Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (29) Ikatlong Seksiyon
II. Paano Tiyakin ang Pananatiling Ligtas ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Iba’t Ibang Dayuhang Bansa
A. Ang Pagpoproseso sa Legal na Katayuan ng Hinirang na mga Tao ng Diyos
Sa pagsasagawa ng gawain ng iglesia sa iba’t ibang dayuhang bansa, ang dapat na pangunahing priyoridad ay ang maayos na pagsasaayos sa mga tirahan ng mga tauhang gumagawa sa kanilang mga tungkulin, ginagarantiya ang pananatiling ligtas nila para magawa nila ang mga tungkulin nila nang normal. Ang isa pang mahalagang usapin ay ang pangangasiwa sa isyu ng legal na katayuan, na dapat asikasuhin sa sandaling dumating ang hinirang na mga tao ng Diyos sa isang bagong bansa. Kung walang legal na katayuan o kung hindi lehitimo ang kanilang katayuan, palaging may panganib ng deportasyon, kahit gaano pa kaganda ang kapaligiran nilang pinaninirahan. Ang mga indibidwal na ang katayuan ay hindi lehitimo ay itinuturing na mga ilegal na residente, at ang pananatiling ligtas ng mga taong ito ay nasa panganib; kung hindi matitiyak ang pananatiling ligtas nila, hindi nila magagawa ang mga tungkulin nila nang matagal. Samakatwid, sa mga dayuhang bansa, ang pagsasaayos ng maayos na tirahan para sa mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila ay ang pangunahing gampanin para sa mga lider at manggagawa. Kapag naisaayos na nang maayos ang tirahan nila, ang susunod na hakbang ay ang pagsasaayos na masimulan nila ang pagpoproseso ng kanilang legal na katayuan. Sa anumang bansa, kahit papaano, ang layon sa pagpoproseso ng legal na katayuan ay dapat na para bigyang-daan ang mga kapatid na manirahan doon nang legal. Isa rin itong mahalagang aytem ng gawain sa pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain. Para makamit ang legal na paninirahan, ang unang kinakailangan ay na dapat na maging legal ang katayuan nila; hindi sila maaaring ilegal na manirahan sa isang lugar. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang lahat ng makakaya nila para isaayos ang mga tirahan para sa mga kapatid alinsunod sa mga regulasyon ng pamahalaan para sa legal na paninirahan. Ang mga lider at manggagawa ay maaaring direktang makilahok sa gawaing ito ng paghahanap ng tirahan o subaybayan ito. Kung may mga usaping hindi nila makilatis, dapat silang agarang humingi ng gabay mula sa nakatataas na mga lider at manggagawa. Sa kawalan ng mga espesyal na sitwasyon, dapat silang magsagawa nang naaayon sa mga nakaraang alituntunin ng iglesia. Dapat ding mag-usisa ang mga lider at manggagawa paminsan-minsan, at kung malalaman nila na may isang tao na may mga isyu sa kanyang legal na katayuan o anumang espesyal na sitwasyon, dapat silang magsaayos para malutas ng mga tauhang nangangasiwa sa mga panlabas na usapin ang mga isyu sa pagpoproseso para sa legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Siyempre, ang unang hakbang ay ang humanap ng ilang espesyalisadong abogado na mangangasiwa sa pagpoproseso ng legal na katayuan. Sa pagkuha ng mga abogado, kailangang mag-ingat para maiwasang malinlang—hindi dapat kunin ang mga huwad na abogado o iyong mga hindi espesyalisado sa pagpoproseso ng legal na katayuan. Una sa lahat, dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga aspektong ito na may kaugnayan sa pagpoproseso sa legal na katayuan, at dapat maisaayos ang mga usaping ito nang maayos. Ang gawaing ito ay bahagi rin ng pagpoprotekta sa mahahalagang tauhan sa gawain at pagtitiyak sa pananatiling ligtas nila, kaya’t pagdating sa gawaing ito, hindi dapat magsawalang-bahala ang mga lider at manggagawa. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagsasaayos ng tirahan para sa mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila ay gawain ng sambahayan ng Diyos; kailangan lang nating gawin ito pagkatapos makatanggap ng direktang pagsasaayos mula sa ang Itaas. Kung hindi ito isinasaayos ng ang Itaas, hindi na natin kailangang mag-abala rito, at kahit na may mangyaring hindi maganda, wala itong kinalaman sa atin. Bukod pa rito, iba-iba ang regulasyon ng bawat bansa sa imigrasyon at legal na katayuan; hindi natin kayang mapangasiwaan ang gayong kalaking isyu! Kailangan lang umasa ng lahat sa sarili nila at umasa para sa pinakamabuti—kung makapapanatili sila sa isang bansa, mananatili sila; kung hindi, babalik sila.