Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3) Ikaapat na Seksiyon
Ang uri ng superbisor na katatapos lang nating pagbahaginan ay maalam sa propesyon niya at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, pero hindi lang nagdadala ng pasanin, at nagpapakasasa sa pagkain, pag-inom, at paglilibang buong araw nang hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat niyang gawin o gumagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi kaya ng mga huwad na lider na italaga agad sa ibang tungkulin at tanggalin ang ganitong uri ng superbisor, at nakahahadlang at nakagugulo ito sa gawain, napipigilan itong umusad nang maayos. Hindi ba’t dulot ito ng mga huwad na lider? Kahit na hindi direktang responsable rito ang mga huwad na lider, dahil sa pagpapabaya nila sa responsabilidad, sa pagkabigo nilang tuparin ang papel nila bilang mga tagapamahala, nagiging hindi direktang responsable sila sa mga kawalang idinulot sa gawain. Hindi tinutupad ng mga huwad na lider na ito ang tungkulin nila bilang mga tagapamahala, pabaya sila sa mga responsabilidad nila, sa huli ay nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. May ilang gampanin pa ngang nahihinto at naiiwang magulo dahil sa kawalan ng angkop na superbisor na mamamahala, magsasakatuparan ng pagsisiyasat, at mangangasiwa at magtutulak na umusad ang gawain. Idinudulot ng hindi wastong paggamit ng mga tauhan ang ganitong mga uri ng kawalan sa gawain. Kahit na may kaunting kakayahan at medyo nauunawaan ng ganitong uri ng superbisor ang propesyon, hindi niya inaasikaso ang gawain na marapat niyang gawin, madalas niyang tinatahak ang sarili niyang landas, at hindi sinusunod ang tamang landas. Kahit na mabalitaan ng mga huwad na lider na may nag-ulat ng isang isyu sa ganitong uri ng superbisor, hindi nila ito agad na sinisiyasat o inaasikaso, at kalaunan ay napaparalisa nito ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t dulot ito ng pagiging iresponsable ng mga huwad na lider? Sinusubukan pa nga nilang tumakas sa responsabilidad, sinasabing hindi nila nauunawaan ang sitwasyon ng superbisor, na hangal at ignorante sila, iniisip na kapag sinasabi ito ay matatapos na ang usapin, na hindi na nila kakailanganing umako ng responsabilidad. Sa gawain nila, palaging kumikilos ang mga huwad na lider nang pabasta-basta. Kahit kapag nag-uulat ang mga tao ng mga problema, hindi nila tinatanong ang tungkol dito o inaasikaso ang mga ito, at kapag nagkakaroon ng mga problema, sinusubukan nilang tumakas sa responsabilidad. Isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider.
II. Kung Paano Tinatrato ng mga Huwad na Lider ang mga Superbisor na May Mahinang Kakayahan at Walang Kapabilidad sa Gawain
Kapag gumagawa ang mga huwad na lider, hindi lang limitado sa sitwasyong ito ang mga problemang kinahaharap nila—may isa pa na kung saan ang mga superbisor ay may mahinang kakayahan at walang kapabilidad sa gawain at hindi kayang pasanin ang trabaho. Sa ganitong mga kaso, hindi rin agad naitatanong at naasikaso ng mga huwad na lider ang isyu. Bakit ganoon? Walang kapabilidad sa gawain ang mga huwad na lider, mahina ang kakayahan nila, at wala silang espirituwal na pang-unawa. Kailanman ay hindi sila nagmamalasakit o nagkukusang tanungin ang tungkol sa kakayahan ng mga superbisor ng iba’t ibang pangkat, sa kapabilidad ng mga itong pasanin ang gawain, o sa mga sitwasyon ng gawain ng mga ito. Hindi nila