Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (29) Unang Seksiyon

Ikalabinlimang Aytem: Protektahan ang Iba’t Ibang Mahalagang Tauhan sa Gawain, Pinangangalagaan Sila Mula sa mga Pang-aabala ng Mundong Nasa Labas, at Panatilihin Silang Ligtas Upang Matiyak na Makauusad Nang may Kaayusan ang Iba’t Ibang Mahalagang Aytem ng Gawain

Saan tayo natigil noong nakaraan sa ating pagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa huling tatlong pagpapamalas sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng mga tao batay sa pagkatao nila. Ang tatlong pagpapamalas na ito ay: pagiging duwag at mapaghinala, pagiging mahilig maghanap ng gulo, at pagkakaroon ng isang komplikadong pinagmulan.) Natapos na nating pagbahaginan ang tungkol sa huling tatlong paksa sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa noong nakaraan, kaya ngayon ay pagbabahaginan natin ang tungkol sa ikalabinlimang responsabilidad. Ano ang ikalabinlimang responsabilidad? (“Ikalabinlimang aytem: Protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas upang matiyak na makauusad nang may kaayusan ang iba’t ibang mahalagang aytem ng gawain.”) “Protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas.” Ang responsabilidad na ito ay may kinalaman sa isa pang aspekto ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; ito rin ay isang partikular na aytem ng gawain na kailangang maisagawa nang maayos ng mga lider at manggagawa. Ano ang tinutukoy ng aytem ng gawain na ito? (Tinutukoy nito ang pagpapanatiling ligtas sa hinirang na mga tao ng Diyos.) May kinalaman ito sa mga isyu ng personal na seguridad. Hindi ba’t madalas na nakakaharap ang paksang ito sa gawain ng iglesia? Hindi ba kayo pamilyar sa paksang ito? (Pamilyar kami.) Hindi na bago ang paksang ito sa mga kapatid sa Tsina, dahil sa kalagayang panlipunan sa Tsina, inuusig at inaaresto ang mga mananampalataya, at kinakailangan nila ng mga garantiya sa pagiging ligtas sa paggawa ng tungkulin nila at sa lahat ng aspekto ng buhay. Kaya, ang gawaing ito ay nasasaklawan ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; hindi ito isang bagay na opsyonal. Ang isang bansa man ay may kalayaang panrelihiyon, ang maayos na pagsasaayos sa pamumuhay ng mga tauhan na gumagawa ng iba’t ibang mahalagang tungkulin ay isang partikular na aytem ng gawain na dapat isagawa ng mga lider at manggagawa. Maaaring magkaiba ang pokus o mga partikular na kinakailangan ng gawaing ito, pero sa esensya ay may kinalaman ang lahat ng ito sa kung kayang gawin ng mga kapatid ang mga tungkulin nila nang ligtas at may seguridad, at kung matitiyak ba ang mga resulta ng mga tungkulin nila. Kaya, huwag balewalain ang gawaing ito o ituring itong walang kinalaman sa iyo dahil nakatira ka sa isang demokratikong bansa. Anuman ang sistema ng pamahalaan sa bansang iyong pinaninirahan o kung inuusig man ang mga mananampalataya roon, ang gawaing ito ay nasasaklawan ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa; ito ay isang gawain na dapat isagawa ng mga lider at manggagawa—walang sinuman ang hindi kasama rito, at hindi ito dapat ituring na “karagdagang” gawain. Kung gayon, pagbahaginan natin ngayon ang tungkol sa iba’t ibang isyung nakapaloob sa paksang ito.

Ang Saklaw ng Mahahalagang Tauhan sa Gawain

Una, tingnan natin kung ano ang ibig sabihin ng “lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain” na binanggit sa ikalabinlimang responsabilidad. Hindi ba’t isa itong paksa na dapat nating pagbahaginan? (Oo.) Kung gayon, ano ang tinutukoy ng “lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain”? Itakda muna natin ang saklaw ng mga target ng gawaing ito. Sino ang makapagsasalita tungkol dito? (Ang lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa gawain ay kinabibilangan ng mga kapatid sa mga pangkat ng mga gumagawa ng video, pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, pangkat ng mga tagasuri ng teksto, pangkat ng mga gumagawa ng himno, at iyong gumagawa ng iba pang mahahalagang tungkulin. Bukod pa rito, kinabibilangan ito ng ilang kapatid na gumaganap ng mahahalagang papel sa iba’t ibang mahalagang aytem ng gawain, gayundin ng mga superbisor ng bawat pangkat.) Sino pa ang gustong magdagdag dito? (Kasama rin dito ang mga lider at manggagawa.) Talagang dapat na maprotektahan nang mabuti ang mga lider at manggagawa. Sino pa? (Mayroon ding mahahalagang tauhan na nangangasiwa sa mga pangkalahatang usapin, tulad ng mga tauhan sa pananalapi.) (At ang mga kapatid, dahil sa nananampalataya sila sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin, na pinaghahanap o na may rekord sa pulisya, ay nangangailangan din ng proteksiyon.) Ito ay iba pang kategorya, at ito ay isang espesyal na grupo. Ibuod natin kung gaano karaming kategorya ang mayroon. Ang unang kategorya ay kinabibilangan ng mga lider at manggagawa. Ang pangalawang kategorya ay binubuo ng mga tauhan na kailangang-kailangan sa iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, lalo ang mga lider ng pangkat at mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain at mga tauhan na may mahusay na kakayahan, espirituwal na pang-unawa, at abilidad na arukin ang mga prinsipyo at mag-isang pasanin ang mahalagang gawain. May maraming uri ng tauhan na nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng gawain, tulad niyong mga nasa gawaing nakabatay sa teksto, gawain ng paggawa ng himno, gawain ng paggawa ng pelikula, at iba pa, gayundin iyong mga nangangaral ng ebanghelyo, nagpapatotoo, o nagsisilbi