Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9) Ikatlong Seksiyon
VI. Pamamahala sa Pag-aari
Ikaanim na aytem, pamamahala sa pag-aari. Bagama’t ang gawain ng pamamahala sa pag-aari ay hindi madalas na naaatasan ng mga pagsasaayos ng gawain tulad ng sa gawain ng ebanghelyo o sa iba’t ibang uri ng propesyonal na gawain, mayroon pa ring mga partikular na pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos para dito. Ano ang saklaw ng pamamahala sa pag-aari? Saklaw nito ang kung paano iniingatan ang mga pag-aari, saan nakaimbak ang mga ito, sino ang namamahala sa mga ito, at kung paano inilalaan, pinamamahalaan, at inililipat ang mga ito kapag may lumilitaw na panganib o mga di-kanais-nais na kapaligiran, gayundin ang iba pang mga espesyal na sitwasyon. Sa katunayan, ang mga pagsasaayos ng gawain ay naglalaman ng mga tuntuning nauukol sa lahat ng bagay na ito, at pagdating sa aytem na ito ng gawain, hindi dapat hintayin ng mga lider at manggagawa na magbigay ng direktang utos at mag-atas ng mga pagsasaayos ng gawain ang Itaas bago pa nila pasibong simulang pamahalaan ang mga pag-aari. Kung walang madaliang mga pagsasaayos ng gawain na hinihingi sa iyo na pangasiwaan ang mga pag-aari sa isang partikular na paraan, at sa mga espesyal na sitwasyon kung kailan hindi mo alam kung paano pangasiwaan ang mga pag-aari at hindi ka agad nakatanggap ng mga tugon mula sa Itaas, ano ang dapat mong gawin? Seguridad ang numero unong prayoridad, at responsabilidad mo na pangalagaan ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos. Pagdating sa mga aklat ng mga salita ng Diyos na inilimbag ng sambahayan ng Diyos, kasama na ang iba’t ibang uri ng makinarya, pagkain, pera, at iba pang mga pag-aari, dapat ilagay ng mga lider at manggagawa ang lahat ng ito sa mga ligtas na lugar alinsunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at huwag hayaang mabasa, amagin, o makain ng mga insekto ang mga ito, at lalong huwag hayaang masamsam ng masasamang tao o ng malaking pulang dragon ang mga ito. Dagdag pa rito, bukod sa maayos na pamamahala sa mga pag-aari na ito ng sambahayan ng Diyos, kailangan ding mahigpit na panatilihin ng mga lider at manggagawa ang pagiging kumpidensiyal ng mga ito; pare-parehong hindi dapat makaalam ang mga taong walang kinalaman sa mga bagay na ito tungkol sa mga ito, at ang mga nakakaalam ay dapat maging tikom ang bibig at hindi magsalita nang walang ingat. May mga partikular na pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos tungkol sa aytem na ito ng gawain, at hindi angkop na mag-atas o magsiwalat ng ilan sa mga ito sa pamamagitan ng pagsulat. Kung makakahanap ng mas mabubuting paraan o sistema ang mga lider at manggagawa para sa pamamahala sa pag-aari, siyempre, habang sinusunod ang prinsipyo ng maayos na pamamahala at pangangalaga sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang mga ito sa anumang kawalan, maaari nilang talakayin ang usapin kasama ang ibang mga lider at manggagawa at gumawa ng desisyon nang malaya. Isa itong espesyal na aytem ng gawain, at iyong mga hindi tikom ang bibig, iyong mga walang pagpapahalaga sa responsabilidad, iyong mga may di-wastong motibo, iyong mga baguhan pa lang sa pananampalataya at walang pundasyon sa kanilang pananalig, at iyong mga palaging nagkakainteres sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos nang may pag-iimbot, ay pare-parehong hindi dapat makaalam tungkol dito. Ang mga bagay na ito ay hindi puwedeng lantarang isaad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pero hindi ba’t dapat alam ito ng mga lider at manggagawa at ng mga mapagkakatiwalaang tagapangalaga? (Oo.) May espesyal na sitwasyon dito. Ipagpalagay nang ang isang bagong halal na lider ay tatlong taon pa lamang nananampalataya sa Diyos, mahusay ang kakayahan niya, napakamasigasig niya, at mukhang maayos naman siya sa panlabas, pero hindi batid kung ano ang karakter niya, kung ano ang pananaw niya sa mga pag-aari, o kung siya ba ay sakim o hindi. Ang mga bagay na ito ay hindi batid at hindi tiyak, at ang taong ito ay hindi kilalang mabuti ng mga kapatid na matagal nang nananampalataya sa Diyos, hindi nila lubusang kilala ang taong ito. Ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Kapag dumating ang panahon na kailangang ilipat ang gawain sa taong ito, ang lahat ng iba pang gawain ay ipinapasa—dapat din bang ipasa ang gawain sa mga pag-aari sa taong ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ang pangunahing gawain ng mga lider at manggagawa ay hindi lamang ang pamahalaan ang mga pag-aari; isang bahagi lang ng kanilang gawain ang mga pag-aari. Kung talagang may nababagay na tao na namamahala sa mga pag-aari at hindi maaasahan itong bagong halal na lider, ayos lang na huwag munang ipasa ang gawaing ito sa lider na ito sa ngayon, sapagkat hindi pa batid kung matagal ba siyang mananampalataya sa Diyos o kung kaya ba niyang manindigan. Noon, may isang taong kahahalal pa lang bilang lider ng iglesia, at pagkatapos akuin ang kanyang posisyon, ang una niyang ginawa ay hingin sa hinirang na mga tao ng Diyos ang mga numero ng bank account at ang mga password ng mga account kung saan iniimbak ang mga handog. Tinanong niya kung sino ang may hawak nitong mga numero at password ng bank account, at pinilit niya sila na agad na ipasa sa kanya ang gawaing ito. Sa ganitong sitwasyon, dapat bang ipasa sa kanya ang gawaing ito? Hindi siya nag-aalala o nababahala tungkol sa anumang ibang gawain, pero talagang seryoso at nag-aalala siya tungkol sa usaping ito—maaasahang tao ba siya? Huwag isipin na maaasahan ang isang tao dahil lang sa siya ay isang lider o manggagawa. Sa realidad, tanging ang mga tagapangalaga na talagang pinili ayon sa mga prinsipyo ang maaasahan—kaya nilang ialay ang kanilang buhay para pangalagaan ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos. Ang ganitong mga tao ang pinakamaaasahan. Kung gayon, lahat ba ng lider at manggagawa ay kayang gawin ito? Hindi palaging ganoon ang kaso. Noon, may isang lider ng rehiyon na nahuli ng malaking pulang dragon, at ipinagkanulo niya ang lahat ng pag-aari ng iglesia, kaya’t napakarami ang nawala sa mga ito. Kung hindi niya sana nalaman ang kinaroroonan ng mga pag-aari ng iglesia, hindi niya sana ito naibunyag kahit pa patayin siya sa bugbog, at hindi ba’t hindi sana magkakaroon ng mga kawalan sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos? Ito mismo ay dahil napakarami niyang nalalaman kaya niya isiniwalat ang lahat noong hindi na niya makayanan ang pagpapahirap at mga kahindik-hindik na pambubugbog, kaya napunta ang perang ito sa mga kamay ng malaking pulang dragon. Kung hindi siya pinahintulutang makaalam sa kinaroroonan ng mga pag-aaring ito, at kung ang nangangalaga sa mga ito ay isang maaasahang tao, magkakaroon ba ng mga kawalan sa pera ng sambahayan ng Diyos at sapilitan ba itong makukumpiska ng malaking pulang dragon? Hindi, hindi sana ito nangyari. Isa itong mabigat na aral. Samakatwid, ang pinakamahalagang punto sa pagsasaayos ng gawaing ito ay na dapat iprayoridad ang seguridad, kinakailangang mapanatiling pinakamababa ang dami ng mga kawalan, at ang gawain ay dapat magawa sa anumang ligtas na paraan. Maghanap ng isang taong nagpapakita ng katapatan sa pamamahala ng mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos para mamahala sa mga ito—ito ang pinakamaaasahang hakbang. Bagama’t wala nang ibang kayang gawin ang taong ito, siya ay magiging tapat at tiyak na may kakayahan pagdating sa pangangalaga sa pera, kaya tama lang na gamitin ang taong ito para mangalaga sa mga pag-aari. Dahil ang aytem na ito ng gawain ay nakatuon lang sa iisang gampanin, napakasimple ng mga pagsasaayos nito: Maghanap ng mga tamang tao na mangangalaga sa mga pag-aari at maghanap ng ligtas na lugar na mapag-iimbakan ng mga ito. Dagdag pa rito, mayroon ding mga partikular na tuntunin sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos patungkol sa paglalaan at paggastos sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos; puwedeng gastusin ang pera sa mga kinakailangang gastusin, pero hindi sa mga hindi kinakailangan. May isa pang bagay, mayroong isang mahigpit na sistema ng regulasyon para sa mga gastusing kaugnay sa mga pag-aari, at may mga partikular na tuntunin ang sambahayan ng Diyos para sa iba’t ibang proseso at hakbangin, na nangangailangan ng mga lagda mula sa ilang indibidwal, at iba pa. Mayroong pamamahala, pangangalaga, paggastos, at pati accounting—may mga partikular na pagsasaayos ng gawain para sa lahat ng bagay na ito.
