Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (27) Unang Seksiyon

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksa ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo hanggang sa ikalabing-apat na responsabilidad, at mayroon pa ring ilang sekondaryang paksa sa ilalim ng responsabilidad na ito na hindi pa napagbahaginan. Bago tayo magbahaginan, una, balikan natin kung ilang responsabilidad mayroon ang mga lider at manggagawa. (May labinlima.) Sige at basahin mo ang mga ito.

(Ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa:

1. Akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.

2. Maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na nararanasan nila sa tunay nilang buhay.

3. Ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan para magampanan nang maayos ang bawat tungkulin.

4. Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na iayos ang tungkulin nila o tanggalin sila kung kinakailangan, para maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.

5. Panatilihing mayroong napapanahong pagka-arok at pang-unawa tungkol sa estado at pag-usad ng bawat aytem ng gawain, at magawang agarang lutasin ang mga problema, itama ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga kapintasan sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad.

6. Iangat at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay magkaroon ng pagkakataon na magsanay at pumasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon.

7. Magtalaga at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, upang ang bawat isa ay magamit sa pinakamainam na paraan.

8. Agarang iulat at hanapin kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain.

9. Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.

10. Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksiyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang mabawasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, iwasang angkinin ng masasamang tao ang mga ito.

11. Pumili ng mga maaasahang taong may pagkataong pasok sa pamantayan lalo na para sa gampanin ng sistematikong pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog; regular na suriin at tingnan kung tama ba ang mga papasok at papalabas nang sa gayon ang mga kaso ng paglulustay o pagwawaldas, pati na ang mga hindi makatwirang paggastos, ay matukoy kaagad—ipatigil ang gayong mga bagay at humingi ng makatwirang kabayaran; dagdag pa rito, iwasan, sa anumang paraan, na mapasakamay at makuha ng masasamang tao ang mga handog.

12. Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.

13. Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.

14. Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.

15. Protektahan ang iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas upang matiyak na makauusad nang may kaayusan ang iba’t ibang mahalagang aytem ng gawain.)

Narinig ba ng lahat nang malinaw ang lahat ng labinlimang responsabilidad na ito? (Oo.) Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Kung gayon, paano mo makikilatis ang iba’t ibang uri ng masasamang tao? Ang unang pamantayan ay batay sa intensiyon nila sa pananampalataya sa Diyos. Sa ilang punto natin hinati-hati ang mga intensiyon ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Hinati-hati natin ang mga ito sa siyam na punto: Ang unang punto ay para matugunan ang pagnanais ng isang tao na maging isang opisyal; ang ikalawa ay para hanapin ang kasalungat na kasarian; ang ikatlo ay para makaiwas sa mga sakuna; ang ikaapat ay para makibahagi sa oportunismo; ang ikalima ay para maging palamunin ng iglesia; ang ikaanim ay para maghanap ng kanlungan; ang ikapito ay para maghanap ng tagasuporta; ang ikawalo ay para hangarin ang mga pampolitikang pakay; at ang ikasiyam ay para magmanman sa iglesia. Ito ay pagkilatis sa diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao batay sa kanilang mga intensyon at pakay sa pananampalataya sa Diyos. Ang ikalawang pamantayan ay para sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng mga tao na kailangang paalisin o patalsikin batay sa mga pagpapamalas ng kanilang pagkataong diwa sa iba’t ibang aspekto. Ilang pagpapamalas ang sangkot sa pamantayang ito? Una, pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan; pangalawa, pagkahilig na manamantala; pangatlo, pagiging imoral at walang pagpipigil; pang-apat, pagiging mahilig sa paghihiganti; panlima, hindi magawang makontrol ang sariling dila; pang-anim, pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, nang walang sinumang naglalakas-loob na galitin sila; pampito, ang palagiang pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad; pangwalo, pagkakaroon ng kakayahang magkanulo anumang oras; pansiyam, pagkakaroon ng kakayahang umalis anumang oras; pansampu, pag-aalinlangan; panlabing-isa, pagiging duwag at mapaghinala; panlabindalawa, pagiging mahilig maghanap ng gulo; panlabintatlo, pagkakaroon ng isang komplikadong pinagmulan. May labintatlong pagpapamalas sa kabuuan. Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay ang “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Ang mga isyu kaugnay sa unang pamantayan—ang intensiyon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos—ay napagbahaginan na. Napagbahaginan na rin natin ang unang pitong isyu ng kanilang pagkatao, na siyang ikalawang pamantayan. Ngayon, magsisimula tayong magbahaginan mula sa ikawalong pagpapamalas ng kanilang pagkatao: “Pagkakaroon ng kakayahang magkanulo anumang oras.”

Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikaanim na Bahagi)

Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao

H. Pagkakaroon ng Kakayahang Magkanulo Anumang Oras

Iyong mga hayagang nagpapamalas ng kakayahang ipagkanulo ang iglesia anumang oras—kaya ninyong tukuyin ang mga ganitong uri ng tao, tama? Napakalubha ba ng problema sa ganitong mga tao? (Oo.) May ilang tao na ipinagkakanulo ang iglesia dahil duwag sila, samantalang ginagawa naman ito ng iba dahil sa kanilang masamang pagkatao o iba pang mga isyu. Anuman ang dahilan, ang katunayang may kakayahan ang ganitong uri ng mga tao na ipagkanulo ang mga kapatid at ipagkanulo ang Diyos anumang oras ay nagpapakita na hindi sila maaasahan. Kung makakakuha sila ng ilang mahalagang impormasyon tungkol sa iglesia o personal na impormasyon tungkol sa mga kapatid, tulad ng kung saan nakatira ang mga kapatid, kung sino ang mga lider ng iglesia, anong gawain ang kinasasangkutan ng iglesia, o sino ang gumagawa ng mahahalagang trabaho at tungkulin, puwede nilang isiwalat ang impormasyong ito kapag lumitaw ang panganib o sa partikular na espesyal na mga sitwasyon, ipinagkakanulo ang iglesia at ang mga kapatid. Ang isang dahilan na puwede nilang gawin ito ay para protektahan ang sarili nila at tiyakin ang sarili nilang seguridad. Sa kabilang banda, puwedeng sadya silang kumilos nang ganito, hindi seryosong tinatrato ang impormasyong ito at may kakayahang isiwalat ito at magkanulo anumang oras kapalit ng pansariling kapakinabangan. Halimbawa, may ilang tao na inaresto ng malaking pulang dragon, at sa oras ng interogasyon, binabantaan, inaakit, o pinahihirapan pa nga sila ng malaking pulang dragon para pilitin silang umamin, sinasabi sa mga taong ito na kung magsasalita sila ay palalayain sila, kaya ipinagkakanulo nila ang lahat ng impormasyong alam nila tungkol sa mga kapatid at sa iglesia kapalit ng sarili nilang kalayaan. Ang mga ganitong uri ng tao ay mga tipikal na Hudas. Sabihin ninyo sa Akin, paano dapat tratuhin at pangasiwaan ang uri ng mga tao na mga tipikal na Hudas? (Ang ganitong uri ng mga tao ay dapat kaagad na patalsikin at sumpain din.) Kadalasan, ang mga tipikal na Hudas na ito—sinasadya man o hindi sinasadya—ay nagtatanong o nagkakamit ng kaalaman tungkol sa partikular na mga sitwasyon ukol sa iglesia at tinatandaan ito. Kalaunan, kapag nangyayari sa kanila ang ilang sitwasyon at sila ay inaresto, ipinagtatapat nila ang impormasyong ito. Sa panlabas, maaaring tila hindi para sa intensiyon ng sadyang pagtatapat ng impormasyon sa malaking pulang dragon ang mga pagtatanong at pag-alam nila tungkol sa mga detalyeng ito, pero kapag naaresto sila, hindi nila mapigilan ang sarili nila. Dahil dito, nagdudulot ang pagtatapat nila ng ilang masamang kahihinatnan sa iglesia. Kaya, ang mga kaswal na pagtatanong at pag-alam nila tungkol sa mga partikular na bagay na ito ay hindi maituturing na ordinaryong pakikipag-usap o pakikipagdaldalan; sa halip, ginagawa nila ito nang sadya at may pakay. Inihahanda nito ang mga kondisyon para maging mga Hudas sila kalaunan. Malulutas ba ang problema ng mga taong kaswal na nagkakanulo sa impormasyon ng iba sa pamamagitan ng gayong mga pamamaraan tulad ng pakikipagbahaginan ng katotohanan o pagbibigay sa kanila ng mga babala? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil ang ganitong uri ng mga tao ay walang konsensiya at katwiran, at hindi nila tatanggapin ang katotohanan, at walang silbi ang pakikipagbahaginan sa katotohanan sa kanila.) Paano dapat pangasiwaan ang ganitong uri ng masamang tao na kayang kaswal na maminsala ng iba? Mayroon lang isang solusyon, ang paalisin sila, dahil ang ginawa nila ay hindi lang nakapamiminsala sa mga kapatid, kundi nakagugulo rin sa gawain ng iglesia. Matutukoy ang ganitong uri ng pag-uugali bilang pagkakanulo sa mga kapatid at sa iglesia, kaya’t ang ganitong mga uri ng tao ay kailangang paalisin o patalsikin. Bagaman ang mga ganitong uri ng tao ay hindi matutukoy bilang mga anticristo, may sapat na mga dahilan para matukoy sila bilang masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Samakatwid, ang pagpapaalis sa ganitong uri ng mga tao ay ganap na naaayon sa mga prinsipyo. Ang mga taong ito ay hindi interesado sa katotohanan; mahilig lang silang magtanong-tanong kung saan-saan tungkol sa mga detalye ng mga lider at manggagawa, gayundin sa mga detalye ng partikular na mga kapatid. Ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos at hindi pa nakauunawa ng maraming katotohanan—pero nakapangalap na sila ng marami-raming impormasyon tungkol sa mga pamilya ng mga lider at manggagawa at ng mga kapatid. Sinumang kapatid ang mabanggit, makapagbabahagi sila ng ilang detalye tungkol sa mga ito, na talagang ikinagugulat ng iba. Bagaman hindi sila mga lider o manggagawa, palagi silang masigasig na nagtatanong tungkol sa partikular na mga panloob na usapin ng iglesia, tulad ng gawaing administratibo, mga pinuno ng iba’t ibang estruktura, at ilang trabahong kaugnay sa mga panlabas na usapin. Madalas silang nagtatanong kung sino ang pumunta sa kung saang mga lugar para gawin ang mga tungkulin ng mga ito at kung kailan umalis ang mga ito, kung sino ang iniangat, kung sino ang tinanggal, at kung paano umuusad ang partikular na mga aspekto ng gawain ng iglesia. Pagkatapos magtanong tungkol sa mga bagay na ito, ikinakalat nila ang impormasyon kung saan-saan. Ang mas kasuklam-suklam pa ay na may ilang tao na isinusulat ang impormasyong nakalap nila pagkatapos magtanong tungkol dito. Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon silang mga lihim na motibo? (Oo.) Kapag itinatala ang sarili nilang mga usapin sa bansa ng malaking pulang dragon, alam nilang gumamit ng code o sikretong lengguwahe, pero kapag itinatala ang impormasyon ng iba, hindi sila gumagamit ng isang pamamaraan na nagpapakita ng kahit kaunting karunungan, sa halip ay itinatala lang ang tunay na mga pangalan, hitsura, edad, numero ng telepono, at iba pang detalye ng mga kapatid. Hindi ba’t naglalayon silang magkanulo? May masasamang intensyon sila at talagang nilalayon nilang magkanulo. Kapag may nangyaring mapanganib na bagay at nakumpiska ng pulisya ang impormasyong itinala nila, kailangan lang ng pulisyang pagbantaan at takutin sila nang hindi man lang gumagamit ng pagpapahirap; at kaagad nilang ipinagtatapat ang lahat nang detalyado, nang walang itinatagong anuman. Para sa mga bagay na nakalimutan na nila, pinipiga pa nga nila ang mga utak nila para makaalala, at sa sandaling may naalala sila, kaagad nilang sinasabi ito sa pulisya. Dinadala pa nga nila ang pulisya sa tahanan ng mga kapatid, sa tahanan ng mga lider at manggagawa, at sa tinutuluyan ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin para maaresto ang mga ito. Sa palagay ninyo, hindi ba’t lubos na ubod ng sama ang ganitong uri ng mga tao? (Oo.) Bago nila ipagkanulo ang iba, mukhang hindi sa isang masamang tao ang pag-uugali nila, lalong hindi sa isang anticristo—puwedeng sadyang mga pagpapamalas ang mga ito ng isang karaniwang tiwaling tao—pero kapag naaresto na sila, nagagawa nilang kaagad na ipagkanulo ang sinuman sa mga kapatid. Ang isang pagpapamalas lang na ito ay ginagawa silang mas ubod pa ng sama kaysa sa masasamang tao at mga anticristo. Hindi sa hindi nila mapigilang magsiwalat ng kaunting walang saysay na impormasyon sa ilalim ng matinding pamimilit, pagpapahirap, at pag-uusig dahil napakahina ng kanilang laman at hindi na nila ito makayanang tiisin. Sa halip, maagap at walang ingat nilang isinisiwalat ang lahat ng impormasyong nalalaman nila, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa seguridad ng mga kapatid, lalong walang anumang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Sobrang ubod ng sama nito! Isa ito sa mga pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao na mga Hudas.