bilang mga direktor ng ebanghelyo, at iba pa. Bukod pa rito, kinabibilangan ito ng mga tauhang nangangasiwa sa gawain sa pananalapi, pag-iingat, at mga panlabas na usapin. Ang mga indibidwal na ito ay gumaganap bilang mga tagasuporta sa gawain ng iglesia at kailangang-kailangan sila; kabilang silang lahat sa mga tauhang nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng gawain. Ito ang pangalawang pangunahing kategorya. Ang pangatlong pangunahing kategorya ay kinabibilangan niyong mga nagsasagawa ng mapanganib na gawain ng iglesia. Sa partikular, sa mga bansang may awtoritaryang rehimen kung saan walang kalayaang panrelihiyon, may ilang labis na mapanganib na mga aytem ng gawain, tulad ng pag-iimprenta ng mga aklat, paglilipat ng mga aklat, pag-iingat ng mga ari-arian ng iglesia, gayundin ang pagpapatuloy at pagsasaayos ng tutuluyan para sa mga tauhang gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Sino pa ang kabilang? (Mayroon ding ilang tauhan sa pangkalahatang usapin na naghahatid ng impormasyon sa labas; ang mga tungkuling ginagawa nila ay medyo mapanganib din.) Ang mga indibidwal na ito ay itinuturing ding nagsasagawa ng mapanganib na gawain. Gayumpaman, ang mga taong ito ay tiyak na hindi gumagawa ng gawaing ito nang paminsan-minsan; sa halip, dalubhasa sila sa pagsasagawa ng mahahalaga at mapapanganib na gampanin, tulad ng paghahatid ng impormasyon, pamamahagi ng mga pagsasaayos ng gawain, pamamahagi ng lahat ng video, pelikula, o recording ng sermon ng sambahayan ng Diyos, at iba pa. Sa mga awtoritaryang bansa na walang kalayaang panrelihiyon, dapat maging malinaw sa mga lider at manggagawa kung sino-sino sa hinirang na mga tao ng Diyos ang gumagawa ng mahahalagang tungkulin at nagsasakatuparan ng mapanganib na gawain. Sa madaling salita, isang kategorya rin ang mga indibidwal na ito ng mahahalagang tauhan sa gawain, at dapat magbigay ng espesyal na pagsasaalang-alang ang mga lider at manggagawa sa pagiging ligtas ng mga ito; hindi ito maaaring balewalain. Ito ang pangatlong kategorya. Ang pang-apat na kategorya ay isa pang kailangang-kailangang grupo sa gawain ng iglesia. Ang mga indibidwal na ito ay nagtataglay ng mga natatanging kakayahan at kaloob, tulad ng pagiging bihasa sa pangangaral ng ebanghelyo, pagbibigay ng mga sermon, pagdidilig sa iglesia, o pag-aako ng responsabilidad para sa pag-oorganisa ng mga partikular na aytem ng gawain. Ang mga indibidwal na ito ay maaaring mga lider at manggagawa, superbisor para sa iba’t ibang aytem ng gawain, o mga taong nagsasagawa ng mapanganib na gawain. Kung wala ang gayong mga tao, magkakaroon ng puwang sa mahalagang gawain na pinangangasiwaan nila, at walang iba pa na makagaganap sa kanilang papel. Samakatwid, ang mga indibidwal na ito ay dapat protektahan, at ang pagiging ligtas nila ay dapat matiyak. Ito ay isang kategorya ng mga tao. Ang isa pang kategorya, sa mga bansang inuusig ang mga relihiyon, ay iyong mga pinaghahanap o may rekord sa pulisya dahil sa pananalig nila sa Diyos. Anuman ang saklaw ng warrant o ng partikular na gawaing isinasakatuparan nila sa loob ng iglesia, hangga’t pinaghahanap sila dahil sa pananampalataya nila sa Diyos at sa paggawa ng tungkulin nila, dapat humanap ang mga lider at manggagawa ng mga paraan para maprotektahan sila, isinasaayos na mailagay sila sa medyo ligtas na mga lokasyon para gawin ang tungkulin nila. Sa lahat ng bansang umuusig sa relihiyosong pananalig, ang pag-uusig ng Tsina ang pinakamalala. Sa iba’t ibang probinsya at rehiyon sa Tsina, maraming tao ang inaresto o pinaghahanap, at hindi makauwi. Mayroong ilang katulad na bansa sa mundo at sa bawat kontinente na umuusig sa relihiyosong pananalig tulad ng Tsina, at sa mga bansang ito, mayroon ding mga indibidwal na, dahil sa pagtanggap sa Makapangyarihang Diyos, nahaharap sa pag-uusig at hindi makauwi. Para sa mga inuusig at hindi makauwi, dapat isaayos ng mga lider at manggagawa na mailagay ang mga ito sa iglesiang may tungkuling full-time sa lalong madaling panahon. Dapat ilagak ang mga ito ng mga lider at manggagawa sa medyo ligtas na mga kapaligiran ayon sa mga lokal na kondisyon para magawa ng mga ito ang mga tungkulin nila. Isa itong priyoridad na aytem ng gawain na kailangang maisagawa nang maayos. Ang mga indibidwal na ito na inaresto o pinaghahanap ay bumubuo sa ikalimang kategorya ng mga tauhan na nangangailangan ng proteksiyon. May isa pang kategorya ng mga tauhang nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng mahalagang gawain na espesyal. Ang mga indibidwal na ito ay maaaring hindi kasalukuyang mga lider o manggagawa, ni hindi rin sila gumagawa ng mapanganib na gawain, pero dati na silang gumawa ng maraming tungkulin at malawak ang sinaklawan ng gawain nila. Kilala nila ang maraming pamilyang nagpapatuloy sa bahay at alam din nila ang tungkol sa ilang tauhan na gumagawa ng mahahalagang tungkulin. Samakatwid, kung maaaresto ang gayong mga indibidwal, magdudulot din ito ng sakuna sa gawain ng iglesia. Ang mga indibidwal na ito ay dapat tukuyin bilang “mga taong nakaaalam,” at dapat din silang isama sa iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain. Dapat tiyakin ng mga lider at manggagawa ang pagiging ligtas ng mga ito, para sa layunin na maprotektahan ang pagiging ligtas ng lahat ng hinirang na tao ng Diyos at matiyak na normal na makauusad ang gawain ng iglesia. May ilang indibidwal sa partikular na kategoryang ito ang walang ingat; hindi nila alam na dapat maging maingat, at wala silang masyadong