Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27) Ikalimang Seksiyon
J. Pag-aalinlangan
Ang ikasampung pagpapamalas ay “Pag-aalinlangan.” Ano-ano ang partikular na pagpapamalas na ipinapakita ng mga taong nag-aalinlangan? Una sa lahat, ang pinakamalalaking pagdududa na mayroon ang mga taong ito tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay: “Talaga bang umiiral ang diyos? Mayroon bang espirituwal na mundo? Mayroon bang impiyerno? Ang mga salitang ito ba na sinabi ng diyos ay ang katotohanan? Sinasabi ng mga tao na ang taong ito ay ang diyos na nagkatawang-tao, pero wala akong nakitang anumang aspekto na nagpapakita na siya ay ang diyos na nagkatawang-tao! Kung gayon ay nasaan ba mismo ang espiritu ng diyos? Umiiral ba talaga ang diyos o hindi?” Hindi nila kailanman masagot nang malinaw ang mga tanong na ito. Nakikita nilang maraming tao ang nananampalataya sa Diyos at iniisip nila, “Tiyak na umiiral ang diyos. Malamang umiiral nga siya. Sana umiiral siya. Hindi naman nagdulot sa akin ng anumang kawalan ang pananampalataya sa diyos; walang sinumang nangmaltrato sa akin. Narinig ko na ang paggawa ng tungkulin ay makapaghahatid ng mga pagpapala at magandang destinasyon, at dahil dito ay hindi ako mamamatay sa hinaharap. Kaya siguro susunod na lang ako at mananampalataya.” Pagkatapos manampalataya sa loob ng ilang panahon, nakikita nila na ang ilang tao ay dumaraan sa mga pagsubok at paghihirap, at nagsisimula silang magnilay: “Hindi ba’t dapat na maghatid ng mga pagpapala ang pananampalataya sa diyos? May ilang tao na malubhang nagkakasakit at namamatay, may ilang inaresto at inusig hanggang kamatayan ng malaking pulang dragon, at may iba na nagkasakit o nagkaroon ng sakuna sa pamilya nila habang gumagawa sila ng tungkulin. Bakit hindi sila pinrotektahan ng diyos? Kaya, talaga bang umiiral ang diyos o hindi? Kung umiiral siya, hindi dapat nangyari ang mga bagay na ito!” May ilang tao na may mabuting layunin na nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, sinasabing: “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang kapalaran ng mga tao ay pinamamatnugutan ng Diyos. Dapat tanggapin ng mga tao ang mga bagay na ito mula sa Diyos at ibigay ang sarili nila sa pamamatnugot ng Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti.” Kung saan sinasabi ng mga nag-aalinlangang indibidwal na ito: “Hindi ko makita kung ano ang mabuti rito! Ang pagdurusa sa mga sakuna—mabuti ba iyon? Ang pagkakasakit nang malubha o pagkakaroon ng walang lunas na sakit—mabuti ba iyon? Mas masahol pa ang mamatay. Umiiral ba ang diyos o hindi? Hindi ko alam.” Palagi silang napupuno ng mga pagdududa tungkol sa Diyos. Kapag nakikita nila ang maraming tao na gumagawa ng tungkulin, ang gawain ng sambahayan ng Diyos na lumalaganap nang lumalaganap, at ang iglesia ay umuunlad araw-araw, nararamdaman nilang tiyak na umiiral ang Diyos. Lalo na kapag naririnig nila ang mga kapatid na nagpapatotoo sa mga tanda at kababalaghang ipinakita ng Diyos at biyayang natanggap nila mula sa Diyos, mas lalong tumitindi ang pakiramdam ng mga nag-aalinlangang indibidwal na ito na: “Talagang umiiral ang diyos! Bagaman hindi nakikita ng mga tao ang espiritu ng diyos, ang mga salitang binigkas ng diyos na nagkatawang-tao ay narinig ng mga tao, at narinig