Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27) Ikatlong Seksiyon

I. Pagkakaroon ng Kakayahang Umalis Anumang Oras

Ang ikasiyam na pagpapamalas ay ang: “Pagkakaroon ng kakayahang umalis anumang oras.” Ang ganitong uri ng tao na kayang iwan ang sambahayan ng Diyos anumang oras ay hindi isang tao na umaalis lang kapag nahaharap siya sa isang espesyal na sitwasyon, o kapag nakararanas siya ng isang malaking sakuna na lampas sa kayang tiisin ng isang karaniwang tao, na higit sa kanyang limitasyon. Sa halip, kaya niyang umalis anumang oras—kahit ang isang maliit na usapin ay puwedeng maging dahilan para umalis siya; kahit ang isang maliit na usapin ay puwedeng magdulot sa kanya na umayaw na sa paggawa ng tungkulin niya, na umayaw nang manampalataya sa Diyos, at na gustuhing iwan ang sambahayan ng Diyos. Malaking problema rin ang ganitong uri ng tao. Sa panlabas, puwedeng mukhang medyo mas mabuti siya kaysa sa mga tao na mga Hudas, pero kaya niyang iwan ang sambahayan ng Diyos anumang oras at saanmang lugar. Kung kaya ba niya o hindi na ipagkanulo ang mga kapatid ay hindi tiyak. Sa tingin ba ninyo ay maaasahan ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Kung gayon, may mga prinsipyo ba siya sa kung paano siya umasal? May pundasyon ba siya sa pananampalataya sa Diyos? (Wala.) Nagpapakita ba siya ng anumang palatandaan ng tunay na pananampalataya? (Wala.) Kung ganoon, anong uri ng tao siya? (Isang hindi mananampalataya.) Nananampalataya siya sa Diyos at ginagawa ang tungkulin niya na parang biro lang ang lahat ng ito. Para siyang isang tao na hindi gumagawa ng mga tamang gampanin, lumalabas para bumili ng toyo, na nakakakita sa kalye ng mga akrobat o tagapagtanghal na lumilikha ng masiglang eksena at nadadala sa kasiglahan at nakalilimutan ang tungkol sa pagbili ng toyo, nauuwi sa pagkaantala ng mga nararapat na usapin. Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi nananatili sa anumang bagay nang matagal; hindi buo ang loob nila at salawahan sila. Ang pananampalataya nila sa Diyos ay nakabatay rin sa interes nila—pakiramdam nila na napakasayang manampalataya sa Diyos, pero sa sandaling mawala ang interes nila dito, aalis sila kaagad nang walang pag-aatubili. May ilang umaalis na agad pumapasok sa pagnenegosyo, may ilang naghahangad sa landas ng isang opisyal na karera, may ilang nasasangkot sa mga romantikong relasyon at naghahanda para sa pagpapakasal, at may ilang gustong mabilis na yumaman ang dumidiretso sa casino. Sinasabi ng mga tao na pagkatapos na hindi mo nakita ang isang tao sa loob ng tatlong araw, dapat tingnan ito nang may panibagong pagtingin. Para sa isang taong kayang iwan ang sambahayan ng Diyos anumang oras, kung hindi mo siya makikita sa loob lang ng isang araw, kapag nakita mo siyang muli, parang ganap na ibang tao na siya. Kahapon, nakasuot pa siya nang maayos at disente, mukhang may mabuting asal at presentable. Nagdasal pa nga siya sa Diyos nang may mga luhang tumutulo sa kanyang mukha, sinasabing gusto niyang ialay ang kanyang kabataan at buhay para sa Diyos, na mamatay para sa Diyos, na maging tapat hanggang kamatayan, at na makapasok sa kaharian. Sumigaw siya ng gayong matatayog na islogan, pero hindi nagtagal, pumunta siya sa casino. Kahapon, masaya niyang ginawa ang tungkulin niya, at sa pagtitipon, binasa niya ang mga salita ng Diyos nang may liwanag sa kanyang mukha at nag-uumapaw sa kasiglahan, naantig hanggang sa puntong napahagulgol siya. Kung gayon ay paanong tumakbo siya patungo sa casino ngayon? Nagsugal siya hanggang sa kalaliman ng gabi nang hindi gustong umuwi, lubos na nagsasaya at nag-uumapaw sa kasiglahan. Kahapon, dumadalo pa siya sa mga pagtitipon, pero ngayon, tumakbo siya tungo sa casino—kaya, aling pagpapamalas ba ang tunay na siya? (Ang huli ang tunay na siya.) Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, talagang hindi niya makikilatis kung ano ba talaga ang taong ito. Ang dalawang pagpapamalas, kapwa ang bago at pagkatapos, ay aktuwal na ipinakita ng parehong tao—kaya paanong parang ipinakikita ito ng dalawang magkaibang tao? Ang ganitong tao ay hindi makikilatis ng karamihan. Nakikita mo na bilang isang mananampalataya sa Diyos, madalas siyang dumadalo sa mga pagtitipon, hindi gumagawa ng kasamaan, at lubos na kayang tiisin ang paghihirap at magbayad ng halaga sa pagtupad ng kanyang tungkulin. Kapag nakaupo sa harap ng kompyuter, nakatuon at masipag siya, nagtatrabaho nang husto at isinasapuso ito. Maiisip mo na bilang isang tao na nananampalataya sa Diyos, hindi siya dapat naglalaro ng Mahjong, tama? Pero pagkatapos lang ng isang araw na hindi mo siya nakikita, tumakbo na siya sa bulwagan ng Mahjong o sa casino para magsugal. At nangungunang manlalaro siya ng Mahjong—hindi siya talaga mukhang isang taong nananampalataya sa Diyos! Napapaisip ka talaga sa kanya—isa ba siyang tao na nananampalataya sa Diyos o isang walang pananampalatayang naglalaro ng Mahjong? Paanong nakapagpapalit siya ng papel nang ganoon kabilis? Kapag nananampalataya siya sa Diyos, kung ganoon, nasa puso ba niya ang Diyos? (Hindi.) Nananampalataya siya sa Diyos para lang magsaya at magpalipas-oras, para makita kung tungkol saan ba ang pananampalataya sa Diyos at kung makapagdadala ba ito ng kaligayahan sa buhay niya. Kung hindi siya masaya, kaya niyang umalis anumang oras. Hindi niya kailanman pinlanong manampalataya buong buhay niya, at tiyak na hindi niya kailanman pinlano na gawin ang tungkulin niya at sumunod sa Diyos buong buhay niya. Kung gayon, ano ang pinlano niya? Sa isipan niya, kung talagang mananampalataya siya sa Diyos, kahit papaano ay hindi nito dapat hadlangan ang abilidad niyang magsaya, hindi dapat kasangkutan ng anumang gawain, at dapat magarantiya pa rin na makapamumuhay siya ng isang masayang buhay. Kung kailangan niyang magbasa ng mga salita ng Diyos at magbahagi tungkol sa katotohanan araw-araw, hindi siya magiging interesado o masaya. Kapag nagsawa na siya rito, iiwan niya ang iglesia at tatakbo pabalik sa mundo. Iniisip niyang, “Hindi madali ang buhay, kaya hindi dapat pahirapan ng mga tao ang sarili nila. Tayo dapat ang maging panginoon ng sarili nating kapalaran at huwag pahirapan ang ating katawan. Dapat nating tiyakin na masaya tayo araw-araw—iyon lang ang paraan para mabuhay nang malaya. Ang pananampalataya sa diyos ay hindi dapat gawin nang may pagmamatigas. Tingnan mo kung gaano ako kamapagwalang-bahala—kung saan may kaligayahan, doon ako nagpupunta. Kung hindi ako masaya, aalis ako. Bakit ko gagawing hindi komportable ang mga bagay-bagay para sa sarili ko? Ang pagkakaroon ng kakayahang umalis anumang oras ay ang pinakamataas na kredo ko kung paano ako umaasal, ang pagiging isang ‘mananampalatayang may malayang espiritu’—ang pamumuhay nang ganito ay napakakomportable at walang alalahanin!” Anong uri ng mga kanta ang madalas inaawit ng ganitong uri ng mga tao? “Huwag mong itanong sa akin kung saan ako nanggaling, malayo ang bayan ko.” Kung hindi, ano pa ang inaawit nila? “Bakit hindi mamuhay nang malaya kahit minsan lang?” Kapag nararamdaman nilang ito ay nakababagot o hindi na masaya, mabilis silang