May isa pang uri ng mga tao, na naghahangad na iulat ang iglesia at ang mga kapatid sa katiting na probokasyon. Halimbawa, kapag nakararanas sila ng mga natural na sakuna, karamdaman, o ng manakawan, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos at nagrereklamo rin sila na walang pagmamahal ang mga kapatid at hindi sila tinutulungang lutasin ang mga problema nila. Dahil dito, ginugusto nilang ipagkanulo ang iglesia at ang mga kapatid. May ilang tao na nagsasagawa ng mga maling gawa nang walang pakundangan at pinupungusan; at nilalayuan din sila ng mga kapatid; dahil dito, pakiramdam nila ay walang pagmamahal ang sambahayan ng Diyos, kaya’t naibubulalas nila: “Inaayawan ninyo akong lahat, hindi ba? Minamaliit ninyo ako, hindi ba? Makapagkakamit pa rin ba talaga ako ng mga pagpapala mula sa pananampalataya sa diyos? Kung hindi ako makapagkakamit ng mga pagpapala, iuulat ko kayong lahat!” Ito ang “pinaka-klasikong” linya ng gayong mga tao. Bakit Ko sinasabing ang pahayag na ito—“Kung hindi ako makapagkakamit ng mga pagpapala, iuulat ko kayong lahat”—ay “klasiko” para sa kanila? Ito ay dahil kinakatawan ng pahayag na ito ang pagkatao nila. Ang pariralang ito ay hindi isang bagay na sinasabi nila para lang magbulalas ng pagkamuhi nila pagkatapos makaranas ng maraming hindi kasiya-siyang sitwasyon o dahil sa malalim na sama ng loob, ni hindi ito isang biglaang bugso ng damdamin. Sa halip, ito ay isang bagay na pumuno sa kanilang puso at puwedeng mabunyag anumang oras. Ito ay isang bagay na matagal nang umiiral sa kanilang puso at puwedeng sumabog anumang sandali. Kinakatawan nito ang kanilang pagkatao. Ganito kababa ang kanilang pagkatao—kung may sinumang magpapagalit o mananakit sa kanila, kaya nilang ipagkanulo ang taong iyon anumang oras. Kung, habang ginagawa ang tungkulin nila, nilalabag nila ang mga pagsasaayos ng gawain o mga prinsipyo, at pinupungusan sila nang kaunti ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid, sila ay nagiging mapaghinanakit, galit, at di-nasisiyahan, at pagkatapos ay sinasabi nila ang mga bagay tulad ng, “Iuulat ko kayo! Alam ko kung saan ka nakatira, alam ko ang pangalan at apelyido mo!” Kung hindi ninyo mapapahinahon ang ganitong uri ng mga tao, puwede ka talaga nilang ipagkanulo. Hindi nila sinusubukang manakot ng sinuman, ni hindi nila ito sinasabi dala ng bugso ng damdamin; kung may isang tao na talagang magpapasama ng loob nila o manggagalit sa kanila, kayang-kaya nilang ipagkanulo ang taong iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit sila dapat katakutan?” Hindi sa natatakot tayo sa kanila. Hindi natin katatakutan ang pagkakanulo nila kung nangyari ang ganitong bagay sa isang demokratiko at malayang bansa. Pero sa bansa ng malaking pulang dragon, kung magkakanulo talaga sila, puwede itong magdulot ng problema para sa mga kapatid at makaapekto sa gawain ng iglesia. Kapag naaresto talaga ang mga kapatid, gagawin itong malaking bagay ng malaking pulang dragon. Kapag nakahanap sila ng butas, patuloy silang mang-aaresto ng mga tao nang walang katapusan. Sa ganoong pangyayari, maaapektuhan ang buhay iglesia ng malaking bilang ng mga tao, at maaapektuhan ang normal na paggampan ng tungkulin ng maraming tao. Hindi ba’t napakalala ng mga kahihinatnang ito? Kailangan ninyong isaalang-alang ang mga bagay na ito! Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging nagmamaktol kapag nakikisalamuha sa iba. Kung may magsasabi ng isang bagay na nakapagpapalungkot sa kanila, o naglalantad sa mga problema nila at gumagalit sa kanila, sumasama ang loob nila sa taong iyon at puwede pa ngang tumangging makipag-usap dito sa loob ng ilang araw, at kapag hinanap ninyo sila at hilingin sa kanilang gawin ang tungkulin nila, binabalewala nila ang kahilingan. Imposibleng makasundo ang ganitong uri ng mga tao. Hindi ba’t masasamang tao sila? Sa isang grupo ng mga tao, madalas ninyong naririnig ang masasamang tao na nagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Kung may sinumang babangga sa akin, hindi ko ito palalampasin! Alam ko eksakto kung saan kayo nakatira, alam ko maging ang kulay ng inyong mga kurtina sa bintana. Alam na alam ko kung saan kayo nagtitipon at kung saan nakatira ang mga lider at manggagawa!” Masasabi ba ninyong mapanganib ang ganitong uri ng mga indibidwal? (Oo.) Mga tipikal na Hudas sila. Kahit kapag normal ang lahat, maaaring sadyain nilang magkanulo. At kapag may nangyaring ilang aberya, sila ang unang lalabas at magiging Hudas. Kaya, kung matutuklasan ang ganitong uri ng mga tao sa iglesia, dapat silang paalisin o patalsikin sa lalong madaling panahon. Ano pa ang ibang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao? Halimbawa, sa mga pagtitipon, dahil regular na nagkikita-kita ang mga kapatid, hindi na kailangan pang magbatian. Kapag oras na, sinisimulan nila ang pagtitipon, binabasa ang mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Pero nagagalit iyong mga taong nagmamaktol kapag nakikita nilang walang pumapansin sa kanila o bumabati sa kanila. Ibinubulalas nila, “Minamaliit ba ninyo akong lahat? Hmph! Wala sa inyo ang sumasalubong sa akin—puwes, ayos lang iyon; may paraan ako para pangasiwaan kayo. Alam ko kung saan nakatira ang mga lider ng iglesia, alam ko kung sino sa inyo ang gumagawa ng inyong mga tungkulin kung saan at anong gawain ang ginagawa ninyo, alam ko kung sino ang nagpapatuloy sa mga lider at manggagawa, sino ang nag-iingat sa mga handog, sino ang nangangasiwa sa pag-iimprenta ng mga aklat, at sino ang responsable sa paglilipat ng mga ito. Iuulat ko kayong lahat! Iuulat ko sa pulisya ang lahat ng tungkol sa iglesia!” Kung tinatrato sila ng mga tao nang may lubos na paggalang, maayos ang lahat. Pero sa sandaling may pumukaw o gumalit sa kanila, nagiging problema ito—maghihiganti at magkakanulo sila. Sa tuwing may nararanasan silang bagay na nakapagpapalungkot o nakapagpapadismaya sa kanila, nagbabanta sila nang marahas laban sa mga kapatid at sa mga lider ng iglesia. Masasabi ba ninyong nakatatakot at mapanganib ang ganitong uri ng mga tao? (Mapanganib sila.) Ang ganitong uri ng mga tao ay mga Hudas na kayang magkanulo anumang oras; mapapanganib na indibidwal sila.

