Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3) Ikatlong Seksiyon

Ngayon-ngayon lang, ibinahagi Ko ang tungkol sa iba’t ibang uri ng tao na matakaw sa pagkain, tulog, at libangan. May isa pang uri ng tao. Noong una, noong pinipili ang mga superbisor, nakikita na ang ganitong uri ng tao ay angkop sa lahat ng aspekto para sa posisyon, at handa ang lahat ng kapatid na piliin siya. Iniisip nila na may mabuting pagkatao ang tao na ito, na masigasig siya, at mahusay sa propesyon niya, at siya rin ang pinakamagaling at pinakamalakas sa pangkat sa bawat aspekto, kaya malinaw na siya ang pipiliin para sa posisyon ng superbisor. Gayumpaman, ilang panahon matapos mapili, nagsimula nang madalas antukin ang tao na ito, kahit sa mga pagtitipon. Kapag kinakausap siya ng iba, palagi siyang nalilito at nagbibigay ng mga walang kaugnayang sagot sa mga katanungan. Hindi siya ganito dati, kaya bakit parang bigla siyang naging ibang tao? Kalaunan, hindi sinasadyang natuklasan ng isang tao na ang pakikipag-usap ng superbisor na ito sa isang partikular na tao ay parang may romantikong relasyon silang dalawa, at nagkakaroon ng espekulasyon kung talagang may romantikong ugnayan sila. Habang mas lumilinaw ang usaping ito, lalong naguguluhan ang superbisor na ito. Sa tuwing may nagtatanong o kumakausap sa kanya tungkol sa isang bagay, hindi na siya kasingbilis tumugon tulad ng dati, at hindi na siya kasinglinaw at kasingdaling unawain gaya noon. Paunti nang paunti ang ginagawa niya sa gawaing dapat gawin ng isang superbisor, at pabawas nang pabawas ang kasigasigan niya sa paggampan sa tungkulin niya. Para bang naging ibang tao siya; mas interesado siya sa mga damit at personal na pag-aayos niya kaysa sa dati. May problema rito. Dati, sa mga panahong abala sa gawain, madalang siyang maligo, pero ngayon ay dalawang beses siyang naghihilamos sa isang araw, at nagsusuklay at nananalamin siya sa bawat pagkakataon, at palagi niyang tinatanong sa iba, “Sa tingin mo ba ay mas pumuti o umitim ako nitong mga nakaraan? Bakit parang umitim ako?” Tumutugon ang mga tao, “Napakababaw naman para sa iyo, na isang superbisor, na sabihin ang mga bagay na ito—paano nakakaapekto sa kahit na ano ang pagputi o pag-itim?” Palagi siyang nagsasalita tungkol sa mabababaw na paksang ito, at wala siyang ganang gawin ang gawain niya. Sa tuwing nakakakuha siya ng pagkakataon, tinatalakay niya ang mga damit, babae, lalaki, pag-ibig, at kung anong uri ng asawa ang pipiliin ng mga tao, pero kailanman ay hindi niya tinatalakay kung anong mga isyu ang umiiral sa paggampan sa mga tungkulin niya o kung paano lutasin ang mga iyon. Hindi ba’t may problema rito? Kaya pa ba niyang gumawa ng gawain? (Hindi, hindi na.) Nagbago na ang mentalidad niya, at wala na sa isipan niya ang mga usapin ng paggawa sa tungkulin. Sa halip, buong araw na abala ang isip niya sa mga kaisipan kung paano papasok sa mga romantikong relasyon, kung paano manamit, at kung paano makaakit ng ibang kasarian. May isang kataga sa mga walang pananampalataya: “nahuhulog sa pag-ibig.” Pag-ibig ba ito? Hindi, isa itong malalim na hukay! Sa sandaling pumasok ka, hindi ka na makakalabas pa. May ganito bang mga tao sa mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila? (Oo.) Habang hindi nakikialam ang sambahayan ng Diyos sa mga tao na naghahanap ng mga romantikong kapareha, kung magugulo nila ang buhay-iglesia at maaapektuhan ang gawain ng iglesia sa paggawa niyon, kailangang maalis ang mga tao na iyon. Dapat ay umalis at makipagrelasyon ang mga magkasintahang iyon