ko na rin ang napakaraming tao na nakikipagbahaginan ng mga salita ng diyos at dumanas ng mga salita ng diyos. Kaya, tiyak na talagang umiiral ang diyos!” Kapag ang iglesia ay umuunlad, ang lahat ay umuusad nang maayos para dito, lumalago ito, at ang gawain ng iglesia ay lumalaganap nang lumalaganap, at lalo na kapag nakararanas ang mga kapatid ng ilang espesyal na sitwasyon at espesyal na usapin at nakikita ang proteksiyon, kataas-taasang kapangyarihan, at pamumuno ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nararamdaman nilang umiiral ang Diyos at tunay na mabuti ang Diyos. Gayumpaman, pagkatapos ng ilang panahon, puwede silang makaranas ng mga pagkadismaya at pagsubok, may ilang puwedeng makaranas ng mga pagkabigo at balakid, o puwedeng itiwalag ng sambahayan ng Diyos ang ilan sa mga tao; ang mga bagay na ito, partikular iyong huli, ay lubos na sumasalungat sa kanilang mga kuru-kuro at lampas kaysa sa mga inaasahan nila. Nararamdaman nila, “Kung umiiral ang diyos, paanong nangyayari ang mga bagay na ito? Hindi dapat nangyayari ang mga ito! Normal lang na mangyari ang mga bagay na ito sa mga walang pananampalataya, pero paanong nangyayari din ang mga ito sa sambahayan ng diyos? Kung umiiral ang diyos, dapat ayusin niya ang mga bagay na ito at pigilan na mangyari ang mga bagay na ito, dahil siya ay makapangyarihan sa lahat, may awtoridad, at may kapangyarihan! Umiiral ba talaga ang diyos o hindi? Hindi nakikita ng mga tao ang espiritu ng diyos. Tungkol naman sa mga salitang sinabi ng diyos na nagkatawang-tao, sinasabi ng lahat ng tao na ang mga ito ay ang katotohanan, ang daan, at na puwedeng maging buhay ng mga tao ang mga ito. Pero bakit hindi ko nararamdamang katotohanan ang mga ito? Napakatagal ko nang nakikinig sa mga sermon, pero hindi naman talaga nagbago ang buhay ko! Lubos akong nagdusa—ano ba ang napala ko?” Nagsisimula silang magkaroon ng mga pagdududa tungkol sa Diyos, at ang sigla nila sa paggawa ng tungkulin nila ay nababawasan at tumatamlay. Pagkatapos ay naiisip nilang iwan ang sambahayan ng Diyos para magtrabaho at kumita ng pera para mamuhay ng disenteng buhay—nagsisimulang lumitaw ang mga aktibong kaisipan na ito. Iniisip nila: “Kung ang diyos na pinananampalatayanan ko ay hindi ang tunay na diyos, ang hindi ko pagtatrabaho o pagkita ng pera sa loob ng maraming taong ito habang nananampalataya sa diyos ay magiging isang napakalaking kawalan! Hindi, mali ang ganitong pag-iisip. Kailangan ko pa ring manampalataya nang maayos. Narinig kong sinasabi ng mga tao na ang pagbabasa ng mas maraming salita ng diyos ay magbibigay-daan sa isang tao na maunawaan ang katotohanan, malutas ang lahat ng problema, at hindi na maging mahina. Pero binasa ko na ang mga salita ng diyos at hindi ko pa rin nauunawaan ang katotohanan. Bakit negatibo pa rin ang pakiramdam ko? Bakit palagi kong nararamdaman na parang wala akong lakas para gawin ang tungkulin ko? Hindi gumagawa ang diyos sa akin! Napakarami kong paghihirap, pero hindi pa nagbukas ang diyos ng daan palabas para sa akin. Kaya, umiiral ba talaga ang diyos o hindi? Kung ito ang tunay na daan, dapat pagpalain ng diyos ng kapayapaan, kaayusan, at pagiging normal ang mga taong gumagawa ng tungkulin nila. Kaya bakit may gayon kalalaking paghihirap pa rin sa pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng tungkulin? Bagaman alam kong nahuhuli ang relihiyosong mundo, at ang pananampalataya sa makapangyarihang diyos ay pagpasok na sa Kapanahunan ng Kaharian, bakit hindi ko nakikita kung paano gumagawa ang banal na espiritu?” Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ay mga tao na walang espirituwal na pang-unawa. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos pero hindi nauunawaan ang katotohanan. Gaano man karaming katotohanan ang pinagbabahaginan, hindi nila kayang maarok ang kahulugan nito. Palagi nilang tinitingnan ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at palagi silang puno ng mga pagdududa tungkol sa Diyos. Paano posibleng maunawaan ng gayong tao ang katotohanan? Nakikita ng ilang tao na ang pangangaral ng ebanghelyo ay medyo mahirap, kaya naiisip nila: “Kung ito ang tunay na daan, gagawa nang husto ang banal na espiritu. Saanman pumunta ang mga kapatid para mangaral ng ebanghelyo, magiging maayos ito at walang sagabal. Higit pa rito, ang mga opisyal ng gobyerno ay magsisimula ring manampalataya at pahihintulutan ang lahat ng bagay. Ito talaga ang magiging gawa ng tunay na diyos. Pero ngayon, kung titingnan natin ang mga katunayan, hindi talaga iyon ang kaso. Hindi lang sa hindi nananampalataya sa diyos ang mga pangulo at opisyal sa iba’t ibang bansa, kundi hindi rin nila sinusuportahan ang pananampalataya sa diyos. Sa ilang bansa, inuusig pa nga ng mga gobyerno ang mga mananampalataya at hinahadlangan ang mga tao na manampalataya sa diyos. Kaya, ang diyos ba na pinananampalatayanan natin ang tunay na diyos? Hindi ko alam; mahirap masabi.” Palaging may isang malaking katanungan sa puso nila. Sa tuwing may naririnig silang anumang uri ng balita, parang isang “lindol” ito sa kanila na may epektong hindi malaki o hindi kapansin-pansin, na nagdudulot sa kanilang mag-alinlangan. Sinasabi ng ilang tao na: “Dahil ba ito sa nanampalataya sila sa Diyos sa maikling panahon lang kaya palagi silang nag-aalinlangan?” Hindi iyon ang kaso—may ilang tao na nanampalataya na ng tatlong taon, limang taon, o maging higit pa sa sampung taon. Maituturing bang maikling panahon iyon? Kung may isang tao na nanampalataya sa loob ng tatlo o limang taon sa panahon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito maituturing na mahaba, dahil hindi nila narinig ang mga pagbigkas at mga salita ng Diyos sa mga huling araw; naunawaan lang nila ang kaunting kaalaman sa Bibliya at mga teoryang espirituwal mula sa Bibliya at mula sa mga sermon ng mga tao. Napakaliit ng ganoong nakamit. Iba ito kapag tinanggap ng isang tao ang gawain ng kasalukuyang yugtong ito—basta’t ginagawa niya ang kanyang tungkulin at sumusunod sa Diyos nang tatlong taon, ang nararanasan, nauunawaan, at nakakamit niya ay lumalampas pa sa mga puwedeng nakamit ng isang tao mula sa pananampalataya sa Panginoon sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, o maging sa habang buhay, sa Kapanahunan ng Biyaya. Pero ang mga taong ito na nag-aalinlangan, kahit pagkatapos manampalataya sa loob ng tatlo, lima, o maging higit pa sa sampung taon, ay hindi pa rin matukoy kung ang yugtong ito ng gawain ay ginawa ng Diyos o hindi, at may mga pagdududa pa nga sila tungkol sa pag-iral ng Diyos. Masasabi mo ba na