Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27) Ikalawang Seksiyon
Sa iglesia, may ilang tao rin na mga Hudas, at palagi nilang sinusubukang magtanong tungkol sa kung magkano ang perang mayroon ang sambahayan ng Diyos at kung sino sa iglesia ang may pinakamalalaking handog. Sinasabi ng iba sa kanila, “Hindi puwedeng sabihin sa iyo ang usaping ito. Hindi magiging kapaki-pakinabang sa iyo ang malaman ito, at bukod pa rito, ang usaping ito ay hindi isang bagay na dapat mong itinatanong.” Pagkarinig nito, nagiging mapanlaban sila at sinasabing, “Lahat kayo ay nagbabantay laban sa akin, minamaliit ako, hindi ako tinatrato bilang isa sa mga kapatid; tinatrato ninyo ako na parang isang tagalabas. Alam ko kung kaninong bahay iniingatan ang pera ng iglesia. Iuulat ko kayo, at hahayaan kong kumpiskahin itong lahat ng pulisya—pagkatapos ay malalaman ko kung magkano ang perang mayroon!” Sa tuwing may nangyayari, gusto nilang ipagkanulo o iulat ang iba; pagdating lang sa mga kaguluhang idinulot ng mga huwad na lider, mga anticristo, at masasamang tao sa iglesia na hindi sila kailanman nag-uulat ng anuman. O, kahit kapag nakikita nila ang mga huwad na lider at anticristo na nagnanakaw o nangangamkam ng mga handog, hindi nila kailanman inilalantad o inuulat ang mga pagkilos na ito, ni hindi nila ito ipinaaalam sa sambahayan ng Diyos. Wala silang pakialam sa gayong mga usapin. Pero kung may sinumang kapatid ang gumagalit, nagpapasama ng loob, o nang-iinsulto sa kanila, aalis sila para iulat ito. O kung may ilang pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro nila, na nagdudulot sa kanila ng kahihiyan o naglalagay sa kanila sa mahirap na sitwasyon, nagsisimula silang mag-isip: “Iuulat kita! Sisiguraduhin kong mawawala sa iyo ang posisyon bilang lider ng iglesia, sisiguraduhin kong mabibigo ang gawain ng iglesia, sisiguraduhin kong babagsak ang iglesia!” Kita ninyo? Gusto nilang iulat ang lider ng iglesia kahit dahil dito. Sa ilang iglesia, napipili ang ilang tao na angkop sa paggawa ng tungkulin sa ibang bansa—pinahihintulutan ito ng mga pampamilya at pang-personal na kalagayan nila, natutugunan nila ang mga kinakailangan ng sambahayan ng Diyos, at sumasang-ayon ang lahat ng kapatid. Kapag nakikita ito ng mga taong iyon na mga Hudas, iniisip nilang, “Hindi kailanman nangyayari sa akin ang gayong magagandang bagay. Dapat ko kayong iulat! Sasabihin ko sa pulisya na may partikular na mga tao sa aming iglesia ang pupunta sa ibang bansa para gawin ang tungkulin nila. Sisiguraduhin kong hindi kayo makakaalis ng bansa. Ipaaaresto ko kayo sa malaking pulang dragon, o ipasasailalim ko kayo sa pagmamatyag ng gobyerno, para hindi man lang kayo makauwi sa inyong bahay!” Basta’t hindi makaalis ng bansa ang mga kapatid, nasisiyahan sila. Ano sa tingin ninyo—hindi ba’t mas malala pa ang kalikasan ng mga kilos ng gayong mga tao kaysa sa yaong mga minsanang nanggugulo at nanggagambala? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao ay isang malaking problema. Wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi talaga sila natatakot sa Diyos. Anuman ang sitwasyon o dahilan, basta’t hindi naaayon sa kagustuhan nila ang mga bagay-bagay, gusto nilang iulat ang iglesia at ipagkanulo ang mga kapatid—mga diyablo sila! Kapag natutuklasan ng iglesia ang gayong mga tao, dapat paalisin o patalsikin ang mga ito sa lalong madaling panahon para maiwasan ang problema sa hinaharap. Kung hindi ito pinahihintulutan ng kasalukuyang kapaligiran o kung hindi pa angkop ang mga kondisyon, dapat silang mahigpit na matyagan, pangasiwaan, at bantayan. Kapag