Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4) Ikatlong Seksiyon

Hindi Nagsusubaybay o Nagbibigay ng Direksyon ang mga Huwad na Lider Tungkol sa Gawain

Kakatalakay pa lang natin ng aspektong ito ng ikalimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “manatiling mayroong kaalaman at pagkaunawa tungkol sa estado ng bawat aytem ng gawain.” Sa pagtalakay sa aspektong ito, inilantad natin ang ilang espesipikong pagpapamalas ng mga huwad na lider, gayundin ang pagkatao at katangian nila. Ngayon, tingnan natin ang “pagpapanatili ng pagkakaroon ng kaalaman at pagkaunawa tungkol sa pag-usad ng bawat aytem ng gawain.” Siyempre, medyo nauugnay ang pag-usad ng gawain sa estado ng gawain, medyo malapit ang kaugnayan. Kung hindi mapapanatili ng isang tao ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa estado ng isang aytem ng gawain, hindi rin niya mapapanatili ang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa pag-usad ng gawain. Halimbawa, kung paano ang pag-usad ng gawain, hanggang sa anong yugto ito umusad, kung ano ang mga kalagayan ng mga tao na kasangkot, kung may anumang mga paghihirap sa mga propesyonal na aspekto, kung may anumang bahagi ng gawain na hindi tumutugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kung ano ang mga resultang nakamit, kung natututo ba ang sinumang mga manggagawa na hindi masyadong mahusay sa mga propesyonal na aspekto ng gawain, kung sino ang nag-oorganisa ng pagkatuto, kung ano ang natututunan nila, kung paano sila natututo, at iba pa—nauugnay ang lahat ng espesipikong isyung ito sa pag-usad. Halimbawa, hindi ba’t napakaimportante ng gawain ng pagkatha ng mga himno? Sa isang himno, mula sa unang pagpili ng mahahalagang sipi ng mga salita ng Diyos hanggang sa pagkumpleto ng komposisyon, anong mga espesipikong gampanin ang kinakailangang gawin sa prosesong ito? Una, kinakailangang pumili ng mahahalagang sipi ng mga salita ng Diyos na akma para maging mga himno, at dapat nasa angkop na haba rin ang mga ito. May kinalaman ang ikalawang hakbang sa pagpapasya kung aling estilo ng melodiya ang naaangkop sa sipi para gawin itong kaaya-aya at kasiya-siyang kantahin. Pagkatapos, dapat hanapin ang mga tamang tao na kakanta sa himno. Hindi ba’t mga espesipikong gampanin ang mga ito? (Oo.) Pagkatapos makatha ang isang himno, hindi man lang nagsisiyasat ang huwad na lider tungkol sa kung kalipikado ang komposisyon o angkop ang estilo. Ang kompositor, na napapansin ang kawalan ng pangangasiwa, ay personal na nararamdamang sapat na ito at nagpapatuloy sa pagrekord nito. Ang sipi ng mga salita ng Diyos na inaabangan ng lahat ng tao na gawing isang himno ay nilapatan na ng musika at ginawa nang isang himno sa wakas, pero tingin ng karamihan ay may mga kapintasan pa rin ito kapag kinakanta. Anong problema ang lumilitaw? Hindi pasado sa inaasahan ang himno: Nairekord ito sa kabila ng kakulangan ng melodiya at dating. Pagkatapos itong pakinggan, nagtatanong ang huwad na lider, “Sino ang kumatha ng himnong ito? Bakit ito inirekord?” Sa sandaling itanong niya ang katanungang ito, hindi bababa sa isang buwan ang lumipas na. Sa buwan na ito, hindi ba’t dapat sinubaybayan at maagap na inalam ng lider ang pag-usad ng gawaing ito? Halimbawa, kumusta ang pag-usad ng komposisyon? Tinukoy ba ang pangunahing himig? Nagkaroon ba ito ng melodiya? Tumugma ba sa mga salita ng Diyos ang melodiya at estilo ng himnong ito? Nakatulong ba sa paggabay ang mga indibidwal na may nauugnay na karanasan? Matapos itong mabuo, maaari bang kantahin ang himnong ito nang malawakan? Ano ang magiging epekto nito? Maituturing bang maganda ang himig? Palaging bigo ang huwad na lider na subaybayan ang mga usaping tulad nito. At may isa siyang dahilan sa hindi pagsubaybay: “Hindi ko nauunawaan ang pagkatha ng himno. Paano ko masusubaybayan ang isang bagay na hindi ko nauunawaan? Imposible ito.” Isa bang lehitimong dahilan ito? (Hindi.) Hindi ito isang lehitimong dahilan; kung gayon, kaya ba ng isang taong hindi pamilyar sa paggawa ng mga himno na magsubaybay pa rin? (Oo.) Paano siya dapat sumubaybay? (Puwede siyang makipagtulungan sa mga kapatid, at suriin ang melodiya ayon sa mga prinsipyo para tingnan kung angkop ito; puwede niyang praktikal na subaybayan ang gawain, sa halip na maghugas-kamay rito.) Ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay pagdadaldal tungkol sa doktrina at pag-uulit ng mga islogan. Matapos ilabas ang kanilang mga utos, naghuhugas-kamay na lang sila tungkol sa bagay na iyon. Hindi sila nagtatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng gawain; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, paglihis, o paghihirap. Itinuturing nilang tapos na ang kanilang trabaho sa sandaling italaga nila ang gawain. Sa katunayan, bilang isang lider, matapos isaayos ang gawain, dapat mong subaybayan ang pag-usad ng gawain. Kahit hindi ka pamilyar sa larangang iyon ng gawain—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—makakahanap ka ng paraan para magawa ang gawain mo. Makakahanap ka ng isang taong tunay na nakakaarok dito, na nakakaunawa sa naturang propesyon, para magsuri at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain. Pamilyar ka man o hindi o nauunawaan mo man o hindi ang propesyong pinag-uusapan, sa pinakamababa ay kailangan mong pangunahan ang gawain, subaybayan ito, at patuloy na mag-usisa at magtanong tungkol sa pag-usad nito. Kailangan mong magkaroon ng pagkaintindi tungkol sa gayong mga bagay; ito ang responsabilidad mo, bahagi ito ng iyong trabaho. Ang hindi pagsubaybay sa gawain, hindi paggawa ng higit pa sa sandaling naitalaga na ito, ang paghuhugas-kamay mo rito—ito ang paraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang hindi pagsusubaybay o pagbibigay ng direksiyon sa gawain, hindi pag-uusisa o paglulutas sa mga isyung lumilitaw, at hindi pag-aarok sa pag-usad o kahusayan ng gawain—mga pagpapamalas din ang mga ito ng mga huwad na lider.

Hindi Gumagawa ng Tunay na Gawain ang mga Huwad na Lider, na Siyang Nagpapaantala sa Pag-usad ng Gawain

Dahil hindi inaalam ng mga huwad na lider ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at dahil hindi nila kayang agad na matukoy—lalo na nilang hindi kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, madalas humahantong ito sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na maging responsable para dito o mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, pasibo, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng mga lider ang kanilang mga responsabilidad—kung pinamahalaan nila ang gawain, isinulong ito, pinangasiwaan ito, at naghanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang gawain, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maarok ang estado ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na maunawaan at maarok ng mga lider kung paano umuusad ang gawain, sapagkat ang pag-usad ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamit. Kung ang mga lider at manggagawa ay walang pagkaunawa sa kung paano umuusad ang gawain ng iglesia, at hindi nila sinusubaybayan o pinangangasiwaan ang mga bagay, kung gayon, tiyak na magiging mabagal ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Ito ay dahil sa katunayan na ang karamihan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin ay lubhang salaula, walang pagpapahalaga sa pasanin, at madalas na negatibo, pasibo, at pabasta-basta. Kung walang sinuman ang may pagpapahalaga sa pasanin at kapabilidad sa gawain ang umaako ng responsabilidad sa gawain sa kongkretong paraan, napapanahon na inaalam ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at ginagabayan, pinapangasiwaan, dinidisiplina, at pinupungusan ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin, kung gayon ay likas na magiging napakababa ng antas ng kahusayan sa gawain at magiging napakababa ng mga resulta sa gawain. Kung hindi man lang ito malinaw na nakikita ng mga lider at manggagawa, sila ay mga hangal at bulag. Kaya naman, dapat na agad na siyasatin, subaybayan, at arukin ng mga lider at manggagawa ang pag-usad ng gawain, siyasatin kung anong mga problema ng mga taong gumagawa ng mga tungkulin ang kailangang malutas, at unawain kung aling mga problema ang dapat lutasin para magkamit ng mas magagandang resulta. Napakahalaga ng lahat ng bagay na ito, dapat maging malinaw ang mga bagay na ito sa isang taong gumaganap bilang lider. Upang magawa nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ka dapat tumulad sa isang huwad na lider, na gumagawa ng mababaw na gawain, at pagkatapos ay iisipin niyang nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Walang ingat at pabaya ang mga huwad na lider sa gawain nila, wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi nila nilulutas ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, at kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, mababaw lang nila iyong naiintindihan at hinaharap nang pabasta-basta ang mga ito; nagsasabi lang sila ng mga salitang matayog pakinggan, naglilitanya sila ng mga doktrina at pananalitang walang kabuluhan, at iniraraos lang nila ang gawain nila. Sa pangkalahatan, ito ang kalagayan kung paano gumagawa ng gawain ang mga huwad na lider. Bagama’t kung ikukumpara sa mga anticristo, walang ginagawang lantarang masama ang mga huwad na lider at hindi sadyang gumagawa ng masama, kung titingnan mo ang pagiging epektibo ng kanilang gawain, patas na ilarawan sila bilang pabasta-basta, hindi nagdadala ng pasanin, bilang iresponsable at walang katapatan sa gawain nila.