VII. Gawain ng Pag-aalis
Ikapitong aytem, gawain ng pag-aalis. Ang sambahayan ng Diyos ay patuloy rin na gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos ng gawain para sa aytem na ito ng gawain. Sa isang banda, ginagawa ang mga pagsasaayos ng gawain batay sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa kabilang banda, ginagawa ang mga ito batay sa klasipikasyon at depinisyon ng iba’t ibang uri ng mga tao, pati na sa pagbubukod ng bawat isang tao ayon sa sarili nilang uri batay sa kanilang mga pagpapamalas sa sandaling mabunyag sila. Ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo sa pangangasiwa sa lahat ng uri ng mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya; ang ilan ay inaalis mula sa hanay ng mga gumagampan ng kanilang mga tungkulin, ang ilan ay inaalis mula sa iglesiang may tungkuling full-time at ipinapadala sila sa mga iglesiang may tungkuling part-time o mga ordinaryong iglesia, ang ilan ay inaalis mula sa mga ordinaryong iglesia at ipinapadala sa mga grupong B, at may ilan na direktang pinapaalis o pinatatalsik. Paulit-ulit na gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos para sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, at mayroon din itong mga partikular na pagsasaayos ng gawain tungkol sa iba’t ibang uri ng mga tao na nakakatugon sa mga kondisyon para paalisin. Batay sa mga saloobin ng mga tao sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at sa mga pagsalangsang na nagawa nila habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, pati na sa tiwaling diwa na nabubunyag sa iba’t ibang uri ng tao, sa huli ay lumilikha ang sambahayan ng Diyos ng mga partikular na plano para sa pangangasiwa sa mga taong ito. Samakatwid, ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng masasamang tao, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo ay ginagawa nang ganap na naaayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at ito ay ginagawa nang ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Pagdating sa mga pagsasaayos na ito ng gawain, sa isang banda, kinakailangan na magbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo upang maunawaan ng mga tao ang mga ito at matuto silang kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, habang sa kabilang banda, kinakailangang iatas ang mga pagsasaayos na ito ng gawain sa mga iglesia upang mapagbahaginan at maipatupad ang mga ito. Sa anumang kaso, ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ay dapat ipatupad sa lalong madaling panahon, at hinding-hindi ito dapat maantala kailanman. Dapat itong magpatuloy hanggang sa wala nang natitirang masasamang tao sa iglesia. Hindi ito nangangahulugan na ang mga lider at manggagawa ay kailangan lang gumampan sa gawain ng pag-aalis sa loob ng ilang panahon sa sandaling mag-atas ang Itaas ng isang pagsasaayos ng gawain na nag-uutos na linisin ang iglesia, at kung matuklasang muli na may masasamang tao na nanggugulo pagkatapos ng pag-aalis na iyon, pero hindi gumawa ang Itaas ng anumang pagsasaayos ng gawain tungkol dito, kung gayon, hindi na kailangang mag-abala pa ang mga lider at manggagawa tungkol sa masasamang taong iyon o alisin ang mga iyon—sadyang hindi iyon maaari. Kailangang patuloy na isakatuparan ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia sa maayos na paraan; hangga’t may mga taong kailangang paalisin o patalsikin, kung gayon, dapat magpatuloy ang gawain ng pag-aalis. Huwag pasibong maghintay na magbigay ng mga utos ang Itaas o na ipagbigay-alam sa inyo ng mga nakatataas na lider ang tungkol sa mga ito, at huwag ding pasibong maghintay na mas maraming kapatid ang mag-uulat sa isang tao. Sa sandaling ilantad at iulat ng hinirang na mga tao ng Diyos ang isang tao, dapat simulang siyasatin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang kasong iyon. Kung itinatago ng mga lider at manggagawa ang liham ng ulat at hindi inaasikaso ang isyung ito, dapat silang imbestigahan at pangasiwaan, at kung mapag-alaman na ipinagtatanggol nila ang isang masamang tao, dapat silang paalisin sa iglesia kasama ang masamang taong iyon. Ang sinumang lider o manggagawa na hindi gumagampan sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ay isang huwad na lider o manggagawa at dapat tanggalin kaagad. Kung ipinagtatanggol at pinoprotektahan pa nila ang masasamang tao, maaari silang ilarawan bilang isang anticristo at paalisin at patalsikin mula sa iglesia. Ang mga ito ang mga partikular na tuntuning ginawa ng sambahayan ng Diyos patungkol sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ay isang apurahang prayoridad at napakahalaga nito. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ginagawa ang pag-aalis mula sa iglesia upang dalisayin ito? Kung ang iglesia ay nadalisay na—ibig sabihin, kung walang masasamang taong nagsasanhi ng mga kaguluhan sa loob nito at walang mga hindi mananampalataya na nakahalo sa mga miyembro nito—magiging isa itong tunay na iglesia, at magkakaroon din ito ng mga pinakamainam na resulta sa buhay iglesia. Hindi ba’t magiging isa rin itong malaking hakbang tungo sa pagsasakatuparan sa kaharian ni Cristo? Ang isang dalisay na iglesiang tulad nito ay magiging lubos na kapaki-pakinabang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, dahil ang lahat ay magtataglay ng katotohanang realidad, ang lahat ay makakapagpatotoo sa Diyos at magagawang ganap bilang mga tao ng Diyos, at wala nang masasamang taong magsasanhi ng mga kaguluhan. Natural, ang ganitong iglesia ang magiging pinakapinagpala. Kaya naman, ang pag-aalis mula sa iglesia ay isang napakamakabuluhang aytem ng gawain at ganap itong ginagawa para gawing mas mapayapa at walang mga kaguluhan mula sa masasamang tao ang kapaligiran kung saan ginagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang mga tungkulin. Dagdag pa rito, hindi sumusuporta ang sambahayan ng Diyos sa mga tamad at mga walang silbi, at sa mga linta na nagpapakasasa lang sa kaginhawahan at nakikinabang hangga’t nais nila. Ang lahat ng hindi gumagawa ng kanilang mga tungkulin kahit kaunti at nakakagulo at nakakaapekto sa ibang taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at ang lahat ng gumagawa ng mga iresponsableng komento, nakikialam, at hindi nag-aasikaso sa kanilang gawain na marapat na gawin sa iglesia, ay dapat ding paalisin. Ganap nang nabunyag ngayon ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga tao, ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ay kinakailangan, at dapat itong gawin nang masinsinan at maayos. Ang lahat ng masamang tao, anticristo, hindi mananampalataya, walang silbi, at parasitong ito na naibunyag ay ang mga itinataboy ng Diyos, at wala na silang pag-asang maligtas. Kung hindi isinagawa ng iglesia ang gawain ng pag-aalis, makakaapekto ito sa gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Kaya, ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ay isang mahalagang aytem ng gawain na kailangang apurahang magawa nang maayos sa kasalukuyan. Tanging ang mga lider at manggagawa na makakagawa nang maayos sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ang karapat-dapat linangin at puwedeng magpatuloy bilang mga lider at manggagawa. Ang sinumang lider o manggagawa na humahadlang sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ay isang balakid at sagabal, at dapat silang ilantad at iulat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat munang lubusang paalisin at lutasin ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas ang lahat ng balakid at sagabal na ito sa gawain ng iglesia—ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito lang ang nakakatulong sa maayos na pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at nakakatulong sa iglesia na maisakatuparan ang kalooban ng Diyos upang makamit ng Diyos ang lahat ng kaluwalhatian.
