Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6) Ikalawang Seksiyon
Tungkol naman sa mga taong hindi gaanong sapat ang katalinuhan, mayroon din sila ng kahandaan na gawin nang maayos ang kanilang tungkulin at gusto nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero wala silang karunungan, hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, at hindi nila makilatis ang anumang bagay. Sa ilang pagkakataon, nakakaranas sila ng tukso at nahuhulog sila rito, at dahil dito, nagkakanulo sila sa mga interes ng iglesia, nagkakanulo sa mga kapatid, at nagdudulot sila ng pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Paano natin dapat harapin at pakitunguhan ang ganitong uri ng mga tao na mapurol ang isip at kulang sa katalinuhan? Pagdating sa gayong mga tao na mapurol ang isip na walang espirituwal na pang-unawa at kulang sa katalinuhan, ang bawat kahuli-hulihan sa kanila ay dapat tanggalin at italaga sa ibang tungkulin, at walang ni isa ang maaaring gamitin. Kung gagamitin ang gayong mga tao, maaari silang magdulot ng problema sa gawain ng sambahayan ng Diyos anumang oras—napakaraming aral na katulad nito. Sa panahon ngayon, maraming tao ang may kaunting wangis ng tao sa panlabas, pero hindi nila kayang magbahagi ng anumang katotohanang realidad. Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos pero nananatili pa rin sila sa ganitong kalagayan. Ang ugat ng problemang ito ay dapat makita nang malinaw; ito ay isang problema ng lubhang mahinang kakayahan at kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Hindi magbabago ang gayong mga tao kahit gaano karaming taon pa silang manampalataya sa Diyos, at wala silang nagagawang makabuluhang pag-usad sa kabila ng lahat ng sermong napakinggan nila. Maaari lang silang ilagay sa isang tabi, para magserbisyo sa anumang maliit na paraang kaya nila. Mabuting paraan ba ito ng pakikitungo sa kanila o hindi? (Mabuti ito.) Ang ilang tao na kulang sa katalinuhan at walang kalakasan ay hindi kayang maunawaan ni kaunti ang mga salita ng Diyos kahit ilang taon na nilang nabasa ang mga ito, at hindi nila nauunawaan ang mga sermon kahit ilang taon na nilang napakinggan ang mga ito. May silbi pa rin ba na magbigay ng mga aklat ng mga salita ng Diyos sa gayong mga tao? (Wala na.) Hindi dapat ipamahagi ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa mga taong kulang sa katalinuhan, dahil walang saysay na gawin ito at katumbas ito ng pag-aaksaya, at ang anumang naipamahagi na sa kanila ay dapat bawiin kaagad. Hindi ito para pagkaitan sila ng karapatang magbasa ng mga salita ng Diyos, kundi dahil kulang ang katalinuhan nila. Kahit namumuhay ang gayong mga tao ng buhay iglesia, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, lalo na ang gumawa ng isang tungkulin. Mga basura ang gayong mga tao, hindi ba? Dapat marunong kayong pangasiwaan ang basura. May ilang tao na mukhang totoong-totoo, pero napakababa ng kanilang katalinuhan na hindi man lang nila magawa nang maayos ang anumang pisikal na gawain, at pumapalpak sila sa lahat ng ginagawa nila. Kung may gawaing ipapagawa sa kanila, siguradong may masisira sila, kaya, hindi puwedeng gamitin ang mga taong gaya nito. Kung uutusan mo silang mag-igib ng isang balde ng tubig, masasagi nila ang isang bote ng mantika. Kung uutusan mo silang maghugas ng mangkok, makakabasag sila ng plato. Kung paglulutuin mo sila, magluluto sila nang sobrang dami o hindi kaya ay sobrang kaunti, o kaya