Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (28) Unang Seksiyon
Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikapitong Bahagi)
Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay ang “agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalawang pamantayan para sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng masasamang tao, na nakabatay sa kanilang pagkatao, sinasaklawan ang tatlong pagpapamalas. Basahin ang tatlong pagpapamalas na ito. (Ikawalo, pagkakaroon ng kakayahang magkanulo anumang oras; ikasiyam, pagkakaroon ng kakayahang umalis anumang oras; ikasampu, pag-aalinlangan.) Pagkatapos magbahaginan tungkol sa tatlong pagpapamalas na ito, nauunawaan ba ninyo ang mga ito? (Oo.) Karamihan sa mga taong may ganitong mga problema ay karaniwang walang abilidad na maarok ang katotohanan; hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, ni hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos. Bukod pa rito, hindi kayang makilatis ng ilan sa kanila kung tungkol saan talaga ang pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang relihiyosong pananalig lang at na ang basta pagsunod sa mga relihiyosong ritwal ay sapat na. Hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos, ni hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng paggampan sa tungkulin; hindi rin malinaw sa puso nila ang tungkol sa kung umiiral ba ang Diyos, at hindi sila sigurado kung tama ba ang landas ng pagsunod sa Diyos. Gaano karaming taon man silang nanampalataya, o gaano karaming sermon man ang narinig nila, hindi sila kailanman nakapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Dahil dito, nag-aalinlangan sila, at kung may mangyaring hindi nila ikalulugod, maaari pa nga nilang iwan ang iglesia o ipagkanulo ang iglesia anumang oras. May mga partikular na prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa pangangasiwa sa ilang uri ng tao na ito. Depende sa iba’t ibang sitwasyon nila, may mga partikular na plano para sa pangangasiwa at paglutas sa kanila; iyong mga dapat paalisin ay paaalisin at iyong mga dapat patalsikin ay patatalsikin. Bagaman hindi masasamang tao ang ilan sa mga taong ito, at lalong hindi sila mga anticristo, batay sa kalikasan ng mga pagpapamalas nilang ito at mga saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila mga tunay na kapatid. Kahit manatili pa sila sa iglesia, magiging napakahirap para sa kanila na maunawaan ang katotohanan. Ano ang mga implikasyon ng pagiging mahirap para sa kanila na maunawaan ang katotohanan? Ibig sabihin nito na dahil hindi nila kailanman maaarok ang mga salita ng Diyos at hindi kailanman mauunawaan ang katotohanan, sa huli ay mabibigo silang makamit ang kaligtasan at mabibigo silang makamit ng Diyos. Ibig sabihin, sa huli, hindi sila maaaring maging mga tao ng sambahayan ng Diyos, hindi maaaring maging mga tunay na nilikha, at hindi makapagsasakatuparan ng tungkulin ng mga nilikha at makababalik sa harap ng Diyos. Bukod pa rito, madalas silang gumaganap ng negatibong papel sa iglesia. Hindi lang sila bigong magkaroon ng positibong epekto, kundi paminsan-minsan, nagdudulot din sila ng mga kaguluhan at pagkawasak, naaapektuhan ang mga kalagayan ng ilang tao at nagugulo ang ilan sa mga gumagampan ng tungkulin nila. Samakatwid, dapat magpatupad ang iglesia ng mga kaukulang hakbang para pangasiwaan sila, sa pamamagitan man ng paghihikayat sa kanilang umalis, o sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila o pagpapatalsik sa kanila. Sa anumang kaso, hindi sila maaaring pahintulutang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia.
Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao
II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao
J. Pag-aalinlangan
Hindi kailanman makumpirma ng mga taong nag-aalinlangan kung umiiral ba talaga ang Diyos, at lalong hindi nila makumpirma kung ang Diyos ba na pinananampalatayaan nila ay ang tunay na Diyos. Ngayon gusto nilang maghanap dito, at bukas gusto nilang tingnan ang mga bagay-bagay roon, hindi nalalaman kung alin ang tunay na daan, palaging nagkikimkim ng saloobin na maghintay-at-magmasid. Sa kaso ng ganitong mga tao, kaagad silang hikayating umalis, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Hindi mo kailanman makumpirma na ang gawain ng Diyos ay ang tunay na daan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga paghihirap mo. Ano ang magiging resulta ng patuloy na pananampalataya nang ganito? Dahil hindi mo minamahal ang katotohanan at hindi ka nasisiyahan sa pamumuhay ng buhay iglesia, dapat pumunta ka sa kung saan ka man interesado, batay sa sarili mong mga pagpili. Hindi ba’t gusto mong hangaring mangibabaw sa iba at magkamit ng malaking tagumpay? Kung gayon, dapat kang lumabas sa mundo at magsikap para dito. Baka yumaman ka o maging isang opisyal at makamit ang mga pangarap mo sa mundo. Hindi ka na dapat pang magtagal sa sambahayan ng Diyos.” Sa kaso ng gayong mga tao, hindi mo sila dapat puwersahin o subuking hikayatin na manatili sa anumang paraan. Kung gusto nilang iwan ang iglesia, hayaan silang umalis. Ang palaging paghihikayat sa mga hindi mananampalataya na ito at pag-uudyok sa kanilang manatili ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman pinupuwersa ng gawain ng Diyos ang mga tao, at kapag patuloy mong hinihila at hinahatak iyong mga hindi makapagpasya, may elemento ng pamumuwersa rito. Gusto ng mga taong ito na lumabas para magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay nang matiwasay, o maghangad ng mga bagay na personal nilang gusto. Taglay nilang palagi ang mga intensyong ito, at taglay nilang palagi ang sarili nilang mga mithiin at plano. Bagaman walang nakaaalam nito, ibinunyag na ito ng pag-uugali nila. Halimbawa, kapag ginagawa ang tungkulin nila, madalas silang walang sigla, o madalas silang makakalimutin, pabaya, at pabasta-basta lang. Madalas silang nagpapakita ng partikular na pag-aatubiling gawin ang tungkulin nila, palaging nararamdamang tila nawawalan sila, iniisip na ang paggampan sa tungkulin nila ay humahadlang sa kanilang kumita ng pera. Para sa ganitong mga tao, dapat silang hikayating umalis, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Palagi kang walang sigla at pabaya sa paggampan sa iyong tungkulin, at sa huli, mabibigo kang makamit ang katotohanan, at hindi ka sasang-ayunan ng Diyos—magiging isang malaking kawalan iyon! Dahil hindi ka interesado sa katotohanan, dahil hindi mo magawang makumpirma ang pag-iral ng Diyos o ang kataas-taasang kapangyarihan Niya, at iniisip na kamangha-mangha ang mundo, naniniwalang kung hahangarin mo ang mundo ay maaari kang maging sobrang matagumpay at mangingibabaw sa iba, mas mabuti para sa iyo na bumalik sa mundo at magsikap doon. Ano ang saysay ng pagtitiis ng paghihirap na ito rito?” Sa partikular, madalas na pakiramdam ng mga taong ito na may kahusayan sila sa isang partikular na larangan, na mayroon silang ilang kasanayan at kapabilidad, at naniniwalang kung makikipagsapalaran sila sa lipunan o sa mundo, maaari silang magkamit ng parehong kasikatan at kayamanan, magtatamasa ng mataas na katayuan at kabayaran. Gayumpaman, matapos manampalataya sa Diyos at magpabasta-basta ng ilang taon, hindi sila nakatanggap ng anumang mga promosyon o napili para sa anumang mahalagang posisyon. Dahil hindi nila magawang mangibabaw sa iba, nakararamdam sila ng labis na pagkaagrabyado at matinding pag-ayaw sa puso nila. Ayaw nilang tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos, at mas lalong ayaw na gawin ang tungkulin nila. Palagi silang may hindi mapakaling puso at lumilipad na isip, at pabago-bago at hindi matatag. Paminsan-minsan, iniisip nila ang tungkol sa kung paanong nakakuha ng magagandang trabaho, nagkamit ng gayong katataas na posisyon, at namumuhay ng buhay na superyor kaysa sa iba ang mga kaklase at kaibigan nila, na lalong nagpaparamdam sa kanila na labis nilang naaagrabyado ang kanilang sarili sa pananampalataya nila sa Diyos, at iniisip na