Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8) Ikalawang Seksiyon
Ano ang pangunahing katangian ng mga huwad na lider na nagpapanggap bilang mga espirituwal na tao? Iyon ay ang kahusayan nila sa pagbibigay ng mga sermon. Ang mga “sermon” na ito ay hindi tunay na mga sermon. Ang mga ito ay hindi mga sermon na nagbabahagi tungkol sa katotohanan, ni mga sermon na nagtataglay ng katotohanang realidad. Sa halip, ang mga ito ay mga sermon na binubuo ng mga salita at doktrina; ang mga ito ay mga nagpapanggap na espirituwal na sermon, mga sermon ng mga Pariseo. Napakahusay ng mga huwad na lider sa pagsisikap sa mga salita at parirala ng mga salita ng Diyos, binibigyan nila ng espesyal na atensiyon sa pangangaral ng mga salita at doktrina, ngunit hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at hindi kailanman pinagninilayan kung paano sila dapat pumasok sa katotohanang realidad. Kontento na sila sa kakayahang mangaral lamang ng mga salita at doktrina; kapag naipaliwanag na nila ang doktrina nang malinaw at may lohika, iniisip nilang sapat na iyon at na mayroon na silang katotohanang realidad, na maaari silang humarap sa iba at gumamit ng awtoridad nila, at pangaralan ang mga tao mula sa mataas nilang posisyon. Sa panlabas, ang sinasabi at ginagawa nila ay tila nauugnay sa katotohanan, hindi sila mukhang nagdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, ni nagtataguyod ng mga maling kasabihan o nag-uudyok ng mga maling kaugalian. Subalit may isang isyu, na hindi nila kayang pasanin ang anumang tunay na gawain, o tuparin ang kahit katiting nilang responsabilidad, na sa wakas, ay humahantong sa kawalan nila ng kakayahang makatuklas ng anumang mga problema sa gawain. Ang paraan nila ng paggawa ay katulad ng isang bulag na nangangapa sa dilim: Palagi nilang sinusunod ang mga damdamin at imahinasyon nila para bulag na ilapat ang mga regulasyon sa mga bagay-bagay, ganap na walang kakayahang makita nang malinaw ang diwa ng mga problema, at gayumpaman, naglilitanya pa rin sila ng walang kabuluhan tungkol sa mga ito—hindi nila kayang lutasin ang anumang tunay na problema. Kung talagang nauunawaan ng isang huwad na lider ang katotohanan, likas niyang matutuklasan ang mga problema at mahahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Ngunit malinaw na hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, pero nagpapanggap silang espirituwal, iniisip na kaya nila mismong gawin ang gawain ng iglesia, walang konsensiyang nangangahas na tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Hindi ba’t kamuhi-muhi ito? Iniisip nila na mayroon silang tunay na kasanayan—na kaya nilang mangaral. Pero hindi talaga nila kayang gumawa ng tunay na gawain. Ang mga salita at doktrinang alam at ipinapangaral ng mga huwad na lider ay hindi nakakatulong sa kanila na magawa nang maayos ang gawain nila, hindi rin ito nakakatulong sa kanila na makatuklas ng mga problema sa gawain, at lalong hindi ito nakakatulong sa kanila na lutasin ang lahat ng problemang kinakaharap nila. Pagkatapos gumawa nang ilang panahon, hindi nila kayang magsalita tungkol sa anumang patotoong batay sa karanasan. Pasok ba sa pamantayan ang gayong lider o manggagawa? Napakalinaw na hindi. At paano dapat pangasiwaan ang mga huwad na lider na hindi pasok sa pamantayan? Hindi lang sila dapat tanggalin at itiwalag, kundi, kung hindi sila magsisisi, hindi na sila puwedeng piliing muli na magserbisyo bilang lider o manggagawa kapag nagkaroon ng halalan. Kung may maghahalal ng isang huwad na lider o manggagawa na natiwalag, sinasadya niyang guluhin at sirain ang gawain ng iglesia at ipinapakita nito na ang bumoto ay isang tagasamba at tagasunod ng huwad na lider na iyon, at hindi isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Ni minsan ba ay nakapaghalal na kayo ng isang nagpapanggap na espirituwal na huwad na