naman ay masyadong maalat o matabang. Isinasapuso naman nila ito, pero paano man nila subukan, hindi nila ito magawa nang maayos, ni hindi sila mahusay kahit na sa pisikal na trabaho. Magagamit ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya kung hindi sila magagamit, ano ang dapat ipagawa sa kanila? Nangangahulugan ba ito na hindi na sila puwedeng manampalataya sa Diyos at na ayaw sa kanila ng sambahayan ng Diyos? Hindi, hindi iyon ang ibig sabihin. Huwag lang silang hayaang gumawa ng tungkulin. Kung hindi nila kayang gawin nang maayos ang mga bagay sa loob ng saklaw ng normal na buhay ng tao—kabilang na ang mga bagay na ayon sa sentido komun at nakagawiang gawain sa pang-araw-araw na buhay—o kung wala silang kakayahang gawin ang mga bagay na ito, hindi sila angkop na gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos.
Bagama’t hindi nagtataglay ng mabuting pagkatao o anumang espesyal na talento ang ilang tao, at lalong hindi rin puwedeng linangin para maging lider, kaya pa rin nilang gumawa ng ilang pisikal na gawain. Halimbawa, ang pagpapakain ng mga manok at pato, pagpapakain ng baboy, at pag-aalaga ng mga tupa ay mga trabahong kaya nilang gawin nang maayos. Kung bibigyan mo sila ng simpleng trabaho, kaya nila itong gawin nang maayos basta’t isinasapuso nila ito, at sa gayon ay puwedeng gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Bagama’t ito ay iisa at simpleng gawain, kaya nilang isapuso ito at tuparin ang responsabilidad, at kaya rin nilang gumawa ng mga kahilingan sa kanilang sarili ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Gaano man kalaki o kaliit ang gawain, o kung mahalaga ang gawain o hindi, pagkatapos ng lahat, makakaya nilang gawin nang maayos ang iisang trabahong itinalaga sa kanila. Bukod sa kaya nilang magpakain nang maayos ng mga manok para mangitlog ang mga ito nang normal, kaya rin nilang protektahan ang mga manok na hindi matangay ng mga lobo. Kapag nakakarinig sila ng isang lobong umaalulong, agad nilang ipapaalam ito sa kanilang superbisor, nagsusumikap na makaiwas sa anumang kapahamakan sa paggampan nila sa trabaho at gampaning ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kung ganito sila magtrabaho, medyo dedikado sila, at maituturing ito na pagkakaroon ng kakayahang isakatuparan ang kanilang responsabilidad at gawin nang maayos ang trabaho nila. Sa ibang aspekto gaya ng kanilang personal na buhay, at kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay, medyo nagkukulang sila; halimbawa, hindi nila alam kung paano makisalamuha at makipag-usap sa iba, o kung paano magbahagi sa iba tungkol sa kanilang kalagayan, at minsan ay bugnutin pa sila. Maituturing ba ito na problema? Ayos lang ba na hindi sila gamitin dahil sa mga isyung ito? (Hindi.) May ilang tao na hindi maalaga sa personal na kalinisan; hindi bababa sa sampung araw na hindi nila hinuhugasan ang kanilang buhok at kadalasang masama ang amoy nila. Ang iba naman ay maingay kapag kumakain at umiinom habang nagpapahinga ang mga nasa paligid nila, at maingay rin sa iba pang oras, tulad ng kapag naglalakad, nagsasara ng pinto, at nagsasalita—wala silang pinag-aralan at walang mabuting ugali. Paano dapat tratuhin ang gayong mga tao? Dapat maging maunawain ang lahat, tumulong, at sumuporta sa kanila nang may pusong mapagmahal, makipagbahaginan sa kanila tungkol sa kung ano ang normal na pagkatao, at hayaan silang unti-unting magbago. Dahil magkakasama kayong