May isa pang pagpapamalas ang mga taong kayang magkanulo anumang oras. Halimbawa, sa bansa ng malaking pulang dragon, ang bilang ng mga iglesiang itinatag sa iba’t ibang probinsya at lungsod, kung ilang mga tao ang nabibilang sa bawat iglesia, sino ang mga lider, at anong gawain ang isinasagawa ng iglesia—ang mga bagay na ito ay kailangang panatilihing mahigpit na kumpidensiyal. Dapat maging mapagbantay maging sa mga di-nananampalatayang kapamilya at kamag-anak, at hindi kailanman dapat makalabas ang impormasyong ito para maiwasan ang mga problema para sa iglesia sa hinaharap. Gayumpaman, ang mapapanganib na indibidwal na ito na nagkikimkim ng mga lihim na motibo ay palaging nagtatangkang magtanong tungkol sa gayong mga bagay. Kung ang mga kapatid ay tumatangging sabihin sa kanila, pakiramdam nila: “Bakit alam ninyong lahat ang mga bagay na ito, samantalang ako lang ang walang kaalam-alam? Bakit hindi ninyo sabihin sa akin? Tinatrato ba ninyo ako tulad ng isang tagalabas, hindi bilang isa sa mga kapatid? Kung ganoon, sige, iuulat ko kayo!” Tingnan mo, sa anumang sitwasyon, kaya nilang iulat ang iglesia at ang mga kapatid. Walang sinuman ang nagpasama ng loob nila, pero kahit ang pinakamaliit na pagkadismaya ay nag-uudyok sa kanila na iulat ang iglesia. Halimbawa, kapag ipinamamahagi ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa mga kapatid, nasasabik ang lahat na magsimulang tingnan kung ilang kabanata ng mga salita ng Diyos ang nasa aklat, kung ilang pahina ang naroon, at ang kalidad ng pag-imprenta. Masaya at nasasabik silang lahat na hawakan ang aklat sa mga kamay nila. Pero, sa kabilang banda, iniisip ng uri ng mga tao na mga Hudas: “Saan inimprenta ang aklat na ito? Magkano ang halaga sa pag-iimprenta ng isang kopya? Sino ang namamahala sa pag-iimprenta? Pagkatapos mag-imprenta, sino ang nangangasiwa sa transportasyon? Paano naihahatid ang mga aklat na ito sa ating iglesia? Saan nakaimbak ang mga aklat? Sino ang namamahala sa pag-iingat ng mga ito?” Likas na sensitibo ang mga paksang ito. Sa pangkalahatan, iyong mga may pagkamakatwiran at iyong mga may pagkatao ay hindi magtatanong tungkol sa gayong mga usapin, pero ang mapapanganib na indibidwal na ito na kayang magkanulo ay sabik na magtanong tungkol sa mga ito. Kaya, ano sa palagay mo—dapat mo bang sabihin sa kanila kapag paulit-ulit silang nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito, o hindi? (Hindi natin dapat sabihin sa kanila.) Kung sasabihin mo sa kanila, magkakaroon sila ng kakayahang isiwalat ang impormasyong ito at magkanulo. At kung hindi mo sasabihin sa kanila, may masasabi sila: “Bakit hindi ko nalalaman ang tungkol dito? Hindi patas ang sambahayan ng diyos! Bahagi ako ng sambahayan ng diyos, may karapatan akong malaman ang tungkol sa anuman at lahat ng usapin! Tinatrato ninyo ako tulad ng isang tagalabas. Sige, iuulat ko kayo!” Muli, gusto nilang iulat ang iglesia. Hindi ba’t masasamang tao sila? Kung talagang iniulat nila ang iglesia sa pulisya, anong mga kahihinatnan ang maidudulot nito? Hindi ba’t malalagay ang buhay ng mga kapatid sa panganib kung maaaresto sila? Bukod pa rito, pagkatapos mang-aresto ng pulisya, magdudulot ito ng napakaraming paghihirap sa mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Maaapektuhan din nito ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iba’t ibang antas—iyong mga hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan ay puwedeng maging negatibo, at baka ganap pa ngang huminto sa pagdalo sa mga pagtitipon. Hindi talaga nila isinasaalang-alang ang