kayang makilatis ang mga superbisor na mahina ang kakayahan at hindi kayang magpasan ng gawain ng mga ito, hindi rin nila alam ang tungkol sa mga bagay na ito. Sa isip nila, sa sandaling akuin ng sinumang tao ang papel ng superbisor, mananatili ang tao na iyon sa posisyon niya sa loob ng mahabang panahon, maliban kung gagawa siya ng sari-saring kasamaan, gagalitin ang lahat, at tatanggalin ng mga kapatid, o maliban kung may mag-uulat sa mga isyu niya sa ang Itaas at direktang tatanggalin ng ang Itaas ang tao na iyon. Kung hindi, kailanman ay hindi tatanggalin ng mga huwad na lider ang tao na iyon. Naniniwala silang dahil sinabi ng mga kapatid na magaling ang tao na iyon at hinalal ito, malamang na ang tao na iyon ang pinakamainam na piliin. Palaging umaasa ang mga huwad na lider sa mga imahinasyon at paghusga para matukoy kung kaya ng isang tao na gumawa ng gawain at kung angkop siyang tumayo bilang superbisor. Halimbawa, may isang superbisor ng isang pangkat ng mga mananayaw na hindi marunong sumayaw, at hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo sa pagpili ng mga sayaw. Habang bumubuo ng koreograpiya ng isang sayaw, hindi niya alam kung kontemporaryo o klasikal na estilo ang pipiliin. Sa tumpak na pananalita, wala siyang kaalaman sa sayaw. Gayumpaman, hindi ito makita ng huwad na lider. Pinili niya ang tao na iyon bilang superbisor dahil masigasig ito at handang maging sentro ng atensiyon, ipinagpapalagay na nauunawaan niya ang lahat at hinahayaan siyang gabayan ang mga kapatid. Kalaunan, hindi kinumusta, hindi inobserbahan ng huwad na lider ang gawain ng taong ito, o tiningnan kung gaano kaayos na ginagabayan ng superbisor ang mga kapatid, kung eksperto o hindi propesyonal ang superbisor, kung angkop ang itinuturo nito, o kung naaayon ito sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Hindi niya masabi ang mga bagay na ito, at hindi siya pumunta at nagtanong tungkol sa mga iyon. Ang resulta, mahabang panahong gumawa ang lahat nang hindi nagkakaroon ng anumang resulta, at sa wakas ay natuklasang hindi talaga marunong sumayaw ang superbisor na pinili ng huwad na lider, pero nagkukunwari itong eksperto at nangangasiwa sa iba. Hindi ba’t naantala nito ang gawain? Pero hindi matukoy ng huwad na lider ang problemang ito at naniniwala pa ring mahusay ang trabaho nito. Sa isip ng mga huwad na lider, kahit sino pa ang isang tao, basta’t may tibay ng loob siya at naglalakas-loob siyang magsalita, kumilos, at umako ng gawain, pinatutunayan nitong may kakayahan siya at kaya niya itong pasanin, samantalang kung hindi siya naglalakas-loob na gawin ang mga bagay na iyon, patutunayan nitong kulang ang kakayahan niya para pasanin ang gawaing iyon. May ilang tao na hangal o padalos-dalos o mainitin ang ulo, na sapat na matapang para gawin ang anumang bagay. Hindi alam ng mga tao na ito kung taglay nila ang tamang kakayahan o kung kaya nilang pasanin ang gawain pero nangangahas pa rin silang maging mga superbisor. At iyon pala, pagkatapos nilang akuin ang papel, walang umuusad sa mga gawain, at anumang gawain ang ginagawa nila, wala silang malinaw na direksiyon, o mga hakbang, o mga tamang ideya. Puwedeng magsulong ng anumang opinyon ang sinuman at hindi nila malalaman kung tama o mali ito. Kung sasabihin ng isang tao na gawin ang mga bagay-bagay sa isang paraan, sasabihin nilang ayos lang iyon, habang kung sasabihin ng isang tao na gawin ang mga bagay-bagay