Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4) Unang Seksiyon
Ikalimang Aytem: Panatilihing Mayroong Napapanahong Kaalaman at Pang-unawa Tungkol sa Estado at Pag-usad ng Bawat Aytem ng Gawain, at Magawang Agarang Lutasin ang mga Problema, Itama ang mga Paglihis, at Remedyuhan ang mga Kapintasan sa Gawain Nang sa Gayon ay Maayos Itong Makausad
Ang pagbabahaginan ngayon ay tungkol sa ikalimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Panatilihing mayroong napapanahong kaalaman at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain, at magawang agarang lutasin ang mga problema, itama ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga kapintasan sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad.” Tututukan natin ang responsabilidad na ito para himayin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, para makita kung tinutupad ng mga huwad na lider ang mga responsabilidad nila sa gawaing ito, at kung mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga tungkulin nila at isinasakatuparan nang maayos ang gawain.
Nagpapasasa sa Kaginhawahan at Hindi Nakikibahagi Nang Malalim ang mga Huwad na Lider sa mga Pinakamababang Antas para Maunawaan ang Gawain
Unang binabanggit ng ikalimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang “panatilihing mayroong napapanahong kaalaman at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain.” Ano ang tinutukoy ng “estado ng bawat aytem ng gawain”? Tinutukoy nito kung paano ang kasalukuyang kalagayan ng isang partikular na aytem ng gawain. Ano ang dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa rito? Halimbawa: Anong mga partikular na gampanin ang ginagawa ng mga tauhan, anong mga aktibidad ang pinagkakaabalahan nila, kung kinakailangan ba ang mga aktibidad na ito, kung mga pangunahin at mahalagang gampanin ba ang mga ito, kung gaano kahusay ang mga tauhang ito, kung umuusad ba nang maayos ang gawain, kung tumutugma ba ang bilang ng tauhan sa dami ng gawain, kung nabigyan ba ng mga sapat na gampanin ang lahat, kung may anumang mga kaso ba ng pagkakaroon ng napakaraming tauhan sa isang partikular na gampanin—kung saan may napakaraming tauhan para sa napakakaunting gawain, at walang ginagawa ang karamihan ng tao—o mga kaso kung saan masyadong maraming gawain pero masyadong kaunti ang tauhan, at nabibigo ang superbisor na epektibong magdirekta, na humahantong sa mababang kahusayan sa gawain at mabagal na pag-usad. Ang mga ito ang lahat ng sitwasyong dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa. Dagdag pa rito, habang isinasakatuparan ang bawat aytem ng gawain, kung nagdudulot ang sinuman ng mga kaguluhan at sabotahe, kung may sinumang pumipigil sa pag-usad o palihim na nagpapahina, kung may nangyayaring anumang uri ng pakikialam o pagpapabasta-basta—ang mga ito ay mga bagay rin na dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa. Kaya paano sila magkakamit ng pagkaunawa sa mga isyung ito? Maaaring tumawag paminsan-minsan ang ilang lider para magtanong, “May pinagkakaabalahan ba kayo ngayon?” Kapag narinig ang kabilang partido na nagsasabing marami silang pinagkakaabalahan, maaari silang tumugon ng, “Mabuti, basta’t may pinagkakaabalahan kayo, magaan ang loob ko.” Ano ang palagay ninyo sa paraang ito ng paggawa? Ano ang tingin ninyo sa tanong na ito? Isa ba itong mahalaga, kinakailangang tanong na dapat itanong? Katangian ito ng gawain ng mga huwad na lider—iniraraos lang nila ang gawain. Nasisiyahan sila sa paggawa ng kaunting paimbabaw na gawain para pagaanin ang konsensiya nila nang kaunti pero hindi sila nakatuon sa paggawa ng tunay na gawain, lalong hindi sila pumupunta sa mga pinakamababang antas, sa bawat pangkat, para unawain ang kasalukuyang estado ng gawain. Halimbawa, kung angkop ba ang mga pagsasaayos ng tauhan, paano isinasagawa ang gawain, kung may lumitaw ba na anumang mga problema—ang mga tunay na isyu na ito ay hindi inuusisa ng mga huwad na lider, na sa halip ay naghahanap ng isang di-napapansing lugar para kumain, uminom, at magpakasaya nang hindi tinitiis ang kalupitan ng hangin o araw. Nagpapadala lang sila ng mga liham o may nag-uusisa para sa kanila paminsan-minsan, iniisip na maituturing na ito na paggawa ng trabaho nila. Higit pa rito, maaaring hindi sila makita ng mga kapatid sa loob ng sampung araw o kalahating buwan. Kapag tatanungin ang