Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4) Ikalawang Seksiyon
Kahit papaano ay dapat may taglay na konsensiya at katwiran ang isang lider ng iglesia, at dapat nauunawaan rin niya ang ilang katotohanan—saka lang siya makadarama ng isang pasanin. Ano ang mga pagpapamalas ng pagdama ng isang pasanin? Kung nakikita niya na negatibo ang ilang tao, may baluktot na pag-arok ang ilan, inaaksaya ng ilan ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, pabasta-bastang ginagawa ng ilan ang gawain nila, hindi inaasikaso ng ilan ang mga marapat nilang gampanin kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila, palaging bumibigkas ang ilan ng matatayog na salita pero hindi gumagawa ng tunay na gawain…, natutuklasan na masyadong maraming problema ang umiiral sa loob ng iglesia at kinakailangang malutas, nakikitang napakaraming gawain ang hindi natapos, nagiging sanhi ito ng pagkakaroon nila ng isang pagpapahalaga sa pasanin. Simula noong naging isa siyang lider, tila may isang apoy na palaging nagniningas sa kalooban niya; kung may natutuklasan siyang problema at hindi niya ito malutas, nag-aalala at nababalisa siya, hindi makakain o makatulog. Sa mga pagtitipon, kapag nag-uulat ang ilang tao ng mga problema sa gawain nila na hindi agarang nakikilatis at nalulutas ng lider, hindi sumusuko ang lider; pakiramdam niya ay dapat niyang malutas ang problemang ito. Pagkatapos magdasal at maghanap, at sa pag-iisip-isip nito sa loob ng dalawang araw, sa sandaling alam na niya kung paano ito malulutas, mabilis niyang nilulutas ang isyu. Pagkatapos lutasin ang isyu, agaran niyang sinusuri ang iba pang gawain at natutuklasan ang isa pang isyu kung saan masyadong maraming tao ang kabilang sa isang gawain; na nangangailangan ng pagbabawas sa tauhan. Pagkatapos ay agad siyang nagpapatawag ng isang pagtitipon, malinaw niyang inuunawa ang sitwasyon, nagbabawas ng tauhan, at bumubuo ng mga makatwirang pagsasaayos, at sa gayon ay nalulutas ang problema. Alinmang gawain ang kanilang sinusuri, laging makatutukoy ng mga problema ang mga lider na nagdadala ng pasanin. Para sa anumang problemang may kinalaman sa propesyonal na kaalaman, o salungat sa mga prinsipyo, magagawa nilang tukuyin ang mga ito, magtanong tungkol sa mga ito, at maunawaan ang mga ito, at kapag may natuklasan silang problema, nilulutas nila ito kaagad. Nilulutas lamang ng matatalinong lider at manggagawa ang mga problemang may kinalaman sa gawain ng iglesia, propesyonal na kaalaman, at mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila pinapansin ang maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay. Sinusubaybayan nila ang bawat aspekto ng gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo na iniatas ng Diyos. Nagtatanong sila at sinusuri ang tungkol sa anumang problemang napapansin o natutuklasan nila. Kung hindi nila malutas mag-isa ang problema sa sandaling iyon, nakikipagtipon sila sa iba pang mga lider at manggagawa, nakikipagbahaginan sa kanila, naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, at nag-iisip ng mga paraan para malutas ito. Kung may makaharap silang isang malaking problema na talagang hindi nila malulutas, agad silang sumasangguni sa ang Itaas, at ipinapaubaya sa ang Itaas na asikasuhin at lutasin ito. Ang mga lider at manggagawang ganito ay mga taong may prinsipyo sa kanilang mga kilos. Anuman ang mga problema, basta't nakita nila ang mga ito, hindi nila ito palalampasin; iginigiit nilang lubusang unawain ang mga problemang ito at pagkatapos ay isa-isang lutasin ang mga ito. Kahit na hindi ganap na malutas ang mga ito, masisiguro