Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27) Ikaapat na Seksiyon
Anong uri ng mga tao ang kayang umalis sa iglesia anumang oras? Ang isang uri ay mga walang isip, hindi nag-iisip nang maayos, at mga taong naguguluhan na walang ideya kung bakit sila nananampalataya sa Diyos, gaano karaming taon man silang nanampalataya. Wala silang ideya kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos. Ang isa pang uri ay ang uri ng mga hindi mananampalataya na hindi talaga naniniwala sa pag-iral ng Diyos at hindi nauunawaan ang kabuluhan o kahalagahan ng pananampalataya sa Diyos. Ang pakikinig sa mga sermon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, para sa kanila, ay parang pag-aaral ng teolohiya o pagkatuto ng ilang propesyonal na kaalaman—kapag nauunawaan na nila ito at nakapagsasalita na sila tungkol dito, itinuturing nila itong tapos na. Hindi nila ito kailanman isinasagawa. Para sa kanila, ang mga salita ng Diyos ay isang uri lang ng teorya, isang islogan, at hindi kailanman magiging buhay nila. Kaya, para sa mga taong ito, ang anumang nauugnay sa pananampalataya sa Diyos ay hindi pumupukaw ng kanilang interes. Ang gayong mga bagay tulad ng paggawa ng tungkulin ng isang tao, paghahangad sa katotohanan, pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, pakikipagtipon kasama ang mga kapatid at pamumuhay ng buhay iglesia nang magkakasama, at iba pa, ay hindi kaakit-akit para sa kanila, at wala sa mga ito ang nagbibigay sa kanila ng kaligayahan at pananabik na ibinibigay ng pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Sa kabilang banda, nararamdaman ng mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos na ang makasama ang mga kapatid para magbahaginan ng katotohanan o mamuhay ng buhay iglesia ay palaging nakapagdadala sa kanila ng mga benepisyo at pakinabang. Bagaman minsan ay nahaharap sila sa panganib at pag-uusig, o nakikipagsapalaran sa pangangaral ng ebanghelyo at pagtitiis ng ilang paghihirap sa paggawa ng kanilang tungkulin, anuman ang mangyari, nagtatamo sila ng pang-unawa sa katotohanan at nakakamit ang resulta ng pagkilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagtitiis sa paghihirap at pagbabayad ng halaga, at ang paghihirap at halagang ito ay nagdudulot ng pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Pagkatapos timbangin at suriin ang lahat ng ito, pakiramdam nila na mabuti ang manampalataya sa Diyos, at na napakahalaga na magawang maunawaan ang katotohanan. Lalong tumitibay ang ugnayan ng puso nila sa iglesia, at hindi nila kailanman iniisip na iwan ang buhay iglesia. Kapag nakikita nila ang ilang indibidwal na ipinadadala sa mga grupong B o ibinubukod o pinaaalis ng iglesia dahil sa panggugulo sa gawain ng iglesia, iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay nakararamdam ng kaunting kalungkutan sa puso nila. Iniisip nilang, “Kailangan kong masipag na gawin ang tungkulin ko. Hinding-hindi ako dapat mapaalis. Ang mapaalis ay katumbas ng maparusahan, ibig sabihin ang kalalabasan ay ang mapunta sa impiyerno! Ano ang saysay ng mabuhay kung ganoon?” Karamihan sa mga tao ay natatakot na iwan ang iglesia; iniisip na kapag iniwan nila ang iglesia at iniwan ang Diyos, hindi na sila makapagpapatuloy pa sa pamumuhay at matatapos na ang lahat. Pero iyong mga kayang iwan ang iglesia anumang oras ay tinitingnan ang pag-alis sa iglesia bilang isang napakanormal na bagay, parang pagbibitiw lang sa trabaho para maghanap ng ibang trabaho. Hindi sila kailanman nakararamdam ng pagkabagabag o nagdurusa ng anumang sakit sa kalooban nila. Ano sa palagay ninyo—may konsensiya o katwiran ba iyong mga kayang iwan ang