lider? (Oo.) Palagay Ko ay marami-rami ang nahalal ninyo na ganoon. Iniisip ninyo na ang sinumang nananampalataya sa Diyos nang napakaraming taon, nakabasa na ng maraming salita ng Diyos at nakarinig ng maraming sermon, na may maraming karanasan sa pangangaral at paggawa, na kayang mangaral nang mahabang oras, ay tiyak na may kakayahang gumawa ng gawain. Pagkatapos ninyong ihalal ang gayong mga tao bilang lider, nakatuklas kayo ng isang seryosong problema: Hindi sila kailanman mahanap at matagpuan ng mga kapatid kapag mayroong isyu. Walang nakakaalam kung saan sila nagtatago, at nagtatago sila sa kung saan at hindi hinahayaang abalahin sila ng sinuman. Iyon ay isang problema. Palagi silang naglalaro ng tagu-taguan sa mga kritikal na sandali sa gawain at hindi sila kailanman mahanap ng mga kapatid kapag kinakailangan sila upang lutasin ang isang problema—hindi ba’t pinapabayaan nila ang mga nararapat nilang tungkulin? Bakit hindi naglalakas-loob ang ilang tao na harapin ang mga kapatid sa sandaling naging lider na sila? Bakit sila hindi matagpuan? Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan nila? Bakit hindi nila nilulutas ang mga tunay na problema? Anuman ang pinagkakaabalahan nila, isang bagay ang matitiyak ninyo rito: Kung matagal-tagal na silang hindi gumagawa ng tunay na gawain, sila ay isang huwad na lider, at dapat silang tanggalin kaagad, at dapat may ibang ihalal. Ihahalal ba ninyo ang ganitong uri ng huwad na lider sa hinaharap? (Hindi.) Bakit hindi? Ano sa tingin ninyo ang kahihinatnan ng pagpili sa isang bulag na tao bilang gabay ninyo? Ang taong iyon mismo ay bulag, kaya, magagabayan ba niya ang iba sa tamang landas? Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos sa Bibliya, “Kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mateo 15:14). Naglalakad ang isang bulag na tao nang walang direksiyon o layon; paano niya magagabayan ang iba? Kung pipili ang isang tao ng bulag na tao bilang gabay niya, mas maituturing pa siyang bulag kaysa rito. May isang kasabihan ang mga walang pananampalataya: “pagtatanong ng daan sa isang bulag.” Ang paghalal sa isang huwad na lider para magsilbi bilang lider ng iglesia ay tulad ng pagtatanong ng daan sa isang bulag. Ito ay isang kahangalan, hindi ba? Ang lahat ng bumoboto sa isang huwad na lider ay mga bulag na tao na pumipili ng bulag, at wala ni isa sa kanila ang nakakaunawa sa katotohanan.
Kapag pumipili ang ilang tao ng isang nagpapanggap na espirituwal na tao bilang lider, labis silang natutuwa, iniisip nila, “May mahusay na lider na tayo ngayon. Talagang magaling magbigay ng sermon ang lider natin. Nangangaral siya sa isang napakalohikal at napakasistematikong paraan, at lubos na may kabuluhan ang mga sermon niya.” Napapaiyak ang ilang tao na walang pagkilatis, nakakaramdam sila ng matinding pagkagiliw sa lider na ito, ni ayaw nilang umalis para gampanan ang mga tungkulin nila. Nauunawaan nila nang napakalinaw ang mga bagay-bagay kapag nakikinig sila sa pagbabahaginan, pero kapag nakakatuklas sila ng mga isyu habang ginagawa ang tungkulin nila, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito at naguguluhan sila, iniisip, “Parang nauunawaan ko ang lahat kapag nakikinig ako sa pakikipagbahaginan ng lider, kaya, bakit hindi ko malutas ang mga paghihirap na nararanasan ko sa gawain ko?” Ano ang problema rito? Ang ipinapangaral ng ganitong uri ng huwad na lider ay puro salita at doktrina, mga hungkag na parirala, islogan, at walang kabuluhan. Ang ipinapangaral nila ay hindi nakakalutas sa iyong mga tunay na isyu; naloko ka ng mga taong ito. Pinapakain ka nila ng mga ilusyon, nagsasabi ng ilang islogan para paniwalain ka na nalutas na ang mga problema, samantalang sa katunayan, hindi sila nakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo kaugnay ng iyong mga problema. Paano malulutas ang mga problema sa ganitong