Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi) Unang Seksiyon
Karagdagang Babasahin: Pangangasiwa sa Insidenteng Kagagawan ng Anticristo sa Canada
Ano ang sitwasyon ngayon ng mga tao sa pagganap sa kanilang tungkulin sa iglesia sa Canada? Nakikilatis ba ninyo ang anticristo na si Yan? May nakikita ba kayong anumang mga problema sa paraan ng pagsasalita at pagkilos ni Yan? (Sa panahong iyon, wala akong nakitang anumang mga problema, inisip ko lang na hindi niya sinusubaybayan ang mga gawain. Wala talaga akong gaanong alam tungkol sa ibang bagay.) Puwedeng magpatuloy ang kasunod na tao. (Wala akong masyadong ugnayan kay Yan. Dumalo ako ng ilang pagtitipon kasama siya dalawang taon na ang nakalipas, pero hindi ko na siya nakakausap pagkatapos noon.) Lider ng iglesia ninyo si Yan, paanong wala sa grupo ninyo ang may komunikasyon sa kanya? Dahil ba natuklasan na may mga problema siya ngayon at sinusubukan ninyong iwasan ang mga responsabilidad ninyo, o talagang hindi na ninyo siya nakakausap? Nabalitaan Kong may isang taong nagkaroon ng hindi tamang relasyon kay Yan—totoo ba? (Oo.) Napansin ba ninyo ito? (Hindi.) Kung gayon napakabulag ninyo. Puwedeng magpatuloy ang iba. (Maraming beses kong nakaugnayan si Yan. Noong panahong iyon, inisip ko lang na medyo mapagmataas at mapagmagaling siya, at mahilig siyang magmalaki sa sarili at magpasikat. Pero hindi ko kailanman nakilatis na may diwa siya ng isang anticristo.) Mahilig siyang mang-akit ng mga babae; alam mo ba iyon? (Hindi. Palagi siyang nagsasalita nang estrikto sa pagbabahaginan na talagang masama para sa mga lalake at babae ang papalit-palit ng kapareha, at madalas niyang ibinabahagi na kailangan naming itigil ang gayong pag-uugali. Hindi ko kailanman inakalang magiging ganoon siya kapag walang nakakikita.) Puwede nang magpatuloy ang susunod. (Nakipag-ugnayan ako kay Yan sa loob ng isang taon, pero wala akong magandang relasyon sa kanya at wala kaming magkatugmang kooperasyon. Nakakausap ko lang siya kapag pinag-uusapan namin ang gawain at wala na akong masyadong interaksiyon sa kanya bukod doon. Kaya wala akong masyadong gaanong pagkakilatis sa kanya.) Hindi mo siya gaanong nakikilatis? Ito ba ay dahil hindi mo nakita kung ano ang nangyayari o hindi mo ito nakilatis? Paanong wala kang gaanong pagkilatis sa kanya? Paanong ganito ang kinalabasan? (Dahil mali ang landas na tinahak ko at inidolo at hinangaan ko ang isang taong may pambihirang talino. Magaling magsalita si Yan, at sa bawat pagbabahaginan ay sisipiin niya ang mga salita ng Diyos at ang mga sermon at mga pagbabahaginan mula sa Itaas. Mukhang alam niya kung paano lutasin ang mga problema, at tuwing may problema sa iglesia susubukan niyang lutasin ito.) Kung alam niya kung paano lutasin ang mga problema, paanong nangyaring napakarami pa ring problema ng Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula sa iglesia sa Canada na hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas? Sinasabi mo na talagang alam niya kung paano lutasin ang mga problema, hindi ba kalokohan iyon? Hindi ba mapanlinlang iyon? (Oo.) Nakikinig ba kayo ng mga sermon? Linggo-linggo ba kayong dumadalo sa mga pagtitipon? (Dumadalo kami.) Kung gayon, nakikinig ba kayo sa Akin kapag ipinangangaral ko ang mga sermon tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo? (Oo.) Pagkatapos ninyo Akong pakinggan, nagkakaroon na ba kayo ng pagkilatis kay Yan? Nakikita ba ninyo ang anumang mga problema sa paraan ng paggawa ni Yan ng mga bagay? Nakikinig kayo ng mga sermon at nagtitipon sa iisang lugar kasama ang anticristo, pero hindi ninyo nakita ang isang halatang anticristo—anong problema rito? Dalawang taon at limang buwang naging lider si Yan; sino ang pinakamadalas niyang nakasasalamuha? Sa anong grupo siya gumugol ng pinakamahabang oras? Ilang tao sa grupo na iyon ang nakakilatis sa kanya? Ilan ang nakatuklas na may problema siya at hindi ito ipinaalam? Sino ang nakatuklas na may problema siya at lumantad para ipaalam ito? Alam ba ninyo ang mga sagot sa mga tanong na ito? (Walang sinuman ang nakakilatis kung ano ba talaga siya.) Kung ganoon paano ninyo natuklasan kalaunan na siya ay isang anticristo? (Isang kapatid na babae na may mga kaugnayan sa kanya ang nagsabing nasa masamang kalagayan siya, at nang subukan naming alamin ang higit pa tungkol sa sitwasyon, natuklasan namin ang problema ni Yan tungkol sa mga kaugnayan niya sa mga babae.) Inilantad ng kapatid na babaeng iyon ang problema, pero iniulat ba ito ng sinuman sa inyo? (Hindi.)
