Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4) Ikaapat na Seksiyon
Ngayon, isinasagawa na sa buong mundo ang gawain ng ebanghelyo sa ibayong dagat. May mas maraming tao ang ilang bansa na kayang tumanggap sa katotohanan, habang ang iba naman ay may mga populasyon ng mas mababang kakayahan, na nagreresultang mas kaunting tao na kayang tumanggap sa katotohanan. Walang kalayaan sa pananampalataya ang ilang bansa, na nagpapakita ng matinding paglaban sa tunay na daan at gawain ng Diyos, at hindi marami ang taong kayang tumanggap sa katotohanan. Dagdag pa rito, masyadong makaluma at may mahinang kakayahan ang populasyon ng ilang bansa na hindi nila maunawaan ang katotohanan paano man ito ibinahagi, at tila nagkukulang sa katotohanan ang mga tao roon. Hindi dapat ipangaral ang ebanghelyo sa gayong mga lugar. Gayumpaman, nabibigo iyong mga nangangaral ng ebanghelyo na makita ang diwa ng problema; hindi sila nangangaral sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, sa halip ay iginigiit nila na hanapin ang mahihirap na kaso habang binabalewala ang mas madadali. Hindi sila nangangaral sa mga lugar kung saan ipinapalaganap na ang gawain ng ebanghelyo at kung saan madaling mangaral. Sa halip, iginigiit nilang ipangaral ang ebanghelyo roon sa mahihirap at mga makalumang lugar, ipangaral sa mga pangkat ng tao na may pinakamahinang kakayahan, na hindi kayang maarok ang katotohanan, at sa mga pangkat etnikong may mga pinakamabigat na kuru-kuro sa relihiyon at pinakamatinding paglaban sa Diyos. Hindi ba’t isa itong paglihis? Gawin nating halimbawa ang Hudaismo at ang ilang relihiyong panlahi na may malalim na pagkakaugat, na tumuturing sa Kristiyanismo bilang isang kaaway at umuusig pa nga rito. Sa kaso ng ganitong mga uri ng mga bansa at pangkat etniko, hindi talaga dapat ipangaral ang ebanghelyo. Bakit hindi? Dahil walang saysay ang pangangaral. Kahit na ibuhos mo ang lahat ng lakas-tao, pinansiyal na kagamitan, at materyal na kagamitan, maaaring lumipas ang tatlo, lima, o maging sampung taon nang walang nakikitang anumang makabuluhang resulta. Batay sa sitwasyong ito, ano ang puwedeng gawin? Sa una, nang walang masyadong alam, puwedeng subukan ng isang tao; pero kapag nakikita na nang malinaw ang mga sitwasyon—na ang pangangaral ng ebanghelyo sa kanila sa malaking halaga ay maaaring hindi naman magbunga ng magagandang resulta sa huli—dapat pumili ang isang tao ng isa pang landas, isang landas na makakapagkamit ng mga resulta. Hindi ba’t isa itong bagay na dapat makilatis ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Pero hindi ito nauunawaan ng mga huwad na lider. Pagdating sa kung saan magsisimulang ipalaganap ang ebanghelyo sa ibayong dagat, sinasabi ng ilan, “Simulan muna sa Israel. Dahil ang Israel ang pundasyon para sa unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, dapat itong ipangaral doon. Gaano man ito kahirap, dapat nating pilit na ipagpatuloy ang pangangaral sa kanila.” Gayumpaman, pagkatapos ng mahabang panahon ng pangangaral, walang mga makabuluhang resulta, na humahantong sa pagkabigo. Ano ang dapat gawin ng mga lider sa panahong ito? Kung isa itong lider na may kakayahan at pasanin, sasabihin niya, “Walang prinsipyo ang pangangaral natin ng ebanghelyo; hindi natin alam kung paano makibagay sa sitwasyon, kundi tinitingnan lang natin ang mga bagay-bagay batay sa mga imahinasyon natin—masyado tayong walang-muwang! Hindi natin inasahan ang kahangalan, katigasan ng ulo, at kawalan ng katwiran ng mga taong ito. Inisip natin na dahil libo-libong taon na silang nananampalataya sa Diyos, sila dapat ang unang makarinig ng ebanghelyo ng Diyos, pero nagkamali tayo ng inisip; masyado silang di-makatwiran! Sa katunayan, noong ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagtubos, sinukuan na Niya ang mga ito. Ang pagbalik at pangangaral natin sa kanila ngayon ay pakikibahagi sa isang walang saysay na pagsisikap; pagtatrabaho ito nang walang kabuluhan at pagkilos nang may kahangalan. Nagkamali