mga kapatid, “Ano ba ang pinagkakaabalahan ng lider ninyo? Gumagawa ba siya ng kongkretong gawain? Ginagabayan ba niya kayo at nilulutas ang mga problema?” tutugon sila, “Huwag mo nang itanong, isang buwan na naming hindi nakikita ang lider namin. Simula noong huling pagtitipon na idinaos niya para sa amin, hindi pa siya kailanman dumaan ulit, at ngayon ay marami kaming problema nang walang sinuman ang tumutulong sa aming lutasin ang mga ito. Walang ibang paraan; ang superbisor ng pangkat namin at ang mga kapatid ay kailangang magtipon-tipon para magdasal at maghanap ng mga prinsipyo, para mag-usap at magtulungan sa gawain. Hindi epektibo rito ang lider; wala na kaming lider ngayon.” Gaano kahusay ang lider na ito sa paggawa ng gawain niya? Tatanungin ng ang Itaas ang lider na ito, “Nang matapos ang huling pelikula, nakatanggap ka ba ng anumang bagong iskrip? Anong pelikula ang ginagawa mo ngayon? Kumusta ang pag-usad ng gawain?” Tutugon ang lider, “Hindi ko alam. Pagkatapos ng huling pelikula, nagdaos ako ng isang pagtitipon kasama sila, at pagkatapos niyon, silang lahat ay sumigla, hindi naging negatibo, at hindi nagkaroon ng anumang mga problema. Hindi pa kami nagkita simula noon. Kung gusto mong malaman ang kasalukuyan nilang sitwasyon, puwede akong tumawag at magtanong para sa iyo.” “Bakit hindi ka tumawag para unawain ang sitwasyon nang mas maaga?” “Kasi masyado akong maraming pinagkakaabalahan, dumadalo sa mga pagtitipon kung saan-saan. Hindi pa nila panahon. Mauunawaan ko lang ang sitwasyon kapag nakipagtipon na ako sa susunod kasama sila.” Ito ang saloobin nila sa gawain ng iglesia. Sasabihin naman ng Itaas, “Hindi mo batid ang kasalukuyang sitwasyon o ang mga problemang umiiral sa gawain ng paggawa ng pelikula, kaya paano naman ang pag-usad ng gawain ng ebanghelyo? Aling bansa ang pinakamahusay na nagpalaganap ng gawain ng ebanghelyo, sa pinakaideyal? Aling bansa ang may mga tao na medyo mahusay ang kakayahan at mabilis umarok? Aling bansa ang may mas magandang buhay iglesia?” “Ah, nakatuon lang ako sa mga pagtitipon, nakalimutan kong magtanong tungkol sa mga bagay na ito.” “Kung gayon, sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo, ilang tao ang kayang magpatotoo? Ilang tao ang nililinang para magpatotoo? Sino ang responsable at sumusubaybay sa gawain ng iglesia at buhay iglesia sa aling bansa? Sino ang nagdidilig at nagpapastol? Nagsimula na bang mamuhay ng buhay iglesia ang mga bagong miyembro ng iglesia mula sa iba’t ibang bansa? Ganap na bang nalutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila? Ilang tao na ba ang nag-ugat ng sarili nila sa tunay na daan, hindi na maililihis ng mga relihiyosong tao? Pagkatapos manampalataya sa Diyos nang isa o dalawang taon, ilan ang kaya nang gumampan sa mga tungkulin nila? Nauunawaan at naaarok mo ba ang mga usaping ito? Kapag lumilitaw ang mga problema sa gawain, sino ang makakalutas sa mga ito? Sa pangkat ng mga taga-ebanghelyo, aling grupo o mga indibidwal ang responsable sa gawain nila at may mga aktuwal na resulta, alam mo ba?” “Hindi ko alam. Kung gusto mong malaman, puwede akong magtanong para sa iyo. Kung hindi ka naman nagmamadali, magtatanong ako kapag may oras ako; may pinagkakaabalahan pa ako!” Gumawa ba ang lider na ito ng anumang kongkretong gawain? (Hindi.) “Hindi ko alam” ang sinasabi niya sa lahat ng bagay; nagtatanong lang siya tungkol sa mga bagay-bagay sa sandaling tinatanong siya, kung gayon, ano ang pinagkakaabalahan niya? Kahit aling pangkat ang puntahan niya para sa mga pagtitipon o para suriin ang gawain, nabibigo siyang tukuyin ang mga problema sa gawain at hindi niya alam kung paano lutasin ang mga ito. Kung hindi mo agarang nakikilatis ang mga kalagayan at karakter ng iba’t ibang tao, hindi ba’t kahit papaano ay dapat mong subaybayan, unawain, at arukin ang mga isyung umiiral sa gawain, kung anong gawain ang kasalukuyang ginagawa, at kung hanggang sa anong yugto ito umusad? Gayumpaman, hindi kayang gawin ng mga huwad na lider maging ang ganito man lang karami; hindi ba sila bulag? Kahit na pumunta sila sa iba’t ibang pangkat sa loob ng iglesia para subaybayan at suriin ang gawain, hindi talaga nila nauunawaan ang totoong sitwasyon, hindi nila kayang tukuyin ang mga pangunahing problema, at kahit na makahanap sila ng ilang problema, hindi nila kayang lutasin ang mga ito.