sa iba pang paraan, sasabihin nilang ayos lang din iyon. At pagdating sa kung anong pamamaraan ang talagang gagamitin, hinahayaan nilang magkaroon ng opinyon ang lahat, at maipapatupad ang ideya ng sinumang pinakamalakas magsalita. Ang ganitong mga uri ng tao ay walang anumang kakayahan, hindi kayang makita ang totoo sa anumang bagay, at nakakagulo lang sa gawain nila, pero hindi pa rin nakikita ng mga huwad na lider ang tunay na pagkatao ng mga superbisor na ganito. Sinasabi ng ilang tao, “Napakahina ng kakayahan ng superbisor na iyon; kailangan niyang matanggal agad!” Pero tumutugon ang mga huwad na lider, “Nakausap ko na siya, at sinabi niyang handa siyang gawin ang bahagi niya. Bigyan natin siya ng isa pang pagkakataon.” Ano ang palagay mo sa pahayag na ito? Hindi ba’t salita iyan ng isang hangal? Ano ang mali sa pahayag na ito? (Hindi ito isang usapin kung handa siyang gawin ang bahagi niya o hindi; wala siyang kakayahan at hindi talaga niya kayang pasanin ang gawain.) Tama iyan, hindi ito isang isyu kung handa siyang gawin ito; tungkol ito sa pagkakaroon niya ng masyadong mahinang kakayahan at kawalan ng kaalaman kung paano ito gawin—ito ang pinakapunto ng problema. Iyon ang dahilan kung bakit kailangang magtaglay ng mga lider nila ng kaunting talino at magawang kumilatis ng mga tao, para makita kung taglay ng mga superbisor na ito ang kinakailangang kakayahan. Kailangang magsagawa ang mga lider na ito ng komprehensibong pagsusuri sa mga ito batay sa pananalita at pagbabahagi ng mga ito, sa pag-oobserba kung karaniwang kumikilos ang mga ito nang may wastong balangkas at nang may maayos na mga paraan at hakbang, at sa komento ng mga kapatid. Kung masyadong mahina ang kakayahan ng mga ito at wala sila ng kinakailangang kapabilidad sa gawain, kung nagiging magulo ang lahat ng kanilang ginagawa, at kung sila ay walang kuwenta, kailangang agarang matanggal ang mga superbisor na ito.
May isang partikular na superbisor sa isang bukid na nakagulo sa gawaing pagsasaka. Hindi niya alam kung aling mga pananim ang dapat niyang itanim sa aling pitak ng lupa, o kung aling pitak ng lupa ang naaangkop sa pagpapatubo ng mga gulay, at hindi siya sumasangguni at nakikipagbahaginan kasama ng lahat—hindi niya alam kung paano makipagbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, kaya hindi na lang niya ito ginagawa. Itinatanim niya ang mga pananim kung paanuman niya naisin, isinasantabi ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa likod ng isip niya. Ang resulta, isinakatuparan niya ang pagtatanim sa bawat bahagi ng bukirin sa isang magulong paraan, itinatanim nang maramihan ang mga pananim na dapat ay kaunti lang ang itanim, at kaunti ang itinatanim sa mga pananim na dapat itanim nang maramihan. Nang pungusan siya ng ang Itaas, mapanlaban pa rin siya, at pakiramdam niya ay walang mali sa pagtatanim niya sa mga pananim sa ganitong paraan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t napakahirap pakitunguhan ng ganitong mga uri ng superbisor? Hindi niya alam kung paano pangasiwaan ang mga bagay batay sa mga prinsipyong itinaguyod ng sambahayan ng Diyos, o na dapat niyang tukuyin kung ilang pitak ng mga butil at ilang pitak ng mga gulay ang nararapat itanim batay sa bilang ng mga tao na gumagawa ng mga tungkulin nila sa iglesiang may tungkuling full-time. Sa halip, nagpasya siyang magtanim ng mas marami at mas kaunti ng mga partikular na pananim batay