masyadong mapanggulo ang gayong mga tao? May abilidad ba silang maarok ang katotohanan? (Wala.) May paraan ba sila ng pag-iisip ng normal na pagkatao? (Wala.) Hindi nila maarok ang katotohanan. Anumang sitwasyon ang lumilitaw sa iglesia, palagi itong nakapagdudulot sa kanila na mag-alinlangan—patuloy na nagbubunsod ng mga “lindol” para sa kanila ang katanungan sa mga puso nila. Kung nagdudulot ang mga anticristo ng mga kaguluhan sa iglesia at nalilihis ang ilang tao, o kung may isang tao na iniidolo nila ang gumagawa ng isang bagay na hindi nila inaasahan—tulad ng pagnanakaw ng mga handog o pakikisali sa mga imoral na gawain—at pinaalis, nagdudulot ito sa puso nila na mag-alinlangan, at nagsisimula silang magduda sa Diyos: “Hindi ba’t ito ang daloy ng gawain ng diyos? Kung gayon ay paanong nangyayari ang gayong mga labag-sa-batas na bagay sa iglesia? Paanong pinahihintulutan ng diyos ang pagpapakita ng mga anticristo at masasamang tao? Ito ba talaga ang tunay na daan?” Ang lahat ng nangyayari sa iglesia na salungat sa kanilang mga kuru-kuro ay nagdudulot sa kanila na magkaroon ng mga pagdududa at magsimulang kuwestiyonin kung ito ba ang tunay na daan, kung gawain ba ito ng Diyos, at kung talagang umiiral ba ang Diyos. Sadyang hindi nila hinahanap ang katotohanan para makita nang tama ang mga bagay-bagay. Ito pa lang ay sapat na para patunayan na mula sa simula hanggang wakas, hindi talaga sila kailanman naniwala na ang yugtong ito ng gawain ay ginawa ng Diyos. Mula simula hanggang wakas, hindi nila kailanman nalaman kung ano ang katotohanan, ni kung bakit ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan. Ang Diyos ay nagsabi ng napakaraming salita at gumawa ng napakaraming gawain—ang lahat ng ito ay gawa ng Diyos. Napakaraming tao ang nagpatunay at naging sigurado tungkol dito, pero tumatanggi silang tingnan ang mga usapin batay sa mga bagay na ito. Palagi nilang ginagamit ang mga perspektiba ng tao at pag-iisip ng tao para gumawa ng mga paghuhusga—masyado silang nagtitiwala sa sarili nila. Kapag may ilang butas o paglihis sa gawain ng iglesia o sa buhay iglesia, o kapag ang iglesia ay sinusupil at inuusig ng gobyerno, nagsisimula muli silang manguwestiyon: “Ito ba talaga ang tunay na daan?” Kapag nagpapakita ang mga anticristo at huwad na lider sa iglesia, nagsisimula rin silang manguwestiyon. Sinasabi nila: “Tingnan iyong mga pastor at nakatatanda sa mga relihiyosong simbahan—talagang mahal nila ang panginoon, at walang anumang insidente ng anticristo sa mga simbahan nila. Ngayon, iyon ang tunay na daan. Kung ang mayroon kayo rito ay ang tunay na daan, bakit nangyayari pa rin ang mga bagay na ito?” Ganito sila gumagawa ng mga pagkukumpara. At paano gumagawa ang iba pang mga hangal ng pagkukumpara? Sinasabi nila: “Tingnan ninyo iyong mga taong nananampalataya sa diyos sa Three-Self Church—mayroon silang pagsang-ayon mula sa estado, at naglalabas pa nga ang estado ng mga sertipiko at pinagkakalooban sila ng lupa para magtayo ng mga simbahan. Lahat ng ito ay lehitimo at legal. Mayroon ba kayong pampublikong simbahan? Rehistrado ba ang inyong mga iglesia? Nagtatalaga pa nga ang estado ng mga pastor sa mga Three-Self Church, at may mga lisensya ang mga pastor na iyon. May mga lisensya ba ang mga lider at manggagawa ninyo? Hindi