Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5) Ikaapat na Seksiyon

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga pamantayan at pakay ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, pati na rin ang tungkol sa pag-unawa at pananaw na dapat taglayin ng isang tao kaugnay ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ang isa pang aspekto ay ang saloobin at pamamaraan na dapat taglayin ng isang tao tungkol sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang. Ang mga ito ang ilang isyu na dapat pagbahaginan sa ikaanim na aytem. Kaya, sa susunod, partikular na tungkol sa ikaanim na aytem, ilantad at himayin natin kung paano isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawain ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ito ang pangunahing nilalaman na pagbabahaginan natin.

Ang mga Saloobin at Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Tungkol sa Pagtataguyod at Paglilinang sa Lahat ng Uri ng Taong May Talento

Ang mga huwad na lider ay hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi naghahanap sa katotohanan. Samakatwid, pagdating sa mahalagang gawain ng pag-aangat at paglilinang sa lahat ng uri ng kalipikadong talento sa sambahayan ng Diyos, sinisira rin nila ito, ganap na ginugulo ito, at sadyang nabibigong tugunan ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Dahil hindi nila nauunawaan ang mga pamantayan, lalo na ang mga layunin ng Diyos, kaugnay sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, at hindi rin nila nauunawaan ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng kalipikadong talento, napakahirap para sa kanila na gawin ang gawaing ito sa paraan na pasok sa pamantayan at sa maprinsipyong paraan. Ang iba’t ibang uri ng mga taong may “talento” na nililinang ng mga huwad na lider habang ginagawa ang kanilang gawain ay mga halo-halong kalidad. Sa halip na mag-angat at maglinang ng mga kalipikadong talento, inaangat ng mga huwad na lider ang mga taong hindi kailanman dapat iangat at linangin para magserbisyo bilang mga lider o manggagawa, at pinahihintulutan nila ang mga taong ito na maging palamunin ng iglesia at lustayin ang mga handog ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay pawang gumagawa ng ganitong mga bagay, na nagsasanhing maapak-apakan at hindi maiangat at magamit ang ilang tao na naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan. Sa halip, iyong mga walang kuwentang tao ay nagiging diumano’y mga taong may talento sa mga mata ng mga huwad na lider na ito, at iniaangat at nililinang ng mga ito ang mga taong iyon. Kung gayon, ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider kapag ginagawa ang gawaing ito? Ipagpalagay natin, halimbawa, na dahil sa mga kinakailangan ng gawain nito, kailangang makahanap ang sambahayan ng Diyos ng ilang tao na mangangasiwa ng mga usaping panlabas. Kaya, aling mga tao ang dapat nitong hanapin? Inilista Ko ang ilang pamantayan, katulad ng pagkakaroon ng kapabilidad sa gawain, pagkakaroon ng kakayahang gawin ang sariling tungkulin ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkakaroon ng kakayahang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Alam ba ng mga huwad na lider ang mga prinsipyong ito? Maliwanag na hindi, kaya, paano sila naghahanap ng mga tao na mangangasiwa sa mga usaping panlabas? Iniisip nila: “Sino ang puwedeng mangasiwa ng mga usaping panlabas? May isang sister na matalas ang utak at mabilis mag-isip, magaling magsalita at marunong humawak ng mga tao. Mabilis niyang iniikot ang kanyang mga mata sa paligid nang may pagkakalkula kapag nagsasalita siya, at hindi siya mawari ng isang karaniwang tao. Medyo hindi siya angkop bilang lider ng iglesia, pero siya ay magiging napakahusay sa pangangasiwa ng mga usaping panlabas, kaya pipiliin ko siya. Kaya lang, medyo mababa ang pinag-aralan niya; nag-aalala ako na mamaliitin siya ng mga walang pananampalataya, kaya, maghahanap ako ng isang nakatapos ng kolehiyo—na naging presidente sa kanilang samahan ng mga mag-aaral—para makipagtulungan sa kanya. Medyo mautak ang taong ito pero kulang naman sa karanasan sa lipunan at, kung ikukumpara, kakaunti pa lang ang kanyang nakita sa mundo, kaya maaari siyang matuto mula sa kapareha niya. Sa dalawang taong ito, ang isa ay may mababang pinag-aralan at ang isa naman ay may mataas na pinag-aralan, ang isa ay may karanasan sa lipunan, at ang isa naman ay wala—bagay silang makipagtulungan sa isa’t isa, hindi ba?” Ang isa ay mahusay magsalita at malinaw bumigkas, matalas ang isip, at napakatanyag na tao sa lipunan; sa tuwing nakikisalamuha siya sa mga walang pananampalataya, hindi nila matukoy na isa siyang mananampalataya. Ang isa naman ay may mataas na pinag-aralan at may katayuan sa lipunan; sa tuwing nakikisalamuha siya sa mga walang pananampalataya, hindi siya minamaliit ng mga ito. Ano ang tingin ninyo sa dalawang prinsipyong ito ng mga huwad na lider sa pagpili ng mga tao? Naniniwala ang mga huwad na lider na hangga’t magaling magsalita, matalas ang isip, at mabilis kumilos ang isang tao, makakaya niyang mangasiwa ng mga pangkalahatang usapin para sa sambahayan ng Diyos. Angkop ba ang ganitong paraan ng pagpili ng mga tao? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Kadalasan, ang gayong mga tao ay tuso; bagama’t marunong silang makisali sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa iba, at marunong humawak ng mga tao, hindi nangangahulugan na kaya nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Tama iyan. Ang pinakamahalagang bagay ay na, anuman ang mga usaping pinangangasiwaan ng isang tao para sa sambahayan ng Diyos, kahit papaano, kailangang maging matuwid siya at kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagkakaroon ba ng kahusayan sa panghihikayat at pagsasalita na parang kayang buhaying muli ang patay ay nangangahulugan na kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang pagiging mabilis mag-isip, mahusay magsalita, at malinaw bumigkas ay nangangahulugan ba na kaya niyang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kahit pa manumpa siya, wala itong silbi, at gayundin kawalang saysay kung maglalatag ka ng mga hinihingi sa kanya—tiyak na mayroon siyang ganoong karakter. Pero hindi sinisiyasat ng mga huwad na lider ang ganitong mga bagay, tinitingnan lang nila kung sino ang may karanasan sa lipunan, kung sino ang tuso, mabilis mag-isip, mahusay magsalita at malinaw bumigkas, kung sino ang marunong kumilos nang angkop sa sitwasyon, at kung sino ang balimbing, at tanyag na tao sa lipunan. Sa tingin nila, ang gayong mga tao ay kayang mangasiwa ng mga pangkalahatang usapin sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mali ito? Mali ito kung pag-uusapan ang mga prinsipyo at pamantayan ng pagpili ng mga tao. Ang totoo ay ang ganitong uri ng tao ay masyadong mahusay manghikayat: Kahit sino pa ang kaharap niya, pawang kasinungalingan ang sinasabi niya, at hindi niya kayang magbago kahit gaano pa karami ang panunumpa niya. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, mga sariling interes lang ang ipinagtatanggol niya, at lalo na kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan niya ang kanyang sarili unang-una sa lahat, at hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Basta’t maganda ang relasyon niya sa mga walang pananampalataya, sapat na iyon para sa kanya; kung tungkol naman sa kung napipinsala ba o hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala siyang pakialam. Hindi rin niya isinasaalang-alang ang seguridad ng mga kapatid, at wala rin siyang pakialam kung nailagay man sa kahihiyan ang pangalan ng Diyos; sariling kapakanan lang niya ang iniintindi niya. Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang ganitong klase ng tao at iniisip na siya ang pinakaangkop na mangasiwa sa mga usaping panlabas para sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kahangalan ito? Ipinagkakanulo ng taong iyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero hindi man lang alam iyon ng mga huwad na lider at itinatalaga pa rin nila ang taong iyon sa mahahalagang gampanin, at umaasa rito para sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ito ang pinakamatinding kahangalan? Mayroon bang matutuwid na layunin ang mga taong mahusay magsalita, malinaw bumigkas, at mabilis mag-isip? Kung hindi mo pa sila napakikitunguhan o maingat na napagmamasdan, hindi mo malalaman. Kapag hinaharap at pinangangasiwaan mo ang mga gawain kasama sila, obserbahan mo kung ang sinasabi nila ay tugma sa kanilang ginagawa. Maaari itong subukin sa pamamagitan ng isang kaganapan. Sabihin natin, halimbawa, kung naglilipat ka ng mga gamit. Kapag nakita nila ito, hindi ka nila tutulungan. Kapag natapos mo na ang trabaho, saka lang sila lalapit at magsasabing, “Paano mo nagawang mag-isa ang gayong nakakapagod na trabaho? Tinulungan sana kita kung sinabi mo lang, kahit gaano pa ako kaabala. Mukhang pagod na pagod ka. Ako na ang magluluto para sa iyo mamaya, hindi mo ito kailangang gawin ngayon.” Pagkatapos sabihin iyon, naglalaho sila. Pagod na pagod ka, pero