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Ano ang palagay mo sa ganitong saloobin? (Iresponsable ito.) Sa isang banda, iresponsable ito; sa kabilang banda, isa itong pagpapamalas ng hindi paggawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain at pag-iwas sa responsabilidad. Para sa mga lider at manggagawa, ang pagsasaayos ng tirahan para sa mahahalagang tauhan sa gawain sa ibang bansa ay isa ring mahalagang aytem ng gawain. Kapag maayos nang naisaayos ang tirahan para sa mga ito at nagagawa na ng mga ito ang mga tungkulin nila nang normal, ang agad na kasunod na hakbang ay ang magsaayos para gabayan ang mga ito ng mga tauhan sa panlabas na usapin sa pagproseso ng kanilang legal na katayuan. Lalo na kapag may mga espesyal na sitwasyong nangyayari sa panahon ng pagpoproseso na hindi mapangasiwaan ng mga kapatid, dapat mag-isip ang mga lider at manggagawa ng mga paraan para makahanap ng mga solusyon, at huwag balewalain ang isyu. Kung may anumang problema sa pagpoproseso sa legal na katayuan, hindi ito isang maliit na usapin at kailangang pangasiwaan at malutas nang maaga at sa lalong madaling panahon. Huwag magpaliban—huwag ipagpabukas ang maaaring gawin ngayon; ang pagpapabukas nito ay maaaring humantong sa mga kahihinatnang mas kahila-hilakbot pa kaysa sa maiisip. Kung pabaya at iresponsable ang mga lider at manggagawa sa kanilang responsabilidad, hindi inaapura ang usapin at inaantala ang pinakamainam na panahon para sa pagproseso ng legal na katayuan, na nagsasanhi sa mga tauhan na hindi magawa ang mga tungkulin nila nang normal, sino ang aako sa responsabilidad? Nagpahayag ang mga indibidwal na ito ng mga kahilingan nila sa mga lider ng iglesia at sa mga tauhang nagpoproseso, at alam ito ng mga lider at manggagawa, pero dahil hindi sineryoso ng mga ito ang usapin o nagpalusot para hindi ito pangasiwaan, naantala ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng ilang mahahalagang tauhan sa gawain, na medyo nakaapekto sa partikular na mahahalagang aytem ng gawain ng iglesia. Kaya, sino sa palagay ninyo ang dapat umako ng responsabilidad dito? (Ang mga lider at manggagawa.) Paulit-ulit na binigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang usaping ito. Hindi ito lingid sa kaalaman ng mga lider at manggagawa, ni hindi sila walang alam o walang pang-unawa rito; sa halip, alam nila ang tungkol dito pero hindi nila ito sineseryoso. Basta’t wala itong kinalaman sa sarili nilang mga usapin, basta’t mga isyu ito ng ibang tao, ipinagpapaliban nila ito hangga’t maaari, sa huli ay naaantala ang isang usaping kasinghalaga ng pagpoproseso ng legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag lumitaw ang mga kahihinatnan, dapat akuin ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad. Hindi lang puro salita ang responsabilidad na ito—kung nakaaapekto ito sa gawain ng iglesia, lalo sa mahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang responsabilidad na inako ng mga lider at manggagawa ay nagiging mabigat. Kahit papaano, makatatanggap sila ng demerito mula sa Diyos, magiging isang pagsalangsang ito—iyon ang kahihinatnan. Kung ito ay isang bagay na dapat mong gawin, isang bagay na saklaw ng iyong mga responsabilidad, at hindi mo ito ginawa o binalewala mo ito, o inantala ito dahil sa partikular na mga personal na dahilan, dapat mong akuin ang responsabilidad. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko alam kung paano ito lutasin; wala akong anumang daan pasulong.” Pero sineryoso mo ba ito at humingi ka ba ng gabay mula sa mga nakatataas na lider at manggagawa sa unang pagkakataon? May iba pang nagsasabi na nakalimutan nila ang tungkol dito dahil abala sila sa ibang gawain. Kahit pa totoong nakalimutan nila ito dahil sa pagiging abala, paanong patuloy silang nakalilimot matapos paulit-ulit na binanggit at pinaalala sa kanila ang isyu? Anong problema ang ipinahihiwatig nito? (Hindi nila isinapuso ang usapin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid; wala silang anumang pagpapahalaga sa pasanin.) Ang katunayang kaya nilang makalimutan ang gayong kahalagang bagay ay nagpapakita na wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad at hindi sila mapagkakatiwalaan. Kaya mong kalimutan ang isang bagay na kasinghalaga ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos—makalilimutan mo ba ang pagpoproseso ng sarili mong legal na katayuan? Kung hindi mo makalilimutan ang iyong mga sariling usapin pero makalilimutan ang sa iba, pinatutunayan nitong may mahinang karakter ka, walang pagmamahal, at makasarili at mababang-uri. Natapos mo na ang pagpoproseso sa sarili mong legal na katayuan, pero tinatrato mo ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid bilang isang karaniwan at walang kuwentang usapin—o ganap mo pa nga itong binabalewala—at sa huli ay naaantala ang pagpoproseso ng legal na katayuan nila, ang mahalagang usaping ito. Maaako mo ba ang responsabilidad na iyon? Hindi ba’t ang gayong mga lider at manggagawa ay lubos na walang konsensiya at katwiran? Napakamakasarili at napakababa nila! Inaalala lang nila ang sarili nila at binabalewala ang iba—anong problema ang ipinahihiwatig nito? Hindi ba’t mga huwad na lider sila? (Oo.) Sa gayon ay ganap na nalantad ang diwa ng problema nila. Ayaw lang talaga nilang asikasuhin ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid; nakaaabala ito para sa kanila. Sa puso nila, iniisip nila, “Ano ang kinalaman sa akin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid?” Ito ang saloobin nila sa pagtrato sa usapin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid, sa huli ay nagdudulot ng pagkaantala sa mahalagang usaping ito, nakaaapekto sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid, at nakaaapekto sa gawain ng iglesia. Masasabi mo bang ang gayong mga huwad na lider ay karapat-dapat na maparusahan? (Oo.) Dapat silang papanagutin dahil sinasadya ito; tiyak na hindi ito isang aksidenteng pagkaantala na dulot ng mga obhetibong salik. Kung may naganap na natural na sakuna, tulad ng lindol, pagbaha, o isang malaking pangyayaring pampolitika na nakaabala sa transportasyon at komunikasyon, kaya imposible na mapangasiwaan ang mga usaping ito, magiging kauna-unawa iyon. Pero kung wala naman sa mga pangyayaring ito ang naganap, at nakalimutan o pinabayaan pa rin nila ang pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid, inaantala ang gayong kahalagang bagay—ang legal na katayuan ng mga indibidwal na ito—ang gayong lider o manggagawa ay pabaya sa responsabilidad niya. Dapat siyang bigyan ng demerito at papanagutin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Dahil ikaw ay isang lider o manggagawa, may responsabilidad kang gawin ang gawaing dapat mong gawin. Para sa lahat ng nasa loob ng saklaw ng iyong responsabilidad, dapat mong maayos na pangasiwaan at tapusin ito nang naaayon sa mga kinakailangan ng sambahayan ng Diyos. Pero kung sadya mong iiwasan ang paggawa nito o aantalahin mo ito, pagpapabaya ito sa iyong responsabilidad, at ang pagpapabayang ito ay isang pagsalangsang. Kung sadya mong aantalahin ang isang usapin at hindi ito pangangasiwaan, ang kabiguan mo ay magiging isang pagsalangsang kalaunan, at bibigyan ka ng demerito ng Diyos. Mananagot ka sa usaping ito.
Sa mga dayuhang bansa, kung may mga partikular na problema sa legal na katayuan ng hinirang na mga tao ng Diyos, o kung inireklamo o isinumbong sila ng mga kapitbahay o mga estranghero, maaari silang humarap sa panganib ng deportasyon. Maaaring mangyari din na ang ilan sa hinirang na mga tao ng Diyos sa mga dayuhang bansa ay detenehin at parusahan o arestuhin at ikulong ng mga pamahalaan ng partikular na mga bansa batay sa mga gawa-gawang paratang. Anuman ang sitwasyon, kapag nalaman ng mga lider at manggagawa ang tungkol dito, hindi sila dapat umasta na parang mga pagong na nagkukubli sa loob ng talukab nila; dapat nilang pangasiwaan ang usaping ito sa unang pagkakataon, na may pinakapangunahing layon na tiyakin ang pananatiling ligtas ng mga kapatid, hindi sila pinahihintulutang mapasakamay ng masasamang tao. Kung ang tungkol sa pagsasaayos ng gawain ng iglesia lang ang inaalala ng mga lider at manggagawa, pero binabalewala ang usapin ng pagpoproseso sa legal na katayuan ng mga kapatid, na nagreresulta sa pagkaaresto o deportasyon sa mga kapatid dahil sa kawalan ng legal na katayuan, anong mga kahihinatnan ito? Hindi ba’t sinira ng gayong mga lider at manggagawa ang pagkakataon ng mga kapatid na magawa ang tungkulin nila? Hindi ba’t direkta nitong naaapektuhan ang gawain ng iglesia? Kung