VIII. Mga Panlabas na Usapin
Ikawalong aytem, mga panlabas na usapin. Ang gawain ng mga panlabas na usapin ay hindi isang malaking aytem ng gawain, ni hindi rin ito maliit, at mayroong ilang prinsipyo sa loob ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos tungkol sa mga panlabas na usapin. Una ay ang pag-aralan ang tungkol sa mga lokal na batas at mga partikular na lokal na regulasyon. Ibig sabihin, anuman ang ginagawa ng iglesia sa isang partikular na lugar, dapat mo munang matutunan ang mga lokal na batas—ito ang isang prinsipyo. Ang isa pang prinsipyo ay na, kapag nahaharap ka sa mga problemang nauugnay sa mga panlabas na usapin na hindi mo nauunawaan o hindi malinaw sa iyo, dapat kang kumonsulta sa isang abogado at sa mga kaugnay na legal na propesyonal, at huwag maghusga nang walang sapat na kaalaman ng ikaw lang; dapat kang gumawa ng mga partikular na plano para sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay ayon sa iba’t ibang pambansang kondisyon sa iba’t ibang bansa. Kaya, paano nabubuo ang ganitong mga plano? Dapat mong sundin ang sinasabi ng abogado at hayaan ang abogado na gumawa ng mga desisyon—huwag gumawa ng mga di-makatwirang paghusga o magdesisyon nang mag-isa. Ang mga pambansang kondisyon, polisiya, batas, at regulasyon ay magkakaiba sa bawat bansa, kaya huwag kang kumilos batay sa iyong imahinasyon. Halimbawa, ipagpalagay nang nakakita ka ng isang taong ninanakawan sa kalye sa Tsina. Itinatakda ng mga batas sa Tsina na ang sinumang dumadaan na nakakasaksi nito ay puwedeng matapang na makialam, hulihin muna ang magnanakaw, at pagkatapos ay dalhin ito sa mga pulis. Kung gagawin mo ito, ikaw ay magiging parang isang bayani, hindi mo kakailanganing magkaroon ng anumang legal na pananagutan, at dapat kang purihin. Ito ang pambansang sitwasyon at sistema sa Tsina, at isa itong uri ng tradisyonal na kultura sa Tsina—inilalarawan ito ng mga Tsino gamit ang magandang pakinggan na katawagan na “tradisyonal na kabutihan.” Gayumpaman, sa Kanluran, lalo na sa mga bansang tulad ng U.S. at Canada, kung pagkakita mo sa isang taong nagnanakaw ng isang bagay ay agad mo siyang huhulihin at hihintayin mo ang mga pulis na dumating para arestuhin siya, mali iyon, labag iyon sa batas. Ito ay dahil isa ka lang ordinaryong mamamayan at hindi isang tagapagpatupad ng batas, at wala kang karapatang arestuhin ang kahit sino; tanging ang mga pulis ang may karapatang mang-aresto. Kapag nakakita ka ng isang magnanakaw, puwede mo itong isumbong sa mga pulis, pero hindi mo puwedeng arestuhin ang magnanakaw nang ikaw mismo. Kung basta-basta mong aarestuhin ang isang magnanakaw, kumikilos ka nang ilegal—ito ang batas sa Kanluran. Hindi angkop na isagawa ang “tradisyonal na kabutihan” ng mga Tsino sa Kanluran; may sariling mga batas ang Kanluran. Kung makakita ka ng isang taong nadapa sa kalye sa isang bansa sa Kanluran, ano ang nakasaad sa batas? Dapat kang lumapit at magtanong, “Ayos ka lang ba? Kailangan mo ba ng tulong?” Kung sasabihin ng tao na hindi niya kailangan ng tulong, maaari ka nang umalis. Kung makakita ka ng isang taong nadapa pero hindi mo siya tatanungin kung ayos lang siya o kukumustahin, at patuloy ka lang na maglalakad, kung gayon ay nilalabag mo ang batas. Kung mahaharap ka sa gayong sitwasyon sa Tsina, maaaring isa itong panloloko, at walang mangyayari sa iyo kung sakaling hindi mo ito papansinin. Kung magtatanong ka, “Ayos ka lang ba? Kailangan mo ba ng tulong?” maaaring magdulot ito ng abala sa iyo, maaaring lokohin ka ng taong iyon, at pagkatapos ay hindi ka na muling makakapamuhay nang maayos. Ano ang sinasabi ng dalawang bagay na ito sa inyo? Ganap na magkaiba ang edukasyon sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang lahi, gayundin ang mga kapaligirang panlipunan at mga sistemang panlipunan at, siyempre, ang mga batas at regulasyon. Pagdating sa gawain ng mga panlabas na usapin, sa isang banda, kailangang tumpak na maunawaan ng mga taong gumagampan ng