Sa paglipas ng panahong iginugol natin sa pagbabahaginan at paghihimay-himay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, may natuklasan ba kayong iba pang problema kay Yan? (Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo, natuklasan ko na napakahusay ni Yan sa paglikha ng mga alitan sa pagitan ng mga tao. Madalas niyang hinuhusgahan ang ilang partikular na kapatid sa harap ko at sinusubukan niyang lumikha ng hidwaan sa relasyon ko sa sister na katrabaho ko, sinasabi na ang sister na ito ay mapagpalugod lang ng mga tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan, at iba pa. Dahil dito, nagkaroon ako ng ilang partikular na opinyon tungkol sa sister na iyon, at sa paglipas ng panahon ay hindi na ako nakapagtrabaho nang maayos kasama ito.) Sa totoo lang, lahat kayo ay may mga opinyon tungkol kay Yan, pero walang nagbanggit tungkol sa mga ito o nag-ulat tungkol sa kanya. Kayong lahat ay mga mapagpalugod ng mga tao na mas pipiliin pang makaantala sa gawain ng iglesia at huwag magmalasakit tungkol dito. Hindi niya ginawa ang gawaing isinaayos ng Itaas para sa kanya, at nang makita ninyo ito, hindi ninyo siya iniulat, bagkus ay pinagtanggol at binigyang-layaw ninyo ang anticristong ito. Bakit hindi ninyo siya iniulat? Natatakot ba kayo na mapasama ang loob niya o hindi ba ninyo lubusang naintindihan ang mga bagay-bagay? (Hindi ko lubusang naintindihan ang mga bagay-bagay. Bukod sa pakikipagkita ko sa kanya kapag may isyu ako paminsan-minsan, hindi ako karaniwang nakikisalamuha sa kanya. Sinabi niya na abala siya sa pagtatrabaho, pero hindi namin alam kung nagsasabi ba siya ng totoo o hindi.) Hindi kailangang imbestigahan kung ano ang ginagawa niya kapag walang nakakakita; dapat ay malinaw mong nakita ang ilan sa mga ginagawa niya sa mismong harapan mo. May mga partikular na pagpapamalas kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga anticristo. Hindi lang siya gumagawa ng mga bagay-bagay nang patago; matutukoy mo ang mga pagpapamalas na iyon sa personal. Kung hindi ninyo makita ang mga pagpapamalas na iyon, hindi ba’t bulag kayo kung gayon? (Oo.) Kaya, kung magkakaroon uli ngayon ng isang taong katulad nito, makikilatis ba ninyo siya? Makakagampan ba ng aktuwal na gawain ang isang taong katulad ni Yan? Makakapagbahagi ba siya tungkol sa katotohanan at makakalutas ng mga problema? (Hindi.) Bakit ninyo sinasabing hindi? (Kung ang mga resulta ng gawain ang pag-uusapan, maraming problema ang iglesia na hindi nalutas sa loob ng mahabang panahon, napakabagal ng pag-usad ng lahat ng gawain, at ang mga pelikulang ginawa namin ay hindi tumugma sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos.) Bago pinangasiwaan si Yan, nakita ba ninyo na problema ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nauunawaan ninyo pagkatapos ninyong makinig sa mga sermon? Hindi ninyo nakikita ang mga ganoon kalubhang problema, at palagi lang kayong nagpapalusot, sinasabi ninyo, “Hindi kami nakisalamuha sa kanya. Paano namin malalaman ang mga ginagawa niya nang patago? Mga ordinaryong mananampalataya lang kami, isa siyang lider. Hindi puwedeng palagi nalang namin siyang sinusundan, kaya, makatwiran lang na hindi namin siya nakilatis at na hindi namin siya iniulat.” Ito ba ang ibig ninyong sabihin? (Oo.) Ano ang kalikasan nito? (Sinusubukan naming iwasan ang aming mga responsabilidad.) Kaya, haharapin ba ninyong muli nang ganito ang usapin kung may makakatagpo kayong taong katulad nito sa hinaharap? (Hindi, hindi ko na muling haharapin nang ganito ang usapin. Kapag