iglesia anumang oras? Talagang hindi kapani-paniwala ang gayong mga tao! Ang pagganap sa tungkulin ng ilang tao ay hindi pasok sa pamantayan, at palagi silang walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa, nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Pagkatapos ay pinapatigil sila ng iglesia sa paggawa ng tungkulin nila at ipinadadala sila sa isang ordinaryong iglesia. Kaya, ano ang nangyayari bilang resulta? Kinabukasan mismo, parang ganap na ibang tao na sila, nagsisimula ng bagong buhay. May iba na nagsisimulang makipag-date at magpakasal, may iba na nagsisimulang maghanap ng trabaho, may ibang pumapasok sa kolehiyo, at may iba ring nakikipag-ugnayan muli sa mga dating kaibigan, bumubuo ng mga koneksiyon, at naghahanap ng mga oportunidad para yumaman. Ang mga taong ito ay mabilis na humahalo sa malawak na mundo, naglalaho sa dagat ng sangkatauhan—nangyayari ito nang ganoon lang kabilis. May ilang kapatid, pagkatapos maipadala sa isang ordinaryong iglesia dahil sa hindi magagandang resulta sa paggawa ng tungkulin nila, ang dumaraan sa panahon ng kalungkutan pero nagagawang magnilay sa sarili nila at natutukoy ang sarili nilang mga problema, nagpapakita ng kaunting saloobin ng pagbabago. Gayumpaman, iyong mga kayang umalis sa iglesia anumang oras, sa sandaling makaranas sila ng ilang paghihirap, ay ayaw nang gawin ang tungkulin nila at iniiwan ang iglesia kinabukasan, nagbabalik sa buhay ng isang walang pananampalataya. Hindi talaga sila nakararamdam ng pasakit at iniisip pa nga, “Ano ang mabuti sa pananampalataya sa diyos? Palagi kang pinagtatawanan at sinisiraan ng iba, at malamang na maaresto at makulong ka pa. Kung papatayin ako sa bugbog ng malaking pulang dragon, hindi ba’t magiging walang kuwenta ang buhay ko? Nagtiis ako ng napakaraming paghihirap sa pananampalataya sa diyos nitong mga nakaraang taon, pero ano ang nakamit ko? Kung hindi ako nanampalataya sa diyos, baka naging isa na akong opisyal, kumikita ng pera, at namumuhay sa katanyagan ngayon! Pagkatapos manampalataya sa diyos hanggang ngayon, nakararamdam pa nga ako ng pagsisisi—kung alam ko lang na magiging ganito, matagal na sana akong umalis! Anong silbi ng pag-unawa sa katotohanan? Mapapakain ka ba o mababayaran ba ng pagkaunawa ang mga gastusin?” Kita mo? Hindi lang sa wala silang pagsisisi, kundi pakiramdam pa nila na masuwerte sila na magawang iwan ang iglesia. Hindi ba’t ito ang paglalantad ng kanilang tunay na mukha bilang mga hindi mananampalataya? (Oo.)
May mga tao na nakagawian nang maging pabasta-basta at gumawa ng mga walang pakundangang maling gawa sa pagganap nila ng tungkulin. Pagkatapos paalisin ng iglesia, kapag nakikita nila ang mga kapatid, tinitingnan nila ang mga ito na para bang mga kaaway ang mga ito. Kahit na mabait na sinusubukan ng mga kapatid na makipag-usap sa kanila, hindi nila pinapansin ang mga ito at tinitingnan nila ang mga ito nang may pagkamuhi, sinasabing, “Kayo ang nagpaalis sa akin sa iglesia. Tingnan ninyo ako ngayon! Nasa mas mabuting kalagayan pa ako kaysa sa inyo! Ngayon, nakadamit ako nang marangya, isa akong makapangyarihang tao! Napakakomportable kong namumuhay sa mundo, at tingnan ninyo kung gaano kagusgusin at kapagod ang itsura ninyo sa pananampalataya sa diyos! Lahat kayo ay patuloy na naghahangad na makamit ang katotohanan, pero sa tingin ko ay hindi kayo mas matalino kaysa sa akin! Ano ang napakabuti sa pagkakamit ng katotohanan? Makakain ba ito na parang pagkain o magagastos na parang pera? Kahit hindi hinahangad ang katotohanan, napakaayos pa rin ng pamumuhay ko, hindi ba? Masuwerte ako na pinaalis ninyo ako—dapat ko kayong pasalamatan