Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9) Unang Seksiyon
Dalawang Pamantayan sa Paghusga Kung Pasok Ba sa Pamantayan ang mga Lider at Manggagawa
Napagbahaginan na natin ngayon ang walong responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa kabuuan, at patungkol sa walong responsabilidad na ito, hinimay natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa pamamagitan ng paghihimay sa mga ito sa ganitong paraan, mayroon na ba kayong kaunting pagkilatis sa mga huwad na lider? Kung isa kang lider, kaya mo bang iwasang makisali sa mga pagsasagawang ito ng mga huwad na lider? Kaya mo bang sadyang gampanan ang gawain at tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa batay sa mga responsabilidad na napagbahaginan natin? Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, dapat alam na ninyo ngayon sa inyong puso kung paano dapat gampanan ng mga lider at manggagawa ang kanilang gawain, kung anong mga detalye ang kaugnay sa paggampan ng gawaing ito, kung paano nila dapat ipatupad ang gawain, at kung paano nila dapat isagawa ang pagiging mga lider at manggagawa na pasok sa pamantayan. Kung sapat ang kakayahan ng isang tao, kung nagtataglay siya ng partikular na antas ng kapabilidad sa gawain, at nagbubuhat ng pasanin, dapat magawa niyang iwasang magpakita ng mga pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider. Gayumpaman, kung ang isang tao ay may kakayahan at nagtataglay ng partikular na antas ng kapabilidad sa gawain, pero hindi siya nagbubuhat ng pasanin, kung gayon, kaya ba niyang maging isang lider na pasok sa pamantayan at na tumutupad sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Medyo mahirap para sa kanila na gawin ito. Ipagpalagay na nagbubuhat ng pasanin ang isang lider at hindi naman masama ang pagkatao niya, pero hindi niya lang alam kung paano gampanan ang gawain niya. Kahit paano makipagbahaginan sa kanya, hindi pa rin niya alam kung paano magpatupad o makilahok sa isang partikular na gawain, at hindi niya mahanap ang mga prinsipyo o direksiyon. Hindi rin siya marunong magbigay ng gabay para sa mga partikular na propesyon o gawain. Kapag lumilitaw ang mga isyu, hindi niya matukoy ang diwa ng mga problemang iyon, at hindi niya alam kung paano lutasin ang mga iyon. Dahil dito, madalas siyang napakapasibo at mabagal sa anumang gawaing ginagawa niya o sa anumang isyung inaasikaso niya. Kaya bang tuparin ng gayong tao ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Anong uri ng problema ito? Bagama’t ang ganitong uri ng tao ay napakasigasig, nagbubuhat ng pasanin, at gustong gampanan ang kanyang gawain, napakahina ng kakayahan niya, hindi siya nagtataglay ng kapabilidad sa gawain at hindi niya kayang akuin ang gawain, o gumampan ng partikular na gawain o lumutas ng mga partikular na isyu; iniraraos lang niya ang gawain kapag nakikilahok siya sa anumang gawain, at masyado siyang mabagal mag-isip, manhid, at pasibo. Ang resulta nito ay maraming lumilitaw na isyu, pero wala siyang kakayanang simulang lutasin ang mga ito, hindi niya alam kung saan nagmumula ang mga isyu, at lalong hindi niya alam kung paano pagbahaginan at lutasin ang mga ito, ni hindi niya magawang iulat ang mga isyu sa Itaas at maghanap mula sa Itaas. Samakatwid, hindi niya kayang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at kahit na mapili siya na maging lider, hindi siya mabuting lider—isa siyang huwad na lider.