na hindi na muling lilitaw ang mga problemang ito. Ito ay ang paggampan sa tungkulin ng isang tao nang buong puso, lakas, at isipan, ganap na isinasakatuparan ang mga responsabilidad niya. Iyong mga huwad na lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na gawain o hindi tumutuon sa paglutas ng mga tunay na problema ay hindi makakatuklas ng mga problema na nasa harapan nila at hindi alam kung anong gawain ang dapat nilang tapusin. Basta’t nakikita nila na abala ang mga kapatid sa paggampan ng mga tungkulin ng mga ito, ganap silang kontento, pakiramdam nila na ito ang resulta ng tunay nilang paggawa; iniisip nila na napakainam ng lahat ng aspekto ng gawain at na wala silang gaanong personal na gagawin o wala silang anumang mga problema na lulutasin, kaya nakatuon sila sa pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan nila. Palagi nilang gustong magpakitang-gilas at magyabang tungkol sa sarili nila sa gitna ng mga kapatid. Sa tuwing nakikita nila ang mga kapatid, sinasabi nila, “Maging mabuti kang mananampalataya. Gampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Huwag kang magpabasta-basta sa gawain. Kung magiging pasaway o magdudulot ka ng pagkabagabag, tatanggalin kita!” Ang alam lang nila ay igiit ang katayuan nila at pangaralan ang mga tao. Sa mga pagtitipon, palagi silang nagtatanong kung anong mga problema ang umiiral sa gawain at nagtatanong kung iyong mga nasa ilalim nila ay may anumang mga paghihirap, pero kapag nagpapahayag ang iba ng mga problema at paghihirap ng mga ito, hindi nila malutas ang mga ito. Sa kabila nito, masaya pa rin sila, at nagpapatuloy pa ring mamuhay nang may malinis na konsensiya. Kung hindi nagbabanggit ng anumang mga paghihirap o problema ang mga kapatid, pakiramdam nila ay ginagawa nila nang maayos ang trabaho nila, na nagiging kampante sila. Iniisip nilang ang pagtatanong tungkol sa gawain ay ang trabahong iniatas sa kanila, at kapag lumilitaw ang mga problema at natutukoy ng ang Itaas ang pananagutan pabalik sa kanila, natutulala sila. Inilalatag ng iba sa harap nila ang mga paghihirap at problema sa gawain, pero nagrereklamo pa rin sila kung bakit hindi hinahanap ng mga ito ang katotohanan para lutasin ang mga iyon. Hindi nilulutas mismo ang mga tunay na problema, ipinapasa nila ang sisi sa mga superbisor sa ibaba nila, malupit na sinisita ang mga taong gumagawa ng mga partikular na gampanin. Nakakatulong ang pagsita na ito na mapawi ang galit nila, at naniniwala pa nga sila nang may malinis na konsensiya na gumagawa sila ng tunay na gawain. Hindi sila kailanman nakaramdam ng pag-aalala o pagkabalisa dahil sa hindi pagkatuklas o pagkalutas ng mga problema, ni hindi sila nawalan ng ganang kumain o matulog nang maayos dahil dito—hindi sila kailanman nagdusa ng ganitong uri ng paghihirap.
Sa tuwing bumibisita Ako sa isang iglesia sa bukid, nilulutas Ko ang ilang problema. Sa tuwing pumupunta Ako, hindi ito dahil may natuklasan Akong ilang partikular na isyu na dapat malutas; pagkakaroon lang ito ng kaunting libreng panahon para mag-ikot-ikot at kumustahin ang gawain ng iba’t ibang pangkat sa iglesia, at ang mga kalagayan ng mga tao sa bawat pangkat. Tinitipon Ko ang mga superbisor para mag-usap-usap, tinatanong kung anong gawain ang ginagawa nila sa panahong ito, at anong mga problema ang mayroon, hinahayaan Ko silang magsabi ng ilang isyu, at pagkatapos ay nakikipagbahaginan Ako sa kanila tungkol sa kung paano lutasin ang mga ito. Kapag nakikipagbahaginan Ako sa kanila, natutuklasan Ko rin ang ilang bagong problema. Ang isang uri ng problema ay iyong may kaugnayan sa kung paano ginagawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila; ang isa pa ay mga problema sa gawaing nasa saklaw ng mga responsabilidad nila. Dagdag pa rito, tinutulungan at ginagabayan Ko rin sila sa kung paano gumawa ng partikular na gawain, kung paano ipatupad ang gawain, kung anong gawain ang gagawin, at pagkatapos ay sinusubaybayan Ko sa susunod, kinukumusta sila tungkol sa gawaing iniatas noong nakaraan. Kinakailangan ang gayong pangangasiwa, panghihimok, at pagsusubaybay. Bagama’t hindi ito ginagawa nang may maraming palabas at pagsigaw, gumagamit ng mga ispiker para mag-anunsiyo, ipinapahayag at ipinapatupad ang mga partikular na trabaho at gampaning ito sa pamamagitan ng ilang lider at manggagawa na kayang gumawa ng tunay na gawain. Kaya, nagiging maayos at umuusad ang gawain ng bawat pangkat, bumubuti ang kahusayan ng gawain, at mas maganda ang mga resulta. Sa huli, ang lahat ng tao sa bawat pangkat ay mapanghahawakan nang mahigpit ang sarili nilang tungkulin, na alam kung ano ang dapat nilang gawin at kung paano ito gagawin. Kahit papaano, ginagampanan ng lahat ang nararapat nilang tungkulin, lahat sila ay may mga nakaatas na gampanin, at ang kanilang ginagawa ay nagagawa ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos at naisasagawa rin ito ayon sa mga prinsipyo. Hindi ba’t pagkamit ito ng ilang resulta? Alam ba ng mga huwad na lider kung paano gumawa sa ganitong paraan? Magbubulay ang mga huwad na lider: “Kung gayon, ganito isinasagawa ng ang Itaas ang gawain: tinatawagan ang ilang tao para sama-samang mag-usap, nagtatala ang lahat sa isang munting aklat, at pagkatapos ng pagtatala, tapos na ang gawain ng ang Itaas. Kung ganito magsagawa ng gawain ang ang Itaas, gagawin namin ito sa parehong paraan.” Kaya, gumagaya ang mga huwad na lider sa ganitong paraan. Kinokopya nila ang panlabas na anyo, pero sa huli, hindi talaga sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, hindi ipinapatupad ang alinman sa mga gampaning iniatas sa kanila, pinapalipas lang ang oras sa pagdaldal nang walang kabuluhan. Minsan, pumupunta rin Ako sa mga taniman ng gulay at mga greenhouse para tingnan kung paano lumalaki ang mga punla, o para alamin kung gaano karaming siklo ng mga pananim ang mapapalaki sa greenhouse sa taglamig, at kung gaano kadalas ang pagdidilig sa mga ito. Ang lahat ng gampaning ito, malaki man o maliit, ay may kasangkot na mga teknikal na isyung may kaugnayan sa pagtatanim ng gulay, at hangga’t masigasig na ginagawa ng isang tao ang mga ito, matatapos niya ang mga ito. Saan pangunahing ipinapakita ng mga huwad na lider ang pagiging huwad nila? Ang pinakalantad ay ang hindi paggawa ng tunay na gawain; gumagawa lang sila ng ilang gampaning nagpapaganda ng imahe nila at itinuturing na nilang tapos na ang mga ito, at pagkatapos ay nagsisimula na silang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Kahit gaano karami ang ganitong uri ng gawaing ginagawa nila, ibig ba nitong sabihin ay nagsasagawa sila ng tunay na gawain? Hindi dalisay na naaarok ng karamihan sa mga huwad na lider ang katotohanan, nauunawaan lang ang ilang salita at doktrina, kaya’t napakahirap na magawa nang maayos ang tunay na gawain. Ang isang bahagi ng mga huwad na lider ay hindi pa nga makalutas ng mga isyung may kinalaman sa pangkalahatang usapin; malinaw na may mahina silang kakayahan at walang espirituwal na pang-unawa. Ganap na walang halaga ang paglilinang sa kanila. May kaunting kakayahan naman ang ilang huwad na lider, pero hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, at nagpapasasa sila sa mga kaginhawahan ng laman. Ang