karunungan. Madalas silang kumikilos batay sa sigasig, walang pakundangang gumagawa ng mga bagay-bagay sa labas. Dahil hindi pa sila naaresto o napahirapan kailanman, hindi nila alam ang kaakibat na panganib nito at ang mga potensyal na kahihinatnan kung sakaling magkaaberya, lalong hindi nila nauunawaan ang magiging kalubhaan ng mga kahihinatnang iyon. Dahil naniniwala sila na nananampalataya lang sila sa Diyos, hindi gumagawa ng anumang masama, wala silang kinatatakutang anuman. Dahil dito, pagkatapos gumawa sa lokal na lugar nang ilang panahon, maaari silang maging lubos na kilala at mapasailalim sa pagmamatyag ng pamahalaan. Hindi ba’t nagdadala iyon ng panganib? Kapag naaresto sila, kung hindi nila kayang tiisin ang interogasyon sa pamamagitan ng pagpapahirap, maaari silang maging mga Hudas, ipinagkakanulo ang mga kapatid. Magdudulot ito ng malalaking kawalan sa iglesia at madadamay nito ang ibang mga kapatid, inilalagay ang mga ito sa panganib ng pagkakaaresto at pagkakakulong, na seryosong makaaapekto sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Samakatwid, dapat ding ipriyoridad ng iglesia ang proteksiyon ng gayong mga indibidwal. Kung walang ligtas na lokal na lugar para mapagtaguan ng mga ito, dapat ilipat ang mga ito sa ibang medyo mas ligtas na lugar para magampanan ang tungkulin ng mga ito. Ito ay isa pang kategorya ng mga tao. Dahil sa espesyal na kalidad ng sitwasyon nila, kailangang magsaayos ang mga lider at manggagawa ng tirahan para sa kanila, kaya kasama rin sila sa lahat ng uri ng mahalagang tauhan sa gawain. Ilang kategorya ng mga tao mayroon sa kabuuan? (Anim na kategorya. Ang unang kategorya ay mga lider at manggagawa. Ang ikalawa ay binubuo ng mga kailangang-kailangang tauhan na nangangasiwa sa iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos; mga superbisor, mga lider ng pangkat, at mga direktor ng ebanghelyo; at iyong mga kayang pumasan ng gawain. Ang ikatlong kategorya ay ang mga tauhang gumagawa ng mapanganib na gawain sa iglesia. Ang ikaapat ay iyong may mga natatanging kasanayan at kaloob. Ang ikalimang kategorya ay binubuo ng mga taong may mga rekord sa pulisya, iyong mga tinutugis, at iyong mga pinaghahanap. At ang ikaanim na kategorya ay ang mga taong nakaaalam.) Halos natalakay na natin ang lahat ng mahalagang tauhan na sangkot sa iba’t ibang aytem ng gawain, pero may isang kategorya pa na idaragdag: Kung may sinumang kapatid sa iglesia, dahil sa paglabas para gawin ang tungkulin nila, pagkakaaresto, o pagharap sa iba pang hindi inaasahang pangyayari, ang hindi makapag-alaga sa mga menor de edad na anak nila, dapat isaayos ng mga lider at manggagawa na malagay sa angkop na tirahan ang mga batang ito para may mag-aasikaso sa pangangailangan ng mga ito. Isa rin itong espesyal na aytem ng gawain. Bagaman ang aytem na ito ng gawain ay walang kinalaman sa gawain ng iglesia, at lumilitaw lang ito sa mga espesyal na sitwasyon, dapat akuin ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad para sa pagsasaayos ng angkop na tirahan para sa mga menor de edad na batang ito. Kung ang mga ito ay walang angkop na mga kamag-anak, o kung ang mga kamag-anak ng mga ito ay mga walang pananampalataya at ayaw kupkupin ang mga ito, dapat tanggapin ng iglesia ang mga ito. Hindi lang dapat isaayos ng iglesia ang isang angkop na tahanang matutuluyan para sa mga ito kundi dapat ding magtalaga ng mga kapatid para maging responsable sa pangangalaga sa mga ito. Kapag naisaayos na ang angkop na tirahan para sa mga ito, kung nananampalataya ang mga ito sa Diyos, tiyak na ideyal iyon, at kapag nasa hustong gulang na ang mga ito, magagawa ng mga ito ang tungkulin nila sa iglesia. Kung hindi naman nananampalataya ang mga ito sa Diyos, pagtuntong ng mga ito sa hustong gulang at pagsabak sa lipunan, hindi na magkakaroon ang mga ito ng kaugnayan sa iglesia, at ang responsabilidad natin ay matutupad na. Hindi na natin kailangang alalahanin ang mga usapin ng mga ito pagkatapos ng puntong iyon. Angkop ba ito? (Oo.) Bagaman walang kinalaman ang gawaing ito sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, dapat pa rin itong isama sa saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung may mga anak iyong mga gumagawa ng kanilang tungkulin sa iglesia na nangangailangan ng tirahan, maliban kung hindi alam ng mga lider at manggagawa ang sitwasyon, hindi nila ito maaaring balewalain. Kung alam nila ang tungkol dito, dapat silang magtanong, pangasiwaan ito, at akuin ang responsabilidad na ito na magsaayos ng mga angkop na tirahan para sa mga ito. Dapat tiyakin ng mga lider at manggagawa na ang mga kapatid na gumagawa ng kanilang tungkulin—lalo na iyong mga gumagawa ng mahalagang gawain—ay walang alalahanin pagdating sa usaping ito. Hindi naman mahirap ang maayos na pagsasakatuparan ng aytem ng gawaing ito, hindi ba? (Hindi, hindi ito mahirap.) May hindi bababa sa anim na kategorya ng mahalagang tauhan sa gawain. Ang ikapitong kategorya ay karagdagan, kinakatawan nito ang isang napakanatatanging uri ng sitwasyon. Ang iba’t ibang tauhan na binanggit sa unang anim na kategorya ay maaaring hindi lahat naroroon sa bawat pastoral na lugar o bansa. Gayumpaman, anuman ang bansa, ang pagpoprotekta sa mga lider at manggagawa at sa mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay isang napakahalagang aytem ng gawain. Ito ay isang aytem ng gawain na kailangang pagtuunan ng pansin ng lahat ng lider at manggagawa ng iglesia, at ito ay isang responsabilidad na dapat nilang maisakatuparan nang maayos.