May isang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula na naghahandang kunan ang isang uri ng napakamapanghamong pelikula na hindi nila kailanman sinubukan noon. Kung angkop ba silang simulan ang iskrip ng pelikulang ito, kung may kapabilidad ba ang direktor at ang buong tauhan na tapusin ang gawaing ito—hindi batid ng lider nila ang mga sitwasyong ito. Sinabi lang niya, “Sinimulan niyo ang isang bagong iskrip. Kung gayon, sige at kunan ninyo ito. Susuportahan at susubaybayan ko kayo. Gawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo, at kapag may umusbong na mga problema, magdasal kayo sa Diyos at lutasin ninyo ang mga iyon ayon sa mga salita ng Diyos.” At saka siya umalis. Hindi makita o matukoy ng lider na ito ang anuman sa umiiral na mga problema; magagawa ba nang maayos ang gawain nang ganito? Pagkatapos tanggapin ng pangkat ng mga gumagawa ng pelikula ang iskrip na ito, madalas na sinusuri ng direktor at ng mga miyembro ng pangkat ang banghay at pinag-uusapan ang mga kasuotan at pagbabalangkas, pero wala silang ideya kung paano kukunan ang pelikula; hindi sila opisyal na makapagsimula sa paggawa. Hindi ba’t ito ang kasalukuyang kalagayan? Hindi ba’t ang mga ito ang umiiral na mga problema? Hindi ba’t ang mga isyung ito ang dapat lutasin ng lider? Ginugol ng lider ang bawat araw sa mga pagtitipon, walang mga tunay na problema ang nalutas pagkatapos ng maraming araw ng mga pagtitipon, at hindi pa rin makausad nang normal ang paggawa ng pelikula. Nagkaroon ba ng anumang epekto ang lider? (Wala.) Sumigaw lang siya ng mga islogan para magpalakas ng loob: “Hindi tayo puwedeng umupo nang walang ginagawa, hindi tayo puwedeng nakaasa sa sambahayan ng Diyos!” Pinangaralan pa nga niya ang mga tao: “Wala kayong konsensiya, umaasa sa sambahayan ng Diyos nang walang anumang pakiramdam—wala ba kayong kahihiyan?” Pagkatapos niyang sabihin ito, nakaramdam ng kaunting pagkapahiya ang konsensiya ng lahat: “Oo, umuusad nang napakabagal ang gawain, at kumakain pa rin kami nang tatlong beses sa isang araw nang ganito—hindi ba’t pagiging pala-asa sa iba ito? Wala pa talaga kaming nagagawang anumang gawain. Kung gayon, sino ang lulutas sa mga problemang ito na lumilitaw sa gawain? Hindi namin kayang lutasin ang mga ito kaya nagtatanong kami sa lider, pero sinasabi lang sa amin ng lider na magdasal nang masigasig, magbasa ng mga salita ng Diyos, at magtulungan nang nagkakaisa, nang hindi nakikipagbahaginan kung paano dapat lutasin ang mga problemang ito.” Araw-araw na nagdaraos ng mga pagtitipon ang lider sa opisina, pero hindi talaga nalulutas ang mga problemang ito. Kalaunan, nanlamig ang pananalig ng ilang tao, at nasiraan sila ng loob dahil hindi nila nakita ang isang daan pasulong at hindi nila alam kung paano umusad sa paggawa ng pelikula. Inilagay nila ang huling pag-asa nila sa lider, umaasang kaya niyang lutasin ang ilang aktuwal na problema, pero aba, talagang bulag ang lider na ito, hindi inaaral ang propesyon ni hindi nakikipagbahaginan, nagtatalakay, o naghahanap sa mga nakakaunawa rito. Madalas siyang humahawak ng isang aklat ng mga salita ng Diyos at sinasabi, “Nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos para sa espirituwal na debosyon. Sinasangkapan ko ang sarili ko ng katotohanan. Walang manggugulo sa akin, abala ako!” Kalaunan, parami nang parami ang mga problemang naipon, humahantong sa isang bahagyang pagka-paralisado ng kalagayan ng gawain, pero iniisip pa rin ng huwad na lider na mahusay niyang ginagawa ang gawain. Bakit ganoon? Naniniwala siyang dahil nagdaos siya ng mga pagtitipon, nag-uusisa siya tungkol sa sitwasyon ng gawain, nagtukoy siya ng mga problema, nagbahagi siya ng mga salita ng Diyos, nagbanggit ng mga kalagayan ng mga tao, at ikinumpara ng lahat ang mga sarili nila sa mga kalagayang ito at nagpasya silang gampanan nang mahusay ang tungkulin nila, kung gayon ay naisakatuparan na ang responsabilidad niya bilang isang lider, at ginawa na niya ang lahat ng maaaring asahan mula sa kanya—kung hindi mapamahalaan nang maayos ang mga partikular na gampaning may kaugnayan sa mga propesyonal na aspekto, hindi iyon pananagutan ng lider. Anong uri ng lider ito? Bumagsak sa isang bahagyang pagka-paralisadong kalagayan ang gawain ng iglesia, pero hindi man lang siya nabalisa o nabagabag. Kung hindi nag-usisa o naghikayat ang ang Itaas, magpapatuloy lang siya sa pagpapatumpik-tumpik, hindi kailanman