paraan ng pakikipagbahaginan? Ang mga doktrinang ipinapangaral nila ay walang kinalaman sa mga tunay na isyu; iniiwasan lang nila ang diwa ng lahat ng isyu at nagsasalita tungkol sa mga teorya sa hungkag na paraan. Nangangaral sila ng puro salita at doktrina, at mga espirituwal na teorya. Wala silang ideya kung ano ang katotohanang realidad, at kapag lumilitaw ang mga problema, nalilito sila. Hindi nakakalutas ng mga tunay na problema ang mga sermon na ibinibigay nila, isang uri ng teorya lang ang mga ito, isang uri ng kaalaman at doktrina. Ang ganitong uri ng huwad na lider ay nangangaral ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan na para bang ang mga ito ay mga uri ng salita at doktrina at islogan. Iniiwasan nila ang lahat ng tunay na problema at nangangaral lang sila ng mga salitang hungkag at hindi praktikal. At ano ang mangyayari sa huli? Kahit gaano pa sila katagal mangaral, sa pinakamainam, ang kanilang mga sermon ay magkakaroon ng epekto ng panghihikayat at panghihimok sa mga tao, ginagawang medyo mas masigasig ang mga tao at nagbibigay ng dagdag na lakas, pero hindi nila kayang lutasin ang anumang iba pang isyu. Ang katotohanan ay hindi hiwalay sa realidad, kundi sa halip, nauugnay ito sa realidad at sa iba’t ibang uri ng isyu na aktuwal na umiiral. Kaya, makakaya na ba ninyo ngayon na makilatis ang mga nagpapanggap na espirituwal na huwad na lider kapag nakaharap ninyo sila sa susunod? Kung hindi pa, kapag gusto ninyong bumoto sa isang tao na maging lider, ipalutas muna ninyo sa kanya ang ilang isyu. Kung malulutas niya ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at kung magkakamit siya ng magagandang resulta at malulutas ang mga isyu gamit ang katotohanang realidad, kung gayon, puwede ninyo siyang iboto; kung iiwas siya at hindi niya tatalakayin ang diwa ng mga problema at ang tunay na sitwasyon, at ang magagawa lang niya ay mangaral ng doktrina sa hungkag na paraan, sumigaw ng mga islogan, at sumunod sa mga regulasyon, kung gayon, hindi ninyo puwedeng iboto ang taong iyon. Bakit hindi ninyo puwedeng iboto ang taong iyon? (Dahil hindi niya kayang lumutas ng mga tunay na problema.) At anong klase ng tao ang hindi kayang lumutas ng mga tunay na problema? Isang tao na puro salita at doktrina lang ang kayang ipangaral—siya ay isang mapagpaimbabaw, mapagpanggap na espirituwal na Pariseo. Wala siyang taglay na kakayahang kinakailangan para maunawaan ang katotohanan, wala siyang abilidad na lumutas ng mga isyu, hindi niya kayang lumutas ng mga problema, at kaya, kung pipiliin mo siya bilang lider, tiyak na magiging isa siyang huwad na lider. Wala siyang kakayahan na gawin ang gawain ng isang lider o tuparin ang mga responsabilidad ng isang lider. Kaya, hindi ba’t pipinsalain mo lang siya kung iboboto mo siya? Sinasabi ng ilang tao, “Paanong pamiminsala iyon sa kanya? Mabuti naman ang intensiyon namin sa pagboto sa kanya. Mayroon siyang kaunting kakayahan, at kung ihahalal natin siya, hindi ba’t magkakaroon na tayo ng isang taong kayang umako ng responsabilidad sa gawain?” Siyempre, isang mabuting bagay ang magkaroon ng isang taong mag-aako ng responsabilidad, pero hindi kaya ng ganitong klase ng tao na umako ng responsabilidad. Ang kaya lang niyang gawin ay magsalita tungkol sa mga teorya sa hungkag na paraan, hindi niya isinasaalang-alang ang tunay na sitwasyon, at wala siyang naitutulong pagdating sa paglutas ng mga problema, kaya kung iboboto mo siya, hindi ba’t binibigyan mo siya ng pagkakataon na gumawa ng masama? Hindi ba’t pinipilit mo siyang tahakin ang landas ng isang huwad na lider? Samakatwid, hindi ka dapat pumili ng gayong klase ng mga tao para maging mga lider.