kailangan mo pa ring magluto. Pagkatapos mong magluto, darating sila para kumain at sasabihin pa nga nila na, “Bakit hindi mo ako tinawagan nang magsimula kang magluto? Pagod na pagod ka na nga, at nagluluto ka pa rin para sa akin—tama ba naman iyon? Dahil nagawa mo na, kakainin ko na lang ito. Ako na ang magluluto sa susunod, at sabihan mo lang ako sa tuwing mayroon kang anumang gawaing kailangang gawin sa susunod.” Ang isang pangyayari lang na ito ang kinakailangan para makilatis sila. Masyadong matamis ang kanilang dila, mabilis mag-isip, at alam nila kung ano ang sasabihin. Alam nila kung paano kumilos nang angkop sa sitwasyon, at ang tanging ginagawa nila ay magsalita ng magagandang-pakinggan na salita, nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain. Maaasahan ba ang gayong mga tao? Kung hihilingin mo sa kanila na pangasiwaan ang mga pangkalahatang usapin ng sambahayan ng Diyos, makakaya ba nilang ipagtanggol ang mga interes nito? Makakaya ba nilang panindigan ang reputasyon ng iglesia at protektahan ang seguridad ng mga kapatid? (Hindi.) Numero-unong prayoridad ba nila ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos at ang lahat ng interes nito? Malayong mangyari iyon. Ang mga mata at isipan ng mga huwad na lider ay bulag sa gayong mga madaling tukuyin na problema, at sadyang hindi nila ito nakikita. Sa halip, puro salita at doktrina lang ang kaya nilang sabihin. Sino ang minamahal ng Diyos at sino ang hindi minamahal ng Diyos, sino ang nagmamahal sa katotohanan at sino ang hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang ibig sabihin ng pagtataglay ng pundasyon sa pananalig sa Diyos at anong uri ng mga tao ang walang pundasyon, anong uri ng mga tao ang tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin at anong uri ng mga tao ang hindi tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin—nagsasalita sila tungkol sa mga bagay na ito sa makatwiran at lohikal na paraan, at mukhang nauunawaan talaga nila ang mga ito, ngunit puro walang kabuluhan na usapan at mga doktrina lang ito. Sa tuwing ipinapakilatis sa kanila ang mga tao, bulag ang kanilang mga mata at isipan; talagang hindi sila marunong bumasa ng mga tao. Kahit gaano pa sila katagal na nakikisalamuha sa ganitong uri ng mga tao, hindi pa rin nila nakikilatis ang mga ito, at itinatalaga pa nga ang mga ito sa mahahalagang gampanin.

Talagang isa nang karumal-dumal na bagay ang gamitin ng mga huwad na lider ang mga maling tao, ngunit dinagdagan pa nila ang maling gawang ito sa pamamagitan ng paggawa ng lalo pang mas karumal-dumal na mga bagay. Sabihin natin, halimbawa, gumamit ng maling tao ang isang huwad na lider. Hindi talaga angkop ang taong ito bilang superbisor at hindi nakakatugon sa mga pamantayan ng sambahayan ng Diyos para maiangat at malinang. Gayumpaman, iginigiit pa rin ng huwad na lider na gamitin ang taong ito at hindi kailanman iniinspeksiyon ang gawain nito, naniniwalang, “Huwag pagdudahan ang mga taong ginagamit mo, at huwag gamitin ang mga taong pinagdududahan mo. Dahil ikaw ay pinili ko at inangat kita, magagawa mo nang maayos ang gawaing ito, kaya sige lang at gawin mo ito sa anumang paraang nakikita mong naaangkop. Susuportahan kita anuman ang gawin mo, at walang saysay ang pagtutol ng sinuman dito!” Ginamit niya ang maling tao, pero hinayaan pa niyang magpatuloy ang pagkakamali niya hanggang sa huli—ganoon kalaki ang tiwala niya sa kanyang sarili. Pawang bulag ang mga huwad na lider. Hindi nila nakikita ang anumang problema, hindi nila matukoy kung sinong mga tao ang masasamang tao o mga hindi mananampalataya, at kahit sino pa ang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, wala silang anumang kamalayan dito, at nagtatalaga pa sila ng mahahalagang gampanin sa mga tao na magulo ang isip. Nagbibigay ng labis na tiwala ang mga huwad na lider sa kung sinumang inaangat nila, at basta-bastang ipinagkakatiwala ang mahalagang gawain sa taong iyon. Dahil dito, nagugulo ng taong iyon ang gawain ng iglesia, malubhang naaapektuhan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagkukunwari pa ang mga huwad na lider na wala silang anumang nalalaman tungkol dito. Tatanungin sila ng ang Itaas, “Kumusta ang pagganap ng taong inangat mo sa kanyang gawain? Angkop ba siya sa paggampan ng gawaing ito? Ipinagtatanggol ba niya ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sa mga kritikal na sandali, poprotektahan ba niya ang kanyang sarili, o ipagtatanggol niya ang gawain ng iglesia?” Sasagot naman ang mga huwad na lider: “Nanumpa siya na