Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27) Ikaanim na Seksiyon
Ang mga taong nag-aalinlangan, sa katunayan, kahit na sila ay nasa ligtas at maayos na kalagayan, ay may mga pagdududa at palaging nagmamasid. Kapag nakaranas sila ng pag-uusig at mga pag-aresto, nagsisimula silang mag-alinlangan. Ipinapakita nito na, sa kanilang karaniwang pananampalataya sa Diyos, hindi sila nagtataglay ng tunay na pananalig. Kapag may mga lumilitaw na sitwasyon, nabubunyag sila. Ipinapakita nito na hindi sila kailanman naging tiyak tungkol sa gawain ng Diyos at palaging nangunguwestiyon at nagmamasid. Bakit hindi nila iniwan ang iglesia? Iniisip nilang, “Nanampalataya ako sa diyos nang napakaraming taon at nagdusa ng napakaraming paghihirap. Kung aalis ako ngayon nang walang anumang nakamit na mga kapakinabangan, hindi ba’t magiging isang kawalan iyon? Hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng pagdurusang iyon?” Ito ang iniisip nila. Puwedeng isipin mo na sila ay sigurado, na may pananalig sila, na nauunawaan nila ang katotohanan, pero sa katunayan, hindi sila ganoon. Nagdududa pa rin sila, nagmamasid pa rin. Sa puso nila, gusto lang nilang makita kung tunay ngang umuunlad ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung ang bawat aytem ng gawain ay nagbubunga ng resulta, at kung nagkaroon ito ng malaking epekto sa mundo. Ang lalo nilang gustong malaman ay ang sumusunod na mga bagay: Kumusta ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng mga iglesia sa iba’t ibang bansa? Mayroon ba itong lawak at impluwensiya? May internasyonal na pagkilala ba ang daloy na ito? May mga sikat na tao o maiimpluwensiyang personalidad ba na tumanggap sa yugtong ito ng gawain? Kinilala o sinang-ayunan na ba ng United Nations ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos? May suporta ba ito mula sa mga gobyerno ng iba’t ibang bansa? Naaprubahan na ba ang aplikasyon para sa politikal na asilo ng mga kapatid sa iba’t ibang bansa? Ang mga ito ang mga uri ng bagay na palaging inaalala ng mga gayong tao, at ito ay isang malinaw na pagpapamalas ng kanilang pag-aalinlangan. Kapag nakita nila na ang sambahayan ng Diyos ay nagkamit ng kapangyarihan at ang gawain ng ebanghelyo ay lumaganap, pakiramdam nila ay masuwerte sila na hindi nila iniwan ang sambahayan ng Diyos, at hindi na nila pinagdududahan ang Diyos. Pero sa sandaling nakita nilang nagugulo, nahahadlangan, o napipinsala ang gawain sa sambahayan ng Diyos, na naaapektuhan din ang pagganap ng tungkulin ng mga kapatid, at na ang iglesia ay ibinubukod at tinatanggihan ng mundo, nagsisimula silang mag-isip na iwan ang sambahayan ng Diyos. Palagi nilang kinukuwestiyon: “Talaga bang may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng ito? Bakit hindi ko makita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng diyos? Katotohanan ba talaga ang mga salita ng diyos? Kaya ba talagang linisin at iligtas ng mga ito ang mga tao?” Hindi nila kailanman kayang makilatis ang mga usaping ito at patuloy na kinukuwestiyon ang mga ito dahil wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila maarok ang mga salita ng Diyos. Gaano karaming sermon man ang naririnig nila, hindi sila makabuo ng kongklusyon tungkol sa anuman sa mga ito. Dahil dito, palagi silang nagtatanong-tanong, hinahangad na magkaroon sila ng mga taingang makaririnig sa mga napakalayong bagay at mga matang makakikita sa libong milya ang layo, para makaalam at makabalita sila tungkol sa kung ano ang nangyayari