sila ay walang silbi, walang kakayahan, at isang kabiguan dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, labis na nahihiyang harapin ang kanilang mga magulang at ninuno. Nagiging sanhi ito para lalo pa silang mabalisa at umayaw, at labis nilang pinagsisisihan ang pagpiling manampalataya sa Diyos sa simula pa lang! Kaya’t lalo pang nag-aalinlangan ang isipan nila. Sa mga taon ng pananampalataya sa Diyos at paggampan sa kanilang tungkulin, hindi lang na hindi lumakas ang pananalig nila, kundi nawala rin ang dating sigasig na mayroon sila. Paano sa palagay ninyo dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Hikayatin silang umalis.) Kung hihikayatin mo silang umalis, maaaring sabihin nilang, “Nanampalataya ako sa diyos nang napakaraming taon, isinakripisyo ang aking edukasyon, pag-aasawa, at kinabukasan. Ngayong sinasabi mo sa aking iwan ang iglesia—hindi ba’t ibig sabihin niyon na ang lahat ng tiniis kong paghihirap sa mga taon na ito ay para lang sa wala? Hindi ba’t hindi na talaga ako magkakaroon ng destinasyon sa hinaharap? Magiging kawalan iyon sa parehong aspekto. Hindi ba’t parang pagkitil na rin iyon sa buhay ko?” Napakawalang puso ba ang hikayatin silang umalis? Naaangkop bang gawin ito? (Hindi kailanman ginustong manampalataya sa Diyos ng gayong mga tao sa simula pa lang. Nanloko lang sila para makapasok sa iglesia para tumanggap ng mga pagpapala. Kapag nakikita nilang palaging nakatuon ang iglesia sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pakikipagbahaginan sa katotohanan, nakararamdam sila ng pagtutol sa mga bagay na ito at gusto nilang umalis. Dapat hikayating umalis ang gayong mga tao. Bagaman maaaring mapanatili mo sila, hindi mo mapananatili ang puso nila.) Kung ginagawa nila ang tungkulin nila nang may kaunting pagiging taos-puso pero simpleng walang kalinawan sa katotohanan, o pansamantala silang nagiging medyo negatibo at mahina dahil may mga kinakaharap silang sagabal at kabiguan o nakaranas na mapungusan, sa ganitong mga kaso, maaari mong ibahagi ang katotohanan para tulungan at suportahan sila. Gayumpaman, ipagpalagay na ang kahinaan nila ay hindi pansamantala, kundi sa halip ay palagi silang pabaya at pabasta-basta sa paggampan sa tungkulin nila, at ginagawa ito nang walang sigla, at nasisiyahan lang na hindi sila pinaaalis; at ipagpalagay na ginagawa nila ang tungkulin nila nang walang sinseridad o pag-udyok, o, para sabihin ito nang mas tumpak, wala silang mga layon ng paghahangad at nagpapalipas lang ng mga araw—kung magiging malinaw na ganitong uri sila ng tao, maaari silang hikayating umalis.
Mga hindi mananampalataya ang ilang tao. Kung malinaw mong nakikita na sila talaga ay mga tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at ayaw kahit ang magtrabaho, dapat silang hikayating umalis. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay na hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi kailanman nag-aaral ng mga himno, hindi kailanman nakikinig sa mga sermon, at hindi kailanman nakikipagbahaginan sa katotohanan o nagsasalita ng tungkol sa pagkilala sa sarili nila. Hindi rin nila gustong makinig sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid. Hindi nila kailanman pinanonood ang mga pelikula o mga video ng himno o mga video ng patotoong batay sa karanasan na ginawa ng sambahayan ng Diyos, at kahit gawin pa nila ito, para lang ito sa paglilibang o dahil sa pagkamausisa, na sa ganitong kaso ay may pag-aatubili lang silang nanonood nang kaunti; at ganap na hindi ito dahil sa anumang pagpapahalaga sa pasaning kaugnay sa sarili nilang buhay pagpasok, kundi nanonood lang para sa kasiyahan at katuwaan nito. Saan nila ginugugol ang karamihan ng oras nila? Sa pakikipag-usap, pakikipagtsismisan, o pag-oonline para tingnan ang mga bagay na gusto nila. Halimbawa, may ilan sa kanilang mahilig sa stock market at palaging sinusuri ang mga kalakaran sa stock online; may ilang mahilig sa mga sasakyan o mga elektronikong produkto at palaging tumitingin online para makita kung aling mga tatak ang naglabas ng mga bagong modelo o lumikha ng ilang bagong teknolohiya; may ibang mahilig manood ng mga ulat ng balita online na gawa ng self-media; at may ilang mahilig sa kagandahan, makeup, o pangangalaga sa kalusugan at madalas pumupunta online para magbasa ng mga bagay tungkol sa kagandahan, pangangalaga sa kalusugan, o mga paraan