nang sila lang at hindi makaapekto sa ibang tao. Kung isa kang tao na naglaan na ng sarili mo sa pag-aalay ng buong buhay mo sa paggugol para sa Diyos, at napagpasyahan mo nang huwag pumasok sa mga romantikong relasyon, tumuon ka sa paggugol ng sarili mo para sa Diyos. Kung pumasok ka na sa isang romantikong relasyon at wala ka nang ganang gawin ang gawain mo, hindi mo na dapat gampanan ang tungkulin ng isang superbisor, at pipili ang sambahayan ng Diyos ng ibang tao para sa posisyon. Hindi dapat maantala o maimpluwensiyahan ng romantikong relasyon mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Dapat magpatuloy ang gawain. Paano ito makapagpapatuloy? Sa pamamagitan ng pagpili ng isa pang superbisor na walang romantikong ugnayan, na may mahusay na mga propesyonal na kasanayan at kayang magpasan ng gawain, na pagpapasahan ng gawain mo. Sa ganitong paraan palaging gumagawa ang sambahayan ng Diyos, at nananatiling hindi nagbabago ang prinsipyong ito. Sinasabi ng ilang superbisor, “Hindi naaapektuhan ng romantikong relasyon ko ang gawain ko; hayaan mong ipagpatuloy ko ang pangangasiwa.” Mapapaniwalaan ba natin ang pahayag na ito? (Hindi, hindi natin ito mapapaniwalaan.) Bakit hindi natin ito mapapaniwalaan? Dahil nakikita ng lahat ang mga katunayan! Kapag nasa isang romantikong relasyon ang isang tao, ang iniisip lang niya ay ang romantikong kapareha niya, at abala ang puso niya sa mga bagay na ito, kung kaya’t madalas siyang inaantok sa mga pagtitipon at hindi niya nagagawa ang mga tungkulin niya. Samakatwid, angkop at naaayon sa mga prinsipyo ang paraan ng pagharap ng sambahayan ng Diyos sa ganoong mga tao. Hindi ka pinipigilan ng sambahayan ng Diyos na makipagrelasyon, ni inaalis sa iyo ang kalayaan mong makipagrelasyon. Puwede kang makipagrelasyon sa isang tao hanggang sa gusto mo: sariling desisyon mo iyon, basta’t hindi mo ito pagsisisihan, at hindi mo ito iiyakan kalaunan. May ilang superbisor nang natanggal dahil sa isang romantikong relasyon. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi ba pinahihintulutang sumampalataya sa Diyos ang isang tao kapag nasa romantikong relasyon siya?” Kailanman ay hindi iyon sinabi ng sambahayan ng Diyos. Totoo bang tinatanggihan o pinatatalsik ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng tao na nasa romantikong relasyon? (Hindi.) Kung nasa romantikong relasyon ka, hindi ka puwedeng maging isang superbisor o lider o manggagawa, at kung hindi ka dedikado sa paggawa ng mga tungkulin mo, dapat kang umalis sa iglesiang may tungkuling full-time. May nagsabi bang hindi ka na pahihintulutang sumampalataya sa Diyos, o na patatalsikin ka? May nagbigay na ba ng hatol na nagsasabing hindi ka maliligtas, o na masusumpa ka? (Wala.) Kailanman ay hindi sinabi ng sambahayan ng Diyos ang ganoong mga bagay. Hindi talaga nakikialam ang sambahayan ng Diyos sa mga personal mong desisyon at kalayaan; wala talaga itong anumang inaalis na kalayaan sa iyo—binibigyan ka nito ng kalayaan. Gayumpaman, pagdating sa ganitong uri ng superbisor, ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagharap sa kanya ay ang tanggalin siya at maghanap ng angkop na tao na papalit sa puwesto niya. Kung angkop siyang magpatuloy na gumawa ng isang tungkulin, puwede siyang mapanatili. Kung hindi, papaalisin siya. Hindi magkakaroon ng anumang pananakit o berbal na pang-aabuso o pamamahiya. Hindi ito isang kahiya-hiyang bagay; napakanormal nito. Kaya kapag may ilang tao na natanggal sa mga posisyon nila o naipadala sa mga karaniwang iglesia dahil sa mga romantikong