sa malayo. Sa gayon, maaga silang makapagpapasya kung dapat nga ba silang manatili o umalis. Hindi ba’t hangal ang gayong mga tao? (Oo.) Hindi ba’t ang ganitong uri ng mga tao ay namumuhay ng nakapapagod na buhay? (Oo.) Wala silang pag-iisip ng normal na pagkatao, ni hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kapag mas maraming bagay ang nangyayari, mas natataranta at naguguluhan sila. Hindi nila alam kung paano kilatisin ang mga usaping ito o kung paano tukuyin ang mga ito; at tiyak na hindi nila alam kung paano kilatisin ang tama sa mali sa mga usaping ito o matuto ng mga aral mula sa mga ito, at pagkatapos ay hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa salita ng Diyos. Hindi nila alam kung paano gawin ang mga bagay na ito. Kaya ano ang ginagawa nila? Halimbawa, kapag lumilitaw ang mga anticristo at masasamang tao sa iglesia at nililihis ang mga tao, nagsisimula silang magtaka: “Sino ba ang tama at sino ang mali? Tunay ba talaga ang daan na ito? Pagpapalain ba ako kung patuloy akong mananampalataya hanggang sa huli? Ginagawa ko ang tungkulin ko nang ilang taon na ngayon—sulit ba ang pagdurusang ito? Dapat ko bang patuloy na gawin ang tungkulin ko?” Isinasaalang-alang nila ang lahat mula sa perspektiba ng sarili nilang mga interes at hindi nila maunawaan ang anuman sa mga tao, pangyayari, at bagay na nasa harapan nila, nagmumukhang sobrang padaskol-daskol. Wala silang mga tamang kaisipan at pananaw, at gusto nilang manatili sa tabi para magmasid, tinitingnan kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay. Kung titingnan mo sila, mararamdaman mong kapwa sila kahabag-habag at katawa-tawa. Kapag walang nangyayari, umaasal sila nang medyo normal, pero sa sandaling may mangyaring malaking bagay, hindi nila alam kung sa aling paninindigan nila dapat tingnan ang usaping ito, at ang mga bagay na sinasabi nila ay sumasalamin sa mga kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya. Kapag natapos na ang lahat, hindi makikita ng isang tao kung ano ang nakamit niya mula rito. Hindi ba’t napakahangal ng gayong mga tao? (Oo.) Ganito mismo umaasal ang mga hangal na tao. Kaya, ano ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa ganitong uri ng mga tao? Batay sa kanilang mga pagpapamalas, hindi sila maituturing na mga labis na mapanlinlang at buktot na tao. Gayumpaman, mayroon silang nakamamatay na kapintasan, iyon ay na ang mga taong ito ay walang pag-iisip, walang kaluluwa, at hindi nakakikilatis ng anumang bagay. Anumang mangyari sa paligid nila, hindi nila alam ang gagawin nila, hindi alam kung sino ang pagkakatiwalaan, sino ang aasahan, o kung paano titingnan ang problema o kung saan magsisimulang lutasin ito—natataranta lang sila. Pagkatapos ng pagkataranta nila, puwede silang magkaroon ng mga pagdududa, o puwede silang pansamantalang kumalma, pero nananatiling hindi nagbabago ang nakaugalian nilang pag-aalinlangan. Batay sa mga pagpapamalas nila, yamang hindi sila maikaklasipika bilang masasamang tao, kung kasalukuyang kaya nilang gumawa ng kaunting tungkulin at kusang-loob na magtrabaho, puwede silang mapahintulutang patuloy na gawin ang tungkulin nila. Gayumpaman, batay ito sa palagay na lumilikha ng kahit kaunting resulta ang tungkulin nila. Kung ginagawa nila ang tungkulin nila nang hindi talaga tinatanggap ang katotohanan at palaging nagiging pabasta-basta, dapat silang pauwiin. Gayumpaman, kung handa silang itama ang mga pagkakamali nila, dapat silang pahintulutang manatili sa sambahayan ng Diyos at patuloy na gawin ang tungkulin nila. Dapat silang italaga sa anumang tungkuling naaangkop sa kanila. Kung hindi nila kayang gawin ang anumang tungkulin, at sadyang wala silang silbi, dapat silang ipadala sa lugar na angkop para sa kanila. Sa kasong ito, hindi na ito puwedeng ibatay sa kung handa at kusang-loob silang magtatrabaho. Hindi ba’t simple ang ganitong paraan ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay? (Oo.)