babanggitin kung ano ang nangyayari sa ilalim niya, walang nilulutas na mga problema. Naisakatuparan ba ng gayong lider ang mga responsabilidad niya sa pamumuno? (Hindi.) Kaya, ano ang pinagsasabi niya buong araw sa mga pagtitipon? Dumadaldal siya nang walang ginagawa, nangangaral lang ng mga doktrina at sumisigaw ng mga islogan. Walang nilutas ang lider na mga tunay na problema sa gawain, hindi niya nilutas ang mga pabasta-basta at negatibong kalagayan ng mga tao, at hindi niya alam kung paano lutasin ang mga isyu sa gawain ng mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil dito, huminto ang buong proyekto at walang nakikitang pag-usad sa loob ng mahabang panahon. Pero hindi man lang nabalisa ang lider. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain? Ano ang diwa ng pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider? Hindi ba’t isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad? Ang pagiging labis na pabaya sa gawain ng isang tao, nabibigong isakatuparan ang mga responsabilidad niya—ito mismo ang ginagawa ng mga huwad na lider. Nananatili ka sa opisina para lang iraos ang gawain, hindi naglulutas ng mga tunay na problema. Nananatili ka sa opisina para lang dayain ang mga tao; nang hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain, kahit na nananatili ka pa roon sa lahat ng oras, walang anumang matatapos. Iba’t ibang problema ang lumilitaw sa gawain at kasama ang mga propesyonal na aspekto, ilan sa mga ito ay kaya mong lutasin pero hindi mo ginagawa—isa na itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad. Dagdag pa rito, bulag ka kapwa sa iyong mga mata at sa iyong isipan: Minsan kapag nakakatuklas ka ng mga problema, hindi mo makilatis ang diwa ng mga ito. Hindi mo malutas ang mga ito, pero nagkukunwari kang kaya mong pangasiwaan ang mga ito, pilit na nakakapit habang tahasang tumatanggi na makipagbahaginan o magkonsulta sa mga nakakaunawa sa katotohanan, at hindi rin nag-uulat o naghahanap mula sa ang Itaas. Bakit ganito? Takot ka bang mapungusan? Takot na malaman ng ang Itaas ang katotohanan tungkol sa iyo at tanggalin ka? Hindi ba’t pagtutuon ito sa katayuan nang hindi itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa kaliit-liitan? Sa ganitong uri ng mentalidad, paano mo magagawa ang tungkulin mo nang maayos?
Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay unawain at arukin kung kumusta na ang gawain. Dapat naroroon mismo siya upang magsubaybay sa mga bagay-bagay at magtanong, upang siya mismo ang makakuha ng impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga usap-usapan o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao. Sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanyang mga mata ang sitwasyon ng mga tauhan, at kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at unawain kung anong mga problema ang mayroon, kung may anumang aspekto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng ang Itaas, kung may mga paglabag ba sa mga prinsipyo, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan o mga nauugnay na materyales sa pagtuturo tungkol sa propesyonal na gawain—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa karami ang mahinuha niya mula sa mga sabi-sabi, wala sa mga ito ang makakatalo sa personal na pagbisita; mas tumpak at maaasahan kung makikita niya ang mga bagay-bagay sa sarili niyang mga mata. Sa sandaling pamilyar na siya sa lahat ng aspekto ng sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Lalo nang dapat ay mayroon siya ng isang malinaw at tumpak na pagkaarok sa kung sino ang may mahusay na kakayahan at karapat-dapat na linangin, dahil ito lang ang magpapahintulot sa kanya na tumpak na linangin at gamitin ang mga tao, na siyang napakahalaga para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang mahusay. Ang mga lider at manggagawa ay dapat may landas at mga prinsipyo sa kung paano maglilinang at magsasanay ng mga taong may mahusay na kakayahan. Dagdag pa rito, dapat may pagkaarok at pagkaunawa sila sa iba’t ibang uri ng problema at paghihirap na umiiral sa gawain ng iglesia, at alam nila kung paano lutasin ang mga ito, at dapat may sarili rin silang mga ideya at mungkahi kung paano mapapausad ang gawain, o ang mga plano para sa pag-usad nito sa hinaharap. Kung malinaw silang nakapagsasalita tungkol sa gayong mga bagay nang walang kahirap-hirap, nang walang anumang pagdududa o agam-agam, lalong magiging mas