Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (29) Ikalawang Seksiyon
III. Paano Dapat Gawin ng mga Lider at Manggagawa ang Gawain ng Pagsasaayos sa Tirahan Para sa mga Tauhan
Para sa kapaligirang pinaninirahan ng mahahalagang tauhan ng gawain, may kinalaman man ito sa panloob o panlabas na kapaligiran, kailangang isaalang-alang nang lubusan ng mga lider at manggagawa ang lahat ng aspekto. Hindi sila dapat maging masyadong simple sa pag-iisip nila, palaging ipinagpapalagay na kung hindi tayo makikisalamuha sa mundong nasa labas, walang mangyayari. Ang lipunan ngayon ay sobrang komplikado, puno ng iba’t ibang uri ng mga demonyo, at saanmang lugar, palaging may mga usiserong nagmamasid sa iyo, ginagawang imposible na maiwasan ang pagsisiyasat nila. Maaaring isipin mo na, “Wala naman akong nilabag na anumang batas o ginawang anumang mali sa pananampalataya ko sa Diyos. Ginagawa ko lang ang tungkulin ko; wala namang mangyayaring masama sa akin, tama?” Pero ang mga katunayan ay hindi kasingsimple ng tulad ng inaakala mo. Bakit naggugugol ang CCP ng napakaraming lakas-tao at mapagkukunan para labanan ang Diyos at sugpuin ang iglesia ng Diyos? Mabibigyang-katuturan mo ba ito? Hindi mo ito kailanman mabibigyang-katuturan. Gaano ang makikilatis mo sa kalikasan ng mga diyablo at Satanas? Napakaliit ng nauunawaan mo tungkol sa mga diyablo at Satanas. Napakakomplikado ng lipunang ito, at ang mga diyablo at Satanas ay mga kahabag-habag na gumagawa ng masasamang gawa. Ang pinakagusto nila ay ang arestuhin ang hinirang na mga tao ng Diyos at guluhin ang gawain ng iglesia. Kung palagi mong tinitingnan ang mga Satanas bilang mga karaniwang tao lang, tunay kang mangmang; ipinakikita nito na hindi mo pa nakikilatis ang kasamaan ng lipunang ito, at tiyak na hindi mo pa nakikilatis ang pagiging kamuhi-muhi ng mga diyablo at Satanas. Kaya, para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain ng iglesia nang maayos, dapat nilang tiyakin ang pagiging ligtas niyong mga gumagawa ng tungkulin nila—ito ay napakahalaga. Sa isang bansang nasa ilalim ng diktadurya, kung saan walang kalayaan sa pananampalataya, napakahirap na tiyakin ang pagiging ligtas niyong mga gumagawa ng tungkulin nila. Gayumpaman, gaano man ito kahirap, dapat maingat na piliin ang angkop na mga lugar na paninirahan; hindi dapat magkaroon ng kapabayaan sa aspektong ito. Ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay kinapalooban ng pagbabahaginan sa mga usaping ito. Dapat tiyakin ng mga lider at manggagawa na magagawa ng mga kapatid ang tungkulin nila nang walang panggugulo at walang pang-aabala mula sa mundong nasa labas—basta’t isinasapuso nila ito, maisasakatuparan nila ito. Ang tanging alalahanin ay kapag kumikilos sila nang pabasta-basta at nang iresponsable, iniisip lang ang sarili nilang pagiging ligtas habang binabalewala ang pagiging ligtas ng mga kapatid. Dahil dito ay nagiging imposibleng gawin ang gawain ng iglesia nang maayos. Kung, dahil sa iyong kapabayaan, kawalan ng kasigasigan, pagiging iresponsable, o takot sa kapaligiran at mga problema, nabibigo kang gawin ang mga bagay na ito, na nagreresulta sa pagkakaaresto ng mga tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin at nalalagay ang buhay ng mga kapatid sa panganib—na nag-aantala sa gawain ng iglesia at pumipinsala sa mga kapatid—bilang isang lider o manggagawa, dapat mong akuin ang pananagutan. Hindi basta malulutas ang pananagutang ito sa pamamagitan ng paggugol ng kaunting pera bilang kabayaran o sa pagtatapat sa panalangin; hindi ito ganoon kasimple. Kaya, ano ang kalikasan ng usaping ito? Isa itong hindi mabuburang dungis, isang walang-hanggang pagsalangsang—nabigyan ka na ng demerito. Ang “demerito” na ito ay hindi tumutukoy sa isang pangkaraniwang pagkakamali; sa paningin ng Diyos, isa itong pagsalangsang. Kung masyadong marami ang iyong mga pagsalangsang—dahil nakagawa ka ng mga pagsalangsang dati, gumagawa pa rin ng mga ito sa ngayon, at gagawa ng mas marami pa sa hinaharap—nang may ilang malalaking pagsalangsang na pinagsama-sama, masasadlak ka sa perdisyon at pagkawasak. Hindi ka na ililigtas ng Diyos, at ang pananampalataya mo sa Diyos ay mawawalan ng kabuluhan. Hindi ka lang mawawalan ng pag-asa sa kaligtasan, kundi haharapin mo rin ang kaparusahan. Samakatwid, napakahalaga na gawin ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang ayon sa mga prinsipyo! Naisaulo mo na ba ito? (Oo.) Dapat tuparin ng mga lider at manggagawa ang mga tungkulin nila, at gaano man kasama o kamapanganib ang kapaligiran, dapat nilang gawin ang lahat ng makakaya nila ayon sa mga lokal na kondisyon para protektahan ang pagiging ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain at wastong magsaayos ng mga tirahan para sa kanila. Ang layon ay para tiyakin na ang gawain ng iglesia ay makauusad nang normal.
