Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5) Unang Seksiyon
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikalimang aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Habang nagbabahaginan sa ikalimang aytem, hinimay natin ang ilan sa mga pagpapamalas at kilos ng mga huwad na lider, at natapos natin ang pagbabahaginan sa aytem na ito. Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikaanim at ikapitong aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang espesipikong nilalaman ng dalawang aytem na ito? (Ikaanim na aytem: Iangat at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay magkaroon ng pagkakataon na magsanay at pumasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Ikapitong aytem: Magtalaga at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, upang ang bawat isa ay magamit sa pinakamainam na paraan.) Himayin natin ang iba’t ibang kilos at pagpapamalas ng mga huwad na lider kaugnay sa dalawang aytem na ito. Kabilang ang dalawang aytem na ito sa parehong kategorya, na may kinalaman sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa iba’t ibang uri ng tao sa iglesia. Magbahaginan muna tayo tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang sa lahat ng uri ng kalipikadong talento. Sa gayong paraan, hindi ba’t talagang mauunawaan ninyo ang ilang prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito? Maaaring iniisip ninyo, “Bilang mga lider at manggagawa, madalas kaming nahaharap sa ganitong mga usapin, pamilyar na kami sa gawaing ito at may kaunting karanasan dito, kaya kahit wala Ka nang sabihin pa tungkol dito, malinaw na ito sa amin, at hindi Mo na kailangang partikular na magbahagi pa tungkol dito.” Kung gayon, hindi na ba kailangang magbahagi tungkol dito? (Kailangan namin ang pagbabahagi Mo tungkol dito. Hindi pa rin namin naaarok ang mga prinsipyo sa aspektong ito, at may ilang taong may talento na hindi pa rin namin alam kung paano kilatisin.) Karamihan sa mga lider at manggagawa ay litong-lito pa rin kung paano gawin ang trabahong ito, at nasa proseso pa sila ng pangangapa, at hindi maarok ang mga tumpak na prinsipyo, kaya, kailangan pa rin nating pagbahaginan ang mga detalye.
Ikaanim na Aytem: Iangat at Linangin ang Lahat ng Uri ng Kalipikadong Talento Upang ang Lahat ng Naghahangad ng Katotohanan ay Magkaroon ng Pagkakataon na Magsanay at Pumasok sa Katotohanang Realidad sa Lalong Madaling Panahon
Ang Kahalagahan ng Pagtataguyod at Paglilinang ng Sambahayan ng Diyos sa Lahat ng Uri ng Taong may Talento
Bakit inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng mga taong may talento? Para ba sa pakikilahok sa agham, edukasyon, at literatura ang pag-aangat at paglilinang sa lahat ng uri ng mga taong may talento? Dapat alam na ng lahat ng hinirang ng Diyos na kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang klase ng tao na may talento, hindi ito ginagawa para makabuo ng ilang uri ng high-tech na produkto at lumikha ng himala o para magsagawa ng pananaliksik tungkol sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao, at lalong hindi para gumawa ng anumang uri ng mga plano para sa hinaharap ng sangkatauhan. Bakit, kung gayon, inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng uri ng taong may talento? Naiintindihan ba ninyo ito o hindi? (Para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian.) Para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian—ito ang isang dahilan. Ano pa? (Para magkaroon ng pagkakataong magsanay ang lahat ng naghahangad sa katotohanan.) Tama iyan, talagang makatwiran ang sagot na ito at tumpak. Ito ay para magkaroon ng pagkakataon ang mas marami pang tao na naghahangad sa katotohanan na magsanay, at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Parehong tama at tumpak ang mga sagot na ibinigay ninyo ngayon lang. Sa isang banda, ang pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng mga taong may talento ay nauugnay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa gawain ng Diyos, at sa isa pang banda, nauugnay ito sa indibidwal na mga paghahangad at pagpasok. Ito ang dalawang sumasaklaw na aspekto. Sa partikular na salita, ano ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng uri ng mga taong may talento? Ano ang partikular na gawaing isinasagawa sa iglesia ng mga taong ito na iniaangat at nililinang? Kapag inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang isang tao para maging lider ng pangkat, superbisor, o lider o manggagawa ng iglesia, ginagawa ba siyang isang opisyal? (Hindi.) Inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao para maging responsable sila sa mga partikular na proyekto o trabaho sa loob ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, gaya ng gawain ng ebanghelyo, gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng paggawa ng pelikula, gawain ng pagdidilig, pati na rin ng ilang pangkalahatang usapin, at iba pa. Kaya, paano nila isinasakatuparan ang mga partikular na trabahong ito? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos, at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa ang kanilang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos at kumikilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung titingnan ang katunayan na iniaangat at nililinang ang mga taong ito para magsagawa ng gawain, hindi ang pagkakaroon ng opisyal na titulo o katayuan ang nagbibigay-daan sa kanila na gawin nang maayos ang kanilang gawain. Sa halip, dapat silang magtaglay ng tiyak na kakayahan para pasanin ang isang partikular na trabaho, ibig sabihin, para pasanin ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos na gawin, o sa madaling salita, isang tungkulin at obligasyon na may kaakibat na pananagutan. Ito ang partikular na kahalagahan at depinisyon ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga indibidwal na may talento, tulad ng binanggit sa ikaanim na aytem tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Samakatwid, sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao, ang mithiin ng sambahayan ng Diyos ay linangin ang iba’t ibang uri ng mga taong may talento para maisagawa nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; ito ay para mabigyan ang mga taong ito ng kakayahan na pasanin ang iba’t ibang partikular na gampanin sa iglesia. Kasabay nito, nililinang at sinasanay ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito para matuto sila kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos, magbahagi tungkol sa katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo, na umaakay sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay sa mga salita ng Diyos, at pumasok sa katotohanang realidad, at mabigyan sila ng mga tunay na karanasan at patotoo, nang sa gayon ay maaari silang mamuno, magdilig, at magtustos sa iba, at gawin nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at kasabay nito, maaaring mabigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magpasakop sa Diyos, magpatotoo sa Diyos, at tuparin ang tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo. Ang pamamaraan ng pagsasagawa para sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento ay, sa isang aspekto, para pamunuan ang mga tao sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, pagkilala sa kanilang sarili, pagwaksi sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at pagpasok sa katotohanang realidad; sa isa pang aspekto, ito ay para gamitin ng mga lider at manggagawa ang kanilang sariling praktikal na karanasan ng katapatan at pagpapasakop para pamunuan at linangin ang mga tao sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin at pagbibigay ng matutunog na patotoo sa Diyos. Ang mga ito ang dalawang pangunahing landas ng pagsasagawa sa paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Ito ang partikular na gawain na nakapaloob sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng taong may talento, at ito rin ang tunay na kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang sa kanila.
Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa Iba’t ibang Uri ng Taong may Talento na Itinataguyod at Nililinang ng Sambahayan ng Diyos
I. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa mga Lider at Manggagawa at mga Superbisor ng Iba’t Ibang Aytem ng Gawain
Sino ang tinutukoy na “iba’t ibang uri ng mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng iglesia”? Anong mga saklaw ang sakop nito? Una ay ang uri ng mga tao na maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ano ang mga hinihinging pamantayan para sa mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain? Mayroong tatlong pangunahing pamantayan. Una, dapat ay mayroon silang abilidad na maarok ang katotohanan. Tanging ang mga taong nakakaarok sa katotohanan nang dalisay na walang pagkabaluktot at nakabubuo ng mga kongklusyon ay mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magkaroon ng espirituwal na pang-unawa at kakayahang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa. Sa proseso ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, dapat ay magawa nilang tanggapin nang nakapagsasarili ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para malutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at ang karumihan ng sarili nilang kalooban, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon—kung maaabot nila ang pamantayang ito, nangangahulugan ito na alam nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at pagpapamalas ito ng mahusay na kakayahan. Pangalawa, dapat silang magbuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Ang mga taong tunay na nagbubuhat ng pasanin ay hindi lamang may sigasig, mayroon silang tunay na karanasan sa buhay, nakauunawa ng ilang katotohanan, at nakikilatis nila ang ilang problema. Nakikita nila na sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos ay maraming suliranin at problema na kinakailangang malutas. Nakikita nila ito sa kanilang mga mata at nag-aalala rito sa kanilang puso—ito ang ibig sabihin ng pagbubuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay mayroon lamang mahusay na kakayahan at kayang umarok sa katotohanan, pero siya ay tamad, nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman, ayaw gumawa ng tunay na gawain, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag ang ang Itaas ay nagbibigay sa kanila ng deadline na tapusin ito, kapag hindi siya makaiwas sa hindi paggawa nito, kung gayon, isa itong tao na walang pasanin. Ang mga taong walang pasanin ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, mga taong walang pagpapahalaga sa katarungan, at mga walang kuwenta na ginugugol ang buong araw sa katakawan, nang hindi pinag-iisipan nang seryoso ang anumang bagay. Pangatlo, dapat magtaglay sila ng kapabilidad sa gawain. Ano ang ibig sabihin ng “kapabilidad sa gawain”? Sa madaling salita, ibig sabihin nito ay hindi lang nila kayang magtalaga ng gawain at magbigay ng mga tagubilin sa mga tao, kundi kaya rin nilang tukuyin at lutasin ang mga problema—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng kapabilidad sa gawain. Dagdag pa rito, kailangan din nila ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Ang mga taong may kasanayan sa pag-oorganisa ay partikular na mahusay sa pagtitipon ng mga tao, pag-oorganisa at pagsasaayos ng gawain, at paglutas ng mga problema, at kapag nagsasaayos ng gawain at lumulutas ng mga problema, kaya nilang lubusang kumbinsihin ang mga tao at mapasunod ang mga ito—ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kayang isakatuparan ng mga tunay na may kapabilidad sa gawain ang mga partikular na trabahong isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at kaya nila itong gawin nang mabilis at nang may pagpapasya, nang walang anumang kapabayaan, at higit pa roon, kaya nilang gawin nang maayos ang iba’t ibang trabaho. Ito ang tatlong pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang sa mga lider at manggagawa. Kung nakatutugon ang isang tao sa tatlong pamantayang ito, siya ay isang pambihira, may talentong indibidwal at dapat siyang iangat, linangin, at sanayin kaagad, at pagkatapos magsanay nang ilang panahon, maaari na siyang tumanggap ng gawain. Ang sinumang may kakayahan, nagbubuhat ng pasanin, at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ay hindi nangangailangan ng mga tao na palaging mag-alala sa kanila at mangasiwa at manghimok sa kanila sa kanilang gawain. Sila ay maagap, at alam nila kung aling mga trabaho ang dapat gawin sa partikular na oras, aling mga trabaho ang kailangang inspeksiyonin at pangasiwaan, at aling mga trabaho ang kailangang suriin o bantayang maigi. Alam na alam nila ang mga bagay na ito. Ang gayong mga tao ay medyo masasandalan at maaasahan sa kanilang gawain, at walang malalaking problema na mangyayari. Kahit na nagkakaroon ng mga problema, ang mga ito ay maliliit na isyu lang na hindi nakaaapekto sa kabuuan, at hindi kailangang mag-alala ang Diyos tungkol sa gawaing ginagawa ng mga taong ito. Tanging ang mga tunay na nakatatayo sa sarili nilang mga paa sa kanilang gawain ang tunay na nagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Ang mga hindi nakatatayo sa sarili nilang mga paa at palaging nangangailangan ng ibang tao na mag-aalala sa kanila, babantayan sila, pangangasiwaan sila, at hahawakan pa nga ang kanilang kamay at tuturuan sila kung ano ang dapat gawin ay ang klase ng mga tao na may napakahinang