pinahihintulutan ng mga kondisyon, ang mapapanganib na indibidwal na tulad nito ay dapat talagang hindi pagtimpian—paalisin o patalsikin sila nang maaga at sa lalong madaling panahon. Huwag hintayin hanggang ipagkanulo nila ang iglesia at magdulot ng mga kahihinatnan bago kumilos. Kapag ginawa nila ito at humantong ito sa mga tunay na kahihinatnan, magiging malaki ang mga kawalan. Sino ang nakakaalam kung ilang kapatid ang mawawalan ng tahanang mababalikan, o maaaresto at makukulong pa nga. Maraming kapatid ang maaaring hindi na magawa ang tungkulin nila o makapamuhay ng buhay iglesia. Magiging hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan. Kaya, kung, bilang mga lider at manggagawa, matutuklasan ninyo ang mga tao na mga Hudas sa iglesia, dapat ninyo silang paalisin o patalsikin sa maagap na paraan. Kung, bilang isa sa mga kapatid, matutuklasan mo ang gayong mga tao, dapat mong iulat ang mga ito sa mga lider at manggagawa ng iglesia sa lalong madaling panahon. Ang usaping ito ay may kinalaman sa seguridad ng mga kapatid sa iglesia, pati na rin sa seguridad mo. Huwag isiping, “Hindi pa naman talaga sila nakagagawa ng anumang pagkakanulo, kaya hindi ito isang malaking usapin; nagsasalita lang sila dala ng kasalukuyang galit.” Nagagalit ang lahat—may ilang tao, kapag galit, ay puwedeng makapagsabi ng ilang masakit na salita, bahagyang magmaktol, o maging negatibo nang ilang araw, pero hangga’t mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, natatakot sa Diyos sa puso nila, at may kaunting konsensiya at katwiran, pati na rin ng ilang pangunahing limitasyon sa pag-asal, hindi sila kailanman gagawa ng mga bagay na makapipinsala sa iba, anuman ang mangyari. Gayumpaman, iba ito para sa iyong mga likas na Hudas. Kaya nilang iulat ang iglesia at ang mga kapatid agad-agad nang walang pag-aalinlangan, palaging gustong gamitin ang mga puwersa ni Satanas para bantaan ang mga kapatid at ang iglesia para makamit ang mga layon nila. Ang mga taong ito ay kaalyado ng masasamang demonyo—wala silang mga batayang limitasyon pagdating sa pag-asal. Kaya, dapat maging lalong mapagbantay kapwa ang mga lider ng iglesia at ang mga kapatid hinggil sa mga may kakayahang iulat ang iglesia agad-agad nang walang pag-aalinlangan. Kung may sinumang makatutuklas sa gayong mga tao na hindi makatwiran, sadyang mapanggulo, at hindi tinatablan ng katwiran, dapat kaagad niyang iulat ang mga ito sa mga lider at manggagawa, at pagkatapos ay obserbahan at pangasiwaan ang mga ito. Kung matutuklasan ng mga lider ng iglesia ang gayong mga tao, dapat magkaroon sila ng isang plano para pangasiwaan at lutasin ang sitwasyon sa lalong madaling panahon. Dapat nilang protektahan ang mga kapatid, at protektahan ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia mula sa pamiminsala at panggugulo ng gayong mga indibidwal. Huwag ipagpalagay na kapag sinabi ng gayong mga tao na iuulat nila ang iglesia o ang mga kapatid na, isang bagay lang ito na nasabi dala ng galit noong sandaling iyon, at kaya hindi ka na mag-iingat laban sa kanila. Sa totoo lang, ang katunayang madalas nilang sinasabi ang gayong mga bagay ay nagpapatunay na ang ideyang ito ay nasa isipan na nila. Kung ganito sila mag-isip, kaya nilang isagawa ito. Minsan, matapos sabihing “Iuulat kita,” puwedeng hindi nila ito gawin, pero sino ang nakakaalam kung kailan talaga nila puwedeng ituloy na gawin ito. Kapag ginawa nila ito, magiging hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan. Kaya, kung palagi mong tinatrato ang mga salita nilang “iuulat kita,” bilang isang bagay na nasabi