kayo pinahihintulutan ng estado na manampalataya sa diyos; inaaresto at inuusig kayo nito. Ni wala kayong pirmihang lugar para sa mga pagtitipon; palagi kayong nagtitipon nang lihim. Ito ba talaga ang tunay na daan? Kung ito ang tunay na daan, bakit palagi kayong palihim na nagtitipon at gumagawa ng inyong tungkulin?” Hindi nila makilatis maging ang usaping ito. Ang anumang sitwasyon ay makapagdudulot sa kanila na mag-alinlangan at magkaroon ng mga pagdududa tungkol sa Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang manindigan ng isang taong tulad nito? (Hindi.) Bagaman sa panlabas ay hindi pa niya iniwan ang iglesia, nasa bingit siya ng panganib sa puso niya. Hindi siya kailanman makasisiguro tungkol sa gawain ng Diyos at sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos, at palagi siyang kalahating naniniwala, kalahating nagdududa; dahil dito ay imposibleng magkaroon siya ng tunay na pananalig. Hindi niya nakikita na ang lahat ng pag-uusig, pagsupil, at pag-aresto na nangyari sa mga taon na ito ng gawain ng Diyos ay nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kaya, may mga kuru-kuro siya at nagagawa niyang kuwestiyonin kung puwede bang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Palagi siyang naniniwala na ang lahat ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay gawa ng tao, hindi niya nakikita kahit ang pinakamaliit na palatandaan ng mga gawa ng Diyos. Hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya? Kung ang gayong tao ay bago pa lang na nananampalataya nang anim na buwan o isang taon at hindi pa malinaw na naaarok ang iba’t ibang katotohanan, kauna-unawa para sa kanya na magkaroon ng mga pagdududa at mag-alinlangan kapag nakakikita siya ng mga bagay-bagay na salungat sa mga kuru-kuro niya. Pero may ilang tao na nanampalataya na sa Diyos ng ilang taon, nakinig sa maraming sermon, at nabahaginan sila ng katotohanan tuwing nakararanas sila ng mga paghihirap. Sa panahong iyon, naunawaan nila ang narinig nila mula sa doktrina. Pero pagkatapos, kapag naharap muli sa mga usapin, kinukuwestiyon pa rin nila ang Diyos at ang gawain ng Diyos. Ipinapakita nito na ang gayong mga tao ay walang abilidad na maarok ang katotohanan, wala silang pag-iisip ng normal na pagkatao, at hindi sila nakakatugon sa pamantayan ng pagiging tao.
Paano dapat pangasiwaan ang mga tao na nag-aalinlangan? Pagdating sa pagkatao, hindi katumbas ng mga taong ito ang masasamang tao, pero mapanggulong uri talaga sila ng mga tao, dahil wala silang abilidad na maarok ang katotohanan at wala silang pag-iisip na naaayon sa normal na pagkatao. Ang pinakamahalaga, hindi man lang nila kayang makumpirma ang maraming katotohanan na ipinahayag ng Diyos, ni hindi nila alam kung ang mga salitang ito ay ang katotohanan, o kung ang mga ito ba ay pagpapahayag ng Diyos at gawain ng Diyos. Batay sa abilidad nilang makaarok, anong uri ng mga tao sila? Tamang sabihin na sila ay mga hindi mananampalataya, at tama ring tawagin silang mga tao na magulo ang isip. Bagaman ang mga ganitong uri ng tao ay hindi nakagawa ng anumang malinaw na kasamaan at hindi kalipikado bilang masasamang tao, dahil ganito kagulo ang isipan nila at kaya nilang gumawa ng maraming bagay na nakagagambala at nakagugulo, hindi ba’t mga walang kuwentang tao