madaling isagawa ang gawain. At sa paggawa sa ganitong paraan, maisasakatuparan ng isang lider ang mga responsabilidad niya, hindi ba? Dapat batid nilang mabuti kung paano lutasin ang mga isyu sa gawaing nabanggit sa itaas, at dapat nilang pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito. Kapag nakakatagpo sila ng mga problema, kailangan nilang makipagbahaginan at makipagtalakayan tungkol sa mga bagay na ito kasama ang lahat, hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyu. Sa paggawa ng tunay na gawain sa ganitong praktikal na paraan, hindi magkakaroon ng mga problemang hindi malulutas. Alam ba ng mga huwad na lider kung paano ito gawin? (Hindi.) Alam lang ng mga huwad na lider na magkunwari at mandaya ng mga tao, kumikilos na parang nauunawaan nila ang mga bagay kahit na hindi naman, hindi makalutas ng anumang mga aktuwal na problema at nagpapakaabala lang sila sa mga walang-kuwentang usapin. Kapag tinatanong kung ano ang pinagkakaabalahan nila, sinasabi nila, “Kulang ng ilang kutson ang tinitirahan namin, at kulang ng isang piraso ng tela para sa mga kasuotan ang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, kaya umalis ako para bumili ng ilan. Sa iba pang pagkakataon, naubusan ng mga sangkap ang kusina, at hindi makaalis ang kusinero, kaya kinailangan kong lumabas at bumili ng ilan, at bumili na rin ako ng ilang supot ng harina. Kinailangan ko mismong gawin ang lahat ng bagay na ito.” Talagang napakarami ng pinagkakaabalahan nila. Hindi ba’t pinababayaan nila ang mga marapat nilang gampanin? Wala talaga silang pakialam o wala talaga silang dinadalang pasanin pagdating sa gawain na nasa saklaw ng mga responsabilidad nila bilang mga lider, nilalayong mairaos lang ang gawain. Ang problema ng pagiging lubos na mahina ng sarili nilang kakayahan at ng pagiging bulag nila kapwa sa mga mata at isipan ay sapat nang malubha, pero wala rin silang dinadalang pasanin at nagpapasasa sila sa kaginhawahan, madalas na gumugugol ng ilang araw sa isang komportableng lugar. Kapag may problema ang isang tao at hinahanap sila nito para sa isang solusyon, hindi sila matatagpuan kahit saan, at walang sinuman ang nakakaalam kung ano talaga ang pinagkakaabalahan nila. Pinamamahalaan nila ang sarili nilang oras. Sa linggong ito, magdaraos sila ng isang pagtitipon para sa isang pangkat sa isang umaga, magpapahinga sa hapon, at sa gabi, titipunin nila ang mga tao na namamahala sa mga pangkalahatang usapin para talakayin ang mga usapin. Sa susunod na linggo, magdaraos sila ng isang pagtitipon para sa mga namamahala sa mga usaping panlabas, kaswal na nagtatanong, “Mayroon bang anumang mga problema? Nagbasa ba kayo ng salita ng Diyos sa panahong ito? Napigilan o nagulo ba kayo sa mga pakikisalamuha ninyo sa mga walang pananampalataya?” At pagkatapos itanong ang ilang tanong na ito, tatapusin na nila ang usapan. Sa isang kisapmata, lilipas ang isang buwan. Anong gawain ang nagawa nila? Bagama’t nagdaos sila ng mga pagtitipon para sa bawat pangkat nang halinhinan, wala silang alam tungkol sa sitwasyon ng gawain ng anumang pangkat, ni hindi rin nila inalam o inusisa ang tungkol dito, o lalong hindi sila sumali sa gawain o nagdirekta nito sa bawat pangkat. Hindi sila nakilahok, nagsubaybay, o nagbigay ng direksyon tungkol sa gawain, pero may ilang bagay silang ginawa nang nasa oras: pagkain sa takdang oras, pagtulog sa takdang oras, at pagdaos ng mga pagtitipon sa takdang oras. Lubos na regular ang buhay nila, inaalagaan nila nang mabuti ang sarili nila, pero ang paggampan nila sa gawain ay hindi abot sa pamantayan.
Hindi isinasakatuparan ng ilang lider ang anumang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, hindi ginagawa ang mahalagang gawain ng iglesia pero sa halip ay nagtutuon lang sa ilang di-mahalagang pangkalahatang usapin. Dalubhasa sila sa pamamahala sa kusina, palaging nagtatanong, “Ano ang kakainin natin ngayon? Mayroon pa ba tayong mga itlog? Gaano karaming karne ang natitira? Kung ubos na ito, bibili ako ng ilan.” Itinuturing nila ang gawain sa kusina bilang lubhang mahalaga, gumagala-gala sa kusina nang walang dahilan, palaging nag-iisip tungkol sa pagkain ng mas maraming isda, mas maraming karne, mas nagpapasasa, kumakain nang walang anumang mga pagkabagabag. Habang ang mga tao sa bawat pangkat ay abala sa paggawa, tinututukan ang maayos na paggampan sa mga tungkulin nila, nakatuon lang ang mga lider na ito sa pagkain nang