Ngayong nagbahaginan na tayo sa walong responsabilidad ng mga lider at manggagawa, nakabuo na ba kayo ng isang batayang depinisyon ng isang huwad na lider? Paano dapat husgahan ng isang tao kung tinutupad ba ng isang lider ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, o kung huwad na lider ba ito? Sa pinakapayak na antas, kailangang tingnan kung may kakayanan ba siyang gumawa ng tunay na gawain, kung may ganito ba siyang kakayahan o wala. Pagkatapos, dapat tingnan kung may pasanin ba siya na gawin nang maayos ang gawaing ito. Huwag pansinin kung gaano kaganda pakinggan ang kanyang mga sinasabi o kung gaano niya tila nauunawaan ang mga doktrina, at huwag pansinin kung gaano siya kahusay at kagaling sa pangangasiwa ng mga panlabas na usapin—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay kung nagagawa ba niyang isagawa nang wasto ang mga pinakapangunahing aytem ng gawain ng iglesia, kung kaya ba niyang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at kung naaakay ba niya ang mga tao tungo sa katotohanang realidad. Ito ang pinakapangunahin at pinakamahalagang gawain. Kung hindi niya kayang gawin ang mga aytem na ito ng tunay na gawain, gaano man kahusay ang kakayahan niya, gaano man siya katalentado, o gaano man katinding paghihirap ang kailangan niyang tiisin o gaano man kalaking halaga ang kailangan niyang bayaran, huwad na lider pa rin siya. Sabi ng ilang tao, “Kalimutan ninyo na wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain ngayon. Mahusay ang kakayahan niya at may kakayanan siya. Kung magsasanay siya sandali, tiyak na makagagawa siya ng tunay na gawain. Bukod pa riyan, wala siyang nagawang anumang masama at wala siyang nagawang kasamaan o hindi siya nagsanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan—paano Mo nasasabing siya ay huwad na lider?” Paano natin ito maipaliliwanag? Hindi mahalaga kung gaano ka katalentado, kung anong antas ng kakayahan at edukasyon ang taglay mo, kung gaano karaming islogan ang kaya mong isigaw, o kung gaano karaming salita at doktrina ang naaarok mo; hindi alintana kung gaano ka man kaabala o kapagod sa isang araw, o kung gaano kalayo na ang iyong nalakbay, kung ilang iglesia na ang iyong binisita, o kung gaano kalaking panganib ang iyong hinarap at pagdurusang tiniis—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ginagampanan mo ba ang iyong gawain nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung tumpak mo bang naipatutupad ang mga pagsasaayos na iyon; kung, sa ilalim ng iyong pamumuno, ay nakikilahok ka ba sa bawat partikular na gawain na iyong responsabilidad, at kung ilang tunay na isyu ang talagang nalutas mo; kung ilang indibidwal ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong pamumuno at paggabay, at kung gaano umusad at umunlad ang gawain ng iglesia—ang mahalaga ay kung nakamit mo ba o hindi ang mga resultang ito. Anuman ang partikular na gawaing kinabibilangan mo, ang mahalaga ay kung palagi ka bang sumusubaybay at nagdidirekta ng gawain sa halip na umaastang mataas at makapangyarihan at nag-uutos lamang. Bukod dito, ang mahalaga rin ay kung may buhay pagpasok ka ba o wala habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung kaya mo bang harapin ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, kung may patotoo ka ba ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung kaya mo bang pangasiwaan at lutasin ang mga tunay na isyung kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang ganitong mga bagay at iba pang katulad nito ay pawang mga pamantayan sa pagsusuri kung tinutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad. Masasabi ba ninyo na praktikal ang mga pamantayang ito? At patas sa mga tao? (Oo.) Patas ang mga ito sa lahat. Hindi mahalaga kung ano ang antas ng iyong edukasyon, kung bata ka ba o matanda, kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, ang iyong senyoridad, o kung gaano karami na sa salita ng Diyos ang nabasa mo, wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung gaano kahusay mong ginagawa ang gawain ng iglesia pagkatapos kang mapili bilang isang lider, kung gaano ka kaepektibo at kahusay sa gawain mo, at kung umuusad ba ang bawat aytem ng gawain nang maayos at epektibo, at nang hindi naaantala. Ito ang mga pangunahing bagay na sinusuri kapag sinusukat kung natutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad.