tayo ng pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Hindi gumagawa ang Diyos sa usaping ito, kaya sa anong paraan natin, bilang mga tao, magagawa ito? Sinubukan na natin ito, pero paano man tayo nangangaral, hindi nila tinatanggap ang tunay na daan. Dapat nating isuko ito sa ngayon, isantabi ang mga ito, at pansamantalang huwag pansinin ang mga ito. Kung may mga handang maghanap, tatanggapin natin sila at magpapatotoo tayo sa kanila tungkol sa gawain ng Diyos. Kung walang maghahanap, hindi natin sila kailangang hanapin nang maagap.” Hindi ba’t isa itong prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo? (Oo.) Kung gayon, kaya bang sumunod ng isang huwad na lider sa mga prinsipyo? (Hindi.) May mahinang kakayahan ang mga huwad na lider at hindi nila kayang kilatisin ang diwa ng isyu; sasabihin nila, “Sinabi ng Diyos na ang mga Israelita ang Kanyang mga taong hinirang. Hindi natin sila kailanman puwedeng sukuan sa anumang oras. Dapat silang mauna; kailangan muna nating mangaral sa kanila bago tayo mangaral sa mga tao sa ibang mga bansa. Kung papalaganapin ang gawain ng Diyos sa Israel, isang dakilang kaluwalhatian iyon! Dinala ng Diyos ang kaluwalhatian mula Israel hanggang sa Silangan, at dapat nating dalhin ang kaluwalhatiang iyon pabalik sa Israel mula sa Silangan, at hayaan silang makita na nagbalik na ang Diyos!” Hindi ba’t isa lang itong islogan? Naaayon ba ito sa mga katunayan? Ito ang sasabihin ng mga walang espirituwal na pang-unawa. Paano naman iyong mga huwad na lider na walang ginagawang tunay na gawain? Hindi nila pinapansin ang mga bagay na ito. Matagal nang nababagabag sa isyung ito ang mga taong nangangaral ng ebanghelyo, nahahati sa pagitan ng pagsuko at pagtuloy sa pangangaral, hindi sigurado kung paano magsasagawa. Ganap na walang kamalayan ang mga huwad na lider na isa itong problema. Nakikitang nag-aalala ang mga taong ito sa kawalan ng landas, sinasabi nila, “Ano ang dapat ninyong ipag-alala? Mayroon tayong katotohanan at patotoong batay sa karanasan; mangaral lang kayo sa kanila!” Sinasabi ng isa, “Hindi mo nauunawaan, talagang mahirap mangaral sa mga taong ito.” Kapag lumilitaw sa gawain ang mahahalagang isyu na humihiling sa mga lider na lutasin ang mga ito, isinisigaw pa rin ng mga lider ang mga islogan at binibigkas ang mga hungkag na salita. Ito ba ang pag-uugaling inaasahan sa mga lider? Kapag tinatanong kung dapat pangaralan ang gayong mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, sinasabi nila, “Dapat pangaralan ang lahat, lalo na ang mga Israelita, dapat talaga silang pangaralan.” May naririnig ba kayong anumang problema sa mga salitang ito? Alam ba nilang isa itong paglihis, isang kapintasan sa gawain ng ebanghelyo na kailangan nilang pangasiwaan? Walang alam ang mga walang kuwentang ito at nandoon pa rin sila na nagbubulalas ng matayog na wika at sumisigaw ng mga islogan, talagang mga wala silang kuwentang basura! At gayunman ay iniisip nilang matalas ang isipan nila, at na may kakayahan at matalino sila. Ni hindi man lang nila batid na lumitaw sa gawain ang gayong malaking kapintasan at paglihis; makakaya pa kaya nilang simulang lutasin ito? Mas malamang na hindi. Labis-labis na nag-aalala iyong lahat ng nangangaral ng ebanghelyo; naapektuhan, nahadlangan, at hindi makausad nang maayos ang gawain ng ebanghelyo, at nakakagulat na walang alam ang mga huwad na lider tungkol sa paglihis na nangyayari sa gawain. Kapag nahaharap sa mga problema o paglihis sa gawain, ang karamihan sa mga tao ay kadalasang walang pakialam, hindi nakakapansin, at matigas pa rin ang ulo na nagpupumilit sa maling pamamaraan nang walang pakundangan at pagpipigil. Kung hindi rin maagap na mauunawaan at maaarok ng mga lider at manggagawa ang sitwasyon, sa oras na maging malubha na ang problema at naaapektuhan na nito ang pag-usad ng gawain, at magagawa nang matuklasan ng karamihan sa mga tao ang problema, natutulala ang mga lider at manggagawa. Dahil ito sa pagpapabaya sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kaya, paano nila maiiwasan ang gayong malulubhang kahihinatnan? Dapat na regular na suriin ng mga lider at manggagawa ang gawain, at maagap na unawain ang kasalukuyang estado at pag-usad ng gawain. Kung matutuklasang hindi mataas ang kahusayan sa gawain, dapat nilang tingnan kung aling bahagi ang may mga kapintasan at problema, at pagnilayan nila: “Sa ngayon, mukhang abala ang mga taong ito, pero bakit walang anumang malinaw na kahusayan? Tulad ng gawain ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo; napakaraming tao ang nangangaral ng ebanghelyo at nagpapatotoo araw-araw, kasama ang ilang tao na nakikipagtulungan sa gawaing ito, kaya bakit hindi marami ang taong nakakamit bawat buwan? Aling bahagi ang may problema? Sino ang nagdudulot ng problema? Paano nabuo ang paglihis na ito? Kailan ito nagsimula? Kailangan kong pumunta sa bawat pangkat para alamin kung ano ang ginagawa ng lahat ngayon, kung kumusta ang mga kasalukuyang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at kung tumpak ba ang direksyon ng pangangaral ng ebanghelyo; kailangan kong alamin ang lahat ng ito.” Sa pamamagitan ng pagkokonsulta, pakikipagbahaginan, at pagtatalakay, unti-unting lumilinaw ang mga paglihis at kapintasan sa gawain. Sa sandaling matuklasan ang isang problema, hindi ito puwedeng pabayaan lang; dapat itong malutas. Kaya, anong uri ng mga lider ang kayang makatuklas ng ilang problema, paglihis, at kapintasan na lumilitaw sa gawain? Kinakailangang magdala ng pasanin ang mga lider na ito, at maging masigasig, at makisangkot sa bawat detalye ng partikular na gawain; subaybayan, unawain, at arukin ang bawat bahagi; tiyakin kung ano ang ginagawa ng lahat, kung anong bilang ng mga tao ang angkop para sa paggawa ng kung aling gampanin, kung sino ang mga superbisor, kung ano ang kakayahan ng mga taong ito, at kung ginagawa ba nila ang gawain nila nang maayos o hindi, at kung kumusta ang kahusayan nila, kung paano umuusad ang gawain, at iba pa—dapat tiyakin ang lahat ng bagay na ito. Dagdag pa rito, ang pinakamahalagang bahagi ng gawain ng ebanghelyo ay kung taglay ba ng mga tagapangaral ng ebanghelyo ang katotohanan o hindi, kung kaya ba nilang magbahagi nang malinaw tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain para malutas ang mga kuru-kuro at problema ng mga tao, kung kaya ba nilang tustusan ang kakulangan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo para makumbinsi sila nang mabuti, at kung kaya nilang gumamit ng pang-usapang paraan sa pagbabahagi nila ng katotohanan, para mas marinig ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang tinig ng Diyos. Halimbawa, kung gusto ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na matuto tungkol sa mga katotohanan hinggil sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, pero palaging nagsasalita ang isang partikular na tagapangaral ng ebanghelyo tungkol sa kabuluhan ng gawain ng Diyos at tungkol sa kung ano ang mga kuru-kurong panrelihiyon, hindi ba’t problema ito? Kung gusto lang ng isang tao na malaman kung paano siya maliligtas at kung ano ang nilalaman ng plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, hindi ba’t ito ang panahon para magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng pangitain hinggil sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos? (Oo.) Pero patuloy na nagsasalita ang tagapangaral ng ebanghelyo na ito tungkol sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at sa paglalantad ng Diyos na kabilang sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang pagmamataas, panlilinlang, at kabuktutan, at iba pang gayong paksa. Bago tanggapin ng kabilang partido ang gawain ng Diyos, sinisimulan na ng tagapangaral ng ebanghelyo na makipag-usap sa kanya tungkol sa pagkastigo at paghatol, inilalantad ang mga tiwali niyang disposisyon. Dahil dito, nasusuklam ang tao, hindi nakukuha ang gusto niya, at nananatiling hindi nalutas ang mga problema niya na nangangailangan