Makikilatis ba ninyo ang mga taong nag-aalinlangan? May gayong mga tao ba sa paligid ninyo? May ilang taong inalis sa iglesia noon. Ipagpalagay na isa sa kanila ang nagsasabi nito: “Nagbago na ako para sa ikabubuti. Hindi na ako nag-aalinlangan. Dati ay palagi akong nag-aalinlangan pagdating sa tunay na daan dahil, noong sinisimulan pa lang ng sambahayan ng diyos ang gawain nito sa ibang bansa, napakahirap ng mga bagay-bagay. Noong panahong iyon, napakahirap para sa mga kapatid sa iglesia na mangaral ng ebanghelyo, at kakaunti lang ang mga tao sa ibang bansa na tumanggap ng tunay na daan. Bukod pa rito, parang wala talagang kinabukasan ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo. Kaya, palagi akong may pagdududa sa gawain ng diyos noon. Ngayong nakikita ko na ang gawain ng ebanghelyo ng sambahayan ng diyos ay lumalaganap, ang iba’t ibang aytem ng gawain ay humuhusay at nagbubunga ng mga resulta, at ang mga iglesia sa iba’t ibang bansa ay lalo pang umuunlad, wala na akong mga pagdududa o pag-aalinlangan. Pakiusap, hayaan ninyo akong gawin ang tungkulin ko. Huwag ninyo akong isama sa hanay ng mga pinaalis o pinatalsik!” Magiging ayos lang ba na bigyan ng pagkakataon ang gayong tao? (Hindi.) Bakit hindi? (Huwad ang mga salita nila. Gusto lang nilang muling iugnay ang sarili nila sa iglesia dahil nakikita nilang ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay patuloy na lumalaganap at na nagkamit na ito ng kapangyarihan. Pero sa tuwing may nangyayaring salungat sa mga kuru-kuro nila, mag-aalinlangan muli sila.) Nakilatis ba ninyo ang usaping ito? (Oo.) May mga taong isinilang na mga nag-aalinlangan. Ngayon, umiihip ang hangin sa isang direksiyon at sumusunod sila sa direksiyong iyon; bukas, iihip ito sa iba pa at susunod sila roon—kahit walang hangin, nag-aalinlangan pa rin sila sa sarili nila. Ang gayong mga tao ay hindi nagtataglay ng abilidad na mag-isip na dapat mayroon ang isang normal na tao, kaya hindi sila nakatutugon sa pamantayan ng pagiging tao. Tama ba ito? (Oo.) Kung ang isang tao ay may abilidad na mag-isip ng isang normal na tao at nagtataglay ng abilidad na makaarok na dapat mayroon ang mga tao, makikita niya na napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos at makukumpirma na ito ay gawain ng Diyos. Bukod pa rito, napakaraming tao ang nananampalataya sa Diyos—nakikita nila ang gawain ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu araw-araw, gayundin ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos; mas tumitibay ang pananalig nila sa Diyos at nadaragdagan ang sigla nila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Ang mga ito ba ay mga bagay na makakamit ng gawain ng tao? Iyong mga hindi nagtataglay ng abilidad na mag-isip ng isang tao, gaano kalinaw mo mang ipaliwanag ang mga usaping ito sa kanila, ay hindi kayang makumpirma na ito ay gawain ng Diyos. Wala silang abilidad na gumawa ng ganoong paghusga. Gaano man kadakila ang gawaing ginagawa ngayon ng Diyos, gaano man Siya nagsasalita, gaano karaming tao man ang sumusunod sa