lang dala ng galit, mangmang at hangal ka. Nabigo kang kilatisin ang diwa ng kanilang pagkatao sa pamamagitan ng mga salitang ito, at ito ay isang pagkakamali. Puwede nilang sabihing “iuulat kita” para bantaan ang iba agad-agad nang walang pag-aalinlangan—ito ay ganap na hindi isang simpleng galit na pahayag; ipinapakita nito na mayroon silang kalikasan ni Hudas at wala silang mga batayang limitasyon pagdating sa pag-asal. Anong uri ba ng buhong ang isang tao na walang batayang limitasyon pagdating sa pag-asal niya? Ang uri na walang konsensiya at walang pagkamakatwiran. Kapag walang konsensiya, kaya nilang gumawa ng anumang masamang gawa, at kapag walang pagkamakatwiran, kaya nilang kumilos nang lampas sa mga hangganan ng pagkamakatwiran, ginagawa ang lahat ng uri ng kahangalan. Posibleng pagkatapos iulat ang iglesia at makitang inaresto ang mga kapatid at nasira ang gawain ng iglesia, puwede silang lumuha at magpahayag ng pagsisisi. Pero ang mga hindi makatwiran at sutil na mapanggulong mga taong ito ay kumikilos nang walang pagkamakatwiran; kapag nahaharap sa isang katulad na sitwasyon sa hinaharap, iuulat pa rin nila ang iglesia. Hindi ba’t ipinakikita nito ang isang problema sa kanilang kalikasan? Ito mismo ang kalikasang diwa nila. May ilang lider ng iglesia ang naniniwala pa rin na ang sinasabi nila ay isang bagay lang na nasabi sa isang sandali ng pagkagalit, at na hindi masama ang kalikasan nila. Akala ng mga ito na hindi ito isang natural na pagbubunyag ng pagkatao nila at hindi kumakatawan sa pagkatao nila. Mali ba ang pananaw na ito? (Oo.) Kahit hindi sila karaniwang nagpapakita ng pag-uugali na ubod ng samang karakter, ang katunayang madalas nilang sinasabi na iuulat nila ang mga kapatid, at na ang kaliit-liitang bagay na makapagpapasama ng loob nila ay puwedeng mag-udyok sa kanila para isiping iulat ang mga ito, ay sapat na para patunayang mababa at ubod ng sama ang karakter nila, at na hindi sila mapagkakatiwalaan. Ang gayong mga tao ay walang konsensiya o katwiran. Kumikilos sila paano man nila gustuhin, ginagawa ang anumang gustuhin nila batay sa sarili nilang mga interes at kagustuhan, nang walang anumang mga limitasyon ng konsensiya. Ang gayong mga tao ay dapat pangasiwaan sa pamamagitan ng pagpapaalis, at hindi sila kailangang pakitaan ng kaluwagan, dahil hindi sila mga bata; mga nasa hustong gulang sila at dapat na alam nila ang mga kahihinatnan ng pag-uulat nila ukol sa mga kapatid at sa iglesia. Alam na alam nilang ito ang pinakamalupit na hakbang, ang pinakaepektibong hakbang. Nakikita nila ito bilang kanilang alas, ang pinakamainam na paraan para maghiganti sa mga kapatid at sa iglesia. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t masasamang diyablo ang gayong mga tao? (Oo.) Kaya bakit magpapakita ng kaluwagan sa masasamang diyablo? Kailangan mo pa bang hintayin na makita silang hayagang itinuturo sa malaking pulang dragon ang mga kapatid at ang mga pamilyang nagpapatuloy bago mo kilalanin na mga Hudas sila? Sa oras na makita mo ang mga katunayang ito at matukoy ang mga ito, magiging sobrang huli na. Sa katunayan, nalantad na ang kalikasang diwa nila sa sandaling nagsimula silang magsisigaw tungkol sa pag-uulat sa iglesia kapag nahaharap sila sa ilang isyu. Huwag hintaying kumilos sila para kilatisin at paalisin sila—magiging sobrang huli na iyon. Kung walang sinuman—maging lider ng iglesia o kapatid—ang nakarinig sa kanilang magsalita tungkol sa pag-uulat ukol sa mga kapatid at walang sinuman ang nakakikilala sa kanila nang mabuti, at kapag napukaw ang galit o napasama ang loob nila ng