kakayahan. Ang mga resulta ng gawaing ginagawa ng mga taong may ordinaryong kakayahan ay tiyak na karaniwan, at kinakailangan ng mga taong ito ang iba para bantayan at pangasiwaan sila bago sila makagawa ng anumang bagay. Sa kabaligtaran, ang mga taong may mahusay na kakayahan ay nakatatayo sa kanilang sariling mga paa pagkatapos silang sanayin nang ilang panahon, at sa tuwing nabibigyan sila ng ang Itaas ng mga tagubilin para sa isang gampanin at nababahaginan sila ng ilang prinsipyo, kaya nilang maarok ang mga prinsipyo, ipatupad ang gawain alinsunod sa mga ito, at sa pangkalahatan ay sumunod sa tamang landas nang walang masyadong malalaking paglihis o kapintasan, at makamit ang mga resultang nararapat nilang makamit—ito ang ibig sabihin ng pagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Halimbawa, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na linisin ang iglesia, at tukuyin at patalsikin ang mga anticristo at masasamang tao mula sa iglesia, at ang klase ng mga taong nagtataglay ng kapabilidad sa gawain sa pangkalahatan ay hindi lumilihis habang isinasakatuparan ang gampaning ito. Sa sandaling lumitaw ang isang anticristo, tumatagal ng humigit-kumulang kalahating taon, sa pinakamababa, bago ito mabunyag at mapaalis. Sa panahong ito, ang mga nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ay kaya itong tukuyin, magbahagi tungkol sa katotohanan para himayin ang mga pagpapamalas ng anticristo, at tulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkakilala sa kanila at hindi mailihis, sa gayon ay binibigyang-kakayahan silang tumindig para ilantad at patalsikin ang anticristo nang sama-sama. Kapag lumilitaw sa saklaw ng gawain ng mga taong nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ang mga anticristo o masasamang tao, sa pangkalahatan ay hindi nalilihis o naiimpluwensiyahan ang karamihan sa mga kapatid. Tanging ang ilang tao na magulo ang isip at iyong mga may napakahinang kakayahan ang nalilihis, at isa itong normal na penomena. Ang mga taong may mahusay na kakayahan at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ay kayang makamit ang ganitong mga resulta sa kanilang gawain, at ang gayong mga tao ay nagtataglay ng katotohanang realidad at sila ay pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa.
Sa iba’t ibang klase ng mga taong may talento na kababanggit Ko lang ngayon, ang unang klase ay iyong maaaring maging superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang unang hinihingi sa kanila ay ang magkaroon sila ng abilidad at kakayahan na umarok sa katotohanan. Ito ang pinakamaliit na hinihingi. Ang ikalawang hinihingi ay ang magbuhat sila ng pasanin—ito ay kailangang-kailangan. Mas madaling naaarok ng ilang tao ang katotohanan kaysa sa mga ordinaryong tao, mayroon silang espirituwal na pang-unawa, may mahusay na kakayahan, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, at pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasagawa, tiyak na kaya na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa. Pero may seryosong problema sa mga taong ito—wala silang pasanin. Gusto nilang kumain, uminom, magsaya, at gumala. Interesadong-interesado sila sa mga bagay na ito, pero kapag ipinapagawa sa kanila ang ilang partikular na gawain kung saan hinihingi sa kanilang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga, at pigilan nang kaunti ang sarili nila, nagiging matamlay sila, at sinasabi nilang mayroon silang ilang karamdaman o sakit, at na ang bawat parte ng katawan nila ay hindi komportable. Sila ay walang pagpipigil at walang disiplina, kaswal, matigas ang ulo, at imoral. Kumakain, natutulog, at nagsasaya sila kung kailan nila gusto, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag nasa magandang lagay ng kalooban. Kung medyo mahirap o nakakapagod ang gawain, nawawalan sila ng interes at ayaw na nilang gawin ang tungkulin nila. Ito ba ay pagbubuhat ng pasanin? (Hindi.) Ang mga taong tamad at nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman ay hindi ang mga taong dapat iangat at linangin. Mayroon ding mga tao na may higit pa sa sapat na kakayahan para sa isang trabaho, ngunit sa kasamaang-palad, sadyang hindi sila nagbubuhat ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabilidad, ayaw nila ng suliranin, at ayaw nilang mag-alala. Bulag sila sa gawaing kinakailangang gawin, at kahit na nakikita nila ito, ayaw nilang asikasuhin ito. Ang ganitong uri ba ng mga tao ay mga kandidato para sa pag-aangat at paglilinang? Tiyak na hindi; kailangang magbuhat ng pasanin ang mga tao para maiangat at malinang. Ang pagbubuhat ng pasanin ay maaari ding ilarawan bilang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad ay mas may kinalaman sa pagkatao; ang pagbubuhat ng pasanin ay nauugnay sa isa sa mga pamantayang ginagamit ng sambahayan ng Diyos sa pagsukat sa mga tao. Ang mga nagbubuhat ng pasanin habang may karagdagang tinataglay na dalawa pang bagay—ang abilidad at kakayahan na maarok ang katotohanan, at ang kapabilidad sa gawain—ay ang mga uri ng tao na maaaring iangat at linangin, at ang ganitong uri ng mga tao ay maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain. Ang mga ito ang mga hinihinging pamantayan sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao para maging iba’t ibang uri ng mga superbisor, at ang mga taong nakatutugon sa mga pamantayang ito ay mga kandidato para sa pag-aangat at paglilinang.
II. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa mga Taong May Talento sa Iba’t Ibang Propesyon na Nagtataglay ng mga Espesyal na Talento o Kaloob
Bukod sa uri ng mga tao na maaaring maging mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain, ang isa pang uri ng mga tao na maaaring iangat at linangin ay iyong mga nagtataglay ng mga espesyal na talento o kaloob o iyong mga naging dalubhasa na sa ilang propesyonal na kasanayan. Ano ang pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang sa ganitong mga tao para maging mga lider ng pangkat? Una, tingnan ang pagkatao nila—basta’t medyo mahal nila ang mga positibong bagay at hindi sila masasamang tao, sapat na iyon. Maaaring itanong ng ilan, “Bakit hindi hinihingi sa kanila na maging isang taong naghahangad sa katotohanan?” Dahil ang mga lider ng pangkat ay hindi mga lider ng iglesia o mga manggagawa, hindi rin sila mga tagadilig, at ang hingin sa kanila na tugunan ang pamantayan ng paghahangad sa katotohanan ay magiging kalabisan, at mahirap abutin para sa karamihan sa kanila. Hindi ito hinihingi sa mga taong gumagawa ng gawain sa pangkalahatang usapin o ng mga partikular na aytem ng propesyonal na gawain; kung ganoon man, kakaunti lang ang magiging kalipikado, kaya kailangang ibaba ang mga pamantayan. Basta’t nauunawaan ng mga tao ang kanilang propesyon at may kakayanang pasanin ang gawain, at hindi gumagawa ng kasamaan o nagsasanhi ng anumang kaguluhan, kung gayon, sapat na iyon. Para sa mga taong ito na may kadalubhasaan sa ilang kasanayan at propesyon, at may ilang kalakasan, kung isasagawa nila ang isang gawain na nangangailangan ng pagiging pamilyar nang kaunti sa kasanayan at may kaugnayan sa kanilang mga propesyon sa sambahayan ng Diyos, basta’t sila ay medyo taong totoo at matuwid pagdating sa kanilang karakter, hindi masama, hindi baluktot sa kanilang pag-arok, kayang magtiis ng paghihirap, at handang magbayad ng halaga, kung gayon, sapat na iyon. Kaya, ang unang hinihingi sa paglilinang ng gayong mga tao para maging mga lider ng pangkat ay na kailangang medyo may pagmamahal sila sa mga positibong bagay, at bukod pa rito, kailangan ay kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Ano pa? (Dapat matuwid ang kanilang karakter, at hindi masama, at hindi baluktot sa kanilang pag-arok.) Kailangang medyo matuwid ang kanilang karakter, kailangang hindi sila masasamang tao, at hindi sila dapat baluktot sa kanilang pag-arok. Maaaring itanong ng iba, “Kung gayon, maituturing ba na mataas ang abilidad nilang makaarok sa katotohanan? Pagkatapos marinig ang katotohanan, magigising ba sila sa katotohanang realidad, at makapapasok sa katotohanang realidad?” Hindi kinakailangang hingin ang lahat ng ito; sapat na ang hingin na hindi maging baluktot sa kanilang pag-arok ang gayong mga tao. Kapag ginagawa ng mga taong hindi baluktot sa kanilang pag-arok ang kanilang gawain, ang isa sa mga benepisyo nito ay na hindi sila malamang na magdudulot ng mga pagkagambala o gagawa ng anumang kakatwa. Halimbawa, paulit-ulit na ibinahagi ng sambahayan ng Diyos ang mga prinsipyo tungkol sa kulay ng mga kasuotan ng mga aktor, na dapat ay marangal at disente, at makulay sa halip na maputla. Subalit may mga tao pa rin na sadyang hindi makaintindi sa sinabi sa kanila, hindi nila nauunawaan ang naririnig nila, wala silang kakayanang makaarok, at hindi makatukoy ng mga prinsipyong nakapaloob sa mga hinihinging ito ng sambahayan ng Diyos, at nauuwi sila sa pagpili ng mga kasuotan na puro kulay abo—hindi ba’t baluktot na pag-arok ito? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng baluktot na pag-arok. Ano ang pangunahing kahulugan ng medyo may pagmamahal sa mga positibong bagay? (Ang magawang tanggapin ang katotohanan.) Tama. Ibig sabihin nito ay ang magawang tanggapin ang mga salita at mga bagay na ayon sa katotohanan, at magawang tanggapin at magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Hindi alintana kung kaya mang isagawa ng gayong mga tao ang mga bagay na ito, kahit papaano, sa kaibuturan, dapat hindi sila lumalaban o nasusuya sa mga ito. Ang gayong mga tao ay mabubuting tao, at sa simpleng pananalita, masasabing sila ay mga disenteng tao. Ano ang mga katangian ng mga disenteng tao? Nakararamdam sila ng pagkasuya, pagkasuklam, at pagkapoot sa masasamang kilos na gustong gawin ng mga walang pananampalataya, pati na rin sa masasamang kalakaran na sinusunod ng mga walang pananampalataya. Halimbawa, isinusulong ng mga kalakaran sa mundong walang pananampalataya ang masasamang puwersa, at maraming babae ang naghahangad na makapag-asawa ng mayaman o maging kabit ng kung sino. Hindi ba’t kabuktutan ito? Lubos na kasuklam-suklam ang mga bagay na ito para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, at sinasabi ng ilan na, “Kahit na hindi ako makahanap ng taong pakakasalan, kahit pa mamatay ako sa kahirapan, hindi ako kailanman kikilos ng katulad sa mga taong iyon,” sa madaling salita, mapanglait at mapang-alipusta sila sa gayong mga tao. Ang isang katangian ng mga disenteng tao ay na kasuklam-suklam at nakakasuka para sa kanila ang masasamang