mabuti, namumuhay ng isang lubos na komportableng buhay. Simula noong naging mga lider sila, hindi lang sa wala silang pakialam sa gawain ng iglesia at umiiwas sa anumang puspusang pagsisikap, kundi inaalagaan din nila ang sarili nila para panatilihing bilugan at malarosas ang pisngi nila. Ano ang ginagawa nila araw-araw? Abala sila sa ilang gawain sa pangkalahatang usapin, sa ilang di-mahalagang usapin, hindi gumagawa nang maayos ng anumang tunay na gawain o lumulutas ng anumang mga tunay na problema. Pero hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi sa puso nila. Hindi gumagawa ng pangunahing gawain ng iglesia ang lahat ng huwad na lider, ni hindi sila lumulutas ng anumang mga tunay na problema. Matapos nilang maging mga lider, iniisip nila, “Kailangan ko lang maghanap ng ilang tao para gawin ang partikular na gawain, at sa gayon ay hindi ko na mismo ito kailangang gawin.” Naniniwala sila na sa sandaling nagsaayos na sila ng mga superbisor para sa bawat aytem ng gawain, wala na sila mismong maiiwang gagawin. Naniniwala silang paggawa ito ng gawain ng pamumuno, at sa gayon ay may karapatan silang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan nila. Hindi sila nakikilahok sa anumang tunay na gawain, hindi nagsusubaybay o nagbibigay ng direksyon at hindi sila nagsasagawa ng mga imbestigasyon o pagsasaliksik para malutas ang mga problema. Isinasakatuparan ba nila ang mga responsabilidad ng isang lider? Magagawa ba nang maayos ang gawain ng iglesia sa ganitong paraan? Kapag nagtatanong ang ang Itaas sa kanila para kumustahin ang gawain, sinasabi nila, “Normal ang lahat ng gawain ng iglesia. May isang superbisor na nangangasiwa sa bawat aytem ng gawain.” Kung tatanungin pa tungkol sa kung may anumang mga problema sa gawain, itinutugon nila, “Hindi ko alam. Wala sigurong anumang mga problema!” Ito ang saloobin ng mga huwad na lider sa gawain nila. Bilang isang lider, nagpapakita ka ng ganap na pagiging iresponsable sa gawaing itinalaga sa iyo; iniaatas ang lahat ng ito sa iba, nang walang pagsubaybay, mga pag-usisa, o pagtulong sa paglutas ng mga problema mula sa panig mo—nakaupo ka lang na parang walang pakialam na tagapag-utos. Hindi ba’t nagiging pabaya ka sa responsabilidad mo? Hindi ba’t kumikilos ka na parang isang opisyal? Hindi gumagawa ng anumang partikular na gawain, hindi sumusubaybay sa gawain, hindi nilulutas ang mga tunay na problema—hindi ba’t ang gayong mga lider ay pirasong pandekorasyon lang? Hindi ba’t mga huwad na lider sila? Ito ang perpektong halimbawa ng isang huwad na lider. Ang gawain ng isang huwad na lider ay ang dumaldal lang nang dumaldal at ang maglabas ng mga utos nang hindi talaga nakikilahok o nagsusubaybay sa gawain, ni hindi naghahanap o tinutukoy ang mga problemang nakapaloob sa gawain. Kahit na natukoy ang mga problema, hindi niya nilulutas ang mga ito. Kumikilos lang siya bilang isang walang pakialam na tagapag-utos, iniisip na iyon ang bumubuo sa paggawa ng gawain. Gayumpaman, hindi man lang nababagabag ang konsensiya niya sa ganitong paraan ng pamumuno; komportable siyang namumuhay araw-araw, at masaya siya sa lahat ng oras. Paanong kaya pa rin niyang ngumiti? May natuklasan Akong isang katunayan: Ang gayong mga tao ay ganap na walang kahihiyan. Wala silang ginagawang aktuwal na gawain bilang isang lider, nagsasaayos lang sila ng ilang tao na gagawa ng mga gampanin at itinuturing itong tapos na. Hindi ninyo sila makikita kailanman sa lugar ng gawain; wala silang ideya tungkol sa pag-usad o sa mga resulta ng gawain ng iglesia, pero iniisip pa rin nilang may kakayahan sila at pasok sila sa pamantayan bilang isang lider. Ito ang perpektong halimbawa ng isang huwad na lider, walang ginagawang anumang aktuwal na gawain. Walang pasanin ang mga huwad na lider para sa gawain ng iglesia, hindi sila nag-aalala o nababalisa gaano man karaming problema ang lumilitaw; nasisiyahan na sila sa paggawa lang ng ilang pangkalahatang usapin at sa gayon ay iniisip nilang gumawa na sila ng aktuwal na gawain. Paano man ilantad ng ang Itaas ang mga huwad na lider, hindi sumasama ang loob nila, ni hindi nila nakikita ang sarili nila sa paglalantad; wala silang anumang pagninilay sa sarili o pagsisisi. Hindi ba’t walang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? Kaya ba ng isang taong tunay na may konsensiya at katwiran na tratuhin ang gawain ng iglesia sa ganitong paraan? Tiyak na tiyak na hindi.