Kaya ba ninyong kilatisin kung sino sa mga tao sa paligid ninyo—na madalas ninyong nakakasalamuha at medyo pamilyar na kayo—ang nakapagsasalita lamang ng tungkol sa mga doktrina sa isang hungkag na paraan at hindi kayang lumutas ng mga tunay na problema? Na palaging nangangaral ng matatayog na teorya at nagmumungkahi ng mga bago at katangi-tanging plano na hindi pa kailanman narinig ng sinuman, pero natitigilan at hindi makapagsalita kapag tinanong kung paano isagawa o ipatupad ang mga partikular na plano ng operasyon at ang mga kongkretong detalye? Ang sinasabi nila ay lubhang hungkag at ganap na hindi makatotohanan, hindi nauugnay o alinsunod sa tunay na sitwasyon, sa aktuwal na kapaligiran, kung ano ang talagang kayang kamtin ng mga tao, mga tayog ng mga tao, at antas ng mga propesyonal nilang kasanayan. Dagdag pa rito, hindi naaayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos ang sinasabi nila; basta silang nagsasalita ng walang kabuluhan, sila ay nagpapasasa sa pantasya, at pabigla-bigla lang nilang sinasabi ang anumang pumapasok sa isip nila. Iniisip nila na hindi nila kailangang managot sa anumang sinasabi nila, kahit pa nagmamayabang o nagmamalaki sila. Sa ganitong saloobin, ipinapahayag nila ang mga pananaw nila at iminumungkahi ang mga ideya nila—hindi ba’t sila ay mga nagpapanggap na espirituwal na tao? (Oo.) Naniniwala ang ilang tao na hindi sineseryoso ng sinuman ang pagmamayabang, pagmamalaki, o ang tila matatayog pakinggang ideya, at naipapakita nila kung gaano sila kahusay. Iniisip nila na kung magkamali sila, hindi nila kailangang managot dito, at kung makagawa sila nang tama, titingalain sila ng lahat, kaya, sinasabi nila ang kahit anong gusto nila at ginagawang napakadali ang lahat ng bagay. Marami silang ideya, pero wala ni isa sa mga ito ang may partikular na plano ng pagsasagawa at maaaring maipatupad nang maayos. Hindi nila sineseryoso ang anumang pananaw na iminumungkahi nila, dalisay man o baluktot ito. Iba ang sinasabi nila ngayon sa sasabihin nila bukas, at bagama’t napakatayog ng mga pananaw, teorya, at batayan na pinag-uusapan nila, lahat ng ito ay hungkag at hindi praktikal. Paminsan-minsan, nagtatalakay sila ng plano na hindi hungkag o baluktot, pero kapag tinanong sila kung paano partikular na isasagawa ang plano, hindi nila masabi. Kapag sumisigaw ng mga islogan, nagsasalita ng tila matatayog pakinggang salita, at nagpapahayag ng mga pananaw, napakamasigasig at napakaaktibo nila. Pero pagdating sa paggawa ng partikular na gawain at pagpapatupad ng mga partikular na plano, naglalaho sila nang walang bakas, nagtatago sila, at wala na silang mga pananaw. Puwede bang maging mga lider ang ganitong mga tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang magiging mga kahihinatnan kung ang mga taong tulad nito ay magiging mga lider? Hindi ba’t mapipinsala nila ang sarili nila at ang iba? Magdudulot sila ng pagkaantala sa gawain ng iglesia, at higit pa rito, magdudulot sila ng malaking pinsala sa sarili nila. Ang mga doktrinang ipinangangaral nila ay limitado lang, at kapag tapos na silang mangaral ng mga ito, wala na silang ibang masabi, at kaya, palagi nilang kailangang magtago at “magkulong para pagtuunan ang paglilinang sa sarili nila.” Hindi ba’t magiging mahirap ito para sa kanila? Sa sandaling maging lider sila, mararamdaman nilang parang tatlong malalaking bundok ang nakapatong sa ulo nila, araw-araw silang mapapagod nang husto at lubha silang mabibigatan—ano ang silbi ng pagdurusa nila nang ganito? Wala silang kakayahang maging lider, at kapag nakakaranas sila ng mga problema, basta nalang silang gumagamit ng mga regulasyon ayon sa sarili nilang mga imahinasyon at hindi nila kayang lutasin ang mga tunay na isyu—hindi puwedeng maging mga lider ang ganitong mga tao. Hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, kaya magiging mga huwad na lider sila, at iisipin pa rin nilang napakahusay nila kahit na nagdudulot sila ng mga pagkaantala sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Kung matutuklasan at