Para matiyak ng mga lider at manggagawa na ang mga lugar na isinaayos para sa mahahalagang tauhan sa gawain ay malaya mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, bukod sa pagkakaroon ng mga kinakailangan at prinsipyo para sa tirahan at kapaligiran nito, may mga kinakailangan at prinsipyo rin para sa iba’t ibang aspekto ng sitwasyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay. Kapag nakahanap ang mga lider at manggagawa ng potensyal na pamilyang nagpapatira sa bahay, dapat muna nilang tanungin kung kumusta ang kapaligiran at mga kondisyon ng pamilya, ang sitwasyon ng mga miyembro nito, kung mayroon silang anumang pakikipag-alitan sa iba, mga kaaway, anumang gusot sa pamahalaan, kung madalas silang nasasangkot sa mga demandahan, kung mayroon ba silang komplikadong mga relasyong panlipunan, at iba pa. Ang lahat ng mga batayang sitwasyong ito ay dapat masusing itanong at alamin. Kung ang host o ang mga anak nito at iba pang miyembro ng pamilya ay may komplikadong relasyong panlipunan, at ang pamilya ay palaging walang kapanatagan—madalas bisitahin ng mga kahina-hinalang indibidwal na dumarating para maghanap ng gulo o mangolekta ng utang, o nakatatanggap ng mga liham ng pagbabanta mula sa mga bandido o magnanakaw, gayundin ay ipinatatawag ng pamahalaan o korte—pawang lubos na nakagugulo ang mga usaping ito. Kung nakikipagtipon o gumagawa ka ng iyong tungkulin sa pamamahay na ito, hindi ba’t magiging mga pang-aabala ang mga ito? Kaya, kapag nahanap mo ang pamilyang ito na nagpapatira sa bahay, dapat ka munang magtanong-tanong sa kanila at alamin mo ang kanilang pangunahing sitwasyon. Pinakamainam kung wala ang mga isyung ito, pero kung may ganitong mga isyu at kasalukuyang hindi ka pa makahanap ng mas angkop na lugar, isaalang-alang kung kaya bang epektibong pangasiwaan ng host ang mga problemang ito. Kung hindi kayang epektibong pangasiwaan ng host ang mga ito at hindi kayang alisin ang magugulong isyung ito, hindi angkop ang pamamahay na ito para patuluyin ang mga kapatid, dahil ang paninirahan dito ay mangangahulugan na maaaring magdusa ang mga ito anumang oras mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas at mga nasa labas na tao, pangyayari, at bagay. Hindi direktang pinupuntirya ng mga kapaligirang ito ang mga taong nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, ang mga mananampalataya ay isang partikular na sensitibong grupo sa isang bansa kung saan inuusig ang relihiyon, at, bukod pa rito, matapos ang puspusang pagsisikap ng pamahalaan para sa pagpapakalat ng propaganda, pambe-brainwash, pag-iimbento ng mga tsismis, at paninirang-puri, hindi lang nabibigo ang mga walang pananampalataya na maunawaan ang mga taong nananampalataya sa Diyos, kundi naniniwala pa sila sa retorika ng CCP, nagkakaroon sila ng partikular na pagkamuhi at pagkamapanlaban sa mga mananampalataya. Kaya, kung malalaman nila na ang isang partikular na sambahayan ay nagpapatira ng mga mananampalataya, nagiging lubhang mapanganib ito kapwa sa pamilyang nagpapatira sa bahay at para sa mga kapatid. Kapag naninirahan ang mga kapatid sa gayong kapaligiran, hindi lang sila madalas na magdurusa ng pang-aabala kundi hindi rin matitiyak pati ang pagiging ligtas nila. Kaya, bakit sila patuloy na patitirahin doon? Malinaw na isa itong mapanganib na lugar, hindi angkop para tirhan—dapat kaagad silang ilipat. Ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat basta-bastang magsaayos ng tirahan para sa mga kapatid at pagkatapos ay maghuhugas-kamay sa usapin, iniisip na, “Basta’t mayroon silang lugar na makakainan at matutulugan, nakasisilong mula sa mga elemento, ayos na ito. Basta’t nagagawa nila ang tungkulin nila, walang problema. Saan naman ba tayo makahahanap ng napakaraming angkop na lugar?” Napakairesponsable nito! Kung walang angkop na lugar sa oras na iyon, maaari silang pansamantalang manatili roon, pero dapat kaagad kang humanap ng angkop na lugar para mailipat sila sa lalong madaling panahon; huwag mo itong ituring na pangmatagalang tirahan.