natuklasan ko sila, dapat ko silang iulat.) Hindi Ako masyadong sigurado na gagawin ninyo iyan. May mga tao sa maraming iglesia na nag-uulat ng mga huwad na lider at mga anticristo, pero wala ni isa sa iglesia sa Canada. Napakatagal nang aktibo ng anticristong ito at walang nag-ulat sa kanya, hindi siya iniulat ng sinuman. Kamakailan lang, nagpadala ng liham ang Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula sa US na nag-uulat tungkol sa isang tao. Organisado ang pagkakasulat dito at may batayan ang mga nilalaman nito, at napakapartikular at tumpak din nito, pangunahin itong nakabatay sa mga katunayan. Ipinapakita nito na sa bawat iglesia, may ilang tao na nakakakilatis ng mga huwad na lider at anticristo—mabuting bagay ito. Gumagampan ang mga huwad na lider at anticristo minsan, at nagbubunyag sila ng mga partikular na problema. Maaaring nakikita lamang ng ilang tao na may mga problema, pero hindi nila malinaw na nauunawaan ang diwa at ang katotohanan ng mga problemang ito o kung paano lulutasin ang mga ito—ito rin ay nauukol sa kawalan ng pagkilatis. Ano ang dapat ninyong gawin sa mga gayong sitwasyon? Sa mga ganitong pagkakataon, dapat kayong humingi ng tulong sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan na kilatisin ang mga ito. Kung may ilang tao na kayang umako ng responsabilidad, kapag ang lahat ay sama-samang naghahanap, nagbabahaginan, at nagtatalakayan tungkol sa usapin, maaari kayong magkaroon ng nagkakaisang opinyon at malinaw ninyong mauunawaan ang diwa ng problema, at pagkatapos ay makikilatis ninyo kung sila ay mga huwad na lider at anticristo. Hindi masyadong mahirap na lutasin ang problema ng mga huwad na lider at anticristo; hindi gumagampan ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider at madali silang matuklasan at makita nang malinaw; ginugulo at ginagambala ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at madali ring matuklasan at makita nang malinaw. Ang lahat ng ito ay nauugnay sa problema ng panggugulo sa paggampan ng mga hinirang ng Diyos sa kanilang mga tungkulin, at dapat ninyong iulat at ilantad ang mga gayong tao—sa pamamagitan lamang ng paggawa niyon ninyo mapipigilan ang pagkaantala ng gawain ng iglesia. Ang pag-uulat at paglalantad sa mga huwad na lider at anticristo ay napakahalagang gawain na nagtitiyak na magagampanan nang maayos ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin, at pinapasan ng lahat ng mga hinirang ng Diyos ang responsabilidad na ito. Hindi mahalaga kung sino ito, basta’t siya ay isang huwad na lider o isang anticristo, dapat siyang ilantad at ibunyag ng mga hinirang ng Diyos, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang inyong responsabilidad. Hangga’t ang iniuulat na problema ay totoo at talagang may insidente ng huwad na lider o anticristo, palagi itong pangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos nang napapanahon at nang naaayon sa mga prinsipyo. Kaya, ipinagbigay-alam ba ninyo ang problema sa anticristong si Yan? Hindi. Kayo ay nilihis at pinaglaruan ng diyablong ito sa loob ng mahabang panahon, na parang wala kayong kamalayan. Ang magkaroon ng gayon kahalatang anticristo sa tabi ninyo na kumikilos nang walang pakundangan sa loob ng mahabang panahon at para tulutan lamang ninyo ito na magpatuloy nang wala man lang kumokontra, talaga bang wala kayong kamalayan? Normal ba kayong namumuhay ng buhay iglesia? Natatamasa ba ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu? Nakikinabang ba kayo sa tuwing dumadalo kayo sa isang pagtitipon? Dapat