isang tao ay iniuulat nila ito, kaya walang magawa ang mga kapatid kundi ang magtago at umiwas sa panganib, at ang ilan na gumagawa ng tungkulin nila ay kailangang mabilis na lumipat ng lugar, kung ganoon, sa gayong sitwasyon, hindi mo masisisi ang mga kapatid sa pagiging hangal at hindi makakilatis sa kanila. Pero kung madalas nilang sinasabi na iuulat nila ang mga kapatid at hindi pa rin sila sineseryoso ng mga kapatid, magiging tunay na kahangalan iyon. Pagkarinig ng napakaraming katotohanan, hindi pa rin nila makilatis ang mga tao—hindi ba’t magulo ang isip nila? (Oo.) Para sa iyong mga puwedeng maging isang Hudas anumang oras, huwag isiping ang pagkakanulo nila ay dahil sa pagkakaunawa nila nang kaunti sa katotohanan, o dahil nanampalataya sila sa Diyos sa loob ng maikling panahon, o dahil sa iba pang dahilan. Wala sa mga ito ang dahilan. Sa ugat nito, ito ay dahil ubod ng sama ang karakter nila; sa kaibuturan nila, ang diwa nila ay sa masasamang tao. Ang pagkilatis at pagtukoy sa kanila nang ganito, at pagkatapos ay pagpapaalis sa kanila o pagpapatalsik sa kanila bilang masasamang tao, ay ganap na tama. Ang paggawa nito ay nagpoprotekta sa mga kapatid, at kasabay nito ay nagpoprotekta rin ito sa gawain ng iglesia mula sa pagkapinsala. Responsabilidad ito ng mga lider at manggagawa ng iglesia. Samakatwid, dapat na agad na magbantay ang mga lider at manggagawa laban sa gayong mga tao at pangasiwaan ang mga ito, at pagkatapos ay dapat silang makipagbahaginan sa mga kapatid para makilatis ang mga ito ng lahat. Dapat silang magsikap na paalisin ang gayong mga tao bago magtagumpay ang mga pakana ng mga ito, para maiwasan ang anumang problema para sa mga kapatid o sa iglesia. Ito ang pagkilatis at ang mga prinsipyo ng pangangasiwa sa mga usapin na dapat mayroon ang mga lider at manggagawa kapag nahaharap sa gayong mga tao, at ganito sila dapat magsagawa sa gayong mga sitwasyon. Malinaw ba ito? (Oo.) Siyempre, pinakamainam na pangasiwaan ang gayong mga tao sa isang matalinong paraan, tinitiyak na ang pagpapaalis sa kanila ay hindi magdudulot ng problema sa iglesia sa hinaharap. Kung ang pangangasiwa sa isang natatagong banta ay hahantong sa mas marami pa kalaunan, ang lider ng iglesia na gumagawa nito ay labis na walang kakayahan at napakalayo sa pamantayan; hindi niya alam kung paano gawin ang gawain, at wala siyang karunungan. Sa kabilang banda, kung kayang pangasiwaan ng isang lider ng iglesia ang natatagong banta sa isang paraan na maiiwasan ang masasamang kahihinatnan, makikinabang ang gawain ng iglesia, at makatutulong din sa mga kapatid na lumago sa pagkilatis, iyon ay tunay na pagkaalam kung paano gawin ang gawain. Ang ganitong uri ng lider o manggagawa lang ang pasok sa pamantayan.
Kung makakatagpo ang isang lider o manggagawa ng mga taong kayang ipagkanulo ang iglesia pero hindi niya makilatis o maramdaman kung anong uri ng pagkatao mayroon ang mga ito o kung anong uri ng problema ang maidudulot ng mga ito sa iglesia at sa mga kapatid, hindi malinaw sa puso niya ang tungkol sa lahat ng bagay na ito, at hindi niya alam kung paano niya dapat tratuhin o pangasiwaan ang ganitong mga tao, kung paano gawin ang gawaing ito, o maging kung ito ba ay gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa—o, kahit alam pa niya pero ayaw niyang salungatin ang gayong mga tao at sadyang nagbubulag-bulagan sa usaping ito, nang hindi pinapaalis o pinatatalsik ang mga ito—anong uri ng lider o manggagawa iyon? (Isang huwad na lider o manggagawa.) Hindi siya pasok sa pamantayan bilang isang lider o manggagawa. Sa isang banda, hangal