mga taong nagpapasasa sa mga kaginhawahan ng laman ay walang gaanong ipinagkaiba sa mga baboy. Ginugugol ng mga baboy ang maghapon sa pagtulog at pagkain. Walang ginagawa ang mga ito. Gayumpaman, matapos ang isang taon ng pagsisipag na mapakain ang mga ito, kapag kinakain ng buong pamilya ang karne ng mga ito sa pagtatapos ng taon, masasabi na nagkaroon ng silbi ang mga ito. Kung inaalagaan ang isang huwad na lider na gaya ng isang baboy, kumakain at umiinom nang libre tatlong beses bawat araw, tumataba at lumalakas, pero wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain at wala siyang silbi, hindi ba walang saysay ang pag-aalaga sa kanya? Nagkaroon ba iyon ng anumang silbi? Magiging isa lang siyang hambingan at dapat itiwalag. Talagang mas mabuti pang mag-alaga ng isang baboy kaysa isang huwad na lider. Ang mga huwad na lider ay maaaring may titulong “lider,” maaaring nakaupo sila sa posisyong ito, kumakaing mabuti nang tatlong beses kada araw, tinatamasa ang maraming biyaya ng Diyos, bumibilog at nagiging malarosas mula sa kakakain nang sobra sa katapusan ng taon—pero kumusta naman ang gawain? Tingnan mo ang lahat ng nakompleto sa gawain mo ngayong taon: Nagkaroon ka ba ng mga resulta sa anumang bahagi ng gawain ngayong taon? Anong tunay na gawain ang ginawa mo? Hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin mo ang bawat trabaho nang perpekto, pero dapat mong gawin nang mabuti ang pangunahing gawain—halimbawa, ang gawain ng ebanghelyo, o gawain ng paggawa ng pelikula, gawaing nakabatay sa teksto, at iba pa. Dapat maging mabunga ang lahat ng ito. Sa mga normal na sitwasyon, karamihan sa gawain ay dapat magbunga ng ilang resulta at tagumpay pagkatapos ng tatlo hanggang limang buwan; kung walang mga tagumpay pagkatapos ng isang taon, isa itong malubhang problema. Sa loob ng saklaw ng iyong responsabilidad, aling gawain ang naging pinakamabunga? Alin ang binayaran mo ng pinakamalaking halaga at pinakapinagdusahan mo nang buong taon? Ipakita mo ang tagumpay na ito, at pagnilayan kung nakagawa ka ng anumang mahahalagang tagumpay mula sa isang taon ng iyong pagtatamasa ng biyaya ng Diyos; dapat na may malinaw kang pagkaunawa rito sa iyong puso. Ano nga ba ang ginagawa mo habang kinakain mo ang pagkain ng sambahayan ng Diyos at tinatamasa ang biyaya ng Diyos sa buong panahong ito? May nakamit ka bang anuman? Kung wala kang nakamit, iniraraos mo lang ang gawain; ikaw ay isang tunay na huwad na lider. Dapat bang tanggalin at itiwalag ang gayong mga lider? (Oo.) Makikilatis ba ninyo ang gayong mga huwad na lider kapag nakatagpo ninyo sila? Makikita ba ninyong mga huwad na lider sila, iniraraos lang ang gawain para makalibre ng pagkain? Kumakain sila hanggang maging mamantika ang mga bibig nila pero hindi sila kailanman nagmumukhang nag-aalala o balisa tungkol sa gawain, hindi nakikilahok o nagsisiyasat tungkol sa anumang mga partikular na gampanin. Kahit na magsiyasat sila, may dahilan ito; ginagawa lang nila iyon kapag ginigipit sila ng ang Itaas tungkol sa mga resulta at kung hindi, hindi sila mag-aabalang gawin iyon. Palagi silang nagpapasasa sa pagpapakaligaya, madalas nanonood ng mga pelikula o palabas sa TV. Nag-aatas sila ng gawain at habang abala ang iba sa paggampan ng mga tungkulin ng mga ito, nagpapahinga at nagpapakaligaya sila. Kung may isang problema at susubukan ninyong hanapin sila para asikasuhin ito, hindi sila makikita kahit saan, pero hindi sila kailanman nahuhuli sa mga kainan. At pagkatapos kumain, kapag bumabalik na ang lahat sa gawain, umaalis sila para magpahinga pa nang mas matagal. Kung tatanungin