para mapanatili ang mabuting kalusugan at magkamit ng mahabang buhay. Ang mga taong ito ay walang anumang interes sa iba’t ibang katotohanang kailangang pasukin ng mga mananampalataya para maligtas, o sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid. Bukod sa may pag-aatubiling paggampan sa kaunting tungkulin, palagi silang nakatuon sa nagbabagong sitwasyon ng walang pananampalatayang mundo, at sa kung ano ang mga bagong uso at mahahalagang balitang mayroon sa mundo, at mga kaganapan sa sarili nilang bansa, at iba pang bagay. Tinitingnan lang nila ang ganitong uri ng impormasyon. Dahil sa pagtingin nila sa ganitong mga bagay sa lahat ng oras, puno lang ang puso nila ng gayong mga usapin, at ganap nilang binabalewala ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan bilang mga mananampalataya sa Diyos. Sinuman ang nakikipagbahaginan sa kanila, hindi nila ito tinatanggap. Hindi sila interesado o nababahala tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa buhay pagpasok, tulad ng kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang sundin sa paggampan sa tungkulin nila, kung anong mga tiwaling disposisyon ang nabubunyag sa kanila at kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at alin sa iba’t ibang hinihingi ng Diyos sa mga tao ang natugunan na nila at hindi pa nila natutugunan. Bagaman ginagawa nila ang tungkulin nila, nagpapabasta-basta lang sila, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kahit bahagya. Bagaman sinasabi ng gayong mga tao na mga mananampalataya sila ng Diyos, ang panloob na gusto nila at pinagtutuunan ay pera, katayuan, at mga kalakaran ng walang pananampalatayang mundo, at gusto nilang makihalubilo sa mga sumusunod sa mga kalakaran ng walang pananampalatayang mundo. Kapag pinag-uusapan ang mga usapin ng walang pananampalatayang mundo, ginagawa nila ito nang may labis na kasiyahan at walang kapagurang kasiglahan, nagsasalita nang mahusay at naglilitanya nang mahaba tungkol dito, pero kapag nakakasama nila iyong mga mahilig makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, wala silang masabi. Kapag sinasabi ng isang kapatid, “May himnong napakaganda, naisaulo ko na lahat ng liriks nito,” sinasabi nila nang wala sa loob, “Naisaulo mo na ito. Ang galing naman.” Kapag sinasabi ng isang kapatid, “Napakaganda ng patotoong batay sa karanasan ni Sister Ganito-at-ganyan!” sinasabi nila, “Napakarami na ng video ng patotoong batay sa karanasan ngayon, mayroon bang hindi maganda? Napakaganda ng lahat ng iyon.” Sumasagot lang sila sa ganito kababaw na paraan; sa katunayan, wala silang interes sa katotohanan at hindi sila magkaintindihan ng mga kapatid. Kapag may nagtatanong sa kanila, “Nagdarasal ka ba kapag nahaharap sa mga sitwasyon?” sumasagot sila, “Magdasal nang paano? Magdasal tungkol saan?” Hindi sila nagdarasal, ni wala silang anumang masabi sa Diyos. Ang mga taong ito ay walang interes sa anumang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, at ang puso nila ay puno ng lahat ng uri ng bagay mula sa walang pananampalatayang mundo. Ano sa palagay ninyo—may problema ba ang gayong mga tao? (Mayroon.) Kung nakikita mong palagi silang walang sigla sa paggampan sa kanilang tungkulin, at kapag itinalaga sa anumang gampanin, lubhang nawawalan sila ng pasensya, nagrereklamo sa sandaling nagdurusa sila ng kaunting paghihirap, at pagkatapos ng ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, madalas silang nagbubunyag ng mga kaisipang tulad ng, “Nalugi ako sa pananampalataya sa diyos. Kung hindi ako nanampalataya sa diyos, tumaas na sana ngayon ang suweldo ko nang ganito-at-ganyang kalaki, at nagtatamasa na sana ako ng ganito-at-ganyang katayuan, at ng ganito-at-ganyang marangyang paraan ng pamumuhay,” paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang hikayating umalis.) Hikayatin na lang na umalis ang gayong mga tao at huwag na silang hayaang gumawa ng anumang tungkulin, dahil ayaw nila kahit ang magtrabaho man lang. Iniisip nilang matitiis pa ang simpleng pagdalo sa mga pagtitipon bilang mananampalataya, pero ang paggampan sa tungkulin nila at pagsunod sa Diyos ay humahadlang sa malalaking gawain nila. Pakiramdam nila na ang paggampan sa tungkulin nila at pagsunod sa Diyos ay isang malaking balakid sa paghahangad nila ng kaligayahan. Naniniwala sila na kung hindi nila ginagampanan ang tungkulin nila, matagal na sana