niyang sinusubukang tulungan ang lahat, nagpapakita ng pagmamahal at pasensya sa lahat, at tinatrato silang lahat bilang mga kapatid. Ito ay isang tao na may magulong isipan, isang huwad na lider o huwad na manggagawa. Bukod pa rito, kapag natutuklasan niya ang mga tao na mga Hudas sa iglesia, wala siyang ginagawa para kaagad na pangasiwaan o lutasin ang isyu. Sa halip, nagbubulag-bulagan siya, nagkukunwaring walang napapansing anuman. Sa puso niya, iniisip niyang, “Basta’t hindi nalalagay sa panganib ang sarili kong katayuan, ayos na. Wala akong pakialam sa gawain ng iglesia, sa seguridad ng mga kapatid, o sa mga interes ng sambahayan ng diyos. Basta’t okupado ko ang posisyong ito at nakararanas ako ng kasiyahan araw-araw, iyon lang ang kailangan ko.” Wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain, at kapag nakakakita siya ng mga problema, hindi niya nilulutas ang mga ito; tinatamasa lang niya ang mga pakinabang ng katayuan niya. Huwad na lider ba ito? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may isang uri ng tao na kayang magkanulo anumang oras na naghahari-harian sa iglesia sa loob ng mahabang panahon, palaging nagbabantang iuulat ang iglesia at ang mga kapatid. Nakikita ito ng ilang huwad na lider pero wala silang ginagawa. Kahit pa may mag-ulat sa indibidwal na ito at pinangasiwaan ito ng mga nakatataas na lider sa pamamagitan ng pagpapaalis dito, hindi pa rin ito sineseryoso o pinag-iisipan ng mga huwad na lider. Iniisip nila, “Hayaan silang iulat kung sinumang gustuhin nila. Basta’t hindi nila ako inuulat o hindi ito nakaaapekto sa papel ko bilang isang lider ng iglesia, ayos lang.” Ang ganitong uri ng lider o manggagawa ba ay isang huwad na lider o manggagawa? (Oo.) Inookupa lang niya ang posisyon niya para tamasahin ang mga kapakinabangan nito nang walang ginagawang anumang tunay na gawain, napapansin ang isang taong kayang ipagkanulo ang mga kapatid anumang oras pero nabibigong paalisin o patalsikin ito—siya ay isang huwad na lider, at dapat kaagad na tanggalin sa kanyang tungkulin. May ilang huwad na lider, matapos matanggal, ang nananatiling palaban. Sinasabi nila, “Anong karapatan ninyong tanggalin ako? Dahil lang ba sa hindi ko pinaalis ang taong iyon? Hindi ba matatapos ang isyu kung kayo na lang mismo ang nagtanggal sa kanya? Bukod pa rito, sinabi lang niya na iuulat niya ang mga kapatid, hindi naman niya talaga ito ginawa. At wala naman siyang idinulot na anumang kaguluhan sa iglesia. Bakit siya pangangasiwaan?” Pakiramdam pa nga nila na sobrang naagrabyado sila. Wala silang ginagawang anumang tunay na gawain; tinatamasa lang nila ang mga pakinabang ng katayuan nila, at kapag may lumilitaw na halatang Hudas sa iglesia, hindi nila ito pinangangasiwaan o pinapaalis. May ilang kapatid ang palaging natatakot, sinasabing, “May Hudas sa atin, palaging nagbabantang iuulat ang mga kapatid—napakamapanganib nito! Kailan papaalisin ang taong ito?” Paulit-ulit nilang sinasabi ang isyung ito sa lider ng iglesia, pero hindi ito hinaharap ng lider, sa halip ay sinasabing, “Wala iyon. Isa lang itong personal na alitan, wala itong kinalaman sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga kapatid.” Hindi nila pinangangasiwaan ang usapin. Ano ang tanging gawaing ginagawa nila? Ang isang uri ay ang gawaing itinalaga sa kanila ng mga nakatataas na lider, na wala silang magagawa kundi ang gawin ito. Ang isa pa ay ang uri kung saan ang hindi paggawa sa gawain ay makakaapekto o makapaglalagay sa panganib sa kanilang katayuan, sa gayong kaso ay may pag-aatubili nilang ginagawa ang ilang gampanin na