relasyon nila, nakakahiya ba ito? Ipinapahiwatig lang nito na wala silang katapatan sa paggawa ng mga tungkulin nila, na hindi sila interesado sa katotohanan, at hindi talaga nagbubuhat ng pasanin para sa sarili nilang buhay pagpasok. Ang ganitong uri ng superbisor ay hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin—tumutuon lang sila sa mga romantikong relasyon, na nakakaantala sa gawain ng iglesia, at nakakaapekto na sa pag-usad ng gawain ng iglesia—hindi ba’t isa itong malubhang problema? (Oo.) Samakatwid, ang ganitong uri ng superbisor ay hindi angkop na mapanatili at dapat na matanggal sa posisyon nila. Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t medyo sobrang padalos-dalos ang pagtanggal sa kanila?” Kung, sa umpisa pa lang ng romantikong relasyon nila hanggang sa panahon ng pagtanggal sa kanila, isa o dalawang araw pa lang ang nagdaan, puwede itong maituring na padalos-dalos. Pero kung tatlo hanggang limang buwan na ang lumipas, maituturing pa rin ba iyong padalos-dalos? (Hindi.) Mabagal namang ginawa ang aksiyon, masyado nang naantala ang gawain—paanong hindi ka nababalisa tungkol dito? Hindi ba’t isa itong problema? (Oo, problema ito.)

Hindi kailanman nag-uusisa ang mga huwad na lider tungkol sa mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at tapos na ang usapin, at na pagkatapos ay puwede nang asikasuhin ng superbisor ang lahat ng gawain nang siya lang. Kaya paminsan-minsan lang nagdaraos ng mga pagtitipon ang mga huwad na lider, at hindi nila pinangangasiwaan o kinukumusta ang gawain, at kumikilos sila na parang mga boss na hindi nakikialam. Kung may isang tao na nag-uulat ng problema sa isang superbisor, sasabihin ng isang huwad na lider, “Maliit na problema lang iyon, ayos lang. Kaya na ninyong asikasuhin iyan nang kayo lang. Huwag ninyo akong tanungin.” Sasabihin ng taong nag-ulat ng isyu, “Tamad na matakaw ang superbisor na iyon. Nakatuon lang siya sa pagkain at paglilibang, at lubhang napakatamad niya. Ayaw niyang magtiis ng kahit kaunting hirap sa tungkulin niya, at palagi siyang mapanlinlang na nagpapabaya at gumagawa ng mga dahilan para makaiwas sa kanyang gawain at mga responsabilidad. Hindi siya angkop na maging isang superbisor.” Sasagot ang huwad na lider, “Magaling siya noong pinili siyang maging superbisor. Hindi totoo ang sinasabi mo, o kahit pa totoo ito, pansamantalang pagpapamalas lang ito.” Hindi susubukan ng huwad na lider na alamin pa ang tungkol sa sitwasyon ng superbisor, sa halip, huhusgahan at tutukuyin niya ang usapin batay sa kanyang mga nakaraang impresyon sa superbisor na iyon. Sino man ang nag-uulat ng mga problema tungkol sa superbisor, hindi siya papansinin ng huwad na lider. Hindi gumagawa ang superbisor ng aktuwal na gawain, at halos huminto na ang gawain ng iglesia, ngunit walang pakialam ang huwad na lider, para bang hindi man lang siya sangkot dito. Nakakasuklam na nga na nagbubulag-bulagan siya kapag may tao na nagsusumbong ng tungkol sa mga isyu ng superbisor. Ngunit ano ang pinakakasuklam-suklam sa lahat? Kapag nag-uulat sa kanya ang mga tao ng talagang mabibigat na isyu tungkol sa superbisor, hindi niya susubukang ayusin ang mga ito, at makakaisip pa nga siya ng lahat ng uri ng mga dahilan: “Kilala ko ang superbisor na ito, talagang nananampalataya siya sa Diyos, hindi siya magkakaroon ng anumang problema kahit kailan. Kahit na mayroon nga siyang maliit na isyu, poprotektahan at didisiplinahin siya ng Diyos. Kung makagawa siya ng anumang mga pagkakamali, nasa kanila na ng Diyos iyon—hindi natin