umaalis, iniisip nila, “Bakit mananatili sa iisang lugar kung napakaraming bagay pa ang makikita sa mundo?” Ano ang isa pang sikat na kasabihang ginagamit nila? “Bakit isusuko ang isang buong kagubatan para sa isang puno?” Ano sa palagay ninyo—ang ganitong uri ba ng mga tao ay may tunay na pananampalataya? (Wala, sila ay mga hindi mananampalataya.) Pagdating sa mga hindi mananampalataya, dahil pinag-uusapan natin ang tungkol sa kung paanong ang mga problema nila ay pawang mga problema ng pagkatao, kung gayon, ano ba talaga ang mali sa pagkatao ng gayong uri ng mga tao? Sa palagay ba ninyo ay isinasaalang-alang kailanman ng ganitong uri ng mga tao ang mga tanong tulad ng kung paano dapat umasal ang mga tao, anong landas ang dapat tahakin ng mga tao, o anong uri ng pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga mayroon dapat ang mga tao habang nabubuhay sila? (Hindi.) Kaya, ano ang problema sa pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Ang ganitong uri ng tao ay walang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao; hindi niya isinasaalang-alang ang gayong mga tanong.) Tiyak iyon. Dagdag pa rito, para maging tumpak, ang ganitong uri ng tao ay walang kaluluwa; isa lang siyang naglalakad na bangkay. Wala siyang sariling mga kahingian tungkol sa kung paano umasal o anong landas ang dapat tahakin ng isang tao, ni hindi niya iniisip ang mga bagay na ito. Ang dahilan kung bakit hindi niya iniisip ang mga bagay na ito ay dahil, bagaman may anyo siya ng isang tao sa panlabas, ang diwa niya ay talagang sa isang naglalakad na bangkay, isang hungkag na katawan. Ang ganitong uri ng tao ay may saloobing nagpapaanod lang sa agos ng buhay pagdating sa mga usapin ng buhay ng tao at pagpapanatiling buhay. Para maging partikular, ang “pagpapaanod sa agos ng buhay” ay nangangahulugang iniraraos lang ang bagay-bagay at naghihintay sa kamatayan, hindi natututo at nananatiling mangmang, ginugugol ang mga araw niya sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya. Nagpupunta siya saanman may kasiyahan, at anuman ang nagbibigay sa kanya ng kasiyahan at kagalakan, at kaginhawahan ng laman, iyon ang gagawin niya. Pero iiwasan at lalayuan niya ang anumang bagay na nagdudulot ng pagdurusa o panloob na pasakit sa kanyang laman; sadyang ayaw niyang magtiis ng paghihirap ang kanyang laman. Gayumpaman, may ilang tao na dumaranas sa buhay sa pamamagitan ng pagtitiis ng paghihirap. O, sa pamamagitan ng pagdaan at pagdanas ng iba’t ibang bagay, ginagawa nila ito para hindi maging hungkag ang kanilang buhay at may makamit sila mula rito. Sa huli, nabubuo nila ang isang kongklusyon tungkol sa kung anong landas ang dapat tahakin ng isang tao at kung anong uri ng tao dapat maging ang isang tao. Sa pamamagitan ng mga karanasan sa buhay, marami silang nakakamit. Sa isang banda, nakakikilatis sila ng ilang tao; bukod pa rito, nagagawa nilang makabuo ng kongklusyon kung anong mga prinsipyo at pamamaraan ang dapat gamitin ng isang tao sa pagtrato sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, at kung paano dapat mamuhay ang isang tao sa buong buhay nito. Umaayon man sa katotohanan o sumasalungat dito ang kongklusyon nila sa pinakahuli, kahit papaano, pinag-isipan nila ito. Sa kabilang banda, iyong mga kayang iwanan ang sambahayan ng Diyos anumang oras ay walang interes sa paghahangad sa katotohanan o sa paggawa ng tungkulin nila sa pananampalataya sa Diyos. Palagi silang naghahanap ng mga pagkakataon para tugunan ang sarili nilang mahahalay na pagnanasa at mga kagustuhan nila, at hindi kailanman