gayon, ang kalikasan ng problemang ito ay napakaseryoso. Kung hindi pa napangangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang usaping ito dati, maaari silang humanap sa mga kapatid ng isang taong bihasa sa pangangasiwa sa mga panlabas na usapin para komunsulta sa isang abogado para mangasiwa sa usaping ito, nagsisikap na makamit ang layong maprotektahan ang mga kapatid at maprotektahan ang pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain. Isa rin itong mahalagang aytem ng gawain na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa sa ibang bansa; ang mga lokal na lider at manggagawa ay dapat na magkusa sa pag-aasikaso sa usaping ito. Bukod sa pagprotekta sa pananatiling ligtas ng mga lokal na kapatid, higit nilang dapat protektahan ang pananatiling ligtas ng mga dayuhang kapatid; sa ganitong paraan lang magkakaroon ng katiyakan ang gawain ng iglesia. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa bawat bansa para sa mga lokal na kapatid at sa mga dayuhan na mahahalagang tauhan sa gawain; hindi sila dapat manatiling walang ginagawa. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Sila ay mga dayuhang kapatid at hindi kami pamilyar sa kanila; wala kaming personal na ugnayan sa kanila. Ipinadala sila ng sambahayan ng Diyos para ipangaral ang ebanghelyo rito—ano ang kinalaman niyon sa amin? Ang kapahamakang ito ay isang bagay na idinulot nila sa sarili nila; hindi nila malinaw na inusisa ang tungkol sa sitwasyon bago sila dumating at hindi nila pinangasiwaan nang maayos ang mga usaping ito. Wala kaming paraan para makialam sa kapahamakang ito; sino ang nakaaalam kung ano ang gagawin ng pamahalaan sa kanila.” Gumagamit lang sila ng iba’t ibang palusot para takasan at iwasan ang mga usaping ito, at hindi sila naghahanap ng mga paraan para kumilos na lutasin ang mga ito. Tama ba ang ganitong paraan ng pagkilos? (Hindi.) Bakit hindi? (Kung hindi kumikilos ang mga lider at manggagawa sa paglutas sa mga problemang ito, at ang mga kapatid naman ay walang landas para lutasin ang mga problema, tiyak na magkakaroon ng kaguluhan. Hindi tinupad ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad nilang protektahan ang mga kapatid—pagpapabaya ito sa responsabilidad nila.) Ang tungkulin ng mga lider at manggagawa ay tuparin ang bawat responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos. Ang saklaw ng sambahayan ng Diyos ay hindi limitado sa lokalidad, lokal na rehiyon, o isang partikular na bansa; ang sambahayan ng Diyos ay walang pambansang hangganan, walang rehiyonal na mga limitasyon. Mayroon bang mga limitasyon sa lahi sa paghihirang at pagliligtas ng Diyos sa mga tao? (Wala.) Mayroon bang mga limitasyon sa nasyonalidad o rehiyon? (Wala rin.) Wala. Ito ang prinsipyo ng paggawa ng Diyos sa Kanyang gawain; samakatwid, ang prinsipyong ito ang katotohanan! Saanmang bansa nagmula ang mga kapatid, lahat sila ay nananampalataya sa iisang Diyos, sumusunod sa iisang Diyos, at kumakain at umiinom din ng katotohanan na ibinabahagi at ipinagkakaloob ng iisang Diyos. Dinaranas nila ang gawaing ginagawa ng iisang Diyos, at sumasamba sila sa iisang Diyos. Anuman ang kulay ng balat o lahi nila, sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos, sila ay iisa—iisang pamilya sila. Dahil iisang pamilya sila, wala dapat na pagkakaiba sa kanila; wala dapat na mga limitasyon sa lahi o rehiyon; wala dapat mga pagkakahati-hati ng “ikaw ay Asyano, ako ay taga-Europa,” o “Ikaw ay Puti, ako ay isang taong may kulay”—wala dapat mga ganitong pagkakaiba-iba. Kung gumagawa ka pa rin ng mga ganitong pagkakaiba-iba sa sambahayan ng Diyos, malinaw na hindi mo itinuturing ang sambahayan ng Diyos bilang sambahayan ng Diyos, at hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kapag nakararanas ng mga problema ang mga dayuhang kapatid tulad ng deportasyon o ilegal na pag-aresto, saanman sila nagmula, anuman ang nasyonalidad nila, o anumang kulay ng balat nila, sila ay mga kapatid—dahil sila ay mga kapatid, kapag nakararanas sila ng mga problema, ang mga lokal na lider at manggagawa ay dapat na kumilos at obligado silang pangasiwaan ang usaping ito, at hindi dapat gumawa ng pagkakaiba-iba sa mga tao. Naaayon ito sa mga prinsipyo, ganap na tumutugma sa mga layunin ng Diyos, at ito ang katotohanang dapat isagawa ng mga tao.