Kanya, gaano man karaming tao ang nakatitiyak na ito ay gawain ng Diyos, o gaano karaming tao man ang nakatitiyak na ang kapalaran ng sangkatauhan ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at na ang Diyos ay ang Lumikha, wala sa mga ito ang mahalaga sa kanila. Kung gayon, ano ang pinakamahalaga para sa kanila? Kailangan nilang personal na makita ang Diyos mula sa langit na magpakita sa kanila, at kailangan din nilang makita ang Diyos na magbuka ng bibig Niya at magsalita, personal na makita Siyang nililikha ang kalangitan, ang lupa, at ang lahat ng bagay, at personal na gumagawa ng mga palatandaan at kababalaghan, at kapag nagsasalita Siya ay kailangang magtunog-kulog ang mga salita Niya. Saka pa lang sila mananampalataya sa Diyos. Para lang silang si Tomas—gaano karaming salita man ang sinabi ng Panginoong Jesus, gaano karaming katotohanan man ang ipinahayag Niya, o gaano karaming palatandaan at kababalaghan man ang ginawa Niya noong nasa lupa Siya, wala sa mga iyon ang mahalaga kay Tomas. Ang mahalaga sa kanya ay kung totoo o hindi ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus matapos ang kamatayan. Paano niya kinumpirma ito? Hiningi niya sa Panginoong Jesus: “Iabot mo ang iyong mga kamay at hayaan mo akong makita ang mga marka ng pako. Kung ikaw nga ang muling nabuhay na panginoong Jesus, magkakaroon ng mga marka ng pako sa iyong mga kamay, at saka kita kikilalanin bilang ang panginoong Jesus. Kung hindi ko madarama ang mga marka ng pako sa iyong mga kamay, hindi kita kikilalanin bilang ang panginoong Jesus, ni hindi kita kikilalanin bilang diyos.” Hindi ba’t isa siyang hangal? (Oo.) Ang mga ganitong tao ay naniniwala lang sa mga katunayang nakikita nila gamit ang sarili nilang mga mata at sa sarili nilang mga imahinasyon at pangangatwiran. Kahit marinig pa nila ang mga salita ng Diyos, maranasan ang Kanyang gawain, at makita ang pag-usbong, paglago, at pag-unlad ng gawain ng Diyos, hindi pa rin sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos. Hindi nila nakikita ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang Kanyang awtoridad, at hindi nila makilatis ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos o ang mga resulta na puwedeng makamit ng mga ito sa mga tao. Hindi nila makita o makilatis ang alinman sa mga bagay na ito. Umaasa lang sila sa isang bagay: “Kailangang magsalita ka mula sa kalangitan nang may dumadagundong na tinig, idinedeklara na ikaw ang lumikha. Kailangang gumawa ka rin ng mga palatandaan at kababalaghan, at personal na likhain ang kalangitan, ang lupa, at ang lahat ng bagay para ipakita ang iyong dakilang kapangyarihan. Saka ako maniniwala na ikaw ang diyos, kikilalanin kita bilang diyos.” Pinahahalagahan ba ng Diyos ang gayong pagkilala? Pinahahalagahan Niya ba ang gayong pananampalataya? (Hindi.) Kailangan ba ng Diyos ang iyong pagkilala para maging Diyos? Kailangan ba Niya ang iyong pagsang-ayon? Nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming tao na ang tumanggap sa gawain ng Diyos, at may napakaraming patotoong batay sa karanasan—mga patotoong higit pa sa alinmang naunang henerasyon—pero hindi mo pa rin makumpirma kung ito nga ba ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Hindi mo pinaniniwalaan o kinikilala ang mga katunayan na nakapagsakatuparan na ang Diyos ni ang katuparan ng mga pangako Niya. Kaya, anong uri ng bagay ka? Hindi ka man lang tao—isa kang hangal! At sa kabila nito, gusto mo pa ring tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos—napakaimposible