ay nararamdaman ninyo ang lahat ng ito. Ang pinakamahalaga, hindi nagsagawa ng anumang aktuwal na gawain ang anticristong si Yan, nagsanhi siya ng mga pagkaantala sa paggawa ng pelikula, at labis niyang ginulo ang gawain ng iglesia. Ang sinumang may puso ay dapat na nakita ang mga bagay na ito, ngunit wala sa inyo ang naglantad o nag-ulat tungkol sa anticristong ito. Para bang gusto ninyong nakikihalubilo sa maruruming diyablo at masasamang espiritu, at na walang-wala kayong pagmamahal sa katotohanan. Maaaring ayaw ninyong aminin ito, pero ito ay totoo. Nakihalubilo kayo sa isang diyablo, pero iniisip ninyo na maganda ito. Iniisip ninyo na hindi na ninyo kailangang basahin ang mga salita ng Diyos o hangarin ang katotohanan, at maaari na lamang ninyong pabasta-bastang iraos ang mga pormalidad sa paggampan ng inyong tungkulin; iniisip ninyo na hindi na ninyo kailangang mag-abala pa sa pagkamit ng kaligtasan, pagsasagawa sa katotohanan, pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, o sa paggampan nang maayos sa inyong tungkulin. Naniniwala kayo na puwede ninyong basta lang na bigyang-layaw ang inyong laman at maging malaya kayo, tulad lamang ng mga tao sa Sodoma noon, na kumakain, umiinom, nagsasaya lang, at hindi gumagawa ng nararapat na gawain, nang walang sinumang umaako ng responsabilidad, at walang naglalantad o nag-uulat sa anticristo. Dahil dito, walang gawain ng Banal na Espiritu sa iglesia sa loob ng mahabang panahon. At wala kayong pakialam, nasadlak na kayo sa imoralidad, walang pagkakaiba sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Maraming taon na kayong nakikinig sa mga sermon, at kahit ngayon ay hindi pa rin ninyo makilatis ang mga huwad na lider at anticristo, sa halip ay handa kayong makihalubilo sa mga anticristo at kumain buong araw nang hindi seryosong pinag-iisipan ang anumang bagay. Sapat na ang gayong pag-uugali para maipakita na hindi kayo tunay na mananampalataya sa Diyos. Una, hindi ninyo minamahal ang katotohanan o tinatanggap ang katotohanan; pangalawa, wala kayong pagpapahalaga sa responsabilidad sa inyong tungkulin, lalong hindi masasabing tapat ninyo itong ginagampanan, at basta lang ninyong binabalewala ang gawain ng iglesia. Mukha kayong gumagampan sa inyong tungkulin ngunit wala kayong natatamong resulta; iniraraos lamang ninyo ang mga pormalidad. Gaano man guluhin at sirain ng mga huwad na lider at mga anticristo ang gawain ng iglesia, wala kayong kaalam-alam, at hindi man lang kayo nababahala rito. Kapag ganap nang nabunyag ang isang anticristo, saka lamang ninyo inaamin na wala kayong pagkilatis, at kapag tinatanong Ko ang tungkol sa mga detalye, sinasabi ninyo, “Hindi ko alam, hindi ako ang responsable rito!” Ganap kayong naghuhugas-kamay sa usaping ito. Sa palagay ba ninyo, kapag sinabi ninyong tapos na ang usaping ito ay makatatakas na kayo sa inyong responsabilidad? Hindi na ba ito susuriin ng sambahayan ng Diyos? Diniligan kayo ng sambahayan ng Diyos sa loob ng mahabang panahon at marami na kayong napakinggang sermon, at ano ang kinalabasan? May seryosong problema, kung saan lumitaw ang isang anticristo sa iglesia, pero hindi ninyo ito namamalayan. Ipinapakita nito na hindi man lang kayo nakausad, na kayo ay manhid at mahina ang utak, at na binibigyang-layaw ninyo ang inyong laman. Kayo ay pawang mga bangkay, walang ni isang buhay sa inyo, walang ni isang naghahangad sa katotohanan, sa pinakamainam ay may ilang trabahador lamang sa inyo. Ang makapanampalataya sa Diyos at makinig sa mga sermon sa loob ng