Pangangalaga sa Mahahalagang Tauhan sa Gawain mula sa Pang-aabala ng Mundong Nasa Labas

I. Mga Kinakailangang Pangkaligtasan Para sa mga Pamilyang Nagpapatuloy sa Bahay

Ngayong nailinaw na natin kung sino ang mahahalagang tauhan sa gawain, tingnan naman natin ang partikular na gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa—protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas. Kaya, anong partikular na gawain ang kailangang gawin para epektibong mapangalagaan sila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas, para masabing naisakatuparan na ng mga lider at manggagawa ang kanilang mga responsabilidad? Pagdating sa pagsasagawa ng partikular na gawain, may ilang lider at manggagawa na naguguluhan, nagkakamot ng ulo nila, at nababalisa at nababahala, hindi sigurado kung paano kikilos. May isang mahalagang prinsipyo sa pagsasaayos ng tirahan para sa mahahalagang tauhan na ito sa gawain: Dapat silang mapangalagaan mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas para matiyak ang pagiging ligtas nila. Pinatira man ang mahahalagang tauhan sa gawain sa mga tahanan ng mga kapatid o sa mga inupahang bahay, ang mahalagang punto ay na dapat matiyak ang pagiging ligtas nila. Ang pagtitiyak sa pagiging ligtas nila ay nangangahulugang napangangalagaan sila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa para mapangalagaan sila mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas? Kinakailangan nito ang pagsasaayos sa mga tirahan para sa mga gumaganap ng mahahalagang tungkulin sa angkop na mga lokasyon. Tingnan natin ito mula sa dalawang aspekto: Una ay ang panloob na kapaligiran ng pamilyang nagpapatuloy sa bahay, at ang isa pa ay ang panlabas na kapaligiran. Pagdating sa panloob na kapaligiran, una, ang nagpapatuloy sa bahay ay dapat na isang tunay na mananampalataya, handang magpatuloy sa bahay, kayang panatilihing pribado ang mga bagay-bagay, maingat kumilos, at marunong makitungo sa mundong nasa labas. Kung may nangyayaring anumang espesyal na sitwasyon, dapat alam nila kung paano tugunan ito; dapat magawa nilang pangasiwaan at harapin ito nang maagap sa halip na pasibo. Dagdag pa rito, dapat mayroon silang disenteng reputasyon sa lugar nila, o marahil ng kaunting katanyagan at mga koneksiyon sa lugar nila. Kahit na wala siyang impluwensiya, kahit papaano ay dapat maging mga tao sila na nananatili sa nararapat nilang lugar at namumuhay nang disente at hindi kailanman naghahanap ng gulo o nagtatawag ng pansin ng mga kahina-hinalang indibidwal sa tahanan nila. Wala sila dapat mga kaibigang nagtitipon para maglaro ng mahjong o mag-inuman. Bukod pa rito, ang mga relasyon nila sa mundong nasa labas at sa mga kapitbahay nila ay dapat na medyo normal. Hindi sila dapat nasangkot sa anumang alitan ukol sa mga utang at nagkaroon ng pakikipaghidwaan sa mga kapitbahay nila. Sa madaling salita, dapat na medyo tahimik ang kapaligiran nila sa bahay, dapat ay hindi komplikado ang mga relasyon ng nagpapatuloy sa bahay, at napakakaunti lang ang mga tagalabas na pumupunta sa bahay nila para magdulot ng mga kaguluhan, at iba pa—dapat angkop ang lahat ng aspekto. Higit pa rito, ang mga anak o kamag-anak ng nagpapatuloy sa bahay ay dapat sumusuporta sa pananampalataya niya sa Diyos, o kahit papaano ay hindi sumasalungat sa pagpapatuloy niya sa mga kapatid, at tiyak na hindi walang pakundangan na nagsasalita ng tungkol sa mga bagay na ito kung saan-saan. Maaaring sinasabi ng ilan, “Hindi madaling makahanap ng pamilyang nagpapatuloy sa bahay na tumutugon sa lahat ng pamantayang ito!” Tumutukoy ito sa paghahanap ng isang medyo angkop na lugar; hindi kinakailangang ganap na perpekto ito. Kahit papaano, dapat angkop ang kapaligirang pinaninirahan—tahimik at walang pang-aabala mula sa labas—na tumutupad sa kinakailangan ng pangangalaga sa mahahalagang tauhan sa gawain mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Sa ilang pamilyang nagpapatuloy sa bahay, kahit na hindi lahat ng miyembro ng pamilya ay mananampalataya, ang taong nagpapatuloy ay may prestihiyo sa pamamahay at siyang gumagawa ng mga desisyon. Ang mga walang pananampalatayang anak o kamag-anak niya ay hindi nangangahas na mangialam sa pananampalataya niya sa Diyos o sa pagpapatuloy niya sa mga kapatid; kahit pa hindi sila sumasang-ayon sa loob nila, hindi sila mangangahas na ibahagi ang impormasyong ito sa labas ng pamilya. Kung may mangyari talagang isang bagay, maaari pa nga silang tumulong na magbigay ng proteksiyon. Sa ganitong paraan, ang mga kapatid na nanunuluyan sa tahanang matutuluyan na ito ay mananatili ring hindi naaapektuhan ng pang-aabala ng mundong nasa labas. Sa ilang