para dito!” Mula sa mga salita nila, malinaw na hindi sila mga mananampalataya, at ang paggawa ng tungkulin nila ang nagbunyag sa kanila. Kaya ba ng isang walang pananampalataya na pasalita lang na nananampalataya sa Diyos na kusang-loob na gawin ang tungkulin niya? Ang paggawa ng tungkulin ng isang tao ay nangangahulugan ng pagtupad sa mga responsabilidad at obligasyon nang hindi tumatanggap ng sahod o kumikita ng pera. Itinuturing niya ito bilang isang kawalan, kaya ayaw niyang gawin ang tungkulin niya. Sa gayon ay nalalantad ang mga tunay na kulay niya bilang isang hindi mananampalataya; ganito ang paraan ng pagbubunyag at pagtitiwalag ng gawain ng Diyos sa mga hindi mananampalataya. May ilang tao na palaging may pabasta-bastang saloobin kapag ginagawa ang tungkulin nila, nagpapaanod lang sa agos araw-araw. Sa sandaling makakuha sila ng pagkakataon na kumita ng pera o magkamit ng promosyon sa mundo, iiwan nila ang iglesia anumang oras—matagal na silang may ganitong layunin sa isipan nila. Kung ililipat sila sa isang ordinaryong iglesia dahil sa nakagawian na nilang maging pabasta-basta at gumagawa sila nang walang pakundangan ng mga maling gawa habang ginagawa ang tungkulin nila, hindi lang sila hindi magninilay sa sarili nila, kundi iisipin din nilang, “Ang pag-aalis mo sa akin sa iglesiang may tungkuling full-time ay isang kawalan para sa iyo at isang pakinabang para sa akin.” Sobrang nalulugod pa nga sila sa sarili nila. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang gayong mga tao? Sabihin ninyo sa Akin, para sa mga hindi mananampalataya na inalis dahil lubos nilang ginambala at ginulo ang gawain ng iglesia sa pamamagitan ng mga walang pakundangang paggawa nila ng mali, naaayon ba sa mga prinsipyo na alisin sila nang ganito ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ganap na naaayon ito sa mga prinsipyo; hindi ito pang-aagrabyado sa kanila kahit kaunti. Ang saloobin nila sa Diyos at sa paggawa ng tungkulin nila ay gayon na kaya nilang abandonahin at ipagkanulo ang mga ito anumang oras. Sapat na ito para patunayan na wala silang anumang interes sa mga positibong bagay sa puso nila. Napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Diyos at nakapakinig na sila sa napakaraming sermon, pero wala sa mga katotohanan ng pananampalataya sa Diyos o mga patotoong batay sa karanasan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang makapagpapanatili sa puso nila. Walang kahit isa sa mga bagay na ito ang nakapupukaw sa interes nila, nakaaantig sa kanila, o nakapagpapalapit sa kanila. Ito ang diwa ng kanilang pagkatao, na wala talaga silang anumang interes sa mga positibong bagay. Kung gayon, saan sila interesado? Interesado sila sa pagkain, pag-inom, pagsasaya, sa mga kaligayahan ng laman, sa masasamang kalakaran, at sa mga pilosopiya ni Satanas. Lalo silang interesado sa lahat ng negatibong bagay sa lipunan; sa katotohanan at mga salita ng Diyos lang sila hindi interesado. Iyon ang dahilan kung bakit kaya nilang iwan ang sambahayan ng Diyos anumang oras. Wala talaga silang anumang interes sa madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos o madalas na pakikipagbahaginan ng katotohanan sa mga pagtitipon ng sambahayan ng Diyos. Lalo nilang inaayawan ang paggawa ng tungkulin at iniisip pa nga nila na hangal ang lahat ng gumagawa ng tungkulin nila. Anong uri ng mentalidad at anong uri ng pagkatao ito? Wala silang interes sa katotohanan o sa pagliligtas ng Diyos sa mga tao, at wala silang nararamdamang anumang kaugnayan sa buhay iglesia. Bagaman hindi nila hayagang hinusgahan o kinondena ang mga salita ng Diyos, nakinig sila sa mga sermon sa