mahabang panahon, at pagkatapos ay makihalubilo sa isang anticristo, at hindi ito ilantad o iulat—ano ang pagkakaiba mo sa isang taong hindi nananampalataya sa Diyos? Kayo ay kasama ng mga anticristo, kayo ay hindi mga tao ng Diyos; sumusunod kayo sa mga anticristo, sumusunod kayo kay Satanas, at hinding-hindi kayo mga tagasunod ng Diyos. Kahit na hindi ninyo ginawa ang masasamang bagay na iyon na ginawa ng anticristo, pero sumunod kayo sa kanya at pinrotektahan ninyo siya, dahil hindi ninyo siya inilantad o iniulat at sinasabi ninyo na hindi ninyo masyadong nakasalamuha ang anticristo at na hindi ninyo alam kung ano ang kanyang ginagawa. Sa paggawa nito, hindi ba’t ipinagtatanggol ninyo ang anticristo habang dilat na dilat ang inyong mga mata? Gumawa ng napakaraming kasamaan ang anticristo at pinaralisa nito ang gawain ng iglesia, ginambala ang buhay iglesia hanggang sa lubusang magulo ito, subalit sinasabi ninyo na hindi ninyo alam kung ano ang ginagawa ng anticristo—sino ang maniniwala niyan? Nakita ng sarili niyong mga mata na ginugulo at pinipinsala ng anticristo ang gawain ng iglesia, subalit ganap kayong walang pakialam at wala man lang kayong reaksiyon. Walang naglantad o nag-ulat sa anticristo—lahat kayo ay nabigong gampanan kahit man lang ang maliit na responsabilidad na ito at lubos kayong walang konsensiya at katwiran! Ang lahat ng iglesia ay madalas na nagpapadala ng mga liham na nag-uulat ng mga huwad na lider at mga anticristo—hindi ba ninyo ito nakita kahit kailan? Tanging ang iglesia sa Canada ang tila isang lawa ng hindi dumadaloy na tubig na hindi kailanman nakipag-ugnayan sa Itaas para magbigay ng ulat tungkol sa sitwasyon nito. Kayo ay pawang mga bangkay, walang ni isang buhay sa inyo! Hindi kikilalanin ng Diyos ang gayong iglesia, at kung hindi kayo magsisisi, kayo ay ganap na matatapos at lahat kayo ay matitiwalag.
Ngayon ay ika-10 ng Hulyo, 2019. Mula ngayon, pormal na sasailalim ang Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula sa Canada sa panahon ng pagbubukod at pagninilay-nilay sa loob ng isang taon. Ilang tao ang nasa Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula? (O Diyos, may 34 na tao sa Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula.) At ilan ang mga lider? (Dalawa.) Sige, tumayo kayong dalawa para makita Ko kayo. Kayong mga tao sa Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula, tandaan ninyo ang araw na ito, ika-10 ng Hulyo. Simula ngayon, pormal na uuriin ang Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula sa Canada bilang Grupo B sa loob ng isang taon. Kung magsisisi kayo maaari kayong makabalik sa ordinaryong iglesia; titingnan natin kung anong magiging ugali ninyo sa loob ng isang taon—kung patuloy ninyong magagawa ang inyong tungkulin, at magpapakita kayo ng pagsisisi, puwede ninyong muling ipagpatuloy ipamuhay ang buhay iglesia. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Mananatiling pareho ang mga tungkulin ninyo sa panahong ito. Kung may ilan sa inyo na ayaw mapaalis at matiwalag, ano sa tingin ninyo ang pagpapatibay ng pamamaraang ito ng pagbubukod at pagninilay-nilay? Nasisiyahan ba kayo rito? (Oo.) Bakit isang taon ang ibinibigay Ko sa inyo? (Para bigyan kami ng pagkakataong magsisi.) Para bigyan kayo ng pagkakataong magsisi. Kung pagkatapos ng isang taon ay kahiya-hiya pa rin ang asal ninyo, ang kahusayan ninyo sa gawain ay wala pa rin sa pamantayan, napipilitan pa rin kayo sa pagganap sa inyong tungkulin at ang tungkulin ninyo ay kasinggulo pa rin ng dati, wala pa rin kayong