sila? (Oo.) Gaano man sila katagal nang nananampalataya sa Diyos o gaano karaming sermon man ang napakinggan nila, hindi nila kailanman kayang maunawaan ang katotohanan. Hindi man lang nila kayang kumpirmahin ang pag-iral ng Diyos o ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Anong uri ng kakayahan ito? Ang mga taong ito ay ganap na walang abilidad na maarok ang katotohanan. Sila ay mga tao na may napakahinang kakayahan; o puwede mo ring sabihin na wala talaga silang kakayahan—sila ay mga walang utak na walang kuwentang tao. Sabihin mo sa Akin, anong tungkulin ang kayang gawin ng mga walang kuwentang tao? (Wala silang kayang gawing anumang tungkulin.) Hindi nila kayang gumawa ng anumang tungkulin at palagi silang nagdududa at nag-aalinlangan. Kaya, paano dapat tratuhin at pangasiwaan ang mga ganitong tao? Ang pinakamainam na paraan para pangasiwaan ang gayong mga tao ay ang huwag silang hayaang gumawa ng anumang tungkulin. Kahit hilingin pa nilang gumawa ng tungkulin, hindi sila dapat pahintulutan. Bakit hindi? Dahil kapag ang mga ganitong tao ay nagsimulang gumawa ng tungkulin, lalo na kapag nagtiis sila ng paghihirap at nagbayad ng kaunting halaga, sa malao’t madali ay gugustuhin nilang makipagkuwentahan sa sambahayan ng Diyos. Kung sila ay maaaresto o mahaharap sa mga natural na sakuna o mga kalamidad na gawa ng tao, pagsisisihan nilang iginugol nila ang sarili nila para sa Diyos; magrereklamo sila nang may sama ng loob, at magpapakalat ng mga pahayag tulad ng: “Labis akong nagdusa para sa gawain ng iglesia at para sa paggawa ng tungkulin ko. Mas labis na kaunti ang kinain ko, mas labis na kaunti ang itinulog ko, at mas labis na kaunti ang kinita kong pera. Kung hindi ako gumawa ng tungkulin, nakapaglagay sana ako ng kinita kong pera sa bangko, at kumita sana ito ng interes! Humarap ako sa napakaraming panganib—magkano ba ang halaga ng bawat oras ng panganib? Magkano ba ang bayad sa pagtatrabaho?” Susubukan nilang makipagkuwentahan sa sambahayan ng Diyos at magbabanta pa nga na kung hindi sila babayaran ng sambahayan ng Diyos, isusumbong nila ito. Hindi ba’t magdudulot ng walang katapusang problema ang pagpapahintulot sa mga ganitong tao na gumawa ng tungkulin? Ang pangangasiwa sa gayong kabababang indibidwal ay magdudulot ng isang gusot na imposibleng malutas. Gaano man karaming bagay ang pinangangasiwaan nila para sa iglesia, nagtatago sila ng isang maliit na talaan sa puso nila, malinaw na itinatala ang bawat kuwenta. Anuman ang ginagawa nila para sa iglesia, hindi nila ito kailanman ginagawa nang kusang-loob. Dahil hindi sila kusang-loob sa paggawa, gusto nilang makipagkuwentahan. Bakit ganito? Ito ay dahil, sa puso nila, hindi nila kinikilala ang pag-iral ng Diyos o pinaniniwalaan ang pag-iral ng Diyos. Hindi nila kinikilala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan o na ang gawain ng Diyos ay makapagliligtas sa mga tao. Kaya, anong uri ng gantimpala ang kakailanganin nila para makaramdam sila ng pagkakontento matapos magbayad ng kaunting halaga, magdusa nang kaunti, gumawa ng ilang tungkulin, at maggugol ng ilang pinagkukunang pantao at materyal para sa diumano’y diyos na ginuguni-guni nila sa isipan nila? Kung wala silang natanggap na anumang kapalit, makokontento ba sila? Kung isang araw ay mapagtanto nila