May ilang lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Isinasaayos nila ang tirahan para sa mahahalagang tauhan sa gawain sa isang partikular na lugar, tinatanong kung ano ba ang mga kondisyon ng pagkain at pahinga, at kung may sinumang walang pananampalataya na nagmamatyag sa kanila. Pagkarinig na walang napansing anumang kakaiba sa loob ng ilang araw, hinahayaan na nila ang usapin, at hindi na binabalikan ang mga ito para kumustahin nang kalahating taon o higit pa. Naniniwala silang isinaayos na nila ang mga tirahan nang maayos at tinupad ang responsabilidad nila, iniisip na tapos at maayos na ang lahat. Tungkol naman sa kung magdurusa ng anumang pang-aabala ang kapaligiran o kung may anumang potensyal na panganib sa pagiging ligtas, hindi na nila ito binibigyang-pansin. Angkop ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Matapos isaayos ang mga tirahan, kailangang subaybayan ito ng mga lider at manggagawa. Kung hindi nila ito gagawin, at ang mga kapatid ay malalagay sa mapanganib na sitwasyon at hindi makalilipat ang mga ito, maaaring maaresto ang mga ito.) Pero iniisip ng ilang lider at manggagawa, “Mga nasa hustong gulang na kayong lahat—kailangan pa ba kitang subaybayan? Hindi mo ba nakikita kung may panganib? Kung hindi mo kaya, baka hindi gumagana ang utak mo! Kapag napansin mong may panganib, ikaw na lang mismo ang lumipat—kailangan ko pa ba talagang sabihin sa iyo?” Ganito sila mangatwiran. Sa tingin ninyo, may katuturan ba ang ganitong pangangatwiran? (Wala.) Bakit wala? (Dahil ang pagtitiyak sa pagiging ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay likas na responsabilidad ng mga lider at manggagawa; ito ay gawain na bahagi ng kanilang papel na dapat nilang gampanan.) Hindi nila ito nakikita bilang bahagi ng gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa; iniisip nilang pagtulong lang ito sa mga kapatid, tulad ng pagsunod sa halimbawa ni Lei Feng sa paggawa ng mabubuting gawa. Hindi rin nila ito tinitingnan bilang paggawa para itaguyod ang gawain ng iglesia, sa halip ay nakikita nila ito bilang simpleng pagsasaayos ng tirahan para sa mga tauhan, walang kaugnayan sa gawain ng iglesia. Hindi mo ba masasabing kahangalan ito? Anong uri ng tao ang mag-iisip nang ganito? (Isang tao na walang pagpapahalaga sa responsabilidad.) Ganito mag-isip iyong mga tamad, hindi tapat, at iresponsableng huwad na lider. Hindi nila itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos; pagkatapos magsaayos ng lugar para sa mga kapatid, iniisip nila, “Nagsaayos ako ng tirahan para sa inyo sa gayong kagandang lokasyon—napakalaking pabor ang ginawa ko para sa inyo!” Hindi nila ito nakikita bilang pagtataguyod sa gawain ng iglesia. Bilang mga lider at manggagawa, kung hindi ninyo isasaayos nang tama ang mga tirahan para sa mahahalagang tauhan sa gawain at hindi ninyo epektibong tinitiyak ang pagiging ligtas nila, kapag naharap sila sa panganib at hindi magawa ang tungkulin nila nang normal, hindi ba’t maaantala ang gawain ng iglesia? Dapat mo munang isaayos nang tama ang tirahan nila para matiyak ang pagiging ligtas nila, at saka lang sila makauusad para makagawa nang normal. Pero hindi ganoon mag-isip ang mga huwad na lider na iyon; iniiwan nila ang mga taong ito sa isang lokasyon at pagkatapos ay binabalewala ang mga ito, at hindi kinukumusta ang mga ito sa loob ng mahabang panahon. Kapag nagkakaroon ng isang mapanganib na sitwasyon at hindi makontak ng mga ito ang lider nila, wala silang magawa kundi lumipat nang sila-sila lang. Sa oras na nalaman na ito ng lider at sa wakas ay pupunta siya para tingnan ang sitwasyon, matagal nang wala ang mga tao, at walang ideya ang lider kung saan nagpunta ang mga ito. Anong uri ng tao ito? Anong uri ng lider o manggagawa ito? Isang huwad na lider. Lalo na para sa mga kapatid na nanggaling sa ibang lugar at hindi pamilyar sa lokal na kapaligiran, higit na kailangang bisitahin at subaybayan nang regular ang mga ito ng mga lider at manggagawa. Hindi dapat ipagpalagay ng mga lider at manggagawa na ang basta pagsasaayos ng mga tirahan para sa mga ito nang minsan ay makalulutas na nang permanente sa lahat; sa aktuwal, ang gawaing ito ay malayo pa sa pagiging kompleto. Kailangan nilang bisitahin at subaybayan ang mga ito nang madalas. Kung hindi madali para sa mga lider at manggagawa na personal na magpakita sa lokasyon, dapat nilang italaga ang iba para magsagawa ng pangungumusta. Kahit papaano, kailangan nilang subaybayan ang gawaing ito—suriin ang kapaligirang pinaninirahan ng mahahalagang tauhan sa gawaing ito, alamin kung may anumang panganib o anumang kakaiba, o kung may anumang espesyal na sitwasyong nangyari, at kung kinakailangan ang relokasyon. Ang lahat ng ito ay dapat malaman at masubaybayan. Kung, sa maikling panahon, tila pinakaangkop ang lugar na ito, ayos iyon, pero makalipas ang ilang panahon, dapat bumalik sila para kumustahin ang kapaligiran at pagiging ligtas ng mga ito, at kung may sapat na pagkain at iba pang kagamitan ba ang mga ito—dapat tanungin ang lahat ng detalyeng ito. Posibleng hindi maunawaan ng mga lider at manggagawa ang gawain ng mahahalagang tauhan sa gawain, sa ganoong kaso ay hindi sila dapat makialam sa aspektong iyon, pero ang wastong pagsasaayos ng tirahan para sa mga ito ay isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang pagkabigong