lahat, kailangan ninyong matutong makibagay. Puwedeng gamitin ang gayong mga tao basta’t nagagawa nila nang maayos ang kanilang trabaho, at inaako ang trabaho, at hindi sila gumagawa ng anumang bagay na nakakagambala o nakakagulo. May ilang tao na mautak, may mahusay na kakayahan, at masipag gumawa, at kaya nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at maging mahusay sa mga trabahong itinalaga sa kanila, kaya maaari silang linangin at gamitin. Pero may ilang tao na sobrang mahina ang kakayahan na hindi nila kayang gawin nang maayos ang kahit isang trabaho; kaya lang nilang magpakain ng mga manok, pero kung papakainin din nila ang mga pato at gansa, mabibigatan na sila at hindi nila alam kung paano ito gagawin. Hindi naman sa ayaw nila itong gawin nang maayos, kundi napakahina ng kakayahan nila. May limitasyon ang utak nila, marunong lang silang gumawa ng iisang gampanin, at kapag binibigyan sila ng isa pa, hindi na nila ito kayang gawin. Hindi sila marunong magplano, kaya pumapalpak lang sila. Ang gayong mga tao ay angkop lang na gumawa ng isang trabaho sa isang pagkakataon. Huwag silang bigyan ng maraming trabaho, dahil hindi nila ito makakayang akuin. Huwag mong isipin na kung kaya nilang gawin nang maayos ang isang gawain, tiyak na kaya rin nilang gumawa ng dalawa o tatlong gawain; hindi laging ganito ang sitwasyon, at nakadepende ito sa kakayahan nila. Hayaan mo muna silang subukang gumawa ng dalawang gawain. Kung mahusay ang kakayahan nila at kaya nilang isagawa ito, maaari kang magsaayos para sa kanila sa ganitong paraan. Kung hindi nila kayang pagsabayin ang dalawang gawain nang maayos, at pumalpak sila, ibig sabihin ay lampas ito sa kakayahan nila, kaya dapat mong alisin kaagad ang pangalawang gawain nila. Ito ay dahil sa pamamagitan ng pag-oobserba at panahon ng probasyon, natuklasan mo na angkop lang sila na gumawa ng isang trabaho sa isang pagkakataon, sa halip na gumawa ng maraming komplikadong trabaho, at na wala silang kakayahan para dito. May ilang tao na medyo mautak at medyo mahusay ang kakayahan, at kung bibigyan mo sila ng ilang trabahong gagawin, kaya nilang gawin ito nang maayos. Halimbawa, kung paglulutuin mo sila ng mga pagkain, at uutusang pakainin ang mga sisiw, at mangalaga sa taniman ng gulay, kaya nilang ihanda ang mga pagkain araw-araw sa tamang oras habang inaalagaan ang taniman ng gulay sa kanilang mga libreng oras, maagap na dinidiligan at inaalisan ng damo ang taniman, at pinapakain ang mga sisiw sa tamang oras. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Dahil may ganito silang kakayahan, hayaan mo rin silang mangasiwa sa gawain ng iglesia at maging lider ng iglesia.” Ayos lang ba iyon? Bagama’t kaya nilang isagawa ang ilang pisikal na gampanin at pang-araw-araw na gawain, pagdating sa pagiging lider ng iglesia, nangangailangan iyon ng hiwalay na pagtatasa; hindi ito isang bagay na masusukat batay sa paggawa nila nitong mga simple at panlabas na gawain. Iyon ay dahil ang pagiging lider ng iglesia ay hindi isang pisikal na gawain; kailangan itong sukatin gamit ang mga prinsipyo ng pamumuno. Gayumpaman, kung nagtataglay ang taong ito ng kakayahan at talento na maging isang lider ng iglesia, at medyo mabuti ang pagkatao niya, hindi magiging marapat na italaga mo siya na gumawa ng mga panlabas na gawain; tinatawag iyon na hindi naaangkop na paggamit sa mga tao. Hindi hihigit sa isa pang part-time na gawain na