gawaing ito ang mga batas, regulasyon, at probisyon na kaugnay sa gawain ng iglesia, at sa kabilang banda, dapat din nilang ipalaganap ang ilang karaniwang kaalaman sa buhay o mga legal na probisyon na kailangang malaman ng mga kapatid. Samakatwid, ang sambahayan ng Diyos ay mayroong mga pagsasaayos ng gawain patungkol sa aytem na ito ng gawain na nag-oobliga sa mga taong gumagampan nito na palaging kumonsulta muna sa mga nauugnay na batas at regulasyon ng pamahalaan sa anumang ginagawa nila. Lalo na kapag nahaharap sa mga isyung mahirap lutasin, kailangan nilang kumonsulta sa isang abogado at huwag bulag na gumawa ng sarili nilang mga paghusga o bumuo ng mga solusyon ayon sa pag-iisip at lohika ng mga Tsino—isa itong hangal at mangmang na paraan ng pagkilos. Kapag naunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, dapat alam na rin ninyo ang kahalagahan ng gawain ng mga panlabas na usapin, kung anong mga resulta ang nilalayon nitong makamit, at pati na kung gaano kahalaga para sa sambahayan ng Diyos na gawin ang mga pagsasaayos ng gawaing ito. Hindi gaanong malaki ang saklaw ng aytem ng gawaing ito, kaya, sa maraming pagkakataon, sapat na ang malinaw na ipaunawa sa tauhang sangkot sa gawaing ito ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung isa itong bagay na kailangang malaman ng mga kapatid, tulungan silang maunawaan at maarok ito. Napakahalaga rin ng gawain ng mga panlabas na usapin, dahil hindi maaaring hindi nauunawaan ng mga kapatid ang mga batas at regulasyon na kaugnay sa kanilang pamumuhay at paggawa sa ibang bansa. May mga partikular na pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos tungkol sa kung ano ang hinihingi sa aspektong ito, at talagang kinakailangan itong ipatupad ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung may lilitaw na mga espesyal na sitwasyon, gagawa ang sambahayan ng Diyos ng ilang solusyon para sa panahon ng kagipitan. Kung ang isang trabaho ay nauugnay sa gawain ng mga panlabas na usapin, kailangan ninyong kumonsulta sa mga tauhan ng panlabas na usapin at tingnan kung anong mga partikular na pagsasaayos mayroon ang sambahayan ng Diyos patungkol sa naturang trabaho, huwag bulag na umasa sa inyong imahinasyon at kumilos nang walang sapat na kaalaman. Ang pagkilos sa ganoong paraan ay malamang na magdulot ng problema, at kahindik-hindik ang maaaring mga kahihinatnan. Ang gawain ng mga panlabas na usapin ay isa ring trabaho na may iisang gampanin, hindi ito komplikado, at dapat mong mahanap ang mga pinakapartikular na usapin ng gawain sa mga pagsasaayos ng gawain. Kapag nagsisimula pa lang gawin ng mga tao ang gawain ng mga panlabas na usapin sa ibang bansa, mararamdaman nilang medyo komplikado ito, pero matapos itong gawin nang ilang panahon, nakakahanap sila ng mga gawi at pamamaraan, at tila hindi na ito masyadong komplikado. Noong una, ang mga Tsinong pumunta sa ibang bansa ay iniulat dahil sa pagkakalat, pagtulog nang dis-oras ng gabi, paggising nang napakaaga, pang-iistorbo sa mga tao dahil sa tahol ng kanilang mga aso, pagsasampay ng mga damit sa balkonahe, at hindi wastong pagpaparada ng sasakyan—iniulat sila dahil sa maraming bagay. Sa huli, maraming beses silang iniulat, palaging kumakatok ang mga pulis sa kanilang mga pintuan para bigyan sila ng gabay, at pagkalipas ng mahabang panahon, saka lang nila napagtanto na nasa ibang bansa sila at wala sa Tsina. Unti-unti, naging alerto sila, nagkaroon sila ng kamalayan sa batas, at naunawaan nila ang ilang panuntunan tungkol sa buhay, trabaho, pagmamaneho, at iba pa. Noong unang magpunta sa ibang bansa ang mga Tsino, nakakaunawa lang sila ng ilang batayang etiketa kung paano umasal at wala silang batayang kaalaman tungkol sa karamihan sa mga legal na usapin; para lang silang mga hayop sa gubat, walang anumang kamalayan sa batas. Pagkalipas ng ilang taon, nagkaroon sila ng kaunting kaalaman at nakaunawa ng ilang panuntunan, na para bang sila ay napaamo, at bumuti sila nang kaunti.