kaso, ang nagpapatuloy ay mahina ang loob, natatakot na baka ilantad ng kanyang mga anak ang pananampalataya niya sa Diyos, na matuklasan ng mga kapitbahay niya ang tungkol sa kanyang pananampalataya at isumbong siya, at lalo na baka magkaaberya ang mga bagay-bagay at maaresto siya. Kapag nagsimula na siyang magpatuloy ng mga kapatid sa bahay, palagi siyang kinakabahan, hindi makakain sa maghapon o makatulog sa gabi, ginugugol ang buong araw nang nababalisa at natatakot, na parang isang magnanakaw. Sa tuwing maririnig niyang may nangyayari, tulad ng pagpaplano ng pamahalaan na magsiyasat ng rehistro ng mga sambahayan o pagpunta ng mga tauhan ng pamahalaan sa bahay niya para gumawa ng isang bagay sa ilalim ng iba’t ibang kadahilanan, lubos siyang natatakot at palaging gustong paalisin kaagad ang mga kapatid para hindi siya madamay. Kapag nakita ito ng mga kapatid, dapat silang lumipat kaagad, dahil ang gayong lugar ay hindi angkop para sa pagpapatuloy; magagamit lang ito bilang isang pansamantalang tuluyan sa loob ng ilang araw. Kung ang mga anak, kamag-anak, o kaibigan ng nagpapatuloy ay masasamang tao na, kapag nalaman na tumatanggap siya ng mga mananampalataya, ay maaaring dumating para manggulo o magsuplong pa nga ng mga kapatid sa pulisya, napakamapanganib nito. Ang gayong pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay hindi angkop na makasamang manuluyan. May ilang magulang na umaastang tila mga alipin ng mga anak nila; maaaring sabihin nila, “Ayos lang, sumusunod sa akin ang mga anak ko,” pero ang totoo, ang pagsunod ng mga anak nila ay nakadepende sa sitwasyon. Kapag nasasangkot ang mga pansariling interes ng mga ito, hindi sumusunod ang mga anak nila sa kanila. Ang gayong tao ay hindi maglalakas-loob na ipaalam sa mga anak niya na nagpapatuloy siya sa bahay niya ng mga kapatid. Kung natuklasan ito ng kanyang mga anak o kamag-anak, tiyak na paaalisin ng mga ito ang mga kapatid, at walang magagawa ang nagpapatuloy para pigilan ang mga ito—wala siyang huling desisyon sa sarili niyang pamamahay. Ang gayong tao ay hindi angkop para magpatuloy sa bahay niya; maaaring may pagnanais siyang magpatuloy sa bahay niya pero wala siyang tapang na gawin ito. Maglalakas-loob ba talaga ang isang duwag na magpatuloy sa bahay niya? Kung hindi mo matitiyak ang pagiging ligtas ng mga kapatid, hindi ka angkop para sa tungkuling ito—hindi ka dapat magboluntaryo para dito at huwag kang magbigay ng mga hungkag na pangako sa mga lider at manggagawa, ni hindi mo dapat tanggapin ang tungkuling ito. Kung isasaayos ng mga lider at manggagawa ang tirahan ng mga kapatid sa ganitong uri ng pamamahay para sa pagpapatuloy sa bahay, sa palagay ba ninyo ay angkop ito? (Hindi.) Sobrang hindi ito angkop. Huwag ipadala ang mga kapatid sa malaking panganib. Maaaring lubhang ligtas na naninirahan ang mga kapatid sa ibang lugar; kung isasaayos mong patirahin sila sa tahanan ng taong ito, kung saan ang mga anak o kamag-anak ay mga walang pananampalataya at maaaring iulat sila at dalhin sa pulisya ng mga ito sa sandaling malaman ng mga ito na may mga mananampalatayang nananatili roon, sa gayon ay nailalagay sa panganib ang buhay nila, hindi ba’t mapapahamak ang nagpapatuloy na iyon? Kung handang ipagsapalaran ng nagpapatuloy ang buhay niya para protektahan ang mga kapatid sa gayong mga sitwasyon at kayang epektibong matiyak ang pagiging ligtas ng mga ito, at kung karaniwan siyang nagpapakita ng mahusay na karunungan, ang pamilyang ito na nagpapatuloy sa bahay ay maaari pa ring maging isang angkop na pagpipilian. Gayumpaman, kung hindi niya kayang ipagsapalaran ang buhay niya para protektahan ang mga kapatid, at kung wala siyang solusyon at umaatras lang na parang pagong na ikinukubli ang ulo nito sa loob ng talukab nito, kapag nagbabanta ang mga walang pananampalataya sa pamilya niya na iuulat ang mga kapatid at dadalhin ang mga ito sa pulisya, hindi pinoprotektahan ang mga kapatid at pinahihintulutan lang ang mga walang pananampalataya na isuplong ang mga ito, kung gayon ay hindi angkop ang sambahayang ito para sa pagpapatuloy sa bahay. Kung pansamantalang manunuluyan doon ang mga kapatid nang ilang araw, at pagkatapos ay lilipat kaagad sa isang angkop na lugar sa sandaling may mahanap na lugar, medyo mapagtitiisan lang iyon. Hindi magiging angkop na manuluyan nang pangmatagalan sa gayong tahanan para gawin ang tungkulin nila. Kahit papaano ay dapat na magawang protektahan ng host ang pagiging ligtas ng mga kapatid—ito ay isa sa mga kinakailangan para sa isang host. Para sa mga gumagawa ng tungkulin nila para maiwasan ang pang-aabala mula sa mundong nasa labas, una, dapat na angkop ang