sa sarili niyang mga kagustuhan, at naniwala siyang ganap na angkop na gawin ito. Sa huli, itinanim niya ang mga pananim sa isang magulong paraan. Kalaunan, sumibol ang mga punla. Ang ilan sa mga iyon ay nanilaw at nangailangan ng pataba, pero hindi niya alam kung gaano karami ang ilalagay o kung kailan ito ilalagay. Ang ilan sa mga pananim ay pinamugaran ng mga peste, at hindi niya alam kung dapat niyang lagyan ang mga iyon ng pestisidyo o hindi. May ilang tao na nagtaguyod sa paggamit ng mga iyon, at may ilang nagtaguyod na huwag gumamit niyon, at nalito siya, at hindi na niya alam kung ano ang gagawin tungkol sa mga pestisidyo. Sa ganitong paraan, iniraos lang niya ang gawain hanggang sa dumating ang panahon ng anihan. Wala rin siyang ideya kung gaano katagal ang panahon ng pagtubo ng bawat pananim o kung kailan magiging magulang ang bawat pananim. Ang resulta, medyo berde pa ang mga butil na inani nang maaga, habang nahulog naman sa lupa ang mga inani nang huli. Sa huli, sa kabila ng lahat, naani ang mga pananim, naimbak na sa wakas ang mga butil, at halos tapos na ang mga aktibidad sa pagsasaka para sa taon. Kumusta ang paggawa ng superbisor ng bukid sa gawain niya? (Nagulo niya ito.) Bakit masyado itong nagulo? Hanapin ninyo ang pinakaugat ng isyung ito. (Masyadong mahina ang kakayahan niya.) Masyadong mahina ang kakayahan ng superbisor na ito! Kapag nahaharap sa mga bagay, hindi tumpak ang mga naging pasya niya, hindi niya mahanap ang mga prinsipyo, at wala siyang paraan o diskarte sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Humantong ito sa pangangasiwa niya sa isang simpleng gampaning gaya ng pagtatanim ng mga pananim sa isang masyadong magulong paraan, at nagdulot ng malaking gulo sa gawaing ito. Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mahinang kakayahan? (Ang kawalan ng tumpak na paghusga at ang kawalan ng kakayahang hanapin ang mga prinsipyo.) Hindi ba’t kritikal ang mga salitang ito? Matatandaan ba ninyo ang mga ito? Kapag nahaharap ang isang tao sa mga usapin, ang kawalan ng tumpak na paghusga at kawalan ng kakayahang hanapin ang mga prinsipyo ay nagpapahiwatig ng napakahinang kakayahan. Habang mas maraming ibinibigay na mungkahi at pahiwatig ang ibang tao, lalong nalilito ang superbisor na ito. Inakala niyang magiging mabuti kung isa lang ang mungkahi, pagkatapos ay puwede niya itong ituring na parang isang patakaran at sundin ito, na lubos na magpapasimple sa mga bagay-bagay, at mangangahulugang hindi na niya kakailanganing mag-isip o magpasya. Natatakot siyang magbigay ng mga mungkahi ang maraming tao dahil kapag narinig niya ang mga iyon, hindi niya alam kung paano haharapin ang mga iyon. Ang totoo, ang mga tao na may utak at mahusay na kakayahan ay hindi natatakot sa pagmumungkahi ng ibang tao. Iniisip nilang mas nagiging tumpak ang paghusga nila at mas lumiliit ang puwang ng pagkakamali kapag mas maraming tao ang nagmumungkahi. Ang mga tao na walang utak o kakayahan ay natatakot sa magkakaibang opinyon at mungkahi mula sa maraming tao; nalilito sila kapag nahaharap sa payo na maraming pinanggagalingan. Hindi ba’t masyadong mahina ang kakayahan ng superbisor ng bukid na kababanggit Ko lang—hindi ba’t hindi siya sapat na magaling para pasanin ang gawaing ito? (Oo.) Katwiran ng ilan, “Baka hindi pa siya nakakapagsaka dati. Ipinagpilitan Mong gumawa siya ng gawain sa bukid—hindi ba’t parang pagpilit iyon sa isang isda na