niyan! Nangangarap ka lang! Pinagdududahan at itinatatwa mo ang Diyos sa bawat pagkakataon, palaging gustong pagtawanan ang kasawian ng sambahayan ng Diyos. Hindi mo kailanman kinilala o pinaniwalaan ang pag-iral ng Diyos, ni hindi mo kailanman kinilala, pinaniwalaan, o tinanggap ang mga salita at gawain ng Diyos. Kaya naman, ang mga pangako ng Diyos ay ganap na walang kinalaman sa iyo, at wala kang makakamit na anuman. Sinasabi ng ilang tao, “Pero ginagawa pa rin nila ang tungkulin nila. Paanong wala silang makakamit?” Kung ganoon ay kailangan nating maging malinaw tungkol sa kung ano ang pakay nila sa paggawa ng tungkulin nila, para kanino nila ito ginagawa, at anong mga prinsipyo ang sinusunod nila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Kung hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, kahit ginagawa mo ang tungkulin mo, nagtatrabaho ka lang—hindi ito tunay na pagpapasakop. Hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa mo bilang paggawa ng iyong tungkulin. Sa mata ng Diyos, isa ka lang patay na taong walang espiritu. Ang isang patay na tao ay umaasa pa rin sa mga pagpapala—hindi ba’t pangangarap lang iyon nang gising? Na nakagagawa ka pa nga ng kaunting tungkulin ay dahil lang sa inuudyukan ka ng iyong intensiyon na magkamit ng mga pagpapala. At palagi mong pinagdududahan, palaging hinuhusgahan, kinokondena, at itinatatwa ang Diyos sa loob-loob mo, at hinuhusgahan at tinatanggihan din ang Kanyang mga salita at gawain. Ginagawa ka nitong isang tao na kaaway ng Diyos. Kaya ba ng isang tao na kaaway ng Diyos na maging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha? (Hindi.) Itinuturing mo ang iyong sarili bilang kaaway ng Diyos sa bawat pagkakataon, lihim na minamasdan Siya at ang Kanyang gawain sa lugar na hindi nakikita, lihim na nagrereklamo laban sa Diyos sa puso mo, hinuhusgahan at kinokondena Siya, at hinuhusgahan at kinokondena ang Kanyang mga salita at gawain. Kung hindi ito pagiging kaaway ng Diyos, ano ito? Ito ay lantarang pagiging kaaway ng Diyos. At hindi ka nagiging kaaway ng Diyos sa mundong walang pananampalataya—ginagawa mo ito sa loob ng sambahayan ng Diyos. Mas lalo itong hindi mapapatawad!
Ang mga taong ito na nag-aalinlangan, tingnan man natin ang kanilang pagkataong diwa o ang kanilang mga pagpapamalas, ay hindi tumatanggap sa katotohanan at hindi tumatanggap sa mga salita at gawain ng Diyos. Iniintindi lang nila kung makatatanggap ba sila ng mga pagpapala. Hindi sila kailanman nagiging tiyak tungkol sa Diyos o sa Kanyang gawain, palaging nagmamasid nang patago, patuloy na nag-aalinlangan at nagdududa. Sinusundan nila ang Diyos habang nagmamasid, naglalakad at tumitigil, tumitigil at naglalakad. Talagang mapanggulo ang mga taong ito! Lalo ngayon, na madalas na nag-aalis ng mga tao ang iglesia, palagi silang balisa, iniisip, “Palagi akong nag-aalinlangan. Baka balang araw ay may makapansin, at mapapaalis ako sa iglesia. Hindi ko dapat ipahalata ang mga panloob na pagdududa ko tungkol sa diyos. Hindi ko dapat ito banggitin sa kahit sino.” Kaya, lihim silang nagmamasid nang patago; at hindi sila natatakot na mabunyag ng Diyos, dahil hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, lalo na sa Kanyang pagsisiyasat. Madalas na marinig ng mga taong ito ang mga kapatid na nagbabahagi ng tungkol sa kung paano sila ginabayan ng Diyos, kung paano Niya sila dinisiplina, kung paano Niya ibinunyag ang mga tao, kung paano Niya iniligtas ang mga