maaarok ninyo ang kakayahan at karakter ng mga nagpapanggap na espirituwal na taong ito, iboboto pa rin ba ninyo sila bilang mga lider? Kung ikaw mismo ay ganitong uri ng tao at may gustong bumoto sa iyo, ano ang gagawin mo? (Magkakaroon ako ng kaunting kamalayan sa sarili, at sasabihin kong hindi ako angkop na maging isang lider.) At kung, matapos mong ipahayag ito, iniisip pa rin ng lahat na mahusay ka at pinipilit nilang iboto ka, ano ang dapat mong gawin? Sabihin mo sa kanila, “Hindi ko kayang gawin ang gawain ng pamumuno, hindi ko kayang pasanin ang gawaing iyon. Mukha akong may kaunting kakayahan sa panlabas, at minsan ay mayroon akong ilang magandang ideya at nagbibigay ng kaunting liwanag, pero kadalasan, puro salita at doktrina lang ang ipinapangaral ko. Talagang hindi ako puwedeng maging isang lider o manggagawa. Hindi ako mas mahusay kaysa sa inyo. Anuman ang gawin ninyo, pakiusap, huwag ninyo akong iboto. Kahit ako pa ang makakuha ng pinakamaraming boto, hindi pa rin ako puwedeng maging isang lider. Hindi ko puwedeng pinsalain ang sinuman! Nagserbisyo na ako bilang isang lider noon, at sa bawat pagkakataon, nabibigo at natatanggal ako. Sa tuwing natatanggal ako, iyon ay dahil mahina ang kakayahan ko, wala akong kapabilidad sa gawain at hindi ko kayang gumawa ng tunay na gawain. Ang kaya ko lang gawin ay ang mangaral ng mga salita at doktrina, at bukod doon, hindi ko kayang gumampan nang maayos o isakatuparan ni isa sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider. Naging isa akong huwad na lider.” Ito ay pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, hindi lang pagsasabi ng ilang salita tungkol sa pagiging hindi angkop na maging isang lider at iyon na iyon. Iniisip ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang ginampanan ang tungkulin ko sa grupong ito at dapat akong ituring na isang miyembro ng mga nakatataas na tauhan sa anumang kaso. Kahit wala akong naiambag kailanman, nagsumikap ako, kaya, bakit walang nakatuklas sa mga kalakasan ko? May potensyal akong maging lider. Madalas akong mayroong mga kaisipan, ideya at mungkahi na talagang may halaga at mayroong praktikal na silbi. Tanggapin man ng mga lider ang mga ito o hindi, sa ano’t ano man, isa akong taong may mga saloobin, ideya, at pananaw. Bakit walang sinumang bumoboto sa akin?” Kung ganito ka mag-isip, puwede mong suriin ang sarili mo nang ganito: Mga pahayag lang ba iyong mga kaisipan, ideya, at mungkahi mo, o talagang may praktikal na silbi ang mga iyon? Nakakatuklas at nakakalutas ka ba ng iba’t ibang klase ng mga paghihirap na nararanasan sa gawain? Magagamit ba ang mga kaisipan at ideya mo? Kaya mo bang pasanin ang gawain? Kung nananatiling mga salita at doktrina ang mga kaisipan at pananaw mo, kung sadyang walang praktikal na silbi ang mga ito, at higit pa rito, kung sadyang hindi nakaayon ang mga ito sa mga prinsipyo ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ano ba talaga ang kakayahan mo? Kapag napili ka bilang isang lider, magagawa mo bang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Gusto mo bang maging lider dahil sa ambisyon, o dahil sa pagpapahalaga sa pasanin? Kung talagang nagtataglay ka ng kapabilidad sa gawain at ng abilidad na lumutas ng mga isyu, at kapag nakikita mong napakahina ng ilang lider at manggagawa sa pagsasagawa ng gawain at hindi kayang lumutas ng anumang mga problema, nababalisa ka dahil dito, at nagmumungkahi ka sa kanila pero hindi sila nakikinig, at hindi nila kayang lumutas ng mga isyu pero hindi nila iniuulat ang mga ito sa ang Itaas, at nag-aalala at nababalisa ka para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at nakakaramdam ka ng matinding sama ng loob kapag nakikita mong nagdudulot ng mga pagkaantala sa gawain ng iglesia ang mga huwad na lider, ipinapakita nito na mayroon kang pagpapahalaga sa pasanin. Gayumpaman, kung