mo sila, “Bakit hindi ka lumabas at suriin mo ang gawain? Naghihintay ang lahat sa paggabay mo, sa mga pagsasaayos mo!” sasabihin nila: “Bakit ninyo ako hinihintay? Kaya ninyong lahat iyan, alam ninyong lahat kung paano gawin iyan—hindi ba’t pareho lang kapag wala ako? Hindi ba ako puwedeng magpahinga sandali?” “Pagpapahinga ba iyan? Nanonood ka lang ng mga pelikula!” “Pinag-aaralan ko ang mga propesyonal na kasanayan, nag-aaral ako kung paano kinukunan ang mga pelikula.” Nagdadahilan pa nga sila. Nanonood sila ng pelikula nang sunod-sunod, at kapag nagpapahinga ang lahat sa gabi, nagpapahinga rin sila. Sa bawat araw, iniraraos lang nila ang gawain nang ganito, pero hanggang saan? Hindi sila kaaya-aya sa tingin ng lahat, naaasiwa ang lahat sa kanila, at kalaunan, walang sinuman ang pumapansin sa kanila. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang lider na tulad nito ay hindi ang nangangasiwa, makakausad pa rin ba ang gawain? Kung wala siya, hihinto ba ang pag-ikot ng mundo? (Umiikot pa rin ito.) Kung gayon, dapat siyang ilantad para makita ng lahat na hindi niya inaasikaso ang mga marapat na gampanin at na walang dapat mapigilan ng taong ito. Ang gayong mga huwad na lider na hindi nag-aasikaso sa mga marapat na gampanin ay dapat na malantad at mahimay para kilatisin ng lahat, at dapat siyang tanggalin para isantabi! Makikilatis ba ninyo ang gayong mga huwad na lider kapag nakatagpo ninyo sila? Kung walang mga huwad na lider, mararamdaman ba ninyong lahat na para kayong mga mandaragat na walang kapitan? Makakakumpleto ba kayo ng gawain at makakatapos ng mga gampanin nang kayo lang? Kung hindi ninyo kaya, nasa panganib kayo. Ang pagharap sa ganitong uri ng mga huwad na lider, na hindi gumagawa ng tungkulin nila nang maayos, hindi namumuno sa pamamagitan ng halimbawa, at nag-aaksaya ng oras sa pakikipag-usap online—magkakaroon ba kayo ng pagkilatis sa ganitong uri ng sitwasyon? Maiimpluwensiyahan ba niya kayo para makisali rin sa walang-kuwentang daldalan at magpaliban sa mga tungkulin ninyo? Magagawa pa rin ba ninyong sundin ang gayong mga huwad na lider? (Hindi.)
Matatakaw at mga tamad ang ilang huwad na lider, mas gusto nila ng kaginhawahan kaysa sa mabigat na gawain. Ayaw nilang gumawa o mag-alala, iniiwasan nila ang pagsisikap at responsabilidad, at gusto lang nilang magpakasasa sa kaginhawahan. Mahilig silang kumain at maglaro, at lubha silang tamad. May isang huwad na lider noon na babangon lang sa umaga kapag nakakain na ang lahat, at sa gabi, nanonood pa rin siya ng mga teleserye sa TV habang nagpapahinga na ang iba. Isang brother na responsable sa pagluluto ang hindi na nakatiis at pinuna siya. Sa palagay ba ninyo ay makikinig siya sa isang kusinero? (Hindi.) Ipagpalagay nating pinagsabihan siya ng isang lider o manggagawa, sinasabi, “Kailangan mong maging mas masipag; ang gawaing kailangang gawin ay dapat na gawin. Bilang lider, dapat mong tuparin ang mga responsabilidad mo anuman ang gawain; dapat mong tiyaking walang mga problema rito. Ngayong may nakita nang problema, at wala ka para lutasin ito, nakakaapekto ito sa gawain. Kung palagi kang gumagawa sa ganitong paraan, hindi ba’t pag-aantala ito sa gawain ng iglesia? Kaya mo bang pasanin ang pananagutang ito?” Makikinig ba siya rito? Hindi sigurado. Para sa mga gayong huwad na lider, dapat agad silang tanggalin ng grupo ng mga tagapagpasya at dapat magsaayos ito ng ibang gawain para sa kanila, hayaan silang gawin ang anumang kaya nilang gawin. Kung wala silang silbi, gustong maging palamunin kahit saan sila magpunta, kung wala silang kayang gawin, paalisin na sila