Katatapos pa lang natin ngayon na magbahaginan tungkol sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, at hindi inuunawa at inaalam ang pag-usad ng bawat aytem ng gawain. Tungkol sa mga problema at paghihirap na lumilitaw sa gawain ng iglesia, totoo rin na hindi lang talaga pinapansin ng mga huwad na lider ang mga ito o nagbubulalas lang sila ng kaunting doktrina at nanggagaya ng ilang islogan para ipagwalang-bahala ang mga ito. Sa lahat ng aytem ng gawain, hindi sila kailanman makikitang pumupunta mismo sa lugar ng gawain para subukang unawain at subaybayan ang gawain. Hindi sila makikitang nagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema roon, at lalo pa ngang hindi sila makikitang personal na nagdidirekta at nangangasiwa sa gawain, para pigilang magkaroon ng mga kapintasan at paglihis dito. Ito ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng pabasta-bastang paraan kung saan gumagawa ang mga huwad na lider. Bagama’t ang mga huwad na lider, hindi tulad ng mga anticristo, ay hindi naglalayong gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, ni hindi sila gumagawa ng iba’t ibang kasamaan at nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, nagdudulot ng mga napakalaking hadlang sa gawain ng iglesia ang iba’t ibang pabasta-bastang pag-uugali nila, kaya walang-katapusang lumilitaw at hindi nalulutas ang iba’t ibang problema. Malubha itong nakakaapekto sa pag-usad ng bawat aytem ng gawain ng iglesia, at nakakaapekto sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Hindi ba’t dapat itiwalag ang gayong mga huwad na lider? Hindi makagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider—may malakas na simula ang anumang gawin nila pero unti-unti itong humihina sa huli. Isang tagapagsimula ng seremonya ang papel na ginagampanan nila: Nagbibigkas sila ng mga islogan at nangangaral ng mga doktrina, at kapag naitalaga na nila ang gawain sa iba at naisaayos na kung sino ang magiging responsable rito, tapos na sila. Pareho sila sa nakakabinging malalakas na ispiker na nakikita sa mga rural na bahagi ng Tsina—hanggang dito lamang ang papel na ginagampanan nila. Gumagawa lang sila ng kaunting panimulang gawain; para sa natitirang bahagi ng gawain, hindi sila makikita kahit saan. Para naman sa mga espesipikong tanong tulad ng kung kumusta ang pagsulong ng bawat aytem ng gawain, kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo, at kung epektibo ba ito—hindi nila alam ang mga sagot. Hindi sila kailanman malalimang nakikisalamuha sa mga pinakamababang antas at bumibisita sa lugar ng gawain para unawain at alamin ang pag-usad at mga detalye ng bawat aytem ng gawain. Samakatwid, maaaring hindi naglalayon ang mga huwad na lider na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, o gumawa ng iba’t ibang kasamaan sa panahon ng panunungkulan nila bilang mga lider, pero, sa katunayan, pinaparalisa nila ang gawain, inaantala ang pag-usad ng bawat aytem ng gawain ng iglesia, at ginagawang imposible para sa mga hinirang ng Diyos na magampanan nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito at magkamit ng buhay pagpasok. Sa ganitong paraan ng paggawa, paano nila posibleng maaakay ang mga hinirang ng Diyos sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Ipinapakita nito na hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga huwad na lider. Hindi nila nasusubaybayan ang gawaing sila dapat ang responsable o naibibigay ang wastong paggabay at pangangasiwa para matiyak na normal ang pag-usad ng gawain ng iglesia; nabibigo silang gampanan ang mga nilalayong tungkulin ng mga lider at manggagawa, at hindi nila nagagampanan ang katapatan o mga responsabilidad nila. Nagpapatunay ito na hindi tapat ang mga huwad na lider sa kung paano nila ginagampanan ang mga tungkulin nila, na pabasta-basta lang sila; nililinlang nila kapwa ang mga hinirang ng Diyos at ang Diyos Mismo, at naaapektuhan at hinahadlangan nila ang pagsasagawa ng Kanyang kalooban. Kitang-kita ng lahat ang katunayang ito. Maaaring ang isang huwad na lider ay talagang hindi sapat na mahusay para sa gawain; maaari ding tinatakasan niya ang gawain niya at sinasadyang magpabasta-basta. Alinman sa dalawa, nananatiling tunay na ginugulo niya ang gawain ng iglesia. Wala ni kaunting pag-usad ang nagagawa sa bawat aytem ng gawain ng iglesia, at nananatiling hindi nalutas ang isang bunton ng naipong problema sa loob ng mahabang panahon. Hindi lang nito naaapektuhan ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo, kundi malubha rin nitong hinahadlangan ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Sapat ang mga katunayang ito para ipakita na hindi lang sa hindi kaya ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain, kundi nagiging mga balakid din sila sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at mga hadlang sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa iglesia.

Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider at hindi nila kayang maglutas ng mga tunay na problema. Hindi lang nito naaantala ang pag-usad ng gawain at naaapektuhan ang mga resulta nito, kundi nagdudulot rin ito ng malulubhang kawalan sa gawain ng iglesia, inaaksaya ang maraming manggagawa, materyal na kagamitan, at mapagkukunang pinansiyal. Samakatwid, dapat bayaran ng mga huwad na lider ang mga ekonomikong kawalan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung dapat na bayaran ng mga lider at manggagawa ang mga kawalang idinulot ng hindi nila paggampan ng gawain nila nang maayos, walang sinuman ang magnanais na maging isang lider o manggagawa.” Hindi kalipikadong maging mga lider o manggagawa ang gayong mga iresponsableng tao. Iyong mga walang konsensiya o katwiran ay masasamang tao—hindi ba’t nakakabagabag ito kung gusto ng masasamang tao na maging mga lider at manggagawa? Dahil may kinalaman sa mga ekonomikong gastusin ang karamihan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ba’t kinakailangang kuwentahin ang mga ito? Puwede bang aksayahin at lustayin ng mga tao ang mga handog para sa Diyos ayon sa gusto nila? Anong karapatan mayroon ang mga lider at manggagawa para lustayin ang mga handog para sa Diyos? Dapat pagbayaran ang pagdudulot ng ekonomikong kawalan; ganap itong likas at may katwiran, at ito ay hindi maikakaila ng sinuman. Halimbawa, sabihin nang may isang trabaho na maaaring makumpleto ng isang tao sa isang buwan. Kung aabutin ng anim na buwan para magawa ang trabahong ito, hindi ba’t maituturing na kawalan ang mga gastusin sa natitirang limang buwan? Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo. Sabihin nang handa ang isang tao na saliksikin ang tunay na daan at maaari siyang mahikayat sa isang buwan lang, pagkatapos ay papasok siya sa iglesia at patuloy na tatanggap ng pagdidilig at pagtutustos, at sa loob ng anim na buwan maaari siyang makapagtatag ng pundasyon. Pero kung ang saloobin ng taong nangangaral ng ebanghelyo sa usaping ito ay saloobin ng pagwawalang-bahala at pagiging pabasta-basta, at binabalewala rin ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila, at sa huli ay aabutin ng kalahating taon para mahikayat ang taong iyon, hindi ba’t katumbas ng kalahating taon na ito ang magiging kawalan sa buhay niya? Kung mahaharap siya sa malalaking sakuna at hindi pa siya nakapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan, malalagay siya sa panganib, at hindi ba’t mabibigo siya ng mga taong iyon kung gayon? Ang gayong kawalan ay hindi masusukat sa pera o mga materyal na bagay. Kung naantala ang pagkaunawa ng taong iyon sa katotohanan nang kalahating taon, at naantala ang pagtatatag niya ng pundasyon at ang pagsisimula niya sa paggampan ng tungkulin niya nang kalahating taon, sino ang mananagot para dito? Kaya bang akuin ng mga lider at manggagawa ang pananagutan para dito? Walang sinuman ang kayang pasanin ang pananagutan para sa pag-antala sa buhay ng isang tao. Dahil walang makakapasan sa pananagutan na ito, ano ang angkop na gawin ng mga lider at manggagawa? Anim lang na salita: Gawin ang abot ng makakaya ninyo. Gawin ang abot ng makakaya ninyo para gawin ang ano? Para tuparin ang sarili ninyong mga responsabilidad, gawin ang lahat ng makikita ninyo gamit ang sarili ninyong mga mata, mag-isip sa inyong isipan, at magkamit gamit ang sarili ninyong kakayahan. Ito ang paggawa sa abot ng makakaya ninyo, ito ay pagiging tapat at responsable, at ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa. Hindi itinuturing ng ilang lider at manggagawa ang pangangaral ng ebanghelyo bilang isang seryosong usapin. Iniisip nila, “Maririnig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos. Pagpapalain ang sinumang nagsisiyasat at tumatanggap; hindi pagpapalain ang sinumang hindi magsisiyasat at tatanggap, at nararapat na mamatay sa isang sakuna!” Hindi nagpapakita ng pagsasaalang-alang ang mga huwad na lider sa mga layunin ng Diyos, at hindi sila nagdadala ng pasanin para sa gawain ng ebanghelyo; hindi rin sila umaako ng pananagutan para sa mga baguhan na kakapasok lang sa iglesia, at hindi nila sineseryoso ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos—palagi silang nakatuon sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan nila. Gaano man karaming tao ang magsiyasat sa tunay na daan, hindi talaga sila nakakaramdam ng pagkabalisa, palaging may isang mentalidad ng pagraraos ng gawain, kumikilos tulad ng isang retiradong emperador o isang opisyal. Gaano man kahalaga o kaapurahan