loob ng ilang taon nang hindi nauunawaan nang kahit kaunti ang katotohanan—malinaw na ipinakikita nito ang isang problema. Walang tao na ayaw ang parehong positibong bagay at negatibong bagay nang sabay. Hangga’t ayaw mo ng mga positibong bagay, magiging lalong interesado ka sa mga negatibong bagay. Kung lalong interesado ka sa mga negatibong bagay, tiyak na hindi ka magiging interesado sa mga positibong bagay. Ang ganitong uri ng tao ay walang anumang interes sa mga positibong bagay, kaya wala silang nararamdamang anumang pagkakaugnay sa sambahayan ng Diyos, wala silang nagugustuhan o inaasam sa mga ito. Ang masasamang kalakaran ng mundo, ang pera, kasikatan at kapakinabangan, pagiging opisyal, pagyaman, at iba’t ibang popular na maling paniniwala at panlilinlang ang siyang pinakainteresado sila. Nakatuon ang puso nila sa mundo, hindi sa sambahayan ng Diyos, kaya’t kaya nilang umalis anumang oras. Ang pag-alis sa sambahayan ng Diyos at pag-alis sa buhay iglesia ay hindi nagdudulot sa kanila ng panghihinayang, hapis o pasakit, kundi ganap na ginhawa. Iniisip nila, “Sa wakas, hindi ko na kailangang makinig sa mga sermon o magbahagi tungkol sa katotohanan araw-araw, hindi na ako kailangang mapigilan ng mga bagay na ito. Ngayon, lakas-loob na akong makapaghahangad ng kasikatan at pakinabang, makapaghahangad ng pera, makapaghahangad ng magagandang babae, at makapaghahangad ng aking personal na kinabukasan. Sa wakas, lakas-loob na akong makapagsisinungaling sa iba at makapandaraya ng iba, makapagsasagawa ng mga plano at pakana, at makapagsasagawa ng lahat ng uri ng buktot na taktika nang walang alalahanin. Magagamit ko ang anumang paraan para makisalamuha sa mga tao!” Ang pakikinig sa mga sermon at pakikipagbahaginan ng katotohanan sa sambahayan ng Diyos ay napakasakit para sa kanila, at para silang nabunutan ng tinik sa pag-alis sa sambahayan ng Diyos. Ibig sabihin nito na ang mga positibong bagay na ito ay hindi ang mga bagay na kailangan ng puso nila. Ang kailangan nila ay ang lahat ng bagay ng mundo at lipunan. Mula rito, malinaw na ang dahilan ng pag-alis nila sa iglesia ay direktang nauugnay sa kanilang mga hangarin at kagustuhan.
Ano ang kalikasang diwa ng mga taong ito na kayang umalis sa sambahayan ng Diyos anumang oras? Nakikita na ba ninyo kung ano ito ngayon? (Oo. Sila ay ang uri ng mga tao na mga hindi mananampalataya. Karamihan sa mga taong ito ay mga hayop na sumailalim sa reengkarnasyon, lahat sila ay mga naguguluhang indibidwal na walang utak o pag-iisip.) Tama iyan. Hindi nila nauunawaan ang mga usapin na may kinalaman sa pananalig. Hindi nila nauunawaan kung tungkol saan ba talaga ang buhay ng tao, kung anong landas ang dapat tahakin ng mga tao, kung anong mga bagay ang pinakamakabuluhang gawin, kung anong mga prinsipyo ng pagsasagawa ang dapat sundin pagdating sa pag-asal, at iba pa, at ayaw rin nilang hanapin ang katotohanan para maunawaan ang mga ito. Ano ang gusto nilang hangarin? Buong araw umiikot ang isipan nila sa kung ano ang magagawa nila para magkamit ng mga kapakinabangan at magtamasa ng buhay na superyor sa iba. May ilang tao na nagsisimulang manampalataya sa Diyos habang nagtatrabaho sila sa mundo. Pero sa sandaling itinalaga sila sa mas mataas na posisyon bilang superbisor o manedyer, o maging amo sila, tumitigil silang manampalataya. Kapag nilalapitan sila ng mga kapatid, sinasabi nilang, “Ngayon ako ay isang tao na may katayuan at reputasyon, may katayuan sa lipunan. Ang manampalataya sa diyos kasama ninyo ay masyadong nakakahiya. Kayong lahat ay dapat lumayo sa akin, at huwag na akong hanaping muli! Puwede ninyo akong tanggalin o patalsikin