tao, kung paano sila pinagkalooban ng Diyos ng biyaya at mga pagpapala, at kung paano, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, naranasan nila ang Kanyang gawain, at kung ano ang kanilang naramdaman, nakita, o pinahalagahan, at iba pa. Kapag naririnig nila ang mga kapatid na nagbabahaginan ng mga pagkaunawang batay sa karanasan na ito, iniisip nila: “Ang mga karanasan bang iyon na sinasabi ninyo ay bunga lang ng inyong imahinasyon? Mga damdamin ng tao lang ba ang mga ito? Bakit hindi ko naramdaman ang mga bagay na iyon? Lalo na iyong mga sumusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan—hindi ko sila kilala, at hindi ko nakita kung paano nila nakamit ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga karanasang ito. Kung tunay ba silang nagtataglay ng katotohanang realidad ay hindi pa rin tiyak!” May ilang hangal na pinagmamasdan at kinukuwestiyon pa rin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi magawang makita kung aling mga katotohanang realidad ang nakapaloob sa mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat ng hinirang na mga tao ng Diyos, sinusubukang maghanap ng mga palusot at basehan para sa sarili nilang pag-aalinlangan at kawalan ng pananalig. Iniisip nila na dahil nag-aalinlangan sila, tiyak na nag-aalinlangan din ang iba. Kung may isang tao na hindi kailanman nag-aalinlangan, walang pagdududa, at ang kanyang karaniwang pakikipagbahaginan ng katotohanan ay palaging napakapraktikal, at anumang mga problema ang nakahaharap niya, kaya niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, nakararamdam ng pagkakaiba at pagkabalisa sa puso nila ang mga hangal na ito. Kapag hindi sila komportable, paano sila nakahahanap ng kaginhawahan? Naghahanap sila ng isang taong katulad na katulad nila, nagtatangkang maghanap ng kasangga. Kapag may nakita silang isang taong negatibo at mahina, ipinahihiwatig nila ang sarili nilang mga kaisipan para subukan ang reaksiyon nito, sinasabing: “Minsan, nakararamdam din ako ng pagiging negatibo. Kapag nakararamdam ako ng pagiging negatibo, alam kong hindi ako dapat na maging ganoon, pero minsan ay nagdududa ako kung talaga bang umiiral ang diyos.” Kung hindi sumagot ang kausap nila at nakita nilang negatibo at mahina lang ang taong iyon pero walang pagdududa sa Diyos, magsasabi sila ng iba pang bagay na hindi taos-puso para umalis at subukan ang iba pang tao: “Sa tingin mo, bakit kaya ako ganito? Ayos lang naman akong nananampalataya sa diyos, pero bakit palagi akong may mga pagdududa sa kanya? Hindi ba’t mapaghimagsik iyon? Hindi ito dapat ganito!” Sinasabi nila ito para ganap na sumipsip sa ibang tao at subukan ito. Sabik silang umaasa na kinukuwestiyon ng ibang mga tao ang Diyos tulad nila—magpapasaya sa kanila iyon! Kung makahahanap sila ng ibang tao na palaging nagdududa sa Diyos at palaging may mga kuru-kuro sa Kanya, nararamdaman nilang masuwerte sila na nakatagpo ng isang kasangga. Ang dalawa, na may parehong maruming pag-iisip, ay madalas na nagtatapat sa isa’t isa. Habang mas nag-uusap sila, mas napapalayo sila sa Diyos. Habang mas nag-uusap sila, mas ayaw nilang gawin ang tungkulin nila, at mas ayaw nilang basahin ang mga salita ng Diyos, at gusto pa nga nilang tumigil sa paglahok sa buhay iglesia. Unti-unti, humahantong ang dalawa sa paglabas sa mundo para magtrabaho, kumakapit sa isa’t isa na parang hindi mapaghihiwalay na magkapareha, nakaakbay sa isa’t isa habang umaalis silang magkasama. Kapag umalis sila, hindi man lang sila nagdadala