gusto mong makuha ang pagsang-ayon ng lahat, makahanap ng mas maraming tagapanood, at makahikayat ng mas maraming tao na makikinig sa iyo na mangaral at magsermon, dahil lang mayroon kang ilang ideya, at kung gusto mong mamukod-tangi sa karamihan, hindi ito pagpapahalaga sa pasanin—ito ay ambisyon. Ang mga ambisyosong tao ay kaya lamang mangaral ng mga salita at doktrina, at ang anumang mga ideya na mayroon sila ay mga hungkag na salita at doktrina lang din. Kapag nagiging mga lider ang mga taong gaya nito, tiyak na magiging mga huwad na lider sila, at kung sila ay masasamang tao, sila ay mga anticristo. Kung mananatiling mga hungkag na salita ang mga ideya mo, kapag naging lider ka na, siguradong magiging katulad ka lang ng bawat nagpapanggap na espirituwal na huwad na lider. Palagi kang “magkukulong para pagtuunan ang paglilinang sa sarili mo,” kung hindi, makakaramdam ka ng krisis at walang maipapangaral. Kung pareho ka lang sa kanila, at habang nangangaral ka mula sa mataas na posisyon, hindi mo kayang makatuklas ng anumang mga problema na umiiral sa gawain, at likas na hindi mo rin kayang lutasin ang anumang mga problema, tiyak na magiging isa kang huwad na lider. At ano ang nangyayari sa mga huwad na lider sa huli? Natatanggal sila sa mga posisyon nila dahil hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain—nakatakda silang tahakin ang landas na ito.
Maraming tao ang palaging nakakaramdam ng galit at handang gumawa ng hakbang sa puso nila, at sa tuwing dumarating ang panahon ng pagpili ng isang lider o superbisor, palagi nilang gustong sila ang mapili. Iniisip ng ilang tao na sila ang may pinakamatagal na taon na nananampalataya sa Diyos, nagtiis sila ng pinakamatinding paghihirap, ginampanan nila ang tungkulin nila sa pinakamahabang panahon at nang may pinakamatibay na katapatan, at na sila ang pinakakarapat-dapat na maging lider, at kaya gusto nilang sila ang piliin ng ibang tao. Ano ang kaya mong gawin kung pipiliin ka ng ibang tao? Maiiwasan mo bang makuha ang titulo ng huwad na lider? Magagawa mo bang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Pawang mga tunay na problema ang mga ito, pero walang sinuman ang nagsasaalang-alang sa mga bagay na tulad nito. Sa mga taong ito, may ilan na sapat ang kakayahan. Kaya nilang hanapin ang katotohanan kapag may mga problema sa tungkulin nila, at kapag naunawaan nila ang katotohanan at nagagawa nilang pangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga prinsipyo, maaari silang maging pasok sa pamantayan. Kung ang mga taong ito ay nakakaunawa, nagmamahal, at naghahangad sa katotohanan, at dagdag pa rito, may medyo mabuting pagkatao, hindi sila magkakaroon ng anumang problema para maging mga lider at manggagawa na pasok sa pamantayan—hindi ito magiging napakahirap para sa kanila. May ilang tao na palaging nagrereklamo na mahirap ang gawaing ginagawa nila, hindi sila handang magsikap o magbayad ng halaga pagdating sa katotohanan, at nagmamaktol sila kapag napupungusan. Puwede bang maging mga lider at manggagawa na pasok sa pamantayan ang gayong mga tao? Sadyang mali ang intensyon at saloobin nila, hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, at kahit ano pa ang hinihingi ng Diyos sa kanila, nananatiling negatibo ang saloobin nila. Ang mga ganitong tao ay hindi karapat-dapat maging mga lider at manggagawa. Wala silang pagpapahalaga sa pasanin sa puso nila, at kahit gaano pa kalinaw o kaliwanag ang pagkakalatag sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ayaw pa rin nilang magsumikap na gawin nang maayos ang gawain. Sa totoo lang, hindi naman mahirap gawin nang maayos ang gawain. Bakit hindi ito mahirap? Una, may mga partikular na pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos para sa lahat ng gawain ng iglesia at gumawa na ng mga espesipikong tuntunin ang ang Itaas para dito, kaya, hindi