kung gusto ninyo. Ano’t anuman, tapos na ang kabanata ko ng pananampalataya sa diyos, at wala na akong kinalaman sa inyo!” Nakikita ba ninyo kung ano ang sinasabi nila? Anong uri ng tao sila? Lalapitan pa rin ba ninyo sila? (Hindi.) Prangka nilang sinabi ito, pero nanghihinayang pa rin ang ilang lider ng iglesia kapag nakikita silang umaalis at ilang beses nakikipag-ugnayan ang mga ito sa kanila para hikayatin sila: “Napakahusay ng kakayahan mo, at naging lider at manggagawa ka pa. Dahil lang hindi ka naghangad ng katotohanan kaya tinanggal ka. Kung masikap mong hahangarin ang katotohanan, tiyak na maliligtas ka, at balang araw, tiyak na magiging haligi ka, isang sandigan sa sambahayan ng Diyos!” Habang mas sinasabi ng mga lider ang mga bagay na ito, mas lalong umaayaw ang kabilang panig. May ilang lider ng iglesia na may magulong isipan at walang pagkilatis; itinalaga ang taong ito sa mas mataas na posisyon sa mundo, pero naiinggit pa rin sa kanya ang mga lider na ito at gustong bumuo ng mga ugnayan sa kanya—hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng paggalang sa sarili? Ang mga taong nakauunawa sa katotohanan ay kayang makita nang malinaw ang usaping ito: Ang maitalaga sa mas mataas na posisyon sa lipunan ay hindi isang magandang palatandaan; hindi ito ang tamang landas na dapat tahakin ng isang tao! May ilang tao na tumitigil sa pananampalataya sa Diyos sa sandaling magkamit sila ng kaunting katayuan sa lipunan—ibinubunyag lang sila nito at pinatutunayang hindi sila mga tao na taos-pusong nananampalataya sa Diyos o nagmamahal sa katotohanan. Kung mga taos-pusong mananampalataya sila, kahit pa itinalaga sila sa mas mataas na posisyon at may magandang hinaharap sa lipunan, hindi pa rin nila iiwan ang Diyos. Ngayong ipinagkanulo nila ang Diyos, kailangan pa ba ng iglesia na makipag-ugnayan at gumawa sa kanila? Hindi na kailangan, dahil nabunyag na sila bilang mga hindi mananampalataya. Sa hindi pananampalataya sa Diyos, sila ang nawawalan—sadyang wala silang pagpapala. Mga kaawa-awang nilalang lang sila; kung ipipilit mo pa ring hikayatin sila na manampalataya sa Diyos, hindi ba’t kahangalan iyon? Habang mas sinisikap mong hikayatin sila na manampalataya sa Diyos nang ganito, mas bababa ang tingin nila sa iyo. Iniisip nila na ang lahat ng nananampalataya sa Diyos ay mga tao na may mababang katayuan sa lipunan at na walang kakayahan. Kaya’t lalo silang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, tinitingnan ang lahat ng tao nang may paghamak. Kung may sinumang nagpapakita ng malasakit o nag-aalala sa kanila, tinitingnan nila ito bilang pagtatangka na sumipsip sa kanila. Anong uri ng mentalidad ito? Kawalang kakayahan ito na tingnan nang tama ang mga kapatid. Sila ba ay mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos? Kapag nakatatagpo ng ganitong uri ng tao, dapat mo silang tanggihan. Sa sandaling sinabi nila, “Senior supervisor ako ngayon. Huwag na ninyo akong puntahan ulit. Kung patuloy kayong makikipag-ugnayan sa akin, kakalabanin ko kayo! Lalong huwag kayong pumunta sa kompanya ko at ipahiya ako—wala akong kinalaman sa mga taong nananampalataya sa diyos!”