ng kahit isang aklat ng mga salita ng Diyos. May nagtatanong sa kanila, “Tumigil ka na ba sa pananampalataya sa Diyos?” at sumasagot sila, “Hindi, nananampalataya ako.” Mapagmatigas pa rin nilang itinatanggi ito. Tinatanong ng ibang tao, “Kung ganoon, bakit wala kang dalang anumang aklat ng mga salita ng Diyos?” at sumasagot sila, “Napakabigat ng mga iyon, at wala akong mapaglalagyan ng mga iyon.” Ang lahat ng sinasabi nila ay para lang magpalusot sa ibang tao. Sa katunayan, naghahanda lang silang bumalik sa mundo, maghanap ng trabaho, at isabuhay ang buhay nila. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan: Ang mga ganitong uri ng tao ay mga hindi mananampalataya, at ito ang kanilang magiging panghuling kalalabasan—ganito talaga sila. Hindi magtatagal ang pananampalataya nila sa Diyos. Sa sandaling matagpuan nila ang isang taong gusto nila, isang taong mababahaginan nila ng kanilang mga pinakatatagong kaisipan, iniisip nilang, “Sa wakas, nakatagpo na ako ng isang taong susuporta sa akin, isang taong masasandigan ko. Tara! Sobrang nakakabagot ang manampalataya sa diyos. Wala namang diyos sa mundong ito. Masyadong mahirap tiisin na tratuhin ang isang bagay na hindi umiiral bilang tunay. Napakahirap nitong mga nakaraang taon!” Umaalis sila at tumitigil sa pananampalataya nang kusa, at sinasabi pa nga sa mga kapatid na huwag silang hanapin, sinasabing, “Pumasok na kami sa trabaho. Huwag na ninyo kaming tawagan, o ipaaalam namin ito sa pulisya!” Itong dalawang hangal na ito, isang pares ng mga mapurol ang isip, ay umaalis nang ganoon-ganoon lang. Mabuti na rin ito, sabi Ko—hindi na mamomroblema ang sambahayan ng Diyos sa pagpapatalsik o pagpapaalis sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, kailangan bang makipagbahaginan sa katotohanan sa mga ganitong uri ng tao para suportahan at tulungan sila? Kailangan bang subukang mangatwiran sa kanila at hikayatin sila? (Hindi.) Kung susubukan ninyong hikayatin sila, sobra kayong hangal. Ang mga ganitong uri ng tao ay mga hindi mananampalataya sa kanilang kaibuturan—sila ay mga naglalakad na bangkay at mga walang utak. Kung susubukan mo silang hikayatin, hangal ka rin. Dapat kang kaagad na masayang magpaalam sa ganitong uri ng mga tao—at hindi na kailangang hanapin pa sila pagkatapos. Nilinaw na nila na hindi na sila mananampalataya sa Diyos, at kapag tinawagan mo ulit sila, isusumbong ka nila sa pulisya. Kung susubukan mo pa ring makipag-ugnayan sa kanila, hindi ba’t nag-aanyaya ka lang ng problema? Kung talagang tumawag sila sa pulis at akusahan ka ng panliligalig, makalilikha ba iyon ng magandang reputasyon kung kumalat ang balita? (Hindi.) Huwag na huwag kang gumawa ng labis na kahangalan! Hayaan mo silang alagaan ang sarili nila at umalis nang tahimik—mas mabuting diskarte ito! Ang bawat tao ay sumusunod sa sarili nilang landas; ang landas ng bawat tao ay nakasalalay sa kung sino sila. Hindi sila pinagpala, sadyang bulok at walang silbi ang buhay nila. Ang gayong napakalaking pagpapala ay lampas sa abilidad nilang manahin o tamasahin—sadyang hindi sila masuwerteng matanggap ito. Ang matanggap ang probisyon ng mga salita ng Diyos at matanggap ang katotohanan bilang buhay ay ang pinakadakilang pagpapala sa buong sansinukob at sa lahat ng sangkatauhan. Ang sinumang makatatanggap sa katotohanan ay isang pinagpalang tao, at sinumang hindi makatatanggap sa katotohanan ay sadyang wala ng pagpapalang ito. Darating ang araw, iyong mga tumanggap ng katotohanan ay makaliligtas