Sa pamamagitan ng pagbabahaginang kakatapos lang nating gawin, medyo mayroon na kayong malinaw na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pati na ng tumpak na pahayag tungkol sa depinisyon at diwa ng isang huwad na lider. Ang pinakapangunahing pamantayan sa paghusga kung ang isang tao ay isang huwad na lider ay ang tingnan kung kaya ba niyang gumawa ng tunay na gawain, at pagkatapos ay tingnan kung talaga bang gumagawa siya ng tunay na gawain. Ito ang dalawang pangunahing pamantayan: Una, kung siya ba ay may kakayanan, at ang isa pa ay kung siya ba ay may pagkukusang-loob. Kaya ba ninyong tandaan ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi naman ako lider, kaya bakit dapat kong tandaan ang mga bagay na ito?” Wasto ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit hindi ito wasto? Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga katotohanang ito, sa isang banda, makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at sa kabilang banda, makikilatis nila ang ibang tao—ito ang mga katotohanang dapat unawain at taglayin ng mga tao, at hindi puwedeng hindi nila maunawaan ang mga ito. Una sa lahat, kailangan mong sukatin kung ikaw ba ay nagtataglay ng kakayahan at abilidad para maging isang lider ayon sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung hindi mo taglay ang mga bagay na ito, huwag mong patuloy na naisin na maging lider. Kung hindi ka nagtataglay ng kakayahan para maging isang lider pero gusto mo pa ring maging lider, ambisyon ang tawag doon; sa sandaling maging lider ka, hindi ka magkakaroon ng kakayanang gumawa ng tunay na gawain, at hindi maiiwasang ikaw ay magiging isang huwad na lider. Sinasabi ng ilang tao, “Mahusay ang kakayahan ko; sa lahat, ako ang pinakanamumukod-tangi. Madalas akong nakakaisip ng magagandang ideya, at ng ilang matalino at magandang suhestiyon. Mayroon akong galing sa lahat ng ginagawa ko, at medyo marami akong kaalaman, mga kabatiran, at karanasan. Hindi ba’t ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay puwede akong maging lider?” Kung gayon, dapat mo ring sukatin ang sarili mo para tingnan kung mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad at nagbubuhat ng pasanin. Kung opinyon lamang tungkol sa mga bagay-bagay ang mayroon ka, at nais mo lang na gumawa ng mga bagay-bagay, at palagi kang may malalaking ambisyon pero hindi mo kayang aktuwal na gawin ang mga ito, at hindi ka marunong magsikap at magbayad ng halaga, at ayaw mong magbayad ng anumang halaga—kung palagi mong gusto na magaan ang pakiramdam ng utak at puso mo, kung hilig mo ang walang ginagawa at hindi napipigilan, na magkaroon ng maginhawang buhay, at ayaw mong nag-aalala o nagpapakaabala, at natatakot ka sa sobrang pagod at paghihirap—kung gayon, hindi ka angkop na maging lider, at hindi mo magagawang akuin o gampanan ang gawain ng pamumuno.
Katatapos lang nating pagbahaginan ang dalawang pamantayan sa paghusga kung ang isang lider ay pasok ba sa pamantayan: Kung may kakayanan ba siyang gumawa ng tunay na gawain at kung gumagawa ba siya ng tunay na gawain. Kung nauunawaan ng mga tao ang dalawang pamantayang ito, dapat ganap na maging malinaw sa kanila kung kaya ba nilang maging isang lider, pati na rin kung kaya ba nilang gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, lubusang tuparin ang kanilang mga responsabilidad, at maging isang lider na pasok sa pamantayan pagkatapos maging lider. Para sa mga kasalukuyang naglilingkod bilang mga lider at manggagawa, mayroon na ba kayong ilang landas at prinsipyo ngayon para sa kung paano sukatin kung nakagawa ba kayo ng tunay na gawain at kung natupad ba ninyo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa walong responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa, dapat ay magawa ninyong sukatin kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga huwad na lider at ibuod kung paano mismo dapat gampanan ng mga lider at manggagawa ang kanilang gawain, pati na kung saan sa inyong gawain kayo nagkukulang, hindi sapat, o hindi gaanong tiyak, at kung paano ninyo dapat gawin ang gawain simula ngayon—dapat mayroon kayo ng mga kabatirang ito kahit papaano. Kung wala kayong mga kongklusyon o kabatiran tungkol sa kung paano maging isang lider o manggagawa o kung paano tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, nangangahulugan iyon na hindi sapat ang inyong kakayahan para sa gampanin. Higit pa rito, kung lubos kayong nalilito kung paano makilatis ang mga huwad na lider, mas lalong ipinapakita nito na mahina ang inyong kakayahan. Mayroon ding isang espesyal na sitwasyon: May ilang tao, na kahit na napakinggan na nila ang mga pagbabahaginang ito, ay walang determinasyon na magsumikap para sa katotohanan o tumupad sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, na sadyang hindi magawang seryosohin o isapuso ang usapin. Iniisip nila, “Wala akong pakialam kung sino ang huwad na lider. Ano’t anuman, kung magiging lider ako, gagawin ko lang ang anumang ipapagawa sa akin ng Itaas. Hindi ko kakailanganing magsikap nang husto o masyadong mag-isip.” Kapag nakikinig sila ng mga sermon, iniraraos lang nila ito at pinapalipas ang oras, at may bahagya lamang silang nalalaman kung tungkol saan talaga ang sermon, pero masyado silang tamad para ibuod kung anong mga katotohanan at mga hinihingi ng Diyos sa tao ang pinagbabahaginan, at hindi sila handang isapuso ang mga bagay na ito. Iniisip nila, “Masyadong malaking abala na kilatisin ang mga usaping ito. Ano’t anuman, isa lang naman ang hinihingi ko sa sarili ko, at iyon ay ang huwag gumawa ng masama, huwag magsanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, at huwag mamukod-tangi sa karamihan, at sapat na iyon. Napakasimple lang nito! Magandang paraan ito para mamuhay; wala akong masyadong hinihingi sa sarili ko.” Ito lang ang perspektiba nila kahit gaano sila makinig sa mga sermon, at walang sinuman ang makakapagpabago sa kanila; paano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, anong pamamaraan man ang ginagamit mo para makipagbahaginan, o kung ano ang pinagbahaginan mo, hindi mo maaantig ang puso nila; hindi sila nababahala kung makinig man sila sa mga salitang ito o hindi, para sa kanila, wala itong masyadong ipinagkaiba. Iniraraos lang ng ganitong klase ng tao ang buhay, at wala silang anumang sineseryoso. Maliban sa pakikipagbahaginan tungkol sa walong responsabilidad ng mga lider at manggagawa—kahit pa magbahaginan tayo tungkol sa lahat ng ito, hindi pa rin sila makakaunawa at makakapagbuod ng anumang prinsipyo o landas. Ang ganitong mga tao ay walang pagmamahal sa mga positibong bagay, hindi sila interesado at hindi sila makapag-ipon ng lakas pagdating sa katotohanan o sa anumang positibong bagay, at sa halip, mayroon silang partikular na interes sa pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa walong responsabilidad ng mga lider at manggagawa, sa isang banda, naibuod natin ang ilang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pati na kung paano gumampan ng gawain at tuparin ang mga responsabilidad bilang isang lider o manggagawa; sa kabilang banda, naibuod natin ang ilang partikular na pagpapamalas na ipinakita ng mga huwad na lider. Katatapos lang natin ngayon sa dalawang pangunahing prinsipyo, dalawang pamantayan, para sa pagkilatis ng mga huwad na lider: Una ay kung ang isang tao ay may kakayanan bang gumawa ng tunay na gawain, at ang ikalawa ay kung talaga bang gumagawa siya ng tunay na gawain sa sandaling maunawaan niya ang mga katotohanang prinsipyo. Ang paggamit sa dalawang pamantayang ito ay ang pinakasimple at pinakaangkop na pamamaraan sa kasalukuyan para sukatin kung ang isang tao ba ay huwad na lider o hindi.