—kapag sinabi nila ang mga salitang ito, dapat umalis kayo kaagad, tanggalin sila, at huwag nang makipag-ugnayan muli sa gayong uri ng tao kailanman. Natatakot silang sasamantalahin natin ang tagumpay nila; kaya’t kailangan nating magkaroon ng kaunting kamalayan sa sarili. Umuunlad at umaangat sila sa mas matataas na antas; mas mataas ang antas nila kaysa sa atin. Mga ordinaryong tao lang tayo, mga tao na nasa laylayan ng lipunan. Hindi natin dapat tangkaing bumuo ng mga pakikipag-ugnayan sa kanila—huwag ninyong ibaba ang sarili ninyo nang ganoon! May mga tao rin na mas nakatatanda at may mga anak na bumibili ng marangyang bahay sa lungsod. Paglipat nila, naglalaho silang parang bula sa mga kapatid, sinasabing: “Huwag na ninyo akong puntahang muli. Galing kayong lahat sa kabukiran. Kung pupuntahan ninyo akong muli, iisipin ng mga tao na mula rin ako sa kabukiran, na may mga kamag-anak akong taga-bukid. Magiging sobrang kahiya-hiya iyon! Alam ba ninyo kung anong uri ng tao ang anak ko? Mapera siya, isang mayamang tao, isang taong kilala sa publiko! Kung patuloy kayong makikipag-ugnayan sa akin, hindi ba’t magiging kahiya-hiya iyon para sa anak ko? Kaya’t huwag ninyo akong puntahan muli sa hinaharap!” Pagkasabi nila ng mga salitang ito, sumagot lang kayo ng: “Dahil ganito ang saloobin mo, nauunawaan namin. Kung gayon ay hinahangad namin ang iyong kaligayahan at kagalakan!” Sa sandaling iyon, kung magsasalita ka ng isa pang salita, magmumukha kang hangal at mababa. Pinakamainam na umalis na lang kaagad. Huwag na huwag ninyong subukan na piliting kumbinsihin ang mga hindi mananampalataya—kahangalang pag-uugali lang iyon. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Gaano ba kahangal ang ilang tao? Sinasabi nila, “Ang anak ng taong iyon ay mayaman, isang maperang tao na may katayuan sa lipunan. May koneksiyon pa nga siya sa mga opisyal ng gobyerno. Kung hihikayatin natin siyang patuloy na manampalataya sa Diyos, puwede pa ngang makapagpatuloy ang pamilya niya sa mga kapatid!” Ano ang palagay ninyo sa ideyang ito? Kung iisipin ninyo ang tungkol dito mula sa perspektiba ng pagiging mapagsaalang-alang sa gawain ng iglesia, mapagsaalang-alang sa mga kapatid, at isinasaalang-alang ang seguridad, ganap na naaangkop ito. Pero kailangan mong makita kung taos-puso ba silang nananampalataya sa Diyos. Kung ayaw nilang manampalataya sa Diyos at ayaw nilang makipag-ugnayan sa mga kapatid, pero gusto mo pa rin silang hikayatin na manampalataya sa Diyos, hindi ba’t kahangalan iyon? Huwag mong gawin ang mga bagay na nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa sarili. Mayroon tayong proteksiyon ng Diyos at paggabay ng Diyos sa pananampalataya sa Diyos. Anuman ang kapaligirang pinaninirahan natin, ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Anuman ang paghihirap na tinitiis natin, dapat tayong mamuhay nang may dignidad. May ilang tao na naiinggit pa nga sa taong ito na umalis sa sambahayan ng Diyos, sinasabing may kakayahan ito—tama ba ang pananaw na ito? Paano natin dapat tingnan ang usaping ito? Nang lumipat sila sa isang malaking bahay, tumigil silang manampalataya sa Diyos. Sa lipunan, mayroon silang katayuan at reputasyon, at sa puso nila, minamaliit nila ang mga kapatid, tinitingnan nila ang mga ito bilang mga tao sa laylayan ng lipunan na hindi karapat-dapat na makipag-ugnayan sa kanila. Kaya, dapat na mayroon tayong kamalayan sa sarili at huwag tangkaing bumuo ng mga pakikipag-ugnayan sa gayong mga tao o makipaglapit sa kanila, tama? (Oo.)
Para sa mga kayang iwan ang sambahayan ng Diyos anumang oras, sila man ay mga hindi mananampalataya o mga tamad lang, nananampalataya man sila sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala o para makaiwas sa mga sakuna—anuman ang sitwasyon—basta’t kaya nilang iwan ang sambahayan ng Diyos anumang oras, at pagkatapos nilang umalis, inaayawan nila ang mga kapatid na nakikipag-ugnayan sa kanila, at lalo pang inaayawan ang tulong at suporta ng mga kapatid, nagpapakita ng pagkamapanlaban sa sinumang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, hindi kailangang bigyang-pansin ang gayong mga tao. Kung