kapaligirang pinaninirahan nila; dagdag pa rito, dapat na angkop ang mga katangian ng magpapatuloy sa bahay sa lahat ng aspekto—ibig sabihin, dapat ay kaya niyang pangalagaan ang mahahalagang tauhan sa gawain mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Kung magagawa niyang makamit ito, saka lang makapagsasaayos ang mga lider at manggagawa na mapatira ang mahahalagang tauhan sa gawain sa tahanan niya. Kung ang magpapatuloy sa bahay ay may kakaunting pananalig, walang kakayahan, at mahina ang loob, hindi makapagpasya sa sarili niyang pamamahay, at ang sinumang anak o kamag-anak niyang walang pananampalataya ay makapapasok at makapangangasiwa sa kanya, lubos itong lumilikha ng gulo. Ang gayong lugar ay ganap na hindi angkop para sa pagpapatuloy. Kahit pa malaki ang bahay, na may maraming kuwarto, komportableng kapaligiran, at sa pangkalahatan ay may maaayos na kondisyon, hindi pa rin ito angkop para sa pagpapatuloy sa bahay. Hindi sapat ang isang angkop na kapaligirang pinaninirahan lang; dapat ding maging angkop ang nagpapatuloy sa bahay. Ang mahalagang punto rito ay na dapat munang matiyak ng nagpapatuloy sa bahay na ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin nila na pinapatuloy niya sa bahay ay napapangalagaan mula sa pang-aabala ng mundong nasa labas. Saka pa lang dapat isaalang-alang ang kapaligirang pinaninirahan. Katanggap-tanggap pa rin ang isang medyo hindi ideyal na kapaligiran—ito man ay mas maliit ang espasyo, limitado ang internet, mas simpleng pagkain, o hindi ganoon kadaling makakuha ng tubig. Basta’t ang nagpapatuloy sa bahay ay angkop, may kakayahang tugunan ang panganib kapag lumilitaw ito, pamahalaan ang iba’t ibang komplikadong sitwasyon, lalo na ang maayos na pangasiwaan ang anumang espesyal na sitwasyon na maaaring maganap para protektahan ang pagiging ligtas ng mga kapatid, maituturing na pasok siya sa pamantayan bilang isang nagpapatuloy sa bahay. Ang mga kinakailangan natin para sa kapaligirang pinaninirahan ng isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay ay hindi mataas; ang pinakamahalagang bagay ay na kaya nitong matiyak ang pagiging ligtas. Hindi na kailangang idetalye pa ang puntong ito.

II. Mga Kinakailangan Para sa Kapaligiran sa Lugar ng Paninirahan

Para sa panlabas na kapaligirang nakapaligid sa tirahan ng pamilyang nagpapatira sa bahay, ang unang bagay na dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ay kung ligtas ba ito. Anuman ang kondisyon ng pamilyang nagpapatira sa bahay o kung ang tirahan ba ay bahay ng kapatid o inuupahang bahay, kailangang isaalang-alang kung ang panlabas na kapaligiran ng tirahan ay ligtas; ito ang pinakamahalagang punto. Una sa lahat, angkop lang ito kung ang pananampalataya sa Diyos ng pamilyang nagpapatira sa bahay ay walang masyadong nakakaalam at walang rekord tungkol sa pananampalataya nila sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Kung, noon, kapag nagtitipon ang mga kapatid doon, inuulat ito ng mga kapitbahay sa pamahalaan, at alam na ng pamahalaan na ang pamilyang ito ay madalas na may mga pagtitipon kasama ang mga estranghero, ang lokasyong ito ay hindi angkop para sa pagpapatira. Kung umuupa, hindi rin angkop na upahan ang bahay ng gayong pamilya. Ito ay isang aspekto. Bukod pa rito, sa ilang lugar, hindi maganda ang pampublikong seguridad, may madadalas na insidente ng nakawan, patayan, at iba’t iba pang kaso. Ang mga residente ay medyo mga komplikadong indibidwal din, at madalas na pumupunta roon ang pulisya para siyasatin ang mga rehistro ng pamamahay at mga ID card, at imbestigahan ang mga suspek sa krimen, bukod sa iba pang mga bagay. Sabihin ninyo sa Akin, kung manunuluyan kayo sa gayong lugar, hindi ba’t madalas kayong magdurusa sa pang-aabala? (Oo.) Ang gayong mga lugar ay hindi rin angkop para tirhan. Kumakatok ang mga pulis kada ilang araw, sinasabing may nangyaring nakawan o patayan sa malapit at humihiling ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon, sinasabi sa mga tao na kaagad na mag-ulat kung makikita nila ang salarin. Palaging kumakatok ang mga pulis sa mga pintuan, nagkukunwari gamit ang iba’t ibang uri ng palusot, sinasabing nag-iimbestiga sila ng mga kaso, pero ang totoo, sinisiyasat nila ang mga tagalabas at estranghero—ang mas tumpak, hinahanap nila ang mga taong nananampalataya sa Diyos. Makararamdam ka ba ng anumang kapanatagan sa panunuluyan sa gayong tahanang matutuluyan? (Hindi.) Walang duda, mababalisa ka buong araw. Kahit pa ang mga krimen sa labas ay walang kinalaman sa pamilyang nagpapatira sa bahay, hindi ka pa rin mapapanatag. Ang pamumuhay sa gayong kapaligiran ay madalas na nagpaparamdam sa