ng paglulutas; nawawalan siya ng interes at ayaw nang magpatuloy sa pagsisiyasat. Hindi ba’t isa itong problema sa tagapangaral ng ebanghelyo? Hindi nauunawaan ng tagapangaral ng ebanghelyo ang katotohanan, o wala siyang espirituwal na pang-unawa, at kaya, ganap niyang hindi batid kung ano ang kinakailangan ng ibang tao, nabibigong makapagbigay ng punto kapag nagsasalita siya, patuloy na nagpapaligoy-ligoy nang pagkahaba-haba, at talagang hindi nilulutas ang mga isyu ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo—paano siya posibleng magkakamit ng mga tao sa ganitong paraan ng pangangaral ng ebanghelyo?
Binabalewala ng mga huwad na lider ang anumang mga isyung kinakaharap nila sa gawain nila. Anuman ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo, at paano man ginugulo at naaapektuhan ng masasamang tao ang gawaing ito, hindi nila pinapansin ang alinman sa mga ito, na parang wala itong kinalaman sa kanila. Magulo ang isip ng mga huwad na lider sa gawain nila; may mga resulta man ang isang partikular na indibidwal o sumusunod man siya sa mga katotohanang prinsipyo sa tungkulin niya, hindi siya naglalaan ng pangangasiwa o pagsusuri, na nagpapahintulot sa mga tao na malayang kumilos anuman ang mga kahihinatnan. Nagiging dahilan ito ng hindi pagkalutas kailanman ng mga paglihis at kapintasang lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo, at humahantong ito sa paglayo ng di-masabing bilang ng mga tao na naghahanap sa tunay na daan, hindi sila madala sa harap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, sinasabi ng ilang tao, “Ang totoo, may nangaral sa akin ng ebanghelyo tatlong taon na ang nakakaraan. Hindi naman sa ayaw ko itong tanggapin o sa naniwala ako sa negatibong propaganda; napakairesponsable lang ng tao na nangaral sa akin. Hindi niya masagot ang mga tanong ko, at hindi siya malinaw na nagbabahagi noong hinanap ko ang katotohanan, nagsasabi lang ng ilang walang-kuwentang salita. Dahil dito, ang nagawa ko lang ay umalis sa pagkadismaya.” Pagkalipas ng tatlong taon, matapos ang pagsisiyasat online at pagkatapos ay paghahanap at pakikipagbahaginan kasama ang mga kapatid, nalutas ng mga taong ito ang lahat ng kuru-kuro at pagkalito sa mga puso nila isa-isa, ganap na nakukumpirma na ito nga ang Diyos na nagpapakita at gumagawa ng gawain, at tinatanggap nila ito. Ito ang pagtanggap nila sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng sarili nilang paghahanap at pagsisiyasat. Kung malinaw na nakapagbahagi ang taong nangaral ng ebanghelyo tungkol sa katotohanan at nalutas niya ang mga kuru-kuro at katanungan nila tatlong taon na ang nakakaraan, mas maaga nang tatlong taon na sana nila itong natanggap. Napakaraming paglago ng buhay ang naantala sa tatlong taon na ito! Dapat itong ituring na pagpapabaya sa responsabilidad sa bahagi ng mga nangangaral ng ebanghelyo at direkta itong nauugnay sa hindi nila pagkaunawa sa katotohanan. Talagang hindi lang nakatuon ang ilang manggagawa ng ebanghelyo sa pagsasangkap ng mga sarili nila gamit ang katotohanan, kaya lang nilang maglitanya ng ilang doktrina nang hindi nakakalutas ng mga kuru-kuro o aktuwal na isyu ng mga tao. Dahil dito, maraming tao ang hindi tumanggap sa ebanghelyo nang napapanahon noong narinig nila ito, inaantala ang paglago nila sa buhay nang ilang taon. Dapat sabihin na responsable rito ang mga lider na namamahala sa gawain ng ebanghelyo dahil sa kulang nilang paggabay at hindi sapat na pangangasiwa. Kung tunay na may pasanin ang mga lider at manggagawa at kaya nilang magtiis ng kaunti pang pagdurusa, magsagawa ng higit pang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at magpakita ng kaunti pang katapatan, malinaw na nagbabahagi tungkol sa lahat ng aspekto ng katotohanan, nang sa gayon ay magawa ng mga manggagawang iyon ng ebanghelyo na magbahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga kuru-kuro at pagdududa ng mga tao, bubuti nang bubuti ang mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo. Magbibigay-daan