gawin ito ay pagpapabaya sa responsabilidad nila at nagpapakita na sila ay mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Lalo na para sa mga kapatid na nanggaling sa ibang lugar, mas kinakailangan pa nila ang dagdag at masusing atensyon at hindi dapat tratuhin nang walang ingat. Dapat kumustahin ng mga lider at manggagawa ang mga ito paminsan-minsan, tinitingnan kung may anumang paghihirap ang mga ito na kailangang lutasin, at kung may anumang isyu o espesyal na sitwasyon sa kapaligiran kung saan ginagawa ng mga ito ang tungkulin nila sa panahong ito, halimbawa, kung nagkaroon ba ng kakaibang aktibidad na kinasasangkutan ng lokal na pamahalaan, komite ng pamayanan, o estasyon ng pulis. Dapat magtanong at mag-usisa ang mga lider at manggagawa tungkol sa mga bagay na ito para manatili silang may sapat na kaalaman. Pagkatapos, ang mga lider at manggagawa ay dapat na makipagbahaginan sa host tungkol sa mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa para sa maayos na pagpapatira at pagprotekta sa mga gumagawa ng tungkulin nila, para lubos na maunawaan ng host ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na ito. Hindi pa rin dito nagtatapos ang usapin. Ang mga lider at manggagawa ay dapat ding bumisita at mag-usisa paminsan-minsan tungkol sa sitwasyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay. Anumang isyung nakikita nila ay dapat agaran na lutasin para matiyak na walang magiging mga problema. Saka lang tunay na magagawa nang maayos ang gawain. Kung nahaharap ang host sa mga paghihirap sa pagpapatira, tulad ng mga limitasyon sa pananalapi o kawalan ng karunungan na nagiging dahilan sa kawalang-kakayahan niyang matugunan o mapangasiwaan ang mga sitwasyong lumilitaw, dapat tumulong ang mga lider at manggagawa na malutas ang mga isyung ito. Madaling lutasin ang mga limitasyon sa pananalapi—kayang ipagkaloob ng sambahayan ng Diyos ang pondo para sa pagpapatira sa bahay, habang kailangan lang ng pamilyang nagpapatira sa bahay na mag-ambag ng lakas-tao. Kung walang karunungan ang host, isa itong malaking isyu. Dapat na malinaw na ipaliwanag ng mga lider at manggagawa ang kinakailangang karunungan at ilang prinsipyo ng pagsasagawa kaugnay sa larangang ito. Kung nagkukulang pa rin ang host, dapat na maghanap ang mga lider at manggagawa ng isang matalinong kapatid sa malapit para makipagtulungan sa host na maisagawa ng maayos ang gawaing ito. Kung ang isyu ay nasa mismong host—tulad ng pagiging mahina ang loob o takot sa pagkakaaresto—dapat makipagbahaginan ang mga lider at manggagawa tungkol sa katotohanan para magbigay ng suporta at tulong, nakikipagbahaginan sa mga layunin ng Diyos pati na sa kahalagahan at kabuluhan ng paggawa ng tungkuling ito. Kung ito ay isang isyu sa obhetibong kapaligiran, hindi ito dapat ipagpaliban o basta na lang pinabayaan, at tiyak na hindi ito dapat tratuhin nang walang ingat; dapat itong kaagad na lutasin. Halimbawa, kung napansin na ng mga tao ang lugar na ito, madalas na may mga kahina-hinalang estrangherong umaalis at pumaparito sa lugar, at posible na may nagmamatyag sa lugar, nagdudulot ito ng natatagong panganib. Kaya, kaagad na ilipat ang mga kapatid—magiging masyado nang huli kung hihintayin pang may mangyaring hindi maganda. Kung pansamantala lang ang sitwasyon at isa lang itong normal at nakagawiang proseso, kahit paano ay mapagtitiisan pa rin ito: Pansamantalang paalisin ang mga kapatid nang isa o dalawang araw para maiwasan ito, at maaari silang bumalik pagkatapos. Kung napansin na ito ng mga tao, hindi na opsyon ang pananatili roon, at kinakailangan ang permanenteng relokasyon. Ang mga ito ay ilan sa mga detalyadong isyu na kailangang pangasiwaan at lutasin ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Ang gawaing ito ay hindi lang basta paglalagay ng ilang tao sa isang lugar na may pagkain at tirahan at ituturing itong tapos na; maraming detalye ang sangkot dito. Lalo sa bansang tulad ng Tsina, kung saan ang kapaligiran ay partikular na mapanlaban at matindi ang pag-uusig sa relihiyon, ang mga lider at manggagawa ay dapat na maging higit na mapagmasid at mahigpit na subaybayan ang kapaligirang pinaninirahan at mga isyung pangkaligtasan ng mahahalagang tauhan sa gawain. Hindi sila maaaring maging pabaya. Ang lahat ng aspekto ng partikular na gawain ay dapat na gawin nang maayos para matiyak na ang pagiging ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain na ito ay garantisado at na magagawa nila ang tungkulin nila nang may payapang isip. Sa ganitong paraan, maayos na nagagawa ang gawain. Ito ang gawain na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa kaugnay sa mga pamilyang nagpapatira sa bahay, at marami-raming detalye ang sangkot dito.