ang gawain, hindi sila kailanman nagpapakita sa eksena, at hindi sila nagtatanong at hindi nila inuunawa ang sitwasyon ng gawain, o hindi nila sinusubaybayan ang gawain at nilulutas ang mga problema. Nagsasaayos lang sila ng mga gampanin at iniisip na ganap nang tapos ang trabaho nila, at naniniwala silang maituturing na ito na paggawa ng gawain. Hindi ba ito pagiging pabasta-basta? Hindi ba ito panlilinlang kapwa sa mga nasa itaas at ibaba nila? Angkop ba ang gayong mga lider at manggagawa para gamitin ng Diyos? Hindi ba’t katulad lang sila ng mga opisyal ng malaking pulang dragon? Iniisip nila, “Ang pagiging isang lider o manggagawa ay parang paghawak lang ng isang katungkulan, at dapat tamasahin ng isang tao ang mga pakinabang ng katayuang ito. Ang pagkakaroon ng katungkulan ay nagbibigay sa akin ng pribilehiyong ito, na nagpapalaya sa akin mula sa pangangailangang dumalo sa lahat ng usapin. Kung palagi akong nasa eksena, nagsusubaybay ng gawain at umuunawa sa sitwasyon, talagang nakakapagod iyon, nakakapanliit! Hindi ko matatanggap ang gayong pagkapagod!” Ganito mismo gumawa ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa, nababahala lang sa pag-iimbot ng kaginhawahan at pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain, at ganap na walang anumang konsensiya o katwiran. Dapat talagang itiwalag ang gayong mga linta, at kahit na parusahan sila, nararapat ito sa kanila! Sa kabila ng maraming taon ng paggawa ng gawain ng iglesia, hindi alam ng ilang lider at manggagawa kung paano ipangaral ang ebanghelyo, lalong hindi nila alam kung paano magpatotoo. Kung hihilingin mo sa kanila na magbahagi tungkol sa lahat ng katotohanan ukol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hindi nila ito kaya. Kapag tinanong sila, “Ni minsan ba ay nagsumikap kang sangkapan ang sarili mo gamit ang katotohanan ng mga pangitain?” mag-iisip-isip ang mga huwad na lider, “Bakit dapat akong magsumikap nang gayon? Sa mataas kong katayuan, hindi para sa akin ang gampaning iyon; maraming iba ang gagawa nito.” Sabihin mo sa Akin, anong uri ng mga nilalang sila? Ginagawa na nila ang gawain ng iglesia sa loob ng maraming taon, pero hindi nila alam kung paano ipangaral ang ebanghelyo. At pagdating sa pagpapatotoo, kinakailangan nilang maghanap ng isang tagapangaral ng ebanghelyo na gagawa nito para sa kanila. Kung, bilang isang lider o manggagawa, hindi mo kaya na ipangaral ang ebanghelyo, magpatotoo, o makipagbahaginan sa mga tao tungkol sa mga katotohanan patungkol sa mga pangitain, ano ang kaya mong gawin? Ano ang mga responsabilidad mo? Naisakatuparan mo na ba ang mga ito? Hindi ba iniraraos mo lang ang kung ano na ang mayroon ka? Ano ba ang mayroon ka? Sino ang nagpahintulot sa iyo na magparaos sa kung ano na ang mayroon ka? Ni hindi man lang nagmasid at nakinig kailanman ang ilang superbisor ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo sa iba na nangangaral ng ebanghelyo. Ayaw nilang makinig; hindi sila puwedeng abalahin, matrabaho ito sa tingin nila, at wala silang pasensiya. Mga lider sila, hindi mo ba alam—mga opisyal, walang iba—kaya hindi nila ginagawa ang mga espesipikong gampaning ito; ipinapagawa nila ang mga ito sa mga kapatid. Ipagpalagay nang nakatagpo ang ilang manggagawa ng ebanghelyo ng isang taong mataas ang kakayahan, na humaharap sa lahat ng bagay nang may pagkataimtim, at na nagnanais na maunawaan ang ilang espesipikong katotohanan tungkol sa mga pangitain. Hindi kaya ng mga manggagawa ng ebanghelyo na magbahagi nang ganap na malinaw, kaya hinihiling nila sa mga lider nila na gawin ito. Natatagpuan ng mga lider ang sarili nila na walang masabi, at nagdadahilan pa nga, sinasabi na, “Hindi ko pa kailanman nagawa ang ganitong gawain mismo. Kayo na ang gumawa nito; susuportahan ko kayo. Kung lilitaw ang anumang mga problema, tutulungan ko kayong ayusin ang mga ito; susuportahan ko kayo. Huwag kayong mag-alala. Ano ang dapat ninyong katakutan kapag kasama natin ang Diyos? Kapag hinahanap ng isang tao ang tunay na daan, maaari kayong magpatotoo o magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain. Responsable lang ako para sa pagbabahagi tungkol sa mga katotohanan ng buhay pagpasok. Ang gawain ng pagpapatotoo ay mabigat ninyong pasanin na dapat ninyong dalhin, huwag kayong umasa sa akin.” Sa tuwing darating ang napakahalagang sandali ng pagpapatotoo sa pangangaral ng ebanghelyo, nagtatago sila. Alam na alam nilang wala sila ng katotohanan, kaya bakit hindi sila nagsusumikap na sangkapan ang mga sarili nila nito? Gayong alam na