iyo na nanganganib ang iyong personal na seguridad. Sino ang nakaaalam kung balang araw, ang pulisya, pagkakita sa mga kapatid, ay magsimulang kuwestiyunin ang mga kapatid na estranghero sa mga pulis, at mauwi sa pagkaaresto ng mga kapatid. Hindi ba’t masasabi mong isang nakatatakot na sitwasyon ito? (Oo.) Bukod pa rito, karamihan sa mga Tsino ay walang kamalayan sa seguridad; sa sandaling narinig nilang may kumakatok, binubuksan nila ang pinto, at kadalasan ding hindi nila kinakandado ang mga pinto nila, na madaling humahantong sa mga insidente. Sa mga bansa sa Kanluran na may kalayaan at demokrasya, ang mga pribadong tirahan ay itinuturing na mga pribadong lugar. Kung pumasok ang isang tagalabas sa pribadong lugar nang walang pahintulot, itinuturing itong ilegal, at ang mga taong nakatira doon ay tatawag sa pulisya. Pagkatapos ay pananagutin sa batas ang nanghihimasok. Kaya, kung kumatok ang isang estranghero, hindi mo kailangang buksan ang pinto—maaari kang tumanggi. Kahit pa may nakatakdang bumisita sa iyo, kung hindi ka handa o nagbago ang isip mo, hindi mo pa rin kailangang buksan ang pinto; maaari kang magtakda ng panibagong iskedyul sa kanila. Ang mga tao sa mga bansa sa Kanluran ay may ganitong karapatan, mayroon silang ganitong kamalayan sa batas. Gayumpaman, walang ganitong kamalayan sa batas ang mga Tsino. Kapag may naririnig silang katok sa pinto, nagmamadali silang buksan ito. Nagpapakita ito ng kawalan ng pag-iingat, kawalan ng kamalayan sa pagprotekta sa sarili, at hindi pagiging pamilyar sa mga kaugnay na batas. Ito ay dahil ang Tsina ay isang diktadura, na may iisang partidong namumuno na nangingibabaw sa batas, ang sistema ng batas nito ay isang pakitang-tao lang. Ang malaking pulang dragon ay kumikilos nang may ganap na pagwawalang-bahala sa batas at kaayusan sa Tsina, walang pakundangang gumagawa ng masasamang gawa, at ang mga tao ay walang anumang karapatang pantao. Hindi binibigyang-pansin ng mga Tsino ang mga karapatang pantao, ni hindi nila natutunan ang pagpapahalaga sa pagsunod sa mga regulasyong pandisiplina at pagsunod sa batas; sa partikular, wala silang kamalayan sa pagprotekta sa sarili, at hindi alam ng karamihan ng tao kung paano gamitin ang batas para protektahan ang sarili nila. Dahil dito, walang garantiya ng pagiging ligtas. Sa pagbubuod, sa anumang lugar na may mahinang pampublikong seguridad, mga residente na may mga komplikadong pinagmulan at pagkakakilanlan, madalas na mga inspeksiyon, o madalas na mga insidente ng iba’t ibang kriminal na kaso, madali para sa mga tao na maapektuhan ng pang-aabala ng mundong nasa labas. Ang gayong lugar ay hindi angkop para panuluyan. Ito ay isang salik sa pampublikong seguridad na dapat isaalang-alang kapag nagsasaayos ng panunuluyan para sa mahahalagang tauhan sa gawain.

Ang kapaligirang pinaninirahan para sa mga gumagawa ng tungkulin nila ay dapat na piliing mabuti; pinakamainam na iwasan ang matataong lugar sa lungsod at mapapanganib na lokasyon. Aling mga lugar ang tinutukoy natin bilang matataong lugar sa lungsod? Kabilang dito ang mga lugar tulad ng malalapit sa mga riles ng tren, haywey, interseksiyon, at palengke. Lalo na sa mga pangunahing linya ng riles ng tren, kung saan dumaraan ang hindi-mabilang na tren araw-araw, at ang mga sahig ng mga kalapit na bahay ay yumayanig sa bawat pagdaan ng tren. Sa gayong kapaligiran, ganap na imposibleng makahanap ng kapayapaan habang ginagawa ang tungkulin ng isang tao. Bukod pa rito, ang ilang taong gumugol ng ilang taon sa paggawa ng tungkulin nila nang malayo sa tahanan nila ay namumuhay nang may patuloy na pagkabalisa, at ang puso nila ay wala sa pinakamainam na kondisyon, kaya’t lalong hindi angkop para sa kanila na manirahan sa gayong mga lugar. Kung ang partikular na gawain ay nangangailangan ng tahimik na kapaligiran, tulad ng gawaing pagre-rekord o gawaing nakabatay sa teksto, kahit papaano ay dapat na walang ingay na makaaabala, at dapat ding matiyak ang pagiging ligtas—magiging ideyal ito. Kung walang ganap na ligtas na lugar, dapat mahanap ang isang medyo ligtas na lugar. Sa ganitong kaso, katanggap-tanggap ang kaunting ingay, at hindi natin dapat masyadong itaas ang mga kinakailangan; basta’t ligtas ang kapaligirang pinaninirahan, sapat na ito. Bukod pa rito, kung ang bahay ay matatagpuan sa lugar na matindi ang trapiko, tulad ng malapit sa mga ilaw trapiko o isang interseksiyon, magkakaroon ng di-mabilang na tao at mga sasakyang dumaraan araw-araw. Ang gayong bahay ay lantad sa paningin ng maraming dumaraan, at sa isang kaswal na sulyap, madaling makikita ng mga taong dumaraan iyong mga nasa loob ng bahay. Lalo na kapag nakabukas