silang umangat sa iba, naging isang mataas na opisyal at kumita ng maraming pera sa mundo. Kaya bakit natin sila pipigilan? Kaya, ang paghihikayat sa kanilang umalis ay makabubuti para sa lahat. Ang pamumuwersa sa kanila o pagsisikap na kumbinsihin silang manatili ay magiging isang malaking pagkakamali. Dapat ninyong hikayatin ang gayong mga tao nang ganito: “Bakit mo piniling manampalataya sa Diyos? Kailanman ba ay makakamit mo ang katotohanan kung hindi ka interesado sa katotohanan at palagi kang puno ng mga pagdududa sa Diyos? Ikaw ay isang tao na may mga ideya, mga diploma, at talento—kung masigasig kang magsisikap sa mundo, tiyak na maaari kang maging isang presidente o CEO ng isang kompanya, o maging isang milyonaryo o bilyonaryo. Sa pagraraos lang nang ganito sa sambahayan ng Diyos, una sa lahat, hindi ka makaaangat sa iba; pangalawa, hindi ka magkakamit ng malaking tagumpay; at panghuli, hindi ka makapagdadala ng kaluwalhatian sa iyong mga ninuno. Bukod pa rito, kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, palagi kang pabaya, na nagdudulot sa iyong mapungusan, iniiwan kang nanlulumo sa lahat ng oras. Bakit mo titiisin ang ganitong pagdurusa? Dapat kang makipagsapalaran sa mundo, sa politika man o negosyo, at tiyak na magkakamit ka ng partikular na antas ng tagumpay para sa sarili mo. Iba ka sa amin: Mayroon kang mga diploma at talento, at isa kang marangal na indibidwal—hindi ba’t hindi karapat-dapat sa iyo na manampalataya sa Diyos kasama naming mga ordinaryong tao? Gaya ng madalas sabihin ng mga walang pananampalataya, ‘Ang mundo ay puno ng oportunidad para sa iyo’—dapat samantalahin mo ang katunayang may panahon pang natitira sa mundo para maghangad ng kaunting kasikatan, pakinabang, at katayuan habang may pagkakataon ka pa. Huwag mong agrabyaduhin ang sarili mo sa pamamagitan ng pananatili rito.” Angkop na paraan ba ito para hikayatin sila? Medyo maingat ang pagkakasabi, hindi ba? (Oo.) Hindi ito nakasasakit sa kanila, at pagsasabi rin ito ng gusto nilang marinig. Sa tingin Ko ay angkop ang ganitong pamamaraan, ginagawa nitong madali para sa kanila na tanggapin ang payo, at matapang silang makaaalis nang walang anumang mga alalahanin. Kapag pinangangasiwaan ang ganitong uri ng mga tao, kung nakatitiyak kang sila ay mga hindi mananampalataya, at nakikita mong wala talaga silang anumang sigasig para sa pananampalataya sa Diyos, na hindi sila kailanman taos-puso sa paggampan sa tungkulin nila, at na hindi sila kailanman nagkamit ng anumang buhay pagpasok—at malamang ay hindi nila ito makakamit kalaunan—dapat silang hikayating umalis. Kung hindi mo sila hihikayating umalis, palagi silang magkakaroon ng isang pabaya at maligamgam na saloobin sa paggampan sa tungkulin nila, at maaaring dumating ang panahon na magdudulot sila ng isang malaking sakuna.
K. Pagiging Duwag at Mapaghinala
Natapos na nating pagbahaginan ang ikasampung pagpapamalas—pag-aalinlangan. Ngayon, sunod naman nating tingnan ang ikalabing-isang pagpapamalas—ang pagiging duwag at mapaghinala. Ano ang mga pagpapamalas ng mga duwag na tao? (Natatakot ang mga duwag na tao kapag nahaharap sa pag-aresto at pag-uusig. Gusto nilang gawin ang kanilang tungkulin pero hindi sila naglalakas-loob.) Isa lang iyong maliit na aspekto. Ang pangunahing isyu ay na mayroon silang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos: Pakiramdam nila palagi na parang hindi nababagay sa mundong ito ang mga mananampalataya sa Diyos; pakiramdam nila na kahiya-hiya ang pananampalataya nila sa Diyos. Lalo na sa ilang awtoritaryang bansa o mga bansang walang kalayaang panrelihiyon, kung saan hindi lang sa hindi pinoprotektahan ng batas ang mga mananampalataya sa Diyos kundi isinasailalim din sa pag-uusig, may ilang tao na hindi naglalakas-loob na aminin na nananampalataya sila sa Diyos at natatakot na malaman ito ng iba. Pakiramdam nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang bagay na hayagan at marangal. Bagaman alam nilang nananampalataya sila sa tunay na Diyos, wala silang nararamdamang anumang dangal dito, ni wala silang kumpiyansa. Kapag may anumang palatandaan ng problema o kapag nakita nilang inaaresto, inuusig, inaapi, at itinatakwil ng pamahalaan ang mga mananampalataya, lalo silang nag-aalala na baka madamay sila. Sa gayong mga sitwasyon, may ilang tao na mabilis na inihihiwalay ang sarili nila sa iglesia, nagmamadali