Sa pangkalahatan, ang mga tao na may kahit katiting na konsensiya at katwiran, kapag naririnig ang paglalantad ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider at ikinukumpara ang sarili nila sa mga paglalarawang ito, ay makakakita, sa mas malaki o mas maliit na antas, na may isang bagay sa sarili nila sa mga paglalarawang ito. Mamumula ang mga mukha nila, hindi sila mapapalagay, hindi mapapakali ang mga puso nila, nakakaramdam ng utang na loob sa Diyos, at palihim silang magkakaroon ng kapasyahan: “Noong nakaraan, nagpasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ko ginawa nang maayos ang gawain ko, hindi ko isinakatuparan ang mga responsabilidad ko, hindi ako gumawa ng tunay na gawain, naging mangmang ako kapag tinatanong, palaging gustong umiwas sa responsabilidad, at palaging nagkukunwari, natatakot na sa sandaling makita ng iba kung ano talaga ang nangyayari sa akin, mawawala ang reputasyon at katayuan ko, at hindi ko mapapanatili ang posisyong pinanghahawakan ko bilang isang lider. Ngayon ko lang nakikita na kahiya-hiya at hindi puwedeng magpatuloy ang gayong pag-uugali. Dapat maging mas masigasig ako nang bahagya sa pagkilos, at magsumikap ako. Kung patuloy akong mabibigo sa paggawa nang maayos, hindi mapapatawad iyon—makokonsensiya ako!” Nagtataglay pa rin ang ganitong mga huwad na lider ng kaunting pagkatao at konsensiya; kahit papaano, may kamalayan ang konsensiya nila. Pagkatapos marinig ang paglalantad Ko, nakikita nila ang sarili nila sa mga salitang ito at nakakaramdam ng pagkabagabag; nagninilay sila: “Talagang wala akong nagawang anumang tunay na gawain, o nalutas na anumang mga tunay na problema. Hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos o sa titulo ng lider. Kung gayon, ano ang dapat kong gawin? Dapat akong bumawi; mula ngayon, dapat akong magpakasigasig at lumutas ng mga tunay na problema, makilahok sa bawat partikular na gampanin, umiwas sa pagtakas sa responsabilidad, umiwas sa pagkukunwari, at gumawa ng mga bagay sa abot ng makakaya ko. Sinisiyasat ng Diyos ang puso at kaloob-loobang kaisipan ng mga tao, alam ng Diyos ang tunay na sukat ng lahat; hindi importante kung ginagawa ko man nang maayos o hindi ang mga bagay, pinakamahalaga ang buong-pusong paggawa nito. Kung hindi ko man lang magawa ito, matatawag pa rin ba akong tao?” Ang kakayahang pagnilayan ang sarili sa ganitong paraan ay tinatawag na pagkakaroon ng konsensiya. Ang mga taong walang konsensiya, paano mo man sila ilantad, ay hindi namumula ang mukha o hindi nakararamdam ng pagkabog ng dibdib nila; nagpapatuloy lang sila sa paggawa ng anumang gusto nila. Kahit na nakikita nila ang sarili nila sa inilantad ng Diyos, nakakaramdam sila ng kawalan ng interes tungkol dito: “Hindi naman nabanggit ang pangalan ko,” iniisip nila. “Bakit dapat akong matakot? Mahusay ang kakayahan ko, may talento ako; kung wala ako, walang kayang gawin ang sambahayan ng Diyos! Ano naman kung hindi ako gumagawa ng anumang tunay na gawain? Hindi ako mismo ang gumagawa nito, pero ipinapagawa ko naman sa iba, kaya natatapos pa rin naman ang gawain, hindi ba? Sa ano’t ano man, sa bawat gampaning ipinapagawa mo sa akin, tinatapos ko ito para sa iyo, sino pa man ang isinasaayos ko para gawin ito. Mahusay ang kakayahan ko, kaya matalino akong gumagawa. Sa hinaharap, magpapatuloy akong iraos ang gawain at magpapakaligaya sa buhay tulad ng ninanais ko.” Kahit paano Ko himayin o ilantad ang mga huwad na lider nang dahil sa hindi paggawa ng tunay na gawain, nananatiling pareho ang gayong mga tao, ganap na walang kamalayan: “Hayaan mo ang iba na isipin kung ano ang gusto nila, at tingnan ako kung paano nila ako gustong tingnan—talagang hindi ko ito gagawin!” May konsensiya ba ang gayong mga huwad na lider? (Wala.) Ito ang ikaapat na pagkakataong nagbahaginan tayo tungkol sa paglalantad ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, at sa bawat pagkakataong inilalantad Ko ang gayong mga indibidwal, iyong mga may kahit katiting na konsensiya ay nakakaramdam ng kaba o pagkabalisa, nakakaramdam ng kawalang-kumpiyansa nang dahil sa hindi maayos na paggawa nila ng gawain, at palihim na nagpapasyang mabilis na magsisi at magbago. Samantala, iyong mga walang konsensiya ay labis-labis na walang kahihiyan; wala silang anumang nararamdaman. Paano man Ako makipagbahaginan, nagpapatuloy lang sila sa pamumuhay sa mga araw nila tulad ng nakasanayan, nagpapakaligaya sa buhay tulad ng ninanais nila. Kapag tinatanong mo sila, “Responsable ang ilang tao sa gawain ng ebanghelyo, ang ilan sa gawain ng pagsasalin, at ang iba naman sa gawain ng