gustong masigasig na matuto ng isang propesyonal na kasanayan sa paggawa ng kanilang tungkulin, gawin ang tungkulin nila nang maayos, o isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Gusto lang nilang maging tulad ng mga walang pananampalataya, masaya at nagagalak araw-araw. Kaya, saanman sila magpunta, naghahanap sila ng kasiyahan at aliw, para lang matugunan ang sarili nilang mga interes at pagkamausisa. Kung kailangan nilang patuloy na gawin ang isang tungkulin, nawawalan sila ng interes at nawawalan na ng motibasyong patuloy na gawin ito. Para sa mga ganitong uri ng tao, ang saloobin nila sa buhay ay ang basta makaraos lang. Sa panlabas, parang namumuhay sila nang napakalaya at walang inaalala, nang hindi pinapalaki ang mga bagay-bagay sa pakikitungo sa iba. Mukha silang masaya at walang inaalala araw-araw, nagagawang umangkop sa mga sitwasyon saanman sila magpunta. Ang ilan ay mukha pa ngang hindi apektado at hindi napipigilan ng mga makamundong kaugalian o mga nakagawian ng ugnayang pantao, na siyang nagbibigay ng panlabas na impresyon na sila ay ekstraordinaryo at mas nakatataas sa pangkaraniwang mga tao. Pero sa katunayan, ang diwa nila ay tulad ng sa isang naglalakad na bangkay, isang bagay na walang kaluluwa. Iyong mga nananampalataya sa Diyos pero kayang iwan ang iglesia anumang oras ay hindi kailanman nananatili sa anumang bagay na ginagawa nila nang matagal—nakapagpapanatili lang sila ng isang panandaliang sigasig. Pero iba ang mga taong may konsensiya at katwiran. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, inaaral nila itong mabuti at sinisikap na gawin ito nang maayos. Nakapagsasakatuparan sila ng isang bagay at nakalilikha ng kaunting halaga. Sa isang banda, nakakamit nila ang pagkilala ng mga tao sa paligid nila, at kasabay nito, nakararamdam sila ng kumpiyansa sa kaibuturan nila, nakikitang kaya nilang gumawa ng isang bagay at na mga kapaki-pakinabang na tao sila, hindi mga taong walang silbi. Ito ang pinakamababang puwedeng kamtin ng isang tao na may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Pero para sa iyong mga nagpapaanod lang sa agos ng buhay, hindi nila kailanman iniisip ang tungkol sa mga bagay na ito. Saanman sila magpunta, pagkain, pag-inom, at pagsasaya lang ito. Sa panlabas, maaaring tila namumuhay sila nang napakalaya at napakaalwan, pero sa katunayan, walang iniisip ang gayong mga tao. Sa lahat ng ginagawa nila, hindi sila kailanman seryoso; palagi silang nagmamadali at nauudyukan ng panandaliang sigasig, kailanman ay walang naisasakatuparang anuman. Gusto nilang iniraraos lang ang buong buhay nila, at saanman sila magpunta, dala nila ang ganito ring saloobin—hindi eksepsiyon dito maging ang pananampalataya nila sa Diyos. Puwedeng makita mo na sa isang partikular na panahon, mukhang talagang seryoso sila sa paggawa ng tungkulin nila at nakapagtitiis sila ng paghihirap at nakapagbabayad ng halaga, pero sinuman ang tumutukoy sa mga problema nila o nagsasabi sa kanila kung paano gawin ang mga bagay-bagay, hindi nila ito kailanman sineseryoso at hindi talaga tinatanggap ang katotohanan. Ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay ayon sa kagustuhan nila—basta’t masaya sila, ayos lang sa kanila. At kung hindi sila masaya, umaalis sila para magsaya, hindi nakikinig sa payo ninuman. Sa puso nila, iniisip nilang, “Hindi ko naman kailanman pinlanong manampalataya sa diyos nang pangmatagalan.” Kung may magpupungos sa kanila, kaya nilang umalis agad. Isa ito sa mga pagpapamalas ng mga tao na kayang iwan ang iglesia anumang oras.