pa ngang ibalik ang mga aklat sa sambahayan ng Diyos. Ang iba naman, dahil sa takot na maaresto, ay hindi na naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon at hindi na naglalakas-loob na batiin ang mga kapatid kapag nagkikita sila. Lalo na sa mga taong medyo kilala sa pananampalataya ng mga ito o dati nang naaresto, mas lalong hindi sila naglalakas-loob na makipag-ugnayan sa mga ito—ganito katindi ang karuwagan nila. Mas malala pa, pagkarinig na nagpasimula ang pamahalaan ng mga malawakang pag-aresto, nagmamadali silang pumunta sa mga awtoridad para maagap na aminin na dati silang nanampalataya sa Diyos at alam nila kung sinu-sino ang nananampalataya, maagap na ipinagkakanulo ang mga ito at isinusuko ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at iba pang mga materyales na may kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos kapalit ng kaluwagan, na may nag-iisang pakay ng pangangalaga sa sarili nila. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mga pagpapamalas ang mga ito ng pagiging duwag? (Oo.) Lalo na para sa ilang tao, matapos manampalataya sa Diyos, palagi silang natatakot na malaman ng iba ang tungkol sa pananalig nila, at mas natatakot pa sila na kung may isang maaresto, ipagkakanulo sila. Sa sandaling may sinumang makaalam na nananampalataya sila sa Diyos, nagmamadali silang magpaliwanag na hindi na sila nananampalataya, nagmamadali pa ngang gumawa ng mga bagay para patigilin ang mga walang pananampalataya na pagdudahan sila ng pagiging isang mananampalataya. Halimbawa, nagtataguyod sila ng mga koneksiyon sa mga walang pananampalataya, kumakain, nagpa-party, nagsusugal, umiinom ng alak nang magkakasama, at iba pa. Sa pinakamaliit na senyales ng panganib, hindi na sila naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon at hindi na ginagawa ang tungkulin nila, binabalewala ang sinumang sumusubok na makipag-ugnayan sa kanila. Kapag payapa ang lahat, iniisip nila kung paanong ang pananampalataya sa Diyos ay nagdadala ng mga pagpapala, pinahihintulutan ang isang tao na makaiwas sa kamatayan, at pinahihintulutan ang isang tao na makapunta sa langit at magkaroon ng isang mabuting destinasyon—puno sila ng sigla sa pananampalataya sa Diyos. Pero sa sandaling nahaharap sila sa isang medyo mapanganib na sitwasyon, nawawala sila na parang bula. Pagkatapos, kapag lumipas na ang problema at tahimik na muli ang mga bagay-bagay, bumabalik sila. Ang ganitong uri ng tao ay madalas na nawawala na parang bula. Gaano man kahalaga ang tungkuling itinalaga sa kanila, sa sandaling lumitaw ang kaunting panganib, kaya nilang kaagad na iwan ang gawain nila nang hindi gumagawa ng anumang mga pagsasaayos para sa pagpapatuloy nito, at walang sinuman ang makakontak sa kanila pagkatapos. Ang ibang tao, kapag nahaharap sa kaparehong mapanganib na kapaligiran, ay nakapag-iisip ng iba’t ibang paraan para maayos na pangasiwaan ang mga kahihinatnan. Kung ang kapaligiran ay kasalukuyang masyadong mapanlaban at mataas ang panganib ng pag-aresto, maghihintay sila hanggang humupa ang panganib bago ipagpatuloy ang gawain. O, kung masyado silang kilala bilang mga mananampalataya at maaaring madaling maaresto kung magpapakita sila para gumawa ng gawain, isinasaayos nila na ang iba ang gumawa nito. Pero kapag nakaramdam ng kahit kaunting problema ang mga duwag na tao na ito, nagmamadali silang magtago, nagkukumahog na lumayo sa panganib at iligtas ang sarili, ganap na binabalewala at hindi iniintindi ang gawain at ari-arian ng iglesia, hindi gumagawa ng anumang pagsisikap para pangalagaan ang gawain ng iglesia o protektahan ang mga kapatid. Ano ang pinaka-ikinatatakot nila sa pananampalataya nila sa Diyos? Una, takot silang malaman ng pamahalaan ang tungkol sa pananampalataya nila. Pangalawa, takot silang malaman ito ng mga kapitbahay nila. Pangatlo, ang pinakakinatatakutan nila ay ang maaresto at makulong, o mapatay sa bugbog. Kaya, sa tuwing may nangyayari, ang una nilang iniisip ay kung maaari ba silang maaresto o maaari ba silang mapatay. Kung may kahit 1% lang na posibilidad na mangyari ang alinman sa dalawa, mag-iisip sila ng paraan para makatakas. Halimbawa, sa isang pagtitipon, maaaring sabihin ng isang kapatid, “Habang papunta ako rito, may nakita akong isang tao sa malapit na hindi pamilyar. Maaari kayang isa siyang walang pananampalataya na nagmamasid sa atin?” Pagkarinig