kailangang mag-alala tungkol dito.” Gumagawa ang mga huwad na lider ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon sa ganitong paraan. Nagkukunwari silang nauunawaan nila ang katotohanan at may pananalig sila, pero ginugulo lang nila ang gawain ng iglesia—puwede pa ngang matigil ang gawain ng iglesia at magkukunwari pa rin silang walang alam tungkol dito. Hindi ba’t ang mga huwad na lider ay masyadong kumikilos na parang taga-proseso lang ng mga dokumento? Hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain nang sila mismo, at hindi rin sila metikuloso tungkol sa gawain ng mga lider ng pangkat at ng mga superbisor—hindi nila ito sinusubaybayan o inuusisa. Ang pananaw nila sa mga tao ay batay lang sa sarili nilang mga impresyon at imahinasyon. Kapag nakakita sila ng isang tao na gumagampan nang maayos sa loob ng isang panahon, iniisip nila na ang taong ito ay mananatiling mahusay magpakailanman, na hindi magbabago ang tao na ito; hindi sila naniniwala sa sinumang nagsasabi na may problema sa tao na ito, at binabalewala nila kapag may nagbababala sa kanila tungkol sa tao na iyon. Sa tingin ba ninyo ay mangmang ang mga huwad na lider? Sila ay mangmang at hangal. Paano sila naging hangal? Basta-basta nilang pinagkakatiwalaan ang isang tao, naniniwala sila na noong mapili ang tao na ito, nanumpa ang tao na ito, at gumawa ng resolusyon, at nanalangin nang tumutulo ang mga luha sa kanyang mukha, kaya nangangahulugan iyon na maaasahan siya, at wala nang anumang magiging isyu sa pangangasiwa niya sa gawain. Walang pagkaunawa ang mga huwad na lider sa kalikasan ng mga tao; mangmang sila sa tunay na sitwasyon ng tiwaling sangkatauhan. Sinasabi nila, “Paanong mas sasama ang isang tao kung napili siya bilang isang superbisor? Paanong magagawa ng isang tao na mukhang napakaseryoso at maaasahan na pabayaan ang kanyang gawain? Hindi niya ito magagawa, hindi ba? Puno siya ng integridad.” Dahil labis na nagtitiwala ang mga huwad na lider sa kanilang sariling mga imahinasyon at damdamin, sa huli ay nawawalan tuloy sila ng kakayahang lutasin sa tamang oras ang maraming problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, at napipigilan silang tanggalin at ilipat kaagad ang sangkot na superbisor. Tunay na mga huwad na lider sila. At ano nga ba ang isyu rito? May kinalaman ba sa pagiging pabasta-basta ang pamamaraan ng mga huwad na lider sa gawain nila? Sa isang banda, nakikita nila ang marahas na pang-aaresto ng malaking pulang dragon sa hinirang na mga tao ng Diyos, kaya para mapanatiling ligtas ang sarili nila, kung sino-sino na lang ang isinasaayos nilang mangasiwa sa gawain, sa paniniwalang malulutas nito ang problema, at na hindi na nila kailangan pang pag-ukulan ito ng pansin. Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? “Napakamapanlaban ng kapaligirang ito, dapat muna akong magtago pansamantala.” Ito ay pag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? Sa kabilang banda, may nakamamatay na kapintasan ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano ibinubunyag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit dapat silang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Ang mga huwad na lider ay masyadong mayabang at nag-aakalang mas matuwid sa iba, hindi ba? Ang iniisip nila ay, “Hindi puwedeng nagkamali ako sa paghusga sa tao na ito, wala dapat na maging anumang problema sa taong ito na natukoy ko na angkop; siguradong hindi siya isang tao na nagpapakasasa sa pagkain, pag-inom, at paglilibang, o mahilig sa kaginhawahan at namumuhi sa