nagagawang pag-unlad sa inyong propesyonal na gawain at buhay pagpasok, at wala pa rin kayong nakakamit na anumang resulta, kung gayon ay magpapatuloy pa rin kayong nakabukod sa loob ng isa pang taon, at sa ganitong paraan ang haba ng panahon ay palalawigin nang taon-taon. Kapag sumusulong kayo, iyon ay, kapag makasusulat na kayo ng ilang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at ang inyong pag-uugali, pang-unawa, at ang mga resulta ng gawain ay talagang nasa pamantayan na, puwede na ninyong muling ipagpatuloy ipamuhay ang buhay iglesia. Ang ibang mga grupo sa iglesia ng Canada ay puwede nang magpatuloy ipamuhay ang buhay iglesia. Titingnan namin kung anong magiging saloobin ninyo sa pagganap sa inyong tungkulin sa hinaharap. Kung patuloy pa rin kayong kumikilos nang kahiya-hiya, kung gayon ay ibubukod ang lahat ng nasa iglesia ng Canada. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Ano sa tingin ninyo ang kinalabasang ito ng pangangasiwa ng usapin? (Mabuti ito.) Talaga bang mabuti ito, o sinasabi lang ninyo iyon? (Talagang mabuti ito.) Sige, nasisiyahan kayo rito. Kaya ang sermong ito ngayon ang huling maririnig ninyo. Ang Aking orihinal na layunin ay ang ganap na ibukod at itiwalag kayo, at huwag kayo pahihintulutang makinig muli ng mga sermon. Sa lahat ng taong pinakikinggan ninyo ang mga sermon ay walang saysay at wala pa kayong natututuhan, kaya bakit nakikinig pa rin kayo? Ako ay labis na nasasaktang tingnan kayo! Mukhang manhid at mapurol kayo.
Noong nakikipag-usap Ako sa isang sister sa iglesia ng Canada, nabalitaan Kong ang sitwasyon doon ay puro walang kuwentang tawanan at sobrang mahalay, napakaingay na hindi na siya makapag-type, na para bang siya ay nasa abalang lugar sa lungsod. Nagsimulang ayawan Ko ito at sinabi Kong ang mga tao sa iglesia ng Canada ay hindi mga deboto, kundi puro mahahalay, tulad ng mga hindi mananampalataya, at hindi nila hinangad ang katotohanan. Kalaunan, nakipagbahaginan Ako sa mga taong ito tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa produksiyon ng pelikula at talagang mga manhid sila. Anong ibig sabihin ng “manhid”? Noong nakikipag-usap Ako sa kanila, wala silang ipinakitang reaksiyon o kahit anong eskpresyon ng mukha, nakatitig lang sila, na para bang sinapian sila ng masasamang espiritu—wala silang reaksiyon o saloobin tungkol sa kahit ano. Hindi ba ito nakadidiri? Kung hahatulan ang mental na kalagayan at hitsura ng mga taong ito, walang maayos sa grupong ito, magugulo silang lahat, sa partikular, may nangyaring imoral sa Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula, at sinasabi pa rin nilang wala silang nalalamang anuman? Tumpak ba ang sinasabi nila? Hindi ba mapanlinlang ito? Sa totoo lang, ang usaping ito kay Yan na anticristo ay pinangasiwaan na ng mga lider at manggagawa, pero dahil napakaseryoso at kasuklam-suklam nito, kailangan Kong personal na makialam dito. Bakit kailangan Kong makialam? Dahil hindi nila ito pinangangasiwaan nang maayos. Nagsabi lang sila ng mabababaw na bagay, hindi nila kayang lutasin alinman sa mga problema, at hindi man lang kayang himayin ang usapin. Gaano talaga kayo kamanhid ngayon? Puwede kayong tusukin ng karayom sa mukha at hindi dudugo; talagang wala kayong mararamdamang kahit na ano. Napupungusan nang lahat ang lider at manggagawa, pero pagkatapos noon ganoon pa rin sila at hindi nagbago. Kaya kinailangan Kong makialam at baguhin ang “pagtrato” ninyo. Anong mga aral ang natututuhan ninyo sa usaping ito? Nakararamdam kayo ng kalungkutan sa puso