pa lang sa isang komentong ito, hindi na dadalo ang mga duwag na tao sa susunod na pagtitipon at puputulin na ang pakikipag-ugnayan nila sa lahat. Matatawag mo ba itong pagiging maingat? (Hindi ito normal na pag-iingat, karuwagan ito—walang lugar para sa Diyos sa puso nila.) Ito ay pag-iingat na dinala sa sukdulan. Sa mga bansa o rehiyon kung saan partikular na mapanlaban ang kapaligiran, totoo na dapat mag-ingat ang mga mananampalataya, pero hindi ibig sabihin niyon na dapat silang tumigil sa paggampan sa tungkulin nila o sa pagdalo sa mga pagtitipon dahil sa takot na maaresto, nagiging sobrang ingat na wala nang lugar para sa Diyos sa puso nila. Ano ang prinsipyo ng mga duwag na tao sa pagiging maingat? Anuman ang mangyari—malaki o maliit—hindi talaga sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Iniisip nila na walang sinuman ang maaasahan, at umaasa sila sa sarili nila para protektahan ang sarili nila. Ito ang prinsipyo nila. Hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos; na ang lahat ay pinamamatnugutan at isinasaayos ng Diyos; na kung mayroon talagang mangyayaring isang bagay, pinahihintulutan ito ng Diyos, at kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, walang sinuman ang maaaresto. Ganap na wala silang pananalig pagdating dito. Sa halip, puno lang ng karuwagan ang kanilang puso. Bukod pa rito, may isang malubhang kapintasan sa kanilang karuwagan, at ito rin ang pinakakasuklam-suklam na bagay tungkol sa kanila: Para protektahan ang sarili nila at harapin ang anumang sitwasyon na nagdudulot sa kanilang makaramdam ng takot, sinusunod nila ang itinuturing nilang “supremong karunungan” nila, na anuman ang mangyari—minamanmanan man sila o inaresto at ikinulong—kapag may nangyaring mali at manganib ang seguridad nila, sa isang banda, itatanggi nilang nananampalataya sila sa Diyos, at sa kabilang banda, ipinagkakanulo nila ang lahat ng nalalaman nila nang walang anumang itinatago. Bakit nila gagawin ito? Para lang protektahan ang sarili nila mula sa pisikal na pagdurusa; kaya, isisiwalat nila ang anumang nalalaman nila. Una, ipagkakanulo nila ang mga lider ng iglesia, at isisiwalat din kung sino ang mga lider ng distrito at mga lider ng rehiyon at kung saan sila nakatira, isinisiwalat ang lahat ng nalalaman nila. Ipagkakanulo nila ang lahat, kahit bago pa sila pahirapan. Bukod pa rito, kapag sinabihang pumirma sa “Tatlong mga Pahayag,” kaagad silang pipirma nang hindi man lang pinag-iisipan ang tungkol dito—matagal na silang nakahanda para dito sa simula pa lang. Ito ay para makaiwas sila sa pagkakakulong, makaiwas sa pagpapahirap, at makalayo sa anumang panganib ng kamatayan. Napakaduwag nila. Hindi sila nananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ni hindi nila kayang isugal ang buhay nila. Sa halip, iniisip nila ang lahat ng posibleng paraan para protektahan ang sarili nila. Para sa kanila, ang pinakamahusay na paraan ay ang ipagkanulo ang iba at ang iglesia—ito ang pinakamabisang paraan. Ginagamit nila ang pagkakanulo sa iba bilang kabayaran para matiyak ang sarili nilang seguridad at maiwasan ang anumang kapighatian. Isa itong bagay na matagal na nilang pinlano—ito ang kanilang “supremong karunungan.” Sabihin mo sa Akin, normal na karuwagan ba ang karuwagan ng ganitong uri ng tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang isyu rito? (Napakaduwag nila na nagiging mga Hudas sila, handang ipagkanulo ang mga kapatid at ang iglesia sa anumang oras at lugar. Ang gayong mga tao ay mga hindi tunay na mananampalataya.) Isantabi muna natin sa ngayon kung sila ba ay mga tunay na mananampalataya o mga huwad na mananampalataya. Tingnan na lang ang pagkatao nila—iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na lihim at kahiya-hiya, sa halip na isang tapat at marangal na bagay, at tinitingnan nila ang usapin ng pananampalataya sa Diyos, isang bagay na tapat, marangal, at positibo, bilang isang negatibong bagay—anong uri ng mga tao sila sa palagay mo? (Mga tao na magulo ang isip, na medyo buktot.) Ang perspektiba nila at paraan ng pag-arok sa mga bagay-bagay ay iba sa mga normal na tao. Minsan, kaya pa nga nilang tawaging itim ang puti, hindi magawang pag-ibahin ang tama sa mali. Paanong posible na ang mga mananampalataya sa Diyos ay maaaring maging sadyang tuso? Ito ay dahil napakasama ng mundong ito—hindi pinoprotektahan ng batas ang