IX. Kapakanan ng Iglesia
Ikasiyam na aytem, kapakanan ng iglesia. Gumawa ang sambahayan ng Diyos noon ng mga pagsasaayos ng gawain patungkol sa kapakanan ng iglesia, at kung iyong mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang full time o ang kanilang mga pamilya ay nangangailangan ng tulong para makaraos sa pang-araw-araw, kailangang lutasin ng mga lider ng iglesia ang isyung ito. Matatagpuan sa mga pagsasaayos ng gawain na ito ang mga partikular na plano at prinsipyo ng pagpapatupad, at nagbigay ang sambahayan ng Diyos ng mga partikular na pahayag at tuntunin. Tungkol sa mga kapatid na nakulong dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, sa gayon ay nagsasanhi ng paghihirap sa pang-araw-araw na pamumuhay ng kanilang mga pamilya; mga magulang na gumagawa ng kanilang mga tungkulin sa loob ng mahabang panahon nang malayo sa tahanan at walang sinumang nag-aalaga sa kanilang mga anak; at mga kapatid na may sakit na maraming taon nang gumagawa sa kanilang mga tungkulin, dapat magbigay ng tulong at resolusyon ang iglesia para sa mga ito at sa iba pang mga katulad na paghihirap. Mayroong espesyal na sitwasyong nauugnay sa aytem na ito ng gawain, at iyon ay kapag natutugunan ng ilang pamilya ang mga kondisyon para makapagpatira ng mga kapatid sa kanilang bahay pero wala silang pinagkakakitaan—kung gayon, paano dapat pangasiwaan ang kanilang mga gastusin sa pagpapatira sa mga kapatid? Saklaw ito ng gawain ng kapakanan ng iglesia. Ang mga tuntunin tungkol dito ay matatagpuan sa mga pagsasaayos ng gawain, o maaaring makatwirang maglaan ang mga lider at manggagawa ng pondo ng iglesia ayon sa lokal na sitwasyon upang maisakatuparan ang gawain ng pagpapatira sa bahay—may mga partikular na tuntunin ang iglesia para sa mga bagay na ito. Kung lumitaw ang ilang espesyal na sitwasyon na labas sa saklaw ng mga partikular na tuntuning ito, maaaring magbahaginan at magtalakayan ang mga lider at manggagawa tungkol sa usapin, at gumawa ng kongkreto, makatwirang mga pagsasaayos batay sa mga normal na pamantayan ng pamumuhay sa lugar na iyon. Bagama’t hindi ito isang malakihang aytem ng gawain, ni isang napakahalagang gampanin, isa itong gawain na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ito puwedeng makaligtaan. Kung walang sinumang nangangailangan ng suporta para makaraos sa pang-araw-araw o ng tulong pinansiyal, hindi na kailangang mag-abala ng mga lider at manggagawa na humanap ng mga taong nangangailangan. Kung mayroong gayong mga tao, hindi sila dapat iwasan ng mga lider at manggagawa, at lalong hindi nila dapat balewalain ang mga ito, hindi maaaring nakatunganga lang sila, o magkunwaring hindi nakikita ang mga taong ito. Dapat silang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo—ito ang responsabilidad nila.
X. Mga Plano sa Panahon ng Kagipitan
Ikasampung aytem, mga plano sa panahon ng kagipitan. Ang mga plano sa panahon ng kagipitan ay tumutugon sa mga espesyal na isyu na lumilitaw sa alinmang parte ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mga problema man itong kailangang agarang lutasin na lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo, o sa gawaing administratibo, o sa propesyonal na gawain, o kung pinapangasiwaan man ang isang kasong may kinalaman sa mga anticristo o huwad na lider, o kung nakilatis ang ilang espesyal na sitwasyon kung saan may nailihis na mga tao, ang lahat ng ito ay nabibilang sa kategorya ng mga plano sa panahon ng kagipitan. Halimbawa, kung may nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, o kung ang isang anticristo ay nagiging di-makatwiran at diktatoryal at nagtatangkang magtatag ng sarili niyang kaharian, at iba pa, sa sandaling matuklasan ng sambahayan ng Diyos na karapat-dapat lumikha ng isang pagsasaayos ng gawain para sa partikular na pagpaplano tungkol sa isa sa mga sitwasyong ito, gagawa ito ng kaukulang nakasulat na pagbibigay-alam. Ang mga plano sa panahon ng kagipitan ay nakabatay sa mga sitwasyon ng