Iyong mga kayang iwan ang iglesia anumang oras ay may isa pang uri ng pagpapamalas. May ilang tao—gaano karaming taon man na silang nanampalataya sa Diyos, mukhang may pundasyon man sila o wala, at anumang tungkulin ang maaaring ginampanan nila dati—kapag nakatagpo sila ng isang espesyal na sitwasyon na may kinalaman sa mga personal nilang interes, ay puwedeng maglaho na lang bigla. Sa anumang oras, posibleng mawalan ng kontak ang ibang tao sa kanila, at hindi na sila makita sa iglesia, nang walang ideya kung ano ang nangyayari sa kanila. May ilang tao, kapag nakatatagpo sila ng isang tao sa kasalungat na kasarian na nagtatangkang akitin sila, ay tumitigil sa paggawa ng tungkulin nila at umaalis para makipag-date, tuluyang hindi na mahagilap. May iba rin na kapag umabot na sa edad ng pagpapakasal ang mga anak nila at nagiging abala sila sa pagsasaayos ng kasal ng mga anak nila, ay hindi na gumagawa ng tungkulin nila at hindi na lumalahok sa mga pagtitipon. Kahit sino pa ang maghanap sa kanila ay itinataboy nila. May ilang tao, kapag nagkasakit at naospital ang mga magulang o asawa nila, o kapag may isang malaking pangyayari o hindi inaasahang sakuna ang nangyayari sa bahay nila—kung tunay silang mga mananampalataya sa Diyos—nagbibigay sila ng paliwanag, sinasabing, “Nagkaroon ng ilang usapin sa bahay kamakailan na kailangan kong asikasuhin, kaya hindi ako nakadadalo sa mga pagtitipon. Kailangan kong humiling ng pagliban, at kung makahahanap kayo ng isang taong naaangkop, pakiusap, pansamantalang ipaako ninyo sa kanya ang aking tungkulin nang walang pagkaantala.” Kahit papaano, magbibigay sila ng kaunting abiso at paliwanag. Pero iyong mga kayang iwan ang iglesia anumang oras ay pinuputol ang kontak nila sa iglesia nang walang sabi-sabi, at paano man subukan ng mga kapatid, hindi sila makontak ng mga ito. Hindi sa walang paraan para makontak sila—makokontak sila sa anumang paraan—pero sadyang ayaw nilang makipag-ugnayan o tumugon sa mga kapatid. Sinasabi nila, “Bakit ko kailangang makipag-ugnayan sa iyo? Ginagawa ko ang tungkulin ko nang kusa; hindi ako binabayaran para dito. Kung gusto kong umalis, aalis ako! Kung may nangyayari sa bahay, personal na usapin ko na iyon. Hindi ako obligadong ipaalam sa iyo, at wala kang anumang karapatang malaman!” May ilang tao na umaalis nang isa o dalawang buwan, at pagkatapos ay bumabalik para mag-ulat nang hindi nahihiya, umaakto na parang walang anumang nangyari. May ibang umaalis nang dalawa o tatlong taon at ganap na hindi makontak. Ang mga tao sa iglesia, dahil hindi alam ang sitwasyon, ay nag-aakalang dahil maraming taon nang nanampalataya sa Diyos ang taong ito, imposibleng umalis ito sa iglesia. Ipinagpapalagay nila na baka may nangyaring hindi inaasahan at nag-aalala kung naaresto ba ito ng CCP. Sa katunayan, sadyang ayaw na ng taong iyon na manampalataya pa sa Diyos at umalis na ito nang hindi nagpapaalam sa mga kapatid. May ilang tao na umaalis nang humigit-kumulang sampung araw at pagkatapos ay bumabalik; hindi ibig sabihin nito na tumigil na silang manampalataya. May ilang tao na umaalis at pagkatapos ay nawawala sa loob ng dalawa o tatlong taon—masasabi ba ninyo na tumigil na silang manampalataya? (Oo.) Talaga ngang tumigil na silang manampalataya, at dapat silang alisin. Hindi ito isang karaniwang pag-alis; tumigil na sila sa pananampalataya. Mula sa perspektiba ng tao, tinatawag