakamagpapasaya rito at ito ang pinakamalaking hinihiling nito. At pagkatapos, naging ganap na salungat sa inaasahan nito, sa gusto nitong makita, at sa inaasam nito, ang lahat ng katunayang ito. Ang gayong kamangha-manghang bagay ay nangyari sa harap nito mismo, pero ang kabuktutan nito, ang kabangisan nito, ay nagdulot na magkaroon pa ito ng isa pang pakikipag-usap sa Diyos, na siyang ang sumusunod na diyalogo sa pagitan nito at ng Diyos. May nakakaalam ba sa orihinal na teksto? (“Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa Diyos?” (Job 1:9).) Hindi diretsahang nagsalita si Satanas, may patibong na nakatago sa mga salita nito. Sinabi nito, “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa Diyos?” para pag-isipan mo ito. Sabihin mo sa Akin, alam ba ng Diyos ang ibig sabihin ni Satanas dito? (Oo.) Alam ng Diyos. Kilalang-kilala ng Diyos si Satanas at nakikita ng Diyos ang usaping ito nang napakalinaw. Pagkasabi pa lang nito na, “Natatakot ba nang walang kabuluhan si Job sa Diyos?” alam na ng Diyos kung ano ang gagawin ni Satanas. Nang makita ng Diyos na may gustong gawin si Satanas, alam ng Diyos na dumating na ang pagkakataon, na dumating na ang oras para gamitin Niya si Satanas upang subukin si Job. Kaya, sino sa kanila ang marunong? (Ang Diyos.) Hindi ito alam ni Satanas at naisip nito, “Hindi ba’t hindi ako pinahintulutan ng Diyos na pakialaman si Job? Hindi ko kailanman inasahang papayagan ito ng Diyos ngayon.” Ihihinto natin ang istorya rito. Alam na naman ng lahat kung ano ang sumunod na nangyari.
Ngayon ay himayin natin ang mga pagpapamalas at disposisyon ni Satanas sa sinabi nito, pati na rin kung ano mismo ang motibasyon at mga intensyon nito sa pagsasabi nito. Una, hindi naniwala si Satanas sa sinabi ng Diyos, ibig sabihin, nagkimkim si Satanas ng isang nagdududang saloobin sa nilalaman at sa mga katunayan ng mga salitang binigkas ng Diyos. Kasabay ng pagdududa sa sinabi ng Diyos, ginusto nitong gumamit ng kung anong pamamaraan para itatwa ang sinabi ng Diyos, pero hindi ito direktang maitatwa ni Satanas. Nasaan ang kabuktutan ni Satanas? Ito ay nasa paggamit nito ng mas mapanlinlang pang pamamaraan, sinasabi sa puso nito na, “Hindi Kita diretsahang itatatwa. Papapayagin Kita na abusuhin ko si Job, at pagkatapos ay gagawin kong itatwa Ka niya. Ito ang pinakamagandang kalalabasan. Hindi ba’t mabibigo Ka kung ganoon?” Ito ang layon ni Satanas. Anong disposisyon ang ipinakita ni Satanas sa diyalogo nito sa Diyos at sa mga kaisipan nito? Malinaw na buktot ang disposisyon. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kabuktutan ni Satanas at ng kabuktutan ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan? Anong papel ang ginagampanan ni Satanas dito? Hindi nito direktang hinanap si Job para itatwa ni Job ang Diyos. Kung lumaban si Job ay mapapahiya si Satanas, kaya hindi kumilos si Satanas sa ganitong paraan. Kaya, ano ang ginawa ni Satanas? Ano ba mismo ang motibasyon ni Satanas at ang pamamaraan at mga estratehiya nito sa paggawa ng ginawa nito? (Ang umatake gamit ang iba.) Talagang minamaliit mo si Satanas; ang kabuktutan ni Satanas ay hindi maaarok ng mga tao. Ang lahat ng makatarungan at kamangha-manghang positibong bagay sa mundo ay hindi kamangha-mangha kay Satanas—gusto