alam nila na wala sila ng katotohanan, bakit palagi silang desperadong nagsusumikap na maging mga lider? Wala silang anumang talento, at gayunman ay may lakas sila ng loob na kumuha ng anumang opisyal na posisyon—kukunin pa nga nila ang papel ng emperador kung hahayaan mo sila—masyado silang walang-hiya! Anuman ang antas ng pamumuno na hinahawakan nila, hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, pero nangangahas silang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nang walang nararamdamang anumang pagkakonsensiya. Hindi ba’t sila ay mga taong ganap na walang kahihiyan? Katanggap-tanggap pa kung hiniling sa iyo na magsalita sa isang wikang banyaga at hindi mo kaya; pero dapat posible ang pagbabahagi ng mga katotohanan ng pangitain at ng mga layunin ng Diyos sa wikang katutubo mo, hindi ba? Maaaring pagbigyan ang mga taong tatlo hanggang limang taon pa lang na nanampalataya sa kawalan nila ng kakayahang magbahagi tungkol sa katotohanan. Pero ang ilan ay halos 20 taon nang nananampalataya sa Diyos at kahit papaano ay hindi pa rin nila kayang magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain—hindi ba’t mga walang-silbing indibidwal ang gayong mga tao? Hindi ba’t mga wala silang kuwenta? Nagigilalas Akong marinig na nananampalataya sa Diyos ang isang tao sa loob ng maraming taon, pero hindi niya alam kung paano magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain. Ano ang nararamdaman ninyong lahat pagkatapos marinig ito? Hindi ba’t mahirap itong paniwalaan? Paano nila ginagawa ang gawain nila sa lahat ng taon na ito? Kapag hiniling sa kanila na magbigay ng paggabay para sa paggawa ng musika, hindi nila alam kung paano, at sinasabing masyadong mahirap ang bahaging ito ng pagkadalubhasa, na hindi ito isang bagay na mauunawaan ng karaniwang tao. Kapag hiniling sa kanila na magbigay ng paggabay sa gawain ng paggawa ng obra, o sa gawain ng paggawa ng pelikula, sinasabi nilang kinakailangan ng mga trabahong ito ang napakataas na antas ng teknikal na kasanayan para mapangasiwaan nila. Kapag hinihiling sa kanila na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, sinasabi nilang masyadong mababa ang antas ng kanilang pinag-aralan at hindi nila alam kung paano isulat ang mga ito, at na hindi sila kailanman nagsanay rito. Kung hindi nila kayang gawin ang ganitong mga uri ng trabaho, mapapatawad ito, pero likas na bahagi ng tungkulin nila ang gawain ng ebanghelyo. Labis silang pamilyar sa gawaing ito—hindi ba’t madali dapat ito para sa kanila? Ang pinakamahalagang aspekto ng pagbabahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain ay ang malinaw na pagbabahagi tungkol sa katotohanan ng tatlong yugto ng gawain. Sa una, walang gaanong karanasan ang mga tao sa paggawa nito at maaaring hindi nila maibahagi iyon nang mabuti, pero sa pagsasanay nito sa paglipas ng panahon, nakakaya nilang maging mas mahusay sa pakikipagbahaginan habang lalo nilang ginagawa ito, na nakakaya nilang magsalita sa isang organisadong paraan, nang may tumpak at malinaw na wika, at mahusay na paraan ng pagpapahayag. Hindi ba’t isa itong partikular na bahagi ng gawain ng pagkadalubhasa na dapat maging eksperto ang mga lider? Hindi ito tulad ng pagpupuwersa sa isang isda na mamuhay sa lupa, hindi ba? (Hindi, hindi nga.) Pero walang kakayahan ang gayong mga huwad na lider para gawin maging ang kaunting gawaing ito. At gayunman, nagseserbisyo pa rin sila bilang mga lider? Ano pa ang ginagawa nila sa posisyong iyon? Sinasabi ng ilang tao, “Isa akong tao na may magulo at hindi malinaw na pag-iisip, walang lohika, at hindi ako ganoon kahusay sa pagsasalita tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain.” Kung gayon ang kaso, kaya mo bang tukuyin at lutasin ang iba’t ibang kapintasan at paglihis na nangyayari sa gawain ng ebanghelyo? Kung hindi mo natutukoy ang mga ito, tiyak na hindi mo rin malulutas ang mga ito. Kapag ang mga huwad na lider ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, wala silang anumang papel na ginagampanan sa pagsusuri at pangangasiwa; hinahayaan lang nilang gawin ng mga nasa ilalim nila ang nais ng mga ito, kaya nagagawa ng sinuman ang mga bagay ayon sa gusto niya, at nangangaral sa sinumang gusto niya—ganap na walang mga prinsipyo o pamantayan na inilalapat. Kumikilos nang padalos-dalos ang ilang tao, nang walang katwiran at lalong walang mga prinsipyo kapag gumagawa sila ng bagay-bagay, at walang pakundangang nagsasagawa ng mga maling gawa. Ganap na nabibigo ang mga huwad na lider na makita o matukoy ang mga isyung ito.