ito sa mas maraming tao na nagsisiyasat sa tunay na daan para mas maaga nilang matanggap ang gawain ng Diyos at bumalik sa harap ng Diyos para matanggap ang Kanyang pagliligtas sa lalong madaling panahon. Naaantala ang gawain ng iglesia dahil lang lubhang pabaya ang mga huwad na lider sa mga responsabilidad nila, hindi gumagawa ng tunay na gawain o sumusubaybay at nangangasiwa sa gawain, at hindi kayang magbahagi ng katotohanan para ayusin ang mga problema. Siyempre, dahil din ito sa pagpapasasa ng mga huwad na lider na ito sa mga pakinabang ng katayuan, talagang hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi handang subaybayan, pangasiwaan, o direktahan ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—na ang resulta ay ang mabagal na pag-usad ng gawain, at ang pagkabigo na maagap na maituwid o malutas ang maraming gawang-taong paglihis, kahangalan, at walang-pakundangang paggawa ng mali, na lubhang nakakaapekto sa pagiging epektibo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Saka lang naitutuwid ang mga problemang ito kapag natuklasan na ang mga ito ng ang Itaas at sinabihan ang mga lider at manggagawa na dapat nilang ayusin ang mga ito. Tulad ng mga taong bulag, hindi kaya ng mga huwad na lider na ito na makatuklas ng anumang mga problema, at talagang walang mga prinsipyo sa paraan nila sa paggawa ng mga bagay-bagay, at gayunman ay wala silang kakayahang mapagtanto ang sarili nilang mga pagkakamali, at inaamin lang nila ang mga kamalian nila kapag pinungusan sila ng ang Itaas. Kaya, sino ang may kakayahang akuin ang responsabilidad para sa mga kawalang idinulot ng mga huwad na lider na ito? Kahit na tanggalin sila mula sa mga posisyon nila, paano pa mababawi ang mga kawalang idinulot nila? Kaya’t kapag natuklasan na may mga huwad na lider na walang kakayahang gumawa ng anumang tunay na gawain, dapat silang tanggalin kaagad. Sa ilang iglesia, talagang mabagal ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo, at dahil lang ito sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, pati na rin sa masyadong maraming pagkakataon ng pagpapabaya at pagkakamali sa parte nila.
Sa lahat ng iba’t ibang aytem ng gawain na ginagawa ng mga huwad na lider, talagang maraming isyu, paglihis, at kapintasan na kailangan nilang lutasin, ituwid, at remedyuhan. Gayumpaman, dahil walang pagpapahalaga sa pasanin ang mga huwad na lider na ito, nagpapasasa lang sa mga pakinabang ng katayuan nila nang walang ginagawang anumang tunay na gawain, dumarating sila sa puntong nagugulo nila ang gawain. Sa ilang iglesia, hindi nagkakaisa ang mga tao sa mga isipan nila, ang lahat ay naghihinala, nagbabantay, at nananabotahe sa isa’t isa, habang natatakot na matiwalag ng sambahayan ng Diyos. Nahaharap sa mga sitwasyong ito, hindi kumikilos ang mga huwad na lider para lutasin ang mga ito, nabibigong gumawa ng anumang tunay at espesipikong gawain. Humihinto ang gawain ng iglesia, pero hindi man lang sumasama ang loob ng mga huwad na lider dahil dito, naniniwala pa ring gumawa na sila mismo ng maraming gawain at hindi nila naantala ang gawain ng iglesia. Likas na walang kakayahan ang gayong mga huwad na lider na gampanan ang gawain ng pagtutustos ng buhay, ni hindi nila kayang maglutas ng mga aktuwal na problema ayon sa katotohanan. Nagsasagawa lang sila ng kaunting gawain ng pangkalahatang usapin na espesyal na itinalaga at itinakda ng ang Itaas, na tila ang gawain nila ay ginagawa lang para sa ang Itaas. Pagdating sa mahalagang gawain ng iglesia na palaging hinihingi ng ang Itaas—tulad ng gawain ng pagtutustos ng buhay at ng gawain ng paglilinang ng mga tao—o mga partikular na espesyal na gampaning idinirekta ng ang Itaas, hindi nila alam kung paano ito gawin at hindi nila ito kayang gawin. Iniaatas lang nila ang mga gampaning ito sa iba at pagkatapos ay itinuturing na nilang tapos ang trabaho nila. Ginagawa nila kung ano ang mismong ibinilin ng ang Itaas sa kanila, at kumikilos lang nang kaunti kapag