may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ang maaaring gawin ng mga lider, at puwedeng pagtuunan nila ito ng pansin nang kaunti pa sa tuwing hindi sila abala—hindi sila mapapagod nito. Pagdating sa maliliit at mga nakagawiang bagay, at sa mga pisikal na gampaning ito, puwedeng gawin ng mga tao kung ilan ang kaya nilang gawin. Mayroon bang sinuman na makakagawa ng lahat ng iyon? Mayroon bang sinuman na may ganoong kakayahan? (Wala.) Maaaring sapat ang kanilang kakayahan at kakayanan, pero may isang bagay na hindi magiging sapat, at iyon ang enerhiya nila. Ang mga tao ay mortal, may hangganan ang enerhiya nila, at limitado rin ang dami ng trabahong kaya nilang isagawa. Ang mga taong may mataas na enerhiya ay maaaring kayang gumawa hanggang 12 oras sa isang araw, samantalang ang mga taong may katamtamang enerhiya ay kadalasang nagtatrabaho nang walong oras, at ang mga taong may mababang enerhiya ay kaya lamang magtrabaho nang apat o limang oras. Samakatwid, ginagamit mo man ang isang tao para gumawa ng mga pisikal na gawain, gawain ng pamumuno sa iglesia, o gawain na nangangailangan ng mga propesyonal na kasanayan, kailangan mong isaalang-alang kung ano ang gawaing pinakanababagay para sa kanya, at pagkatapos italaga sa kanya ang pinakaangkop na gawain, kung hindi niya ito kayang gawin, magtalaga ka sa kanya ng ibang gawain. Kung hindi ka magtatalaga sa kanya ng gawaing ayon sa pinakanababagay niyang gawin, isa itong pagkakamali sa paraan ng paggamit mo ng mga tao. Para sa mga taong hindi puwedeng i-prayoridad sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit, kahit na ipagawa sa kanila ang mga pisikal na gawain, kailangang italaga sa kanila ang mga gawaing ito batay sa kanilang kakayahan at mga abilidad. Kung kaya pa rin nilang gumawa ng iba pang mga trabaho kasabay ng mahusay na paggawa sa isang trabahong itinalaga sa kanila, maaaring ipagawa sa kanila ang ilang iba pang pisikal na gawain nang part-time, basta’t hindi nito naaapektuhan ang kanilang pangunahing trabaho. May ilang tao na malakas ang katawan at kayang gumawa ng tatlong gawain nang sunod-sunod; pagkatapos ng isang gawain, mayroon pa rin silang enerhiyang natitira, at libre sila sa halos lahat ng oras. Pero bulag ang mga huwad na lider at hindi sila marunong magtalaga ng gawain, at hindi nila napagtanto na problema ito, kaya, isang gawain lang ang itinatalaga nila sa mga taong iyon, na isang pagkakamali.
Kakatalakay Ko pa lang ngayon ang tungkol sa mga taong kulang sa katalinuhan, na walang mga espesyal na kasanayan at may kakayahan lamang na gumugol ng pisikal na lakas. Mayroon ding mga tao na may kaunting karamdaman at hindi nila kaya kahit ang gumugol ng pisikal na lakas, at sumasakit ang ulo nila, ang tiyan, o ang likod sa tuwing gumagawa sila ng anumang bagay na kahit katiting na pisikal. Ano ang dapat gawin tungkol sa pagtatalaga ng mga tungkulin sa ganitong mga uri ng tao, kung angkop sila sa paggawa ng isang tungkulin? Dapat tingnan ng isang tao ang iba’t ibang aspekto, gaya ng kalagayan ng kalusugan nila at pati na ang pagkatao at kakayahan nila, para matiyak kung anong mga tungkulin ang naaangkop na gawin nila sa sambahayan ng Diyos. Kung sobrang mahina ang kalusugan nila na hindi nila kayang gumawa ng anumang gawain, at kailangan nilang magpahinga pagkatapos magtrabaho nang ilang sandali, at kailangan din nila ng isang taong mag-aasikaso sa kanila, kung hindi nila magawa nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa at isang tao ang kailangang maitalaga para mag-alaga sa kanila, hindi talaga sulit iyon. Ang gayong mga tao ay hindi naaangkop sa paggampan ng tungkulin, kaya hayaan mo silang umuwi at magpagaling. Anuman ang gawin mo, huwag kang gumamit ng sinumang may malubhang karamdaman na kahit ihip ng hangin ay malamang na matatangay na siya. Kung hindi masyadong mahina ang kalusugan niya at sadyang dumaranas lang siya ng pananakit sa tiyan kung nakakakain siya nang hindi maganda, o sumasakit ang ulo niya kung ginagamit niya nang husto ang kanyang utak, kaya nakakapagtrabaho lang siya ng tatlo o apat na oras na mas mababa kaysa sa isang normal na tao, o nakakagawa lang ng kalahating trabaho ng isang normal na tao, ang gayong mga tao ay maaari pa ring gamitin hangga’t natutugunan nila ang ibang mga pamantayan. Maliban na lang kung sila mismo ang magbabanggit nito at magsasabing, “Masyadong mahina ang kalusugan ko para tiisin ang paghihirap na ito. Gusto kong umuwi para magpagaling. Kapag gumaling na ako, babalik ako at gagawin ko ang tungkulin ko,” kung gayon, sumang-ayon ka na roon kaagad at huwag mong subukang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip; hindi ito magkakaroon ng anumang epekto kahit na gawin mo ito. May isang kasabihan na, “Ang isang bagay na ginawa nang may sama ng loob ay hindi magbubunga ng mga kasiya-siyang resulta”; iba-iba ang pananalig, kapasyahan, at paghahangad ng bawat isa. Maaaring sabihin ng ilang tao na: “Hindi kaya minsan ay masama lang ang pakiramdam nila at medyo mababa sa enerhiya? Maaaring sumama ang pakiramdam ng mga tao kung mali ang mga kinakain nila, pero pagkatapos ng ilang araw ay magiging maayos na sila; kailangan ba nilang umuwi at magpagaling? Hindi ba mawawala ang sakit ng ulo at pagkahilo nila pagkatapos ng mahimbing na tulog? Hindi ba sila makakapagtrabaho nang normal pagkatapos? Malaking bagay ba iyon?” Maaaring hindi ito malaking bagay para sa iyo, pero ang ilang tao ay naiiba sa ibang tao pagdating sa kung gaano nila pinahahalagahan ang kanilang laman, at ang ilang tao naman ay talaga ngang may mga problema sa kalusugan. Sa gayong mga pagkakataon, kung hinihiling nilang umuwi para magpahinga at magpagaling, dapat sumang-ayon kaagad ang iglesia, huwag gumawa ng kahilingan sa kanila, huwag silang pahirapan, at lalong huwag magtangkang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip. May ilang huwad na lider na patuloy na nanghihimok sa gayong mga tao, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Tingnan mo kung gaano kalawak ang naabot na ng gawain ng Diyos ngayon. Palaki nang palaki ang mga sakuna, lumitaw na ang apat na buwan na kulay dugo, at ngayon ay kumalat na ang pandemya na walang paraan para makaligtas ang mga walang pananampalataya! Nasa sambahayan ka ng Diyos, ginagawa ang iyong mga tungkulin at tinatamasa ang biyaya ng Diyos—hindi ka malalantad sa panganib at maaari ka ring magkamit ng katotohanan at buhay—napakalaking biyaya niyon! Walang kuwenta ang maliit mong problemang ito. Kailangan mo itong mapagtagumpayan at manalangin sa Diyos. Tiyak na pagagalingin ka ng Diyos. Basahin mo lang ang mga salita ng Diyos, matuto ka ng ilan pang himno, at likas na gagaling ang karamdaman mo kung hindi mo ito masyadong iisipin. Hindi ba’t sinasabi ng mga salita ng Diyos, ‘Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit’? Nananahan ka sa sakit ngayon. Kung patuloy mong iisipin ang pagkakaroon ng sakit, magiging