itong hindi na pagsampalataya. Paano ito tinitingnan ng Diyos? Sa paningin ng Diyos, tinatawag itong pagtatatwa sa Diyos, hindi pagsunod sa Diyos, at ito ay pagtanggi sa Diyos. Pero mula sa perspektiba nila, iniisip nilang, “Hindi ko tinanggihan ang diyos; nananampalataya pa rin ako sa diyos sa puso ko!” Kita mo? Binabalewala lang nila ito. Mayroon ding iba pa na tumitigil sa pagdalo sa mga pagtitipon at sa paggawa ng tungkulin nila dahil lang sa masama ang timpla nila o naiinis sila sa loob-loob nila, dahil sa tingin nila ay masyadong mahirap at nakakapagod ang paggawa ng tungkulin nila, o dahil napungusan sila nang kaunti. Umaalis sila nang hindi man lang ipinaliliwanag ang anuman tungkol sa kasalukuyang gawain nila, sinasabing, “Walang sinumang kokontak sa akin. Hindi ako masaya, at ayaw ko nang manampalataya!” Kapag naiinis sila, puwede itong magtagal sa loob ng isang taon o higit pa. Kakaiba talaga ang init ng ulo nila—hindi sila makaahon mula rito sa loob ng isang taon o higit pa! May ilang tao ang umaako sa gawain ng mga lider at manggagawa sa iglesia, pero hindi lang sila nabibigong gawin nang maayos ang gawain, walang pakundangan din silang gumagawa ng masasamang gawa, na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kalaunan, hindi sila inihahalal ng mga kapatid, at kinikilatis at inilalantad din sila sa pagbabahaginan. Kaya nagsisimula silang mag-isip, “Isa ba itong sesyon ng pamumuna laban sa akin? Hindi ko lang ginawa nang maayos ang gawain, gayong kalaking usapin ba talaga ito? Bakit sila nagbabahaginan at naglalantad laban sa akin nang ganito? Sa tanang buhay ko, hindi pa ako nakaranas ng ganitong kapighatian! Bago ako nanampalataya sa diyos, ako ang palaging bumabatikos sa iba; wala pang sinuman ang nambatikos sa akin. Kahit kailan ba ay nagtiis na ako ng gayong paghihirap dati? Pinag-iinitan ninyo akong lahat, pinahihiya ako. Hindi na ako mananampalataya!” Nang ganoon-ganoon lang, humihinto na sila sa pananampalataya. Iyong mga nagsasabi nito ay hindi lang mga kabataan—ang ilan ay walo o sampung taon nang nananampalataya sa Diyos at nasa mga kuwarenta o singkuwenta anyos na, pero nakapagsasalita pa rin sila ng gayong mga bagay kapag hindi sila masaya. Ang gayong mga tao ba ay may puwang para sa Diyos sa puso nila? Itinuturing ba nila ang pananampalataya sa Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay? Normal ang makaramdam ng medyo pagkanegatibo o mahina kapag napupungusan o nakararanas ng mga sakuna o kabiguan, pero hindi dapat ito magsanhi sa isang tao na hindi manampalataya sa Diyos. Ang gayong mga tao ay hindi mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos. Ang mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos ay kayang magpatuloy sa pananampalataya nila sa Diyos kahit inaresto at inusig pa sila—ang mga taong ito lang ang may patotoo. May ilang tao, kapag nakararanas ng kaunting natural na sakuna, kung hindi alam ng mga kapatid ang tungkol dito o medyo huli na nang nalaman ito at hindi sila natulungan sa oras, ay nagsisimulang isipin na, “Nahaharap ako sa mga paghihirap at walang pumapansin sa akin. Kung gayon, minamaliit nila ako! Walang silbi ang manampalataya sa diyos. Hindi na ako mananampalataya!” Dahil lang sa gayong kaliit na usapin, kaya nilang huminto sa pananampalataya sa Diyos. Ito ay isa sa mga pagpapamalas ng mga taong kayang iwan ang iglesia anumang oras.