Ikasiyam na Aytem: Tumpak na Ipagbigay-alam, Iatas, at Ipatupad ang Iba’t Ibang mga Pagsasaayos ng Gawain ng Sambahayan ng Diyos Alinsunod sa mga Hinihingi Nito, Magbigay ng Patnubay, Pangangasiwa, at Panghihikayat, at Mag-inspeksiyon at Magsubaybay sa Estado ng Pagpapatupad sa mga Ito (Unang Bahagi)
Ang Depinisyon at mga Partikular na Aytem ng mga Pagsasaayos ng Gawain
Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.” Kung titingnan ang responsabilidad na ito sa kabuuan, ano ang kailangang ipatupad ng mga lider at manggagawa? (Ang iba’t ibang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos.) Ang pokus ng responsabilidad na ito ay kung paano ipatupad ang iba’t ibang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamahalagang gawain para sa mga lider at manggagawa. Anuman ang antas ng isang lider o manggagawa, bilang lider o manggagawa, palagi siyang makakatagpo ng mga pagsasaayos ng gawain, pati na ng partikular na gawain ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Ang pagpapatupad ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain ay nauugnay sa gawain ng bawat lider at manggagawa, at ito ay isang napakahalaga, napakapartikular, at napakabatayang gawain. Kung isasaalang-alang ang puntong ito, hindi ba’t kinakailangang partikular na magbahaginan muna tungkol sa kung ano ang mga pagsasaayos ng gawain? (Oo.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng mga pagsasaayos ng gawain? Ano ang saklaw at depinisyon ng mga pagsasaayos ng gawain? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ang saklaw ng mga pagsasaayos ng gawain ay naglalaman lang ng ilang partikular na gampanin at nilalaman na may kaugnayan sa gawain ng iglesia? At hindi ba’t ang mga pagsasaayos ng gawain ay pagsasaayos at pamamahagi lang ng mga gampanin at nilalamang ito?” Ano ang tingin ninyo sa paliwanag na ito? Hindi ba’t puro salita at doktrina lang ito? (Oo, ganoon nga.) At ano ang ibig sabihin ng “mga salita at doktrina”? Ibig sabihin nito, bagama’t tila walang maling salita sa paliwanag na ito, pagkatapos mong marinig ito, hindi mo pa rin ito nauunawaan; katulad lang ito na para bang hindi man lang ito naipaliwanag. Magbigay muna tayo ng depinisyon sa mga pagsasaayos ng gawain batay sa isang nakasulat na paglalarawan, upang magkaroon ang mga tao ng pangunahing konsepto nito, para maunawaan at malaman kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng mga pagsasaayos ng gawain. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay ang mga partikular na plano at hinihingi na ginawa ng sambahayan ng Diyos para sa isang partikular na aytem ng gawain; kailangang ipagbigay-alam at ipatupad ng mga lider at manggagawa ang mga ito, at ang mga ito rin ang mga hinihingi, gampanin, at pamamaraang iniatas sa lahat ng miyembro ng iglesia para sa isang partikular na aytem ng gawain—ito ang depinisyon ng mga pagsasaayos ng gawain. At anong mga aytem ang saklaw ng mga pagsasaayos ng gawain? Alam ng lahat ang pangngalang ito na “mga aytem,” pero hindi ba’t dapat may partikular na nilalaman na nakapaloob sa saklaw ng mga aytem na ito? (Oo.) Anong nilalaman ang alam ninyo? (Mayroong gawain ng ebanghelyo, at mayroon ding gawain ng paggawa ng pelikula.) Dalawang aytem iyon. (Mayroon ding ilang hinihinging kaugnay sa buhay iglesia at sa pagtatatag ng mga administratibong organisasyon ng iglesia.) Ano pang ibang gawain ang mayroon? (Mayroong gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, pati na ang partikular na gawaing nauugnay sa mga sistema ng pamamahala ng iglesia.) Ang partikular na nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain ay ang mga sumusunod: unang aytem, ang gawaing administratibo ng iglesia. Ito ang pinakamalaking aytem ng gawain, at kung hindi nagawa nang maayos ang gawaing administratibo, wala talagang magiging gawain ng iglesia. Ikalawang aytem, gawain ng mga tauhan. Isa itong malaking aytem ng gawain. Ikatlong aytem, gawain ng ebanghelyo. Isa rin itong