nagpapaganda sa imahe nila. Pero kung hindi apektado ang katayuan nila, iniiwasan nila ang gawain hangga’t kaya nila. Isa ba itong huwad na lider? (Oo.) Kapag talagang nahaharap sa isang partikular na kapaligiran o sa pagkakaaresto, sila ang unang tumatakbo para magtago, iniisip lang ang sarili nilang seguridad, walang pakialam kung ligtas ba ang mga kapatid, at hindi nila pinoprotektahan ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Anuman ang ginagawa nila, ang lahat ng ito ay para lang mapanatili ang sarili nilang katayuan. Basta’t hindi sila tinatanggal ng ang Itaas, at basta’t iboboto pa rin sila ng mga kapatid sa susunod na halalan at mananatili silang lider, may pag-aatubili nilang gagawin ang ilang gawain. Kung may ginagawa sila na puwedeng makaapekto sa kung paano sila nakikita ng ang Itaas, na puwedeng magdulot sa ang Itaas na tanggalin sila, o kung ang mga kilos at pagpapamalas nila ay makapagdudulot na magkaroon ng masamang impresyon sa kanila ang mga kapatid at hindi na sila muling ihalal, susubukan nilang isalba ang imahe nila sa pamamagitan ng paggawa ng kahit kaunting gawain na mismong nasa harap na nila. Sa ganitong paraan, makapagpapaliwanag sila sa mga nasa itaas at ibaba nila—sa Diyos lang sila hindi makapagpapaliwanag. Pagpapakitang-tao lang ang lahat ng ginagawa nila. Hangga’t hindi sila tinatanggal ng mga nakatataas na lider, at patuloy silang sinusuportahan ng mga kapatid, nakokontento na sila. Sa panahon ng panunungkulan nila bilang lider ng iglesia, hindi sila gumagawa ng malaking kasamaan, at sa panlabas ay tila palagi silang abala sa gawain, pero wala silang anumang ginagawang tunay na gawain. Lalo na kapag nakikita nila ang masasamang tao na gumugulo sa iglesia, wala silang ginagawa. Takot silang mapasama ang loob ng masasamang taong ito, kaya’t sinusubukan nilang mapahinahon ang mga ito at makipagkasundo sa mga ito hangga’t maaari, hinahangad lang na mapanatili ang pagkakasundo. Ayaw nilang salungatin ang sinuman; kahit pa ginugulo ng mga taong ito ang gawain ng iglesia o pinagbabantaan ang seguridad ng mga kapatid, wala silang ginagawa. Ito ay isang huwad na lider sa pinakatunay na kahulugan ng salita.
Para sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, kung paulit-ulit silang pinapaalalahanan ng mga kapatid, hinihingi sa kanilang lutasin ang mga problema, at wala pa rin silang ginagawang tunay na gawain, hindi nilulutas ang mga tunay na problema, at hindi itinatama ang mga pagkakamali, dapat ninyo itong iulat pataas. Kung hindi tinutugunan ng mga nakatataas na lider at manggagawa ang isyu, dapat kayong mag-isip ng anumang posibleng paraan para tanggalin ang mga huwad na lider na ito. Sa katunayan, nasabi Ko na ang mga salitang ito sa loob ng maraming taon, pero karamihan sa mga tao sa ibaba ay mga alipin na mas pipiliing magdusa ng kaunting personal na kawalan at magtiis ng kaunting pinsala kaysa sumalungat ng iba. Anuman ang sitwasyon, sila ay palaging walang pinipiling panig at kumikilos bilang mga mapagpalugod ng mga tao, hinding-hindi sumasalungat sa kaninuman. Ano ang kapalit ng hindi pagsalungat sa mga tao? Ito ay ang pagsasakripisyo sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot sa pagkapinsala ng mga interes ng sambahayan ng Diyos at panggugulo sa mga kapatid. Kung hindi mapapangasiwaan ang masasamang tao, marami sa mga gumagawa ng tungkulin nila ang maaapektuhan. Hindi ba’t katumbas ito ng pagiging apektado ng gawain ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Kapag naapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, walang sinuman ang nakararamdam