hinihingi sa inyo na maging makabago sa anumang aytem ng gawain, o tapusin ito nang mag-isa. Binigyan kayo ng ang Itaas ng isang saklaw at direksyon, at binigyan kayo ng mga prinsipyo, at ng mga pinakamababang pamantayan; sa paggampan ng gawain ninyo, hindi kayo nag-aaksaya ng lakas nang walang patutunguhan, o walang direksyon. Ikalawa, sa anumang aytem ng gawain, kahit sino pa ang superbisor, o nakatuon man sa lokal o sa labas ng bansa ang gawain, ang pinakapangunahing bagay ay na ang Itaas na Brother ay partikular na nagsusubaybay, gumagabay, nangangasiwa, nag-iinspeksiyon, at nagsasagawa ng pagsusuri sa gawain, at madalas na nag-uusisa. Gaano kapartikular ang mga kilos na ito? Personal na nakikibahagi at nagsusubaybay ang Itaas na Brother sa bawat iskrip, pelikula, programa, himno, at iba pa. Nakikibahagi rin Ako sa ilang gawain, binibigyan kayo ng pangkalahatang direksyon at balangkas. Ikatlo, para sa anumang aspekto ng gawain na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, madalas ding nakikipagbahaginan sa inyo ang ang Itaas tungkol sa mga katotohanang prinsipyo at gumagabay sa gawain ninyo; pinupungusan din kayo ng ang Itaas, nagsasagawa ng pagsusuri sa inyo, at sa anumang oras, itinutuwid ng ang Itaas ang mga pagkabaluktot ninyo. Ikaapat, pagdating sa mahahalagang gawain sa tauhan at administrasyon, personal kayong tinutulungan ng ang Itaas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsusuri at ng paggawa ng mga desisyon. Sa katunayan, anuman ang gawaing ginagawa ninyo, hindi ninyo ito tinatapos nang mag-isa; lahat ay isinaayos, pinamunuan, pinatnubayan, at sinuri ng ang Itaas. Kaya, ano itong ginagawa ninyo? Tinatamasa lang ninyo ang mga bagay na nakahanda na—masyado kayong pinagpala! Hindi ninyo kailangang mag-alala tungkol sa anuman; kailangan lang ninyong gumawa gamit ang mga kamay at paa ninyo. Ito ang gawaing nakatakda sa inyo. Ni minsan ba ay nagbayad kayo ng karagdagang halaga? (Hindi.) Ginawa ng ang Itaas ang lahat ng pangunahin at mahalagang gawaing ito; samakatwid, ang gawaing ginagawa ninyo ay pawang napakadali at walang anumang malalaking paghihirap. Sa ilalim ng gayong mga sitwasyon, kung hindi pa rin nagagawa ng mga tao nang maayos ang gawain nila, walang kapatawaran iyon, at pinapatunayan nito na sadyang hindi nila isinasapuso at pinagsisikapan ang gawain nila o tinutupad ang mga responsabilidad nila. Sinasabi ng ilang tao, “Sino ba ang walang anumang mga isyu kapag gumagawa ng gawain? Hindi ba puwedeng magkaroon ng anumang mga isyu ang mga tao?” Hindi hinihingi sa inyo na makakuha ng perpektong marka sa gawain ninyo; hinihingi lang sa inyo na makapasa kayo, at pagkatapos ay maituturing nang natupad ninyo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Masyado bang mataas ang hinihinging ito? (Hindi.) Madaling makakuha ng pasadong marka batay sa patnubay at pagsusuri ng ang Itaas; nakasalalay lang ito sa kung taos-puso bang hinahangad ng mga tao ang katotohanan. Kung hindi sila magsisikap pagdating sa katotohanan, at palagi nilang gustong maging pabaya, at kung nasisiyahan na sila na iniraraos lang ang gawain, hindi gumagawa ng anumang masama, hindi nagdudulot ng anumang mga kaguluhan o pagkagambala, at hindi nababagabag ang konsensiya nila sa anumang bagay, hindi sila makakakuha ng pasadong marka. Karamihan sa mga lider at manggagawa ay may ganitong uri ng saloobin kapag gumagawa; gumagawa sila ng kaunting gawain pero ayaw nilang mapagod nang husto, kontento na sila sa pagiging karaniwan lang, at tungkol naman sa kung ano ang mga resulta ng gawain nila, iniisip nila na iyon ay gawain ng Diyos at na wala itong kinalaman sa kanila. Katanggap-tanggap ba ang saloobing ito? Kung mayroon kang gayong saloobin, napakalimitado ng gawaing kaya mong gawin, at hindi mo ibinubuhos ang lahat ng makakaya mo rito, na nagpapahiwatig na hindi mo kayang gumawa