nitong gawing buktot at marumi ang lahat ng bagay na ito. Ano ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ni Satanas at ng mga tiwaling tao? Ang pinakamalaking pagkakaiba ay iyong alam na alam nito na ang Diyos ang katotohanan, na ang Diyos ay may karunungan at awtoridad, at na ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay, pero hindi kinikilala ni Satanas ang mga ito, at sa halip ay kinasusuklaman, pinandidirihan, kinamumuhian, at isinusumpa pa nga nito ang lahat ng ito. Gayunman, madalas inililigaw ni Satanas ang mga tiwaling tao, at hindi nila alam kung ano ang mga positibong bagay, o kung ano ang mga matuwid, at lalo na kung ano ang katotohanan o kung ano ang hinihingi ng Diyos. Bagama’t nagbubunyag sila ng ilang tiwaling disposisyon, nabubunyag ang buktot at mapanlinlang na mga tiwaling disposisyon na ito habang ang mga tao ay hangal, ignorante, manhid, bulag at naloko, at hindi nauunawaan ang katotohanan, samantalang alam na alam ni Satanas ang ginagawa nitong mali. Bakit natin ito tinatawag na Satanas? Dahil nakikita nito ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa espirituwal na mundo at sa buong sansinukob at, habang nasasaksihan nito ang lahat ng iyon, itinatatwa pa rin nitong umiiral ang Diyos, na ang Diyos ang katotohanan, at ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan. Gaano man karaming tao ang sumusunod sa Diyos, gaano man kadakila ang gawaing ginagawa ng Diyos, gaano man kadakila ang hawak na awtoridad ng Diyos, o gaano man kamakapangyarihan sa lahat ang Diyos, itinatatwa pa rin ni Satanas ang lahat ng ito at walang kahihiyan o karangalan nitong pinaparalisa, binubulag, at ginagawang tiwali ang sangkatauhan, gamit ang lahat ng uri ng pamamaraan para iligaw ang sangkatauhan at pasunurin ang sangkatauhan sa kanya. Ano ang kasasabi Ko lamang na mga pangunahing pagpapamalas ng mga kabuktutan ni Satanas? Dalubhasa si Satanas sa pagsalungat sa Diyos, hindi nito kinikilala ang sinasabi ng Diyos gaano man katama ang mga salita ng Diyos, hindi nito kinikilala na mga positibong bagay at katotohanan ang mga salita ng Diyos, at binabaligtad nito ang mga bagay-bagay. Halimbawa, ipinatala ng Diyos sa mga tao ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa tao, at bukod sa mga tala ng mga katunayan ng paglikha ng Diyos sa tao, may mga bakas din ng ebidensiya na puwedeng makita. At ano ang ginawa ni Satanas? Inimbento nito ang “Darwinismo” at sinabing galing sa mga unggoy ang tao, gumuhit ito ng larawan na nagpapakita na unti-unting nag-eevolve ang mga unggoy mula sa mga nilikhang may apat na paa hanggang sa maging mga taong may dalawang paa na lumalakad nang nakatayo, na gumawa ng maling paniniwala at panlilinlang na ito. Bilang resulta, kahit na itinatatwa ngayon ng ilang tao ang ebolusyon, marami pa ring tao ang hindi naniniwala na galing sa Diyos ang tao. Hindi ba’t kabuktutan ito ni Satanas? (Oo.) Ito ang kabuktutan ni Satanas. Gaano man kadakila ang gawain na personal nitong nasasaksihan na ginagawa ng Diyos, nilalabanan at sinasalungat pa rin nito ang Diyos hanggang sa dulo. Bawat araw na hindi winawasak ng Diyos si Satanas o nilulutas ito, patuloy itong sumasalungat sa Diyos. Nandito ang kabuktutan ni Satanas, at ang pinakaugat nito ay iyong ang diwa ni Satanas ay buktot.