mahirap na gawain. Siya ay lubos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?” Anong uri ng lohika ito? Eksperto ba sila? May paningin ba silang gaya ng x-ray? Mayroon ba silang natatanging kasanayan na iyon? Maaaring makasama mo ang isang tao nang isa o dalawang taon, pero magagawa mo kayang makita kung sino talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kalikasang diwa niya? Kung hindi siya ibinunyag ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasang diwa mayroon siya. At gaano pa kaya ito katotoo kung madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-bastang nagtitiwala sa isang tao ang mga huwad na lider batay sa isang pansamantalang impresyon o sa positibong pagtingin ng isang tao sa kanya, at nangangahas silang ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa gayong tao. Sa bagay na ito, hindi ba’t lubha silang nagiging bulag? Hindi ba’t kumikilos sila nang walang ingat? At kapag ganito sila gumawa, hindi ba’t lubhang nagiging iresponsable ang mga huwad na lider? Tinatanong sila ng mga nakatataas na lider at manggagawa, “Nasuri mo na ba ang gawain ng superbisor na iyon? Kumusta ang karakter at kakayahan niya? Responsable ba siya sa gawain niya? Kaya ba niyang pasanin ang trabaho?” Tumutugon ang mga huwad na lider, “Talagang kaya niya! Noong napili siya, sumumpa at nagpasya siya. Nasa akin pa rin ang nakasulat na panunumpa niya. Dapat kaya niyang pasanin ang trabaho.” Ano ang palagay ninyo sa mga salita ng mga huwad na lider? Naniniwala silang dahil sumumpa ang tao na ito para ipahayag ang paninindigan nito, tiyak na kaya nitong tumupad doon. Totoo ba ang pahayag na ito? Gaano ba karaming tao sa ngayon ang talagang kayang tumupad sa mga isinumpa nila? Gaano ba karami ang matatapat na tao na nagsasakatuparan ng mga bagay-bagay ayon sa mga resolusyon nila? Dahil lang sumumpa ang isang tao ay hindi nangangahulugang talagang kaya niya itong tuparin. Ipagpalagay na tinanong mo sa kanila, “Matitiyak mo bang hindi magbabago ang superbisor? Matitiyak mo ba ang panghabambuhay na katapatan niya? Kapag gustong ibunyag ng Diyos ang mga tao, kailangan Niyang magsaayos ng iba’t ibang kapaligiran para subukin sila. Ano ang batayan mo sa pagsasabing maaasahan siya? Nasuri mo na ba siya?” Tumutugon ang mga huwad na lider, “Hindi na kailangan. Iniulat na ng lahat ng kapatid na maaasahan siya.” Hindi rin tama ang pahayag na ito. Talaga bang magaling ang isang tao dahil lang iniulat ng mga kapatid na ganoon siya? Lahat ba ng kapatid ay taglay ang katotohanan? Nakikita ba nilang lahat ang totoo sa mga bagay-bagay? Pamilyar ba ang lahat ng kapatid sa tao na ito? Lalo pang kasuklam-suklam ang pahayag na ito! Sa katunayan, matagal nang nabunyag ang tao na iyon. Nawala na sa kanya ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang mga salaulang katangian niya ng pagmamahal sa kaginhawahan at pagkamuhi sa mahirap na gawain, pagiging matakaw at tamad, at hindi pag-aasikaso sa gawaing marapat niyang gawin, ay nasiwalat na. Maliban sa mga huwad na lider, na wala pa ring kamalay-malay, matagal nang nakita ng lahat ang tunay na pagkatao niya—ang mga huwad na lider na lang ang nagtitiwala sa kanya nang ganito katindi. Ano ang silbi ng mga huwad na lider na ito? Hindi ba’t mga walang kuwenta sila? May ilang kaso pa nga kung saan nalalaman ng ang Itaas ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga partikular na superbisor sa pamamagitan ng pagpunta sa lugar ng trabaho para magsiyasat at magtanong tungkol sa mga ito, pero wala pa ring kamalay-malay ang mga