matutuklasan ang ganitong uri ng mga hindi mananampalataya, dapat silang ilantad at paalisin kaagad. Puwedeng hindi mahal ng ilang tao ang katotohanan, pero gusto nilang maging mabuting tao at matamasa ang mamuhay kasama ng mga kapatid; pinasasaya sila nito, at bukod pa riyan, iniiwasan nilang mamaltrato sila. Sa puso nila, alam nilang nananampalataya sila sa tunay na Diyos at handa silang masipag na magtrabaho. Kung may ganitong uri ng saloobin talaga sila, sa palagay ba ninyo ay dapat pa silang pahintulutang patuloy na gawin ang tungkulin nila? (Oo.) Kung handa silang magtrabaho, at hindi nanggugulo o nanggagambala, puwede silang magpatuloy sa pagtatrabaho. Pero kung isang araw ay ayaw na nilang magtrabaho at gusto na nilang iwan ang sambahayan ng Diyos, sinasabing: “Lalabas ako para subukang magtagumpay sa mundo. Hindi na ako mananampalataya sa diyos kasama ninyo. Hindi masaya rito, at minsan, kapag pabasta-basta ako sa paggawa ng tungkulin ko, napupungusan ako. Mahirap talaga rito; gusto ko nang umalis”—dapat pa bang hikayating manatili ang gayong tao? (Hindi.) Puwede lang natin siyang tanungin ng: “Napag-isipan mo na ba ito nang mabuti?” Kung sasabihin niyang, “Matagal ko nang napag-isipan ang tungkol dito,” puwede mong sabihin, “Kung ganoon, hinahangad namin ang pinakamabuti para sa iyo. Ingat, at paalam!” Ayos ba ang ganitong diskarte? (Oo.) Sa tingin ninyo, anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ang uri na iniisip na nakahihigit sila sa ordinaryo, at na nasusuklam sa mundo at mga gawi nito, madalas na bumibigkas ng mga talata mula sa mga sikat na tao, tulad ng, “Iwinawagayway ko ang aking manggas, ni ang manipis na ulap ay hindi ko mahahawi.” Iniisip nilang pinanatili nilang dalisay ang sarili nila at hindi sila nababagay sa mundong ito, at gusto nilang makahanap ng ginhawa sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Palagi nilang nakikita ang sarili nila bilang isang ekstraordinaryong tao, pero sa katunayan, sila ang pinakakaraniwan sa mga tao, nabubuhay para lang sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Wala silang tunay na mga kaisipan at walang tunay na mga hangarin. Nakikita nila ang sarili nila bilang isang matayog na tao, na para bang walang makauunawa sa mga kaisipan nila o makapapantay sa paraan nila ng pag-iisip. Tinuturing nilang mas mataas ang sarili nilang lawak ng kaisipan kaysa sa karaniwang tao, sinasabi ang mga bagay tulad ng: “Mga ordinaryong tao kayong lahat, pero tingnan ninyo ako—iba ako. Kung tatanungin mo ako kung saan ako nagmula, sasabihin ko sa iyo na malayo ang bayan ko.” Sinabi ba nila sa iyo kung saan sila nagmula? Alam mo ba kung saan ang “malayong” lugar na ito? Ang mga taong kayang iwan ang iglesia anumang oras ay ganitong uri mismo. Pakiramdam nila ay walang lugar ang makapagpapalugod sa kanila at palagi nilang iniisip ang tungkol sa ilang hindi makatotohanan, malabo, at hindi tunay na mga bagay. Hindi sila nakatuon sa realidad at hindi nila nauunawaan kung tungkol saan ang buhay ng tao o kung anong landas ang dapat piliin ng mga tao. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito—mga kakatwang tao lang sila. Kung ang ganitong uri ng tao ay nakapagdesisyon nang iwan ang iglesia at sinasabing pinag-isipan na niya ito nang matagal na panahon, hindi na siya kailangang hikayating manatili. Huwag nang magsalita pa ng kahit isang salita—tanggalin na lang siya, at tapos na iyon. Ganito dapat pangasiwaan ang gayong mga tao; naaayon ito sa mga prinsipyo ng kung paano dapat tratuhin ang mga tao. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa iyong mga kayang iwan ang iglesia anumang oras.