paggawa ng pelikula—sa anong partikular na gawain ka responsable?” sinasabi nila: “Bagama’t wala akong nagawang anumang partikular na gawain, pinangangasiwaan ko ang lahat ng bagay. Nagdaraos ako ng mga pagtitipon para sa kanila.” Kung tatanungin mo sila, “Gaano karaming pagtitipon ang idinaraos mo sa loob ng isang buwan?” tutugon sila: “Sa pinakamababa, isang malaking pagtitipon sa isang buwan, at isang maliit kada dalawang linggo.” At kapag tinatanong mo sila, “Bukod sa pagdaraos ng mga pagtitipon, anong partikular na gawain ang nagawa mo?” tutugon sila: “Dahil napakaabala ko sa mga pagtitipon, anong partikular na gawain ang magagawa ko? Bukod pa rito, napakalawak ng saklaw ng pinamamahalaan ko, wala akong oras para sa partikular na gawain.” Pakiramdam ng mga huwad na lider na ito na ganap silang nasa tama—napakatatag at napakatibay nilang mga lider! Kahit paano sila inilantad at pinungusan, hindi masama ang loob nila tungkol dito kahit kaunti. Kung may ipinapagawa sa Aking partikular na gawain, tulad ng pagluluto para sa limang tao, pero gumawa Ako ng pagkain na sapat lang para sa apat, hindi Ako magiging komportable dahil sa hindi sapat ang nagawa Ko, at makakaramdam Ako ng pagkakonsensiya dahil hindi Ko napakain nang sapat ang lahat. Kung gayon, iisipin Ko kung paano Ako makakabawi, tinitiyak na wastong magkakalkula sa susunod para makakuha ng sapat na makakain ang lahat. At kapag may nagsabi na masyadong maalat ang pagkain, sasama rin ang loob Ko. Tatanungin Ko kung aling putahe ang masyadong maalat, at pagkatapos ay tatanungin Ko ang iba kung angkop ba ang pampalasa. Bagama’t mahirap pasayahin ang lahat, dapat Ko pa ring subukan ang bawat posibleng paraan para magawa Ko nang maayos ang parte Ko. Ito ay tinatawag na pagsasakatuparan ng mga responsabilidad ng isang tao; ito ang katwirang dapat taglayin ng mga tao. Dapat mong isakatuparan palagi ang mga responsabilidad mo; ano man ang gawain, dapat may partisipasyon ka mismo rito. Kung may sinumang mag-aalok ng ibang opinyon—kahit sino pa sila—at napagtanto mong nasa mali ka at sumama ang loob mo pagkatapos marinig ito, dapat kang gumawa ng mga pagwawasto at ilagay ang puso mo sa gagawin mo sa hinaharap, na gumagawa nang maayos kahit na nangangahulugan ito ng pagtitiis ng ilang paghihirap. Walang ganitong pakiramdam ang mga huwad na lider, kaya hindi talaga sila nagtitiis ng anumang paghihirap. Pagkatapos marinig ang mga katunayang ito tungkol sa paglalantad ng mga huwad na lider, wala silang anumang nararamdaman, nasisiyahan pa rin sa pagkain nila, natutulog nang mahimbing, at nagpapakasasa sa buhay, nang may parehong pakiramdam ng kasiyahan araw-araw, at nang walang pakiramdam ng pagdadala ng mabigat na pasanin sa mga balikat nila, o walang kirot ng pagkakonsensiya sa puso nila. Anong uri ng mga tao ang mga ito? May problema ang gayong mga tao sa karakter nila: Wala silang konsensiya, wala silang katwiran, at mababa ang karakter nila. Sa kabila ng paglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa napakahabang panahon—kapwa mula sa isang positibong perspektiba, pagtutustos at pagbabahaginan, at mula sa isang negatibong perspektiba, paglalantad at paghihimay sa kanila—hindi pa rin makilala ng isang bahagi ng mga huwad na lider ang sarili nilang mga isyu, ni hindi nila kailanman layong magnilay at magsisi. Kung walang anumang pangangasiwa o panghihimok mula sa ang Itaas, iraraos pa rin nila ang gawain nila hangga’t kaya nila, nang hindi talaga nagbabago ng direksyon. Paano Ko man sila inilalantad, nakaupo pa rin sila roon nang kalmado at ganap na walang kamalayan. Hindi ba’t masyado na talaga silang walang kahihiyan? Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi angkop na maging mga lider o manggagawa; sila ay may napakababang karakter na wala silang kahihiyan! Para sa mga normal na tao, maging ang marinig lang ang isang tao na banggitin ang kanilang mga pagkukulang, kapintasan, o anumang hindi angkop o salungat sa mga prinsipyo tungkol sa ginawa nila—hindi na bale ang partikular na mailantad—ay magiging mahirap para sa kanila na tiisin, at makakaramdam sila ng sama ng loob at ng labis na kahihiyan, at iisipin kung paano babaguhin at itatama ang mga sarili nila. Samantala, gumagawa ng ganap na gulo ang mga huwad na lider na ito sa gawain nila at namumuhay pa rin sila nang malinis ang konsensiya, hindi nag-aalala o nababalisa, at nananatiling ganap na walang kamalayan paano man sila nalantad—naghahanap pa nga sila ng mga lugar na mapagtataguan at naghahanap ng libangan, at palagi silang hindi makita kahit saan. Wala talaga silang kahihiyan!