Sa kasalukuyan, maraming hinirang na mga tao ng Diyos mula sa Tsina ang pumupunta sa iba’t ibang dayuhang bansa para mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Pagdating nila sa mga bansang ito, ang unang bagay na dapat nilang gawin ay iproseso ang legal na katayuan nila bago sila makapagtrabaho nang may kapanatagan. Ang pagproseso sa legal na katayuan ay hindi isang simpleng usapin; nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng mga tao sa lokal na iglesia. Iyong mga namamahala sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay dapat humanap ng ilang kapatid na nakauunawa sa mga patakaran sa bansa nila at alam ang mga batas nito para matulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa Tsina na malutas ang isyu ng pagpoproseso ng legal na katayuan. Ang paglutas sa isyung ito ay napakahalaga. Ang mga lider at manggagawa ng mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay dapat itong pagsikapan, dahil tanging sa ganap na paglutas sa isyu ng legal na katayuan ng mga tao makauusad nang normal ang gawain ng iglesia; kung hindi, maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Iyong mga namamahala sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay dapat na maghanda ng mga taong may kakayahang mangasiwa sa gayong mga usapin. Ang paggawa nito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at isa rin itong pagpapamalas ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, “Hindi pa namin kailanman napangasiwaan ang ganitong uri ng usapin, at hindi rin namin alam kung ano ang gagawin.” Sa ganitong sitwasyon, dapat silang maghanap ng mga taong nakauunawa sa ganitong uri ng mga usapin. Sa hinirang na mga tao ng Diyos sa bawat bansa, mayroong may mga pinag-aralan at kaalaman, at mayroon din iyong mga nakauunawa sa mga pambansang batas at patakaran. Para sa kanila, ang pangangasiwa sa mga usaping ito ay nangangailangan lang ng kaunting konsultasyon para makahanap ng isang landas—hindi ba’t ganoon iyon? Sa pangangasiwa sa ganitong uri ng usapin, hindi ka dapat na maging pasibo at hindi aktibo; kung hindi mo nauunawaan ang isang bagay, dapat kang humanap ng abogado na makokonsulta. Basta’t makahahanap ng kaukulang uri ng abogado, natural na magkakaroon ng isang landas. Maaaring hindi natin nauunawaan ang usaping ito, pero mauunawaan ito ng abogado. Ang pagkakaroon ng puso na naghahanap ay ang tamang saloobin; ang pagkakaroon ng isang pusong naghahanap ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Kung may lalabas na partikular na mga paghihirap, dapat kang manalangin, maghanap, at makipagbahaginan nang may iisang puso at isipan, at pagkatapos mahanap ang mga prinsipyo at landas para malutas ang problema, dapat ganap mong lutasin ito. Sa ganoong paraan lang maayos na makauusad ang gawain ng iglesia. Kung, kapag natutuklasan ang isang problema, kaya ng mga lider at manggagawa na kaagad na malaman ang tungkol dito, subaybayan ito, at lutasin ito, hindi ba’t mga responsableng lider at manggagawa sila? (Ganoon nga sila.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay hindi lang may pagpapahalaga sa responsabilidad kundi kaya ring kaagad na lutasin ang mga problema, na ibig sabihin ay may pag-asa silang maging mga lider at manggagawa na pasok sa pamantayan. Gaano man kalalim ang pag-unawa nila sa katotohanan, kung tutuon sila sa paglutas ng mga problema, makagagawa sila ng tunay na gawain. Kahit papaano, mababawasan nila ang magagawa nilang pagkakamali o hindi sila magkamali; at kahit na makagawa pa sila ng ilang pagkakamali, kaya nilang kaagad na itama ang mga ito para mabawi ang ilang kawalan, sa huli ay makakamit ang layon ng pangangalaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa palagay ba ninyo ay mahirap tuparin ang responsabilidad na ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi ito mahirap; nakasalalay ito sa kung ang mga tao ay may katapatan sa paggawa ng tungkulin nila at kung matutupad nila ang responsabilidad nila sa kanilang gawain. Kailangan mo lang na medyo pag-isipan ito, gumugol ng kaunting oras, at mamuhunan ng kaunting lakas; hindi kinakailangang gumastos ka ng pera o humarap sa anumang panganib. Kailangan mo lang na manguna para tumulong na lutasin ang mga problema at pangasiwaan ang mga usapin nang maayos, at sa ganitong paraan, maaari kang maging pasok sa pamantayan. Kaya, hindi ito isang mahirap na usapin, at para sa mga lider at manggagawa, dapat ay madali lang itong makamit. Pero may ilang tao na hindi kayang kamtin maging ang ganito kadaling bagay, at napakalinaw na hindi ito dahil sa kakulangan ng kakayahan o abilidad, o sa mga kondisyon o sa kapaligirang hindi nagpapahintulot dito, kundi sa halip, ito ay dahil sa ayaw nilang gawin ito. Kapag may mga nangyayaring espesyal na sitwasyon na may kinalaman sa legal na katayuan o paninirahan ng mahahalagang tauhan sa gawain, o mga usaping may kaugnayan sa tirahan nila, ang mga lider at manggagawa ay may responsabilidad na isagawa ang gawaing ito. Hindi mahalaga kung para kanino ka nagsasaayos ng tirahan, o kung ano ang kanilang nasyonalidad o lahi; ang dapat mo lang gawin ay tanggapin ito mula sa Diyos. Ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang gawaing ito; ito ay iyong responsabilidad at obligasyon, pati na rin ang iyong misyon. Ang gawaing ito na tinatanggap mo ay nagmumula sa Diyos, hindi mula sa sinumang tao, kaya hindi mo dapat alalahanin kung sino ang mga taong ito na isinasaayos mo ang tirahan. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Ang pagprotekta sa mga lokal na kapatid ay katanggap-tanggap, pero wala kaming pakialam kung pumunta rito ang mga dayuhang kapatid.” May pagpapahalaga ba sa responsabilidad o pagkatao ang mga taong nagsasabi nito? (Wala.) Itinuturing nilang mga kapatid ang mga lokal na kapatid, pero hindi itinuturing na kapatid ang mga dayuhang kapatid—katanggap-tanggap ba ito? (Hindi ito katanggap-tanggap.) Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi ito naaayon sa katotohanan? (Ang mga huwad na lider ay hindi mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; binabalewala nila ang mga dayuhang kapatid, at hindi sila kumikilos para pangasiwaan ang mga isyu kapag nagkakaroon ng mga problema—hindi nila pinangangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Umiiwas ang mga huwad na lider sa responsabilidad gamit ang iba’t ibang palusot at hindi gumagawa ng tunay na gawain. Sinasabi nilang handa silang igugol ang sarili nila para sa Diyos at handang isagawa ang katotohanan, pero kapag talagang dumating na sa mga kritikal na usapin ng gawain ng iglesia, nagtatago sila. Ito ay pagiging iresponsable. Para sa lahat ng isyu na may kinalaman sa pagprotekta sa pananatiling ligtas ng mga kapatid sa ibang bansa, dapat agarang pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga ito, tinatrato ito bilang isang responsabilidad at isang gampanin na dapat tapusin. Hindi sila dapat magpalusot para iwasan ito, ni hindi nila dapat hayaan ang kapabayaan nila sa gawaing ito na makaapekto sa pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos.
B. Pagbibigay sa Lahat ng Kapatid ng Batayang Legal na Kaalaman
Anong iba pang aspekto ng gawaing may kinalaman sa pananatiling ligtas ng mga kapatid sa ibang bansa ang naiisip ninyo? (Sa mga dayuhang bansa, dapat magbigay rin ang mga lider at manggagawa ng ilang batayang legal na kaalaman sa lahat ng kapatid, para magkaroon ang mga ito ng pagpapahalaga sa kamalayan sa batas at maiwasang sumali sa mga gawaing lumalabag sa batas.) Dapat magbigay ang mga lider at manggagawa ng batayang legal na kaalaman at pag-unawa sa iba’t ibang regulasyon ng pamahalaan sa lahat ng kapatid. Dapat nilang pag-aralan pa ang tungkol sa mga larangang ito mula sa mga lokal na kapatid sa bansang kinaroroonan nila, tulad ng mga polisiya sa imigrasyon at mga polisiyang may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay, at pagkatapos ay organisahin ang mga kapatid para pag-aralan ang mga ito nang sa gayon ay mahigpit silang makasunod sa mga regulasyon ng pambansang pamahalaan at makaiwas na gumawa ng anumang labag sa batas. Sa partikular, ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa Tsina, na napasailalim sa diktadurang pamamahala sa loob ng napakaraming taon, ay walang legal na kaalaman at hindi nakauunawa sa kahalagahan ng batas. Dahil dito, kumikilos sila nang kaswal at walang-ingat, tulad ng mga hindi sibilisadong tao. Kapag umaalis sila para manirahan sa ibang bansa, nagmumukha silang napakamangmang at madalas na gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng kawalan ng pag-unawa sa mga alituntunin. Halimbawa, sa ilang Kanluraning demokratikong bansa, mahusay na pinamamahalaan ang kaayusang panlipunan, may mga regulasyong nagbabawal sa ingay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-8 ng umaga—hindi pinahihintulutan ang mga tunog tulad ng pagtahol ng mga aso o ingay mula sa makinarya sa konstruksiyon. Kung may sinumang lumabag sa mga regulasyong ito at iniulat, pangangasiwaan ito ng pulisya. Sa mainland China, walang sinumang namamahala sa mga usaping