at huwag nang bigyan ng anumang tungkulin. Hindi sila karapat-dapat na gumawa ng tungkulin; hindi sila tao, wala silang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, wala silang kahihiyan. Para sa mga gayong huwad na lider, na maituturing na mga tamad, kapag nakilatis na sila, dapat tanggalin na sila agad; hindi na kailangan pang subukang hikayatin sila, at hindi na sila dapat bigyan ng anumang pagkakataon para sumailalim sa obserbasyon, ni hindi na kailangang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Hindi ba’t sapat na ang narinig nilang mga katotohanan? Kung pinungusan sila, magagawa ba nilang magbago? Hindi. Kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan, may mga katawa-tawang pananaw minsan, o hindi nauunawaan ang buong sitwasyon dahil sa pagiging ignorante, pero siya ay masipag, nagdadala ng pasanin, at hindi tamad, kung ganoon, ang gayong tao, sa kabila ng mga paglihis sa paggawa ng tungkulin niya, ay puwedeng magsisi kapag naharap siya sa pagpupungos. Sa pinakamababa, alam niya ang mga responsabilidad ng isang lider at alam niya kung ano ang dapat niyang gawin, may konsensiya siya at pagpapahalaga sa responsabilidad, at may puso siya. Gayumpaman, iyong mga tamad, pumipili sa kaginhawahan kaysa sa mabigat na gawain, at walang pasanin, ay hindi kayang magbago. Walang pasanin sa puso nila; sinuman ang pumungos sa kanila, wala itong silbi. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, kung darating sa kanila ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, mababago ba nito ang isyu nila ng kawalan ng pasanin?” Hindi ito mababago; tinutukoy ito ng kalikasan ng isang tao, tulad ng isang aso na hindi kayang baguhin ang gawi nitong pagkain ng dumi. Sa tuwing nakakakita ka ng taong tamad at walang pasanin at nagseserbisyo rin bilang isang lider, matitiyak mong isa siyang huwad na lider. Maaaring sabihin ng ilan, “Paano mo siya matatawag na isang huwad na lider? May mabuti siyang kakayahan, matalino siya, nakikilatis niya ang mga bagay-bagay, at nakakabuo siya ng mga plano. Sa mundo, namahala siya ng mga negosyo, nagserbisyo bilang mga CEO; matalino, may karanasan, at siya ay maalam sa mundo!” Malulutas ba ng mga katangiang ito ang problema niya ng pagiging tamad at ng kawalan ng pasanin? (Hindi.)
Anong uri ng mga pagpapamalas at katangian ang ipinapakita niyong mga sobrang tamad? Una, sa anumang bagay na ginagawa nila, pabasta-basta silang kumikilos, nag-aaksaya ng oras, nagmamabagal, at nagpapahinga at nagpapaliban hangga't maaari. Pangalawa, wala silang pakialam sa gawain ng iglesia. Para sa kanila, maaari naman itong gawin ng sinumang may gusto ng pag-aalala tungkol sa gayong mga bagay. Hindi nila gagawin ito. Kapag nag-aalala nga sila tungkol sa isang bagay, para ito sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan—ang mahalaga lang para sa kanila ay na natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan. Pangatlo, umiiwas sila sa paghihirap sa gawain nila; hindi nila matanggap na nakapapagod nang kahit kaunti ang gawain nila, labis na sumasama ang loob nila kung ganoon nga, at hindi nila kayang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga. Pang-apat, hindi nila kayang magtiyaga sa anumang gawaing ginagawa nila, palagi silang sumusuko sa kalagitnaan at hindi nakatatapos ng mga bagay-bagay. Kung pansamantala silang nasa isang mabuting kalagayan, maaari silang gumawa ng kaunting gawain dahil sa katuwaan, pero kung nangangailangan ng pangmatagalang dedikasyon ang isang bagay, at palagi silang ginagawang abala nito, kailangan itong pag-isipan nang husto, at nakapapagod