May ilang lider at manggagawa, matapos na magsaayos para sa partikular na mahahalagang tauhan sa gawain na mailagay sa angkop na tahanang matutuluyan, ang ganap na binabalewala ang mga ito at hindi patuloy na kinukumusta ang sitwasyon ng mga pamilyang nagpapatira sa bahay. Sinasabi nila, “Abala ako araw-araw sa gawain ng iglesia—paano ako magkakaroon ng oras para bisitahin ang mga taong ito? Bukod pa riyan, marami pang ibang gawain, at napakamapanganib din nito. Hindi madaling gawin ang gawain namin!” Patuloy nilang binibigyang-diin ang mga obhetibong dahilan, pero ayaw naman nilang tuparin ang sarili nilang mga responsabilidad. Ano sa palagay ninyo—may katuturan ba ang pahayag nilang ito? (Wala.) Bakit wala? (Sa katunayan, ang paggawa sa gawaing ito ay hindi naman nangangailangan ng napakaraming oras at lakas mula sa mga lider at manggagawa. Maaari nilang bisitahin nang saglit ang mga ito habang nasa labas sila. At kung wala silang oras, maaari din nilang isaayos na bumisita ang malalapit na kapatid.) Kung gustong gawin nang maayos ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito, kahit medyo abala sila sa pangunahin nilang gawain, maglalaan pa rin sila ng oras para pagtuunan ang gawaing ito. Kung wala silang oras para pumunta nang personal, maaari nilang isaayos ang iba para pumunta. Isaayos man nila ang iba na pumunta o sila mismo ang pumunta, sa pinakahuli, ang gawaing ito ay saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang paggawa sa gawaing ito nang maayos ay mahalagang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ito maaaring pabayaan. Kung masyadong abala ang mga lider at manggagawa at wala silang oras, at hindi rin nila isinasaayos ang iba para pumunta, walang mag-aasikaso sa usaping ito. Kung may mangyaring hindi maganda, ito ay magiging kapabayaan sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Para maiwasang magdusa iyong mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, kailangang isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang lahat ng aspekto ng mga isyu, ginagarantiya hangga’t maaari na magagawa ng mga ito ang mga tungkulin ng mga ito nang mapayapa at maisasagawa ang kasalukuyang gawain nang maayos. Kung ang mahahalagang tauhan sa gawain ay maayos na napoprotektahan, katumbas ito sa pagprotekta sa mahalagang gawain mismo. Kapag ang mahahalagang tauhan sa gawain ay nakagagawa nang normal, makauusad din nang maayos ang mahalagang gawain. Kaya, ang layon ng mga lider at manggagawa sa pagprotekta sa mahahalagang tauhan sa gawain ay, sa katunayan, para mapangalagaan ang bawat mahalagang aytem ng gawain. Kung sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Gumagawa ka ng mahalagang tungkulin, at inatasan akong protektahan ka, pero nasa posisyon ako ng pamumuno, at hindi rin ako ligtas. Hindi ko nga magarantiya ang sarili kong pagiging ligtas, kaya paano ko kayo mapoprotektahan?”—tama ba ang pahayag na ito? (Hindi ito tama.) Anong uri ng pag-arok mayroon ang gayong mga lider at manggagawa? (Mahina ang kanilang pag-arok; ang gayong mga tao ay makasarili at madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot.) Sila ay mga indibidwal na madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot. Wala bang pagkamakatwiran ang mga indibidwal na madaling magkaroon ng mga pagkabaluktot? (Wala.) Kung hindi ginagawa ng mga kapatid na ito ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos pero sa halip ay nagtatrabaho at namumuhay sa mundo, kakailanganin pa rin ba silang protektahan? Dahil mismo sa ginagawa nila ang gawain ng iglesia at mahahalagang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at dahil kung maaaresto sila ay maaari silang mahatulan ng pagkakakulong o mabugbog hanggang sa punto ng kapinsalaan sa katawan o kapansanan, malubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, dapat maayos na maprotektahan ang mahahalagang tauhan sa gawain. Sa ganitong paraan lang makauusad nang maayos ang gawain ng iglesia. Kung sila ay nasa ilang demokratikong bansa kung saan may kalayaan sa relihiyosong pananampalataya at hindi inuusig ang mga mananampalataya sa Diyos, magiging simple ang gawaing ito para sa mga lider at manggagawa. Kailangan lang nilang humanap ng angkop na tahanan at, alinsunod sa mga lokal na batas at regulasyon, isaayos nang tama ang mga tirahan para sa mga gumagawa ng tungkulin nila. Sa pinakamarami na, kailangan lang nilang itanong kung kumusta ang pang-araw-araw na buhay kamakailan ng mga ito at kung lumalabag ba ang kapaligirang pinaninirahan sa anumang regulasyong pampamahalaan. Kung may paglabag, kailangang linawin kung ano ang isyu, gayundin kung paano ito dapat itama at lutasin. Kung walang anumang paglabag, pero nanggugulo ang pamahalaan, o nanliligalig ang masasamang tao o mga hindi kilalang indibidwal, kailangang kumonsulta sa isang abogado para pangasiwaan nang maayos ang mga usaping ito. Sa ilang malaya at demokratikong bansa, sa pinakamarami na, ang ganitong uri ng gawain lang ang kinakailangan. Gayumpaman, sa mga diktadurang bansa kung saan walang kalayaan sa relihiyosong pananampalataya, ang mga kinakailangan para sa kapaligiran at mga kondisyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay ay dapat na mas maging mahigpit, at mas maraming gawain—gayundin ang mas maraming detalyadong gawain—ang kinakailangang asikasuhin kaugnay sa pagiging ligtas. Siyempre, mas malaki rin ang hirap na kaakibat ng ganitong gawain. Para sa gawain ng pangangalaga sa mahahalagang tauhan sa gawain mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, kung ang bawat aspekto ng kapaligiran ay masusing isinasaalang-alang, medyo mababawasan ang mga pang-aabalang mula sa kapaligiran. Kung kapwa ang panlabas at panloob na kapaligiran ay lubusang isinasaalang-alang, makahahanap ng isang makatotohanan at praktikal na landas. Sa ganitong paraan, maaaring bahagyang mapabuti ang kapaligiran, at mababawasan ang mga pang-aabala. Ang ganitong pamamaraan ay medyo angkop.