kagipitan na nangyayari sa iglesia sa panahong iyon, at lumilikha ang Itaas ng mga partikular na pagsasaayos ng gawain ayon sa kalubhaan ng mga sitwasyon, at pagkatapos ay iniaatas at ipinagbibigay-alam ang mga ito. Ang partikular na plano ay maaaring nauugnay sa alinmang aytem ng gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa, hangga’t ito ay isinasaayos ng Itaas at hinihingi ng Itaas na ipatupad ito ng mga lider at manggagawa, dapat itong iatas at ipatupad ng mga lider at manggagawa alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Hindi sila dapat maging walang galang tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain na ito. Kapag gumagawa ang Itaas ng ganitong mga uri ng pagsasaayos ng gawain, ang mga ito ay hindi mas mababa sa anumang gawaing administratibo o partikular na propesyonal na gawain. Bagama’t pansamantala lang ang mga pagsasaayos na ito ng gawain, dapat pa ring iatas, ipagbigay-alam, ipatupad, at subaybayan ng mga lider at manggagawa ang mga ito katulad ng mga pormal na pagsasaayos ng gawain, at pagkatapos ay magbigay ng paliwanag at ulat sa Itaas—ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang mga plano sa panahon ng kagipitan ay hindi nakatuon sa anumang partikular na aytem ng gawain, ibig sabihin, sa anumang oras na ang Itaas ay magtalaga ng isang gampanin, may hingin, o magbigay ng isang pagsasaayos ng gawain sa mga lider sa lahat ng antas at lugar, hindi dapat balewalain ng mga lider at manggagawa ang ganitong uri ng gawain. Sapagkat ang mga ito ay mga pagsasaayos ng gawain, at iniaatas ang mga ito sa mga lider sa lahat ng antas at sa lahat ng lugar, ang mga ito ay gawain na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Hindi puwedeng walang gawin ang mga lider at manggagawa o iklasipika nila ang gawain batay sa saklaw nito, o kung ito ba ay gawain na nakatalaga sa kanila o hindi, o hindi sila dapat magbakasakali sa tono at pagmamadali ng Itaas sa mga pagsasaayos ng gawain para matukoy kung maagap bang ipapatupad ang mga ito. Hindi dapat mangyari ang gayong mga bagay, sa halip, dapat isagawa ng mga lider at manggagawa ang gawain gaya ng ginagawa nila sa isang pormal na gawain, at tapusin ito habang itinuturing ito na isang mahalagang gampanin at atas—ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. May mga plano sa panahon ng kagipitan sa mga espesyal na sitwasyon, at ito ay gawaing isinasagawa sa mga espesyal na konteksto. Kapag nangyayari ang ilang partikular at espesyal na bagay, gagamitin ng Itaas ang mga konteksto at pangyayaring ito para himukin ang mga lider at manggagawa o ang mga kapatid na gamitin ang pagkakataong ito para kilatisin ang mga tao at bagay sa mas praktikal na paraan gamit ang katotohanan, para matuto kung paano makilala ang mga tao at bagay, at magkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan. Ang layon ng paggawa nito ay para mabigyan ng kakayahan ang mga tao na makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Bukod dito, ginagawa ito para magkaroon ang mga kapatid ng tahimik, angkop, at hindi nagugulong kapaligiran para sa kanilang buhay iglesia. Sa kabilang banda, ginagawa ito para bigyang-kakayahan ang mga tao na maagap na matuto ng iba’t ibang aral at makatanggap ng pagsasanay; matapos masanay nang isang beses sa ganitong paraan, magkakaroon ang mga tao ng napakalaking pag-usad sa kanilang buhay. Ito ay isang paraan ng pagsasanay ng Itaas sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas at sa mga kapatid, lalo na sa mga kapatid na naghahangad sa katotohanan. Walang masamang hangarin dito, hindi pinapahirapan ng Itaas ang mga tao, o ginagawang komplikado ang mga bagay nang walang dahilan. Bagama’t ang mga ito ay mga plano sa panahon ng kagipitan, na mga pansamantalang pagsasaayos ng gawain, may kabuluhan at halaga pa rin ang mga ito, at umaasa Ako na mauunawaan ito ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas at ng mga kapatid, at na haharapin nila ang mga ito nang tama.