kalakaran, at hinahamak nila ang mga nabitag sa gayong mga kalakaran. Medyo matuwid ang mga taong ito; kapag binanggit ang pananampalataya sa Diyos at pagiging mabuting tao, pagtahak sa tamang landas, pagsamba sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, pag-iwas sa masasamang kalakaran, at pag-iwas sa lahat ng masasamang pag-uugali sa mundo, sa kaibuturan nila, pakiramdam nila ay mabuting bagay ito. Magagawa man nila o hindi na magsikap para matamo ang lahat ng ito, at gaano man katindi ang kanilang determinasyon na manampalataya sa Diyos at tumahak sa tamang landas, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, sa kaibuturan nila, inaasam nilang mabuhay sa liwanag at inaasam nilang mapunta sa isang lugar kung saan namamayani ang pagiging matuwid. Ang mga matuwid na taong gaya nito ay ang uri ng mga tao na may katamtamang pagmamahal sa mga positibong bagay. Ang mga taong iaangat at lilinangin ng sambahayan ng Diyos ay kailangang nagtataglay ng katangian ng isang matuwid na pagkatao at ng pagmamahal para sa mga positibong bagay, sa pinakamababa. Ito rin ang unang hinihinging pamantayan sa pag-aangat sa uri ng mga taong may talento na mayroong mga propesyonal na kasanayan at kalakasan. Ang pangalawang pamantayan ay na ang gayong mga tao ay dapat kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga. Ibig sabihin, pagdating sa mga adhikain o gawain kung saan masigasig sila, kaya nilang isantabi ang kanilang sariling mga pagnanais, isantabi ang mga kasiyahan ng laman o ang isang maginhawang pamumuhay, at kahit talikuran pa ang kanilang mga kinabukasan sa hinaharap. Bukod pa rito, hindi nila alintana ang kaunting hirap o ang medyo makaramdam ng pagod; hangga’t gumagawa sila ng isang makabuluhang bagay at pinaniniwalaan nila itong tama, kung gayon ay masaya nilang tatalikuran ang mga kasiyahan ng laman at mga pakinabang—o, kahit papaano ay magkakaroon ng determinasyon at kagustuhan na gawin iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Paminsan-minsan ay nag-iimbot pa rin ang taong iyon ng mga kaginhawahan ng laman: Minsan, gusto niyang matulog nang mahaba, o kumain ng masarap na pagkain, at minsan gusto niyang lumabas para mamasyal o magliwaliw—ngunit mas madalas na nagagawa niyang magdusa ng hirap at magbayad ng halaga; paminsan nga lamang, dinadala siya ng kanyang lagay ng loob sa gayong mga kaisipan. Maituturing ba itong problema?” Hindi ito maituturing na problema. Kalabisan na kung hilingin pa sa kanila na ganap nilang isantabi ang mga kasiyahan ng laman, maliban na sa mga espesyal na pagkakataon. Sa pangkalahatan, kapag binigyan mo ng trabahong gagawin ang gayong mga tao, malaki man o hindi ang trabaho, at isang bagay man ito na gusto nilang gawin o hindi, at kahit gaano man kahirap ang trabaho, o gaano kalaki ang paghihirap na kailangan nilang tiisin, o anuman ang halagang kailangan nilang ibayad, basta’t itinalaga mo ito sa kanila, garantisadong gagawin nila ito sa abot ng kanilang makakaya nang hindi mo na kailangang bantayan o pangasiwaan sila. Ang gayong mga tao ay kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga, at ito ay isa pang pagpapamalas ng mga disenteng tao. Ano ang ibig sabihin ng kakayahang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga? Nangangahulugan ito ng pagiging masinsinan, pagiging labis na masugid at maasikaso, at pagiging handang magdusa ng anumang paghihirap at magbayad ng anumang halaga para magawa nang maayos ang mga bagay-bagay. Ang gayong mga tao, pagdating sa pagtapos ng mga gawain, ay tumutupad sa kanilang mga pangako at maaasahan sila, hindi katulad ng mga taong matakaw at walang ginagawa, na mahilig magliwaliw at napopoot sa trabaho, at inuuna ang pakinabang bago ang lahat ng bagay. Ang mga taong iyon ay hindi tumutupad sa kanilang mga pangako, palaging nagsasalita ng mga huwad na salita para linlangin at himukin ang iba, at hindi sila nag-aatubiling magsinungaling at gumawa ng mga huwad na panunumpa para makamit ang kanilang mga layon—hindi ililigtas ng Diyos ang mga taong iyon. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ang matatapat na tao lamang ang tumutupad sa kanilang salita at tapat sa kanilang mga tungkulin, at tanging ang mga kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para matupad ang atas ng Diyos ang maaaring maligtas ng Diyos. Ang kakayahang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga ay ang ikalawang katangian at pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang tao para maiangat at malinang ng sambahayan ng Diyos. Ang ikatlong pamantayan ay ang pagiging hindi baluktot sa pag-arok ng isang tao. Ibig sabihin nito, pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos, kahit papaano, nagagawa nilang alamin kung ano ang tinutukoy ng mga salita, nauunawaan nila ang mga sinasabi ng Diyos, at hindi nalihis o kakatwa ang kanilang pag-arok. Halimbawa, kung magsasalita ka tungkol sa kulay asul, hindi nila ito mapagkakamalan na kulay itim, at kung magsasalita ka tungkol sa kulay abo, hindi nila ito mapagkakamalan na kulay lila. Ito ang pinakamababang pamantayan. Kahit na baluktot minsan ang pag-arok