malaking aytem ng gawain. Ikaapat na aytem, iba’t ibang uri ng propesyonal na gawain. Medyo malawak ang saklaw ng gawaing ito, at kabilang dito ang paggawa ng pelikula, gawaing nakabatay sa teksto, pagsasalin, musika, paggawa ng video, sining, at iba pa. Ikalimang aytem, buhay iglesia. Ikaanim na aytem, ang gawain ng pamamahala sa pag-aari. Ikapitong aytem, gawain ng pag-aalis. Ikawalong aytem, mga panlabas na usapin. Ikasiyam na aytem, kapakanan ng iglesia. Halimbawa, kung paano nilulutas ng iglesia ang mga suliraning lumilitaw sa mga tahanan ng mga kapatid, at kung ano ang ginagawa ng iglesia tungkol sa mga ito, pati na ang pagdalaw sa mga kapatid na nasa bilangguan at kung paano dapat alagaan ang kanilang mga pamilya, at iba pa—lahat ng ito ay kabilang sa kapakanan ng iglesia. Ikasampung aytem, mga plano sa panahon ng kagipitan. Minsan, mag-aatas ang iglesia ng mga partikular na hakbang para sa panahon ng kagipitan. Halimbawa, noong mangyari ang pandemya, gumamit ang iglesia ng kaukulang sistema ng pagbubukod-bukod sa mga tao. Ang mga planong gaya nito ay pawang kabilang sa gawain ng panahon ng kagipitan. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay pangunahing kinapapalooban ng sampung aytem na ito. Ang anumang iba pang maliit na aytem o espesyal na sitwasyon ay kasama na sa sampung aytem na ito—karaniwang nakapaloob sa gawain ng iglesia ang sampung pangunahing aytem na ito. Ang mga ito ang karaniwang saklaw ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain na iniaatas ng sambahayan ng Diyos, tama ba? (Tama.) Ngayong nakumpirma na ang mga aytem na ito, dapat ay nauunawaan na ninyong lahat ngayon nang kaunti ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at nalaman na ang mga ito ang pangunahing aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang saklaw ng mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos patungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang ipinapahiwatig nito ay na, bilang isang lider o manggagawa, ang saklaw ng gawain mo at ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin ay hindi maaaring maihiwalay sa mga aytem na ito na kabilang sa mga pagsasaayos ng gawain—lahat ng aytem na ito ay kinakailangan. Bukod sa mga aytem na ito ng gawain, ng mga bagay na handa mong gawin, gumawa ka nang kaunti ng anumang kaya mong gawin nang maayos, at walang karagdagang hinihingi ang sambahayan ng Diyos para sa paggampan mo ng iyong tungkulin. Kaya, habang ginagampanan mo ang iyong gawain, dapat nagninilay-nilay ka kung paano isakatuparan ang mga aytem ng gawaing ito, kung ano ang hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kung anong partikular na gawain ang dapat mong gawin, kung paano ito ipatupad, kung naipapatupad ba ito nang maayos, kung kumusta ang kasalukuyang pag-usad, kung nasubaybayan mo ba ang gawain, kung mayroon bang anumang aytem ng gawain na hindi nagawa nang maayos o kung saan mayroong mga paglihis o kapintasan, at kung talaga bang gumagawa ng gawain ang lahat ng lumalahok sa aytem ng gawaing iyon—dapat palagi kang nagninilay-nilay tungkol sa mga bagay na ito. Ngayong nauunawaan mo na ang mga partikular na aytem ng gawaing kabilang sa mga pagsasaayos ng gawain, kinakailangan Ko bang magbigay ng simpleng paliwanag tungkol sa bawat isa sa mga aytem na ito? O marahil ay iniisip ninyo: “Napakaraming taon na naming nararanasan ang mga aytem ng gawaing ito at nauunawaan namin ang lahat ng ito; hindi na kailangang ipaliwanag muli ang mga ito—sa halip ay magbahaginan na lang tungkol sa isang mahalagang bagay. Hindi naman gaanong mahalaga ang paksang ito, hindi mahalaga kung alam namin ang tungkol dito o hindi, at ayaw naming marinig ang tungkol dito”? Kinakailangan pa bang higit na ipaliwanag ang paksang ito? (Oo.) Dahil kinakailangan, pag-usapan natin ito nang simple. Pipili Ako ng ilang aytem na medyo hindi pamilyar sa inyo, na hindi gaanong espisipiko, na medyo abstrak, at magbabahagi Ako tungkol sa mga ito.