ng pagkabalisa o pag-aalala, kaya’t sinasabi Ko na karamihan sa mga tao ay nagsasakripisyo sa gawain at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos para mapanatili ang pagkakasundo at magandang pakikisama sa iba. Iniiwasan nilang salungatin ang mga lider at ang mga kapatid; wala silang sinasalungat na sinuman. Ang lahat ay umaasta bilang mga mapagpalugod ng mga tao. Ang pag-iisip nila ay: “Mabuti ka, mabuti ako, mabuti ang lahat—kung tutuusin, palagi nating nakikita ang isa’t isa.” At ano ang resulta? Pinahihintulutan nito ang masasamang tao na samantalahin ang sitwasyon; paulit-ulit silang naghahari-harian, ginagawa ang anumang gustuhin nila. Kaya, kung ang mga lider ng iglesia ay hindi maaasahan at hindi inaalis ang masasamang tao, dapat mag-isip ang mga kapatid ng anumang posibleng paraan para protektahan ang sarili nila; dapat nilang iwasan, layuan, at ibukod ang masasamang tao kapag nakikita nila ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao na, “Kung ibubukod natin sila at nagalit sila, hindi ba’t iuulat nila ulit tayo?” Kung talagang iniulat nila kayo, matatakot ka ba? (Hindi. Ibubunyag sila nito bilang masasamang tao.) Kung iniulat ka nilang muli, lalo lang nitong pinatutunayan na sila ay mga likas na Hudas, masasamang diyablo. Hindi ka dapat matakot sa kanila. Kung ang mga lider at manggagawa ay bulag at hindi nakakikilatis ng mga bagay-bagay, magulo ang isipan, at walang silbi, o kung sila ay hindi nakapagpapasya, hindi sumasalungat sa sinuman, nagpapasasa lang sa mga pakinabang ng kanilang katayuan nang hindi gumagawa ng tunay na gawain, hindi na sila dapat asahan ng mga kapatid. Dapat magkaisa ang mga kapatid para pangasiwaan ang masasamang tao at alisin ang mga Hudas ayon sa mga prinsipyo. Maaaring kailanganin nilang baguhin ang lugar ng pagtitipon o gumamit ng isang matalinong paraan para alisin ang mga ito at maiwasang mabagabag ng mga taong ito. Ang pagtitiyak sa normal na paggana ng buhay iglesia at normal na pag-usad ng lahat ng gawain sa iglesia ay ang pinakamahalagang bagay. Kung ang isang lider ng iglesia ay gumagawa ng tunay na gawain, may sapat na kakayahan, at talagang mabuti rin ang kanyang pagkatao, basta’t isinasagawa niya ang gawain niya nang naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain, dapat siyang sundin ng lahat. Kung hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, hindi siya dapat pakitunguhan o asahan. Sa panahong iyon, ang mga problema ay dapat lutasin nang naaayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Kung kailangan tanggalin ang lider, dapat siyang tanggalin; kung kinakailangang ulitin ang halalan, isagawa ito. Kung hindi pinoprotektahan ng huwad na lider na ito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi tinitiyak ang seguridad ng kapaligiran kung saan ginagawa ng mga kapatid ang kanilang tungkulin, at walang pakialam sa seguridad ng mga kapatid, hindi siya pasok sa pamantayan; siya ay walang kakayahan, isang malaking piraso lang ng basurang walang silbi—hindi dapat makinig ang mga kapatid sa kanya o magpapigil sa kanya. Ang sinumang mga lider at manggagawa na hindi kayang alisin ang mga Hudas sa tuwing kinakailangan ay mga huwad na lider at huwad na manggagawa; ang gayong mga huwad na lider at huwad na manggagawa ay dapat pangasiwaan sa paraang inilarawan sa itaas. Kung hindi sila kaagad na haharapin, ang lahat ng kapatid ay ipagkakanulo ng mga Hudas, at titigil ang iglesia sa pag-iral. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikawalong pagpapamalas: “Ang pagkakaroon ng kakayahang magkanulo anumang oras.”