nila, kapag tinutukoy ito ng iba, kaya nilang tanggapin ito, at kung nakikita nila na mas malinaw ang pag-arok ng iba kaysa sa kanila, agad nilang tatanggapin ito—ang ganitong uri ng tao ay may dalisay na pag-arok. Ikaapat, dapat hindi sila masasamang tao. Madali bang maunawaan ito? Ang hindi pagiging masamang tao ay nangangahulugang kailangang gawin ang isang bagay kahit papaano, na kung saan pagkatapos nilang mabigong tuparin ang hiniling sa kanila ng sambahayan ng Diyos, o malabag ang mga prinsipyo at makagawa ng mali, kailangang magawang tumanggap at magpasakop ng gayong mga tao kapag pinupungusan sila, nang hindi lumalaban at hindi nagkakalat ng pagiging negatibo o mga kuru-kuro. Dagdag pa rito, sa anumang grupo man sila nabibilang, kaya nilang pakisamahan ang karamihan ng mga tao at makipag-ugnayan sa mga ito nang may pagkakasundo. Kahit na may manakit sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabi ng hindi kanais-nais na bagay, kaya nilang tiisin ito nang hindi naghihinakit, at kung may sinumang mang-api sa kanila, hindi nila pinarurusahan ang masama ng kasamaan, kundi gumagamit lang sila ng matatalinong paraan upang lumayo at umiwas. Bagama’t bigong maging matatapat na tao ang gayong mga indibidwal, sa pinakamababa, sila ay mga taong medyo totoo at hindi gumagawa ng kasamaan, at kung may sinumang sumasalungat sa kanila hindi sila gumaganti o hindi nila ito pinapahirapan, ni sinusupil ito. Higit pa rito, ang gayong mga tao ay hindi nagtatangkang magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, kumikilos nang kontra sa sambahayan ng Diyos, nagpapakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nagtatangkang manghusga sa Kanya, o gumagawa ng anumang bagay na nakagagambala o nagdudulot ng mga kaguluhan. Ang apat na punto sa itaas ay ang mga pangunahing pamantayan sa pag-aangat at paglilinang sa mga taong may talento, na may ilang kalakasan at nakauunawa ng ilang propesyonal na kasanayan. Basta’t natutugunan nila ang apat na pamantayang ito, sa pangkalahatan ay maaari silang pumasan ng mga partikular na tungkulin at gumampan ng mga partikular na trabaho sa wastong paraan.
Maaaring itinatanong ng ilang tao: “Bakit hindi kasama sa mga pamantayan na dapat matugunan ng mga tao na may talento ang pag-unawa sa katotohanan, pagtataglay ng katotohanang realidad, at kakayahang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan upang maiangat at malinang? Bakit hindi nila isinasama ang kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Diyos, maging tapat sa Diyos, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan? Napag-iwanan na ba ang mga bagay na ito?” Sabihin ninyo sa Akin, kung may isang tao na nakauunawa sa katotohanan at nakapasok na sa katotohanang realidad, at kayang magpasakop sa Diyos, at tapat sa Diyos, at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at higit pa rito, nakikilala ang Diyos, hindi lumalaban sa Kanya, at isang nilikha na pasok sa pamantayan, kailangan pa rin ba silang linangin? Kung talagang nakamit na nila ang lahat ng ito, hindi ba’t naisakatuparan na ang bunga ng paglilinang? (Oo.) Samakatwid, hindi na kasama ang mga pamantayang ito sa mga hinihingi para maiangat at malinang ang mga taong may talento. Dahil ang mga kandidato ay iniaangat at nililinang mula sa mga tao na hindi nakauunawa sa katotohanan at puno ng mga tiwaling disposisyon, kaya imposible para sa mga kandidatong ito na iniaangat at nililinang na magkaroon na ng katotohanang realidad, o ganap nang nagpapasakop sa Diyos, lalo na ang maging ganap nang tapat sa Diyos, at tiyak na malayo pa rin sila sa pagkakakilala sa Diyos at sa pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang mga pamantayan na dapat tugunan higit sa lahat ng iba’t ibang uri ng tao na may talento upang maiangat at malinang ay ang mga kababanggit lang natin—ito ang mga pinakamakatotohanan at mga pinakapartikular. Sinasabi ng ilang huwad na lider na, “Wala kaming sinumang tao na may talento rito na maaaring iangat at linangin. Hindi nauunawaan ni Ganito at ni ganyan ang katotohanan, ginagawa ni Ganito at ni ganyan ang mga bagay-bagay nang walang may-takot-sa-Diyos na puso, hindi matanggap ni Ganito at ni ganyan ang pagpupungos, walang katapatan si Ganito at si ganyan …” at kung ano-ano pa, pinupuna ang napakaraming kamalian. Ano ang ipinapahiwatig ng mga huwad na lider na ito sa pagsasabi ng ganitong mga bagay? Para bang hindi maaaring iangat at linangin ang mga taong iyon dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nararanasan ang gawain ng Diyos, at wala pa silang katotohanang realidad, at iba pa, samantalang ang mga lider mismo ay naging mga lider dahil mayroon na silang ilang praktikal na karanasan at nagtataglay ng katotohanang realidad. Hindi ba’t iyon ang ibig sabihin ng mga huwad na lider na ito? Sa kanilang mga mata, walang sinuman ang kasinggaling nila, at walang ibang angkop na maging lider maliban sa kanila. Ito ang mayabang na disposisyon ng mga huwad na lider; pagdating sa pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa mga tao, puno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon.