ninyo, hindi ba? Sa tingin ba ninyo ay makatarungan na Ako ang nangangasiwa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? (Oo.) Paano ito naging makatarungan? Hayaan ninyong magsalita Ako nang prangka: Kung hindi mo sinusunod ang tamang landas o isinasagawa ang katotohanan, kung iwinawagayway mo ang pananalig mo sa Diyos pero gusto mong mamuhay na gaya lang ng mga walang pananampalataya at kumilos nang walang pakundangan, kung gayon ang pananalig mo sa Diyos ay walang kabuluhan. Bakit Ko sinasabing ito ay walang kabuluhan? Saan ba nakasalalay ang kabuluhan ng pananalig sa Diyos? Nakasalalay ito sa ganap na pagbabago ng landas na tinatahak ng mga tao, sa kanilang pananaw sa buhay, at sa direksiyon ng buhay nila at sa mga tunguhin matapos nilang manampalataya sa Diyos, sa mga bagay na ito na ganap na naiiba mula sa mga hindi nananampalataya sa Diyos, mula sa mga makamundong tao, at mula sa mga diyablo, at sa landas na tinatahak ng mga mananampalataya na ganap na salungat sa kanila. Ano itong salungat na direksiyon? Ito ay ang kagustuhan mong maging isang mabuting tao, at maging isa na nagpapasakop sa Diyos at may wangis ng tao. Kaya, paano mo ito makakamit? Dapat kang tumuon sa pagsisikap para sa katotohanan, at doon mo lamang magagawang magbago. Kung hindi mo hinahangad o isinasagawa ang katotohanan, kung gayon ang pananalig mo sa Diyos ay walang kabuluhan o halaga, ang pananalig mo ay walang laman, mga maladiyablong salita na layong manlinlang, mga salita lang na walang laman, walang kahit anong epekto. Dapat ninyong pagnilayan ang sinasabi Ko rito. Ang mga ito ang pinakasimple at pinakapangunahing katotohanan, at marahil ay hindi pa ninyo napagnilayan ang mga iyon dati. Ganito ba? Kung sinasabi mo, “Nananampalataya ako sa Diyos. Gagawin ko ang dapat kong gawin, gagawin ko ang gusto ko, at tungkol sa pagpapasakop sa Diyos, sa pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pagiging tapat sa Diyos, at pagiging may pagkatao, ang mga iyon ay walang kinalaman sa akin,” kung walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo, anong ginagawa mo na nananampalataya sa Diyos? Bakit ka nananampalataya sa Diyos? Paano mo ba gustong manampalataya sa Kanya? Anong klaseng tao ba ang gusto mong maging sa iyong pananampalataya sa Diyos? Kung walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo, kung gayon ang pananalig mo sa Diyos ay wala talagang kabuluhan. Kung palagi kang nananampalataya sa Diyos na umaasa sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, palagi mong ginagawa ang mga bagay ayon sa iyong kagustuhan, ginagawa mo ang anumang gusto mo at binibigyang-layaw mo ang laman, kung gayon ang mga kaisipan at pananaw mo, at ang mga bagay na ginagawa mo ay walang kinalaman sa katotohanan at walang kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos, ang pananalig mo sa Diyos kung gayon ay walang kabuluhan at hindi mo na kailangang magpatuloy na manampalataya. Kahit na magpatuloy ka pang manampalataya, pagsasayang lang ito ng lakas, at hindi ka ililigtas ng Diyos.
Napakabigat ng paksang ito, at lahat kayo ay nakararamdam ng pagkadismaya tungkol sa pangangasiwa sa usaping ito; medyo hindi ito inaasahan. Ano pa man, magkakaroon pa rin ng mga ganitong pangyayari sa hinaharap. Ngayong napangasiwaan na natin ang usaping ito sa ganitong paraan sa pagkakataong ito, kung mangyayari muli ang mga ganitong bagay sa hinaharap, hindi na ito pangangasiwaan nang ganito, pero siguro ay mas estrikto na itong pangangasiwaan. Sabihin ninyo sa Akin, angkop ba ito? (Oo.)