ito; saanmang may naninirahang mga tao, magiging walang habas na maingay rito, na may malalakas na tunog ng musika, sayawan, inuman, at pagdiriwang, at walang nakikialam. Kung may sinumang nagtatangka na gumawa ng anuman, maaari silang gantihan, kaya walang magawa ang mga Tsino kundi ang tiisin ito. Iba sa mga Kanluraning bansa; lahat ay protektado ng batas. Kung madalas tumahol ang aso mo sa kalagitnaan ng gabi, nakaiistorbo sa pahinga ng mga kapitbahay mo, magrereklamo sila laban sa iyo. Ang ginagawa mo ay nakaaapekto sa normal na pamumuhay ng iba, nalabag mo ang mga legal na regulasyon—lehitimo para sa kanila na gamitin ang batas bilang sandata para magreklamo laban sa iyo. May mga tao ring nagpapatuloy sa gawaing konstruksiyon hanggang alas-11 o alas-12 ng gabi, nakaaapekto sa pahinga ng mga kapitbahay nila at nagreresulta sa mga reklamo. Pagkatapos ay dumarating ang pulisya para pagmultahin at bigyang-babala sila na huwag mag-ingay sa mga itinalagang oras. May ilang tao na wala pa ngang kamalayan sa kalinisang pangkapaligiran, nagkakalat at nag-iiwan ng basurang nakakalat sa mga lansangan. Partikular na maayos sa mga Kanluraning demokratikong bansa. May mga takdang oras ang mga residente para sa pagtatapon ng basura, at dumarating ang mga trak ng basura sa mga nakatakdang araw para kolektahin ito. Matapos ang koleksiyon, nananatiling malinis ang mga lansangan. Iyong mga hindi nakauunawa rito ay maaaring magkalat, na maituturing ding paglabag sa mga regulasyon. Naaapektuhan nito ang pampublikong kalinisan at ang itsura ng lungsod, kaya’t maaari silang sampahan ng mga reklamo. Ang mga Tsino, na hindi sumusunod sa mga alituntunin, ay madalas na nakatatanggap ng mga reklamo kapag naninirahan sa ibang bansa. Pagkatapos na maiulat nang maraming beses, nagkakaroon sila ng mga opinyon sa mga Kanluranin, sinasabi, “Mahilig lang talagang magsampa ng mga reklamo ang mga Kanluranin; nagsasampa sila ng reklamo sa bawat maliit na bagay,” kung saan sinasabi Ko naman, “Nagsampa sila ng mga reklamo laban sa iyo dahil sa napakaraming usapin, at hindi ka pa rin nagnilay sa sarili mo, sa halip ay sinisisi mo pa sila sa pagsasampa ng mga reklamo. Tama ba sila sa pagsasampa ng mga reklamo, kung gayon? Tama o mali ba ang mga bagay na ginawa mo?” Ganap silang tama sa pagsasampa ng mga reklamong iyon; napinsala mo ang mga interes nila at naapektuhan ang buhay nila, kaya bakit hindi sila magsasampa ng mga reklamo laban sa iyo? Isinasagawa ito para mapangalagaan ang kaayusang panlipunan at ipinapakita na ang bansang ito ay pinamamahalaan ng batas; lahat ng tao ay protektado ng batas, at ang batas sa bansang ito ay hindi palabas lang—maaaring gamitin ng lahat ang batas bilang sandata para mapangalagaan ang sarili nilang mga karapatan at interes. Nagsasampa sila ng reklamo laban sa iyo dahil hindi mo nauunawaan ang batas at nilabag mo ang mga lokal na regulasyon. Dapat mo munang aralin ang mga lokal na regulasyon at kumilos nang naaayon sa mga batas at regulasyon—kung gayon, sa palagay mo ba ay magrereklamo pa rin sila laban sa iyo? (Hindi na sila magsasampa ng reklamo.) Kaya bakit hindi kailanman nagsasampa ng mga reklamo ang mga Tsino kahit gaano kaseryoso ang usapin? (Masyadong matagal na silang inapi ng pamahalaan. Hindi sila naglalakas-loob na magsampa ng mga reklamo. Wala ring konsepto ang mga Tsino ng pagtatanggol sa mga karapatan nila.) Ang Tsina ay hindi isang bansang pinamamahalaan ng batas. Hindi ito pinamumunuan alinsunod sa batas. Ang mga batas ng Tsina ay palabas lang, at walang silbi ang pagsasampa ng reklamo roon. Kung magsasampa ka ng reklamo, at ang kabilang panig ay may kapangyarihan at impluwensiya, maaari kang balikan ng mga ito. Kung wala kang impluwensiya, hindi ka man lang maglalakas-loob na magsampa ng reklamo; ang pagsasampa ng reklamo ay maaaring madaling makapagdulot ng problema sa iyo. Kaya, kapag nahaharap sa pag-uusig ang mga Tsino—lalo na sa mga kaso kung saan may taong pinatay—kahit gaano pa kahindi-makatarungan ang pagkamatay, pribado na lang na inaareglo ang usapin kung magbabayad ng kaunting pera ang salarin. Bakit hindi nagsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima? Alam nilang hindi sila kailanman mananalo; magkakahalaga ito ng malaking pera, pero hindi pa rin nila makakamit ang katarungan, ni hindi mapananagot ang salarin, kaya pinipili nilang huwag itong ituloy sa legal na paraan at sa halip ay aregluhin ito nang pribado. Ang mga batas ng Tsina ay palabas lang; ang Tsina ay hindi isang bansang pinamumunuan ng batas, at walang