Sa pag-uusap ni Satanas at ng Diyos sa Aklat ng Job, mayroon bang koneksyon sa pagitan ng mga pagpapamalas ni Satanas at ng mga pagpapamalas ng mga anticristo? (Mayroon.) Ano ang koneksyon? Bakit Ko iniuugnay ang siping ito? Ang pagiging buktot, mapaminsala, at mapanlinlang ng mga anticristo ay isang paksang madalas ninyong makatagpo, at ang mga ito ay mga aktuwal na pagpapamalas din na madalas ninyong makita, kaya bakit Ko inililista nang hiwalay ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo bilang isang aytem para himayin? Katatapos lang nating pag-usapan ang kabuktutan ni Satanas at kung paano ito partikular na lumalaban sa Diyos, kaya hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga anticristo? (Ginagawa rin nila.) Ano ang mga pagpapamalas ng mga anticristo? Pagkatapos makinig ng isang anticristo sa isang sermon, alam niyang maganda ang sermon at kaya nitong maunawaan ang mga salitang iyon. Bukod pa roon, may kaunti itong kakayahan, at kapag naunawaan na niya ang mga salitang iyon, nagsisikap itong tandaan ang mga ito, at sinusubukan nitong isapuso ang mga bagay na gusto niya at na umaayon sa sarili niyang mga kuru-kuro. Pagkatapos, batay rito, nagpoproseso at bumubuo siya ng sarili niyang sermon, na sa tingin ng ibang tao ay napakaganda kapag narinig nila ito. Gayumpaman, hindi ito ang pangunahing pagpapamalas ng kabuktutan ng isang anticristo; ano ang kanyang pangunahing pagpapamalas? Ang mga taong gaya nito ay kayang maunawaan ang katotohanan, kaya, sabihin ninyo sa Akin, kaya ba nilang makita ang pagkakaiba ng tama at mali? (Oo.) Oo, kaya nila, hindi sila estupido. Halimbawa, madalas nilang nakakaugnayan ang mga kapatid, at alam nila sa puso nila kung aling mga tao ang naghahangad sa katotohanan at alin ang hindi. Alam nila sa puso nila kung sino ang kayang maglaan ng kanilang sarili at magsuko ng mga bagay-bagay, kung sino ang kayang tapat na gampanan ang kanilang tungkulin, at kung sino ang siguradong kayang pumili na isagawa ang katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo kapag nahaharap sila sa mga ordinaryong usapin. Pero matatrato ba nila nang patas ang mga gayong tao? (Hindi.) Paano nila tinatrato ang mga tao sa paraan na nagpapakita ng pagpapamalas ng mga anticristo? Halimbawa, may isang taong hindi naman banta sa kanila, at iniisip nila na, “Hinahangad mo ang katotohanan at mas mahusay ang kakayahan mo kaysa sa akin, pero hindi ko itataas ang ranggo mo. Ang hindi ko pagtataas ng ranggo mo ay hindi nangangahulugang babalewalain kita. Kung sisipsip ka sa akin, pananatilihin kita sa tabi ko. Kung hindi ka kailanman sisipsip sa akin at palagi kang matuwid, kung palagi mong ginagawa ang mga bagay sa paraan na walang kinikilingan at sumusunod sa mga prinsipyo, makikilatis mo ang anumang masamang gawin ko at mahahalata mo ako, at magbabahagi ka sa akin tungkol sa katotohanan para pagsisihin ako, at masyado akong ipapahiya niyon. Kung hindi mo ako pakikialaman, ayos lang. Kung palagi kang makikialam sa akin, tatanggalin kita!” Ito ang klase ng planong mayroon sila, at nagkakalkula sila nang ganito sa puso nila. Anong disposisyon ito? Mayroon silang dalawang disposisyon: kabangisan at kabuktutan. Ganito sila mag-isip bago nila gawin ang gayong pagkilos at