Pagpapanatiling Ligtas sa Mahahalagang Tauhan sa Gawain
I. Paano Tiyakin ang Pananatiling Ligtas ng Hinirang na mga Tao ng Diyos sa mga Bansa Kung Saan Inuusig ang Pananalig
Ang ikalabinlimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay, una sa lahat, para protektahan ang mahahalagang tauhan sa gawain sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas; bukod pa rito, kailangan ding panatilihing ligtas ng mga lider at manggagawa ang mga taong ito. Ang mga kinakailangan para panatilihin ang pananatiling ligtas ng mga taong ito ay mas mahigpit pa. Tingnan muna natin kung aling mga aspekto ang may kaugnayan sa pananatiling ligtas—ano ang mga isyung nauugnay sa pananatiling ligtas ang naiisip ninyo? Para matiyak ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, mahalaga munang magarantiya na hindi sila apektado ng pang-aabala ng mundong nasa labas—ito ang pinakamababang dapat makamit, at sa pundasyon lang na ito matitiyak ang pananatiling ligtas ng mga ito sa pinakahuli. Ang pananatiling ligtas na pinag-uusapan natin dito ay nangangahulugan lang na magagarantiya na iyong mga gumagawa ng mga tungkulin nila ay hindi magugulo o maaaresto at makagagawa ng mga tungkulin nila nang normal. Ganito lang kasimple iyon. Kung hindi magagarantiya ng mga lider at manggagawa na mapangangalagaan ang mga gumagawa ng tungkulin nila mula sa pang-aabala at pang-aaresto, walang paraan para matiyak ang pananatiling ligtas ng mga ito. Pag-isipan ito—ano ang dapat bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa para matiyak ang pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain? Una, dapat nilang isaayos ang matitirahan ng mahahalagang tauhan sa gawain sa isang angkop na lokasyon. Ano ang ibig sabihin ng angkop na lokasyon? Dapat matugunan nito ang hindi bababa sa dalawang kondisyon. Una, ang lokasyong ito ay dapat malaya mula sa anumang pang-aabala mula sa kapaligiran. Pangalawa, hindi ito dapat nakaaakit ng atensiyon; ilang lokal na kapatid lang ang nakaaalam na ang pamilyang ito ay nananampalataya sa Diyos at nagpapatuloy sa iba, habang walang iba pa ang nakaaalam. Ang gayong lugar lang ang angkop para sa pagpapatuloy ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Pagkatapos lumipat sa bahay na ito ang mahahalagang tauhan sa gawain, ang personal na impormasyon tulad ng pangalan ng bawat isa at lugar na pinagmulan, pati na rin ang mga partikular na sitwasyon tulad ng uri ng gawain sa iglesia na ginagawa nila at kung naaresto na ba sila noon o pinaghahanap ng pamahalaan, ay hindi dapat basta-bastang isinisiwalat sa iba. Kung mas kaunting tao ang nakaaalam, mas mabuti. Dahil masyadong maliit ang tayog ng mga tao at hindi tiyak kung matatag silang makapaninindigan kung maaaresto at makukulong sila, dapat mayroon silang kamalayan sa sarili at iwasang basta-bastang magtanong tungkol sa personal na impormasyon ng mga kapatid, para maiwasang magdulot ng mga problema sa sarili nila sa hinaharap. Ang mga prinsipyo at karunungan sa aspektong ito ay dapat madalas na pagbahaginan para maunawaan ng lahat ang mga ito. Hindi lang ito kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos kundi kapaki-pakinabang din sa bawat indibidwal. Samakatwid, dapat tagubilinan ng mga lider at manggagawa ang mga kapatid sa mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay na kontrolin ang dila ng mga ito at huwag isiwalat ang personal na impormasyon ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin sa iba pang mga kapatid o sa kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya. Kailangan bang gawin ang gawaing ito? (Oo.) Ang ilang kapatid sa mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay hindi makontrol ang dila nila. Halimbawa, may isang tao na nagpatuloy ng ilang lider at manggagawa, at naging pamilyar siya sa mga personal na sitwasyon, pinagmulan na pamilya, at mga tungkuling ginagawa ng mga taong ito. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Tingnan mo, kaedad mo siya. Sampung taon na siyang nananampalataya sa Diyos at nagbitiw pa nga siya sa trabaho niya para gawin ang tungkulin niya. Dati siyang nagtatrabaho sa isang kagawaran ng pamahalaan sa ganito-at-ganyang lungsod, na may taunang suweldo na sampu-sampung libong yuan!” Tingnan mo, para bang nakikipagkuwentuhan lang siya nang walang kabuluhan, isiniwalat niya ang impormasyon tungkol sa mga taong ito na gumagawa ng mahahalagang tungkulin sa kanyang mga di-nananampalatayang kapamilya. May iba pa nga, kapag nagpapatuloy ng mga kapatid na dati nang naaresto at nakulong, na sinasabi sa mga kapamilya nila, “Tingnan ninyo, nakulong sila nang ilang taon at hindi kailanman naging Hudas. Pagkatapos makalaya, nagpapatuloy sila sa paggawa ng tungkulin nila. Ngayon, gusto na naman silang arestuhin ng pamahalaan, kaya hindi sila makauwi para makasama ang pamilya nila, pero hindi sila negatibo. Nakikita mo ba kung gaano kalaki ang pananalig nila? Bakit hindi ka makapanampalataya nang maayos?” Sa ganitong paraan, kaswal nilang naisisiwalat ang mahahalagang impormasyong tungkol sa mga kapatid sa pamamagitan ng pagbibigay-aral sa kanilang mga anak. Maaari ba itong humantong sa mga problema sa hinaharap? (Oo.) Problema ba ito? (Oo.) Kung walang mangyayari dahil dito, mabuti; pero kapag nagsagawa ng mga pag-aresto ang malaking pulang dragon, ang mga di-nananampalatayang kapamilya nila ang unang lalabas at mag-uulat sa mga kapatid: “Opisyal! Si Ganito-at-ganyan ay isang lider—siya ang hinahanap mo.” Pagkatapos ay inaaresto ng malaking pulang dragon ang taong ipinagkanulo at binubugbog hanggang halos mamatay, nag-iiwan ng mga katanungan tungkol sa kung kaya pa ba ng mga ito na