manirahan sa lupa?” Ang hindi ba pagkakaroon ng dating karanasan sa pagsasaka ay nangangahulugang hindi kayang magsaka ng isang tao? Sino ba ang may likas na kakayahang magsaka? Puwede kayang ipinanganak ang mga magsasaka na taglay ang kakayahang ito? (Hindi.) Nagkaroon na ba ng magsasaka na, dahil walang karanasan at hindi marunong magsaka ay hindi nagkaroon ng ani at hindi nagkaroon ng anumang butil na kakainin noong unang beses niyang magtanim ng mga pananim, na humantong sa isang taon ng gutom? Nangyayari ba ang ganitong uri ng bagay? (Hindi.) Kung ganoon talaga iyon, magiging isang likas na sakuna ito, hindi ang resulta ng mga kilos ng tao. Bihirang-bihira ang ganoong mga sitwasyon! Pagsasaka ang ikinabubuhay ng mga magsasaka, at natututuhan ito kahit ng mga tao na isa o dalawang taon palang na nakapagsasaka. Ang mga tao na may mahusay na kakayahan ay kayang mag-ani ng medyo mas marami mula sa pagsasaka sa lupa, habang ang mga tao na mahina ang kakayahan ay puwedeng magkaroon ng mas kaunting ani. Higit pa rito, sa kasalukuyang pagsulong at kasaganaan ng impormasyon, kung may kakayahan ang isang tao, sapat na ang impormasyong ito para magsilbing sanggunian para tumpak na humusga at magpasya. Kapag mas malawak at tumpak ang impormasyon, lalong nagiging tumpak ang mga paghusga at pagpapasya niya, at mas kaunti ang nagiging pagkakamali niya. Gayumpaman, kabaligtaran ang mga tao na mahina ang kakayahan; kapag mas maraming impormasyon, lalo silang nalilito. Sa huli, ang bawat hakbang ay nagiging mahirap at masyadong mabigat para sa kanila. Oras ang kalaban mo sa pagsasaka; hindi uubra kung masyado kang maaga o masyadong huli. Kung mahuhuli ka at hindi ka aabot sa tamang oras, maaapektuhan ang huling ani. Sa panahon ng pagsasakatuparan ng pagsasaka, nagugulumihanan ang superbisor na ito, minamadali ng paglipas ng oras, at napipilitan sa bawat hakbang. Kahit na nagawa pa rin niya ang bawat hakbang, napakahirap nito para sa kanya, at sa huli, nagresulta ito sa pagdudulot niya ng kaguluhan sa gawain. Masyadong mahina ang kakayahan ng ganoong mga tao!
Ang mga tao na masyadong mahina ang kakayahan ay ni hindi kayang gumawa ng kahit isang gampanin nang maayos; anumang gawain ang ginagawa nila, masyado nila itong nagugulo. Kung mahusay ang kakayahan ng mga lider ng mga superbisor na ito at natutupad nila ang mga responsabilidad nila, makikita nila ang mga bagay na ito. Dapat nilang tulungan nang may paggabay, pagsasapamantayan, at pagsusuri ang mga superbisor na mahina ang kakayahan. Gayumpaman, hindi ito nagagawa ng mga huwad na lider; hindi rin nila nagagawa ang mga bagay na hindi kayang gawin ng mga superbisor, at kapag nahihirapan ang mga superbisor sa gawain ng mga ito o hindi sigurado at nag-aalinlangan sa gawain ng mga ito, kasama ng mga itong nag-aalinlangan ang mga huwad na lider. Ni hindi nga nila alam kung paano ginagawa ng mga superbisor ang gawain ng mga ito, kung nasaan na ang mga ito rito, kung anong mga hamon ang lumitaw, o kung anong kalituhan ang nararanasan ng mga ito. Nang may magtanong sa lider na iyon tungkol sa pagsasaka, sinabi niya, “Isa akong lider, hindi ako ang nangangasiwa sa pagsasaka.” Sumagot ito, “Isa kang lider, kung ganoon ay anong masama sa pagtatanong sa iyo tungkol sa pagsasaka? Nasa saklaw ng mga responsabilidad mo ang gawaing ito.” Sinabi niya, “Itatanong ko ito para sa iyo.” Pagkatapos magtanong, sumagot siya, “Nagtatanim kami ngayon