sa malalaking kalamidad at lubos na pagpapalain, samantalang iyong mga hindi tumanggap sa katotohanan ay mamamatay sa mga sakuna at magdurusa sa kalamidad, at sa panahong iyon, magiging huli na para sa pagsisisi. Kahit na kinikilala mo na ngayon na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na ang gawain ng Diyos ay ginawa ng Diyos Mismo, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi pumapasok sa katotohanan, hindi ka pa rin magkakamit ng gayong pagpapala! Iniisip mo bang napakadaling makamit ang pagpapalang ito? Ito ay isang pagpapalang hindi kailanman umiral mula sa simula ng panahon at hindi na muling iiral kailanman—paano ka mapahihintulutang kamtin ito nang napakadali? Ipinangako ng Diyos ang gayong pagpapala sa sangkatauhan, pero hindi ito isang bagay na puwedeng makamit ng mga ordinaryong tao. Ang pagpapalang ito ay para sa hinirang na mga tao ng Diyos, at imposible para sa isang hangal na mapurol ang isip, naglalakad na bangkay, basura, o salbahe na mapili. Isinasagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain para iligtas ang sangkatauhan, at sa huli, gagawa Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay, binibigyang-kakayahan ang mga taong ito na maging mga panginoon ng lahat ng bagay at na maging isang bagong sangkatauhan. Napakalaking pagpapala nito para sa sangkatauhan! Ilang taon nang nangyayari ang yugtong ito ng gawain ng paghatol sa mga huling araw? (Higit sa tatlumpung taon.) Sa pagtingin lang sa mahigit tatlumpung taon na ito, makikita na kung gaano kalaki ang halagang binayaran ng Diyos at kung gaano karaming gawain ang ginawa Niya, kaya malinaw kung gaano labis na kahalaga at kung gaano labis na karangal ang sangkatauhang makakamit ng Diyos sa huli, at na ang sangkatauhang ito ay katangi-tangi at napakahalaga sa mata ng Diyos! Napakapalad ninyo, kung ganoon; ito ay isang napakalaking pagpapala para sa inyo! Kaya naman, para sa ilang tao na hanggang ngayon ay nag-aalinlangan pa rin, tunay na hindi sila pinagpala! Kahit hindi pa sila nag-alinlangan at ganap na nakatuon sa pagsunod, kung hindi naman nila hinahangad ang katotohanan, hindi pa rin nila makakamit ang pagpapalang ito. Kaya’t iyong mga makatatanggap ng pagpapalang ito sa huli ay mga hindi karaniwang tao—sila iyong mga mahigpit at paulit-ulit na sinubok at maingat na pinili ng Diyos; sila ang mga tao na makakamtan ng Diyos sa huli.
Ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga taong nag-aalinlangan ay ang mga isyung ito mismo. Anuman ang kanilang magiging pinakahuling kalalabasan, sa anumang pagkakataon, kapag ang gayong mga tao ay natukoy sa loob ng iglesia, dapat silang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo. Hindi sila dapat tratuhin bilang mga kapatid. Kung may mga positibong damdamin sila sa pananampalataya sa Diyos o kaya nilang magsikap nang kaunti at handang magtrabaho nang kaunti, sa pinakamataas, sila ay isang kaibigan ng iglesia, at hindi puwedeng ituring bilang isang kapatid. Kaya, kahit pa magpalit sila ng pangalan, tulad ng “Pagpapasakop” o “Pagiging Taos-puso,” hindi mo pa rin sila dapat tawaging kapatid—ang pagtawag sa kanila sa kanilang bagong pangalan ay sapat na. Bakit ganito? Dahil ang gayong mga tao ay hindi nakasasapat na maging mga kapatid. Nauunawaan mo na ba ngayon? (Oo.) Kaya, mayroon ka na ngayong mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa mga ganitong uri ng tao, tama? (Oo.) Iyon na lang ang para sa pagbabahaginan sa araw na ito. Paalam!
Hunyo 29, 2024