ipagpatuloy ang paggawa ng kanilang tungkulin o mamuhay nang normal. Ito ang kinahihinatnan ng pagkakanulo. Hindi ba’t dulot ito ng kaswal na pananalita ng nagpapatuloy? (Oo.) Kung ang mahahalagang tauhan sa gawain ay malalagay sa gayong panganib sa pananatiling ligtas, hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi ginawa ng mga lider at manggagawa ang trabaho nila nang maayos? (Oo.) Iniisip ng nagpapatuloy na, “Mabubuting tao ang lahat ng miyembro ng aming pamilya; hindi nila kayo ipagkakanulo. Sinusuportahan nila ang pananampalataya sa Diyos—bumibili pa nga sila ng mga gulay at karne kapag dumarating kayo!” Itinuturing niya ang mga di-nananampalatayang kapamilya niya na para bang mga kapatid, hindi malinaw na nakikita kung ano ang kayang gawin ng kapamilya niya o kung gaano kalubha ang maaaring kahihinatnan kung ipagkakanulo ng mga ito ang mga kapatid. Masyado rin siyang mausisa tungkol sa mga sitwasyon ng mga kapatid, tinatanong, “Ilang taon mo nang ginagawa ang tungkuling ito? Nakagawa ka na ba ng mga mapanganib na tungkulin? Kilala ka ba sa lokalidad bilang isang mananampalataya sa Diyos? Naaresto ka na ba?” Lalo na pagdating sa mga pinaghahanap o may rekord sa pulisya dahil sa pananampalataya nila sa Diyos at nangangaral ng ebanghelyo sa ibang rehiyon o bansa, palaging nag-uusisa ang nagpapatuloy tungkol sa impormasyon ng mga ito, tinatanong, “Pinaghahanap ka? Lokal na warrant ba ito, probinsyal na warrant, o pambansang warrant?” “May rekord ka—ilang beses ka nang naaresto? Ilang taon kang nasentensiyahan sa kulungan?” Nagtatanong siya tungkol sa mga usaping ito nang napakadetalyado. Nakikita ng mga kapatid na nanunuluyan sa tahanan niya na napakasigasig niya sa pagpapatuloy at na hindi naman siya masamang tao. Kung hindi nila ibabahagi ang impormasyong ito, pakiramdam nila na maaaring magmukha silang bastos, na naglalagay sa kanila sa alanganin. Napipilitan ang ilang tao na magsabi ng kaunting bagay, at pagkatapos magsalita, minsan ay hindi naiiwasang nauuwi ito sa mga seryosong kahihinatnan. Kaya, dapat na direktang turuan ng mga lider at manggagawa ang nagpapatuloy sa bahay: “May ilang patakaran na dapat sundin kapag nagpapatuloy ng mga kapatid. Huwag basta-bastang mag-usisa o magtanong—ang masyadong maraming malaman tungkol sa kanila ay hindi magiging kapaki-pakinabang para sa iyo. Kung may mangyayari at hindi mo makayanang tiisin ang sakit ng pagpapahirap, maaaring maging Hudas ka. Sa ganoong kaso, ang impormasyong nalaman at naarok mo ay para na ring nagbibigay-daan sa iyo na maging Hudas. Kapag nangyari iyon, mag-iiwan ito sa iyo ng panghabambuhay na pagsisisi, at sa huli ay mahaharap ka sa kaparusahan. Kung hindi mo alam ang mga detalyeng ito, hindi ka magiging isang Hudas. Kaya, hinding-hindi ka dapat na mag-usisa o sumubok na alamin ang tungkol sa mga usaping ito. Ang hindi pagkakaalam ay nagpoprotekta sa iyo at hindi makaaapekto sa iyong pagpapatuloy sa bahay o sa pagkakamit mo ng katotohanan sa pananampalataya mo sa Diyos. Pinakamainam kung hindi mo alam. Malinaw sa iyo na narito ang mga kapatid para gawin ang tungkulin nila at na hindi sila di-mabubuting tao o masasamang tao, kaya hindi na kailangang mag-usisa pa. Ang pagtupad sa tungkulin mo na patuluyin sila sa bahay ay ang pinakamahalaga, at ang magarantiya ang kanilang pananatiling ligtas ay sapat na.” Ito ay isang aytem ng gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa. Bukod pa rito, iyong mga lokal na mananampalataya na walang pundasyon sa pananalig nila at mga mananampalataya lang sa pangalan, iyong madadaldal at mahilig mag-usisa, iyong mga nagpapanatili ng malapit na pakikipag-ugnayan sa mga tauhan ng pamahalaan, at iyong mga kaagad na nagtatago tulad ng mga pagong na ikinukubli ang mga ulo ng mga ito sa talukab nito kapag nagkakaroon ng problema—at ang maaaring magkanulo sa iglesia at maging Hudas—ay hinding-hindi dapat pahintulutang malaman na ang mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay nagpapatuloy sa mga kapatid. Kung kinakailangan ang tulong ng ilang kapatid para sa gawain ng pagpapatuloy sa mahahalagang tauhan sa gawain, tanging iyong mga may pundasyon sa pananampalataya nila sa Diyos at may taglay na karunungan ang dapat piliin para makipagtulungan. Iyong mga walang pundasyon o karunungan ay lubos na hindi angkop. Kaya, paano ba dapat mismo magbigay ng tulong? Ang mga kapatid ng mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay nakatuon sa pagpapatuloy sa tahanan nila, habang ang mga lokal na kapatid na may karunungan at pananalig ay tumutulong mula sa labas sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksiyon at pangangalaga sa kapaligiran. Dapat silang makipag-ugnayan sa maiimpluwensiyang tao, manatiling maalam tungkol sa mga bagong patakaran ng pamahalaan, mga kalakaran, at mga potensiyal na operasyon, at kaagad na magbigay-alam sa mga kapatid ng mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Sa ganitong paraan, kung magpapasimula ang pamahalaan ng anumang operasyon sa pag-aresto, kaagad na makapagsasagawa ng mga hakbang pang-iwas, at magkakaroon pa rin ng oras para sa paglikas at relokasyon, o pagtatago, kaya maiiwasan ang anumang panganib. Sa ganitong paraan lang pangunahing matitiyak ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Sa madaling salita, hindi tama para sa mga lider at manggagawa na harapin ang gawaing ito nang may simplistikong pag-iisip; ang pag-iisip nang mas komplikado sa aspektong ito ay palaging mas mabuti kaysa sa simpleng pag-iisip, dahil ang mga isyung pangkaligtasan ay hindi maaaring balewalain—kapag may nangyaring hindi maganda, hindi ito magiging maliit na isyu!