lider. Hindi ba’t problema ito? Mga tunay na huwad na lider ang mga lider na ito. Hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, mga taga-proseso lang sila ng mga dokumento, at tulad ng mga amo na hindi nakikialam, gumagawa sila ng kaunting gawain at pagkatapos ay sinasamantala iyon at iniisip na may karapatan na silang magpakasaya, hindi nag-aabalang tumulong kapag nagkakaroon ng mga problema. Ano ang karapatan mong magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan? Talagang kawalan ito ng kahihiyan! Kapag gumagawa ang mga huwad na lider, kailanman ay hindi nila sinusuri ang anumang gawain, hindi nila tinatanong ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at talagang hindi nila sinisiyasat ang mga sitwasyon ng iba’t ibang superbisor ng pangkat. Nag-aatas lang sila ng gawain at nagsasaayos ng mga superbisor, at pagkatapos ay iniisip nilang tapos na sila, na talagang tapos na ang gawain nila, sa wakas. Naniniwala silang, “May nag-aasikaso sa gawaing ito, kaya labas na ako rito. Puwede na akong magpakasaya.” Paggawa ba ito ng gawain? Walang dudang ang sinumang gumagawa nang ganito ay isang huwad na lider—isang huwad na lider na umaantala sa gawain ng iglesia at pumipinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos.

Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nagtatanong o sumusubaybay sa mga sitwasyon sa gawain ng iba’t ibang superbisor ng pangkat. Hindi rin sila nagtatanong, sumusubaybay, o nakakaarok sa buhay pagpasok ng mga superbisor ng iba’t ibang grupo at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang gawain, pati na rin sa mga saloobin ng mga ito sa gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ng mga ito, at sa pananalig sa Diyos, sa katotohanan, at sa Diyos Mismo. Hindi nila alam kung ang mga indibidwal na ito ay sumailalim na sa anumang pagbabago o paglago, at hindi rin nila alam ang tungkol sa iba’t ibang isyung puwedeng umiiral sa gawain nila; sa partikular, hindi nila alam ang epekto ng mga pagkakamali at paglihis na nagaganap sa iba’t ibang yugto ng gawain sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, pati na rin kung ang mga pagkakamali at paglihis na ito ay naitama na. Ganap silang ignorante tungkol sa lahat ng bagay na ito. Kung wala silang nalalaman tungkol sa mga detalyadong kondisyong ito, nagiging pasibo sila tuwing may lumilitaw na mga problema. Gayumpaman, hindi nag-aabala ang mga huwad na lider na harapin ang mga detalyadong isyung ito habang ginagawa ang gawain nila. Naniniwala sila na matapos maisaayos ang iba’t ibang superbisor ng pangkat at maitalaga ang mga gawain, tapos na ang gawain nila—itinuturing na nagawa na nila nang maayos ang trabaho nila, at kung may iba pang problemang lilitaw, hindi na nila problema iyon. Dahil hindi napapangasiwaan, nagagabayan, at nasusubaybayan ng mga huwad na lider ang iba’t ibang superbisor ng pangkat, at hindi nila natutupad ang mga responsabilidad nila sa mga aspektong ito, nagreresulta ito sa pagkakagulo-gulo sa gawain ng iglesia. Pagpapabaya ito ng mga lider at manggagawa sa mga responsabilidad nila. Kayang siyasatin ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao; isa itong abilidad na wala sa mga tao. Samakatwid, kapag gumagawa, kailangang maging mas masikap at maingat ang mga tao, regular na bumisita sa lugar ng gawain para subaybayan, pangasiwaan, at gabayan ang gawain para matiyak ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Malinaw na lubos na iresponsable ang mga huwad na lider sa gawain nila, at hindi nila kailanman