III. Ang mga Kinakailangang Pamantayan Para sa mga Tauhan ng Gawain ng mga Pangkalahatang Usapin
Kababanggit Ko lang ng dalawang uri ng mga tao na tinututukan ng sambahayan ng Diyos na linangin. Ang isang uri ay mga tao na maaaring maging mga lider at manggagawa, at ang isa pang uri ay mga tao na kayang magsagawa ng iba’t ibang propesyonal na gawain. May isa pang uri ng tao. Hindi sila maituturing na nagtataglay ng mga partikular na kalakasan o propesyonal na kasanayan; walang kaugnay na anumang modernong teknolohiya ang gawain nila, ibig sabihin, gumagampan ng mga partikular na gawain ng mga pangkalahatang usapin sa iglesia ang mga taong ito, hinaharap nila ang ilang usapin na hindi bahagi ng pangunahing gawain ng iglesia. Sila ang uri ng mga tao na nagsasagawa ng gawain ng mga pangkalahatang usapin. Ano ang mga pangunahing hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa gayong mga tao? Ang pinakamahalagang hinihingi ay na kaya nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nakikipagtulungan sa mga tagalabas sa ikapapahamak ng sambahayan ng Diyos, at hindi ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para kunin ang loob ni Satanas. Iyon lang. Hindi mahalaga kung sila man ay mahusay makipag-usap, ang pinakamataas sa lipunan, o isang may espesyal na talento, dapat nilang magawang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag nangangasiwa ng mga panlabas na usapin para sa sambahayan ng Diyos. Ano ang nakapaloob sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Pera, mga materyal, ang mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at ang seguridad ng mga kapatid—napakahalaga ng bawat aspektong ito. Ang sinumang may kakayahang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay nagtataglay ng normal na pagkatao, at sapat na matuwid, at isang tao na handang isagawa ang katotohanan. Ang ilang tao ay walang pagkilatis, at sinasabing, “May isang tao na masama ang pagkatao, pero kaya niyang ipagtanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos.” Posible ba iyon? (Hindi ito posible.) Paano maipagtatanggol ng masasamang tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Kaya lang nilang ipagtanggol ang sarili nilang mga interes. Kaya, kung tunay na kayang ipagtanggol ng isang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, tiyak na siya ay may mabuting karakter at pagkatao; hindi ito puwedeng maging mali. Kung tinutulungan ng isang tao ang mga tagalabas sa ikapapahamak ng sambahayan ng Diyos kapag gumagawa ng mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo ang mga interes nito, at hindi lamang nagsasanhi ng malalaking kawalan sa ekonomiya at materyal sa sambahayan ng Diyos, kundi nagdudulot din ng malaking pinsala sa mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, mabuting tao ba siya? Siguradong hindi mabuti ang gayong mga tao. Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang mga materyal at pinansiyal na kawalang dinaranas ng sambahayan ng Diyos; ang pinakamahalaga sa kanila ay ang makinabang sila at makuha ang loob ng mga walang pananampalataya; hindi lang nila pinadadalhan ng mga regalo ang mga walang pananampalataya, kundi palagi rin nilang pinagbibigyan ang mga ito sa panahon ng mga negosasyon—hindi nila naiisip na ipaglaban ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, nagsisinungaling sila sa sambahayan ng Diyos, sinasabi kung paano nila isinakatuparan ang gawain, at ipinagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—habang sa katunayan, dumanas na ng mga kawalan ang gawain ng iglesia, at labis na sinamantala ng mga walang pananampalataya ang sambahayan ng Diyos. Kung, sa lahat ng aspekto, nagagawang ipagtanggol ng isang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang nangangasiwa sa mga panlabas na usapin, mabuting tao ba ang taong ito? (Oo.) At kaya, kung ang ganitong klaseng tao ay walang kakayahang gumawa ng anumang ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, at angkop lamang para sa ganitong uri ng gawain ng mga pangkalahatang usapin, dapat ba silang iangat ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Bilang karagdagan sa pagtataglay ng kapabilidad sa gawain, at kakayahang isagawa ang kanilang gawain alinsunod sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, nagagawa rin nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya pasok sa pamantayan, at dapat na iangat ang gayong mga tao. Sa kabilang dako, iyong mga palaging nagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na palaging may dalang potensiyal na panganib sa seguridad ng mga kapatid, at palaging nagdudulot ng masasamang epekto at kahihinatnan sa mga reputasyon ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia—hindi dapat iangat o linangin ang gayong mga tao; kung