ng mga patatas.” Tinanong nito, “Ilang patatas ang itinatanim ninyo?” Sumagot siya, “Hindi ko naitanong iyon, hayaan mo’t aalamin ko para sa iyo.” Pagkatapos muling magtanong, sumagot siya, “Nagtanim kami ng dalawang akre.” Tinanong nito: “Anong uri ang itinanim ninyo? Angkop ba ang pitak ng lupang iyon para sa pagtatanim ng mga patatas? Naglagay ba kayo ng pataba noong itinanim ninyo ang mga iyon? Gaano kalalim itinanim ang mga binhi ng patatas?” Wala siyang alam tungkol dito. Hindi mo alam ang mga bagay na ito, pero hindi ka nagtatanong tungkol sa mga ito at naghahanap ng isang tao na mapagtatanungan tungkol sa mga ito—hindi ba’t naaantala nito ang mga bagay-bagay? Lider ka ba talaga? Anong gawain ang ginagawa mo bilang isang lider? Kung ni hindi mo kayang akayin ang mga tao na gawin ang kaunting panlabas na gawaing ito, ano ang silbi ng pagiging lider mo? Kahit na ganito kahina ang kakayahan ng superbisor, hindi ito natuklasan ng huwad na lider na ito, at nang tanungin siya kung kumusta ang kakayahan ng superbisor, kung kumusta ang mga pananim, at kung matitiyak ang ani, naniwala siyang: “Hindi mo kinakailangang tanungin ang tungkol sa mga bagay na ito; napakasimpleng gampanin ng pagsasaka! Naitanim na namin ang mga pananim sa bukid, hindi ba? Paanong hindi magkakaroon ng ani?” Wala siyang anumang isinaalang-alang, hindi siya nagtanong tungkol sa anumang bagay, at wala talaga siyang utak. Anong uri ng lider ito? (Isang huwad na lider.) Sa tuwing nahaharap sa kahit na ano, natutuliro ang superbisor tulad ng isang manok na putol ang ulo. Hindi niya alam kung sino ang tatanungin, o kung paano maghahanap ng impormasyon, o kung aling panig ang pipiliin kapag maraming iba’t ibang ideya ang ibinibigay ng magkakaibang pinagmumulan. Hindi siniyasat ng lider na ito ang mga sitwasyong ito. Inisip niyang ibinigay na ang gawain sa tao na ito, kung kaya’t hindi na talaga niya ito inalala. Sa palagay ba ninyo ay magkakaroon ng epekto sa mga resulta ng gawain ang pagkakaroon ng ganoon kahinang kakayahan ng isang superbisor? (Oo.) Kung ganoon ay ano ang dapat sanang ginawa ng lider para lutasin ang problemang ito? Sa pamamagitan ng pagsisiyasat dito at hindi direktang pagtatanong, sa pamamagitan ng mga pangyayaring nagaganap sa paligid niya, at sa pamamagitan ng pagtatanim sa pananim ng panahong iyon, dapat ay natuklasan niyang masyadong mahina ang kakayahan ng superbisor, na hindi nito kayang gumawa ng kahit na ano. Hindi nito kayang ibuod ang anumang karanasan kahit pagkatapos ng mga taon ng pagsasaka—sa puntong iyon ay ni hindi ito sigurado kung paano magtanim ng mga pananim—dapat ay naging malinaw na sa kanya na mahina ang kakayahan nito at hindi nito kaya ang gampanin, at dapat sanang matanggal ang ganoong tao! Dapat ay nagtanong siya kung sino ang angkop na maging superbisor, kung sino ang kayang umako sa trabahong ito at gumawa rito nang maayos, sa gayon ay natitiyak na hindi napipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ganito ba ang mentalidad ng huwad na lider? Nakikita ba niya ang mga isyung ito? (Hindi.) Bulag ang isip at mga mata niya; ganap na bulag siya. Isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider. Pagdating sa mga tao na mahina ang kakayahan, hindi nila alam kung paano gagabayan ang mga ito sa gawain ng mga ito, hindi nila alam kung paano tutulungan ang mga ito sa pamamagitan ng pagsusuri o kung paano agad na lulutasin ang mga