Sinasabi na sa Timog Amerika at Aprika, dinala ang ilang maralita sa loob ng kawan sa pamamagitan ng gawain ng ebanghelyo. Walang regular na kinikita ang mga taong ito, at nagdudulot ng mga problema maging ang pagkuha ng sapat na pagkain at ang pamumuhay. Kaya, ano ang dapat gawin? May mga lider na nagsabi, “Layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at para maligtas, dapat munang magkaroon ng sapat na makakain ang isang tao, tama ba? Hindi ba’t dapat magbigay ng ayuda ang sambahayan ng Diyos kung gayon? Kung nananampalataya sila sa Diyos, puwede tayong mamahagi ng ilang aklat ng mga salita ng Diyos sa kanila. Wala silang mga kompyuter o telepono, kaya ano ang dapat nating gawin kung hihilingin nilang gumampan ng mga tungkulin? Magsagawa kayo ng ilang pagtatanong, tingnan ninyo kung taos-puso silang handang gumampan ng mga tungkulin.” Sa pagtatanong-tanong, natuklasan na kasalukuyang walang pera ang mga taong ito, pero kung may pera sila at mabubusog sa pagkain, magiging handa silang humayo at ipangaral ang ebanghelyo at gampanan ang tungkulin nila. Matapos maunawaan ang mga sitwasyong ito, nagsimulang mamahagi ang mga lider ng mga pondong pantulong, ibinibigay ang mga ito buwan-buwan. Ang pagkain at matutuluyan, at maging ang mga bayad sa internet, at ang pagbili ng mga telepono, kompyuter, at iba pang kasangkapan para sa mga taong ito ay binayarang lahat gamit ang pera ng sambahayan ng Diyos. Ang pamamahagi ng pera sa mga ito ay hindi naglayong ipalaganap ang gawain ng ebanghelyo, kundi sa halip, naglayon itong magbigay ng ayuda para sa pamumuhay nila. Naaayon ba ito sa mga prinsipyo? (Hindi, hindi naaayon.) May panuntunan ba ang sambahayan ng Diyos na, kapag nangangaral ng ebanghelyo at nakakatagpo ng mga maralitang walang kabuhayan, basta’t kaya nilang tanggapin ang yugtong ito ng gawain, dapat silang bigyan ng tulong? May ganoon bang prinsipyo? (Wala.) Kung gayon, sa anong prinsipyo namahagi ang mga lider na ito ng mga pondong pantulong sa kanila? Dahil ba ito sa akala nila na may pera ang sambahayan ng Diyos pero walang mapaggugugulan nito, o dahil ba itinuring nila ang mga taong ito bilang masyadong kaawa-awa, o ito ba ay sa pag-asang tutulong ang mga taong ito na ipalaganap ang ebanghelyo? Ano nga ba ang mismong intensyon nila? Ano ang sinusubukan nilang makamit? Pagdating sa pamamahagi ng mga telepono, kompyuter, at mga gastusin sa pamumuhay, nagpakita sila ng matinding kasigasigan; ikinagalak nilang makibahagi sa gayong gawain na nagbigay ng benepisyo sa iba, dahil pinahintulutan sila nitong makakuha ng pabor sa mga taong ito at makuha ang loob ng mga ito, at partikular silang gumugol sa ganitong mga uri ng gampanin, lalong nagpapatuloy at wala ni katiting na kahihiyan. Paggamit ito ng pera ng Diyos para makakuha ng pabor sa mga tao at bilhin ang pagmamahal ng mga ito. Sa katunayan, hindi tunay na nananampalataya sa Diyos ang mga maralitang ito; binubusog lang nila ang mga sikmura nila at humahanap ng paraan para makapaghanap-buhay. Hindi naglalayon ang gayong mga tao na makamit ang katotohanan o kaligtasan. Ililigtas ba ng Diyos ang mga taong ito? Ang ilan, kahit na handa silang gampanan ang isang tungkulin, ay hindi naging taos-puso, kundi sa halip, ay naudyukan ng pagnanais para sa mga telepono at kompyuter, para sa mga kaginhawahan sa buhay. Pero walang pakialam dito ang mga huwad na lider; hangga’t handa ang isang tao na gumawa ng tungkulin, inaalagaan siya ng mga huwad na lider, hindi lang sa pagbibigay ng pera para sa tirahan at pagkain, kundi pati na rin sa pagbili ng mga kompyuter, telepono, at iba’t ibang kasangkapan. Pero lumabas na ginampanan ng mga taong ito ang mga tungkulin nila nang walang nakakamit na anumang epekto o anupaman. Hindi ba’t nagtatapon lang ng