I. Gawaing Administratibo
Magsimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa unang aytem, ang gawaing administratibo. Ang gawaing administratibo ay medyo abstrak at hindi sapat na kongkreto, at maraming tao ang hindi nakakaunawa rito. Sa partikular, ang mga nananampalataya sa Diyos sa maikling panahon pa lamang ay wala talagang alam tungkol sa pagbuo ng iglesia at sa gawaing administratibo nito, at hindi nila alam kung ano ang administrasyon. Ang administrasyong ito ay hindi pareho sa mga atas administratibo na inilabas ng Diyos. Ang gawaing administratibong ito ay pangunahing tumutukoy sa mga partikular na tuntunin ng sambahayan ng Diyos sa gawain ng pagtatatag ng mga iglesia. At ano ang nilalaman ng mga partikular na tuntuning ito? Nakapaloob sa mga ito kung paano nahahati-hati ang mga iglesia, kung ilang tao ang nasa bawat iglesia, kung paano pinapangalanan ang mga iglesia, at iba pa. Isinaad sa mga pagsasaayos ng gawain na dapat hatiin ang mga iglesia ayon sa natural na kapaligirang pangheograpiya ng mga ito, kung saan nakaklasipika bilang isang iglesia kapag may 30 hanggang 50 tao ang nakatira nang malapit sa isa’t isa. Halimbawa, sabihin nating ang lugar A ay binubuo ng tatlo o apat na nayon; kung ang mga nayong ito ay mayroong 50 mananampalataya, maaari silang iklasipika bilang isang iglesia. Magkakaroon sila ng sariling oras at lugar para magdaos ng mga pagtitipon, magkakaroon sila ng mga lider at diyakono ng iglesia, pati na ng mga partikular na gawain ng iglesia, at lahat sila ay sama-samang pamamahalaan ng iglesiang ito. Ito ang tuntunin patungkol sa pagkakahati-hati ng mga iglesia at sa bilang ng mga miyembro sa iglesia. Kasabay nito, mapapasailalim ang iglesiang ito sa responsabilidad ng isang partikular na distrito, depende kung saan ito matatagpuan, at ang distritong iyon ang magiging responsable para sa lahat ng iba’t ibang detalye ng gawain sa iglesiang iyon, gaya ng buhay iglesia roon, kung angkop ba ang mga lider at diyakono, ang pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, pagpapatupad sa iba’t ibang pagsasaayos ng gawain, at pagbibigay-alam ng mga hinihingi ng Itaas, at iba pa. May mga partikular na pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos para sa mga bagay gaya ng bilang ng mga iglesia na bumubuo sa isang distrito, at bilang ng mga distrito na bumubuo sa isang rehiyon, pati na ng mga rehiyon na responsable para sa mga distrito, at mga distrito na responsable para sa mga iglesia, na mga administratibong yunit. Sa madaling salita, ito ang tinatawag na gawaing administratibo, at ito ay nasa saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kaya, ano ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa? Dapat nilang hatiin ang mga iglesia batay sa natural na kapaligirang pangheograpiya at lokasyon ng mga ito alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung patuloy na dumarami ang bilang ng mga tao sa isang iglesia sa paglipas ng panahon, dapat muling hatiin ang iglesia batay sa bilang ng mga tao at kapaligirang pangheograpiya. Halimbawa, kung lumago ang isang iglesia mula 50 hanggang 80 tao, dapat itong hatiin sa dalawang iglesia; kung ang dalawang iglesiang ito sa kabuuan ay lumago mula 80 hanggang 150 tao, dapat hatiin ang mga ito sa tatlong iglesia. Kung ang isang iglesia ay lumago sa 70, 80, o 100 tao at hindi pa rin nahahati sa dalawang iglesia, hindi ba’t ipinapakita nito na hindi nauunawaan ng mga lider at manggagawa sa iglesiang ito ang gawaing administratibo ng sambahayan ng Diyos? (Ganoon nga.) Sa ganitong mga pagkakataon, dapat basahin ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain tungkol sa paksang ito—ang handbook ng iglesia tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ay naglalaman ng mga partikular na tuntunin. Kung hahatiin ang isang iglesia sa dalawang bagong iglesia, kailangang maghalal ang bawat iglesia ng mga kinakailangang lider at manggagawa tulad ng mga lider ng iglesia, mga diyakono, at iba pa. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Dapat nilang malaman at maarok ang bilang ng mga tao sa iglesia at ang estado ng pagkakatatag nito. Ito ang gawaing administratibo ng iglesia, at ito ang pinakamalaking aytem ng gawain. Dapat mayroong isang iglesia saanman naroroon ang hinirang na mga tao ng Diyos, at kapag naitatag na ang isang iglesia, dapat umako ng pananagutan ang mga lider at manggagawa para sa bawat aspekto ng gawain ng iglesiang iyon, tulad ng pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, pamamahala sa mga miyembro ng iglesia, pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain upang malaman nila kung ano ang nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain. Ang gawaing administratibo ay pangunahing kinapapalooban ng pagtatatag ng mga iglesia, gayundin ng pagtatatag ng mga administratibong organisasyon at mga tauhan ng mga iglesia—lahat ng ito ay partikular na mga gampanin sa loob ng gawaing administratibo. Sinong mga tao ang mas madalas na nahaharap sa ganitong aytem ng gawain? Ang mga iglesia ng bagong mananampalataya, mga pangkat ng ebanghelyo, pati na mga lider ng rehiyon, mga lider ng distrito, at mga lider ng iglesia sa mga lugar kung saan ipinapalaganap ang ebanghelyo, ay pawang mas madalas na nahaharap sa gawaing ito. Dagdag pa rito, kabilang din sa gawaing administratibo ang isang espesyal na trabaho, ang paghiwa-hiwalayin ang mga iglesia bilang mga iglesiang may tungkuling full-time, mga iglesiang may tungkuling part-time, mga ordinaryong iglesia, at mga grupong B, at ito ay isa pang trabaho na dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Dapat maarok ng mga lider at manggagawa kung paano paghiwa-hiwalayin ang mga iglesia, at ang prinsipyo ng paghihiwa-hiwalay ng mga iglesia ay ang paghahati-hati sa mga tao sa iba’t ibang iglesia batay sa mga pagkakaiba sa mga tungkuling ginagawa nila, ang ihiwalay ang mga taong gumagawa ng tungkulin sa mga taong hindi, gayundin ang mga gumaganap ng tungkulin nang full time mula sa mga gumaganap ng tungkulin nang part time—ito ay isa pang espesyal at partikular na trabahong administratibo.
II. Gawain ng mga Tauhan
Ikalawang aytem, gawain ng mga tauhan. Ang aytem na ito ay tungkol sa paghahalal, pagtatalaga, at pagtatanggal ng mga lider at manggagawa sa iba’t ibang antas. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay nagbibigay ng mga partikular na tuntunin sa mga sistema ng halalan, kung anong uri ng mga tao ang dapat ihalal bilang mga lider o manggagawa, at ang mga pamamaraan at partikular na hinihingi sa mga halalan. Mayroon ding mga partikular na espesyal na sitwasyon, halimbawa, ano ang dapat gawin kung kakakilala pa lang ng mga kapatid at hindi pa nila gaanong kilala ang isa’t isa, at hindi sila makapili ng mga angkop na lider o manggagawa sa pamamagitan ng halalan? Sa ganoong kaso, ang mga tao ay maaaring iangat o italaga, sinusuri kung sino ang angkop na maging lider, at kinikilala sila nang mas mabuti, nakikipagbahaginan, at nagsasagawa ng mga simpleng pagsusuri, at pagkatapos ay puwede na silang italaga. Dagdag pa rito, kapag nagsasaayos ang Itaas ng isang malaking proyekto o nagtatalaga ng ilang tao bilang mga superbisor, isa itong espesyal na pagsasaayos ng gawain. Mayroon pang isang espesyal na sitwasyon, at iyon ay kapag may nagsusulat ng ulat sa Itaas, na naglalarawan kung paanong si ganito-at-ganyang lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain at tumatahak sa landas ng isang anticristo, at pagkatapos itong makumpirma, nag-aatas ang Itaas ng isang pagsasaayos ng gawain para tanggalin sa posisyon ang lider na naiulat. Ito ay isa pang pagsasaayos ng gawain na nauugnay sa gawain ng mga tauhan. Sa madaling salita, ang gawaing nauugnay sa mga tauhan ay kinapapalooban ng paghahalal, pagtatalaga, at pagtatanggal ng mga lider at manggagawa sa iba’t ibang antas sa iglesia. Ang aytem na ito ng gawain ay medyo simple, at madali itong maunawaan.