May mga partikular na sitwasyon ding kailangang bigyang-pansin sa gawain ng pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mahahalagang tauhan sa gawain. May ilang tao na gumagawa ng mga mapanganib na tungkulin, tulad ng paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, o paghahatid ng mga tagubilin sa gawain o pangangasiwa pagkatapos ng insidente sa mga lugar na nakompromiso. Iyong mga gumagawa ng gayong mapanganib na gawain ay hindi kailanman dapat tumira kasama ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, ni hindi nila dapat malaman kung saan nakatira ang mga indibidwal na iyon o kung aling pamilya ang nagpapatuloy sa mga ito. Ito ay dahil iyong mga gumagawa ng mapanganib na gawain ay nasa panganib na masubaybayan at maaresto anumang oras. Kapag nahuli sila at isinailalim sa pagpapahirap, maaari nilang ipagkanulo ang iglesia, na magdudulot naman na madamay ang mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin at mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Hindi ba’t may kinalaman ito sa isyu ng pananatiling ligtas? Kung may ilang tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin ang lumalabas para mangasiwa ng mga usapin at sumang-ayong babalik pagkatapos ng tatlong araw, pero hindi sila bumalik pagkaraan ng tatlong araw, masasabi ba ninyong mapanganib ang sitwasyong ito? Dapat bang lumikas ang ibang tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila? (Oo.) Sa gayong mga kaso, kinakailangan ang agarang paglikas; wala dapat pagkaantala at pakikipagsapalaran—hindi sila puwedeng magkaroon ng pag-iisip na umaasa sa suwerte. May ilang tao ang tamad, pakiramdam na abala ito, at nag-aatubiling lumikas, sinasabing, “Ano bang masama sa paghihintay ng isa pang araw? Baka naantala lang sila dahil sa isang espesyal na sitwasyon.” Ang paghihintay ng isang araw pa ay nagpapalala lang sa panganib. Kung lilikas ka at walang mangyayari, makababalik ka pa rin, at hindi ito magiging isang pagkakamali. Pero kung hindi ka lilikas at maghihintay ng isa pang araw, maaaring may mangyaring insidente, at sa oras na mangyari ito, magiging masyadong huli na ito para sa pagsisisi. Kaya, kung ang mga kapatid na lumabas para mangasiwa sa mga usapin ay hindi bumalik sa napagkasunduang oras, posibleng may nangyaring hindi maganda. Para makaiwas sa anumang posibilidad, ang mga kaugnay na kapatid ay dapat kaagad na lumikas at lumipat sa isang medyo ligtas na lugar. Kapag nahanap na ang isang angkop na lokasyon, maipagpapatuloy na nila ang paggawa ng kanilang mga tungkulin nang normal, nang hindi pa masyadong huli ang lahat. Ang isa pang sitwasyon ay kapag ang tao sa lokal na iglesia na responsable para sa gawain ng pagsasaayos ng tirahan ng mga kapatid na gumagawa ng mga tungkulin nila ay naaresto ng malaking pulang dragon. Ano ang dapat gawin sa gayong mga kaso? (Kaagad na ilipat ang mahahalagang tauhan sa gawain.) Ang pangunahing priyoridad ng mga lider at manggagawa ay na kaagad na ilipat ang mahahalagang tauhan sa gawain sa isang medyo ligtas na lugar. Higit sa lahat, dapat magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga ito. Hindi dapat malantad ang mga ito sa anumang panganib. Pagkatapos mailipat ang mga ito, saka pa lang maisasagawa ang mga susunod na gawain. May ilang tao na magulo ang isip na palaging may pag-iisip na umaasa sa suwerte: “Naaresto si Ganito-at-ganyan, pero ayos lang ito; napakalakas ng pananalig niya, at palagi siyang partikular na matatag sa mahihirap na sitwasyon. Siguradong hindi siya kailanman magkakanulo. Kaya, magagarantiya kong wala talagang panganib—hindi kinakailangang lumipat ang sinuman.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) May ilang tao rin na nagsasabing, “Kahit pa magkanulo sila, magiging mapili sila rito—ipagkakanulo lang nila ang impormasyon tungkol sa hindi mahahalagang usapin, na tiyak na hindi makaaapekto sa inyong pananatiling ligtas.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Walang batayan ang mga salitang ito! Makikita ba ng mga tao nang malinaw ang iba pang mga tao? Kahit pa ang taong tinutukoy ay may tayog, dapat nating iwasan na magsalita nang may sobrang kumpiyansa, dahil walang sinuman ang makatitiis sa kahihinatnan kung may mangyaring hindi maganda. Anong iba pang gawain ang kinakailangan para maprotektahan ang pananatiling ligtas ng mga tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin? Kapag sinisimulang gawin ang mga tungkulin nila, kailangang malinaw na pagbahaginan ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyong kaugnay sa paggawa ng tungkulin nila, pati na rin kung aling mga prinsipyo at karunungan ang ilalapat kapag nangyayari ang mga sitwasyon. Bukod pa rito, kapag lumalabas sila para gawin ang mga tungkulin nila, dapat magtalaga ang mga lider at manggagawa ng isa o dalawang tao na may karanasan at karunungang panlipunan para makipagtulungan sa kanila. Ang pamamaraan lang na ito ang ligtas at maaasahan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay, sa isang banda, makapoprotekta sa personal nilang pananatiling ligtas. Sa kabilang banda, makatutulong ito sa kanila para malutas ang ilang isyung hindi nila malutas nang sila lang. Makaiiwas ito sa partikular na mga problema at makagagarantiya na iyong mga lumalabas para gawin ang mga tungkulin nila ay maisasagawa ang gawain nila nang normal. Para sa mga lider at manggagawa, ang paggagarantiya sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay isang napakahalagang aytem ng gawain, lalo na sa mga bansa na walang kalayaan sa pananampalataya. Para maisagawa nang maayos ang gawain ng iglesia, ang pangunahing priyoridad ay ang magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila, ginagawa man nila ang mga tungkulin nila sa kanilang lokalidad o lumalabas man sila para gawin ang mga ito. Ang mga lider at manggagawa lang na mahusay na makapangangasiwa sa gawaing pangkaligtasan ang angkop para magamit ng Diyos. Iyong mga hindi makagagawa ng ganitong gawain ay mga taong hindi pa hinog ang pagkatao, at walang malalim na pang-unawa at karunungan. Mahihirapan sila na maging angkop para magamit ng Diyos.