pinapangasiwaan, sinusubaybayan, o ginagabayan ang iba’t ibang gampanin. Bilang resulta, hindi alam ng ilang superbisor kung paano lutasin ang iba’t ibang isyung lumilitaw sa gawain, at nananatili sila sa papel nila bilang mga superbisor kahit na kulang na kulang ang kakayahan nila para gawin ang gawain. Sa huli, paulit-ulit na naaantala ang gawain at lubos nila itong nagugulo. Ito ang kinahinatnan ng hindi pagtatanong, pangangasiwa, o pagsubaybay ng mga huwad na lider sa mga sitwasyon ng mga superbisor, isang kinalabasang ganap na dulot ng pagpapabaya ng mga huwad na lider sa responsabilidad nila. Dahil hindi nagsisiyasat, sumusubaybay, o nagtatanong ang mga huwad na lider tungkol sa gawain, at hindi nila agad na maarok ang sitwasyon, nananatili silang walang kamalay-malay tungkol sa mga bagay tulad ng kung gumagawa ba ng tunay na gawain ang mga superbisor, kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at kung nagbunga ba ito ng tunay na resulta. Kapag tinatanong kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga superbisor o kung anong mga partikular na gampanin ang pinapangasiwaan nila, sumasagot ang mga huwad na lider, “Hindi ko alam, pero dumadalo sila sa bawat pagtitipon, at sa tuwing nakikipag-usap ako sa kanila tungkol sa gawain, hindi sila nagbabanggit ng anumang isyu o suliranin.” Naniniwala ang mga huwad na lider na hangga’t hindi tinatalikuran ng mga superbisor ang gawain ng mga ito at palaging nariyan ang mga ito kapag hinahanap sila ng mga huwad na lider, walang anumang problema sa kanila. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng “pagiging huwad”? Hindi ba’t isa itong kabiguang matupad ang mga responsabilidad nila? Malubha itong pagpapabaya sa responsabilidad! Sa gawain nila, tumutuon lang ang mga huwad na lider sa pagraraos ng gawain, at hindi naghahanap ng mga aktuwal na resulta. Sa panlabas, madalas silang nagdaraos ng mga pagtitipon, lumilitaw na mas abala kaysa sa karaniwang tao. Gayumpaman, hindi pa rin alam kung anong mga problema ang talagang nalutas nila, kung anong mga partikular na gampanin ang napangasiwaan nila nang maayos, at kung anong mga resulta ang nakamit nila. Walang sinumang makapagbigay ng malinaw na sagot tungkol sa mga bagay na ito, pati na ang mismong mga huwad na lider. Pero isang bagay ang matitiyak: Anuman ang mga problema ng mga tao sa lugar ng gawain, hindi matagpuan kahit saan ang mga huwad na lider na ito; walang sinumang nakakita sa kanila sa lugar ng gawain na lumulutas ng mga problema ng mga tao. Kung gayon, ano ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider buong araw? Anong mga problema ang nalulutas ng kanilang mga pagtitipon? Walang sinumang nakatitiyak, at sa huli ay natutuklasan na lang ang naipong patong-patong na hindi nalutas na mga isyu kapag ininspeksiyon ang gawain nila. Sa panlabas, para bang talagang abalang-abala ang mga huwad na lider—“humaharap sila sa sangkatutak na gawain.” Gayumpaman, kapag sinuri ng isang tao ang mga resulta ng gawain nila, napakagulo nito; labo-labo ito, wala talagang anumang makabuluhan dito, at malinaw na hindi gumawa ng kahit katiting na tunay na gawain ang mga huwad na lider na ito. Sa kabila ng dami ng mga totoong problemang iniwan nilang hindi nalulutas, parang walang kamalayan sa konsensiya at hindi nakakaramdam ng pagsisisi ang mga huwad na lider. Higit pa rito, masyado silang kampante sa sarili at nag-iisip na medyo magaling sila; talagang wala silang katwiran. Ang ganitong mga tao ay hindi karapat-dapat na maging mga lider o manggagawa sa iglesia.