inudyukan; kung hindi, wala silang ginagawa at pabasta-basta sila—mga huwad na lider ang mga ito. Ano ang isang huwad na lider? Sa madaling salita, isa itong tao na hindi gumagawa ng tunay na gawain, na hindi ginagawa ang trabaho niya bilang isang lider, nagpapakita ng malubhang pagpapabaya sa responsabilidad sa kritikal at mahalagang gawain at hindi kumikilos—isa itong huwad na lider. Nagpapakaabala lang ang mga huwad na lider sa mga paimbabaw na pangkalahatang usapin, napagkakamalan itong paggawa ng tunay na gawain, at sa aktuwal, pagdating sa trabaho nila bilang isang lider at sa kritikal na gawaing itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ginagawa nang maayos ang alinman dito. Dagdag pa rito, madalas na lumilitaw ang mga isyu sa loob ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia na nangangailangan ng paglutas ng lider, pero hindi niya malutas ang mga ito, madalas na gumagamit ng isang mapang-iwas na saloobin, at hindi siya mahanap ng mga kapatid kapag gusto nilang malutas ang isang isyu. Kung mahanap man nila ang lider, umiiwas ito sa kanila gamit ang dahilang masyado itong abala sa gawain at hinihiling nito sa mga kapatid na basahin ang mga salita ng Diyos nang sila-sila lang at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema nila nang nakapagsasarili, nagpapakita ng walang-pakialam na pag-uugali. Sa huli, humahantong ito sa mga naipon na napakaraming di-nalutas na isyu, na pumipigil sa pag-usad sa lahat ng aytem ng gawain at nagpapatigil sa gawain ng iglesia. Ito ang kahihinatnan ng hindi paggawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain. Hindi kailanman masigasig o masipag ang mga huwad na lider pagdating sa mga pangunahin nilang responsabilidad, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang iba’t ibang isyu. Nangangahulugan ito na tiyak na walang kakayahan ang mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain at lutasin ang anumang mga isyu. Mahusay ang mga huwad na lider sa pangangaral ng mga salita at doktrina, pagsisigaw ng mga islogan, at panghihikayat sa iba, nakatuon lang sa pagpapakaabala sa mga sarili nila sa gawain ng pangkalahatang usapin. Tungkol sa mahalagang gawain ng iglesia na ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos, tulad ng pagtutustos ng buhay at pagbabahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, hindi nila alam kung paano gawin ang mga ito, hindi sila nagsasanay para matutunan kung paano, at hindi kayang maglutas ng anumang tunay na problema—mga huwad na lider ang mga ito.
Kapag hinihiling na gabayan ang gawaing nakabatay sa teksto tulad ng pagsulat ng mga iskrip, pagsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at iba pang espesipikong gampanin, iniisip ng ilang huwad na lider na dahil paggabay lang ito, hindi nila kailangang gumawa ng anumang kongkretong gawain, kaya sa halip ay nagpapagala-gala lang sila. “Zhang,” sinasabi nila, “kumusta ang artikulo mo?” “Malapit nang matapos.” “Li, mayroon ka bang anumang paghihirap sa pagsusulat ng iskrip na iyan?” “Oo, puwede mo ba akong tulungang lutasin ang mga iyon?” “Pag-usapan ninyong lahat ito nang kayo-kayo. Magdasal pa kayo lalo.” Hindi lang nabibigo ang mga huwad na lider na ito sa paggabay at pagtulong sa mga kapatid, hindi rin sila nakatuon sa maayos na paggawa ng sarili nilang trabaho, palaging gumagala-gala, at namumuhay ng isang nakakalibang at komportableng buhay. Sa panlabas, tila sinusuri nila ang gawain, pero ang totoo hindi nila nilulutas ang anumang mga problema—talagang hindi sila gumagawa ng tunay na gawain! Iyong mahuhusay na opisyal sa ilang bansa sa mundong walang pananampalataya ay gayundin ang pagiging tiwaling tao, pero maging sila ay labis na nakahihigit sa mga huwad na lider na ito, na walang pagpapahalaga sa responsabilidad na taglay ng mga opisyal na ito. Halimbawa, kasunod ng pagsiklab ng pandemya, nagsimula ang mga bansa sa buong mundo na magpatupad ng mga hakbang ng pag-iwas. Sa kalaunan, sumang-ayon ang karamihan sa