May isa pang sitwasyon para sa iyong mga kayang iwan ang iglesia anumang oras. Ang CCP, para makuha sila sa panig nito, ay nag-aalok sa kanila ng magandang trabaho, sinasabi sa kanila, “Wala kang kinikita sa pananampalataya sa diyos. Anong kinabukasan ang posible mong makamit? Hinanapan ka namin ng posisyon sa isang banyagang kompanya na may mataas na buwanang sahod, magagandang benepisyo, at seguro sa trabaho. Wala kang kinabukasan sa pananampalataya sa diyos; mas mabuti pang magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay nang maginhawa.” Sa huli, iniiwan nila ang iglesia at pumapasok ng trabaho. Sinasabi ng isang tao, “Kahapon ay ginagawa pa ng taong ito ang tungkulin niya sa iglesia. Bakit siya nag-empake at umalis ngayon?” Magtatrabaho sila at kikita ng pera; hindi na sila nananampalataya sa Diyos. Umaalis sila nang walang sabi-sabi, at mula noon, humihiwalay na sila ng landas mula sa mga kapatid, nagiging mga tao na nasa ibang landas. Gusto nilang hangarin ang kasikatan at pakinabang, para umangat at sumikat, at hindi na sila nananampalataya sa Diyos. May mga tao rin na, habang nangangaral ng ebanghelyo, ay nakakikilala ng isang taong nagugustuhan nila, nagkakarelasyon dito, at umaalis para gugulin ang mga araw nila nang magkasama. Hindi lang sila tumitigil sa paggawa ng tungkulin nila, kundi tumitigil pa nga sila sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga magulang nila sa bahay ay wala pa ring alam, iniisip na ginagawa pa rin nila ang tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Sa katunayan, matagal na silang naglaho—malay mo, baka may mga anak na sila ngayon. Ang paggawa ng tungkulin ng isang tao ay napakahalaga, pero kaya pa nga nilang talikuran ang gayong kahalagang gawain tulad ng pangangaral ng ebanghelyo. Kapag may nakikilala silang isang tao na gusto nila, o isang tao na may gusto sa kanila, ang ilang simpleng nakakaakit at nakakaengganyong salita mula sa taong iyon ay sapat na para akayin sila palayo. Napakababaw at kaswal nila, kayang iwan ang Diyos at ipagkanulo ang Diyos anumang oras at saanmang lugar. Gaano karaming taon mang nanampalataya ang gayong mga tao sa Diyos o gaano karaming sermon man ang napakinggan nila, hindi pa rin nila nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Para sa kanila, ang pananampalataya sa Diyos ay sadyang hindi mahalaga, at ang paggawa ng tungkulin nila ay wala ring saysay—para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, pakiramdam nila ay wala silang magawa kundi gawin ang mga bagay na ito. Sa sandaling may personal na isyu o isyu sa pamilya, kaya nilang umalis nang ganoon-ganoon lang. Kapag nakararanas sila ng kaunting natural na sakuna, kaya nilang tumigil manampalataya nang ganoon-ganoon lang. Ang anumang bagay ay makagagambala sa pananampalataya nila sa Diyos; ang anumang isyu ay makapagdudulot sa kanila na maging negatibo at isuko ang tungkulin nila. Anong uri ng mga tao sila? Ang tanong na ito ay talagang nararapat pagnilayan nang mabuti!