na itiniwalag sila dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan, ano ang magiging mga kahihinatnan? Iisipin nila na niloko sila ng sambahayan ng Diyos, na niloko sila ng mga lider at manggagawa, at na pinanatili silang walang kaalam-alam at naging biktima sila ng isang panloloko. Pagkatapos, may mairereklamo na sila sa sambahayan ng Diyos at manghihingi ng kabayaran, walang katapusang pahahabain ang mga bagay-bagay. Sa palagay mo ba ay gugustuhin ng sambahayan ng Diyos na madawit sa gayong uri ng tao? Talagang hindi gagawa ang sambahayan ng Diyos ng isang bagay na napakahangal! Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay gumagawa ng tungkulin nila para tuparin ang responsabilidad ng mga nilikha—ito ay ganap na sarili nilang desisyon, isang bagay na kusang-loob nilang ginagawa. Hindi kailanman pinupuwersa o pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang sinuman. Pero kapag nagsimulang gumawa ng tungkulin ang mga hindi mananampalataya, hindi magtatagal ay lilitaw rin ang problema. Kapag masama ang timplada nila, tiyak na magsisimula silang magmaktol at magreklamo, sinasabi sa iba: “Napakahusay ninyong magsalita lahat at niloko ninyo ako, sinasabi na ang pananampalataya sa diyos ay magpapahintulot sa akin na magkamit ng katotohanan at buhay na walang hanggan. Pero wala sa inyo ang nagbanggit na magkakaroon pala ng mga anticristo sa iglesia na nanlilihis sa mga tao, masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, o na ang iglesia ay magpapaalis o magpapatalsik ng mga tao. Hindi ninyo kailanman sinabi sa akin na mangyayari ang alinman sa mga ito sa iglesia!” Babalikan ka pa nga nila at aakusahan ka, sinasabing: “Hindi mo kailanman ipinaliwanag nang malinaw ang mga bagay na ito sa akin. Sinundan ko lang kayo sa pananampalataya sa diyos at paggawa ng tungkulin ko. Dahil dito, wala na akong kinabukasan sa mundo; hinadlangan ninyo ako sa pagkita ng malaking pera. Kailangan ninyo akong bayaran para sa mga kawalan ko!” Hindi ka ba nasusuklam kapag nagsisimula silang makipagkuwentahan sa iyo? Gusto mo bang makisangkot sa kanila? (Hindi.) Sino ba ang posibleng makapagpapaliwanag ng mga bagay-bagay sa mga ganitong tao? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila nakikita ang pag-iral ng Diyos, at hindi nila nararamdaman ang pag-iral ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan. Sabihin mo sa Akin, sino ang makapagsisiksik ng katotohanang ito sa isipan nila? Walang makagagawa nito. Wala silang pakultad na tanggapin ang katotohanan, kaya ang paghingi sa kanilang hangarin ang katotohanan ay lubos na magpapahirap ng mga bagay-bagay para sa kanila, maglalagay ito sa kanila sa alanganin—sadyang hindi makatotohanan ang paggawa nito. Nananampalataya sila sa Diyos para lang tumanggap ng mga pagpapala. Basta’t magawa nila ang kaunting tungkulin, humihingi na sila ng gantimpala. Kung hindi nila makukuha ang gusto nila, magsisimula silang magpukol ng masasakit na salita: “Niloko at dinaya ako! Manloloko kayong lahat!” Sabihin ninyo sa Akin, gugustuhin ba ninyong tiising matawag nang ganoon? (Hindi.) Sino ang nanloko sa kanila? Hindi ba’t sila mismo ang may mga ambisyon at pagnanais at gustong makatanggap ng mga pagpapala? Hindi ba’t kaya nga sila nanampalataya sa Diyos ay para mismo