ang mga ilaw sa gabi, malinaw na makikita ang sitwasyon sa loob ng bahay. Masasabi mo ba na ang gayong bahay ay katanggap-tanggap pa ring panuluyan? Angkop ba ang ganitong kapaligiran? (Hindi, hindi ito angkop.) Tunay ngang hindi ito angkop. Ang mga taong nanunuluyan sa gayong lugar ay madalas na nagdurusa sa pang-aabala, madalas na nakikitang nagmamasid sa kanila ang mga estranghero. Kapag nagtatagpo ang mga mata nila sa mga mata ng isang estranghero, nagugulat sila, nakararamdam ng pagkabalisa araw-araw, palaging nararamdamang minamatyagan sila—sinong nakaaalam kung may sinumang nasa likod nito, na nagdidirekta at nagkokontrol sa mga bagay-bagay. Sa palagay mo ba ay makadarama ng kapanatagan ang isang taong naninirahan sa gayong kapaligiran? Gayundin, may ilang bahay na may mababang kalidad at mahinang soundproofing, kaya kapag nagsasalita nang malakas o nagpapatugtog ng mga himno sa loob, naririnig ng mga tao sa labas ang lahat. Bukod pa rito, may ilang bahay na nasa pinakamataas na bahagi ng komunidad, sa ganoong kaso, hindi lang ito mas madaling tamaan ng kidlat kundi pinahihintulutan din nito ang mga nakapalibot na kapitbahay na makita ang mga kapatid sa tuwing lumalabas ang mga ito. Mahirap para sa kanila kahit ang magbukas ng bintana paminsan-minsan para magpahangin o magpalamig; dapat na palaging mahigpit na nakasara ang mga bintana nang nakatakip ang mga kurtina, kaya walang liwanag ang makapapasok, at mas lalong mahirap ang lumabas para maglakad-lakad. Palaging nag-aalala na mapagmamasdan at mapapansin ng mga tao sa labas. Bagaman hindi sabay-sabay na pumapasok at lumalabas ang mga kapatid, sa tuwing may pumapasok o lumalabas, malinaw na nakikita ito ng mga tao sa labas. Sa huli, magkakaroon sila ng pangkalahatang ideya kung ilang mga estranghero ang naninirahan sa bahay na iyon. Masasabi ba ninyo na matitiyak pa rin ang pagiging ligtas ng mga taong nanunuluyan dito? (Hindi, hindi matitiyak.) Iniisip ng ilang tao, “Kadalasan ay ginagawa namin ang tungkulin namin sa loob ng bahay, at kahit kapag lumabas kami, nagsasalitan kami at hindi sabay-sabay na lumalabas. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi malalaman ng mga nakapaligid na kapitbahay ang anumang bagay.” Pero kahit na makipagsalitan ka sa paglabas, magdudulot pa rin ito ng problema kung may makapansin na ikaw ay isang estranghero. Maraming mga walang pananampalataya ang hindi namumuhay nang maganda, pero partikular na nasisiyahan sa pagmamasid at pag-uusisa sa buhay ng ibang tao. May ilan pa nga na maaaring gumamit ng teleskopyo para mang-espiya sa iyo, pinapanood kung ano ang ginagawa mo sa loob. Kung matuklasan nilang may nagtitipon na mga mananampalataya, nagmamadali silang iulat ito sa pamahalaan kapalit ng gantimpala. Kapag itinuon ng gayong tao ang pansin niya sa iyo, hindi ba’t mapanganib na sitwasyon ito? (Oo.) Kapag itinuon na niya ang pansin niya sa iyo, may anumang mabuting maidudulot ba ito? Tiyak na mauuwi ito sa iyong pagkaaresto! Sa anumang bansa o rehiyon, palaging maraming usisero. Kahit na wala silang kinikitang pera sa pagmamanman sa iyo, handang-handa silang gawin ito—magbabayad pa nga sila ng sarili nilang pera at iaantala ang sarili nilang gawain para gumugol ng oras sa pagbabantay. At kung may gantimpala para sa pag-uulat sa iyo, mas masasabik silang gawin ito. Lalo na sa isang diktadura tulad ng Tsina, masyadong maraming tao ang nagmamasid sa mga nananampalataya sa Diyos. Dahil tutol sila sa katotohanan at nakararamdam ng pagtutol sa mga nananampalataya sa Diyos, sa sandaling matuklasan nilang ang mga mananampalataya ay nakikisalamuha sa isa’t isa o nagtitipon, iniuulat nila ito. Kung may gantimpala sa pag-uulat, nakahahanap sila ng walang sawang kasiyahan sa paggawa nito. Hindi ba’t madali itong makapagdudulot ng problema sa iglesia? (Oo.) Kung naaabala ka sa ganitong paraan, hindi ba’t dahil ito sa hindi isinaayos ng mga lider at manggagawa ang mga tirahan nang maayos? Kung ang lokasyon at kapaligiran para sa pagpapatira sa mahahalagang tauhan sa gawain ay hindi angkop dahil hindi lubusang isinaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga bagay-bagay, ito ang mga kahihinatnan. Kung ang lugar kung saan nakatira ang isang tao ay masyadong nakatatawag-pansin, maaaring madaling mauwi ito sa pagkakaroon ng problema. Kapag nagkaproblema na at saka mo lang napagtanto na ang lugar na ito ay hindi angkop para panuluyan, huli na ang lahat. Kaya’t ang pagpili sa angkop na lokasyong paninirahan ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay isa ring mahalagang gampanin, at ang hindi mahusay na pagpili ay maaaring madaling humantong sa panganib.