pera ang mga huwad na lider? Hindi ba’t ginagamit nila ang pera ng sambahayan ng Diyos para ipakita ang pagkabukas-palad nila? (Oo.) Ito ba ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Hindi ba’t mga huwad na lider ito? Mahilig magkunwaring mabuti, maganda ang kalooban, at mabait ang mga huwad na lider. Kung gusto mong magpakita ng kabaitan, ayos lang, gamitin mo lang ang sarili mong pera! Kung wala silang damit, tanggalin mo ang sarili mong damit at ibigay mo ito sa kanila; huwag mong gastusin ang mga handog para sa Diyos! Para sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga handog para sa Diyos, hindi para sa pamamahagi ng mga benepisyong pangkapakanan, at tiyak na hindi para sa pagbibigay ng tulong sa mga maralita. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang institusyong pangkapakanan. Walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider, at mas lalong wala silang kakayahang magtustos ng katotohanan o ng buhay. Nakatuon lang sila sa paggamit ng mga handog para sa Diyos para mamahagi ng mga benepisyong pangkapakanan nang sa gayon ay makakuha sila ng pabor sa mga tao at mapanatili nila ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Mga walang kahihiyang gastador sila, hindi ba? Kung matutuklasan ang gayong mga huwad na lider, mailalantad at mapipigilan ba sila ng sinuman bago pa mahuli ang lahat? Walang sinuman ang nanindigan para pigilan sila. Kung hindi ito natuklasan at pinigilan ng ang Itaas, hindi sana natapos kailanman ang gawi na paggamit ng pera ng Diyos para magbigay ng mga benepisyo sa mga tao. Iniuunat ng mga maralitang iyon ang mga kamay nila nang palayo nang palayo, palaging nagnanais ng higit pa. Wala silang kasiyahan; gaano man karami ang ibinibigay mo, hindi kailanman ito sasapat. Iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay kayang iwanan ang mga pamilya at karera nila para gampanan ang tungkulin nila upang maligtas sila, at kahit na humaharap sila sa mga paghihirap sa buhay, nakakahanap sila ng mga paraan para lutasin ang mga ito nang sila-sila lang, nang hindi palaging humihingi ng mga bagay-bagay mula sa sambahayan ng Diyos. Nilulutas nila kung ano ang kaya nila nang mag-isa, at para naman sa kung ano ang hindi nila kayang lutasin, nagdarasal sila sa Diyos at umaasa sa pananalig nila para dumanas. Iyong mga palaging nagmamakaawa sa Diyos, umaasang magbibigay ang sambahayan ng Diyos para sa mga gastusin nila sa pamumuhay at magtutustos sa kanila, ay ganap na walang katwiran! Ayaw nilang gampanan ang anumang tungkulin pero nais nilang magpakaligaya sa buhay, na ang alam lang ay ang iunat ang mga kamay nila para humingi ng mga bagay-bagay mula sa sambahayan ng Diyos, at kahit pagkatapos, hindi kailanman ito sumapat. Hindi ba sila mga namamalimos? At ang mga huwad na lider—ang mga hangal na ito—ay patuloy lang na nagbibigay ng mga benepisyo, at hindi tumitigil, patuloy na nagpapalugod ng mga tao para makuha ang pasasalamat nila, at iniisip pa nga nila na lumuluwalhati sa Diyos ang gayong mga kilos. Ito ang mga bagay na pinakakasiya-siyang ginagawa ng mga huwad na lider. Kaya, mayroon bang sinuman na makakatukoy sa mga isyung ito, na makakakilatis sa diwa ng mga problemang ito? Nagbubulag-bulagan ang karamihan sa mga lider, iniisip na, “Ano’t ano man, hindi ako ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo, bakit ko dapat pakialaman ang mga bagay na ito? Hindi ko naman pera ang ginagastos. Hangga’t hindi nagagalaw ang pera sa sarili kong bulsa, ayos lang. Puwede kayong magbigay kung kanino ninyo gusto, ano ang kinalaman nito sa akin? Hindi rin naman napupunta sa pitaka ko ang perang iyon.” Marami ang gayong mga iresponsableng tao sa paligid, pero gaano karami ang may kakayahang magtaguyod sa gawain ng sambahayan ng Diyos?