lugar para sa paghahanap ng katarungan. Walang saysay ang pagsasampa ng kaso. Kaya’t anuman ang mga ilegal na sitwasyong nararanasan ng mga Tsino, hindi sila naglalakas-loob na magsampa ng mga reklamo. Ito ay dahil ang Partido Komunista ay walang ginawa kundi ang gumawa ng masasamang gawa, walang katwiran, at hindi namumuno nang naaayon sa batas. Sa Tsina, basta’t isa kang ordinaryong tao, gaano man kaseryoso ang isyung kinahaharap mo, hindi ito itinuturing na isang mahalagang usapin ng Partido Komunista—walang sinumang mag-aasikaso nito. Ang mga bagay tulad ng pag-abala sa pahinga ng iba, o maging ang mga kaso ng pang-uumit, pagnanakaw, at panloloob, ay sadyang hindi itinuturing na mga isyu ng Partido Komunista. Gayumpaman, iba ito sa mga Kanluraning bansa. Ang Kanluran ay may sistemang demokratiko at isa itong lipunang pinamumunuan ng batas; basta’t naapektuhan ang pahinga ng isang tao, may maisasampang reklamo, at darating ang pulisya para siyasatin at pangasiwaan ang usapin. Ang mga Kanluranin ay may ganitong legal na kamalayan at hindi gumagawa ng gayong kahangal na mga bagay; iyong mga nanggagaling lang sa ibang bansa at hindi nakauunawa sa mga alituntunin ang gumagawa ng mga hangal na bagay na ito. Nang magsimulang manirahan ang mga Tsino sa ibang bansa, madalas silang makatanggap ng mga reklamo. Sa paglipas ng panahon, natututunan nila ang tungkol sa mga lokal na batas at regulasyon at hindi na naglalakas-loob na gawin ang mga bagay na lumalabag sa batas o nakakagulo sa iba. Samakatwid, dapat iorganisa ng mga lider at manggagawa ang mga kapatid para matutunan nila ang tungkol sa iba’t ibang batas at regulasyon ng bansang kinaroroonan nila. Anuman ang nilalayon nilang gawin, dapat muna nilang konsultahin ang batas—kahit sa pag-aalaga ng mga manok o baboy sa sarili nilang bakuran, dapat muna nilang suriin ang mga regulasyon ng pamahalaan. Maaari silang maghanap ng impormasyon online o komunsulta sa mga lokal na kapatid at sa paraang ito ay makakukuha sila ng mga tumpak na sagot. Sa lahat ng usapin sa iba’t ibang Kanluraning bansa, may mga partikular na regulasyon ang pamahalaan. Halimbawa, sa konstruksiyon, may mga regulasyon kung gaano dapat kataas ang mga saksakan ng koryente mula sa sahig at kung gaano kalayo dapat ang mga saksakan sa isa’t isa. May mga partikular na pamantayan din para sa kapal ng mga barandilya ng hagdan at lapad ng mga balustre ng hagdan. Ang bawat hakbang sa konstruksiyon ay iniinspeksiyon ng mga tauhan ng pamahalaan, kaya’t bihira ang mga insidente ng mga gusaling lumalabag sa mga batas sa konstruksiyon o hindi kontroladong konstruksiyon. Kung gusto ng mga residenteng magtayo ng bahay, ng kamalig ng mga kasangkapan, o isang maliit na silid-imbakan sa bakuran nila, dapat silang kumuha ng pahintulot mula sa pamahalaan. Kung gusto nilang mag-alaga ng mga manok o bibe, may mga regulasyon kung gaano kalayo ang kulungan mula sa ari-arian ng kapitbahay nila. Kahit pa hindi nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang mga batas at regulasyong ito, kung may kinalaman ang gawain ng iglesia sa mga usaping ito, dapat nilang pagtuunan ang mga ito ng pansin. Dapat muna nilang konsultahin ang mga lokal na batas at mga regulasyon ng pamahalaan; ang pagiging malinaw sa mga bagay na ito ay kapaki-pakinabang sa pagganap natin ng tungkulin. Bagaman hindi direktang nauugnay ang mga usaping legal sa panloob na gawain ng iglesia, ang pagbibigay ng batayang legal na kaalaman sa lahat ay kapaki-pakinabang pa rin. Kahit papaano, makapagkakamit sila ng kaunting kaalaman, makauunawa sa ilang alituntunin, matututo kung paano mamuhay nang maayos, at makapagkakamit ng kaunting wangis ng pagkatao. Bukod pa rito, dapat makipagbahaginan ang mga lider at manggagawa sa mga responsable sa mga panlabas na usapin, tinutulungan silang magkaroon ng legal na kamalayan. Para sa maliliit na usapin, hindi na kinakailangang komunsulta sa isang abogado—kailangan lang nilang maunawaan ang mga lokal na regulasyon at mahigpit na sundin ang mga ito. Gayumpaman, para sa malalaking usapin, dapat silang komunsulta sa abogado para magkamit ng pagkaunawa sa mga lokal na batas. Sa pagbubuod, anuman ang ginagawa, ang lahat ng pagkilos ay dapat na sumusunod sa mga batas at regulasyon. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon ay magpapahintulot sa mga tao na maranasan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga batas at regulasyon, at susunod sila sa mga alituntunin kapag gumagawa ng mga bagay-bagay. Kapaki-pakinabang din ito sa gawain ng iglesia.