paghihirap ng mga ito, at talagang hindi nila alam na hindi kaya ng isang tao na may mahinang kakayahan na pasanin ang trabaho at na dapat itong mapalitan agad ng isang angkop na tao. Hindi isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang alinman sa mga gampaning ito; hindi nila ito kaya, at hindi nila nakikita ang alinman dito. Hindi ba’t mga bulag na tao ang mga ito? Sinasabi ng ilang tao, “Siguro ay abala sila sa ibang gampanin. Bakit ba palagi Mong ipinaaasikaso sa kanila ang kung ano-anong hindi mahalagang gampaning ito?” Mga gampanin ito na dapat gawin ng mga lider, paano maituturing na kung ano-ano lang ang mga ito? Ang mga bagay na ito ay nasa saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider—ayos lang ba kung pababayaan nila ang mga ito? Kung pababayaan nila ito, magiging kapabayaan ito sa responsabilidad. Kada araw, nagkakaroon ng mga paghihirap at problema sa gawain nila sa harap mismo ng mga lider, at araw-araw itong binabanggit ng mga tao. Gayumpaman, parehong bulag ang mga mata at isip ng mga huwad na lider. Hindi nila nakikita, nararamdaman, o napapansin na mga problema ang mga ito, kaya, siyempre, hindi nila kayang lutasin ang mga ito. Hindi natuklasan ng huwad na lider na masyadong mahina ang kakayahan ng superbisor. Hindi rin niya kayang tukuyin ang iba’t ibang problemang lumitaw sa gawain nito. Hindi kayang pangasiwaan ng superbisor na ito ang mga isyu at nang may mangyari, kumilos ito sa magulong paraan na gaya ng mga langgam sa mainit na kawali, nang walang mga prinsipyo, at nakagugulo sa gawain, at hindi makita o matuklasan ng huwad na lider na iyon ang alinman dito. May isang prinsipyo kung paano ginagawa ng mga huwad na lider ang gawain nila: Basta’t nakapagsaayos na sila ng isang tao na magiging responsable sa bawat gampanin, itinuturing nilang tapos na ito, at mahusay o mahina man ang kakayahan ng superbisor, kaya man nitong gawin nang maayos ang trabaho, o gaano man karami ang lumilitaw na problema sa gawain, pakiramdam nila ay wala itong kinalaman sa kanila. Kaya pa rin bang magawa ng ganitong lider ang gawain? Nauunawaan ba niya kung paano gumawa? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan kung paano gumawa, bakit ka umaakto bilang isang lider? Kung magsisilbi ka bilang isang lider sa kabila nito, isa kang huwad na lider. Hindi nakikita o natutuklasan ng mga huwad na lider ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao na may mahinang kakayahan o ang iba’t ibang nagiging problema habang ginagawa ng mga ito ang mga tungkulin ng mga ito. Masyadong manhid ang mga puso nila. Hindi ba’t parehong bulag ang mga mata at isip nila? Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi sila bulag. Palagi Mo silang sinisiraan at hinahamak.” Napakalubha ng mga problema sa superbisor ng pagsasaka na ito; kasama itong namumuhay ng huwad na lider na iyon araw-araw, at nakikita at naririnig niya ang lahat ng nangyayari. Kung ganoon ay paanong hindi niya natuklasan o napagtanto na isyu ang mga ito? Bakit hindi niya napangasiwaan o nalutas ang mga isyung ito? Hindi ba bulag ang mga mata at isip niya? Malubha ba ang problemang ito? (Oo, malubha.) Isa pa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider—ang pagiging bulag ng isip at mga mata.