ng tunay na gawain o na hindi ka gumagawa ng tunay na gawain, at kaya, dapat kang ilarawan bilang isang huwad na lider—ito ay ganap na naaangkop at hindi ito di-makatarungan. Palaging sinasabi ng ilang tao, “Masyadong mataas ang mga hinihingi Mo sa amin. Kung hindi namin gagawin ang gawaing ito, kami ay mga huwad na lider, at kung hindi namin matutugunan ang hinihinging iyon, kami rin ay mga huwad na lider. Ano ba ang tingin Mo sa amin? Hindi kami mga robot, hindi kami perpekto. Mga ordinaryong tao lang kami, mga mortal lang kami. Sinasabi Mo sa amin na maging mga ordinaryong tao, mga karaniwang tao, pero bakit napakataas ng mga hinihingi Mo sa amin bilang mga lider?” Sa totoo lang, hindi mataas ang mga hinihingi Ko sa inyo. Hinihiling Ko lang sa iyo na tuparin ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao. Ito ay isang bagay na dapat at kailangan mong gawin, at isa itong bagay na kaya mong matamo bilang lider at manggagawa. Kung, gayumpaman, ay hindi ka nagsisikap na magpunyagi tungo sa katotohanan, at palaging natatakot na magdusa ng paghihirap at palaging nag-iimbot ng kaginhawahan, anuman ang mga dahilan o palusot mo, tiyak na magiging isa kang huwad na lider. Katulad ito ng mga bagay na dapat makamit ng mga taong may normal na pagkatao at na dapat asikasuhin mismo ng mga taong nasa hustong gulang, gaya ng kung anong oras dapat gumising sa umaga ang isang taong nasa hustong gulang, kung ilang beses siyang dapat kumain at ilang oras siya dapat magtrabaho sa isang araw, at kung kailan niya dapat labhan ang marurumi niyang damit—dapat ikaw mismo ang mag-asikaso ng mga bagay na ito, at hindi mo na kailangan pang itanong sa iba ang tungkol sa mga ito. Kung itatanong mo sa ibang tao ang lahat ng bagay at wala kang nauunawaan na kahit ano, hindi ba’t nangangahulugan ito na kulang ka sa talino, at na isa kang hangal? Hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi mo kayang alagaan ang sarili mo? Puwede bang maging mga lider ang ganitong mga tao? Hindi ba’t mga huwad na lider sila? Dapat tanggalin ang gayong mga tao. Ang mga taong tulad nito ay gusto pa ring kumapit sa posisyon nila at hindi bumaba, at gusto pa rin nilang maging mga lider! Matapos tanggalin ang ilang huwad na lider, pakiramdam nila ay ginawan sila ng mali at hindi sila tumitigil sa pag-iyak dahil dito. Umiiyak sila hanggang sa mamugto ang mga mata nila. Bakit sila umiiyak? Hindi nila alam kung anong uri sila. Kapag sinabi Ko na hindi mataas ang mga hinihingi Ko sa mga tao, ang ibig Kong sabihin ay na ang hinihiling sa iyo na gawin ay ang bagay na kaya mong makamit; ang daan ay nakalatag na para sa iyo at naitakda na ang saklaw, at nagawa na ang mga desisyon, at kailangan mo na lang kumilos. Para itong pagkain: Ang mga butil, gulay, lahat ng klase ng pampalasa, mga lutuan, at kalan ay inihanda na para sa iyo, at ang kailangan mo lang gawin ay matutong magluto; ito ang dapat gawin at kamtin ng isang taong nasa hustong gulang. Kung hindi mo ito makakamit, isa kang hangal, at hindi ka maituturing na pasok sa saklaw ng katalinuhan ng mga normal na taong nasa hustong gulang. Hindi kayang gawin ng ilang lider ang tunay na gawaing ito, kaya dapat silang tanggalin. Kung gayon, paano natin mabibigyang-depinisyon at matutukoy kung ang isang tao ay may kakayanang gawin ang ganitong uri ng gawain? Kung taglay mo ang talino at kakayahan ng isang taong nasa hustong gulang, at taglay mo ang pagiging maingat at pagpapahalaga sa responsabilidad na dapat taglayin ng isang taong nasa hustong gulang, dapat ay kaya mong gawin ang ganitong uri ng gawain. Kung hindi mo kaya, o hindi mo ito ginagawa, isa kang huwad na lider. Ganoon natutukoy ito, at tumpak ang ganitong paraan ng pagtukoy. Hindi ito pagkondena o paghusga sa isang tao, kaya, malupit ba ito? Nakalatag ang lahat ng katunayan, at hindi ito malupit sa anumang paraan.