kalayaan sa relihiyon, at higit pa rito, kinamumuhian ng satanikong rehimen ang Diyos at itinuturing ang gawain ng Diyos nang may pagkamapanlaban. Hindi nito pinahihintulutang umiral ang mga positibong bagay at ginagawa ang lahat para usigin iyong mga nananampalataya sa Diyos. Kaya, sa ilalim ng ganitong mga sitwasyong panlipunan, walang magawa ang mga mananampalataya kundi kumilos nang maingat tuwing nagtitipon at gumagawa ng tungkulin nila; hindi sila naglalakas-loob na gawin ito nang hayagan. Mula sa labas, maaaring magmukhang tila nagiging tuso sila gaya ng mga magnanakaw, pero sa katunayan, ito ay ganap na dahil sa konteksto ng pag-uusig, tama? (Oo.) Kung gayon, paano inilalarawan ng malaking pulang dragon ang mga akto ng pananampalataya sa Diyos at paggampan sa tungkulin ng isang tao? Bilang “kahina-hinalang pag-uugali.” Kahina-hinalang pag-uugali ba ito? (Hindi.) Hindi ito kahina-hinalang pag-uugali—isa itong bagay na ginagawa ng mga tao dahil wala silang ibang pagpipilian. May ginawa bang ilegal ang mga taong ito? (Wala.) Wala silang ginawang anumang ilegal o anumang laban sa pamahalaan, lalong hindi sila lumabag sa batas o nanggulo ng pampublikong kaayusan. Ano ang ginagawa ng mga taong ito? Ginagawa lang nila ang tungkulin ng mga nilikha. Ang gawaing ito ay ang pinakamahalaga, pinakamakabuluhan, at pinakamakatarungang gawain sa mundo. Pero dahil masama at madilim ang mundong ito at ipinahahayag na itim ang puti, tinatawag nitong “kahina-hinala” ang pinakamakatarungan, pinakamahalaga, at pinakamakabuluhang gawain. Ito ang interpretasyon ni Satanas. Ang interpretasyon ba ni Satanas ang katotohanan? Positibo ba ito? (Hindi.) Tiyak na hindi ito positibo. Pero kapag naririnig ng mga duwag na tao ang interpretasyong ito, hindi lang nila lubos na sinasang-ayunan ito sa kanilang puso, kundi tinatanggap din nila ang interpretasyong ito mula kay Satanas. Bilang resulta, iniisip din nila na ang pananampalataya sa Diyos at paggampan sa tungkulin nila nang palihim ay hindi tama at tiyak na mali. Palagi silang natatakot na balang araw, sila rin ay pahihirapan ng lipunan at ng pamahalaan, na hindi magagawang ipagtanggol ang sarili nila at walang sinumang tutulong o magliligtas sa kanila. Kaya, partikular silang natatakot na malaman ng mga tao ang tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos. Hindi nila kinikilala sa puso nila na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, o na ang landas kung saan inaakay ng Diyos ang mga tao na lumakad ay ang tamang landas, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi ba’t magkasalungat ito? Sa huli, pakiramdam nila ay labis silang naagrabyado dahil sa pananampalataya sa Diyos at sa pagdurusa ng mga paghihirap na ito sa gayong kapaligiran. Bakit pakiramdam nila ay naagrabyado sila? Dahil labis silang natatakot sa masamang rehimen sa mundong ito at sa masasamang puwersa ng mga diyablo at Satanas, at palagi silang natatakot na pahihirapan at papatayin sila ng mga diyablo at Satanas. Dahil wala silang tunay na pananalig sa Diyos, umaasta sila nang napakaduwag, hanggang sa punto na hindi na talaga nila ginagawa ang tungkulin nila. Kung ganap na walang panganib, dadalo sila sa mga pagtitipon o makikipag-ugnayan sa mga kapatid, o gagawa ng ilang bagay para sa iglesia, pero sadyang hindi sila maglalakas-loob na aminin na nananampalataya sila sa Diyos, na bahagi sila ng iglesia, o maninindigan para magpatotoo sa Diyos o gawin ang tungkulin nila—labis silang natatakot. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala at ng isang mabuting destinasyon mula sa Diyos. Masasabi ba ninyong magkasalungat ito? (Oo.) Hindi ba’t ang pokus nila sa kanilang sariling mga personal na interes ang nagpalabo sa isipan nila? (Oo.) Nilamon ang mga taong ito ng kasakiman para sa pansariling pakinabang. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos. Hindi sila naniniwala na ang gawain ng iglesia at ang tungkuling ginagawa ng mga kapatid ay makatarungan, mahalaga, at makabuluhan. Lalo silang natatakot sa paggampan sa mahahalagang tungkulin, o na madalas silang uutusan ng mga lider at manggagawa na lumabas para pangasiwaan ang mga usapin, natatakot na kapag may nangyaring mali, madadamay sila. Ang mga duwag na taong ito, kapag nahaharap sa panganib, ay maaaring maging mga Hudas at ipagkanulo ang iglesia—isang uri din ito ng mapanganib na indibidwal.