malubha ang sakit na ito. Kung hindi mo iisipin ang tungkol dito, mawawala ang karamdaman mo, hindi ba? Sa ganoong paraan, lalago ka sa pananalig at hindi mo gugustuhing umuwi para magpahinga. Ang pag-uwi mo para magpahinga ay tinatawag na pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman.” Huwag mong subukang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip, isang kahangalan ang gawin iyon. Ni hindi nila kayang magtiyaga sa kaunting pansamantalang kawalan ng kaginhawahan at gusto nalang nilang umuwi para magpahinga, at hindi man lang nila kayang lampasan ang isang maliit na suliranin, na nagpapatunay na hindi nila taos-pusong ginagawa ang kanilang tungkulin. Sa totoo lang, ang ganitong uri ng mga tao ay walang intensiyon na gawin ang kanilang tungkulin sa mahabang panahon, hindi nila ito ginagawa nang may sinseridad, ayaw nilang magbayad ng halaga, at ngayon ay nakahanap na sila sa wakas ng isang pagkakataon at dahilan para tuluyang makatakas. Sa puso nila, nagagalak sila na napakatalino nila at na dumating sa tamang panahon ang karamdamang ito. Kaya, anuman ang gawin mo, huwag mo silang hikayating manatili. Kamumuhian nila ang sinumang magtatangkang hikayatin silang manatili, at susumpain nila ang sinumang magtatangkang payuhan sila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip. Hindi mo ba nauunawaan ito? Siyempre, may ilang tao na talagang may sakit, at matagal nang may karamdaman, at natatakot sila na kung magpapatuloy pa sila, manganganib ang kanilang buhay. Ayaw nilang magdulot ng anumang problema sa sambahayan ng Diyos, o makaapekto sa paggampan ng tungkulin ng ibang tao. Pakiramdam nila, sa sandaling bumagsak ang kanilang kalusugan, kakailanganin nilang umasa sa mga kapatid para alagaan sila, at hindi sila komportableng magpaalaga sa sambahayan ng Diyos, kaya naman, matalino silang nagkukusang humingi ng pahintulot na magpahinga. Paano dapat harapin ang ganitong sitwasyon? Ganoon din, kaagad silang hayaang umuwi at magpahinga. Hindi takot sa gulo ang sambahayan ng Diyos, ayaw lang nitong ipilit ang mga bagay-bagay sa mga tao nang labag sa kalooban ng mga ito. Dagdag pa rito, lahat ng tao ay may ilang personal at tunay na suliranin. Lahat ng taong nabubuhay sa laman ay nagkakasakit, at ang mga karamdaman sa laman ay isang problemang umiiral sa realidad—iginagalang natin ang mga katunayan. May ilang tao na tunay na walang kakayahang gumawa sa kanilang mga tungkulin dahil sa malubhang karamdaman, at kung kailangan nila ang sambahayan ng Diyos para magbigay sa kanila ng mga kaginhawahan, o kung kailangan nila ang mga kapatid para magbigay ng mga panlunas o mag-alok ng ilang suhestiyon sa paggamot, magiging masaya ang sambahayan ng Diyos na ibigay ang mga bagay na ito. Kung ayaw nilang abalahin ang sambahayan ng Diyos at mayroon silang pera, paraan, at mapagkukunan para makapagpagamot ng karamdaman nila, ayos lang din iyon. Sa kabuuan, kung dahil sa kalusugan nila ay hindi nila magawang magpatuloy sa paggawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos o magpatuloy na malinang ng sambahayan ng Diyos, maaari silang makatwirang humingi ng pahintulot, at agad itong sasang-ayunan ng sambahayan ng Diyos. Walang sinuman ang dapat magpayo sa kanila tungkol sa kanilang paraan ng pag-iisip, o magpataw ng mga kahilingan, dahil hindi iyon magiging marapat at wala iyong pagkamakatwiran. Ito ang mga pagsasaayos na ginagawa para sa ganitong uri ng mga tao.