makatanggap ng mga pagpapala? Hindi sila nakatanggap ng mga pagpapala ngayon, pero hindi ba’t dahil iyon sa hindi sila naghahangad ng katotohanan? Hindi ba’t sarili nilang problema iyon? Ni hindi nga sila nananampalataya sa Diyos, pero gusto pa rin nilang tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos—paanong magiging napakadali na tumanggap ng mga pagpapala? Hindi ba’t malinaw na ipinaliwanag ang mga usaping ito sa kanila bago pa sila magsimulang gumawa ng tungkulin? (Oo.) Pero makapangangatwiran ka ba sa kanila? Hindi mo kayang gawin iyon—sasabihin lang nila na niloko mo sila. Sabihin mo sa Akin, sa sambahayan ng Diyos, gaano man katagal nang nananampalataya ang mga kapatid sa Diyos, sino sa kanila ang hindi boluntaryong gumagawa ng tungkulin? Bagaman may mga bihirang kaso kung saan hindi nananampalataya ang mga anak sa Diyos at hinahatak ng kanilang mga magulang o kamag-anak na manampalataya at gumawa ng tungkulin, sobrang kakaunti pa rin ng mga ganitong kaso. Kahit na hatakin ka pa ng iyong mga magulang, para ito sa iyong sariling kabutihan—dapat mo iyong maunawaan. Pero iyon ay iyong pamilya na humahatak sa iyo—hindi ka hinahatak o pinupuwersa ng mga kapatid ng sambahayan ng Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ay ganap na boluntaryo. Sa ngayon, ang sinumang gustong umalis ay puwedeng umalis; palaging bukas ang mga pinto ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, kapag umalis ka, hindi na magiging ganoon kadaling bumalik. Iyong mga gumagawa ng tungkulin nang full-time sa sambahayan ng Diyos ay maingat na pinili—hindi basta-basta tinatanggap ang sinuman. May mga hinihinging pamantayan at prinsipyo, at iyon lang may mga kalipikasyon ang puwedeng manatili sa iglesiang may tungkuling full-time. Iniisip ng mga taong nag-aalinlangan, “Hindi ninyo ipinaliwanag nang malinaw ang ganitong kahalagang bagay sa akin. Noong panahong iyon, gumawa lang ako ng tungkulin dahil nalilito ako.” Ano ang hindi ipinaliwanag nang maayos? Nagbabahaginan ang mga kapatid ng katotohanan nang magkakasama araw-araw habang gumagawa ng tungkulin—kung hindi naunawaan ng mga taong ito, ito ay dahil magulo ang isipan nila at bulag sila. Wala silang iba pang puwedeng sisihin doon. Pero hindi sila mangangatwiran sa iyo tungkol dito; pakiramdam lang nila na lubos silang nagdusa ng malaking kawalan at gusto nilang makipagkuwentahan at makipagtalo sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t hindi makatwiran at labis na kasuklam-suklam ang gayong mga tao? Kaya, kapag nakilala na ninyo ang mga tunay na kulay ng gayong mga tao at malinaw na nakikita na magulo ang isipan nila, ganap na walang silbi, hindi kayang gumawa ng anumang tungkulin, at patuloy na nakatuon sa pagtanggap ng mga pagpapala, na puno ang puso nila ng mga kaisipan ng pagtatamo ng mga pagpapala, at na ang lahat ng alam nila ay na ang paggawa ng tungkulin ay makapagdadala ng mga pagpapala, kaligtasan, pagpasok sa kaharian, at imortalidad, at alam lang nila ang kaunting pariralang ito nang hindi nauunawaan ang anumang iba pa—hindi alam kung ano ang katotohanan, kung paano magsagawa ng katotohanan, o kung paano magpasakop sa Diyos—kung ganoon, kahit na gusto nilang gumawa ng tungkulin o humiling na gumawa ng tungkulin, maisasaayos ba na gawin nila ito? (Hindi.)