mga bansang ito na epektibo ang mga pagsisikap sa pag-iingat ng Taiwan, na nangangahulugang ginawa ng mga opisyal ng pamahalaan ng Taiwan ang mga gampanin nila sa pagtugon sa pandemya sa pinakamatataas na pamantayan at nang may sukdulang detalye. Para sa isang bansa ng sekular na mundo, para sa mga opisyal at politiko na kasama sa tiwaling sangkatauhan, ang pagtupad ng isang gampanin sa pinakamatataas na pamantayan at nang may gayong sukdulang detalye ay tunay na kahanga-hanga. Maraming opisyal sa Europa ang gustong bumisita at matuto mula sa Taiwan; mula sa perspektibang ito, ang mga opisyal ng pamahalaan ng Taiwan ay lubos na nakahihigit sa mga opisyal ng ibang mga bansa. Dahil lang sa karamihan sa mga opisyal nila ay may kakayahang gumawa ng kongkretong gawain at kayang ilagay ang puso nila sa pagsasakatuparan ng mga responsabilidad nila, nagpapatunay ito na pasok sa pamantayan ang mga opisyal na ito. Palaging pabasta-basta ang ilang lider at manggagawa sa iglesia kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila, at paano man sila pungusan, hindi ito epektibo. Naiisip Kong hindi pa nga pumapantay ang katangian ng mga lider at manggagawang ito sa mga katangian ng mga opisyal mula sa mundong walang pananampalataya na kayang gumawa ng aktuwal na gawain. Sinasabi ng karamihan sa kanila na nananampalataya sila sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, pero ang totoo, hindi sila handang magbayad ng halaga. Napakaraming katotohanan ang itinutustos sa kanila, pero ganoon ang saloobin nila sa paggampan ng tungkulin nila. Ang resulta, lahat sila ay nagiging mga huwad na lider, na lubos na nagkukulang kung ikukumpara sa mga mas nakatataas na opisyal sa pamahalaan! Hindi naman talaga mataas ang mga hinihingi Ko sa mga tao; hindi Ko hinihingi na maunawaan ng mga tao ang masyadong maraming katotohanan o magkaroon ng masyadong mataas na kakayahan. Ang pinakamababang pamantayan ay ang pagkilos nang may konsensiya at ang pagtupad ng mga responsabilidad ng isang tao. Kung wala nang iba pa, sa kaliit-liitan man lang, dapat kang maging karapat-dapat sa kinakain mo araw-araw at sa ibinigay na gawain ng Diyos sa iyo; sapat na iyon. Ngunit nagawa na ang gawain ng Diyos hanggang ngayon, at kaya ba ng maraming tao na kumilos nang may konsensiya? Nakikita Ko na nagsasalita at kumikilos nang may sinseridad ang ilang opisyal sa mga demokratikong bansa. Hindi sila gumagawa ng mga pagmamalabis o nagsasalita ng matatayog na teorya, lalong metikuloso at tunay ang pananalita nila, at kaya nilang asikasuhin ang maraming tunay na usapin. Talagang napakahusay ng gawain nila, tunay na sumasalamin sa integridad at pagkatao nila. Kung titingnan ang karamihan sa mga lider at manggagawa sa iglesia ngayon, sa gawain nila, iniraraos nila ang gawain at nagpapabasta-basta, hindi sila nagkamit ng mga napakagandang resulta, at hindi nila lubusang natupad ang mga responsabilidad nila. Pagkatapos maging mga lider, nagiging mga relihiyoso silang opisyal, nagpapakita sila ng pagmamataas at nagbibigay ng mga utos, at hindi sila gumagawa ng totoong gawain. Nakatuon lang sila sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan nila, at gusto nilang nakasunod ang lahat sa kanila at umiikot sa palibot nila. Bihira silang makibahagi nang malalim sa mga pinakamababang antas para lumutas ng mga tunay na problema. Sa puso nila, lumalayo sila nang lumalayo sa Diyos. Ganap nang hindi matutubos ang ganitong mga uri ng mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa! Nagbahagi Ako nang napakabuong-ingat tungkol sa katotohanan, pero hindi ito tinatanggap ng mga lider at manggagawang ito, pilit silang kumakapit sa mga mali nilang ideya, at hindi sila naaantig. Palaging pabasta-basta ang saloobin nila sa mga tungkulin nila, at wala silang ni katiting na intensyong magsisi. Nakikita Ko na ang mga taong ito ay walang konsensiya, walang katwiran, talagang hindi tao! Pagkatapos ay nagninilay Ako: Kailangan pa rin bang makipagbahaginan nang paulit-ulit sa ganitong mga uri ng tao tungkol sa mga katotohanang ito? Kailangan Ko bang gawing napakaespesipiko ang pakikipagbahaginan? Kailangan Ko bang tiisin ang pagdurusang ito? Kalabisan ba ang mga salitang ito? Pagkatapos ng kaunting pag-iisip, nagpasya Akong dapat pa rin Akong magsalita, dahil kahit na walang epekto ang mga salitang ito sa mga wala ni katiting na konsensiya o katwiran, kapaki-pakinabang ang mga ito para sa mga tao na, kahit na medyo mababa ang kakayahan, kayang tanggapin ang katotohanan at taos-pusong gampanan ang mga tungkulin nila. Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider at hindi nila isinasakatuparan ang mga responsabilidad nila, pero iyong mga naghahanap sa katotohanan ay matututo ng mga aral, mabibigyan ng inspirasyon, at makakahanap ng landas para sa pagsasagawa mula sa mga salita at usaping ito. Hindi ganoon kadali ang buhay pagpasok; nang walang sinumang susuporta at magtutustos, nang walang paghihimay at paglilinaw ng bawat aspekto ng katotohanan, napakahina ng mga tao, madalas na natatagpuan ang mga sarili nila sa kawalan ng magagawa at pagkalito, isang kalagayan ng pagiging negatibo at pasibo. Samakatwid, sa maraming pagkakataon, kapag nakikita Ko ang mga huwad na lider na ito, humihina ang loob Kong makipagbahaginan sa kanila. Gayumpaman, kapag iniisip Ko ang pagdurusang tiniis at ang mga halagang binayaran ng mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos at ng mga tapat na gumagampan sa mga tungkulin nila, nagbabago ang isipan Ko. Walang ibang dahilan kundi ito: Kahit na 30 hanggang 50 katao—o sa kaliit-liitan ay 8 o 10 katao—ang kayang taos-pusong igugol ang sarili nila at maging tapat sa paggampan ng mga tungkulin nila, at handang makinig at magpasakop, sulit ang pagsasabi ng mga salitang ito. Hindi Ako magkakaroon ng motibasyong magsalita at makipagbahaginan sa mga taong walang konsensiya at katwiran; sobrang nakakapagod at walang saysay ang pakikipag-usap sa mga taong ito. Hindi hinahangad ng karamihan sa inyo ang katotohanan at hindi kayo nagbabayad ng halaga sa mga tungkulin ninyo—wala kayong pasanin o katapatan, nagraraos lang kayo ng gawain sa mga kilos ninyo, at atubili kayong gumagawa ng mga bagay-bagay sa pag-asang magkakamit kayo ng mga pagpapala. Sa aktuwal, isang di-nararapat na pabor para sa inyo ang pakikinig sa mga salitang ito. Nakikisakay kayo sa mga taos-pusong gumagampan ng mga tungkulin nila, sa mga tunay na nagbabayad ng halaga, sa mga nagtataglay ng katapatan at pasanin, at sa mga handang isagawa ang katotohanan. Para sa mga taong iyon ang mga salitang ito, at nagkakamit kayo ng isang di-nararapat na pabor sa pakikinig sa mga ito. Kung titingnan mula sa perspektibang ito—ibig sabihin, na ang karamihan sa inyo ay may saloobin ng pagraraos sa gawain nang walang anumang kasigasigan sa mga tungkulin ninyo—hindi kayo karapat-dapat na makarinig sa mga salitang ito. Bakit hindi kayo karapat-dapat? Dahil kahit makinig kayo, walang saysay ang lahat ng ito; gaano man karami ang nasasabi o gaano man ito kadetalyado, iniraraos lang ninyo ang pakikinig, hindi isinasagawa ang mga salitang ito gaano man karami ang nauunawaan ninyo pagkatapos ninyong pakinggan ang mga ito. Kanino dapat sabihin ang mga salitang ito? Sino ang karapat-dapat na makarinig sa mga ito? Iyon lang mga handang magbayad ng halaga, ang mga kayang igugol nang taos-puso ang mga sarili nila, at ang mga tapat sa mga tungkulin at atas nila ang karapat-dapat na makinig. Bakit Ko sinasabing karapat-dapat silang makinig? Dahil sa sandaling naunawaan na nila ang kaunting katotohanan pagkatapos makinig, maisasagawa nila ito, at isinasagawa nila kung ano ang nauunawaan nila; hindi sila tuso at hindi sila tamad; at tinatrato nila ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos nang may saloobin ng sinseridad at pananabik, kayang mahalin at tanggapin ang katotohanan. Kaya, pagkatapos nilang makinig, ang mga salitang ito ay may epekto sa kanila at nagkakamit ng resulta.
Pebrero 13, 2021