ipagtatanggol ang gawain ng iglesia. Bukod pa rito, 20 taon na siyang nananampalataya sa Diyos. Paanong poprotektahan niya ang sarili niya at ipagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Malamang na ipagtatanggol niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Sasagot naman ang ang Itaas: “Tumpak ba iyang sinasabi mo? Nainspeksiyon mo ba ang gawain niya?” Sasagot ang mga huwad na lider, “Hindi ko nainspeksiyon ang gawain niya, pero sinabi ko sa kanya na huwag niyang ipagtanggol ang sarili niyang mga interes, at na kailangan niyang ipagtanggol ang gawain ng iglesia, at nangako naman siya sa akin na gagawin iyon.” Ano ba ang silbi ng pangangako niya sa iyo? Ni hindi nga niya kayang tuparin ang sinumpaan niya sa harap ng Diyos. Sa tingin mo ba na dahil lang sa nangako siya sa iyo, sigurado ka na sa kanya? Sigurado bang magagawa ng taong iyon ang ipinangako niya? Dahil hindi mo nainspeksiyon ang gawain niya, paano mo malalaman kung ang taong iyon ay isang taong nagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Bakit ganoon na lang kalaki ang tiwala mo sa sarili mo? Hindi ba’t mga tampalasan ang gayong mga huwad na lider? Sa paggamit ng maling tao, nakagawa na sila ng malaking pagkakamali, at pagkatapos ay pinapalala pa nila ang kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng hindi kailanman pag-uusisa, pagsusuri, o pag-iinspeksiyon sa gawain ng taong ito, at sa hindi pangangasiwa o pagmamasid dito. Ang ginagawa lang nila ay patuloy na kunsintihin ang taong ito na kumikilos nang walang pakundangan at gumagawa ng mga maling gawa. Ganito gumawa ang mga huwad na lider. Sa tuwing kulang ng mga tao ang isang aytem ng gawain, basta-bastang nagsasaayos ang mga huwad na lider ng isang taong magiging responsable para dito at iyon na iyon; hindi nila kailanman iniinspeksiyon ang gawain, o aktuwal na pinupuntahan ang mismong lugar para makisalamuha sa taong iyon, obserbahan ito, at higit pang kilalanin ito. Sa ilang lugar, hindi kanais-nais ang kapaligiran para makipagkita at gumugol ng oras kasama ang taong iyon, pero dapat kang magtanong tungkol sa gawain niya, at gumawa ng hindi direktang pag-uusisa tungkol sa kung ano ang ginagawa niya, at kung paano ito ginagawa—maaari mong tanungin ang mga kapatid, o ang isang taong malapit dito. Hindi ba’t puwede itong makamit? Pero hindi man lang nag-aabalang magtanong ng anuman ang mga huwad na lider, ganoon sila kakumpiyansa. Sa gawain nila, nagdaraos lang sila ng mga pagtitipon at nangangaral ng mga doktrina, at kapag tapos na ang mga pagtitipon at naisaayos na ang gawain, wala na silang ibang ginagawa; hindi na nila sinusubaybayan o inaalam kung ang taong napili nila ay talagang kayang gumawa ng tunay na gawain. Sa simula, hindi mo nauunawaan ang taong iyon, pero batay sa kakayahan nito at sa mga ipinapakitang pagpapamalas at kasigasigan, pakiramdam mo ay angkop ang taong napili mo para sa gawaing ito, at kaya ginamit mo ang taong ito—walang masama rito, dahil wala namang nakakaalam kung ano ang kalalabasan ng mga tao. Pero matapos itong iangat, hindi ba’t dapat mong subaybayan at tingnan kung gumagawa ba ang taong iyon ng tunay na gawain, kung paano ito gumagawa, at kung naging pabaya ba ito, tuso, o tamad? Ito mismo ang gawaing dapat mong ginagawa, pero hindi mo ginagawa ang alinman dito—hindi ka umaako ng anumang responsabilidad. Isa kang huwad na lider, at dapat kang tanggalin at itiwalag.

Ang mga huwad na lider ay gumagawa ng isang malubhang pagkakamali, na kung saan pagkatapos nilang iangat ang mga tao, ipinaliliwanag nila ang gawain sa mga ito, pagkatapos ay naglilitanya ng kaunting doktrina, nagbibigay ng ilang salita na pampalakas ng loob, at hanggang doon lang iyon, nang hindi man lang sinusubaybayan o nakikisangkot sa mga partikular na gampanin. Kung sinasabi mong may mahina kang kakayahan at wala kang kabatiran sa mga tao, puwede mo namang subaybayan at alamin kung kumusta na ang mga partikular na gampanin, at lubos mong mauunawaan ang sitwasyon. Subalit, hindi man lang sinusubaybayan at inaalam ng mga huwad na lider kung kumusta na ang gawain. Halimbawa na lang ang pag-iimprenta ng mga aklat, na isang partikular na gawain. Itinalaga ng huwad na lider ang isang tao para mamahala sa gawaing ito, pero hindi niya kinumusta ang taong ito kahit isang beses sa loob ng kalahating taon. Dahil dito, pagkatapos ng anim na buwan, lumabas na may depekto ang lahat ng naimprentang aklat—napakalaking gulo! Ganito ang mga huwad na lider—talagang hindi sila gumagawa ng anumang partikular na