iniaangat at ginagamit sila, kailangan silang tanggalin kaagad. Mayroon ding ilang tao na palaging nagkakaproblema habang ginagawa ang mga gawain nila, tulad ng pagkakaroon ng mga aksidente kapag nagmamaneho, kapalpakan sa mga usaping pinangangasiwaan nila, o pagdudulot ng hindi pagkakasundo na nagreresulta sa walang tigil na pagrereklamo, at kung may anumang mga kapintasan hindi nila alam kung paano ayusin ang mga ito. Ang gayong mga tao ay may mahinang pag-iisip, at nagdadala rin ng kamalasan, at mga walang kuwenta. Kung ang ganitong uri ng tao ay magiging lider ng pangkat, superbisor, lider o manggagawa, hindi lang siya agad dapat tanggalin, kundi dapat din siyang paalisin sa iglesia. Ito ay dahil ang ganitong uri ng tao ay parang sumpa at nagdadala ng kamalasan. Hangga’t may isa o dalawang ganitong tao sa iglesia, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa iglesia. Parang may masasamang espiritu sa loob nila, o may salot ang gayong mga tao. Ang sinumang magkakaroon ng kaugnayan sa kanila ay magdurusa ng kamalasan, kaya dapat maalis kaagad ang ganitong uri ng tao. Maging ang mga katangian ng mukha ng mga taong ito ay pawang mali, puno ng pagkatuso o maladiyablong katangian o sobrang pangit, at ang sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila ay makararamdam na para bang may masamang mangyayari. Ang ganitong uri ng mga tao ay dapat tanggalin at paalisin, at saka lang magiging maayos ang mga bagay-bagay sa iglesia. Ang pag-aangat at paglilinang ng iba’t ibang tao sa iglesia ay nangangailangan ng pagsunod sa mga prinsipyo at ng paggamit ng pagkilatis, upang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa iba’t ibang uri ng mga taong iniaangat at nililinang, mayroong mga nagsisilbi bilang mga lider ng iglesia at manggagawa, iyong mga responsable para sa iba’t ibang propesyon sa iglesia, at gayundin iyong mga nangangasiwa ng mga pangkalahatang usapin para sa iglesia. Ang iba’t ibang pamantayan na dapat tugunan nitong ilang uri ng mga taong may talento ay malinaw ring napagbahaginan. Kapag malinaw sa inyo ang mga prinsipyo kung paano maghalal ng mga lider at manggagawa at kung paano mag-angat at maglinang ng mga tao, papasok sa tamang landas ang lahat ng gawain ng iglesia.
Maaaring nagtatanong ang ilang tao, “Bakit tinatawag na may talento ang mga taong ito na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos?” Ang mga tao na may talento na tinutukoy natin ay ang mga kandidato para sa pag-aangat at paglilinang. May iba’t ibang hinihingi para sa mga taong may kakayahang gumawa ng iba’t ibang tungkulin, at dahil sila ay nasa proseso ng pag-aangat at paglilinang, sapat nang natutugunan nitong tinatawag na mga taong may talento ang mga pamantayang kababanggit lang natin. Hindi magiging makatotohanan na umasang mayroon nang katotohanang realidad ang mga taong ito, na mapagpasakop at tapat na, at na may takot na sila sa Diyos. Kaya, ang mga taong may talento na pinag-uusapan natin ay iyong mga nagtataglay lang ng ilang katangian at integridad na nararapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at ng kakayahang maarok ang katotohanan—sa gayong paraan, itinuturing silang kalipikado. Hindi ibig sabihin nito na nauunawaan na nila ang katotohanan at nakapasok sa katotohanang realidad, ni hindi ibig sabihin nito na natamo na nila ang ganap na pagpapasakop sa Diyos matapos tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at ang mga bagay na gaya nito. Siyempre, ang terminong “mga taong may talento” ay hindi tumutukoy sa mga nakatapos sa unibersidad o kumuha ng Ph.D., o sa mga taong may mga pribilehiyadong pamilya na pinagmulan o mataas na katayuan sa lipunan, o sa mga taong may mga espesyal na abilidad o kaloob—hindi ito tumutukoy sa ganitong mga tao. Dahil iaangat at lilinangin sila, maaaring hindi pa kailanman nagawa o napag-aralan dati ng ilang tao na gagampan ng propesyonal na gawain ang propesyong iyon, ngunit hangga’t natutugunan nila ang ilang pamantayang iyon para sa pag-aangat at paglilinang, at handa silang matuto at mahusay sila sa pag-aaral ng isang partikular na propesyon, maaari silang iangat at linangin ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Hindi Ko ibig sabihin na maaari lamang iangat at linangin ang isang tao kung likas na mahusay siya sa isang partikular na propesyon. Bagkus, ito ay kung mayroon siyang kagustuhang matuto at magtaglay ng mga kondisyon, o kahit magtaglay lang siya ng ilang pangunahing kaalaman sa propesyong ito, kung gayon, maaari siyang iangat at linangin—ito ang prinsipyo. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa mga pamantayang dapat matugunan ng iba’t ibang taong may talento na gustong iangat at linangin ng sambahayan ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.