Nakapaglista tayo ng 10 aytem ng mga pagsasaayos ng gawain sa kabuuan, at halos natapos na Ako sa pagbabahagi tungkol sa 10 aytem na ito ngayon. Hindi Ko gaanong naibahagi nang detalyado ang mga ito, pero sapat na ang naibahagi Ko para maunawaan at maarok ninyo kung ano nga ba ang mga pagsasaayos ng gawain at kung anong partikular na gawain ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos. Sa kabilang banda, naipaunawa sa inyo kung ano nga ba mismo ang ginagawa ng Diyos sa iglesia at sa mga taong Kanyang hinirang sa pamamagitan ng mga partikular na aytem na ito. Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi pakikilahok sa isang negosyo, o sa politika, o sa mga karapatang pantao, hindi rin ito pakikilahok sa anumang komersiyal na aktibidad; ang mga aytem ng gawain na ginagawa ng sambahayan ng Diyos ay iyong mga matatagpuan sa mga pagsasaayos ng gawain. At kaya naman, ang ilang naghaharing partido at institusyong panlipunan ay palaging nagsusubaybay, nagsasaliksik, at nag-iimbestiga kung ano ang nangyayari sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at marahil sa kanilang pagsusuri dito—sa pamamagitan ng panonood sa mga video at website ng sambahayan ng Diyos—nakumpirma nila na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay isang totoong pananalig, at na wala itong kinalaman sa anumang politikal na aktibidad ng anumang bansa. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay dumanas ng matinding pang-aapi at pang-aatake ng CCP sa loob ng maraming taon, subalit patuloy pa rin itong nangangaral ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos, at nai-upload na nito online ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at lahat ng uri ng mga video ng patotoo, na nagdudulot ng napakalaki at napakaraming pakinabang sa lipunan ng tao, at ganap na pinatutunayan na patuloy na nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan at nagliligtas sa sangkatauhan sa mga huling araw. Patuloy silang nagsasaliksik, at ano ba ang resultang nakukuha nila sa kanilang pagsasaliksik? Hindi ba’t lubha silang nadidismaya? Pinagninilay-nilayan pa nila kung anong bentaha ang maaari nilang mahanap para mabansagan na “kulto” ang ating iglesia, at matawag itong kontra-partido at kontra-estado. Pero ngayon, nakikita nila na hindi nila ito magagawa—batay sa mga pagsasaayos ng gawain na iniatas ng iglesia sa mga nagdaang taon, hindi nila maaaring bansagan ang iglesia nang ganito, at nauwi sa wala ang lahat ng pananaliksik nila. Katulad lang ito noong pinag-aralan ng mga Hudyo ang Panginoong Jesus noong mga panahong iyon. Pinag-aralan ng mga eskriba, Pariseo, at mataas na opisyal ng gobyerno ang mga sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus, at natuklasan nila na wala Siyang ginawa na labag sa batas o na politikal, na ang lahat ng sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay tama, ang katotohanan, at ganap na naaayon sa mga Kasulatan, at sa huli ay nabigo sila. Nakikita ng mundo ng relihiyon ngayon na gumagawa ang sambahayan ng Diyos ng mas marami pang pelikula at video ng patotoong batay sa karanasan, at lalo ring dumarami ang mga aklat at pagbasa ng mga salita ng Diyos, at kaya, ano ang iniisip nila? Kung hindi nila makita na nagmumula sa Diyos ang lahat ng bagay na ito, talagang lubha silang hangal! Iyong nagmumula sa Diyos ay tiyak na uunlad—ito ang bunga ng gawain ng Banal na Espiritu, at walang sinuman ang makakapagtago nito. Lumaganap na sa buong mundo ang mga salita ng Diyos at nakalatag sa harap ng buong sangkatauhan ang mga katotohanang ipinapahayag Niya; ang pagpapakita at gawain ng Diyos ay patuloy na dumadaloy nang makapangyarihan, walang bansa o puwersa ang makakakontra dito. Tuluyan nang napahiya at natalo ang malaking pulang dragon! Kahit gaano pa ito kondenahin ng mundo ng relihiyon, hindi nila kayang labanan ang gawain ng Diyos, at sa huli, maaari lamang silang mapuksa at malunod ng malakas na agos nito.
Tapos na Akong magbahagi ngayon tungkol sa mga aytem ng mga pagsasaayos ng gawain. Hindi ba’t ang lahat ng naibahagi Ko ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang gawaing ito ang nakikita ng inyong mga mata, ang naririnig ng inyong mga tainga, at ang personal ninyong nararanasan at pinahahalagahan—walang anumang lihim tungkol dito. Hawak ng malaking pulang dragon ang lahat ng pagsasaayos ng gawain ng iglesia sa mga nagdaang taon—marami at komprehensibo ang mga pagsasaayos ng gawain na taglay nila. Araw-araw nilang pinag-aaralan ang mga ito, at patuloy nilang pinag-aaralan ang mga ito hanggang sa wakas ay umabot sila sa kongklusyong ito: “Kung patuloy na ipinalalaganap ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos at nagpapatotoo sila sa gawain ng Diyos sa ganitong paraan, malaking problema iyon! Kailangang lipulin ang lahat ng taong ito, at hindi sila dapat hayaang makaligtas kahit pa tumakas sila sa ibang bansa.” Kita mo, ang mga diyablo ay hindi katulad ng mga ordinaryong tiwaling tao—kokontrahin nila ang Diyos hanggang sa mapait na wakas. Kapag nakikita ng mga ordinaryong tiwaling tao ang mga patotoo mula sa iglesia, nauunawaan nila ang mga ito, iniisip nila na makatwiran ang mga ito, at hindi sila magsasagawa ng anumang pag-uusig. Gayumpaman, hindi ganito si Satanas at ang mga diyablo. Kapag nakikita nila na sumusunod at nagpapatotoo ka sa Diyos, kamumuhian ka nila, gusto ka nilang patayin, at hindi ka nila pahihintulutang mabuhay. Kung hindi mo gagawin ang sinasabi nila at hindi mo sila sasambahin, hinding-hindi ka nila titigilan, at hindi ka nila hahayaang mabuhay. Tutugisin ka nila hanggang kamatayan saan ka man magpunta; kahit pa pumunta ka sa mga pinakadulo ng mundo, hindi ka nila lulubayan. Ito ang ginagawa ng malaking pulang dragon. Ito ang kabuktutan ni Satanas, at naiiba ito sa mga ordinaryong tiwaling tao. Dapat malinaw sa iyo ang puntong ito.