alinman sa mga ito. Kaya, mayroon ba silang konsensiya at katwiran? Anumang gawain ang ginagawa ng iglesia, gusto nila palaging sila ang unang makaalam tungkol dito. Masaya lang sila kapag alam nila ang lahat ng nangyayari sa iglesia. Kung may kahit isang bagay na hindi sinabi sa kanila, hindi nila mapalalampas ito at gusto nilang umalis at iulat ang iglesia, na puwedeng magdulot ng malaking problema. Anong uri ng buhong ang ganitong tao? Isa siyang diyablo! Kung ang isang diyablo ay palaging inaalala ang tungkol sa anumang bagay sa iglesia, tiyak na magdudulot ito ng problema. Halimbawa, kung may ilang kapatid ang may-kaya at nagbibigay ng malalaking handog, hindi siya kailanman tumitigil sa pag-iisip tungkol dito at itinatanong sa mga ito, “Magkano ang inihandog mo?” Sasagot ang kabilang partido, “Bakit ko iyon sasabihin sa iyo? Hindi dapat malaman ng kanang kamay ang ginagawa ng kaliwang kamay. Hindi ko puwedeng sabihin sa iyo—kumpidensiyal ito!” Sumasagot siya, “Kumpidensiyal maging iyon? Hindi ka nagtitiwala sa akin. Hindi mo ako tinatrato bilang isa sa mga kapatid!” Sa puso niya, naghihinanakit siya sa kabilang partido at iniisip, “Hmph, akala mo napakahusay mo na dahil sa malalaki mong handog! Ayaw mong sabihin sa akin kung magkano ang inihandog mo. Alam kong nagpapatakbo ng negosyo ang pamilya mo. Kung gagalitin mo ako, iuulat kita na nananampalataya ka sa diyos, at babagsak ang negosyo mo! Kung ganoon ay hindi ka na makapaghahandog ng kahit isang sentimo!” Tingnan mo, gusto na naman niyang mag-ulat ng mga tao. Sa tuwing hindi siya nasasabihan ng tungkol sa isang maliit na bagay, gusto niyang iulat ang iglesia at ang mga kapatid. Ang tirahan ng partikular na mga indibidwal na gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay alam lang ng iilang tao. Hindi ito tungkol sa sadyang pagtatago ng anumang bagay mula sa kaninuman o paggawa ng anumang kahina-hinalang bagay sa likod ng ibang tao; ito ay dahil sa napakamapanganib ng kapaligiran, at para sa mga kadahilanang pangkaligtasan, ang gayong mga pagsasaayos ay kinakailangan. Kapag narinig ng traydor na ito, ng Hudas na ito, na ang isang partikular na pamilya ay nagpapatuloy sa ilang naglalakbay na kapatid, iniisip niya na nararapat itong iulat—baka gantimpalaan pa nga siya ng pulisya! Nagtatago siya sa likod ng pinto at lihim na nakikinig, at pagkatapos marinig ang isang bagay, nagagalit siya: “Pinag-uusapan ninyo ang mga usapin ng iglesia sa likod ko nang hindi sinasabi sa akin. Natatakot kayong ipagkakanulo ko kayo, kaya’t nagbabantay kayo laban sa akin at itinatago ang mga bagay-bagay mula sa akin, hindi ako tinatrato bilang bahagi ng sambahayan ng diyos. Sige, iuulat ko kayo!” Muli, tingnan mo, gusto niyang iulat ang iba. Masasabi mo bang isang malaking problema ang taong ito? (Oo.) Naniniwala siya na ang lahat ng sitwasyong may kinalaman sa mga kapatid o sa iglesia ay dapat ipaalam sa lahat, at na ang lahat ay may karapatang malaman—lalo na ang sarili niya. Kung may kahit isang bagay na hindi sinabi sa kanya, nagbabanta siyang iuulat ang mga tao. Palagi niyang ginagamit ang akto ng pag-uulat para bantaan ang mga kapatid at mga lider ng iglesia, palaging ginagamit ito para makamit ang sarili niyang mga layon. Ang ganitong mga tao ay isang malaking natatagong panganib sa iglesia, isang bombang nakatakdang sumabog. Sa anumang oras, puwede silang magdulot ng kapinsalaan at kapahamakan sa mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Kapag natuklasan ang gayong mga indibidwal, dapat silang paalisin—hindi sila dapat bigyang-layaw.