gawain. Ano ang dapat mong gawin kung isinasaayos mo ang pag-iimprenta ng isang aklat? Kailangan mo munang magtalaga ng isang angkop na superbisor, at pagkatapos ay pangasiwaan at suriin kung gaano kahusay niya ginagawa ang trabaho, at kung posible bang makagulo siya rito. Dapat mong pangasiwaan at subaybayan ang gawain, at direktang lutasin ang anumang problema kung mayroon kang matutuklasan—sa ganito lang matitiyak na walang lilitaw na mga isyu. Pero hindi ito ginagawa ng mga huwad na lider. Iniisip nila na ang mga responsabilidad nila ay maglitanya lang ng mga doktrina sa mga tao, at ipaunawa sa mga ito ang mga doktrina, at na hangga’t nauunawaan ng mga tao ang mga doktrina, maaaring malutas ang mga problema. Samakatwid, binibigyang-pansin lang nila ang paglilitanya ng mga doktrina at pagbibigkas ng mga islogan, at hindi nakikisangkot sa mga partikular na gampanin. Para sa mga huwad na lider, iniisip nila na hindi nila responsabilidad na makisangkot sa mga partikular na gampanin, at na ito ay dapat maging alalahanin ng mga taong nasa ilalim nila. Kaya, ano ang ginagawa nila mismo? Minamanduhan nila ang buong sitwasyon mula sa itaas at nagiging hindi epektibong opisyal. Anuman ang gawain, wala silang presensiya o pakikilahok dito. Pagkatapos sabihin sa mga tao ang mga prinsipyo, kung itinatanong sa kanila ang tungkol sa mga detalyadong isyu o mga partikular na landas, sasabihin lang nila na, “Kayo na ang bahala sa partikular na gawain, hindi ko naiintindihan ang bagay na ito.” Samakatwid, hindi nila alam kung paano ginagawa ng mga taong nasa ilalim nila ang gawain. Tungkol naman sa kung may kakayahan at angkop ba sa gawain ang superbisor, o kung ano ang pagkatao niya, o kung siya ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung responsable ba siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, o kung pabaya ba siya o nag-aamok sa paggawa ng masasamang bagay, o kung mayroon bang mga pagkaantala sa gawain, at iba pa—walang anumang nalalaman ang mga huwad na lider tungkol dito, naglilibot-libot lang sila na tulad ng mga opisyal mula sa mundong walang pananampalataya na tagapirma lang ng papeles, nang hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain. Sa mga iglesia kung saan sila gumagawa, hindi alam ng mga huwad na lider kung inihihinto ng ilang superbisor ang gawain, o kung nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian ang ilang superbisor, o kung hindi inaasikaso ng ilang superbisor ang mga tungkuling nararapat sa kanila at sa halip ay ginugugol ang kanilang mga araw sa pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, at nagbubulag-bulagan pa sila rito kapag napakahina ng kakayahan ng ilang superbisor, baluktot ang pagkaarok, at hindi talaga kayang gawin ang gawain. Ang gayong mga huwad na lider ay parang mga hungkag na lalagyan, mga lider lang sila sa pangalan, at hindi sila gumagawa ng anumang pangunahing gawain ng isang lider. Sa panlabas, tila maganda ang asal ng mga huwad na lider na ito. Nagtatalaga sila ng mga superbisor para sa bawat aytem ng gawain, nakikipagpulong sa mga taong ito sa paminsan-minsang pagtitipon, at ginugugol nila ang kanilang natitirang oras sa isang lugar, gumagawa ng mga espirituwal na debosyon, nagdarasal, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, nag-aaral ng mga himno, at nagsusulat ng sarili nilang mga sermon. May ilang huwad na lider ang hindi man lang lumalabas ng kanilang silid sa buong linggo. Mayroon ding mga huwad na lider na walang ginagawa kundi magdaos ng mga pagtitipon online, nang hindi kailanman pumupunta sa mga lugar ng gawain para unawain ang sitwasyon. Hindi sila personal na nakikita ng mga kapatid sa loob ng mahabang panahon, at walang ideya ang mga ito kung ano ang mga karanasan sa buhay o tayog ng mga huwad na lider. Sa mga pagtitipon, pinangangasiwaan lang ng mga huwad na lider ang ilang pangkalahatang usapin, pero tungkol sa kung ano ang partikular na ginagawa ng bawat superbisor, at kung angkop ba sa ibinigay na gawain ang mga taong iniangat at nilinang nila, o kung ano ang saloobin ng mga taong ito sa paggawa ng kanilang tungkulin, o kung maasikaso at mabusisi ba ang mga ito sa kanilang gawain, o kung negatibo at pabaya ba sila, o kung sumusunod ba sa tamang landas ang mga taong ito, o kung mga tamang tao ba sila, walang pakialam ang mga huwad na lider o hindi sila nagtatanong tungkol sa alinman sa mga usaping ito, at ayaw rin nilang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito. Hindi ba’t malubha ang kalikasan ng problemang ito? (Oo.)

Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng ilang taong may talento na nakakaunawa sa ilang propesyonal na larangan at nagtataglay ng ilang kasanayan, at lilinangin ang mga taong ito na mag-aral ng mga propesyong iyon para makagawa sila ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Anong uri ng mga tao sa tingin ninyo ang mahahanap ng mga huwad na lider? Tinitipon nila ang lahat ng kabataan na nakapag-aral sa unibersidad at sumunod sa kanilang mga magulang sa pananampalataya sa Diyos, at tinitingnan kung sino ang magaling magsalita at sino ang mahilig maging sentro ng atensiyon, at sinasabi sa kanila, “Gusto kayong linangin ng sambahayan ng Diyos; kayo ang reserbang hukbo at ang mga bagong puwersa.” Pagkatapos, itinatalaga ng mga huwad na lider ang mga taong ito na gumawa ng tungkulin. Sa katunayan, hindi pa kailanman gumampan ng tungkulin ang mga taong ito, wala silang iba’t ibang uri ng karanasan, at hindi nila nauunawaan ang anumang katotohanan. Pero pinapaboran sila at gusto sila ng mga huwad na lider, kaya sinisimulan silang linangin ng mga ito. Itinatalaga ng mga huwad na lider ang mga taong ito na gumawa ng mga tungkulin batay sa naaangkop sa kanilang kadalubhasaan sa pag-aaral; ang ilan ay itinalagang gumawa ng gawaing nakabatay sa teksto, ang ilan ay itinalaga sa paggawa ng pelikula, ang ilan ay itinalagang gumawa ng mga video, at ang ilan ay itinalaga para maging mga aktor. Para sa mga huwad na lider, basta’t may tungkuling gagawin ang mga taong ito, sapat na iyon. Hindi sinisiyasat ng mga huwad na lider kung mahal ba ng mga taong ito ang katotohanan o kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan, hindi rin tinitingnan ng mga huwad na lider kung ano ang hinahangad ng mga taong ito o kung ano ang mga layon ng mga ito. Sa huli, ano ang nangyayari? Natitiwalag ang ilan sa mga taong iyon. Ito ay dahil masama ang pamumuhay nila at walang pagpipigil, at hinahangad nila ang mga makamundong kalakaran, at ginugugol ang kanilang mga araw sa pagbibihis at pakikipagrelasyon sa iba, at wala silang nauunawaang kahit anong patakaran o walang kagandahang-asal man lang—halatang sila ay mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Hindi nila inaasikaso ang nararapat nilang gawain habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at ginagawa nila ang lahat ng bagay sa pabasta-bastang paraan, pero hindi man lang ito nakikita ng mga huwad na lider. Hindi ba’t bulag ang mata ng mga huwad na lider? (Oo.) Ano ang sanhi ng pagkabulag ng matang ito? Hindi ba’t ito ay dahil sa pagiging bulag ng isipan ng mga huwad na lider? Ang pagkabulag sa mata at pagkabulag sa isipan ay dalawang katangian ng mga huwad na lider. Kahit nakadilat ang mga mata nila, hindi nakakaunawa ng anumang bagay o nakakakilatis sa sinuman ang mga huwad na lider—ibig sabihin, bulag ang mga mata nila. Sa isipan nila, wala silang pagkilatis o mga pananaw sa sinuman o anumang bagay, at kahit ano pa ang nakikita nila, wala silang abilidad na makilala ang tama sa mali, at wala silang mga saloobin, opinyon, o depinisyon—isa itong malubhang kaso ng pagiging bulag sa isipan. Ang mga huwad na lider ay pawang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at madalas na nakikinig sa mga sermon, kaya bakit hindi nila matukoy ang mga hindi mananampalatayang iyon? Ito ay karagdagang patunay na napakahina ng kakayahan ng mga huwad na lider, na wala silang kakayahang umarok ng katotohanan, at na gaano man karaming katotohanan ang marinig nila, wala itong silbi, at hindi nila nauunawaan ang mga ito. Sila ay bulag sa mata at isipan, at ganap silang walang kakayahang kumilatis ng mga tao. Paano sila magiging angkop na mga lider o manggagawa sa iglesia? Naniniwala sila na ang magagaling magsalita ay mga taong may talento, at na ang mga taong marunong kumanta at sumayaw ay mga indibidwal na may talento rin; kapag nakakakita sila ng mga taong may suot na salamin o mga taong nakapag-aral sa unibersidad, iniisip nila na mga indibidwal na may talento ang mga ito, at kapag nakakakita sila ng mga taong may katayuan sa lipunan, mga mayamang tao, mga taong marunong magnegosyo at nagsasagawa ng pandaraya, at mga taong gumagawa ng ilang uri ng mahalagang trabaho sa lipunan, iniisip ng mga huwad na lider na ang mga ito ay mga indibidwal na may talento. Naniniwala sila na dapat linangin ng sambahayan ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao. Hindi nila tinitingnan ang karakter ng mga taong ito o kung may pundasyon ba ang pananampalataya ng mga ito sa Diyos, at lalong hindi nila tinitingnan ang saloobin ng mga taong ito sa pagtrato sa Diyos at sa katotohanan. Tinitingnan lang nila ang katayuan sa lipunan at pinanggalingan ng mga tao. Hindi ba’t katawa-tawa para sa mga huwad na lider na tingnan ang mga tao at bagay sa ganitong paraan? Ang pananaw ng mga huwad na lider sa mga tao at bagay ay kagaya ng sa mga walang pananampalataya—ganoon ang pananaw ng mga walang pananampalataya tungkol sa mga bagay-bagay. Sapat nitong pinatutunayan na ang mga huwad na lider ay hindi mga taong nagmamahal at nakakaunawa sa katotohanan, at na wala silang anumang pagkilatis. Hindi ba’t napakababaw nila? Tunay silang bulag—napakalubha!