Kapag nagtatalaga ka ng isang gampanin sa isang tao na may mahinang kakayahan, mahahalata mo sa karaniwang paraan ng pagsasalita niya, sa saloobin at mga pananaw niya kapag tinatalakay ang gawain, at sa paraan ng pangangasiwa niya sa mga gampanin, na masyadong mahina ang kakayahan niya, na magulo ang pag-iisip niya, at na hinaharap niya ang lahat ng bagay nang may kaunting pagiging bulag at kawalan ng ingat, at wala siyang anumang layon. Matutukoy mo na masyadong mahina ang kakayahan ng tao na ito sa pamamagitan lang ng pagtingin sa paraan ng paggawa niya sa mga bagay-bagay, kaya kailangan mo ba talaga siyang obserbahan nang ganoon katagal? Hindi, hindi na kailangan. Gayumpaman, may nakasasawing problema ang mga huwad na lider; iyon ay, naniniwala silang dahil patuloy na gumagawa ang isang tao sa buong panahong ito nang hindi humihinto, at wala silang naririnig na sinumang nagsusumbong dito dahil sa paggawa ng masamang bagay, o dahil sa pagdudulot ng pagkakagambala o pagkakagulo, o dahil sa pagiging negatibo o tamad, nangangahulugan itong kaya pa ring gawin ng tao na ito ang gawain. Hindi nila alam kung paano husgahan ang kakayahan ng isang tao o ang abilidad nitong magtrabaho nang maayos batay sa pananalita nito, sa saloobin at pananaw nito sa mga bagay, o sa paraan ng paggawa nito sa mga bagay-bagay. Wala sila ng kamalayang ito; manhid sila at walang anumang pagkaunawa tungkol sa bagay na ito. May isa silang pananaw: Basta’t hindi batugan ang isang tao, ayos lang ang lahat at puwedeng magpatuloy ang gawain. Sa palagay ba ninyo ay kayang magtrabaho nang maayos ng isang lider na may ganitong uri ng pananaw? Kaya ba niya ang gampanin? (Hindi.) Makakagulo sa gawain ang pagpapahintulot na maging lider ang ganoong tao, hindi ba? Kapag nagpapakasasa ang isang tao sa pagkain, pag-inom, at paglilibang, at pinababayaan ang mga tungkulin niya, hindi nag-aabala ang mga huwad na lider na siyasatin o pangasiwaan ito, at hindi nila nakikita kung mahusay o mahina ang kakayahan o karakter ng isang tao, kahit gaano katagal na silang nakikipag-ugnayan dito. Taglay ba ng mga lider na ito ang kapabilidad sa gawain ng isang lider? (Hindi.) Mga huwad na lider ang mga ito. Hindi kayang kilatisin ng mga huwad na lider kung mahusay ang kakayahan ng isang tao o hindi, at hindi nila kayang gawin ang mga partikular na gampaning ito. Iniisip nilang hindi ito bahagi ng trabaho nila. Hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? Ano sa palagay ninyo, kaya bang pasanin ng isang tao na may mahinang kakayahan ang gawain, o ng isang tao na may ilang kakayahan? (Ng isang tao na may ilang kakayahan.) Samakatwid, ang pagsusuri sa kakayahan ng isang tao at sa kahusayan niya sa trabaho ay isang isyu na dapat alalahanin at maarok ng mga lider at manggagawa, at isa rin itong gampanin na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa. Pero hindi nauunawaan ng mga huwad na lider na bahagi ito ng trabaho nila, wala sila ng kamalayang ito, at hindi nila kayang tuparin ang bahaging ito ng mga responsabilidad nila. Dito pabaya ang mga huwad na lider sa responsabilidad nila, at isa rin itong pagpapamalas na hindi kaya ng mga huwad na lider ang gampanin. Ito ang ikalawang uri ng sitwasyon: ang pagkakaroon ng mga superbisor ng mahinang kakayahan, kawalan ng kapabilidad sa gawain, at kawalan ng abilidad na pasanin ang gawain nila, na isang isyu tungkol sa kakayahan nila. Sa sitwasyong ito, sa parehong paraan ay nabibigo ang mga huwad na lider na gampanan ang papel ng isang lider at hindi nila agad na natatanggal ang mga superbisor na may mahinang kakayahan.