ito sa katawan nila, sa paglipas ng panahon ay magsisimula silang magreklamo. Halimbawa, ang ilang lider ang nangangasiwa ng gawain ng iglesia, at bago at sariwa ito para sa kanila sa simula. Malaki ang motibasyon nila sa kanilang pagbabahagi sa katotohanan at kapag nakikita nilang may mga problema ang mga kapatid, nagagawa nilang tumulong at lutasin ang mga ito. Pero, matapos ang pansamantalang pagtitiyaga, nagsisimula na silang makaramdam na masyadong nakakapagod ang gawain ng pamumuno, at nagiging negatibo sila—ninanais nilang lumipat sa mas madaling trabaho, at hindi sila handang magtiis ng paghihirap. Kulang ang gayong mga tao sa pagtitiyaga. Panlima, ang isa pang katangian na nakatutukoy sa mga tamad na tao ay ang pag-aatubili nilang gumawa ng tunay na gawain. Sa sandaling magdusa ang laman nila, nagpapalusot sila para iwasan at takasan ang gawain nila, o ipinapasa nila ito sa ibang tao. At kapag natapos ng taong iyon ang gawain, sila mismo ang umaani sa mga gantimpala nang walang kahihiyan. Ito ang limang pangunahing katangian ng mga taong tamad. Dapat kayong magsuri para makita ninyo kung may gayong mga tamad na tao sa mga lider at manggagawa sa mga iglesia. Kung may makita kayong isa, dapat siyang tanggalin kaagad. Makagagawa ba ng mabuting gawain bilang lider ang mga tamad? Anumang uri ng kakayahan ang mayroon sila o anuman ang kalidad ng kanilang pagkatao, kung tamad sila, hindi nila magagawa nang maayos ang gawain nila, at maaantala nila ang gawain at mga importanteng usapin. May sari-saring aspekto ang gawain ng iglesia; ang bawat aspekto nito ay may kaakibat na maraming detalyadong gampanin at nangangailangan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema upang magawa ang gawain nang maayos. Samakatwid, dapat maging masigasig ang mga lider at manggagawa—kailangan nilang gumawa ng maraming pag-uusap at maraming gawain araw-araw para matiyak ang pagiging epektibo ng gawain. Kung masyadong kaunti ang pagsasalita o gagawin nila, walang magiging resulta. Kaya, kung tamad ang isang lider o manggagawa, tiyak na isa siyang huwad na lider at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga tamad na tao, lalong hindi sila pumupunta sa mga lugar ng trabaho, at hindi sila handang lutasin ang mga problema o makisangkot sa anumang partikular na gawain. Wala silang ni katiting na pagkaunawa o pagkaarok sa mga problema sa anumang gawain. Mayroon lang silang paimbabaw, malabong ideya sa isipan nila mula sa pakikinig sa sinabi ng iba, at iniraraos nila ang gawain sa pangangaral lang ng kaunting doktrina. Magagawa ba ninyong makilatis ang ganitong uri ng lider? Makikilala ba ninyo na siya ay huwad na lider? (Medyo.) Pabasta-basta ang mga taong tamad sa anumang tungkuling ginagampanan nila. Ano man ang tungkulin, wala silang pagtitiyaga, paminsan-minsang gumagawa, at nagrereklamo sa tuwing dumaranas sila ng ilang paghihirap, naglalabas ng mga walang-katapusang hinaing. Inaalipusta nila ang sinumang pumupuna o pumupungos sa kanila, tulad ng isang taong mainitin ang ulo na nang-iinsulto ng mga tao sa lansangan, na palaging gustong ilabas ang kanyang galit sa iba, at na hindi gustong gampanan ang tungkulin niya. Ano ang ipinapakita nitong pag-ayaw nilang gampanan ang tungkulin nila? Ipinapakita nito na hindi sila nagbubuhat ng pasanin, ayaw nilang umako ng responsabilidad, at sila ay mga taong tamad. Ayaw nilang magdusa ng mga paghihirap o magbayad ng halaga. Naaangkop itong lalo sa mga lider at manggagawa: Kung hindi sila nagdadala ng pasanin, maisasakatuparan ba nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Talagang hindi.