Noon, may nakilala Akong isang huwad na lider na nagsasalita at tumatawa kapag kinakausap Ko siya, pero nang sandaling tanungin Ko siya tungkol sa gawain, natulala siya na parang manhid at hindi makaunawa, at hindi makatugon sa anumang sinasabi Ko sa kanya. Sadyang napakahina ng kakayahan ng taong ito para gamitin. Hindi nakapagtataka na wala siyang anumang naunawaan sa sinabi Ko at hindi niya ito maisagawa. Anuman ang tinatalakay Ko sa kanya, palagi niyang sinasabi, “Nagdaos ako ng pagtitipon at kinumusta ko ang gawain ilang araw na ang nakalipas.” Sabi Ko, “Wala ka bang ibang trabaho bukod sa pagdaraos ng mga pagtitipon? Napakaraming gawain ang kailangang gawin sa iglesia, bakit hindi ka maghanap ng ibang gagawin?” Sinabi niya: “Hindi ba’t ang pagiging lider o manggagawa ay tungkol lang sa pagdaraos ng mga pagtitipon? Wala nang ibang gagawin maliban sa pagdaraos ng mga pagtitipon, wala na akong iba pang alam gawin!” Ipinapakita nito na nakatadhana siyang maging isang huwad na lider noong tinanggap niya ang posisyong iyon, at na hindi niya kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, dahil napakahina ng kakayahan niya! Ang napakahinang kakayahan ay humahantong sa pagkabulag ng mata at isipan. Ano ang ibig sabihin ng pagkabulag ng mata? Ibig sabihin nito, anuman ang nakikita ng isang tao, hindi niya makita ang mga partikular na problema, at kaya, walang silbi ang mga mata niya. Ano naman ang ibig sabihin ng pagkabulag ng isipan? Ibig sabihin nito, kahit anong mangyari, hindi namamalayan o bigong nauunawaan ng isang tao ang problema roon, at hindi niya nakikita kung saan nakasalalay ang diwa ng problema—ito ang ibig sabihin ng pagiging bulag sa isipan. Kung bulag sa isipan ang isang tao, ganap na katapusan na niya. Ganito ang pagkabulag ng mga huwad na lider sa mata at isipan. Masasabi ba ninyo na sumasama ang loob ng mga huwad na lider kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Iniisip nila, “Medyo malaki naman ang mga mata ko, pero sinasabi Niyang bulag ang mata ko; at may mabubuti akong layunin sa isip, pero sinasabi Niyang bulag ang isipan ko—hindi partikular na tumpak ang depinisyon Niya, tama? Bakit hindi na lang ako tawaging huwad na lider? Bakit pa kailangang idagdag na bulag din ako sa mata at isipan?” Kung hindi ganoon ang pagkakasabi Ko, batay sa kakayahan ng mga huwad na lider, mapagtatanto kaya nila na mahina ang kanilang kakayahan? (Hindi.) Hindi ba’t ganap na naipapaliwanag ang bagay na ito sa pagsasabing bulag sa mata at isipan ang mga huwad na lider na ito? Halimbawa, sabihin nating nagtatatag ang isang anticristo ng kanyang nagsasariling kaharian sa iglesia. Pero sinasabi ng mga huwad na lider na, “Napakahusay ng taong ito. Dati siyang propesor sa unibersidad, at malinaw ang pananalita niya, masistema, at ito ay sa organisado at mahusay na paraan. Dagdag pa rito, hindi siya kinakabahan sa entablado, gaano man karami ang nanonood.” Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang taong tinutukoy ng huwad na lider ay isang Pariseo na nagtatatag ng nagsasarili nitong kaharian, subalit pinupuri pa rin ito ng mga huwad na lider. Hindi ba’t pagiging bulag iyon ng mata? (Oo.) Kung may kumakanta na sintunado at hindi mo ito naririnig, maituturing ba iyong pagiging bulag ng mata? (Hindi.) Isa iyong isyung propesyonal, sa halip na isyu ng kakayahan. Pero pagkatapos nilang makinig sa napakaraming katotohanan, hindi man lang makilatis ng mga huwad na lider kung ano ang mga anticristo, at hindi nila matukoy kung mabuti o masama ang pagkatao ng isang tao, o kung isa bang kandidato sa pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao, o kung ang isang tao ay isang hindi mananampalataya o kung taos-puso bang nananampalataya sa Diyos ang taong iyon, at hindi nila matukoy kung ang isang tao ay tapat sa paggawa ng kanyang tungkulin—ano, kung gayon, ang nakamit nila sa pakikinig ng mga sermon sa loob ng maraming taon na ito? Wala silang anumang nakamit na katotohanan, na nangangahulugang mga bulag na hangal sila; ganito kabulag ang mga huwad na lider. Naniniwala sila na ang pangunahing gawain ng isang lider ay ang makapangaral ng mga sermon, at makapangaral nang dalawa o tatlong oras, at na basta’t kaya nilang magsalita ng mga salita at doktrina, bumigkas ng mga islogan, at pukawin ang damdamin ng mga tao, pasok sila sa pamantayan bilang mga lider, na kaya nilang pasanin ang gawain, na mayroon silang katotohanang realidad, at na nalulugod ang Diyos sa kanila. Anong klaseng lohika ito? Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan at napakahina ng kakayahan, at bulag sa mata at isipan, lubusang wala silang taglay na abilidad kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at hindi nila malinaw na nakikilala ang iba’t ibang uri ng tao. Kung gayon, magagawa ba nilang gamitin ang iba’t ibang uri ng tao sa isang makatwirang paraan? (Hindi.) Isa lang ang estratehiya nila: Ang mga dating guro ay itinatalagang mangaral ng mga sermon, ang mga naging kabilang sa pakikipagkalakalan sa ibang bansa ay itinatalagang mangasiwa ng mga pangkalahatang usapin, ang mga marunong mag-Ingles ay itinatalagang maging mga tagasalin, at ang sinumang mahusay magsalita at makapal ang mukha ay itinatalagang mangaral ng ebanghelyo; ang mga mahiyain ay itinatalagang magsulat sa bahay ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, ang mga malakas ang loob at mahilig gumanap ay hinirang bilang mga aktor, at ang mga gustong maging opisyal ay hinirang bilang mga lider o direktor. Ganito ginagamit ng mga huwad na lider ang mga tao, nang walang anumang prinsipyo.

Sa saklaw ng gawaing nasa responsabilidad ng mga huwad na lider, madalas na napipigilan ang ilang tao na tunay na naghahangad sa katotohanan at nakatutugon sa pamantayan para maiangat at malinang. Ang ilan sa mga taong ito ay nangangaral ng ebanghelyo, at ang ilan naman ay naitalagang gumawa ng mga tungkuling pagpapatuloy sa bahay. Ang katunayan ay may kakayahan silang lahat, at nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at karapat-dapat silang malinang bilang mga lider at manggagawa, sadyang ayaw nilang magpakitang-gilas o maging sentro ng atensiyon. Subalit, hindi man lang pinapansin ng mga huwad na lider ang mga taong ito. Hindi sila nakikisalamuha o nag-uusisa tungkol sa mga ito, at hindi sila kailanman naglilinang ng mga taong may talento para sa sambahayan ng Diyos. Nakatuon lang sila palagi sa pambibitag sa mga taong nambobola sa kanila, para matugunan ang sarili nilang mga makasariling pagnanais. Bilang resulta, ang mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay hindi naiaangat at nalilinang, samantalang ang mga mahilig na maging sentro ng atensiyon, magaling magsalita, marunong sumipsip, at mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—naiaangat silang lahat, at maging iyong mga naging opisyal, CEO ng kompanya, o nakapag-aral ng corporate management sa lipunan sa labas ay naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Mga tunay na mananampalataya man o hindi ang mga taong iyon, o mga tao man silang naghahangad sa katotohanan o hindi, ano’t anuman, sila ang mga taong naiaangat at nagagamit sa saklaw ng gawaing responsabilidad ng mga huwad na lider. Paggamit ba ito sa mga tao nang alinsunod sa mga prinsipyo? Hindi ba’t ang pag-aangat lang ng mga huwad na lider sa gayong mga tao ay katulad ng lipunang walang pananampalataya? Sa panahong gumagawa ang mga huwad na lider, ang mga tao na talagang nakakagawa ng mga bagay-bagay kapag gumagawa ng tungkulin nila, na may pagpapahalaga sa katarungan, at nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay—hindi sila naiaangat o hindi sila nalilinang, at mahirap para sa kanila na magkaroon ng mga pagkakataon para makapagsanay. Sa halip, iyong mga magaling magsalita, mahilig magpakitang-gilas, at marunong sumipsip, pati na rin ang mga mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ang naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Tila matatalino naman ang mga taong iyon, pero sa katunayan ay wala silang abilidad na makaarok, napakahina ng kakayahan nila at napakasama ng pagkatao nila, wala silang dinadalang tunay na pasanin sa mga tungkulin nila, at hindi talaga sila karapat-dapat na malinang. Gayumpaman, sila ang umookupa sa mga posisyon ng mga lider at manggagawa sa iglesia. Ang resulta nito ay hindi nagagawa nang maayos at mabilis ang karamihan sa gawain ng iglesia, o mabagal ang pag-usad nito, at masyadong matagal bago maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang epekto at kinahihinatnang dulot ng maling paggamit sa mga tao ng mga huwad na lider sa gawain ng iglesia.