pahirapan ang taong ito—ito ay kabuktutan. Alam na alam nilang hinahangad ng taong ito ang katotohanan at na may pagpapahalaga ito sa katarungan, pero hindi nila itinataas ang ranggo nito, hindi sila nakikipaglapit dito, at pakiramdam nila sa puso nila ay mapagbantay sila at nasusuklam sa taong ito—ano ang disposisyong ito? Ito ay kabuktutan. Ano ang tinutukoy ng kabuktutang ito? Hindi sa hindi nauunawaan ng mga anticristo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay; alam nila kung ano ang tamang landas, hindi nga lang sila sumusunod dito, hindi nila isinasagawa ang katotohanan, wala silang pinakikinggan, at pinipili nila ang landas ng kabuktutan. Halimbawa, may ilang babae na ayaw maging mga babaeng may mabuting moralidad at mamuhay ng isang angkop at wastong buhay, sa halip ay pumupunta sila sa bahay-aliwan. Sa mga panahong ito ay wala namang nambubugaw sa kanila o pumipilit sa kanila, kaya bakit sila pumupunta sa bahay-aliwan? Ito ay dahil buktot sila at ipinanganak sila para maging ganoon. Ang mga anticristo ay ganitong klaseng basura, at hinihimay natin sila at tinutukoy sila bilang mga anticristo dahil ang kabuktutan ng mga anticristo ay hindi kailanman puwedeng maging pagkamatuwid at kabutihan ng mga normal na tao—ito ang pagkakaiba sa pagitan nila at ng mga normal na tao na may mga tiwaling disposisyon. Pungusan man sila, o gamitin ng iglesia ang mga atas administratibo para supilin sila, o bumangon man ang mga kapatid para salungatin at ilantad sila, walang makakapagbago sa orihinal na layunin at mga prinsipyo ng kanilang pagkilos—hindi ito kailanman mangyayari. Walang makakapagbago sa kanila, walang makakaaantig sa puso nila para bitiwan nila ang kanilang mga pananaw o ang mga prinsipyo ng kanilang asal; hindi mo sila mababago—mga anticristo sila. Akala mo ba ay napakabuktot ng mga anticristo na hindi na nila alam kung ano ang mabuti at kung ano ang masama? Alam nila. Kapag nag-uulat ng isyu ang anticristo o gumagawa ito ng ulat sa Itaas tungkol sa gawain, sumusulat ito ng magagandang pakinggang mga salita, at kung babasahin mo ang mga ulat na ito, iisipin mong ang taong ito ay may napakahusay na kakayahan. Gayumpaman, kapag nalaman mo na ang tunay na sitwasyon, matutuklasan mo na sa kanyang gawain ay palagi niyang nilalabag ang mga pagsasaayos ng gawain, inaapi niya ang mga naghahangad sa katotohanan, at ginugulo niya ang gawain ng iglesia—isa siyang anticristo. Ang ilang anticristo ay nag-iwan ng mga komento sa website ng ating iglesia, at kung hindi mo alam ang pinanggalingan o pinagmulan nila, makikita mo lang kung gaano kagaling na naipahayag ang mga komento nila, na talagang malinaw na naisulat at may magandang istilo, at iisipin mong ang taong ito ay may mahusay na kakayahan. Kapag lang nalaman mo na ang tungkol sa kanila ay saka mo malalaman na anticristo sila, na gumawa sila ng maraming kasamaan at pinatalsik na sila sa iglesia tatlong taon na ang nakakalipas. Patuloy silang naglalagay ng mga mensahe sa website ng sambahayan ng Diyos para mapansin ng Itaas, para tumaas ang ranggo nila at mabigyan sila ng pagkakataong makabawi; ganoon iyon. Sabihin ninyo sa Akin, gusto ba ng mga anticristo na pagpalain? (Oo.) Talagang gusto nila; natatakot sila sa kamatayan at natatakot silang mamatay.